By Michael Juha
getmybox@hotmail.com
***
getmybox@hotmail.com
***
Sinundan ko ng tingin ang
papalayong taxi na sinakyan nina Kuya Renan at Jimjim hanggang sa tuluyan na
itong naglaho sa aking paningin. Doon ko na naramdaman ang pagdaloy ng aking
mga luha.
Akmang babalik na sana ako sa
loob ng bahay nang nagulat naman ako sa aking nakita. Si Jake ay nasa likuran
ko lang pala at nakabantay sa akin.
“Sorry sa nangyari kanina.” Ang
sambit niya.
“Salamat din sa pagpanig mo sa
akin kanina.”
“Okay lang iyon. Hindi naman
talaga tama ang ginawa niya sa iyo eh. Hindi ako sang-ayon sa ginawa niya kay
Renan. Atsaka, ano lang ba iyong pagtira ni Renan sa bahay. Napakayaman ng
daddy natin, ano lang ba iyong pagtira at pagkain ni Renan. Nagta-trabaho naman
siya sa kumpanya ng Daddy natin.”
“Kaya nga eh. Ang hirap pala ng
ugali niya. Mukhang mahihirapan kami ni Kuya Renan sa kanya. Mukhang tutol siya
sa aming relasyon.”
“Baka lalambot pa ang puso niya
at marealize din niya sa kalaunan na mali siya.”
“Sana… sana.”
“Hindi ka man lang ba mag-Kuya
sa akin?”
Napangiti naman ako. “Gusto
mo?” ang tanong ko.
“Syempre. Proud ako na may
bunsong may katiting na ka-kyutan din, kahit papaano, kumpara sa overload na
ka-kyutan ko.”
Doon na ako natawa. “Kapal! May
Kuya na ako eh. Si Kuya Renan.”
“Iba naman iyong sa inyo eh.
Blood-Kuya mo ako samantalang si Renan ay Sperm-Kuya mo!”
“Baliwwwwwww!”
Nasa ganoon kaming paghaharutan
nang sa di sinasadya ay napatingala ako sa may terrace ng aming bahay, nakita
ko ang aming ama na nakatayo roon at pinanuod pala kami.
Bigla akong natahimik. Lihim
kong minuwestrahan si Jake na nasa terrace ang aming ama. Nang nilingon namin
ni Jake ang terrace, tumalikod na siya.
Nagkatingingnan kami ni Jake. Napangiwi
siya. Iyong pakiramdam na may tanong sa isip na “Bakit?”
Nang nasa loob na ako ng
kuwarto, tinawagan ko si Kuya Renan, tinanong kung nasaan na sina Jimjim. Nasa
ospital daw sila. At pumayag daw ang secretary ni Ms. Clarissa na sa apartment ni
Ms. Clarissa sila tumira. Natuwa naman ako sa kanyang balita.
Kinagabihan din ay dinalaw
namin si Ms. Clarissa. Nagpaalam ako kay Jake. Naroon si Kuya Renan sa ospital
sa oras na iyon. Naroon din si Jimjim. Nanatili kami sa kuwarto ni Ms. Clarissa
ng may isang oras. Kinakausap ko siya. Ibinalita ko sa kanya na pinaalis ng aking
ama si Kuya Renan sa bahay at sa apartment muna niya sila tumira ni Jimjim.
“Alam ko naman Mommy na papayag
ka eh. Alam kong hindi mo matiis si Kuya Renan na magpalaboy-laboy kung
saan-saan.” Ang sambit ko bagamat alam kong hindi niya ako sasagutin. “Alam mo,
Mom, magkapatid kami ni Jake. Noong una po, pinaghinalaan po niya kayo na
siyang pumatay sa papa niya. Ngunit iisa lang pala ang aming ama. Kaya, masaya
siya. At sa tingini ko po ay kagaya ko, mapapatawad po niya kayo.” Ang dugtong
ko.
Pagkatapos kong makipag-usap
kay Ms. Clarissa ay nagpaalam ako na igagala ko sina Kuya Renan at Jimjim.
“Di ba sabi ko sa iyo ay
dadalawin kita? Masaya ka ba?” ang sambit ko kay Jimjim.
“Opo! Masaya po ako pag
magkasama tayong tatlo ni Papa eh. Lalo na po kapag gumaling na si Lola.”
“Love mo rin ba si Lola
Clarissa mo?”
“Opo. Kasi po mabait po siya.
Sana ay gumaling na po siya. Nalulungkot po ako.”
“Hayaan mo Jimjim. Gagaling din
ang lola mo.”
“Opo…” ang sagot lang niya.
Iyon ang naging routine ko
habang patuloy pa rin sa pag-aaral. Simula
nnag ma-comatose si Ms. Clarissa, dadalawin ko siya sa ospital at makipagkita
kay Kuya Renan at Jimjim pagkatapos ng klase o kapag walang pasok. Pagkagaling
ko sa kanila ay uuwi naman ako ng bahay sa gabi. At hindi ito alam ng aking
ama.
Isang araw, habang kumakain
kami ng pananghalian. “Sasampahan ko na ng patong-patong na kaso si Clarissa.
At siguraduhin kong mabubulok siya sa bilangguan sa mga pinaggagawa niya sa
akin.” Ang sambit ng aking ama.
Doon na ako kinabahan. Hindi pa
nga naka recover si Ms. Clarissa ay may haharapin na naman siyang problema. At
baka deretso na siya sa kulungan kung sakaling gumaling siya. Ang narinig ko
kasi sa usapan nila sa abugado, mabigat daw ang kasong serious detention at
kidnapping. Diyan pa lang ay habambuhay na pagkabilanggo na ito, kapag
napatunayan o may matibay na ebidensya. “K-kailan ninyo siya sasampahan ng kaso,
Dad?” Ang tanong ko.
Maaaring sa sunod na linggo.
Maaaring bukas… depende sa abugado. Basta malapit na.”
Tahimik.
“Simula noong araw na ikinulong
niya ako sa basement, nagsimula ring mabuo ang galit ko sa mga bakla. Kumukulo
ang dugo ko kapag nakakakita ako ng bakla.” Ang pagbasag niya sa katahimikan.
Nagkatinginan kami ni Jake.
Tila may bumara sa aming mga lalamunan at hindi kami makapagsalita.
“Ikaw Jake… may girlfriend ka
na ba?”
“Eh… mayroon po dati. Kaso
naghiwalay kami dahil nag-abroad siya at may iba na eh. Mahirap ang long
distance relation Dad.”
“Maghanap ka na uli. Sa
kapogian mong iyan, maraming babaeng magpaanak sa iyo.”
Napangiti ng hilaw si Jake. “Opo…”
ang maiksing sagot niya.
“Ikaw Levi… may girlfriend ka
na?”
Nilingon ko si Jake. “W-wala pa
po…”
“Gusto kong magkaroon ka na ng
girlfriend. Ayokong magkaroon ng baklang miyembro ng pamilynag ito. Itatakwil
ko ang sino man sa inyo kapag nalaman kong bakla pala.”
“O-opo.” Ang sagot ko sabay
yuko.
Iyon ang linya ng pananalita ng
aking ama. Galit siya sa bakla. Marahil ay hindi ko rin siya masisisi. Sa
nangyari sa kanya na ilang taon ding nagdusa sa basement ng bahay niya,
maiintindihan ko siya. ngunit kung ang sarili niyang anak na hindi niya
nakapiling ng mahabang taon ay kaya niyang itatakwil nang dahil lang sa galit
niya sa isang tao, aba’y mag-iisip ka talaga kung tama ba.
Ngunit kahit ganyan ang tirada
ng aking ama sa mga bakla, patuloy pa rin ang lihim kong pagdalaw kina Ms.
Clarissa at Kuya Renan. Isang gabi ay hindi ako nakauwi ng bahay gawa ng
nagyaya si Kuya Renan na mag-inuman kami. Marami kaming pinag-usapan. Kasama na
roon ay ang kanyang pagsisimulang maghanap na naman ng trabaho. Tinaggal din
kasi siya sa kanyang trabaho bilang Sr. Manager ng kumpany ng aking ama nang
nalamang si Ms. Clarissa ang nag-appoint sa kanya.
“Sabagay, kung sa apartment ka
ni Ms. Clarissa titira, makakatulong ka rin sa pagbabantay sa kanya sa ospital.”
Ang sabi ko. “Sa side mo naman ay may tutuluyan kayo, makatipid sa gastos lalo
na’t na nag-aaral si Jimjim.
“Kaya nga eh. Abala rin kasi
ang secretary ni Ms. Clarissa. Ang isang katulong naman ay salitan kami sa
pag-babantay sa kanya sa ospital. Minsan, siya na rin ang sumusundo kay Jimjim
sa school nito. Peor kahit papaano ay nakakatulong din ako sa kanila. Malaki
rin ang naitutulong nila sa akin.”
Ikinuwento ko rin kay kuya
Renan ang sobrang pagkahigpit ng aking ama, na pakiramdam namin ay ginigipit
kami, sinasakal. Pati ang ibang mga tauhan namin sa bahay ay nagsialisan dahil
sa sama ng kanyang ugali.
“Wala tayong magagawa kasi siya
ang iyong ama eh.”
“Hindi ko alam kuya kung
tatagal ako sa ganitong kalagayan eh. Kung itrato niya kami ay parang mga bata
kami, walang sariling pag-iisip.”
“Tiisiin mo lang, Tol… Lalo’t
wala ka pang trabaho, nag-aaral ka pa lang.”
“Paano iyong plano nating
magpakasal? Wala kang pera, wala kang trabaho. At ako, hindi kagaya dati na
kahit ano ay puwede kong hilingin kay Ms. Clarissa. Ngayon, iba na… gipit na
gipit na tayo.”
Binitiwan niya ang isang
malalim na buntong-hininga. “Hindi ko rin alam eh. Ikaw ba ay okay lang sa iyo
kung ipagpaliban na lang muna natin ito?”
“Okay lang naman Kuya. Ang
mahalaga ay nariyan ka pa rin… nariyan pa rin tayo.”
Tahimik.
“Parang gusto ko na lang umuwi
ng probinsya, Babe.”
Tiningnan ko siya. Sumagi kasi
sa isip ko ang aking inay, at na-miss ko siya. “G-gusto ko rin iyan Kuya…”
“K-kung ano man ang mangyayri kay
Ms. Clarissa, kung gagaling siya o bibigay siya, saka tayo magdesisyon. Kung
gagaling siya, puwede natin siyang dalhin. Kung hindi naman, uuwi tayong tatlo
ni Jimjim. Mas gusto ko roon. Simple ang pamumuhay.”
“Ano ang pangkabuhayan natin
doon?”
“Di ba may sakayang
pampalaisdaan kami? Ganoon pa rin tayo, mangisda tayo. Bibili tayo ng
palaisdaan na bangka. Maliit lang ang kita ngunit sapat lang para mabuhay. Iyan
din naman ang gusto ko. Simpleng buhay, presko ang paligid, ang mga pagkain,
walang hassles, walang pressures, hindi ka nagmamadali.”
“S-sige Kuya, Payag ako. Gusto
ko rin iyan. At doon ako mag-aaral sa unibersidad kung saan ka nag-graduate.”
Iyon ang usapan namin ni Kuya
Renan. Kaya sa dami ng aming pinag-uusapan ay hindi ko namalayan ang oras. Nalasing
din pala ako at dahil gabing-gabi na ay doon na ako nakatulog sa kuwarto ni
Kuya Renan.
Kinabukasan, nagulat ako pagkatapos
kong mai-charge ang aking cp. Na-low bat kasi ito habang nagkukuwentuhan kami
ni Kuya Renan nang nakaraang gabi. Nang binuksan ko ito, may halos 20 na text
messages. Galing kay Jake lahat.
“Nasaan ka Bugoy! Hinahanap ka
ng ama natin!” “Anong nangyari sa iyo?” “Malilintikan ka nito, hindi ka
nagpaalam! Tawag ka kaagad sa akin!” mga ganyang texts.
Tinawagan ko na lang kaagad si
Jake at sinabi kong hindi ako nakauwi gawa nang nalasing ako kina Kuya Renan.
Ngunit sinabihin ko rin siya na mag-alibi na lang na may party sa mga kaibigan namin
at nalasing ako, at ang cp ko ay na-low bat.
Akala ko ay okay na ang lahat.
Ngunit nang umuwi na ako nagulat ako nang pumasok na ng bahay. Nasa sala ang
aking ama at naghintay sa akin.
“Saan ka nanggaling kagabi?
Bakit hindi ka umuwi?” ang kalmanteng tanong niya.
“Eh… m-may party po ang
ka-klase namin a-at nalasing po ako.”
Tumayo siya. “Sumunod ka sa
akin.” Ang utos niya.
Sinundan ko siya. Tinumbok niya
ang aking kuwarto. “Pasok.” Ang sabi niya.
Pumasok ako at nang nasa loob
na ay isinara niya ang pinto.
“Dapa.” Ang sabi niya.
Dahil sa pagkalito ko sa
kanyang sinabi, nilingon ko siya. A-ano po?” ang tanong ko.
Doon na niya ako sinigawan.
“Dapaaaaaa!!!”
Sa pagkarinig ko sa kanyang
galit na boses at dali-dali akong dumapa. Nang tiningan ko siya, doon ko na
naisip kung ano ang gagawin niya sa akin. Tinanggal niya ang kanyang sinturon!
Inilikaw niya ang dulo noon sa kanyang kamay at puwersahang pinalo ang puwetan
ko gamit iyon.
“Araykopooooooooo!” ang sigaw
ko nang lumapat sa aking balat ang sinturon nang hinataw niya ito sa aking likuran.
“Saan ka nagtungo kagabi?
Saannnn?!!!” at muli niyang hinataw ang aking likuran.
“Araykopo Daddddddy! Ang
sakit-sakit pooo!!!” ang sigaw ko.
“Masakit! Ngunit hindi mo ako
sinagot? Saan ka uli nagpunta kagabi Saan???” sabay hataw uli sa sinuturon sa
aking likuran.
“Araykopoooo! Ang sakit
Daddyyyyyy!”
“Sagutin mo akoooooo!!!” at
hinataw uli niya ang aking likuran.
“S-sa classmate ko po
Daddddyyyy! Sa Classmate ko pooooo!!!”
“Iyong totooooo! Putang-ina mo.
Sabihin mo ang totoooo!!!” sabay hataw uli sa sinturon.
“Sa classmate ko po
Dadddyyyyy!” ang sagot ko uli habang humahagulgol na.
“Magsabi ka ng totoo! Hindi ako
naniniwala na sa classmate ka nagpunta. Saan ka nagpuntaaa! Gusto mo talagang
pag-initin ang ulo ko. Hindi kita tantanan kapag hindi ka nagsabi ng totoo! Kahit
magkalsog-lasog pa itong likuran mo. Saan ka natulog kagabiiii??? SAGOTTTT!!!!!”
ang saigaw uli niya sabay hataw uli ng tatlong beses sa aking likuran.
Wala na akong nagawa kundi
sabihin sa kanya ang totoo. “K-kay Kuya Renan po, Daddy!!!”
Nahinto siya sa pagpalo sa
akin. “At saan nakatira itong Kuya Renan mo???”
“Kina Ms. Clarissa po! S-sa
apartment niya po!”
Doon na naman siya nagalit at
hinataw nang hinataw niya ang aking likuran. “Bakla ka na nga, doon ka pa
pumapanig sa bakla na nagtangkang pumatay sa akin! Traydor! Wala akong anak na
traydor!!!Ayaw kon gbumalik ka pa roon. Naintindihan moooo!!!” ang sigaw niya.
“O-opo Dad! Opoooo!”
Hindi ko na mabilang pa kung
ilang beses pa niya akong pinalo. At kung gaano kalakas ang aking sigaw.
Hanggang sa narinig ko ang boses ni Jake. “Dad! Tama na iyan! Tama na iyan!!!”
Doon na huminto sa kapapalo ang
aking ama. At narining ko na lang ang malakas at padabog na pagsara ng pinto ng
aking kuwarto.
Tinulungan ako ni Jake na
tumihaya sa paghiga sa aking kama. Humiga rin siyang nakatagilid sa akin.
Niyakap niya ako. “Sorry ‘Tol…” ang sambit niya.
Niyakap ko rin siya. “Ang sama
niya Jake. Hindi ko naramdaman na mahal niya ako.”
“Huwag kang magsalita ng
ganyan. Daddy natin siya. Maaaring na trauma pa rin siya sa nangyari sa kanya
kung kaya ay hindi pa rin niya matanggap ang lahat.”
“Paano niya nalaman na kina
Kuya Renan ako nagtungo?”
“Hindi ko alam eh. Ngunit nang
sinabi kong sa classmate mo ikaw natulog, sinabi niya sa akin na hindi siya
naniniwala. Sinabi rin niya sa akin na alam niyang may relasyon kayo ni Kuya
Renan dahil nasilip daw niya kayo sa kuwarto mo na naghalikan. Iyon ang dahilan
kung bakit pinaalis niya si Renan. Ang sabi ko naman, close kayo at kapatid
talaga ang turing ninyo sa isa’t-isa. Ngunit natawa siya dahil may kapatid ba
raw na naghahalikan.” Ang paliwanag ni Jake.
“G-gusto kong umalis na lang
dito, Jake. Hindi ko yata kaya ang ugali niya.”
“Tiis-tiis lang muna ‘Tol…
nag-aaral ka pa eh.”
“Hanggang kailan ako magtitiis,
Jake? Kapag patay na ako? Heto nga, ang sakit-sakit na ang likuran ko. Ewan
kung makakalakad ako nito bukas. Parang hindi siya tao. Wala siyang puso.”
“Tingnan nga natin ang likod
mo.” Ang sambit ni Jake. Muli niya akong pinataob. “Namumula!” ang sambit niya.
“Huwag kang gumalaw ha, kukuha lang ako ng ice bag”
Nilagyan ni Jake ng ice bag ang
namumulang bahagi ng aking likuran, hita at balakang. Minasahe rin niya ang
paligid nito.
Kinabukasan, halos hindi ko
maihakbang ang aking mga paa dahil sa tindi ng sakit ng aking likuran at hita.
At lalo na sa pag-upo. Nang malaman ni Kuya Renan ang nangyari, nagalit siya.
“Anong klaseng ama ba siya? Sariling anak niya ay kaya niyang saktan? Kaya
niyang patayin?”
“Kaya nga kuya eh. Kaya di muna
ako magkipagkita sa iyo ah…”
“Wala tayong magagawa Babe.
Pero kapag hindi mo na kaya, sabihin mo lang sa akin at uuwi na lang tayo sa
probinsya.”
“Hindi muna kuya. Dahil hindi
pa okay ang kalagayan ni Ms. Clarissa. Titiisin ko na lang muna. Bahala na.”
“Okay. Basta sabihin mo lang sa
akin.”
Sa araw-araw… ganoon pa rin ang
linya ng pag-iisip ng aking ama. Sa bawat pagsabay naming sa pagkain, naroon pa
rin ang patutsada niya sa mga bakla, na nakakadiri raw, mga salot sa lipunan,
mga taong lumihis ang linya ng mga pag-isisip, mga abnormal at hindi naaayon ang
kanilang pagkatao sa takbo ng kalikasan na siya ring dahilan kung bakit may
AIDS at iba pang mga sexually transmitted diseases. Mas masahol pa raw sa hayop
ang mga bakla dahil ang hayop ay lalaki at babae lang nagtatalik. Parang ginawa
na niyang pulpito ang aming hapag-kainan. Palaging nagsesermon. Hindi na lang
siya nagpari. At least sa pari, puwedeng magsimba ang tao isang beses sa isang
linggo lang. Pero sa kanya, araw-araw mong pakinggan, at sa bawat pagsabay namin
ng pagkain. Minsan nga ay parang ayaw ko na lang kumain sa bahay eh. Nakaka-stress.
Nakaka-bad trip. Nakakawalang gana. Nakakatanggal ng paggalang sa magulang. Kung
hindi ko lang siya ama, baka nag-walk out na ako o sinupalpal ko na siya sa
kanyang mga sinabi. Minsan tuloy ay mapaisip ako kung siya ba talaga ang aking
ama.
Lumipas ang isang linggo na
hindi kami nagkita ni Kuya Renan. Tumawag siya. “Babe… si Ms. Clarissa ay
nagising na. Ang sabi ng doctor ay isang linggo uli ang hihintayin at baka
puwede na siyang umuwi at sa apartment na magpagaling. Alam na rin niya na
pinaalis ako sa bahay ninyo.” Ang sambit ni Kuya Renan.
“Anong sabi niya ngayong wala
ka na rito?”
“Nalungkot siya. Ngunit ang
sabi niya ay talagang ganyan ang ugali ng iyong ama. Mahigpit, unreasonable
minsan, at natatakot ang mga kasambahay, pati na ang mga trabahante ng
kumpanya. Dati pa raw iyan.”
“Kung ganoon kuya, baka panahon
na upang umalis ako rito sa pamamahay niya. Ayoko na rito. Hindi ko na talaga
kaya.”
“Nag-aaral ka pa, ‘Tol.
Masisira ang iyong pag-aaral.”
“Okay lang iyan, Kuya. Kesa
naman masisiraan ako ng bait dito. Sobra-sobrang pagpapahirap ang ginawa ng ama
ko sa akin. Tutal, puwede pa akong magpatuloy sa probinsiya, di ba?”
“Okay, kung iyan ang desisyon
mo, kailan ka aalis?”
“Kakausapin ko muna siya.
Sasabihin ko na sasama ako sa iyo. Ikumpirma ko sa kanyang mukha na bakla ako
at nagmamahalan tayo.”
“Baka kung ano ang gagawin niya
sa iyo?”
“Hindi, narito si Jake
magpasama ako sa kanya upang hindi niya ako saktan. Atsaka, dadalhin ko na ang
aking mga damit at gamit d’yan upang wala na akong bibitbitiin sa araw mismo ng
pag-alis ko.”
“Okay. Ikaw ang bahala. S araw
ng iyong pag-alis, pupuntahan kita, kahit sa labas lang ako maghintay sa loob
ng isang taxi upang kapag nakalabas ka na ng bahay ay mabilis tayong makaalis.”
“Opo Kuya.”
Iyon ang ginawa namin. Dinala
ko muna ang aking mga gamit nang paunti-unti. Bawat labas ko ng bahay ay may
dala ako.
“Ate Rosie! Ate Ason! Saan kayo
pupunta? Ba’t para kayong maga-abroad ah!” ang biro ko nang mapansing dala-dala
ng aming dalawang katulong ang kanilang mga maleta palabas ng bahay.
“Sir Levi… aalis na kasi kami.”
“Bakit?”
“Eh…” nahinto at nagkatinginan
ang dalawang katulong. “Ah… iba na po kasi rito. Palagi kaming napapagalitan,
parang bawat galaw namin ay may mali, de-numero, kontrolado. Hindi kami
puwedeng gumawa ng ganito, ng ganyan, hindi puwedeng magkamali dahil kung
magkamali man, ibabawas sa aming sahod. Tapos pinaghihinalaan pa kaming
nagnakaw ng kung anu-anong gamit at pagkain. Ilang beses na rin po kaming
nasampal at tinadyakan ng daddy ninyo. May mga pagkakataon din na hindi kami pinakain.”
“G-ganoon ba?”
“Opo Sir. Kaya pasensya na po,
Sir. Hindi na po namin kaya talaga.” Ang sabi nila.
“Pasensya na kayo ha? Kung ako
lang sana ang masusunod dito, hindi ko hahayaang umalis kayo. Kasi ang
tagal-tagal na po ninyo rito at wala naman po kayong issues kay Ms. Clarissa dati,
di ba. Wala rin kayong issues sa akin.”
“Naintindihan po naming kayo,
Sir Levi. Alam naman po naming na mabait kayo sa amin eh. At pati si Ma’am
Clarissa, ang bait noon sa amin.”
Napag-alaman ko rin mula sa
kanila na may iba pa raw palang kasambahay na aalis, naghintay na lang na
makapagpaalam. Wala na akong nagawa. Sinunadan ko na lang sila ng tingin habang
naglakad patungo sa pintuan.
Sinabi ko ito kay Jake.
“Sinabi ko na iyan sa ama natin.
Ngunit nagmatigas siya. Gusto raw niyang palitan ang mga kasambahay na hired ni
Ms. Clarissa. Iyong dalawang driver at
isang hardinero ay umalis na rin. Di na rin daw nila kaya ang ugali ng Daddy.
Ano ba ang magagawa natin kung ayaw tayong pakinggan ng ating ama, di ba?”
“Iyan na nga eh. Mga tao-tauhan
lang ang turing niya sa atin dito eh.”
***
Nang halos lahat ng aking mga
damit at gamit ay naroon na kina Ms. Clarissa, inihanda ko na ang aking sarili
sa aming pagtutuos ng aking ama. Alam ni Jake na iyon na ang hinihintay kong
moment of truth. Suportado naman daw niya ako.
“Sige lang, ‘Tol. Kung ano man
ang maitulong ko, gagawin ko kung ano man ang tama.” Ang sabi niya.
Sa harap ng hapag-kainan ang
pinili kong lugar para ipahayag sa kanya ang aking naramdaman at ang mga
bagay-bagay na dapat kong i-kumpirma sa kanya. Maganda kasi ang tiyempo sa
hapag-kainan. Naroon ang hudyat kung kailan ko siya ipi-prito sa sarili niyang
mantika, iyong parte na magsasalita siya tungkol sa mga kabaklaan. At nangigigil
akong sunugin siya sa sarili niyang salita. Naghintay akong buksan niya ang
pinakapaboriting topic niya.
“Kanina, nabasa ko sa odd news
ng isang newspaper, may dalawang lalaking tinamaan ng kidlat. It turned out na
mga bakla pala ang dalawa at in the act of sex! Hindi talaga natutulog ang
Diyos!” ang sambit niya. Iyon na ang hinintay ko.
“Ow? Talaga Dad? Totoo pala na
hindi natutulog ang Diyos. In fact, last night habang himbing na himbing ako, gising
na gising siya at may mensahe siya sa akin sa aking panaginip. Ang sabi ng
Diyos, payag na raw siyang magsama at magmahalan kami ni Kuya Renan. Opo Dad.
Matagal nang alam ng Diyos na may relasyon kami. Matagal na niyang alam na nagtatalik
kami. Alam din niya na balak naming magpakasal. At ang sabi niya ay okay lang
daw sa kanya iyon. Huwag daw naming intindihin ang mga taong sabog ang
pag-iisip at mataas ang tingin sa sarili dahil buhay naman daw namin iyon at
hinid sa kanila. At ang dagdag pa niya, hindi niya raw kami patatamaan ng kidlat.
At oo nga pala, Dad. Siya rin ang nagsabi sa akin na may isang taong pinatamaan
daw niya ng kidlat kagabi rin habang tulog ako. Ang tao na iyon daw ay may pala
siya mga taong may masamang ugali, mapagmataas, self-righteous. Pati nga rin
daw kanyang ari-arian at kayamanan ay tinupok na rin daw niya dahil galit daw
siya sa mga sakim at mga taong mapagmalupit. Lalo na raw sa mga Daddy na
sinasaktan ang mga anak nila. Kaya tama ka riyan Dad. Hindi natutulog ang Diyos.”
Kitang-kita ko sa mukha ng
aking ama ang matinding pagkagulat at galit. Nanlaki ang kanyang mga mata na
nakatitig sa akin. “Walang-hiya ka! Wala kang kuwentang anak! Lumayas ka rito
sa pamamahay ko!”
“Opo, Dad. Lalayas po ako. Pinaghandaan
ko talaga ang araw na ito. Kasi sanay po akong mabuhay na wala kayo. Simula noong
bata pa ako ay hinahanap-hanap ko ang pagmamahal ng isang ama, nangungulila ako
sa kanyanng pagkalinga. Tiniis ko ang mga pangungutya ng mga tao at ka-klase
kung bakit wala akong ama. Naiinggit ako sa kanila kapag nakikita ang pamilya
nila na buo at kumpleto ang mga magulang. Pero ngayon na nakita na kita, nasabi
ko sa aking sarili na sana ay hindi na lang kita nakilala pa. Mas masakit pala
kapag nariyan ang iyong ama ngunit tino-torture ka, itinuturing na isang isang
pag-aari, isang tao-tauhan, isang robot na hindi nakakaramdam ng sakit. Mas
masakit pala kapag alam mong nariyan ang iyong ama ngunit hindi mo siya
maramdaman, na hindi ka niya mahal. Nagsisi po ako kung bakit hinahanap pa
kita. Sa totoo lang, nagsisisi ako kung bakit pinakawalan pa kayo ni Ms.
Clarissa! Dahil noong wala ka pa, napakaganda ng buhay namin! Napakasaya namin!
Puno ng pagmamahal ang bahay na ito!” ang pagsisigaw ko.
“Wala kang utang na loob!”
“Wala po akong utang sa inyo,
Dad. Kayo po ang may utang sa akin. Sa tagal mong inabandona ang aking inay, sa
tagal kong paghihintay na makita ka, mayakap, pananakit at pang-aabuso ang
ibinigay ninyo sa akin!”
“Underage ka pa. Dapat ay nasa
poder pa kita! Kahit anong gagawin ko sa iyo ay puwede!”
“Tama po kayo, Dad! Ngunit
hindi lahat ay puwede mong gawin sa akin! Underage ako ngunit physical abuse po
ang ginawa ninyo sa akin! Puwede po kitang kasuhan sa ginawa mo. May mga litrato
po ako sa sa mga pasa ko sa katawan at may audio record din po ako sa pagpalo
mo sa akin at sa paninigaw mo. Kaya huwag ninyong masabi-sabi na may utang na
loob ako sa inyo! Kayo ang may malaking kasalanan sa akin! Kaya huwag na po niyong
gambalain kung pipiliin kong manahimik sa piling ni Kuya Renan. Nagmamahalan
kami! At wala ka nang pakialam doon!”
Kitang-kita ko ang tila
nagbabagang titig niya sa akin habang nginangalit ang kanyang mga ngipin. Hindi
siya makaimik sa pagkagulat sa aking sinabi. Hindi niya akalain na makapagsalita
ako sa kanya ng ganoon.
Tumayo ako. “Subukan mo kayang
imulat ang iyong mga mata, Dad. Tingnan mo ang mga tao sa iyong paligid. Lahat sila
ay takot sa iyo. Ang iba ay nagsialisan na at kung may natitira man, nag-iisip
na rin na aalis. Kapag nag-iisa ka na lang sa malaki mong mansiyon na puno ng
pera, masaya ka pa rin ba? Kahit anak mo ay nilayasan ka? Walang mali sa
pagiging bakla, Dad kung wala namang ibang taong tinatapakan. Ang mali ay nasa
taong rasista, mga taong feeling close sa Diyos na kung makapanglait at
makapanghusga ay akala mo napakalinis at walang ni katiting na kasalanan sa
katawan. Ngayon, kung sakaling magbago man ang paniniwala at ugali mo, Dad,
babalik ako. Babalik kaming mga tao mo. Ngunit kung masaya ka sa pag-iisa mo, then
fine. Parehong masaya ang buhay natin. Ngunit wala lang sanang pakialaman upang
walang ma-bad trip sa atin.” Ang sambit ko sabay tayo at tumbok sa pintuan
palabas ng bahay. “Sorry pala.. ayaw na ayaw mo palang tatalikuran habang
kumakain ka lalo’t hindi pa kayo tapos. Kaso... naghihintay na sa akin sa labas
ang taong mas may pagmamahal sa akin kaysa sa iyo eh. Kaya siya ang mas
nirespeto ko. Siya ang mas mahalaga para sa akin. Mas takot ako sa galit iyon
kaysa galit mo.” Ang pahabol kong salita sabay tumbok sa pintuan.
Bubuksan ko na sana ang main
door nang narinig ko naman ang aking ama na nagsasalita uli. “Jake saan ka
pupunta?”
Nilingon ko sila. Nakatayo si
Jake. “Aalis na rin po ako, Dad. Tama si Bugoy. Sang-ayon ako sa mga sinasabi
niya. Babalik na lang po ako rito kapag nakita kong nagbago na po ang inyong
pananaw.”
Itinuloy ko ang pagbukas ng
pinto atsaka tinumbok ang gate. Nang nasa labas na ako, biglang umandar ang
isang puting taxi na nakatambay sa isang gilid ng kalsda at huminto sa harap
ko. Nang tiningnan ko ang nasa loob, si Kuya Renan ang pasahero.
“Tol, hintayin mo ako!” ang
narinig kong sigaw mula sa aking likuran.
Nang nilingon ko, nakita ko si Jake
na nagtatakbo, bitbit ang isang knapsack. “Pasabay na rin!” ang sambit niya
sabay bukas sa pintong katabing upan ng driver. Pumasok na rin ako at pumuwesto
sa tabi ni Kuya Renan sa likod na hilera ng driver’s seat.
“Pare, huwag mong sabihing pati
sa pagtatanan namin ay magcha-chaperon ka rin?” ang biro ni Kuya Renan.
“Syempre naman. Ganyan ako
ka-protective sa bunso ko! Atsaka, blood-kuya ito. Ikaw ay sperm-kuya lang!”
ang sagot naman ni Jake.
“Anooooo???” ang tanong ni Kuya
Renan na halatang hindi nakuha ang ibig sabihin.
“Wala. Itanong mo kay utol!”
Tawanan.

No comments:
Post a Comment