By Micahel Juha
getmybox@hotmail.com
***
getmybox@hotmail.com
***
Normal na Buhay
Pabaling-baling si Timmy sa kanyang higaan.
Bagamat inilatag niya si John sa pinakadulo ng kama upang magkaroon ng
distansya sa pagitan nilang dalawa, hindi niya maiwasan ang pagmasdan si John
sa himbing na himbing nitong pagtulog na nakatagilid paharap sa kanya. Kapag
tinalo ng pagkaawa ang kanyang isip ay tatagilid siyang nakaharap kay John at
kapag naaalala naman niya ang sakit ng ginawa
ng daddy nito sa kanya ay tatalikod siya. At kapag nalilito naman ang isip niya
ay titihaya siya at mag-isip, tititigan ang kawalan sa direksyon ng bubong na
nipa. Tapos ay babalik na naman siya sa pagtagilid sa kaliwa o sa kanan.
Nang naramdaman ni Timmy ang lamig ng bukid
sa madaling araw, tinanggal niya sa pagkatalukbong sa kanyang katawan ang kumot
at itinakip ito sa katawan ni John. Pang-isang tao lang kasi ang kumot niya at
kung nagkasya sila noong araw habang doon natutulog si John ay dahil niyayakap
siya nito sa pagtulog.
Bumangon si Timmy at kinuha ang kanyang
tuwalya at iyon ang pilit niyang pinagkasya sa kanyagn sarili.
Hindi alam ni Timmy na hindi na pala
nakatulog sa John gawa ng ingay ng kama sa kanyang pabaling-baling na posisyon.
Kahit lasing si John, nagkunwari siyang tulog. Gusto niyang yakapin si Timmy sa
sandaling iyon. Ngunit natakot siyang baka lalo itong magalit sa kanya at
paalisin sa kama. Nasaksihan niya ang paminsan-minsang pagtitig ni Timmy sa
mukha niya. Nasaksihan din niya na tila naguluhan si Timi kaya
nagpabaling-baling ito sa paghiga.
Hanggang sa hindi na gumalaw si Timmy. Iyon
ang pagkakataong hinintay ni John. Dahan-dahan siyang umusog palapit kay Timmy.
Nang nagdikit na ang kanilang katawan, tinanggal ni John ang kumot sa kanyang
katawan at ibinalot iyon sa katawan ni Timmy. Dahan-dahan din niyang isiningit
sa ilalim ng ulo ni Timi ang kanyang bisig. Pati ang isa niyang kamay ay ipinatong
din niya sa ibabaw ng dibdib ni Timmy.
Nang magising si Timmy kinabukasan, laking
gulat niya nang nakatalukbong na siyan ng kumot at si John ay nakayakap na sa
kanya at ang isang bisig nito ay naging unan din niya.
Bigla siyang napabalikwas at uupakan na
sana niya ng suntok si John. Ngunit nang makita niya ang mukha nitong mistulang
napaka-inosente habang nahihimbing, biglang natunaw ang galit sa kanyang puso
at napatitig na lang siya sa nakabibighaning anyo nito.
Tuluyan na siyang tumayo mula siya sa
kanyang higaan at tinumbok ang kusina. Alas 5 pa iyon ng umaga ngunit kailangan
niyang maghanda ng kanilang makakain. Kung siya lang sana ang tao sa bahay,
hindi na niya kailangang mag-agahan pa. Kahit nang buhay pa ang kanyang inay ay
nakasanayan na niyang huwag kumain ng agahan. Kaya dati ay dinadalhan siya ng
tinapay sa klase ni Emily. Alam kasi ng mga kaklase niya na pagkagising niya ay
maliligo kaagad at magtatakbo na patungo sa eskuwelahan. Ngunit sa umagang iyon
ay kailangan niyang maghanda. Naroon kasi si John.
Hindi pa siya nakagawa ng apoy sa sangkalan
ay narinig na niya ang yabag ni John. Dumeretso ito sa lutuan at nagtangkang
tumulong. “Huwag ka ngang makialam d’yan!” ang bulyaw ni Timmy.
Ngunit tila hindi ito narinig ni John. Bumaba
siya ng bahay, tinungo ang kulungan ng mga manok ni Timmy at kumuha ng limang
itlog at dali-daling umakyat abalik sa loob ng bahay. Nang nasa kusina na siya,
agad niya itong inihanda para prituhin.
“Sinasayang mo ang itlog. May nakahanda na
ako rito. Mauubos ba natin iyan?” ang panunumbat ni Timmy.
“Eh…” ang sagot lang ni John. Hiyang-hiya
siya. “Puwede namang kainin ito mamayang gabi, di ba?”
Napailing na lang si Timmy. “Ang tigas kasi
ng ulo mo. Sinabi nang huwag makialam eh!”
Hindi na umimik si John. Bumaba ng bahay at
nagsalok ng tubig. Tyempo naman na natapos na ang pagluluto ni Timmy nang
napuno na ng tubig ang drum. “Kain na!” ang padabog niyang pag-anyaya kay John.
Kumain sila.
“Nag-igib ako ng tubig para panligo mo.”
Ang sambit ni John nang matapos na silang kumain. “Maligo ka na. Ako na ang
magligpit ng pinagkainan natin.” Ang dugtong niya.
Hindi umimik si Timmy ngunit dumeretso rin
sa paliguan. Nang matapos na siyang maligo, siya naman ang nag-igib ng tubig.
Alam niyang hindi pa naliligo si John kaya nagkusa na siyang mag-igib.
Nang nakapaligo na si John, iyong damit at
pantalon niya sa nakaraang gabi ang isinuot pa rin niya. Nakaramdam ng pagkaawa
si Timmy sa pagkakita ninyang ang maruming damit. Iyon pa kasi ang suot niya
nang nalasing siya at kung saan-saan nahiga dahil sa kalasingan at dahil hinayaan
niya itong humiga sa lupa sa ibaba ng hagdanan nang nakaraang gabi.
Binuksan ni Timmy ang kanyang aparador at kumuha
siya ng t-shirt, pantalon at pati na brief. “Isuot mo!” ang utos niya kay John.
Hindi naman magkamayaw si John sa sobrang
tuwa. Bagamat padabog na inihagis ni Timmy ang mga iyon sa kanya, pakiramdam
niya ay namumulaklak ng mga rosas ang kanyang puso. Ngunit hindi niya
ipinahalata iyon kay Timmy. Sa harap mismo ni Timmy ay dali-dali niyang hinubad
ang kanyang damit pang-itaas at pinalitan iyon sa damit na inihagis ni Timmy.
Pagkatapos ay hinubad naman niya ang kanyang pantalon at brief. Walang pasabi.
Sinadya niya talagang gawin iyon sa harap ni Timmy.
Ngunit bigla ring tumalikod si Timmy. “Sa
baba na ako maghintay!” ang sambit ni Timmy.
“Mag-toothbrush muna ako.” ang sagot ni
John.
“Dalian mo! Late na tayo!”
Nasa baba na si Timmy nang may biglang
naalala. Umakyat siyang muli upang tingnan ang ginawa ni John.
“Sabi ko na nga ba eh! Bakit ang toothbrush
ko ang ginamit mo?!” Ang bulyaw ni Timmy.
“Wala akong tooth brush eh.”
“Wala kang toothbrush tapos ang toothbrush
ko ang gagamitin mo?! Letseng buhay naman to, o! Wala na akong toothbrush nito.”
“Ito naman kung maka-react. Dati namang
naggagamitan tayo ng tooth brush ‘di ba? Wala naman akong sakit para ka matakot…”
“Wala ka ngang sakit, e may kamandag ka
naman!” ang sagot ni Timmy sabay walk out. Nagmamaktol. “Tangina!” ang inis na sigaw
niya sa sarili.
Sa pagsakay nila kay Tokhang, si Timmy ang
nasa unahan at ang nagdala ng renda ng kabayo. “Mamayang gabi, huwag ka nang
matulog sa bukid. Doon ka na sa apartment mo.”
“Ano kung doon pa rin ako uuwi sa iyo?”
“Ipapabugbog kita. May mga tambay akong
kaibigan d’yan sa baba.”
“O e, di magpabugbog. Basta sa iyo pa rin
ako matutulog.” Ang kalmanteng sagot ni John.
Doon na bumulyaw si Timmy. “Gago ka ba?! Bobo?!
Tarantado?! Ayaw ko na sa iyo! Hindi mo ba naintindihan iyan?!”
“Hindi nga. Hindi ko maintindihan kung
bakit ako ang pinaparusahan mo sa kasalanan na nagawa ng aking ama sa iyo.”
“Hindi mo maintindihan dahil hindi mo naranasan
ang maging ako! Hindi mo naranasan kung ano ang pakiramdam na pinaglaruan ang
buhay!”
“Kaya nga nandito ako eh. Upang damayan ka,
intindihin ang nararamdaman mo.”
“Bullshit!”
Nang dumating sila sa klase, medyo nagulat
ang kanilang mga barkada nang nagsabay ang dalawa.
“Nagkabalikan na kayo, Tok?” ang tanong ni
Jeff kay Timmy.
Nilingon ni Timmy si John, inirapan. Tapos ay
muling ibinaling ang tingin kay Jeff. “Iyon?” Itinuro si John. “Di ah! Nagkasabay
lang kami niyan sa may gate” ang pagtanggi niya.
Nasa ganoong pag-uusap sina Jeff nang may napansin
naman si Timmy. Isang babaeng bago sa paningnin niya na kakuwentuhan ng mga
barkada nila at panay ang sulyap sa kanya. “Sino iyan?” ang pabulong na tanong
ni Timmy.
“Ah, si Julie. New-comer din at
galing Maynila. Mayaman pare, sexy at maganda pa! Mukhang liberated din eh.”
Ang pabulong din na sagot ni Jeff.
“Ah…”
“Jeff, ipakilala mo naman ako sa kanya!”
ang sambit ni Julie na noon ay nakatayo na at nakangiting nilapitan si Timmy.
Nginitian rin siya ni Timmy. Nabighani si
Timmy sa kanyang ganda, tangkad at kaseksihan. Maputi at makinis ang kutis ni
Julie at magandang magdala ng damit. Matangos ang kanyang ilong, nakakabighani
ang kanyang mga mata, at may braces ang kanyang mga ngipin na lalong nagpatingkad
sa ganda ng kanyang mga labi.
“Ito pala si Julie, Timmy. Julie Reyes.”
At baling kay Julie, “Ito naman si Timmy. Timmy Suarez ang president ng mga Freshmen
ng Business Administration.”
“Wow! Bigatin!” ang sambit ni Julie na
iniabot ang kanyang kamay kay Timmy habang nakatitig si Julie sa kanyang mukha.
Tinanggap ni Timmy ang pakikipagkamay ni
Julie. Hinigpitan naman ng hawak ni Julie ang kamay ni Timmy, iyong may
kakaibang ipinahiwatig. Hinayaan lang ito ni Timmy. Tila nahipnotismo siya sa
ganda ng nasa kanyang harapan at nakatitig sa kanya. Nakipagtitigan na rin
siya.
Nang makita ni John ang pakikipagkamay at
pagtitigan ng dalawa, pakiramdam niya ay isang matulis na bagay ang tumusok sa
kanyang puso. Alam niya ang motibo ng tingin ng babaeng iyon. Alam din niya ang
ngiting binitiwan ni Timmy sa babae. Halos hindi niya kayang tingnan silang
dalawa sa ganoong posisyon. Nabalot ng pagseselos ang kanyang puso.
Nahinto lang ang pagtitigan nina ni Timmy
at Julie nang, “Ehem! Nariyan na po ang treacher! Time to wake up and go back
to reality.” ang birong pagsasalita ni Jeff.
Binitiwan ni Julie ang kamay ni Timmy. Nilingon
ni Timmy si John na noon ay nakayuko na at kunyari ay wala siyang pakialam kay Timmy.
“Mamaya pala… invite ko kayo! May disco
mamaya sa Piggyback Grill & Disco di ba? Taya ko! Wala namang pasok bukas,
eh.” ang sambit ni Julie bago bumalik sa kanyang upuan.
“Bakit ka magblow out? Birthday mo?” ang
tanong ni Timmy kay Julie.
“Celebration of friendship lang. Bagong mga
kaibigan.” Ang sagot ni Julie.
Nilingon ni Timmy sina Jeff na tumango,
alam na ang kasunduan ng magbarkada. Tumango na rin si Timmy. “Okay.”
Pagkatapos ng klase ay hindi na umuwi ang
magbarkada. Dumeretso muna sila sa central park at nag ikot-ikot, namasyal,
naglaro sa mga slides, swing, at seesaw. Dahil inimbita rin naman ni Julie si
John, naroon din siya bagamat ang tunay na pakay lang naman niya ay ang
bantayan si Timmy. Sa loob-loob ni John ay hindi siya masaya. Kung sana ay
walang nagbago kay Timmy at buo pa rin ang relasyon nila, marahil ay masaya
siya sa gala nilang iyon ng magbarkada.
Alas 7 na nang nagdesisyon silang kumain. Taya
pa rin ni Julie. Nag-alok si John na makihati sa bayad ngunit hindi siya pinayagan
ni Julie. Alas 8 nang matapos silang kumain at dumeretso na sa disco.
Dahil maaga pa, sila ang unang customers ng
bar. Nag-inuman na lang muna sila atsaka nang medyo nalasing ay nagsimula na
silang sumayaw.
Hindi maitanggi sa kanyang mga kilos na may
gusto talaga si Julie kay Timmy. Hindi niya pinakawalan ang binata. Nang nalasing
na sila, mas lalo pang tumindi ang pagdikit at pananantsing niya kay Timmy. At
si Timmy naman ay naki-tsansing na rin. Halatang iba na ang klase ng kanilang
sayaw na nagbo-border sa malaswang biruan at malaswang totohanan. Ngunit dahil
mga lasing na rin ang kasama, hindi na nila ito pinagtuunan ng seryosong pansin.
Puro na lang sila kantiyawan, tawanan. Maliban kay John na halos hindi na
umaalis sa kanyang upuan at seryosong nagmamasid sa kanila.
Hanggang tuluyan nang naghahalikan sina
Timmy at Julie.
Mistulang inilublob ang puso ni John sa
kumukulong putik mantika. Halos hindi niya kayang tingnan ang dalawa. Kung
maaari lang sanang lumindol o kaya ay magkaflash flood sa sandaling iyon upang maputol
ang kanilang halikan ay mas gugustuhin pa iyon ni John. Ang tanging nagawa na
lamang niya ay damputin ang bote ng beer at tinungga ito hanggang sa maubos ang
laman. Naghalong sakit at galit ang naramdaman ni John, hindi para kay Timmy at
Julie kundi sa kanyang sarili. May isang bahagi ng kanyang isip na nag-udyok na
lumabas na lang at hayaan si Timmy, pakawalan at palayain. Ngunit ang kanyang
puso ay matigas na nagsabi sa kanya na manatili.
Maya-maya ay nagpunta si Timmy sa palikuran
ng mga lalaki. Halatang tinablan na sa epekto ng alak dahil hindi na ito
makalakad ng deretso. Susundan sana niya ito nang makitang sumunod kay Timmy si
Julie na sa paglalakad pa lang ay halatang lasing na rin. At pumasok rin si
Julie sa loob ng palikuran ng mga lalaki!
Dahil dito ay hinintay na lang niya ang paglabas
ng dalawa. At sa bawat minuto na lumipas, tila nagmumultiplika naman ang bilis
ng pagtibok ng kanyang puso. Hanggang sa umabot ng mahigit sampung minuto na
naroon pa rin ang dalawa sa loob ng palikuran at hindi na niya makayanan pa ang
tindi ng kalampag ng kanyang dibdib. Tumayo si John at tinumbok ang palikuran. Doon
niya nakitang naghalikan ang dalawa. Nakatayo silang pareho, nakasandal si
Timmy sa pinakadulong nakabukas na pinto ng cubicle habang si Julie naman ang
agresibong lumapa kay Timmy.
Halos hindi makapaniwala si John sa
nasaksihan. Isang babae ang naghahabol sa lalaki na kahit sa pampublikong
palikuran ng mga lalaki ay walang pakundangang pumasok, hindi alintana ang mga
matang nakatingin, makahalikan lang ang lalaking hinahabol-habol.
Nang napansin ni Timmy si John na naroon na
rin sa loob ay nahinto siya sa pakipaghalikan. Ibinagsak din niya ang kanyang
mga bisig na nakayakap kay Julie.
Nang napansin ni Julie na huminto si Timmy,
lumingon siya sa kanyang likuran at nakita si John. Agad na hinila niya si
Timmy papasok sa loob ng nakabukas na cubicle. Ngunit bago pa man niya mahila
sa loob si Timmy, nilapitan na sila ni John at hinawakan ang isang kamay ni
Timmy upang hindi siya mahila ni Julie sa loob ng cubicle
“Julie, please lang, lumabas ka. Palikuran
ito ng mga lalaki, hindi sa mga babae.” Ang sambit ni John.
Nasagi ang pride ni Julie sa sinabing iyon
ni John. “Huwag ka ngang makialam dito, John! Hindi kita inaano. Concern naming
dalawa ito ni Timmy. Si Timmy ang dapat na magsabi sa akin niyan! Hindi ikaw!’
ang sigaw niya kay John.
“Hindi ito concern mo o ni Timmy, Julie.
Ang palikuran na ito ay para lamang sa mga lalaki. Hindi ito para sa mga babae.
At lalo nang hindi ito motel. Hindi ka ba nahihiya?” ang sagot ni John.
“Bakit ako mahihiya? Kagustuhan namin ito
ni Timmy!”
“Hindi ito motel! Humanap kayo ng motel
kung gusto ninyong magtalik! At kung gusto mo mang bigyan ng kahihiyan ang
sarili mo, huwag mong idamay ang presidente ng freshmen ng Business Admin!
Maawa ka sa kanya!”
Doon na nagdadabog na lumabas si Timmy na
hindi man lang nagpaalam. Si Timmy kasi, kahit lasing ay alam pa rin niya ang
mga pangyayari sa paligid, gising pa rin an kanyang diwa. Mistulang may pumukaw
sa kanyang sarili nang marinig ang salitang “Kahihiyan” na sinabi ni John. At
napagtanto niya na tama si John. Nakakahiya ang kanyang pagpayag kay Julie na
makipaglaplapan at makipag-sex sa loob ng palikuran. Dapat ay siya ang nagbigay
ng payo kay Julie na i-respeto ang kanilang mga sarili.
Tinalikuran ni John si Julie sa loob ng
palikuran at sinundan niya si Timmy na noon ay lumabas ng bar at nakatayo lang
sa may pintuan.
“Tok... sorry.” Ang sambit ni John nang
nasa labas na rin siya at kaharap na ni Timmy.
“Huwag mo nga akong sundan-sundan! Kainis!”
ang bulyaw ni Timmy na bigla ring pumasok sa bar.
Sinundan muli ni John si Timmy sa loob ng
bar. Nakita niya itong tumabi sa inuupuan ni Julie. Binigyan siya na mainom.
Mabilis itong tinungga ni Timmy. Naghoholding hands uli sila. Nag-aakbayan,
nagyayakapan.
Halos alas 11 na ng gabi nang tuluyan nang
malasing si Timmy. Hindi na siya halos makatayo. Pinagtulungan ng mga lalaking
barkada si Timmy dahil gusto na ni Julie na dalhin si Timmy at mag motel silang
dalawa.
Nang malaman ito ni John, sinabi niya sa
mga barkadang lalaki na siya na ang magdala kay Timmy sa bahay nila. “Ako na
ang bahala sa kanya” ang sambit ni John na halos walang kahirap-hirap na
kinarga si Timmy sa kanyang likod.
“Kaming dalawa ni Timmy ang magsama, John!”
ang sigaw ni Julie.
“Uuwi siya sa bahay niya, okay? Kung gusto
mo siyang dalhin sa hotel, iyong hindi siya lasing. Iyong kusang-loob siyang
sasama sa iyo. Hindi sa ganito. Bigyan mo ng respeto ang sarili mo, bigyan mo
siya ng respeto.”
“Kakainis naman eh!” ang sambit ni Julie.
Dahil madalang na lang ang sasakyan sa oras
na iyon, tuloy-tuloy na ang ang lakad ni John na hindi ibinaba si Timmy sa
kanyang likod.
“Ayoko na sa iyo! Ayoko na sa iyo! Ayoko na
sa iyo!” ang pagsisigaw ni Timmy habang kinakarga siya ni John.
“Huwag ka ngang maingay d’yan! Baka ilaglag
kita sa kanal.”
“Salbahe ka! Ipinahiya mo ako kay Julie!”
“Nakakahiya kayo. Para kayong mga aso na
nagtatalik sa gitna ng maraming tao.”
“Hindi naman kami nagtalik eh!”
“Hindi dahil naabutan ko.”
“Ano naman kung magtalik kami? Nagseselos
ka?”
Hindi na sumagot pa si John. Pinabayaan na
lang niya si Timmy na magsalita.
Nang makarating na sila sa bahay kung saan
nila ipinakisuyo si Tokhang, doon na na nakahinga ng maluwag si John. Marunong
naman kasing dumapa si Tokhang kung kaya ay madali niyang naiangkas si Timmy sa
likod ng kabayo. Bagamat si John ang nagdala sa renda, si Timmy ang nasa
kanyang harapan upang kapag umakyat ang kabayo sa dalisdis na parte ng daan,
nariyan siya sa likod ni Timmy, maharangan at hindi malaglag.
Nang nakarating na sila ng bahay, kinarga
muli ni John si Timmy sa kanyang mga bisig at inilatag sa kanilang kama.
Alas 9 nang nagising si Timmy kinabukasan.
Nang bumalikwas siya ng higaan, nakahanda na ang agahan nila. Hinintay na lang
siya ni John na magising. Suot-suot pa rin ni John ang damit ni Timmy na
ipinasuot niya sa kanya sa nakaraang araw.
“Kain na tayo.” Ang pag-anyaya ni John kay
Timmy sa hapag-kainan.
“Dumeretso si Timmy sa mesa. Umupo at
nagsandok ng pagkain. Wala siyang imik.
Nagsandok na rin si John ng para sa kanya.
“Kung ayaw mong makuha sa pagalit at
padabog na usapan... siguro naman ay puwede sa seryosong usapan, kagaya nito
ngayon.” Ang pagbasag ni Timmy sa katahimikan.
“Anong usapan naman iyan?”
“Gusto kong hindi ka na bumalik o magpakita
rito. Gusto kong maging normal ang lahat para sa akin. Gusto kong mamuhay na
matiwasay, nang isang normal na pamumuhay at puwedeng gawin ang normal na
gawain sa buhay.”
“Bakit? Ano ba ang gusto mong normal na
pamumuhay? Ano ba ang normal na gawain ang sinasabi mo?”
“Gusto kong magkaroon ng kasintahan. At
babae ang ibig kong sabihin.”
Mistulang nabilaukan si John sa narinig na
salita ni Timmy. Hindi makasagot.
“Lahat ng lalaking kasing-edad ko ay may
mga girlfriend. Hindi boyfriend. Girlfriend. Iyong ibang wala pa ay nangarap na
magka-girlfriend. Naranasan ko nang magkaroon ng boyfriend at hindi ko ito
nagustuhan.”
“At sino naman ang gusto mong maging
girlfriend?”
“Si Julie. Gusto ko siyang ligawan. Gusto
kong magkaroon ng isang normal na relasyon sa kanya.”
Natahimik si John. Hindi makasagot.
“Gusto mo ba talaga iyan? O dahil galit ka
lang sa akin? Bakit ako ang pinaparusahan mo sa galit mo sa daddy ko?”
“Hindi ako galit sa iyo, John. Marahil ay hindi
rin siguro ako dapat na magalit sa daddy mo. Hindi ko lang matanggap sa sarili
ko ang sakit. Kaya gusto kong ibahin ang takbo ng buhay ko. Gusto kong magbago.
Marahil ay ayaw ng tadahana ang ganitong relasyon natin. Marahil ay ayaw ng
inay na maging tayo. Kaya dapat ay pilitin mo ang sarili mo na kalimutan ako.
Ibaling mo ang pagmamahal mo sa iba. Marahil ay kung babae ang liligawan mo,
mas madali ang lahat sa buhay mo, sa buhay natin. Walang problema, walang
hadlang.”
“Sigurado ka na ba talaga d’yan? Hindi mo
na ba puwedeng bigyan mo pa ng pagkakataon na maging tayo?”
“Buo na ang pasya ko, John. Kaya pakiusap
lang, please. Huwag mo na akong gambalain pa. Huwag mo na akong sundan. Huwag
mo na akong puntahan pa rito. At ikaw, sobra-sobra na ang sakripisyo mo para sa
akin. Tingnan mo, masyado mong ibinaba ang sarili mo. Imagine, napakayaman mo.
Nariyan na sa iyo ang lahat. Kahit sa pagsubo ng pagkain kung uutusan mo ang
inyong katulog, gagawin niya iyan sa iyo. Ngunit heto ka, naghanda ng pagkain
sa akin. At kagabi, kinarga mo ako. Isinakripisyo mo ang sarili mo para lang sa
isang katulad ko. Nagpakahirap ka rito sa pamamahay ko na walang koryente,
walang TV, walang shower, malayo sa kabihasnan. Ang inay mo, bago lang kayo nagkita
ngunit nasaan ka? Iniwan mo siya para lang sa akin.” Nahinto si Timmy. Naramdaman
niyang may bumara sa kanyang lalamunan. “Alam mo, ngayong ang inay mo na lang
ang naiwan sa iyo, ibigay mo ang oras mo sa kanya. Alam kong nasasabik siya sa
iyo. At alam kong nasasabik ka rin sa kanya. Huwag mong hayaan na balang-araw
kapag nawala rin siya sa iyo, magsisi ka dahil hindi mo siya binigyan ng pagkakataon
at sapat na oras upang magkasama kayo, na maipadama mong mahal mo siya at
nariyan ka para sa kanya. I-try nating hanapin natin ang ating mga sarili,
John. Tayahin nating pareho kung ano ang dapat na priorities natin, kung ano
talaga ang tama para sa atin. Palayain mo na ako, John. At bigyang-laya mo na
rin ang iyong sarili...”
Napakasakit ng mga binitiwang salita ni
Timmy. Mas masakit pa ito kaysa pagmumura niya sa kanya, o sa pagsisigaw niya
na layuan siya. Nasanay na kasi siya sa mga salita ni Timmy kapag galit siya.
“Tarantado!” “Gago!” “Lumayo ka!” “Tangina!” “Baliw!” “F*ck You!” Ngunit nang
seryosong makiusap siya kung ano ba ang gusto niya, tila daang-daang espada ang
tumagos sa kanyang puso. Napakasakit noon para sabihin sa kanya na maglayo sila
dahil gusto niyang magkaroon ng “normal” na buhay at isang “normal” na
kasintahan.
Nang hindi na nakayanan ni John ang lahat,
bigla siyang tumayo. Ayaw niyang makita ni Timmy ang pagbagsak ng kanyang mga
luha. Dinampot niya ang kanyang sapatos, tinumbok ang pinto ng bahay, bumaba ng
hagdanan. Nang nasa ibaba ng hagdanan na siya, huminto siya upang isuot ang kanyang
sapatos. Pagkatapos ay dali-daling naglakad palayo ng bahay.
Sa gitna ng makipot na daan na halos
matabunan ng mahahabang damo at nagtatayugang kahoy, hinayaan niyang dumaloy
ang kanyang mga luha habang patuloy lang siya sa kanyang tila walang direksyon
na paglalakad.
Hinabol siya ng tingin ni Timmy hanggang sa
naglaho si John sa kanyang paningin. Hindi na rin nakita ni John ang pag-iyak
ni Timmy.
(Itutuloy)

😢😢ðŸ˜ðŸ˜nu ba iyan naiyak naman ako tulo pa sipon... .. nakakainis ka timmy bakit ka ganyan... john.. wag kang bibitiw... kayang kaya mo iyan
ReplyDeleteAnd taas ng pride ni Timmy, pero sabgay gusto nya bagong buhay . Sana maging happy si John. Lagi nalang xa ang nahabol kay Timmy
ReplyDeleteAng dami ng sakripisyo ni John para sa pag-ibig niya kay Timmy. Lahat ng hirap, paghahabol, pag iintindi nagawa na ni John.
ReplyDeleteGusto ko magkaroon ng isang John sa buhay. Yung grabe at buong-buo magmahal.