Followers

Friday, April 27, 2018

Ang Roommate Kong Siga [9]


By Michael Juha

Asawang Hibang

May kalakasan ang hangin habang naupo kaming dalawa ni Jerome sa malaking bato sa may sea wall. Low tide kasi sa gabing iyon at sa ibaba lang ng sea wall ay may mga nakausling malalaking bato na maaaring upuan, maaari ring pagtaguan. Kadalasan ay doon nagpupunta ang mga magkasintahan, doon nagdi-date. Malalaki kasi ang mga bato at maaari kayong pumili ng mauupuan. Nakaharap sa dagat ngunit hinaharangan naman ng mas malalaki pang mga bato sa likuran. Doon ko dinala si Jerome sa gabing iyon. Nag take out lang kami ng pagkain mula sa isang fast food at dinala namin iyon sa sea wall. Gusto ko kasi ang ambiance ng lugar. Habang pinagmasdan ko ang paghampas ng mga alon sa dalampasigan, sinasamsam ko rin ang presko at malamig na hangin, dagdagan pang nagpakita ang malaking buwan sa langit, walang kaulap-ulap na humarang sa kanyang liwanag. Nakaka-relax ang ambiance, tila humihinto ang galaw ng mundo at ang tanging nasa isip ko lang ay ang sandaling iyon, ang kagandahan ng paligid, at ang sarap ng pakiramdam na masaya, kasama si Jerome, ang taong mahal. Pakiwari ko ay napakaperpekto ng panahon. Tila umaayon ito sa aking nararamdaman sa tagpong iyon.

Nilatag ko ang malapad na plastic at doon ko inilagay ang aming mga pagkain at soft drinks. Inabot ko sa kanya ang isang balot na pagkain at binuksan ko naman ang kaparehong balot ng pagkain ko.

“Ano ba ang plano mo sa buhay, Jerome?” ang tanong ko

Nahinto siya sa pagkain. Tila nag-isip. “Hindi ko rin alam eh. Basta... bahala na. Sa ngayon ay gusto ko lang munang mag-aral.” Ang sagot niya.

“Di ba ipapakasal ka ng daddy mo pagkatapos mo nitong school year na ito? Ngayong summer?”

“Hindi siguro. Ewan. Pero kung igigiit man nila, sasabihin kong gusto kong magtapos muna ang kurso ko. Next year na lang ang kasal.”

“Sinabi mo na yan sa kanila?”

“Hindi pa. Pero wala naman silang magagawa eh. Ako yata ang ikakasal. Puwedegn hindi ako sumipot kapag nagkataon.”

“Mahal mo naman si Trixia, di ba?”

Tumango siya. “Pero ewan... sa katagalan na malayo kami sa isa’t-isa ay tila hindi ko na rin siya na-miss. Lalo na’t pinipilit ako ng aking ama na pakasalan siya, parang ayaw ko na tuloy. Bakit ipipilit ng ibang tao ang pagpapakasal mo? Ayoko ng ganoon. Lalo na kung ang ama ko pa ang maggigiit niyan. Ayaw kong isipin niya na sumunod ako sa gusto niya. Huwag na.”

Nahinto ako sandali. “G-ganyan ba talaga kalaki ang galit mo sa iyong ama?”

Napatingin siya sa akin. “Oo.”

Hindi na ako nagsalita pa. Alam kong ayaw niyang sabihin sa akin kung ano ang ikinagagalit niya sa kanyang ama. Ngunit isiniksik ko na lang sa isip ko na matindi talaga ang galit niya dahilan upang aabot ito sa pagtakwil niya sa sariling ama.

“Ikaw? Anong plano mo sa buhay?” ang tanong naman niya sa akin.

“Makapagtapos ng pag-aaral. Alagaan ang inay at lola ko.”

“Ayaw mong magkaroon ng pamilya?”

Napangiti ako sa kanyang tanong. “Joke ba iyan? Or sarcasm?”

“Seryoso...” ang sagot niya.

“As if naman ang kabaklaan ay para ka lang nagsuot ng damit na kung ayaw mo na, puwede mong palitan.”

“Hindi mo ba talaga kayang magpakalalaki?” ang tanong niya.

“Ikaw, kaya mo bang magpakabakla kahit isang araw lang? Iyong bakla sa kilos, bakla sa isip at damdamin, bakla sa sexual desire na makikipagtalik sa isang kapwa lalaki. Isipin mo, iyong makikipaghalikn ka sa isang lalaki, iyong isubo mo ang ari niya, o di kaya ay ipasok mo iyon sa iyong tumbong. Kaya mo ba iyan?”

Natahimik siya. Tiningnan ako. “Mahirap pala…”

“Iyong iba kasi kung makapagsalita ay akala madali lang, na parang naglalaro lang kami. Kaya ikaw… huwag ka nang mambugbog ng mga bakla. Mahirap na ngang maging bakla, binubugbog mo pa.”

“May iba naman akong dahilan kung bakit galit ako sa kabaklaan.”

“Anong dahilan?”

“Basta… sa akin na lang iyon.”

“So galit ka rin sa akin?”

“Galit ako sa kabaklaan, hindi sa iyo.”

“Bakla ang binubugbog mo, Jerome. Hindi ang kabaklaan.”

“Ayaw kong gumawa sila ng kabaklaan. Sila naman ang gumawa ng kabaklaan, di ba?”

“So ano ang distinction noon? Galit ka rin sa akin dahil may kabaklaan akong ginagawa. Alam mong crush kita. Alam mong pinagsisinghot ko ang mga brief mo, alam mong pinagpapantasyahan kita. Alam mong mahal na kita…”

“Pinigilan mo naman ang sarili mo, di ba? Kaya nga hanga ako sa iyo eh. Alam ko kung gaano kahirap ang ginawa mo. Nariyan lang ako, katabi mo minsan sa kama ngunit ni minsan ay hindi mo ako pinagtangkaan. Nakita mo na ang pagkalalaki ko, nahawakan mo na, napunasan at nahipo mo na ang buong katawan ko. Ngunit wala kang ginawang pagtatangka. Kahit sinabi kong papayag ako, hindi mo ako pinatulan. Kaya, maliban sa kabaitan mo, sa tulong na ibinigay ninyo ng inay mo sa akin, iniidolo kita. Medyo contradicting nga ang takbo ng utak ko ngayon eh. Gusto kong sapakin ang mga taong ayaw ko, paduguin ang mga mukha nila, ngunit sa kabilang banda ay gusto ko ring tularan ka…”

Hindi ako nakaimik. May dulot na tuwa sa puso ko ang sinabi niya.

“Mabuti at pumayag ang boss mo na hindi ka muna papasok ngayon.” Ang paglihis ko sa usapan.

“Okay lang iyon. Naintindihan niya. Sinabi kong hindi pa ako handa at may mga gagawin pa ako.” Ang sagot naman niya.

“Ganoon ba? Mabuti naman. At least sumama ka sa akin ngayon.”

“Bakit, ano ba sa isip mo ang dahilan bakit hindi pa ako pumasok ngayon?”

“Malay ko sa iyo. Ano nga ba?”

“Heto… para makasama ka. Kapag nagpa-part time job na ako, gabing-gabi na ako kapag umuuwi. Baka tulog ka na pagdating ko sa kuwarto natin. Baka ma-miss mo ako, kaya heto, kahit papaano, libre ka kung anong gusto mong gawin sa akin.” Ang sambit niya sabay bitiw ng nakakalokong ngiti.

Napangiti na rin ako na tiningnan siya. “May ganoon talaga?”

“Kung gusto mo lang naman.”

“Tapos sasabihin mo na kaya ko bang gawin ang ganoon na habang nag-eenjoy ako sa ginagawa ko, ikaw naman ay naiilang, hindi komportable, kokonsyensyahin mo ako?”

“Totoo naman. Iyan naman ang nararamdaman ko. At least klaro sa iyo na kung papayag man ako, wala akong naramdamang sarap, o iyong sarap na hindi pilit. Lalabasan man ako, natural na lang iyan. Pero sa kaloob-looban ko ay may pagtutol. Ayoko ng sex na isang panig lang ang nagi-enjoy. Unfair iyon sa kapartner ko, unfair iyon sa akin. Ngunit alam mo naman, maraming tao ang walang pakialam sa damdamin ng iba. Kaya bilib ako sa iyo. Kahit alam mong gusto mo ako, hindi mo ipinagpilitan ang sarili mo. Ni hindi mo nga ako siningil sa mga utang ko sa iyo at sa inyo ng inay mo. Hindi mo iyon dinadahilan upang mapilitan akong makikipag-sex sa iyo. Ni hindi mo nga ipinamukha sa akin na walang kwenta akong tao, na hampas-lupa lang ako…”

“Ang drama mo naman. Hindi bagay sa iyo…”

Tahimik. 

“Simula ngayon, best friend na kita… Ako ang taga-protekta mo, ako ang security guard mo. At ayokong mahiwalay ka sa akin. Ang gusto ko ay lagi kang kasama.” ang sambit niya habang hininto niya ang kanyang pagsubo sa pagkain at hinawakan ang aking kamay.

“Kahit bakla ako?”

“Puwede ngang maging best friend ang aso, di ba? At iyong aso ay hindi mo alam kung bakla o straight. Bakit kailangang may label pag sa tao?”

Hindi ako nakakibo kaagad. Tiningnan ko siya. “Alam mo namang ang gusto ko ay mas higit pa sa sa best friend, di ba?”

“Alam ko. Ngunit alam mo rin naman na hindi ako masaya o kumportable sa relasyong lalaki sa lalaki, di ba?”

Mistulang may sibat na tumusok sa aking puso ang sinabi niyang iyon. Kaya ang naisagot ko na lang ay, “Pero wala naman akong reklamo sa ganitong set-up. Magksaya na lang ako sa pagpapahalaga mo sa akin. Na kahit papaano ay may puwang pa rin ako sa puso mo… bilang isang ‘best friend’.”

Doon niya pinisil ang aking kamay na hinawakan niya. “Kung maaari lang sana kitang mahalin, minahal na kita, noong unang araw pa lang na tinarayan mo ako. Napansin na kita noon. At ewan, parang may kakaiba sa iyo na hinangaan ko.”

“Bakit hindi mo ako kayang mahalin? Dahil ba wala ka talagang naramdaman para sa akin? O dahil may masakit na karanasan ka sa bakla?”

“Dahil hindi ako bakla, ‘tol…”

Tahimik.

“Huwag na nating pag-usapan iyan. Basta, best friend kita.” Ang pagbasag niya sa katahimikan.

Natapos kami sa aming pagkain at niligpit ko ang aming mga kalat. Nang nalaglag sa buhanginan ang paper cup na nilagyan ng softdrink ko, itinapon ko na rin ang paper cup niya. Napatingin siya sa akin.

“Bakit?” ang tanong ko.

“Naglilinis tayo sa bahay ngunit dito ay okay lang na magtapon ng basura? Hindi ka consistent.”

Napatingin ako sa kanya. Mistulang sinampal ako sa kanyang sinabi. “Ay sorry… biodegradable naman kasi iyan eh. Natutunaw iyan sa dagat.” Ang pangangatuwiran ko pa.

“Biodegradable nga. Ngunit dumi pa rin iyan.” Ang sagot din niya.

“Yes, Sir… kukunin ko na po.” Ang sambit ko.

Ngunit hindi pa ako nakababa ay tumalon na siya sa buhanginan at pinulot na niya ang mga baso. Napahanga na lang ako sa bilis niya at liksi niya.

Nanatili pa kami sa sea wall na iyon matapos naming kumain. Habang ninamnam namin ang ganda ng kalikasan, dikit na dikit naman ang aming mga katawan sa pagkakaupo, inaakbayan niya ako at nakalingkis ko naman ang aking braso sa kanyang baywang. Mistula talaga kaming magkasintahan sa porma naming iyon. Ang kulang na lang ay iyong confirmation na kami na nga, na mahal namin ang isa’t-isa.

“Ano bang katangian ko na gusto mo sa akin?” ang tanong ko.

“Mabait na mataray… inaalagaan ako.”

“Physical?”

“Tiningnan niya ako at talagang inusisa ang bawat detalye ng aking mukha. “Kilay, makapal na straight, hindi iyong curve. Mga mata, chinito. Ilong, matangos, bibig, nakakabighani lalo na kapag ngumiti at nakikita ko ang braces ng ngipin na iyan… perfect eh. Ang mga labi, mapupula, at kung babae ka lang, ang sarap halikan. Alam kong maraming nagkandarapang babae at bakla sa mukhang iyan. Talo mo pa ang mukha ng artista.”

Halos hindi naman ako makatingin sa kanya sa kanyang sinabi. “Ano iyong sinabi mong kung kaya mo lang akong mahalin ay ginawa mo na simula pa noong tinarayan na kita. Saan doon?” ang tanong ko na lang.

“Noong ninakaw ko ang motor mo. Noong pinasakay kita sa bisekleta ko at tinarayan mo ako ngunit sumakay ka rin sabay tanong sa akin kung saan ko ninakaw ang bisekletang iyon. Kung babae ka lang talaga ay niligawan na kita. Gusto ko kasi ang babaeng palaban, iyong kahit alam kong may gusto sa akin ngunit may paninidigan at hindi babaguhin ang paninindigan niya, lalo na’t kung alam niyang tama, nang dahil lang sa isang lalaki. Gusto ko rin iyong babaeng kaya akong supilin. Iyong kaya niya akong pasunurin sa kanya. Ayoko nang babaeng sunud-sunuran lang sa akin dahil alam kong pareho kaming pupulutin sa kangkungan kapag nagkataon. Nasa iyo na ang lahat nang iyan. Problema lang… lalaki ka rin. At hindi kita kayang mahalin na kagaya ng pagmamahal na maaari kong ibigay sa isang babae…”

Doon ay muli akong natahimik. May naramdaman akong sakit sa kanyang sinabi. Parang gusto kong umiyak. Naroon na sana eh. Halos perpekto na. Kaso, may mali pa rin. Parang nagalit tuloy ako sa aking sarili na isinilang na isang lalaki. Ang saklap.

Marahil ay naramdaman niyang nasaktan ako. Ang ginawa niya ay iyong bisig niya na nakaakbay sa akin ay inilingkis niya sa aking ulo, inilapit niya ang ulo ko sa kanyang mukha sabay halik sa aking pisngi.

Hindi ko na pinansin ang halik niyang iyon. Sa loob-loob ko ay wala namang halaga iyon, halik lang iyon para sa isang best friend. “Tara na…” ang sambit ko, paghikayat na uuwi na kami. Feeling ko ay nawalan na ako ng gana.

“Akala ko ba ay hanggang alas 10 ng gabi tayo rito?” ang tanong niya.

“Huwag na. Gusto ko nang magpahinga. At ikaw, nakipagsuntukan ka kanina lang sa mga barkada mong siga, dapat ay magpahinga ka na rin.”

“Wala iyon...”

“Ah basta, gusto ko nang magpahinga.” Ang giit ko sabay tayo at inakyat ang sea wall patungo sa plaza.

Sumunod siya, bitbit ang aming mga basura.

Nang nakaangkas na ako sa backrider ng bisekleta habang padyak-padyak niya ito, hindi ko na inilingkis ang aking mga bisig sa kanyang baywang.

“Kapit ka.” Ang sambit niya.

“Okay lang ako.” Ang sagot ko rin.

“Galit ka ba?”

“Bakit ako magagalit? Anong ikakagalit ko? At kahit mayroon man, anong karapatan ko?”

Hindi na siya nagsalita pa. Bigla niyang pinaharurot ang kanyang bisekleta. Mabilis na mbilis na animoy isang motorsiklong nag-overspeeding.

Sa pagkabigla ko, napayakap ako ng mahigpit sa kanyang baywang. “Jerommmmmeeeeee!” ang sigaw ko.

Tumawa lang siya nang malakas.

Hanggang sa nakarating kami sa boarding house ay hindi ko siya kinakausap. Nang humiga na ako sa aking kama. Patay-malisya lang din sya.

Sa kama niya siya humiga. Kagaya ng nakasanayan ay naka puting boxers na fit ang kanyang suot, bakat ang malaking bukol sa kanyang harapan habang nakatihaya at ang isang bisig niya ay ipinatong niya sa kanyang noo. Tumagilid ako pagkatapos kong makita ang tila nang-aakit niyang postura.

“Galit ka ba sa akin?” ang muli niyang pagbukas sa tanong.

“Ba’t ba paulit-ulit ang tanong mo na iyan? At bakit ako magagalit?”

“Baka galit ka na hindi kita kayang mahalin.”

“Kung magagalit man ako, hindi sa iyo kundi sa sarili ko.”

Hindi na siya sumagot. Hanggang sa nakatulog na kami.

Kinabukasan, ay dating gawi. Sabay kaming pumasok, nakaangkas ako sa bisekleta niya. Ang kaibahan lang ay sa pagkakataong iyon, wala kaming imikan. Pagbalik naman ng boarding house ay nakaangkas pa rin ako sa bisekleta niya. Ngunit inihatid lang niya ako gawa nang dumeretso na siya sa kanyang part time job.

Sa unang araw niya sa kanyang trabaho ay halos alas 12 na ng hatinggabi nang umuwi siya. Nagising ako saglit sa pagbukas niya ng pinto at pagpasok niya sa kuwarto bago matulog.

Nang kumain kami ng agahan sa mess hall, tinanong ko siya tungkol sa kanyang trabaho. Okay naman daw. Hindi na siya naga-adjust pa. Dati naman daw talaga siyang nag work sa ganoong trabaho kaya wala siyang pressure. Tila masaya naman siya sa tingin ko.

Nang pumasok na kami sa school ay ganoon pa rin ang setup. Sabay kami sa umaga. Sa pag-uwi naman ay ihahatid lang niya ako at dideretso na siya sa kanyang trabaho. Parang driver ko lang talaga siya. O parang kuya na inihahatid ang kanyang bunso.

Sa totoo lang, na-miss ko si Jerome sa mga ganoong oras ng gabi kung saan ay kung ‘di man kami maghaharutan, nagkukuwentuhan, nilalandi ko siya kung hindi man ay inaaway. Minsan din, pinapagamit ko siya sa aking laptop. At kahit nabubuksan niya ang aking facebook account, dahil naka-save ang password at kusa na lang itong lalabas, wala siyang paki sa mga private kong chat, mga nila-like na post, mga pina-follow na mga celebrity. At kung makita niyang may guwapong modelo o artista akong pina-follow ay aasarin niya ako. May panahon ding seryosohan ang aming kuwentuhan, may puro asaran, mayroong biruan. At ang pinaka-miss ko sa kanya ay iyong nakahiga lang kaming dalawa sa ibabaw ng kama ko, ipapatong ko ang ulo ko sa bisig niya habang tutuksuhin niya ako samantalang ako naman ay lihim na pagnanasaan siya sa aking isip.

At dahil sobrang busy na nga ni Jerome, pati mga labahan niya ay nakatambak na lang. Syempre, hindi ko naman matiis na ang mga damit ko lang ang lalabhan ko kaya ako na rin ang naglalaba ng mga ito. Pati mga gamit niya sa school ay ako na rin ang nag-aayos. Minsan nasa bar siya, magti-text siya sa akin na ilagay ko sa bag niya ang ganitong notebook, libro, o kahit damit na bihisan. Para talaga akong isang alila. Ngunit para mas inspiring namang isipin, “asawa’ na lang ang turing ko sa sarili ko kanya. Asawang ako lang ang nakakalam. Asawang hibang.

Isang araw ng Sabado, naisipan ng aking inay na mag-bar kami sa tinatrabahuan ni Jerome, upang makita raw namin ang kanyang tinatrabahuhan, at siyempre, para mabisita na rin gawa nang wala na siyang oras na makipag-bonding sa amin. Hindi ko ito tinanggihan. Bagamat hindi ako mahilig sa mga ganoong lugar ngunit dahil na-miss ko nga si Jerome kung kaya ay sumama ako.

“Himala! Sumama ang sinaunang tao!” ang sambit ng inay.

“Di ba ikaw rin naman ang nagsabi sa akin na mag-open up ako? Na bigyang buhay ang boring kong mundo?” ang sagot ko rin.

“That’s nice! So dapat ay mag-enjoy tayo!” ang masayang sambit ng inay.

Ang lakas ng kabog ng aking dibdib habang papasok pa lang kami sa kanilang bar. Iyon kasi ang pinakaunang pagpasok ko ng ganoong lugar. Nang nasa loob na kami, may kadiliman ito, maingay din dahil sa dami ng tao at may banda pa. Sinalubong kami ng isang waiter at inihatid niya kami sa isang bakanteng mesa, table #12 ang aking nakita. Naupo kami roon atsaka binigyan kami ng menu.

Inaninag ko ang paligid, sinanay ang aking mga mata sa madilim-dilim na kabuuan ng bar.

“May Jerome ba ritong nagwi-waiter?” ang tanong ng inay sa waiter na nag serve sa amin.

“Mayroon po!” ang sagot ng waiter sabay turo niya sa kabilang bahagi ng bar. “Hayun po siya.”

Doon namin nakita si Jerome. Nakasuot siya ng puting long sleeves na may itim na bow tie at nilukoban naman ito ng itim na tsaleko. Terno ang kulay ng kanyang pantalon na slacks at tsaleko. Kahit madilim, litaw na litaw pa rin ang kanyang hitsura. Napaka-guwapo niya sa kanyang suot. Napakalakas ng dating niya sa kanyang porma na proportioned ang katawan, matangkad, at lalaking-lalaki kung kumilos. Dagdagan pang nakangiti siya palagi. Nakakabighani at nakakabaliw ang kanyang appeal. Kung guwapo pa rin siyang tingnan sa kanyang rugged na pananamit at nakasimangot na mukha sa eskuwelahan, kabaligtaran ang makikita sa kanya sa kanyang trabaho sa bar. Para lang siyang naglalaro. Kitang-kita sa mukha niya na nagi-enjoy siya.

Hindi ko siya nilubayan sa katitingin habang dala-dala niya ang tray na may mga pagkain at inumin, inihatid niya iyon sa isang mesa. Nang inilatag na niya ang mga pagkain at inumin, kitang kita ko ang abot-taingang ngiti ng mga babae sa mesang iyon. Nagbubulungan sila, naghihiyawan, halata ang matinding kilig sa kanilang mga kilos. Pagkatapos ay inutusan pa siya ng grupo na lumapit sa kanila upang magpa-selfie. Si Jerome naman ay game na game na pinagbigyan sila. Tila isang artista na sa bawat kuha ng litrato ay nagpi-peace sign, nagbi-V sign, may wacky pose habang humahalakhak naman ang mga babae.

Mistulang tinadtad ang aking puso sa aking nakita. Hindi ko inaasahang ang pagtatrabaho pala niyang iyon ang magdulot sa akin ng matinding pagseselos. 

“Ah, mukhang busy ata.” Ang sambit ng inay sa waiter nang makita niya si Jerome.

“Opo… Siya po ang pinaka in-demand na waiter dito. May mga customers po na dumadayo rito dahil lang sa kanya.” Ang sagot din ng waiter.

Natawa ang inay. “Ganoon ba? Wow!” ang sagot ng inay. At baling sa akin, “Iba talaga ang karisma ng best friend mo, July!” at baling uli niya sa waiter. “Itong anak ko, puwede rin bang mag-waiter dito?” ang biro ng inay.

“Huwag na ma. Baka magsilayasan ang mga customers nila!” ang sagot ko.

Tiningnan ako ng waiter. At baling niya sa aking inay, “Puwedeng-puwede po! Gusto niyo po sabihin ko sa manager namin? Sigurado akong pagkakaguluhan din po siya ng mga babae at baklang guests namin.” Ang sagot naman ng waiter.

“Nagbibiro lang itong inay ko, pare.” Ang pagsingit ko rin. “Type kasi niya ang mga waiters.” Ang biro ko.

“Huwag mo nga akong ibuking d’yan Julyo!” ang biro din ng inay.

Natawa na lang ang waiter.

Maya-maya ay nakita ko ang waiter na nakausap namin na nilapitan si Jerome. May sinabi siya nito atsaka tinuro ang aming kinaroroonan. Nang ibinaling ni Jerome ang kanyang paningin sa amin, abot-tainga ang ngiti niya nang makita kami. Kahit nakita kong may insaasikaso pa siyang order ay minadali niya ito at halos nagtatakbo na tinungo ang aming mesa.

“Wow! May special guests ako! Kanina pa kayo?” ang sambit niya habang nakipag-beso-beso sa aking inay na tumayo na at niyakap siya.

“Kararating lang namin, Jerome.” Ang sambit ng inay.

“Nag-order na kayo, Steff? Kunin ko ang order ninyo!”

“Nag-order na kami doon sa kasama mo.” Nahinto siya sandali. “Sikat ka pala rito, Jerome!” ang sambit ng inay.

“Hindi naman, Steff. Nagustuhan lang nila ang serbisyo ko.”

“Hmmm. May pa-humble ka pa riyan!” ang biro ng inay.

“Okay sasabihin na nating naguwapuhan sila sa akin.” Ang biro naman ni Jerome.

“Yan ang tinatawag na self-confidence!”

“Yan ang tinatawag na kayabangan!” ang bulong ko naman.

Siguro ay napansin ni Jerome na nagmamaktol ako at hindi ako umimik o ni tumingin sa kanya, nanatiling nakaupo na nakatalikod, binati niya ako. “Musta, Tol?” ang tanong niya habang pasimpleng pinisil ang mukha ko, iyong pagkapisil na kunyari ay ibinagsak niya ang kanyang kamay sa aking balikat ngunit patagong pinisil ang aking pisngi.

“Okay lang.” ang sagot ko rin na hindi pinansin ang pagpisil niya sa pisngi ko.

“Ah okay. Mabuti naman.” Ang sagot ni Jerome. “Hanggang anong oras kayo rito?” ang tanong niya. At baling sa akin, “Sabay na tayong umuwi, ‘Tol?”

“Samahan ko ang inay.” Ang sagot ko.

“Okay lang ako, ano ka ba.” Ang sagot ng inay. At baling kay Jerome, “Hihintayin ka ng best friend mo. Sabay na kayo sa boarding house.”

“Hindi, ma. Sasama ako sa iyo. Ano ba ang gagawin ko rito?” ang sagot ko.

“Ito naman. Mag-enjoy. Maraming babae riyan para naman magkaroon ka ng girl friend, para makapag-asawa, magkaroon na ako ng apo!”

“Ma, kung ayaw mong mag walk out ako rito, huwag mo akong pilitin.”

“Ito naman, ang KJ! Di ba sabi ko mag enjoy tayo? Di ba sabi mo mag open up ka upang maranasan mo namang mag-enjoy. Hindi puro pagka-boring lang ang inaatupag mo?”

“Ma, okay lang ako. Kung gusto mong maghanap ng lalaki rito, ikaw ang maiwan. Wala akong problema. Ngunit uuwi ako ng maaga at may gagawin pa ako!”

“Akala ko ba ay nagpunta tayo rito upang mag-enjoy!” ang inis na sambit ng inay.

“Nag-enjoy ako ma! Ganito lang talaga ako kung mag-enjoy!” ang sarkastikong sagot ko rin.

“Hayaan mo na si utol, Steff. Ganyan talaga siya. Naintindihan ko iyan. Sige at may aasikasuhin pa akong customers. Tawagan niyo lang ako kapag kailangan ninyo ng kung ano ha?” ang sambit ni Jerome habang nagmamadaling tumalikod at umalis.

Nang wala na si Jerome, pinagsabihan naman ako ng inay. “Ikaw talaga, na-offend mo si Jerome.”

“Hayaan mo siya, ma.”

“Ano ba ang nangyari sa iyo?”

Hindi na ako nakasagot sa tanong na iyon ng inay. Pati ako ay hindi ko rin maintindihan ang aking sarili. Ang akala ko kasi ay mag-enjoy ako na makita si Jerome. Ngunit nang makita ko ang mga babaeng lumalandi sa kanya, sobrang nalungkot ako. Nagseselos. Ewan...

Maya-maya ay nag-announce ang vocalist ng banda bago ito tumugtog. Lalo pa akong naimbiyerna.

“The next song is lovingly dedicated to our most handsome waiter, Mr. Jerome Guzman, from his No. 1 fan and friend Shiela of table No. 8” Sabay palakpakan ng mga tao at ang pinakamalakas na palakpak at hiyawan ay ang mga babaeng nasa table #8.



Our little conversations are turning into little sweet sensations
And they're only getting sweeter every time
Our friendly get-togethers are turning into visions of forever
If I just believe this foolish heart of mine

I can't pretend that I'm just a friend
'Cause I'm thinkin' maybe we were meant to be

I think I'm fallin', fallin' in love with you
And I don't, I don't know what to do
I'm afraid you'll turn away
But I'll say it anyway
I think I'm fallin'(fallin') for you
I'm fallin'(fallin') for you

Habang kinakanta ng vocalist ang kanta, nakangiti naman si Jerome habang nakaharap sa kinaroroonan ng mga babaneg nasa table #8, kumaway kaway pa. Ngunit nang nakita niyang tinitingnan ko siya at nakasimangot ang aking mukha, bigla rin siyang nahinto sa pagkaway-kaway at umayos. Mistula siyang isang dalagitang naglalandi at nang nakita ng magulang ay nahinto ito sa takot at biglang nag-behave.

“Aba... at may padedication si mayor!” ang sambit naman ng inay. “Hindi ako papayag niyan!” dugtong niya habang hinugot ang tissue sa lagayan nito at may isinulat. “Kung si mayor ay may pa dedication, hindi padadaig si mayora!” Tinawag niya si Jerome at nang nakalapit na, iniabot ng inay ang tissue na may nakasulat. “Paki-bigay sa banda, Jerome.”

“Sa iyo galing Steff?” ang tanong ni Jerome.

Tiningnan ako ng inay. “Hmmm... sabihin na lang nating galing sa utol mo.” Turo sa akin.

Napangiti si Jerome habang tiningnan ako, kumindat. “Okay...” ang sagot sabay talikod at inabot ang papel sa banda.

Sinimangutan ko naman ang inay, tinitigan siya nang matulis. Nang nakalayo na si Jerome, sinumbatan ko siya. “Ba’t naman ako ang nasali riyan?”

“Hayaan mo na. Nakakahiya naman kung ako, eh.”

“Gagawa-gawa ka ng dedication tapos mahihiya ka?”

Maya-maya lang ay binasa na ng singer na babae ang dedication. “This song is dedicated again to our most handsome and star waiter Mr. Jerome Guzman. This dedication comes from Table #12! ‘Pagdating Ng Panahon.’”

Nagpalakpakan ang mga tao na nakatingin sa aming table. Kumaway naman ang inay. Nang tumugtog na ang kanta, doon na ako halos masuka.


Alam kong hindi mo pansin
Narito lang ako
Naghihintay na mahalin
Umaasa kahit di man ngayon
Mapapansin mo rin
Mapapansin mo rin

Alam kong hindi mo makita
Narito lang ako
Hinihintay lagi kita
Umaasa kahit di man ngayon
Hahanapin mo rin
Hahanapin mo din

Pagdating ng panahon
Baka ikaw rin at ako
Baka tibok ng puso ko'y maging tibok ng puso mo
Sana nga'y mangyari yon kahit di pa lang ngayon
Sana ay mahalin mo rin
Pagdating ng Panahon

Hindi ko alam kung sadyang inabangan ni Jerome ang kanta o hindi siya abala sa kanyang mga customer ngunit nakatayo lang siya sa isang gilid at habang kumakanta ang vocalist, paminsan-minsang tinitingnan niya ang table namin. Hindi ko rin lang alam kung ang tinitingnan niya ay ang inay o ako. Ngumingiti siya sa amin. Kumakaway bagamat hindi ako an gkumakaway. Ang inay ko ang kumakaway sa kanya.

“Di ka nahiya??? Ang tanda mo na, nilalandi mo iyong bata?” ang panunumbat ko.

“Di na bata si Jerome, di ba? Atsaka nainis ako sa mga talipandas na babaeng iyon. Kala nila sila lang ang kilala noong tao. Tayo ang mas close sa kanya.” Ang sagot ng inay proud na proud kay Jerome.

“Yaan mo na sila. Bagay naman sila mga bata pa. Para ka na ring talipandas sa pagdedicate mo talaga, at sa ganoong kanta pa! ‘Pagdating Ng Panahon’? Ewww! Asa ka pa!” Ang sagot ko, kinokopya ang madalas sabihin sa akin ni Jerome na “Asa ka pa!” At nang naisip ko na baka akalain ni Jerome na ako talaga ang nagdedicate sa kanya noon. Sinumbatan ko uli siya. “At ako pa talaga ang itinuro mong nagdedicate sa kanya noon. Ano ang sasabihin noong tao sa akin? Bakla?”

“Ang seryoso mo naman. Let’s enjoy na nga lang! No pressures. No stress. No hassles!” ang sagot ng inay na parang wala lang talaga sa kanya ang mga ginagawa niya.

Maya-maya naman ay nakita kong may isinulat si Jerome sa isang tissue atsaka inabot iyon sa banda. Nagtawanan sila noong singer na tumanggap sa papel ni Jerome, parang biniro niya si Jerome ng, “Astig mo talaga pare! Ang dami mong fans dito! Daig mo pa ang banda namin!”

Maya-maya ay binasa na ng singer ang papel na ibinigay ni Jerome, “This song is from your sought-after waiter, Mr. Jerome Guzman. I-dedicate daw niya ito sa sa isang tao na inspirasyon niya. ‘The way you look at me’.”

Naghihiyawan ang mga customers na may gusto kay Jerome. Lalo na iyong mga babae sa Table #8. May sumigaw ring bakla sa ibang table. “Jerome, I Love you!”



No one ever saw me like you do
All the things that I could add up to
I never knew just what a smile was worth
But your eyes say everything without a single word
'Cause there's somethin' in the way you look at me
It's as if my heart knows you're the missing piece
You made me believe that there's nothing in this world I can't be
I never know what you see
But there's somethin' in the way you look at me
If I could freeze some moment in my mind
Be the second that you touch your lips to mine
I'd like to stop the clock, make time stand still
'Cause, baby, this is just the way I always want to feel
I don't know how or why I feel different in your eyes
All I know is it happens every time...
Hindi ko alam kung kanino niya inialay ang kantang iyon. Nagpatuloy na kasi siya sa kanyang trabaho at kumuha ng order sa mga kararating lang na mga customers. Hindi ko na rin pinagtuunan ng pansin pa ang kanta niya. Siguradong para sa isa sa mga babaeng naroon sa bar sa gabing iyon ang kantang iyon.

Eksaktong alas 11 ng gabi nang umuwi kami ng inay. Ayaw pa sana niyang umalis ng bar dahil nag-enjoy pa siya. Ngunit pinilit ko dahil nasaktan ako sa mga babaeng lumalandi kay Jerome at sa tila masayang pakikitungo sa kanila ni Jerome. Ramdam kong doon siya masaya. At ang kasayahan niyang iyon ay nakakapagbigay sa akin ng lungkot. Hindi ko kayang tingnan siya na masaya sa kanila.

Hindi ko na alam kung anong oras siya umuwi ng boarding house. Tulog na ako nang dumating siya. Kinabukasan naman ay buong araw siyang tulog at nagising lang sa oras ng pananghalian.

Dahil nasa loob naman ako ng kuwarto, nagbabasa ng libro, nakita ko ang mismong paggising niya. Kagaya ng nakagawian, wala siyang saplot sa katawan maliban sa boxers na puti. Nang tumayo siya ay kitang-kita ko naman ang malaking bukol sa kanyang harapan. Alam kong tinitigasan siya sa paggising niya sa umagang iyon dahil sa bakat na mahaba at mataba na nakahilis patagilid sa kanyang harapan. Sigurado na kung hindi nakahilis, ang ulo noon ay umusli na sa kanyang garter at umabot sa kanyang pusod.

“Good morning.” Ang sambit niya.

“Good afternoon.” Ang sagot ko na walang emosyon sa mukha at tono ng pananalita.

Nakita kong kinuskos niya ang kanyang mga mata at buhok at pagkatapos ay isiningit niya ang kanyang kamay sa ilalalim ng kanyang boxers, dinakot ang kanyang tigas na tigas na pagkalalaki at inayos. Kahit alam ninyang nakatingin ako ay parang wala pa rin iyon sa kanya. Nakakalibog ang imahe na iyon na tumatak sa aking isip. Bakat ang kanyang tigas na tigas na pagkalalaking nakahilis sa kanyang puting boxers, lapat na lapat naman ang garter ng kanyang puting boxers sa kanyang walang kataba-tabang waistline na kitang-kita pa ang porma ng kangang oblique muscles sa magkabilang gilid at ang mga mala-pandesal na abs sa gitna. At kung titingnan naman ang kanyang hita, bagamat hindi ito kasing tambok kaysa mga wrestler, halata ang mga muscles nito.

Hindi ko maiwasang hindi mapatitig sa kanya. Nang nahuli niya akong nakatitig sa kanya, bigla kong ibinaling ang aking paningin sa libro at itinuloy ko ang aking kunyaring pagbabasa.

Hindi rin naman niya ako pinansin. Tuloy-tuloy lang siya sa lagayan ng kanyang dumb bells at binuhat ito. pagkatapos ay nag push ups siya, nag sit-ups. Hindi ko na mabilang ang repetition sa sobrang dami. Kahit nagbabasa kasi ako ng libro, sa gilid ng aking mga mata ay siya ang aking tinitingnan.

Pagkatapos ay lumapit siya sa akin. Kunyari ay patuloy lang ako sa aking pagbabasa. Hinagod ng kanyang palad ang pawis sa kanyang tiyan hanggang sa kailaliman ng kanyang boxers patungo sa kanyang pagkalalaki at pagkatapos ay biglang ipinahid ang palad niyang iyon sa aking mukha.

“Jerome!!! Tangina! Ang bastos mo! Ano iyon???!!” ang kunyaring pagtatanong ko.

“Kunyari pa to! Kanina lang ay nakatitig ka sa bukol ko eh! Sabay na tayong maligo!” ang sambit niya. Hindi ko alam kung ano ang ibig niyang sabihin.

“Naligo na ako! Maligo ka na!” ang sagot ko na lang.

Dumeretso na siya sa banyo na nakangisi. Pero ako, bagamat may inis akong nadarama sa kanya, inamoy ko pa rin ang pawis na pinahid niya sa aking mukha. Hindi rin naman niya ako nakita. Pinahid ko ang aking palad sa aking mukha atsaka inamoy ang pawis niya na dumikit sa aking palad.

Nang lumabas na siya sa banyo, kagaya nang nakagawian, naroon uli ang signature na pagtapis niya, iyon sobrang baba na kita na ang kanyang bulbol. “Kain tayo sa labas!” ang pag-anyaya niya habang tuloy-tuloy lang siya na tinumbok ang kanyang cabinet, tinanggal ang tuwalyang tapis niya, kumuha ng brief atsaka isinuot iyon. Walang pakialam na tinitingnan ko ang kanyang matambok na puwet.

“Kumain na ako.” Ang sagot ko. “At saan ka naman nakakulembat ng pera?”

“Tip! Marami akong natanggap na tip. It’s time na ako naman ang taya.” Ang sagot niya habang humarap sa akin na naka-brief lang “Saan na iyong pantalon kong kulay light blue na may slits?” Ang tanong niya. Wala talaga siyang pakitalam na lantad na lantad ang katawan niyang nakaharap sa akin.

Tumayo ako at tinumbok ang kanyang cabinet. Alam ko kasing nalabhan ko na iyon. Nang nakita ko na, hinugot ko ito, padabog na inihagis sa kanyang katawan. “Ayan! Gamitin kasi ang mata, hindi ang bibig sa paghahanap!”

Isinuot niya ang pantalon atsaka kumuha ng puting semi-fit na t-shirt mula sa cabinet. Doon uli ako napahanga sa porma niya. Simple lang ang damit ngunit astig pa rin ang dating. “Tara, kain tayo sa labas!” ang pag-anyaya niya uli.

“Ayoko nga!” ang sagot ko uli.

Ngunit ayaw niya akong tantanan. “Hindi ako papayag na hindi ka sasama sa akin. Tara!” hinawakan niya ang aking kamay at hinila niya ako.

“Ayoko Jerommmmeee!”

“Kung magmatigas ka ay kakargahin kita palabas. Sige ka, pagtitinginan tayo ng mga tao.” Ang sambit niya habang hinawakan ang braso ko at ipinuwesto ang aking katawan sa kanyang balikat.”

“Jeromeee! Tangina!”

Wala na akong nagawa kundi ang sumama. Naka-bike lang kami, dinala niya ako sa down-town at doon ay kumain sa isang sikat na restaurant. Pagkatapos naman naming kumain, dahil may oras pa naman bago ang pasok niya sa bar, niyaya niya akong manood ng sine. Muli akong sumama. Wala akong choice, ayaw niyang tanggihan ko siya. Nang nasa loob na kami ng sinehan, tawa nang tawa siya sa palabas. Ngunit ako, hindi ko masyadong natawa. Sumasagi lagi sa isip ko ang eksena sa bar kung saan ay may mga babaeng lumalandi sa kanya.

Sweet kung tutuusin. Ngunit ang isip ko naman ay nag-aatubili dahil sa katotohanang iiwan din niya ako isang araw. At masakit iyon.

Pagkatapos naming manuod ng sine ay inihatid lang niya ako sa boarding house at dumeretso na naman siya sa kanyang trabaho.

Iyon na ang naging routine namin. Sabay kami sa pagpasok sa eskuwelahan at sa pag-uwi naman sa gabi ay ihahatatid niya muna ako sa boarding house bago siya tutungo sa kanyang trabaho. At sa bawat paghatid niya sa akin sa boarding house ay susundan ko siya ng tingin habang pumapadyak siya sa kanyang bisekleta palayo, ang isip ko ay puno ng pangamba na baka sa gabing iyon ay matukso siya may mga babaeng mainkama niya.

Hanggang sa napansin kong may mga pagkakataong madaling araw na siyang umuwi. At isang beses habang hindi ako makatulog, narinig kong may pumarang sasakyan sa harap ng boarding house. Sinilip ko kung sino. Dahil nailawan sila ng poste, nakita kong si Jerome ang sakay ng kotse at kasalukuyang lumalabas. Nang nakatayo na siya sa gilid nito, maya-maya lang ay lumabas din ang isang magandang babae na marahil ay wala pang 30 ang edad, matangkad, sexy, mahaba ang buhok. Nagkuwentuhan muna sila saglit. At doon na ako nagulat sa sunod na nangyari. Hinalikan ng babae si Jerome na gumanti rin sa kanyang halik. Naghalikan sila ng halos isang minuto. Pagkatapos ay nag ba-bye ang babae at bumalik sa kanyang kotse sabay paandar nito.

Mistulang tinadtad ang aking puso sa matinding sakit ng aking nasaksihan. At hindi ko namalayang dumaloy na pala ang aking mga luha. Pinahid ko ang mga ito at naupo sa may reading table, pinilit ang sariling magkunyari na wala akong nakita, na hindi ako apektado.

“Ey! Good morning! Gising ka pa?” ang tanong ni Jerome pagpasok na pagpasok pa lang niya sa kuwarto at nakita akong nakaupo sa harap ng aking study table.

Hindi ko sinagot ang tanong niyang iyon. Bagkus, “Sino ang babaeng iyon?”

“Nakita mo?” ang tanong niya.

“Oo. Naghalikan kayo.”

“Boss ko sa bar... anak ng may-ari.”

“Nasaan ang bisekleta? Ba’t ka niya inihatid samantalang may bisekleta ka naman?”

“Nasa bar. Namilit kasi na ihatid ako...”

Iyon lang. Walang imik na tinungo ko ang aking kama at tahimik na humiga, tumagilid patalikod sa kanya. Siya naman ay tinanggal ang kanyang damit at maya-maya lang ay narinig ko ang paggalaw ng kama niya.

“Bukas, mag-usap tayo.” Ang sambit niya.

Hindi ko na siya sinagot. Sa isip ko ay siguro, kausapin niya ako na aalis na siya sa boarding house at magsama na sila ng babaeng anak ng may-ari ng bar. Sinarili ko na lang ang sakit. Lihim akong umiyak.

Kinabukasan ay maaga akong naligo at nang matapos ay dumeretso ako ng eskuwelahan. Hindi ko na siya hinintay pang magising. Wala rin naman siyang bisekleta at may pera na siya kaya walang dahilan upang samahan ko siya. Hindi na rin ako kumain ng agahan sa boarding house. Sa buong araw ng klase ay mistula akong tulala, hindi makapag-concentrate sa mga lectures. Nang uwian naman, nagmamadali akong lumabas ng campus at nag-abang ng triycle.

Wala pang alas 7 nang nagpang-abot kami sa boarding house.

“Hindi mo man lang ako hinintay?” ang tanong niya kaagad habang umupo sa study table at nakaharap sa akin. Iyon lang ang dahilan upang umakyat pa siya sa kuwarto namin imbes na dumeretso sa trabaho niya, upang kausapin ako.

“Wala ka namang bisekleta, di ba? At may pamasahe ka na. Hindi mo na ako kailangan.” Ang kalmante kong sagot. Hindi ko ipinahalata ang sakit na naramdaman ko.

Hindi siya nakaimik. “Galit ka ba sa akin?”

“Hindi ah. Bakit ako magagalit. Kung galit man ako, hindi sa iyo. Sa sarili ko. Kung masama man ang lob ko, hindi dahil sa iyo, dahil sa sarili ko.” Ang sagot ko.

Natahimik siya. Maya-maya ay tumayo siya. “Maaga akong uuwi mamaya. Alas -10 ng gabi ay nandito na ako. mag-usap tayo.” Ang sambit niya.

Hindi na ako sumagot. May desisyon nang nabuo sa aking isip.

Sabay sa kanyang paglabas sa kuwartong iyon at pagsara niya ng pinto ay agad kong tinungo ang aking cabinet at dali-dali kong inimpake ang aking mga gamit. At bago ako umalis ay nag-iwan ako ng sulat.

“Dear Jerome, sana ay maintindihan mo ako sa desisyon kong ito. Masakit sa aking kalooban na gawin ito ngunit mas masakit na manatili ako rito gayong alam kong walang katuparan itong aking naramdaman para sa iyo. Mistulang tinotorture ko lang ang aking sarili na heto, mahal na mahal kita ngunit hindi mo kayang suklian ang pagmamahal ko, at bagkus ganyang nakikita kang may ibang mga babaeng karelasyon. Nang sinabi mong gusto mo ako dahil naintindihan kita, dahil inaalagaan kita... totoo iyon. Kung maaari lang sana ay habambuhay kitang pagsilbihan, habambuhay kitang alagaan, habambuhay kitang gigiyahn sa tamang landas hanggang sa mabuo mo ang iyong mga pangarap, makamit ang mga minimithi sa buhay. Ngunit sana kung isang robot lang ako na naka-program lang sa ganyang gawain ay wala akong problema. Hindi ko maramdaman ang sakit. Hindi ko maramdaman ang selos. Hindi ko maramdaman ang pagdurugo ng puso ko. Ngunit tao lang ako. Kahit ganito ako, isang bakla, may damdamin din ako, marunong masaktan. Ang sakit lang kasi na habang alam mong mahal  kita, hindi mo naman kayang iwasang hindi magpakalalaki. Naintindihan kita sa sinabi mong, lalaki ka, at hindi kita masisisi riyan. Kaya lang, paano naman ako? Hindi ko kayang utusan ang puso ko na iwasan kita. At habang tumatagal ang pagsasama natin sa boarding house na ito, lalong lumalalim ang pagmamahal ko sa iyo, at lalong tumitindi ang sakit na makita kang iba ang minamahal. Ayaw kong magdusa pa sa isang pagmamahal na alam kong walang patutunguhan. Tila ikamamatay ko ang sakit nito. Isa pa, may trabaho ka na. Siguro naman ay kaya mo na kahit wala na ako, lalo na’t, anak pala ng may-ari ng bar ang girlfriend mo. Baka ibabahay ka niya at aalis ka rin sa boarding house na ito at iiwan ako. Kaya naisip ko na mas maigi nang umalis ako. Baka mas lalo lang akong masaktan. Tama ang sinabi mo, best friend mo lang talaga ako. Ngunit iyong sinabi mong taga-protekta kita, security guard kita, salamat na lang. Sa simla pa lang, alam kong hindi mangyayari ito dahil imposible namang magsecurity guard ka sa taong wala sa tabi mo. Sa iba na lang, doon ka na lang magsecurty guard sa taong mahal mo, sa taogn lagi mong kasama. Oo nga pala, sabi ng inay ay huwag mo nang isipin ang pagbayad sa motor ko, pati ang gastos namin sa pagpa-ospital mo. Okay lang daw iyon... Sana, Jerome ay kahit hindi na tayo roommate, hindi mo malilimutan ang mga sinabi ko sa iyo. Sana ay magpakabait ka, gawin ang tama, at huwag nang mambully. Sana ay hindi mo malilimutan na sa boarding house na ito ay may isang taong ang pangalan ay July na nagmahal sa iyo. Hangad ko ang iyong kaligayahan. Alagaan mo palagi ang iyong sarili. Mahal na mahal kita. Ang iyong dating roommate, -July”

Inilagay ko ang sulat na iyon sa ibabaw ng study table ni Jerome.

Nang nasa baba na ako ng boarding house ay tamang-tama naman ang pagdating ng inay. Tinwawagan ko kasi siya at sinabi kong aalis na ako sa boarding house na iyon.

“Diyos ko! Ano na naman ito, Julyo! Hindi kita maintindihan! Noong ilang araw lang ang nakaraan ang sabi mo ay masaya ka na kay Jerome, tuwang-tuwa ka pa sa kanya dahil mabait naman pala ito at nagkasundo kayo sa maraming bagay. Tapos ngayon ay heto, aalis ka? Anong nangyari?”

“Ma... puwede bang mamaya ko na sasabihin? Kumain muna tayo. Dalhin mo ako sa restaurant, iyong may beer. Gusto kong maglasing upang masabi ko sa iyo ang lahat.”

“At natuto ka na ngayong maglasing?”

“Tinuruan ako ng crush mong si Jerome.”

Nilingon ako ng inaya. “Crush? Crush na ba iyon? Kahit ganito ako kalandi, alam kong ang bata pa noon. At hindi ba puedeng naaaliw lang ako sa kanya, naku-kyutan sa ways niya? At anak rin ang turing ko sa kanya?”

Hindi na ako kumibo. Nang nakahanap na ang inay ng isang restaurant, dali-dali kaming pumasok at nag-order ng pagkain at beer.

Lasing na ako nang magsimulang magtanong ang aking inay tungkol sa nangyari. “Ano? Sabihin mo na? Binugbog ka ba niya, pinakitaan ng masamang ugali, pinagsabihan ng masasamang salita? Ano?”

Doon na muling dumaloy ang aking mga luha. Iyon bang feeling na hayan ang inay mo, lahat ng bagay sa iyo ay alam niya, lahat ng sasabihin mo ay naniniwala siya. Lahat ng kamaliang ginawa mo, sa iyong pagkakaalam ay tinanggap niya. Gusto mong mag-unload sa kanya, gusto mong isandal sa kanyang balikat ang bigat na iyong dinadala. Iyong pagod ka na at hindi mo alam ang gagawin at hayan siya, ang nag-iisang taong maaaring makaintindi sa iyo.

“Magsalita ka na Julyo! Ano ba iyan? Bakit?” ang muli niyang tanong.

“Ma... kilala mo ba talaga ako?” ang sambit ko.

“Anong tanong ba iyan, Julyo? Ako ang nagdala sa iyo rito sa sinapupunan ko, ako ang nagluwal sa iyo, ako ang nagpalaki sa iyo. Kaya oo, kilalang-kilala kita!”

“Hindi po ba kayo magagalit kahit ano ang sasabihin kong kasalanan?”

“Diyos ko naman, Julyo! Iyong aso ng kapitbahay natin na nilason mo, ang mamahaling orchid ng isang kapitbahay rin natin na binagsakan mo ng hollow blocks, nagalit ba ako? Inaway ko pa nga ang kapitbahay natin. Ano pa? Iyong anak ng kapitbahay natin na sinabuyan mo ng asin ang mata, nagalit ba ako? Hindi! Pinagalitan ko ang bata kung bakit di niya ipinikit ang kanyang mga mata nang sinabuyan mo siya ng asin!”

“Mama naman eh...”

“Totoo naman, di ba? Kaya magsalita ka!”

Nahinto ako. “Ma... di ba ang sabi mo ay nangangarap kang magkaroon ng apo dahil ako lang at ang lola ang pamilya mo at gusto mo ring maranasan na maging lola? Iyong feeling na maranasan ang naranasan din ng ibang inay na may kumpletong pamilya, may apong inaalagaan?”

“Oo... anong kinalaman niyan sa pag-alis mo sa boarding house at pag-iwan kay Jerome?”

“Hindi mo na kasi iyan maranasan iyan, ma...”

Kitang-kita ko sa mukha ng aking inay ang ibayong pagkagulat. “Ano? Ano ang ibig mong sabihin???”

At doon ko na isiniwalat sa kanya ang lahat kasabay sa hindi ko na mapigilang pag-iyak at paghagulgol. “Bakla ako, ma! At mahal na mahal ko si Jerome, ma...”

(Itutuloy)

9 comments:

  1. Ano kaya ang sasabihin ni Jerome kay July? Ughhh! Can’t wait!

    ReplyDelete
  2. Nakakaadik talaga yung mga gawa ni sir Mike..

    ReplyDelete
  3. Wow! ang tapang ni julyo. Pero alam ko, alam ng inay nya yun, nagpapanggap lang sya na walang alam. Magaabang na naman ako ng kasunod nito. Dapat dina lang muna sya umalis, mas lalo lang sya masasaktan, saka nalang sya dapat umalis pag naunang umalis na si jerome. Para isang bagsakan nalng ng sakit. Kesa nmn sa umalis sya, lagi parin nya maiisip yung nakasanayan nya, lalo na yung nakikita nya sa kwarto. At lalon-lalo na ang mapa hindi na nya maaamoy, hahaha.

    OC

    ReplyDelete
  4. I love you kuya Mike :)

    ReplyDelete
  5. ow shesmet.. SUPER exciting... wew... I think yung kanta na Pag dating ng panahon.. dedicated ng inay ni july kay july at jerome. tapos alam na ata talaga ng inay niya na Bading si july ehh.... hinihintay lang talaga na umamin si july. and for Jerome.... haysss. ambut sa imu. ... haha. Galing mo talaga KUya mike.... THE BEST KA TALAGA... petmalu Lodi isa kang alamat. hehehe

    ReplyDelete
  6. note po pala... sana po wag i pressure si kuya mike na mag update agad ng story.... more patience po mga kuys... may work po siya.. mahirap mag type sa keyboard ng laptop the worst is sa cp lang yung typing. .. tapos double check pa niya if may typo errors... tapos busy sa lovelyf hehe charot. Loveyou kuya mike.. 😁😁😁😁😁😁

    ReplyDelete
  7. HAHAHHA IM FROM 2021

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails