Followers

Tuesday, June 12, 2012

Dream On Chapter 6



DISCLAIMER: This story is a work of fiction. Any resemblance to any person, place, or written works are purely coincidental. The author retains all rights to the work, and requests that in any use of this material that my rights are respected. Please do not copy or use this story in any manner without my permission.



Nagulat ako sa kanyang ginawa. Hindi ako makagalaw o makaimik. Para saan naman kaya iyong halik na iyon sa aking pisngi? Hindi ko inaasahan ang ganong kaganapan. Ang weird. Kahapon, tinulungan nila ako sa pagkakabugbog sa mga adik na yun. Tapos ngayon gumising ako ng gulong gulo ang isip sa mga nangyayari, sa mga pinagsasabi sa akin ni Renz. Tapos hindi man lang ako sinagot ng deretso para man lang sana ay malinawan ako sa mga nangyayari. At magpasalamat sa lahat ng itinulong nila sa akin. Ngayon, hinalikan ako. Iyon ba ang kapalit ng mga ginawa nilang pagtulong sa akin? O dala lang ng bugso ng kanyang damdamin? Di ko alam. Pero ang alam ko, may namumuo ring kung ano dito sa puso ko. Alam kong mabuting tao siya kahit ngayon pa lang kami nagkita.Ako ngayon ko pa lang siya nakita pero sya, ang dami na niyang alam sa akin. Alam ko ring hindi siya mahirap mahalin. Pero baka naman nag-aasume lang ako na mahal nya nga rin ako? Baka panaghinip lang talaga ang nangyari kanina. Pero hindi eh, totoo ang lahat nang iyon. Dama ko. Damang dama ko.

“P-pasensya ka na. Di na mauulit. Pasasalamat ko yun sa iyo dahil sa wakas nandito ka na, hindi na namin hinahanap, at ligtas ka na.” saad sa akin ni Renz sabay lingon sa kalangitan. Malalim ang iniisip. Tahimik.

Mga ilang minuto pa ang nagdaan matapos akong halikan ni Renz sa pisngi ay wala sa aming nagsasalita. Nakatingin lang siya sa ganda ng kalawakan noong mga gabing iyon. Ako naman ay ganon rin at nakikiramdam kung anong mangyayari.

“Tara na! Pasok na tayo sa loob. Mahamog na eh. Baka mas lalo kang magkasakit nyan” saad sa akin ni Renz sabay tayo at pagpag ng kanyang pantaloon sa may pwetan dahil may mga buhanging dumikit dito sa kanyang pagkakaupo. Inalalayan naman niya ako upang makatayo. Paika-ika akong naglakad dahil sa sakit ng katawang dinanas ko kahapon at nadagdagan pa ata kanina noong nagkanda dapa-dapa na ako sa paghahanap sa ulupong na ito.

Napansin yata niya na hirap ako sa paglalakad. “Kasi naman ehh. Sumunod pa kasi.”Mahinang sambit niya ng paninisi ngunit rinig ko pa rin. Hindi na lang ako nagsalita pa.

“’lika, buhatin na kita.”sabi sa akin nito. Mula sa harap ko ay umupo siya upang madali akong makasampa sa kanyang likuran. Napatigil naman ako sa kaba at hiya.

“Ano na?”dagdag pa nito pagkatapos ng ilang minutong paghihintay niya dahil hindi pa ako nakasampa sa kanyang likuran.

Dala ng hiya at hindi ko na din kaya ang sakit ng katawan dahil pasa pasa pa ito, sumampa na ako sa kanyang likuran. Hawak niya ang dalawang binti ko at ako naman ay nakayakap sa kanya mula sa likuran. Ang init ng kanyang mga balat. Tumatagos ito sa kanyang pulang t-shirt na suot. Pumikit ako habang binabaybay ang daan pauwi. Hindi man sinasadya, amoy ko ang kanyang pabango. Ang sarap niyang amuyin dahil sadyang napakabango nito.

Nagulat ako noong minulat ko na ang aking mga mata. Hindi ko namalayan na nasa loob na pala kami ng bahay dahil nakapikit ako at abala sa pagsamyo ng kanyang amoy na nakakadala. Napakasarap ding mahimlay sa kanyang mga bisig dahil matitigas ito. Parang ligtas na ligtas ako sa kanya. Napakapayapa ng pakiramdam. Napakagaan sa loob.

“Sige. Dito ka muna sa likod ko. Nag e-enjoy ka pa naman eh. Masarap bang humuga sa likod ko?”ani nito na may pangisi ngisi pang nalalaman.

“P-pasensya ka na. Di ko kasi nakita na nasa loob na tayo. Nakapikit kasi ako eh. Pasensya ka na talaga.” Saad ko rito nang nahihiya. Tumitig pa sa aking mga mata ang gagong ito kaya naman namula pa lalo ang pisngi ko sa kaba at hiya. Talagang nakakabighani ang kanyang mga mata. Kung talagang nakakatunaw lang ang mga mata nya sa titig ay kanina pa ako tunaw sa pagkakatutok niya sa akin. Ano nga ba ang meron ako? Sabi ko na lang sa sarili ko.

Bigla siyang lumapit sa akin. Mukha sa mukha habang nakatitig pa rin. Samyo ko ang kanyang preskong hininga. Ilang pulgada na lang ang layo ng aming mga labi at magkadikit na ito. Para naman akong mahihimatay. Tumigil ang aking paghinga. Bumilis ang tibok ng puso. Pati ang oras nang mga panahong iyon ay sa tingin ko ay huminto na rin.

“M-maaa…”saad sa akin nito na hindi tinuloy."Mahal niya ako?"tanong ng aking isipan. Hindi ko alam ang gagawin.Para niya akong hahalikan sa pagkakalapit ng kanyang mukha sa akin. Pumikit na lang ako at nagpaubaya sa gusto niyang gawin.

“M-may dumi ka sa mukha.”sabi niya at sinabayan pa ng tawa. Para akong tuod na nakatayo. Nahihiya. At para hindi ako gaanong mapahiya, “Oo nga. Kaya nga ako pumikit. Kala ko kasi kukunin mo eh. Di ko kasi alam kung saan banda. Baka kumalat lang.”

Tinanggal naman niya ang dumi sa aking mukha. Tawa pa rin siya ng tawa sa mga nangyari. Para siyang ewan katatawa. Nanatili naman akong nakatayo at sa sobrang hiya ay pulang pula ang aking pisngi. Natigil lang siya sa katatawa noong nag ring ang kanyang telepono. May kinausap siya dito. Lumayo siya. Nag iba bigla ang kanyang aura. Sumeryoso. Malungkot. Hindi ko rinig ang kanilang pag-uusap ng nasa kabilang linya ngunit alam ko sa kanyang mga reaksyon na importate ang kanilang pinag uusapan.

Matapos ang kanilang pag uusap ay isinilid niya ang kanyang telepono sa kanyang bulsa. Tatanungin ko sana siya kung sino yung kausap nya. Kung ano pinag usapan nila at kung bakit siya nalungkot pero wala akong karapatang tanungin iyon. Wala sa lugar.

Lumapit siya sa akin. “Halika duon muna tayo sa sala. Nood tayo ng tv.” Sambit niya sa akin ngunit wala ni isang emosyon sa kanyang mukha. Napakalalim niyang tao. Bumalik ang Renz na kaninang nakita ko sa tabing dagat. Seryoso. Malungkutin.

“Wag mong isipin ‘yon. Mahal ka din nun.”sabi ko na lang sa kanya para naman mag iba ang atmospera sa bahay na iyon. Ewan ko nga din ba kung bakit iyon ang nasabi ko. Pero effective naman ata. Nakita ko siyang parang isang batang binigyan ng candy. Sumigla at ngumiti.

“Talaga? Sabi mo yan ha. Walang bawian. Hahaha”sabi nito sa akin nang puno ng sigla. Umusog pa ito sa patabi sa akin sa pagkakaupo sa sala.

“H-ha? Ano ba kasi iniisip mo? Dahil ba yun sa tumawag sayo kanina?” bigala kong naitanong sa kanya dahil baka makatulong ako kung sakali man. Umisog ako ng konti dahil dikit na an gaming mga katawan sa pagkakausog niya. Malawak naman ang upuan ngunit pilit pa rin niya isinisiksik ang kanyang sarili palapit sa akin.

“Si kuya tumawag kanina. Nasa ospital daw si Madam.Baka sa kabilang lingo pa ang uwi nila at tatapusin pa daw ang inaasikaso nilang papeles.”sambit niya ngunit ngayon, nakaplaster na ang kanyang mga ngiting nakabibighani.

“Bakit? Anong nangyari kay Madam?” bigla ko namang tanong dahil curious ako kung bakit ganun na lang siya naging malungkot at nag iba bigla ang kanyang aura noong may nakausap ito sa kanyang telepono. Inisip ko na lang na iyon nga ang dahilan nang kanyang pagkalungkot ngunit parang may mali eh. Parang iba ang dahilan. Iwinaksi ko na lang ito sa aking isipan dahil ayoko nang mag-isip pa ng bagay na hindi naman abot ng aking pang unawa.

“Wala naman. Tumaas daw lang ang presyon niya kaya nag pa check up na rin sila sa ospital.”sagot naman niya.

“A-ahh yun naman pala ehh. Okay lang naman pala si Madam ehh. Ano pa ikinababahala mo dyan?”curious pa rin at gusto kong malaman ang tunay na dahilan baka kasi mapiga ko siya.

“Wala. Baka kasi magkasala ako. Tayong dalwa lang dito sa bahay. Walang ibang tao. Walang storbo.”Sambit niya sabay halakhak.

“Inaantok na ako.” Sabi ko dito para lang makaiwas na sa tukso at kung ano pa mang iniisip nito.

“Sige. Tulog na!”sambit niya sabay turo ng kanyang mga bisig. Alam ko ang kanyang gustong ipahiwatig. Na duon ako humiga sa kanyang mga makikisig na braso.

“Papasok na ako sa kwarto.”Saad ko naman dito. Gusto ko na talaga makaalis duon. Alam ko kasing may binabalak siya. Ewan ko nga ba kung meron talaga o ako lang itong nagbibigay ng maling motibo.

Tumayo na ako sa pagkakaupo ko sa sofa upang tunguhin ang silid na tinulugan ko kanina. Bigla naman akong natisod noong humakbang ako. Sinadya ni Renz na iharang ang kanyang mga paa upang matisod ako. Mabuti na lang at mabilis ito’t nasalo ako at hindi natuluyang matumba sa sahig. Ang seste eh, nahahiga naman ako sa kanyang mga hita.

“Sabi na kasing dito ka lang eh.”Saad sa akin nito. Di ko alam na may pagka sadita din ang taong ito. Bumalik na lang ako sa pagkakaupo ko at nanood na lang ng cartoons na pinili naman niyang panoorin. Kahit wala naman akong hilig manood ng ganong palabas ay naaliw naman ako dito. Nasanay kasi akong pagbabasa lang ng libro ang tanging libangan dahil wala naman kami noong tv.

Hindi ko na namayalan na nakatulog na pala ako sa kanyang mga bisig. Nagising na lang ako noong umungol ito na para bang nananaghinip. “Di ko yata kayang mawala ka. Ngayon pa’t nandito ka na sa tabi ko. Di ko kayang itago pa ang nararamdaman ko para sa iyo.”sambit niya habang nakapikit pa rin. Tulog ngunit nagsasalita.

Inusisa ko siya kung tulog nga ba o kung nagtutulugtulugan lang. Niyugyog ko siya ng bahagya. Wala pa ring nagbago sa kanyang hitsura. Malalim pa rin ang kanyang buntong hininga. Malalim pa rin ang kanyang tulog. “Nananaghinip nga.”sabi ko sa sarili ko.

Inayos ko ang aking pagkakahiga sa kanyang mga binti. May nakapatong ditong unan para hindi siya gaanong mangalay. Tinitigan ko siya. Talaga naman napakagwapo niya. “Pag ako niligawan mo. Sasagutin kita agad” sabi ng aking malanding utak. Matagal na akong naghahanap ng lalaking tatanggap sa aking pagkatao. Mamahalin ako kung ano ako at hindi kung ano ang meron ako. Yung kaya akong ipaglaban sa lahat. Iyong kayang ipagsigawan sa buong mundo na mahal niya ako. Ngunit kelan kaya ako makakatagpo ng lalaking ganon sa kabila ng pareho naming kasarian. Ngunit hindi pa rin ako tumitigil mangarap at umasa na baling araw ay may darating din para sa akin. Kelangan ko lang atang maghintay.

“Salamat…at patawad.” Muling sambit niya habang nananatili pa ring tulog. Para saan naman kaya ang mga katagang iyon na kanyang binitawan? Bumalik na lang ako sa pagkakatulog dahil antok pa ako at wala din naman akong makukuha kung tititigan ko lamang siya at maghihintay ng kanyang sasabihin habang siya ay tulog.

Naalimpungatan na lang ako nang hinahaplos ang aking noo. Maya maya pa ay may dumampi ang kanyang mga labi sa aking labi. Hinalikan niya ako. May naalala ako sa mga halik na iyon. Parehong pareho iyon noong isang gabing nananaghinip ako sa burol. Pareho ang bilis ng tibok na nararamdaman ko noon. Parehong init ng katawan ang naramdaman ko sa kanyang pagkakayakap sa akin. Parehong tamis ng kanyang mga halik at aking nalasahan. Perehong pareho talaga. Napaisip tuloy ako kung talaga nga bang panaghinip lang ang nangyari sa akin noon nung makatulog ako sa may burol. Ngunit hindi ehh alam ko sa sarili ko na tunay ang mga iyon dahil damang dama ko. At ngayon nga ay naulit pa. Ngunit si Rolly ang nandon nung mga gabing iyon. Hindi si Renz. O baka naman sa sobra kong paghanga kay Rolly ay siya lang ang nakita ko imbes na si Renz.

Minulat ko ang aking mga mata. Nabigla ito’t napako ang mga mata niya sa aking mga mata.

“Sabi na nga ba at ako ang Prince Charming mo eh. Kita mo, nagising ka sa halik ko.hehe Para ka kasing si Sleeping Beauty. Kanina pa kasi kita ginigising, ayaw mo magising kaya sinubukan ko kung magising ka sa halik ko. He he he” palusot niyang sambit sa akin habang tawa siya nang tawa.

“Masarap ba matulog sa binti ko?” dagdag pa niyang tanong. Hindi ko na lamang pa ito sinagot at nag umpisa na akong mag inat inat. Kinuskos ang mga mata. Tinungo ko ang banyo upang manghilamos. Sumunod naman si Renz sa akin. Dalawa kami ngayong nasa iisang banyo. Naghihilamos. Bigla naman akong nakarinig ng pag tunog ng kanyang tiyan. Humagalpak ako sa tawa.

“P-pwede ako na lang mag luto?” paalam ko dito nang nahihiya ngunit nananatili pa rin akong nakangiti at natatawa dahil sa pag tunog ng kanyang sikmura.

“Kumain ka ba kagabi?”dagdag na tanong ko pa dito.

“Nakalimutan ko nga kumain eh.”

“Kaya naman pala.” Sinamahan na niya ako sa kusina upang maumpisahan ko na ang pagluluto. Sinangag ko ang kanin at nag prito ako ng itlog at hotdog. Habang nagluluto naman ako ay tinitingnan niya ang aking ginagawa mula sa aking likuran. Sinisiksik niya ang kanyang sarili sa akin.

“Renz!!!” malakas na tinig na nagpakaba sa akin. Nahulog ang sandok na gamit ko noon dahil sa pagkakabigla sa pagtawag nito. Nilingon ko ang pinanggalingan ng tinig na iyon.

“Ikaw?!”

Itutuloy...

No comments:

Post a Comment

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails