Followers

Friday, June 29, 2018

Ang Roommate Kong Siga [17]


My Mother, the Heroine

By Michael Juha

“Julyo! Kung ayaw mo akong tigilan, ibubunyag ko talaga ang pinakatago-tago mong sikereto, sige ka!” ang pabirong banta sa akin ng aking inay sa harap ng mommy ni Jerome habang nakaupo kami sa damuhan sa isang private park kasama ang mga anak niyang sina Jason, Jonas, Jerome na nakaupo rin at pinalibutan ang nakalatag na mga baon na pagkain.

Araw iyon kung saan ay naisipan ng mommy ni Jerome na mag picnic. At pabirong binantaan niya ako ng ganoon dahil tinanong siya ng mommy ni Jerome kung wala bang nanliligaw sa kanya dahil bata pa naman daw siyang tingnan, sexy, at maganda pa. Kaya sumingit ako sa pagsagot ng “Mayroon! Si Mang Kanor! Love na love siya noon!” Doon siya napa-mura. Ayaw na raw niyang makarinig sa pangalang iyan.

Napahalakhak ang mommy ni Jerome sa pabirong pagbabantang iyon ng mommy ni Jerome. “May pinakatago-tagong sikreto pala itong si July ha?” ang pag-react niya sa sinabing iyon ng inay.

Gusto kong dilatan ng mata ang inay nang binanggit niya ang “pinakaiingat-ingatan kong sikreto”. Ngunit bago ko pa man nagawa iyon, sinagot na niya ang mommy ni Jerome. “Mayroon iyan. Pareho kami ng kulay ng dugo niyan. Pareho kami ng sexual preference, boys. Like mother, like daughter!” ang excited na pabirong sagot ng inay. Feeling proud pa siya.

Mistulang isang bombang sumabog sa aming harapan ang pabirong sinabing iyon ng aking inay. Lahat kami ay natigilan. Ang mommy ni Jerome ay nanlaki ang mga matang nakatitig sa inay, sina Jason at Jonas ay nagkatinginan saka ibinaling ang kanilang mga tingin kay inay, si Jerome naman ay nahinto sa kanyang pag-inom ng tubig at tiningnan ako samantalang ako naman ay nakatitig sa inay at nanggalaiti sa inay. Kung nagkataong kami lang dalawa ang naroon sa sandaling iyon ay binulyawan ko na talaga siya..

Hindi naman nahalata ng inay ang aming reaksyon. Kakagat na sana siya nag mansanas nang doon na niya napansin na haninto kaming lahat at nakatitig sa kanya. Iyong nagtaka kung bakit biglang naging seryoso ang lahat at nakatuon sa kanya ang aming paningin. At kagaya ng isang taong guilty at biglang narealize ang pagkakamaling lumabas sa kanyagn bibig, binitiwan niya ang ngiting-pilit, tumawa ng hilaw, at todo paliwanag. “Ay hehe, ang ibig kong sabihin, kung nagkataong babae lang itong anak ko ay pareho sana kami ng hilig. Mother and daughter sana kami. Tingnan mo naman ang mga hitsura namin, di ba magkamukha naman talaga kami?” ang pilit na pangangatuwiran ng inay.

Tumango-tango naman si Jerome. Suportado niya ang inay. Ngunit ako, kinakabahan na pinagmasdan ang reaksyon ng mommy ni Jerome.

“Huwag na nga nating pansinin iyong sinabi ko sa iyo, Grace... alam mo namang palabiro talaga ako, ehehehe.” ang sambit ng inay na obvious ang pagka-guilty. Lalo na’t napansin niya ang lihim kong pagdilat sa kanya, tila nanginginig siya sa pagkataranta.

Ngunit hindi tumawa ang mommy ni Jerome. Nanatili siyang seryoso habang kinokolekta ang mga basura namin at inilagay ang mga ito sa isang plastic. “Jason, Jonas, itapon niyo nga ang mga ito sa basurahan!” ang utos niya sa dalawa.

“So matagal mo nang alam na kakaiba si July?” ang tanong ng mommy ni Jerome nang kaming apat na lang ang naiwan.

“Eh...” ang naisagot lang ng inay na biglang lumungkot ang mukha na tiningnan ako. Wala naman talaga siyang kawala sa pagcorner sa kanya ng mommy ni Jerome.

Yumuko na lang ako, nakaramdam ng matinding kaba.

“A-anak ko kasi iyan, Grace eh. Syempre, bilang ina, kung may isang tao man sa mundo na mas nakakakilala sa kanya, walang iba iyon kundi ako. Kaya oo. Matagal ko nang alam...”

Kahit nakayuko ako, ramdam kong tinitigan ako ng mommy ni Jerome. Nang inangat ko ang aking ulo upang tingnan siya, nakita ko namang kay Jerome nakatutok ang kanyang mga mata. Alam kong may pagdududa ang kanyang isip sa estado namin ni Jerome. Malakas an gkutob ko na naghinala siya kung may relasyon kami.

Hindi na umimik pa ang mommy ni Jerome. Natahimik na rin kami. Tila nakakabingi ang katahikan na bumalot sa amin sa sandaling iyon. Maliban sa ingay ng iilang bata na naglalaro sa di kalayuan, animoy naging isang sementeryo ang lugar na iyon sa biglang pagtahimk namin. Iyong nasa gitna na sana kami ng pagbubunyi sa matinding kasiyahan ngunit biglang nagbago ang mood sa isang iglap lang. Mistula kaming namatayan. Kulang na na lang ay mag-iiyakan.

“Masyadong close sina July at Jerome...” ang pagbasag ng mommy ni Jerome sa katahimikan.

“Magbest friends lang kami, Mom. Walang malisya ang aming pagiging close sa isa’t-isa.” Ang sagot naman ni Jerome.

“Oo nga pala. Babalik na bukas ang asawa ko. Kung hindi lang sana malaking problema na malaman niya na may anak ako sa labas, gusto ko sanang sa bahay na si Jerome manatili. Gusto kong nariyan ako upang giyahan siya sa tamang landas, hindi mapahamak sa kung anu-anong barkda, kaibigan, o grupo.” Ang paglihis ng mommy ni Jerome sa topic.

“Mom... malaki na ako. Sila ang dapat na matakot sa akin. Kaya kong alagaan ang sarili ko. Kaya huwag niyo na po akong intindihin. Okay lang ako, kung iyan ang inaalala mo.”

“Ito na rin siguro ang huli nating pagtatagpo o bonding. Ayokong matuklasan ng aking asawa na nakikipagkita ako sa mga taong hindi niya kilala, at lalong-lalo na kay Jerome. Malaking problema ito kapag nagkataon.”

“Naintindihan namin, Grace. Ngunit hanggang kailan ka ganyan? Nagtatago?” ang pagsingint ng inay.

“Hindi ko alam. Basta ayokong masira ang aming relasyon, ang aking pamilya. Nasira na ito noon. At tingnan mo si Jerome. Nasira rin ang buhay niya. Ayokong maulit itong muli kina Jason at Jonas.”

“Pero puwede naman akong mag-text at tumawag sa iyo mom, di ba?” ang pagsingit ni Jerome.

“No. Ayokong masilip niya ang aking cellp phone. You have to wait until I call you. Ako lang ang puwedeng tumawag sa iyo o mag text.”

“How about Jason and Jonas ma? Can’t I call them?”

“No.” Ang maiksing sagot niya.

Hindi na umimik si Jerome. Ang inay namn ay ibinaling ang topic sa masarap sa pagkain at ganda ng ambiance.

Natapos ang aming picnic na mistulang tulala kaming tatlo ni Jerome at ang aking inay. Habang nagda-drive ang inay, tila nagswitch siya sa ibang pagkatao. Kung nakagawian na niyang mag-ingay at magbiro, sa pagkakataong iyon ay tahimik siya. Nabalot ng tensyion ang tagpong iyon.

Hindi rin ako nagsalita. Tumatak sa isip ko na dahil may pahiwatig na siya sa mommy ni Jerome na bakla nga ako, baka ayaw ng mommy ni Jerome na magiging malapit kami sa isa’t-isa, at mas lalo nang ayaw niyang magkaroon kami ng relasyon. Aaminin kong may takot at lungkot akong nadarama. Gusto ko mang mainis sa inay, hindi ko rin magawa dahil alam kong ang intensyon niya kung bakit lumabas ang mga salitang iyon sa kanyang bibig ay ang magpatawa, mag-ingay upang sumaya ang aming bonding.

Hindi ko rin alam kung ano ang nasa isip ni Jerome. Ipinagpalagay ko na lang na ang ikinalulungkot niya ay iyong pagbabawal ng kanyang mommy na magkita sila at ng kanyang mga kapatid.

“Ba’t ka naman nag-emote d’yan?” ang pabiro kong tanong sa inay, pagbasag ko sa katahimikan habang patuloy lang siya sa pagda-drive na animoy napakalalim ng iniisip.

“Hayyy... na-guilty lang ako.” ang sagot niya na napailing.

“Huwag kang mag-alala Mommy Steff. Ako na ang bahala sa mommy ko. I’m sure wala iyon sa kanya. Baka naguluhan lang siya dahil nga darating na ang asawa niya at hindi na niya puwedeng makipagkita o magawa ang mga nakagawiang ginagawang bonding natin.”

“See? Ang OA mo lang talaga, ma.” Ang pagsegunda ko naman. “Kung nandito lang sana si Mang Kanor upang magtirik ng halik d’yan sa mga labi mo, siguradong mapapawi na ang iyong guilt.”

“Putanginang Kanor iyan!” ang biglang pagbulyaw niya. “Tingnan mo? Kahit wala iyan dito, sa pangalan pa lang ay napakamalas na! Iyang pangalan na iyan ang dahilan kung bakit biglang lumabas sa bunganga ko iyang pisting linyang ‘Like mother like daughter’! Kaya huawag mo nang mabanggit-banggit ang pangalan ng animal na iyon!

“Totoo naman Mom Steff. ‘Like mother, like daughter’ naman talaga kayo eh. Ang kaibahan niyo lang, medyo pabebe itong daughter ninyo. Ngunit ikaw...”

“Fuckgirl!” ang bigla kong pagdugtong sa sinabi ni Jerome.

Napatingin bigla ang inay sa akin na lumaki ang mga mata sabay abot ng kaliwa niyang kamay sa aking ulo at sinambunutan ako. Nang nakita ito ni Jerome na nakaupo sa likuran namin, pabirong nakisambunot din siya.

Hinawakan ko na lang ang ulo ko at hinayaan sila sa kanilang ginawa.

“Kapag nabangga tayo, punyeta ka ay ikaw ang may kasalanan. Fuckgirl ka d’yan. Paano maging fuckgirl itong inay mo. Hindi na nga tumatayo iyong ari ng magpa-fuck, di ba?” Ang sambit ng inay. “At anong ititirik? Halik? Ano yang halik na iyan, monumento? Park ba itong bibig ko?”

“Bakit park?”

“Tirikan ng monumento!”

Iyon na. Nag-iingay na naman ang aking mahal na inay. “I love you, ma...” ang sambit ko habang inilingkis ko ang aking bisig sa baywang niya. Gusto ko kasing tiyakin sa kanya na hindi ako galit sa sinabi niyang iyon sa mommy ni Jerome at hindi siya makaramdam ng guilt sa sairli.

“I love you too, anak. Pasensya na, hindi ko naisip na hindi pa pala alam ng mommy ni Jerome ang tungkol sa sikreto natin eh. Nalimutan kong tayong tatlo lang ni Jerome ang may alam noon. Pero di bale, babawi ako.”

“Okay lang iyon, ma. Mas maganda nga ang ganoon na alam ng mommy ni Jerome na ganyan ako. Kung tatanggapin man niya ako, mas okay. Pero kung hindi, wala akong magagawa. Para sa akin, tanging ang pagtanggap mo lang ang pinakamahalagang bagay. Kahit ikaw lang ang nag-iisang taong tatanggap sa akin sa buong sanlibutan ay masaya na ako.”

Hinawakan ng aking inay ang aking bisig at pilit na isinandal niya ang kanyang ulo sa aking balikat.  

Binatukan naman ako ni Jerome. “Bakla! Tanggap kita ah!” ang sambit niya.

Napahaplos ako sa aking ulo na binatukan. Nilingon ko si Jerome at binulyawan. “Kung tanggap mo ako, tanggap! Iyon na iyon! Ba’t ba kailangang tawagin mo akong bakla?! Hayop ka! Alam mong ayokong tawagin ng ganyan!”

“Ano ba ang itatawag ko sa iyo? Siga? Tomboy? Babae??? Bakla ka naman talaga eh. At tanggap ko iyon, bakla! Bak! Bak! Bak!” ang pang-aasar niya.

“Aba at inulit pa!” ang bulyaw ko. Pinilit ko siyang abutin ngunit inilayo naman niy ang katawan at umiilag.

Tawa naman nang tawa ang aking inay at si Jerome. At dahil hindi ko siya mahagip, sumuko na lang ako. “Bakla pala ha... pwes ang tawag ko rin sa iyo, Tamilok! Tam! Tam! Tam! Mr. Tam!” at may pakanta-kanta pa.

“Bakit naman tamilok?” ang tanong ng inay.

“Iyong kanya, hindi tumitigas. Parang tamilok.”

“Hindi ka kasi marunong magpaligaya ng lalaki.” Ang sagot ni Jerome.

“At kasalanan ko pa ngayon?”

Napangiti naman ang inay. “Hanapan mo kasi ng diskarte...” ang pagsingit niya.

Napalingon ako sa kanya. “Ma... kung si Mang Kanor nga ay hindi mo kaya, ganoon din ako. Like mother like daughter nga, di ba?”

“Next topic please.” Ang sagot ng inay.

Tawanan.

Iyon, napunta rin sa biruan ang lahat.

Isang araw, dahil na-miss daw ni Jerome ang kanyang dalawang kapatid, sinuway niya ang bilin sa kanya ng kanyang mommy na huwag nang magpakita sa kanyang mga kapatid. Kasama ako, binisita namin sina Jason at Jonas sa kanilang eskuwelahan. Kagaya ng dati, pagkatapos ng klase nila ay inabangan namin sa sila labas ng building. Ngunit laking gulat namin nang lumabas na ang dalawa at binati sila ni Jerome. Hindi nila siya pinansin!

Hinabol ni Jerome ang dalawa na nagtatakbo. Nang nahawakan ni Jerome ang bisig ni Jason, nakita siya ng daddy nila na nasa loob ng kotse pala. Siya pala ang sumundo sa kanila.

“Hey! Hey! Hey! What do you think you are doing???!” ang dumadagundong na boses ng daddy nina Jason at Jonas habang nagmamadaling lumapit siya sa kanila.

Sa pagkagulat ni Jerome ay bigla niyang nabitawan ang bisig ni Jason at mistulang tuod na lang siyang nakatayo at nakatitig sa daddy ng mga bata.

“What do you think you are doing???” ang paggiit niya sa tanong, bakas sa kanyang mukha ang galit at ang boses ay tila sa isang militar na nagbigay ng kautusan sa kanyang batalyon.

“Ah, eh... S-sorry. I thought he’s my brother. Sorry. S-sorry, Sir.” Ang sagot ni Jerome.

Hinablot ng daddy ni Jason ang kamay niya at hinila ito patungo sa kanilang kotse. Habang hila-hila siya ng daddy niya, kitang-kita ko namang tiningnan niya ang kanyang kuya na tila naaawa, tila gustong lapitan. Ganoon din si Jonas. Halos maiiyak ang mukha ng bata.

Naawa rin ako kay Jerome nang nakabalik na kami ng boarding house. Lungkot na lungkot ang mukha at halos hindi ako kinausap. Ang ginawa ko na lang ay ang bumili ng beer at niyaya siyang mag-inuman sa loob ng aming kuwarto.

Maya-maya lang ay nag ring ang kanyang cell phone. Ang mommy ni Jerome. Sinagot niya ang tawag at nag-usap sila. Dahil naririnig ko naman ang mga sagot ni Jerome sa kanilang pag-uusap, nakikinita kong sensitibo ang kanilang pinag-uusapan at mukhang pinagalitan si Jerome ng kanyang mommy.

“Nagsumbong ang asawa niya na may lalaking humawak sa kamay ni Jason, iyong kanina na hinawakan ko ang kamay ni Jason?” ang sambit ni Jerome pagkatapos nilang mag-usap.

“At nagalit siya?”

“Oo... Huwag ko na raw ulitin iyon kung gusto ko raw na hindi mawasak ang pamilya niya at mawalan ng ama o ina ang aking mga kapatid.” Ang sambit niyang halatang nasaktan.

Nilapitan ko siya at tinapik ang kanyang balikat. “Ang hirap naman ng kalagayan mo. Pero tama nga naman ang iyong mommy. Sa tingin ko ay tiis-tiis lang muna. At least nakikita mo pa rin naman sila, di ba?” ang sagot ko.

“Ano pa nga bang magagawa ko? Walang choice. Pero ang isang iniutos niya sa akin ay...” Hindi niya itinuloy ang kanyang sasabihin. Halatang nahirapan siya at yumuko na lamang.

“Ano ang utos niya sa iyo?” ang paggiit ko sa tanong.

“Huwag na lang.”

“Ano nga iyon?”

Natahimik siya. Tinitigan ako. “Sabi niya, maghanap daw ako ng ibang boarding house. Ayaw niyang magsama tayo.”

Mistulang pinagtakluban ako ng langit at lupa sa aking narinig. Biglang sumikip ang aking dibdib sa sakit. Hindi ako nakapagsalita agad at ang aking tanging nagawa ay ang pagtitig na lang sa kanya.

Tahimik.

“A-anong s-sagot mo?” ang pagbasag ko sa katahimikan.

“Hindi ko siya binigyan ng sagot.  Nagkataon ding naputol ang aming pag-uusap. Nagmadali niyang pinutol ang linya dahil nakita niya raw ang kanyang asawa na papasok na ng gate ng bahay. Tatawagan na lang daw niya uli ako.”

“Ganoon ba siya katakot sa asawa niya?”

“Ewan ko nga ba. Tila may kakaiba sa asawa niya.”

“I-ikaw? A-anong plano mo?” ang paglihis ko sa topic.

“Ikaw? Papayag ka ba?”

“Nasa iyon naman iyan eh. Di ba ako, noong una, gusto kong humiwalay din sa iyo. Ngunit tingnan mo naman, hanggang ngayon ay narito pa rin ako. Magkasama pa rin tayo.”

“Bakit hindi mo ako iniwan?”

“Dahil gusto kitang tulungan.” Nahinto ako sandali, pasimpleng tumalikod upang mabilisang pahirin ang luhang basta na lang bumagsak mula sa aking mga mata. “Ngunit ngayon na nakita ko ang malaking pagbabago mo, sa tingin ko ay puwede na tayong maghiwalay... ng kuwarto o boarding house. Atsaka, mommy mo ang nag-utos sa iyo. Maliban sa siya ang sumusuporta sa mga pangangailangan mo, matagal na panahon mo na siyang inasam-asam na makita at mayakap. At ngayon na nandito na siya, tanggap ka na niya, huwag mong hayaan na lalayo uli siya. Kaya huwag mong biguin ang kagustuhan niya.” Ang sambit ko habang nagtuloy-tuloy na ang pagdaloy ng aking mga luha. Tumayo ako at tumungo ng banyo.

“H-hindi. Ayokong lumipat...” ang sagot niya.

“Huwag mong suwayin ang mommy mo, Jerome. Bago pa lang kayong nagkita, nagkasama. Huwag mong saktan ang damdamin niya. Isa pa, ayokong ako ang magiging sanhi ng sama ng loob niya sa iyo. Ayokong magalit siya sa akin o sa aking inay.” Ang sagot ko habang naroon pa ako sa loob ng banyo.

Nahinto siya. “Pag-isipan ko.”

Inayos ko ang aking sarili at lumabas ng banyo, umupo ako sa harap ng aking study table at binuksan ang aking laptop. “O kung gusto mo ay ako na ang lilipat ng boarding house. Di ba ilang beses ko nang sinabi sa iyo na aalis na ako rito? Ngunit hanggang ngayon ay narito pa rin ako. Siguro it’s about time na tuparin ko na ang sinabi kong iyon.”

“Ito naman. Di ba sabi ko sa iyo ay pag-isipan ko?” ang paggiit niya na tila nairita sa aking sinabi.

“Eh... para hindi ka na mahirapan pang mag-isip.” Ang paggiit ko rin.

“Paano kung ayaw ko?”

“E di, ako ang aalis....”

Hindi na siya umimik. Tila masama ang kanyang kalooban.

Sa gabing iyon ay natulog kami nang walang imikan at magkahiwalay ang kama. Pareho kaming nakatihaya at nakatutok ang mga paningin sa kisame. Alam kong mahirap ang kalagayan ni Jerome. Alam ko ring mahal niya ang kanyang mommy. Ngunit wala akong magawa kung ang gusto ng kanyang mommy ay ilayo ang kanyang anak sa akin. Sa pagitan ng mommy niya at ako, sino ba ako sa buhay niya?

“Bukas ay kakausapin ko siya. Pupuntahan ko siya sa bahay habang wala ang asawa niya at ang mga kapatid ko.” Ang sambit ni Jerome.

Hindi ko na sinagot ang sinabi niyang iyon. Tumagilid ako patalikod sa kanya habang lihim na pinapahid ko ang aking mga luha. Iyon na ahg huli kong natandaan. Nakatulog na ako.

Kinabukasan ay nagulat na lang ako nang habang bakcride niya ako sa kanyang motor, doon uli ang tumbok namin sa eskuwelahan ng kanyang mga kapatid.

“Bakit dito tayo tumungo? Di ba pinagbawalan ka ng mommy mo na makipagkita sa kanila?” ang tanong kong may bahid ng pag-alala.

“Okay lang iyan. Kausapin ko lang naman sila.”

“Hindi mo sinunod ang bilin sa iyo ng mommy mo eh!” ang paninisi ko.

Ngunit hindi natinag si Jerome sa kanyang gustong gawin. Nang nagsilabasan na ang mga bata, doon na mas lalo pang naramdaman ko ang kaba. May takot akong nadarama na baka hindi uli siya papansinin nila at muling ma-disappoint.

Peraho kaming nakatayo sa harap mismo ng main entrance/exit ng building. Nakita namin ang nagtatakbuhan na grupo ng mga estudyante. At maya-maya lang ay nakita na naming papalabas na ang dalawa. Nginitian namin sila. At nagulat na lang ako nang hindi lang sila ngumiti at tumawa, kitang-kita ko rin sa kanilang mga mata ang ibayong saya. Pareho silang nagtatakbuhan patungo kay Jerome.

“Kuyaaaaaa!” ang sigaw nilang dalawa na ramdam mong sabik na sabik sila sa kanilang kuya. Iyong parang nawala ang kanilang kuya sa mahabang panahon at noon lang nila muling nakita. “Na-miss ka namin. Kuya!”

Inunat ni Jerome ang kanyang mga bisig at nang naroon na sila, nag-group hug ang tatlo. “Na-miss din kayo ni kuya. Grabe!!” ang sambit ni Jerome. “Mabuti naman at kilala na ninyo ako ngayon? Ang supla-suplado ninyo noong huli ko kayong sinundo ah! Nagtampo na ako.” ang biro ni Jerome.

“Wala kasi si Daddy ngaoyn, kuya. Driver lang ang sundo namin. Pinagbawalan kasi kami ng mommy na layuan ka lalo na kapag nariyan ang daddy. Baka raw magalit at mag-away sila.” Ang paliwanag ni Jason.

“Si Mang Ondoy pala ang sundo ninyo ngayon. Naintindihan ko na.” Nahinto siya nang sandali. “So saan ang tungo natin ngayon?” ang tanong ni Jerome.

“Kakain na lang tayo sa labas kuya! Doon sa kamayan sa may tabing dagat. Tapos kapag may oras pa, magmotor tayo sa central plaza!” ang excited na sagot ni Jason.”

“Kain na lang muna tayo. Kasi mahirap na kung matagal kayo, wala tayong rason. Baka magalit ang mommy. Ngunit upang ma-experience mo ang motor...” baling niya kay Jason, ikaw ang magdadala at backride mo kami ni Jonas patungo sa restaurant!” ang sigaw ni Jerome.

“Yeheeyyyy!” Ang masayang sigaw rin ni Jason.

Kaya iyon ang nangyari. Nagtungo kami sa nasabing restaurant na si Jason ang nagdala sa motor, si Jerome naman ay nasa likuran ni Jason, sumusuporta sa pagdrive upang siguradong walang sablay. Si Jonas naman ay nasa pinakadulo, nakayakap sa baywng ng kanyang kuya Jerome.

At ako, katabi ni Mang Ondoy sa kotse, na nakasunod sa kanila. Pinakisuyuan kasi si mang Ondoy ni Jerome na pagbigyan silang magkuya. At dahil naintindihan naman ni Mang Ondoy ang mga bata na sabik na sabik din sa kanilang kuya kung kaya ay hindi mahirap sa kanya ang pagkumbinsi. Sasabihin na lang daw niya sa mommy ni Jerome na nasiraan sila ng gulong kung kaya ay natagalan.

Nakakatuwa silang tingnan. Kitang-kita sa kanilang mga nakangiting mukha ang ibayong saya habang nakasakay silang tatlo sa iisang motor. Nakakainggit. Parang gusto ko na rin tuloy magkaroon ng kapatid. Kaso nga lag, hindi na puwede. May alagang tamilok din si Mang Kanor.

Nang nakarating na kami sa restaurant, hindi mapawi sa mga mukha nila ang ngiti. Panay ang tawanan at biruan habang hinihintay ang pagkain. Nang dumating naman ang pagkain, patuloy pa rin sila sa kanilang masayan kuwentuhan. Nakikuwento at naki-tawa na rin kami ni Mang Ondoy na kasalo rin nila sa pagkain.

Dumating lang sa seryosohang usapan ang magkapatid nang naitanong ni Jerome ang kalagayan ng mommy nila sa piling ng kanilang daddy. Sobrang seryoso na humantong sa iyakan.

“Mahigpit po ang daddy, kuya. Sinasaktan po niya ang mommy. Sinusuntok, sinasambunutan kahit sa maliliit na bagay lang kagaya nang minsan nalimutan ng mommy na ihanda ang isang tie na sinabi ng daddy at ibang tie ang naihanda ng mommy, hayun, pinagsasampal at sinambunutan siya. Minsan ay may tumawag na kaibigan ng daddy at nalimutang sabihin ng mommy sa kanya, sinuntok niya si mommy. Nang natumba siya sa sahig, hinablot ng daddy ang buhok niya at iyon ang hinawakan habang kinaladkad si mommy na nakahandusay sa sahig patungo sa kuwarto nila.  Awang-awa po kami kay mommy kuya...” Ang sambit ni Jason na nag-crack ang boses na nagsumbong. Si Jonas naman ay nagpahid na ng kanyang luha.

“Totoo iyan, Jerome.” Ang pagpapatotoo naman ni Mang Ondoy. “Kung kaya pa lang sana naming tulungan si Ma’am, ginawa na namin. Pati itong mga bata ay tinatakot din ng daddy nila at sinasaktan kapag nagkamali. At sa tagal ko na sa kanila, ngayon ko lang sila nakitang sobrang saya.”

Ramdam ko ang pagka-touched ni Jerlome sa sinabing iyon ni Mang Ondoy. Niyakap niya ang mga kapatid. “Hayop pala iyang daddy ninyo! Wala siyang pinag-iba sa kahayupan ng aking daddy.” ang sambit ni Jerome na nagngalit ng ngipin sa galit. “Basta pangako ko sa inyo, hindi ko kayo pababayaan...” ang pangako ni Jerome sa kanila.

Dahil wala namang magawa si Jerome, binigyan na lang niya ng payo ang mga kapatid na magtiis lang muna habang maghahanap ng paraan si Jerome. Pinayuhan din niya sila kung ano ang gagawin kapag sinaktan sila ng mommy nila ng kanilang daddy.

***

“Bak, sama ka sa akin. Sa restaurant tayo kakain ng lunch.” Ang text sa akin ni Jerome kinabukasa nang nasa school na kami. May klase pa kasi iyon at nasa magkaibang classroom kami.

“Anong mayroon, Tam?” ang tanong ko. At “Tam” na rin talaga ang tawag ko sa kanya. Kasi “Bak” rin ang tawag niya kapag kaming dalawa lang.

“Basta! Antay ako sa iyo lobby sa baba after ng klase mo. Sabay na tayong mag-lunch.”

Sumang-ayon ako sa kanyang imbitasyon. Umangkas ako sa motor niya patungo sa isang restaurant na hindi kalayuan sa aming unibersidad. Nang naroon na kami. Puno ang restaurant at occupied ang lahat ng mesa. Ngunit dahil may reservaton siya kung kaya ay walang problema. Nag-order siya ng pagkain. Dalawang tao para sa mesa namin at ang ikinagulat ko ay may isang order siya ay para sa mesang nasa likurang cubicle lang ng mesa namin. May movable na divider kasi na nakaharang sa gitna, hindi masyadong mahahalata kung sino ang naka-occupy doon. May mga movable dividers kasi ang bawat mesa sa parte ng restaurant na iyon, pagbibigay siguro ng privacy kapag may mga taong gusto noon. Kaya alam ko, doon madalas kumakain ang mga magkasintahan, o mga patagong magkarelasyon o transaksyon.

“Bakit may isang order ka roon?” ang tanong ko habang itinuro ko ang aking likuran.

“Dito kami mag-uusap ng mommy samantalang doon ka naman sa likuran.” Ang sagot niya.

Doon na tumaas ang aking boses. “Gago ka ba? Ba’t dinadala mo pa ako rito kung kayo lang naman ang mag-uusap? Nang-iinis ka ata eh! Alam mo namang hindi maganda ang tingin niya sa akin!”

“Gusto kong marinig mo ang aming pinag-uusapan.”

“Problema ng pamilya mo gusto mong makinig ako? Diyos ko naman Jerome! Hindi ka ba nag-iisip? Anong kagaguhan ito?!!!” Tumayo ako at akmang aalis na sana.

Ngunit hinawakan niya ang aking bisig. “Gusto ko lang malaman mo kung ano ang aming pinag-uusapan.”

“Wala akong pakialam Jerome? Mag-usap kayong mag-ina at kung gusto mong malaman ko, sabihin mo na lang sa akin, okay? Kahit magpatayan pa kayo, huwag mo akong idamay! Aalis na ako” ang bulyaw ko.

Nakaalpas na ako sa pagkahawak ni Jerome sa braso ko at aalis na sana ngunit nang tiningnan ko ang pinto na salamin kung saan ay nakikita ang labas, nasa harap na pala nito ang mommy ni Jerome.

“Shit!!!” ang bulong ko sa aking sarili. Dali-dali akong bumalik at dahil occupied na nga ang mga mesa, wala na akong nagawa kundi ang bumalik sa cubcle na nasa likod lang ng cubicle nilang mag-ina.

Tamang-tama naman na dumating ang inorder niyang pagkain. Tiningnan ko ang mga ito. Sa sarap ng putaheng inorder ni Jerome, nakaramdamn ako ng gutom.

“Hindi ako magtatagal at baka malaman ng asawa ko na umalis ako ng bahay...” ang narinig kong sabi ng mommy ni Jerome sa kabilang cubicle.

“Mom... hanggang kailan ka ba ganyan? Hanggang kailan ka makalaya sa takot? Hanggang kailan ka makalaya sa pang-aabuso ng asawa mo? Kung mahal ka ng asawa mo, hindi ka niya saktan. Kung mahal ka ng asawa mo, kahit sabihn mo pa ang iyong nakaraan, tanggap niya ito.”

“Jerome... Una, hindi ako sinasaktan ng asawa ko. Pangalawa, hindi ako nagpunta rito upang sumbatan at kwestyunin ang diskarte at desisyon ko sa buhay. Nagpunta ako rito upang malaman ang estado ninyo ni July. Sabihin mo sa akin ang totoo. Bakla ba siya? Dahil gusto kong marinig mismo sa iyo na hihiwalay ka na ng boarding house pag totoong bakla siya.”

Mistulang may sumabog na malakas na bomba sa aking harapan sa pagkarinig ko sa tanong na iyon mula sa mommy ni Jerome. Imbes na isusubo ko na sana ang pagkain sa aking bibig, ibinalik ko ito sa plato at hinintay ang sagot ni Jerome. Nakakabingi ang kalampag ng aking dibdib.

Hindi agad nakasagot si Jerome. Siya man ay tila nagulat sa diretsahang tanong ng kanyang mommy.

“Kapag bakla ba ang isang tao mom, kailangan nating iwasan, kailangan nating pandirihan?” Ang sagot ni Jerome. At sa sagot niyang iyon ay napagtanto ko na tuluyan nang nagbago ang pagtingin niya sa mga bakla.

“Jerome... bakla ang daddy mo! Alam mo ba iyan? Alam mo bang sinira niya ang buhay ko? Ang buhay natin? Alam mo ba ang tindi ng hirap at pagdurusa ko nang magmahal ako ng isang bakla? Alam mo ba ang sakit na naramdaman ng isang ina na iwanan at ang kanyang sariling anak? At alam mo ba ang pinagdaanan ko ngayon bunsod ng kabaklaan ng iyong ama? Napakasakti Jerome, sobra. Nandito pa ang sakit!” Ang sagot ng kanyang mommy na halata sa boses na umiyak na ito.

“Mom, ang daddy iyon. Iba si July. Please huwag mong idamay si July sa galit mo sa daddy. At kung pagdurusa ang pag-uusapan, mom, tama ka, sinira ng daddy ang buhay mo. At kung sa tingin mo ay mas malaki ang impact ng pagkasira ng buhay mo kaysa pagkasira ng buhay ko dahil sa kanya, baka nagkamali po kayo. Halos magpakamatay ako, mom sa hirap na dinanas ko sa piling ni daddy... at lalo na wala kayo. Walang ni isa mang taong mahingian ko ng tulong. I tried looking for you. Wala ka. Nang makita kita, you avoided me. You closed your door on me. Hanggang ngayon, mas pinahalagahan mo ang takot na baka masira ka, masira ang buhay mo, masira ang kinabukasan ng mga anak mo... kahit sa kabila nang sinaktan ka, halos papatayin ka ng asawa mo. Hanggang kailan ka magdusa? Hanggang kailan ka magpaka-martir? Kailan ka matutong humarap sa katotohanan, at lumaban, mom? Hanggang kailan ka matutong manindigan para makalaya ka mula sa pagkaalipin mo sa takot at sa taong walang puso? You allowed others to control your life and also blame others for your indescretion! Alam kong may malakaing kasalanan ang daddy. But please huwag mo siyang gawing dahilan upang pagtakpan ang mga nangyari sa buhay mo ngayon. Huwag mo siyang gamitin upang husgahan ang ibang tao na kagaya ni July. Hindi sila ang problema, mom. Ikaw. Take a stand for yourself, mom. Stand for your freedom ang right! Alalahanin niyo, hindi lang si Jason at Jonas ang mga anak mo. Anak mo rin ako. Intindihin mo rin ako at ang naramdaman ko, mom. Forget about dad. Forget about your husband. Forget about July. Just think about me, Jason and Jonas. Hindi ka ba masaya kung tayong apat ay magkasama? Mas pipiliin mo na na kasama ang asawa mong sakim kaysa magkasama tayong apat? Mas pipiliin mo ba ang asawa mo kaysa akin?”

Pagkatpos sabihin iyon ni Jerome ay narinig ko na lang ang ingay ng pagtama ng isang malakas na sampal sa pisngi.

“I did not come here to hear your sermon or to be told of what I did wrong and what to do with my life!” ang mataas na boses ng mommy ni Jerome. “Tapos na iyon at wala na akong magagawa pa sa mga nangyari. I have to do what is right!”

“Then make a stand, mom. Ipaglaban mo kaming mga anak mo. That is the right thing to do.”

“Ipaglaban kita? Makakatulong ka ba kung maghiwalay kami ng asawa ko at mawalan ng pamilya ang mga kapatid mo? Mapapawi mo ba ang sama ng loob ng mga kapatid mo kapag nawalan sila ng mga magulang at suporta? Maibibigay mo ba ng financial na mga pangangailangan nila?”

“Ako mom... noong hiniwalayan mo ang daddy, hindi ba ako nagdusa? Hindi ko ba nakayanan ang sobrang sakit at sama ng loob na tinalikuran mo ako at hindi ako minahal ng daddy? Namatay ba ako kahit walang ni isa man sa inyo ang sumuporta sa akin? Oo aaminin ko na dumating din ako sa punto na gusto ko nang gumive-up sa buhay. Na gusto kong magbaril sa sarili, mandamay ng ibang tao at pagbabarilin sila bago ko tuldukan ang aking buhay. Pero nanaig pa rin ang katinuan ng aking pag-iisip. At nandito ako, mom! Lumalaban! Nang hindi ko na natiis ang pagmamalupit ng daddy sa akin, nanindigan ako... mag-isa dahil wala ka. Dahil kahit nag-iisa ako, alam kong mas giginhawa  ang buhay ko kapag nakalaya ako mula sa kalupintan niya. Nilakasan ko ang loob ko na umalis sa poder niya. Nawalan ako ng financial support. Para akong isang taong-gala na nag-iisa sa gitna ng laot, litong-lito, hindi alam kung saan tutungo, anong gagawin, at walang ni isang taong nakakarinig at nakakakita sa hirap na aking pinagdaanan. Pero look at me, mom. Nakayanan ko ang lahat. Kahit wala ka! Kahit wala ang daddy! Kaya kung hihiwalayan ka ng asawa mo, kaya rin nating tumayo! Tayong apat ni Jason at Jonas!”

“Iba ang kalagayan mo. Iba ang kalagayan ko.”

“Pareho ang kalagayan natin mom. Nang dahil sa desisyon mo kung kaya nagdusa ka. Nang dahil sa desisyon mo kung kaya nagdusa rin ako. Pareho nating gustong lumaya. Lumaya na ako. Ngayon, ikaw naman...”

“Sinisisi mo ba ako?”

“Hindi kita sinisisi, mom! Tanggap kong minsan sa buhay natin ay nagkakamali tayo at nagdurusa sa pagkakamali. Ngunit kailangan nating manindigan upang itama ang lahat!”

Saglit na nahinto ang mommy ni Jerome. “Walang mangyayari kung mag-aargumento tayo, Jerome. Hindi iyan ang ipinunta ko rito! Sagutin mo ang tanong ko. Bakla ba si July?!!!” ang galit na paglihis ng mommy niya sa topic.

At doon na tumaas ang boses ni Jerome. Doon na rin kusang tumulo ang aking mga luha nang marinig ang kanyang sagot. “Opo Mom! BAKLA SI JULY AT MAHAL KO SIYA!!!”

Hindi ko lubos maisalarawan ang aking nadarama sa sinabing iyon ni Jerome. Pinigilan ko ang aking sariling huwag humagulgol. Sa buong buhay ko ay hindi ko pinangarap na mahalin ng isang lalaki, lalo na ng isang Jerome na isan gbully, na isan ghomophobic, na isang lalaking hinahabol-habol ng kababaihan. Sa buong buhay ko ay hindi ko pinangarap na ipaglaban niya ako sa mommy niya. Sobrang touched ako sa ginawang iyon ni Jerome. Ngunit sa kabilang dako ay may matinding lungkot din akong nadarama dahil sa hindi nila pagkakaunawaang mag-ina. At ayokong masira ang kanilang relasyon nang dahil lang sa akin.

Nang inangat ko ang aking mukha, napansin kong nagtitinginan ang ibang customers kina Jerome at sa mommy niya.

“That’s it! That’s ittt! Pumapatol ka sa bakla! Bakla ka na rin! Wala kang pinagkaiba sa daddy mong bakla!”

“Ma, hindi porke’t mahal ko si July ay bakla na rin ako. Hindi ko matatanggap iyan.”

“Pwes ano ang tawag mo sa lalaking nagmahal ng kapwa lalaki?”

“Mahal ko siya dahil si July siya, ma. Kung ibang tao siya, hindi ko siya mamahalin. Ang bakla ay puwedeng magmahal kahit sinong lalaki. Si July lang ang mahal ko. Kung hindi siya, hindi na ako maaaring magmahal pa ng ibang lalaki. Noong nasa lowest part ako ng aking buhay, wala ka, wala ang daddy, si July ang nasa tabi ko. Nang muntik nang mapariwara ang aking buhay, si July ang nagturo sa akin sa tamang landas. Nang panahon na ramdam kong wala nang halaga at kabuluhan ang mabuhay, nariyan si July, ipinakita niya sa akin kung gaano kasarap ang mabuhay. Nang hindi ko na maramdaman ang halaga ng aking pagkatao, ipinaramdam ni July na mahalaga ako, at may saysay ang aking buhay. Nang halos mawala na ang tiwala ko sa aking sarili at sa ibang tao, si July ang nagbalik nito sa akin. Iyong panahon na lugmok na lugmok ako, hinawakan niya ang aking kamay upang tumayo, maglakad at sumulong sa gitna ng unos, maabot ang ruruk ng tagumpay. Dahil sa kanya, natuto akong bumuo at maghabi muli ng mga pangarap, natuto akong magtiwala sa aking kakayahan, natuto akong tumingin sa positibong parte ng bawat pagsubok sa buhay. Muli akong natutong umasa, magsikap, at makita ang kahalagahan at saysay ng buhay . Walang ibang tao sa mundo ang nagbigay at nakagawa sa akin ng iyan, mom. Si July lang. Hindi mo ako masisisi mom kung bakit natutunan ko siyang mahalin.”

Sa narinig ko ay tuluyan na akong napahagulgol. Hindi ko akalain na ang mga ginawa ko ay may malaking impact pala sa kanya, at kinumpirma pa niya na ang lahat ng pagbabago niya ay dahil sa akin.

“Nahihibang ka na, Jerome! Nababaliw ka na! Pumili ka, aalis ka sa boarding house na iyon at ipagpatuloy ko ang pagbibigay ng pera para sa mga gastusin mo, o manatili kang kasama siya at kalimutan mo ako at mga kapatid mo. Mamili ka!”

“Mom... aalis lang ako sa boarding house kung manindigan ka at sasabhin mo sa asawa mo na may anak ka sa pagkadalaga. Tanggapin ka man niya ay happy tayong lahat. Ngunit kung hindi, at least nariyan kami. Kahit wala siya, buo pa rin tayo ng mga kapatid ko. Ngayon, kung hindi mo kayang sabihin iyan sa asawa mo, hindi ako aalis sa boarding house. Manatili kaming magroommate si July. Mamili ka rin, mom!”

“Fine!!!” ang sagot lang ng mommy ni Jerome. At nasilip ko na lang siyang mabilis na naglakad palabas ng restaurant.

Litong-lito ako sa narinig na argumento nilang mag-ina. Kung hindi manindigan ang mommy ni Jerome at manatili kaming mag-roommates, ang sakit naman noon sa panig niya. At kung magkaroon naman ng lakas ang mommy niya na isiwalat sa asawa niya na may anak siya sa labas, ako naman ang masasaktan. Maghihiwalay din kami. Nakaka-touch at nakaka-proud na malamang mahal pala ako ni jerome. At mas nakakaantig na ipinaglaban pa talaga niya ako sa harap ng kanyang mommy. Hindi lubos maisalarawan ang aking nadarama. Gusto kong magpunyagi sa tuwa, ngunit nalungkot din ako sa kalagayan niya.

“I’m sorry.” Ang sambit ni Jerome nang tuluyan nang makaalis ang mommy niya mula sa restaurant at pumasok siya sa cubicle kung nasaan ako. Hinawakan niya ang kamay ko.

”Salamat... ang sagot ko naman.”

“Salamat saan?” ang pag-iinosente pa niya.

“Wala! Kakainis ka!” ang pag-iinosentehan ko rin. “Paano iyan, pinanidigan mo talaga na magroommate pa rin tayo... paano ang mga pangangailangan mo?”

“Di magtrabaho uli.”

“Sa bar?”

“Hindi. Call boy.”

“Call boy? Tamilok naman iyan eh.”

“Sa bakla na katulad mo, tamilok. Pero sa babae, hindi naman.”

“Ewan ko sa iyo!”

***

Kinagabihan sa kuwarto, dating gawi. Nakahubad siya at tanging brief lang ang natira niyang saplot. Hindi ako nagpahalata na sobrang kinikilig ako. Sariwa pa sa aking isip ang sinabi niya sa kanyang mommy na, “Oo,, bakla si July at Mahal ko siya!” Tila mas lalo pang tumingkad at lumakas ang aking naramdamang pagmamahal sa kanya.  At ramdam kong mas lalong naging kabigha-bighani siya sa kanyang postura na naka-brief lang.

Dahil sa sobrang galak ko sa mga pangyayari sa araw na iyon, bumili ako ng beer upang i-celebrate ko ang kasiyahan ko na inamin ni Jerome na mahal niya ako. At syempre, gusto kong sa harap ko mismo niyang aminin na mahal niya ako. Iyong parang liligawan niya ako, pasasagutin ng oo, mga ganyan.

Nang nakabalik na ako ng kuwarto bitbit ang isang case ng beer, nagulat siya. “Anong mayroon?”

“Friday ngayon, di ba? Walang pasok bukas” ang sagot kong nag-iinosentehan.

“Sabagay...” ang sagot niya.

Dumiretso ako sa refrigerator at ipinasok ang mga bote ng beer habang binuksan ang dalawa nito. Iniabot ko sa kanya ang isang beer habang nakahiga siya sa kanyang kama. Ang isang bote naman ay tinungga ko habang naupo ako sa harap ng aking study table nagba-browse sa internet.

Nasa ganoon akong pagi-enjoy ng aking beer nang pinatugtog naman ni Jerome ang mini-component sa aming kuwarto.


When I am down, and, oh, my soul, so weary
When troubles come, and my heart burdened be
Then, I am still and wait here in the silence
Until you come and sit awhile with me

You raise me up, so I can stand on mountains
You raise me up to walk on stormy seas
I am strong when I am on your shoulders
You raise me up to more than I can be

Saglit akong napalingon sa kanya. Tumaas ang aking kilay. Sa intro pa lang kasi ng kanta ay parang kilala ko na ito. Parang isang religious song.

Muling ipinagpatuloy ang aking ginawa.

Nang nasa kalagitnaan na ang kanta, doon na ako napahinto at nakapokus na lang sa mensahe nito. Napakamakahulugan ng pinili niyang kanta, tugma sa kanyang sinabi tungkol sa akin. Alam kong sindaya niyang piliin ang kantang iyon upang ialay sa akin.

Napayuko na lang ako gawa nang muling panumblik sa aking isip sa mga sinabi niya sa kanyang mommy. Doon na tumulo ang aking mga luha. Lihim kong pinahid ang mga ito.

Maya-maya, mula sa aking likuran ay inilingkis niya ang kanyang bisig sa aking balikat. Ipinagapang niya ang kanyang palad mula sa aking braso hanggang sa aking pisngi at hinaplos ito.

Hinawakan niya ang aking kamay at pinatayo ako. Nang nakatayo na akong nakaharap sa kanya, tinanggal niya ang aking T-shirt. Muli kaming nagyakap. Inilingkis niya ang kanyang braso sa aking baywang at niyakap niya ako nang mahigpit. Ramdam ng aking balat ang init ng kanyang katawan bunsod ng pagdampi ng aming mga balat. Dama ko ang pagdikit ng kanyang bukol sa harap sa aking harapan.

Inilingkis ko rin ang aking kamay sa kanyang katawan, iginapang ko ang aking palad mula sa umbok ng kanyang likuran hangaang sa pang-itaas na niyang likod. Ninamnam ko ang sarap ng pagdampi ng aking palad sa makinis niyang balat.

Maya-maya ay itinaas niya ang kanyang mga kamay at hinaplos ang aking magkabilang pisngi habang ang aming mga mata ay nagtitigan, mistulang nag-uusap. Hanggang sa namalayan ko na lang ang paglapat ng aming mga labi.

Ipinikit ko ang aking mga mata. Ninamnam ko ang pagkiskisan ng aming mga dila. Hinayaan ko siyang sipsipin ang aking mga labi habang mas lalo pa niyang hinigpitan ang kanyang pagyakap sa akin.

Nasa ganoon kami kaabala at kataimtim sa aming paghahalikan nang biglang bumukas ang pinto.

Nahinto kami sa aming paghahalikan at nang tiningnan namin kung sino ang nagbukas ng pinto, ang inay.

“Oh my Godddd! So sinful! So wicked! So immoral! So perverted! So impure! So... ” hindi na niya itinuloy pa ang sasabihin, bagkus iminuwestra ang kanyang kamay na pahiwatig na naalibadbaran siya.

Hindi namin pinansin ang mga sinasabi niya. Nang nakita naming inilock niya ang pinto, hinwakan ko ang mukha ni Jerome at upang ipagpatuloy namin ang aming paghahalikan. Nabitin kasi ako. At ayokong mangyari na mabitin uli.

Ngunit...

“Excuse me.” Ang sambit ng inay.

Hindi namin siya pinansin.

“Excuse me!” ang malakas na sambit niya habang ang kamay ay talagang isiningit sa gitna ng aming mga mukha ni Jerome.

Doon na ako pumalag. “Ano ba ma???!”

“Puwedeng makagamit sa CR?”

“Hindi naka-lock iyan ma! Ano ka ba???”

“Ah, okay, ituloy niyo na.” Ang sambit niya. Hinawakan niya ang mga ulo namin at padabog na idiniin upang maglapat muli ang aming mga labi sabay talikod at tinumbok ang CR.

Ituloy na sana namin ang aming paghahalikan nang ang cell phone naman ni Jerome ang tumunog. Ayaw sana niyang sagutin ngunit hindi ito huminto sa pagtunog.

Dahil wala sa directory ng cp niya ang numero, pinindot niya ang speaker phone upang marinig ko.

“Kuya, si Jason ito...” ang narining kong boses sa kabilang linya, nanginginig ang boses. “Cell phone po ito ni Mang Ondoy.”

“Anong nangyari? Ba’t ganyan ang boses mo?” ang tarantang tanong ni Jerome.”

“Ang mommy! Binugbog ng daddy. Duguan po siya Kuya, baka mapatay ni Dad! Puntahan mo kami rito kuya!”

Hindi na itinuloy pa ni Jerome ang pagtatanong sa kanyang kapatid. Dali-dali siyang nagsuot ng pantalon at hindi na nagsupot pa ng t-shirt. Nang naisuot ko na ang aking T-shirt, dali-dali na kaming lumabas.

“Hintay! Punyeta! Naihian ko tuloy panty ko! Huwag ninyo akong iwanan!!!” ang pagsingit naman ng inay.

Kaya hinintay namin siya na kalalabas lang ng banyo at inaayos-ayos pa ang kanyang panty.

Nang nasa baba na, tinumbok ni Jerome ang motor niya. Umangkas ako kay Jerome. At marahil ay ayaw niyang ma iwan, imbes na sa kotse niya siya sasakay sa motor din ni Jerome siya umangkas, sa pinakalikod, angkas lalaki. Habang nakalingkis ang mga bisig ko sa katawan ni Jerome, ang inay naman ay nakalingkis ang isang bisig niya sa katawan ko samantalang ang isang kamay naman ay abala sa paghawak sa kanyang palda na tinatangay ng hangin dahilan upang ma-expose ang kanyang panty.

“Punyeta itong hangin na’to! Kung kailan may eksenang ganito ay saka naman itong lumang panty pa ang naisuot ko! Kakainis!” ang pagmamaktol niya.

Natawa na lang ako. “Panty lang talaga ang problema mo, no?”

“Hindi mo lang alam. Malaki ang role ko pagdating doon.”

“May kinalaman din sa panty mo?”

“Malamang.”

Nasa gate si Mang Ondoy at ang dalawan gkapatid ni Jerome nang dumating kami. Dahil kilala naman kami ng guwardiya at naroon pa si Mang Ondoy, dali-daling pinapasok niya kami.

“Tumawag ka ng pulis Mang Ondoy. Dalian mo lang.” Ang utos ni Jerome.

“Sino ang lalaking katagpo mo kanina? Ulitin mo nga ang sinabi mo? Lalalki mo ba?” ang dumadagundong na sigaw ng asawa ng mommy ni Jerome habang nasa labas pa kami ng bahay. Sa boses pa lang na malakas ay nakakatakot na ito. Nagmadali kami upang makapasok.

“Anak ko ang katagpo ko, Antonio. Maniwala ka. Wala akong ibang lalaki. May anak ko sa pagkadalaga. Siya ang kausap ko sa restaurant! Patawarin mo ako! Nagsinungaling ako sa iyo!!!” ang pagmamakaawa ng mommy ni Jerome.

“PAPATAYIN KITAAAAAA!!!” ang sigaw ng asawa niya.

Eksakto namang pagpasok namin sa loob ng bahay at kitang-kita namin ang pagtutok niya ng baril sa mommy ni Jerome at handa nang kalabitin ang gatilyo. Nakahandusay sa sahig ang mama ni Jerome, ang mukha ay nabalot sa dugo, pati ang kanyang puting damit ay pigta rin ng dugo. Nakakaawa ang kanyang postura.

Walang sinayang na pagkakataon si Jerome. Singbilis ng kidlat na tinakbo niya ang asawa ng mommy niya upang agawain ang baril. Sumunod din ako sa kanya upang suportahan siya.

Ngunit bago pa man nahawakan ni Jerome ang kamay ng asawa ng mommy niya, pumutok na ang baril.

“BANG!!!”

Sabay naming tiningnan ang asawa niya. Ngunit imbes ang mommy ni Jerome ang natamaan, ang aking inay ang sumalo sa bala na sana ay tatama sa katawan ng mommy ni Jerome! Kitang-kita ko ang dugo na dumaloy sa may bandang tiyan niya habang pilit na tinakpan naman niya ito ng kanyang kamay.

“MAAAAAAAAAAAAAAAAAAA!!!” ang sigaw ko sabay lapit sa kanya at inangat ko ang katawan niya.

Habang abala ako sa pagtulong sa aking inay, si Jerome naman ang nag manhandle sa asawa ng mommy niya.

Saglit lang ay dumating ang mga pulis. Pinosasan nila agad ang asawa ng mommy ni Jerome at dinala sa kanilang patrol. Ang inay ko naman at mommy ni Jerome ay isinakay sa kanilang van. Si Mang Ondoy ang nagmaneho.

***

“Ligtas na ang inay mo.” Ang sambit ng doktor matapos nilang operahan ang inay. Sa tiyan siya natamaan at maswerte na wala raw natamaan na maseselang internal organ. “Maya-maya lang ay magigising na iyan.” Dugtong niya.

Nang nakalabas na ng kuwarto ang doktor at nurse ay siya namang pagpasok ni Jerome. Kinumusta ko ang mommy niya na nasa kabilang kuwarto lang at okay naman daw. Nagpapahinga lang din dahil sa matinding pagkabugbog sa kanya ng kanyang asawa.

“Malaki ang pasasalamat ng mommy kay Mommy Staff sa pagsagip niya sa buhay ng aking mommy. Kung wala si Mommy Steff, sa ulo ng mommy ko ang tama ng bala. Siguradong basag ang ulo niya. Isang bayani si Mommy Steff...”

Binitiwan ko ang isang pilit na ngiti. Tiningnan ko ang aking inay na nakapikit pa ang mga mata. Nang ibinaling ko ang aking paningin kay Jerome, nakangisi ito na parang may masamang balak.

At hindi nga ako nagkamali. Niyakap niya ako at siniil ng halik.

“Uhmmmmmm!!!” ang narinig naming ungol.

Nang nilingon namin ang pinagmulan noon, nagising na pala ang inay at nakatingin sa amin.

“Ituloy niyo lang paghahalikan ninyo. Sanay naman akong nakipanuod lang. Sanay akong mag-isa. Sanay na akong iniinggit.” Ang sambit ng inay. At talagang nagawa pa niyang magbiro at pinilit na magsalita kahit halata sa mahinang boses niya na nasasaktan pa siya bunsod ng operasyon.

“Waaah! Ang sabihin mo, gusto mo lang na guluhin kami ngunit hindi mo kaya dahil sa mga nakakabit na tubo d’yan sa katawan mo.”

“Doon nga kayo maghalikan sa labas! Kayo ang papatay sa akin!” ang pilit niyang pagsasalita.

“Paanong papatayin? Bakit?”

“Papatayin ninyo ako sa inggit! Kainis!”

Tawanan.

“Ma... inoperahan kayo at ligtas na sabi ng doktor...”

“Alam ko. Kaya nga nakadilat pa itong mga mata ko, ‘di ba?”

“Guwapo ang doktor na nag-opera sa iyo ma.”

“O my Ghadddd! Talaga?” Biglang nanlaki ang mga mata niya dahil sa excitement.

“Tinanggal niya ang panty ninyo, ma. Sabi niya, mapanghe raw at luma.”

“Ay punyeta!” ang bigla rin niyang pagreact. “Turukan mo nga ako ng pamapatulog! Gash! Mamamatay ako sa hiya! Megaddd!!!”

Tawanan uli.

(Itutuloy)

12 comments:

  1. Thanks!
    I love this comedy!

    #bayanisimother
    #fightforlove
    #singitoflovescene
    #additionalparagraph
    #eksenanimother
    #comedystrikes
    #Jeromefight
    #JeromelovesJulyfirmingly
    💪💪👊👊

    Update po ulit

    ReplyDelete
  2. Sana dumating yung lalake sa CD ulit....okaya si Tyler ....

    ReplyDelete
  3. hahahah steff not failed to make me laugh napaka intense ng tagpong ito puno ng ibat ibang emosyon 😍😍😍 so inlove with the story! kudos always sir mike love u and more powers muuuaaab

    ReplyDelete
  4. Wala pa po bang update. Huhuhu. Excited na po kame.
    - Silent reader

    ReplyDelete
  5. Kawawa si mommy Steff,pero nandun pa rin yung nakakatuwa niyang character.

    ReplyDelete
  6. I hope to read the next chapter soon! Kudos to Sir Mike for this another great story, my new favorite next to AKKCNB.

    ReplyDelete
  7. Wala pa rin pong update?

    ReplyDelete
  8. when po ang next chapter nitong kuwento po?

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails