Followers

Tuesday, October 18, 2016

ANIL (4)


By Michael Juha

Part 4:

Mistula akong sinampal ng maraming beses sa sulat ni Anil. Na-guilty at parang gusto kong umiyak at magwala sa mga sinabi niya. Sobrang awa ang naramdaman ko para sa kanya at sa dalawang matandang mag-asawa na sumama sa kanya. May isang bahagi ng utak ko na nagnanais na habulin siya, hanapin at pabalikin. Hindi ko lubos maintindihan kung ano talaga ang tunay na naramdaman ko para kay Anil. Muling nanariwa ang unang mga araw kung saan ay una kaming nagkakilala at ako pa ang nag-alok sa kanya na mag-best friends kami. Tapos sa pagkakataong iyon ay parang binasura ko na lang siya.

Nangingilid na ang aking mga luha nang, “Sweetheart, pinaalis mo na siya?” ang narining ko.

Dali-dali kong isiniksik sa aking buls ang sulat ni Anil. “Oo, oo sweetheart. Pinaalis ko na.”

“Okay good.” Ang sagot niya.

Inakbayan ko na lang siya at dinala pabalik sa aming kuwarto.

Kinabukasan sa opisina, doon ko na nakumpirma ang sinabi ni Anil. “Sir, may resignation po si Anil!” ang sambit ni Felix na dala-dala ang isang papel.

“Bakit daw?” Ang tanong ko. “At bakit ikaw ang may dala niyan?” dugtong ko.

“Ibinigay ng gwardiya! Sa Guard house daw si Anil natulog kagabi. Tapos, kaninang bago mag alas 5 ng umaga ay umalis. Ano ba ang nangyari? Di ba sa bahay mo siya nakatira?”

“Eh… umalis eh. Hindi ko alam kung ano ang dahilan niya. Ayaw namang paawat.” Ang pagsisinungaling ko pa. Ewan, alam ko namang hindi maganda ang magsinungaling ngunit siguro ay hindi rin ako masisisi sa aking kalagayan. Hindi ko naman puwedeng sabihin ang katotohanan na nahuli kaming nagtalik at palalayasin din siya ni Marrie. Wala akong choice dahil kung sasabihin ko man ang totoo kay Felix, para na ring inamin kong bisexual ako o bakla. Hindi puwede…

Kaya tinanggap ko na lang ang kanyang resignation at pinapaprocess ko ang mga final entitlements niya sa kanyang serbisyo sa kumpanya.

Kinabukasan ay muli akong nagulat. “Sir Kevin! May balita ako sa iyo! Si Anil ay sa bahay ko na titira!” ang masayang sigaw ni Felix.

Mistulang may isang sibat na tumusok sa aking puso sa pagkarinig ko sa sinabi ni Felix. Selos ba o panghihinayang. Ewan pero parang gusto kong puntahan ang bahay ni Felix at kunin doon si Anil. “Paano siya napunta sa iyo? Siya lang bang mag-isa o kasama sina Tay Mito at Nay Azon?” ang tanong ko.

“Sa guwardiya kasi, pinakisuyo ko na kapag bumalik si Anil ay sabihin sa kanya na kapag wala siyang matutuluyan, sa akin na siya tumuloy. Ibinigay ko ang address at hayun, nang dumating ako ng bahay kahapon, naroon na siya sa harap ng apartment ko! HInihintay ako. Naawa nga ako eh. At oo, siya lang mag-isa. Bakit may kasama ba siya?”

“Iyong mga matandang mag-asawa na mga kaibigan niya.” ang sagot ko na lang.

“Ay ganoon ba? Wala siyang sinabi…”

“Ah… baka sa iba siguro nagpunta” ang sagot ko na lang.

“Ang saya-saya ko! Sobra!”

“W-wala namang nangyari sa inyo kagabi?” ang tanong ko.

At mas lalo pa akong nagselos nang sinagot pa ako ni Felix ng, “Secret!!!” sabay bawi naman ng, “Ano ka ba, demure ako! Dapat ay ligawan muna niya ako no!”

“Ah ok… Dapat huwag kang gumawa ng kahalayan. Kawawa iyong bata. Inosenteng-inosente pa naman.”

“Walang inosente-inosente sa akin, Boss kapag ako na ang lumapa… charot!”

“Makatikim ka sa akin kapag nalaman ko.”

“Nagselos ka yata Boss, eh.”

“Hindi ako bakla, Felix.”

Natawa si Felix. “Okay Boss… ako ang bahala. Kung may mangyari man sa amin, sisiguraduhin kong pareho naming ginusto iyon. Mahirap na kung mabuntis ako at hindi niya pananagutan ang lahat.” Ang biro ni Felix.

Nakitawa na lang ako. Sa gabing iyon ay halos hindi ako makatulog sa kaiisip tungkol kay Anil. Nagtatanong ang aking isip kung ano ang ginagawa niya, kung kumain na ba siya, kung iniisip rin ba niya ako, kung naalala pa niya ang mga masasayang samahan namin kasama na ang aming mga adventures. Naglalaro rin sa aking isip ang matinding pagseselos, kung wala bang sexual na nangyayari kina Felix, kung saan sila nagtungo baka sobrang sweet na sila sa isa’t-isa, baka nanuod ng sine at kumain sa labas…

Hindi ko maintindihan ang aking sarili. Inaamin ko naman na mahal ko ang aking fiancée ngunit nagtatanong din ang isip ko kung bakit sumisingit pa rin si Anil sa aking utak.

Kinabukasan ay nagulat uli ako sa sinabi sa akin ni Felix, “Boss, kami na!!!” ang masigla niyang sabi. At nagtatalon pa talaga siya.

Mistulang tinadtad ang aking puso sa narinig. Pakiwari ko ay gusto kong sapakin si Felix at balian ng leeg. “T-talaga?” ang sagot ko na lang.

“Ayaw mo akong i-congratulate?”

“Congratulations!”

“M-may nangyari na sa inyo?”

“Secret!!!” ang sagot niya na maypakilig-kilig pa. “Ayiiiiiiiiiiii!”

Nagkunyari na lang ako na hindi nasaktan. Kinuha ko ang mga papeles na pipirmahan at hindi siya tiningnan. Hindi na rin ako kumibo.

“Pakain ka boss ah!” ang biro niya.

“Ba’t ako ang magpakain, di ba ikaw dapat?”

“Syempre, Boss kita, dapat supportive ka sa akin.”

Binitiwan ko ang isang hilaw na ngiti. “Okay. S-sige mamaya…” ang sagot ko na lang.

“At may work na rin si Anil Boss. Street cleaner ng aming lugar. Medyo mahirap kasi nga, mainit at ang laki-laki ng lilinisin nila. Sabi ko nga bumalik nalang siya sa atin kasi wala pa siyang kapalit. Pwede naman iyon, di ba?”

“Hmmmm. Anong sabi niya?”

“Ayaw niya eh.”

Di na lang ako sumagot. Di ko maikailang naapektuhan ako sa sinabing iyon ni Felix. Ngunit pilit kong iginiit sa aking isip na ikakasal na ako at wala nang urungan pa sa puntong iyon. Handa na ang lahat at ayokong masira ang aking mga plano. Isa pa, kung magkasintahan na sina Felix at Anil, mas maganda ang ganoon dahil kahit papaano, may tutulung na kay Anil. Hahayaan ko na lang sila.

Isang linggo bago ang itinakdang kasal namin ni Marrie, kinausap ako ni Felix. “Boss, puwedeng mag-usap tayo. Importante lang.” ang sambit niya.

Sumang-ayon ako. Dinala ko siya sa Conference Room.

“Alam mo, Boss… hindi totoong magkasintahan kami ni Anil.” Ang sambit ni Felix nang nasa loob na kami sa conference room.

“Ha?” Ang gulat kong sagot. “B-bakit ka nagpanggap?”

“Alam ko na ang lahat, Boss. Ang mga nangyari sa inyo ni Anil. Sinabi niya sa akin ang lahat.”

Mistula naman akong sinampal ng maraming beses sa aking narinig. Hindi ko alam kung paano magreact. “A-anong ibis mong sabihin?” ang tanong ko.

“Huwag kang mag-alala, Boss. Naintindihan kita. Hinid kita masisisi. Gusto ko ngang matuwa at magtatalon sa saya eh sa narinig na may nangyari sa inyo ni Anil. Kahit patay na patay ako sa kanya, okay lang sa akin. Mas maganda kasi kung kayo ang magiging couple dahil pareho kayong mga guwapo, parehong nakakakilig.”

“Huwag ka ngang mag-imbento ng kung anu-ano Felix.”

“Boss naman. Ako ba ay magbibiro at mag-imbento ng mga ganyan sa iyo? Seryoso ako Boss. Ang sarap ngang pakinggan na ang boss ko ay nakakarelate din pala sa kalagayan ko eh. Masaya ako para sa iyo, para sa inyo ni Anil. Kaso nga lang, nasa isang complicated kang kalagayan. Kaya iyon ang problema.”

Wala na akong nagawa kundi ang tumahimik. Bagamat hindi ako kumportable sa nalaman ni Felix, mistulang gumaan din ang pakiramdam ko na may isang taong nakakaintindi sa aking kalagayan.

“Ayaw nga sanang sabihin ni Anil sa akin eh. Kaso hindi ko siya nilubayan sa pangungulit. At gawa na rin sigurong nahihirapan na siya at tila sasabog na ang kalooban niya sa sakit kaya hayan, napilitan siyang ikuwento sa akin ang mga nangyari sa iyo…” ang seryosong sabi ni Felix.

Hindi pa rin ako kumibo. Hinayaan ko lang si Felix na magsalita.

“N-naawa lang ako kay Anil, Boss. Sobrang nasaktan siya. May mga pagkakataong nakaupo lang siya sa sala na tulala, nakabukas ang TV pero malalim ang iniisip. Minsan ay umiiyak. Alam mo ba na matindi pala ang pinagdaanan niyang si Anil sa buhay?”

“H-hindi niya nai-kuwento.”

“N-noong may ka live-in na drug addict ang kanyang inay… kapag wala raw ito sa bahay, nilalapastangan siya. 12 lang siya nang nangyari iyon. Paulit-ulit na ginagahasa siya kapag wala ang inay niya sa kanilang bahay. May isang beses pa nga raw na nagdala ng kaibigang lalaki sa bahay ang kanyang step-father at silang dalawa ang lumapastangan sa kanya. Hindi raw siya makapagsumbong dahil pinagbantaan siya na papatayin nila siya at ang kanyang inay kapag nagsumbong siya. Isang taon daw iyong kalbaryo niyang iyon. Hanggang sa umuwi ng maaga ang inay niya galing sa pagtitinda sa palengke at doon na nahuli ang kahayopang ginawa sa kanya ng kanyang ka live-in. Tumawag ang inay niya ng mga kapitbahay. Ang taong bayan ang bumugbog sa kanyang step-father hanggang sa namatay ito. Kaya umalis sila sa lugar na iyon dahil may kaibigan pa ang kanyang itay na hindi nahuhuli at ang mga kamag-anak ng step-father niya ay pinagbabantaan na rin sila.”

“Oh God!” ang nasambit ko. “Totoo ba iyan?”

“Totoo, Boss. Umiiyak si Anil habang kinikuwento niya sa akin ang buhay niya.”

Mistulang namang tinadtad ang aking puso sa nalaman. Para akong hindi makatingin kay Felix sa sobrang hiya at guilt na nakadagdag pa pala ako sa hirap na pinagdaanan ni Anil.

“Kaya kung napansin mo si Anil, may pagka introvert siya. Nagkaroon daw siya ng phobia sa mga lalaking mas matanda sa kanya. Ngunit nang dumating ka sa buhay niya, muli siyang sumigla. Nanumbalik ang dating pagkamasayahin at positibong pananaw niya sa buhay. Ikaw ang dahilan kung bakit siya naging masaya, at muling nagtiwala sa tao… Ngunit nang itinakwil mo siya, lalo na’t nagluluksa pa siya sa pagkawala ng kanyang inay, muli na naman niyang naramdaman ang lungkot at takot. Feeling niya ay nag-iisa lang siya sa mundo. Feeling niya ay inaapi siya ginagamit lang, walang taong nagmamahal.”

Tahimik. Tila gusto kong umiyak sa mga nalaman. Awang-awa ako kay Anil.

“Alam mo, Boss, nasabi ni Anil sa akin na gusto na raw niyang tuldukan ang kanyang buhay…”

“Huwag siyang magsabi ng ganyan, Felix. Ang bata pa niya, malayo pa ang kanyang mararating sa buhay.”

“Kasi nga naman… puro na lang daw paghihirap ang buhay niya. Nagkalabo-labo ang mga problema niya. Iyong pagkamatay ng kanyang inay, iyong nangyari sa kanya, at lalo na iyong tungkol sa inyo.”

“B-bakit? A-ano ba raw ang tungkol sa amin?”

“Mahal ka niya, Boss.”

Gulat na gulat ako sa kanyang sinabi. “P-paano mo nasabi? Sinabi ba niya?”

“Hindi naman. Pero ako pa! Alam ko ang mga sintomas ng pag-ibig Boss. Either nagwi-withdraw iyong tao, nadi-dperessed, o kaya ay sumisigla. Nagwi-withdraw siya. Nararamdaman ko. Ikaw lang ang taong nagbibigay sa kanya ng saya, ng inspirasyon sa buhay, Boss. Ikaw lang ang taong napagbigay sa kanya ng lakas upang umasa, upang tumayo sa buhay at magsikap. Kaso, binigo mo siya. May sama ng loob siya sa iyo dahil sa pagkaintindi ko sa kuwento niya ay parang lumabas na ginawa mo lang siyang parausan. Ginamit mo. Narinig daw niya sa huling araw niya sa bahay mo nang nahuli kayo ni Marrie, sinabi mo raw sa girlfriend mo na siya ang naghahabol sa iyo, na siya ang may pagnanasa sa iyo. Na binablackmail ka niya. Binaligtad mo ang kuwento. Totoo ba?”

Hindi ako nakasagot sa tanong na iyon ni Felix. Mistula akong sinampal ng maraming beses.

“Kaya ako nagpanggap na magjowa kami dahil gusto ko sanang malaman kung may nararamdaman ka ba para sa kanya…”

Hindi ako nakasagot agad sa sinabing iyon ni Felix. “A-alam mo naman siguro ang kalagayan ko, Felix, di ba?”

“May naramdaman ka ba para kay Anil, Boss? Iyan ang tanong ko.”

“W-wala ah… Bakit ko siya mamahalin. May finacee ako at ikakasal na kami!”

“Pero totoong siniraan mo siya kay Marrie?”

“O-oo. Kasi naman, ikakasal na ako, di ba? Ayaw ko namang masira ang aming mga plano ni Marrie. Ito na iyong hinihintay kong timing na mag-settle down sa buhay at bumuo ng pamilya. Wala akong choice eh. Mahirap naman kung sasabihin kong kagustuhan naming dalawa ang nangyari. Ano ang sasabihinni Marrie sa akin? Sa tingin mo ba ay itutuloy pa niya ang pagpapakasal sa akin?”

“Siniraan mo si Anil para lamang masagip ka sa sitwasyon, Boss? Kaya inilaglag mo siya? Kaya tinapakan mo ang pagkatao niya? Parang ang sakit naman noon Boss? Dahil ba mahirap lang si Anil? Dahil isang janitor lang?”

“Felix, you don’t understand my situation.”

“I understand Boss. You want to save your ass at the expense of Anil. And for me, it’s not fair!” ang pagtaas na ng boses ni Felix.

“So kung ikaw ang nasa kalagayan ko, ano ang gagawin mo?”

“I’d say I’m sorry to Anil and I will tell him what I really feel. Paninidigan ko ang aming pagkakaibigan at ipaglaban ko ang katotohanan. Ano ba ang nararamdaman mo para sa kanya? Mahal mo ba siya? Ginamit lang? ano???”

Hindi ako nakaimik sa kanyang tanong. Tama nga naman siya. Nagmukhang wala akong paninidigan sa aking ginawa. Nagmukha akong manggagamit at opotunista.

“At dapat ay i-reinstate mo siya sa kanyang trabaho rito, Boss!” Ang dugtong ni Felix.

Doon naman ako umalma. “I can’t do that! Makikita siya rito ni Marrie! Baka hindi niya itutuloy ang pagpakasal sa akin kung mangyayari iyan!”

“If you can’t do that Sir, then I’d better tender my irrevocable resignation now.” Ang sabi niya sabay tayo at padabog na tinumbok ang pinto.

“Hey! Felix!” ang sigaw ko habang hinabol siya. Alam kasi ni Felix na siya ang aking inaasahan sa aming departamento. May mga trabahong siya lang ang nakakaalam at nakakagawa, at halos lahat ng galaw sa departamento ay sa kanya naka-angkla. Mahihirapan ako kapag umalis siya.

“My decision is final Boss. Kung ayaw mong kausapin si Anil at ibalik siya rito, aalis na ako” ang matigas na sabi ni Felix habang patuloy siya sa paglalakad pabalik sa kanyang mesa at hinahawakan ko ang kanyang braso.

“Let’s get back to the conference room, okay?” ang sabi ko. Hindi ko alintana ang ibang mga staffs na nakatingin sa amin.

“Basta ibalik mo si Anil dito…” ang sagot niya.

Muli kaming bumalik sa conference room at doon ay nag-usap. Napilitan na rin akong pumayag na kausapin si Anil at ibalik sa opisina. “Bahala na…” sa isip ko lang. Nangako naman si Felix na kung sakaling magwala si Marrie kapag nalamang ibinalik ko si Anil sa kanyang trabaho ay si Felix na ang bahalang mag explain. Sasabihin daw niya na siya ang nag-insist na ibalik si Anil at kung hindi ay magresign na rin siya.

Kaya sa paglabas namin sa trabaho sa araw na iyon ay sumama ako kay Felix patungo sa bahay niya. Nag-insist kasi si Felix na dapat daw ay puntahan ko si Anil at kausapin siya. Dahil naguilty, naawa at hindi ko rin natiis si Anil, sumang-ayon ako.

“Anil! Anil! May bisita ka!” ang sigaw ni Felix habang nang binuksan niya ang gate.

Nang bumukas ang pinto, lumantd kaagad sa aking paningin si Anil na siyang nagbukas nito. Naka-short lang siya, walang damit pang-itaas. Kitang-kita ko ang ganda ng hubog ng kanyang katawan. Biglang nanumbalik sa aking isip ang unang mga araw kung saan kami ay naging magclose. Iyong matinding paghanga ko sa kanyang angking kakisigan, ang kanyang mga matang mistulang nakikipag-usap, ang mga labi niya na ilang beses ko ring natikman. Ramdam ko ang malakas na kabog sa aking dibdib. Tila nanumbalik ang sandali kung saan ay unang may nangyari sa amin sa guest’s room ng aming kumpanya.

Tiningnan lang niya kaming dalawa ni Felix. Iyong tingin na parang walang emosyon, iyong tingin na parang ibang tao kami. Tumalikod siya, bumalik sa loob ng bahay.

Sumunod kami sa kanya. Nang nasa sala na kami, narinig ko pa ang kantang tumutugtog –


You packed in the morning, I stared out the window
And I struggled for something to say
You left in the rain without closing the door
I didn't stand in your way.

But I miss you more than I missed you before
And now where I'll find comfort, God knows
'Cause you left me just when I needed you most
Left me just when I needed you most.

Now most every morning, I stare out the window
And I think about where you might be
I've written you letters that I'd like to send
If you would just send one to me.

'Cause I need you more than I needed before
And now where I'll find comfort, God knows
'Cause you left me just when I needed you most
Left me just when I needed you most…

Dinaanan niya ang component at pinatay ang tugtog. Naalala  ko ang kantang iyon. Iyon ang paborito niya. Sinabi niya sa akin na naging paborito niya itong pakinggan simula nang naging magbest friends kami. Ilang beses pa nga niya akong kinantahan nito, gamit ang kanyang ukelele.

Papasok na sana siya sa kuwarto ng, “Anil, mag-usap kayo ni Sir Kevin.” Ang sambit ni Felix sa kanya.

Nahinto siya, tiningnan ako atsaka lumingon kay Felix. “Magbihis lang ako.”

Naupo ako sa sofa habang si Felix ay dumiretso sa kusina. Nang bumalik siya ay dala-dala ang isang pitcher na may lamang juice at isang tray ng cookies. Iyon na rin ang pagdating ni Anil na umupo sa isang silya sa harap ko.

“Mag-usap muna kayo at nasa kuwarto lang ako.” Ang sambit ni Felix nang nailatag na niya sa mesa ang dala-dalang juice at cookies. “Ikaw na ang bahala kay Boss, Anil” ang dugtong niya sabay talikod.

Pareho kaming nakaupo at nakaharap sa isa’t-isa. Hindi gumagalaw, walang nagsasalita. Parehing nakayuko ngunit ramdam kong pareho kaming lihim na nagmasid sa bawat isa. Ramdam ko ang tension. Ramdam ko ang kahihiyan at guilt sa ginawa ko sa kanya. Kung sa opisina ay isa akong boss, sa pagkakataong iyon ay nagmistulang isang napakaliit na tao lang ako, tila matutunaw sa kahihiyan.

Nang hindi ko na rin kaya, nilakasan ko na ang aking loob at binasag ko ang katahimikan. “K-kumusta?”

“Ok lang naman…” ang malabnaw niyang sagot.

“I’m sorry, Kap. Nasaktan kita.” Ang sabi kong nakayuko pa rin.

“Okay lang po iyon.”

“Sinabi sa akin ni Felix ang lahat-lahat, pati na ang nangyari sa iyo, ang mga kahirapang naranasan mo sa buhay.”

“Okay lang iyon. Ganyan naman talaga eh. Malasa lang ako sa buhay.”

“Hindi ka malas, Kap. Bata ka pa. Huwag mong isipin ang mga nangyayaring iyon sa iyong buhay.”

“Gusto ko nang kalimutan ang mga iyon. Ayoko nang pag-usapan pa iyon.”

Natahimik ako. “I’m sorry…”

“Nasa akin ang problema. Hindi ko pinanindigan ang aking karapatan. Hindi ko napanindigan ang aking pagkatao. Kaya heto, nagdusa nang dahil doon. Kaya sa susunod, kapag darating ang pagkakataon na kailangan kong manindigan, paninindigan ko na ang aking karapatan, ang aking pagkatao. Para sa akin mahalaga sa isang tao ang paninindigan.”

“Tama Kap… at dapat lang Kap na manindigan ka.”

“Pero itong kalagayan ko ngayon, tanggap ko na. Alam kong hanggang ganito lang talaga ako eh.”

“A-anong ibig mong sabihin?”

“Iyong sobrang napakaliit ang pagtingin ng iba sa iyong pagkatao, iyong pangalawa o pangatlong opsyon ka lang sa pagiging kaibigan o karelasyon. Iyong ang naramdaman mo ay hindi kasing-halaga kumpara sa nararamdaman ng iba. Iyong kapag nasa gitna ng kagipitan ang iyong kaibigan ay basta ka na lang ilalaglag, masagip lang siya sa kapahamankan. Siguro, ganyan lang talaga kapag mahirap ka at walang pinag-aralan. Ang iyong pagkatao ay mas mababang uri lang kumpara sa pagkatao ng iba...”

Mistulang tinadtad ang aking puso sa sinabing iyon ni Anil. Doon ko narealize na ako pala ang pinatatamaan niya tungkol sa panindigan. Ang tindi ng sakit at hiya na dulot nito sa aking puso. Tumbok na tumbok niya ang sama ng ginawa ko. “S-sorry Kap, I’m so sorry.” Ang nasambit ko. “Hindi ko alam.”

“Okay lang iyon kasi, sanay naman ako sa ganyan.” Ang sagot niya. “Sanay akong magdusa. Alam kong mababa ang pagkatao ko kaysa iyo kaya hindi kita masisisi. Alam kong hindi mahalaga sa iyo ang kung ano man ang aking naramdaman dahil isang janitor lang ako. Kaya heto, inaabuso, niyuyurakan ang pagkatao.”

“Patawarin mo ako Kap! Patawarin mo ako… Hindi kita pinanindigan. Naging mahina ako, Kap. Hindi ko natupad ang pangako ko sa iyo. Sobrang sama ng ginawa ko sa iyo.” Tumayo ako sa aking kinauupuan at nilapitan siya, niyakap ko.

Hinyaan niya akong yakapin siya. Hindi niya sinuklian ang aking yakap.

“Mapapatawad mo ba ako, Kap?”

“Okay lang. Wala na sa akin iyon. Iyong sakit lang ang mahirap talagang tanggalin.”

“G-gusto ko sana… bumalik ka sa opisina natin, Kap para kahit papaano ay makabawi man lang ako sa iyo.”

“Hindi na. Kasi… baka makita ako ni Marrie doon, malaking gulo. Baka maeskandalo ka.”

“Hayaan mo, Kap. Paninindigan kita.”

“Salamat na lang, Sir.”

May sakit na dulot din ang pagtawag niya sa akin na Sir. “Sir na lang ba tayo ngayon? Wala na ang Kap?”

“Iyong Kap naman kasi di ba sabi mo, dahil mag best friends tayo kaya ganyan ang tawagan natin. Di ba kapag best friend mo ang isang tao ay paninindigan mo siya, protektahan mo, ipaglalaban mo ang pagiging magkaibigan ninyo. Di ba iyan din ang pangako natin? Na panindigan ang isa’t-isa? Pero hindi ko naramdaman na pinanindigan mo ako. Ano ang silbi ng tawagang Kap? Plastikan lang?”

Mistulang hinataw ng isang matigas na bagay ang aking ulo. Iyon bang, oo nga, ako ang mas matanda, ako ang may pinag-aralan, ako ang boss ngunit ako itong parang tanga at gago. “Oo nagkamali ako, Kap. Pero tao lang ako, Kap. At ngayon ko lang narealize na masama ang ginawa ko sa iyo.”

“Kaya nga masakit kasi, iyong taong tiningala ko na mataas ang pinag-aralan, iyong taong mas matanda pa sa akin, ngayon lang nakita ang kahulugan ng paninindigan, ngayon lang nakita ang sakit na naramdaman ng tinuturing niyang best friend. Ngayon lang, pagkatapos akong masaktan, pagkatapos akong halos susuko na sa buhay. Sobrang sakit...”

Tahimik.

“Sabihin mo nga sa akin ang totoo, Kap. Mahal mo ba ako?”

Tinitigan niya ako. Iyong titig na tila may hinanakit. “Hindi. At para saan ba ang tanong mong iyan?”

“M-may gusto lang akong malaman…”

“Nakakainsulto naman. Anong klaseng tanong iyan? Parang nananadya o nang-iinis ba?”

“H-hindi, hindi Kap. May gusto lang akong malaman.”

“Para ano pa? Ikakasal ka na di ba? At ngayon ay magtatanong ka ng ganyan? Hindi. Hindi kita mahal.”

“Okay. Kung ganoon ay kalimutan mo na lang ang tanong ko. Pero iyong kapag hindi ka babalik sa opisina, hindi rin babalik si Felix doon. Makisimpatiya siya sa iyo…”

“Mabuti pa siya…”

“So hahayaan mo rin na mawalan ng trabaho si Felix?”

Hindi siya nakasagot.

“Sige… pag-usapan niyo na lang ni Felix. Isipin mo palagi, handa ang opisina na tanggapin kang muli. Sana bukas, darating kayo ni Felix.” Ang nasabi ko na lang sabay tayo at baling sa direksyon ng kuwarto ni Felix, “Felix! Aalis na ako!” ang sigaw ko.

Nang nakarating na ako ng bahay, naroon si Marrie. Habang nag-uusap kami, tila napansin niyang may bumabagabag sa aking isip. “Okay ka lng ba?” ang tanong niya.

Sinagot ko siyang okay naman ako bagamat busy lang sa trabaho dahil sa daming problema. Naintindihan naman niya. Wala siyang maraming tanong.

Kinabukasan ay maaga akong pumasok sa trabaho. Gusto kong ako ang unang makakita sa pagreport ni Anil sa trabaho. Hindi ko man aaminin sa sarili, may matinding excitement akong nadaraman.

Hindi naman ako nabigo. Dumating sina Felix at Anil sa tamang oras ng pagpasok. Hindi ko lubos maisalarawan ang aking nadarama. Malakas ang kalampag ng aking dibdib at kakaiba ang aking nadaramang inspirasyon sa raw na iyon. Naka-maong si Anil at semi-fit na itim na t-shirt na nakalabas ang isang silver na kwintas na may pendant na puting ngipin ng hayop. Bagong gupit din ang kanyang buhok, iyong tinatawag nilang undercut ba iyan, iyong mahaba ang sa itaas at maiksi or shaved ang paligid sa ibaba ng ulo. At kumikintab pa ito sa dami ng gell na inilagay! Gusto kong matawa sa kanyang hitsura, obvious kasi ang pagbabago! Halatang nag-ayos na mistulang may pinopormahan. Noon ko lang siya nakitang nag-gell. Noon ko lang din siyang nakitang nagsuot ng maong na stylish, iyong faded na may hiwa-hiwa sa hita. Para akong kinilig na hindi ko mawari. At sa kaloob-looban ko, mas lalo pa akong nabighani sa kanyang porma. Mistula siyang sa isang modelo ng pantalon, dagdagan pa sa kanyang suot na t-shirt kung saan ay bumakat ang kanyang magandang hugis ng dibdib at pang-itaas na katawan. “Ang guwapo niya!” ang hindi maiwasang sigaw ng utak ko.

“Good morning boss!” ang pagbati ni Felix sa akin habang naglalakad ito patungo sa loob ng aming opisina, abot-tainga ang ngiti at ang mga tingin ay may pagka malisyoso habang hawak-hawak sa braso si Anil, mistulang batang hinihila patungo sa akin. “May ipakilala pala ako sa iyo Boss, hayan siya…” ang pagturo niya kay Anil. “Kilala mo pa ba siya?” ang nanunuksong tanogn niya, ang ngiti ay may halong malisya.

“Oo naman. Siya iyong pinakamasipag na trabahante natin di ba? Mas masipag pa kaysa ating Personnel Officer” ang biro ko rin kay Felix.

“Boss ha? Magre-resign na talaga ako niyan!” ang biro din niya.

“Joke lang. Syempre, pareho kayong masipag kaya proud ako sa inyong dalawa.”

“Wala ka bang napansin kay Anil Boss?” ang biro ni Felix na may pakindat-kindat pa. Napansin ko namang yumuko si Anil.

“Ah, iyong gell ng buhok niya?”

Tumawa ng malakas si Felix atsaka itinuro si Anil. “Sabi ko nga sa iyo eh, overkill na yang gell mo!”

“Eh… ikaw naman itong gustong ganito ang ayos ko eh!” ang nahihiya sagot ni Anil na nakayuko lang.

“O, ikaw naman pala ang may pakana niyan, Felix.”

“Front lang ako, Boss. Pero ang totoo, si Anil ang nagrequest na magpagupit siya. kaya inayusan ko na nang husto.”

“Ah kaya naman pala.”

“Mas gumuwapo ba Boss, o pumangit.”

“Kaming mga guwapo, wala sa suot iyan… nasa hitsura.” Ang biro ko naman.

“O, di ba? Kaya pakain ka na Boss.” Ang sagot ni Felix. “Pinahirapan din ako niyan sa pagkumbinsi sa kanya na bumalik.”

“Mamaya, sabay tayong mag-lunch.”

“Yeheeeyyy!” ang sigaw ni Felix. At baling kay Anil, “Mag-greet ka na Anil.” Ang utos niya kay Anil.

“G-good morning Sir.” Ang sambit ni Anil.

“Kilala mo pa ang boss natin ha?” ang biro niya kay Anil.

Binitiwan ni Anil ang isang matipid at nahihiyang ngiti, halos hindi makatingin sa akin. Hindi sinagot ang tanong ni Felix. Ngunit Iniabot ko sa kanya ang aking kamay upang makipagkamay sa kanya. Tinanggap naman niya ito. Nang nagkamay kami, halos hinid ko mabitiwan ang paghawak ko rito habang tinitigan siya at nginitian.

Ginantihan din naman niya ang aking ngiti bagamat naputol ito nang, “Oh mg Godddd!” ang sambit ni Felix na tila kinilig na tinakpan ang kanyang bibig.

“O sya, magtrabaho ka na.” ang sabi ko na lang kay Anil.

Kaya hayun, tinumbok ni Anil ang kanyang locker.

“Boss… may nakikita ako sa iyong mga mata…”

“Syempre, may makikita ka talaga. Mata iyan eh! Kalawakan nga may makikita ka rin.” ang pabalang ko namang sagot.

“Ang kalawakan Boss, may mga bituin kaya may ningning. Pero ang iyong mga mata, kahit walang mga bituin, kumukutikutitap!”

“Guni-guni mo lang iyan. Magtrabaho ka na. Baka masesante pa kita.” Ang biro ko.

“Ayiiiiiii!!!!” ang sambit naman ni Felix na kinilig habang tinumbok ang kanyang mesa.

Nang lunch time na, sabay kaming tatlong kumain. Nagpabili na lang ako ng pagkain at sa aking office kaming tatlong kumain. Isang buong kuwarto kasi ang aking opisina, kaya may privacy kami.

Sobrang saya ko. Ganoon din si Felix na kilig na kilig. Siya pa itong nag-uudyok kay Anil na subuan ako. Si Anil naman, sumasakay din. Ramdam kong masaya rin si Anil.

“Boss… subuan mo rin si Anil.” Ang pag-udyok din ni Felix sa akin.

Tiningnan ko si Anil na nakangiting tumingin din sa akin, iyong tingin na naghintay kung susundin ko ang sinabi ni Felix o hindi. Nang nagsandok ako ng kanin mula sa aking plato, napangiti na si Anil, iyong nahihiyang mistulang kinilig din.

“Ayiiiiiiiiiii!!!” ang sigaw ni Felix. At lalo pang lumakas ang kanyang sigaw nang isinubo ko na talaga kay Anil ang pagkain at nginuya iyon ni Anil.

Hindi ko maipaliwanag ang kakaibang saya na naramdaman ko sa tagpong iyon. Tila noon lang ako nakaramdam ng ganoong klaseng saya.

Kinagabihan naman ay sabay kaming tatlong lumabas at sa isang mamahaling restaurant kami nag-dinner.

Kinabukasan ganoon uli ang eksena. Udyok ng aking isip ay ayaw ko nang baguhin ang aming setup na iyon. Gusto kong lagi na lang ganoon at lagi kaming magkasama.

Ngunit sadyang mapaglaro ang tadhana. Biglang sumipot si Marrie sa opisina, tatlong araw bago ang aming kasal. Dumaan lang daw siya dahil gusto niyang makita ako.

“Putangina mo! Bakit nandito ka pa sa opisina! Ang kapal ng mukha mo! Lumayas ka rito! Layas!!!” ang pagsisigaw ni Marrie nang napadaan si Anil sa opisina ko, may hinatid na mga dokumento. At nagwala talaga siya. Pinagsasampal niya si Anil, pinagtatadyakan, at sinambunutan. Pati sina Felix at iba pang nasa opisina ay natulala sa eskandalo at eksenang ginawa ni Marrie.


(Itutuloy)

6 comments:

  1. Boss dapat ipaglaban mo na si Anil. Kawawa naman. Gago ka kasi boss.

    ReplyDelete
  2. waiting for next chapter na,

    **ken James**

    ReplyDelete
  3. Hi sir Mike,
    sana maencourage mo yung ibang author dito na tapusin yung nasimulan nilang kwento,
    yung Kay A.Lim saka yung red paint ganda din kasi ng plot ng story nila.

    ReplyDelete
  4. mabilis ang plow ng story,
    siguro matapos din agad Ito.

    ReplyDelete
  5. ang hirap talaga magtago ng damdamin! ipaglaban na kaya niya si anil at panindigan, kahit man lang ang pagiging magbespren nila?

    bharu

    ReplyDelete
  6. Sana mas marami pa sa 5 chapters ung story! :(

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails