Followers

Saturday, October 15, 2016

ANIL (1)


By Michael Juha

Author's Note:
Kumpleto na po itong story na ito, hanggang Chapter 5 lamang ay tapos na. Magpopost ako araw araw for 5 days po. Kaya don't worry na mabibitin kayo sa kuwentong ito.

Salamat.

*************************
Part 1:

Kung ang mahal mo ay nakatakda nang ikasal, ipaglalaban mo pa rin ba siya kahit ikaw ang magiging dahilan at hadlang sa pagtupad ng kanyang mga pangarap? Paninidigan mo pa rin ba ang pagmamahal mo sa kanya kahit may matatapakan kang tao?

***

“Good morning, Anil! Ang cute-cute mo ngayon, nakaka in-love ka!” ang walang kiyemeng pagbati ng aming personnel officer na si Felix kay Anil kahit nasa harap lang nila ako.

Ngingiti-ngiti lang si Anil habang hiyang-hiya na napapasulyap sa akin, halos hindi makasagot sa bati ni Felix. Nagpatuloy lang siya sa pagpupunas sa mesa ni Felix. Si Felix kasi ay lantarang bakla sa aming opisina at si Anil naman ay ang aming Janitor.

Hindi kaila sa aming lahat sa opisinang iyon na may pagnanasa si Felix kay Anil. Paano naman kasi, kahit Janitor lang si Anil, may hitsura siya, matangkad, moreno, makinis ang mukha na parang hindi ka makapaniwalang anak-mahirap. At kahit 21 na ang edad niya, mukhang teenager pa rin. Baby face kumbaga. Hindi iyan naglalagay ng kung anu-anong pampaputi at pampakinis ng mukha at katawan ngunit lutang pa rin ang kanyang kapogian. Kahit halos pinapabayaan lang ang buhok at mukhang hindi ito inaayos, bagay pa rin ito sa kanya. Pati na ang kanyang unipormeng kulay grey na overall, tila lalo itong nagpapapogi sa kanya. At hindi lang si Felix ang may crush kay Anil sa opisina. Halos lahat ng mga empleyadong babae.

Hindi nakatapos ng pag-aaral si Anil gawa ng kahirapan. Bagamat nag-iisang anak lang ngunit ang kanyang ina naman na single mother ay wala ring matinong hanap-buhay. Labandera noong una ngunit huminto sa kanyang trabaho gawa nang nagka-diabetes at humina ang katawan.  

Mabait na bata si Anil. Masipag, tahimik. Iyon bang kahit hindi nagsasalita ngunit ang mukha ay may dalang positive na vibe, iyong parang puno ng kaineosentehan, iyong hindi mo makikitang nakasimangot. Kaya kapag nakakasalubong mo siya o nasa area mo siya naglilinis at titingin siya sa iyo, siya palagi itong maunang ngingiti. At kapag ganyan ka guwapo at ka-inosenteng mukha ang sasalubong sa iyong umaga, wala kang choice kundi ang ngumiti na rin at batiin siya. May ugali rin siya na kapag nakikita niyang marami kang dala, o abala ka sa isang bagay, ihihinto niya ang kanyang ginagawa upang tulungan ka.

Ngunit mailap si Anil sa mga tao. Hindi siya iyong type na nakikipagbangkaan o makikipagkuwentuhan ng kung anu-ano. Kahit iimbitahan iyan ng ibang mga staffs na kumain, ililibre nila, tatanggi iyan. Kahit sa mga kasamang utility ay madalang ko siyang nakikitang nakikipag-umpukan sa kanila. Kadalasan ay makikita mo siyang focused lang sa trabaho. Kaya si Felix ay hanggang ngiti lang kay Anil. Ligaw-tingin, halik-hangin, libre-nasa, nakaw-tsansing. Iyan si Felix.

Matatawa lang naman si Anil sa kanya kapag ganyang hinahawakan siya ni Felix, o kaya ay kinukurot ang pisngi. Para kay Anil, walang masamang tinapay.

Naalala ko pa noong bago lang si Anil sa aming kumpanya, nagkaroon ng sunog sa aming opisina. Nagsimula ang apoy sa stock room at napuno ito ng usok, na-trapped pa sa loob ang isang staff na kasalukuyang nag-inventory ng mga stocks. Hindi ko pa alam noon na may sunog pala. Nalaman ko lang ito nang nakita kong nagtatakbo si Anil galing sa stock room at biglang ini-activate ang fire alarm na nasa isang kanto ng opisina namin. Pagkatapos ay binasag niya ang salamin na kaha ng fire extinguisher atsaka mabilis itong nagtatakbo dala-dala ang fire extinguisher sa stock room. Nang sinundan namin siya, hayun, pilit na inapula niya ang apoy. Mabuti na lang at nagsidatingan ang iba pang mga janitors na may dala ring fire extinguishers dahil sa pagkarinig nila sa fire alarm. Doon na tuluyang naapula ang apoy at dinala nila kaagad sa ospital ang isang staff na na-suffocate dahil sa matinding usok.

Dahil sa ipinakitang tapang ni Anil, nirekomenda ko siyang gawing regular na empleyado at tinaasan ang suweldo. Binigyan din namin siya ng parangal at nagpakain ang kumpanya sa lahat ng empleyado sa araw ng parangal niya. Syempre, kung hindi dahil kay Anil, malamang na may casualty at tupok pa ang buong building namin.

Doon nagsimula ang paghanga ng mga staffs kay Anil. Sabi nila, “Saan ka pa makakakita ng janitor na guwapo, masipag, mabait, at bayani?”

Isang araw, maraming activity ang kumpanya. Kaliwa’t kanang meeting at natapos ito nang halos alas 11 na ng gabi. Wala nang katao-tao sa opisina, ako na lang ang naiwan. Hinimay ko muna ang mga papeles sa ibabaw ng aking tray, tiningnan ko kung may mga urgent na dokumento na dapat askikasuhin bago ako umalis. Nang matapos, saka ako lumabas ng opisina.

Nasa labas na ako ng pintuan nang laking gulat ko nang makita si Anil doon. “Anong ginagawa mo rito?” ang tanong ko.

“Isasara ko po ang opinisna, Sir.” Ang sagot niya.

Doon ko na naaalala na trabaho rin pala niya iyon. “Awtsss! Sorry Anil! Nalimutan ko! Dapat pala ay kinuha ko na lang sa iyo ang susi upang ako na ang magsara!”

“Okay lang po iyan, Sir. Trabaho ko naman po ito.”

“Kumain ka na ba?” ang naitanogn ko na lang. Nag-alala kasi ako na baka nagutom siya sa paghihintay sa akin. Alam ko kasing hindi siya nagbabaon ng hapunan.

“H-hindi pa po. Hindi naman po ako nagugutom Sir.”

Mas lalo pa akong nakunsyensya sa kanyang sagot. Alam ko, gutom na siya. Gabing-gabi na kaya. “O siya hintayin kitang matapos sa loob at sabay na tayong umalis at kakain.” ang sambit ko na lang

“Huwag na po Sir. Uuwi na po ako pagkatapos nito.” Ang sagot niya habang dali-daling pumasok ng office at pinatay ang air-con, ang mga naka-on na mga printers, photocopiers at siniguradong nasa maayos ang mga gamit sa iba’t-ibang mesa atsaka pinatay ang ilaw.

Nakatayo lang ako sa labas ng pinto habang naghintay sa kanya. Nang lumabas na siya, nagulat siya nang nakita niya ako roon. “B-bat narito pa po kayo, Sir?”

“Anil, nakakainsulto kapag tinanggihan mo ang boss mo, alam mo ba iyon? Okay lang tumanggi kung ang ipapagawa ko sa iyo ay labag sa batas o nakakasakit. Hindi naman eh. Kaya samahan mo ako. D’yan na lang tayo kakain sa labas, iyang sa tapat ng building natin na convenience store, may kainan din sila.”

“P-pero S-sir…” ang pag-aalangan pa rin niya.

“Wala nang pero-pero, samahan mo ako at nagugutom na rin ako. Hindi ako kakain kapag hindi mo ako sasamahan.”

Wala nang nagawa si Anil. Nakita kong kinakamot niya ang kanyang ulo, iyon bang expression na napilitan lang.

“Pumili ka kung ano ang gusto mong i-order.” Ang tanong ko nang nasa loob na kami ng convenience store, magkatabi kaming nakatayo sa harap ng kanilang mga display na pagkain.

“K-kahit ano na lang po, S-sir…” ang sagot niya.

“Walang kahit ano na lang na pagkain dito, Anil. Ano ka ba?” ang biro ko.

Napangiti siya ng hilaw. “I-iyon na lang po, Sir…” sabay turo sa hotdog sandwich.

Doon ko na tinawag ang salesclerk at nag-order. Nag-order na rin ako ng chicken at rice, dinagdagan ko ng take-out.

“Ang dami nyo naman pong inorder Sir. Mauubus po ba natin lahat iyan?” ang tanong niya nang nakaupo na kami sa mesa na nasa isang gilid. Wala nang tao sa loob ng convenience store na iyon. At kami lang ang kumakain. Mistula kaming magsing-irog na nagdi-date.

“Mauubos, syempre. Gutom na gutom ako eh.” Ang sagot ko.

“D-di po ba may kainan sa meeting ninyo?”

Natameme naman ako sa tanong niyang iyon. Dinner meeting kasi ang huling meeting ko na ginanap sa function room ng building namin. At alam ni Anil iyon dahil sila ang naglinis at naghanda sa room na iyon.

“Eh… hindi ako makapagconcentrate sa pagkain doon eh. Puro mga seryosong usapan. Puro nakaka-stress na mga bagay. Hindi kagaya rito, sa iyo, walang pressure. Di ba?”

Binitiwan niya ang isang matipid na ngiti. Iyong nahiya. Tila namumula ang pisngi.

At ewan ko ba, sa ngiti niyang iyon ay mistulang na-magnet ang aking mga mata sa mukha niya. Magkaharap kasi ang aming upuan kaya nasa harapan lang siya ng aking mga mata. Doon ko siya napagmasdang maigi. Makinis ang mukha, iyong klaseng kahit walang nilalagay na pampakinis o moisturizer ngunit tila hindi pa nadadapuan ng pimple kahit isang beses simula nang pagkabata. Iyong mga matang buhay na buhay, ang kanyang makakapal na kilay na sa ganda ng pagkahugis ay nakadagdag sa kinang. Ang matangos niyang ilong, ang mapupula niyang mga labi na kapag ngumiti ay tila nanunukso, dagdagan pa sa isang maliit ngunit maitim na nunal na mistulang sinadyang inilagay sa kanang bahagi sa ibabaw ng kanyang pang-itaas na labi. At ang kanyang mapuputing ngipin na bagamat hindi eksaktong pantay dahil ang magkabilang pangil ay halata ang mga tulis at sungki pa ngunit bumagay ito sa ganda ng kanyang mga labi na mas lalo pang nakadagdag sa tindi ng pamatay niyang ngiti. Ewan, ngunit sa utak ko lang ay parang ang sarap halikan ng kanyang bibig.

Hindi ko lubos maisalarawan ang aking tunay na naramdaman sa sandaling iyon. Sobrang bigat ng aking araw, sobrang stressful ngunit tila biglang gumaan at napawi ang lahat ng stress nang makita ko ang anyo ni Anil. Parang gusto kong abutin ng aking mga kamay ang kanyang mukha at hipuin ang kanyang pisngi. Parang gusto kong idampi ang aking mga labi sa mga labi niya. At iyong dibdib ko, ramdam ang pagkalamapag nito na hindi ko mawari kung bakit.

Naudlot ang paglalaro ng aking isip sa nang napansin kong yumuko siya at lumingon sa direksyon na malayo sa aking kinauupuan. Iyon bang nailang, nahiya, o natakot at pilit na inilayo ang kanyang mukha sa aking paningin.

“Eh… sorry.” Ang nasambit ko na lang.

“P-po? P-para saan po?” ang sagot naman niya na muling tiningnan ako.

“I mean, wala… wala Anil. S-sige, kain na tayo. Gabi na eh. Hinihintay ka ba ng iyong inay?”

“Opo…”

“O sige, bilisan na lang natin ang pagkain at pagkatapos ay ihahatid na kita, okay lang ba?”

“Naku Sir, huwag na po.”

“Anil... ‘di ba sabi ko sa iyo, nakakainsulto kapag tinanggihan mo ang magandang hangarin sa iyo ng tao, lalo na boss mo. Atsaka naghintay na ang inay mo, dapat ay makarating ka kaagad. Mahirap nang makahanap ng masasakyan sa oras na ito patungo sa inyo.”

Hindi na nakaimik si Anil. Pagkatapos naming kumain ay nagtanong pa siya kung ano ang gagawin namin sa mga tirang pagkain. Hindi kasi namin maubos ang mga ito dahil sa dami.

“Iwanan na lang, bahala na sila riyan.”

“Ah… p-puwede bang ipabalot na lang natin? Sayang kasi…” ang pag-aalangan niyang sabi.

“Ah, e, sige ipabalot natin.” Ang sagot ko.

Naawa rin ako sa kanya. Sa isip ko lang ay siguro kapos sa pagkain kaya nanghinayang.  Kaya ipinabalot ko ang aming tirang mga pagkain at ibinigay ko ang mga iyon sa kanya kasama na sa inorder kong take out. Nagulat siya sa take out na ibinigay ko. Hindi niya inaasahan na para sa kanya iyon. Ngunit iginiit ko na para iyon sa inay niya. Muli ay hindi na naman siya nakatanggi.

Nakabuntot si Anil sa akin habang tinumbok ko ang aking SUV na nakaparada sa harap ng convenient store.

“Wala pa po ako noon Sir. Hindi pa po ako nakaranas niyan.” Ang sagot niya sa tanong ko kung may girlfriend na siya nang nasa sasakyan na kami at pinaandar ko ito.

“21 ka na tapos wala ka pang girlfriend?”

“Wala pa po talaga…” ang sagot niyang nakangiti ng hilaw, halatang nahiya.

“Sa guwapo mong iyan?”

Yumuko lang siya at ngumiting muli.

“Pero may crush ka naman?”

“W-wala po eh.”

“Kahit sa mga artista?”

“Hmmm. Si Anne Curtis. Si Angel Locsin.”

“Wow! Bigatin ka! Kaya pala wala kang crush sa mga babae sa atin dahil artistahin pala ang type mo! Iba ka Anil! Iba ka!” ang biro ko sa kanya.

Doon ko na siya nakitang tumawa. At lalo pang tumindi ang nakakaakit na pamatay niyang ngiti.

“Si Felix, patay na patay iyon sa iyo. Hindi mo ba siya type?”

“Eh… mabait po siya sa akin.” Ang tila nahihiyang sagot niya.

“Hindi mo siya type?” Ang paggigiit ko.

“Hmmm… gusto ko naman po siya pero, eh… bilang kaibigan.”

“Kung liligawan ka niya ay papayag ka ba?”

“H-hindi ko po alam eh.”

“May chance naman kaya siya?”

“Eh… kung magkagusto ako sa kanya po. B-baka…”

“Sasabihin ko kay Felix ha?”

“Huwag po Sir. Nakakahiya po.”

“Okay. Sorry. Biro lang naman. Paano naman kung babae ang manligaw sa iyo? May nanligaw na ba sa iyo na babae?”

“Wala naman po. Pero iyong iba, nagbibigay sa akin ng pagkain, may damit din, T-shirt at pantalon.”

“Guwapo ka kasi…” ang sagot ko.

Napangiti lang si Anil.

“Ano ba ang gusto mo sa isang babae?”

“Hmmm… mabait po Sir, maalalahanin. Iyong kuntento na sa simpleng pamumuhay.”

“Napakaswerte ng mapapangasawa mo. Mabait ka, masipag, guwapo. Siguro, wala nang mahihiling pa ang kahit sino mang babae maging asawa mo. At dahil sa ganyan ka kasipag, alam ko, isang araw ay makamit mo rin ang kasaganaan ng iyong magiging pamilya.”

Nasa ganoon kaming pag-uusap nang bigla niyang ipinakisuyong ihinto ang sasakyan. Nang nakahinto na ako sa isang gilid ng kalsada, bumaba siya dala ang isang supot ng pagkain na ipinabalot namin. “Anil! Saan ka pupunta! Delikado riyan baka may mga tambay mapagdiskitahan ka!” ang sigaw ko habang nagtatakbo siya patungo sa isang nakaparadang kariton sa gilid ng poste ng ilaw.

Ngunit hindi ako pinansin ni Anil. Nang naroon na siya, nakita kong may lumabas na dalawang matandang mag-asawa na nasa edad na halos 70. Ibinigay ni Anil sa kanila ang supot ng pagkain. Kahit nasa malayo ako kitang-kita ng aking dalawang mata ang saya ng matandang mag-asawa sa ginawa ni Anil.

Ewan. Ngunit maluha-luha ako sa aking nasaksihan. Para akong sinampal ng maraming beses at biglang natauhan. Simula kasi noong ako’y bata pa lamang ay hindi ko naranasan ang kahirapan. Lahat ng gugustuhin ko ay aking nakakamtan. Kahit nang mamatay ang aking mga magulang, may iniwan silang sapat na ari-arian at negosyo na kahit hindi pa ako magtatrabaho ay mabubuhay ako. At ni minsan ay hindi ko naisip ang kalagayan ng mga mahihirap o iyong mga nasa lansangan natutulog. At lalo nang hindi ko naisip ang tumulong, o magbigay ng kahit ano para sa mga taong naghihirap upang kahit papaano ay sumaya sila. Nakaukit kasi sa isip ko na mga tamad lang sila o anak nang anak kahit walan gpera kaya lalo lamang silang nalugmok sa kahirapan.

“Kilala mo ba sila, Anil?” ang tanong ko nang nakabalik na si Anil sa sasakyan.

“Bago lang po, may mahigit dalawang taon na siguro. Nakita ko lang sila isang beses na namamalimos. Naawa kasi ako dahil matanda na sila. Nanghingi sila ng pagkain sa akin noon. Kaso wala rin akong pera. Kaya ipinangako ko sa sarili na babalikan sila. Simula noon, palagi ko na silang dinadalhan ng pagkain o binibigyan ng pera kapag mayroon ako. Simula rin noon, naging kaibigan ko na sila. At ang pangako ko sa kanila na kapag regular na ako sa trabaho, bibigyan ko sila ng pera at pagkain.” Ang sagot niya.

“Ang bait mo talaga Anil. Kahit wala ka ring pera ay nagbibigay ka pa.”

“Naranasan ko po kasi ang magiging ganyan sa kanila, ang manirahan sa lansangan. Atsaka natutuwa po ako kapag nakikit akong nakakapagdulot din ako ng tuwa sa kanila. Siguro kung mayaman lang ako, mas marami pa akong matutulungan.”

“Kahanga-hanga ang iyong kabaitan. Nakaka-proud. Alam mo ba iyon?”

Binitiwan lang ni Anil ang isang matipid at nahihiyang ngiti.

Tahimik.

“G-gusto kong maging kaibigan kita, Anil.” Ang pagbasag ko sa katahimikan.

Tumingin siya sa akin. Ngumiti.

Tiningnan ko rin siya. Ngumiti rin ako. At dahil sa mapanukso niyang ngiti ay dinagdagan ko pa ito. “Hindi iyong basta kaibigan lang. Gusto ko ay iyong sinasabing best friend. Iyong lahat ng problema ko ay nasasabi ko sa iyo at ikaw rin, lahat ng problema mo ay nasasabi mo sa akin na hindi ka nahihiya. Iyong kapag may kailangan ka, ako ang una mong nilalapitan, at ganoon din ako sa iyo. Iyong kapag gusto kong gumala ay naroon ka rin sasamahan mo ako at ganoon ka rin. Kapag gusto mong gumala, ako ang hahanapin mo upang samahan ka. Atsaka iyong kapag nasa mayroong nang-aaway sa atin, paninindigan natin ang isa’t-isa. Puwede kaya iyon?” ang dugtong ko.

Mistulang natulala si Anil sa kanyang narinig. Hindi makapaniwala. “H-hindi po ba nakakahiya Sir? High School Lang ako, janitor lang samantalang kayo po ay manager tapos, best friends tayo?”

“Ano ka ba! Best friends nga di ba? Dapat ay hindi na nagkahiyaan ang mga ganoon.”

“B-bakit po ako, Sir? Di ba marami naman po kayong kaibigan? Maraming mga staffs na malalapit din sa iyo. Maraming tumitingala sa iyo. Marami ngang nagsasabing ambait niyo.”

“Iba sila eh. Iba ka. At nakikita ko sa iyo ang mga katangian na wala sa kanila. Gusto kitang maging best friend. Ayaw mo ba?”

“Hindi naman po sa ayaw, Sir. Alam ko pong maraming nagmamahal sa inyo po, isa na ako.”

Feeling touched naman ako sa sinabi niyang iyon. “Talaga? Isa ka sa nagmahal sa akin? Bakit?”

“Kasi po, ang bait-bait po ninyo. Kahit kaming mga janitors ay pinapahalagahan niyo rin, kinakausap, tinatanong kung may problema, palaging ini-encourage…”

“So kung ganoon ba ay best friends na nga tayo. Tama ba?” ang tanong ko habang sumulyap sa kanya.

Muli ninyang pinakawalan ang isang nakalalaglag-brief na ngiti atsaka tumango, tiningnan ako. Ewan ko ngunit sa ngiti niyang iyon ay tila ibinayaw ako sa ikapitong alapaap. Iyon ang pinakamagandang ngiti na nakita ko sa kanya. Para akong kinilig na ewan. Halos hindi na ako makapag-focus sa pagmamaneho.

“So simula ngayon ay magbest friends na tayo?” ang tanong ko uli.

“Okay po…” ang sagot niya.

“Woi, wag ka nang mag po o opo sa akin. Bakit 21 ka pero 26 lang naman ako eh.” Ang sabi ko. “Atsaka, dapat may tawagan tayo. ‘Kap!’ hayan, magandang tawagan. Short for Kapatid?”

Natawa siya. “Akala ko Kapitan.”

“Puede rin. Kapitan kita, Kapitan mo rin ako. Ayos ba?

“S-sige po.” Sagot niya.

“Hayan na naman eh!” ang sabi kong tila nagmamaktol. Ipinarada ko sa gilid ng kalsada ang sasakyan. Nang nakahinto na kami, tiningnan ko siya, “Sabihin mo nga sa akin, ‘ Yes Kap’”

Tiningnan din niya ako. “Yes, Kap.”

“Good!” Ang sambit ko. “So dahil mag bestfriends na tayo Kap, may pinky swear tayo.”

“Ano iyon?”

“Kap. Dapat may Kap sa salita mo.”

“Ano iyon Kap?”  ang pag-ulit niya.

Iniabot ko sa kanya ang aking kanang kamay na nakausli ang maliit na daliri. “I-lock natin mga daliri” ang sambit ko.

Ni-lock niya ang maliit na daliri ng kanyang kanang palad.

“Ang tawag dito ay pinky swear. Dapat ay palagi tayong mag pinky swear kapag may sasabihin ka at gusto mong tuparin natin. Parang pangako. Okay ba, Kap?”

“Ok, Kap!” ang sagot niya.

“So ang unang pangako natin sa isa’t-isa ay dapat lagi tayong mag pinky swear. Maipangko mo ba?” ang tanong ko habang iniabot kong muli ang aking maliit na daliri sa kanya.

Tinanggap niya ito at nag-lock ang aming mga maliliit na daliri. “Hangang kamatayan, Kap.” Ang sagot niya.

Napangiti naman ako sa kanyang sinabi. Hindi ko kasi inaasahan na sasabihin niya iyon. Iyon bang parang “Wow! Ganyan na kami ka-close?” sa isip ko lang. “Okay Kap… hanggang kamatayan.” Ang sagot ko rin.

Napangiti rin siya.

“Huwag kang ngumiti. Hindi ito biro.” Ang sambit ko.

Naging seryoso ang mukha niya. “Oo ah.”

“Ang sunod na pangako, ay na mag best friends na tayo.” Sabay abot uli sa aking maliit na daliri.

“Best friends, Kap, hanggang kamatayan!” ang sagot din niya na ngumiti uli.

Ngumiti na rin ako. “Best friends hanggang kamatayan, Kap.”

Doon na kami nagtawanan.

NARATING NAMIN ang kanilang bahay sa isang squatter’s area. Gusto ko sanang samahan siya upang makita ang kanyang inay ngunit hindi na niya ako pinayagan. Nahihiya raw siya sa bahay nila at sa kalagayan ng kanyang inay.

Umuwi ako sa gabing iyon na hindi lubos maintindihan ang aking sarili. Iyon bang feeling masaya, inspired, di ko alam kung bakit.

Kinabukasan, bagamat ganoong eksena uli sa umaga ngunit may napansin akong kakaiba. Mistulang masayang-masaya si Anil. Kita ko ito sa kakaibang kilos at ngiti niya, sa kakaibang kinang ng kanyang mga mata.

“Good morning, Anil! Parang lalo kang gumuwapo ngayon! In love na talaga ako sa iyo! Kailan mo ba ako liligawan Anil? Sabik na sabik na ako. Handa na ang aking pagkababae sa iyo, Anil at payag na rin ang mga magulang ko na ligawan mo ako. Wala nang hadlang ang ating pagmamahalan. Dalian mo Anil, baka magbago pa ang isip ko.” ang walang kiyemeng pagbati at pagpaparamdam na naman ni Felix kay Anil.

Humagalpak naman sa tawanan ang mga staffs na nakarinig.

“Good morning din po.” Ang sagot ni Anil kay Felix.

Sumulyap ako kay Anil. Kitang-kita kong ngingiti-ngiti lang siya sa biro ni Felix habang ipinagpatuloy ang pagpunas sa kanyang mesa. Kakaiba talaga ang sigla niya sa umagang iyon. Naramdam ko.

Nang sa akin naman tumungo si Anil, nakangiti siyang tumingin sa akin. “Good morning po, Sir.” Ang pagbati niya na may halo pang pagkindat.

Tila malunod naman ang aking puso sa sobrang tuwa at kilig sa nakitang pagkindat at pagngiti na iyon ni Anil. “Shit!” sa isip ko lang. Si Anil kasi ay hindi maunang mag-greet iyan lalo na sa akin. At lalo nang hindi kumikindat. Wala iyon sa bokabularyo niyang mangindat ng mga staffs, lalo na sa manager. “Good morning din Anil!” ang pagsukli ko sa kanyang pagbati habang nginitian din siya. Hindi ko talaga alam kung bakit nag-umapaw sa tuwa ang aking puso sa pagkakita at pagbati ni Anil sa akin.

Biglang napansin ko naman ang pagtingin sa akin ni Felix. “Anil ha… sa akin, ako palagi ang unang nagi-greet sa iyo pero kay Sir Kevin, ikaw ang unang nag-greet na tila may melody pa, may feeling iyong sa kanya! At hoy…!!! Kitang-kita ng aking mga mata na kinindatan mo siya! Ano to, Anil? Harap-harapang traydoran?” ang biro ni Felix. Ganyan kasi si Felix, casual na lang sa kanya ang lahat sa office. Masayahin siyang tao, palaging nagbibigay ng saya at kalokohan sa office lalo na kapag alam niyang feeling nabo-bored kami or nai-stress. Kumbaga, siya ang buhay sa opisina. Hindi siya iyong mataray na bakla na nanlalait o nang-iinsulto. Siya ay puro good vibes at kakengkoyan. At sobrang maaasahan si Felix lalo na sa mga problema sa trabaho. Matulungin din sa iba pang staffs. Halos hindi nga ako makagalaw kapag naga-absent siya. Siya rin ang sinasabihan ko sa aking mga problema sa trabaho, or issues kapag kailangan ko ng opinion. 

Ngingiti-ngiti lang si Anil sa sinabi ni Felix.

“Felix, bigyan mo na lang ng kalayaan si Anil. Di ka niya mahal.” Ang biro ko.

Kitang-kita ko sa mukha ni Felix ang pagkagulat. Ni minsan kasi ay hindi ako pumapatol sa ganyang mga biro niya. Noon lang niya narinig na nagbiro ako ng ganyan. Pati ako nga rin ay nagulat kung bakit ako nakapagbitiw ng ganoong biro. Siguro nga, dahil ramdam ko ang saya na nakita si Anil.

“Ay si Sir! May balak na agawin mula sa akin si Anil! OMG! Hindi magandang pangitain ito! May nararamdaman akong malaking gulo sa opisinang ito.” sabay tawa at talikod, kunyari ay nag walk out.

Natawa na rin ako. Maya-maya ay seryosong lumapit sa akin si Felix, nakatayo na humarap sa akin habang nakaupo ako sa aking mesa. Iyon bang parang isang person in authority na may galit sa kanyang subordinate. “Mr. Kevin Del Valle, binabalaan kita. Huwag na huwag mong tangkain na agawin ang lalaking mahal ko kung ayaw mong makarating ito sa iyong fiancé. Remember, Marrie? Ikakasal na kayo in 6 months! Huwag mong sirain ang buhay mo at ang buhay ng babaeng iyon.” sabay talikod at padabog na naglalakad patungo sa kanyang mesa.

Nang naupo na siya at nakita niya ang pag-alis ni Anil. Tinawag niya ito. “Anil!”

“Po?” ang sagot ni Anil na huminto at lumingon kay Felix.

“Halika nga rito!”

Nang makalapit na si Anil, tumayo si Felix at humarap kay Anil. “Pahalik ka sa akin… bilis! Di puwedeng ganyan-ganyan na lang na aalis ka na walang kiss. Kindat ka nang kindat sa iba riyan eh, tapos sa akin ay lalayasan mo lang ako ng ganyan-ganyan na lang? Hindi uubra yan sa akin. Nagseselos ako.”

Tumingin sa akin si Anil na para bang nagpapaalam kung papayag ako na halikan siya. Nang nakita niyang tumango ako, saka niya iniharap ang isang pisngi niya kay Felix.

“Oh my God! Oh my God!!!” ang sigaw ni Felix habang nagtatalon matapos niyang halikan ang pisngi ni Anil.

Natawa na lang ako. Pati si Anil ay natatawa na rin habang naglakad ito palabas sa aming opisina.

Iyon ang kuwento kung paano kami naging mag mag-bestfriends ni Anil. Simula noon ay palagi na kaming sabay na umuuwi sa gabi. Sasadyain ko talagang magpa-huli sa opisina dahil naglilinis pa siya kapag wala na ang mga staffs atsaka uuwi kapag tapos na siya sa paglilinis. Kadalasan ay mga alas 8 ng gabi na kami sabay na uuwi. Magdidinner muna kami niyan bago ko siya ihahatid sa kanila, mag take-out din ng pagkain para sa kanyang mga kaibigan sa lansangan at sa kanyang nanay.

Unti-unti na ring nawala ang hiya ni Anil sa akin. Hiyang na siyang tawagin akong “Kap” kapag kami na lang dalawa, at nakikipagbiruan na rin siya sa akin, nakikipagharutan, nakikipagkulitan. Kapag namamasyal kami sa ibang lugar papayag iyang makikipag-holding hands sa akin, umaakbay, minsan ay may dagdag pang paglinkis niya ng kanyang braso sa gilid ng aking baywang. Walang kiyeme, walang malisya, walang pakialam kahit may mga tao sa paligid. Siguro ay kung may makakita sa amin, iisipin nilang magsyota talaga kami.

Naranasan na rin namin ang tampuhan, kagaya noong isang beses na hindi natuloy ang lakad namin dahil may emergency na meeting ako at hindi ako nakapagpaalam sa kanya. Hindi niya ako inimik. Pinuntahan ko pa talaga siya sa bahay nila upang suyuin siya. At madali lang mapawi ang tampo niya. Palibhasa, sobrang bait noong tao. Ang weakness lang naman niya ay ang kikilitiin siya sa kilikili at puputok na ang isang tawa. Naranasan ko rin na ako ang nagtampo sa kanya. Ako naman itong sinusuyo niya. Iba siya kapag nanunuyo. Seryoso na halos iiyak. At hindi ako lulubayan sa pagso-sorry. Hanggang sa bibigay ako at pagtatawanan siya sabay takbo. Doon na kami maghahabulan.

Naging mas malalim na rin ang aming pagkakakilanlan sa isa’t-isa. Minsan nga isinasama rin namin ang kanyang inay sa pamamasyal, sa panunuod ng sine, sa pagkain sa labas, sa pamamasyal sa mall. Kahit sa pagsisimba. Para kaming isang pamilya talaga. At ang isang bagay na hindi namin nalilimutan ay ang pagbibigay ng pagkain o minsan ay pera sa dalawang matatandang kaibigan niya.

Sa personal na mga bagay naman ay mas nakilala pa namin ang isa’t-isa. May isang beses na namasyal kami sa isang beach at pinagmasdan ang tuluyang paglubog ng araw, ibinahagi namin sa isa’t-isa ang mga masasakit naming karanasan. Kagaya niya, na ulila na sa ama at walang mga kapatid. Ikinuwento niya ang hirap na pinagdadaanan ng buhay nila ng kanyang ina at nitong huli ang pagka-breadwinner niya pamilya, iyong naranasan nilang kahirapan lalo na noong hindi pa siya nakapagtrabaho kung saan minsan daw ay hindi sila makakain ng tatlong beses sa isang araw, minsan ay walang matitirhan kapag pinapalayas sa kanilang nirerentahan na bahay. Iyong feeling niya ng paghahanap ng pagmamahal ng isang ama. Sa side ko naman, ikinuwento ko ang kalagayan ko bilang ulila sa mga magulang simula noong teenager pa lang ako, na bagamat may kaya naman ang aking mga magulang, masakit pa rin ang aking naranasan dahil nakita ko sila kung paano sila binawian ng buhay gawa ng pagkaaksidente. Nag-iiyakan kaming pareho ni Anil sa aming mga karanasan. Pagkatapos ay parang mga gago na nagyakapan at maya-maya naman ay magtatawanan uli.

Ewan ko. Pero parang ibang klaseng saya ang nararamdaman ko sa pagkakaibigan namin ni Anil. Noon lang ako nakaramdam ng ganoong sigla at saya para sa isang kaibigan. Siguro ay talagang normal lang ang ganoong nararamdaman para sa dalawang magkaibigang lalaki na sobrang close.

Medyo nagdududa na ang aming mga kasama sa trabaho tungkol sa amin. Kahit walang nagsasalita, ramdam ko ang kanilang pagdududa dahil tatahimik na sila kapag si Anil ay naglilinis na ng desk ko at tila lihim na nagmamasid ang lahat sa aming mga kilos.

Ngunit wala sa akin iyon. Ang aking concern ay ang tungkol sa aking fiancée. Baka kasi may marinig siya at magagalit sa akin, o worse, mag-aaway pa kami.

Isang araw, kaming dalawa lang ni Felix ang naiwan sa office. Kinausap niya ako. “Sir, alam kong personal ito ngunit gusto ko lang ipaabot sa iyo na may mga nakakita raw sa inyo ni Anil na namasyal at ang sweet niyo raw.”

“Iyan lang ba ang sasabihin mo Felix?” ang sagot ko naman.

“Yes, Sir. Ayokong magtanong sa iyo about the two of you kasi nga, discretion mo iyan eh if you want to tell me or not. Boss kasi kita kaya gusto ko lang iparating sa iyo ang mga bagay na iyan. Bagamat team tayo sa work pero on a personal level ay alam kong medyo kulang ang ating bond. Concern lang talaga ako sa iyo lalo na sa fiancee mong si Marrie. Tatlong buwan na lang ay ikakasal na kayo.”

“Iyan ba ang dahilan kung bakit hindi ka na nakikipagharutan kay Anil sa umaga, unlike noon?”

“Yes Sir.”

“Pwes Felix, I tell you, wala kaming romantic na relasyon ni Anil. Purely brotherly lang kami. Alam mo namang ulila siya sa ama at walang kapatid, di ba? At ako ay ulila din sa mga magulang. Pareho lang siguro kaming naghahanp ng pantakip sa mga bagay na kulang sa aming buhay.”

“G-ganoon ba Sir?”

“I told you the truth Felix. And I appreciate your concern. At least now, masasabi mo sa mga kasama natin sa opisina na mali sila. At huwag kang mag-alala sa amin ni Marrie. Matutuloy ang kasal.”

“Okay po Sir. Ah, kailan po ba ang balik ni Marrie dito sa Pinas Sir?”

“At least two weeks to one month bago ang kasal namin. I-finalize pa kasi niya ang plans ng aming wedding. Ok naman ang lahat ng preparations. So far ay wala namang problema base sa kanyang mga gusto at instructions. Ang best friend niya ang nag-ayos ng lahat at hopefully, complete na iyon bago siya dumating.”

“Ah very good po!”

“Yes Felix.” Ang sagot ko.

Nang nakalabas na kami ni Felix sa conference room, binulungan ko siya. “Puwede mo pa rin namang landiin si Anil. Na-miss ko ang paglalandi mo sa kanya.”

Natawa lang sa akin si Felix. “Naman! At ang goal ko ngayon ay ang maihabol ang double-wedding natin!”

“Charot!” ang sagot ko.

Lalo pang humagalpak sa tawa si Felix.

(Itutuloy) 

No comments:

Post a Comment

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails