Followers

Tuesday, June 21, 2016

Fathers Day Short Stories

(Sobrang late na para sa Fathers Day, pero sana basahin nyo pa rin. Belated Happy Fathers Day sa lahat ng Amang katulad ko saan mang panig ng mundo)

The Dream Catcher
Fiction

Maaliwalas na umaga. Bumabyahe na ako patungo sa aking pinagtuturuang school. Hindi ko alam kung bakit sobrang saya ko sa tuwing papasok ako para magturo. Sabagay, ang maging isang guro naman talaga ang pangarap ko simula pa noong kabataan ko. Talagang pinilit kong tuparin ito para makapagbahagi ng kaalaman.

Nakarating na ako sa eskwelahan. Napangiti ako dahil naririnig ko na ang ingay ng mga estudyante. Sigawan dito, sigawan doon. Ang ingay talaga. May mga pagkakataong umiinit din ang ulo ko sa mga bata. Pero pag naaalala ko kung gaano ko pinangarap ito ay bigla na lang akong natatawa. Kasi naman, halos mag-iiyak na ako noon sa college sa sobrang hirap ng pinag-aaralan. Pero pinilit ko pa rin dahil gusto ko talaga 'to.

Gusto ko ang kulit ng mga bata. Gustong gusto ko rin kapag naghaharutan sila sa loob ng classroom. Pero sa dami nila ay may isang estudyante ako na talagang pumukaw ng pansin ko. Kitang kita ko kasi ang pagpupursige nyang matuto. Nasa 50 years old na yata sya, ayon sa natatandaan ko. Pero kahit na ganun ay hindi sya nahihiyang mag-aral. Hindi nya alintana na, sa bawat sandali ay mayroong natatawa sa kanya dahil hanggang ngayon ay elementarya pa rin sya. Pero wag ka, sya na yata ang pinakamasipag na estudyante na nakilala ko sa ilang taon kong pagtuturo dito.

Sya si Wilfredo Illustre Sr. Nasa ika-anim na baitang na sya. Malapit kami sa isa't isa. Sa akin sya nagpapaturo kapag may hindi sya naiintindihan sa mga aralin. Nakakatuwa ang sigasig nya sa pag-aaral na talaga namang hindi mo makikita sa iba. Siguro ay matanda na sya kaya ganun. Wala naman syang pinagkaiba sa mga bata dito bukod sa edad nya eh. Estudyanteng estudyante pa rin sya kung tutuusin. Mas nauna nya nga lang matutunan ang takbo ng buhay kesa sa pagbabasa at pagsusulat. Pero sa puso't isip nya ay isa syang estudyante na nais matuto.

"Ahy, ayan na si manong! Pagagalitan tayo nyan, pagagalitan nya din yung teacher naten." sabi ng isang bata. Sabay nagtawanan sila sa buong klase. Napatingin ako doon sa tinutukso nila. Nakangiti lang sya saken at sumisenyas at sabay sinabing "Ayos lang, bata eh"

"Class, psst! Tahimik na! Magsisimula na tayo!" agad naman silang tumahimik.
Sa buong oras ng pagtuturo ko ay nakatitig lamang sya saken at sa pisara. Matamang nakikinig at maagap na ginagawa ang aking mga ipinapagawa. Hindi ko sya nakitaan kahit katiting na bahid ng pagkainip. Wala talaga akong masabi sa kanya.

May ilang pagkakataon ko syang nakikitang nakatingin lang sa malayo habang nasa pasilyo ng isang gusali. Napapangiti na lang ako kapag nakikita ko syang nakangiti din. Siguro nangangarap sya ng mga bagay na gusto nya pang maabot. Sa mga ganoong pagkakataon ko lang napatutunayan na hindi nauubos ang pag-asa. Katulad nya, kahit na matanda na sya ay nag-aaral pa rin. Sinisikap nyang abutin ang mga pangarap nyang hindi nya naabot dahil sa kakapusan. Sa tuwing pagmamasdan ko sya na nasa ganung posisyon ay para bang naririnig ko na sinasabi nya sa kanyang isip na "Hindi pa huli ang lahat."

Sa totoo lang sa kanya ako humuhugot ng lakas. Parang hindi ako napapagod sa pagtuturo kapag nakikita ko sya. Nasasabi ko sa sarili ko "Kaya ko pa!" Hindi ko kahit kelan susukuan ang pinili kong propesyon. Dahil alam ko na may mga katulad nya, na hindi humihinto sa pangangarap. Kaya hindi rin ako hihinto para tulungan silang abutin iyon.

Sa tuwing araw ng Sabado lalo na kung wala naman akong gagawin ay pumupunta pa rin ako sa school para tumulong sa paglilinis ng bakuran. Nagbubunot ng mga damo at nag-aayos ng mga sirang upuan. Tinutulungan ko ang matandang estudyante na gawin iyon para magkaroon pa sya ng mas mahabang oras sa pag-aaral. Care taker kasi sya ng eskwelahan. Kahit na nag-aaral sya ay patuloy nya pa ring ginagampanan ang kaniyang tungkulin sa paaralan. Kalahating araw lang naman ang klase nya kaya pag dating ng hapon ay ginagawa nya ang trabaho nya. At pagka-ganitong wala namang pasok ay ginagawa nya yung mga trabahong naiwan nya sa loob ng isang Linggo. Ganun ang routine nya. Kaya nakakabilib talaga na, sa kabila ng marami nyang trabaho ay matataas pa rin ang grado nya.

 Isang araw habang nasa kalye ako at nagtetext ay bigla na lamang may humablot ng cellphone ko. Isang batang lalake na napakabilis tumakbo. Nagulat talaga ako kaya hindi ako nakapag-isip kaagad. Nang may isang lalake ang humabol doon sa bata. Sinundan ko sila pero mahina talaga ang katawan ko sa mga ganitong pagkakataon. Hindi ko kaya ang takbuhan dahil hindi naman talaga ako active. Kaya hayun nakalayo sila saken. Hinabol nya ito hanggang sa maabutan nya. Nang maabutan nya yung bata ay agad nya namang kinuha ang cellphone na nahablot saken. Sinalubong ako ng matandang estudyante ko sabay iniabot saken ang cellphone ko.

"Wag ka kasing magtetext sa kalye teacher. Maraming masasamang loob dito." payo nya saken.
Napangiti naman ako at sinabing. "Opo, pasensya na po." at sabay na kaming nagtungo ng eskwelahan.
---------------
Napakabilis lang lumipas ng panahon. Heto at malapit na ang graduation. Makakalagpas na ang matandang estudyante sa mababang lebel ng edukasyon. Iniisip kong mabuti ang mga naging paghihirap nya para makatapos dito. Ang pagpupuyat nya para magawa ang mga takdang aralin. Ang mga projects na ipinapasa nya sa tamang oras. At higit sa lahat ay ang pagsisikap nyang mapagtagumpayan ang lahat ng mga pagsubok na ibinibigay ng paaralan sa kanya.

Puspusan na ang aking pagtuturo upang ipaalala sa lahat ng estudyante ang aming napag-aralan sa loob ng halos isang taon. Pinipilit kong matandaan nila para hindi nila makalimutan at may maisagot sila sa huling pagsusulit. Ganun ko mahalin ang lahat ng estudyante ko.

Araw ng periodical exam. Tahimik ang lahat at sumasagot sa kanilang mga test paper. Mga kapwa nakakunot ang mga itsura dahil sa pag-iisip. Ito na ang magiging batayan kung papasa ba sila o hindi sa taong ito. Alam nilang lahat iyon kaya naman lahat sila ay seryoso sa pagsagot.

Nang matapos na ang pagsusulit ay ipinasa na ang papel. Ako mismo ang nagchecheck ng mga papel. Hindi ko ito iniaasa sa mga estudyante dahil gusto kong masiguro na walang mangyayaring dayaan. Kailangang makapasa sila dahil natuto sila. Hindi dahil sa magaling silang mag-magic.

Habang nagchecheck ako ng papel ay nakangiti ako. Sino ba namang guro ang hindi mangingiti kapag matataas ang nakuha ng mga estudyante. Nakakatuwa dahil may natutunan sila saken. Napakasarap sa pakiramdam na may naibahagi na naman akong kaalaman sa kanila. Ito. Ito yung palagi kong pinapangarap. Ang magkaroon ako ng bahagi sa paghubog sa isipan ng bawat estudyante. Heto, patuloy kong tinutupad.

"Wow!" bigla kong sambit sa aking sarili nang makita ko ang isang papel na perpekto. Binasa ko ang nakalagay na pangalan. "Wilfredo Illustre Sr." ang nakalagay. Napangiti talaga ako dahil magmula noon hanggang ngayon ay hindi nagmimintis sa pagsusulit ang matandang estudyante. Kung meron ngang grade na 100% eh iyon na siguro ang inilagay ko sa card nya. Hindi biro ang mag-aral. Kahit na matanda na sya ay hindi pa rin iyon madali. Lalo na kapag talagang nag-umpisa ka sa wala. Isa pa, ang lungkot na pinagdadaanan nya sa pagkamatay ng kaniyang asawa ay hindi naging hadlang sa kaniyang pag-aaral. Iniimagine ko nga na kung nakapag-aral sya noon ay siguradong doktor, enhinyero, o di kaya ay isa na rin syang guro ngayon katulad ko. Bilib talaga ako. Matatag. Matalino.

Huling klase na namen. Nasa loob ako ng silid aralan at binabanggit ko kung sino ang mga nakapasa. Lahat ng estudyante ay nakapasa kaya lahat ay binaggit ko. Maliban lang sa estudyanteng nagngangalang Wilfredo. Gusto ko syang sorpresahin. Kahit na alam kong alam nya sa sarili nya na makakapasa sya ay inilihim ko pa rin.

Nang matapos kong banggitin ang pangalan ng mga nakapasa ay agad na akong lumabas. Papalabas na ako nang bigla akong tawagin ng matandang estudyante.
"Teacher!" tawag nya saken at agad naman akong lumingon na may seryosong mukha. "Hindi ba ako nakapasa? Hindi nyo tinawag ang pangalan ko." tanong nya. Hinawakan ko ang balikat nya habang seryoso pa rin ako. Piniga ko iyon tsaka ako tuluyang lumabas. Nakita ko ang lungkot sa mukha nya, pero sigurado akong matutuwa naman sya sa kinalabasan ng mga paghihirap nya kaya tiniis ko na lang. Hindi ko talaga sinabi.

Araw ng graduation. Iniaayos na ang school para sa gagawing programa mamayang hapon. Lahat kaming mga guro ay abalang abala sa pag-aasikaso ng mga kakailanganin. Maaga pa lang ay naroroon na rin ang matandang estudyante upang tumulong. Pinayagan naman sya ng school na wag nang tumulong dahil graduation naman.

"Mang Wilfredo, Okey lang po. Mag-ayos na po kayo para gwapo kayo mamaya sa stage." narinig kong sinabi ng co-teacher ko. Nakakainis. Sinabihan ko pa man din silang manahimik eh. Hayon nalaman tuloy na gagraduate sya. Nasira tuloy ang plano ko. Pero nung makita ko ang malaking ngiti sa mukha nya ay hindi ko na rin napigilang mapangiti. Totoo. Sobrang saya ko dahil sa wakas ay gagraduate na sya.

Oras na ng pagtatapos. Maayos nang nakaupo ang mga magulang ganun din ang mga bata. Damang dama ko na ang graduation. Lalo na nung tumugtog yung musika para sa pagtatapos. Nakaupo kaming mga guro sa stage at matamang naghihintay na simulang tawagin ang mga nagtapos.

Isa isa nang tinawag ang mga nagtapos. Kami mismo ang mga nagtatawag ng mga estudyante namen. Nakakatuwa. Ang bawat isa ay madamdaming tinatanggap ang kanilang mga diploma kasama ng kanilang mga magulang. Ansarap sa pakiramdam. Naalala ko tuloy nung grumaduate ako. Iyak ng iyak ang magulang ko dahil sa wakas ay nakatapos na ako.

"Third honorable mention! .... . . .         .        . Salutatorian..." Para na akong nabibingi habang tinatawag na ang mga may honor kasabay ng masigabong palakpakan. Lahat ay proud na proud sa kanila. Hinihintay kong tawagin yung Valedictorian. Matiyaga talaga akong naghintay. At sa paghihintay ko ay hindi ko na napigilan ang sarili kong maging emosyonal. Nangangatal na ang bibig ko at halos namamanhid na ang buong katawan ko. Hindi ko na nga halos makita ang paligid dahil sa daloy ng luhang lumalabas sa mga mata ko eh. Ito talaga ang araw na matagal kong hinintay.

"... Valedictorian, Wilfredo Illustre Sr.!.." Dumagundong ang buong eskwelahan sa masigabong palakpakan. Tuluyan na nga akong napahagulgol sa sobrang saya. Hindi ko alam kung papano ako maglalakad nung tumayo ako. Hindi ko halos makita ang tinatapakan ko dahil sa sobrang emosyon.

Bumaba ako ng stage at tinungo ang kinaroroonan ng Valedictorian. Nanginginig ang bibig ko nung makita kong panay ang punas nya ng luha nya. Dahan dahan akong lumapit sa kanya at inilahad ang aking kamay. Agad naman syang kumapit sa akin tsaka sya tumayo at sabay kaming naglakad patungo sa stage.

Kinamayan nya ang lahat. iniabot saken ng principal ang medalyang isasabit ko sa Valedictorian ng taong ito. Panay pa rin ang pahid nya sa kanyang mata at ganun din ako na halos hindi na makaaninag. Isinabit ko sa kanya ang parangal na nararapat lamang sa kanya. Ang pinakamataas na parangal ng eskwelahang ito na pinangarap ng lahat ng mga magulang sa kanilang mga anak.

Lahat ng pagsisikap nya ay nagkaroon ng bunga. Lahat ng pagtityaga ay hindi nauwi sa wala. Narito na sya at nakatungtong sa unang hakbang patungo sa mga pangarap nya. Totoong hindi hadlang ang edad sa taong nais magkaroon ng edukasyon. Wala na. Wala nang mas sasaya pa saken, sa nakamit nyang ito.
Matapos kong isabit ang medalya sa leeg nya ay agad syang napayakap saken. Ganun rin ako, yumakap ako ng mahigpit sa kanya at sinabing.
"Ipinagmamalaki kita... Tatay!"



Sino si Jocelyn Raymundo?
One of the truths about James Silver

Jocelyn Raymundo: Pinakamatalinong teacher na nakilala ko sa tanang buhay ko. Sya ang dahilan kung bakit ako nagsusulat ngayon.

May pagkapasaway akong estudyante noon. Ilang beses na rin ako muntikang ma-kick out dahil sa mga gulong pinasok ko. Palagi akong nagka-cutting at palagi akong tulog sa klase. May makatotohanang dahilan naman ako kung bakit ko yun ginagawa. Pero sa tuwing patatalsikin na ako sa school, palagi nya akong pinagtatanggol. Sinusuportahan nya ako sa lahat. At isa sa pinakasuportado nya saken ay ang pagsusulat. Palagi nyang ginagawang halimbawa ang mga gawa ko.

Isang araw, naisipan nyang ilaban sa school competition ang isang akda ko, na pinamagatang"Wasalak". Nakasali kami, pero kami ang may pinakamababang score. Hindi ako umiyak nung natalo ako kasi wala naman talaga akong tiwalang mananalo kami. Talo. Pero hindi ko napigilan yung luha ko nung nakita ko syang iyak ng iyak nang dahil lang sa natalo ako. Hindi ko alam nun kung bakit sobrang tindi ng tiwala nya saken. Ang sabi nya saken nun.

"Wag ka mag-alala, susubukan ulit naten next year." nginitian ko na lang sya nun. Pero wala na talaga akong balak sumali pa. Kasi pakiramdam ko napahiya na ako eh.

Fourth year na ako nun, sya pa rin ang paborito kong teacher. Well, sya lang naman kasi ang pumapansin saken pag dating sa talento ko eh. Pinagsulat nya ako ng pinagsulat. Nagrereklamo na nga ako kasi marami nang sinusulat sa klase, madugong sulatan pa rin pag dating sa kanya. Ganyan sya kalupit saken.

Sumali ulit kami ng competition. At sa pangalawa at huling pagkakataon ko. Natalo kami ulet. Umiyak na naman sya. Ako hindi na, kasi alam ko naman na ang mangyayari eh.

 “Marami pa namang pagkakataon. Hindi lang naman sa school ang mga ganitong competition eh.” Sabi nya.

Malapit na ang graduation noon. Syempre lungkot lungkutan ang mga estudyante. Pero masaya rin kasi excited na sila sa mga papasukan nilang college. Ako hindi, wala lang. Gagraduate lang ako, yun lang ang nasa isip ko. Kasi hindi naman ako makakapag-college eh.


Graduation. Masaya na malungkot. Ewan. Syempre, usap sa mga kabarkada. “Mamimiss kita. Inuman pa rin tayo minsan ah.” Mga ganyang uri ng litanya. Si ma’am Raymundo lang ang may sinabing matino saken. Magtiwala daw ako sa sarili ko at may mararating ako. Tinandaan ko yung mga sinabi nyang yon. At ginawa ko naman.

Pagkagraduate ko ay diretso na sa trabaho. Hindi na ako nakapag-college. Pinag-awayan pa nga namin ng nanay ko yung tungkol doon eh. Sa tuwing mababanggit ko na gusto kong mag-aral, eh naiiyak na lang sya at nagagalit saken. Hanggang sa nagtuloy-tuloy na ang pagtatrabaho ko at hindi na nga ako nakapag-aral.

Sampung taon na ang lumipas simula nung grumaduate ako. Tanda ko pa rin ang mga sinabi ni ma’am. Magkikita kami sa school para sa alumni, nahihiya ako. Pumunta pa rin ako kahit na medyo matindi ang hiya ko. Yung mga kasama ko kasing gago, hayun seaman na. Ako ‘tong pinagkatiwalaan at may talent. Heto isang masahista. Pupunta lang sana ako para makikumusta. Pero iniiwasan kong makita ako ni ma’am. Dahil sa lahat kasi ng nandun ay sa kanya ako pinaka-nahihiya. Pero hindi ako nakaiwas sa kanya.

“Kenneth, kumusta na? Ano nang nangyari sayo?’ napakamot lang ako ng ulo dahil hindi ko sya masagot. Hindi ko alam kung saan nanggaling ang emosyon ko, pero bigla na lamang akong naiyak nung tanungin nya ako. Napahagugol ako sa sobrang hiya sa kanya. Ang estudyanteng pinagtanggol nya ng ilang ulet at ang estudyanteng pinagkatiwalaan nya; heto walang narating.

“Ma’am, wala pong nangyari saken eh. Nahihiya po ako sa inyo.” Habang umiiyak ako.

“Tumahan ka nga dyan, buhay ka pa, kaya hindi pa tapos. Naniniwala akong may mararating ka pa rin.” Sabi nya.

“Sana nga po.” Sabi ko.

“I’m proud of you.” Sabi nya na talaga namang ikinahagulgol ko. Hindi ko alam ang ibig sabihin nya doon pero, ang salitang yon ang nagpaliyab ng husto sa damdamin kong umaasa pa rin sa buhay na taglay ko. Mga salitang tapos na, pero pinag-ugatan ng bagong buhay ng aking hangaring magtagumpay. Tinandaan ko ang mga sinabi nya. “Magsulat ka hanggang maputol yang kamay mo.” Dugtong nya.

Limang buwan bago ako magsimulang magsulat ng mga walang kakwenta kwenta kong storya sa fb. Nabalitaan kong namatay na sya. Alam ko na halos dalawang taon nya nang iniinda yon. Pero hindi ko inakala na ganun na pala katindi yon. Hindi ko man lang sya nakumusta, dahil hindi na ako nakabalik ng tandang sora. Pinatay sya ng cancer sa buto. Huling kita namin nakalagay na sya sa isang banga.

Nawala ang katawan nya dito sa mundo. Pero habang panahon syang mananatili sa puso ko. Habang kaya ko pa magsulat, magsusulat ako. Magsusulat ako hanggang mamatay ako. Magsusulat ako kahit walang magbasa. Imortal ang lahat ng salitang binitiwan nya saken na hanggang ngayon ay naririnig ko pa. “Magsulat ka, hanggang maputol yang kamay mo.”

“So long as men can breathe or eyes can see; So long lives this, and this gives life to thee.” – W.S. Napakaswerte kong tao dahil kay ma’am ay naiintindihan ko kung ano ang ibigsabihin neto. Wala man sya sa mundong ito ay palagi ko namang matatandaan na minsan sa buhay ko ay may isang Jocelyn Raymundo na nagbigay ng buong tiwala sa lahat ng magagawa ko.

Alam ko na kung bakit proud saken si ma’am. At isang bagay ito na habang buhay kong ipagmamalaki. Ito ang natatanging meron ako. Ang tanging sandata ko para hindi ako bumagsak sa laban ng buhay ko. Magsisikap ako at patuloy akong magsusulat. Walang tanong, walang pero. Magsusulat lang ako. At ibabahagi ko sa lahat ng makakabasa ng akda ko ang aral na itinuro saken ng isa sa mga bayani ng buhay ko.

Kung nasaan ka man ma’am, alam kong masaya ka na. Dito lang ako at palagi kitang aalalahanin. Kagaya ng sinabi mo, hindi ako hihihinto sa pagsusulat. At isa sa mga araw na darating sa buhay ko. Sisiguruhin kong mula dyan sa kinalalagyan mo, tutulo ang luha mo at maririnig ko ang sigaw mong aalingaw ngaw dyan sa buong kalangitan. “ESTUDYANTE KO YAN!”


No comments:

Post a Comment

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails