Followers

Saturday, January 20, 2018

STARFISH [Chapter 22]

STARFISH
[Chapter 22]


****Kyle****

5:28 PM, Monday
March 25


Halos isang oras na akong nasa likod ng manibela at nakikipagbuno sa trapik ng kamaynilaan. Isa sa mga pinaka-ayaw kong gawin ay ang mag-drive o mas tamang sabihin na ayaw na ayaw kong magdrive kapag traffic. Kasabay ng usok na nakikita ko sa aking paligid at nakabibinging busina ng mga sasakyan ay ang pag-init ng aking ulo.

Hindi ko lubos maisip kung bakit gusto pa ng mga tao sa Maynila ang mag-invest sa pagkakaroon ng sasakyan. Sa ganitong klaseng sitwasyon na mas mabilis pa ang usad ng langgam sa andar ng sasakyan sa kalsada, nakakawalang gana ang bumili ng kotse. Talo ka sa gasolina. Talo ka sa oras sa trapik. Asar-talo ka pa sa kawalan mo ng pasensya. Aaminin ko na halos gawin ko ng personal driver si Aki - pahatid dito, pasundo doon, padaan sa kanto, pasabay sa mall, pababa sa grocery.

Nang makita kong mag-green ang stoplight parang bang bahagya pang namasa ang aking mata sa kaligayahan. Kasabay ng pag-usad ng sasakyan ni Renz ay ang pagdarasal na sana ay makalayo na kami sa pila ng sasakyan sa aming harap.

Hayyy. Na-stress ako sa traffic habang yung kasama ko sa sasakyan parang nasa bingit na naman ng isang bangin kung saan ang kahuhulugan niya ay bisyo, droga, at alak. Kahit na nangangati ang aking leeg na umiling ng mga sandaling iyon ay pinigilan ko ang aking sarili dahil ayaw kong maramdaman niya na disappointed o naawa na naman ako sa kanya. Hindi ko nga alam kung ano ang tunay na nangyari sa kanya. Hindi ko alam kung bakit siya umiiyak. Kahit na may hinala ako at malakas ang kutob ko sa kung ano ang dahilan ay ayaw ko pangunahan ang aking bestfriend.

Isa ang malinaw sa akin. Malungkot siya. Sobrang lungkot. Hindi ko ito maikumpara sa kalungkutan na nakita ko sa kanya nung maghiwalay kami dahil may kakaiba sa kalungkutan na mayroon siya ngayon. Nang humihikbi siya kanina sa aking mga bisig ay parang gusto ko ding maiyak. Naaawa ako para sa aking kaibigan dahil kalalabas pa lang niya ng rehab at sinusubukang magbagong buhay pero heto na naman at mukhang may panibago na naman siyang pagsubok na hinaharap. Nakakakilabot sa tuwing naaalala ko kung paano siyang tumangis kanina. Tagos sa puso ko ang hinagpis na nararamdaman niya.

Tahimik lamang siyang nakaupo sa passenger’s seat ng sasakyan. Nakatingin sa labas ng bintana. Tumigil na ang pag-iyak. Wala na ang habol na hininga mula sa mga hikbi. Pero alam ko na isa lang itong palabas. Isang pagpapanggap. Naghihintay lamang siya na maging mapag-isa at muli niyang ibubuhos ang kanyang mga luha.

Bigla na lang akong napabuntong hininga. Maging ako ay na-stress sa sitwasyon kahit na hindi ko naman alam kung anong nangyayari. Nang matagpuan ko si Renz kanina ay hindi ko alam ang gagawin. Kusa lang na kumilos ang aking katawan para siya ay yakapin at tahimik na samahan sa kanyang pagtangis. Nang sa tingin ko ay medyo nakarecover na siya ay nagpaalam akong aalis saglit para magpaalam kay Aki.

Habang pinakikinggan siyang umiyak ay malinaw sa akin na kailangan ako ng aking bestfriend ngayong gabi. Alam kong hindi niya ito plano para kunin lang ang aking atensyon gaya ng ginagawa nya dati dahil wala naman siyang alam na pupunta ako sa parking lot ng mga oras na yon. Nagkataon lang na may naalala akong kuning mga gamit sa kotse ni Aki at nadatnan ko na siyang nakaluhod at tumatangis. Nang makabalik ako sa aking unit ay agad kong kinausap si Aki tungkol sa lagay ni Renz. Tinanong ko sya kung may alam sya sa maaring pinagdadaanan ng aming kaibigan pero tulad ko ay puro tanong lang din ang meron siya. Hindi ko na kinailangan pang magpaalam dahil si Aki mismo ang nagsabi na mas mabuti kung samahan ko muna si Renz ngayong gabi.

Sa kabila ng protesta ng aking anak na si Andrei na wag ako umalis ay napilitan akong mag-empake ng damit pang-isang gabi para masamahan muna si Renz. At heto nga kami, isang oras na sa traffic sa Edsa. Mukhang mas mauna pang maka-move on ang aking bestfriend bago kami makarating sa kanilang bahay.

Pasado alas-sais na ng mai-garahe ko ang sasakyan ni Renz at makapasok kami sa kanilang bahay. Agad akong sinalubong ng mommy ni Renz na kahit na noon pa man ay kinagigiliwan na ako. Matinding yakapan at kumustahan ang naganap. Ako ang bumungad sa pintuan kaya hindi ko alam kung nakita na ng matandang ginang ang mugtong mga mata ng anak.

“Salamat sa Diyos at naisipan mo akong dalawin anak.”, panimula ng ginang. Sanay na akong tinatawag ako nitong anak. Lalong naging malalim ang aming relasyon matapos kong tulungan na makapasok ng rehab si Renz.

“Syempre naman po. Miss na miss ko na nga po yung cheesecake nyo e.”, nakangiti kong sagot.

“Ay sus. Kung hindi pa dahil sa cheesecake hindi ako maaalala.”, pabirong pagtatampo ni tita.

“Hindi po. Kahit walang cheesecake ngayon okay lang po. Promise.”, sagot ko.

“Hindi ako naniniwala. Mas nauna mo pa ngang banggitin na pupunta ka para sa cheesecake sa text bago mo ako nakamusta kanina e.”, nahiya naman ako sa pambubuko ni Tita sa akin. “Pero okay lang yon, alam ko naman kayong mga bata e ganyan na talaga ngayong araw. Buti na lang at kahapon pa lang ay nakagawa na ako ng cheesecake.”

“Talaga?”, excited kong sabi.

“Oo. Nilagay ko na yung isa dun sa ref sa kwarto ni Renz tapos may isa pa sa kusina na i-uuwi mo kela Andrei. Kala mo nakalimutan kong birthday mo nung 21 no?”, masayang pagbabalita ng aking kausap.

“Thank you Tita. The best ka talaga. Kunin nyo na kasi yung space sa baba ng condo para gawing bakeshop para lagi tayo makapagkwentuhan.”, pambobola ko.

“Hindi pa kasi namin napag-uusapan ni Renz eh. Ano sa tingin mo anak? Galing ka naman kela Kyle di ba? Tingin mo mas lalaki ang sales natin kung mag-open tayo ng branch don?”, sa pagtatanong ni Tita sa anak ay napabaling ako ng tingin sa aking kasama na mula ng dumating kami ay wala pang imik.

Nakaplaster sa mukha nito ang isang pekeng ngiti. Maging ang kislap ng mata ay pilit na nagpapanggap na masaya. Kung hindi mo ito nakita kaninang umiiyak ay hindi mo aakalain na may pinagdaraanan ito.

“Naku, walang magiging problema sa benta. Ang isipin mo Ma eh si Andrei. Kapag nalaman non na nasa baba ka lang ng condo nila, sayo na tatambay yon. Ubos ang paninda mo.”, sagot ni Renz na maging ang boses ay nagawang pekein upang magmukhang masaya. Hindi na ako kumontra at nakisakay na lamang.

“Grabe ka sa anak ko. Maliit lang naman katawan non, mahina lang yon kumain.”, reklamo ko kay Renz.

“Ay nako Kyle. KJ talaga yang anak ko na yan e. Di bale pag-usapan natin mamaya yang pwesto sa condo nyo. Okay lang sa akin na patambayin mo don si Andrei. Sobrang cute kaya at bibo ng anak mo, ang sarap alagaan.”, pagdepensa sa akin ni Tita. “Umakyat na muna kayo sa taas at magpahinga, papatawag ko na lang kayo kapag kakain na ng dinner.”, kita ko ang tuwa sa mata ng matandang babaeng kausap ko. Batid kong masaya ito na nakalabas na ang anak at nagagawa na muling mamuhay ng normal at malyo sa mga dating bisyo. Lingid sa kaalaman nito ay nasa bingit na naman kami ng isang kalamidad at ang gabing ito ang magdidikta kung magiging masalimuot na naman ba ang nga susunod na araw para sa kanyang pamilya.

Kanina bago kami umalis ng condo ay nagpasabi na ako sa ginang na pauwi na kami doon ni Renz at makikitulog ako. Wala namang problema sa kanya dahil dati ko naman nang ginagawa iyon at tiwala ito sa akin na hindi ko aakayin si Renz sa maling landas.

Nang makarating kami sa kwarto ni Renz ay halos wala itong pinagbago maliban sa mga kalat na dati ay permanente nang dekorasyon sa kwarto ng aking kaibigan. Pagpasok sa kwarto ay inilapag lamang ng aking kaibigan ang kanyang bag sa gilid ng kama. Nahiga ito saka ipinikit ang mata. Sumunod na lang ako sa kanya sa higaan.

Alam kong hindi siya tulog at alam kong hindi pa ito ang oras na iiyak siya at magkukwento. Kaya nanatili lamang ako nakahiga at nakikiramdam. Ayaw ko ding simulan ang usapan dahil alam kong mamaya lang ay tatawagin na kami ni Tita para kumain. Pinagmasdan ko ang mukha ni Renz. Walang mababakas na emosyon sa kanyang maamong mukha. Pero alam ko na sa kalooban niya ay malamang sa nagtatalo ang iba't-ibang emosyon. Ginawa ko ang isang bagay na lagi kong ginagawa sa tuwing nasa apat na sulok kami ng kwartong iyon.

Pumatong ako kay Renz at idinagan ko ang aking katawan sa kanya. Kahit na medyo nagka-masel na ang aking tabaing katawan ay mas matangkad pa din sa akin si Renz. Ang ulo ko ay abot lang sa kanyang baba. Nang maging komportable ako sa aming pwesto ay saka ako yumakap sa kanya tulad ng dati kong ginagawa nung siya pa ang tanging laman ng aking puso.

Alam kong oras na makita kami ni Aki sa ganoong posisyon ay panibagong gulo na naman ang poproblemahin ko. Pero wala si Aki at ang kwartong iyon ang safe place namin ni Renz. Wala akong balak na gumawa ng anumang makamundong bagay para lang pagaanin ang loob ni Renz. Ramdam ko rin sa puso ko na oras na tigasan sa akin tong mokong na to ay agad akong aalis sa pagkakapatong sa kanya saka siya paghahampasin ng unan. Ang tanging nais ko lang ay bigyan siya ng lakas at comfort sa paraang alam ko. Sa paraang alam kong paborito niyang ginagawa ko sa kanya noon. Dati ko pa gustong yakapin si Renz ng ganito pero natatakot ako dahil noong mga panahong iyon ay ramdam ko pa na umaasa pa siya sa pagmamahal ko at ayaw ko siyang bigyan ng false hopes.

Iba na ang sitwasyon ngayon. Alam kong hindi na ako ang dahilan ng pag iyak nya. Ramdam ko din na alam niya sa sarili niya kung ano lang ang ibig sabihin ng pagyakap ko sa kanya.

Idinikit kong lalo ang aking tenga sa kanyang dibdib. Pinakinggan ang nakabibinging tibok ng kanyang puso. Ramdam ko ang kanyang paghinga, ang dahan-dahang pag-angat baba ng kanyang tiyan.

Nang mga sandaling iyon, siya muli si starfish at ako si jellyfish.

"Thank you.", bulong ni Renz sa akin. Lalo ko lamang hinigpitan ang aking yakap sa kanya. Hindi namin kailangan pang mag-usap ng mga sandaling iyon. Sapat na ang magkadikit naming katawan para kalmahin kahit na papaano ang nagugulo niyang damdamin,

Hindi ko sigurado kung gaano kami katagal na magkayakap dahil nakatulog ako. Kahit sino namang pumatong siguro sa katawan ng katulad ng kay Renz ay makakatulog agad at mananaginip ng maganda. Nagising lang ako sa marahang paghaplos ng aking kaibigan sa aking buhok.

"Jellyfish...", bulong niya sa akin.

"Hmmm?", antok ko pang sagot.

"Tinutuluan mo ko ng laway mo.", natatawa niyang sabi. Hindi ako kumilos dahil alam kong niloloko niya lang ako. Kay Aki na lang kaya ako nagtutulo ng laway.

"Kapag di ka pa gumising dyan, titigas na si junior ko.", muling hirit ni Renz. Agad naman akong napabangon at katulad ng naipangako ko sa aking sarili ay agad kong pinaghahampas ng unan ang aking bestfriend.

"Putragis ka! Manyakis ka talaga!", inis kong sabi habang panay ang hampas ko sa kanya.

"Hahahaha! OA ka wala pa naman. Sabi ko titigas pa lang.", tumatawa nitong sagot sa akin.

"Mukha mo! The fact na naisip mo yun tyak may masama na namang hangin na laman yang utak mo.", reklamo ko sa kanya.

"Wala ah!", depensa niya habang pilit na inaagaw sa akin ang unan na ginagamit kong panghampas sa kanya. "Ayaw mo kasing gumising e."

"Gising naman na ako di ba? Sumagot ako nung tinawag mo kong jellyfish."

"Eh di ko narinig e."

"Kayo kasing mga starfish wala kayong tengaaa!!!"

"Bakit kayo bang mga jellyfish meron?”, balik sa akin ni Renz. Nakuha niya din ang unan na ginamit kong baseball bat na panghampas sa kanya. "May anak ka na't lahat para ka pa ding bata kung maasar.", humahgikgik niyang sabi sa akin.

"Wala kang pakialam! Tuod!", ganti kong asar habang naghahanap ng panibagong unan na maihahampas sa kanya. Masaya ako dahil ng mga sandaling iyon ay hindi pilit ang kasiyahang ipinapakita sa akin ni Renz.

"Tigasin naman! Di katulad mo lambutin!", pang-aalaska ng kaharutan ko sabay hampas sa akin ng unan ng ubod ng lakas. Mukhang ibinuhos niya ang kanyang kalungkutan sa hampas na yon dahil napaatras ako sanhi para mahulog ako sa kama.

"Putek ka! Lambutin pala ha!?! Sasakalin kitang Starfish ka!!!!", inis kong sigaw sa kanya. Tinawanan lang ako nito ng malakas sabay nagtatakbo papunta sa pinto. Hinagis ko pa ang unan na nadampot ko patungo sa kanyang direksyon pero nakalabas na siya ng kwarto.

Asar-talo kong hinabol siya palabas ng kwarto hanggang sa pagbaba ng hagdan.

"Hoy! Bumalik ka dito!", sigaw ko kay Renz pero tanging ang tawa lang niya ang narinig kong sagot.

Nang makababa ako sa unang palapag ng bahay ay inabutan ko na itong nakaupo sa hapag kainan at nakangisi sa akin. Nandoon na din si Tita at inilalapag ang bagong sandok na kanin sa lamesa. Wala na akong nagawa kundi i-postpone ang tangka kong pagsakal sa aking bestfriend. Nakakahiya kasi kung sa harap pa ng nanay niya ko siya susubukang patayin. Isa pa, nakuha na ng lutong ulam ni Tita ang aking atensyon. Napaupo na lang ako sa silya at binigyan na lang pansamantala ng mapagbantang tingin si Renz.

Naging masaya ang usapan habang kumakain. Di katulad kanina ay hindi gaano ang naging pagpapanggap namin ni Renz. Marahil nakatulong ang pahinga at ang usual naming asaran para kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam nito. Maraming bagay kaming napagusapan na tatlo. Naikwento ko ang bakasyon namin ni Aki sa isla. Nagkwento rin si Renz tungkol sa pag-aalaga sa mga bata nung wala ako. Pati yung plano na pagbubukas ng branch ng pastry shop nila sa ibaba ng aming condo ay napag-usapan naming tatlo.

Matapos ang nakabubusog na hapunan at kwentuhan ay bumalik na kami ni Renz sa kanyang kwarto. Hindi na pumayag pa si Tita na tumulong ako magligpit ng pinagkainan.

Pagpasok ng kwarto ay agad kong nilundag si Renz sabay balot ng aking kamay sa kanyang leeg. Nang masiguro kong mahihirapan na siya makawala ay sinimulan ko na ang pagkonyat sa kanyang ulo.

"Sinong lambutin ha?! Manyakis ka pa ding starfish ka!!!", sermon ko habang dinidiin ang aking kamao sa bumbunan ng paborito kong kaasaran.

Dahil sa sabay na pagtawa at pagpupumilit na kumawala sa aking hawak sa kanya ay napahaba ang aking pagkuskos sa ulo ni Renz. Pareho kaming habol hininga na napahiga sa kama dahil sa aming kalokohan.

"Kapag ako napanot nang wala pa sa singkwenta ang edad, ikaw ang sisisihin ko.", reklamo ni Renz sa akin.

"Dapat lang sa manyak na katulad mo yon.", sagot ko naman.

"Gwapo naman at masarap.", hirit pa nito saka tumayo at tinungo ang kanyang cabinet. "Una na ako maligo ha. Kinapitan ng amoy ng kilikili mo yung leeg ko e.", pang-aasar na naman nito sa akin.

"Ang kapal talaga ng mukha mong Starfish ka!!! Wala akong anghit."

"May naamoy ako eh.", ngisi nitong sagot saka sinara ang pinto ng banyo bago pa man ako makahanap ng anumang bagay na maaari kong ipukol sa kanya.

"Yari ka sa akin paglabas mo jan!!!", sigaw ko sa kanya. Dinig ko ang pagtawa ng aking betfriend sabay ng pagbukas ng gripo sa banyo.

Naiwan akong habal ang hininga sa kama at may naka-plaster na ngiti sa labi. Sobrang na-miss ang ganitong klaseng kulitan namin ni Renz. Para kaming mga batang may sariling mundo. Habang naghihintay na matapos si Renz ay naisipan ko munang bumaba sa may kusina. Kumuha ako ng isang plato at dalawang kutsara. May nakita din akong isang bote ng wine na binitbit ko na din kasama ng dalawang baso. Mabuti na lamang at wala si Tita. Medyo nakakahiya kung malaman nito na ako pa ang nagyaya na uminom sa kanyang anak na kagagaling lamang sa therapy sa rehab.

Dali-dali akong umakyat muli sa kwarto ni Renz para walang makakita sa akin. Pagbalik ko sa kwarto ay nasa loob pa din ng CR si Renz. Inilapag ko lang muna ang mga plato at baso sa bed side table. Inilagay ko din muna ang alak sa loob ng ref at saka kinuha sa aking bag ang damit kong pangtulog.

Nang bumukas ang pinto ng banyo ay nakasuot na ng boxer shorts si Renz.

"Wait lang kuha kita ng twalya.", wika nito sa akin saka tinungo ang kanyang cabinet. Kapag abot sa akin ng twalya ay agad na akong pumasok ng banyo para maligo. Sinadya kong magtagal na kaunti para makapagplano din sa aking isip kung paano ko sisimulan ang usapan namin ni Renz.

Matapos magbihis ay lumabas na ako ng banyo. Hindi ko naman gagawing magbihis pa sa harap ni Renz kahit na nakita naman na niya ang lahat sa akin. May asawa na ako at dapat siya na lang ang makakita ng pututoy ko.

"Bakit ganyan suot mo?", bungad sa akin ni Renz. Nakasuot ako ng lumang sweatshirt at pajama ng mga sandaling iyon. "Punta ka ba ng Baguio? Gusto mo ng bonet?", natatawa nitong tanong sa akin. Simbilis ng kidlat na nakadampot ako ng unan at ibinato sa kanya habang nagsisimula na siyang tumawa.

Ayaw ko kasi matulog ng naka-boxers lang sa tabi ni Renz. Ayaw kong bigyan ng dahilan si Aki para magselos o anuman. Pero nasobrahan nga ata ang pagiging conservative ng suot ko kasi maging si Aki ay tinanong ako kanina kung bakit iyon ang napili kong dalin na damit. Nagkibit-balikat lang ako ng tanungin nya ko.

"Wala kang pakialam!!!", sigaw ko sa aking kaharap na ligayang ligaya sa pagtawa sa akin. Kinuha ko na lang ang cheesecake sa ref at ang bitbit kong wine kanina.

Inayos ko iyon sa maliit na lamesang nakita ko sa kwarto nya. Saka naupo sa kama at hinarap sya.

"Bad influence ka.", nang-iinis na sabi ni Renz sa akin na ang tinutukoy ay ang red wine na nilapag ko sa mesa.

"Kapal mo. Kahit ubusin mo mag-isa tong bote na to. Alam ko naman na hindi ka malalasing.", depensa ko. Medyo nakakaguilty din kasi na ako pa ang nagyaya kay Renz na uminom lalo na ngayon. Pero umaaasa ko ng sa tulong ng konting wine ay mas maging maganda ang takbo ng aming usapan.

Hindi naman na nagkomento ang aking bestfriend at siya na mismo ang nagbukas ng wine. Sa totoo lang hindi naman ito yung klase ng red wine na nakakalasing. Hindi ko alam kung gaano ang alcohol content nito pero ito yung klase na pwede mong inumin na parang juice lang. Nagsalin si Renz ng wine sa dalawang baso habang ako naman ay parang nakalimot na sa paligid at nagsimula sa pagkain ng cheesecake.

"Kyle baka bangungutin ka sa dami ng kinain mo ngayong gabi. Parang wala kang balak na paabutin pa ng bukas yang cheesecake na yan.", pansin ni Renz.

"Hayaan mo na ako. Minsan na lang ako makakain neto e. Yung isang tray sa baba tyak ubos yun agad sa tatlong kasama ko sa bahay.", paliwanag ko. Nginitian ako ng aking bestfriend at pinabayaan na lang sa aking pagiging patay-gutom.

Nang mapangalahati ko na yung tray ng cheesecake ay medyo nahimasmasan na ako at naisipan ko ng simulan ang usapan. Naka-tigdalawang baso na din naman na kami ng wine habang walang sawang nag-aasaran. Nilinis ko muna ang lamesa sa mga kalat. Kumuha ako ng isang maliit na bote ng gatorade na nakita ko sa ref ni Renz.

"Anong gagawin mo?", takang tanong ni Renz.

"Spin the bottle tayo.", iyon ang naisip kong paraan para simulan namin ang usapan. Sana lang wag mangyari na sa akin lang lagi matapat ang bote. "Bawal madaya. Truth lang lagi. Bawal magsinungaling."

"Spin the bottle lang yan. Paano pa akong makakapandaya dyan?", natatawang sabi ni Renz.

"Nako kilala kita Renz Angelo Razon! Kayong mga starfish di kayo marunong sumunod sa rules. Wala nang madaming satsat! Basta bawal mandaya.", litanya ko na tinawanan lang ni Renz.

Pinaikot ko na ang bote at syempre dahil ako ang nagpaikot, kaya sa akin din tumapat. Potek! Kasunod ng pagtapat ng bote sa akin ay ang lalong pagtawa ni Renz.

"Inalog mo kasi yung mesa e!", reklamo ko. Umaasang bibigyan ako uli ni Renz ng pagkakataon na paikutin muli yung bote.

"Sira ang layo ko kaya sa mesa. Wag ka nga madaya.", pambabara nito sa akin. Wala na akong nagawa kundi manahimik at hintayin ang tanong ng aking kausap.

"Hmmm... Ano kayang magandang itanong?", pambubuyo ng kalaro ko.

"Bilisan mo na."

"Okay. Kung magiging top ka, sinong gusto mo i-bottom? Ako, si Aki, o si Lui? At bakit?", mala-demonyo ang pagkakangiti ng aking kausap.

"Walang ganyang tanong.", reklamo ko. Bakit ba kasi nag-inarte pa ako ng spin the bottle e!?! Pwede ko namang tanungin na lang ng diretso si Renz e.

"Alam mo lahi talaga ng jellyfish ang pinakamadaya eh.", nangongonsensyang sabi ni Renz.

"Oo na. Sasagot na.", sabat ko bago pa man sya maglitanya ng kung anu-ano. Pinag-isipan kong mabuti ang tanong ni Renz at hinanap ang pinaka-honest na sagot na maisip ko.

"Si Lui.", sigurado kong sabi. Kita kong napangiti lalo si Renz.

"Bakit?"

"Sya may pinakamagandang pwet sa inyong tatlo.", pilyo kong sabi. Nagkatawanan kami ng aking bestfriend. Nang makabawi ay pinaikot kong muli ang bote at anak ng maasim na sabaw sa akin na naman natapat. Lalong humagikgik si Renz.

"Okay. Sa amin uling tatlo, kanino ang pinakamalaki?", tanong ni Renz.

"Syempre sa baby ko!", mabilis kong sagot.

"Sus sinasabi mo lang yan kasi asawa mo na yun e. Alam ko namang si junior ko ang panalo.", pagbibida ng kaharap ko.

"Hoy hindi ah! Honest yung sagot ko.", balik ko kay Renz. Hindi ko na siya hinintay na makapagyabang pa at pinaikot ko na muli ang bote at bingo!!! Sa akin na naman tumapat ang lintek. Sa puntong iyon ay napipikon na ako sa bote.

"Hahaha! Okay. Ano kayang maitanong? Aha! Most embarassing na sex mo?", bahagya pang napalakas ang boses nito halata ang biglang excitement. Napanganga naman ako sa tanong ni Renz dahil alam ko ang sagot. Isang alaala na pilit ko ng binabaon sa limot. Isang pangyayaring ayaw ko ng sariwain. Isang sekretong nais ko na lang sanang dalhin sa hukay.

Nakakabigla na bilang mag-bestfriend ay may mga bagay pa pala kaming hindi alam sa isa't-isa.

"Ano na?", atat na sabi ni Renz.

"Iba na lang tanong mo.", pakiusap ko.

"Ayaw. Yun ang gusto kong malaman.", pagmamatigas nito.

"Magtanong ka na lang kahit dalawa pa basta ibang topic na lang.", pagmamakaawa ko. Hindi ko kaya ikwento pa kahit na kanino ang bagay na to.

"Ayaw. Wag kayong madaya mga jellyfish kayo.", pamimilit ni Renz. Huminga ako ng malalim bago nagsimulang magkwento. Uminom na din ako ng wine panglunod sa hiya.

"Matagal na to nangyari e. Bata pa ako, wala pa ako masyado experience nun. May nakilala akong guy tas nag-check in kami. So, nag-sex kami dun. Isa sa mga posisyon naming ginawa is yung parang cowboy ung bottom. So ako yung nasa taas tapos inupuan ko sya. Tas nung magpapalit na kami ng posisyon. Nahugot yung ano nya tapos.", napatigil ako sa pagkekwento kasi parang binarahan yung lalamunan ko.

"Tapos?", bitin na sabi ni Renz.

"May nahulog na maliit na peanut butter.", halos pabulong kong sabi.

"Ha?"

"May nahulog na ano.", nahihiya kong pag-uulit.

"Ano?", inip na tanong ni Renz.

"Peanut butter. Maliit lang naman.", paglilinaw ko.

"Tinaehan mo sya????", di makapaniwalang sabi ni Renz na parang naisigaw pa nya ata.

"Bwisit ka talaga! Maliit nga lang! Tsaka wag ka ngang maingay!", irita ko ng sagot dahil nararamdaman ko ng namumula na ang aking mukha. Bigla namang bumunghalit ng tawa si Renz. May pahawak-hawak pa sa tyan nya si mokong para lalo akong inisin.

"Sasakalin kita kapag di ka tumigil sa katatawa. At sinasabi ko sayo, puputulin ko ang lahi mo kapag kwinento mo yan sa iba.", seryoso kong banta sa aking bestfriend. Hindi na nagkomento pa si Renz at pinagkasya na lamang ang sarili sa pagtawa. Upang maiba na ang paksa ng aming usapan ay muli ko nang pinaikot ang bote. Matapos akong hiyain ng tadhana, sa wakas ay tumapat na din ang bote kay Renz.

Napatigil naman siya sa pagtawa at nagkunwaring seryoso na naghihintay ng tanong na ibabato ko sa kanya.

Napaisip naman ako. Itatanong ko na ba agad ang dahilan ng kanyang pag-iyak kanina o dapat ba na magtanong muna ako ng ibang mas simpleng bagay na hindi gaanong malalim? Napagdesisyunan ko na palagpasin na lang muna ang pagkakataon na ito at hayaan na maging kumportable muna si Renz sa aming laro.

“So, sinong huli mong naka-sex ha tuod?”, maangas kong tanong kay Renz. Naisip kong iyon na lang ang itanong since sa sex din naman umikot ang mga tanong niya sa akin. Alam ko namang wala ako mapapala sa kanyang isasagot dahil sa malamang ay isang tao mula sa bar ang kanyang isasagot – di kilala, pansamantala, kinalimutan na.

Nakakapagtaka kung paanong natigilan si Renz. Bigla lang sumeryoso ang kanina nang seryosong mukha ng aking bestfriend. Ganito siya sa tuwing may pilit na itinatago sa akin. Itatago sa maingat na pagpapanggap ng mukha, bantay na mga ngiti, at mapanlinlang na kasiyahan sa tinig ang tunay na nararamdaman.

“Wag na wag ka magsisinungaling Renz Angelo Razon. Kilala kita. Malalaman ko kung nagsisinungaling ka.”, pagbabanta ko sa kanya. My gut feel tells me to corner him on this particular question. Hindi ko ito nararamdaman kanina pero nung nakita ko ang kanyang reaksyon ay tila nakumpirma ko sa aking sarili na dapat makuha ko ang totoong sagot sa aking tanong.

Bumuntong-hininga lamang si Renz. Ramdam ko kung paanong tumatakbo ang kanyang utak at nakikipagtalo sa kanya kung dapat ba na ibigay ang totoong sagot. Uminom siya ng alak. Puno ang baso. Straight. Walang tira. Yumuko siya at pilit na itinatago ang emosyon na maari kong mabasa sa kanyang mata.

Lalo akong kinabahan sa mga kinikilos ni Renz. Maging ako ay napilitan na mapainom sa baso ko ng wine.

“Si Lui.”, halos bulong na sabi ni Renz. Nang rumehistro ang pangalan ay di ko maiwasan ang masamid sa aking iniinom.

“Lui? As in Lucas Willard?!?!?”, di ko makapaniwalang tanong.

“Gwapo? Matangkad sa akin? Malaki katawan? Mayabang? Na Lui?”, tanong ko uli bago pa man siya makasagot sa aking tanong. Tumango lamang si Renz.

“Yung dati mong roommate sa bahay?”, hirit ko pa.

“Yes.”, tipid na sabi ni Lui. Para akong tilapiang nakawala sa tubig, bukas sara ang bibig habang nanlalaki ang mata sa pagkagulat. Hinayaan ko muna na mag-sink in ang nalaman ko sa akin. Sinusubukan ko pang i-proseso ang mga sinabi ni Renz.

Nakayuko pa din ang aking kaibigan at mukhang walang balak na magkwento. Hindi ko alam kung anong dapat kong maramdaman. Nanaig pa din sa akin ang gulat. Though, aminin ko na hindi naman ito dapat na shocking news para sa akin. Pansin ko at maging ni Aki na may kakaiba sa pakikitungo ni Renz at Lui sa isa’t-isa. Napag-usapan pa nga namin iyon sa isla at nagtawanan kaming mag-nobyo sa kung paanong ang aso’t pusa na Renz at Lui ay bagay na magkatuluyan. Pero alam namin ni Aki na hanggang biro lang ang bagay na iyon dahil sa ikakasal na si Lui.

At sa pagkakaalala ng biruang iyon ay biglang nag-click ang bawat piraso ng puzzle, nagsimulang mabuo ang isang istorya, biglang lumutang ang posibleng dahilan ng pag-iyak ng aking bestfriend kanina. Kaakibat ng bagong impormasyong ito ay ang pagbuhos din ng mga bagong tanong.

Pinagmasdan ko ang aking kaibigan at kita ko kung paanong ang iilang salita na binigkas nya kanina ay biglang inubos ang lakas at saya sa kanyang katawan. Kung paanong ang pagbanggit ng pangalang Lui kanina ay parang isang kutsilyo na mariing isinanaksak sa kanyang dibdib. Hindi ko mapigilan ang makaramdam ng awa dahil alam ko ang ganoong pakiramdam. Alam ko kung anong mga napagdaaanan ni Renz. Masakit panoorin na makalipas ang halos isang taon na pagpupumilit niyang magbago at makaalpas sa kalungkutan ay parang may isang malaking vacuum na naman na pilit na hinihila siya pabalik sa madilim nakaraan.

Ayaw ko siyang madaliin na magkwento. Alam kong nag-iipon siya ng lakas. Alam kong hindi madaling buksan ang mga sugat habang pinipilit mong magmukhang malakas.

“Pwede ba kitang kwentuhan?”, sabi ko matapos ang mahabang katahimikan. Tumango lang uli ang aking kaibigan.

Bago ako nagsimulang muli ay lumipat ako sa kanyang tabi at sinandal ko ang aking ulo sa kanyang balikat. Tulad ng lagi ko noong ginagawa kapag malungkot ako o may gusto akong pag-usapan namin ng seryoso.

“Natatandaan mo yung araw na nagtangka kang magpakamatay? Yung araw bago mo kusang sinabi na gusto mong pumasok sa rehab?”, panimula ko. Tumango lang si Renz, tahimik na nakikinig. Alam kong kapag ganitong klaseng tono na ang ginagamit ko sa pakekwento ay naiintindihan ni Renz na seryoso ang gusto kong sabihin.

“Nung araw na yon, sobrang desperado na akong gawin ang lahat para maging okay ka na. Ibang klase yung nararamdaman ko na guilt sa sarili ko dahil sa kinahantungan mo. Kahit na pilitin ko ang sarili ko na maniwala na choice mo ang maging addict, sugarol, lasenggero – hindi mawala sa isipan ko yung bulong na partly may kasalanan ako. Yung insistent na boses sa isip ko na dapat maging parte ako ng solusyon kasi ako ang puno’t dulo ng nangyari sayo. Hindi ko magawang maghugas kamay at magpanggap na wala akong kasalanan.”, simula ko ng pag-alaala sa mga malulungkot na araw na yon.

“Since ayaw akong patakasin ng konsensya ko non, wala akong nagawa kundi maghanap ng paraan kung paano ko aayusin ang buhay mo. Pakiramdam ko na kasi walang klase ng pakiusap ko o ng iyong magulang ang makakapagpabago sayo.”

“Kaya ang ginawa ako ay nag-research ako sa net ng mga bagay na maaaring makatulong sayo. Sa paghahanap ko ng mga articles at video about drug addiction ay napadpad ako sa isang website Ted.com – pamilyar ako sa website kasi ilang beses akong nakapanood ng mga clips dito about leadership, management, success at technology. Pero nagulat ako ng lumitaw ang isang video mula sa site na ito na tumatalakay sa problema sa drugs.”, salaysay ko.

“May isang talk don mula kay Johann Hari ang title ‘Everything you know about addiction is wrong’. Isa yung talk about war on drugs at sobrang dami kong natutunan tungkol sa talk na yon.”

“Sabi nung speaker mahigit isang daang taon na daw ang lumipas mula ng simulan ng US at Britain na i-ban at gawing krimen ang paggamit ng drugs. Dahil sa superpowers ang dalawang bansang iyon ay sumunod ang buong mundo sa kanilang naging desisyon. At simula noon, we have isolated addicts, punished them, and made them suffer in hopes na sa paggawa noon ay mapapatigil natin sila sa paggamit ng droga.”

“I guess dito sa atin sa Pilipinas, napalaki tayo sa katotohanan na ang drugs ay masama at dapat iwasan kung ayaw mong makulong. Tinuro yon sa atin ng ating mga magulang pati sa school. Ang turo sa atin ng lipunan ay kapag gumamit ka ng drugs, magiging adik ka dahil sa mga kemikal na meron ito. Alam natin yung effects na maha-high ka, hallucination, calmness, at pansamantala ka makakalimot sa problema. Pero ang hindi natin masyadong alam eh yung iba pang dahilan maliban sa kemikal na nagiging sanhi para ma-adik ang isang tao sa drugs.”

“Ang sabi don sa talk, ang common presumption ng mga tao is kapag gumamit ka ng drugs – heroin for example, ng ilang araw ay magiging dependent ang katawan mo sa droga at magiging adik ka na. Yun din ang pagkakaalam ko. Then, ini-explain ng speaker na sa medical field kapag naaksidente ka o may painful surgery na kailangang gawin sayo, madalas ay binibigyan ka din ng drugs - diamorphine. Ang Diamorphine ay isang klase ng heroin. Magandang klase ng heroin kasi puro walang halong chalk. So, ginagamit ng mga doctor yung diamorphine as pain killers. And then the speaker argues, kung bakit yung mga ginagamitan ng diamorphine sa US at UK hindi naman nagiging adik kapag lumabas na ng ospital?”

“Kwinento din nung speaker how the world came up with experiment to show how addiction works. Noong early 20th century daw may ginawang experiment ang mga scientist sa mga daga. Nilagay sila sa isang cage, isang daga per cage na may dalawang inuminan. Yung isang inumin purong tubig, yung isa may halong drugs. Sa ganoong set-up daw laging pinipiling inumin ng daga yung tubig na may drugs which would eventually lead to the death of the poor mouse. From that study, a lot of facts and opinions where derived to create the culture, laws, and stigma around drug addiction.”, pagpapaliwanag ko.

“Then pagdating ng 70’s may isang klase pa ng experiment ang ginawa sa mga daga. Nilagay yung mga daga sa cage na tinawag nilang rat park. Rat park kasi hindi lang mag-isa yung daga, may mga kasama siyang ibang daga. Marami silang pagkain, may playground sila, pwede silang mag-sex ng mga kasama niyang daga, pero may dalawa pa ding inuminan – yung purong tubig at yung may halong droga. Surprisingly, sa Rat Park mas pinipili ng mga daga na uminom sa inuminan na purong tubig at halos hindi nila iniinuman yung tubig na may drugs. Now the result of this other experiment challenges a lot of what we know about addiction.”, litanya ko. Alam kong possibleng nabo-bore si Renz sa kwento ko pero pakiramdam ko ay dapat na i-share ko sa kanya ang bagay na ito. Una dahil sa tingin ko ay magiging malaki ang tulong nito sa kanya. Pangalawa ay dahil sa gusto kong umamin sa isang nagawang kasalan.

“Sabi nung speaker sa talk, maybe it’s not just the chemical in the drugs that causes addiction, maybe it’s also the cage causing addiction.”,

“To prove his point, he mentioned another example, this time humans being the test subject. Nung Vietnam War daw 20% ng mga American Soldiers ay gumagamit ng heroin. Nung uuwi na yung mga sundalo after the war, people in the US feared that there will be influx of drug addicts in the streets dahil sa mga soldiers na ito na gumagamit ng heroin. So ang ginawa nila ay binantayan nila yung mga sundalo at pinag-aralan kung babalik ba ang mga ito sa paggamit ng droga. As it turned out, nore of them went to rehab.”

 “The talk went on for almost 15-minutes but basically the speaker was pointing out how socieal connection plays a role in addiction. Nung matapos ko yun panuorin, syempre, di ako naniniwala dun sa speaker kasi marami sa mga sinasabi niya ay salungat sa mga bagay na tinuturo ng lipunan. Kaya nag-google ako at naghanap ng mga article about the Rat Park experiment. And I found out na people were divided. May mga nagsasabing may mali sa experiment, may nagsasabing ito ang kulang sa wars against drugs, may mga kumukwestyon pa sa kredibilidad nung speaker sa Ted talk at nung sumakit na yung mata ko kababasa, napaisip na lang din ako.”

“Naisip kong may point naman yung speaker sa talk niya pero ano nga ba ang dapat na gawin sa mga adik??? Paano ba sila dapat na tulungan?”

“Dapat ba i-rehab lahat ng adik? Ito ang pinkapopular na paraan sa paggamot sa kanila pero bakit may mga labas-pasok pa din ng rehab at hindi makaiwas sa appeal ng droga?”

“Dapat ba na bigyan sila ng matinding parusa at ikulong na lang lahat? Siguro, magandang solusyon yon para hindi na sila makapaminsala sa kapwa at lipunan. Pero ganun din e, may labas pasok pa din na mga adik sa kulungan e.”

“Eh kung patayin na lang kaya lahat ng adik sa mundo para wala ng balikan sa droga.”, patuloy ko sa aking monologue. Bahagya akong kinilabutan ng mga sandaling iyon dahil sa paglutang ng isang malungkot na alaala.

“Nang pumasok sa utak ko iyon, naisip agad kita at narealize ko na hindi ko kayang basta ka na lang ipatapon sa kulungan. At lalong hindi ako payag na patayin ka na lang ng dahil sa adik ka."

"Hindi ko kaya kasi alam kong tulad ng ibang adik sa mundo. Hindi ka lang basta adik. Hindi ka lang basta isang salot sa lipunan. Hindi ka isang hayop na pwede na lang bastang patayin oras na maging peste. Madaling magalit at mawalan ng amor sa mga taong adik na katulad mo noon kasi alam ng nakararami na mali ang ginagawa nyo. Madaling hilingin na sana mamatay na lang kayong lahat para wala ng problema. Masarap isipin ang isang mundong malaya sa mga taong katulad nyo.", pag-amin ko.

"Yan siguro ang hiling ng mga taong walang personal na kilalang adik sa buhay nila. Madaling husgahan at parusahan ang mga taong di mo kilala at piniling di kilalanin. Pero kapag isang taong malapit sayo ang nabansagang adik, ang hirap pala na humusga at magparusa. Hindi pala madaling hilingin na ikulong na lang silang lahat. Hindi pala madaling isipin na basta na lang sila patayin ng mga pulis bilang wala naman silang naitutulong sa lipunan."

"Alam ko mali ang paggamit ng droga pero hindi ko rin masabi na tama ang naisip na paraan ng mundo sa pagsugpo nito. Matapos ang panonood ko ng talk na yon maraming mga bagay ang pumasok sa isip ko. Naisip ko na mali na lagyan ng mga negatibong label ang mga adik. Mali na isipin na sila ay latak ng lipunan, na sila ay salot, mga patapon. Naisip kong mali iyon dahil may kilala akong adik na hindi lang basta adik. Isa din siyang mabuting anak at kapatid. Isang mapagmahal na kaibigan. Isa din siyang maaayos na tao tulad ko bago siya nalulong sa droga.”

“Madaling humusga ng kapwa. Madaling isipin kung ano ang mali sa iba. Madaling hilingin na mawala na lang ang mga problema sa mundo. Ang mahirap gawin ay ang ilagay ang sarili sa sitwasyon ng isang adik at unawain kung bakit iyon ang napili nilang landas na tahakin. Ang mahirap isipin ay ang epektibong paraan kung paano sila matutulungan. Ang mahirap na hanapin ay ang mukha ng isang anak, ama, ina, kapatid, kaibigan, o kasintahan sa mukha ng bawat adik na alipin ng bawal na gamot.”, hindi ko alam kung nakikinig pa sa akin si Renz. Pero umaasa ako na maririnig niya ang confession ko.

“Alam kong mahirap kasi at one point noon, hindi na kita nakita bilang Renz na bestfriend ko. Ang nakita ko na lang ay isang problema na kailangan kong ayusin. Para sa akin ay nawalan ka ng identity, ng istorya, ng pakakakilanlan. At one point, ang naging tingin ko sayo ay isang naglalakad na problema na kailangang mawala. Alam kong ako ang dahilan kung bakit ka napunta sa ganyang daan pero dahil mas mahirap ang umunawa kaysa humusga. Pinili kong isipin na isa ka lang adik, isang problema, isang pabigat.”, nagulat ako na may pumatak na luha sa aking mata. Hindi ko na maalala ang huling beses na naging ganito ako ka-open kay Renz. Naiyak ako dahil nahihiya ako sa reyalisasyon ko ng mga sandaling iyon. “Nakalimutan ko kung sino ka Renz. Nakalimutan ko si Starfish.”

“Habang nagpi-feeling superhero ako sa paghahanap ng makakapagpabago sa’yo. Unti-unting nawawala sa akin ang ibig sabihin ng ating mga pinagsamahan. Kapag naiisip kita noon, hindi ang masasayang alaala natin ang lumilitaw sa aking isipan kundi yung mga problemang dala mo. Hanggang sa biruin ako ng tadhana, at dumating yung araw na nakita kita sa kwarto mo na naliligo sa sarili mong dugo, maputla ang mukha, at halos di na humihinga.”, bumibilis ang aking paghinga sabay ng agos ng mga luha.

“Nang mga sandaling iyon ay hindi ko magawang maging masaya dahil sa wala na ang pinoproblema kong adik. Noong mga malungkot na sandaling iyon ay napagtanto ko kung sino ang tao sa likod ng maskara ng droga. Noon ko lang muling naalala kung sino ang taong pilit kong ginagamot. Noon, bumalik ang tunay na dahilan kung bakit ako pilit na naghahanap ng paraan para mapabuti ka. I remembered that I wasn’t just dealing with another drug user, I’m trying to help my friend, my bestfriend.”, pagtatapos ko bago ako nakonsumo ng paghikbi.

Naramdaman ko ang pagtitig sa akin ni Renz. Pagkakataon ko naman iyon para yumuko dahil sa hiya. Hiya dahil sap ag-amin na noong mga panahong pinka kailangan ako ng aking bestfriend ay mas pinili kong manghusga. Patuloy ako sa pag-iyak hanggang sa maramdaman ko ang pamilyar na bisig ni Renz na bumabalot sa aking balikat. Pinapakalma ako mula sa buhos ng matinding guilt. Naramdaman ko ang paglapat ng kanyang labi sa aking sentido at pag-iwan ng isang banayad na halik doon gaya ng dati niyang ginagawa sa akin sa tuwing mag-aaway kami. Tahimik lang ang aking kaibigan habang hinihintay ako na kumalma.

“I was watching and researching about that talk on drugs bago kita natagpuan sa kwarto mo noon. Habang pinapanuod kita sa ospital na matulog, I had a chance to reflect on what’s happening at the time. Inisip kita bilang si Renz at hindi bilang isang adik. At pakiramdam ko ay kahit kaunti ay naunawaan ko kung gaano kang kalungkot. Kung paanong ang bawat taong nakapaligid sayo ay adik lang ang naging tanging pagtingin sa’yo. Kung paanong maaring maging ang ibang kaibigan mo o pati magulang mo ay nakalimutan na kung sino ka bago ka malulong sa droga. And I realized, you somehow lost all the connections you have in life - how you are essentially alone.”, muli kong pagpapatuloy nang kaya ko ng magsalita. Gusto ko na i-kwento lahat ng gusto ko aminin sa aking bestfriend.

“Sabi sa talk, if only addicts would have enough social connections and activities like the mice in the Rat Park, maybe they would not have to depend on drugs. Sa rat park may kaibigan yung daga, hindi nya kailangan maramdaman na mag-isa siya at ma-depress, may iba siyang pwedeng gawin maliban sa uminom ng tubig na may drugs, hindi niya nararamdaman na basta lang sya nakakulong at ang tanging choice lang na meron siya araw-araw ay uminom ng purong tubig o ng tubig na may drugs.”

“Tapos naisip ko yung mga adik na katulad mo. Kapag nalaman ng society na adik ang isang tao the initial reaction is to distance yourself from the addicts because of the possible danger and the social implications of being associated with one. Alam natin ang stigma around drug addicts at ayaw mong makihalu-bilo sa mga adik dahil takot ka na mapasa din sayo ang stigma. To hell sa kung sino man ang nakaisip ng kasabihan na “birds of the same feather flock together”. Feeling ko yung ideology na yon at ang stigma ng addiction ang dahilan kung bakit nawawalan ng social connection ang mga addict, which makes it harder for them to resist drugs.”

“Kapag adik ka, mawawalan ka ng kaibigan, trabaho, kasintahan, o kahit ng sarili mong pamilya. Ang matitira sayo ay ang drugs at ang kapwa mo mga adik. Kapag ganito na ang sitwasyon mo ang tanging naiisip mo na lang ay droga. Siguro kasalanan nga ng mga adik kung bakit sila adik. Pero kung bakit hindi matapos-tapos ang war on drugs, o kung bakit may mga adik na hindi makakawala sa appeal ng droga, maybe as a society may pagkukulang tayo. Kasi habang nilalayuan, pinandidirihan, at pinuputol natin ang lahat ng koneksyon na meron tayo sa mga adik ay ginagawan natin sila ng isang kulungan kung saan ang tanging desisyon lang na kailangan nilang gawin sa araw-araw ay kung iinom ng purong tubig o tubig na may droga tulad ng isang daga. Kung tatanungin mo ang mga taong kilala mo kung makikipagkaibigan ba sila sa isang taong adik, ang madalas na sagot ay hindi.”

“Alam ko ang mga bagay na ito kasi ganyan mismo ang pananaw ko sa mga adik. Noong ikaw na ang maging adik, pilit kitang tinutulungan kasi kaibigan kita. Pero habang tinutulungan kita ay nagbabago din ang pananaw ko sayo. Unconsciously, yung mga salitang problema, salot, kriminal, latak ng lipunan ay pinapalitan yung pagkakakilanlan ko sayo.”, paliwanag ko habang pinapahid ang luha.

“Sorry Renz kasi alam ko na of all people ako yung inaasahan mo na sana ay makakaunawa sayo. Na sana makaalala sa totoong ikaw. Pero i-let you down. I choose to label you with the same stigma that society has choose to put on drug users.”, sinsero kong paghingi ng paumanhin sa aking kaibigan. “Sorry kasi unintentionally, nalagay ka namin sa isang malungkot na kulungan.”, bulong ko sa aking katabi. “Sorry kasi nakalimutan ni Jellyfish kung sino si Starfish.”

Nang sa wakas ay magawa kong tingnan ang mukha ni Renz ay nakita ko siyang nakangiti. Hindi abot sa tenga ang ngiti pero hindi din peke.

“Iyan ba dapat ang ise-sermon mo sa akin nung magising ako sa hospital?”, nakangiting tanong nito sa akin.

“Oo sana. Kaso sabi mo magpapa-rehab ka na e.”, pag-amin ko. “Tututol nga sana ako eh, kasi naisip ko na magiging mas malungkot ka sa rehab kasi wala kang kakilala doon at lalo ka lang kakainin ng depression.”

“Eh bakit di mo ako pinigilan?”, tanong nito sa akin.

“Kasi, I saw something in your eyes nung sinabi mong magpapa-rehab ka na. Something na I haven’t seen in you for a very long time.”, paliwanag ko.

“And that is?”

“Confidence. Confidence in knowing that you are making a right decision. Kita ko yun sa mata mo. Na para bang nakita mo bigla ang liwanag at alam mo na ang dapat mong gawin, so hinayaan na lang muna kita. As it turns out, it worked naman.”, sagot ko.

“Mapapatawad mo ba ako?”, alinlangan kong tanong.

“Oo naman. Naiintindihan ko naman kung bakit ganoon ang naging reaksyon o thinking mo towards sa akin. Masaya ako na you see things differently now at hindi ko na kailangan na magpaliwanag kung bakit nahirapan ako na iwasan ang droga. Sa totoo lang, dapat pa nga ako magpasalamat kasi yung mga sinabi mo is very comforting para sa akin. Mahirap malulong sa droga pero it’s just as hard to deal with life after drugs. Iba na yung tingin sayo ng mga tao. And it’s reassuring to know na yung isa sa mga importanteng tao sa buhay ko ay iba na ang pananaw sa pinagdaanan ko.”, seryosong sabi ni Renz. Napangiti na din ako sa kanyang sagot.

“So bakit mo nga uli naisipan mag-monologue sa tabi ko?”, nang-iinis na biro ni Renz sa akin. Tiningnan ko siya ng seryoso.

“Kasi, I want to make sure na hindi ka makukulong o magkukulong uli sa cage na mag-isa. Nung makita kitang umiiyak sa parking kanina, ramdam ko kung gaano ka kalungkot at kung paanong pakiramdam mo ay nagiisa ka. At ayaw kong maramdaman mo uli iyon. Kasi mula ngayon, kahit anong mangyari nasa tabi mo si Jellyfish. Pangako.”, nakangiti kong sabi. Bahagyang nangisap ang mata ni Renz pero alam kong pinigil niya ang muling pag-iyak.


****Renz****

11:03 PM, Monday
March 25


Sa kabila ng lungkot na nararamdaman ko ay bahagyang gumaan ang aking pakiramdam sa kwento ni Kyle. Sabihin na lang natin na isa sa mga bagay na inaalala ko mula ng makalabas ng rehab ay biglang na-solusyunan ng wala akong ginagawa.

Mahirap maging adik. Mahirap kumawala sa mahigpit na kapit ng droga sa iyong katawan. At lalong mahirap din ang magsimula ng bagong buhay matapos ang droga.

Tama ang mga sinabi sa akin ni Kyle kanina. Isa nga siguro sa mga dahilan kung bakit walang makapag-pabago sa akin noon ay ang kaalamang lahat ng taong nakapaligid sa akin ang tingin sa akin ay adik. Tama naman sila na isipin yon dahil sa gumagamit nga ako ng droga pero pakiramdam ko ay nawalan ako ng pagkatao. Na para bang sa tagal ko ng nabubuhay tanging paggamit lang ng droga ang inatupag ko kaya wala ng ibang pagtingin ang mga tao sa akin kundi ang isang adik.

Mali, hindi pala lahat. May isang tao pala nung mga panahon na iyon na sa kabila ng araw-araw naming asaran, at kahit na minsan ay pinamumukha nya sa akin na adik ako ay hindi iyon naging hadlang para kilalanin niya ako. Para alamin niya ang istorya ko. Para sa sandaling panahon na kami ay magkasama magawa niyang pasukin ang sarado kong puso.

Nakakalungkot nga lang na ikakasal na siya. Huminga ako ng malalim. Sa tingin ko ay oras na para ako naman ang magkwento kay Kyle. Alam ko naman na hindi siya uuwi hangga’t hindi ako nagkekwento sa kanya. Inangat ko ang ulo ni Kyle na nung mga sandaling iyon ay nakasandal sa aking balikat. Nang makaupo na siya ng maayos ay ulo ko naman ang aking isinandal sa kanyang balikat.

Matapos ang ilang minutong katahimikan at pag-iipon ng lakas ay sinimulan ko ang magkwento. Sinimulan ko sa araw na lumipat ako sa unit ni Kyle. Wala akong balak na itira kahit na anong maliit na detalye. Handa na din akong magkumpisal ng aking mga kasalanan.

Ikinuwento ko kay Kyle ang naging mga bangayan at asaran namin ni Lui. Pati yung weekend na umuwi siya sa bahay sa Bulacan kasama ang mga bata at kaming dalawa lang ni Lui ang naiwan sa condo. Kwinento ko ang mga kalokohan namin sa mall. Ang naging kasunduan namin. Ang minsan naming paglabas sa bar at ang inuman namin after sa bahay ni Kyle. Nakakagulat na sa kabila ng lungkot ay bahagya pa din akong napapangiti kapag naaalala ko ang mga sandaling iyon.

Tahimik lamang si Kyle kaya nagpatuloy na ako sa aking pagkekwento. Sinariwa ko yung gabing pinanuod namin ni Lui yung Brokeback Mountain, kung paanong nauwi ang movie na iyon sa isang pagtatalo. Kung paanong nauwi muli ako sa paggamit ng droga at inubos ang lahat ng aking pera. Kwinento ko din ang gabing wala akong masyadong maaalala. Ang gabing pinagtulungan ako bugbugin sa isang madilim na eskinita dahil wala na akong pambayad sa ginamit na droga. Ang gabing pilit kong ginamit na parausan si Lui. Ang umagang natagpuan ko ang dugo sa kama. Ang umagang umalis si Lui. Ang umagang tinakasan ako ng lahat ng pag-asa sa buhay at piniling magpakamatay.

Walang reaksyon si Kyle, kahit na noong sabihin ko na hinalay ko ang isa sa kanyang mga kaibigan. Nanatili lamang siyang nakaupo habang isa-isang naglalandas ang bagong mga luha sa aking pisngi. Kwinento ko kay Kyle ang naging buhay ko sa rehab. Yung mga bagay na pumapasok sa isip ko nung nasa loob pa ako. Kung paanong ang ginawa ko kay Lui ay isang bangungot na gabi-gabi kong kasiping sa pagtulog. Kung paanong si Lui ang lubid na kinapitan ko para mapilit ang sarili na magbago.

Idinetalye ko din sa aking bestfriend ang naging misyon ko ng makalabas ng rehab. Ang mga nangyari sa amin ni Lui habang nagbabantay sa mga bata. Ang kulitan namin sa mall. Ang paghingi ko ng tawad sa kanya. Ang mga kwentuhan namin ni Lui sa gabi. Ang dahan-dahang reyalisasyon sa kung anong tunay kong nararamdaman para kay Lui. At ang pag-amin sa sarili na sa pangalawang pagkakataon ay nawalan ako ng taong minamahal.

Nang matapos ang mapait na pagkekwento ng trahedya ng aking buhay ay nanatiling tahimik lamang si Kyle sa aking tabi. Basa na ang balikat ng kanyang damit dahil sa aking pag-iyak. Wala ng salitang lumalabas sa aking bibig dahil muli nang habol ang aking paghinga dala ng mga malulungkot na hikbi. Nang sa wakas ay kumilos na si Kyle ay binalot ako nito sa kanyang mainit na yakap.

Lalong nangalit ang mga emosyon sa aking dibdib at mahigit tatlumpong minuto bago ko muling nakontrol ang aking sarili at ang walang tigil na bagsak ng luha.

“Sorry.”, yun lang ang nasabi ko kay Kyle. Siguro ay humihingi ako ng paumanhin dahil sa nagawa ko sa kanyang kaibigan. Hindi ko alam. Malabo pa ang takbo ng aking utak dahil sa labis na pag-iyak.

“Wala kang dapat na ihingi ng tawad sa akin. Napatawad ka na ni Lui. At sa tingin ko naman napagsisihan mo na ang ginawa mo.”, bulong sa akin ni Kyle habang hinahagod ang aking likod. “Kilala kita Renz. Alam kong hindi ka adik at lalong di ka rapist. Katulad ko o ng ibang tao, may mga desisyon ka lang na nagawa sa buhay mo na siguro ay hindi tama. Pero hindi ibig sabihin non na masama kang tao. Kasi sigurado ako na yung Starfish na kilala ko hindi intentionally mananakit ng ibang tao.”

“Salamat.”, sagot ko. Aaminin ko na labis kong ipinagpapasalamat na hindi ko kailangang maging mag-isa sa gabing ito.

“Alam kong malungkot ka. Alam ko masakit. Alam ko na wala din ako masyadong magagawa para mawala dyan yung sugat na dala ng pagmamahal. Pero gaya ng sinabi ko kanina, wag mong iisipin na mag-isa ka. Kasi lagi na akong nandito para sayo.”, pagpapagaan ni Kyle sa loob ko.

Hinayaan ako ni Kyle na ubusin ang mga natitira pang patak ng aking luha. Namagitan ang katahimikan sa amin ng mga sandaling iyon hanggang sa muling magsalita si Kyle.

“Ano pa lang balak mong gawin?”

“Saan?”, tanong ko habang nagpapahid ng luha. Medyo okay na ako. Lumipas na yung unos na kanina ay nagpaluhod sa akin.

“Kay Lui? Liligawan mo ba siya kahit na ikakasal na siya?”, tanong ng aking bestfriend.

“Tingin mo ba magiging masaya talaga siya sa mapapangasawa niya?”, balik kong tanong.

“Honestly, oo. Kaya din siguro hindi ko agad makumbinse ang sarili ko na may namagitan sa inyo ni Lui kasi sa nakikita ko sa kanya ngayon parang yung girlfriend niya ang pinakamasayang nangyari sa buhay niya.”, matapat na pagkumpirma ng aking kaibigan.

“Isa lang naman ang gusto ko mangyari sa ngayon e. Yung makitang masaya si Lui. Kung masaya siya sa kanyang mapapangasawa, hindi ako manggugulo.”, sagot ko kasabay ng bahagyang ngiti. Kabaliktaran ang naging reaksyon ni Kyle. Bahagyang nangisap ang mga mata nito at mukhang magsisimula na namang umiyak. “Bakit?”

“I don’t know.”, sagot nito sa akin habang pinapahid ang luha sa sulok ng mata. “This isn’t fair for you. Bakit kailangan mo uling pagdaanan to?”, malungkot na sabi ng aking kaibigan.

“Well, wala naman na tayong magagawa. May mga maling desisyon akong nagawa at may mga bagay na wala akong control. Nabigyan din naman ako ng chance ng tadhana dati pero hindi ko nakita yung pagkakataon na yon. Wag kang mag-alala. Sa tingin ko naman ay kakayanin ko na this time.”

“Magda-drugs ka ba uli?”, alanganing tanong ni Kyle. Natawa na lang ako sa kanya.

“Hindi na. Napagdaanan ko na yan. Hanap na lang ako ng bagong gimik.”, sagot ko. Pinilit ko magmukhang masaya ang aking boses para di na mag-alala pa ang aking kaibigan. Bukal sa loob ko din naman ang aking sagot na hindi na babalik pa sa droga.

Ngumiti naman ang aking kaibigan.

“Magpalagay ka kaya ng boobs sa Thailand? Malas mo sa pag-ibig eh.”, biro nito sa akin.

Ang birong iyon ay nauwi sa hampasan ng unan at walang sawang asaran sa pagitan namin ni Kyle. Masaya ako na kasama ko siya ngayong gabi. Masaya ko na nasabi ko ang maraming bagay na kinikimkim ko sa aking loob. Kahit papaano ay nabawasan ang bigat sa aking dibdib. Kahit papaano ay nagkaroon ako ng kasiguruhan na oras na lamunin ako ng sobrang lungkot ay may isang tao muli na maaari kong kapitan.

Magiging okay kaya ako? Makakaya ko kaya ang mga susunod na araw?

Sa totoo lang hindi ko alam. Hindi ko masiguro kasi alam mo naman si kaibigang tadhana laging may dalang surprise. Pero isa ang sigurado ako. Mas malakas at mas matatag na ako kumpara dati. Malulungkot ako oo, pero kakayanin ko. May mga gabing iiyak pa din ako pero alam kong may mga umagang ngingiti ako. Kung may natutunan man ako sa nangyari sa akin kay Kyle iyon ay hindi mo alam kung kelan talaga ang ending.

Kahit na pakiramdam mong wala ng pag-asa. Kahit na parang tinakasan ka na ng lahat ng saya sa buhay. Kahit na pilit ka nang ibinabaon sa lupa ng mga pangyayari sa buhay mo kahit na humihinga ka pa. Hindi ibig sabihin non na tapos na ang kwento mo. Hindi ibig sabihin na ang ending mo ay isang malungkot na trahedya.

Kapit ka lang. Maghintay ka. Tiisin mo lang ang sakit. Mag-iiba din ang takbo ng istorya. Dahan-dahan may mumunting dahilan para ngumiti na darating sa buhay. Kasabay ng pagmulat ng mata sa umaga at pagpikit nito sa gabi ay ang posibilidad ng bagong taong maaari mong makilala na makakapagpabago ng iyong sitwasyon. Hindi man sya mismo ang magpabago ng takbo ng buhay mo, maaaring siya ang kailangan mo para magpursigi na maiba ang sitwasyon mo.

Pasado alas tres na ng umaga ng maisipan namin ni Kyle na matulog na. Sa kabila ng madamdamin naming kwentuhan at ng mga nangyayari sa aking buhay ay nagawa kong pumikit ng may ngiti sa labi. Kahit papaano ay masaya ako dahil ang nangyari ng gabing ito ay malayo sa inaasahan ko. Ang inakala ko ay makakatulog ako ngayong gabi dala ng kalasingan sa magisang pag-inom at pag-iyak.

Magaan ang aking pakiramdam na may isang tao akong napagkwentuhan ng aking napagdadaanan. Masaya ako na may isang taong nakaunawa sa akin. Hindi noon natanggal ang sakit sa aking puso pero sapat na iyon para magawa kong magpatuloy.

-----------------------

Mabilis na lumipas ang mga araw. Dumaan ang mga linggo na halos hindi ko namamalayan. Gayunpaman, ay walang umaga o gabi na hindi ko iniisip si Lui. Malungkot pa din ako sa nangyari sa amin pero hindi ako miserable katulad ng dati.

Sa kabila ng sakit ay nagagawa ko pa ding mabuhay. Pinasya ko na lang na gawing busy ang aking sarili sa mga pagpaplano ng bagong shop ni Mama na itatayo sa ibaba ng condo nila Kyle. Dahil doon ay napadalas din ang pagpunta ko kela Kyle. Sa halip na iwan ang mga bata sa mga magulang ni Aki kapag may pasok ang mag-nobyo ay nagpresenta na lang ako na ako na muna ang magbabantay kela Andrei at Sandy.

Hindi naman completely boring o pilit ang mga ginagawa ko sa araw-araw kahit papaano kasi ay napapatawa ako ni Andrei. Madalas ay dinadala ko sila ng kanyang ate sa aming bahay. Masaya naman si Mama na magkaroon ng mga batang maaari niyang alagaan at ii-spoil.

Kung tutuusin ay bahagya akong namamangha sa nagiging paglipas ng bawat araw sa akin. Hindi ko inaasahan na ganito ang magiging sitwasyon ko. May lungkot, oo, pero hindi ito masalimuot tulad ng nangyari noon sa amin ni Kyle. Alam kong medyo matatagalan pa bago ako tuluyang maka-move on. Ayaw kong madaliin ang aking sarili. Ayaw kong maghanap ng taong pwede kong maka-date. Ayaw kong pilitin ang aking sarili na magmahal ng iba para lang makalimot sa tunay na nararamdaman. Sigurado akong darating muli ang pag-ibig sa tamang pagkakataon. Alam ko dahil ang dalawang taong sobra kong minahal ay kusa na lang dumating sa aking buhay sa mga panahong hindi ko sila hinahanap.

Sa ngayon ay pipilitin ko na munang gamutin ang mga sugat para maging handa ako sa pagdating ng araw na makakasalubong ko sa daan ang taong pwede kong makasama habang buhay.

"Kuya Renz, ang tulala ka na naman.", bati sa akin ni Andrei. Di ko namalayan ang paglapit sa akin ng bata. Nasa isang park kami ng mga sandaling iyon. Pinapanood ko ang magkapatid na makipaglaro sa ibang bata kanina bago ako nahulog sa pag-iisip.

"Ah wala. Sige na laro ka na dun.", sa kabila ng kakulitan ni Andrei ay alam kong sensitive ang bata sa emosyon ng mga taong nakapaligid sa kanya.

"Ang lungkot ka ba?", inosenteng tanong nito sa akin.

"Konti lang pero magiging okay na din ako mamaya.", pag-amin ko.

"Sali ka na lang sa laro namin. Ikaw taya, ang hahabol mo kami.", pag-engganyo nito sa akin na ikinangiti ko na lang.

"Hindi na. Pagod ako e. Magiging okay din ako mamaya. Kelangan ko lang magpahinga sandali.", palusot ko.

"Okay. Ang tawag mo na lang ako kapag ang lulungkot ka uli.", masigla nitong sagot sa akin bago nagtatatakbo pabalik sa kanyang mga kalaro. Napangiti na lang ako sa direksyon ng anghel na napulot ko sa may simbahan.

Tiningnan ko ang oras sa aking cellphone. Mag-aalas singko pa lang. Mamaya na siguro kami uuwi dahil baka wala pa sa condo ang magnobyo.

Sa totoo lang palusot ko lang ang pagtingin sa oras. Gusto ko lang talaga tingnan kung may nagtext na sa akin. Kung may text si Lui. Mahigit tatlong linggo na mula ng huli kaming nagkita pero hindi doon naputol ang aming komunikasyon.

Nagulat na lang ako ng isang araw ay may matanggap akong text mula sa isang unknown number. Nang tanungin ko kung sino iyon ay napagalaman kong kinuha ni Lui ang number ko kay Kyle para siguruhing pupunta ako sa kasal niya.

Kahit na may number ako ni Lui ay hindi kami lagi nagkakatext o nakakapagusap sa phone. Hindi kasi ako magtetext o tatawag hanggang hindi siya ang unang mag-reach out sa akin. Hindi sa nagmamaasim ako, ayaw ko lang na magmukhang naggugulo o naghahanap ng atensyon. Sa mga pagkakataong, magtetext sa akin si Lui ay umaabot naman sa mahigit dalawang oras na nakababad kaming dalawa sa pag-uusap sa text. Minsan ay nag-Skype din kami. Friends ko na din siya sa Facebook pero hanggat maaari ay hindi ako nagoonline sa takot na may makita akong mga larawan na magdadala lang ng labis na lungkot at panghihinayang.

Binalikan ko ang huling text sa akin ni Lui. Isa iyong paalala na isang linggo na lang bago ang kanyang kasal at gusto niyang siguruhin na hindi ko siya i-indyanin.

Sa totoo lang ay hindi pa ako nakakapagdesisyon kung pupunta nga ako. Madalas ay kinukumbinsi ko si Lui na hindi ako mawawala sa kasal niya pero hindi pa talaga ako sigurado kung kaya ko bang magpakita sa kanya sa araw na iyon. Sa ngayon ay nakalalamang ang parte na pumipigil sa akin na pumunta. Maging si Kyle ng aking tanungin ay sinabing hindi niya ako masisisi kung ayaw kong pumunta. Nagpresenta pa ito na pagtakpan ako kung sakaling piliin ko na hindi nga pumunta.

Nasa malalim akong pag-iisip sa bagay na ito ng umilaw ang aking phone. Rumehistro ang pangalan ni Aki. Naisip kong baka napa-aga na sila ng uwi ni Kyle at magtatanong kung nasaan kami.

“Hello Aki?”, sagot ko sa tawag ng aking kaibigan.

“Renz, nasaan kayo ng mga bata?”, kalmadong tanong ni Aki pero mababanaag na may seryosong bagay itong sasabihin sa akin.

“Nandito kami sa park. Pinasyalko lang yung dalawa. Nasa condo na ba kayo? Pwede naman na kami umuwi, kanina pa din naman naglalaro si Andrei.”

“Hindi, wala kami sa condo. Andito ko sa ospital. Naaksidente kasi si Kyle. Naka-confine sya ngayon at ayaw pa pauwiin ng doctor.”, pagkekwento ni Aki na ikinabigla ko.

“Ha?!? Anong nangyari?!”, usisa ko.

“Nahulog sa hagdan sa fire exit pero okay naman na sya ngayon. Sinimento lang yung kanang paa niya para di lumala yung fracture don. Ipapadaan ko sana yung mga bata dito sa ospital para makita nila si Kyle bago umuwi. Tiyak na magwawala si Andrei kapag biglang hindi umuwi si Kyle ng walang paalam.”, paliwanag ni Aki.

“Osige, punta na kami agad dyan. May kailangan ka bang ipakuha sa condo nyo? Damit? Termos? Electric fan?”, tanong ko na ikinatawa ni Aki.

“Huwag ka na mag-abala. May damit naman kasi sa kotse lagi. Tsaka baka makalabas na din bukas si Kyle. Gusto lang siya obserbahan ng doctor bago pauwiin.”

“Okay sige. Papunta na kami dyan. Text mo na lang sa akin kung saang ospital kayo.”

Tinawag ko naman agad ang mga bata at inaya nang umuwi sa condo. Dahil basa pareho sa pawis ay naisip kong dumaan muna sa bahay para makapagbihis ang dalawa. Habang pinapalitan ko ang mga ito ng damit ay dahan-dahan kong ipinaliwanag ang nangyari sa daddy nila. Kita ko naman na parang bulkan na nagbabadyang sumabog ang luha at iyak ni Andrei.

Tahimik ang dalawa habang binabaybay namin ang daan patungo sa ospital. Kita ang pag-aalala sa muka ng dalawang bata. Pilit ko namang pinakalma ang mga ito at siniguro sa kanila na malayo na sa peligro ang buhay ng kanilang daddy.

Tulad ng inaasahan, pagpasok pa lang naming sa kwarto ni Kyle sa ospital ay nagtatakbo na agad si Andrei palapit sa Daddy nito habang umiiyak. Agad itong umakyat sa kama at yumakap sa kanyang Daddy Kyle na halatang nabigla sa ipo-ipong biglang bumalot sa kanya. Si Sandy naman ay tahimik ding umiiyak habang nakayakap kay Aki.

Ilang minuto ang lumipas bago nakalma ni Kyle ang nagwawalang damdamin ni Andrei. Nang masiguro ni Andrei na okay ang kanyang Daddy ay ibinaling nito ang kanyang atensyon sa TV sa kwarto na kasalukuyang nasa Cartoon Network.

“Anung pinaggagawa mo sa sarili mo?”, naguguluhan kong tanong kay Kyle. Hindi naman kasi napaliwanag ni Aki kung paanong nahulog si Kyle sa hagdan ng fire exit.

“Eh kasi may meeting ako sa floor sa baba lang namin, so naisip kong maghagdan na lang kesa mag-elevator kaso namali ako ng hakbang eh. Tapos sa kagustuhan kong protektahan yung dala kong laptop napasama pa lalo yung bagsak ko.”, paliwanag ni Kyle. Napailing na lang ako sa kwento nya.

“Wala talaga kayong utak na mga jellyfish.”, pang-aasar ko kay Kyle pero bago pa siya makaganti ng banat ay bigla umilaw ang kanyang cellphone. Hanggang sa bumungad ang mukha ni Lui sa screen.

“Hobby mo ba ang magpasemento ng paa? O fetish mo talaga ang nababalian ng buto?”, bungad ni Lui kay Kyle.

“Siraulo!”, natatawang sabi ni Kyle.

“Hoy Renz! Gumagwapo ka ah!” biro sa akin ni Lui nang mahagip ako ng camera ng phone ni Kyle. Nakaupo ako ng mga sandaling iyon sa gilid ng kama ni Kyle habang pinapakain ni Aki ng meryenda ang mga bata.

“Matagal na akong gwapo.”, ganting yabang ko kay Lui. Napatingin naman sa aking si Kyle bakas ang pag-aalala at pagkontra sa sinabi ko. Alam ng bespren ko ang lihim kong damdamin para kay Lui. At batid kong alam nya na may kirot sa puso ko ang mga ganitong pagkakataon na nag-uusap kami ni Lui na parang walang nangyari.

“Yan tayo eh.”, nakangiting sagot ni Lui na lalong nagpaaliwalas sa kanyang mukha. Nakasuot lamang siya ng isang simpleng putting t-shirt na humahapit sa mabilog nitong balikat at maumbok na dibdib. Halatang nakapambahay ito at nasa loob ng kanyang kwarto.

“Hoy tukmol! Okay ka na ba?”, tanong ni Lui kay Kyle.

“Okay naman na ako. Sinimento lang yung paa ko pero baka makalabas na din naman ako bukas ng ospital.”, sagot ni Kyle.

“Gaano daw katagal yung cast mo?”, tanong muli ni Lui. Nanatili lamang akong tahimik na nakikinig sa kanilang pag-uusap. Masaya na akong sulitin ang mga sandal na makita ang mukha ni Luis a screen ng cellphone ni Kyle.

“Mga 2-3 weeks daw.”, sabi ni Kyle.

“Tsk! Tsk! Yan na nga sinasabi ko eh. Sino ngayon magiging best man ko sa kasal? Alangan namang paglakadin pa kita sa aisle ng may saklay?!”, reklamo ni Lui.

“Sorry na. Yung iba mo na lang na kaibigan ang kunin mong best man. Okay lang sa akin.”, paumanhin ni Kyle.

“Hindi pwede.”, pagmamatigas ni Lui. “Ikaw na lang Renz! Mukhang kasya naman sayo yung damit ni Kyle e.”, masayang sabi ni Lui.

Nabigla naman ako ng maproseso ng aking utak ang kanyang hiling. Ramdam ko na parang tinatakasan ng dugo ang aking mukha at nagsisimula na akong mamutla na parang suka.

“Ha? Ako?”, kinakabahan kong sagot. Hindi ko alam kung paanong tatanggi sa hiling ni Lui ng hindi niya mamasamain. Ayaw kong isipin niya na nag-iinarte o nagpapaimportante ako. Nakorner niya ako ng mga sandaling iyon. Ayaw gumana ng utak ko. Ramdam kong nakatingin din sa akin si Kyle. Marahil nag-aalala para sa akin sa sitwasyon na kinalalagyan ko. Alam kong nag-iisip din siya ng magandang idadahilan para iligtas ako.

“Sige na please.”, paawa na sabi ni Lui na parang bata. Sinamahan pa ng beautiful eyes at pouting lips. “Kayo lang ni Kyle ang gusto ko maging best man. Pagbigayan mo na ako. Bibili ako ng maraming cake sa shop nyo kapag pumayag ka.”, pangungumbinsi sa akin ni Lui.

Minasdan ko ang kanyang makinis na mukha, ang makapal nyang kilay, ang bahagyang nakakunoot na mga noo, ang matangos niyang ilong, magingang kanyang bahagyang nakanguso na mga labi. Nang dumapo ang aking tingin sa kanyang mga mata ay muli akong nakulong sa hipnotismo ng taong minamahal ko. Nawalan ako ng kakayahan na tumanggi at mag-isip para sa ikabubuti ng aking sarili. Sa pagtatagpo ng aming mga mata ay wala akong ibang naiisip kundi ang mga bagay na kaya kong gawin para lang mapasaya si Lui.

“Pleeeeaaaassseee.”, muling pangungulit ni Lui.

Hindi ko na kaya pang labanan ang kakaibang pakiramdam na nagnanais na pasayahin ang taonga king kausap. Namalayan ko na lang ang aking sarili na tumatangi bilang pagsang-ayon sa hiling ni Lui.

Halos magtatalon sa tuwa ang aking kausap. Bakas ang labis na saya sa kanyang ngiti sa labi. Sa kabila ng takot sa maaari kong kaharapin ay may umuusbong na saya sa aking dibdib sa kaalamang hindi lang ako basta back-up plan. Bakas sa naging reaksyon ni Lui na masaya talaga siya na maging best man ako sa kasal niya. Hindi siya napilitan lang.

Sa reyalisasyong iyon ay di ko na rin maiwasan ang ngumiti. Hinayaan ko ang aking sarili na lasapin ang kasiyahan ng mga sandaling iyon kahit na nagsisimula nang bumuhos ang mga tanong at agam-agam sa aking utak dahil sa aking naging desisyon.


…to be cont’d…

13 comments:

  1. sobrang galing! worth it talaga ang paghintay ng update. Looking forward sa next update! :)

    ReplyDelete
  2. Grabe from chapter 1 to 22 tinapos ko dahil sobrang ganda. Kahit puyat sulit. Thanks paps. Can wait sa new updates kudos to you crayon.

    ReplyDelete
  3. Oh my gosh!!! Mr Crayon, atlast after how many years. .akala ko bibitinin mo na kaming mga readers mo. Thank u for coming back.

    ReplyDelete
  4. Cant wait na for the next update 😆 sna po ma ipost na soon 😊

    ReplyDelete
  5. wala pa rin po yung update? 😞

    ReplyDelete
  6. WOW waiting for the next update Mr.Crayon salamat po sa nga magagandang inspiring ng mga stories I Love You.

    ReplyDelete
  7. Mr.Crayon wala pa po ba update ang story na toh...?

    ReplyDelete
  8. mr. crayon miss na po namin sila lui at renz 😞 sna po ituloy nyo ang napakagandang story na to 😭

    ReplyDelete
  9. Update na pls.. Last 2 chapters nalang

    ReplyDelete
  10. Mr Crayon I hope mai-publish mo na yung update sa story mo. Merry Christmas!

    ReplyDelete
  11. 2019 na. what happened to the author?

    ReplyDelete
  12. Sana may ending ang story neto. If there is please someone help me to find the last chapter. Been reading this story since 2015 or 2016. Im not even sure anymore. Lol

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails