Followers

Wednesday, January 24, 2018



Beautiful Andrew
by Glenmore Bacarro
part 1 of 2.

Chapter I

“Bakit sa akin pa nangyari ito?” tanong ni Andrea, dama sa kanyang mga mata ang hinanakit at ang tila ba ay panunumbat sa Diyos. Mariin siyang napapikit na wari ba’y ayaw niyang makita ang awa sa mga mata ni Nel habang nakatitig sa kanya.

Panlimang araw palang niya sa hospital pero mabilis ang mga pangyayari at nalaman na agad ang kanyang sakit, ang pagkumpirma ay galling mismo sa kanyang nurse na si Nel. Naging malapit ang loob niya sa kanyang nurse sa kadahilanang hindi niya naramdaman dito ang anumang panghuhusga sa kanyang pagkatao, bagkus ay ang masuyong pagtanggap bilang kung ano siya.

Andrew ang totoo niyang pangalan, Isa siyang cross dresser, retokada, kabilang sa third sex, mula pagkabata ay alam niyang hindi siya tulad ng iba. Pinanindigan niya ang kanyang nararamdaman, naging mapangahas siya, bukod sa pagdadamit babae, pagkilos babae at pagaayos babae ay nagpalagay din siya ng dibdib ngunit hindi kailanman sumagi sa isip niya na ipapalit ang kanyang pagkalalaki. Walang problema, natanggap nman siya sa mundong kanyang ginagalawan at naging masaya siya hanggang dumating ang araw na ito…

“May pag asa pa, marami naman ng makabagong paraan ngayon para masugpo ang kanser.” Pang aalo ni Nel. Sa isip niya ay ang panghihinayang sa isang taong hindi nakuntento kung sa anuman ang binigay ng Diyos sa kanya. Terminal stage, alam niyang bukod sa dasal ay may pag asa pa sa tulong ng mga makabagong teknolohiya, ayaw niyang magbigay ng maling pagasa, ngunit habang nakatititg sa taong ito ay hindi niya mapigilan na bigyan ito ng kahit katiting na pagasa. Bilang isang nurse ay hindi niya mapigilan na damayan ito sa kanyang paghihirap.

“Anong pag-asa, nurse? Himala?” nagngingilid ang mga luhang tanong nito.

Hinagod ni Nel ang kanyang kamay at masuyo itong nginitian, “may pag-asa hanggat naniniwala ka” tinitigan niya ito at nakita niyang sumilay ang kislap ng pagasa sa kanyang mga mata, “handa kana bang maging si Andrew ulit?” nakangiting tanong niya ulit.

Napadako ang mga mata ni Andrea sa kanyang mga dibdib at di niya mapigilan ang pagsilay ng munting ngiti sa kanyang mga labi, tumango siya kay Nel, “sisimulan ko na rin magpatubo ng kilay” pagak siyang napatawa, “mabuti na lang pala nabura na lipstick ko” pagpapatuloy pa nito.

Nakahinga ng maluwag si Nel, parang nawala na ang kaninang may hinanakit sa mundo na kanyang pasyente.
---

Naging mabilis ang mga prosesong pinagdaanan ni Andrew, pinatanggal ang kanyang pinaoperang dibdib sa madaling panahon at sinimulan na rin ang kanyang mahaba habang gamutan.

“Kumusta na si Andrew?” bungad ni Nel sa pasyenteng nakahiga, wala na ang dibdib nito at nasasanay na rin siyang Makita ito na nakadamit pangospital o damit panlalaki ang sinusuot, meron din pala itong itinatagong angking kagwapuhan, dangan nga lamang ay maganda ito pag nagayos babae, itinatago ng mga kolorete ang kagandahang lalaki nito.

“Eto, pinapakapal na ang kilay at malamang magpapakalbo na rin” anitong tila may lungkot padin sa kaisipang mawawala na ang ilang taon din niyang pinahabang makintab na buhok, “mabuti ng ipakalbo ko na habang hindi pa naglalagas,…” tumingin siya kay Nel at naintindihan naman nito ang ibig niyang sabihin, “nagsimula na ang chemotherapy ko” wala sa sariling paglilinaw nito.

“Tutubo parin naman yan eh…”

“Oh, here’s my favorite nurse, I’ve been looking for you at the whole hospital!” Mula sa bumukas na pinto ay bumungad ang malamyos at masayang tinig, tila ba isang anghel na puno ng buhay. 

Napadako agad ang tingin ni Andrew sa pinagmulan ng boses, at mula sa pinto ay nakita niya ang isang lalaking papalapit sa nakatayong si Nel. Matipuno, maganda ang katawan, bumagay dito ang dilaw at hapit niyang polo shirt, maaliwalas ang kanyang mukha na animoy palaging bagong ligo.

Lumapit ito kay Nel at walang pagngingiming hinagkan niya ito sa labi, isang mabilis at tila ba mapanuksong halik, alam niyang halik iyon ng isang kaibigan dahil wala siyang nabasang kahit anong malisya sa pagitan nilang dalawa, ngunit hindi niya mapigilan ang panlalaki ng kanyang mga mata sa kanyang nasaksihan.

“Ooops!...sorry hindi ko napigilan, nakakagigil ka kasi eh” wika ng lalaki habang nakangiti at pinisil ang magkabilang pisngi ni Nel.

“Tarantado ka talaga!” Nakangiting hinampas ni Nel ang lalaki. “O bat ngayon ka lang? Diba dapat kahapon ka pa nandito? Nagkita naba kayo ni Dr. De la….”

“Teka, di mo ba ko ipapakilala sa bago mong pasyente?” putol nito sa sasabihin ni Nel, at iginawi nito ang tingin sa nakahigang si Andrew.

Tila huminto ang ikot ng mundo ni Andrew, nakatingin sa kanya ang mala anghel na mukha ng lalaki, nakangiti at sumilay ang malalim na biloy nito sa kaliwang pisngi, mga matang tila ba nangaakit at puno ng buhay, bahagyang gumuguhit ang mga kunot sa noo nito sa pagkakangiti na siyang tila humihila sa singkitin nitong mga mata, na binagayan ng may katangusan nitong ilong. Malambot ang mga labi sa pagkakangiti na tila ba ay ayaw ipakita ang mga ngiping pantay pantay.

Hindi napansin ni Andrew na para siyang tangang nakatitig lamang sa mukha ng lalaki, hindi ito kagwapuhan, ngunit sa pagkakangiti nitoy lumabas lahat ng kanyang karisma. Narinig na lamang niya ang pigil na tawa ni Nel at ang pag ehem nito na tila ba may kung anong bara siyang tinatanggal sa kanyang lalamunan.

“Ehem..hmmm.. Carl, meet my favorite patient, Andrea” nakakalokong ngumiti ito kay Andrew “An..Andrew, I should say,” tumingin ito uli sa kanya “and Andrew, this is Carl, my…”

“Hi Andrew, beautiful Andrew, nice meeting you” pagputol ni Carl kay Nel, tumitig ito ng may napakatamis na ngiti kay Andrew. 

Ngumiti lamang siya bilang ganti at muli ay hindi niya mapigilan ang pagtitig sa lalaking kaharap. Para bang kay sarap sa pandinig sa pagkakabigkas nito ng ‘beautifu Andrew’

“What’s his case?” baling ni Carl kay Nel.

“Ca..can…cer, breast cancer” pautal na sagot ni Nel “t..terminal stage, but he has a high chance of survival, especially if he continues his chemo as prescribed.”

“A high chance of survival,” natigilan ito saglit “good news then, ayt?” tumitig uli ito kay Andrew, saglit na nagtama ang kanilang mga mata, at sa pakiwari niya ay may nabanaag itong takot sa mga matang kanina lang ay puno ng buhay.

“Anyway, Nel I’ll wait for you at the station, I’ll treat you for lunch…and name what you want to eat then I’ll buy it for you.” Iginawi niya uli ang kanyang tingin kay Andrew at kinindatan ito sabay ng napakatamis na ngiti. Tumalikod na ito at tinungo ang pinto.

Matagal ng wala si Carl pero nanatiling nakatitig parin si Nel sa pinto, tanging siya lamang ang nakakaalam kung anuman ang kanyang iniisip.

“S..sino sya?” tanong ni Andrew “I mean ano mo siya? Both of you seems to be so close?” paglilinaw niya sa tanong niya.

“Ah, si Carlos, kaibigan ko siya, palagi mu yan nakikita ditto pakalat kalat, at wag kang magataka kung ganun ang pakikitungo niya sakin dahil ganun siya sa lahat, sadyang makarisma at mabait ang taong yun…” natigilan siya habang nakatitig kay Andrew, “wag mong sabihing…nagkakagusto ka sa kanya?” wari ay nanunudyong biro niya ditto.

“Magagalit ka ba kung sakali?” balik tanong ni Andrew.

Natigilan si Nel, may kung anong agam agam at takot siyang nadarama. “H..hin..di, at alam kong walang magagalit sayo dahil wala akong alam na karelayon niya”

“Talaga?” kumislap ang mga matang bulalas niya, at hindi sya makapaniwala sa tinuran nito. Hindi niya sukat akalain na sa tono ng pananalita ni Nel ay okay lang sa kaibigan nito ang same sex relationship.

“At pwede pa kitang tulungan…” pambibitin niya at ngumiti ng nakakaloko, Masaya siya nang nakita niya ang kislap ng pag asa sa mga mata nito.

“P-promise?” parang batang nagsusumamo si Andrew.

“Of course Andrew…beautiful Andrew.” Humagalpak siya ng tawa pagkabigkas noon sa tono ng bagbigkas ni Carl. Natawa at sumabay nalang din si Andrew sa matutunog na halakhak ni Nel.

---

 “Second operation!?” tila pinagbagsakan ng langit ang nadarama ni Andrew ng ipaliwanag sa kanya ni Dr. Santos ang gagawin nilang hakbang “Tell me the truth doc, may pag asa paba ako?” tila siya batang humahagulgol. Hindi niya aakalain na hindi pa pala nawawala ang mga cancer cells sa kanyang katawan bagkus ay kumalat pa ito.

“That is the best choice para hindi lumala pa, we should remove those cancer cells bago pa mandin iinvade nito ang mga vital organs mo, there is a high chance for this second operation to be successful.”

“How about the risks doc, I know that there are possibilities that this operation will fail, and alam ko na pwedeng sa susunod ay baka hindi kayanin ng katawan ko…and ayoko ng buhay na patay doc, kung ikakamatay ko na lang din naman, why do such effort? No doc, ayoko na.”

“Mr. Tabuso, we just want you to know that we are doing the best we can do and we are offering the best choice for you, hindi parin kami nag gi-give up, as soon as pumayag ka, we’ll do the operation, I just hope that you'll say yes sooner than later, pagisipan mo.”

Hindi na siya umimik at isinubsob niya ang mukha sa unan ng kanyang kama.


Kanina pa nakalabas ang doctor ng narinig niyang bumukas ang pinto, alam niyang si Nel iyon.
Naramdaman niya ang paglapit ng mga yabag sa kanyang kama, at ang pagupo nito sa katabing upuan.

“I need to be alone, Nel…” humihikbing wika nito. Hindi ito sumagot. Isa ito kung bakit napalapit ang loob niya kay nurse Nel, marunong itong makinig at hindi ito nagsasalita hanggat alam niyang hindi pa handang kausapin.

“Bakit ako pa?” patuloy niya “All I have wanted is happiness, i just needed someone to want me, to love me. I did things to satisfy their wants. To be accepted, ang gusto ko lang naman maging normal sa mundo ko. Pero bakit ito ang ibinigay Niya? Wala ba akong karapatang lumigaya?”

Tahimik lamang siya, naramdaman ni Andrew na pinulot nito ang natanggal niyang bandanang pantakip sa ulo nito, masuyong mga kamay ang humagod sa kanyang likuran at batok, tila ba inaalalayang humarap sa kanya.

Dahan dahang humarap si Andrew, at nagitla siya sa taong kaharap. Si Carl.

Ngumiti ito, at dahan dahang isinuot ang bandana sa kanyang kalbong ulo, itinali niya ito, sakto ang pagkakahigpit na aimoy sanay sa paglalagay nuon. Dumako ang tingin niya sa mukha nito, naksilay padin ang maiklig ngiti sa kanyang mga labi, hinagod niya ang kanyang mukha, pinadaan ang mga daliri sa humpak na niyang mga pisngi, napapikit si Andrew sa ligayang hatid nito, naramdaman niya ang pagdantay ng mga daliri nito sa nakapikit niyang mga mata, at malamyos na pagdampi nito sa nangingitim na bandang ibaba nito. Pinahid niya ang mga luhang kanina pa ayaw tumigil, napamulat uli si Andrew, napatitig sa lalaking kaharap, itinaas ni Carl ang mga kamay at inayos niya ang bandana sa ulo nito,

 “Tahan na Andrew, my beautiful Andrew” kasabay nito ay dinampian niya ng mahinhing halik ang pisngi nito.

Tulala, hindi maipaliwanag ni Andrew ang nararamdaman, dagli siyang bumitaw sa pagpapantasya at mahinang naitabig niya si Carl, lumayo ito ng bahagya at iniiwas ang paningin sa nuoy nakatitig paring si Carl.

“Na..na..saan si n,,nurse Nel?” mahina niyang sabi.

Imbes  na sumagot ay ang nakakatulig na masayang halakhak ni Carl ang pumailanlang sa apat na sulok ng silid.

“Ahahaha! You’re blushing.” Tudyo pa nito na siyang lalong nagpamula sa kanya.

“Anong…” namimilog ang mga matang halos himatayin sa kahihiyan si Andrew.

“Oh common, you are blushing…” ulit nito at itinuro pa ang kanyang mukha. Sa inis ay isnubsob nalang ni Andrew ang kanyang mukha sa unan at nahiga uli.

Ilang sandal ding hindi natigil sa kakatawa si Carl, hanggang sa hindi na rin niya mapigilan ang mangiti at makisabay sa nakakahawang halakhak nito.

“Tarantado ka!” sabi nitong paharap sa kanya.

“yeah I know” sagot nito na nakaniti parin. “Now you’re more beautiful that you are smiling.”

“Hmmpp..” paiwas niyang sagot. “inaasar mo lang ako kasi retokado ako, ngayun pa na makapal na kilay ko, wala nakong dibdib…hmmp!”

“Sorry, I didn’t mean that…” Sumeryoso bigla ang mukha nito “you are beautiful in every single way, and…and you look better than the girl in that picture.” Nginuso nito ang larawan niya sa may side table, group picture iyon, sya kasama ang mga kaibigan, dinala iyon ni Zachie ng malamang magtatagal pa sya sa hospital.

“Hmmpp..!” napairap siya at lihim niyang sinumpa si Zachie sa pagdadala ng larawan na iyon.
bumalik uli ang mga ngiti sa kanyang mga labi. “wanna join me  for lunch?” kumindat ito “treat ko wag ka mag-alala, baka sabihin naman ni Nel hindi ko inaalagaan ang paborito niyang pasyente.”

Napangiwi siya sa narinig “So utos lang pala ni nurse Nel kaya moko nilapitan ngayon?” ngumuso siya, nagkukunwaring galit “pati ba pagiging mabait mo utos din ni Nel?”

“Ahahaha! You are so beautiful when you’re doing that.” Napakatamis ng mga ngiti niya “halika na bago pa magbago isip ko.”

Tumayo siya at sumunod sa nauna nang si Carl, nawala na ang kanina ay takot at agam agam sa kanyang puso, tila ba nawala ang kanyang karamdaman sa mga ngiting iyon.

---
Chapter 2

Naging malapit sina Andrew at Carl sa isa’t isa, halos lagi silang magkasama na nakikita sa kabuuan ng hospital, kung minsan ay nakakasama din nila si nurse Nel. Sweet at mabait sa kanya sina Carl at nurse Nel, at sa ilang araw nilang magkakasama ay hindi niya mapigilan ang mahulog ang loob kay Carl. Ang hospital ang naging tagpuan nila, matagal na ding hindi naka confine si Andrew, dumadalaw dalaw na lang din ito sa hospital para sa kanyang check up na kung siya lang ang masusunod ay hindi na niya gagawin, kung hindi lang dahil sa kung minsan ay sinusumpong siya ng panghihina at pagsusuka, at higit sa lahat sa hospital lang niya lagi nakikita si Carl. Halos ginawang bahay na ni Carl ang hospital, hindi niya alam kung saan ito nakatira bukod sa isang kwarto sa hospital na kanyang pinagtatambayan pag naroon ito. Ang tanging alam lamang niya ay ulila na siyang lubos at ang namayapa nitong ama ay stock holder sa hospital na ‘yon.

Himalang wala itong cellphone, kahit halos lahat na yata ng tao sa mundo ay gumagamit nito, natanong niya minsan at tanging kibit balikat lang sagot nito sabay sabing aanhin niya pa ito? Ayaw man niyang aminin ay tuluyan ng nagagapi ng pag ibig ang lahat ng kanyang takot, hindi niya kayang ipagtapat kay Carl ang nararamdaman dahil sa tuwing nagbabalak siya ay parang lumalayo si Carl sa kanya, para bang nagtatayo ito ng pader sa pagitan nila kapag nagtatangka siyang ipadama dito ang lihim niyang pagibig. Ngunit alam niya, sa bawat salita at tingin sa kanya ni Carl ay mayroon din itong nararamdaman para sa kanya, kailangan lang niya itong paaminin, ngunit papaano?

---

 “But why Carlo?!...’di bat handa na ang lahat? Bakit ngayon umaatras ka?!” halos pasigaw na ang boses ni Nel, dinig na dinig ito ni Andrew habang papalapit siya sa pinto ng Conference Room, sinabi ni nurse Jamie na dito raw niya matatagpuan sina Nel at Carl.

“I told you my reasons, Nel… I just can’t.” mahinahon na sagot ni Carl.

“No, Carl... you should do it, please… for me, for all of us” tila nagmamakaawa na ang boses ni Nel.

“I changed my decision, I’m ready for the consequences… you can’t chance my mind Nel. I don’t want you to understand, I just want you to know.” Pagtatapos ni Carl.

“But Carl,” garalgal ang boses ni Nel, pagdakay halos pabulong itong nagsalita “it’s because of him, right? Its Andrew.”

Kumabog ang dibdib ni Andrew pagkarinig niya sa kanyang pangalan, pipihitin na sana niya ang pinto ng biglang may kung anong kirot ang sumirit sa kanyang dibdib, parang sasabog ito at waring gustong kumawala ng nagpupumiglas niyang puso, sisigaw sana siya para humingi ng tulong ngunit wala ng namutawing salita sa kanyang bibig dahil tuluyan na siyang nawalan ng ulirat, mabuti na lamang at makapal ang balabal na nakabalot sa kanyang ulo kaya hindi ganon kalakas ang hampas ng kanyang ulo sa sahig.


Pagdilat ng kanyang mga mata ay mukha agad ni Carl na alalang alala ang kanyang nabungaran.

“Are you okay beautiful?” nakangiti ngunit nagaalalang tanong nito, hinalikan niya ito sa noo.

Napangiwi si Andrew sa tinuran nito ngunit tumango na lamang siya at iginawi ang paningin sa dalawang taong naguusap sa may pintuan, sina Dr. Santos at nurse Nel.

Lumapit ang mga ito ng may pagaalala, “How’re you feeling Mr. Tabuso?” tanong ni Dr. Santos. Tahimik lang na nakamasid si Nel, idinako nito ang paningin kay Carl at dagling tumango.

Tumango din si Carl na naintindihan ang ibig sabihin ni Nel, masuyong hinalikan nito ang kamay ni Andrew, tumalikod at tinungo ang pinto.

Masuyo ang halik at ramdam niya na puno ng pagmamahal, ngunit bakit kung minsan ay umiiwas ito.
Naguguluhang itinuon niya ang paningin kay Nel, matipid na ngiti ang isinukli niya dito.

“Ahmm…Mr. Tabuso, we really have to do the operation” walang pasakalyeng paliwanag ni Dr. Santos, “base sa mga signs and symptoms mo, maaring lumala o kumalat na ang mga cancer cells”  dagling tumigil saglit ang doctor “Mr. Tabuso, you have a high chance of survival, kung papaya ka lang sana… we're just concerned sa kalagayan mo, Andrew” lumambot ang boses na pagpapatuloy ng doctor.

“Give me time to think doc.” Ang tanging nasagot niya at tumalikod sa dalawa, ayaw na niyang magi sip, gusto niyang mapag isa.

Lumabas ng kwarto ang dalawa, iiling iling si Nel at may mapait na ngiti sa kanyang mga labi, sa isang saglit din ay napatiim bagang sya, tila ba may kung anong iniisip na nagpaparanas sa kanya ng galit at sakit.


Chapter 3

“They told me, you’re still not in to it… Andrew, beautiful Andrew, they knew best.” mula sa pinto ay biglang sumulpot si Carl, nakatalikod siya dito at nakaharap siya sa bintana at nakatanaw lang sa kawalan.

Napapikit siya pagkarinig niya sa boses nito, nasasanay na siya sa pagtawag nito sa kanya ng Beautiful Andrew, at ang malamyos nitong boses ang tila ba nagbibigay lakas sa kanya kung kayat hindi pa sya tuluyang gapiin ng sakit niya gayung tinanggihan na niya ang ibang mga gamot at maging ang magpaopera, natanggap na niya ang kamatayan niya, ngunit sa bawat sandaling nakakasama niya si Carl ay sumusilay ang pagasa sa kanyang dibdib.

Lumapit siya sa tabi nito at itinuon din niya ang tingin sa kawalan, medyo mataas pa ang araw sa bandang kanluran, ang liwanag mula sa bintana ay dagling tumama sa pagod niyang mukha, wala ang sigla na dati rati ay laging nakasilay rito. Napabuntong hininga ito, malalim na tila ba ninanamnam ng bawat himaymay ng kanyang katawan ang hangin na kanyang nilalanghap, dinig na dinig ito ni Andrew.

“Ano ang pinaguusapan niyo kanina ni nurse Nel,” tanong nito na hindi parin nakatingin sa kanya “narinig ko ang pangalan ko…b-bago ako himatayin.” Sinulyapan niya ito.

“Nothing, it’s…it’s about…n-nothing. Wag mo nang isipin yon, may mga bagay kang dapat pagtuunan ng panahon kesa don.” Sagot ni Carl na iniiiwas nito na magtama ang kanilang mga mata.

Napabuntong hininga si Andrew, at hindi na nagsalita pa, tama si Carl may mga bagay na mas higit niyang pagtuunan ng pansin, itinuon niyang muli ang tingin sa malayo.

“Come, I’ll show you something” bigla ay bumalik ang sigla sa boses ni Carl, nakangiti ito at kita sa mga mata ang tila sorpresa na gusto niyang ipakita dito.

Tatanggi na lamang sya ng hilahin ni Carl ang kanyang kanang kamay at akayin siya patungo sa pinto.

Naglakad sila sa may pasilyo at tumigil sa harap ng elevator, nasa pangalawang palapag ang kanyang kwarto. Hindi parin mawala ang ngiti sa mga labi ni Carl, sumakay sila at pinindot niya ang number 5 ang pinakamataas na palapag.

Pagkalabas sa elevator ay inakyat nila ang ilang hakbang na hagdang bakal patungo sa isang makipot na pinto, tumigil sandal si Carl, humarap kay Andrew at ngumiti ng matamis.

“Ready?” tumango siya bilang tugon, “here we go…”

Binuksan niya ang pinto, sa una sinalubong sya ng nakakasilaw na araw, ilang sandali din siyang nagadjust ng paningin matapos ang ilang pagkurap, at unti unti ay tumambad sa kanya ang animoy mala harding tanawin, ang halos kabuuan ng rooftop ay puno ng halaman at bulaklak, isang landscape masterpiece sa isang lugar na hindi mo aakalain na pwedeng maging ganon.

Hindi niya akalain na sa itaas pala ng hospital na iyon ay may mala langit na lugar, sa hilagang bahagi ay nakapila ang mga bansot na kawayan na halatang alagang alaga, kasama ng mga ito ang manaka nakang halaman na mala cherry tree na nagsisimula palang mamukadkad ng mga matiting kad nitong bulaklak.

Sa isang sulok ay isang fountain na bagamat hindi umaandar ay mas nagbigay buhay sa paligid dahil sa kumakapal na mga lumot at ferns na nakakapit na ditto, sa kabila ay nakatayo ang isang maliit na nipa cottage na tulad ng sa mga de kalibreng resort, dahil na din sa nakita niyang nakausling aircon sa isang sulok nito.




Nakatayo siya mismo sa pathway na gawa sa bricks at pebbles, na tila ba isang hari na maglalakad patungo sa kanyang trono, sa magkabilang gilid ay sari saring mga bulaklak at halamang nakaayos na sobrang nakakaaya sa mata. Itinuon niya ang tingin sa kung saan patungo ang pathway at hindi niya napigilan ang mapangiti at mamangha ng makita niya ang isang maliit na gazebo, doon ay may bakal na swing na nakasabit sa dalawang poste ng gazebo na halos puluputan na ng puti at pulang vine roses na hitik na hitik sa bulaklak.


Sa tabi nito ay isang maliit na puno na wala ng mga dahon at may mga napakaraming sanga, parang patay ang punong iyon, ngunit mas nabigyan nito ng kakaibang buhay ang kabuuan ng tanawin.

Napakaromantiko ng lugar, at hindi niya mapigilan ang ihakbang ang mga paa at tinungo ang duyan, naupo sya doon at nilingon si Carl na seryosong pinagmamasdan sya.

“I never thought may ganitong lugar ditto…” iginala niya ang paningin sa paligid “bakit ngayon mo lang ako dinala ditto?” kunwari ay nagtatampong ingos niya rito. Napakamot lang ng ulo nakangiti at pailing iling ang papalapit na si Carl.

Naupo ito sa tabi niya, at itinuon ang tanaw sa nakakasilaw pang araw, napapikit siya at ninamnam niyang muli ang paghugot ng napakahabang paghinga.

Pinagmamasdan sya ni Andrew, at bumilis ang tibok ng kanyang puso, halos gusto niyang yakapin ito at haplusin ang maamo nitong mukha, napagmasdan niyang tila humumpak ng kaunte ang mukha nito, parang nagbawas ito ng timbang na syang lalong mas bumagay ditto dahil mas napansin ang prominente nitong cheekbones at panga.

“But this is not the thing I want to show you” putol ni Carl sa kanyang pangangarap.

“Huh? May mas maganda pa ba dito, saan?” aniyang luminga linga.

“Wait for me here” tumayo ito at tinakbo ang cottage sa bandang likod.

Naghintay siya ng ilang saglit, lumabas ito na may hawak na tabo na may lamang tubig.

“Come, fallow me.” Sumenyas ito sa kanya na sundan siya.

Naglakad ito patungo sa sulok kung saan ay nagtapos ang mga nakahilerang bansot na kawayan, huminto ito saglit sa may harap ng halamang parang cherry tree, hinawi niya ang isang sanga nitong halos mabali na dahil dami ng kulay peach na bulaklak nito.

Sinulyapan niya si Andrew at sinenyasang lumapit, “Come, I want you to see it.”

Lumapit siya, at hinanap ang anumang bagay na tinutukoy nito ngunit wala siyang Makita, napakunot siya ng noo at tiningnan si Carl ng may pagtataka.

“Ahaha…” pagak na tawa ni Carl, “there…there it is beautiful Andrew” at itinuro ito.

Sinundan niya ng tingin ang itinuturo nito, at hindi niya naitago ang pagkadismaya sa nakita.

Sa sulok ng gusali, isang bahagi nito ang tila ba marupok sapagkat tila gumuguho na ang mga bato, at doon ay may isang halamang tumubo sa isang halos naka hung na bato, na kung hindi dahil sa mga ga-hiblang ugat nito na nakakapit sa mas matibay na parte ng pader ay gumuho na rin ang batong kinapitan nito na kung mangyayari man ay maaaring isasama din nito sa paguho pababa ang halamang nakakapit dito.

“I always see to it na hindi ito nagagalaw ni Nel o ni manong Jessy…yung taga pagalaga sa garden na ‘to, baka kasi pag sila ang nagalaga sa halamang ito ay baka tuluyang mahulog,” isinawsaw niya ang kamay sa tabo at maingat na pinapatak ang tubig sa mismong mga ugat ng halaman, kailangan pa niyang i-bend ang katawan upang maabot ito “imagine…five floors, wouldn’t that be a certain death?” tila tanong nito sa sarili habang ipinagpapatuloy ang pagdidilig. “hindi ko hahayaang mangyayari iyon sa kanya” aniyang may pagmamahal sa mga mata.

Nakaramdam ng tila pag kainggit si Andrew, mabuti pa ang halamang iyon at pinapakitahan ng pagmamahal ni Carl, pagmamahal ng parang sa isang kabiyak. May topak ba ang taong ito? Sa dinami rami ng halaman dito sa garden any yung suicidal pa ang trip alagaan? tanong ni Andrew sa sarili.

“You’re like this plant, you know?” bigla ay sabi nito.

“Huh?” naguguluhang tugon niya “Ako? Bat mu naman nasabi yan?” pag kuwa’y tila kinilg sa kaisipang ang halamang kinaiinggitan niya ay inihahalintulad sa kanya.


“That you still have a chance, that as long as your roots grasped this wall you won’t fall” seryosong turan nito. Patuloy lang ito sa matagalang pagdidilig.

“Ows? Then maybe you’re the stone kung saan ako nakatuntong?” may panunuksong wika niya.

“Bakit mo naman nasabi ‘yon, huh?” itinigil nito ang pagdidilig, ipinunas ang basang kamay sa laylayan ng kanyang damit.

“That as long as you’re there I wont fall?”

“Shouldn’t that be the other way around? That the fate of the stone depends on the plant, remember your roots hold me.” Napakaseryosong turan nito, noon lamang siya nakita ni Andrew na naging ganon ang reaksyon.

Ngumiti lamang siya, gusto niyang sabihin dito na sya ang dahilan kung bakit sya masaya at syang dahilan kung bakit hindi pa sya tuluyang bumibitaw. Nais niyang iparamdam dito na mahal na mahal na siya nito. Gusto niyang ipagsigawan sa mundo na handa niyang gawin ang lahat maangkin niya lamang ito. Nakatitig sya sa mga labi niya at pinipigilan lamang niya ang sariling siilin ito ng halik.

“This plant will bloom orange, or perhaps yellow…yes, I like it yellow.” wala sa sariling pagiiba nito sa usapan.

“Tangek! Adik ka talaga, puti at violet lang ang kulay ng bulaklak ng halamang yan. Everyday ata tawag nila dyan o yan yung periwinkle?”

“Hahaha...its catharantus. And yeah I know, but I want this one to bloom in pale yellow, that’s why I think this one is special”

“E ano naman ibig sabihin niyan sayo pag namulaklak nga yan ng dilaw?”

“Sus..tinatanong paba yon? Syempre it means…” tumingin ito sa kanya at ngumiti ng nakakaloko “it means you are my Beautiful Andrew” sabay halakhak nito ng matutunog na tawa.

“Tarantado!” ngunit hindi niya din mapigilan ang matawa, “halika na nga, baka lamukin ka pa d’yan.”





Chapter 4

“Do you believe in miracles?” walang anu ano’y tanong ni Carl habang naglalakad sila pabalik sa gazebo.

Napatigil saglit si Andrew sa paglalakad at tiningnan kung seryoso ito, “oo naman…bakit ikaw, naniniwala ka?” sagot niya.

“Oo…I do believe in miracles, everyday is a miracle, life is a miracle itself…” sagot nitong malamlam ang mga mata “even you, Beautiful Andrew…you’re a miracle.”

Ngumiti siya sa tinuran nito, “Have you found your miracle, Carl?” tanong niyan muli.

“Probably…” biglang lumungkot ang mukha nito at iniiwas ang tingin, “Have you seen my miracle?” halos kasabay din nitoy ang muling pagsaya ng kanyang boses.

“You have miracles, huh? Ano yun aber?”

“That’s for you to find out, you’ll know it’s my miracle when you saw it…” tumigil ito saglit at sumeryoso ang mukhang tinitigan siya nito, “Andrew, I want you to live… I want you to live and see my miracle.”

Naaaninag sa mga mata nito ang tila pa paghihirap ng kalooban.

Nais niyang yakapin ito sa mga sandaling iyon, nais niyang ipagtapat na dito ang nararamdaman, ngunit tulad ng dati ay parang naramdaman ito ni Carl at umiwas.

“Sa..sandali l-ang, ibabalik ko lang ‘tong tabo, at…at the cottage,”

“Sama na ko, isa pa gusto ko ring makita ang loob niyan,” inginuso niya ang cottage.

Sumunod sya rito, pinagbuksan siya ng pinto at pinatuloy




“Dito ako mas lumalagi pag wala ako sa kwarto ko sa 2nd floor, this is my resting place, when I want to unwind, to relax…”

Simple ang loob ng cottage,sa gitna ay may isang kama na kasya ang dalawa, sa tabi nito at side table na may lampshade, nakaharap ito sa isang tv at dvd set. Sa bandang kanan ay may pinto patungo sa isang maliit na cr. Sa kaliwa ay may isang malaking bintanang natatakpan ng malambot na puting kortina, nakaharap sa may kanluran kalinya sa may gazebo, kita ang halos buong garden, dito ay may maliit na mesang salamin at dalawang bakal na upuan na may dalawang kulay pulang throw pillow. Sa mesa ay may nakapatong na orchid sa isang maliit na paso, may pulang bulaklak din ito. Simple ngunit parang napakasarap tirhan kung masasabi na bang tirahan ang cottage na yon.

Lumapit siya sa may bintana at hinawi ang putting telang nakatabing, malapit ng lumubog ang araw, at halos anino na lamang ng lahat ng bagay ang naaaninag, napakaganda ng tanawing kanyang nakikita, hindi nakikita ng buo ang papalubog na araw dahil sa puno sa may gazebo ay natatakpan ng mga dahon nito. …mga dahon… napasinghap sya. Parang kanina lamang ay patay ang punong iyon.

Natawa si Carl, kanina pa pala ito sa tabi niya at pinagmamasdan siya, may hawak iton dalawang bote ng San Mig.Light. marahil ay nabasa nito ang iniisip niya, iiling iling na ipinahawak nito sa kanya ang isang bote at ipinatong ang sa kanya sa mesa, may kung anong inabot ito sa gilid ng bintana.

“Tirador?” manghang tanong ni Andrew, talagang may sayad na ata ang lalaking ito, sa isip isip niya.

Mula sa may mesa ay pinulot ni Carl ang tansan, niyupi niya ito sa gitna gamit ang mga daliri at walang imik na ibinala sa tirador, itinutok niya iyon sa puno at pinakawalan ang bala.

Parang sumabog ang paligid, dahil ang katahimikan kanina ay binulabog ng mga pakpak na nagpapagaspas, halos limampung ibon ang nagsiliparan mula sa patay na puno sa may gazebo. Hindi mapigilan ni Andrew ang mamangha, dahil bukod sa mga ibon ay tumambad sa kanya ang papalubog na araw na na-accentuate ng mga sanga ng patay na puno, na tila ba mga ugat na nananalaytay sa kabuuan ng papalubog na araw, mga aninong nagpabitak bitak sa araw, at tuluyang umagos ang maladalandang sinag nito sa kabuuan ng silid.



“Hindi talaga ako magaling na shooter, too bad not a single one fell” si Carl, abot tenga ang ngiti.

“It’s beautiful… the sun, the tree…”

“Yup, that was not intended, I used to watched the sunset d’yan sa gazebo kasi hindi ko nakikita ng buo mula rito, but when the tree died, ditto ko na lagi pinagmamasdan ang araw sa kanyang pamamalam…” tila may kung anong bikig sa kanyang lalamunan ng bigkasin niya ang mga salitang iyon, “then the birds came…”

“Yeah…the birds, unbelievable…and the tree.” ulit nito.

“Even death has its own beauty…” wala sa sariling sagot ni Carl, seryoso ang mukha nito at sa mga mata ay nagngingilid ang mga luha, iyon ang kauna unahang nakita ni Andrew ang lungkot sa mga mata ni Carl “that tree, though dead, adds beauty to the sunset, it adds beauty to every goodbyes.”

Mataman niyang tinitigan si Carl, “C-arl…” anas niya.

“I want you to live, Andrew” mahina ang salitang iyon, “be like those birds, they fly, they sing and they can make that tree spring to life again, every after goodbyes, every after sunset.”

Pumatak ang unang butil ng luha sa kanyang mga mata, hindi sya makaimik, tinanggap na niya na hindi na sya gagaling, tinanggap na niya na tanging himala lamang ang makakapagpagaling sa kanya. Paano niya sasabihin sa kanya na kaya ayaw niyang magpaorera ay dahil takot na siyang baka paggising niya ay magbabago ang lahat, paano kung hindi na sya magising at magiging pasanin na lang bilang lantang gulay?

Muntik na niyang ikamatay ang unang operasyon, mas nanaisin na laman niyang hayaang gapiin ng cancer ang kanyang katawan kaysa madiliin niya ang kanyang kamatayan.

Lumabas sa banyo si Carl at mukha na itong nahimasmasan, nakalahati na niya ang iniinom niyang beer sa kahihintay dito. Umupo siya sa isa sa mga silya, madilim na ng mga oras na iyon tanging ang liwanag galing sa lampshade ang nagbibigay liwanag sa loob ng cottage. Sa garden nakabukas ang mga ilaw doon ngunit hindi parin ito kasing ganda sa tuwing umaga.

“Andrew, can you promise me one thing?” seryoso si Carl, at napakislot si Andrew sa tinuran nito, hindi na sya nasasanaw na tawagin ito sa pangalan lamang niya.

“Yes, Carl?” pagdidiin nito.

“C-can you promise me that you’ll never fall inlove with me?” tumitig sya sa kanya, binabasa ang kanyang reaksyon.

“Ah-..wha..t?...” pautal na tanong ni Andrew, gayong dinig na dinig niya ang sinabi nito.

“Promise me not to love me, that you won’t fall…”

Paano ba niya sasabihin kay Carl na nahulog na siya ng husto, na mahal naa mahal na niya ito. Heto sya ngayon at pinapapangako niya siya upang waag siyang mahalin, ngunit bakit? Bakit ayaw niyang siya ay mahalin, alam niyang nagsisinungaling lamang ito dahil ramdam niya mahal rin sya nito.

“What if I can’t?” mapaghamong sagot niya.

“Then perhaps, we should stop seeing each other…” seryosong tinitigan sya nito.



....to be continued.


Saturday, January 20, 2018

STARFISH [Chapter 22]

STARFISH
[Chapter 22]


****Kyle****

5:28 PM, Monday
March 25


Halos isang oras na akong nasa likod ng manibela at nakikipagbuno sa trapik ng kamaynilaan. Isa sa mga pinaka-ayaw kong gawin ay ang mag-drive o mas tamang sabihin na ayaw na ayaw kong magdrive kapag traffic. Kasabay ng usok na nakikita ko sa aking paligid at nakabibinging busina ng mga sasakyan ay ang pag-init ng aking ulo.

Hindi ko lubos maisip kung bakit gusto pa ng mga tao sa Maynila ang mag-invest sa pagkakaroon ng sasakyan. Sa ganitong klaseng sitwasyon na mas mabilis pa ang usad ng langgam sa andar ng sasakyan sa kalsada, nakakawalang gana ang bumili ng kotse. Talo ka sa gasolina. Talo ka sa oras sa trapik. Asar-talo ka pa sa kawalan mo ng pasensya. Aaminin ko na halos gawin ko ng personal driver si Aki - pahatid dito, pasundo doon, padaan sa kanto, pasabay sa mall, pababa sa grocery.

Nang makita kong mag-green ang stoplight parang bang bahagya pang namasa ang aking mata sa kaligayahan. Kasabay ng pag-usad ng sasakyan ni Renz ay ang pagdarasal na sana ay makalayo na kami sa pila ng sasakyan sa aming harap.

Hayyy. Na-stress ako sa traffic habang yung kasama ko sa sasakyan parang nasa bingit na naman ng isang bangin kung saan ang kahuhulugan niya ay bisyo, droga, at alak. Kahit na nangangati ang aking leeg na umiling ng mga sandaling iyon ay pinigilan ko ang aking sarili dahil ayaw kong maramdaman niya na disappointed o naawa na naman ako sa kanya. Hindi ko nga alam kung ano ang tunay na nangyari sa kanya. Hindi ko alam kung bakit siya umiiyak. Kahit na may hinala ako at malakas ang kutob ko sa kung ano ang dahilan ay ayaw ko pangunahan ang aking bestfriend.

Isa ang malinaw sa akin. Malungkot siya. Sobrang lungkot. Hindi ko ito maikumpara sa kalungkutan na nakita ko sa kanya nung maghiwalay kami dahil may kakaiba sa kalungkutan na mayroon siya ngayon. Nang humihikbi siya kanina sa aking mga bisig ay parang gusto ko ding maiyak. Naaawa ako para sa aking kaibigan dahil kalalabas pa lang niya ng rehab at sinusubukang magbagong buhay pero heto na naman at mukhang may panibago na naman siyang pagsubok na hinaharap. Nakakakilabot sa tuwing naaalala ko kung paano siyang tumangis kanina. Tagos sa puso ko ang hinagpis na nararamdaman niya.

Tahimik lamang siyang nakaupo sa passenger’s seat ng sasakyan. Nakatingin sa labas ng bintana. Tumigil na ang pag-iyak. Wala na ang habol na hininga mula sa mga hikbi. Pero alam ko na isa lang itong palabas. Isang pagpapanggap. Naghihintay lamang siya na maging mapag-isa at muli niyang ibubuhos ang kanyang mga luha.

Bigla na lang akong napabuntong hininga. Maging ako ay na-stress sa sitwasyon kahit na hindi ko naman alam kung anong nangyayari. Nang matagpuan ko si Renz kanina ay hindi ko alam ang gagawin. Kusa lang na kumilos ang aking katawan para siya ay yakapin at tahimik na samahan sa kanyang pagtangis. Nang sa tingin ko ay medyo nakarecover na siya ay nagpaalam akong aalis saglit para magpaalam kay Aki.

Habang pinakikinggan siyang umiyak ay malinaw sa akin na kailangan ako ng aking bestfriend ngayong gabi. Alam kong hindi niya ito plano para kunin lang ang aking atensyon gaya ng ginagawa nya dati dahil wala naman siyang alam na pupunta ako sa parking lot ng mga oras na yon. Nagkataon lang na may naalala akong kuning mga gamit sa kotse ni Aki at nadatnan ko na siyang nakaluhod at tumatangis. Nang makabalik ako sa aking unit ay agad kong kinausap si Aki tungkol sa lagay ni Renz. Tinanong ko sya kung may alam sya sa maaring pinagdadaanan ng aming kaibigan pero tulad ko ay puro tanong lang din ang meron siya. Hindi ko na kinailangan pang magpaalam dahil si Aki mismo ang nagsabi na mas mabuti kung samahan ko muna si Renz ngayong gabi.

Sa kabila ng protesta ng aking anak na si Andrei na wag ako umalis ay napilitan akong mag-empake ng damit pang-isang gabi para masamahan muna si Renz. At heto nga kami, isang oras na sa traffic sa Edsa. Mukhang mas mauna pang maka-move on ang aking bestfriend bago kami makarating sa kanilang bahay.

Pasado alas-sais na ng mai-garahe ko ang sasakyan ni Renz at makapasok kami sa kanilang bahay. Agad akong sinalubong ng mommy ni Renz na kahit na noon pa man ay kinagigiliwan na ako. Matinding yakapan at kumustahan ang naganap. Ako ang bumungad sa pintuan kaya hindi ko alam kung nakita na ng matandang ginang ang mugtong mga mata ng anak.

“Salamat sa Diyos at naisipan mo akong dalawin anak.”, panimula ng ginang. Sanay na akong tinatawag ako nitong anak. Lalong naging malalim ang aming relasyon matapos kong tulungan na makapasok ng rehab si Renz.

“Syempre naman po. Miss na miss ko na nga po yung cheesecake nyo e.”, nakangiti kong sagot.

“Ay sus. Kung hindi pa dahil sa cheesecake hindi ako maaalala.”, pabirong pagtatampo ni tita.

“Hindi po. Kahit walang cheesecake ngayon okay lang po. Promise.”, sagot ko.

“Hindi ako naniniwala. Mas nauna mo pa ngang banggitin na pupunta ka para sa cheesecake sa text bago mo ako nakamusta kanina e.”, nahiya naman ako sa pambubuko ni Tita sa akin. “Pero okay lang yon, alam ko naman kayong mga bata e ganyan na talaga ngayong araw. Buti na lang at kahapon pa lang ay nakagawa na ako ng cheesecake.”

“Talaga?”, excited kong sabi.

“Oo. Nilagay ko na yung isa dun sa ref sa kwarto ni Renz tapos may isa pa sa kusina na i-uuwi mo kela Andrei. Kala mo nakalimutan kong birthday mo nung 21 no?”, masayang pagbabalita ng aking kausap.

“Thank you Tita. The best ka talaga. Kunin nyo na kasi yung space sa baba ng condo para gawing bakeshop para lagi tayo makapagkwentuhan.”, pambobola ko.

“Hindi pa kasi namin napag-uusapan ni Renz eh. Ano sa tingin mo anak? Galing ka naman kela Kyle di ba? Tingin mo mas lalaki ang sales natin kung mag-open tayo ng branch don?”, sa pagtatanong ni Tita sa anak ay napabaling ako ng tingin sa aking kasama na mula ng dumating kami ay wala pang imik.

Nakaplaster sa mukha nito ang isang pekeng ngiti. Maging ang kislap ng mata ay pilit na nagpapanggap na masaya. Kung hindi mo ito nakita kaninang umiiyak ay hindi mo aakalain na may pinagdaraanan ito.

“Naku, walang magiging problema sa benta. Ang isipin mo Ma eh si Andrei. Kapag nalaman non na nasa baba ka lang ng condo nila, sayo na tatambay yon. Ubos ang paninda mo.”, sagot ni Renz na maging ang boses ay nagawang pekein upang magmukhang masaya. Hindi na ako kumontra at nakisakay na lamang.

“Grabe ka sa anak ko. Maliit lang naman katawan non, mahina lang yon kumain.”, reklamo ko kay Renz.

“Ay nako Kyle. KJ talaga yang anak ko na yan e. Di bale pag-usapan natin mamaya yang pwesto sa condo nyo. Okay lang sa akin na patambayin mo don si Andrei. Sobrang cute kaya at bibo ng anak mo, ang sarap alagaan.”, pagdepensa sa akin ni Tita. “Umakyat na muna kayo sa taas at magpahinga, papatawag ko na lang kayo kapag kakain na ng dinner.”, kita ko ang tuwa sa mata ng matandang babaeng kausap ko. Batid kong masaya ito na nakalabas na ang anak at nagagawa na muling mamuhay ng normal at malyo sa mga dating bisyo. Lingid sa kaalaman nito ay nasa bingit na naman kami ng isang kalamidad at ang gabing ito ang magdidikta kung magiging masalimuot na naman ba ang nga susunod na araw para sa kanyang pamilya.

Kanina bago kami umalis ng condo ay nagpasabi na ako sa ginang na pauwi na kami doon ni Renz at makikitulog ako. Wala namang problema sa kanya dahil dati ko naman nang ginagawa iyon at tiwala ito sa akin na hindi ko aakayin si Renz sa maling landas.

Nang makarating kami sa kwarto ni Renz ay halos wala itong pinagbago maliban sa mga kalat na dati ay permanente nang dekorasyon sa kwarto ng aking kaibigan. Pagpasok sa kwarto ay inilapag lamang ng aking kaibigan ang kanyang bag sa gilid ng kama. Nahiga ito saka ipinikit ang mata. Sumunod na lang ako sa kanya sa higaan.

Alam kong hindi siya tulog at alam kong hindi pa ito ang oras na iiyak siya at magkukwento. Kaya nanatili lamang ako nakahiga at nakikiramdam. Ayaw ko ding simulan ang usapan dahil alam kong mamaya lang ay tatawagin na kami ni Tita para kumain. Pinagmasdan ko ang mukha ni Renz. Walang mababakas na emosyon sa kanyang maamong mukha. Pero alam ko na sa kalooban niya ay malamang sa nagtatalo ang iba't-ibang emosyon. Ginawa ko ang isang bagay na lagi kong ginagawa sa tuwing nasa apat na sulok kami ng kwartong iyon.

Pumatong ako kay Renz at idinagan ko ang aking katawan sa kanya. Kahit na medyo nagka-masel na ang aking tabaing katawan ay mas matangkad pa din sa akin si Renz. Ang ulo ko ay abot lang sa kanyang baba. Nang maging komportable ako sa aming pwesto ay saka ako yumakap sa kanya tulad ng dati kong ginagawa nung siya pa ang tanging laman ng aking puso.

Alam kong oras na makita kami ni Aki sa ganoong posisyon ay panibagong gulo na naman ang poproblemahin ko. Pero wala si Aki at ang kwartong iyon ang safe place namin ni Renz. Wala akong balak na gumawa ng anumang makamundong bagay para lang pagaanin ang loob ni Renz. Ramdam ko rin sa puso ko na oras na tigasan sa akin tong mokong na to ay agad akong aalis sa pagkakapatong sa kanya saka siya paghahampasin ng unan. Ang tanging nais ko lang ay bigyan siya ng lakas at comfort sa paraang alam ko. Sa paraang alam kong paborito niyang ginagawa ko sa kanya noon. Dati ko pa gustong yakapin si Renz ng ganito pero natatakot ako dahil noong mga panahong iyon ay ramdam ko pa na umaasa pa siya sa pagmamahal ko at ayaw ko siyang bigyan ng false hopes.

Iba na ang sitwasyon ngayon. Alam kong hindi na ako ang dahilan ng pag iyak nya. Ramdam ko din na alam niya sa sarili niya kung ano lang ang ibig sabihin ng pagyakap ko sa kanya.

Idinikit kong lalo ang aking tenga sa kanyang dibdib. Pinakinggan ang nakabibinging tibok ng kanyang puso. Ramdam ko ang kanyang paghinga, ang dahan-dahang pag-angat baba ng kanyang tiyan.

Nang mga sandaling iyon, siya muli si starfish at ako si jellyfish.

"Thank you.", bulong ni Renz sa akin. Lalo ko lamang hinigpitan ang aking yakap sa kanya. Hindi namin kailangan pang mag-usap ng mga sandaling iyon. Sapat na ang magkadikit naming katawan para kalmahin kahit na papaano ang nagugulo niyang damdamin,

Hindi ko sigurado kung gaano kami katagal na magkayakap dahil nakatulog ako. Kahit sino namang pumatong siguro sa katawan ng katulad ng kay Renz ay makakatulog agad at mananaginip ng maganda. Nagising lang ako sa marahang paghaplos ng aking kaibigan sa aking buhok.

"Jellyfish...", bulong niya sa akin.

"Hmmm?", antok ko pang sagot.

"Tinutuluan mo ko ng laway mo.", natatawa niyang sabi. Hindi ako kumilos dahil alam kong niloloko niya lang ako. Kay Aki na lang kaya ako nagtutulo ng laway.

"Kapag di ka pa gumising dyan, titigas na si junior ko.", muling hirit ni Renz. Agad naman akong napabangon at katulad ng naipangako ko sa aking sarili ay agad kong pinaghahampas ng unan ang aking bestfriend.

"Putragis ka! Manyakis ka talaga!", inis kong sabi habang panay ang hampas ko sa kanya.

"Hahahaha! OA ka wala pa naman. Sabi ko titigas pa lang.", tumatawa nitong sagot sa akin.

"Mukha mo! The fact na naisip mo yun tyak may masama na namang hangin na laman yang utak mo.", reklamo ko sa kanya.

"Wala ah!", depensa niya habang pilit na inaagaw sa akin ang unan na ginagamit kong panghampas sa kanya. "Ayaw mo kasing gumising e."

"Gising naman na ako di ba? Sumagot ako nung tinawag mo kong jellyfish."

"Eh di ko narinig e."

"Kayo kasing mga starfish wala kayong tengaaa!!!"

"Bakit kayo bang mga jellyfish meron?”, balik sa akin ni Renz. Nakuha niya din ang unan na ginamit kong baseball bat na panghampas sa kanya. "May anak ka na't lahat para ka pa ding bata kung maasar.", humahgikgik niyang sabi sa akin.

"Wala kang pakialam! Tuod!", ganti kong asar habang naghahanap ng panibagong unan na maihahampas sa kanya. Masaya ako dahil ng mga sandaling iyon ay hindi pilit ang kasiyahang ipinapakita sa akin ni Renz.

"Tigasin naman! Di katulad mo lambutin!", pang-aalaska ng kaharutan ko sabay hampas sa akin ng unan ng ubod ng lakas. Mukhang ibinuhos niya ang kanyang kalungkutan sa hampas na yon dahil napaatras ako sanhi para mahulog ako sa kama.

"Putek ka! Lambutin pala ha!?! Sasakalin kitang Starfish ka!!!!", inis kong sigaw sa kanya. Tinawanan lang ako nito ng malakas sabay nagtatakbo papunta sa pinto. Hinagis ko pa ang unan na nadampot ko patungo sa kanyang direksyon pero nakalabas na siya ng kwarto.

Asar-talo kong hinabol siya palabas ng kwarto hanggang sa pagbaba ng hagdan.

"Hoy! Bumalik ka dito!", sigaw ko kay Renz pero tanging ang tawa lang niya ang narinig kong sagot.

Nang makababa ako sa unang palapag ng bahay ay inabutan ko na itong nakaupo sa hapag kainan at nakangisi sa akin. Nandoon na din si Tita at inilalapag ang bagong sandok na kanin sa lamesa. Wala na akong nagawa kundi i-postpone ang tangka kong pagsakal sa aking bestfriend. Nakakahiya kasi kung sa harap pa ng nanay niya ko siya susubukang patayin. Isa pa, nakuha na ng lutong ulam ni Tita ang aking atensyon. Napaupo na lang ako sa silya at binigyan na lang pansamantala ng mapagbantang tingin si Renz.

Naging masaya ang usapan habang kumakain. Di katulad kanina ay hindi gaano ang naging pagpapanggap namin ni Renz. Marahil nakatulong ang pahinga at ang usual naming asaran para kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam nito. Maraming bagay kaming napagusapan na tatlo. Naikwento ko ang bakasyon namin ni Aki sa isla. Nagkwento rin si Renz tungkol sa pag-aalaga sa mga bata nung wala ako. Pati yung plano na pagbubukas ng branch ng pastry shop nila sa ibaba ng aming condo ay napag-usapan naming tatlo.

Matapos ang nakabubusog na hapunan at kwentuhan ay bumalik na kami ni Renz sa kanyang kwarto. Hindi na pumayag pa si Tita na tumulong ako magligpit ng pinagkainan.

Pagpasok ng kwarto ay agad kong nilundag si Renz sabay balot ng aking kamay sa kanyang leeg. Nang masiguro kong mahihirapan na siya makawala ay sinimulan ko na ang pagkonyat sa kanyang ulo.

"Sinong lambutin ha?! Manyakis ka pa ding starfish ka!!!", sermon ko habang dinidiin ang aking kamao sa bumbunan ng paborito kong kaasaran.

Dahil sa sabay na pagtawa at pagpupumilit na kumawala sa aking hawak sa kanya ay napahaba ang aking pagkuskos sa ulo ni Renz. Pareho kaming habol hininga na napahiga sa kama dahil sa aming kalokohan.

"Kapag ako napanot nang wala pa sa singkwenta ang edad, ikaw ang sisisihin ko.", reklamo ni Renz sa akin.

"Dapat lang sa manyak na katulad mo yon.", sagot ko naman.

"Gwapo naman at masarap.", hirit pa nito saka tumayo at tinungo ang kanyang cabinet. "Una na ako maligo ha. Kinapitan ng amoy ng kilikili mo yung leeg ko e.", pang-aasar na naman nito sa akin.

"Ang kapal talaga ng mukha mong Starfish ka!!! Wala akong anghit."

"May naamoy ako eh.", ngisi nitong sagot saka sinara ang pinto ng banyo bago pa man ako makahanap ng anumang bagay na maaari kong ipukol sa kanya.

"Yari ka sa akin paglabas mo jan!!!", sigaw ko sa kanya. Dinig ko ang pagtawa ng aking betfriend sabay ng pagbukas ng gripo sa banyo.

Naiwan akong habal ang hininga sa kama at may naka-plaster na ngiti sa labi. Sobrang na-miss ang ganitong klaseng kulitan namin ni Renz. Para kaming mga batang may sariling mundo. Habang naghihintay na matapos si Renz ay naisipan ko munang bumaba sa may kusina. Kumuha ako ng isang plato at dalawang kutsara. May nakita din akong isang bote ng wine na binitbit ko na din kasama ng dalawang baso. Mabuti na lamang at wala si Tita. Medyo nakakahiya kung malaman nito na ako pa ang nagyaya na uminom sa kanyang anak na kagagaling lamang sa therapy sa rehab.

Dali-dali akong umakyat muli sa kwarto ni Renz para walang makakita sa akin. Pagbalik ko sa kwarto ay nasa loob pa din ng CR si Renz. Inilapag ko lang muna ang mga plato at baso sa bed side table. Inilagay ko din muna ang alak sa loob ng ref at saka kinuha sa aking bag ang damit kong pangtulog.

Nang bumukas ang pinto ng banyo ay nakasuot na ng boxer shorts si Renz.

"Wait lang kuha kita ng twalya.", wika nito sa akin saka tinungo ang kanyang cabinet. Kapag abot sa akin ng twalya ay agad na akong pumasok ng banyo para maligo. Sinadya kong magtagal na kaunti para makapagplano din sa aking isip kung paano ko sisimulan ang usapan namin ni Renz.

Matapos magbihis ay lumabas na ako ng banyo. Hindi ko naman gagawing magbihis pa sa harap ni Renz kahit na nakita naman na niya ang lahat sa akin. May asawa na ako at dapat siya na lang ang makakita ng pututoy ko.

"Bakit ganyan suot mo?", bungad sa akin ni Renz. Nakasuot ako ng lumang sweatshirt at pajama ng mga sandaling iyon. "Punta ka ba ng Baguio? Gusto mo ng bonet?", natatawa nitong tanong sa akin. Simbilis ng kidlat na nakadampot ako ng unan at ibinato sa kanya habang nagsisimula na siyang tumawa.

Ayaw ko kasi matulog ng naka-boxers lang sa tabi ni Renz. Ayaw kong bigyan ng dahilan si Aki para magselos o anuman. Pero nasobrahan nga ata ang pagiging conservative ng suot ko kasi maging si Aki ay tinanong ako kanina kung bakit iyon ang napili kong dalin na damit. Nagkibit-balikat lang ako ng tanungin nya ko.

"Wala kang pakialam!!!", sigaw ko sa aking kaharap na ligayang ligaya sa pagtawa sa akin. Kinuha ko na lang ang cheesecake sa ref at ang bitbit kong wine kanina.

Inayos ko iyon sa maliit na lamesang nakita ko sa kwarto nya. Saka naupo sa kama at hinarap sya.

"Bad influence ka.", nang-iinis na sabi ni Renz sa akin na ang tinutukoy ay ang red wine na nilapag ko sa mesa.

"Kapal mo. Kahit ubusin mo mag-isa tong bote na to. Alam ko naman na hindi ka malalasing.", depensa ko. Medyo nakakaguilty din kasi na ako pa ang nagyaya kay Renz na uminom lalo na ngayon. Pero umaaasa ko ng sa tulong ng konting wine ay mas maging maganda ang takbo ng aming usapan.

Hindi naman na nagkomento ang aking bestfriend at siya na mismo ang nagbukas ng wine. Sa totoo lang hindi naman ito yung klase ng red wine na nakakalasing. Hindi ko alam kung gaano ang alcohol content nito pero ito yung klase na pwede mong inumin na parang juice lang. Nagsalin si Renz ng wine sa dalawang baso habang ako naman ay parang nakalimot na sa paligid at nagsimula sa pagkain ng cheesecake.

"Kyle baka bangungutin ka sa dami ng kinain mo ngayong gabi. Parang wala kang balak na paabutin pa ng bukas yang cheesecake na yan.", pansin ni Renz.

"Hayaan mo na ako. Minsan na lang ako makakain neto e. Yung isang tray sa baba tyak ubos yun agad sa tatlong kasama ko sa bahay.", paliwanag ko. Nginitian ako ng aking bestfriend at pinabayaan na lang sa aking pagiging patay-gutom.

Nang mapangalahati ko na yung tray ng cheesecake ay medyo nahimasmasan na ako at naisipan ko ng simulan ang usapan. Naka-tigdalawang baso na din naman na kami ng wine habang walang sawang nag-aasaran. Nilinis ko muna ang lamesa sa mga kalat. Kumuha ako ng isang maliit na bote ng gatorade na nakita ko sa ref ni Renz.

"Anong gagawin mo?", takang tanong ni Renz.

"Spin the bottle tayo.", iyon ang naisip kong paraan para simulan namin ang usapan. Sana lang wag mangyari na sa akin lang lagi matapat ang bote. "Bawal madaya. Truth lang lagi. Bawal magsinungaling."

"Spin the bottle lang yan. Paano pa akong makakapandaya dyan?", natatawang sabi ni Renz.

"Nako kilala kita Renz Angelo Razon! Kayong mga starfish di kayo marunong sumunod sa rules. Wala nang madaming satsat! Basta bawal mandaya.", litanya ko na tinawanan lang ni Renz.

Pinaikot ko na ang bote at syempre dahil ako ang nagpaikot, kaya sa akin din tumapat. Potek! Kasunod ng pagtapat ng bote sa akin ay ang lalong pagtawa ni Renz.

"Inalog mo kasi yung mesa e!", reklamo ko. Umaasang bibigyan ako uli ni Renz ng pagkakataon na paikutin muli yung bote.

"Sira ang layo ko kaya sa mesa. Wag ka nga madaya.", pambabara nito sa akin. Wala na akong nagawa kundi manahimik at hintayin ang tanong ng aking kausap.

"Hmmm... Ano kayang magandang itanong?", pambubuyo ng kalaro ko.

"Bilisan mo na."

"Okay. Kung magiging top ka, sinong gusto mo i-bottom? Ako, si Aki, o si Lui? At bakit?", mala-demonyo ang pagkakangiti ng aking kausap.

"Walang ganyang tanong.", reklamo ko. Bakit ba kasi nag-inarte pa ako ng spin the bottle e!?! Pwede ko namang tanungin na lang ng diretso si Renz e.

"Alam mo lahi talaga ng jellyfish ang pinakamadaya eh.", nangongonsensyang sabi ni Renz.

"Oo na. Sasagot na.", sabat ko bago pa man sya maglitanya ng kung anu-ano. Pinag-isipan kong mabuti ang tanong ni Renz at hinanap ang pinaka-honest na sagot na maisip ko.

"Si Lui.", sigurado kong sabi. Kita kong napangiti lalo si Renz.

"Bakit?"

"Sya may pinakamagandang pwet sa inyong tatlo.", pilyo kong sabi. Nagkatawanan kami ng aking bestfriend. Nang makabawi ay pinaikot kong muli ang bote at anak ng maasim na sabaw sa akin na naman natapat. Lalong humagikgik si Renz.

"Okay. Sa amin uling tatlo, kanino ang pinakamalaki?", tanong ni Renz.

"Syempre sa baby ko!", mabilis kong sagot.

"Sus sinasabi mo lang yan kasi asawa mo na yun e. Alam ko namang si junior ko ang panalo.", pagbibida ng kaharap ko.

"Hoy hindi ah! Honest yung sagot ko.", balik ko kay Renz. Hindi ko na siya hinintay na makapagyabang pa at pinaikot ko na muli ang bote at bingo!!! Sa akin na naman tumapat ang lintek. Sa puntong iyon ay napipikon na ako sa bote.

"Hahaha! Okay. Ano kayang maitanong? Aha! Most embarassing na sex mo?", bahagya pang napalakas ang boses nito halata ang biglang excitement. Napanganga naman ako sa tanong ni Renz dahil alam ko ang sagot. Isang alaala na pilit ko ng binabaon sa limot. Isang pangyayaring ayaw ko ng sariwain. Isang sekretong nais ko na lang sanang dalhin sa hukay.

Nakakabigla na bilang mag-bestfriend ay may mga bagay pa pala kaming hindi alam sa isa't-isa.

"Ano na?", atat na sabi ni Renz.

"Iba na lang tanong mo.", pakiusap ko.

"Ayaw. Yun ang gusto kong malaman.", pagmamatigas nito.

"Magtanong ka na lang kahit dalawa pa basta ibang topic na lang.", pagmamakaawa ko. Hindi ko kaya ikwento pa kahit na kanino ang bagay na to.

"Ayaw. Wag kayong madaya mga jellyfish kayo.", pamimilit ni Renz. Huminga ako ng malalim bago nagsimulang magkwento. Uminom na din ako ng wine panglunod sa hiya.

"Matagal na to nangyari e. Bata pa ako, wala pa ako masyado experience nun. May nakilala akong guy tas nag-check in kami. So, nag-sex kami dun. Isa sa mga posisyon naming ginawa is yung parang cowboy ung bottom. So ako yung nasa taas tapos inupuan ko sya. Tas nung magpapalit na kami ng posisyon. Nahugot yung ano nya tapos.", napatigil ako sa pagkekwento kasi parang binarahan yung lalamunan ko.

"Tapos?", bitin na sabi ni Renz.

"May nahulog na maliit na peanut butter.", halos pabulong kong sabi.

"Ha?"

"May nahulog na ano.", nahihiya kong pag-uulit.

"Ano?", inip na tanong ni Renz.

"Peanut butter. Maliit lang naman.", paglilinaw ko.

"Tinaehan mo sya????", di makapaniwalang sabi ni Renz na parang naisigaw pa nya ata.

"Bwisit ka talaga! Maliit nga lang! Tsaka wag ka ngang maingay!", irita ko ng sagot dahil nararamdaman ko ng namumula na ang aking mukha. Bigla namang bumunghalit ng tawa si Renz. May pahawak-hawak pa sa tyan nya si mokong para lalo akong inisin.

"Sasakalin kita kapag di ka tumigil sa katatawa. At sinasabi ko sayo, puputulin ko ang lahi mo kapag kwinento mo yan sa iba.", seryoso kong banta sa aking bestfriend. Hindi na nagkomento pa si Renz at pinagkasya na lamang ang sarili sa pagtawa. Upang maiba na ang paksa ng aming usapan ay muli ko nang pinaikot ang bote. Matapos akong hiyain ng tadhana, sa wakas ay tumapat na din ang bote kay Renz.

Napatigil naman siya sa pagtawa at nagkunwaring seryoso na naghihintay ng tanong na ibabato ko sa kanya.

Napaisip naman ako. Itatanong ko na ba agad ang dahilan ng kanyang pag-iyak kanina o dapat ba na magtanong muna ako ng ibang mas simpleng bagay na hindi gaanong malalim? Napagdesisyunan ko na palagpasin na lang muna ang pagkakataon na ito at hayaan na maging kumportable muna si Renz sa aming laro.

“So, sinong huli mong naka-sex ha tuod?”, maangas kong tanong kay Renz. Naisip kong iyon na lang ang itanong since sa sex din naman umikot ang mga tanong niya sa akin. Alam ko namang wala ako mapapala sa kanyang isasagot dahil sa malamang ay isang tao mula sa bar ang kanyang isasagot – di kilala, pansamantala, kinalimutan na.

Nakakapagtaka kung paanong natigilan si Renz. Bigla lang sumeryoso ang kanina nang seryosong mukha ng aking bestfriend. Ganito siya sa tuwing may pilit na itinatago sa akin. Itatago sa maingat na pagpapanggap ng mukha, bantay na mga ngiti, at mapanlinlang na kasiyahan sa tinig ang tunay na nararamdaman.

“Wag na wag ka magsisinungaling Renz Angelo Razon. Kilala kita. Malalaman ko kung nagsisinungaling ka.”, pagbabanta ko sa kanya. My gut feel tells me to corner him on this particular question. Hindi ko ito nararamdaman kanina pero nung nakita ko ang kanyang reaksyon ay tila nakumpirma ko sa aking sarili na dapat makuha ko ang totoong sagot sa aking tanong.

Bumuntong-hininga lamang si Renz. Ramdam ko kung paanong tumatakbo ang kanyang utak at nakikipagtalo sa kanya kung dapat ba na ibigay ang totoong sagot. Uminom siya ng alak. Puno ang baso. Straight. Walang tira. Yumuko siya at pilit na itinatago ang emosyon na maari kong mabasa sa kanyang mata.

Lalo akong kinabahan sa mga kinikilos ni Renz. Maging ako ay napilitan na mapainom sa baso ko ng wine.

“Si Lui.”, halos bulong na sabi ni Renz. Nang rumehistro ang pangalan ay di ko maiwasan ang masamid sa aking iniinom.

“Lui? As in Lucas Willard?!?!?”, di ko makapaniwalang tanong.

“Gwapo? Matangkad sa akin? Malaki katawan? Mayabang? Na Lui?”, tanong ko uli bago pa man siya makasagot sa aking tanong. Tumango lamang si Renz.

“Yung dati mong roommate sa bahay?”, hirit ko pa.

“Yes.”, tipid na sabi ni Lui. Para akong tilapiang nakawala sa tubig, bukas sara ang bibig habang nanlalaki ang mata sa pagkagulat. Hinayaan ko muna na mag-sink in ang nalaman ko sa akin. Sinusubukan ko pang i-proseso ang mga sinabi ni Renz.

Nakayuko pa din ang aking kaibigan at mukhang walang balak na magkwento. Hindi ko alam kung anong dapat kong maramdaman. Nanaig pa din sa akin ang gulat. Though, aminin ko na hindi naman ito dapat na shocking news para sa akin. Pansin ko at maging ni Aki na may kakaiba sa pakikitungo ni Renz at Lui sa isa’t-isa. Napag-usapan pa nga namin iyon sa isla at nagtawanan kaming mag-nobyo sa kung paanong ang aso’t pusa na Renz at Lui ay bagay na magkatuluyan. Pero alam namin ni Aki na hanggang biro lang ang bagay na iyon dahil sa ikakasal na si Lui.

At sa pagkakaalala ng biruang iyon ay biglang nag-click ang bawat piraso ng puzzle, nagsimulang mabuo ang isang istorya, biglang lumutang ang posibleng dahilan ng pag-iyak ng aking bestfriend kanina. Kaakibat ng bagong impormasyong ito ay ang pagbuhos din ng mga bagong tanong.

Pinagmasdan ko ang aking kaibigan at kita ko kung paanong ang iilang salita na binigkas nya kanina ay biglang inubos ang lakas at saya sa kanyang katawan. Kung paanong ang pagbanggit ng pangalang Lui kanina ay parang isang kutsilyo na mariing isinanaksak sa kanyang dibdib. Hindi ko mapigilan ang makaramdam ng awa dahil alam ko ang ganoong pakiramdam. Alam ko kung anong mga napagdaaanan ni Renz. Masakit panoorin na makalipas ang halos isang taon na pagpupumilit niyang magbago at makaalpas sa kalungkutan ay parang may isang malaking vacuum na naman na pilit na hinihila siya pabalik sa madilim nakaraan.

Ayaw ko siyang madaliin na magkwento. Alam kong nag-iipon siya ng lakas. Alam kong hindi madaling buksan ang mga sugat habang pinipilit mong magmukhang malakas.

“Pwede ba kitang kwentuhan?”, sabi ko matapos ang mahabang katahimikan. Tumango lang uli ang aking kaibigan.

Bago ako nagsimulang muli ay lumipat ako sa kanyang tabi at sinandal ko ang aking ulo sa kanyang balikat. Tulad ng lagi ko noong ginagawa kapag malungkot ako o may gusto akong pag-usapan namin ng seryoso.

“Natatandaan mo yung araw na nagtangka kang magpakamatay? Yung araw bago mo kusang sinabi na gusto mong pumasok sa rehab?”, panimula ko. Tumango lang si Renz, tahimik na nakikinig. Alam kong kapag ganitong klaseng tono na ang ginagamit ko sa pakekwento ay naiintindihan ni Renz na seryoso ang gusto kong sabihin.

“Nung araw na yon, sobrang desperado na akong gawin ang lahat para maging okay ka na. Ibang klase yung nararamdaman ko na guilt sa sarili ko dahil sa kinahantungan mo. Kahit na pilitin ko ang sarili ko na maniwala na choice mo ang maging addict, sugarol, lasenggero – hindi mawala sa isipan ko yung bulong na partly may kasalanan ako. Yung insistent na boses sa isip ko na dapat maging parte ako ng solusyon kasi ako ang puno’t dulo ng nangyari sayo. Hindi ko magawang maghugas kamay at magpanggap na wala akong kasalanan.”, simula ko ng pag-alaala sa mga malulungkot na araw na yon.

“Since ayaw akong patakasin ng konsensya ko non, wala akong nagawa kundi maghanap ng paraan kung paano ko aayusin ang buhay mo. Pakiramdam ko na kasi walang klase ng pakiusap ko o ng iyong magulang ang makakapagpabago sayo.”

“Kaya ang ginawa ako ay nag-research ako sa net ng mga bagay na maaaring makatulong sayo. Sa paghahanap ko ng mga articles at video about drug addiction ay napadpad ako sa isang website Ted.com – pamilyar ako sa website kasi ilang beses akong nakapanood ng mga clips dito about leadership, management, success at technology. Pero nagulat ako ng lumitaw ang isang video mula sa site na ito na tumatalakay sa problema sa drugs.”, salaysay ko.

“May isang talk don mula kay Johann Hari ang title ‘Everything you know about addiction is wrong’. Isa yung talk about war on drugs at sobrang dami kong natutunan tungkol sa talk na yon.”

“Sabi nung speaker mahigit isang daang taon na daw ang lumipas mula ng simulan ng US at Britain na i-ban at gawing krimen ang paggamit ng drugs. Dahil sa superpowers ang dalawang bansang iyon ay sumunod ang buong mundo sa kanilang naging desisyon. At simula noon, we have isolated addicts, punished them, and made them suffer in hopes na sa paggawa noon ay mapapatigil natin sila sa paggamit ng droga.”

“I guess dito sa atin sa Pilipinas, napalaki tayo sa katotohanan na ang drugs ay masama at dapat iwasan kung ayaw mong makulong. Tinuro yon sa atin ng ating mga magulang pati sa school. Ang turo sa atin ng lipunan ay kapag gumamit ka ng drugs, magiging adik ka dahil sa mga kemikal na meron ito. Alam natin yung effects na maha-high ka, hallucination, calmness, at pansamantala ka makakalimot sa problema. Pero ang hindi natin masyadong alam eh yung iba pang dahilan maliban sa kemikal na nagiging sanhi para ma-adik ang isang tao sa drugs.”

“Ang sabi don sa talk, ang common presumption ng mga tao is kapag gumamit ka ng drugs – heroin for example, ng ilang araw ay magiging dependent ang katawan mo sa droga at magiging adik ka na. Yun din ang pagkakaalam ko. Then, ini-explain ng speaker na sa medical field kapag naaksidente ka o may painful surgery na kailangang gawin sayo, madalas ay binibigyan ka din ng drugs - diamorphine. Ang Diamorphine ay isang klase ng heroin. Magandang klase ng heroin kasi puro walang halong chalk. So, ginagamit ng mga doctor yung diamorphine as pain killers. And then the speaker argues, kung bakit yung mga ginagamitan ng diamorphine sa US at UK hindi naman nagiging adik kapag lumabas na ng ospital?”

“Kwinento din nung speaker how the world came up with experiment to show how addiction works. Noong early 20th century daw may ginawang experiment ang mga scientist sa mga daga. Nilagay sila sa isang cage, isang daga per cage na may dalawang inuminan. Yung isang inumin purong tubig, yung isa may halong drugs. Sa ganoong set-up daw laging pinipiling inumin ng daga yung tubig na may drugs which would eventually lead to the death of the poor mouse. From that study, a lot of facts and opinions where derived to create the culture, laws, and stigma around drug addiction.”, pagpapaliwanag ko.

“Then pagdating ng 70’s may isang klase pa ng experiment ang ginawa sa mga daga. Nilagay yung mga daga sa cage na tinawag nilang rat park. Rat park kasi hindi lang mag-isa yung daga, may mga kasama siyang ibang daga. Marami silang pagkain, may playground sila, pwede silang mag-sex ng mga kasama niyang daga, pero may dalawa pa ding inuminan – yung purong tubig at yung may halong droga. Surprisingly, sa Rat Park mas pinipili ng mga daga na uminom sa inuminan na purong tubig at halos hindi nila iniinuman yung tubig na may drugs. Now the result of this other experiment challenges a lot of what we know about addiction.”, litanya ko. Alam kong possibleng nabo-bore si Renz sa kwento ko pero pakiramdam ko ay dapat na i-share ko sa kanya ang bagay na ito. Una dahil sa tingin ko ay magiging malaki ang tulong nito sa kanya. Pangalawa ay dahil sa gusto kong umamin sa isang nagawang kasalan.

“Sabi nung speaker sa talk, maybe it’s not just the chemical in the drugs that causes addiction, maybe it’s also the cage causing addiction.”,

“To prove his point, he mentioned another example, this time humans being the test subject. Nung Vietnam War daw 20% ng mga American Soldiers ay gumagamit ng heroin. Nung uuwi na yung mga sundalo after the war, people in the US feared that there will be influx of drug addicts in the streets dahil sa mga soldiers na ito na gumagamit ng heroin. So ang ginawa nila ay binantayan nila yung mga sundalo at pinag-aralan kung babalik ba ang mga ito sa paggamit ng droga. As it turned out, nore of them went to rehab.”

 “The talk went on for almost 15-minutes but basically the speaker was pointing out how socieal connection plays a role in addiction. Nung matapos ko yun panuorin, syempre, di ako naniniwala dun sa speaker kasi marami sa mga sinasabi niya ay salungat sa mga bagay na tinuturo ng lipunan. Kaya nag-google ako at naghanap ng mga article about the Rat Park experiment. And I found out na people were divided. May mga nagsasabing may mali sa experiment, may nagsasabing ito ang kulang sa wars against drugs, may mga kumukwestyon pa sa kredibilidad nung speaker sa Ted talk at nung sumakit na yung mata ko kababasa, napaisip na lang din ako.”

“Naisip kong may point naman yung speaker sa talk niya pero ano nga ba ang dapat na gawin sa mga adik??? Paano ba sila dapat na tulungan?”

“Dapat ba i-rehab lahat ng adik? Ito ang pinkapopular na paraan sa paggamot sa kanila pero bakit may mga labas-pasok pa din ng rehab at hindi makaiwas sa appeal ng droga?”

“Dapat ba na bigyan sila ng matinding parusa at ikulong na lang lahat? Siguro, magandang solusyon yon para hindi na sila makapaminsala sa kapwa at lipunan. Pero ganun din e, may labas pasok pa din na mga adik sa kulungan e.”

“Eh kung patayin na lang kaya lahat ng adik sa mundo para wala ng balikan sa droga.”, patuloy ko sa aking monologue. Bahagya akong kinilabutan ng mga sandaling iyon dahil sa paglutang ng isang malungkot na alaala.

“Nang pumasok sa utak ko iyon, naisip agad kita at narealize ko na hindi ko kayang basta ka na lang ipatapon sa kulungan. At lalong hindi ako payag na patayin ka na lang ng dahil sa adik ka."

"Hindi ko kaya kasi alam kong tulad ng ibang adik sa mundo. Hindi ka lang basta adik. Hindi ka lang basta isang salot sa lipunan. Hindi ka isang hayop na pwede na lang bastang patayin oras na maging peste. Madaling magalit at mawalan ng amor sa mga taong adik na katulad mo noon kasi alam ng nakararami na mali ang ginagawa nyo. Madaling hilingin na sana mamatay na lang kayong lahat para wala ng problema. Masarap isipin ang isang mundong malaya sa mga taong katulad nyo.", pag-amin ko.

"Yan siguro ang hiling ng mga taong walang personal na kilalang adik sa buhay nila. Madaling husgahan at parusahan ang mga taong di mo kilala at piniling di kilalanin. Pero kapag isang taong malapit sayo ang nabansagang adik, ang hirap pala na humusga at magparusa. Hindi pala madaling hilingin na ikulong na lang silang lahat. Hindi pala madaling isipin na basta na lang sila patayin ng mga pulis bilang wala naman silang naitutulong sa lipunan."

"Alam ko mali ang paggamit ng droga pero hindi ko rin masabi na tama ang naisip na paraan ng mundo sa pagsugpo nito. Matapos ang panonood ko ng talk na yon maraming mga bagay ang pumasok sa isip ko. Naisip ko na mali na lagyan ng mga negatibong label ang mga adik. Mali na isipin na sila ay latak ng lipunan, na sila ay salot, mga patapon. Naisip kong mali iyon dahil may kilala akong adik na hindi lang basta adik. Isa din siyang mabuting anak at kapatid. Isang mapagmahal na kaibigan. Isa din siyang maaayos na tao tulad ko bago siya nalulong sa droga.”

“Madaling humusga ng kapwa. Madaling isipin kung ano ang mali sa iba. Madaling hilingin na mawala na lang ang mga problema sa mundo. Ang mahirap gawin ay ang ilagay ang sarili sa sitwasyon ng isang adik at unawain kung bakit iyon ang napili nilang landas na tahakin. Ang mahirap isipin ay ang epektibong paraan kung paano sila matutulungan. Ang mahirap na hanapin ay ang mukha ng isang anak, ama, ina, kapatid, kaibigan, o kasintahan sa mukha ng bawat adik na alipin ng bawal na gamot.”, hindi ko alam kung nakikinig pa sa akin si Renz. Pero umaasa ako na maririnig niya ang confession ko.

“Alam kong mahirap kasi at one point noon, hindi na kita nakita bilang Renz na bestfriend ko. Ang nakita ko na lang ay isang problema na kailangan kong ayusin. Para sa akin ay nawalan ka ng identity, ng istorya, ng pakakakilanlan. At one point, ang naging tingin ko sayo ay isang naglalakad na problema na kailangang mawala. Alam kong ako ang dahilan kung bakit ka napunta sa ganyang daan pero dahil mas mahirap ang umunawa kaysa humusga. Pinili kong isipin na isa ka lang adik, isang problema, isang pabigat.”, nagulat ako na may pumatak na luha sa aking mata. Hindi ko na maalala ang huling beses na naging ganito ako ka-open kay Renz. Naiyak ako dahil nahihiya ako sa reyalisasyon ko ng mga sandaling iyon. “Nakalimutan ko kung sino ka Renz. Nakalimutan ko si Starfish.”

“Habang nagpi-feeling superhero ako sa paghahanap ng makakapagpabago sa’yo. Unti-unting nawawala sa akin ang ibig sabihin ng ating mga pinagsamahan. Kapag naiisip kita noon, hindi ang masasayang alaala natin ang lumilitaw sa aking isipan kundi yung mga problemang dala mo. Hanggang sa biruin ako ng tadhana, at dumating yung araw na nakita kita sa kwarto mo na naliligo sa sarili mong dugo, maputla ang mukha, at halos di na humihinga.”, bumibilis ang aking paghinga sabay ng agos ng mga luha.

“Nang mga sandaling iyon ay hindi ko magawang maging masaya dahil sa wala na ang pinoproblema kong adik. Noong mga malungkot na sandaling iyon ay napagtanto ko kung sino ang tao sa likod ng maskara ng droga. Noon ko lang muling naalala kung sino ang taong pilit kong ginagamot. Noon, bumalik ang tunay na dahilan kung bakit ako pilit na naghahanap ng paraan para mapabuti ka. I remembered that I wasn’t just dealing with another drug user, I’m trying to help my friend, my bestfriend.”, pagtatapos ko bago ako nakonsumo ng paghikbi.

Naramdaman ko ang pagtitig sa akin ni Renz. Pagkakataon ko naman iyon para yumuko dahil sa hiya. Hiya dahil sap ag-amin na noong mga panahong pinka kailangan ako ng aking bestfriend ay mas pinili kong manghusga. Patuloy ako sa pag-iyak hanggang sa maramdaman ko ang pamilyar na bisig ni Renz na bumabalot sa aking balikat. Pinapakalma ako mula sa buhos ng matinding guilt. Naramdaman ko ang paglapat ng kanyang labi sa aking sentido at pag-iwan ng isang banayad na halik doon gaya ng dati niyang ginagawa sa akin sa tuwing mag-aaway kami. Tahimik lang ang aking kaibigan habang hinihintay ako na kumalma.

“I was watching and researching about that talk on drugs bago kita natagpuan sa kwarto mo noon. Habang pinapanuod kita sa ospital na matulog, I had a chance to reflect on what’s happening at the time. Inisip kita bilang si Renz at hindi bilang isang adik. At pakiramdam ko ay kahit kaunti ay naunawaan ko kung gaano kang kalungkot. Kung paanong ang bawat taong nakapaligid sayo ay adik lang ang naging tanging pagtingin sa’yo. Kung paanong maaring maging ang ibang kaibigan mo o pati magulang mo ay nakalimutan na kung sino ka bago ka malulong sa droga. And I realized, you somehow lost all the connections you have in life - how you are essentially alone.”, muli kong pagpapatuloy nang kaya ko ng magsalita. Gusto ko na i-kwento lahat ng gusto ko aminin sa aking bestfriend.

“Sabi sa talk, if only addicts would have enough social connections and activities like the mice in the Rat Park, maybe they would not have to depend on drugs. Sa rat park may kaibigan yung daga, hindi nya kailangan maramdaman na mag-isa siya at ma-depress, may iba siyang pwedeng gawin maliban sa uminom ng tubig na may drugs, hindi niya nararamdaman na basta lang sya nakakulong at ang tanging choice lang na meron siya araw-araw ay uminom ng purong tubig o ng tubig na may drugs.”

“Tapos naisip ko yung mga adik na katulad mo. Kapag nalaman ng society na adik ang isang tao the initial reaction is to distance yourself from the addicts because of the possible danger and the social implications of being associated with one. Alam natin ang stigma around drug addicts at ayaw mong makihalu-bilo sa mga adik dahil takot ka na mapasa din sayo ang stigma. To hell sa kung sino man ang nakaisip ng kasabihan na “birds of the same feather flock together”. Feeling ko yung ideology na yon at ang stigma ng addiction ang dahilan kung bakit nawawalan ng social connection ang mga addict, which makes it harder for them to resist drugs.”

“Kapag adik ka, mawawalan ka ng kaibigan, trabaho, kasintahan, o kahit ng sarili mong pamilya. Ang matitira sayo ay ang drugs at ang kapwa mo mga adik. Kapag ganito na ang sitwasyon mo ang tanging naiisip mo na lang ay droga. Siguro kasalanan nga ng mga adik kung bakit sila adik. Pero kung bakit hindi matapos-tapos ang war on drugs, o kung bakit may mga adik na hindi makakawala sa appeal ng droga, maybe as a society may pagkukulang tayo. Kasi habang nilalayuan, pinandidirihan, at pinuputol natin ang lahat ng koneksyon na meron tayo sa mga adik ay ginagawan natin sila ng isang kulungan kung saan ang tanging desisyon lang na kailangan nilang gawin sa araw-araw ay kung iinom ng purong tubig o tubig na may droga tulad ng isang daga. Kung tatanungin mo ang mga taong kilala mo kung makikipagkaibigan ba sila sa isang taong adik, ang madalas na sagot ay hindi.”

“Alam ko ang mga bagay na ito kasi ganyan mismo ang pananaw ko sa mga adik. Noong ikaw na ang maging adik, pilit kitang tinutulungan kasi kaibigan kita. Pero habang tinutulungan kita ay nagbabago din ang pananaw ko sayo. Unconsciously, yung mga salitang problema, salot, kriminal, latak ng lipunan ay pinapalitan yung pagkakakilanlan ko sayo.”, paliwanag ko habang pinapahid ang luha.

“Sorry Renz kasi alam ko na of all people ako yung inaasahan mo na sana ay makakaunawa sayo. Na sana makaalala sa totoong ikaw. Pero i-let you down. I choose to label you with the same stigma that society has choose to put on drug users.”, sinsero kong paghingi ng paumanhin sa aking kaibigan. “Sorry kasi unintentionally, nalagay ka namin sa isang malungkot na kulungan.”, bulong ko sa aking katabi. “Sorry kasi nakalimutan ni Jellyfish kung sino si Starfish.”

Nang sa wakas ay magawa kong tingnan ang mukha ni Renz ay nakita ko siyang nakangiti. Hindi abot sa tenga ang ngiti pero hindi din peke.

“Iyan ba dapat ang ise-sermon mo sa akin nung magising ako sa hospital?”, nakangiting tanong nito sa akin.

“Oo sana. Kaso sabi mo magpapa-rehab ka na e.”, pag-amin ko. “Tututol nga sana ako eh, kasi naisip ko na magiging mas malungkot ka sa rehab kasi wala kang kakilala doon at lalo ka lang kakainin ng depression.”

“Eh bakit di mo ako pinigilan?”, tanong nito sa akin.

“Kasi, I saw something in your eyes nung sinabi mong magpapa-rehab ka na. Something na I haven’t seen in you for a very long time.”, paliwanag ko.

“And that is?”

“Confidence. Confidence in knowing that you are making a right decision. Kita ko yun sa mata mo. Na para bang nakita mo bigla ang liwanag at alam mo na ang dapat mong gawin, so hinayaan na lang muna kita. As it turns out, it worked naman.”, sagot ko.

“Mapapatawad mo ba ako?”, alinlangan kong tanong.

“Oo naman. Naiintindihan ko naman kung bakit ganoon ang naging reaksyon o thinking mo towards sa akin. Masaya ako na you see things differently now at hindi ko na kailangan na magpaliwanag kung bakit nahirapan ako na iwasan ang droga. Sa totoo lang, dapat pa nga ako magpasalamat kasi yung mga sinabi mo is very comforting para sa akin. Mahirap malulong sa droga pero it’s just as hard to deal with life after drugs. Iba na yung tingin sayo ng mga tao. And it’s reassuring to know na yung isa sa mga importanteng tao sa buhay ko ay iba na ang pananaw sa pinagdaanan ko.”, seryosong sabi ni Renz. Napangiti na din ako sa kanyang sagot.

“So bakit mo nga uli naisipan mag-monologue sa tabi ko?”, nang-iinis na biro ni Renz sa akin. Tiningnan ko siya ng seryoso.

“Kasi, I want to make sure na hindi ka makukulong o magkukulong uli sa cage na mag-isa. Nung makita kitang umiiyak sa parking kanina, ramdam ko kung gaano ka kalungkot at kung paanong pakiramdam mo ay nagiisa ka. At ayaw kong maramdaman mo uli iyon. Kasi mula ngayon, kahit anong mangyari nasa tabi mo si Jellyfish. Pangako.”, nakangiti kong sabi. Bahagyang nangisap ang mata ni Renz pero alam kong pinigil niya ang muling pag-iyak.


****Renz****

11:03 PM, Monday
March 25


Sa kabila ng lungkot na nararamdaman ko ay bahagyang gumaan ang aking pakiramdam sa kwento ni Kyle. Sabihin na lang natin na isa sa mga bagay na inaalala ko mula ng makalabas ng rehab ay biglang na-solusyunan ng wala akong ginagawa.

Mahirap maging adik. Mahirap kumawala sa mahigpit na kapit ng droga sa iyong katawan. At lalong mahirap din ang magsimula ng bagong buhay matapos ang droga.

Tama ang mga sinabi sa akin ni Kyle kanina. Isa nga siguro sa mga dahilan kung bakit walang makapag-pabago sa akin noon ay ang kaalamang lahat ng taong nakapaligid sa akin ang tingin sa akin ay adik. Tama naman sila na isipin yon dahil sa gumagamit nga ako ng droga pero pakiramdam ko ay nawalan ako ng pagkatao. Na para bang sa tagal ko ng nabubuhay tanging paggamit lang ng droga ang inatupag ko kaya wala ng ibang pagtingin ang mga tao sa akin kundi ang isang adik.

Mali, hindi pala lahat. May isang tao pala nung mga panahon na iyon na sa kabila ng araw-araw naming asaran, at kahit na minsan ay pinamumukha nya sa akin na adik ako ay hindi iyon naging hadlang para kilalanin niya ako. Para alamin niya ang istorya ko. Para sa sandaling panahon na kami ay magkasama magawa niyang pasukin ang sarado kong puso.

Nakakalungkot nga lang na ikakasal na siya. Huminga ako ng malalim. Sa tingin ko ay oras na para ako naman ang magkwento kay Kyle. Alam ko naman na hindi siya uuwi hangga’t hindi ako nagkekwento sa kanya. Inangat ko ang ulo ni Kyle na nung mga sandaling iyon ay nakasandal sa aking balikat. Nang makaupo na siya ng maayos ay ulo ko naman ang aking isinandal sa kanyang balikat.

Matapos ang ilang minutong katahimikan at pag-iipon ng lakas ay sinimulan ko ang magkwento. Sinimulan ko sa araw na lumipat ako sa unit ni Kyle. Wala akong balak na itira kahit na anong maliit na detalye. Handa na din akong magkumpisal ng aking mga kasalanan.

Ikinuwento ko kay Kyle ang naging mga bangayan at asaran namin ni Lui. Pati yung weekend na umuwi siya sa bahay sa Bulacan kasama ang mga bata at kaming dalawa lang ni Lui ang naiwan sa condo. Kwinento ko ang mga kalokohan namin sa mall. Ang naging kasunduan namin. Ang minsan naming paglabas sa bar at ang inuman namin after sa bahay ni Kyle. Nakakagulat na sa kabila ng lungkot ay bahagya pa din akong napapangiti kapag naaalala ko ang mga sandaling iyon.

Tahimik lamang si Kyle kaya nagpatuloy na ako sa aking pagkekwento. Sinariwa ko yung gabing pinanuod namin ni Lui yung Brokeback Mountain, kung paanong nauwi ang movie na iyon sa isang pagtatalo. Kung paanong nauwi muli ako sa paggamit ng droga at inubos ang lahat ng aking pera. Kwinento ko din ang gabing wala akong masyadong maaalala. Ang gabing pinagtulungan ako bugbugin sa isang madilim na eskinita dahil wala na akong pambayad sa ginamit na droga. Ang gabing pilit kong ginamit na parausan si Lui. Ang umagang natagpuan ko ang dugo sa kama. Ang umagang umalis si Lui. Ang umagang tinakasan ako ng lahat ng pag-asa sa buhay at piniling magpakamatay.

Walang reaksyon si Kyle, kahit na noong sabihin ko na hinalay ko ang isa sa kanyang mga kaibigan. Nanatili lamang siyang nakaupo habang isa-isang naglalandas ang bagong mga luha sa aking pisngi. Kwinento ko kay Kyle ang naging buhay ko sa rehab. Yung mga bagay na pumapasok sa isip ko nung nasa loob pa ako. Kung paanong ang ginawa ko kay Lui ay isang bangungot na gabi-gabi kong kasiping sa pagtulog. Kung paanong si Lui ang lubid na kinapitan ko para mapilit ang sarili na magbago.

Idinetalye ko din sa aking bestfriend ang naging misyon ko ng makalabas ng rehab. Ang mga nangyari sa amin ni Lui habang nagbabantay sa mga bata. Ang kulitan namin sa mall. Ang paghingi ko ng tawad sa kanya. Ang mga kwentuhan namin ni Lui sa gabi. Ang dahan-dahang reyalisasyon sa kung anong tunay kong nararamdaman para kay Lui. At ang pag-amin sa sarili na sa pangalawang pagkakataon ay nawalan ako ng taong minamahal.

Nang matapos ang mapait na pagkekwento ng trahedya ng aking buhay ay nanatiling tahimik lamang si Kyle sa aking tabi. Basa na ang balikat ng kanyang damit dahil sa aking pag-iyak. Wala ng salitang lumalabas sa aking bibig dahil muli nang habol ang aking paghinga dala ng mga malulungkot na hikbi. Nang sa wakas ay kumilos na si Kyle ay binalot ako nito sa kanyang mainit na yakap.

Lalong nangalit ang mga emosyon sa aking dibdib at mahigit tatlumpong minuto bago ko muling nakontrol ang aking sarili at ang walang tigil na bagsak ng luha.

“Sorry.”, yun lang ang nasabi ko kay Kyle. Siguro ay humihingi ako ng paumanhin dahil sa nagawa ko sa kanyang kaibigan. Hindi ko alam. Malabo pa ang takbo ng aking utak dahil sa labis na pag-iyak.

“Wala kang dapat na ihingi ng tawad sa akin. Napatawad ka na ni Lui. At sa tingin ko naman napagsisihan mo na ang ginawa mo.”, bulong sa akin ni Kyle habang hinahagod ang aking likod. “Kilala kita Renz. Alam kong hindi ka adik at lalong di ka rapist. Katulad ko o ng ibang tao, may mga desisyon ka lang na nagawa sa buhay mo na siguro ay hindi tama. Pero hindi ibig sabihin non na masama kang tao. Kasi sigurado ako na yung Starfish na kilala ko hindi intentionally mananakit ng ibang tao.”

“Salamat.”, sagot ko. Aaminin ko na labis kong ipinagpapasalamat na hindi ko kailangang maging mag-isa sa gabing ito.

“Alam kong malungkot ka. Alam ko masakit. Alam ko na wala din ako masyadong magagawa para mawala dyan yung sugat na dala ng pagmamahal. Pero gaya ng sinabi ko kanina, wag mong iisipin na mag-isa ka. Kasi lagi na akong nandito para sayo.”, pagpapagaan ni Kyle sa loob ko.

Hinayaan ako ni Kyle na ubusin ang mga natitira pang patak ng aking luha. Namagitan ang katahimikan sa amin ng mga sandaling iyon hanggang sa muling magsalita si Kyle.

“Ano pa lang balak mong gawin?”

“Saan?”, tanong ko habang nagpapahid ng luha. Medyo okay na ako. Lumipas na yung unos na kanina ay nagpaluhod sa akin.

“Kay Lui? Liligawan mo ba siya kahit na ikakasal na siya?”, tanong ng aking bestfriend.

“Tingin mo ba magiging masaya talaga siya sa mapapangasawa niya?”, balik kong tanong.

“Honestly, oo. Kaya din siguro hindi ko agad makumbinse ang sarili ko na may namagitan sa inyo ni Lui kasi sa nakikita ko sa kanya ngayon parang yung girlfriend niya ang pinakamasayang nangyari sa buhay niya.”, matapat na pagkumpirma ng aking kaibigan.

“Isa lang naman ang gusto ko mangyari sa ngayon e. Yung makitang masaya si Lui. Kung masaya siya sa kanyang mapapangasawa, hindi ako manggugulo.”, sagot ko kasabay ng bahagyang ngiti. Kabaliktaran ang naging reaksyon ni Kyle. Bahagyang nangisap ang mga mata nito at mukhang magsisimula na namang umiyak. “Bakit?”

“I don’t know.”, sagot nito sa akin habang pinapahid ang luha sa sulok ng mata. “This isn’t fair for you. Bakit kailangan mo uling pagdaanan to?”, malungkot na sabi ng aking kaibigan.

“Well, wala naman na tayong magagawa. May mga maling desisyon akong nagawa at may mga bagay na wala akong control. Nabigyan din naman ako ng chance ng tadhana dati pero hindi ko nakita yung pagkakataon na yon. Wag kang mag-alala. Sa tingin ko naman ay kakayanin ko na this time.”

“Magda-drugs ka ba uli?”, alanganing tanong ni Kyle. Natawa na lang ako sa kanya.

“Hindi na. Napagdaanan ko na yan. Hanap na lang ako ng bagong gimik.”, sagot ko. Pinilit ko magmukhang masaya ang aking boses para di na mag-alala pa ang aking kaibigan. Bukal sa loob ko din naman ang aking sagot na hindi na babalik pa sa droga.

Ngumiti naman ang aking kaibigan.

“Magpalagay ka kaya ng boobs sa Thailand? Malas mo sa pag-ibig eh.”, biro nito sa akin.

Ang birong iyon ay nauwi sa hampasan ng unan at walang sawang asaran sa pagitan namin ni Kyle. Masaya ako na kasama ko siya ngayong gabi. Masaya ko na nasabi ko ang maraming bagay na kinikimkim ko sa aking loob. Kahit papaano ay nabawasan ang bigat sa aking dibdib. Kahit papaano ay nagkaroon ako ng kasiguruhan na oras na lamunin ako ng sobrang lungkot ay may isang tao muli na maaari kong kapitan.

Magiging okay kaya ako? Makakaya ko kaya ang mga susunod na araw?

Sa totoo lang hindi ko alam. Hindi ko masiguro kasi alam mo naman si kaibigang tadhana laging may dalang surprise. Pero isa ang sigurado ako. Mas malakas at mas matatag na ako kumpara dati. Malulungkot ako oo, pero kakayanin ko. May mga gabing iiyak pa din ako pero alam kong may mga umagang ngingiti ako. Kung may natutunan man ako sa nangyari sa akin kay Kyle iyon ay hindi mo alam kung kelan talaga ang ending.

Kahit na pakiramdam mong wala ng pag-asa. Kahit na parang tinakasan ka na ng lahat ng saya sa buhay. Kahit na pilit ka nang ibinabaon sa lupa ng mga pangyayari sa buhay mo kahit na humihinga ka pa. Hindi ibig sabihin non na tapos na ang kwento mo. Hindi ibig sabihin na ang ending mo ay isang malungkot na trahedya.

Kapit ka lang. Maghintay ka. Tiisin mo lang ang sakit. Mag-iiba din ang takbo ng istorya. Dahan-dahan may mumunting dahilan para ngumiti na darating sa buhay. Kasabay ng pagmulat ng mata sa umaga at pagpikit nito sa gabi ay ang posibilidad ng bagong taong maaari mong makilala na makakapagpabago ng iyong sitwasyon. Hindi man sya mismo ang magpabago ng takbo ng buhay mo, maaaring siya ang kailangan mo para magpursigi na maiba ang sitwasyon mo.

Pasado alas tres na ng umaga ng maisipan namin ni Kyle na matulog na. Sa kabila ng madamdamin naming kwentuhan at ng mga nangyayari sa aking buhay ay nagawa kong pumikit ng may ngiti sa labi. Kahit papaano ay masaya ako dahil ang nangyari ng gabing ito ay malayo sa inaasahan ko. Ang inakala ko ay makakatulog ako ngayong gabi dala ng kalasingan sa magisang pag-inom at pag-iyak.

Magaan ang aking pakiramdam na may isang tao akong napagkwentuhan ng aking napagdadaanan. Masaya ako na may isang taong nakaunawa sa akin. Hindi noon natanggal ang sakit sa aking puso pero sapat na iyon para magawa kong magpatuloy.

-----------------------

Mabilis na lumipas ang mga araw. Dumaan ang mga linggo na halos hindi ko namamalayan. Gayunpaman, ay walang umaga o gabi na hindi ko iniisip si Lui. Malungkot pa din ako sa nangyari sa amin pero hindi ako miserable katulad ng dati.

Sa kabila ng sakit ay nagagawa ko pa ding mabuhay. Pinasya ko na lang na gawing busy ang aking sarili sa mga pagpaplano ng bagong shop ni Mama na itatayo sa ibaba ng condo nila Kyle. Dahil doon ay napadalas din ang pagpunta ko kela Kyle. Sa halip na iwan ang mga bata sa mga magulang ni Aki kapag may pasok ang mag-nobyo ay nagpresenta na lang ako na ako na muna ang magbabantay kela Andrei at Sandy.

Hindi naman completely boring o pilit ang mga ginagawa ko sa araw-araw kahit papaano kasi ay napapatawa ako ni Andrei. Madalas ay dinadala ko sila ng kanyang ate sa aming bahay. Masaya naman si Mama na magkaroon ng mga batang maaari niyang alagaan at ii-spoil.

Kung tutuusin ay bahagya akong namamangha sa nagiging paglipas ng bawat araw sa akin. Hindi ko inaasahan na ganito ang magiging sitwasyon ko. May lungkot, oo, pero hindi ito masalimuot tulad ng nangyari noon sa amin ni Kyle. Alam kong medyo matatagalan pa bago ako tuluyang maka-move on. Ayaw kong madaliin ang aking sarili. Ayaw kong maghanap ng taong pwede kong maka-date. Ayaw kong pilitin ang aking sarili na magmahal ng iba para lang makalimot sa tunay na nararamdaman. Sigurado akong darating muli ang pag-ibig sa tamang pagkakataon. Alam ko dahil ang dalawang taong sobra kong minahal ay kusa na lang dumating sa aking buhay sa mga panahong hindi ko sila hinahanap.

Sa ngayon ay pipilitin ko na munang gamutin ang mga sugat para maging handa ako sa pagdating ng araw na makakasalubong ko sa daan ang taong pwede kong makasama habang buhay.

"Kuya Renz, ang tulala ka na naman.", bati sa akin ni Andrei. Di ko namalayan ang paglapit sa akin ng bata. Nasa isang park kami ng mga sandaling iyon. Pinapanood ko ang magkapatid na makipaglaro sa ibang bata kanina bago ako nahulog sa pag-iisip.

"Ah wala. Sige na laro ka na dun.", sa kabila ng kakulitan ni Andrei ay alam kong sensitive ang bata sa emosyon ng mga taong nakapaligid sa kanya.

"Ang lungkot ka ba?", inosenteng tanong nito sa akin.

"Konti lang pero magiging okay na din ako mamaya.", pag-amin ko.

"Sali ka na lang sa laro namin. Ikaw taya, ang hahabol mo kami.", pag-engganyo nito sa akin na ikinangiti ko na lang.

"Hindi na. Pagod ako e. Magiging okay din ako mamaya. Kelangan ko lang magpahinga sandali.", palusot ko.

"Okay. Ang tawag mo na lang ako kapag ang lulungkot ka uli.", masigla nitong sagot sa akin bago nagtatatakbo pabalik sa kanyang mga kalaro. Napangiti na lang ako sa direksyon ng anghel na napulot ko sa may simbahan.

Tiningnan ko ang oras sa aking cellphone. Mag-aalas singko pa lang. Mamaya na siguro kami uuwi dahil baka wala pa sa condo ang magnobyo.

Sa totoo lang palusot ko lang ang pagtingin sa oras. Gusto ko lang talaga tingnan kung may nagtext na sa akin. Kung may text si Lui. Mahigit tatlong linggo na mula ng huli kaming nagkita pero hindi doon naputol ang aming komunikasyon.

Nagulat na lang ako ng isang araw ay may matanggap akong text mula sa isang unknown number. Nang tanungin ko kung sino iyon ay napagalaman kong kinuha ni Lui ang number ko kay Kyle para siguruhing pupunta ako sa kasal niya.

Kahit na may number ako ni Lui ay hindi kami lagi nagkakatext o nakakapagusap sa phone. Hindi kasi ako magtetext o tatawag hanggang hindi siya ang unang mag-reach out sa akin. Hindi sa nagmamaasim ako, ayaw ko lang na magmukhang naggugulo o naghahanap ng atensyon. Sa mga pagkakataong, magtetext sa akin si Lui ay umaabot naman sa mahigit dalawang oras na nakababad kaming dalawa sa pag-uusap sa text. Minsan ay nag-Skype din kami. Friends ko na din siya sa Facebook pero hanggat maaari ay hindi ako nagoonline sa takot na may makita akong mga larawan na magdadala lang ng labis na lungkot at panghihinayang.

Binalikan ko ang huling text sa akin ni Lui. Isa iyong paalala na isang linggo na lang bago ang kanyang kasal at gusto niyang siguruhin na hindi ko siya i-indyanin.

Sa totoo lang ay hindi pa ako nakakapagdesisyon kung pupunta nga ako. Madalas ay kinukumbinsi ko si Lui na hindi ako mawawala sa kasal niya pero hindi pa talaga ako sigurado kung kaya ko bang magpakita sa kanya sa araw na iyon. Sa ngayon ay nakalalamang ang parte na pumipigil sa akin na pumunta. Maging si Kyle ng aking tanungin ay sinabing hindi niya ako masisisi kung ayaw kong pumunta. Nagpresenta pa ito na pagtakpan ako kung sakaling piliin ko na hindi nga pumunta.

Nasa malalim akong pag-iisip sa bagay na ito ng umilaw ang aking phone. Rumehistro ang pangalan ni Aki. Naisip kong baka napa-aga na sila ng uwi ni Kyle at magtatanong kung nasaan kami.

“Hello Aki?”, sagot ko sa tawag ng aking kaibigan.

“Renz, nasaan kayo ng mga bata?”, kalmadong tanong ni Aki pero mababanaag na may seryosong bagay itong sasabihin sa akin.

“Nandito kami sa park. Pinasyalko lang yung dalawa. Nasa condo na ba kayo? Pwede naman na kami umuwi, kanina pa din naman naglalaro si Andrei.”

“Hindi, wala kami sa condo. Andito ko sa ospital. Naaksidente kasi si Kyle. Naka-confine sya ngayon at ayaw pa pauwiin ng doctor.”, pagkekwento ni Aki na ikinabigla ko.

“Ha?!? Anong nangyari?!”, usisa ko.

“Nahulog sa hagdan sa fire exit pero okay naman na sya ngayon. Sinimento lang yung kanang paa niya para di lumala yung fracture don. Ipapadaan ko sana yung mga bata dito sa ospital para makita nila si Kyle bago umuwi. Tiyak na magwawala si Andrei kapag biglang hindi umuwi si Kyle ng walang paalam.”, paliwanag ni Aki.

“Osige, punta na kami agad dyan. May kailangan ka bang ipakuha sa condo nyo? Damit? Termos? Electric fan?”, tanong ko na ikinatawa ni Aki.

“Huwag ka na mag-abala. May damit naman kasi sa kotse lagi. Tsaka baka makalabas na din bukas si Kyle. Gusto lang siya obserbahan ng doctor bago pauwiin.”

“Okay sige. Papunta na kami dyan. Text mo na lang sa akin kung saang ospital kayo.”

Tinawag ko naman agad ang mga bata at inaya nang umuwi sa condo. Dahil basa pareho sa pawis ay naisip kong dumaan muna sa bahay para makapagbihis ang dalawa. Habang pinapalitan ko ang mga ito ng damit ay dahan-dahan kong ipinaliwanag ang nangyari sa daddy nila. Kita ko naman na parang bulkan na nagbabadyang sumabog ang luha at iyak ni Andrei.

Tahimik ang dalawa habang binabaybay namin ang daan patungo sa ospital. Kita ang pag-aalala sa muka ng dalawang bata. Pilit ko namang pinakalma ang mga ito at siniguro sa kanila na malayo na sa peligro ang buhay ng kanilang daddy.

Tulad ng inaasahan, pagpasok pa lang naming sa kwarto ni Kyle sa ospital ay nagtatakbo na agad si Andrei palapit sa Daddy nito habang umiiyak. Agad itong umakyat sa kama at yumakap sa kanyang Daddy Kyle na halatang nabigla sa ipo-ipong biglang bumalot sa kanya. Si Sandy naman ay tahimik ding umiiyak habang nakayakap kay Aki.

Ilang minuto ang lumipas bago nakalma ni Kyle ang nagwawalang damdamin ni Andrei. Nang masiguro ni Andrei na okay ang kanyang Daddy ay ibinaling nito ang kanyang atensyon sa TV sa kwarto na kasalukuyang nasa Cartoon Network.

“Anung pinaggagawa mo sa sarili mo?”, naguguluhan kong tanong kay Kyle. Hindi naman kasi napaliwanag ni Aki kung paanong nahulog si Kyle sa hagdan ng fire exit.

“Eh kasi may meeting ako sa floor sa baba lang namin, so naisip kong maghagdan na lang kesa mag-elevator kaso namali ako ng hakbang eh. Tapos sa kagustuhan kong protektahan yung dala kong laptop napasama pa lalo yung bagsak ko.”, paliwanag ni Kyle. Napailing na lang ako sa kwento nya.

“Wala talaga kayong utak na mga jellyfish.”, pang-aasar ko kay Kyle pero bago pa siya makaganti ng banat ay bigla umilaw ang kanyang cellphone. Hanggang sa bumungad ang mukha ni Lui sa screen.

“Hobby mo ba ang magpasemento ng paa? O fetish mo talaga ang nababalian ng buto?”, bungad ni Lui kay Kyle.

“Siraulo!”, natatawang sabi ni Kyle.

“Hoy Renz! Gumagwapo ka ah!” biro sa akin ni Lui nang mahagip ako ng camera ng phone ni Kyle. Nakaupo ako ng mga sandaling iyon sa gilid ng kama ni Kyle habang pinapakain ni Aki ng meryenda ang mga bata.

“Matagal na akong gwapo.”, ganting yabang ko kay Lui. Napatingin naman sa aking si Kyle bakas ang pag-aalala at pagkontra sa sinabi ko. Alam ng bespren ko ang lihim kong damdamin para kay Lui. At batid kong alam nya na may kirot sa puso ko ang mga ganitong pagkakataon na nag-uusap kami ni Lui na parang walang nangyari.

“Yan tayo eh.”, nakangiting sagot ni Lui na lalong nagpaaliwalas sa kanyang mukha. Nakasuot lamang siya ng isang simpleng putting t-shirt na humahapit sa mabilog nitong balikat at maumbok na dibdib. Halatang nakapambahay ito at nasa loob ng kanyang kwarto.

“Hoy tukmol! Okay ka na ba?”, tanong ni Lui kay Kyle.

“Okay naman na ako. Sinimento lang yung paa ko pero baka makalabas na din naman ako bukas ng ospital.”, sagot ni Kyle.

“Gaano daw katagal yung cast mo?”, tanong muli ni Lui. Nanatili lamang akong tahimik na nakikinig sa kanilang pag-uusap. Masaya na akong sulitin ang mga sandal na makita ang mukha ni Luis a screen ng cellphone ni Kyle.

“Mga 2-3 weeks daw.”, sabi ni Kyle.

“Tsk! Tsk! Yan na nga sinasabi ko eh. Sino ngayon magiging best man ko sa kasal? Alangan namang paglakadin pa kita sa aisle ng may saklay?!”, reklamo ni Lui.

“Sorry na. Yung iba mo na lang na kaibigan ang kunin mong best man. Okay lang sa akin.”, paumanhin ni Kyle.

“Hindi pwede.”, pagmamatigas ni Lui. “Ikaw na lang Renz! Mukhang kasya naman sayo yung damit ni Kyle e.”, masayang sabi ni Lui.

Nabigla naman ako ng maproseso ng aking utak ang kanyang hiling. Ramdam ko na parang tinatakasan ng dugo ang aking mukha at nagsisimula na akong mamutla na parang suka.

“Ha? Ako?”, kinakabahan kong sagot. Hindi ko alam kung paanong tatanggi sa hiling ni Lui ng hindi niya mamasamain. Ayaw kong isipin niya na nag-iinarte o nagpapaimportante ako. Nakorner niya ako ng mga sandaling iyon. Ayaw gumana ng utak ko. Ramdam kong nakatingin din sa akin si Kyle. Marahil nag-aalala para sa akin sa sitwasyon na kinalalagyan ko. Alam kong nag-iisip din siya ng magandang idadahilan para iligtas ako.

“Sige na please.”, paawa na sabi ni Lui na parang bata. Sinamahan pa ng beautiful eyes at pouting lips. “Kayo lang ni Kyle ang gusto ko maging best man. Pagbigayan mo na ako. Bibili ako ng maraming cake sa shop nyo kapag pumayag ka.”, pangungumbinsi sa akin ni Lui.

Minasdan ko ang kanyang makinis na mukha, ang makapal nyang kilay, ang bahagyang nakakunoot na mga noo, ang matangos niyang ilong, magingang kanyang bahagyang nakanguso na mga labi. Nang dumapo ang aking tingin sa kanyang mga mata ay muli akong nakulong sa hipnotismo ng taong minamahal ko. Nawalan ako ng kakayahan na tumanggi at mag-isip para sa ikabubuti ng aking sarili. Sa pagtatagpo ng aming mga mata ay wala akong ibang naiisip kundi ang mga bagay na kaya kong gawin para lang mapasaya si Lui.

“Pleeeeaaaassseee.”, muling pangungulit ni Lui.

Hindi ko na kaya pang labanan ang kakaibang pakiramdam na nagnanais na pasayahin ang taonga king kausap. Namalayan ko na lang ang aking sarili na tumatangi bilang pagsang-ayon sa hiling ni Lui.

Halos magtatalon sa tuwa ang aking kausap. Bakas ang labis na saya sa kanyang ngiti sa labi. Sa kabila ng takot sa maaari kong kaharapin ay may umuusbong na saya sa aking dibdib sa kaalamang hindi lang ako basta back-up plan. Bakas sa naging reaksyon ni Lui na masaya talaga siya na maging best man ako sa kasal niya. Hindi siya napilitan lang.

Sa reyalisasyong iyon ay di ko na rin maiwasan ang ngumiti. Hinayaan ko ang aking sarili na lasapin ang kasiyahan ng mga sandaling iyon kahit na nagsisimula nang bumuhos ang mga tanong at agam-agam sa aking utak dahil sa aking naging desisyon.


…to be cont’d…

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails