Followers

Tuesday, January 28, 2014

A Dilemma of Love 32 (Sa Kapakanan ng Lahat) at Mga ‘Dilemma’ ng ‘A Dilemma of Love’ 5

Title: A Dilemma of Love
Author: Menalipo Ultramar
E-mail: menalipodeultramar@gmail.com


--------------------------------------------------------------------------------
Mga Dilemma ng ‘A Dilemma of Love’ 5
  1. Sa Chapter 13, nagbiro ang tatay nila Alfonse tungkol sa pagbrebreak dance ni Alfred at ng girlfriend niya. Pinigilan naman siya ng asawa niya at sinabing baka makabuntis daw ng maaga si Alfred. At nabuntis nga ni Alfred si Sandra, girlfriend niya na naligtas ni Chong sa Chapter 27.
  2. Sa Chapter 13 din, nirequest ng tatay nila Alfonse na i-date ng huli si Mylene Chua, paghahanda sa pagkakasundo nilang dalawa. Kaso sinabi ni Alfonse na uunahin muna niya ang pag-aaral, kaya ‘di natuloy hanggang sa Chapter 25. Dinelay ko lang…XD
  3. Sa Chapter 20, halos magwala si Chong ng makita niya ang librong The Godfather. Tungkol ito sa isang goodie-goodie na lalaking ayaw manahin at ma-involve sa affairs ng tatay niyang isang Mafia lord. Kaso ng mabaril at lumala ang tatay niya, he felt the need to protect his father and continue his business. See the parallelism sa kwentong ‘yun at sa kwento ni Fonse at ng tatay niya?
  4. Isa sa pinakamalaking butas ng kwentong ito ay ‘yung engagement plot. Well, 2011 to present ang setting ng kwentong ito. At hindi ko alam kung may ganyan pang katinding adherence sa pakikipagkasunduan ng kasal, lalo na sa mga Pinoy. Ang mga Chinese lang ang alam kong seryoso sa pakikipagkasunduan ng kasal, at may kaklase akong ganoon pa rin daw ang kalakalan (hindi ko lang alam kung excuse lang niya iyon, dahil…XD). Kaya naisip ko na rin minsan na dapat pala ay ginawa kong Chinese si Fonse. Well, I think it’s not too late, panibagong MAS MATINDING revisions nga lang. XD
  5. Siguro napansin niyo na madalas kong idescribe ‘yung gesture na parang nakayakap ‘yung dalawang braso at kamay sa sarili. Medyo ngayon ko lang nalaman na HALUKIPKIP pala ang tawag sa gesture na iyon. Another reason to edit this story…XD
  6. Siguro iniisip niyo kung bakit hindi ko pinaglaruan masyado ‘yung Chong – Fred angle, ‘yung tipong mag-aagawan si Fred at Fonse kay Chong. Eh, marami na kasing nakagawa nun eh, at ayoko ng masyadong nag-aagawan…XD Dapat ba palaging ganon. Bukod sa totoong may kakambal ‘yung pinaghalawan ko kay Fonse, ginawa ko lang kambal ni Fred si Fonse dahil sa line niya sa Chapter 30: “…Hindi mo man lang naisip na sa tuwing nakikipaglandian ka sa baklang ‘yun, ang mukha ko ang nakikita ng mga tao, nakikita ng mga taong nandidiri at nagagalit sa inyo. Mukha mo at MUKHA KO!!!”
It’s just quite funny na noong pinalabas kong merong Chong-Fred angle, eh dumami ang comment. Dumami ng mga isa. Napaghahalata kayo, ang hilig niyo sa agawan…XD
Less is more…XD
  1. Final words bago matapos ang ‘A Dilemma of Love’? Tandaan niyo lang ‘yung trivia sa Chapter 5 na galing sa libro ni Chong: According to research, reading trivias can suppress the hormone responsible for making us fall in love.
---------------------------------------------------------------------
"Love must be much a light, as it is a flame."
- Henry David Thoreau
----------------------------------------------------------------------

Isinuot niya ang kamisadentrong kasing-puti ng kanyang balat.
Sumunod ang kanyang pantalong itim na katulad ng dilim.
Puti ang kulapol ng kwartong ‘di pinapasukan ng liwanag.
Ang kanyang tsaleko at kurbata’y itim, nagluluksang mataimtim.
Lumingon siya’t minasdan sa salamin ang kanyang karakas.
Ang kanyang mga mata’y pula, tanging iba sa mundong puti at itim.
“Alfonse…” Pumasok muna si Carlos bago kumatok. Unti-unti siyang nilingon ng anak na tila nananamlay. Namasdan niya ang namumugtong nitong mga mata.
Humigpit ang hawak ni Carlos sa pinto. “Anak…” Sinuklian lamang ni Alfonse ng pilit na ngiti ang tawag ng ama.
“Handa na po ako. Konti na lang…” Muli siyang lumingon sa salamin. Hindi niya magawang tingnan ang sariling repleksiyon.
Pinaandar ni Carlos ang sariling wheelchair. Mula ng lumabas sa ospital ay inobliga na siyang umupo doon upang huwag mapagod. Ngunit tila mas matindi sa pagod ang naradama niya sa tuwing makikita si Alfonse.
Magbibiro sana ni Carlos na hindi dapat mauna ang babaeng ikakasal sa simbahan, ngunit pinigil niya ito. “Anak…” Napalingon si Alfonse. Nakita niya ang ama malapit sa kama’t tinatapik ang kama.
Inihinto ni Alfonse ang pag-aayos sa sarili at umupo sa tabi ng ama. “Kamusta ka na?” Hinawakan ni Carlos sa balikat ang anak, madiin at puno ng pagmamahal.
Muli’y ngumiti si Alfonse ng napakatamis, katulad ng dati, dangan lamang at halatang pilit. “Okay lang po dad, never been great like this…”
Lalong humigpit ang yapos ng kamay ni Carlos sa balikat ni Alfonse. Tila pagsasabing maaari niyang tigilan ang lahat ng pagkukunwari. “Alfonse…”
Natigalgal si Alfonse. Hinawakan niya ang kamay ng ama. “Okay lang talaga ako dad, okay lang…”
“Nakaka-usap mo pa ba ‘yung girlfriend mo?”
Nagulat si Alfonse sa narinig. “Dad?”
Napangiti si Carlos sa reaksiyon ng anak. “…’yung girl…girl…friend mo…” nauutal niyang sagot.
“Dad, hindi ba nakaka-ilang na pag-usap…”Hindi itinuloy ni Fonse ang sinabi. Napangiti siya sa reaksiyon ng amang tila hindi alam kung tama ba ang ginawa o hindi. Minsa’y naibsan ang kanyang kinikimkim.
Umayos sa pagkaka-upo si Carlos. “No, not at all…” Hinaplos-haplos ng kanyang kamay ang kanyang baba’t bibig. “Well, maiilang talaga ako kung tatawagin ko siyang ‘boyfriend’ mo…”
Nagtawanan sila.
“Gusto mo ng joke…” Natatawa pa ring sabi ni Carlos.
Sandaling nagitla sa Alfonse ngunit pagkatapos ay napangiti rin. Tila alam na niya ang biro na tinutukoy ng ama. “Ilang beses ko nang narinig ‘yan eh…”
“Pagbigyan mo na ako, ‘di ka pa nasanay…” Umubo si Carlos upang alisin ang anumang bara sa lalamunan. “May tatlong magkakapatid si Pedro ang panganay, si Diego ang sumunod…” Pagkatapos ay naubo siya, tunay na ubong dahil sa pagkaubos ng hangin.
Tumayo si Alfonse at hinagod ang likod ng ama. “…at si Juan, bunso…” Nang huminto sa pag-ubo ang ama’y muli siyang umupo.
“Ngayon, hinuli silang tatlo ng hari nila.” Puno ng kasiyahan at lakas ang tinig ni Carlos, tila isang gurong nagkukuwento sa pulutong ng mga batang naglilikot.
“Oo nga Dad, bakit ba sila hinuli?” tanong ni Alfonse na tila nakikisakay sa ginagawa ng ama. “…ilang beses mo ng nakuwento ‘yan, pero hindi mo sinasabi…”
Napangiti si Carlos. “Hindi iyon ang mahalaga…”
Kumunot ang noo ni Alfonse sa sagot ng ama.
“Eh sa mapang-trip ‘yung hari nila, ang ginawa eh pinapili sila mula sa dalawang bato, sabi ng hari…” muling umubo ni Carlos at nilakihan ang boses, “…isang bato ang ‘buhay’, habang ang isa naman ay ‘kamatayan’, kung ano ang inyong mabubunot ‘yun ang inyong hatol…”
Napangisi si Alfonse.
“Pero alam ng tatlo na parehong ‘kamatayan’ ang nakasulat sa dalawang bato…” Umarte si Carlos na tila unang beses na marinig ng anak ang ganoon.
Muli naalala ni Alfonse ang mga panahong dati. Napakaliwanag ng tanglaw ng chandelier sa kanilang kainan. Napakasigla ng kanyang ama at hindi nakagapos ang kakayahang gumalaw sa isang de-gulong na upuan. Napakalutong ng halakhak ng kanyang inang walang bakas ang mukha ng nagdaang panahon. Maayos ang lahat, walang mga damdaming nasasaling at walang problema. Pagkatapos sumubo ng kanyang ama ng ensalada ay itutuloy nito ang biro.
“Kahit na alam niyang walang lusot, pumili pa rin si Pedro sa dalawang bato. Umasa siyang isa sa mga bato ay ‘buhay’ at sana ay nabunot niya iyon. Kaso hindi, kaya pinatay siya ng hari…”
Nabigla ang ina ni Alfonse. “That’s horrible, joke ba talaga iyan…”
Muli’y matatawa ang kanyang ama. “Hindi pa kasi tapos. Edi si Diego naman ang pumili, kahit na alam na niya ang mangyayari. Pero pagkatapos eh itinapon niya ‘yung bato at tumakas siya. Kaso nahuli rin, at nang tiningnan ang batong pinili niya, ‘kamatayan’ rin. Dedo… ”
Hindi na maipinta ang mukha ang mukha ng kanyang ina. Maski sila ni Alfred ay hindi na masakyan kung ano ang pinupunto ng ama. Lumutang sa ere ang mga hawak nilang kubyertos. Ngunit hindi natinag si Carlos. Pagkatapos sumubo ng ensalada’y humalakhak siya sa abot ng ipahihintulot ng kanyang lakas at kabataan.
“Si Juan naman ang pumili…” Dinig ang sigla at kapanabikan sa tinig ni Carlos, tulad nang sa ika-sampu niyang paglalahad ng birong iyon. “…Dahan-dahan niyang kinuha ‘yung batong pinili niya sa kamay ng hari, tapos alam niyo ba kung anong ginawa…” Pinutol ng kanyang marahang hagikgik ang sinasabi niya.
Natauhan si Alfonse  sa marahas na ubo ni Carlos. Takip ng kanyang kanang kamao ang kanyang bibig habang ang kanyang kaliwa’y mahigpit ang hawak sa wheelchair. Akala niya’y muling masusundan ng halakhak na pupuno sa walang kulay na kwartong iyon ang biro ng ama.
Ang mga tawang iyo’y mga saya ng lumipas.
“At alam mo kung anong ginawa niya  Alfonse…” Hingal na sabi ni Carlos.
“…Sasabihin kong hindi para hindi masira ang trip niyo…” Pinilit niyang ngumiti.
Napangiti rin si Carlos, napakatamis na ngiti. “…Malalaman mo rin kung ano talaga ang ginawa ni Juan…”
Tinangkang tanungin ni Alfonse ang ama kung bakit hindi niya tinapos ang biro sa karaniwan, ngunit naunahan siya ng mga katok sa pituan.
“…Dad, Fonse, malalate na tayo…” Halata ang pigil na kawalang pasensiya sa mukha ni Carlitos.
Napabuntung-hininga si Carlos. “Ang napaka-conformist na si Carlitos…” Kinindatan niya si Alfonse. “…kung papipiliin ko siya eh malamang ay pumili na lang siyang walang kagatol-gatol…”
Nakasandal si Alfonse sa salamin ng bintana ng sasakyan. Ang tingin niya’y nakadako sa kawalan. “Kamusta na kaya siya? Pupunta kaya siya?”
Hinugot niya sa bulsa ang kanyang cellphone, ngunit walang kahit anumang senyales ng mensahe mula sa kahit kaninong tao. Lalo na mula sa taong inaasahan niya, si Chong.
Muli siyang tumingin sa kawalan. “Hindi ba talaga niya ako pipigilan?”
Dalawang buwan na ang nakalilipas mula ng sila’y nagtapos, dalawang buwan na rin ang nakalilipas mula ng huli silang magkita. Sa mismong pagtatapos nila natapos ang kanilang kasunduang nagtagal ng dalawang taon.
“Congratulations…” Gusto niyang yakapin si Chong sa huling pagkakataon, gusto niyang idantay ang kanyang mga braso sa katawan ni Chong. Gusto niyang yapusin ito at habambuhay ng hagkan.
Ngunit natakot siya, natakot siyang yayakap siya sa isang malamig na bangkay kapag ginawa niya iyon.
Isang ngisi sa labi ni Chong. “Congrats…” Inilahad niya ang kanyang kamay. Nanginginig at nag-aalangang pinaunlakan ni Alfonse ang alok niya ng pakikipagkamay.
Saka natapos ang lahat ng ibalik niya ang librong hiniling ni Chong na maging kanya muli.  Naglakad si Chong ng dahan-dahan, may paggalang at buong pag-iingat sa itim nitong toga. Walang lingong-likod, walang alinlangan, walang bakas ng pagsisi.
Hindi na niya napigilan ang sarili. Muli niyang kinuha ang cellphone at gumawa ng mensahe.
“Chong, pupunta ka ba?” Nanginginig ang kanyang kalamnan, kagat niya ang kanyang mga labi. Itinuon niya ang kanyang mata sa buton ng ‘Send’. Matagal niya itong tinitigan. Maya-maya’y papalapit ang pagdantay ng kanyang daliri sa parteng iyon ng screen, maya-maya’y lalayo ito mula dito.
Pabuntung-hininga niyang inilapag sa tabi ang kanyang cellphone.
“Ito naman ang gusto niya, hindi ba?” Nagbaba ng tingin si Alfonse.
Agad niyang kinuha ang cellphone at ipinadala kay Chong ang mensahe.
Huminga siya ng maluwag at matamang tiningnan ang aparato sa kanyang kamay. Dinaramdam niya ang bawat galaw sa kanyang paligid. Itinuon niya ang mata sa kung ano mang pagmumulan ng liwanag.
Ilang sandali pa’y umilaw ang kanyang cellphone, senyales ng isang mensahe. At ito’y galing kay Chong.
“Oo, pupunta ako.” Hindi niya alam kung siya’y malulungkot, maiinis, o matutuwa. Sa nakalipas na dalawang buwan ng pagtetext niya kay Chong patungkol sa pagpunta nito sa kasal, walang siyang ibang natanggap na mensahe kundi iyon, walang labis, walang kulang.
Lalo niyang kinagat ang kanyang labi at kumunot ang kanyang noo. “Ano pa nga ba ang isasagot niya sa tanong ko…” Nananamlay niyang inilapag ang kanyang Iphone.
Muli’y kinuha niya ang cellphone at gumawa ng mensahe. “Bilisan mo. Malapit na ako sa simbahan. Sana magkita muna tayo…” Mabilis niyang ipinadala ito.
“Ang kulit mo, pupunta nga ako! Okay lang naman kung civilian lang ‘diba?” sagot ni Chong. Nahiwagaan si Alfonse. Hindi niya makuha ang ibig sabihin ng mensahe.
“Ser, andito na tayo…” Inangat niya ang kanyang tingin kay Ronnie. “…Ser…”
Natauhan siya’t nakuha ang ibig sabihin ng taga-maneho. Ngunit natakot siya, natakot siyang paglingon niya’y makita niya ang lugar kung saan matatapos ang lahat. Pinigil niya ang sariling lumingon. Lumamlam ang kanyang mga mata. Ngunit alam niyang kahit gawin niya iyo’y walang magbabago. Unti-unti, dahan-dahan, ibinaling niya ang ulo sa kanan, sa bintanang naging kanyang kanlungan.
Siya ngayon ay nasa harap na ng simbahan.
Nakayuko niyang pinalilipas ang oras na hinihiling niyang huwag ng dumatal.
“Kailangan kong gawin ‘to, para kay Mama, para kay Papa,  para sa’kin…”
Tumingala siya’t minalas ang magarang altar ng malaki’t eleganteng simbahan. Kumikinang ng ginto ang bawat adorno ng bawat santong piping saksi ng bawat nagdurusang puso.
“Lord, please, tama naman ‘diba?” Huminga siyang malalim. “Please, kahit ngayon lang, tulungan mo ako...”
Mahigpit ang kanyang hawak sa upuang kahoy. Paikot-ikot ang mga taong hindi mapakali sa postura ng bawat isa. Lahat ng ito’y balewala at walang halaga para sa kanya.
“Tama si Chong, maganda si Mylene. Wala akong pagsisihan, wala akong dapat pagsisihan. Tama si Chong…”
 “Alfonse…” Natauhan siya’t nilingon ang sumambit sa kanyang pangalan. Si Alfred.
Tiningnan lamang ni Alfonse ang kakambal. Hindi niya maipaliwanag ang itsura nito. Kung anong tamlay niya’y siya namang aligaga ni Fred.
“Kamusta…na bro?” Hinawakan ni Alfred ang kanyang balikat.
“Bro?” Nakangisi siya’t hindi matingnan ng diretso ang kapatid. “…I’m gay…”
Sinuklian ni Fred iyon ng matamis na ngiti. “Kapatid pa rin kita. Ikaw pa rin ang kakambal ko…”
Nagtama ang kanilang tingin. Muli’y namasdan nila ang magkatulad nilang karakas. Walang nag-aapoy na mga mata, walang mga matang nalulumbay. Walang pagkaka-iba, at puno ng unawa ang bawat tingin nila.
Hinawakan ni Fonse ang kamay ng kakambal sa kanyang balikat.
“Nasaan si Sandra?” tanong ni Fonse.
“Ah, paparating pa lang…” Muli’y hindi mapakali si Alfred. “Ah, kambal…”
Ngumiti si Alfonse nang napakatamis. “Bakit?
Umiling siyang tila nagugulumuminahan. “Ah, wala…” Tinangkang umalis ni Fred ngunit tumigil rin siya. “Basta…kung…kung ano mang mangyari…may green van…may green van sa labas…” Tuluyan siyang umalis.
Sinundan lamang ng nagtatakang tingin ni Alfonse ang kakambal.
“Andiyan na’ng bride!” Umugong ang marahas na bulungan sa lugar ng kapayapaan.
“Smile…” Tinapik ng ina ni Alfonse ang kanyang pisngi at inayos nito ang kanyang bow tie. “Kasal mo ‘to. Be happy.” Bakas ang saya sa mukha ng kanyang ina.
Tumugtog ang biyolin at mga hele mula sa langit,
Ang lahat ay nagkamayaw, walang hanggang saya.
Lugar ay napuno ng hanay at mga paa’y lumalangitngit,
Umaapaw ang ngiti, at may mga rosas na nalalanta.
Sa dulo’y namasdan, isang babaeng dalisay at marikit,
Hinahalikan ang kanyang trahe’t belo ng hanging payapa,
Lakad niya’y tulad ng lasong sumasayaw sa himpapawid.
 Umigting ang koro’t ngumiting napakatamis ang dalaga,
Awit na agunyas sa lalaking sa altar ay may ngiti na mapait.
Napakagandang tingnan ng sedang damit pangkasal ni Mylene. Ang kanyang belo’y napakahaba’t tila pulutong ng mga aliping sumusunod sa kanilang reyna.  Napaka-elegante at tila nakababatid hininga, kahit sinong lalaki’y mabibighani sa ganoong anyo.
Hindi si Alfonse.
Nakatuon ang kanyang mata sa stained glass na nasa itaas ng tarangkahan ng simbahan. Pabilog ito’t napakagandang tingnan kapag tinatamaan ng liwanag. Nakalarawan dito ang imahe ng Diyos. Pakiramdam ni Alfonse ay nakatitig sa kanya ito, at ang mga braso niya’y nakalahad upang siya’y hagkan.
Bawat hakbang papalapit sa dambana ay bawat hakbang patungong katapusan.
“Dyusko, kayo nang bahala. Kung ito ang gusto Niyo, wala akong magagawa. Kung nasaan man si Chong, alagaan Mo siya. Sana maging masaya siya. Kung pwede lang sana, sabihin Mo sa kanyang, mahal na mahal ko siya…”
Pumatak ang isang luha sa mata ni Alfonse.
“Fonse…” Matigas ang tawag ni Ferdinand Chua sa kanya. Hindi niya namalayang nakarating na sa altar ang kanyang mapapangasawa.
Hinawakan ni Alfonse ang kamay ni Mylene. Kung anong higpit na kapit ng dalaga ay siya namang luwag ng pagkakahawak ni Fonse sa kamay nito.
“Kailangan ko siyang pakasalan…”
Itinaas ng pari ang kanyang dalawang kamay. “Almighty God, hear our prayers for Carl Alfonse & Mylene who have come here today to be united in the Sacrament of Marriage. Increase their faith in you and each other, and through them bless your Church with Christian children.”
“Ang pag-ibig ay pag-intindi, Alfonse…”
Kumikinang sa tama ng liwanag ang antipara ng pari.  “…although life is a gift given to each of us as individuals, we also learn to live together in harmony. Love is a gift to us from our family and friends. Through these gifts of love we learn to ourselves to gift it back. Learning to love and live together is one of life's greatest challenges and is the shared goal of a married life.”
“…pag-intinding hindi lamang ikaw ang may
kakayahang umibig, at pag-intinding ang
kaligayahan ng natin ay nakatali sa kaligayahan ng iba.
Sa kawalan nakatuon ang paningin at pandinig ni Alfonse. “As husband and wife, Carl and Mylene, commit to protect each other, to cloth each other of each other’s love and loyalty. The veil represents Groom’ strength and protection to his bride – to Bride, his wife, who he promises to take care of, from this day forward.”
“…Ang umibig ay umintindi…”
“Carl Alfonse…” Tila nagising siya mula sa panaginip. Hindi niya alam kung ilang beses ng inulit ng pari ang pagtawag ng kanyang pangalan, ngunit tila sa tono nito’y napakatagal niyang nanahimik.
Nilingon niya si Mylene. Bakas sa mukha ng dalaga ang pag-aalala. Ang mga bibig niya’y nakabuka.
Ibinaba ng pari ang kanyang tingin. “Carl Alfonse, did you come here in your own free will to bind yourself forever in love and service of your wife?”
Nanlaki ang mga mata ni Alfonse sa narinig. Naglikot ang kanyang mga mata. Hindi mapakali ang kanyang mga kamay.
Kagat-kagat niya ang kanyang labi. “Yes…Yes Father…”
Tila nakahingang maluwag ang lahat ng tao sa loob ng simbahan.
“Mylene, did you come here in your own free will to bind yourself…” Sa mukha naman ni Alfonse nabakas ang pag-aalala. Bigla’y hindi siya mapakali. “Kasasabi ko lang ba  ng  ‘yes’?”  Hindi niya mawari kung siya’y iiyak o tatawa. NIlingon niya ang kanyang ama.
Hindi rin niya  mawari kung ang ama’y umiiyak o tumatawa.
Ngumiti si Mylene. “Yes, Father…”
Bawat kasiguraduhan ng pangako ay bawat kasiguraduhan ng walang katiyakan.
“Carl Alfonse, do you take Mylene, here present to be your lawful wife according to the rite of our Holy Mother, the Church?”
Tiningnang nagugulumihan ni Fonse ang paring mataimtim ang titig sa kanya.  Naghihintay ang lahat  ng tao ng kasagutan, ngunit tila namamanhid ang kanyang labi upang bigkasin ang mga salitang iyon.
Yumuko siya at nag-isip ng mataimtim, saka siya humingang malalim at inangat ang tingin sa imahe ng nakapakong Hesus.
Kumunot ang noo ni Mylene sa kanyang nakikita. Hindi niya maipaliwanag na kaba ang nadarama, hindi dahil sa ikakasal siya, kundi kung kahahantungan ng kanyang kasal.
Unti-unting nababakas ang magkahalong galit at pag-aalala sa mukha ng ina ni Alfonse. Dama niya sa kanyang paligid ang nakasusugat na tingin ng kanyang mga mayayamang kaibigan sa paligid.
Nakayukong naghihintay ng sagot si Carlos. Sa kanyang wheelchair ay humigpit ang kayang hawak. Nais niyang tingnan ang anak ngunit hindi niya magawa, sa kung anong dahila’y hindi niya magawa.
Sa mata ni Alfonse ay pumatak ang isang luha.

“I do.”

16 comments:

  1. Update naman agad pls...pa tapos na ohhhh Ito lang Yong binabasa ko ang tagal pa ng update hahahhaha peace

    ReplyDelete
    Replies
    1. Patatagalin ko muna ito ng isang linggo, o isang buwan...XD

      Delete
  2. Oh my!!! This is brilliant Author! Brilliant indeed! Thank you! Been reading this story since 2012. Ngayon lng ako nag comment. Haha. :)) -Leo

    ReplyDelete
    Replies
    1. Tae, naalala ko tuloy bigla na 2012 ko pa nga pala 'to ginagawa. Grabe...XD

      Delete
  3. Bihira po ba talaga ang happy ending sa mga same sex relationships, Mr. Author?.....OGLUM

    ReplyDelete
    Replies
    1. Kung bihira lang talaga ang 'happy ending' na same sex relationships, it is because hindi natin ito hinahayaang magkaroon ng 'happy ending'.

      Ikaw at ang partner mo pa rin ang magdedecide kung magkakaroon kayo ng happy ending, whether straight or homo relationship.

      Delete
  4. Whenever i read this, it feels like im reading a classic novel. The way you present it, the choice of words and the mystery. (Akala mo nmn ngbabasa ako ngclassic novel, hahaha).

    Sana may background din si chong. Sa family niya, childhood et al. But i think its too late kasi patapos na. XD

    Anyway, congrats kasi malapit mo ng matapos to na inabot ng dalawang taon. Lol

    -james santillan

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hell yeah! Patapos na rin, gusto ko na ngang tapusin yung Last Chapter eh. Pero 'wag muna...XD

      Delete
  5. Kelan po Ito magiging available sa Wattpad?

    ReplyDelete
    Replies
    1. Siguro by 2015...XD Joke, by end of Feb? Pero baka matagalan ako sa pag-eedit eh....

      Delete
  6. Hello Author,

    Next time kapag maglalagay ka pala ng Music sa post mo, please dont forget to put page break html (readmore) before the html ng music player mo para walang tunog kapag nagview ng MSOB Homepage.

    Thank You.

    ReplyDelete
  7. PM mo ako sa Fb para ibigay ko sa iyo yung HTML na ginagamit namin ni Dylan Kyle sa mga embeds namin para yun ang gamit mo.

    Mas maganda yun since nawala na yung videoke man. Hindi yun nadikit sa Browser at direchong you tube vids talaga siya ;)

    ReplyDelete
  8. Wow, can't wait for the last part. Reading for 2 days only haha... nagustuhan ko talaga. Ganda ng story. Good luck sa author.

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails