Title: A Dilemma of Love
Author: Menalipo Ultramar
E-mail: menalipodeultramar@gmail.com
1 (Umamin Siya, Umamin Ako,Nagka-aminan Kami!) 2 (Out-of-this-World Interrogation) 3 (‘Di Lahat ng RulerStraight, ‘Yung Iba Bendable!) 4 (Pagkabakla at Mga Pundasyon ng Bahay, Anong Connect?) 5 (The Reason I Like you, Naks!) 6 (Naging Kami!) 7 (Ang Limang Kasunduan!) 8 (Ang Kaibigan kong si Chong?) 9 (Ang Birong Hindi Biro, Bow) 10 (Second Monthsary Namin!) 11 (Bawal ang Babe at Honey?) 12 (Salamat, Habanera!) 13 (Ang Request ni Dad) 14 (The Natural Complementaries of Man and Woman, AnoDaw?) 15 (Third Monthsary Namin!) 16 (Ang Pagkidnap kay Chong) 17 (Ang Date saRooftop ng Company Building) 18 (Mga Pangarap at mga Bituin) 19 (Si Carl Alfred Santiago) 20 (Mga Pahiwatig ) 21 (Ang Makapagpapasaya kay Chong) 22 (Si Christopher Santos, Alyas Christie) 23 (Pag-aaway at Pagkakasundo) 24 (Pagkahulog) 25 (Ang Engagement) 26 (Ang Unang Submission Signal) 27 (Tadhana) 28 (Ang Dating Christopher Chong) 29 (Pagtataksil) 30 (Laro ng Puso) 31 (Mga Katwiran at mgaDamdamin)
--------------------------------------------------------------------------------
Mga Dilemma ng ‘A Dilemma of Love’ 5
- Sa Chapter 13, nagbiro ang tatay nila Alfonse
tungkol sa pagbrebreak dance ni Alfred at ng girlfriend niya. Pinigilan
naman siya ng asawa niya at sinabing baka makabuntis daw ng maaga si
Alfred. At nabuntis nga ni Alfred si Sandra, girlfriend niya na naligtas
ni Chong sa Chapter 27.
- Sa Chapter 13 din, nirequest ng tatay nila
Alfonse na i-date ng huli si Mylene Chua, paghahanda sa pagkakasundo
nilang dalawa. Kaso sinabi ni Alfonse na uunahin muna niya ang pag-aaral,
kaya ‘di natuloy hanggang sa Chapter 25. Dinelay ko lang…XD
- Sa Chapter 20, halos magwala si Chong ng makita
niya ang librong The Godfather. Tungkol ito sa isang goodie-goodie na
lalaking ayaw manahin at ma-involve sa affairs ng tatay niyang isang Mafia
lord. Kaso ng mabaril at lumala ang tatay niya, he felt the need to
protect his father and continue his business. See the parallelism sa
kwentong ‘yun at sa kwento ni Fonse at ng tatay niya?
- Isa sa pinakamalaking butas ng kwentong ito ay
‘yung engagement plot. Well, 2011 to present ang setting ng kwentong ito.
At hindi ko alam kung may ganyan pang katinding adherence sa
pakikipagkasunduan ng kasal, lalo na sa mga Pinoy. Ang mga Chinese lang
ang alam kong seryoso sa pakikipagkasunduan ng kasal, at may kaklase akong
ganoon pa rin daw ang kalakalan (hindi ko lang alam kung excuse lang niya
iyon, dahil…XD). Kaya naisip ko na rin minsan na dapat pala ay ginawa kong
Chinese si Fonse. Well, I think it’s not too late, panibagong MAS
MATINDING revisions nga lang. XD
- Siguro napansin niyo na madalas kong idescribe
‘yung gesture na parang nakayakap ‘yung dalawang braso at kamay sa sarili.
Medyo ngayon ko lang nalaman na HALUKIPKIP pala ang tawag sa gesture na
iyon. Another reason to edit this story…XD
- Siguro iniisip niyo kung bakit hindi ko
pinaglaruan masyado ‘yung Chong – Fred angle, ‘yung tipong mag-aagawan si
Fred at Fonse kay Chong. Eh, marami na kasing nakagawa nun eh, at ayoko ng
masyadong nag-aagawan…XD Dapat ba palaging ganon. Bukod sa totoong may
kakambal ‘yung pinaghalawan ko kay Fonse, ginawa ko lang kambal ni Fred si
Fonse dahil sa line niya sa Chapter 30: “…Hindi mo man lang naisip na sa
tuwing nakikipaglandian ka sa baklang ‘yun, ang mukha ko ang nakikita ng
mga tao, nakikita ng mga taong nandidiri at nagagalit sa inyo. Mukha mo at
MUKHA KO!!!”
It’s just quite funny na noong pinalabas kong merong
Chong-Fred angle, eh dumami ang comment. Dumami ng mga isa. Napaghahalata kayo,
ang hilig niyo sa agawan…XD
Less is more…XD
- Final
words bago matapos ang ‘A Dilemma of Love’? Tandaan niyo lang ‘yung trivia
sa Chapter 5 na galing sa libro ni Chong: According to research, reading
trivias can suppress the hormone responsible for making us fall in love.
---------------------------------------------------------------------
"Love must be much a light, as
it is a flame."
- Henry David Thoreau
----------------------------------------------------------------------
Isinuot niya ang kamisadentrong kasing-puti ng kanyang balat.
Sumunod ang kanyang pantalong itim na katulad ng dilim.
Puti ang kulapol ng kwartong ‘di pinapasukan ng liwanag.
Ang kanyang tsaleko at kurbata’y itim, nagluluksang mataimtim.
Lumingon siya’t minasdan sa salamin ang kanyang karakas.
Ang kanyang mga mata’y pula, tanging iba sa mundong puti at
itim.
“Alfonse…” Pumasok muna si Carlos bago kumatok. Unti-unti
siyang nilingon ng anak na tila nananamlay. Namasdan niya ang namumugtong nitong
mga mata.
Humigpit ang hawak ni Carlos sa pinto. “Anak…” Sinuklian
lamang ni Alfonse ng pilit na ngiti ang tawag ng ama.
“Handa na po ako. Konti na lang…” Muli siyang lumingon sa
salamin. Hindi niya magawang tingnan ang sariling repleksiyon.
Pinaandar ni Carlos ang sariling wheelchair. Mula ng lumabas
sa ospital ay inobliga na siyang umupo doon upang huwag mapagod. Ngunit tila
mas matindi sa pagod ang naradama niya sa tuwing makikita si Alfonse.
Magbibiro sana ni Carlos na hindi dapat mauna ang babaeng
ikakasal sa simbahan, ngunit pinigil niya ito. “Anak…” Napalingon si Alfonse.
Nakita niya ang ama malapit sa kama’t tinatapik ang kama.
Inihinto ni Alfonse ang pag-aayos sa sarili at umupo sa tabi
ng ama. “Kamusta ka na?” Hinawakan ni Carlos sa balikat ang anak, madiin at
puno ng pagmamahal.
Muli’y ngumiti si Alfonse ng napakatamis, katulad ng dati,
dangan lamang at halatang pilit. “Okay lang po dad, never been great like
this…”
Lalong humigpit ang yapos ng kamay ni Carlos sa balikat ni
Alfonse. Tila pagsasabing maaari niyang tigilan ang lahat ng pagkukunwari. “Alfonse…”
Natigalgal si Alfonse. Hinawakan niya ang kamay ng ama. “Okay
lang talaga ako dad, okay lang…”
“Nakaka-usap mo pa ba ‘yung girlfriend mo?”
Nagulat si Alfonse sa narinig. “Dad?”
Napangiti si Carlos sa reaksiyon ng anak. “…’yung girl…girl…friend
mo…” nauutal niyang sagot.
“Dad, hindi ba nakaka-ilang na pag-usap…”Hindi itinuloy ni
Fonse ang sinabi. Napangiti siya sa reaksiyon ng amang tila hindi alam kung
tama ba ang ginawa o hindi. Minsa’y naibsan ang kanyang kinikimkim.
Umayos sa pagkaka-upo si Carlos. “No, not at all…” Hinaplos-haplos
ng kanyang kamay ang kanyang baba’t bibig. “Well, maiilang talaga ako kung
tatawagin ko siyang ‘boyfriend’ mo…”
Nagtawanan sila.
“Gusto mo ng joke…” Natatawa pa ring sabi ni Carlos.
Sandaling nagitla sa Alfonse ngunit pagkatapos ay napangiti
rin. Tila alam na niya ang biro na tinutukoy ng ama. “Ilang beses ko nang
narinig ‘yan eh…”
“Pagbigyan mo na ako, ‘di ka pa nasanay…” Umubo si Carlos
upang alisin ang anumang bara sa lalamunan. “May tatlong magkakapatid si Pedro
ang panganay, si Diego ang sumunod…” Pagkatapos ay naubo siya, tunay na ubong
dahil sa pagkaubos ng hangin.
Tumayo si Alfonse at hinagod ang likod ng ama. “…at si Juan,
bunso…” Nang huminto sa pag-ubo ang ama’y muli siyang umupo.
“Ngayon, hinuli silang tatlo ng hari nila.” Puno ng kasiyahan
at lakas ang tinig ni Carlos, tila isang gurong nagkukuwento sa pulutong ng mga
batang naglilikot.
“Oo nga Dad, bakit ba sila hinuli?” tanong ni Alfonse na tila
nakikisakay sa ginagawa ng ama. “…ilang beses mo ng nakuwento ‘yan, pero hindi
mo sinasabi…”
Napangiti si Carlos. “Hindi iyon ang mahalaga…”
Kumunot ang noo ni Alfonse sa sagot ng ama.
“Eh sa mapang-trip ‘yung hari nila, ang ginawa eh pinapili
sila mula sa dalawang bato, sabi ng hari…” muling umubo ni Carlos at nilakihan
ang boses, “…isang bato ang ‘buhay’, habang ang isa naman ay ‘kamatayan’, kung
ano ang inyong mabubunot ‘yun ang inyong hatol…”
Napangisi si Alfonse.
“Pero alam ng tatlo na parehong ‘kamatayan’ ang nakasulat sa
dalawang bato…” Umarte si Carlos na tila unang beses na marinig ng anak ang
ganoon.
Muli naalala ni Alfonse ang mga panahong dati. Napakaliwanag
ng tanglaw ng chandelier sa kanilang kainan. Napakasigla ng kanyang ama at
hindi nakagapos ang kakayahang gumalaw sa isang de-gulong na upuan. Napakalutong
ng halakhak ng kanyang inang walang bakas ang mukha ng nagdaang panahon. Maayos
ang lahat, walang mga damdaming nasasaling at walang problema. Pagkatapos
sumubo ng kanyang ama ng ensalada ay itutuloy nito ang biro.
“Kahit na alam niyang walang lusot, pumili pa rin si Pedro sa
dalawang bato. Umasa siyang isa sa mga bato ay ‘buhay’ at sana ay nabunot niya
iyon. Kaso hindi, kaya pinatay siya ng hari…”
Nabigla ang ina ni Alfonse. “That’s horrible, joke ba talaga
iyan…”
Muli’y matatawa ang kanyang ama. “Hindi pa kasi tapos. Edi si
Diego naman ang pumili, kahit na alam na niya ang mangyayari. Pero pagkatapos eh
itinapon niya ‘yung bato at tumakas siya. Kaso nahuli rin, at nang tiningnan
ang batong pinili niya, ‘kamatayan’ rin. Dedo… ”
Hindi na maipinta ang mukha ang mukha ng kanyang ina. Maski
sila ni Alfred ay hindi na masakyan kung ano ang pinupunto ng ama. Lumutang sa
ere ang mga hawak nilang kubyertos. Ngunit hindi natinag si Carlos. Pagkatapos
sumubo ng ensalada’y humalakhak siya sa abot ng ipahihintulot ng kanyang lakas
at kabataan.
“Si Juan naman ang pumili…” Dinig ang sigla at kapanabikan sa
tinig ni Carlos, tulad nang sa ika-sampu niyang paglalahad ng birong iyon. “…Dahan-dahan
niyang kinuha ‘yung batong pinili niya sa kamay ng hari, tapos alam niyo ba
kung anong ginawa…” Pinutol ng kanyang marahang hagikgik ang sinasabi niya.
Natauhan si Alfonse sa
marahas na ubo ni Carlos. Takip ng kanyang kanang kamao ang kanyang bibig
habang ang kanyang kaliwa’y mahigpit ang hawak sa wheelchair. Akala niya’y
muling masusundan ng halakhak na pupuno sa walang kulay na kwartong iyon ang
biro ng ama.
Ang mga tawang iyo’y mga saya ng lumipas.
“At alam mo kung anong ginawa niya Alfonse…” Hingal na sabi ni Carlos.
“…Sasabihin kong hindi para hindi masira ang trip niyo…”
Pinilit niyang ngumiti.
Napangiti rin si Carlos, napakatamis na ngiti. “…Malalaman mo
rin kung ano talaga ang ginawa ni Juan…”
Tinangkang tanungin ni Alfonse ang ama kung bakit hindi niya
tinapos ang biro sa karaniwan, ngunit naunahan siya ng mga katok sa pituan.
“…Dad, Fonse, malalate na tayo…” Halata ang pigil na kawalang
pasensiya sa mukha ni Carlitos.
Napabuntung-hininga si Carlos. “Ang napaka-conformist na si
Carlitos…” Kinindatan niya si Alfonse. “…kung papipiliin ko siya eh malamang ay
pumili na lang siyang walang kagatol-gatol…”
Nakasandal si Alfonse sa salamin ng bintana ng sasakyan. Ang
tingin niya’y nakadako sa kawalan. “Kamusta
na kaya siya? Pupunta kaya siya?”
Hinugot niya sa bulsa ang kanyang cellphone, ngunit walang
kahit anumang senyales ng mensahe mula sa kahit kaninong tao. Lalo na mula sa
taong inaasahan niya, si Chong.
Muli siyang tumingin sa kawalan. “Hindi ba talaga niya ako pipigilan?”
Dalawang buwan na ang nakalilipas mula ng sila’y nagtapos,
dalawang buwan na rin ang nakalilipas mula ng huli silang magkita. Sa mismong
pagtatapos nila natapos ang kanilang kasunduang nagtagal ng dalawang taon.
“Congratulations…” Gusto niyang yakapin si Chong sa huling
pagkakataon, gusto niyang idantay ang kanyang mga braso sa katawan ni Chong. Gusto
niyang yapusin ito at habambuhay ng hagkan.
Ngunit natakot siya, natakot siyang yayakap siya sa isang
malamig na bangkay kapag ginawa niya iyon.
Isang ngisi sa labi ni Chong. “Congrats…” Inilahad niya ang
kanyang kamay. Nanginginig at nag-aalangang pinaunlakan ni Alfonse ang alok niya
ng pakikipagkamay.
Saka natapos ang lahat ng ibalik niya ang librong hiniling ni
Chong na maging kanya muli. Naglakad si
Chong ng dahan-dahan, may paggalang at buong pag-iingat sa itim nitong toga. Walang
lingong-likod, walang alinlangan, walang bakas ng pagsisi.
Hindi na niya napigilan ang sarili. Muli niyang kinuha ang
cellphone at gumawa ng mensahe.
“Chong, pupunta ka ba?” Nanginginig ang kanyang kalamnan,
kagat niya ang kanyang mga labi. Itinuon niya ang kanyang mata sa buton ng
‘Send’. Matagal niya itong tinitigan. Maya-maya’y papalapit ang pagdantay ng
kanyang daliri sa parteng iyon ng screen, maya-maya’y lalayo ito mula dito.
Pabuntung-hininga niyang inilapag sa tabi ang kanyang
cellphone.
“Ito naman ang gusto
niya, hindi ba?” Nagbaba
ng tingin si Alfonse.
Agad niyang kinuha ang cellphone at ipinadala kay Chong ang
mensahe.
Huminga siya ng maluwag at matamang tiningnan ang aparato sa
kanyang kamay. Dinaramdam niya ang bawat galaw sa kanyang paligid. Itinuon niya
ang mata sa kung ano mang pagmumulan ng liwanag.
Ilang sandali pa’y umilaw ang kanyang cellphone, senyales ng
isang mensahe. At ito’y galing kay Chong.
“Oo, pupunta ako.” Hindi niya alam kung siya’y malulungkot,
maiinis, o matutuwa. Sa nakalipas na dalawang buwan ng pagtetext niya kay Chong
patungkol sa pagpunta nito sa kasal, walang siyang ibang natanggap na mensahe
kundi iyon, walang labis, walang kulang.
Lalo niyang kinagat ang kanyang labi at kumunot ang kanyang
noo. “Ano pa nga ba ang isasagot niya sa
tanong ko…” Nananamlay niyang inilapag ang kanyang Iphone.
Muli’y kinuha niya ang cellphone at gumawa ng mensahe. “Bilisan
mo. Malapit na ako sa simbahan. Sana magkita muna tayo…” Mabilis niyang
ipinadala ito.
“Ang kulit mo, pupunta nga ako! Okay lang naman kung civilian
lang ‘diba?” sagot ni Chong. Nahiwagaan si Alfonse. Hindi niya makuha ang ibig
sabihin ng mensahe.
“Ser, andito na tayo…” Inangat niya ang kanyang tingin kay
Ronnie. “…Ser…”
Natauhan siya’t nakuha ang ibig sabihin ng taga-maneho.
Ngunit natakot siya, natakot siyang paglingon niya’y makita niya ang lugar kung
saan matatapos ang lahat. Pinigil niya ang sariling lumingon. Lumamlam ang
kanyang mga mata. Ngunit alam niyang kahit gawin niya iyo’y walang magbabago. Unti-unti,
dahan-dahan, ibinaling niya ang ulo sa kanan, sa bintanang naging kanyang
kanlungan.
Siya ngayon ay nasa harap na ng simbahan.
Nakayuko niyang pinalilipas ang oras na hinihiling niyang
huwag ng dumatal.
“Kailangan kong gawin
‘to, para kay Mama, para kay Papa, para sa’kin…”
Tumingala siya’t minalas ang magarang altar ng malaki’t
eleganteng simbahan. Kumikinang ng ginto ang bawat adorno ng bawat santong
piping saksi ng bawat nagdurusang puso.
“Lord, please, tama naman
‘diba?” Huminga
siyang malalim. “Please, kahit ngayon
lang, tulungan mo ako...”
Mahigpit ang kanyang hawak sa upuang kahoy. Paikot-ikot ang
mga taong hindi mapakali sa postura ng bawat isa. Lahat ng ito’y balewala at
walang halaga para sa kanya.
“Tama si Chong, maganda
si Mylene. Wala akong pagsisihan, wala akong dapat pagsisihan. Tama si Chong…”
“Alfonse…” Natauhan
siya’t nilingon ang sumambit sa kanyang pangalan. Si Alfred.
Tiningnan lamang ni Alfonse ang kakambal. Hindi niya
maipaliwanag ang itsura nito. Kung anong tamlay niya’y siya namang aligaga ni
Fred.
“Kamusta…na bro?” Hinawakan ni Alfred ang kanyang balikat.
“Bro?” Nakangisi siya’t hindi matingnan ng diretso ang
kapatid. “…I’m gay…”
Sinuklian ni Fred iyon ng matamis na ngiti. “Kapatid pa rin
kita. Ikaw pa rin ang kakambal ko…”
Nagtama ang kanilang tingin. Muli’y namasdan nila ang
magkatulad nilang karakas. Walang nag-aapoy na mga mata, walang mga matang
nalulumbay. Walang pagkaka-iba, at puno ng unawa ang bawat tingin nila.
Hinawakan ni Fonse ang kamay ng kakambal sa kanyang balikat.
“Nasaan si Sandra?” tanong ni Fonse.
“Ah, paparating pa lang…” Muli’y hindi mapakali si Alfred. “Ah,
kambal…”
Ngumiti si Alfonse nang napakatamis. “Bakit?
Umiling siyang tila nagugulumuminahan. “Ah, wala…” Tinangkang
umalis ni Fred ngunit tumigil rin siya. “Basta…kung…kung ano mang mangyari…may
green van…may green van sa labas…” Tuluyan siyang umalis.
Sinundan lamang ng nagtatakang tingin ni Alfonse ang
kakambal.
“Andiyan na’ng bride!” Umugong ang marahas na bulungan sa
lugar ng kapayapaan.
“Smile…” Tinapik ng ina ni Alfonse ang kanyang pisngi at inayos
nito ang kanyang bow tie. “Kasal mo ‘to. Be happy.” Bakas ang saya sa mukha ng
kanyang ina.
Tumugtog ang biyolin at mga hele mula sa langit,
Ang lahat ay nagkamayaw, walang hanggang saya.
Lugar ay napuno ng hanay at mga paa’y lumalangitngit,
Umaapaw ang ngiti, at may mga rosas na nalalanta.
Sa dulo’y namasdan, isang babaeng dalisay at marikit,
Hinahalikan ang kanyang trahe’t belo ng hanging payapa,
Lakad niya’y tulad ng lasong sumasayaw sa himpapawid.
Umigting ang koro’t
ngumiting napakatamis ang dalaga,
Awit na agunyas sa lalaking sa altar ay may ngiti na mapait.
Napakagandang tingnan ng sedang damit pangkasal ni Mylene. Ang
kanyang belo’y napakahaba’t tila pulutong ng mga aliping sumusunod sa kanilang
reyna. Napaka-elegante at tila
nakababatid hininga, kahit sinong lalaki’y mabibighani sa ganoong anyo.
Hindi si Alfonse.
Nakatuon ang kanyang mata sa stained glass na nasa itaas ng
tarangkahan ng simbahan. Pabilog ito’t napakagandang tingnan kapag tinatamaan
ng liwanag. Nakalarawan dito ang imahe ng Diyos. Pakiramdam ni Alfonse ay
nakatitig sa kanya ito, at ang mga braso niya’y nakalahad upang siya’y hagkan.
Bawat hakbang papalapit sa dambana ay bawat hakbang patungong
katapusan.
“Dyusko, kayo nang
bahala. Kung ito ang gusto Niyo, wala akong magagawa. Kung nasaan man si Chong,
alagaan Mo siya. Sana maging masaya siya. Kung pwede lang sana, sabihin Mo sa
kanyang, mahal na mahal ko siya…”
Pumatak ang isang luha sa mata ni Alfonse.
“Fonse…” Matigas ang tawag ni Ferdinand Chua sa kanya. Hindi
niya namalayang nakarating na sa altar ang kanyang mapapangasawa.
Hinawakan ni Alfonse ang kamay ni Mylene. Kung anong higpit
na kapit ng dalaga ay siya namang luwag ng pagkakahawak ni Fonse sa kamay nito.
“Kailangan ko siyang
pakasalan…”
Itinaas ng pari ang kanyang dalawang kamay. “Almighty God,
hear our prayers for Carl Alfonse & Mylene who have come here today to be
united in the Sacrament of Marriage. Increase their faith in you and each
other, and through them bless your Church with Christian children.”
“Ang pag-ibig ay pag-intindi, Alfonse…”
Kumikinang sa tama ng liwanag ang antipara ng pari. “…although life is a gift given to each of us
as individuals, we also learn to live together in harmony. Love is a gift to us
from our family and friends. Through these gifts of love we learn to ourselves
to gift it back. Learning to love and live together is one of life's greatest
challenges and is the shared goal of a married life.”
“…pag-intinding hindi lamang ikaw ang may
kakayahang umibig, at pag-intinding ang
kaligayahan ng natin ay nakatali sa kaligayahan ng iba.
Sa kawalan nakatuon ang paningin at pandinig ni Alfonse. “As
husband and wife, Carl and Mylene, commit to protect each other, to cloth each
other of each other’s love and loyalty. The veil represents Groom’ strength and
protection to his bride – to Bride, his wife, who he promises to take care of,
from this day forward.”
“…Ang umibig ay umintindi…”
“Carl Alfonse…” Tila nagising siya mula sa panaginip. Hindi
niya alam kung ilang beses ng inulit ng pari ang pagtawag ng kanyang pangalan,
ngunit tila sa tono nito’y napakatagal niyang nanahimik.
Nilingon niya si Mylene. Bakas sa mukha ng dalaga ang
pag-aalala. Ang mga bibig niya’y nakabuka.
Ibinaba ng pari ang kanyang tingin. “Carl Alfonse, did you
come here in your own free will to bind yourself forever in love and service of
your wife?”
Nanlaki ang mga mata ni Alfonse sa narinig. Naglikot ang
kanyang mga mata. Hindi mapakali ang kanyang mga kamay.
Kagat-kagat niya ang kanyang labi. “Yes…Yes Father…”
Tila nakahingang maluwag ang lahat ng tao sa loob ng
simbahan.
“Mylene, did you come here in your own free will to bind
yourself…” Sa mukha naman ni Alfonse nabakas ang pag-aalala. Bigla’y hindi siya
mapakali. “Kasasabi ko lang ba ng ‘yes’?”
Hindi niya mawari kung siya’y iiyak
o tatawa. NIlingon niya ang kanyang ama.
Hindi rin niya mawari
kung ang ama’y umiiyak o tumatawa.
Ngumiti si Mylene. “Yes, Father…”
Bawat kasiguraduhan ng pangako ay bawat kasiguraduhan ng walang
katiyakan.
“Carl Alfonse, do you take Mylene, here present to be your
lawful wife according to the rite of our Holy Mother, the Church?”
Tiningnang nagugulumihan ni Fonse ang paring mataimtim ang
titig sa kanya. Naghihintay ang lahat ng tao ng kasagutan, ngunit tila namamanhid
ang kanyang labi upang bigkasin ang mga salitang iyon.
Yumuko siya at nag-isip ng mataimtim, saka siya humingang
malalim at inangat ang tingin sa imahe ng nakapakong Hesus.
Kumunot ang noo ni Mylene sa kanyang nakikita. Hindi niya
maipaliwanag na kaba ang nadarama, hindi dahil sa ikakasal siya, kundi kung
kahahantungan ng kanyang kasal.
Unti-unting nababakas ang magkahalong galit at pag-aalala sa
mukha ng ina ni Alfonse. Dama niya sa kanyang paligid ang nakasusugat na tingin
ng kanyang mga mayayamang kaibigan sa paligid.
Nakayukong naghihintay ng sagot si Carlos. Sa kanyang
wheelchair ay humigpit ang kayang hawak. Nais niyang tingnan ang anak ngunit
hindi niya magawa, sa kung anong dahila’y hindi niya magawa.
Sa mata ni Alfonse ay pumatak ang isang luha.
“I do.”
Update naman agad pls...pa tapos na ohhhh Ito lang Yong binabasa ko ang tagal pa ng update hahahhaha peace
ReplyDeletePatatagalin ko muna ito ng isang linggo, o isang buwan...XD
DeleteOh my!!! This is brilliant Author! Brilliant indeed! Thank you! Been reading this story since 2012. Ngayon lng ako nag comment. Haha. :)) -Leo
ReplyDeleteTae, naalala ko tuloy bigla na 2012 ko pa nga pala 'to ginagawa. Grabe...XD
DeleteBihira po ba talaga ang happy ending sa mga same sex relationships, Mr. Author?.....OGLUM
ReplyDeleteKung bihira lang talaga ang 'happy ending' na same sex relationships, it is because hindi natin ito hinahayaang magkaroon ng 'happy ending'.
DeleteIkaw at ang partner mo pa rin ang magdedecide kung magkakaroon kayo ng happy ending, whether straight or homo relationship.
Whenever i read this, it feels like im reading a classic novel. The way you present it, the choice of words and the mystery. (Akala mo nmn ngbabasa ako ngclassic novel, hahaha).
ReplyDeleteSana may background din si chong. Sa family niya, childhood et al. But i think its too late kasi patapos na. XD
Anyway, congrats kasi malapit mo ng matapos to na inabot ng dalawang taon. Lol
-james santillan
Hell yeah! Patapos na rin, gusto ko na ngang tapusin yung Last Chapter eh. Pero 'wag muna...XD
DeleteKelan po Ito magiging available sa Wattpad?
ReplyDeleteSiguro by 2015...XD Joke, by end of Feb? Pero baka matagalan ako sa pag-eedit eh....
DeleteHello Author,
ReplyDeleteNext time kapag maglalagay ka pala ng Music sa post mo, please dont forget to put page break html (readmore) before the html ng music player mo para walang tunog kapag nagview ng MSOB Homepage.
Thank You.
Ay sorry po, pasensiya na...
DeletePM mo ako sa Fb para ibigay ko sa iyo yung HTML na ginagamit namin ni Dylan Kyle sa mga embeds namin para yun ang gamit mo.
ReplyDeleteMas maganda yun since nawala na yung videoke man. Hindi yun nadikit sa Browser at direchong you tube vids talaga siya ;)
Sige po...:-D
DeleteWow, can't wait for the last part. Reading for 2 days only haha... nagustuhan ko talaga. Ganda ng story. Good luck sa author.
ReplyDeleteMaraming Salamat...:-)
Delete