Followers

Thursday, February 27, 2020

Ang Roommate Kong Siga [38]


By Michael Juha

Nasaan Ka, Mommy Steff?

“Huwag na po kayong magmaang-maangan pa! Nitong nakaraan ay pansin kong sobrang depressed ang inay! Alam kong dahil iyan sa pangongonsiyensya nyo! At alam ko ring palagi mo siyang tinatawagan at pinapaalalahan na kayo ang aking tunay na ina at hindi siya! Saan mo dinala ang aking inay!!!”

“July, anak, hindi ko alam ang pinagsasabi mo. Maniwala ka, wala akong ginawa kay Steff!”

“Kung wala kayong ginawa laban sa aking inay, nasaan siya? Bakit siya umalis sa kanyang trabaho? Simula nang dumating ka, nagkaganyan na ang inay. Masayahin ang aking inay! Matapang at lumalaban. Hindi iyon basta-bastang bumigay sa kahit anong pressure! Pinipressure niyo siya upang pupunta ako sa iyo??? Ngunit alam mo ba? Ngayong alam kong ganyan pala kayo kahayop, lalong hinding-hindi ako pupunta sa iyo!”

“A-ano ba iyang pinagsasabi mo, anak? Hindi kita maintindihan...”

“Saan mo nga dinala ang aking inay!”

“W-wala nga akong kinalaman sa pagkawala niya! Ang huli kong pagtawag sa kanya ay kinumusta lang kita. At oo.. p-palagi ko siyang pinaalalahan na ako ang mas may karapatan sa iyo. Ngunit hanggang doon na lang iyon!”

“Sinungaling!” ang bulyaw ko sabay bagsak sa telepono.

-----

Naisipan kong puntahan sa probinsiya ang aking Lola Modes. Nagboluntaryo si Jerome na samahan ako, gamit ang kanyang kotse.

Bago kami tumungo ay dumaan muna kami sa bahay ng aking daddy, nagbakasakaling naroon ang aking inay, o di kaya ay may impormasyon ang mga tao roon tungkol sa kanya.

Nakapasok na kami ng gate nang siya namang pagsulpot ni Archie na naka-motor, akmang lalabas ng gate. Hindi siya lumingon sa amin. Alam kong nakikita niya kami ngunit sadya lang sigurong ayaw niya kaming pansinin.

Dali-dali akong lumabas mula sa sasakyan ni Jerome. “Kuya!” ang sigaw ko habang nagtatkbong nilapitan siya at hinarangan.

Doon na niya ako tiningnan. Pansin ko ang lungkot ng kanyang mga mata. Pansin ko rin na tila pinabayaan na lang niya ang kanyang sarili. Kung noong bago pa man lumabas ang huling habilin ng aming ama ay napakasigasig niya sa pagpapatakbo ng kumpanya at palaging nakapormal at nakakurbata ang suot, ang buhok ay naka-gell pa at kitang-kita ang saya, ang inspirasyon at ganyak na magtagumpay. Ngunit sa paghaharap naming iyon ay tila nawala ang lahat ng iyon at nakikita ko sa kanyang anyo ay isang taong talunan at tila nawalan ng pag-asa. Mahaba at magulo ang buhok, nangingitim ang paligid ng mga mata at namumula pa ang mga ito dahilan ng kakulangan sa tulog.

“S-saan ang punta mo?” ang tanong ko.

“Sa mga kaibigan,” ang maiksi niyang sagot.

“Bumalik ka na naman ba sa pagiging pasaway?”

Yumuko siya saglit at pagkatapos ay muling tiningnan ako, binitiwan ang isang ngiting-pilit. “Ano naman sa iyo kung bumalik ako sa dati? Una, hindi naman talaga tayo magkapatid eh. Pangalawa, wala namang silbi kung ayusin ko ang buhay ko. Di ba, ginawa ko na iyon noon ngunit anong nangyari? Dito pa rin ako bumagsak. Nakakahiya nga eh. Nagising na lang ako sa katotohanang hindi pala ako karapat-dapat sa pamilyang ito. Tila pinatay na rin ako ng kinikilala kong ama, na of all people, ikaw pala ang tunay na anak! At pangatlo, alam mong mahal kita ngunit sino ang mahal mo? Iba, ‘di ba? Kahit man lang sana sa taong mahal ay may pa-kunsuwelo ako. Pero wala eh, walang ibinigay sa akin. Parang dinaanan ako ng napakalakas na tsunami. Lahat ay nawala sa akin, pati mahal sa buhay. At heto ako, bagamat buhay, ngunit mas gugustuhin ko pang sana ay naging casualty na lang. Ganyan iyan kasakit para sa akin! Abot langit! Kaya wala kang pakialam kung ano ang gagawin ko sa buhay ko! Alisss!” ang bulyaw niya sa akin sabay paandar niya sa kanyang motor.

Ngunit hindi ako natinag at hinarangan ko pa rin siya. “Huwag kang umalis kuya! Mag-usap muna tayo! Ayokong magtanim ka ng sama ng loob sa akin! Mag-usap tayo, please! Atsaka, kausapin din kita tungkol sa pagkawala ng aking inay!”

“Hah!” ang pang-iismid niya. “Nawala ang inay mo??? E di wow! Buti ka pa, inay mo lang ang nawala. Samantalang ako, buhay at kinabukasan ko ang nawala! Alam mo kung bakit? Iyan ay dahil sa iyo! Kaya wala akong pakialam sa buhay ninyo! At huwag din ninyo akong pakialaman!” ang bulyaw niya uli sabay tulak ng malakas sa akin.

Natumba ako at napatihaya sa semento. Doon na biglang sumulpot si Jerome. At bago pa man nakagalaw ang motor ni Archie ay nakuwelyuhan na siya ni Jerome. “Pare, kung kausapin ka ng maayos noong tao, kausapin mo rin ng maayos! Huwag mong saktan!” ang sambit ni Jerome.

Sa pagkasabi ni Jerome ay agad na binitiwan ni Archie ang isang malakas na suntok para kay Jerome.

Tila simbilis ng kidlat ang sunod na mga pangyayari. Halos nakatunganga na lang akong nakatingin sa kanilang bakbakan. Hanggang sa nakita ko na lang na natumba si Archie sa semento, nakatihaya habang nakadagan sa kanyqa si Jerome na binitiwan ang sunod-sunod na suntok sa mukha ni Archie.

Doon na ako mistulang natauhan. Dal-dali akong tumayo at hinawakan ang braso ni Jerome upang hindi na niya masaktan pa si Archie. “Tama na! Tama na!” ang sigaw ko.

Tumayo si Jerome habang si Archie naman ang tinulungan kong makatayo. “Sa Loob tayo, kuya. Mag-usap tayo, please...” ang sambit ko.

Ngunit imbes na tumalima, iwinaksi ni Archie ang aking kamay. Tinumbok niya ang kanyang motor Muli pinaandar niya ito atsaka ipinaharurot ito palayo. Kahit ang gate na hindi pa tuluyang nabuksan ng nagulat na guwardiya ay kanyang nasagi.

Nagkatinginan na lang kami ni Jerome. Napailing siya. “Hindi mo siya masisisi sa kanyang naramdaman. Sobrang sakit ang nangyari sa kanya. Palipasin mo muna ang ilang araw o linggo bago mo siya muling kausapin,” ang payo niya sa akin.

Binitiwan ko na lang ang isang mamalim na buntong-hininga. Litong-lito ang isip ko sa pagkawala ng inay at hayun, sumingit pa si Archie na masama rin pala ang loob sa amin.

Pumasok kami sa loob ng bahay. Tinanong ko ang mga kasambahay kung hindi ba nila nakita ang inay roon o kung tumawag man lang. Ngunit wala silang alam.

Kaya wala na akong nagawa kundi ang tumuloy sa lakad namin patungong probinsiya ng Lola Modes. Kahit napakalayo noon, nagbakasakali kami ni Jerome na mahanap namin ang inay, o kung hindi man, at least kahit malaman man lang sa pamamagitan ng lola ko kung nasaan siya.

Halos gabi na nang nakarating kami sa lugar. At laking pagkadismaya namin nang malamang wala roon ang inay at hindi rin alam ni Lola Modes kung nasaan siya.

“Bakit? Ano bang nangyari at nag-alsa balutan ang inay mo?” ang tanong pa niya.

Doon na muling nanumbalik sa akin ang lahat. Tila may matalim na bagay na namang sumaksak sa aking puso. Nangingilid ang mga luha sa aking mga mata.

Tiningnan ko si Lola Modes. Iyong tingin na mangiyak-ngiyak sanhi ng matinding sama ng loob at kalungkutan. “Lola... alam ko na pong ampon lang ako...”

Ramdam kong nagulat din ang aking lola sa kanyang pagkarinig sa aking sinabi. Hindi siya nakaimik kaagad. “A-ano? A-anong sabi mo? Ulitin mo nga???

“Ampon lang po ako, Lola. Iyan po ang totoo. Pilit itong itinago ng inay hanggang sa dumating ang tunay kong inay at hindi na niya ito naitanggi...” hindi ko na naituloy pa ang sasabihin gawa nang humagulgol na ako.

Nilapitan ako ng aking lola at hinawakan ang aking magkabilang balikad. “S-sigurado kang ampon ka lang?” ang tanong niyang tila naguluhan din sa aking rebelasyon.

“H-hindi niyo po ba alam, Lola?” ang tanong ni Jerome.

“H-hindi. Hindi ko alam. Ang binabanggit lang kasi niya ay anak ka nga raw niya at inililihim niya lang sa akin ang kanyang pagbubuntis dahil hindi sila kasal ng lalaki niya at baka raw magalit ako.”

“K-kung ganoon po ay talagang siya lang at ang tunay na ina ni July ang kakakaalam ng lahat,” ang dugtong ni Jerome.

“Marahl nga! Hindi ko alam eh! Paano nagkaganoon?” ang sambit ng lola. “Hay naku, Tepang!” ang tawag niya sa aking inay kapag naiinis siya, “Ang dami mo talagang ka-ek-ekan, punyeta ka, may pa-lihim-lihim ka pa! Sarap mong hambalusin ng titi, haliparot ka!” at baling niya sa akin, “Hindi mo rin siya masisisi, Hulyo. Mahal na mahal ka ng inay mo kaya pati ang katotohanan ay gusto niyang itago at burahin sa isip upang wala nang ibang taong mang-agaw sa iyo mula sa kanya.”

“Ang sakit lang kasi Lola kasi... mahal na mahal ko po ang inay tapos heto, may itinatago pala siya sa akin. Hindi ko po alam kung kanino magalit eh. Sobrang sakit po. Sa totoo lang, ayokong mapunta sa sinasabing tunay kong inay, ngayong nalaman kong siya ang gumawa ng paraan upang lumayo ang inay sa atin. Ang sama niya!”

“Ano? Itong babaeng ito rin pala ang dahilan upang lumayo ang aking anak!”

“O-opo, lola. Pinipressure niya ang inay, kinokonsyensya.”

“Powtang-inang babaeng iyan! Nasaan ba ang babaeng iyan at itutusok ko tong bakya ko sa kanyang tumbong! Ang kapal ng fez niya! Pagkatapos niyang magpabuntis, iwanan ang anak niya sa ibang tao? Pagkatapos ay bigla siyang sisipot at guluhin ang maganda na sanang buhay ng anak niya?” ang galit na pagmamaktol ng lola.

“K-kaya nga po eh...”

“Pag-uwi mo ay ipablotter mo na lang ang pagkawala ng iyong inay upang alam ng kapulisan at may record sila. Kapag umuwi iyon dito ay sabihin kong nag-alala ka na.”

“Salamat po lola...”

Iyon, wala pa rin kaming alam kung nasaan ang inay. Kaya nagpaalam na lang kami bagamat pinayuhan niya ako na huwag mag-alala at maaaring nagpalamig lang daw ang inay dahil sa pagsulpot ni Nella at susulpot din kapag nakakapag-isip na ng maayos.

-----

GABI NA nang nakarating kami sa bahay nina Jerome. Dahil sa pagod ay halos hindi na kami kumain ng hapunan at maagang natulog. Mabilis na naidlip si Jerome. Ngunit ako ay nanatiling gising ang diwa at hindi mapakali sa kaiisip sa kalagayan ng inay.

Nasa ganoon kaabala ang aking isip nang bigla kong narinig ang message notification ng mobile phone ni Jerome. Nilingon ko si Jerome na nasa aking tabi. Nakabalot ang kanyang katawan sa kumot na siya ring itinalukbong ko sa aking katawan.

“Jerome... may message alert ka,” ang sambit ko habang kinalabit siya.

“Uhm...” ang sagot niyang tila tulog pa rin. “Yaan mo na. Bukas na iyan...”

Ngunit may apat pang sunod-sunod na message alert kaya hindi rin ako nakatiis na hindi iyon buksan. Baka kasi emergency. Kaya bumalikwas ako at tinungo ang kinalalagyan ng cp niya.

Nang binuksan ko ito, walang pangalan kung saan nanggaling ang mensahe. “Hindi ko na tatanungin kung bakit ganyan kayo kalapit sa isa’t-isa ng anak ko. Ngunit tandaan mong hindi ako sang-ayon sa kabaklaan!” “Sa ngayon, ang hihilingin ko lang sa iyo ay ang tulungan mo ako na mapalapit siya sa akin.” “Huwag mong kalimutan na noong panahon na ikaw ay nangangailangan ng tulong, tinulungan kita. Naroon ako para sa iyo. Kaya maawa ka sa kalagayan ko!” “May pinagsamahan tayo, Jerome. Huwag mong kalimutan ang mga nangyari sa atin. Tandaan mo iyan.” “Huwag mong balewalain ang mga mensahe ko sa iyo Jerome! Ibubunyg ko ang mga itinatago mong baho kapag binalewala mo ako!”

Tiningnan ko kung may thread ng kanilang palitan ng mensahe. Ngunit wala. Iyon lang ang nakarehistro sa kanyang CP. Naisip kong maaari ring binura niya kung mayroon man.

Hindi ko lubos maisalarawan ang aking nadarama sa pagkabasa ng mensahe na iyon. Ramdam kong tila ang lahat ng dugo ko ay dumaloy patungo sa aking puso at tila sasabog ang aking dibdib sa matinding galit. Kumuha ako ng screenshot at sinend ko ito mula sa cp niya patungo sa aking messenger.

Muli kong tinumbok ang aming higaan at binulyawan si Jerome. “Hoy! Gising!”

“A-ano ba... natutulog ang tao ehhh!” ang sagot niyang nagdadabog at halatang nainis.

“Taksil! Taksil ka! Pinagtaksilan mo ako!!!”

“Ano ba iyang pinagsasabi mo?” ang sagot niyang hindi pa rin natinag sa kanyang pagkakahiga.

Ano itong mensahe sa iyo ni Nella!” ang bulyaw ko.

Doon na siya natauhan. Bigla siyang bumalikwas. Ang nakatakip na kumot sa kanyang katawan ay nalaglag sa kanyang kandungan, lantad na lantad ang kanyang matipunong dibdib at abs. “Nella? P-paanong may mensahe iyon sa akin?” ang tanong niya.

“Nagmaang-maangan ka pa!” ang bulyaw ko sabay lapit ng cp niya sa kanyang mukha.

Tinitigan niyang maigi ang mensahe mula sa kanyang cp.

“At sa tono ng kanyang mensahe, magkakilala na kayo noon pa!” dugtong ko sabay din bagsak ko ng cp niya sa kanyang kandungan.

“Eh...” ang tanging naisagot lang ni Jerome na halatang nagulat sa kanyang nabasa.

“Hindi ka makasagot?” ang sambit ko. Dali-dali akong tumayo at tinumbok ang aking locker. Hinugot ko ang pantalon at T-shirt at sinuot ko ang mga iyon. Hinablot ko rin ang aking knapsack at ipanasok doon ang iba ko pang gamit. Alam kong pinagmasdan lang niya ako habang marahil ay naghahanap ng buwelo kung paano magpaliwanag.

“Aalis ako at hindi na babalik kung hindi mo maipaliwanag nang maigi kung anong relasyon mayroon kayo ng Nella na iyon!” ang sambit ko habang tinumbok ang pintuan.

“Tol! Pakinggan mo muna ako, please!” ang paghabol niya sa akin.

Ngunit hindi ako nagpatinag. “Hindi pa ako handang pakinggan ka, Jerome. Sa ngayon hindi ko alam kung ano ang totoo,” ang sagot ko.

Nagmamadali akong lumabas ng bahay. Nang dumaan ako sa sitting room, nakita kong nanuod pa ng palabas ang mommy ni Jerome at dalawa niyang mga kapatid. Tinanong ako ng mommy ni Jerome kung saan ako tutungo. Nagdahilan na lang ako na may nalimutan ako sa bahay ng aking daddy at doon muna matutulog.

“Saan po ang tungo natin, Sir?” ang tanong ng driver nang nakasakay na ako ng tricycle.

“Diretso lang po,” ang sagot ko.

Ilang minuto nang umaandar ang tricycle na aking sinakyan nang biglang, “Tol! Tol!!!”

Nang nilingon ko sa aking tagiliran ay naroon si Jerome, nakasakay sa motor. Talagang sinabayan ang tricycle na sinakyan ko.

“Bumalik ka naman sa bahay please! Doon tayo mag-usap!” ang sigaw niya.

Ngunit hindi ko siya pinansin. “Puwede po bang bilisan ninyo?” ang pakisuyo ko sa driver.

Binilisan ng driver ang tricycle niya. Ngunit mas binilisan ni Jerome ang kanyang motor at hinarang pa ito sa aming sinasakyan. “Pare! Anong ginagawa mo!” ang sigaw ng driver kay Jerome.

“Ihinto mo ang tricycle mo pare!” ang sagot ni Jerome.

“Loko to ah!” ang bulong na pagmamakton ng driver.

“No! Huwag niyo pong ihinto!” ang utos ko.

Kaya inilihis ng driver ang kanyang tricycle upang hindi mabunggo ang motor ni Jerome.

“Huwag mong harangan ang daan pare! Madidisgrasya tayo!”

“Kaya nga ihinto mo ang tricycle mo pare eh! Importante lang!”

“Kilala mo ba iyan?” ang galit na baling ng drvier sa akin.

“Hindi ko kilala iyan!” ang pagtanggi ko naman.

“Hindi ka kilala ng pasahero ko, pare! Bakit mo siya hinaharangan!”

“Partner ko iyan!” ang sagot ni Jerome.

Napatingin sa akin ang driver, nagtatanong ang kanyang mga mata.

“H-hindi po. Hindi ko kilala ang taong iyan! Gusto lang niya akong i-harass!”

“Hindi ka raw niya partner! Ba’t mo siya hinaharass!” ang sigaw uli ng driver kay Jerome.

“Tangina, boyfriend ko iyan! Jowa! Asawa! Mahal ko iyan! Gago ka ba! Kapag hindi ka tumigil sa kakadaldal mo ay babanggain na kita!!!” ang galit na sigaw na ni Jerome.

Muling napatingin ang sa driver sa akin. “Magjowa ba kayo?”

“H-hindi ah!”

“Gago talaga tong taong to!” ang bulong ng driver. Hinugot niya ang kanyang cp at may tinawagan. “Pare... may nagwala dito, hinaharangan ang daan namin. Puwedeng puntahan mo kami? Nasa main road kami patungo ng central station,” ang narinig kong sabi niya sabay singit uli ng cp niya sa kanyang bulsa at pinaharurot ang kanyang tricycle.

Ang ginawa ni Jerome ay hininaan ang kanyang motor hanggang nasa tabi na siya ng driver ng tricycle. At doon na ako nagulat. Bigla niyang sinuntok ang driver sa mukha. Gumewang-gewang ang tricycle. Akala ko ay malaglag kami sa kanal ngunit mabuti na lang at naagapan din ng driver at inihinto niya ang kanyang trcycle.

Bumaba ang driver at galit na galit na tinumbok ang kinaroroonan ni Jerome na kasalukuyang nakaangkas sa nakahintong motor niya.

Agad na pinaulanan ng suntok ng driver si Jerome. Malakas ang mga suntok ng driver, Malaki ang kanyang katawan at sa tantiya ko ay sanay siyang manuntok. Ngunit dahil magaling si Jerome sa self-defense, halos patas lang ang kanilang laban.

Habang kinakabahang nakatingin ako sa kanila, hindi ko naman alam ang aking gagawin. Gusto kong umalis na lang ngunit hindi ko rin maiwan-iwan ang driver na siyang nagtanggol sa akin.

Nasa ganyan akong kalituhan nang biglang sumulpot ang isang police van. May apat na pulis ang bumaba. Hinugot nila ang kanilang mga baril at nilapitan nila ang dalawang nagsuntukan.

Nang makita ng dalawang nagsuntukan ang mga pulis. Agad din silang huminto. Doon na kinuyog ng dalawang pulis si Jerome at pinosasan.

“Ito ba ang nangha-harass sa iyo, pare?” ang tanong ng isang pulis sa driver ng tricycle. At baling niya kay Jerome, “Malas mo pare. Pulis itong tricycle driver na ito. Naka off-duty lang.”

Nang hinila ng mga pulis si Jerome upang isakay sa kanilang sasakyan, nilingon ako ni Jerome. Nungit isang galit na tingin lang ang aking isinukli sa kanya.

Sa di inaasahan, nagulat ako sa sunod niyang ginawa. Biglang lumuhod si Jerome at nagmamakaawa. “Tol... umuwi ka na sa atin please. Sige na, magpaliwanag ako. Mahal kita, ‘tol. Mahal na mahal. Sige na ‘tol, July... ”

Tiningnan ako ng mga pulis.

“Away-kasintahan pala ito eh,” ang kumento ng isang pulis. At baling niya kay Jerome, “Sayang ka bata... ang guwapo-guwapo mo, macho... pero sa kapwa lalaki ka pala mai-in love?” sabay tawa.

“Sir, huwag niyo pong pagtawanan ang pagmamahal sa pagitan ng dalawang lalaki o dalawang babae. Hindi nasusukat ang pagkatao ng isang tao sa pamamagitan ng pagmamahal base sa conventional o sa naiibang klaseng pag-iibigan. Hindi nakakababa ng pagkatao ang magmahal ng kakaiba. Walang lalaki, o babae, o bakla, o tomboy sa pag-ibig. Ang pag-ibig ay misteryoso. Ito ay sumisibol at nararamdaman nang walang nakakaalam kung kailan, kung saan, kung kanino, kung paano, at kung bakit. Hindi mo mapipigilan kung sino ang ititibok ng iyong puso. Hindi mo matuturuan ang sarili kung sino ang mamahalin. Hindi mo kayang tarukin ang hiwaga kung bakit ang isang tao ang minahal mo imbes na ang tao na gusto mo o gusto ng lipunan para sa iyo. Hindi mo kayang labanan ang puwersa ng tunay na pagmamahal. At ang tunay na pagmamahal ay hindi kailangang sa pagitan ng babae at lalaki lamang. Ang tunay at wagas na pagmamahalan ay walang kinikilalang kasarian. Kung masaya silang pareho at inspirado, dahilan upang magsumikap at magtagumpay sa buhay... iyan ang tunay at wagas na pag-ibig...”

Natameme ang mga pulis sa sinabing iyon ni Jerome.

Maya-maya lang ay pumalakpak ang isa at nagsalita. “Bravo!” Tapos sumunod namang nagpalakpakan ang iba, kasama na ang driver ng tricycle.

“Iyan ang tunay na pag-ibig!” ang sambit ng isa.

“Parang gusto ko na ring magpaligaw ng lalaki ah! May kapatid ka pa bang lalaki brod?” ang birong tanong naman ng isang pulis.

“Bakit brod pa niya? Puwede namang ako!” ang pagsingint naman ng isa.

“Mag out na kasi, mga hinayupak kayo! Wala nang hahadlang pa sa pagmamahaln ninyo!” ang biro din ng isa pa.

Tawanan.

“S-sirs... puwede po bang pakawalan niyo ako. Away magkasintahan lang po ito sa amin,” ang sambit ni Jerome.

“Puwede. Ngunit sa isang kundisyon, kung patatawarin ka ng syota mo.” Ang sagot ng chief nila sabay turo sa akin.

Tiningnan ako ni Jerome. Pati ang mga pulis ay sa akin din nakatingin.

Ngunit naalala ko ang text na iyon ng aking biological na ina at ang ginawa niyang pagkidnap sa inay. Hindi pa rin napawi ang matindi kong galit.

Kaya tumalikod na lang ako at tinumbok ang nakaparadang tricycle. “Tara na po...” ang sambit ko sa driver ng tricycle.

Nakangiting minuwestrahan ng driver ang mga pulis at si Jerome. Iyong parang ang mensahe ay, “Wala tayong magagawa. Matigas ang puso ni madam...” sabay talikod din at tinumbok ang kanyang tricycle.

Nang nakasakay na ako ay nilingon ko si Jerome na nanatiling nakaluhod. “Tollllllll. Patawarin mo ako, pleassseeee!!!” ang sigaw niya. Hanggang sa pinatayo na siya ng mga pulis at ipinasok sa kanilang van.

“Sa prinsto iyon dadalhin. Gagawan ng report at baka doon na patulugin,” ang pagsingit ng driver na tila nababasa ang tanong ng aking isip. “Kung gusto mo ay dumaan muna tayo roon para makapag-file ka ng reklamo.”

“Ay huwag na po. Nagmamadali po ako,” ang sagot ko na lang.

“Sabi mo ay di mo kilala. Bakit ka niya kilala? Tapos magsyota pala kayo...”

“Hindi nga kami magkakilala eh.”

“Mahal na mahal kita, ‘tol. Mahala na mahal kita, July...” ang paggagad niya sa sinabi ni Jerome.

Mistulang nag-init ang aking mukha sa narinig. Nabanggit pala ni Jerome ang aking pangalan.

“Talagang mahal ka noon... at masuwerte ka. Imagine, hindi siya nahihiyang umamin na mahal niya ang isang lalaki, or bakla? Bakla ka ba?” sabay lingon sa akin at titig sa mukha ko.

Tiningnan ko rin siya. Binitiwan ko ang isang nagngangalit na tingin. Sumisigaw ang isip ko ng, “Tangina mo! Huwag mong dagdagan ang init ng aking ulo! Pisti ka!” Ngunit sinarili ko na lang iyon. “Mabangga po tayo, Sir! Tingnan mo po iyong daan!” ang sambit ko na lang.

“Oh, ang guwapo mo naman pala. Kaya pala nahuhumaling iyon sa iyo!” dugtong niya habang ibinaling muli ang kanyang paningin sa kalsada.

“F^ck you! Magsalita ka pa at kakagatin ko iyang leeg mo, buwesit ka!” sa isip ko lang. Hindi ko na siya sinagot pa.

-----

NAKARATING AKO sa bahay ng aking daddy. Pagpasok ko pa lang ay narinig ko ang ingay ng kuwentuhan at tawanan ng mga lalaki. Nang nasa sala na ako, doon ko na nakita kung sino ang mga nag-uumpukang iyon. Si Archie at mga kasama niyang nasa walong kalalakihan. Sa tingin ay medyo may tama na ng alkohol.

“Ay mga tol! Ipakilala ko pala sa inyo ang tunay na anak ni Roberto Zamora, ang ex-dad ko,” ang sambit ni Archie. “Siya ang mag-ari ng bahay na ito at ng lahat ng mga ari-arian, kayamanan at negosyo ng daddy. Boss ko iyan!” sabay tawa. At baling sa akin, “Halika tol! Nang makilala mo ang tropa ko.

Medyo napikon ako sa sinabing iyon ni Archie. Ngunit inintindi ko siya dahil sa nangyari sa kanya sa pamilya. Ramdam ko kung gaano kasakit iyon para sa kanya.

Lumapit ako sa kanila. Namukhaan ko ang apat sa walong kainuman niya. Sila iyong dating bully ng unobersidad, noong mga estudyante pa sila. Tumayo ang isa sa kanila na nasa tabi ni Archie at binakante ang upuan. Isiningit niya ang sarili niya sa upuan ng isang kasama na nasa tabi lang. Umupo ako sa inalok na upuan.

Nagtagay si Archie ng alak sa isang baso at iniabot iyon sa akin. “Inom ka. ‘tol.”

Tinanggap ko ang inalok niyang tagay. Ininom ko iyon. Kumunot ang aking mukha sa lasa ng alak.

Nagpalakpakan sila. “Isa pa ‘tol?” ang nakangiting sambit pa ni Archie.

“S-sige kuya, isa pa...”

Muli kong tinungga ang ibinigay na alak ni Archie. Maya-maya lang, ramdam ko na ang paggapang ng init sa aking katawan.

“Ngayong nakita niyo na itong bunso ko... huwag ninyong saktan ito kundi makatikim kayo sa akin,” ang sambit ni Archie.

“Syempre naman, pare!” ang sagot nila.

“Pasensya ka na pala sa inasta ko sa iyo, ‘tol. Alam mo naman siguro ang nararamdaman ko, ‘di ba? Sobrang sakit. Ngunit gusto kong kalimutan ang lahat. Tulungan mo ako, ‘tol. At least, nariyan ka na mabait pa rin sa akin, at nariyan pa rin ang 5% na inihahabilin sa akin ng daddy.”

“Huwag mo nang intindihin iyon, kuya. Wala sa akin iyon. Basta ang wish ko lang ay buo pa rin tayo, at nariyan tayo para sa isa’t-isa.”

“Nagpalakpakan ang mga kaibigan ni Archie. “Wow naman! Ang sweet!” ang sambit ng isa sa kanila.

“Huwag nga kayong magulo riyan!” ang sagot naman ni Archie. At baling sa akin, “Ba’t ka pala napadayo rito, ‘tol? At sa ganitong oras pa ng gabi? Nag-away ba kayo ni Jerome?” ang tanong ni Archie.

Binitiwan ko ang isang malalim na buntong-hininga. Litong-lito ako kung paano sasabihin at kung tama ba na sabihin ko sa kanya. Alam kong may pinagdaanan din siya.

“Alam ko ang buntong-hiningang iyan, tol. Nag-away kayo,” ang sambit niya sabay akbay sa aking balikat. Medyo lasing na rin siya. “Anong pinag-aawayan ninyo?” dugtong niya.

Tiningnan ko ang mga kasama niya. Medyo naiilang ako, “Eh...” ang naisagot ko na lang.

“Huwag ka nang mahiya, ‘tol. Mga kaibigan natin ito. Alam naman nila ang status ninyo ni Jerome. Wala kang dapat na ikatakot o ipag-alala. Hindi mga tsismoso ito. At wala silang makukuha kung malaman man nila ang nangyari sa inyo ni Jerome. Mas maganda nga kung marinig nila. Malay mo, may mipapayo rin sila.”

“Eh... pare, aalis na lang kami. Mas maigi kung magkausap kayong dalawa ng masinsinan. Lasing na rin kami eh,” ang sambit ng isa sa mga kaibigan ni Archie.

“Oo nga pare... may gagawin pa rin kami eh,” ang pagsingit naman ng isa.

Tiningnan sila ni Archie. “Okay kung iyan ang gusto ninyo. Bahala kayo.”

Hinayaan ni Archie na umalis ang mga barkada niya. Nang kami na lang ang naiwan, doon na ako nagsalita. “A-ang totoo... ang pagkawala ng inay ang aking ikinatatakot,” ang sambit ko. Totoo rin naman kasi. Bagamat galit ako kay Jerome at sa kung ano mang relasyon mayroon sila ng aking biological na ina, mas natakot ako sa maaaring nangyari sa Mama Steff ko.

“Oo nga pala! Nabanggit mo pala sa akin na kinidnap si Mommy Steff. Anong nangyari? May pinaghihinalaan ka ba k-kung sino?”

“S-si Nella. Ang aking biological na ina. Siya ang kumidnap sa aking inay.”

Nag-isip si Archie. “T-too ba? Parang hindi naman kapani-paniwala.”

“Totoo! Pinipressure niya ang inay!” ang sagot ko. Sasabihin ko pa sana kung gaano siya kasama sa nadiskubre kong relasyon nina Jerome ngunit sinarili ko na lang ito.

“Kung ganoon ay dapat na unahan na natin siya. A-alam mo ba kung saan siya nakatira? Gusto mo bang lusubin namin siya? Sabihin mo lang! Mas hayop pa pala kaysa sa akin iyang biological mong ina! Gusto mo bang isalvage natin siya? Sabihin mo lang!”

“Huwag naman... gusto ko lang mahanap ang aking inay... ang Mama Steff ko.”

“Kung ganoon, tawagan mo ang biological mong ina na iyan at kunin mo ang kanyang address. Kapag alam na natin ang address niya, kami na ang bahala.”

Hinugot ko ang aking cp at binuksan ko ito. Alam ko kasing kukulitin ako ni Jerome kaya pinatay ko ito. Nang nabuksan na, sunod-sunod ding pumasok ang mga texts niya. Hindi ko na binasa ang mga iyon.

Tiningnan ko ang history ng mga tawag. Naalala ko kasing tumawag ang aking biological na inay isang beses. Nang makita ko, isinet ko ang aking cp sa speaker mode upang marinig ni Archie ang aming usapan.

“Sino ‘to?” ang sagot sa kabilang linya.

“Ako ito. Si July!”

“Anaaakkk! Mabuti’t tumawag ka. Gusto kong makita ka anak.”

“Oo, magkita tayo. Subalit sa isang kundisyon.”

“A-ano iyon, anak?”

“Sabihin mo sa akin kung ano ang relasyon ninyo ni Jerome!”

Kitang-kita ko sa mukha ni Archie ang pagkagulat. Itinakip ni Archie ang kanyang palad sa kanyang bibig.

“A-anak... magkita tayo at ipaliwanag ko sa iyo. Mahirap kung dito sa telepono ko sasabihin eh.”

“SABIHIN MOOOO! MGA TRAYDOR KAYOOO! Alam mo bang nang dahil riyan ay mas lalo mo akong inilayo sa iyo! DEMONYO KA!!!” ang sigaw ko.

“Anak, magpaliwanag ako sa iyo ng personal. Magkita tayo, please...”

“Ang Mama Steff, d’yan mo ba dinala sa bahay mo?”

“Ah, eh... w-wala siya rito, anak...”

“Kung ganoon na wala pala siya riyan, saan mo dinala? Doon tayo magkita sa lugar kung saan mo ikinulong ang inay.”

“H-hindi ko siya kinidnap anak...”

“SINUNGALING! AMININ MO NAAAA!!”

Matagal na natahimik ang kabilang linya.

“Nariyan ka pa?”

“Okay, k-kung iyan ang kailangan mo upang makipagkita ka sa akin, sige, aaminin ko, nandito ang inay mo sa akin. Nandito sa akin si Steff! Puntahan mo siya rito upang magkausap tayong tatlo,” ang muli niyang pagsagot.

Halos hindi ako makapagsalita sa pagkarinig sa kanyang pag-amin. Agad kong tinanong ang kanyang address na kusa rin niyang ibinigay.

“Hihintayin kita ngayon,” ang sambit niya. “Saan ka pala manggaling?”

“Sa bahay ng daddy ko.”

“D’yan ka na ba nakatira?”

“Oo...”

Iyon ang usapan namin. “Gusto kong puntahan ko siya ngayon...” ang sambit ko kay Archie.

“Sasamahan kita. Baka mapahamak ka pa. Duda akong pakana lang niya ito upang mapilitan kang pumunta, pagkatapos ay ikulong at piliting isama sa Amerika,” ang sagot ni Archie.

Kaya nagmamadali kaming lumabas ng bahay. Dahil may dalawang motor sa garahe, kanya-kanya kaming sakay ni Archie. Sinadya kong mauna si Archie sa akin dahil siya ang nakakaalam sa address na sinabi. Nakabuntot lang ako.

Halos kalahating oras ang lumipas, dumaan kami sa kalsadang medyo may kadiliman. Naramdaman kong tila may bumundol sa gilid ng likurang bahagi ng aking motor. Bigla akong natumba at nalaglag sa kalsada. Mabuti na lang at suot ko ang helmet. Ngunit nagasgasan ang aking palad at braso.

Nang tatayo na sana ako, doon ko nakita ang may sampung kataong nakapaligd sa akin. Lahat sila ay nakaitim at may takip din na itim ang kanilang mga mukha at ulo. Para silang mga ninja sa pelikula. Kinuyog nila ako at tinanggal ang aking helmet. Kinaladkad nila ako sa madilim na bahagi sa gilid ng kalsada kung saan nakaparada ang kanilang van.

Hindi pa nila ako naipasok sa loob nang narinig ko naman ang ingay ng motor na papalapit sa amin.

Si Archie.

Nang huminto siya at akmang lalapit sa kinaroroonan namin, may humataw sa kanyang likod, hita  at ulo. Natumba siya. Nang nakahandusay na siya sa kalsada, naaninag ko naman ang paghugot ng patalim ng isa sa mga hitman. Sinaksak niya si Archie sa  dibdib!

“KUYAAAAAAAA!” ang sigaw ko.

Iyon na ang huli kong naalala gawa nang biglang may isang matigas na bagay na humataw sa aking ulo. Nawalan ako ng malay.

-----

“Anak... Patawarin mo ako, anak!!!” ang boses na narinig ko.

Nang iminulat ko ang aking mga mata, nakita ko ang aking inay sa aking tabi. Nakatali ang kanyang katawan sa isang malaking upuang kahoy. Ang kanyang mga kamay ay hindi niya maigalaw. Nang inikot ko ang aking paningin sa paligid, nakita ko ang mga luma at malalaking makina na nababalot sa alikabok at bahay-gagamba. Nasa loob kami ng isang luma at inabandona nang factory..

Dali-dali akong tumayo upang yakapin ang inay. Ngunit sumubsob ang aking mukha sa sahig na semento gawa nang ako man ay nakagapos din sa isang upuang kahoy at natumba ito nang tinangka kong tumayo. Pinilit kong makaalpas mula sa pagkatali. Ngunit sa sobrang higpit ng pagkatali nila sa akin ay hindi ko ito magawa. Nanatili na lang akong nakahandusay sa sahig nakatagilid na nakatingin sa aking inay. Wala ring magawa ang aking inay kundi ang umiyak at nakatingin na lang sa akin.

“Pareho tayong hinostage anak...” ang sambit niya.

“Sino ma? Sino ang hayop na homostage sa atin??? Si Nella ba???”

Akmang sasagutin na sana ng inay ang aking katanungan nang biglang may narinig akong boses.

“Kumusta ang mag-ina? Anong pakiramdam na nabuong muli ang pamilya?” ang sambit niya sabay bitiw ng isang halakhak.

“IKAWWWWW!!!”

(Itutuloy) 

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails