Followers

Saturday, January 18, 2020

Ang Roommate Kong Siga [37]



By Michael Juha
getmybox@hotmail.com
fb: Michael Juha Full

--------------------------

Title: LNLKIRKS


Kinabukasan ay nagtungo kami ng aking inay at Jerome sa opisina ng abugado ng mga Zamora upang simulan na ang proseso ng paglipat ng aking apilyedo.

Masaya ang abugado na nakita niya kami. “Doon ka na rin ba titira sa mansyon ng daddy mo?” ang tanong ng abugado.

“Hindi po. Sa bahay namin po muna siya hanggang sa tuluyang matanggap na ng kanyang utak ang mga pangyayari. Hindi pa po niya lubos na na-absorb ang bilis ng mga kaganapan po...” ang sagot ni Jerome.

Napatingin kami ng inay kay Jerome. Bigla na lang kasi siyang sumingit.  

“Ano?” ang tanong ni Jerome nang tinitigan ko siya dahil sa kanyang isinagot. “May mali ba sa sinabi ko?” ang pagpapa-inosentehan pa niyang tanong.

“Wala po. Best decision ever!” ang sarcastic ko namang sagot.

Natawa na lang ang inay.

“Sabagay... napakabilis nga ng mga pangyayari. Naintindihan ko. Ang importante, nasa first step na tayo, ang iprocess na natin ang pagpapalipat ng kanyang apilyedo,” ang pagsang-ayon naman ng abugado.

----------

“Ang yaman mo na... hindi na kita maaabot niyan. Baka malimutan mo na ako,” ang sambit ni Jerome nang nasa loob na kami ng kanyang kuwarto sa kanilang bahay. Nakatihaya siya sa kama habang ako ay nakaupo pa sa may study table, nakatingin sa may bintana, ang isip ay mistulang lumulutang pa rin dahil sa mga kaganapan. Maliban sa suot niyang puting brief, wala nang ibang saplot ang kanyang katawan. Nakahiga lang siya, nang-aakit.

“Na-insecure na naman ang mama... kaya pala bigla kang sumingit kanina na dito muna ako sa iyo, ano?” ang sagot ko na lang na may halong pang-iinis.

“Syempre, mahirap na kung doon ka sa mansyon mo. Nandoon si Archie, alam mo na... lalo’t hindi pala kayo magkapatid.”

“Ayun!” ang sagot ko. Tumayo ako at tinungo ang kama. Humiga ako sa tabi niya patagilid paharap sa kanya, ipinatong ko ang aking bisig sa ibabaw ng kanyang dibdib. “Ikaw at ikaw at ikaw lang ang lalaki para sa akin, Mr. Jerome Guzman. Wala nang iba.” 

Tiningnan niya ang aking mga mata. Binitiwan niya ang isang matipid na ngiti. “Sure ka ha?”

“Oo naman! Promise.”

Tahimik.

“Anong naramdaman mo tungkol sa iyong daddy? Tungkol sa iyong biological na ina?” ang tanong ni Jerome.

Binitiwan ko ang isang malalim na buntong-hininga. “Hindi ko alam. Nandito pa rin ang matinding poot ko sa kanila. Parang hindi ko sila kayang patawarin...”

“Alam mo, noong hindi ka pa dumating sa buhay ko, ganoon din ang naramdaman ko. Matinding galit ang naramdaman ko para sa aking ama, sa lahat ng paghihirap ko, sa mga pang-aabuso, sa sa pagsira niya sa buhay at kinabukasan ko...” Nahinto siya sandali. “Ngunit nang dumating ka sa buhay ko at tinulungan mo akong baguhin ang aking pananaw, hindi na ako nahirapang patawarin ang aking ama at ang aking ina. Dahil siguradong kung hindi nangyari sa akin ang ganoon, hindi rin magkrus ang ating landas, kayo ni Mommy Steff. Ikaw ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko. Ikaw ang dahilan kung bakit ako nagbago at nabuhayan ng pag-asa, kung bakit gusto ko pang mabuhay, kung bakit excited akong harapin ang bukas, kung bakit malugod akong nagsikap upang makamit ang aking mga pangarap... lahat ay dahil sa iyo.”

Binitiwan ko ang isang matipid na ngiti habang tinitigan ang ko ang mukha ni Jerome. Hinawakan ko ang kanyang kamay.

“I love you,” ang sambit niya.

“I love you too.”

“Hindi ka ba happy na mahal kita? Na mahal mo rin ako?”

“Syempre, happy. Walang salita ang kayang makapagpaliwanag sa tindi ng kasiyahan nararamdaman ko dahil sa pag-ibig mo.”

“Sa tingin mo ba ay may posibilidad na magmahal ka pa ng ibang tao na higit pa sa pagmamahal na ibinigay mo sa akin?”

“Wala na. Wala nang iba. Ikaw at ikaw lang...”

“Then, pasalamatan mo ang iyong daddy at biological na inay dahil kung hindi dahil sa nangyari sa buhay mo, maaaring hindi rin mag-krus ang ating landas. Maaaring ibang tao ang dumating sa iyo, at hindi ako...” Nahinto siya sandali. “Simula nang binago mo ang takbo ng aking landas, naniniwala ako na walang coincidence sa buhay. Ang lahat ng mga pangyayari o tao na dumarating sa atin – mga taong minahal man o kahit iyong kinamumuhian ay mga taong dapat pa rin nating pasasalamatan. Ang mga taong kinamumuhian natin ay sila iyong nagpatatag sa ating pagkatao sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng leksyon o aral. Sila rin ang nagtutulak sa atin upang makilala o mahanap natin ang ating sarili at ang mga bagay o tao na para sa atin, o tapat sa atin. Ang mga tao namang minamahal natin ay sila iyong nagbibigay sa atin ng inspirasyon at lakas ng loob upang lumaban, harapin ang mga pagsubok sa buhay at makamit ang mga pangarap.

Hindi ako nakaimik sa kanyang sinabi.

“Si mommy Steff, mahal mo ba?”

“Oo naman. Sobrang mahal ko ang inay kong iyan. Kahit buhay ko ay kaya kong ialay para sa kanya.”

“Then, the more reason na magpasalamat ka sa iyong daddy at biological mom. Kung hindi dahil sa ginawa nila, hindi mo maging inay si Mommy Steff... Hindi mo maramdaman ang pagmamahal niya, at hindi mo siya matulungan na mafulfill ang ninanais niya na magkaroon ng anak at maramdaman ang pagmamahal nito sa kanya.”

“Iyan na nga ang matinding irony sa kalagayan ko. Mahal ko ang inay, ngunit sumulpot naman itong isa... Parang iyong pelikula na ‘Mahal ko, o mahal ako...”

“Sabagay, mahirap nga iyan. Pero nasa iyo ang desisyon. Wala namang tama o mali kung sino sa kanila ang pipiliin mo eh.”

Tahimik.

“Kumusta na kaya si Archie? Sigurado ako, sobrang sakit din ang nangyari sa side niya. From being tagapagmana, manliligaw mo, kapatid mo, at ngayon at parang outcast na lang sa pamilya at heto, ikaw pala ang tunay na anak at tagapagmana...”

“Kaya nga eh. Naawa ako sa kanya. Pero, ang plano ko ay tutulungan ko siya. Kapag na settle na ang lahat, babahagian ko siya ng mana, o hindi ko kukunin sa kanya ang puwesto niya sa kumpanya.”

“Mabuti naman kung ganoon.”

“Iyan talaga ang plano ko sa kanya. Nang dahil sa akin ay naging mabait siya at responsable. Ayaw kong isipin niyang nagbago ako sa aking pakikitungo sa kanya.”

“Mukhang pamilyar sa akin iyong ‘nagbago siya nang dahil sa iyo’. Parang nangyari na iyan dati, di ko lang matandaan. Tapos, ang ending ay nagkadevelopan... Sana ay hindi matulad kagaya nang nangyari sa iba riyan...” ang pasaring niya sabay ismid at iwas ng tingin niya sa akin.

Napangiti na lang ako. Kinilig. Ang cute kasi niyang tingnan na tila nagselos na hindi mawari. Iyon pa ang pinakauna kong naranasang nagseselos siya. Kadalasan kasi ay ako ang nang-aaway, ako ang nagseselos, ako ang insecure.

Niyakap ko siya ng mahigpit. “Kiss na nga lang d’yan!” ang sambit ko sabay diin ng bibig ko sa bibig niya.

Ngunit imbis tanggapin ang aking halik, tumagilid siya patalikod sa akin. Nagtampu-tampuhan at playing hard-to-get ba? Kaya syempre, lalo akong kinilig at na-excite. Hinila ko ang katawan niya upang humarap sa akin. Naghilahan kami.

“Jerome! Humarap ka nga sa akin, sabi eh!” ang sigaw ko nang hindi ko talaga siya mapatagilid paharap sa akin.

“Hmp. Doon ka sa bago mong lalaking siga ngunit binago mo rin ang buhay. Doon sa lalaking malapit mo nang makapiling sa iisang bubong. Hayaan mo na akong mamuhay na mag-isa!”

“Magdusa siya. Love na love ko iyong roommate kong siga!” ang sigaw ko habang patuloy pa rin ang aking paghila sa kanya.

“IRKS?” ang sagot niya.

“Hindi. LNLKIRKS!” ang sagot ko, sabay palo ng malakas ang kanyang puwet.

Napa-“Aray!” siya ng malakas. Napatihayang hinaplos ng kanyang kamay ang natamaang umbok.

Iyon na ang hinitay kong pagkakataon. Dali-dali kong sinunggaban ng halik ang kanyang bibig sabay gapang ng mabilisan ng aking kamay sa loob ng kanyang brief. Nang nakapa ko ang loob nito, doon ko nalaman na galit na galit na pala ang kanyang junjun.

Hindi na siya nakagalaw pa. Habang naglapat ang aming mga labi, napayakap na siya sa akin. Enjoy na enjoy naman ang aking kamay sa paghahaplos sa kanyang naghuhumindig na pagkalalaki.

Kaya hayun... nauwi sa tsupaan at kantutan ang aming gabi.

----------

Kinabukasan ay dinalaw ko ang mauseleo ng aking ama. Dahil gusto kong mapag-isa, hindi ko na isinama ang aking inay at si Jerome. Gusto kong ipalabas ang lahat ng aking hinanakit at saloobin sa harap ng kanyang libingan. Nang naroon na ako, napansin ko ang mga sariwang bulaklak sa ibabaw ng kanyang nitso. May ilang kandila ring nakatirik sa mga tayuan ng kandila sa isang gilid.

Dali-dali akong lumabas at sinilip ang paligid kung naroon ba si Archie dahil gusto ko rin siyang makausap. Simula kasi noong ipinalabas ang huling habilin ng aking ama, hindi ko na siya nakausap. Alam kong mabigat ang kanyang kalooban. Alam kong kasing sakit iyon ng aking dinadala.

Ngunit walang Archie akong nakita.

Bumalik ako sa loob at nagtirik na lang ng kandila. Doon ko ipinalabas ang aking sama ng loob -

“Sa pagdating mo sa buhay ko, lalong gumulo ang buhay ko. Hindi ko alam kung matutuwa, mainis, o manghinayang na heto, nahanap na sana kita ngunit nasa loob na ng nitso. Simula nang nagkamalay ako, wala na akong ibang hinihiling pa kundi ang makita ang aking ama. Sobra ang tindi ng aking pagnanais na sana, kagaya ako ng ibang mga bata na masayang kasama ang kanilang mga ama, kinakarga, nilalaro, inaaliw kapag umiiyak, dinadala kung saan-saang lugar ay maranasan ko rin sana ang ganoon... Nang nasa Grade 4 ako, hindi ko malilimutan na palagi akong binubully, pinapahiya, hinahamak ng mga kaklase dahil ang inay ko raw ay isang kabit, o pokpok kaya wala akong ama. Araw-araw ay ganoon ang ginagawa nila sa akin. Halos hihinto na ako sa aking pag-aaral dahil sa matinding kahihiyan. Sobrang sakit lalo na’t pati ang aking inay na walang kasalanan at siyang naghirap sa pag-aalaga sa akin ay nadamay. Kapag pumapasok na ako sa klase o kaya ay dadaan sa mga kaklase kong nag-uumpukan, sinisigawan ako ng “Anak ng Pokpok!” “Puta ang ina mo!” “Anak ng Kabit!” mga ganyan. Ngunit sinasarili ko na lang iyon. Hindi ko sinabi sa aking inay dahil ayaw kong malungkot siya at dagdagan ko ang kanyang pagdurusa. Ewan ko kung kilala mo ang kinikilala kong inay, siya ang aking Mama Steff. Siya lang ang nagpapasaya sa akin. Sobrang napakamasayahin niyang tao. Sobrang mabait. Kahat alam kong nahirapan din siya sa pagpapalaki sa akin at nasasaktan kapag nakikita niya akong nalulungkot o nagtatanong tungkol sa iyo, hindi niya ipinapahalata ang naramdaman niyang hirap. Kaya ayokong malungkot siya. Siya ang aking inspirasyon. Siya ang dahilan kung bakit kahit labag sa aking kalooban, pinilit ko sa aking sarili na tanggapin na wala akong ama. Kahit binubugbog ako ng aking mga kaklase, dahil wala raw akong ama na magtanggol sa akin, pilit kong itinatago ang mga pantal ko sa katawan upang hindi mapansin ng aking inay. Sa murang edad kong iyon ay naranasan ko na kung paano magdusa ng lihim... Hanggang sa tila manhid na ako sa pag-alipusta ng aking mga kaklase. Pilit kong tinanggap na patay ka na base sa palaging sinasabi sa akin ng aking inay. Nang malaman kong ikaw pala ang aking ama, nanginginig ang aking kalamnan sa galit. Gusto kong murahin kita, gusto kong magwala at manakit ng tao. Gusto kong sunugin o pasabugin itong libingan mo! Ngunit sa kabilang daku ay naisip ko rin na marahil ay may dahilan ang lahat. Sabi ni Jerome, kung hindi dahil sa mga ginawa mo, hindi magkrus ang aming landas at hindi ko magiging inay si Mama Steff. Kung hindi ako dumating sa buhay niya, hindi niya maranasan ang magkaroon ng anak, baka iba ang landas na tinatahak niya. Iyan din ang sabi ng aking inay. See? Sobrang bait ng aking inay. Hanggang sa huli, ayaw na ayaw niyang magkimkim ako ng galit. Kaya kahit ganoon ang ginawa mo, wala akong magagawa kundi tanggapin kita, kagaya ng pagtanggap ko kay mama Steff bilang aking tunay na inay. Sana ay narinig mo ako at naramdaman mo ang mga hinaing ko. Kung saan ka man naroroon, sana ay mapayapa ka na...”

Nasa ganoon akong pagsasalita nang biglang umingay ang bakal na pinto ng mauseleo na nasa aking likuran, tila aksidenteng natadyakan o aksidenteng nasagi. 

Tarantang napalingon ako sa aking likuran. Nakita ko ang isang babaeng nadapa sa sahig. Dali-dali ko siyang inalalayan upang makatayo. Sa tantiya ko ay nasa 40 o lampas ang kanyang edad. Itim ang kanyang suot na damit na mahaba ang manggas. Nanatili siyang nakatitig sa akin habang hinawakan ko ang magkabila niyang braso. Tila may kakaiba sa kanyang titig.

“H-hindi po ba kayo nasaktan?” ang tanong ko nang nakatayo na siya.

Pinagpag niya ang kanyang damit at palda. “Okay lang ako. Salamat.”

“K-kamag-anak niyo po ba may-ari ang inilibing dito?” ang tanong ko.

“Ah... k-kaibigan ko lang,” ang matipid niyang sagot.

“K-kanina pa po ba kayo riyan?”

Tumango siya.

Iyon... Medyo nakaramdam ako ng kaunting hiya dahil ibig sabihin, narinig niya ang aking mga sinasabi. Tumalikod ako at muling hinarap ang nitso, nag-antada at nagpaalam. Dali-dali kong tinumbok ang pinto. “Mauna na po ako. Tapos na po ako...” ang pagpapaalam ko sa kanya.

Nakalabas na ako ng mauseleo nang narinig ko ang kanyang pagtawag. “Anak...”

Hindi ko lubos maisalarawan ang aking nadarama sa pagkarinig sa salitang kanyang binitiwan. Naramdaman ko kaagad ang malakas na pagkalampag ng aking dibdib.

Huminto ako at nilingon siya. Nakita kong nangingilid ang mga luha sa kanyang mga mata. Nagmadali siyang lumapit sa akin atsaka hinawakan ang aking dalawang braso.

“Anak... ikaw ang bata na inalagaan ng babeng nagngangalang Steff na iniwan ko sa kanya! Kilala mo ba ako?”

Tinitigan ko lang siya. Iyong titig na na pilit ikinubli ang galit. Wala akong ipinakitang emosyon. Hindi ko gumalaw. Mistula akong isang tuod habang tinitigan siya, ang isip ko ay tila isang nag-aalburotong bulkan na sasabog. May hapdi akong naramdaman sa aking puso. Muling nanumbalik ang ibinunyag na sikreto ng aking inay. Muli ko ring naramdaman ang matinding sakit nang sinabi niyang ampon lang ako.

“Anak?” ang muli niyang sambit.

“Kung tunay mo akong anak, kilala mo ba ako? Alam mo ba ang mga bagay-bagay sa akin? Alam mo ba ang mga pinagdaan kong hirap? Ang mga hinaing ko sa buhay? Ang mga pangarap na pilit kong abutin habang wala ka? ALAM MO BA KAHIT APILYEDO O PALAYAW KO MAN LANG???” Ang sigaw ko.

Kitang-kita sa kanyang mukha ang pagkagulantang nang marinig ang aking sigaw. Hindi siya nakasagot.

“Paano mo nasabing anak mo ako? Tunay na ina ba ang babaeng iniiwan ang kanyang anak sa kung kaninong tao? Tunay na ina ba ang nakakatiis na hindi magparamdam sa kanyang anak? Ngayong malaki na ako, ngayong malapit na akong magtapos sa aking pag-aaral dahil sa sakripisyo, pera at pag-aalaga ng isang babaeng hindi ko kaano-ano, saka ka pumasok sa eksena? Para ano? Para kunin mo ako mula sa kanya? Para angkinin mo? Kaya mo bang bayaranan ang hirap at mga sakripisyo niya sa pagpapalaki niya sa akin? Kaya mo bang bayaran ang nararamdaman ko bilang isang taong mistulang isang kaluluwang itinapon sa purgatoryo, hindi alam kung saan ang tunay kong mundo, hindi alam kung ano ang tunay kong pinagmulan at pagkatao! Alam mo iyon???”

“A-anak...”

“Anong anak? Hindi mo ako anak! Hindi kita kinikilalang ina! Si Mama Steff lang ang nag-iisang taong nagmamahal sa akin!”

“P-patawarin mo ako anak...”

“Patawad? Bumalik ka na kung saan ka man nanggaling! Hindi ako nasasabik sa iyo. Ni minsan ay hindi ako naghahanp ng ibang ina. Wala akong nararamdaman na kahit katiting na pagmamahal para sa iyo!”

“N-naintindihan kita anak!”

“Dapat mo talagang maintindihan! Ang mga pinagdaanan ko! Ang sakit na malamang itinuturing akong isang gamit na maaaring ipahiram at iiwan na lang basta sa ibang tao!”

“Pakinggan mo muna ako, anak bago mo ako husgahan.”

Hindi ako sumagot.

“Aaminin ko, anak... N-nagkamali ako. P-pumayag akong makipagrelasyon sa isang lalaking may asawa na. Mahal ko ang daddy mo. Mas nauna pa kaming nagmamamahalan kaysa sa naging asawa niya. Bagamat pinilit lang niya ako, kasalanan ko pa rin ang lahat dahil alam kong kasal sila. Makapangyarihan at mapang-api ang asawa ng daddy mo. Nang malaman niya ang aming relasyon at nakarating sa kanya na may anak kami, nagalit siya. Tinutugis niya ako. Lumipat ako ng tirahan, sa isang bundok kung saan ay malayo sa kabihasnan. Ngunit natunton pa rin ng mga tauhan niya ang aking bahay. Bago sila nakarating, itinago kita sa gitna ng makakapal at malawak na talahiban. Nagsisigaw ang mga hitman na kapag hindi ako magpakita ay pupugutan nila ng ulo ang aking nakataling alagang aso. Dahil sa takot ay hindi ako nagpakita. Pinutulan nila ng ulo ang aking aso. Nagbanta sila na kapag nahanap nila tayo ay puputulan din tayo ng ulo. Kaya muli akong tumakas. Nang nakita ko ang isang bahay na nasa pampang, doon kita iniwan, kay Steff. Pagkagaling ko roon, nakita ako ng isa sa mga taong tumutugis sa akin. Tumakbo ako. Ngunit naabutan din niya. Sinaksak niya sa likod, sa tiyan, sa balikat. Hindi ko na alam kung ilang saksak. Tumalon ako sa pampang at doon ay hindi ako gumalaw upang mag-isip siyang patay na ako... Nang nakaalis na siya siya, pinilit kong sumigaw. Nagkataong may mag-asawang naroon malapit sa aking kinababagsakan, nakita nila ako. Nagmamakaawa ako na itago nila ako dahil may mga taong gustong pumatay sa akin...” Nahinto siya. Hinawi niya ang kanyang manggas na nakatakip sa kanyang braso.

Nagulat ako sa aking nakita. Maraming peklat!

“Sinangga ko ang mga saksak kaya nabalot ng peklat ang aking mga braso. Kung hindi kita iniwan kay Steff, siguradong pareho na tayong... patay.”

Mistula akong natulala sa kanyang rebelasyon.

“K-kung galit ka pa rin sa akin, anak, gusto kong hingiin ang kapatawaran. Nasasabik na ako sa iyo, anak. Walang oras na hindi ka pumapasok sa aking isip. Bilang tunay mong ina, sobrang sakit na mawalay ka sa akin. Natatakot ako na baka itakwil mo ako, na magalit ka sa akin, na hindi mo ako tanggapin na ina... Anak, patawarin mo ako.” ang humagulgol niyang sabi

Hindi ko namalayan na tumulo na pala ang aking mga luha. Napagtanto ko na napakalaki rin palang sakripisyo ang ginawa niya upang mabuhay ako. At hindi ko rin siya masisisi sa kanyang pakikipagrelasyon sa isang lalaking may asawa.  Bagamat kasalanan ito, kasing sakit din ito sa pag-ibig ko sa isang lalaki. Parehong makasalanan sa mata ng mga mapanghusgang tao, parehong hinahamak at kinasusuklaman ng lipunan, parehong bawal.

Nang nakita kong lumuhod siya at nagmakaawang patawarin ko, doon na ako bumigay. Agad ko siyang inalalayan upang tumayo. Ngunit hindi ko magawang humingi ng tawad.

“Anak... m-maaari mo ba akong patawarin?”

“Puwede po bang hayaan niyo muna akong mag-isip? Napakarami pong bagay ang nasa aking isip. Halos hindi ko na po alam kung ano ang gagawin, kung ano ang totoo, kung bakit, kung ano ang mangyayari pagkatapos nito. Bago ko lang nalaman kung sino ang aking ama at patay na pala siya. Ngayon, heto naman, bigla kayong sumulpot... Iyong tindi ng aking pagkagulat at sakit na dulot ng mga pangyayari, utak ko ay nahirapang magproseso sa mga bagay-bagay...”

“Naintindihan kita, anak. Naintindihan kita.”

“Tutuloy na po ako,” ang pagpapaalam ko.

Ngunit muli niya akong pinigilan. “M-maaari bang kumain tayo anak sa isang restaurant? Sabik na sabik na ako sa iyo. Kahit iyong ilang minuto lang na mapagmasdan kita, makasama, masaya na ako.”

Walang imik na tumango ako.

Tumungo kami sa isang restaurant. Doon ay marami siyang itinanong kagaya ng pag-aaral ko, kurso, ang inay ko, at iba pa. Sinagot ko naman ang lahat. Nagkuwento rin siya tungkol sa buhay-buhay niya. Pagkatapos raw ng insidente at gumaling na siya sa kanyang mga sugat, tinulungan siya ng mag-asawang nakapulot sa kanya na pumuntang Amerika. American citizen kasi ang mag-asawa na nakapulot sa kanya. Nagkataong nagbalikbayan sila sa Pinas sa panahong iyon at pagmamay-ari nila ang lupa kung saan ako tumalon. Dahil walang anak ang mag-asawa, siya ang nagsilbing katuwang nila. Inalagaan niya sila at itinuring namn siya nila na bahagi ng pamilya. Hindi nagtagal ay namatay ang lalaki at sumunod naman ang babae isang taon ang lumipas. Dahil walang malalapit na kamag-anak sa kanya inihabilin ang lahat na ipinundar ng mag-asawa. Nang nabalitaan niyang namatay na ang asawa ng aking ama sa Pilipinas, umuwi siya. Hinanap daw niya ang aking inay ngunit dahil wala na siya sa dati niyang bahay sa dalampasigan, hindi niya alam kung saan siya hahanapin. Hindi rin siya nagpakita sa aking ama dahil masama ang loob niya rito. Muli siyang bumalik ng Amerika. Gusto sana niyang kalimutan na lang ang lahat. Ngunit nang mabasa niya sa isang pahayagan ng Pilipinas ang pagpanaw ng aking ama, muli siyang bumalik sa Pilipinas. Sa pagkakataong ito ay nagbayad siya ng detective upang mahanap ang inay.

“Kung mamarapatin mo anak, gusto ko sanang makita at makausap si Steff...” ang hiling niya bago kami naghiwalay.

“Sasabihin ko po...” ang sagot ko na lang.

----------

“Ma... m-may sasabihin ako sa iyo,” ang sambit ko sa aking inay nang bumisita ako sa kanya.

“Ano na naman iyan? Problema ba? O Good news?”

“Hindi ko alam kung good news o bad news ito eh.”

“Ano bang ka OA-han iyan! Umupo sa muna riyan at ihanda ko ang hapag-kainan. Tamag-tama, nagluto ako ng kare-kare!” ang sambit niya.

Tinungo ko ang hapag-kainan at umupo roon. Nang nailapag na niya ang mga pagkain at nakaupo na siya, doon ko na sinabi ang balita. “N-nagkita kami ng... aking biological na ina, ma.”

Kitang-kita ko ang pagkabigla ng aking inay. Ang bowl na sasandukan na sana niya ng sabaw ay nalaglag. Nagkalat ang sabaw at sahog sa mesa. “S-si Nella?” ang tanong niya.

“O-opo...”

Dali-dali siyang tumayo at nang bumalik ay dala-dala niya ang pamunas. Pinunasan niya ang mesa at nilinis ang kalat. Pinulot niya ang bowl at muli niya itong nilagyan ng sabaw. Kitang-kita ko ang panginginig ng kanyang kamay habang nagsasandok siya. “S-saan kayo nagkita? A-anong sabi niya?” ang tanong niya.

“S-sa isang restaurant po, ma, malapit sa sementeryo. G-gusto raw niyang makipagkita sa iyo...”

Binitiwan ng inay ang isang malalim na  buntong-hininga. Iyong pilit na pinakalma ang sarili. “M-mabuti naman na sa wakas ay nakita mo na ang tunay mong inay. Maganda ba siya? mas maganda pa ba siya sa akin?” ang pabiro niyang tanong bagamat baramdam ko ang lungkot sa kanyang mga mata.

“H-hindi ko po masabi, ma.”

“Hindi mo masabi? Abay nakatulog ka ba nang mag-usap kayo? Ganyan ba siya ka-boring?” ang pagpapataw pa rin niya.

“Mama naman eh...”

“Kung hindi siya maganda, malamang hindi mo tunay na ina iyon. Sa ganda nating ito?” inabot niya ang aking pisngi. “Nakakahiya sa ganda ng daughter ko!”

“Mama naman eh! Nagpapatawa pa. Di ka ba nalungkot?”

Sa sinabi niyang iyon ay bigla siyang naging seryoso. “Bakit naman ako malungkot, anak. Tunay mong inay iyong tao. Dapat ay maging masaya ako para sa iyo.”

“Sure ka na hindi ka malungkot?”

“Ako pa... Malulungkot lang ako kapag inaapi ka niya, sinasaktan ka niya...” ang sagot lang niya sabay tayo at tinungo ang kanyang kuwarto.

Sinundan ko siya. Doon ko nakitang nagpahid siya ng kanyang mga luha. Umiiyak siya!

Nilapitan ko ang inay at niyakap. Dali-dali rin niyang pinahid ang kanyang mga luha. “Akala ko ba ay hindi ka malungkot?”

“Hindi naman ako umiyak. Napuwing lang ako,” ang pag-aalibi niya.

Tinitigan ko siya. “Hindi naman ako sasama sa kanya eh...”

Tinitigan din niya ako. Maya-may ay biglang nagsalita. “Baklang toh... Tunay mong ina iyong tao. Dugo at laman niya ang nananalaytay d’yan sa kaugatan mo. Samantalang ako, nagkataon lang na naroon ako sa bahay na iyon kung saan ay napadaan siya, kaya ako ang napag-utusan na alagaan ka. Ginawa ko lang ang aking responsibilidad bilang isang mabuting tao at mamamayan.”

“Pero ikaw ang naghirap. Ikaw ang nagsakripisyo sa akin, ma...”

“Lahat naman ng tao ay dumaranas ng hirap at sakripsiyo sa buhay in one way or another, di ba? Kaya no big deal.”

“Lahat ng bagay na pinaghirapan at pinagsasakripisyuhan ay mahalaga, ma. Lalo na kung ang puhunan mo sa iyong pagsasakripisyo ay pagmamahal. As a rule, kung sino ang naghirap at nagsakripisyo ay siyang dapat may karapatang mag-ani sa bunga nito. Sobrang unfair para sa iyo na imbes umani sa bunga ng iyong pinaghirapan, ikaw pa itong mawawalan!”

“Anak, sa parte ni Nella, maliban sa pagmamahal, dugo’t laman ang puhunan niya sa iyo. Kung ang sa akin ay sakripisyo, ang sa kanya ay buhay – buhay niya at buhay mo na kanyang itinaya... Kung hindi niya ginawa ang pag-iwan sa iyo sa akin, malamang ay matagal na kayong nakalibing.”

Natameme ako sa kanyang sinabi. Bull’s eye nga naman. Napakalalim ng mga salitang kanyang binitiwan.

“Sa argumento ng karapatan para sa kanyang anak, wala nang tatalo pa sa lenguwahe ng pag-ibig ng isang ina. Talo ako kahit saang anggulo tingnan. Wala akong habol. Isa lamang akong impostor. Kaya masaya na ako na naging kasangkapan niya upang marating mo ang ganito. Sa ganoong paraan, kahit panandalian lang, kahit hindi ko kayang magkaroon ng sariling akin sa buhay na ito, naramdaman at naranasan ko pa rin ang magkaroon at kung paano mahalin ng isang anak. Naranasan kong maging inspired, magpakatatag, mangarap na isang araw ay marating mo ang iyong mga adhikain. Sapat na para sa akin iyan...” Nahinto siya sandali, “Atsaka, wala namang mangyaring masama sa akin kung pupunta ka sa tunay mong inay, di ba? At alam ko naman, dadalawin mo ako.”

Napaiyak na lang ako sa kanyang sinabi. “Hindi ganyan ang gusto ko, ma. Mas gusto ko pa na siya na lang ang dadalawin ko. Ayokong iwanan ka. Walang iwanan. Ipaglaban mo ako, ma...”

“Kahit gustuhin ko man, July, wala akong magagawa. Wala ako sa poder. Siya ang tunay mong inay. Lahat ng karapatan ay nasa kanya. At gusto ko, sa kanya ka sumama.”

Doon na ako napaiyak. “Ma!!! Ayoko!”

“Iyan ang desisyon ko anak. Gawin nating simple ang lahat.”

“Hindi ma! Hindi simple ang lahat! Bakit ikaw ang magdusa sa kanyang ginawa?”

“Wala siyang choice kundi gawin iyong pag-iwan niya sa iyo sa akin, anak. Best option iyon para mabuhay ka. Hindi mo siya dapat sisihin.”

“Basta ma... hindi ako sasama sa kanya kung hilingin niya ito. Ayokong iwan ka!”

Iyon ang takbo ng aming pagtatalo. Sa gabing iyon ay doon ako natulog sa flat ng aking inay. Gusto kong ipadama sakanya na hindi ko siya iiwan.

Subalit hindi ako makatulog sa kaiisip sa mga pangyayari sa araw na iyon. Kaya tinungo ko ang terrace at doon ay nakaupo lamang ako, malungkot na nakatingin sa kawalan.

Habang nasa ganoon ako kalalim na pagmumunimuni, naramdamn ko na lang na tinapik ng inay ang aking balikat. “Ang lalim naman ng iniisip mo, anak. Maaari mo bang ibahagi sa akin?”

“Naisip ko lang inay na sana ay hindi na lang siya sumipot. Masaya na tayo, eh. Kumpleto na. Wala na sana akong mahihiling pa. Bakit naman binigyan pa niya ako ng labis?”

“Huwag mo nang gawing kumplikado ang mga bagay, anak. Sa sinabi ko na, siya ang may karapatan sa iyo, dapat ay sa kanya ka sumama...”

--------------

Mas maaga kaming dumating sa restaurant na binanggit ng aking biological na ina kung saan kami magtagpo. Sinalubong kami ng waiter at inihatid sa mesang nakareserba para sa amin. Habang hinihintay namin siya, tumungo si Jerome sa CR ng restaurant. Maya-maya lang ay nagulat ako dahil magkasama na sila ng biological kong inay at tila seryoso silang nag-uusap habang naglalakad patungo sa amin.

“Magkakilala ba kayo?” ang tanong ko sa kanila na sabay na dumating.

Sabay nilang sinagot ang aking tanong ngunit magkaiba ang kanilang sagot. “Oo!” ang kay Jerome at “Hindi!” ang sa biological kong ina.”

Nagtaka ako sa kanilang sagot. Litong nagkatinginan naman sila sa isa’t-isa.

“Ah eh, ang ibig kong sabihin ay nagkakilala lang kami diyan sa lobby nang lumabas ako ng CR at siya naman ay naglakad. Nasagi ko kasi siya kaya nanghingi ako ng paumanhin.” Ang paliwanag ni Jerome. “Hindi ko naman akalain na s-siya ang... biological na mommy mo?” ang tanong ni Jerome na noon lang narealize na ang kasama niya pala ang biological kong inay.

Tumango lang ako. At baling ko sa aking inay, “Ma, siya si Nella, ang sinabi mo sa akin...”

“Alam ko anak. Kilala ko siya.” Tumayo naman ang inay at nilapitan ang aking biological na ina. Niyakap niya ito at nakipag beso-beso. “Ang ganda mo pa rin!”

Tumawa ang aking biological na ina. “Ikaw nga riyan ang hindi nagbago ah! Fresh na na fresh pa rin!”

Natawa na rin ang inay. “Pareho pala tayong bolera!”

Tawanan.

“Ito pala si Jerome...” ang pagpakilala ko kay Jerome sa aking biological na ina. Hindi ko na sinabi kung ano ang relasyon ni Jerome sa amin.

Iniabot ni Jerome ang kanyang kamay na tinanggap naman ng aking biological na ina.

Habang nagkamay sila, may napansin ako kay Jerome. Tila hindi siya makatingin ng diretso sa aking biological na ina. Hindi ko ito binigyan ng pansin dahil baka lang nahiya siya.

Nang naupo na kaming lahat, nagsimula nang magkuwento ang inay. Kumustahan. Kuwentuhan kung ano ang mga nangyari, lalo na sa side ng aking biological na ina dahil sa kanyang buhis-buhay na karanasan noong nagkita sila ng inay. Pinag-uusapan din nila ang aking daddy, hanggang sa pagkamatay nito.

Sa pag-uusap nila ay tila lumabas ang totoong personalidad ng aking biological na ina. May pagka seryoso, straight to the point na kabaligtaran sa aking inay na palabiro, maingay, malakas tumawa. Pero ramdam kong malakas din ang kanyang personalidad, may pagka-authoritative ang dating.

Hanggang sa ang pag-uusap ay napunta na sa akin. “Kumusta naman si July?” ang tanong ng aking biological na ina. Tinitigan niya ako, “Grabe, sanggol pa lang siya nang iniwan ko sa iyo. Pero tingnan mo! Ang laki na at ang guwapo-guwapo!

“At palaging top iyan sa kanyang klase...”

“Wow! Mana ka sa akin, anak! Noong mag-boyfriend pa kami ng daddy mo nang nag-aaral pa kami, ako ang top sa aming klase. Kaya lalong na in-love siya sa akin.” Nahinto siya nang sandali. “How is your love life, anak? Sino ang maswerteng babaeng iyan? Parang gusto ko na tuloy magkaapo ah!”

Tila natameme ang aking inay sa kanyang narinig. Binitiwan niya ang hilaw na ngiti at tiningnan kami ni Jerome. “Eh... a-ayaw kong mag-girlfriend iyan eh. Gusto kong magfocus muna sa kanyang pag-aaral.”

“Ay bakit mo naman pinagbawalan? KJ mo naman, Steff! Baka sa kapipigil mo riyan ay imbes girlfriend, boyfriend ang ipakilala niyan sa iyo!” ang sambit niya sabay tawa.

Doon na ako sumingit. Medyo napikon ng kaunti. “Ako po ang ayaw. Huwag po ninyong sabihing KJ ang aking inay dahil sobrang out-going po niyan at very open sa akin. Sinasabayan po niyan ako at minsan naman ay ako pa itong mas conservative. 18 years po na nasa piling niya ako. Walang ni sino mang tao sa mundo ang mas nakakaintindi at nakakakilala sa akin kundi siya lang.”

Pansin ko naman ang pagkabigla ng aking biological na ina. “Ah, sorry... sorry sa aking nasabi. Biro lang naman iyong sa akin, anak.” ang sagot niya.

“Huwag niyo pong gawing biro ang pag-aaruga sa akin ng aking inay.”

“Okay. Sorry, my bad. I was tactless.”

“Atsaka po... masama po ba kung balang araw ay boyfriend ang ipakikilala ko sa aking inay imbes na girlfriend?” ang diretsahan kong tanong.

Ramdam kong na-offend ko ang aking biological na inay sa tanong na iyon. “Ah, eh... labag kasi iyan sa ng Diyos, anak. Ang babae ay ginawa para lamang sa lalaki. Hindi lalaki rin ang ginawa para sa lalaki o babae sa babae. Ang pamilya ay binubuo ng ama, ina, at kanilang mga anak. Sabi nga nila, sa bible ay Adam and Eve, hindi Adam and Steve...” At baling niya sa aking inay, “Tama naman ako, ‘di ba, Steff?”

“Ah, eh... tama naman. W-walang mali sa sinabi mo,” ang sagot ng inay. At baling niya sa amin ni Jerome, “Hala kain muna tayo baka lalamig ang pagkain,” ang paglihis ng aking ina sa usapan.

Hindi na ako sumagot pa. Ayaw kong hahaba ang argumento. Ngunit nagmamaktol ang aking isip. Sa sarili ko ay lalong hindi mahuhulog ang loob ko sa kanya kung ganyan ang kanyang paniniwala.

“Magdasal muna tayo bago kumain,” ang sambit ng aking biological na ina.

Nagsimula siyang magdasal. “Amen” lang ang aming sagot at pagkatapos ay nagsimula na kaming kumain.

Tahimik.

“Uy, uy... bat sobrang namang tahimik? Nandito tayo para mag-enjoy, mag getting-to-know!” ang pagsingit ng inay.

“Tama, tama...” ang sagot ng aking biological na ina. “Maitanong ko nga pala, kamag-anak niyo ba itong si Jerome, Steff?”

“Ah, eh...” ang sambit lang ng inay sabay tingin sa akin at kay Jerome.

Tiningnan ko si Jerome. Nakayuko lang siya at walang imik.

Ako ang sumagot. “Roommates ko po itong si Jerome. Naging close po kami niyan dahil may mga issues din siya sa pamilya at naghahanap sa kanyang tunay na inay. Kami po ng aking inay ang tumulong na mahanap ang kanyang inay. Dating bad boy iyang si Jerome. Halos patapon na angb buhay. Ngunit tinulungan naming magbago. Kaya dahil d’yan ay naging malapit siya sa amin. Pangalawang nanay ang turing niya sa aking inay.”

“Ah, I see. Kaya pala tila sobrang close ninyong mag-ina sa kanya,” ang sagot niya habang tinitingnan si Jerome. At baling niya sa aking inay, “Steff... alam mo naman siguro na matagal ko nang hindi nakasama itong anak ko. Maaari bang isama ko muna siya ngayon para makabonding ko naman? Sa hotel ko na rin siya matutulog sana?”

Tiningnan ako ng aking inay. “Okay lang sa akin. Walang problema. Pero itanong natin kay July.” At baling ng inay sa akin. “Okay ba, July?”

“P-pasensya na po. Ngunit ayaw ko po. Hindi pa po ako handa. Hindi ko pa po tanggap ang mga pangyayari sa buhay ko,” ang sagot ko.

“Anak... kailan mo pa ba matanggap? Mas mabuti nga na simulan na nating maging malapit sa isa’t-isa eh.”

“Sige na July. Sabik na sabik na ang mommy mo sa iyo,” ang pagsingit naman ng inay.

“Alam mo, ilang araw na lang at babalik na ako sa Amerika dahil kailangan ako roon. Balak kong isama ka.”

“Hindi po ako maaaring sumama kasi po, kamamatay lang ng aking itay at marami pa pong gagawin dito. Isa na riyan ay ang paglipat ng aking apilyedo sa Zamora. Ang iba ay tungkol sa mga pag-aari na pag-aralan ko pa, mga negosyo niya, mga tauhan... marami pa.”

“Isang linggo ko lang naman balak na mamalagi tayo roon. Babalik uli tayo rito. Sasamahan kita, promise.”

“Basta ayoko po muna...”

Hindi na umimik ang aking biological na ina. Binitiwan niya ang isang malalim na buntong-hininga, bakas sa mukha ang pagkadismaya. Ibinaling niya ang kanyang paningin sa inay. “Tulungan mo naman ako na kumbinsihin ang anak ko, Steff, please.”

“Huwag niyo pong i-pressure ang aking inay dahil lalo po akong lalayo sa inyo. Huwag niyo po siyang pahirapan. Mahal na mahal ko po siya. Sarili ko pong desisyon ang hindi ko pagsama sa inyo,” ang sambit ko.

Walang nagawa ang biological kong ina. Ang napagkasunduan na lang namin ay ibigay ko ang contact number ko sa kanya. Sinabi kong puwede niya akong tawagan, o i-text. Maaari rin kaming magbonding ngunit dapat ay kasama ko ang inay at si Jerome.

Iyon nga ang nangyari. Sa unang limang araw ay hanggang tawag lang sa akin ang aking biological na ina. Sa umaga ay may good morning siya at reminder sa pagkain, magpakabait daw ako. Sa tanghali, reminder uli sa pagkain. Sa gabi naman ay nagtatanong kung ano ang aking ginagawa, kung kumain na na ako, at reminder na huwag magpakapuyat.

Sinasabi ko ang lahat ng ito kina Jerome at sa aking inay. Ang aking inay naman ay nagkuwento na palagi rin daw siyang tinatawagan ng aking biological na ina. Ganoon din daw – umaga, tanghali, gabi...

“Basta ma, ayaw na ayaw kong marinig na pinipressure ka niya tungkol sa akin. Kapag ganyan siya ay tuluyan ko siyang itakwil,” ang banta ko.

Wala naman akong napansin na ipinagbago ng aking inay. Masaya pa rin siyang kausap sa telepono, naroon pa rin ang kanyang pagbibiro bagamat ramdam kong may lungkot siyang itinatago ngunit naintindihan ko ito. Alam kong mawawala rin iyon kapag nakita niyang hindi ko siya iiwan dahil mahal na mahal ko siya, dahil ayaw kong masaktan siya. Nasasaktan din ako kapag nakikita kong umiiyak siya.

----------

Isang araw, habang naghihintay ako kay Jerome sa tabi ng kalsada, biglang sumulpot ang isang puting van at mabilis na nagsibabaan ang may apat katao at tinumbok ang aking kinatatayuan. Dali-dali nilang hinawakan ang aking mga kamay at pinagtutulungan nila akong hilahin patungo sa loob.

Sa pagkagulat ko ay halos hindi ako makapalag. Ngunit pinilit ko pa ring magpumiglas habang nagsisigaw. “Saklolo! Saklolo!!!”

Nanlaban ako. Ngunit dahil mas malakas sila, naipasok din nila ako. Nilalagyan ng piring ang aking mga mata. “Bakit ninyo ako kinidnap! Sino ang nag-utos sa inyo!” ang sigaw ko.

“Malalaman mo rin iyan pagdating natin sa lugar. Magugulat ka na lang,” ang sagot ng kanilang lider.

“Sino ngaaaa!” ang sigaw ko uli.

Ngunit iyon na ang huli kong naisigaw gawa nang nilagyan nila ng busal ang aking bibig.

Nasa puntong talian na sana nila ako nang bigla akong nanlaban at nang nakaalpas ay agad kong tinanggal ang piring ko sa mata. Simbilis ng kidlat kong tinumbok ang driver at hinablot nang malakas ang buhok niya. Buong puwersa kong hinila ang ulo niya patagilid sa tabing upuan. Hindi ko nilubayan, dahilan upang mawalan siya ng kontrol sa manibela.

Nabangga ang van na sinakyan namin sa isang malaking puno sa gilid ng highway. Sa lakas ng impact ay natumba kaming lahat sa loob. Mabuti na lang at naipit ako sa gitna ng dalawang upuan, maswerteng hindi naumpog ang aking ulo bagamat hilong hilo ako at nahirapang makatayo.

Habang disoriented pa ang mga taong dumukot sa akin at nakaratay sa sahig at ang iba ay sa mga upuan, pinilit kong buksan ang pinto ng van. Na unlock ko na ito nang mula sa labas ay may biglang bumukas rito.

Si Jerome.

Nang nakita niya ako sa may pintuan, dali-dali niya akong hinila at ang nasa labas na ay kinarga niya ako parungo sa kanyang motorsiklo.

Tuluyan kaming nakatakas. Habang umaandar ang motor, doon na ikinuwento ni Jerome na nakita na pala niya sa malayo ang paghatak sa akin ng mga kidnappers kaya hinabol niya.

“S-sino kaya ang nagtangkang magpakidnap sa akin?” ang tanong ko kay Jerome.

“Hindi kaya s-si Nella?” ang sagot ni Jerome.

“K-kaya ba niyang gawin iyon?”

“Malay mo... sa sunod na linggo ay aalis na siya. Baka naman gusto niyang makausap ka ng masinsinan o gusto niyang puwersahan ka niyang dalhin sa Amerika.”

“H-hindi kaya napagkamalan lang ako?”

“Sabagay, maaari rin. O baka iyong sinasabi nilang nangunguha ng random na tao, kasama na ang mga bata upang i-harvest ang mga laman-loob nila.”

Wala talaga kaming idea kung sino ang nagpakidnap sa akin o kung napagkamalan lang ba ako. Dahil dito ay tinawagan ko ang aking inay. Subalit hindi ko ma-contact ang kanyang number. Out of service daw ito.

Tinawagan ko ang kanilang opisina at doon na ako nagulat. Kinumpirma ng kanilang HR depratment na nagresign daw ang aking inay, nang umaga lang ng araw na iyon.

Agad naming pinuntahan ni Jerome ang kanyang flat. Naka padlock na nga ito nang nakarating kami. Nang nakita kami ng guwardiya, may ibinigay siyang sulat.

Dali-dali ko itong binasa.

“Dear anak, maaaring sa pagkabasa mo nito ay nasa malayo na ako. Pasensya na at lumayo ako nang walang paalam. Gusto kong hindi ka mahirapan sa pagdesisyon mo anak. Huwag mong pahirapan ang iyong sarili dahil nasasaktan ako. Huwag kang mag-alala sa akin anak dahil sa tanda ko ba namang ito... alam ko na ang kalakaran sa buhay. Tandaan mo palagi, mahal na mahal kita. Magkikita pa tayo kapag nalaman kong okay na kayo ni Nella. Bibisitahin kita. Mag-iingat ka palagi anak, at magpakabait. Ang iyong inay, -Steff.”

Pagkatapos na pagkatapos kong magbasa ay biglang nag-ring ang aking telepono. Dali-dali ko itong sinagot sa pag-aakalang ang inay iyon.

Ngunit hindi siya ang nasa kabilang linya. “BAKIT MO AKO PINAKIDNAP! BAKIT MO PINIPRESSURE ANG INAY! BAKITTTTTTT!!! ang sigaw ko.

(Itutuloy)

PS.
Iyong puting van na kumidnap kay July, may nakasulat sa labas noon na, “Nangunguha ng readers na hindi nagbo-vote o nagko-comment.”

Charot.

7 comments:

  1. Welcome back kuya Mike
    Waiting sa susunod na kabanata

    ReplyDelete
  2. Welcome back Kuya Mike too...

    Ang tagal kong hinintay ang kabanata na eto, sobra... almost 2 months na walang updates.

    Sana po masundan agad ang chapter na eto.


    Salamat!!!����������������

    ReplyDelete
  3. Nagcomment na ako Kuya Mike, ayaw kong makuha ng puting Van hehehehe

    ReplyDelete
  4. next update na sir mike...❤️❤️❤️

    ReplyDelete
  5. kuya mike next update na po please😍😍😍

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails