Followers

Tuesday, October 28, 2014

Ang Aral Ng Gamugamo [6: Last Chapter]


By: Michael Juha
email: getmybox@hotmail.com
fb: https://www.facebook.com/mikejuha

Author's Note:

Sa mga sumubaybay sa kuwento kong ito, maraming-maraming salamat. Bagamat hindi ko kayo nasagot sa mga comments ninyo, nababasa ko ang inyong mga ito at naappreciate ko nang bongga. Ang mga kumento ninyo ay ang  nagpapataba ng puso naming mga writers, nagbibigay ng lakas at insiprasyon. Sa kumento at pagbabasa ninyo lang kami nabibigayang sigla upang magsulat pa, ipagpatuloy at galingan ang pagbibigay sa inyo ng entertainment. Parang hindi nawawalan ng saysay ang effort at hirap namin dahil sa inyong pagbabasa at lalo na sa pagkukumento. 

Pasensya na rin sa ending ng kuwento. Gayun pa man, sana ay magugustuhan ninyo dahil kung hindi, bahala kayo sa mga buhay ninyo. Joke lang.  

:-)

-Mikejuha-

********************


“B-bakit po? Ano bang sakit niya?” ang tanong ko.  

“May tumor na tumubo sa kanyang utak. Pero huwag kang mag-alala, may gamot siyang pampatunaw nito. Nagpapagaling na lang siya. Kaya siya umuwi rito upang lubos na gumaling. Walang mag-aalaga sa kanya sa Maynila eh. Gusto lang niyang magkita kayo bago ka bumalik ng seminaryo.”

Nagulat naman ako nang marinig ang salitang walang mag-aalaga. “B-bakit? Di ba m-may asawa’t anak naman siya?”

Napatitig ang Tita niya sa akin, iyong bang naguluhan sa aking sinabi. “Ah, basta magkita kayo at kayo na ang mag-usap.” Ang nasabi na lang niya. Marahil ay nakuha niyang may alam ako na taliwas sa alam niya at ayaw niyang magkamali ng sasabihin sa akin.

“S-sige po. Sasama po ako.” Ang sagot ko na lang.

Sumama ako sa bahay ng Tita niya. Habang nakasakay kami sa tricycle patungo roon, hindi naman ako mapakali. Ang lakas ng kalampag ng aking dibdib. Na-excite ako na nag-worry na hindi ko alam. “Bakit kaya hindi niya kasama si Loida? Ano ang nangyari sa kanila? Ano kaya ang sakit niya?” ang mga tanong sa aking isip.

Nang makarating na kami, doon ko na nakita si Dennis. Nakaratay siya sa higaan, halatang pumayat, at maputla. Nakatitig lang ako sa kanya nang ganyan. Sobrang tuwa kong nakita siya ngunit may awa at lungkot na nasilayan ko siya sa ganoong kalagayan.

Iniabot niya ang kanyang kamay, inunat ang gitnang daliri para sa aming handshake. “Pa-hug naman d’yan! Miss na miss na kita. Talagang hinihintay kita.” ang sambit niyang nakangiti, iyong ngiting mistulang nahihirapan.

“Anong nangyari sa iyo?” ang tanong ko.

Ngunit hindi niya ako sinagot. Bagkus, “Narito pa ang aking kuwintas ‘Tol. Hindi ko siya tinatanggal sa aking leeg.” Hinawakan niya ang pendant noon at inabot sa akin.

Hinugot ko na rin ang aking kuwintas at ang pendant ay ipinagtabi sa pendant ng kanyang kuwintas.

“Waaahh!” nabuo muli siya, pagkatapos ng ilang taon.” Ang sabi niya nang nabuo ang hugis puso na mga leeg ng swan ng aming pendant.

Napangiti na rin ako. At nang tinitigan kong muli siya, naalala ko ang aking tanong. “Anong nangyari sa iyo?” habang isiniksik ko muli sa ilalim ng aking T-Shirt ang pendant ng kuwintas ko.

“Wala... nagpagaling lang ako rito. Huwag kang mag-alala, okay na ako.”

“Nasaan ba si Loida? Ang anak mong si Leah? Bakit hinayaan ka nila sa ganitong kalagayan?”

Nahinto siya sandali. Halata sa mukha ang biglang paglungkot. “Nagsinungaling sa iyo si Loida, ‘Tol... hindi totoo ang mga sinabi niya sa iyo. Ginawa niya iyon upang lumayo ka sa akin, upang kapag wala ka na ay makakalapit na siya sa akin. Akala niya ay tatanggapin ko siya kapag wala ka na.”

“Ha???” ang nasambit ko. Parang biglang may sumapak sa aking ulo sa aking narinig. “Hindi ikaw ang tunay na ama ng bata? B-bakit may dala-dala siyang resulta ng DNA test?”

“Gawa-gawa lang niya ang lahat. Fabricated. Walang ganoon. Ganyan ka manipulative si Loida. Gagawin ang lahat upang makuha ang gusto niya. Kinokonsyiensya ka lang niya. Noong araw na umalis ka, hinanap ko siya  kaagad at pinagalitan, halos patayin ko na lang sa sobrang galit ko. Sinabi ko sa kanya na kahit anong gagawin niya, hinding-hindi na ako makikipagbalikan pa sa kanya. Iyong ama ni Leah naman, hiniwalayan din siya dahil sa sama ng ugali niya. Kaya gusto niyang makipagbalikan sa akin.”

Doon ko na siya niyakap. Napahagulgol ako, naawa, nanghinayang. “I’m sorry ‘Tol, hindi ko alam... Nagkamali ako. Ang buong akala ko ay mabait na babae si Loida. I’m sorry!”

“Ok lang... at least, matutupad na ang pangarap mong magpari. Abot-kamay mo na lang ito. M-masaya ako para sa iyo. Nagkamali ka man, ngunit maganda naman ang kinahahantungan. Minsan man tayong nalubog sa lusak ng pagkakamali, may mga aral naman tayong natututunan. Masakit, ngunit sabi mo nga, minsan ay kailangan din nating magsakripisyo at magparaya, kasama na ang pag-ibig, kung ito ay para sa ikabubuti at ikaliligaya ng nakararami.”

“G-gusto mo, i-postpone ko ang aking ordination, para alagaan na lang kita rito?”

“No, huwag mong gawin iyan. Gusto kong tumuloy ka... Kung ang dahilan ng pagpari mo ay ang pagtupad sa inyong tradisyon, ngayon idagdag mo ako bilang pangalawang dahilan upang ituloy mo ang pagiging pari.”

Napatitig na lang ako sa kanya. Parang hindi ako makapaniwala sa aking narinig. Kung noon ay hinikayat niya akong huwag nang tumuloy, sa pagkakataong iyon ay nagbago na ang kanyang isip.

Dahil sa isang araw pa naman ang aking pag-alis, nagpaalam ako sa aking inay na sa bahay ng Tita ni Dennis muna ako titira. Noong una ay nag-aalangan siya dahil baka raw matulad ng dati, na nagbago ang aking isip. Alam kasi nilang si Dennis ang dahilan kung bakit ako nahinto noon. Ibinunyag ng Tita kong madre sa kanila, pati na ang sulat. Ngunit ipinangako ko na hindi na mangyayari iyon. Kaya pinayagan nila ako.

Sa isang araw at gabi na magkasama kami ni Dennis ay muling nadama ko ang sigla. Masaya ako sa piling niya bagamat may lungkot din dahil oras na lang ang bibilangin at iiwanan ko rin siya.

“Di bale, Tol... kapag pari na ako, maaari mo na akong dalawin palagi sa simbahan o sa parish kung saan ako maa-assign. Palagi pa rin tayong mamamasyal at magba-bonding.” Ang sambit ko nang nahigang nagtabi kami sa ibabaw ng kanyang kama. Tinabihan ko talaga siya kahit nilagyan pa ng isang kama ng kanyang Tita ang kuwarto niya.

“Tama ka. Mas madali na lang sa atin ang magkita kapag ganap ka nang pari. Kaya wala nang hadlang kung gusto nating mamasyal, magbonding, kagaya ng dati.” Ang sagot niya. Nahinto siya sandali. “K-kaso, pari ka. Bawal sa atin...” hindi na niya itinuloy pa ang sasabihin.

Ngunit naintindihan ko ang kanyang ibig tumbukin. “Bakit, best friend naman tayo ah. Kahit ganito lang,  happy na ako. Kung gusto mo, mag-asawa ka, okay pa rin sa akin. Basta...” nahinto ako sandali. “...ako ang magkakasal sa inyo, ako ang magbinyag sa anak mo, lahat ng mga bagay na sa simbahan ginagawa, ay ako ang gagawa para sa pamilya mo. Kapag nangyari iyan, kahit hindi na tayo magtatabi, kahit walang sex, ok lang sa akin.”

Natawa siya. nilingon ako. “Weeee! Kaya mo?”

“Bakit hindi? Nasa seminaryo nga ako, malayo sa iyo, kaya ko naman...”

“E, paano kung hindi ko kaya?”

“Ah, ibang usapan na iyan.” Sabay tawa.

Tahimik.

“B-baka hindi na ako mag-aasawa pa.” ang seryoso niyang sabi.

“Bakit naman?”

“Basta...”

Natahimik ako sandali. “M-mahal mo pa ba ako?” ang tanong ko.

Tumagilid siya sa paghiga, paharap sa akin atsaka binitiwan ang isang nakakabighaning ngiti. “Hindi naman nawawala ang pagmamahal ko sa iyo, eh. Palagi kitang iniisip, ikaw lang ang nag-iisang nagmamay-ari ng aking puso. Hindi mo lang alam kung gaano ako kasabik sa iyo... kaya nga ayaw kong mag-asawa dahil gusto kong ikaw lang ang kaisa-isang taong magmamay-ari ng aking puso. Gusto kong hanggang sa kahuli-hulihan kong hininga, hanggang sa aking pagpanaw ay ikaw lamang ang tinitibok nito.” Sabay turo sa kanyang puso.

“Weee?” ang nasambit ko na lang. Pero syempre, kilig to the bones ako.

“Gusto mong patunayan?”

“Paano?”

Ilapit mo ang mukha mo sa mukha ko.”

Inilapit ko ang mukha ko sa mukha niya.

“Pumikit ka”

Ipinikit ko ang aking mga mata.

At doon, naramdaman kong dumampi ang mga labi niya sa mga labi ko. Gusto kong matawa ngunit dahil sa paglapat ng aming mga bibig, wala na akong magawa kundi namnamin ang sarap ng kanyang halik at mahigpit na yakap. At sa gabing iyon ay buong-pusong inangkin na naman namin ang isa’t-isa. Bagamat bahagyang nahirapan siyang igalaw ang kanyang katawan dahil sa kanyang karamdaman, pinilit pa rin niyang ipadama sa akin ang init ng kanyang pagmamahal.

Kinabukasan ay masayang-masaya ako. Tanggap na kasi naming pareho na tutuloy na ako sa pagkapari at kapag lubos na akong pari, patuloy pa rin kami sa ganoong setup. Syempre, libre na kaming dalawa noon. Libre na akong makakagalaw, wala nang mahigpit na rules at restrictions sa mga kilos ko, maliban na lang sa mga assignments at responsibilities ko bilang pari. At marami pa kaming plano ni Dennis.

Aaminin ko na may isang bahagi ng aking isip na nakaramdam ng guilt. Alam kong kapag pari na ako, isang pagkakasala kong magmahalan kami ni Dennis. Ngunit may isang bahagi rin ng aking isip na gustong tumutol. Sabi kasi ng isang pari na professor namin, hindi raw kasalanan ang magmahal. Maging isang kasalanan lamang ito kung dahil sa kanilang pagmamahal ay may nilabag nang batas ang dalawang taong nagmamahalan. Ano ba ang malalabag kong rules kung sakaling pari na ako? Parang wala naman. Wala naman kasing vow of chastity ang mga diocesan na pari, di katulad sa mga religious, iyong may mga congregations kung saan ay may vow silang chastity, poverty, at obedience. At sinong tao ba ang hindi rin nagkasala? Sinong pari ba ang walang kahit na katiting na pagkakamali at kasalanang nagawa sa buhay? At hindi rin naman kami talagang iyong may relasyon at magsasama sa iisang bubong. Mag best friends lang kami. Maaring may mangyari ngunit hindi iyon ang mahalaga para sa amin. Iyon ang mga bagay na pumasok sa aking isip kung sakaling matuloy ako sa pagkapari at kung ano ang role namin ni Dennis sa isa’t-isa. Iyon din ang aming pinagdiskusyunan. At nagkasundo kami na kahit anong mangyari ay kami pa rin ngunit lihim lang ang lahat, nakatago sa mag best friends na setup.

Kaya masaya ako sa kinahahantungan ng aming pagkikitang iyon. At sa oras nang aking pag-alis, hindi na ako kasing lungkot kaysa mga nauna kong pag-alis. Nagbibiruan pa kami, naghaharutan. Kahit hindi pa niya kayang tumayo, ramdam ko rin ang kanyang sigla at kasiyahan. Pakiwari ko ay nabura ang lahat nang mga pag-aagam-agam ko sa buhay. Lalo na nang sinabi niyang hindi na raw siya magmahal pa ng iba.

“Mag-ingat ka Tol... Good luck. Sa pagbalik mo ay Father JC ka na. Huwag mong kalimutan na may isang taong naghihintay sa iyo rito... at nagmamahal.”

Binitiwan ko ang isang ngiti. “Bye ‘Tol! Babalik ako, promise! At magpagaling ka kaagad ha? Gusto kong sa pagbalik ko ay magaling na magaling ka na!” ang masigla kong sagot.

Binitiwan niya ang isang matipid na ngiti.

Inihatid ako ng Tita niya sa may kalsada. Ang buong akala ko ay talagang masaya ang tagpong iyon. Wala akong kaalam-alam na mayroon pala silang itinatago na hindi ko alam. Habang naghihintay kami ng tricycle, nagulat ako sa inamin ng kanyang Tita. “JC, sasabihin ko sa iyo ang totoo, ngunit huwag kang magalit ha? At huwag na huwag mo ring sabihin kay Dennis na sinabi ko ito sa iyo.”

“A-ano po iyon Tita? O-opo, hindi ko po sasabihin.” ang sagot kong kinabahan.

“Promise?”

“Promise po.”

Mas lalo pa akong kinabahan nang halos hindi makapagsalita ang kanyang Tita at nakita kong nagingilid ang luha sa kanyang mga mata. Tila humugot ng lakas bago magsalita. “C-cancer ang sakit ni Dennis! At may taning na ang kanyang buhay. Kaya pinauwi na iyan ng duktor niya sa Maynila dahil nasa acute stage na ito, wala nang pag-asa pang magamot, at naghihintay na lamang sa kanyang huling mga oras.”

Pakiwari ko ay biglang nagdilim ang aking paligid sa narinig, nanlumo ay at halos hindi ako makahinga sa sobrang pagkabigla at lungkot. “N-nagbibiro po kayo, Tita???”

“Hindi... Ayaw niyang malaman mo ang tunay niyang kalagayan dahil ayaw niyang mag-alala ka, ayaw niyang malungkot ka, mabahala, at baka maapektuhan na naman ang pagpapari mo. Ayaw niya ng ganoon.”

Doon na ako humagulgol. Niyakap ako ng Tita niya. Bagamat ang alam lang ng Tita ni Dennis sa amin ay mag-best friends lang ngunit ramdam kong alam niya ang aming tunay na relasyon. “G-gaano po ba katagal ang ibinigay ng duktor na taning sa buhay niya?”

“Tatlong buwan... ngunit lumampas na ito. Natuwa nga ako at naabot pa rin niya ito ngayon at nagkita pa kayo. Akala ko ay bibigay na talaga siya. Ngunit matapang si Dennis. Pilit na lumalaban.”

“B-bakit hindi po ninyo ipinaalam sa akin?” ang may bahid na paninisi kong tanong.

“Hindi namin alam na narito ka na pala. Nahiya naman akong magtanong sa mga magulang mo dahil alam mo na, baka isipin nilang gusto kong mahinto ka naman sa pagpapari. At si Dennis, ayaw na ring sumulat sa iyo gawa ng nangyari sa sulat niya noon na binasa ng iyong Tita at itinago raw.”

Bigla kong naisip na tawagan ang aking inay. “Nay... bukas pa naman ang flight ko, puwede pong paki-ayos na lang ang mga gamit ko, pati na ang aking ticket?” ang pagpapaalam ko sa aking inay na ang boses ay nag-crack dahil sa pag-iiiyak.

“B-bakit anak? Anong nangyari d’yan? Umiiyak ka ba?” ang tanong ng inay nang napansin ang aking boses.

“Nay, may cancer si Dennis at may taning na ang kanyang buhay! Gusto ko pong sulitin ang oras na narito po ako sa tabi niya. Daanan ko na lang po diyan ang mga gamit ko at ticket bukas.”

Biglang bumaba ang boses ng aking inay. Tila naawa. “G-ganoon ba? O, siya anak... sige, sige. Ihahanda ko na lang ang mga gamit mo. Sabihin ko na rin sa itay mo.”

Bumalik kami sa loob ng bahay. At dahil ayaw ipasabi ng Tita ni Dennis na alam ko na ang lahat, inayos kong maigi ang aking sarili, pinahid ang mga luha upang hindi niya mahalata, at nagkunwari kong walang kaalam-alam tungkol sa tunay na kalagayan niya.  

“B-bakit ka bumalik?” ang gulat na tanong ni Dennnis nang binuksan na namin ang pinto ng kuwarto niya at nakita niya ako roon na nakatayo.

“Bukas pa naman ang flight ko at nagpaalam na lang ako kay inay na ihanda ang mga gamit ko at ticket upang dadaanan ko na lang.” ang masaya ko kunyaring sabi, nakangiti pa.

“G-ganoon ba?” ang sagot niya.

“Ayaw mo yata eh!” ang biro ko.

“Gusto ah...” ang sagot din niya.

“Pakipot ka pa!” at dali-dali akong lumapit sa kama niya at nagharutan na kami. Kiniliti ko siya nang kiniliti. Iyon, iginugol ko ang huling mga oras ko sa pag-asikaso sa kanya. Pinapaliguan ko siya, binihisan, nilinis ang kama, nagluto rin ako ng paborito niyang snack, iyong biko, naghanda ng juice, pati mga gamit niya sa kuwarto ay inayos ko, habang ang mga kantang “One Friend” at “All of Me” ang nagsilbing background music sa kanyang kuwarto.

Masakit. Sobrang sakit. Iyong feeling na gusto mong umiyak ngunit hindi mo magawa dahil ayaw mong makita niya ito at hahantong ang lahat sa drama at iyakan. Tapos naroon pa ang kanta namin na parang isang pangarap na lang talaga, “If I had only one friend left, I want it to be you...” Pero paanong mangyari na siya ang maiiwan gayung iiwanan rin niya ako?

“Hoy, ano ka ba! Para kang alila rito, ah. Sayang ang oras mo kung maglilinis ka lang diyan.” Ang sambit niya. “Para bang ang drama-drama mo! Nakakalungkot! Feeling ko tuloy mamamatay na ako eh!” ang biro niya.

“E, a-ano bang gagawin ko?” ang sagot ko.

“Magkuwentuhan tayo.” Biglang nahinto at tinitigan ako, “Yakapin mo naman ako ‘Tol...”

Niyakap ko siya. Ngunit hindi ko na rin napigilan ang aking sarili na hindi mapaluha.

“Bakit ka umiiyak d’yan? Kakagatin na kita eh!” ang biro pa rin niya nang napansin ang pagpahid ko ng aking mga luha.

“Ano ka ba? Aalis na ako bukas at nalulungkot ako na mapalayo sa iyo!” ang pag-aalibi ko pa.

“Di ba ikaw naman ang nagsabi na kapag pari ka na, puwede na kitang dalawin?”

Sa sinabi niyang iyon ay lalo pa akong napaluha. Gusto kong humagulgol ngunit pinigilan ko ang aking sarili. Nang pakiramdam ko ay hindi ko na makaya, tumayo na lang ako at tinumbok ang CR. Sa loob noon ay pinakawalan ko ang halos sasabog kong dibdib. Haghagulgol, ako bagamat pigil upang huwag niyang marinig. Iyon ang pinakamahirap. Sa kagustuhan niyang huwag akong masaktan ay nagkunyari siyang kaya pa naming gawin ang lahat ng aming mga plano. At ako naman, upang huwag siyang malungkot ay pinilit ko ang sariling magkunwaring excited sa mga plano namin, bagamat ang totoo, hindi ako sigurado kung maaabutan ko pa siyang buhay sa pagbalik ko. Para kaming mga gago. Siguro, kung ang sitwasyon na ito ay hindi lang nasa life and death, baka binatukan na namin ang aming mga sarili.

Nang natantiya kong kaya ko na uli ang aking sarili ay naghilamos ako at pinahid nang maigi ang aking mukha atsaka lumabas ako ng banyo at pilit na ngumiti. “Oo nga pala. Kung saan mang parish ako ma-assign, sasabihin ko kaagad sa iyo para kapag magaling ka na, dalawin mo na ako roon. Di ba masaya pa rin tayo?” ang sambit ko nang nakabalik na ako sa gilid ng kanyang kama.

Niyakap niya akong muli at hinagkan sa bibig. Nagpaubaya na lang ako. Nakakamangha ang tatag niya, ang ipinakita niyang tapang sa pagharap at pagtanggap sa kanyang kalagayan.

“Naalala ko ang kuwento mo tungkol sa gamugamo.” Ang sambit niya nang kumalas na siya sa aming yakapan.

“Ano naman ang tungkol doon?” ang sagot ko.

“Narealize ko na ang lahat ng tao ay may kanya-kanyang kuwentong gamugamo sa kanilang buhay.”

“Ah... Bakit mo naman nasabi iyan?”

“Ikaw, may mga sakripisyo kang ginawa upang matupad ang tradisyon ng inyong lahi at mabigyang kaligayahan ang iyong mga mahal sa buhay. Tapos, isinakripisyo mo ang pag-ibig mo sa akin noon sa pag-aakala mong mapapabuti ang buhay ni Leah. Para sa akin ay isa kang bayani...” nahinto siya sandali. “...at ako, heto, isinakripisyo ko na rin ang aking pagmamahal sa iyo dahil” nahinto muli siya, kitang-kita ko ang pangingilid ng luha sa kanyang mga mata, “mahal na mahal kita. Hindi ko alintana ang nakapapasong apoy sa pagpapakawala ko sa iyo, hindi ko alinta ang sakit ng aking damdamin, kahit ikamamatay ko ito, hindi ko alintana basta makita kitang magtagumpay, masaya na rin ako.” At tuluyan nang bumagsak ang mga luha sa kanyang mga mata.

Doon ko na naman pinakawalan ang aking paghagulgol. Sa harap niya. “Mahal na mahal din kita. ‘Tol...” ang sambit ko.

Hayun, nag-iyakan kami bagamat walang aminan na alam ko na ang lahat at siya naman ay nagkunyari pa ring malakas pa.

Sa gabing iyon ay muli naming inangkin ang bawat isa. Sa pagkakataong iyon ay buong-puso kong tinanggap at ninamnam ang init ng kanyang pagmamahal. Alam ko, iyon na ang huli naming pagtatalik.

“Magpakabait ka rito habang hindi pa ako nakabalik ha?” ang sambit ko.

Tumango siya. “Ikaw rin, magpakabait ka roon.”

Tumango rin ako.

“Hihintayin kita... dahil kapag lubusan ka nang isang pari, gusto kong mangumpisal sa iyo. Gusto kong sa iyo ko sasabihin ang lahat ng aking mga kasalanan.”

Gusto ko sanang humagulgol na naman sa pagkarinig ko sa kanyang sinabi. Ngunit pinigilan ko ang aking sarili. Paano, hindi naman ako sigurado kung maaabutan ko pa siyang buhay. Mabuti kung pagdating ko ay may ordinasyon kaagad na magaganap sa akin at makakabalik kaagad ako kinabukasan. May mga asikasuhin pa, may mga proseso. “N-naniniwala ka nang may Diyos?” ang naitanong ko na lang.

Tumango siya, binitiwan ang isang matipid na ngiti.

“Paano nangyari?”

“Wala lang. Siguro, iyong feeling lang na nasa mahirap kang kalagayan at wala ka nang magagawa pa, parang gusto mo nang sumuko at isurrender ang lahat. Parang iyong feeling na hinahabol ako at nang nasa dead end na at wala nang matatakbuhan pa, hinarap ko na lang siya at sinabing, ‘Ok, heto na ako. Wala akong laban sa iyo... bahala ka na kung ano ang gagawin mo sa akin. Wala akong choice, tatanggapin ko.”

Muli ko siyang niyakap.

Ang muling pagpapaalam ko sa kanya ang pinakamasakit na yugto ng aking buhay. Pareho pa rin kaming nagkunyari; siya na ok lang ang lahat at may babalikan pa ako, samantalang ako naman ay nagkunwaring naniniwala sa kanyang pagkukunwari. Pati ang Tita niya ay nagtago, hindi nakayanang tingnan ang tindi ng sakit ng pamamaalam namin sa isa’t-isa.

“Basta, kapag pari ka na, babalik ka kaagad ha? Hihintayin kita.” Iyon ang katagang hindi ko malilimutan sa kanya. Pakiramdam ko ay pinupunit ang aking puso habang naglakbay ang aking sinasakyang tricycle pabalik sa aming bahay. Pakiwari ko ay mugtong-mugto ang aking mga mata dahil sa matinding pag-iiyak.

Nang nakarating na ako sa aming bahay upang kunin ang aking mga gamit, niykap ako ng aking inay na nakita ang aking magang-maga na mga mata at patuloy pa rig umaagos ang mga luha. Walang sinabi ang aking inay. Alam niyang nasasaktan ako.

Nang nakuha ko na ang mga gamit ko at nakasakay na ako ng barko, hindi pa rin mahinto ang aking pag-iiyak. At lalo na dahil sa sinabi niya sa huli kong pamamamaalam, “Hihintayin kita...”

Binitiwan ko na lang ang isang malalim na buntong-hininga. “Sana...” ang bulong ko na lang sa sarili.

Patuloy ang aming pagtitext ni Dennis simula nang nasa barko ako hanggang sa nakarating ako ng seminaryo. Sumasagot din naman siya.

Sa seminaryo, nagreport kaagad ako sa aking Tita at sinabi sa kanya ang aking desisyon na handa na akong maging pari. Dali-dali nilang inayos ang lahat. Planning, preparations, documentations, venue, mga bisita, mga malalaking tao sa simbahan. Sa isang buwan daw magaganap ang aking ordinasyon. Nag-reqeust ako na sana ay agahan pa ngunit wala na raw ibang timing dahil ang mga dadalong malalaking tao sa simbahan ay busy.

Lungkot na lungkot ako dahil sa haba ng panahon na hihintayin ko at ni Dennis. Syempre, gusto kong maabutan pa siyang buhay. Araw-araw ay nagpapadala ako ng text sa kanya na sinasagot pa rin naman niya. Syempre, natutuwa pa rin ako.

Hanggang sa dumating ang araw ng aking ordinasyon. Naroon ang halos lahat ng aking mga kamag-anak, at ang aking inay at itay na sa sa panahong iyong ay nakafully-recover na at nakakalakad at nakapagsasalita nang normal. Madaling araw pa lamang ay nagtext na ako kay Dennis na oordinahan na ako. Ngunit hindi na siya nagrereply pa. Kahit bago magsimula ang ritwal ng aking ordinasyon ay nagtext akong muli sa kanya. Wala pa ring reply. Doon na ako nabahala. Habang ginawa ang seremonya sa aking ordinasyon, walang patid naman ang pagdaloy ng aking mga luha. Si Dennis lang ang laman ng aking isip. Marahil, ang akala lang ng mga taong naroon ay umiiyak ako dahil ito sa tuwa. Ngunit maliban sa aking mga magulang na naroon, ako lang ang nakakaalam sa tunay na dahilan kung bakit ako umiiyak.

Kinabukasan, dali-dali akong umuwi. Halos utusan ko na lang ang driver ng aking sinasakyang taxi na paliparin ito. Nang nakarating na ako sa bahay ng Tita ni Dennis, bumulaga sa aking mga mata ang kalagayan niya.

“Ganyan na lang siya, nakamulat ang kanyang mga mata ngunit hindi na niya kayang igalaw pa ang kanyang katawan.” Ang wika ng kanyang Tita.

“C-conscious pa ba siya?”

“Oo. Conscious pa siya. Pumipintig pa ang kanyang puso at nakakarinig pa. Naigagalaw pa niya ang kanyang bibig at mga mata” ang sagot ng Tita niya.

“Dennis, ‘Tol... narito na ako. Ang sabi mo ay hihintayin mo ako di ba? Puwes narito na ako. Lumaban ka ‘Tol...” ang nasabi ko na lang habang umaagos ang aking mga luha.

Tila sinagot naman niya ang sinabi kong iyon. Nakita kong dumaloy rin ang mga luha sa kanyang mga mata.

Dali-dali akong nagpatulong sa Tita ni Dennis na ihanda ang mga kailangan ko para mabigyan ko siya ng huling sakramento, ang annointing of the sick. Dahil alam ko na kasi ang kalagayan niya kung kaya ay nagdala ako ng mga gagamitin para sa nasabing ritwal.

“May sulat pala siya para sa iyo, JC. Isinulat niya iyan ilang araw bago siya nagkaganyan. Siguro ay naramdaman na niyang nahirapan na siyang gumalaw kung kaya ay ginawa na niya iyan.” Ang sambit ng kanyang Tita nang matapos ko na siyang bigyan sa kanyang huling ritwal. Iniabot niya sa akin ang sulat.

Agad kong binuksan ang envelope at binasa ang sulat sa harap niya.

“Dear Father JC... father na ang tawag ko sa iyo dahil sigurado, sa pagkabasa mo nito, ay pari ka na. Masaya at proud ako sa iyo. Sa wakas ay naabot mo ang isang bagay na magpapaligaya sa lahat. Sa sinabi ko na sa iyo, hinintay kita dahil gusto kong sa iyo mangumpisal. Kung hindi mo man ako maaabutan na buhay, dito na lang sa sulat ko sasabihin ang lahat. Pero gusto ko sanang maabutan mo pa ako na buhay pa, nanakakapagsalita pa. Ngunit kung ipagkait man ito, at least narito na sa sulat ang mga dapat kong sabihin sa iyo; ang mga bagay-bagay sa buhay ko. Pasensya ka na na hindi ko sinabi sa iyo ang tunay kong kalagayan. Ayaw kong malungkot ka. Ngunit dahil wala naman akong choice, heto, the moment of truth... mangumpisal ako sa iyo. Bless me father for I have sinned thee...

Aaminin ko, hindi madali ang pinagdaanan ko sa buhay. Noong panahon na pumanaw ang aking itay sa mundong ito at nangyari ang pang-aabuso sa akin ng mga tao, naitanong ko kung bakit nangyari sa akin ang lahat; kung bakit na may mga taong mas nakakalamang, may mga taong masaya sa buhay, may mga taong halos nasa kanila na ang lahat. Doon na ako na ako nagalit sa Diyos. Hindi na ako naniniwala sa kanya. Alam mo, tatlong beses na akong nagtangkang magpakamatay. Sa loob ng DSWD kung saan ay magbigti na sana ako sa loob ng CR ngunit nahuli nang may biglang pumasok at nakita ang lubid na nakatali sa bubong. Nagtangka rin akong uminum ng maraming gamot ngunit muli ay nasagip ako. At sa ikatlong pagkakataon, lumundag ako sa building ng eskuwelahan natin. Oo, tangkang suicide ang aking ginawa nang nalaglag ako noong kasisismula pa lang ng klase natin, taliwas sa sinabi kong aksidenteng nahulog ako. Ngunit muli ay nasagip ako. Hindi ko alam kung bakit hindi natutuloy ang aking mga pagpapatiwakal. Nungit nang dumating ang isang taong magmulat sa aking isip at magbigay sa akin ng saya, tila bumaligtad ang aking pananaw sa buhay. Sa kanya ko naramdaman kung paano ang ngumiti, tumawa, siya ang nagturo sa akin sa kahalagahan ng buhay. Kaya natutunan ko siyang mahalin. Kahit pinilit ko ang aking sarili na magmahal ng isang babae, siya pa rin ang aking hinahanap-hanap. Nang sinabi niya ang tungkol sa gamu-gamo, na sila ay matatapang samantalang ang mga nagpapatiwakal ay duwag, hindi na ako muling nagtangkang kitilin ang aking buhay. Siguro ay maihalintulad ko rin ang buhay ko sa isang gamugamo. Kagaya nila, parang dumaan din ako sa ‘metamorphosis’ ng buhay. Masyadong ironic nga lang kasi ngayong gusto ko nang magpakabuhay, saka naman ako nagkaroon ng cancer. Pero tanggap ko naman ang lahat. Kasi, naranasan kong magmahal, naranasan kong sumaya, naranasan kong makibaka at lumaban. At kagaya ng gamugamo, naging matapang din ako. At marahil ay sadyang pinigilan lamang akong huwag munang mamatay dahil gusto pa niyang ipadama sa akin na napakasarap palang mabuhay kapag nagmahal ka, at magpaubaya ka para sa mahal mo... at marahil ay sa ganitong paraan ako dapat na mawala sa mundong ito upang magkaroon pa ako ng pagkakataon na manghingi ng tawad sa mga nasaktan ko, pati na ang pagpapatawad sa mga taong gumawa ng karahasan at nagbigay ng sakit sa aking damdamin. Pinalaya ko na ang poot sa aking puso. Matiwasay na akong lilisan. Alam ko na ngayon ang tunay mensahe ng gamugamo. Sa buhay ko, kahit masakit ang liwanag ng katotohanan, pinilit ko pa ring hinarap ito dahil sa pag-ibig ko sa isang tao...

May isa pa akong aaminin sa iyo. Sinundan kita sa Iloilo, ilang buwan simula nang lumisan ka. Nanatili ako roon ng isang taon. Ang balak ko sana noon ay ilabas ka sa seminaryo, kunin kita, babawiin. Nang natumbok ko ang simbahan ng seminaryo ninyo kung saan ay bukas din para sa mga taong tagalabas na gustong doon magsimba, pumasok ako. Nakita kita roon. Hindi ko maisalarawan ang matinding saya at pananabik na nakita kang nakatayo sa gilid ng altar, bilang isa sa mga altar boys. Hindi maganda ang balak ko sa sandaling iyon. Patatapusin ko muna ang misa atsaka lalapitan kita at itatakbo palabas upang iuwi kita ng Maynila. Ngunit habang tinitigan kitang nakatayo roon, pansin ko ang pagkaseryoso mo. Sa suot mong puting tila habito ng isang pari, mistulang naglaho ang balak ko. bagay na bagay ka sa iyong suot, mistulang isang banal na tao na dapat nirerespeto ko. Habang nasa ganoon akong pagmamatyag sa iyo, tila may narinig naman akong akong tinig sa aking isip na nakikisuyo, ‘Hayaan mo na lang siya, hindi ka ba masaya na hayan siya, handang ialay ang sarili para sa espirituwal na kapakanan ng mga tao? Hindi ka ba natuwa na ang best friend mo ay isang alagad ng Diyos? Huwag mo na siyang harangin pa... kung mahal mo siyang talaga ay magparaya ka, ipaubaya mo na siya sa maykapal na pagsisilbihan niya.’ Doon na ako tila nalinawan. Naag-iiyak ako noon, humikbi. Nanghingi ng tawad. Nang tiningnan kitang muli, nakangiti ka na tila alam mo ang aking pagbabagong-isip. At nang ibinaling ko pa ang paningin ko sa mahal na poon sa gitna ng altar, tila nakatingin siya sa akin at nakangiti. Doon ako nakaramdam ng kakaibang saya sa aking sarili na hindi ko maipaliwanag. Kaya imbes na magpakita sa iyo, hindi ko na itinuloy pa ang aking balak. At simula noon, naniwala ako na may Diyos. Sa pananatili ko sa Iloilo, nagsisimba na lang kada araw ng Linggo. Iyon na lang ang pakunsuwelo ko sa aking sarili, na kahit papaano ay nakikita kita. Kahit may dulot itong sakit sa aking puso ngunit tanggap ko at may sayang naramdaman dahil kung tutuusin, hindi ka naman napunta sa iba kundi sa kanya. Pagkatapos ng isang taon, napagdesisyunan kong bumalik ng Maynila upang magsimula, ipagpatuloy ang buhay na wala ka... Nakahanap muli ako ng trabaho, hanggang sa heto, nalaman kong may cancer pala ako.

Ngayon na araw o oras na lang ang bibilangin sa buhay ko, dito ko na rin na-realize na baka ibinigay sa akin ng Diyos ang ganitong klaseng karamdaman upang hindi na ako masasaktan pa. Simula nang nilapastangan ako ng aking step-father, nagkagulo-gulo na ang aking buhay. Ikaw lang ang tanging nakapagbigay ng saya sa akin; ang aking tagapagligtas. Ngunit ngayong nagpapari ka, lalayo ka na uli sa akin. Siguro ay iyan ang dahilan kung bakit niya ako kukunin nang mas maaga. Dahil kung tutuldukan ng maaga ang aking buhay, hindi na ako muling masaktan pa, hindi na muling magdusa...

Tanggap ko na rin ito. At masaya ako dahil alam kong sa banda pa roon ay hindi na ako magdurusa... at hihintayin kita roon, ‘Tol. Doon ay malaya nating ipagpatuloy ang ating pagmamahalan. Alagaan mo palagi ang iyong sarili. At ang kuwintas na bigay ko sa iyo, palagi mong isuot.

Oo nga pala, sa paghatid ninyo pala sa akin sa aking huling himlayan, gusto kong ipatugtog ang mga kantang ‘One Friend’, at ‘All Of Me. Paalam sa iyo Father JC. Mahal na mahal kita...’”

Walang patid sa pagpatak ang aking mga luha. Matapos kong basahin ang kanyang sulat, umupo ako sa kanyang kama at ipinuwesto ko sa aking kandungan ang kanyang pang-itaas na katawan. Niyakap ko siya. Binulungan. “‘Tol, pinatawad ka na niya. Pinatawad ka na ng mga taong nasaktan mo. At ako, tanggap ko na ang lahat. Oo... hintayin mo ako sa kabilang buhay, ‘Tol. Doon ay magsama tayo nang walang hanggan. Mahal na mahal kita.”

Nang tiningnan ko ang kanyang mukha, nakita ko ang ngiti sa kanyang mga labi. Hinalikan ko siya. Nang matapos ko siyang halikan, doon ko na nakita ang tuluyang pagpikit niya sa kanyang mga mata.

Nakakabingi sa ingay ng pighati ang kuwartong iyon. Pati ang kanyang Tita ay nagsisigaw sa tindi ng sakit na naramdaman.

Nang mahimasmasan na, inihiga kong muli ang kanyang katawan sa kama. Tinitigan ko pa ang kanyaqng mukha. Mistulang natutulg lang siya nang mahimbing, bagamat bakat pa rin sa kanyang mga labi ang ngiti. Tinanggal ko ang aking kuwintas na may pendant na crucifix at isinukbit ko ito sa kanyang leeg, katabi ng swan na pendant ng kanyang kuwintas.

IBINUROL nang siyam na araw at gabi ang mga labi ni Dennis. Nang inilibing siya, marami ang sumama sa paghatid sa kanya sa kanyang huling hantungan. Ako ang nag-misa at ako rin ang nag-officiate sa huling panalangin bago siya tuluyang ipinasok sa kanyang nitso.

Nang nagsiuwian na ang mga tao, nagpaiwan ako sa sementeryo. Tila isa akong baliw na kinakausap siya habang pinatugtog sa aking cell phone ang aming kantang “One Friend” –


I always thought you were the best, I guess I always will
I always felt that we were blessed, and I feel that way still
Sometimes we took the hard road, but we always saw it through
If I had only one friend left, I'd want it to be you

Sometimes the world was on our side, sometimes it wasn't fair
Sometimes it gave a helping hand, sometimes we didn't care
'Cause when we were together, it made the dream come true
If I had only one friend left, I'd want it to be you...

“Hihintayin kita sa kabilang buhay, best friend. Kung sa mundong ito ay ipinagkait na magiging tayo, hihingiin ko sa panginoon na sa banda pa roon ay makamit natin ang ating minimithing walang hanggang pagmamahalan...”


Wakas.

28 comments:

  1. Waaahhh!!! Sabi na ito magiging ending ehhh...
    Parang hihintayin kita sa langit....

    Atleast kahit papano natupad nila ang pag-iibigan nila... Hintayan nga lang sila...

    JMP

    ReplyDelete
  2. Ang galing mo author. Wala akong masabi.

    ReplyDelete
  3. Awwww nakakalungkot na ending.... pero bago pa lang to... hnd nmn lahat may happy ending pero lahat ng kwento nagiiwan ng aral... marami akong natutunan sa kwento mong ito sir mike.... naway patuloy ka paring gumawa ng kwento... salamat..

    #cgo

    ReplyDelete
  4. kalungkot naman ng ending, how I wish sana kahit natuloy sa pagpari si JC sana buhay pa si Dennis :(

    ReplyDelete
  5. Grabe walang tigil ang luha ko pag agos, grabe ang sakit sa pakiramfam, damang dama ko ung sakit huhuhu


    Boholano blogger

    ReplyDelete
  6. So tragic........This story kills me.........Thanks for the story...Mr Author, magaling kang magpa iyak...I admire your genius.

    ReplyDelete
  7. .....Kuya mike....napaka ganda nang takbo nag story...nadala ako...buhay na buhay ang mga karakter,,......naniniwala ako samg binitiwan mga kataga sa akdo mo...hind man manyari sa lupa ngnit sa kabilang buhay ay posible at walang limitasyon....devon

    ReplyDelete
  8. Grabe sabi na nga eto ending haha. Anyway, ngayon lang ako magthathank you sa isa sa mga nagmulat sa akin na may magaganda at may kalidad na storya ang ganitong genre. Everytime nagababasa ako ng mga stories mo naiisip ko mga fields at bukirin, parang natrtransport ako sa ibang dimension sa past. haha Sa story na nakikita ko yung bridge from past at present. Basta iba yung feeling, nostalgic at riveting. Parang laging may undertone ng melancholy. Of course, naiyak ako sa story. I have to say you're truly among the best. :-D Marvs

    ReplyDelete
  9. so sad but true...naiyak ako dun :(
    salamat sa npaka gandang obra npaka makakatotohanan may aral nakaka pulutan...sna maraming author na ma inspired syo sa mga gantong uri ng kwento

    salamat ng marami...

    ReplyDelete
  10. Grabe sobrang sakit ng ending na to pero isa sa pinaka maganda story nanabasa ko dito iyak ako ng iyak. Ang sakit sa puso. Ang galing mo mr. Author. Walang katulad!!

    -44

    ReplyDelete
  11. maraming salamat sa napakagandang kwento ng buhay na puno ng aral. sobrang lungkot ng ending pero may aral na iniwan sa lahat ng nakabasa nito..

    sa araw na pag post nyo po sobra akong natuwa dahil nasundan ko ang
    takbo ng kwento na sobrang naka relate ako.

    salamat salamat..... sana malapit na ang kasunod na kwento.... hehehe

    joe.....

    ReplyDelete
  12. one of the bezt sad story n nabasa ko ! wala p ring kupaz si author! sana gawa ka pa po ulit ng another ztory... ung nakakainspired .. tulad nito pero hindi ung endinv ah! haha .. di ko kazi kaya ang mga ganito . mahina kasi ito eh.. ung heart ko hehe... #KaGeorge

    ReplyDelete
  13. Ako man mas gugustuhin kong mawala na ako kesa magdusa sa pangungulila na kailanman ay hndi na xa magiging akin. Mas gugustuhin kong bawiin ang aking buhay ng Lumikha sa akin kesa bawiin ko ang sarili kong buhay. Eternal damnation pa ang patutunguhan ko.

    ReplyDelete
  14. Maraming salamat Mike.....basta maraming thank you! Hindi ko lang mapigilan ang emotion ko ngayon kasi this happened to me 2 years ago...hindi pa rin ako nakapag move on ang hiraphirap kasi...talagang naging bitter ako at andami kong tanong kung BAKIT nangyari ang mga bagay-bagay at sa dinamidaming tao sa mundo ang BESTFRIEND ko pa ang nawala na tanggap ako kung anuman ako. He was straight and I am bisexual. Sya lang ang nakakaintindi sa akin. But when I found out that he was fighting his cancer. He never told me about his cancer. He left me without a word. After a year, he was lying on his bed. Nakita ko rin sya kung pa'no binawian ng buhay. Kaya until now I felt betrayed. Gusto kong sisihin SIYA. Kahit sa trabaho ko sobrang strict at hindi na ako masyadong narereach out ng mga subordinates ko.

    When I read this story, I just realized...
    I am still hoping that one day, I will accept the reality...
    And that song, that was our favorite...

    -zed-

    ReplyDelete
  15. Lahat na lang ata ng story mo sir Michael may tumor iba nman dyan Heart Attack or d kayay dengue H

    ReplyDelete
  16. Idol kong si Sir at Ang Aral ng isang Gaamugamo ang dalawang magagandang story mo si Michael :)
    ayaw ko nang basahin yung Idol kong Si Sir baka maiyak nman ako ng isang balde :(


    Gawa ka pa ng maraming maraming maraming Sir Michael Juha


    sana sa ibang upcoming story mo sir may happy ending para bang may FOREVER :)

    ReplyDelete
  17. Waaaaa.sir mike.pinaiyak mo ako ever..buti nlng dito ako sa work.kaya pigil pa ako sa pag iyak..

    Galing galing..Godbless.

    Naku wag nman sana angkinin ng iba ito.

    Eddie Boy.

    ReplyDelete
  18. Ang sakit nman! Walang tigil ang sking pag iyak habang binabasa ko tong last chapter. Isa namang napakagandang story mo mr Mike. Thank you.
    Ben

    ReplyDelete
  19. sana sa susunod na story ung ebola virus naman yung sakit o kaya SARS.. haha.. XD DABEST parin si IDOL ! :)))) sana makagawa ka naman po ng story na about sa zombies pero M2M romance syiempre! :)) hehe para maiba naman! :D

    ReplyDelete
  20. Salamat sir Mike sa napakagandng kwento....Punong puno na nman s mga aral sa buhay....God bless and more power....-redd-

    ReplyDelete
  21. Sobrang nakakainis! Ayaw tumigil ng luha ko habang binabasa ko to. Ramdam na ramdam ko talaga yung emosyon. Di ako iyaking tao pero nakuha mo akong mapaiyak. Ang galing!

    -hardname-

    ReplyDelete
  22. grabe ka sir mike.. mugto yong mata ko. ang daming kang aral na mapupulot sa kwento na to.. sobrang ganda. thax. sir mike...

    ReplyDelete
  23. Ba't ganun kahit nalang sa kwento wala paring happy ending sa mga ganitong tema ng pag-ibig??? Pero ganun pa man saludo ako sa galing mo Mr. Michael Juha (author). Hindi ako basta2 nakaka appreciate ng story dahil sa mataas ang standard ko pero hats off sayo parekoy. Know what I like about it? Because it is inspiring, tagos sa puso ang kwento, relatable kasi sa reality nangyayari talaga ang karamihan sa scenarios ng kwento. The ending part was too predictable and it was tragical and I just learned from the comments that you're fan dying ailment thing in your stories. It's quite weird and morbid but I must admit you did a very good job in the last chapter those emotions that pull out from the characters that was felt by your readers was just overwhelming though my heart melt but I DID NOT CRY! Di kasi ako basta2 umiiyak. But then to sum it all kudos to you and may have more stories to write and inspire others.

    -Twisted

    ReplyDelete
  24. Please forgive me because I will speak in French.

    PUTANG INA!!!!

    ANG GALING NITO!!!!

    The elements of the perfect tragedy (Well, except one: tragedy is supposed to involve characters who are members of the nobility, if not royalty).

    Fascinating!!!

    To be confronted with forces or matters we have no power over or of matters forced on us that we have little or no choice at all; To be at the mercy of how TIME makes all of us so powerless, and proving once and for all that Time is not only the only constant in the universe but also the most powerful that exists in the universe next to God; and to remember and be reminded that DEATH is the only thing we cannot escape because it is the other side of the coin of LIFE.

    REMARKABLE!!!!

    OF BEWILDERING PROPORTION!!!!

    Ang sarap-sarap nito himay-himayin sa isang Lit class!!!!

    RELIGION!!!! FAMILY!!!! DUTY!!!! SOCIETY!!!!

    The Fuck!!!!

    This is sooooo Greek Tragedy!!!!

    And I just finished reading the book Idol Ko Si Sir. And James died too. Hahahaha.

    And I once said to Andrei, the one who wrote Break Shot, that in the beat tragedies, someone dies.

    OUTSTANDING!!!!

    ReplyDelete
  25. Just finished reading this Sir Mike and I so Loved it :-) ,thank you so much

    ReplyDelete
  26. Grabe sir Mike di ko kinaya ung ending, simula sa sulat ni Denis di ko na mapigilang umiyak. Napakagaling mo talaga sir Mike. Thanks sa mga aral at napakagandang storya.

    ReplyDelete
  27. nakaka iyak, nakaka relate ako kasi nag mahal ako ng isang seminarista , in 1 year ordination n nya. mahal namin ang isat isa, pero gsto ko maging priest sya, halong lungkot at saya ang nararamdaman ko habang papa lapit n yong n yon. Bro gsto ko lang malaman mo n mahal kita, salamat din at mahal mo din ako. Love u bro, i mis u.

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails