Ang Lihim ng Ibong Tagak
By:
Michael Juha
(A story inspired by the
true-to-life love story of two migratory birds, Malena and Klepetan)
SUMMARY:
Hindi malilimutan ni
Hector ang araw kung saan ay dala-dala niya ang alagang tagak sa may dalisdis.
Sa araw na iyon ay nasaksihan niya ang isang trahedya na naging sanhi ng
pagkamatay ng kanyang mga magulang at tuluyang nagpabago sa takbo ng kanyang
buhay. Dahil sa pag-uusig ng kanyang budhi na hindi niya napigilan ang karumaldumal na pangyayaring iyon, pinilit niyang limutin ito.
Kaya isinulat niya ang mga detalye ng trahedya sa isang maliit na papel gamit
ang invisible na tinta. Ibinalot niya ang papel sa maliit na plastik at itinago
ito sa pamamagitan ng pagkabit nito sa leeg ng kanyang alagang ibong tagak.
Isang araw, may
nagtangkang pumatay kay Hector. Upang makaligtas ay inihagis niya ang alagang
tagak sa mukha ng mismong taong babaril sana sa kanya. Nailigtas ng tagak ang
kanyang buhay ngunit sa kasamaang palad ay nawala naman ito sa kanya.
Dahil sa matinding
takot para sa kanyang buhay, lumayo si Hector, namuhay bilang ibang tao, itinago
ang tunay niyang pagkakakilanlan.
Fast-forward ng isang
taon. Nakahuli ng ibong tagak ang bitag ni Hector. Nang sinuri niya ito, hindi
siya makapaniwalang iyon din ang ibong kanyang minahal at inalagaan.
Naroon pa rin kaya sa
leeg ng ibon ang kuwintas? Ano ang nakasulat sa kwintas? Ano ang lihim na
itinatago ng ibong Tagak?
-----
MAIN STORY:
“Kayo ba ang nakatira
sa dampa na ito?” ang tanong ni Abel. Nabalitaan kasi niya mula sa kanyang
katiwala na may nakabitag ng ibong tagak sa palayan niya kaya sinadya niya ang
dampa ni Hector.
“O-opo...” ang sagot
ni Hector..
“Ilegal itong
ginagawa ninyo. Hindi ninyo pag-aari ang lupang kinatitirikan nito.”
Biglang kinabahan si
Hector sa kanyang narinig. Hindi niya kasi alam kung sino ang may-ari ng
lupa.
“Narinig kong
nakahuli ka raw ng ibong tagak?”
“O-opo.”
“Nasaan ang ibon?”
“N-nasa akin po.”
“Gusto kong kunin
iyan upang maipasuri at mapakawalan...”
“P-pero Sir...”
“Kung ayaw mong
ibigay, irereport kita sa awtoridad. Magkaroon ka ng penalty at baka makulong
ka pa.”
Sa takot ay tumalima
si Hector. Sa isip niya ay wala siyang magawa kung iyan ang batas. Isa pa, ayaw
niyang lumaki ang issue at mapansin siya ng mga taong pinagtataguan niya.
Walang imik na kinuha
niya ang ibon mula sa kulungan nito. Iniabot niya ito kay Abel. “Sir... sana po
ay ibigay niyo na lang po siya sa akin... Ako na lang po ang mag-alaga sa
kanya. Aalagaan ko po siyang mabuti. Mahalaga po ang ibon na iyan sa akin,” ang
muling pagmamakaawa ni Hector.
Ngunit hindi siya
pinakinggan ni Abel. Inusisa ni Abel ang ibon. Napansin niyang nakalaylay ang
kanang pakpak nito. May nakita rin siyang mga natutuyong dugo. “Kung mahalaga
itong ibon sa iyo, mas mahalagang dalhin ko siya sa beterinaryo. Mamamatay ito
kapag hindi magamot,” ang paliwanag ni Abel.
Hindi na nakaimik pa
si Hector. Matindi ang nadarama niyang lungkot habang pinagmasdan ang pag-alis
ni Abel na bitbit ang ibon.
-----
“Ikaw ba iyong guest
na nagnakaw sa ibon na nabitag ng aking kapatid?” ang galit na tanong ni
Victoria na naghintay kay Abel sa harap ng rest house. Kararating lang ni Abel
noon galing ng veterinary clinic. Si Victoria ay kapatid ni Hector.
“Correction sa
salitang ‘nakaw’. ‘Iniligtas’ ang tama. At kayo pala itong nambitag ng ibon?
Alam mo bang napinsala at pinutol ang isang pakpak nito? Habambuhay na itong
magiging baldado. Ang ibon na iyon ay dayo. Paano pa ito makakabalik sa lugar
na kanyang pinanggalingan? At isa pa, bawal ang panghuhuli ng tagak? Isa itong
protected species. Alam mo ba ito?” ang sagot ni Abel.
“Pakialam ko ba kung
protected species iyan. Bakit? Kami ba ay hindi protected species?” ang
sarkastikong sagot niya. “Kapag hindi ko kakatayin iyang protected species mo
ay Kami ang mamamatay sa gutom!” ang pabalang na sagot ni Victoria. Ang totoo
ay alibi lang iyon ni Victoria. Dahil hindi umubra ang ‘alagaan ang ibon’ na
rason ng kanyang kapatid. Takutan ang gamit niyang dahilan sa pagkumbinsi kay
Abel na ibalik sa kanila ang ibon. Alam ni Victoria kung gaano kahalaga ang
ibon para sa kapatid niya. Alam din niya na may nakatagong lihim ang ibon.
Napangiti nang hilaw
si Abel. Inismiran niya si Victoria. “Kung ipapakulong ko kaya muna kayo bago
kayo mamatay sa gutom? Maraming pagkain sa kulungan.”
“Eh, kung ikaw kaya
ang kakatayin ko?” sabay hawak niya sa hawakan ng itak na nakalabitin sa gilid
ng kanyang baywang. “Kaysa naman magnakaw, di ba? Gusto mo bang magnakaw kami?
Gusto mo bang nakawan ko itong rest house? Kaninong ibon ba iyan? Dayo lang dito
iyon! Kagaya mo, dayo rin. Puwede ko kayong pagsabaying katayin!” Nahinto siya
sandali, tinitigan si Abel. “Gutom na nga iyong tao, may nalalaman ka pang
protected species? Ibalik mo ang ibon na iyon sa amin! Baldado na pala eh.
Pinaghirapan ng kapatid ko ang paghuli noon! Kung ayaw mong ibalik, bayaran mo
na lang!”
“Magkano?”
“100 Thousand.”
Nanlaki ang mga mata
ni Abel. “Ano iyan? Ginto?”
“Sabi mo protected
species iyan? E, di mahal, tanga!”
Saglit na natameme si
Abel at napatitig kay Victoria. Hindi niya alam kung matawa o mainis. “Kain ka
na nga lang muna, saka ko na ibigay ang bayad...” ang nasambit na lang niya.
Pinagbigyan ni
Victoria ang paanyaya ni Abel. Habang kumakain siya, pansin ni Abel na gutom na
gutom si Victoria. Doon na rin napansin ni Abel ang hitsura ni Victoria. Nasa 23
ang edad, may matangos na ilong, makinis ang mukha, may mga matang mistulang
nakikipag-usap. Matangkad din si Victoria, mahaba ang kanyang buhok, morena at
kahit sa bukid nakatira, makinis ang kanyang kutis. Filipinang-filipina ang
dating, maliban sa kanyang pagka-rugged at pagka-tomboyish na kilos at
pananalita.
Muling nanumbalik sa
alaala ni Abel ang kanyang kasintahan, si Katrina. Maganda si Katrina,
matalino, at anak-mayaman. Ang siste, magkaiba ang kanilang pananaw at ugali.
Maarte si Katrina, mahilig sa ingay at kining ng buhay-siyudad at gustong-gusto
ang sophisticated na buhay.
Pagkatapos kumain ni
victoria ay binigyan niya ito ng isang libong piso.
“Ano ‘to?” ang
sarkastikong tanong ni Victoria nang nakita niya ang pera. “100 thousand ang
usapan ah!”
“Take it or leave it.
Dapat nga ay ikaw itong magmulta sa paghuli mo ng protected species, eh. Dapat
nga din ay bayaran mo iyang kinain mo. Nabusog ka na nga, may isang libo ka pa.
Magpasalamat ka na lang.”
Tinitigan ni Victoria
ng matulis si Abel. “Tandaan mo, dayo ka lang dito. Kung ayaw mong isasalvage ka
namin ng kapatid ko, magbayad ka ng tama! Babalikan kita para sa balanse. Kapag
hindi ka nagbayad, susunugin ko itong rest house na tinutuluyan mo!”
Sa porma kasi ni Abel
na simple lang manamit at walang kaarte-arte sa katawan dagdagan pa sa
baby-face na mukha sa edad na beintisingko, wala talagang mag-aakalang siya ang
nagmamay-ari sa apatnapo’t-limang nakahilerang rest houses na kung saan ang isa
ay kanyang inukupahan sa bakasyon niyang iyon. Isang magaling na abugado at CEO
ng kumpanyang pag-aari ng kanilang pamilya si Abel. Bagito sa larangan ng
negosyo ngunit dahil masipag at matalino ay napalago niya ito.
Umalis si Victoria.
Ngunit bago siya tumalikod ay mabilis na binatukan muna niya si Abel sabay
takbo.
Sa pagkabigla ay wala
nang nagawa si Abel kundi ang haplusin ang ulo habang tinitingnan ang
tumatakbong papalayo na dalaga. “Tangina! Asal-babae ba iyon?” ang galit na bulong
niya sa sarili.
Agad na tinawag ni
Abel si Mang Estong.
“Ganyan si Victoria,
Sir Abel. Parang amazona. Nangongolekta at nanghahakot iyan ng mga panggatong,
nanghuhuli ng hito sa palayan, namimingwit ng isda sa ilog, umaakyat ng
niyog... Malakas ang loob ng babaeng iyan. Ang kapatid naman niyang si Hector
ay kabaliktaran. Sobrang mahiyain at halos hindi lumalabas ng bahay. Patay na ang
mga magulang nila at wala silang kamag-anak. Dahil hindi nakabayad sa renta ng
inuupahang bahay kaya dito sila tumungo,” ang paliwanag ni Mang Estong.
Tahimik lang si Abel
na nakikinig. May nabuong plano sa kanyang isip. “Papuntahin mo ang babaeng
iyon dito bukas. Huwag mong sabihing ako ang nagpapunta sa kanya.”
Dumating si Victoria
sa rest house kinabukasan at pumasok sa opisina ni Abel. Umupo siya sa isang
silya sa harap ng manager’s table.
Mayamaya ay sumulpot naman
si Abel, galing sa CR ng mismong opisina. Scripted ang eksenang iyon. Kunyari
ay nagulat si Abel sa pagkakita niya kay Victoria. “Oh? Nandito ka? Huwag mong
sabihing mag-aapply ka rin ng trabaho?” ang pang-iinis ni Abel habang tinumbok
ang isang bakanteng silyang nasa tabi ni Victoria.
“Ungas! Pinatawag ako
ng may-ari dahil gusto niyang magtrabaho ako rito. Hindi ako nag-aapply!” ang
inis na sagot ni Victoria.
“Ah, hindi mo ba
alam? Nagbago ang isip ng may-ari eh. Ako ang pinili niya imbes na ikaw. Kaya
maaari ka nang umalis.”
“Gusto mo bang
sapakin kita? Kakainis ka ah! Sobrang yabang mo! Akala ko ba ay guest ka rito?
Iyon pala ay nag-aapply ka ng trabaho? Namumulubi ka na kuya? Wala ng datung?”
ang pang-iinis din ni Victoria.
“Actually, guest
naman talaga ako. Pero nang makita ko ang isang mahirap na kahit ibong ligaw ay
handang ulamin, narealize ko na sobrang challenging pala ng kalagayan ng mga
mahihirap. Nabo-bored na kasi ako sa pagiging mayaman, eh. Kaya heto, i-try
kong magpakahirap.” Inilapit niya ang kanyang bibig sa tainga ni Victoria,
“Idol kasi kita, ‘te. Kaya full support ako sa iyo.”
Doon na umalma sa
inis si Victoria. Mabilis na piningot niya ang tainga ni Abel. “Sobrang yabang
talaga nito! Kung nasa labas lang tayo, baka nabugbog na kita, eh!”
“Arekop! Tangina!”
ang sigaw ni Abel.
Nabitiwan ni Victoria
ang tainga ni Abel nang biglang pumasok si Mang Estong na umarteng may-ari ng
rest house. Si Abel naman ay tuwang-tuwa sa nakitang nagpupuyos na mukha ni
Victoria. Ngunit hindi niya ito ipinahalata. Bigla silang nag-behave.
Umupo si Mang Estong
sa silya ng manager, paharap sa kanilang dalawa. Ngunit nang mapansin ni
Victoria na si Mang Estong pala ang kaharap nila, nagulat ito. “K-kayo po pala
ang may-ari ng rest house na ito?” ang tanong niya.
Nangingiming sumagot
si Mang Estong, tiningnan si Abel, tila nagpapatulong. “Ah...”
“Oo, siya,” ang
pagsingit din ni Abel. “Nakita mong nakaupo siya riyan sa upuan ng may-ari, ‘di
ba?”
Napalingon si
Victoria kay Abel. “Ang bastos mo. Hindi ikaw ang kinakausap ko!”
“Sobrang bait lang
niyang si Mang este, Sir Estong. Pero kung ako ang may-ari ng rest house na ito
at tinatanong pa ako ng ganyan? Masasampal ko talaga ang nagtanong. Wala kang
tiwala sa kanya ‘te?” ang patuloy na pang-iinis pa rin ni Abel.
“O
siya... huwag na kayong mag-away. Gusto ko lang ipaalam sa iyo, Victoria na kunin
sana kitang tauhan. At ang assignment mo ay ang pag-aalaga kay Damsel.”
“Iyong
ibon na uulamin mo sana, ibinigay ko sa rest house. Iyan si Damsel,” ang
pagsingit ni Abel. “Baka gawin mong barbecue ha?” dugtong niya.
Binitiwan
ni Victoria ang isang matulis na tingin kay Abel. Napikon. “Gusto mo, ikaw ang
ibabarbecue kong tukmol ka?”
Natawang
napailing na lang si Abel.
Sa madaling salita ay
naging tauhan ni Abel si Victoria, sa pamamagitan ni Mang Estong. At kasama sa
plano na silang dalawa ni Abel ang mag-alaga kay Damsel.
Ang orihinal na plano
talaga ni Victoria ay maibalik sa kanila ang ibon. Ngunit naisip din niya na
mas maigi na naroon iyon kay Mang Estong dahil mas maalagaan ito nang maayos.
Magkakapera pa siya. May inis lang siya kay Abel dahil arogante ang dating nito
sa kanya.
“Ako ang boss sa
pag-aalaga at ikaw ay mag-assist lamang sa akin. Dapat ay klaro iyan, huwag
mong kalimutan kung saan ang lugar mo,” ang paalala ni Abel.
“As if naman gusto ko
talagang mag-alaga niyan! Nandito lang ako para sa suweldo. At kung maaari ay
ilayo mo iyan sa akin. Delikado iyan kapag ganyang gutom ako at mainit ang
ulo!” ang mataray na sagot ni Victoria.
So ang arrangement sa
trabaho ay si Victoria ang tagahuli ng isda mula sa ilog o sa palayan upang
ilagay sa container o aquarium. Siya rin ang taga-linis at taga-ayos ng tulugan
at pugad ni Damsel. Lahat ng pangangailangan ni Damsel ay si Victoria ang
bahala. Si Abel naman ang tagapakain, apat na beses sa isang araw. Susubuan
niya ang ibon. Siya rin ang tagapasyal kay Damsel isa o dalawang beses sa isang
araw. Kapag nasa paligid lang ng bukid,
kinakarga ni Abel ang ibon o kaya’y pinapalakad. Kapag sa palengke naman ang
tungo nila ay pinapasakay niya ito sa sasakyan niya. Si Abel ang tagaplano. Si
Victoria ang taga-sunod sa utos.
Sa sobrang pag-aalaga
ni Abel kay Damsel ay nagkaroon ng tiwala at attachment ang ibon sa kanya. Nagkaroon
ng imprint si Abel sa kanya bilang isang magulang. Hindi takot si Damsel kay
Abel. Kapag nakita siya ng ibon ay lumalapit ito. Kahit sa labas ng bahay kapag
ilatag ni Abel si Damsel sa lupa, susunod at susunod ang alaga niya sa kanya.
Alas 6 ng gabi iyon, iginagala
ni Abel si Damsel na bumubuntot sa kanya. Subalit nang muli niyang lingunin ito,
nawala sa kanyang pangin si Damsel. Tarantang hinanap ito ni Abel. Ngunit hindi
nila mahagilap ang ibon. Kung saan-saan na lang niya hinahanap ang ibon. At
dahil gabi na at madilim kaya nila ipinagpaliban muna ang paghahanap.
Halos hindi makatulog
si Abel sa gabing iyon. Alam ni Abel na hindi mabubuhay si Damsel na mag-isa
dahil wala itong kakayahang lumipad o tumakbo nang mabilis. Sinisisi naman siya
ni Victoria.
Kinabukasan ay nakita
rin nila ang ibon. Nasa gitna ito ng palayan, nalublob sa putik at natabunan pa
ng isang patay na sanga ng kahoy. Sa pagkakita pa lang ng ibon kay Abel ay
mistulang isang bata ito na umiiyak at nagsusumbong. Nang kinarga ito ni Abel sa
kanyang bisig, inilingkos ng ibon ang kanyang mahabang leeg sa leeg ni Abel na
tila niyayakap niya ito.
Naantig ang damdamin
ni Victoria sa nasaksihan. Nai-ugnay niya ang kanyang sarili sa ibon nang naranasan
din niyang maligaw sa bukid at nahanap siya ng kanyang inay. Kagaya ni Damsel
ay ulila na rin si Victoria. Kaya hindi maiwasang manumbalik sa alaala ni
Victoria ang trahedya sa kanyang pamilya. Tila siya si Damsel na naghahanap ng
kalinga at pagmamahal. Awang-awa siya kay Damsel. Awang-awa rin siya sa kanyang
sarili.
-----
Maulan ang hapon.
Alas-5:30 iyon nang maisipan ni Abel na ikutin ang lupain na nakapaligid sa
rest house. Nang binaybay niya ang pampang ng ilog napansin niyang medyo tumaas
na ang tubig. Babalik na sana siya nang makita niya ang dampa ni Hector. Naisipan
niyang silipin ito. Tinawid niya ang tulay na kawayan.
Nagulat si Hector nang
makita si Abel sa harap ng kanyang dampa. Nagkatitigan sila. Doon napagmasdang
maigi ni Abel ang anyo ni Hector na hindi niya napansin sa una nilang
pagtatagpo. Katamtaman ang kanyang pangangatawan na may mahaba at kulot na
buhok. Kung hindi lang siya nakadamit panlalaki ay masasabing kambal sila ng
kapatid niyang si Victoria. Guwapo si Hector bagamat kulang lang sa
pag-aasikaso sa kanyang sarili.
Hiniling ni Abel kung
puwede siyang pumasok sa loob ng kubo. Pinagbigyan siya ni Hector.
“Sino ang natutulog
dito?” turo ni Abel sa tulugang kawayan.
“S-si Victoria...”
Aalis na sana si Abel
pagkatapos niyang matingnan ang loob ng dampa. Ngunit mula sa bintana ay nakita
niya na halos umapaw na ang tubig mula sa ilog. At natangay ng malakas na agos
ang tulay!
“Mahirap ang tumawid
kapag ganyan kalakas ang agos. Isa pa, madilim na. Kaya dito na lang po muna
kayo magpalipas ng gabi,” ang mungkahi ni Hector.
Wala nang nagawa si
Abel. Halos wala silang imikan habang kumakain ng hapunan na handa ni Hector. Sobrang
mahiyain si Hector. Kapag tinitingnan siya ni Abel ay yumuyuko ito. At kapag si
Abel naman ang hindi nakatingin sa kanya, palihim naman niyang tinititigan ang
binata.
“K-kumusta ang ibon?”
ang tanong ni Hector.
“Okay naman...”
“Mahal ko ang ibon na
iyon. Siya ang nagligtas ng buhay ko...” ang sambit ni Hector.
Napatitig si Abel kay
Hector. Nagtaka siya sa narinig. “P-paano nagawa ng ibon na iligtas ka?”
Yumuko lang si
Hector. “Basta...” ang pag-aalangang sagot ni Hector. “Alagaan mo siya.
Magkarugtong ang buhay namin ng ibong iyan,” dugtong niya.
“Huwag kang
mag-alala, nasa mabuting kamay siya. Kung gusto mo siyang dalawin, libre kang
pumunta ng rest house,” ang sagot ni Abel.
Bago sila natulog ay
may mga itinanong pa si Abel tungkol sa buhay-buhay nilang magkakapatid. Bagamat
matipid ang mga sagot ni Hector, napansin ni Abel na may mas malalim na dahilan
kung bakit sila napadpad ng kapatid niya sa bukid na iyon.
Magha-hating gabi at
nasa kalagitnaan ng tulog si Abel nang bigla siyang nagising sa malakas na
sigaw at iyak ni Hector. “Huwag po! Huwag po ninyo silang patayin!
Huwaaagggggg!!!” ang paulit ulit na sigaw niya.
Agad na bumalikwas si
Abel at tinumbok ang papag kung saan
nakahiga si Hector. Ginising niya ito. Bigla siyang niyakap ni Hector habang
humihikbi, pawis na pawis at nanginginig. “Huwag mo akong iwan, huwag mo akong
iwan...”
Niyakap na rin ni
Abel si Hector. Hinaplos niya ang likod nito. “Huwag kang mag-alala. Hindi kita
iiwan...”
Nanatili silang
nagyakapan hanggang sa dahan-dahang inilatag muli ni Abel si Hector sa higaan.
Tumabi siya sa kanya sa paghiga at maya-maya lang ay nakatulog silang muli.
Alas kuwatro ng
madaling araw nang muling binangungot si Hector. Ganoon pa rin ang kanyang isinisigaw.
“Huwag po! Huwag po ninyo silang patayin! Huwaaagggggg!!!”
Muling ginising ni
Abel si Hector. Nang magising ay muling niyakap niya si Abel. Humahagulgol si
Hector, matinding awa ang naramdaman ni Abel para sa kanya. Ang tanging nagawa
na lang niya ay ang yakapin si Hector at pahiran ang mga luha nito sa mukha
gamit ang kanyang palad.
Nasa ganoong
pang-aamo si Abel kay Hector nang tila pinaglaruan siya ng kanyang isip. Mukha
ni Victoria ang kanyang nakita sa niyayakap niyang si Hector. Biglang lumakas
ang kalampag ng kanyang dibdib. Pakiwari niya ay may malakas na puwersang
nag-udyok sa kanya. At namalayan na lang niya ang sarili na unti-unting
inilapat niya ang kanyang bibig sa mga labi ni Hector. Siniil niya iyon ng
halik.
Nahinto si Hector sa
pag-iyak. Bagamat nagulat, hindi niya magawang pumalag. Hinayaan niyang
paglaruan ang mga labi niya ng mga labi ni Abel. Hanggang sa sinuklian na rin
ni Hector ang mga halik ni Abel. Ibinuka niya ang kanyang bibig upang tanggapin
ang bumubundol na dila ni Abel. At sa pagsisipsip ni Abel sa dila ni Hector,
sinuklian ito ni Hector. Hindi lubos maisalarawan ni Hector ang kakaibang
kiliti at sarap na naramdaman. Hanggang humantong ang lahat sa kanilang
pagtatalik. Iyon ang parehong una nilang karanasan sa kapwa lalaki.
Alas otso ng umaga
nang muling nagising si Abel. Bumulaga sa kanyang paningin ang walang saplot na
katawan ni Hector. Halos hindi siya makapaniwala sa mabilis na pangyayari. Sa
buong buhay niya ay noon lamang niya naranasan ang ganoon. Napatitig na lang
siya sa kawalan, binalik-balikan sa kanyang isip kung paano nangyari ang lahat.
Muling sumingit sa kanyang isip ang mukha ni Victoria. Ibinaling niya ang
kanyang paningin sa himbing pa ring si Hector. Tinitigan niya ang maamo at
inosente nitong mukha. May matinding awa siyang naramdaman.
Binitiwan ni Abel ang
isang malalim na buntong-hininga. Bumalikwas siya at dinampot ang kanyang damit
na nagkalat sa sahig, Isinuot niya ang mga ito. Walang imik na lumabas siya ng
bahay.
Halos normal na muli
ang lalim ng ilog at hindi na gaanong malakas ang agos ng tubig. Habang maiging
pinag-aralan ni Abel kung saang banda niya tawirin ang ilog, nagulat na lang siya
nang may biglang humawak sa kanyang kamay.
“Mas malakas ang agos
niyan sa ilalalim at maaari kang higupin.” Si Hector. Naka-shorts lang at
walang damit pang-itaas.
“P-paano ako
makatawid? Kailangan kong makauwi. Siguradong nagugutom na si Damsel,” dugtong
niya.
Dinala ni Hector si
Abel pabalik sa dampa. Sa ilalim ay may kawayang balsa. Hinila ito ni Hector
palabas. Pagkatapos ay kinuha niya ang lubid na nakatali sa naiwang poste ng
naanod na tulay. Inihagis niya ang dulo ng lubid na may bowline knot sa
nakausling poste naman sa kabilang pampang. Nang sumabit ay hinila niya ito at
itinali nang mahigpit. Ang dulo naman ng lubid na nakatali sa balsa ay itinali
niya sa lubid na nagdugtong sa magkabilang poste ng pampang. Ibinaba niya ang
balsa sa ilog at pinalutang. Tumalon si Hector sa balsa.
“Sakay na!” ang utos
niya kay Abel habang nakatayo siya sa ibabaw nito.
Manghang-mangha si
Abel sa galing at liksi ni Hector. Napatitig siya sa binata. Hindi niya lubos
maisalarawan ang tindi ng kanyang paghanga. May kakaibang sundot ito sa kanyag
puso. At habang tinitigan niya si Hector, tila lalo pa itong gumaguwapo.
“Halika na!” ang utos
niyang muli. “Hindi ka makatawid kung tititigan mo lang ako!”
Napangiti ng hilaw si
Abel sa sinabing iyon ni Hector. Maingat na bumaba siya sa pampang. Inalalayan
siya ni Hector. Nang nakatayo na si Abel sa ibabaw ng balsa, bigla siyang nawalan
ng balanse. Napayakap siya kay Hector. Ngunit mas lalo pang gumewang-gewang ang
balsa at nalaglag silang dalawa sa ilog.
Sa bilis ng
pangyayari ay biglang nilamon si Abel sa rumaragasang kulay putik na tubig.
Mabilis ding sinisid ni Hector ang ilog. Hindi nagtagal ay nasunggaban ni
Hector ang damit ni Abel at hinila ito patungo sa kabilang baybay-ilog.
Walang malay si Abel
nang kinarga siya ni Hector sa kanyang mga bisig at inilatag sa dalampasigan. Ramdam
ni Hector ang malakas na kalampag ng kanyang dibdib. Natakot siya para kay
Abel.
Dali-daling binigyan
niya ng CPR si Abel. Nanumbalik ang malay ni Abel at ang sumalubong sa kanyang
paningin ay ang magkalapat na mga bibig nina Hector habang binibigyan siya ng
mouth-to-mouth rescucitation. Dali-dali siyang tumagilid at isinuka ang
malaputik na tubig.
Sa madaling salita ay
nailigtas ni Hector si Abel. Ibayong pasasalamat ang ibinigay ni Abel kay
Hector. Inalok pa niya si Hector na magtrabaho sa rest house. Ngunit
tinanggihan ito ni Hector. Masaya na raw siya na mananatili sa kanyang dampa.
Nang makauwi na si
Abel, dumiretso siya sa kanyang kuwarto at nagpahinga. Habang nakahiga sa kama
ay hindi mabura sa kanyang isip ang pagsagip ni Hector sa kanyang buhay. Ngunit
ang mas lalong nagpatuliro sa kanyang isip ay ang nangyari sa kanila.
“Iyang kapatid mo ba
ay talagang ganyan kamahiyain?” ang tanong ni Abel kay Victoria. Hindi na
mawaglit sa kanyng isip si Hector.
“Bakit? Interesado ka
sa kanya?”
“Ito naman... Oo.
Gusto ko siyang maging kaibigan. Balak kong irekomenda kay Mang Estong na
i-hire siya para makasama natin dito. May malaking utang na loob ako sa kanya.”
“Huwag na. Takot iyon
sa tao, lalo na sa taong may ganyang mukha na katulad ng sa iyo. Kung utang
lang, bayaran mo. Tumatanggap iyon ng cash.”
Tila walang narinig
si Abel sa pang-aasar ni Victoria. “May girlfriend na ba iyon?” ang paglihis
niya.
“Hindi ko po alam,
Sir. Mas maigi kung siya ang tanungin mo dahil hindi po ako tagapagsalita niya.
May bibig naman ata iyong tao,” ang sagot ni Victoria sabay walk out.
Isang araw ay
ipinasyal nina Abel at Victoria si Damsel sa aplaya. Hinayaan nilang maglakad
si Damsel na nakabuntot sa kanila.
“Parang mag-asawa
lang tayo no? At iyang si Damsel ay anak natin...” ang biro ni Abel. Parang mga
magulang na pato kasi sila na may isang sisiw na nakabuntot. “Halos pareho lang
sa panaginip ko. Si Damsel kasama ang isang lalaking tagak ay naglalakad sa aplaya,
nakabuntot sa kanila ang kanilang mga sisiw. Tapos nandoon din tayo, naglalakad
sa unahan nila, ngunit hawak-hawak natin ang kamay ng ating anak.”
Natawa lang si
Victoria. “Baliw! Sigurado ka bang hindi ka baog?”
Tumawa lang nang
malakas si Abel. “Iba ka rin no?”
Habang nasa ganoon
silang paglalakad at pag-ookrayan, may ligaw na aso na biglang sumugod. Nabigla
sila nang nag-iingay si Damsel at mabilis na tumakbo habang binuntutan ng aso.
Dali-daling hinabol ni Victoria ang aso. Aktong sakmalin na ng aso ang ibon
ngunit eksaktong naabutan ito ni Victoria at agad na sinipa. Ngunit hinarap ng
aso si Victoria at umatake ito sa kanya. Natumba si Victoria. Kinagat ng aso
ang kanyang kaliwang braso at pilit nitong pilasin ang laman. Ngunit naagapan
ito ni Victoria. Tinusok nito ang katawan ng aso gamit ang kanyang itak. Lugmok
ang aso at namatay.
Hangang-hanga si Abel
sa nasaksihan. Halos hindi siya makagalaw sa sobrang kaba at bilis ng mga
pangyayari.
Dinala ni abel si
Victoria sa ospital.
Sa ginawang iyon ni
Victoria ay lalong lumalim ang naramdamang paghahangad ni Abel kay Victoria.
Hindi lang dahil sa ipinamalas niyang tapang kundi sa ipinakita nitong
pagmamahal sa ibon na kahit buhay niya ay handa niyang iaalay.
“Hindi kaya ulol ang
aso na iyon at dahil kinagat ka, mauulol ka na rin?” ang biro ni Abel.
“Hindi ulol iyon.
Alam ko kung ano ang hitsura ng asong ulol!” ang sagot ni Victoria.
“Ano, anong hitsura
ng asong ulol?”
Tumabi si Victoria
kay Abel at inabot ng kanyang palad ang mukha ni Abel. “Ganyan... ganyan ang
mukha ng asong ulol!”
Biglang natawa si
Abel at akmang babatukan sana niya si Victoria ngunit simbili ng kidlat na
tumakbo ito. “Wag kang mag-alala kung ulol yong asong kumagat sa akin dahil
kung mauulol din ako, kakagatin din kita para tayong dalawa ang mauulol,”
sambit ni Victoria na di magkamayaw sa katatawa.
-----
Natapos ang dalawang
linggong bakasyon ni Abel. Nang nasa Maynila na siya ay hindi mabura-bura sa
kanyang isip ang bukid. Ngunit higit sa lahat, si Damsel, si Victoria, at si
Hector.
Dahil dito ay nabuo
sa kanyang isip ang isang malaking desisyon.
“Mr. Robert Santillan will be your new CEO. I’m sure that at the
helm, he can deliver and bring the company to great heights. Please give him
your utmost support, in the same way that you supported me,” ang pag-anounce ni
Abel sa harap ng mga shareholders ng kanilang kumpanya nang magpatawag ito ng
emergency meeting.
“Salamat sa iyong
tiwala, hijo. Makakaasa kang mamahalin at palalaguin ko ang kumpanyang itinayo
ng iyong mga magulang. Kung saan man sila naroroon ngayon ay sigurado akong
nakangiting nagmasid sila sa atin, nagpasalamat na ako ang pinagkatiwalaan mo,”
ang sambit ng kanyang ninong na matalik din na kaibigan at pinagkakatiwalaan ng
kanyang daddy at mommy noong buhay pa ang mga ito.
“Alam ko, ninong. At
salamat din na nariyan kayo palagi nagbibigay sa amin ng suporta.”
“Walang anuman, hijo.
Basta ikaw, i-enjoy mo lang ang napagdesisyunan mong gawin ngayon. Mamahalin ko
ang kumpanyang ito kagaya ng pagmamahal ko sa iyong ama at ina na matalik kong mga
kaibigan. At ikaw... kapag may problema ka, huwag mag-atubiling lapitan ako. Sa
pagkawala ng iyong mga magulang, hayaan mong ako at ang ninang mo ang pupuno sa
papel nila sa iyo.”
“Maraming salamat po,
Ninong. Napakaswerte ko na nagkaroon ang aking mga magulang ng tapat na
kaibigan.”
“All the time, hijo.”
Napadali ang
pagresign ni Abel dahil sa kanyang ninong na full support sa kanya at
sharreholder din ng kumpanyang itinayo ng kanyang ama at ina. Kaya kinabukasan
ay agad siyang bumalik sa bukid.
Unang pinuntahan ni
Abel ang pugad ni Damsel. Nang nasa tuktok na siya ng bubong ay tinawag niya
ang ibon. Tumayo si Damsel at nang makita si Abel ay nag-iingay at hindi
mapakali. Itataas nito ang kanyang ulo, ibababa. Tila nagkukuwento, halatang
sabik na makita si Abel. Nang inilingkis ni Abel ang kanyang mga bisig sa
katawan ni Damsel, doon na kumalma ang ibon. Inilingkis din ni Damsel ang
kanyang mahabang leeg sa leeg ni Abel. Iyon ang kanilang yakapan.
“Mang Estong, nasaan
po si Victoria?” ang tanong ni Abel nang nakababa na siya mula sa pugad ni
Damsel.
“Nagpaalam na maghuli
raw ng isda. Kanina pa iyon, Sir.”
Tinungo ni Abel ang ilog.
Ngunit nang nadaanan niya ang dampa ni Hector, naisipan niyang sadyain ito,
nagbakasakaling naroon din si Victoria.
Nasa pampang si
Hector sa sandaling iyon, namimingwit ng isda. Nang makita niya si Abel ay
dali-dali itong tumayo at umalis. Hinabol siya ni Abel. Nang maabutan ay
hinawakan niya ang balikat ni Hector. Subalit nadulas si Hector at napayakap
kay Abel. Pareho silang natumba at nalublob sa putikan.
Mistulang nasa
suspended animation silang dalawa sa kanilang postura. Nakatihaya si Hector
habang nakadapang nakapatong naman si Abel sa kanya. Tinitigan ni Abel si
Hector. Umiiwas naman si Hector sa titig ni Abel.
Maya-maya ay
nagpumilit si Hector na kumawala sa pagpatongni Abel sa kanya. Ngunit mas
hinigpitan pa ni Abel ang pagyakap niya kay Hector. Kaya nagpagulong-gulong
sila sa putikan hanggang sa napagod si Hector at huminto. Doon na inilapat ni
Abel ang kanyang mga labi sa bibig ni Hector.
Hindi maipaliwanag ni
Abel ang kaniyang nararamdaman kapag ganoong nakikita niya si Hector. May
nararamdaman siyang awa, at iyong tila misteryo na buabalot sa kanyang
katauhan, lalo na sa kanyang matinding pagkamahiyain, pagkamailap, pagkaaloof,
at iyong nanaginip siyang sumisigaw at umiiyak. Ramdam ni Abel na may malalim
na itinatago si Hector at kailangan niya ng taong umintindi at tutulong sa kung
ano man ang bumabagabag sa kanya.
Umiwas si Hector sa
halik ni Abel. Ngunit sa patuloy na pagpupumilit ni Abel ay tuluyang nilamon
siya sa tawag ng laman. At sa gitna ng burak kung saan sila nalublob ay naganap
ang pagpapaalpas nila sa bugso ng init ng kanilang mga katawan.
Nang mahimasmasan ay sabay
silang naligo sa ilog. Wala silang imikan. Pagkatapos ay ipinahiran ni Hector
kay Abel ang kanyang pantalon at T-shirt. Hindi na rin itinuloy ni Abel ang
paghahanap kay Victoria.
Nang bumalik si Abel
sa resthouse ay dumiretso siya sa kanyang kuwarto, sandaling nagpahinga.
Pagkatapos ay muling naligo at nagbihis.
“Hi...” ang
nangingiming sambit ni Abel habang umupo siya sa isang bangko malapit lang kay
Victoria na naglilinis ng aquarium.
Hindi sumagot si
Victoria. Sadyang hindi niya pinansin si Abel. Patuloy lang siya sa kanyang
ginagawa.
“Wala man lang
welcome hug d’yan? Hindi mo man lang ipadama sa akin na natuwa ka nandito na
ako? Kahit plastikan lang?”
“Gago! Sana nga hindi
ka na bumalik eh. Mas matiwasay ang mundo namin nang nawala ka rito,” ang sagot
ni Victoria na hindi siya nilingon.
“Nagresign na ako sa
aking trabaho at dito na manirahan...”
“So...? Magkakapera
ba ako niyan? Mababayaran mo na ba ang kulang mong 99K sa akin?”
Maiksing tawa lang
ang isinukli ni Abel kay Victoria. Pagkatapos ay biglang natahimik, naging
seryoso ang mukha. “Na-miss kita...”
Hindi umimik si
Victoria. Nagpatuloy pa rin siya sa paglilinis ng aquarium.
“M-mahal kita,
Victoria... Oo, matagal na.”
Bahagyang nahinto si
Victoria sa kanyang ginagawa. May kung anong malakas na bugso ng emosyon siyang
nadarama. Mistulang sasabog. “Seryoso ba iyan?”
“Oo naman!”
Doon na kinuha ni
Victoria ang isang tabo, nagsalok ng tubig mula sa aquarium at isinaboy ito sa
mukha ni Abel.
“Tangina! Para saan
iyon! Pwe! Nalunok ko iyong maruming tubig ah!” ang biglang pagbulyaw ni Abel
na nabigla at napatayo, hindi magkamayaw sa pagpahid sa nabasang mukha at
damit.
“Seryosohan tayo, ‘di
ba? Seryoso rin ako. Iyan ay para kay Hector. Sabi mo, mahal mo ako pero paano
naman ang kapatid ko?”
Nagulat si Abel.
“S-si Hector? B-bakit si Hector?”
“Nakita ko kayo sa
putikan. Sarap na sarap ka pa sa pagyari sa kanya. Ang lakas pa ng ungol mo,
gago!”
Napatitig na lang si
Abel kay Victoria. Naturete.
“O, ano? Hindi ka
masagot?”
“Eh... t-tinukso niya
ako eh. H-hindi ko kagustuhan ang nangyari sa amin. Atsaka lalaki ang kapatid
mo. Hindi kami talo. At ako, pangarap kong magkaroon ng pamilya, ng anak...
Hindi maibibigay iyan ng kapatid mo.”
Tumaas ang boses ni
Victoria. Nilapitan niya si Abel at dinuro sa kanyang hintuturo. “Ayaw na ayaw
kong ginaganyan ang kapatid ko! Tandaan mo iyan kung gusto mong manatili pa
kami rito! Kung ayaw mong bigyan kita ng sakit sa ulo, kung ayaw mong patayin kita,
magpakatino ka!” ang pagbabanta pa ni Victoria sabay talikod at nag-walk out,
tinungo ang bubong kung nasaan ay naroon si Damsel. Nilinis niya ang pugad ng
ibon.
Sumunod sa kanya si
Abel at tinulungan siya sa paglilinis. “I’m sorry. Pero totoo ang naramdaman ko
para sa iyo.”
“Wala akong
naramdaman para sa iyo, Abel. At si Hector, kung gusto mo siya, huwag mo siyang
saktan. Sobra-sobra ang hirap at sakit na naranasan niya sa buhay. Kung hindi
mo siya gusto, o wala kang pagmamahal sa kanya, huwag mo siyang paaasahin.
Huwag mo siyang paglaruan,” ang seryosong sambit ni Victoria.
Doon napansin ni Abel
na lumuha na pala si Victoria. Pinahid ni Victoria ang mga luha sa kanyang
pisngi at tinapos ang paglilinis sa pugad ni Damsel. Naiwan si Abel na
natulala. Gusto pa sana niyang itanong kung ano ang masakit na karanasan ni
Hector. Ngunit sinarili na lamang niya ito.
Dahil sa sinabing
iyon ni Victoria, napagdesisyunan ni Abel na kausapin nang masinsinan si
Hector. Kinagabihan ay dinalaw niya ito. “G-gusto kong sabihin sa iyo na mahal
ko ang kapatid mo at balak kong ligawan siya,” ang seryosong pagbunyag ni Abel
kay Hector.
“Ba’t mo sinabi iyan
sa akin? Wala naman tayong relasyon, ‘di ba? Wala akong karapatan...”
“A-ayaw ko lang
namagkaroon ka ng expectations. Ayaw kong umasa ka. Hindi ako puwedeng pumatol
sa isang lalaki. Pangarap ko sa buhay ang magkaroon ng, pamilya, ng mga anak...
isang normal na buhay na pinapangarp ng lahat ng mga lalaki.”
Tahimik. Pakiwari ni
Hector ay tinadtad ang kanyang puso sa pagkarinig niya sa sinabing iyon ni
Abel. Sobrang sakit na hindi niya mawari. Ngunit hindi niya ipinahalata ito. “H-hindi
naman talaga ako nag-expect. Ngunit dahil nagpaalam ka, sino ba ako upang
tumutol?”
Sa sinabing iyon ni
Hector ay naglupasay sa tuwa ang puso ni Abel. Wala nang hadlang ang pagmamahal
niya kay Victoria. “Salamat, ‘Tol! Maraming-maraming salamat! Ipangako ko sa
iyo na alagaan at mamahalin ko ang kapatid mo.”
Hindi umimik si
Hector. Pilit niyang itinago ang matinding sakit na kanyang naramdaman.
“Ikaw? Anong plano
mo?” ang pagbasag ni Abel sa katahimikan.
“M-mayroon akong
g-girlfriend, si Sally, dating Japayuki. Alam niyang may lihim akong
pagkatao ngunit tanggap niya. Tinuruan niya ako sa pakikipagrelasyon sa babae
at kung paano makikipagtalik. Nagkaanak kami. Nang malaman ito ng inay,
hinikayat niya akong pakasalan si Sally. Ngunit namatay siya bago ito
natupad...” nahinto siya sandali. “B-babalikan ko siya, at pakakasalan.”
Binitiwan ni Abel ang
isang matipid na ngiti. “Susuportahan kita sa plano mong iyan...”
Nang nakatalikod na si
Abel, doon na hinayaan ni Hector na pumatak nang pumatak ang kanyang mga luha.
Si Abel ang pinakaunang lalaking nakatalik niya. Si Abel din ang pinakaunang
taong nagpatibok ng kanyang puso.
-----
“Ang mga Tagak ay
malalaking ibon na may taas na hindi bababa sa tatlong talampakan kapag mature
at ang kanilang timbang ay nasa halos dalawang kilo. Mahahaba ang kanilang leeg
at paa at kadalasan ay purong puti ang kulay ng kanilang balahibo. Karamihan sa
kanila ay migratory o nanggagaling sa malalamig na mga bansa. Kapag tag-init ay
bumabalik sila sa lugar na kanilang pinanggalingan,” ang paliwanag ni Abel sa
mga estudyanteng high school na dumayo sa kanyang rest house. Simula kasi nang
dumating sa buhay niya si Damsel ay nagpagawa si Abel ng isang sanctuary para
sa mga alagang hayop na inabandona, inabuso, may sakit, may mga pinsala o mga
baby animals na nawalan ng mga magulang. Ngunit si Damsel pa rin ang pinamahal
niyang alaga. Ginawa niya itong mukha sa kanyang advocacy para maitaas ang kamalayan
ng kabataan sa kahalagahan ng pangangalaga sa mga hayop at kalikasan. Inilagay
niya ang kuwento ng buhay ni Damsel at iba pang mga alaga niya sa video at
libro at iponost ito sa website na dedicated para kay Damsel at sa kanyang page
at Youtube Channel. Nang nagviral ang mga ito, nagkaroon ng daan-daang libong tagasunod.
“Likas na monogamous ang mga tagak. Ibig sabihin, kapag nakahanap na sila ng
partner, panghabambuhay na ito. Kung sa tao ay mayroong ‘Til death do us part,’
ganoon din sa kanila” dugtong niya.
Habang nagi-explain
si Abel sa mga estudyanteng nagtour, nasa bubong naman ng rest house si
Victoria, kasalukuyang tinutulungan si Damsel sa paggawa ng pugad. Hinakot ni
Victoria sa ibabaw ng bubong ang isang langkay ng mga sanga ng kahoy at isa-isa
niyang iniabot ang mga ito kay Damsel upang ipuwesto ang mga ito ng ibon sa
nararapat na sulok ng kanyang pugad.
“Ito ang dahilan kung
bakit tinulungan naming gumawa si Damsel ng kanyang pugad. Sa darating na buwan
ay panahon na ng pagdayo ng mga tagak. Maghahanap sila ng pagkain dahil sa
lugar na kanilang pinaggalingan ay nagyi-yelo, mahirap maghanap ng pagkain.
Dito sila sa lugar natin mag stop-over at panadaliang titira. Panahon din ito
para sa mga ‘single’ na tagak, walang partner na maghanap ng kanilang kabiyak
at dito nila palakihin ang kanilang mga supling bago sila babalik sa kanilang
pinanggalingan kasama na ang kanilang nakakalipad na mga supling. Para naman sa
mga lalaking tagak, ang criteria ng pagpili nila ng kasintahan o asawa ay kung
maganda ang pagkagawa ng pugad ng mga ‘single’ din na mga babaeng tagak. Sa
mundo ng mga Tagak, ang responsibilidad sa paggawa ng pugad ay nasa mga babae.
At nai-in love ang mga lalaking tagak sa babaeng may magandang pugad. Kaya,
tinutulungan namin si Damsel na gumawa ng kaniyang pugad upang, hopefully, sa
season na ito ay may lalaking Tagak na ma-inlove sa kanya,” paliwanag ni Abel.
“Kayo, gusto ba ninyo na magkalovelife si Damsel?” ang tanong ni Abel sa mga
estudyante.
Isang dumadagundong
nanam na sagot ang isinigaw ng mga estudyante, “OPO! GUSTO NAMING MAGKALOVE IFE
SIYA!”
“Sino ba sa mga babae
rito ang single at naghahanap din ng lovelife kagaya ni Damsel?” ang pabirong
tanong ni Abel.
Nagtawanan ang mga
estudyante. “Ito po, Sir!” “Siya po, Sir!” Nagtuturuan.
“So kung nais din
ninyong magkaroon ng lovelife, dapat ay matuto din kayong gumawa ng pugad!”
Lalong lumakas ang
tawanan.
Tumaas ng kamay ang
isang estudyanteng babae. Tinuro siya ni Abel.
“May kapansanan po si
Damsel, may magkakagusto kaya sa kanya na lalaking ibon? Alam naman natin ang
ibang mga boys d’yan...” sabay irap sa isang grupo ng mga lalaking estudyante
na halatang may pinaparinggan, “...maarte, mapili kala mo naman.”
Nagtatawanan ang
ibang mga estudyante, ang iba ay naghiyawan, “Ayiiiiiii!!!”
Natawa na rin si
Abel. “Magandang tanong. Ngunit ako man ay hindi rin sigurado. Sana ay idaan na
lang talaga sa ganda ng pugad. Sana ay ganoon din ang tao, no? Wala na iyong
kapogian, kagandahan, kinis ng balat, tangkad. Lahat ng single na babae ay
gagawa na lang ng pugad at iyon na.”
Sumagot ang isang
estudyante. “Puwede ring ang mga lalaki ang gagawa ng pugad at kaming mga girls
ang mamimili.”
Tawanan.
“May ganyang species
din ng ibon! Mga lalaking ibon ang gumagawa ng pugad at mamimili na lang ang
mga babaeng ibon! Mayroon ding sa sayawan ipinapadaan ang kanilang courtship,”
ang sagot ni Abel.
“Ah, yan ang gusto
namin! Ipadaan na lang sa sayawan!” ang sigaw ng isang estudyante na sinundan
naman ng tawanan.
“Yes?” baling niya sa
isa pang estudyante na tumaas ng kamay.
“Bakit po Damsel ang
pangalan niya?”
“Ang ibig sabihin
kasi ng Damsel ay dalaga, dalagita, o virgin,” sagot ni Abel. Ikinuwento rin
niya ang isang pelikula na may pamagat na “Damsel-in-distress” na sa bandang
huli ay isinalba ng isang “Hero” na naging love of her life.
Masaya ang mga
estudyante sa kanilang natututunan sa mga paliwanag ni Abel.
-----
Nobyembre. Ang buwan
kung saan ay magsidatingan ang mga dayong ibon galing sa malalamig na bansa.
Dahil sumikat na ang facebook page at website ni Damsel at alam ng mga tao na
naghihintay siya sa kanyang “Hero,” excited ang lahat.
Ngunit natapos ang
Nobyembre na sa dinami-daming tagak na nagsidatingan ay walang ni isa sa kanila
ang dumapo sa pugad ni Damsel. Marami ang nalungkot.
December 10 ng hapon,
ito ang buwan at petsang hindi nila malilimutan. Hindi magkamayaw sa pagsisigaw
si Mang Estong. “May dumapong Tagak sa pugad ni Damsel! May dumapong Tagak sa
pugad ni Damsel!!!
Pakiwari ni Abel ay
iyon na ang pinakamagandang sigaw na kanyang narinig. Halos matapilok siya sa
hagdanan sa bilis ng kanyang pagtakbo palabas upang tingnan ang sinabi ni Mang
Estong. At doon niya nakita ang isang ibong katulad ni Damsel. Puting-puti ang
kanyang pakpak, matikas ang kanyang tindig... napakagandang ibon. Lahat sila ay
nabalot sa tuwa at sobrang pagkamangha.
Kapwang nag-iingay si
Damsel at ang dayong ibon. Tila gumagawa sila ng ritwal. Ramdam ng mga tao na may
gusto sa isa’t-isa ang dalawang ibon. Hindi sila mapigil sa kanilang pag-iingay.
Sa sobrang tuwa ay
hindi namalayan nina Abel at Victoria na nagyakapan na pala sila habang
tumatalon. Ngunit bigla rin silang nahinto nang natauhan sa kanilng ginagawa.
At kagaya ng dalawang taong may pride, biglang bumitiw sila sa kanilang yakapan
at kunyari ay wala lang nangyari habang nagpatuloy sila sa pagsisigaw at
pagtatalon.
“From now on, you
will be called ‘Hero’!” ang sigaw ni Abel.
Nagpalakpakan ang mga
tao.
Dahil hindi
nakakalipad si Damsel, hindi umalis si Hero sa tabi niya. Kung lilipad man si
Hero at hindi makasunod sa kanya si Damesl. Babalik siya at tila kinakausap
niya si Damsel. Hanggang sa si Hero na lang ang lumipad, iniwan si Damsel sa
kanyang pugad.
Akala nila ay hindi
na babalik si Hero. Ngunit laking gulat nla nang bumalik ito at hindi lang
iyan, sa kanyang tuka ay may dala siyang pagkain! At nang makadapo na ito sa
pugad ay ipinakain niya ang kanyang dala sa tuka ni Damsel. Pinapakain niya
ito! At iyon na ang naging routine nila.
Makalipas ang mahigit
isang linggo ay nangitlog si Damsel. Si Damsel ang naglilimlim ng itlog habang
si Hero naman ang tagahanap ng pagkain. Mistula silang taong mag-asawa na hati
sa kanilang responsibilidad. At nakikita nila kung gaano ka dedicated si Hero
kay Damsel.
Lumipas ang mahigir
30 ka araw nagkaroon sina Damsel at Hero ng limang inakay.
Sa pagkakataong iyon
ay tumulong na sina sa pagpapakain sa mga inakay. Doble kayod sina Abel at
Victoria sa panghuhuli at pamimingwit ng isda. Sinusubuan nila ang mga inakay
habang si Hero naman ay tila naka-check in na sa isang hotel. Nakikain na siya
sa mga huling isda nina Victoria at Abel na nilalagay sa aquarium. Ngunit hindi
nila ito ininda. Masaya sila sa naibigay na kaligayahan nina Hero kay Damsel.
Lumipas ang tatlong
buwan at lumaki ang mga inakay. Natuto silang lumipad. Panahon na rin iyon ng
pagbabalik ng mga dayong ibon sa kanilang pinanggalingan. Unang lumisan ang
limang mga anak nina Damsel at Hero. Dito nila napansin na tila gusto na ring
umalis ni Hero. Noong una ay lumipad ito palayo ngunit bumalik na tila gusto
niyang isama si Damsel. Halatang naguguluhan siya sa kanyang kalagayan. Gusto
niyang bumalik sa kanyang pinanggalingang lugar ngunit si Damsel nananatili pa
rin sa pugad. Paulit-ulit siyang lumipad at bumabalik sa pugad. Hanggang sa
dumapo na lang siya sa tuktok ng poste na hindi kalayuan. Pinagmasdan niya si
Damsel. Limang araw siyang ganoon. Si Damsel naman ay tumatalikod. Iyong tila ang
mensahe para kay Hero ay, “Umalis ka na, hindi ako puwedeng sumama. Okay lang
ako rito...”
Lungkot na lungkot ang
lahat ng mga taong sumubaybay sa kuwento nina Damsel at Hero at naroon upang
panoorin ang kaganapan. Kung gaano kasaya ang mga tao nang dumating si Hero ay
kabaligtaran naman sa sandaling iyon ng kanilang paglayo. “Huwag mo nang iwanan
si Damsel, Hero. Kawawa naman siya...” ang sigaw ng ibang tao.
Ngunit dahil
nakagisnan at nasa dugo na ni Hero ang pagiging migrante, tuluyang din siyang
lumisan...
Iyon ang simula nang
tila pagmumukmok ni Damsel. Wala siyang ganang tumayo o kahit sumulip man lamang
sa labas ng kanyang pugad. Hindi rin siya kumakain. Ang dating sigla niya ay
nawala at napalitan ito ng lungkot. Ramdam nina Abel at Victoria ang sakit na
naramdaman ni Damsel.
Sa kalungkutan ni Damsel
ay muling nanumbalik din sa isip ni Victoria ang pagkawala ng kanyang mga
magulang bunsod ng pagpatay sa kanila. Na-depressed siya, nawalan ng sigla at
lihim na umiiyak.
Nang mapansin ito ni
Abel ay kinausap niya si Victoria. Ibinahagi rin niya sa kanya ang pagkawala ng
kanyang sariling mga magulang bunsod ng isang malagim na aksidente.
“Halos pareho naman
tayo. Pareho ang kapalaran nating tatlo ni Damsel. Iniwanan tayo ng mga mahal
sa buhay,” ang sambit ni Abel.
Iyon ang pinakaunang
pagkakataon na nakita ni Abel ang kahinaan ni Victoria. Iyon din ang unang
pagkakataon na umamo si Victoria sa kanya. Pinahid ni Abel ang mga luha ni
Victoria sa mukha. Hinayan siya ni Victoria.
Akala ni Abel ay iyon
na ang simula sa maganda nilang samahan ni Victoria, ang pagkakataong handa na si Victoriang
ligawan. Ngunit isang araw, habang naglilinis si Victoria sa kuwarto ni Abel,
kausap ni Abel sa telepono ang kanyang pinagkakatiwalaang chief staff ng
kumpanya. Nakaspeaker phone ang kanilang pag-uusap.
“Hi Sir Abel. Second
Death Anniversarry ng Mommy at Daddy niyo po ngayon,” ang sambit sa kabilang
linya.
“Oo nga Ella. Thank you for remembering.”
“Kumusta po ang rest
house project ninyo ng iyong namayapang mommy?”
“Sobrang ganda, Ella.
Kaya nga nawili na ako rito. Nothing can beat nature talaga. So wonderful. Come
and visit here one day!”
“Wow! Thanks, so
much, Sir!”
Dito ay nagulat si
Victoria sa kanyang nalaman. Ang buong akala niya ay si Mang Estong talaga ang
tunay na may-ari ng mga rest houses sa farm na iyon. May tampo siyang nadarama
kung bakit inilihim ito ni Abel sa kanya.
“Anong preparation
ang ginawa ninyo riyan?” ang tanong ni Abel kay Ella.
“Nagpamisa ang
kumpanya sa umaga Sir. Tapos, nagpakain ng lunch.”
“Good! So hows the
business?”
“So far ay okay naman,
Sir. Pero may pulis na tumawag sa akin at may gustong iparating na balita sa
iyo...” Sinabi ni Ella ang mensahe ng pulis.
Nahinto sa kanyang
ginagawa si Victoria. Masinsinang nakinig siya sa ibinalita ni Ella. Doon na biglang
kumalampag ang kanyang dibdib. Nanumbalik sa kanyang alaala ang isang masakit
na karanasan na naging sanhi ng pagkamatay ng kanyang mga magulang. Nakaramdam
siya ng magkahalong galit at takot.
Hindi mapakali si
Abel sa kanyang narinig. Hindi niya alam ang kanyang gagawin. Maya-maya ay
binigyan niya ng tagubilin si Ella.
Dahil sa kanyang
nadiskubre ay nabuo sa isip ni Victoria ang lisanin ang rest house ni Abel.
Nag-iwan siya ng sulat-
“Dear Abel. Lilisanin
ko na ang rest house na pag-aari mo pala. Hindi mo man lang sinabi sa akin. Maraming
salamat na lang sa lahat ng kabutihan mo. Alagaan mong mabuti si Damsel. Mamiss
ko sya. –Victoria.”
Dali-daling tinungo ni
Abel ang dampa. Nadatnan niya si Hector na nagligpit din ng kanyang mga damit
at gamit.
“Saan nagpunta si
Victoria?” ang tanong ni Abel.
“Ang sabi niya ay
huwag ko raw ipaalam sa iyo... Nauna na siyang umalis. Magtagpo kami sa isang
lugar na ayaw niyang ipabanggit.”
“Hector... please.
Maawa ka sa kapatid mo. Huwag mong hayaan na mapahamak siya at kung saan-saan
magpunta. Kumbinsihin mo siyang manatili. Paano kayo mabubuhay? Please sabihin
mo sa kanya na bumalik...”
“Ipaparating ko.
Ngunit hindi ako makakasiguro,” ang sambit ni Hector na noon ay natapos na sa
pag-impake at akmang aalis na.
Hinawakan siya ni
Abel sa braso. “Ako... hindi mo ba mahal?” ang tanong niya.
Ngunit pumalag si
Hector. “Tarantado ka ba? Ang mahal mo ay si Victoria at itatanong mo sa akin
kung mahal kita? Ano iyan, insulto? Ginagago mo ba kami”
“A-ang ibig kong
sabhin, kung mahal mo ako, manatili ka rito... u-upang b-babalik si Victoria.”
“Ah, gusto mo akong
gamitin?”
“H-hindi mo ako
naintindihan eh. Pareho nating mahal si Victoria, ‘di ba? Puwes, huwag nating
hayaan na lumayo siya. Kaya dumito ka na...”
“Pasensya na po,
Sir... hindi ko magagawa ang sinabi mo.”
Iyon ang huling
pag-uusap nina Abel at Hector. At wala na siyang nagawa upang hikayatin na
manatili si Hector.
Matinding pagkalito
ang naramdaman ni Abel sa pagkawala nina Hector at Victoria. At kagaya ni
Damsel, nawasak rin ang puso ni Abel.
Sa paglipas pa ng mga
araw ay mas lalo pang nasasabik siya sa magkapatid. Hindi niya maintindihan ang
kanyang sarili. Pareho niyang kinasasabikan ang magkapatid.
-----
TAGLAMIG NA naman sa
mga bansa kung saan nanggaling si Hero. Hindi na mapakali si Abel. Ang mga tao
ay ganoon din. Excited silang naghintay at umaasa na babalikan ni Hero si
Damsel. Hindi pangkaraniwan ang kanilang sitwasyon. Maihahambing ang kanilang
kalagayan sa mag-asawang ang isa ay nagtatrabaho sa ibang bansa at taon-taon
kung umuuwi. Ngunit iba ang tao dahil kapag mag-asawa ay nakatali sila sa bisa
ng kasal, o kung hindi man sa bisa ng kanilang pagmamahalan. Isa pa, ang tao ay
may paninidigan, may pag-iisip, marunong magmahal. Ngunit iba ang ibon. Bagamat
base sa mga Ornithologists, monogamou daw ang karamihan sa mga storks at
devoted partners sila. Ngunit malaking katanungan din kung ganoon ba si Hero
kay Damsel, at dahil na rin sa kapansanan ni Damsel. Kaya ito rin ang malaking
katanungan ng mga tao. Babalikan pa kaya ni Hero si Damsel? O maghahanap uli
siya ng panibagong partner sa pagdatin niya sa lugar na iyon. May pagmamahal
kaya si Hero sa kanya?
Sa unang araw pa lang
ng Disyembre ay dumagsa na ang mga tao at turista, may mga TV networks din. Si
Abel naman ay abala sa pag-aayos sa pugad ni Damsel. Siya ang pinaka-excited sa
lahat.
Disyembre 10 at
malapit nang magtakip-silim. Malamig ang simoy ng hangin at malinaw ang
kalangitan maliban sa iilang altostratus na mga ulap na siyang nagpalihis sa
mapurol na sinag na nanggaling sa papalubog nang araw.
Napabuntong-hininga
na lang si Abel. Habang humahanga siya sa ganda ng langit, ramdam niyang
madi-disappoint sila kay Hero.
Ngunit sa hindi
inaasahan ay biglang sumulpot sa kalangitan ang isang malaki at maputing ibon.
“Si Hero! Si Hero iyan!” ang sigaw ng mga tao. Napaka-majestic tingnan habang
pinapagaspas niya ang kanyang malalapad at puting pakpak, ang mamumula-mulang
langit ay makikita sa kanyang likuran. Mistula siyang ang maalamat na ibong
caladrius ng Greek mythology.
At hindi nagkamali
ang kanilang sigaw. Mula sa matayog na paglipad, unti-unti itong bumaba
hanggang dumapo ito sa pugad ni Damdel.
Nakakabingi ang
palakpakan ng mga tao. Iyon na ang pinakamadramang tagpo ng pag-iibigan ng
dalawang ibon. At nasaksihan ito ng mga tao sa buong bansa at sa mundo na
sumusubaybay sa kanilang mga TV screens. Marami ang umiiyak at humahagulgol
dahil sa tuwa. Mrami ang nagpalakpakan. Ang tagpong iyon ay maituturing na
malaking leksyon ng pagmamahal na mapagkukunan ng aral para sa mga tao.
Sa pagkalat ng
kuwento ng pag-ibig ng dalawang ibon ay hindi rin nakaligtas sa limelight si
Abel. Ininterview siya ng mga TV networks at sa bawat intierview niya ay
isinisingit niya ang pangalan ni Victoria. Inamin din niya sa mga reporters na
nililigawan niya si Victoria ngunit iniwan siya nito. “Kung saan ka man
naroroon, sana ay bumalik ka na. Bumalik na si Hero. Ikaw na lang ang aming
hinihintay...”
Kagaya nang unang
pagdating ni Hero, muling nagkaroon sila ng mga inakay. At kagaya rin nila, hindi sila nagtagal. Muli silang lumisan at
iniwan nila si Damsel. At sa paglipas pa ng dalawang linggo, si Hero ay muling lumisan.
Muling nalungkot ang
mga tao sa nangyari. Pati si Abel ay nawasak. Ngunit ang mas higit na nasaktan
ay si Damsel. Muli siyang nanamlay, hindi kumakain, at ayaw lumabas sa kanyang
pugad.
Sa muling pagkawala
ni Hero ay muling naalala ni Abel ang hapdi ng pag-alis nina Victoria at
Hector. Kagaya ni Damsel, nagdurugo din ang kanyang puso.
-----
PARATING NA naman ang
December 10, at sa puntong ito ay mas lalo pang dumami ang mga taong nag-abang
sa pagdating ni Hero. At hindi na naman sila nabigo. Sa eksaktong Disyembre 10
ay muling lumapag si Hero sa pugad ni Damsel. Mas masaya ang mga tao, mas
maingay. Naroon pa rin ang pag-iiyakan ng mga tao, ang pagpalakpakan, ang
paghihiyawan. Tila may piyesta. May mga TV Camera, may mga reporters, may mga
nagbebenta ng souvenirs gaya ng key chain, caps, T-shirts at iba pa nina Damsel
at Heron.
Nasa gitna ng
kasiyahan ang mga tao at si Abel ay nanuod ng live streaming sa pagdating ni
Hero nang biglang may isiningit na balita, “Nakumpirmang pinatay ang mayamang
mag-asawang businessman at hindi naaksidente, salungat sa unang naibalita.” Ang
tinutukoy ng balita ay ang mga magulang ni Abel.
Biglang napabalikwas
si Abel sa kanyang inuupuan sa pagkarinig sa balita. Hindi niya lubos
maisalarawan ang kanyang naramdaman. Ang buong akala nila ay aksidente lang ang
nangyari. Naghalo ang matinding awa na naramdaman niya para sa kanyang mga
magulang, at may poot para sa kung sino man ang gumawa nito sa kanila.
Ngunit ang labis na
ikinagulat ni Abel nang banggitin sa balita na nahuli na ang suspect at nang ipinakita
ang larawan ay hindi siya lubos makapaniwala. Si Hector ang suspect!
Mistulang sasabog ang
dibdib ni Abel sa tindi ng kanyang galit. Hindi niya lubos akalain na ang taong
kinupkop at tinulungan niya ay siya rin palang pumaslang sa kanyang mga
magulang. Pakiramdam niya ay pinagtaksilan siya ni Hector. Labis siyang
nasaktan.
Dali-daling tinawagan
ni Abel si Ella kung saan ay kimumpirma nga nito ang pagkahuli ni Hector.
Kinabukasan ay agad siyang lumuwas ng Maynila.
“PUTANGINA MO!!! ISA
KA PALANG DEMONYO! PAPATAYIN KITANG HUDAS KA! PAPATAYIN KITA PUTANGINA
MOOOOOO!!!” ang sigaw ni Abel habang inundayan ng suntok si Hector na hindi
lumalaban. Nakahandusay siya sa sahig at duguan ang kanyang ilong at bibig.
“Sir... mapapatay nyo
po, siya...” ang pag-awat ni Ella.
Naawat lang ang
pambubugbog ni Abel nang pumasok ang mga pulis sa kulungan ni Hector. Pinalabas
nila si Abel.
Agad na nakipagkita
si Abel sa kanyang mga abugado. “Gusto kong mabulok sa bilangguan ang hudas na
iyan!” ang galit na sambit ni Abel sa kanyang mga abugado.
Ngunit pinayuhan siya
ng kanyang mga abugado na kausapin muna nang masinsinan si Hector upang
makakakuha siya ng mga mahalagang impormasyon.
Sinunod ni Abel ang
payo ng kanyang mga abugado. Kinabukasan ay binalikan ni Abel ang prisinto.
Ngunit wala na roon si Hector. May nagtangkang pumatay sa kanya. May bumisita
sa kanyang naka-motor na hitman. Nang nakitang naidlip ang naka-duty na pulis,
doon siya tinira ng baril na may silencer. Mabuti na lang at nagising ang pulis
sa pagbagsak at pagsigaw ni Hector kaya binaril din ng pulis ang nasabing
hitman. Napatay ang nasabing hitman pati na rin ang driver ng getaway na motor.
Dalawa ang tinamong
sugat ni Hector. Ang isa ay sa tiyan at ang isa ay sa dibdib. Agad na inatasan
ni Abel ang kanyang mga abugado na hilingin sa mga awtoridad na bigyan ng sapat
na security si Hector. Sa tatlong araw na nasa ICU si Hector ay naroon din si
Abel.
“Bakit mo pinatay ang
mga magulang ko?” ang tanong kaagad ni Abel kay Hector nang pinayagan na siyang
kausapin si Hector.
“H-hindi po ako ang
pumatay ng mga magulang niyo, Sir...”
“Hindi ako naniniwala
sa iyo, Hector. Nang nandoon ka sa bukid, nilihim mo ang lahat. Ngayon pa ba
ako maniniwala sa iyo?”
“P-puwede po bang
payagan mong magsalita ako nang magsalita, Sir? Pagkatapos kong magkuwento ay
saka mo ako husgahan kung kapani-paniwala ang sasabihin ko o hindi.”
Pumayag si Abel.
Hinayaan niyang magsalita si Hector.
“N-nasaksihan ko po
ang lahat sa pagpaslang ng mga magulang mo. Naroon ako sa talampas sa mismong
oras ng pagpatay. Nakita ko na tumilapon ang sasakyan ng iyong mga magulang. Naaninag kong buhay pa sila sa loob. Nagpumilit silang
makalabas. Lalapitan ko na sana sila ngunit bago pa man ako nakababa sa
dalisdis, may sumulpot na limang armadong tao at pinalibutan nila ang sasakyan.
At laking gulat ko nang sinindihan nila ang tumatagos na gasolina. Sumiklab ang
sasakyan. Narinig ko ang natatarantang pagsisigaw at pagmamakaawa nila. At
habang nagsisigaw sila, binaril sila ng lider. Dito lumabas ang isang bulldozer
at itinulak sa bangin ang nagliliyab pang sasakyan. Sumabog ito nang tuluyang
bumagsak. Nang napagtanto ko na plando ang pagpatay, dali-dali akong tumakbo
patungo sa itaas ng dalisdis. Ngunit nakita ako ng isa sa mga tauhan. Hinabol
niya ako at nang babarilin na sana niya ako, dali-dali kong inihagis ang alaga
kong ibon, si Damsel na sa pagkakataong iyon ay dala-dala ko. Naalala mo nang
nahuli ko si Damsel ay gusto mo itong kunin, sinabi ko sa iyo na mahalaga siya sa akin? Dahil sinagip niya ang buhay
ko. Nang naihagis ko na si Damsel sa kanila, eksakto naman na sa mukha mismo ng
hitman lumapag ang ibon. Nakalmot ang mga mata ng hitman. Natumba siya na
nagsisigaw, nagpagulong-gulong pababa ng dalisdis. Doon ako nagkaroon ng
pagkakataon na tumakas. Nang nasa tuktok na ako ng dalisdis, narinig ko ang
sigaw at pagmumura ng hitman. Binantaan niya ako na kapag hindi ako nagpakita
ay papatayin nila ang aking mga magulang. Dahil
sa takot, hindi ako sumipot. Ngunit sa pag-uwi ko ng bahay kinagabihan...”
hindi na naituloy ni Hector ang kanyang sinabi gawa nang humagulgol siya nang
humagulgol.”
Hinawakan ni Abel ang
kamay ni Hector. Hinugot niya ang panyo sa kanyang bulsa at pinahid ang mga
luha sa pisngi nito. “A-anong nangyari?”
“Patay na ang aking
mga magulang... may mga tama sila ng baril sa ulo.”
Mistulang tinadtad
ang puso ni Abel sa kanyang narinig. Ramdam niya ang sakit na naramdaman ni
Hector. Naimagine niya sa kanyang isip ang kaawa-awang pagkamatay ng kanyang
mga magulang.
“K-kaya naisipan kong
magpakalayo, magtago... hindi dahil ako ang pumatay kundi dahil ako ang
kanilang papatayin.”
“Kayo ni Victoria...”
Tumango siya. “Halos
gabi-gabi ay napapanaginipan ko ang pagpaslang sa kanila. Sa sobrang guilty ko ay
kahit sa panaginip, isinisigaw kong huwag silang barilin...”
Nanatiling nakinig si
Abel. Doon lang niya napagtanto ang dahilan ng bangungot ni Hector.
“A-ako ang gusto
nilang idiin sa pagpatay sa mga magulang mo... ako ang gusto nilang palabasin
na kriminal.”
Tinitigan ni Abel si
Hector. “Ikaw ang main suspect dito, Hector. Natural lang na iligtas mo ang
iyong sarili. Ano ang pruweba mo na hindi ka nga
nag-imbento ng kuwento? Namukhaan mo ba sila?”
Nag-isip
si Hector. “S-si Damsel. M-may papel akong itinago sa kuwintas niya... Isinulat
ko roon ang petsa, ang narinig kong sinabi ng lider nila bago niya binaril ang
mga magulang mo.”
Nahinto
si Abel, binalikan sa kanyang isip ang araw kung saan ay dinala niya si Damsel
sa beterinaryo. “M-may nakita ngang papel sa leeg ni Damsel. Ngunit walang
nakasulat doon,” ang sambit niya.
“Invisible
ang tinta na ginamit ko, gamit ang katas ng lemon at kaunting tubig.”
Hinugot
ni Abel ang kanyang mobile phone. “Mang Estong, naalala mo ang papel na
ibinigay sa akin ng veterinary doctor? Iyong nakuha niya sa leeg ni Damsel?
Nasa drawer iyon ng aking mesa... Puwedeng pakidala sa akin ASAP?”
Kinahapunan
ay dumating ang isang tauhan ni Abel, dala-dala ang nasabing papel. Agad na
inilatag niya iyon sa ilalim ng lamp shade base sa itinuro ni Hector.
Nang
nainitan ang tinta, doon na lumantad ang nakasulat. Ang petsa at oras ng
pagpatay, ang lugar, at ang sinabi ng “boss” ng mga hitman bago niya barilin
ang mga magulang ni Abel, ‘Huwag
kang mag-alala pare... ako na ang bahala kay Tisoy.’ Siya ang sunod kong
itumba!”
Doon na kinilabutan
si Abel. Mabibilang lang sa mga daliri ang mga taong tumatawag sa kanya ng
‘Tisoy”.
“Namukhaan mo ba ang
sinasabi mong lider?”
“Opo...”
Agad na kinuha ni
Abel ang kanyang cell phone. “Ella, can you scan mugshots of all 10 share
holders of the company? Send them to my personal email. ASAP please.”
Maya-maya lang ay nasa
inbox na ni Abel ang mga litrato. Isa-isang ipinakita niya ang mga ito kay
Hector. At nanlaki ang mga mata ni Abel nang itinuro ni Hector ang larawan ng
nasabing lider ng grupo na pumatay sa kanyang mga magulang.
“Ang Ninong ko!!!”
ang sigaw ni Abel habang nanginginig siya sa galit.
“Ella, please secure
all the sensitive documents of the company without anyone knowing what you are
doing. Do it discreetly and ASAP. Also, please call all share holders for a
meeting tonight. Tell them it’s a party to thank them.”
Dumalo ang lahat pari
asawa ng mga share holders. Doon na sinumbatan ni Abel ang kanyang ninong.
“Hindi ko po akalain na kayo pala ay isang ahas! Pinatay mo ang aking mga
magulang. Traydor ka! Hindi ko akalain na pinagplanuhan mong angkinin ang aming
kayamanan! Sisiguraduhin kong mabubulok ka sa bilangguan!” ang sigaw ni Abel.
Gulat na gulat ang
lahat na mga share holders.
“Abel... hijo, w-wala
akong kinalaman sa sinabi mong pagpatay sa iyong mga magulang! ‘Di ba ang
pumatay sa kanya ay itong magsasakang Hector ang pangalan? Inamin na niyang
siya ang bumaril sa iyong mga magulang. May pinirmahan siyang affidavit!”
“Magaling po kayong
magtanim ng kasinungalingan, Ninong. No wonder, madali ninyong napatay ang
aking mga magulang na nagtiwala sa iyo. Iyong affidavit ni Hector ay pinirmahan
niya na wala siyang kasamang abugado. At oo, naroon siya sa lugar na iyon dahil
siya ang nag-iisang testigo sa pagpaslang ninyo sa aking mga magulang. Sa korte
na lang tayo magkita, Ninong!”
Natapos ang kaso at
napawalang sala si Hector. Lumabas din sa ang totoong dahilan kung bakit
pinatay ng kanyang Ninong ang mga magulang ni Abel. May itinatago itong matinding
inggit dahil nanligaw ito sa ina ni Abel ngunit ang ama niya ang pinakasalan. May
inggit din siya sa tagumpay ng kanyang ama sa negosyo. Ikinanta rin ng ibang
hitman na kung hindi raw siya lumipat sa bukit at binitiwan ang posisyon nito
sa kumpanya bilang CEO, siya ang sunod na itutumba nila. Lumabas din sa mga
dokumento ng kanilang kumpanya na halos mabangkarota na ito dahil unti-unting
inililipat ng kanyang Ninong sa ibang accounts ang kita ng kumpanya. At sa
inaasahan, habambuhay na pagkabilanggo ang parusa ng korte sa kanila.
-----
“Mahal ka ni
Victoria,” ang pag-amin ni Hector kay Abel nang matapos na ang kaso at inimbita
siya na magdinner sa isang restaurant. Iyon ang huling pamamaalam ni Hector.
“B-bakit ikaw? A-ayaw
mo na rin bang bumalik sa bukid?” ang tanong ni Abel.
“Hindi mo naman ako
mahal, ‘di ba? Ang gusto mo ay isang normal na buhay, may asawa, may anak... Si
Victoria ang nararapat para sa iyo.”
Binitiwan ni Abel ang
isang malalim na buntong-hininga. “Ssana...”
“K-kung kayo talaga
ang itinadhana, babalik din siya sa iyo. Katulad ni Hero, bumabalik siya para
kay Damsel...”
“I-ikaw? Paano ka?”
“Hahanapin ko ang
babaeng sinabi ko sa iyo. Tutuparin ko ang hiling ng inay. ‘Di ba, ito rin ang sinabi
mong pangarap sa sarili? Tatahakin ko ang isang normal na buhay? At sabi mo ay
susuportahan mo ako.”
Binitiwan ni Abel ang
isang hilaw na ngiti. “So kung hindi na talaga mababago ang isip mo, good luck
na lang... at pakisabi kay Victoria na mahal na mahal ko siya. At sana ay
babalik siya. Maghihintay ako.”
-----
Muling sumapit ang
Decemebr 10. At kagaya ng mga nagdaang taon, punong-puno ng mga tao ang rest
house. May nadagdag pang feature sa pagkakataong iyon. Naglagay ng higanteng TV
monitors ang malalaking TV networks at pribadong kumpanya sa matataong lugar
para sa live streaming. Excited ang lahat.
Hindi lang iyon.
Dahil nalaman na ng mga tao ang paghihintay ni abel kay Victoria, isa rin ito
sa kanilang inaabangan.
Subalit sa kasamaang
palad ay hindi sumipot si Hero sa nakatakdang petsa. Nalungkot ang mga tao. At
ang mas lalo pang nalungkot ay sina Damsel at Abel. Hindi rin dumating si
Victoria.
Ang mga haka-haka ng
tao ay baka nakahanap na si Hero ng ibang babaeng tagak kaya hindi na siya
bumalik. Sa panig naman ni Victoria, alam na ni Abel ang dahilan. Ngunit hindi
pa rin siya nawalan ng pag-asa.
“P-parang isang
simbolismo ang hindi pagdating ni Hero. Baka ito rin ang mensahe para sa akin –
hindi kami para sa isa’t-isa ni Victoria...” ang bulong ni Abel sa kanyang
sarili.
December 19 ng umaga.
Nagulat sina Abel at Mang Estong sa ingay ng mga tao sa labas ng rest house.
“Bumalik si Hero! Bumalik si Hero!!!”
Dali-daling lumabas
si Abel. At nakita nga niya si Hero na nakadapo sa isang mababang poste hindi
kalayuan sa pugad ni Damsel. Matagal na nakatayo lang siya roon at tinitingnan
si Damsel na nasa kanyang pugad.
Naguluhan si Abel sa
inasta ni Hero. Nang tinangka na nitong lumipad patungo sa pugad ni Damsel,
doon niya nalaman ang dahilan. Nalaglag si Hero sa lupa at hindi na niya
maiangat pa sa ere ang sarili. Halata rin ang kanyang panghihina.
Nagtatakbong nilapitan
ni Abel at Mang Estong ang ibon. Hindi nga sila nagkamali. May pinsala ang kaliwang
pakpak ni Hero. Tama ng bala!
Kinarga ito ni Abel patungo
sa pugad ni Damsel. Nang naroon na, tuwang tuwa ang lahat sa reaksyon ni Damsel
at Hero na tila nag-uusap, ang kanilang mahahabang leeg ay inuunat, nag-iingay
at itinatango-tango nila ang kanilang mga tuka, bagamat halatang nahihirapan si
Hero. Ang isa niyang pakpak ay nakalaylay.
Tinawagan ni Abel ang
Beterinaryo ni Damsel. Dahil napanood din niya ang live streaming, nakita raw niya
ang nangyari kaya agad siyang sumakay sa kanyang pick-up car at kasalukuyang nasa
daan na patungo sa rest house.
Maswerteng naagapan
si Hero. Kinahapunan ay ininterview ng mga TV networks si Abel. “Pinutol ang
napinsalang pakpak ni Hero. Kagaya ni Damsel ay baldado na rin siya. Masakit...
ngunit kung titingnan natin ang kabuuang sitwasyon, may mabuti rin itong
naidudulot dahil hindi na niya muling iiwan pa ang mahal niyang si Damsel...”
ang paliwanag ni Abel.
“Tungkol naman sa
iyong paghahanap ng assistant na mag-aalaga kay Damsel, may napili na ba kayo?”
ang tanong ng isang reporter.
Binitiwan ni Abel ang
isang malalim na butong-hininga. “Sa totoo lang, marami ang nag-apply ngunit
hinihintay ko pa rin siya...”
“Si Victoria ba?
Babalik pa ba siya?” ang follow na tanong ng isang reporter.
“Hindi ko po iyan
masasagot. Ngunit kapag nandito lang sana siya, buong-buo na ang aking buhay. Pareho
na kaming masaya ni Damsel. Kaya kung saan man siya naroon at nanunuod siya
ngayon...” hindi na naituloy pa ni Abel ang kanyang sasabihin gawa nang nag-ingay
at nagkagulo ang mga tao na nakapaligid sa kanila.
Nang binibigyang-daan
ng mga tao ang taong pinagkaguluhan, halos hindi makapaniwala si Abel sa
kanyang nakita.
Si Victoria.
Sa sobrang
pagkamangha ay hindi makapagsalita si Abel. Nakatitig na lang siya kay Victoria.
Pati ang mga taong naroon ay natahimik rin, halos pigil ang kanilang paghinga.
“H-hinintay kita...”
ang halos pabulong na sambit ni ni Abel sabay yakap at dampi ng mga labi niya
sa mga labi ni Victoria.
Hinayaan ni Victoria
na halikan siya ni Abel. “Sino ba ang mahal mo? Si Victoria? O si Hector?” ang
tanong ni Victoria nang kumalas siya sa yakap ni Abel.
“Ikaw... alam mo
iyan.”
Tinanggal ni Victoria
ang kanyang damit, ang kanyang bra at padding, ang kanyang wig hanggang ang jeans
na lang niya ang natira, wala siyang saplot pang-itaas. Lumantad ang katawan ng
isang lalaki. Si Hector.
Gulat na gulat ang
mga tao sa kanilang nasaksihan. Lahat sila ay nagbubulungan at hindi
makapaniwala.
“Kaya mo pa rin ba
akong halikan? Kaya mo parin ba akong mahalin?” ang sambit ni Hector.
Muling tinitigan ni
Abel si Hector. Matagal. Tila pinaprocess ng kanyang utak ang nakalilitong mga
pangyayari. Misutalng hindi siya makapaniwala. Yumuko siya, napailing....
Mayamaya ay muli
niyang tinitigan si Hector. “I-ikaw ang mahal ko, ang buong pagkatao mo, si
Victoria ka man o maging si Hector. Wala akong pakialam, ang sagot ni Abel
sabay yakap niya kay Hector. At sa harap ng mga tao at camera, idinampi niya
ang kanyang mga labi sa mga labi ni Hector.
Nakakabingi ang
palakpakan ang mga tao.
“P-paano na si Sally?”
ang tanong ni Abel kay Hector.
“Nasa Canada. Nakapag-asawa
siya ng isang dayuhan. Ayaw tanggapin ng dayuhan ang bata at iniwan ito sa
pangangalaga ng kanyang lola. Ang sabi raw ni Sally sa bata ay hanapin niya
ako...” sabay turo ni Hector sa isang batang nakatayo sa hindi kalayuan,
nakatingin sa kanila. “Siya si Victor” dugtong ni Hector.
Tinitigan ni Abel ang
bata. Napakacute at guwapong bata. Manang-mana kay Hector. Tumingkayad si Abel
at inunat niya ang kanyang dalawang braso. “Halika Victor!” ang sambit niya.
Lumapit ang bata.
Nang nakalapit na ay niyakap niya ito, hinalikan sa pisngi ay pagkatapos ay
kinarga niya sa kanyang mga bisig. “Mula ngayon, dalawa na kaming magiging papa
mo...” ang sambit niya sa bata.
Nagyakapan silang
tatlo. Pareho nilang hinalikan ang magkabilang pisngi ni victor.
------
“Nakita ko na ito sa
aking panaginip,” ang sambit ni Abel.
“Ang alin?”
“Ito...” Turo niya
kina Damsel at Hero na naglalakad sa kahabann ng aplaya nakabuntot sa kanila
ang kanilang limang sisiw habang sila naman ni Abel at Hector ay nasa unahan,
naglalakad, pinagitnaan at parehong hinahawakan ang magkabilang kamay ni
Victor. “Ngayon ay masasabi kong buo na ang aking pamilya. May asawa ako, may
anak... isang normal na pamilya...” dugtong nya.
Binitiwan lang ni
Hector ang isang ngiti. Naalala ko ngang sinabi mo ito sa akin.
“At ang sabi mo pa
nga, hindi mangyayari iyon dahil baog ako.”
Ngumiti si Hector.
“Oo... mababaog ka talaga sa akin dahil...” hindi na niya itinuloy pa ang
sasabihin.
“Dahil ano??? Sabihn
mo!”
“Kahit ilang beses mo
akong ganunin... hindi naman ako magkakaanak!” ang sagot ni Hector.
Sabay silang
nagtawanan.
WAKAS.