Followers

Saturday, August 15, 2015

Loving You... Again Chapter 25 - String From Someone Else




  



Author's note...

Hello ulit guys. Andito na naman ako haha. Unang-una sa lahat po ulit, nagpapasalamat ulit ako sa mga may-ari ng blog, sir Michael at kay sir Ponse sa mga kaibigan kong CO-Author na sila kuya Carlos, kuya Rye, kuya Jace and... kuya Alvin!

Umm... kung mapapansin niyo guys, nilabag ko ang isa sa mga pinaka-rule ng pagiging writer. Huwag manggaya... pero hindi ko naman na ganoon talaga ginaya. Maybe, some of it, pero I take the credit sa may-ari. Wala na kasi akong maisip na style sa ngayon kaya sinubukan ko iyung semi-plagiarist type.


String From the Heart na akda ni Vienne Chase. Dahil sa hindi pa tapos ang storya, wala akong masasabing reaction. Pero isa lang ang masasabi ko. #TeamThreesome ako. Kaya basahin niyo iyun. Maganda. Ingat peeps.
 











Chapter 25:
String From Someone Else















































Aulric's POV



          「7 months ago...



          Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ko bago tumingala at tingnan ang arko ng bagong school kung saan ako magkokolehiyo. Bourbon Brothers University. New school, new environment, new classmates. Lahat bago at alam ko na maninibago ako dahil obviously, bago talaga ang eskwelahang ito para sa akin at hindi ito ang aking kinalakihan. Excited ba ako? Siyempre, oo. Magsisinungaling pa ba ako sa napakasayang pagkakataon na ito?



          Nag-umpisa na akong maglakad papasok sa bagong eskwelahan na papasukan ko. Huminto ako saglit saka bumunot ng malalim na paghinga. Ito ba talaga ang dapat kong gawin para namnamin ang moment na nakapasok na ako sa eskwelahang ito? Hindi naman sa pangarap ko talaga na makapasok sa eskwelahang ito pero wala ehh! Nakapasok ako dito! Salamat sa special invitation na binigay ng school na hindi ko alam kung bakit ako binigyan.



          May bumangga naman sa likod ko dahilan para mawalan ako ng balanse. Pero saglit lang iyun dahil hindi naman ako basta-basta tumatayo sa gitna ng daanan nang hindi tumatayo ng tuwid.



          Hinarap ko ang bumangga sa aking tao at isa itong babae. Masaklap pa ang nangyari sa babae dahil sa may hawak itong Starbucks at natapon ang laman nito sa pagmumukha niya. Namantsahan din ng kape ang napakagandang uniporme ng eskwelahan. Mukhang hindi magandang pangitain ang mambangga ng tao sa unang klase ko sa kolehiyo. Ito na marahil ang simula ng aking pagbagsak. Huwag naman sana.



          “Bakit ka nakatayo sa gitna ng daan kung saan dumadaan ang karamihan ng mga tao?!" pasigaw na tanong ng babaeng ito. Napatingin naman ang ilang estudyante sa amin. Mukhang nagsisimula na talaga ang aking pagbagsak.



          “Pasensya na," magalang na paghingi ko ng dispensa. “Kung gusto mo, bayaran ko na lang ang-"



          “What did you say?!" hindi makapaniwalang tono na pinutol ng babae ang sasabihin ko. “Aba! Grabe! Bayaran na lang daw?! Seryoso ka?! Alam ko naman na may mga taong mas mayaman pa sa akin sa eskwelahang ito! Pero iyung bayaran talaga?! Lalake, you can't buy a perfect fashion! Pero ibang usapan na pagdating sa mga damit at kolorete! Hindi mo ba alam na nawala ang poise at grace ko sa ginawa mo?! Nasira iyun lahat noong binangga mo ako! At hindi lang iyun ang nawala! Nawalan na din ako ng gana na ibangon ang sarili ko!" Ako? Mas mayaman pa ako sa iyo? Kalokohan.



          “Then I guess, tumatanggap ka ng sorry?" tanong ko.



          Tinaas ng babae ang dalawa niyang kamay tanda na pinapakalma niya ang kanyang sarili. Ilang beses siyang nag-inhale, exhale, inhale ulit, and so on. Para naman itong may sinasabi sa sarili dahil napapansin ko ang galaw ng kanyang labi.



          “Okay. Fine," mahinahon na tugon niya at hindi kagaya kanina na halos papatayin na niya ako dahil sa nangyari. “Tinatanggap ko na iyang sorry mo. So go on your way, okay lang ang lahat para sa akin. At para din sa iyo. Sorry kung kinuha ko pa ang atensyon ng mga tao para makagawa ng ingay. Bye."



          Dali-daling inayos ng babae ang kanyang sarili at umalis ang sa harapan ko. At may natutunan akong isang malaking moral lesson. Huwag tatayo sa gitna ng daanan ng school na parang walang ibang tao na dadaan dito. Gusto ko sanang tanungin ang babae kung okay lang ang mukha niya nang nabuhusan ito ng mainit na kape. Tama ang narinig o nabasa ninyo. Mainit na kape ang bumuhos sa kawawang babae. Ngayon pa lang, concern na ako doon sa babae. Hindi naman kasi tayo heat resistant kaya imposible na hindi siya masaktan sa nangyari. Hindi na lang kasi ako nagtanong kasi baka lumala pa ang lahat. Hindi bale na lang.



          Bumuntong-hininga ulit ako at sumugod kahit na hindi ko alam kung saan ako patungo. Dahil sa malaki ang eskwelahan ng Bourbon Brother's University, nasiyahan ako sa paggala sa buong school. Gumagala ako for a cause. Pwede na ngang matawag na educational field trip itong ginagawa ko. Kaya lang, mag-isa.



          Hindi naman ako nahirapan sa paghahanap ng classroom ko para sa una kong klase. Ang totoo niyan, nilampasan ko ito at pinagpatuloy ang paglilibot. Mabuti ng malaman ko kung saan ang isang specific na kwarto para makagawa na ako ng sariling mapa at ang pinakamabilis na dapat daanan sa utak ko. Convenient para sa akin.



          Tiningnan ko lang ang oras sa phone ko. 30 minutes bago mag-7 pa lang ng umaga. Masyado akong excited at maaga para pumasok sa school. Siguradong hindi ako male-late nito at magiging okay lang ang lahat. Gaya ng sinabi ng babae na nabangga ko kanina. Tapos siya hindi. Hindi bale na lang ulit.



          “Aulric!" tawag sa akin ni Jin sa pasalubong sa akin. Kakausapin ko ba o hindi?



          “Who are you?" maang ko.



          “Ako si Jin. Hindi mo ba natatandaan?" malungkot niyang saad.



          Nagkatinginan lang kami ng ilang beses ni Jin hanggang sa yumuko siya at na-realize ang isang bagay. Gumagana ang utak niya.



          “Huwag kang mag-alala. Wala akong masyadong fangirls sa school kaya okay lang na kausapin mo ako," paliwanag niya.



          “Sigurado ka diyan? Baka pagkatapos nating mag-usap, biglang may lumapit sa akin at magtanong kung ano ang mga gusto mo o kung ano-ano pa?"



          “Ehh, di sagutin mo sila gaya ng ginawa mo noong high school pa tayo."



          “Sa madaling salita, magsabi na naman ng hindi totoo at magkaroon ulit ng maraming mga kaaway?"



          “Ano ka ba Aulric? Sabihin mo na lang ang totoo na wala kang alam."



          “O sabihin ko na lang na hindi kita close. Mas magandang sagot."



          Natawa ng payak si Jin. “Siya nga pala. Anong ginagawa mo? Gumagala sa buong eskwelahan?" tanong ni Jin.



          “Paano mo nalaman? Kanina mo pa ba ako tinitingnan?"



          Napakamot sa ulo si Jin. “Ang totoo niyan, nakita lang kita na gumagala habang papunta ako sa opisina ni tito."



          “Ohh? Ganoon ba? Gumagala kasi ako para makabisado ko na ang eskwelahan."



          “Umm... mabuti naman. Teka? Anong oras na ba?" Tumingin si Jin sa pambisig na relo niya. “Mga limang minuto na lang bago mag-7. Pasukan na natin."



          “Ohh! Sige. Aalis na ako." Nagsimula na akong maglakad papunta sa una kong klase.



          “Umm... Aulric?" tawag na naman ni Jin.



          Tumigil ako at hinarap siya. “Bakit na naman?"



          Hindi sumagot si Jin at mukhang naiiyak. Lalaki ba talaga ang taong ito? Hindi kaya hindi niya alam kung saan pupunta para sa una niyang klase?



          Sinabi sa akin ni Jin ang room para sa una niyang klase. At sa kasamaang palad, hindi nga niya ito mahanap. Buti at alam ko kung saan ang classroom niya.



          “Grabe! Hindi mo alam kung saan ang unang klase mo? Balwarte ito ng pamilya niyo ahh," nayayamot kong saad.



          “First time ko lang kasi na makatapak sa eskwelahang ito Aulric. Pasensya na," paghingi ni Jin ng dispensa.



          “Bakit hindi ka magtanong sa mga tao dito? I'm sure na kapag sinabi mo na kamag-anak ka o mas precise na sabihin mo na isa ka sa anak ng may-ari ng eskwelahan nito, siyempre, tutulungan ka nila at sila pa mismo ang maghahatid."



          “Nahihiya kasi ako. Alam mo iyun. Anak ka nga ng may-ari ng school na ito tapos hindi mo alam kung saan ang classroom para sa una mong klase."



          “Walang hiyang tao ka! Nahiya ka pa! Taggalin mo iyang hiya sa katawan mo kahit minsan lang Jin! Fine! Para sa mga susunod mong klase, makipagkaibigan ka sa mga kaklase mo at sila pa ang masayang tao na magtuturo sa'yo sa susunod niyong klase. Lalo na kapag nalaman nila na kamag-anak mo ang may-ari ng school."



          “Salamat Aulric."



          “Huwag mo akong pasalamatan."



          Pagkatapos ihatid si Jin sa unang klase, sakto naman na 7 o'clock na ng umaga at hindi ako late para sa una kong klase. Pumasok na agad ako sa classroom at umupo sa bakanteng upuan na gusto ko. Naramdaman ko naman na inakbayan ako ng katabi ko kasabay ng mabilis na pagtibok ng puso ko. Ang pakiramdam na ito. Hindi maaari.



          Dahan-dahan na tumingin ako sa katabi ko at tiningnan ito sa mata. Nako! Ang mata niya, ang labi niya na hinalikan ko, at ang kamay niya na humaharas sa puwet ko. Kaklase ko pala si Zafe.



          “What a pleasant surprise. Afford mo pala ang school na ito at kaklase pa kita," nakangiting saad ni Zafe. Kapag tinira ka nga naman ng sandamakmak na kamalasan sa buhay mo.



          “Sa totoo lang, hindi ito isang pleasant surprise na kaklase kita at katabi pa kita. Makaalis nga sa upuan na ito!" Hinawi ko ang kamay niya at tatayo na sana ako nang dumating ang prof namin.



          “OKAY CLASS! SIT DOWN! I DON'T WANT TO SEE ANYONE WHO STANDS IN MY CLASS! IF YOU WANT TO GO OUT IN MY CLASS, CRAWL OUT!" nakakatakot na sigaw ng prof habang pumapasok na nagpaupo sa akin.



          Nilagay na naman sa balikat ko ang kamay niya. “Mukhang masaya ito. Katabi kita hanggang sa matapos ang klase na ito."



          Malas, malas, malas, malas! Kung pwede lang sana na gumapang para lang makalipat ako ng upuan. Hay nako! Instant sikat ako nito sa unang araw pa lang ng klase.



          “Pwede bang alisin mo sa balikat ko iyang kamay mo? Pakiusap lang," pakiusap ko.



          “Ehh, kung ayoko?"



          “Sinisira mo ang buhay ko. Pumunta ako sa eskwelahan na ito para makapag-aral. Hindi ang makipaglokohan sa'yo."



          “Good life choices I see. Mag-aral. Gusto ko iyan i-convert."



          “I-convert? Into what?"



          “Mr. Neville and stranger, would you like to share with the class on what you guys are talking about?!" nakakatakot na tanong ng prof namin nang mahalata na kami. Maingay ata kami.



          “He was introducing himself to me sir. And I was about to introduce myself when you disturbed us in our conversation," sagot ni Zafe. Sinagot niya iyung nakakatakot na prof?



          “Okay. Then how about this Mr. Neville. Would you like to be the first person who will introduce yourself to the class?" pakumpas na tanong ng prof.



          Tinanggal ni Zafe ang kamay sa balikat ko at tumayo. “Hi! I would like to introduced myself to the people who doesn't know me yet and to reintroduce myself to the people who already know me. I am Zafe Neville. And hindi sa pagmamayabang, isa ako sa mga tao na magaling maglaro ng basketball sa lugar natin. Aside sa mahilig ako maglaro ng basketball, mahilig akong maglaro ng iba pang laro na may kinalaman din sa bola at sa pagpasok nito sa butas... I mean goal." Natawa naman ang klase sa sinabi ni Zafe. “For example, soccer, pool, football, at marami pang iba. Pero forte ko talaga ang basketball. Muli, Zafe Neville po. Huwag niyo lang po ako iboto bilang class representative ninyo kung meron. Busy ako. Pasensya na."



          Nagpalakpakan ang lahat ng estudyante sa pagpapakilala ni Zafe. At ako din. Kumaway-kaway pa siya sa mga kaklase namin bago umupo. Ang galing naman niya. Siya ata ang first kiss ko. Gising Aulric!



          “And you stranger. Would you like to reintroduce yourself to Zafe and to everyone else in this room?" pakumpas na naman na tanong ng nakakatakot na prof sa akin.



          Tumayo ako at inayos ang sarili. “Hi! I'm Aulric Melville. To be frank and honest, I'm one of those plain and boring person that you'll find in this world. I talk less, and it's so obvious that this time is an exception." Nagtawanan naman saglit ang mga kaklase. “Aside from that, I don't have any particular likes and dislikes because I am still in a phase of discovering things. I mean like food, hobbies and anything that makes a man. Well, that's all folks and thank you for listening. And please don't vote me as a class representative if there is any. I'm also a very very busy person," mahabang pagpapakilala ko sa sarili at umupo.



          Nagpalakpakan din ang lahat nang natapos ko ng ipakilala ang sarili. Hindi nga lang kasinlakas sa binigay na palakpak nila kay Zafe.



          “Very good Mr. Neville and Mr. Melville," pagpuri ni prof. “Mukhang may pagkakapareho kayong dalawa. Magaling kayong dalawa na magpalusot." Nagtawanan ulit ang klase maliban sa aming dalawa ni Zafe. “Alam ko naman kasi na hindi ini-introduce ni Zafe ang sarili niya sa iyo at lalong-lalo naman hindi mo ini-introduce ang sarili mo kay Zafe. Pero sa ngayon I let this one slide dahil sa unang araw pa lang ng klase. Papangit ang reputasyon ng eskwelahan kung magagalit kami agad sa unang araw pa lang. Okay class, let me introduce..."



          “Hey, nakikinig ka ba?" untag sa akin ni Zafe na mukhang kanina pa nagsasalita.



          “Anong sabi mo? Pasensya na. Mas interesante kasing pakinggan si prof kesa sa'yo," tugon ko.



          “Mas interesante? Hindi kaya. Mas interesante kung pag-uusapan natin ang ating deep relationship. Sabihin mo. Nitong bakasyon, ilang beses kitang nahalikan sa lips? Ilang beses ka naman nagpahalik?"



          Napayuko ako sa hiya dahil sa mga sinabi ni Zafe! Ano ba iyan?! Kinakalimutan ko na nga ang mga nangyari nitong nakaraang bakasyon, nagkalapit na naman kami ng landas ni Zafe. Malapit na malapit.



          Dahil sa sinabi na ni Zafe ang tungkol sa bakasyon, ikikwento ko na lang. Naulit nga ang matamis na first kiss namin... o ako in my case dahil mukhang experienced na si Zafe sa paghalik. Palagi nga siya pumupunta sa restaurant pero I'm proud to tell the news na ang score ni Zafe ay 3 out of 10. Counted din pala sa score niyang tatlo ang first kiss namin sa harap ng parking lot. Bagsak siya. So yeah! Nakahalik pa siya ng dalawang beses. Dalawang beses lang.



          Alam niyo kung bakit pitong beses na nasayang sa pagtatangka niya, dahil lumalayo talaga ako sa kaniya. At sa sobrang pag-aalala na mahalikan pa ulit niya, hindi ko na rin alam na gumagawa na siya ng mga underground tactics para makahalik lang sa akin. Para saan naman ba itong ginagawa niya? Alam ko naman na pabor sa akin pero walang pagmamahal ang mga halik niya. Baka lust lang talaga ang nararamdaman ko kay Zafe.



          Para sa ibang bagay naman gaya ni Mr. Wolf na mukhang kilala ko na si Jin, wala itong ginagawang kababalaghan. Kung tutuusin, walang bago kay Jin. Tanga pa rin kapag masaya at tumatalino kapag seryoso.



          Natapos na ang day classes namin sa araw na ito. Buong oras, nilalagay ni Zafe ang kamay niya sa balikat ko. Pero tinamad na ako at hindi na hinawi. Bahala sila na isipin nila na gustong-gusto ko ang ginagawa ni Zafe na pag-akbay sa akin. Iyung tipong mukhang napalitan ko na ata si Ricky dahil sa pinaggagagawa ni Zafe.



          Kasalukuyang sinusundan ako ni Zafe kung saan ako magpunta. Pupunta kasi muna ako sa cafeteria para kumain. Para siyang si Jin kanina pero iyung may binabalak na mang-asar version.



          “Saan ka kakain? Sa plato?" nagbibirong tanong ni Zafe.



          “Pwede rin naman sa paper plate," tinugon ko.



          “Ohh? Meron kang paper plate? Pahingi naman."



          “Ehh kung humingi ka na lang kaya sa tindera?!" naiirita kong saad.



          “Zafe! Nandito ka pala," tawag ni Ricky sa kaniya mula sa likod namin. Patakbo itong lumapit sa amin. Teka nga? Bakit ba ako huminto?



          Nagpatuloy na akong naglakad at iniwan ang mag-bestfriend. Mas maganda na si Ricky na lang ang laging kasama ni Zafe dahil walang maghihinala.



          Mag-isa akong kumain sa isang table nang may lalaking nakatayo sa tabi ng lamesa. Tuwid itong maglakad at mukhang mas matanda ito sa akin ng lima o pitong taon. Second year? Third year?



          “Hi! Pwede bang maki-share ng lamesa?" tanong ng lalaki.



          “Hindi pwede Kurt," pagtanggi ni Zafe na malapit na sa amin na kasama si Ricky at may hawak na tray dala ang kanyang pagkain. So magkakilala pala sila.



          “Bakit naman?" tanong niya.



          “Hindi na tayo magkakasya sa lamesa. Pampasikip pa lang."



          “Zafe, may tatlo pang bakante sa lamesa na ito. Napaka-illogical naman na hindi na siya pwedeng umupo. At tsaka tumingin ka nga sa paligid. Gamit na lahat maliban lang sa lamesa na ginagamit ko," sabat ko.



          “Huwag kang makialam dito Aulric," saad ni Zafe.



          “Bakit hindi ako pwedeng makialam? Sa bagay. Hindi pala tayo magkaibigan. Sige na Kurt. Umupo ka sa tabi ko."



          Nginitian ako ni Kurt. “Salamat freshman. Napakabait mo naman. Samantalang ang iba naman ay walang galang sa mga nakakatanda sa kanila." Umupo si Kurt sa tabi ko.



          “Humanda ka talaga sa akin. Tayo na Ricky! Kumain na lang tayo sa ibang lugar," nagagalit na saad ni Zafe. Lumakad na sila Ricky paalis.



          Pinagpatuloy ko ang aking pagkain. Hindi ko naman siya pinapansin o kinakausap dahil hindi naman din niya ako kinakausap. Pero gusto kong malaman kung ano ang relasyon ni Kurt at Zafe. Ako ba ang magtatanong o hahayaan ko na lang na magsalita si Kurt tungkol doon? Pero bakit naman magsasabi sa akin si Kurt? Hindi ko naman siya kaibigan. Pero pwede ko naman siyang kaibiganin. Ano ka ba Aulric? Tama na ang high school life mo na hindi ka nakikipagkaibigan dahil sa masama ang tingin sa'yo ng mga tao. Bagong eskwelahan ito at hindi nila alam ang tungkol sa buong pagkatao mo. Hindi ka naman nila pina-background check siguro.



          “May gusto ka bang tanungin?" tanong sa akin ni Kurt. Binabasa ba niya ang iniisip ko o dahil lang ito sa takbo ng mga nangyayari ngayon?



          “Nagsisinungaling ako kapag sinabi kong wala akong gustong tanungin," sagot ko.



          “Kung ganoon, ako muna ang magtatanong. Anong pangalan mo?"



          “Aulric. Aulric Melville."



          “Kurt. Kurt Lee naman ang pangalan ko. Ngayong magkakilala na tayo, magtanong ka na ng kung ano sa akin."



          “Nagbago na ang isip ko. Parang ayoko ng magtanong. Baka sabihin mo na pakialamero ako."



          “Kung ganoon, sa ayaw at sa gusto mo, ako na lang ang magtatanong. Ano ang relasyon mo kay Zafe?" seryosong tanong ni Kurt.



          “Magkaklase?" nag-aalangan kong sagot. May maniniwala kaya na magkaklase lang kami?



          “Huh? Akala ko magkaibigan kayo. Kung makapagsalita siya sa iyo, parang pag-aari ka niya."



          “Pag-aari? Hindi. Hindi kami ganoon. Ni hindi ko nga siya kaibigan. Mukha ba akong binibili para maging pag-aari niya?"



          “Hindi mo ba narinig ang banta niya sa'yo kanina na humanda ka sa kaniya?"



          “Ha! Baka siya ang humanda sa akin," sarkastikong saad ko. Ininom ko ang aking sprite.



          “Talaga lang ha? Ano naman kaya ang gagawin niya sa iyo? Naiintriga ako."



          “Hindi mo na kailangan malaman iyun Kurt. Kung isang bagay iyun na may malaking epekto sa buhay ko, sasabihin ko naman sa ibang tao iyun."



          “Sa bagay. Siya nga pala. May club ka na bang gustong salihan?"



          “Club? Iyung pampadagdag ng mga grades?"



          “Yeah. Lalaki ang grades mo ng bahagya kapag sumali ka sa mga clubs sa school na ito."



          “Mukhang maganda."



          “Oo nga pala. Kasali ako sa Journalism Club. Ako nga pala ang presidente nila. Kung sasali ka sa club ko, pwedeng kitang papasukin agad."



          “Parang ayoko," pagtanggi ko. “Hindi ba ang Journalism Club, para lang sa mga estudyante na ang kurso ay Mass Communication?"



          “Dati iyun pero hindi na ngayon. Ginaya kasi ng eskwelahan ang palatuntunan ng Schoneberg Academe sa Journalism Club nila na pwede sumali ang lahat sa club kahit na hindi Mass Communication ang kurso."



          “Ganoon ba? Pero salamat na lang. Hindi kasi ako interesado. Hahanap na lang ako ng ibang club na sasalihan."



          “Sayang naman. Mukha ka pa namang matalino at bagay na bagay ka sa club ko."



          “Mukha lang akong matalino pero average ang utak ko. Pasensya na talaga."



          Mabilis kong tinapos ang pagkain ko dahil nararamdaman ko na hindi ako dapat makihalubilo sa taong ito. Isa siyang delikadong tao kaya ayaw ni Zafe sa kaniya. Baka kapag tinanong ko sa kaniya kung ano talaga ang nangyari sa pagitan nila, madamay pa ako.



          Pagkatapos kong kumain, umalis na ako at pumunta sa panghapon naming klase. Habang naglalakad, pakiramdam ko na may nakasunod sa akin. Si Zafe kaya ito?



          Mabilis akong tumalikod at agad na sinuntok ito. Pero nang tumalikod ako, hindi ito si Zafe. Isa itong babae. Kapwa na mukhang nagulat kami sa pangyayari. Pinigil ko na agad ang aking kamay na masuntok siya at pinigilan na nga din ni babae ang kamay ko. Tiningnan ko ng mabuti ang babae. Ito iyung babae sa entrada ng eskwelahan at natapunan ng sarili niyang mainit na kape. Hindi pa rin naalis sa uniporme niya ang bahid ng kape na tumapon sa kanya. Ano ba ang kailangan ng babaeng ito sa amin?



          “My gosh! Nanununtok ka ng babae?" maarteng tanong niya.



          “Depende sa kung anong klase siyang babae, yes. Susuntukin ko siya," sagot ko. Ibinaba ko ang aking kamay at ganoon din siya. “Iyung first impression mo ba sa akin, mas lalo bang lumala?"



          “Kung tumama iyun sa akin, yes."



          “Ano ba ang kailangan mo?" malumanay kong tanong. “May klase pa ako na hinahabol. Mas maganda na iyun na lang ang habulin ko kesa makipag-usap sa iyo. Hindi ako pumunta sa eskwelahang ito para manggulo. Pumunta ako dito para mag-aral."



          “Well, go on your way then. Ayoko naman na maging hadlang sa iyong magandang hinahangad. Mag-uusap na lang tayo sa ibang pagkakataon."



          “Salamat naman."



          Naghiwalay kami ng tinahak na daan ng babaeng iyun. Kamuntikan ko nang siyang nasuntok. Buti naman at napigilan niya.



          Habang nasa huling klase kami ngayong hapon, napansin ko na wala si Zafe. Wow! Nag-cutting agad sa unang araw pa lang ng klase? Hindi na ako nagtataka kung gawin niya nga iyun. Sa totoo lang, boring naman talaga ang unang araw ng klase. Magpapakilala si prof, this and that, at tapos na. Pero binantaan ako ni Zafe kanina na maghanda daw ako. Ano naman ang paghahanda ang gagawin ko? Basta kasi ako, handa na ang katawan ko para sa kung anong binabalak niya. Hindi para umayon ang lahat sa kaniya kung hindi para suntukin sa tiyan niya gaya nang ginawa ko sa bakasyon.



          Nang natapos na ang klase, naisip ko na pumunta na lang sa basketball gym ng school. Baka may ibang tao ako na magustuhan na nandoon lang sa basketball gym. So may gusto talaga ako sa mga basketball player? O baka passing infatuation ko lang talaga si Zafe at iba talaga ang mahal ko... o wala. Hay nako!



          Hindi naman ako makapaniwala kung sino ang mga naglalaro sa basketball gym at nilalampaso ang mga players ng school. Kaya pala wala si Zafe sa klase, narito pala siya sa gym. Kasama pa niya si Ricky na naglalaro din.



          Umupo na lang ako sa tabi para panoorin silang maglaro. Medyo nakakapanibago dahil sa wala pala sa eskwelahang ito ang mga mean girls ni Jin na fans din ni Zafe. At iyun ay ang inakala ko.



          Sa hindi kalayuan, nakikita ko na nanonood si Isabela. Oo nga pala. Binuwag ko na ang pagkakaibigan ng mga mean girls.



          「“Napakaganda namang speech ang binigay mo," bati ko kay Isabela. “Kulang nga lang ay iyung tungkol sa pagkakaibigan at kung ano-ano pa. Break na ba talaga kayo ng mga friends niyo?"



          Hinarap ako ni Isabela. “Salamat sa papuri. At para sa tanong mo, unfortunately, oo. Pero okay lang iyun. Hindi ko naman makakasalubong ang mga taong iyun. Hindi ko naman sila makikita kapag nag-college ako dahil hindi na nila ako maaabot kapag nakapagkolehiyo na ako."」



          Hindi na pala siya maaabot dahil dito sa Bourbon Brothers University pala siya mag-aaral. Akala ko, sa Schoneberg Academe siya mag-aaral. On the other hand, I better watch out. Mas lalong gumanda ang hubog ng katawan ni babae. Kaakit-akit para sa ibang lalaki. Dagdag pa diyan ang noon pang malaking boobs ni Isabela. Si Isabela na lang kaya ang patulan ko? Kaya lang, magmumukha lang akong oportunista na hinahabol ang kayamanan niya. Huwag na lang.



          Patuloy ko pa ring sinusubaybayan si Isabela pero hindi halata. Kunyari, pinapanood ko sila Zafe na tuwang-tuwa na nilalampaso ang mga dating players ng Basketball Club. May lumapit namang isang medyo matandang lalaki kay Isabela at kinausap niya. Maya-maya ito kung tumingin sa boobs ni Isabela habang nag-uusap. Malalaman mo sa tingin pa lang ang intensyon ng lalaki. Si Isabela naman ay mukhang game na game kausapin ang lalaki. Ngunit nang tiningnan ko ng kabuuan ang lalaki, saka ko lang napagtanto na isa palang propesor sa isa naming subject ang lalaking ito. Maya-maya ay tumayo ang dalawa at umalis sa gym.



          Nakita kong ibinato sa akin ni Zafe ang bola. Naiwasan ko naman ito at tumalbog ito papunta sa court.



          “Pasensya na! Hindi ko iyun sinasadya!" natatawang paghingi ng dispensa ni Zafe. Anong hindi sinasadya? Nakita ko iyun Zafe! Nakita ko!



          Pinalampas ko naman ang ginawa niyang iyun dahil mag-aaksaya lang ako ng oras at pagod kung papatulan ko si Zafe. Nakita ko naman na pumasok din sa loob ng gym si Jin. Meron naman siyang ilang followers habang naglalakad. Perks ng pagiging kamag-anak ng may-ari ng eskwelahan.



          Natapos na din sila Zafe na maglaro. Umalis na ako para umuwi sa bahay. Excited na ako para ikwento kay nanay ang unang araw ko sa eskwelahan. Hindi kasama sa kwento na kaklase ko si Zafe na humahalik sa labi ko ng tatlong beses.



          Habang pauwi ako, bigla na lang ako inakbayan ni Zafe. Nahabol pa pala niya ako at hindi dala ni Zafe ang kotse niya. Ang bango ng katawan niya. Kakaligo lang niya siguro. Thug life. Mukhang naligo na din siya sa clubroom ng basketball club. Bakit ko nga pala inaamoy ang katawan niya?!



          “Zafe, nang-aasar ka ba?" seryoso kong tanong.



          “Ako? Hindi naman," sagot niya.



          “Alam mo ba na hanggang ngayon, hindi pa ako nag-iisip na may ibig sabihin ang mga ginagawa mo sa akin. Gaya ng paghalik mo sa labi ko ng tatlong beses sa restaurant, at itong pag-akbay sa akin. Hindi pa ako nag-iisip na bakla ka o kung ano man."



          “Ganoon? So okay lang pala na akbayan kita habang naglalakad ka pauwi sa inyo?"



          “Anong okay doon? Bakit? Magkaibigan ba tayo?"



          “Ang sakit mo magsalita ahh!"



          Huminto ako sa paglalakad at ganoon din siya. “Sabihin mo sa akin. Magkaibigan ba tayo para umakbay ka sa akin habang naglalakad ako pauwi?!" mas seryoso ko pang tanong at nakatingin ng diretso sa mga mata niya.



          Nag-iwas ng tingin si Zafe. “Hindi," naisagot na lang niya.



          “Kung ganoon, tigilan mo iyang ginagawa mo. Marahil ay nahalikan mo nga ako ng tatlong beses. Para sa akin, walang ibig sabihin ang mga halik na iyun. Nakikipaglokohan ka lang sa akin. At may gana ka pa talagang akbayan ako. Hindi iyun nakakatuwa Zafe sa totoo lang. Pinalaki ako ng nanay ko ng maayos. Pero lumalabas ang masamang ugali ko kapag hindi ko gusto ang isang tao. Kagaya ng ginagawa ko sa'yo sa resto, sinusuntok kita sa sikmura sa tuwing nagtatangka ka. Huwag mo akong subukan na hanggang sa eskwelahan, makikipaglokohan ka sa akin. Hindi ako magdadalawang-isip na gawin iyun kung kinakailangan. Dahil itong ginagawa mo sa akin, hindi na nakakatuwa. Binababoy mo ako. Ikaw naman, tuwang-tuwa sa ginagawa mo. Hindi mo iniisip kung ano ang magiging epekto nito sa akin. Isang piece of advice Zafe. Karamihan sa mga inaabusong tao, diyan pinapanganak ang mga mamamatay-tao. Kaya kung pinapahalagahan mo pa ang buhay mo, umayos ka Zafe. Hindi ako takot sa'yo. Mas takot pa ako sa sarili ko dahil hindi ko alam kung hanggang saan ang pwede kong gawing kasamaan sa ibang tao."



          Nagpatuloy na ako sa paglalakad pauwi at iniwan si Zafe na mukhang matagal ibaon sa utak niya ang mga sinasabi ko. Seryoso ako doon sa mga sinasabi ko. Hindi ko alam kung saan ko ba namana ang ugali kong ito. Sa tatay ko ba? Teka nga? Nakapatay na ba ng tao ang tatay ko? Hay nako! Maayos naman akong pinalaki ng nanay ko pero bakit may ugali akong ganito? Dahil ba sa hindi ko ito pinapakita sa nanay ko? Nako! Sa totoo lang, baka mahimatay lang si nanay kapag pinakita ko ang ugali ko.



          Nang nakauwi na ako, nagulat ako nang may nakaparadang limousine sa tapat ng bahay. Mukhang may bisita si nanay o naki-park lang iyung may-ari sa tapat namin? At paano nakapasok ito sa lugar namin nang hindi man lang pinagkakaguluhan ng mga tao?



          Tumingin ako sa paligid ng sasakyan at may nakita akong lalaking nakabarong at mukhang may dalang baril sa bulsa. Kaya naman pala. Sa mukha pa lang ng lalaki, mukhang papatayin nito ang sinomang magtatangkang lumapit sa limousine.



          Nang papasok na ako sa bahay, may medyo matandang lalaki ang lumabas sa bahay at sumakay sa kotse saka umalis. Napalingon ako sa paligid at nakikita ang mga manong at manang na nag-uusap. Mukhang pinag-uusapan nila ang bisita ng nanay ko. Iyung lalaki kanina, halata na mayaman sa pananamit at postura nito. Mukhang hindi ito mahilig sa mga tauhan dahil mag-isa lang siya na pumunta sa loob ng bahay namin.



          “Nay, nandito na ako," saad ko nang pumasok ako sa bahay.



          Nagulat ito sa pagpasok ko. “Ohh! Anak, kailan ka pa nakauwi?" tanong ni nanay.



          “Umm... nung lumabas po iyung isang matandang lalaki sa bahay natin?" sagot ko.



          “Ganoon ba? Kumusta ang eskwela?" Nagpatuloy na si nanay sa ginagawa niyang pagluluto.



          Pumunta ako sa kwarto ko para magpalit ng dami. “Ayos naman ang lahat nay. Siyempre, unang araw pa lang ng klase kaya wala pang masyadong nangyayari. Mukha namang makakahanap ako ng mga kaibigan. Iyun ay kung magpapakabait ako. Mabait nga ba ako?"



          Medyo natawa ng payak si nanay. “Mabuti naman anak. At tsaka mabait ka naman talaga. Ikaw kasi. Baka may nilalabas kang ora ng kasamaan!" sigaw ni nanay mula sa kusina.



          Lumabas na ako ng kwarto para tulungan sa ginagawa si nanay. “Siya nga pala nay. Sino iyung mukhang medyo matandang mayamang lalaki na lumabas mula sa bahay natin? Pinag-uusapan tuloy tayo ng mga tao sa paligid dahil sa ngayon lang sila nakakita na may isang mayamang tao ang pumasok sa pamamahay natin."



          “Ahh! Iyun ba anak? Dati ko lang naman iyun na kakilala. Marahil ay high school ako noon nang nagkakilala kami. Mahirap lang din noon ang taong iyun. Pero dahil sa nagsumikap ng nagsumikap, yumaman siya," paliwanag ni nanay.



          “At ano naman ang kailangan ng taong iyun dito? At ano nga pala ang pangalan niya?"



          Napatigil sa ginagawa si nanay. “Wala lang. Kinukumusta lang ako. Hindi halata pero dati, nagkaroon kami ng relasyon. Henry pala ang pangalan niya. Henry Blaine Lord-Melbone Harshebroocke Clamor."



          “Full name niya ba iyun?" namamangha kong tanong. “Nakakabwisit ang haba ng pangalan niya ahh! Ganoon kaya karami ang butas sa katawan niya sa pangalan niya? At tsaka nay. Naging kayo? Wow! Bakit nga pala kayo nagkahiwalay?"



          “Dahil sa ako ang lumayo sa kaniya. Pero wala naman siyang ginawang paraan para makalapit sa akin. Ngayon lang. Pero huwag ka ng umasa anak na magkakabalikan pa kami. May asawa na't anak iyung tao kaya, huwag na. Hindi bagay sa akin ang role na kabit. Pero Aulric? Bagay ba?" Nag-pose pa si nanay.



          “Hindi na po ako magpapaligoy-ligoy pa nay. Hindi po bagay," diretso kong saad.



          “Ang sakit mo namang magsalita anak," nalulumong saad ni nanay.



          “Okay na po itong hinihiwa ko nay. Ipagpatuloy niyo na po ang pagluluto at tigilan ang pagpapantasya na maging kabit kayo ng dati niyong minamahal."



          “Terible ka anak! Hindi kita bibigyan ng baon bukas dahil nilapastangan mo ang aking kagandahan," banta ni nanay.



          “Manang na po kayo nay at hindi na po kayo maganda."



          “Wala kang baon bukas!" nagagalit na sigaw ni nanay.



          “I love you nay."



          “Hindi mo ako madadaan sa matatamis na salita Aulric!"



          “Mahal pa rin kita nay."



          Hindi naman nagtagal at nagbati na kami ni nanay. Seryoso ako. Hindi na dapat siya dumagdag sa mga problema namin kung magiging kabit pa siya ng ex-lover niya.



          Kinabukasan, naging normal ang pangalawang araw ng klase. Sobrang normal na hindi ako kinukulit ni Zafe ngayon. Mabuti naman.



          Hindi ko naman sinusubukan kausapin si Zafe dahil sa napakasamang ora na nadadama ko sa kaniya. May masama sigurong nangyari sa kaniya maliban sa nangyari sa amin.



          Habang kumakain ako ng tanghalian, lumapit na naman si Kurt sa akin.



          “Pwedeng maki-join?" tanong niya.



          Nginitian ko na lang siya hudyat na pinapayagan ko siya. Hindi kami nag-imikan at kumain lang ng kumain.



          “Si Zafe, bakit masama ang tingin sa'yo?" tanong niya.



          “Zafe?"



          Bahagyang ngumuso si Kurt. Tinuro niya si Zafe sa likod ko. Lumingon ako kung saan siya ngumuso at nakita si Zafe na kumakain kasama si Ricky. Masama nga kung makatingin sa akin si Zafe.



          “Inasar ko lang. Effective pala ang ginawa ko," tugon ko.



          “Say Aulric. Bakit hindi tayo mag-team up para asarin si Zafe?" tanong ni Kurt. “It would be fun."



          “Oh! Sorry. Ayokong sumali," pagtanggi ko. “Alam ko na masama na ang relasyon namin ni Zafe sa isa't isa. Pero sa tingin ko, okay na. At walang fun sa pang-aasar."



          “Sayang naman at ayaw mo."



          “That's because you talked to the wrong person. Ayoko kasi ng gulo hangga't maaari. Hindi ako napunta sa school na ito para mam-bully. Naparito ako para mag-aral."



          “Kung ganoon, ikikwento ko na lang sa'yo ang nakaraan namin ni Zafe. Kung okay lang sa iyo."



          “Mahaba ka ba magkwento? Baka naman matapos ka, uwian na namin."



          “Susubukan kong i-summarize."



          Bigla naman akong naging interesado sa nakaraan nitong dalawa. Kung dati ay hindi ako interesado, bigla ko tuloy gusto malaman ang kwento dahil sa ginagawa ngayon ni Kurt.



          “Kilala mo ba si Colette?" tanong niya. Si Colette? Iyung dating girlfriend ni Zafe?



          “Hindi," pagsisinungaling ko. “Bakit? Sino iyung Colette?"



          “Si Colette ay ang matalik na kaibigan namin ni Zafe. Kaibigan na namin siya simula noong mga bata pa kami. Pero obviously, noon lang iyun. Tayong mga tao, hindi maiiwasan na tumanda. Kasabay ng pagtanda namin ay ang lumalaking affection namin ni Zafe para kay Colette. Akala ko, ako lang iyun. Pero kahit ganoon, ako ang unang pinili ni Colette."



          “Sandali lang. Ilang taon ba kayo nang naging kayo ni Colette?" pagputol ko sa kwento niya.



          Nag-isip si Kurt. “Sa totoo lang, parang mga 14 pa ata nang naging kami."



          “Grabe! Bata pa nga lang, kalandian agad ang iniisip ninyo. Ganoon ba talaga kayong mga mayayaman?"



          “Huwag mo kaming husgahan Aulric. Tunay naman kasi ang pag-ibig namin," seryoso niyang saad.



          “Okay. Ipagpatuloy mo na ang kwento mo."



          “Naging masaya naman ang relasyon namin ni Colette. Pero ang karibal kong si Zafe, hindi pa rin sumusuko. Sumali si Zafe sa isang basketball team at nagpasikat kay Colette. Dahil doon kaya iniwan ako ni Colette at ipinagpalit niya ako kay Zafe," kwento ni Kurt.



          “Wow! May conclusion na ako sa mga nangyayari!" bulalas ko. “Malandi iyang kaibigan niyong si Colette."



          Malakas na tinapik ni Kurt ang lamesa. “Don't talk to her like that! Hindi malandi si Colette!"



          “So I earned your wrath! Pasensya na. Iyun kasi ang masasabi ko matapos marinig ang kwento mo. At tsaka, huwag kang mag-alala. Kung nagawa ni Colette na iwan ka para kay Zafe, hindi malayong gawin niya iyun kay Zafe." Oo nga pala. Ginawa na niya.



          Bumuntong-hininga si Kurt. “Sa bagay. Tama ka. Nangyari na nga ehh."



          “Ganoon ba? Pero kung ako sa'yo, humanap ka na lang ng iba. Pare-parehas lang kayong biktima ni Zafe. Iniwan na pala siya. At tsaka iyang Colette na iyan, trash her. Ang mga ganoong klaseng babae, sa basurahan nababagay."



          Nginisihan ako ni Kurt. “Pagsisisihan mo iyang mga sinasabi mo Aulric."



          “Hindi ka ba lumaya sa sinabi kong katotohanan? Basura iyang Colette na iyan. Mukhang sanay na sanay na ngang mang-iwan ng tao. Gusto mong magkabalikan kayo? Fine! Pero kung ako sa'yo, hold her closely. What has been done once can be done twice. Hindi maiiwasang gawin ang isang bagay na nakasanayan na."



          Umalis na ako para iwasan na si Kurt sa pagkakataong iyun. May oras pa naman bago ang isa pang klase ko kaya pupunta na muna ako sa library. Siguro kapag bata pa tapos lumalandi agad, umaapaw ang katangahan sa utak. Grabe! Hahabulin pa rin niya si Colette? Pwede ba?! Ano ba ang nangyayari sa mundo natin? Nagulo na ba talaga ang natural na ayos ng mundo? Nabuhay naba si Jimmy Neutron?



          Habang naglalakad papuntang library, nakaramdam ako ng pananakit ng tiyan. Pumunta na agad ako sa isang cubicle CR bago pa lumala ang lahat. Habang naglalabas ng saloobin, nakarinig ako ng mga pamilyar na boses.



          “Mukhang may sinabi si Kurt sa kaniya," rinig kong saad ni Zafe.



          “Ano naman?" rinig kong tanong ni Ricky.



          “Siyempre. Nang kung ano-ano. Kilala naman natin parehas si Kurt noong bata pa. Magsasabi ng kung ano-ano sa ibang tao na hindi naman totoo."



          “Ang alin? Ang inagaw mo si Colette? Totoo naman iyun Zafe hindi ba?"



          “Hindi Ricky. Hindi iyun totoo. Hindi ko inagaw si Colette mula sa kaniya. Bitter lang siya dahil hindi siya ang pinili ni Colette."



          “Ano ba talaga ang nangyari? Naguguluhan ako Zafe."



          “Well, ayaw lang naman ni Colette sa kaniya kaya lumapit siya sa akin. Tapos, siya pa itong ngawa ng ngawa na inagaw ko daw. Ni wala nga akong ginawa para lumapit si Colette sa akin."



          “At ngayon, nakuha mo ang galit ni Kurt at palihim na may ginagawang kalokohan. Anong gagawin natin?"



          “Iparinig ang isang recorded voice ni Colette na sinabi niya na hindi talaga niya gusto si Kurt? Effective ba iyun?"



          “Ikaw na lang kasi ang magsabi Zafe."



          “Aba! Kapag nanggaling sa'yo  hindi iyun maniniwala," sabat ko. Natutop ko ang aking bibig. Bakit ba ako sumabat?



          “Aulric, ikaw ba iyan sa loob?" tanong ni Zafe.



          “No. Hindi ako si Aulric. Ako ang konsensya mo," wika ko na iniba ang boses.



          “Patahimikin na nga natin iyan Zafe. Narinig niya iyung pinag-uusapan natin," rinig kong saad ni Ricky.



          “Tama iyan. Mag-usap kayo sa CR ng pribado," saad ko. Ay! Dapat iniba mo ang boses mo Aulric.



          “Niloloko mo ako Aulric. Ikaw iyan," saad ni Zafe.



          “Ako ang konsensya mo. Maniwala ka. Iyung naririnig mong ibang boses, guni-guni mo lang iyun," tugon ko na iniba ko ulit ang aking boses.



          Mukhang malakas na sinipa ni Zafe ang pintuan ng cubicle dahilan para bumukas ang pintuan.



          Wala sa isip kong tinakpan ang aking ibaba. “Hoy! Ano ba?! Naglalabas pa ako ng sama ng loob dito! Pwede bang hintayin mo akong matapos?!" sigaw ko.



          “Dalian mo. May pag-uusapan tayo. At bakit mo tinatakpan ang ibaba mo? Parehas naman tayong lalaki. May titi din ako no. Gusto mong makita?!" Akmang hinawakan ni Zafe ang zipper ng pantalon niya.



          “Hindi iyan ang issue ngayon! Pwede ba?!" pagpapatigil ko dito. “Hawakan mo nga iyung pintuan para sumara?! Pambihira! Sinira mo iyung pintuan ng cubicle! Huwag ka ngang manira ng school properties!"



          Hinawakan ni Zafe ang pintuan ng cubicle para sumara. “Problema na ng school iyun. May pera naman sila para ayusin to."



          “Yeah! Alam kong meron pero hindi dapat gamitin ang ganoong dahilan para manira ng pintuan!"



          Matapos maglabas ng sama ng loob, nagpasya sila na sa school library kami mag-usap. Para hindi daw ako makapanigaw ng tao ayon kay Ricky.



          “Iyung totoo Ricky? Tama ba na sa CR kayo mag-usap ng pribado?" retort ko.



          Nang pumasok kami sa malaking library ng school, kumuha muna kami ng libro para gawing cover sa gagawin namin. Umupo na kami sa silya nang ayos na ang lahat. Nagtanong agad si Zafe sa akin kung ano ang mga sinabi ni Kurt na inulit ko kung paano niya sinabi. Walang dinagdag, walang binawas.



          “Whoah! Wait! Hindi ako sumali sa basketball team para magpa-impress kay Colette. Basketball is my passion. Bakit ko naman gagawin iyun? At tsaka, si Colette mismo ang lumapit sa akin. Hindi ko siya inagaw," paliwanag ni Zafe.



          “Pero pinatulan mo pa rin at binigay sa kaniya ang lahat-lahat. Ayan tuloy. Asan na siya?" litanya ni Ricky.



          “For once Ricky, iyan ang masasabi kong well said," gatong ko.



          “Wala kang alam Aulric," depensa ni Zafe.



          “I already heard enough! Huwag mong sabihin na wala akong alam," sagot ko. “At ngayon, ano ang issue natin? Bakit niyo ako gusto kausapin?"



          Lumingon si Ricky kay Zafe. “Ako na ba ang magsasabi?"



          “Ikaw ang may alam sa mga nangyayari. Bakit ako pa ang magsasabi?" sarkastikong saad ni Zafe.



          “Umm... Aulric, ganito kasi iyun. Kanina kasi, nasalubong namin si Kurt. Binantaan niya kami na may gagawin siyang masama sa kakilala namin dito sa school," paliwanag ni Ricky.



          “Kakilala namin sa school. Okay? At ano ang kinalaman ko dito?" tanong ko.



          “Well, nag-isip kami kung sino dahil first of all, ang mga kaibigan at kakilala namin ni Zafe, hindi na dito nag-aaral. Sa ibang school sila. Iyung iba, nag-ibang bansa. Ngayon, iniisip namin na baka ikaw ang tinutukoy ni Kurt."



          “Hey? Paano ako nasali? Hindi tayo magkaibigan."



          “Well... ganoon... talaga. Wait, hindi kaya sinusubukan niya tayo Zafe?" tanong ni Ricky sa kaniya.



          “Sinusubukan? Bakit naman? Si Aulric lang naman iyan," saad ni Zafe.



          “Pero may tsansa pa rin na baka iyun ang binabalak niya. Hindi natin alam."



          “Kindly please elaborate? Hindi ko maintindihan. Bakit ako dinadamay ni Kurt?" tanong ko.



          “Dahil malamang, nagsalita ka ng masama tungkol kay Colette," sagot ni Zafe.



          “Aba! Malandi naman talaga. Ikaw naman Zafe, nagpalandi ka naman."



          “Fine! Malandi na kung malandi si Colette."



          “Pero mahal mo pa rin?" sabat ni Ricky.



          “Tumigil ka nga Ricky," nanggigigil na wika ni Zafe.



          “So ano ang gagawin ngayon ni Kurt sa akin? May nalalaman ba kayo?" tanong ko.



          “Ibubulgar ni Kurt ang mga sikreto mo kung meron man. Sa madaling salita, sisiraan ka niya," sagot ni Ricky.



          “Anong mga sikreto? Iyung tungkol sa boring na high school life ko and everything? Gusto niyo i-announce ko pa lahat iyun sa buong school kung sino ako?" Tumayo agad ako.



          “Huwag! Umupo ka muna," pagpapatigil sa akin ni Zafe.



          “Kung gusto niya ipagkalat ang mga sikreto ko, fine! Ibibigay ko ang gusto niya."



          Akmang aalis na ako ng library nang hinawakan ni Zafe ang kamay ko ng mahigpit.



          “Don't leave. You don't know him down to his core. May mga paraan siya para siraan ka ng tuluyan," paliwanag ni Zafe.



          “Aulric, maling galaw ang gagawin mo. Kung gagawin mo iyan, mas lalong napapabilis ang mga masamang binabalak niya. Kung sinabi mo na boring na high school life mo, this will be worst than that," dagdag ni Ricky.



          “Ano pa ba ang mas lalala pa sa buhay na ito? Paliwanag niyo nga?" tanong ko.



          “Aulric, isang magaling na sinungaling si Kurt. Kaya ka niyang siraan sa kung paraan niya gusto," sagot ni Zafe.



          Pinakinggan ko ang sinasabi nilang dalawa at umupo. Naging interesado ako kung ano ba ang bagay na ikakasira ko ang ibubunyag ni Kurt. Meron pa pala? Gusto kong malaman kung ano iyun.



          “So ano ang gagawin natin?" tanong ko.



          “Umm... Ricky, ano ang gagawin natin?" pagpasang tanong ni Zafe kay Ricky.



          “Ano nga ba?" patanong ding sagot ni Ricky.



          “May nakilala ba akong dalawang Jin?" naiiritang saad ko.



          “Ahh! Naalala ko na. Magkita tayo mamayang uwian. Tapos sasabihin ko ang plano natin para sa gagawin natin mamayang gabi," saad ni Ricky.



          “Ha? Bakit sa uwian pa? Strict ang parents ko kaya kailangan, umuwi agad ako pagkagaling sa eskwelahang ito," reklamo ko. Parents daw kahit nanay lang ang meron ako.



          “Huwag ka ng magreklamo. Hindi lang parents mo ang strict dito. Iyung parents din ni Ricky, strikto din," saad ni Zafe.



          May kinuhang laptop si Ricky mula sa bag niya at binuksan ito. “Basta guys. Kita na lang tayo mamaya para pag-usapan ang plano natin."



          “Sige. Sige. Magpapaalam na lang ako sa nanay ko mamaya," pagpayag ko.



          Nang tumayo ako, napansin ko na may isang babae na nakatitig sa amin. Ito iyung babae na natapunan ko ng kape sa unang araw ng klase. Oo nga pala. Sabi niya, mag-uusap daw kami sa ibang pagkakataon. Pero hindi ngayon ang tamang pagkakataon dahil may klase pa ako.



          Sumabay na lang sa akin si Zafe na maglakad pero parang hangin na ulit ngayon ako sa kaniya. Umabot na kami sa classroom pero wala pa rin itong sinasabi sa akin. Maganda ito. Tapos kung makahawak ng kamay kanina, parang tatakbo talaga ako para isiwalat sa buong school ang buo kong pagkatao. Pero nagpapahiwatig iyun na concern siya sa akin. Bakit pa ba niya ako kinausap? Pwede naman na hayaan niya akong mapahiya sa baliw niyang childhood friend.



          “Hey, Zafe," tawag ko.



          Lumingon siya sa akin at bakas sa mukha niya na hindi interesado sa mga sasabihin ko. “Bakit?" tanong niya.



          “Bakit mo pa sinabi sa akin ang bagay na ito? Na may masamang binabalak si Kurt sa akin?" tanong ko.



          “Hindi ba halata? Concerned ako sa'yo," sagot ni Zafe.



          “Totoo ba iyan?"



          “It's up to you to decide. Mukhang masama na ang reputasyon ko sa'yo. Hindi na ako mag-aaksayang kumbinsihin ka sa mga sinasabi ko. And please. Pakinggan na lang natin ang professor kesa pag-usapan ang mga kumplikadong bagay?" seryosong pakiusap niya.



          Itinuon na lang namin ulit ang atensyon sa dini-discuss ni prof gaya ng sinabi niya. May punto siya. So may mga side pala talaga si Zafe na hindi ko alam. Parang gusto kong dagdagan ang points ngayon ni Zafe. Pero dahil sa mga ginawa niyang panakaw na halik nitong bakasyon, minus points. Dapat mapag-usapan namin iyun kapag may pagkakataon para malinawan na ang lahat.



          Nang natapos na ang klase namin, tumawag na agad ako kay nanay. Nakapag-isip na ako ng palusot. Pero kakagat kaya ang palusot ko?



          Ilang ring ang nakalipas, sumagot si nanay. “Hi Aulric. Himala at napatawag ka sa akin ngayon," nagugulat na saad ni nanay.



          “Ako nga din po. Hindi din makapaniwala. May load pa pala ang phone ko. Oo nga po pala nay. Hindi po ako makakauwi agad ng maaga diyan nay. May pinapagawa po kasi na sumpresang group report ang prof namin sa isang subject. At kagaya ng dati, ako na naman po ang group leader. Ang pagkakaiba nga lang po ay sa bahay ng isang kaklase namin gagawin ang group project," masayahing palusot ko.



          Hindi nagsalita ng ilang segundo si nanay. Siguro, pina-process pa niya sa utak ang sinasabi kong palusot. Sana naman ay hindi maisip ni nanay na niloloko ko siya.



          “Niloloko mo ba ako anak?" tanong ni nanay sa kabilang linya. “Para ka kasing nababaliw habang nagsasalita kanina. Nakakapanibago alam mo ba iyun?" Mukhang nakahalata ata si nanay. Dapat pala, hindi ako mukhang masaya kung nagsasalita.



          “Hindi ko po kayo niloloko nay. Sadyang marami lang sumpresa ang mundong ginagalawan natin. Nagpaalam lang po ako para ipaalam sa inyo ang isa sa mga posibleng milestone ng buhay ko. At tsaka hindi po ako nababaliw. Masaya lang talaga ako," masayahing paliwanag ko.



          “Ganoon ba? Pero nakakabahala lang talaga anak. Baka may mga alien sa eskwelahan mo. Tapos may ginawa silang kababalaghan sa iyo dahilan para maging masaya ka ngayon."



          “Naniniwala pa pala kayo sa alien?" gulat na tanong ko.



          “Joke lang anak."



          “Hindi po kayo magaling mag-joke!"



          “Pero anak, masaya ako at masaya ka ngayon. Sana magtuloy-tuloy iyan," concerned na saad ni nanay. Kung sana totoo ang sinasabi ko.



          “Tama po kayo. Ang saya-saya nga po ng pakiramdam ko. May matatawag na akong mga kaibigan."



          “Ipakilala mo naman sila sa akin anak balang araw." Patay tayo diyan!



          “Opo nay. Susubukan ko po."



          “Sige. Basta mag-ingat ka pagkauwi mo."



          “Salamat nay. Ibababa ko na ang phone," masayang saad ko.



          Ibinaba ko na ang aking telepono. Kinikilabutan talaga ang aking katawan sa tuwing nagsisinungaling ako. Bakit kaya? Ano ba ang sakit ko at tuwing magsisinungaling ako ay tumataas ang balahibo ko? Buti na lang at hindi alam iyun ni nanay na nagsisinungaling ako kapag tumataas ang balahibo ko. Hindi din naman ako laging nagsisinungaling. Paminsan-minsan lang. Gaano kadalas ang minsan?



          Sabay kaming pumunta ni Zafe sa library para mag-usap ulit kami sa gagawing plano namin para hindi matuloy ang binabalak ni Kurt. Naabutan naman namin si Ricky sa library na nakatingin sa laptop niya.



          “Balita?" tanong ni Zafe habang umuupo sa tabi ni Ricky.



          Umupo naman ako sa tapat ni Ricky. “Balita o plano?" pabirong tanong ko.



          “Okay guys. Ganito ang plano. Papasukin natin ang bahay ni Kurt," diretsong saad ni Ricky.



          Napatayo ako sa sinabi niya. “Pwede hindi na ako kasali sa plano? Mukhang hindi maganda ang plano natin at mukhang mahuhuli tayo."



          “Aulric, umupo ka muna. Hindi pa naman iyun ang buong plano," pagpapatigil ni Ricky.



          “Unang parte pa lang ng plano, mukhang hindi na maganda. Pinapahalagahan ko ang buhay ko. Ayokong makulong."



          “Huminahon ka lang Aulric. Alam ni Ricky ang gagawin niya. Magtiwala ka," sabat ni Zafe.



          “Magtiwala? Anong kasinungalingan ang salitang pagtitiwala? Sa inyo? Ehh hindi ko nga kayo mga kaibigan? Paano ako makakasigurado na hindi niyo ako ilalaglag sa binabalak ninyo?"



          “May trust issues siya Zafe," rinig kung pasimpleng bulong ni Ricky.



          “Narinig ko iyun Ricky."



          “Anong gusto mo? Assurance?" tanong ni Zafe.



          “Oo. Gusto ko ng assurance," sagot ko.



          Bumuntong-hininga si Zafe. “Mukhang mahirap to Ricky. Pwede naman na hindi na lang natin siya isama hindi ba? Hindi naman siya kawalan kung sakali."



          “Aba! Hindi pwede iyan! Well technically, pwede naman na hindi na natin siya isama. Masasama naman iyung mga impormasyon tungkol sa kaniya na mabubura kapag ginawa natin ang plano. Wala nga lang tayong matatanggap na pasasalamat sa kaniya kung sakaling kasama talaga siya sa gagawan ni Kurt ng masama," paliwanag ni Ricky kay Zafe. “Pero kailangan ba natin ang pasasalamat niya? Hindi naman."



          “Ganoon naman pala. Well Aulric, umuwi ka na. Go on and continue your life. Pasensya na kung hindi ka namin mabibigyan ng assurance na hindi ka namin ilalaglag. Hindi kasi namin alam kung anong klaseng assurance ang hinihingi mo at mukhang hindi namin maibibigay iyun. Hindi kasi namin alam na hindi ka pala masyadong nagtitiwala sa mga tao. Umalis ka na. Kami na lang ni Ricky ang mag-uusap."



          Tumayo ako sa aking kinauupuan. “Fine!"



          Umalis na ako sa library dahil sa wala silang maibigay sa akin na assurance. Ayokong sumugal. Baka mapahamak at mawala ang tanging pagkakataon ko na makapag-aral ng kolehiyo. Pero na-curious talaga ako sa maaaring gawin ni Kurt. What if meron talaga siyang binabalak sa akin?



          Nagpasya akong bumalik sa library. Kung sakaling meron ngang gagawing masama si Kurt sa akin, ayokong magkaroon ng lihim na utang na loob sa kanila at baka gamitin nila iyun laban sa akin balang araw. Kailangan kong maniguro.



          “Bakit ka bumalik?" tanong sa akin ni Zafe nang nakita ako na bumalik sa library at umupo sa harapan niya.



          “Kung sakaling meron talaga, ayoko na mag-isip kayo na may utang na loob ako sa inyo. Pero kung ilalaglag niyo ako, humanda kayo sa akin!" banta ko sa kanila. “So ano ang plano?"



          “Okay. Good," wika ni Ricky. “Ganito ang plano. Pero bago muna ang lahat, patingin ng phone mo Aulric."



          “Ha? Bakit ang phone ko?" reklamo ko.



          “Nagrereklamo pa. Bilis! Patingin ng phone mo."



          Binigay ko kay Ricky ang phone ko. Tiningnan niya ito ng mga ilang segundo at marahang tumango. Medyo luma na ang modelo ng phone ko. Nokia 5100.



          Naghalungkat naman si Ricky sa bag niya at may nilabas na earphones at isinaksak sa phone. Pumindot siya ng ilang beses at maya-maya'y napatango. Ibinalik niya sa akin ang phone kasama ang headset na nakalagay dito.



          “So, heto ang plano. Narinig ko na may pupuntahan munang lugar si Kurt bago siya uuwi sa bahay niya. Pupunta tayo sa bahay ni Kurt mamaya. Sa bahay ni Kurt, iyung mga maids at guards lang ang nandoon. Wala iyung mga magulang niya dahil sigurado ako na nagbabalita sila ng mga maiinit na balita mamaya. Ang una mong gagawin Aulric ay ang magtago sa likod ng compartment ng sasakyan mamaya."



          “Likod talaga ng sasakyan? As in iyung sa likod ng sasakyan?" hindi ko makapaniwalang saad.



          “May phobia ka ba sa mga masisikip o madidilim na lugar?" tanong ni Zafe.



          “Wala naman," sagot ko. “Parang gusto kong bawiin ang pansamantalang pagtitiwala ko sa inyo."



          Nagkatinginan sila Zafe at Ricky at sa akin ulit. “Huwag kang mag-alala. Pwede naman na sumakay ka muna sa backseat ng sasakyan. Pero bago tayo pumasok sa sabdibisyon. May mga tauhan din kasi si Kurt sa pasukan ng sabdibisyon. Bibilisan na lang namin ang pagmamaneho papunta sa bahay ni Kurt kapag nakapasok na para hindi ka ma-suffocate," wika ni Zafe.



          “Okay. Continue."



          “Kailangan, hindi ka makita ng mga maids at guard na kasama namin ni Zafe. Walang mga CCTV ang bahay ni Ricky kaya hindi niya malalaman na kasama ka namin. Kapag narinig mo na tinanggal na namin ang lock, huwag ka muna lalabas agad at pakinggan mo ang mga instructions ko sa phone mo. Tatawagan kita kaya makinig ka ng mabuti," pagpapatuloy na pinapaliwanag ni Ricky ang gagawin namin.



          Nang papaalis na kami para isagawa ang plano, binigyan ako ng ekstrang damit ni Zafe para suutin ko at nang hindi madumihan ang uniporme ko.



          Ilang minuto ang nakalipas, narating na namin ang sabdibisyon. Nagtago na ako sa likod ng compartment ng sasakyan gaya ng nakasaad sa plano ni Ricky. Habang nasa loob ng compartment, tinamaan ako ng pagkabaliw dahil paano kung hindi na buksan ito nila Zafe? Mamamatay ako dito.



          Pero nang maamoy ko ang mabangong damit ni Zafe, pakiramdam ko ay nasa maayos akong kalagayan. Sana naman magiging maayos talaga ang kalagayan ko.



          Tumunog naman ang phone ko at sinagot ito.



          “Aulric, okay ka lang ba sa likod ng sasakyan?" rinig kong tanong ni Ricky sa earphones na nakakonekta sa phone ko.



          “Okay pa naman," sagot ko. “Malapit na ba tayo?"



          “Huwag kang mag-alala. Nandito na tayo sa tapat ng bahay niya."



          Nakahinga ako ng maluwag nang marinig ang hudyat na binuksan na nila ang likurang compartment ng sasakyan. Naghintay ulit ako ng ilang minuto at sinabi na sa akin ni Ricky na lumabas na ng compartment. Ibinilin din sa akin ni Ricky na isuot ang gloves na nakalagay din sa likod ng compartment ng sasakyan ni Zafe para hindi ako makapag-iwan ng bakas. Subukang hulihin. Si Aulric. Parang Lupin lang.



          Sinabi sa akin ni Ricky kung saan ko dapat akyatin ang kwarto ni Kurt. Ito daw kasi ang minsan na ginagamit na ruta ni Kurt kapag gustong tumakas sa mga magulang niya noon. May history talaga sila.



          “Kaya mo bang akyatin?" tanong ni Ricky.



          “Yeah. Kayang-kaya ito. Counted ba ito na nang-aakyat bahay ako?"



          Maingat na inakyat ko ang kwarto ni Kurt. Pagdating sa taas ay pinagbuksan ako ng bintana ni Ricky para makapasok. Pagkatapos ay umupo si Ricky sa tapat ng kompyuter at naghahanap ng mga bagay na hinahanap namin.



          Habang naghahanap siya ay tiningnan ko ang kabuuan ng kwarto ni Kurt. May mga poster ito at hindi ko kilala ang mga karakter na nasa poster. May babaeng nakasakay sa tigre, tikbalang, at kung ano-ano pa na baka masasabi mong may sademonyo si Kurt.



          Ilang minuto ang nakalipas, nahanap ni Ricky ang hinahanap niya. Hindi naman obvious ang pangalan ng folder dahil ang pangalan ay ‘Folder ng Kasamaan'. Yeah. Iyun ang pangalan ng folder niya.



          Nakalagay sa folder nito ang ilang PowerPoint Presentation na ang title ay katulad sa pag-uusapan naming topic sa English bukas. Bumukas si Ricky ng isang PowerPoint file at tiningnan ko ito ng mabuti. Puro kasinungalingan tungkol sa akin at kay Zafe ang nakalagay sa presentation at mukhang maniniwala agad dito ang mga close-minded at kulang ang mga nutrisyon sa utak.



          “Okay. Naniniwala na ako sa mga sinasabi ninyo. Ngayon, ano na ang gagawin natin? Buburahin ba natin ito?" tanong ko kay Ricky.



          “Oo naman. Pero hindi muna ngayon," sagot ni Ricky.



          May pinasok na isang USB si Ricky sa USB port ng kompyuter. Sa USB niya, may naglalaman na isang application at pinagana niya ito sa kompyuter. Tumingin-tingin naman ako sa kwarto ni Ricky. Nakita ko dito ang isang CD na kaparehas ng title sa magiging aralin namin sa English bukas. Mukhang dito niya ilalagay ang PowerPoint file.



          “Okay na. Mag-aantay na lang tayo sa mabgyayari bukas," saad ni Ricky.



          “Wait, ni hindi mo nga binura ang file. Sigurado ka bang mabubura iyun?"



          “Hindi ko alam. Pero gusto ko ng sumpresa. May tiwala ako na gagana ito."



          “Okay."



          Lumabas na ulit ako sa bintana. Sinara naman ito ni Ricky para hindi mahalatang may pumasok din mula sa bintana. Wala akong iniwan na mga bakas kaya okay lang ang lahat.



          Pumasok ulit ako sa likurang compartment ng sasakyan gaya ng plano namin. Maya-maya ay naramdaman ko na gumalaw na ang sasakyan. Mukhang hindi ata nasayang ang tiwala na binigay ko sa kanila. Pero bukas ko pa malalaman kung magiging okay ang lahat.



          Ilang minuto ang nakalipas, si Zafe na mismo ang bumukas sa likurang compartment ng sasakyan. Nakahinga ako ng maluwag nang nakaalis na din ako sa wakas.



          “Okay ka lang?" tanong ni Zafe.



          “Yeah. Humihinga pa naman ako. Salamat," tugon ko. Hinubad ko naman ang damit na binigay sa akin ni Zafe.



          “Anong ginagawa mo?" naitanong niya.



          “Bakit? Ano itong damit mo? Akin na?"



          “Oo. Iyan ang magiging assurance na hindi ka namin tatraydurin ni Ricky. Hindi ba nga, naghahanap ka ng assurance? Kaya ibibigay ko na iyang damit ko. Mapapahiya mo ako gamit ang damit na iyan. Branded kasi at alam ng ilan kong mga kaibigan na sinusuot ko ang damit na iyan. Historical iyan dahil iyan ang ginagamit ko sa pagpunas ng pawis ko tuwing nakakatapos ako ng isang street basketball game tapos sinusuot ko pa rin."



          “Dapat sinabi mo muna sa akin ang tungkol sa damit at itatapon ko sa pagmumukha mo ang damit na ito!"



          “Huwag ka ding mag-alala. Kalalaba lang ng damit na iyan. Ano ka ba?" Kinuha ni Zafe ang wallet niya. “Magkano ka ba? Bibilhin na kita."



          “Anong sabi mo?" furious kong tanong habang sinusuot ulit ang damit na pinahiram niya. Tama ba ang pagkakarinig ko na bibilhin niya ako?



          “Ang ibig kong sabihin, magkano ang pamasahe mo pauwi sa inyo? Bibigyan kita."



          “Huwag na. Salamat na lang. Maglalakad na lang ako pauwi."



          “Come on. Huwag ka naman ganyan katigas. Okay na iyung trust issues mo sa amin. Pero ang tumanggi sa charity, tama na." Kumuha si Zafe ng isangdaan sa wallet at inilagay sa kamay ko saka pinahawak sa akin ng mahigpit. Ang init ng kamay niya.



          “Hindi mo naman kailangan na hawakan mo pa ang kamay ko para ibigay sa akin ang isangdaan."



          “Nangyari na. Huwag ka na magreklamo." Tumahimik siya saglit. “Nakita mo?" naitanong niya.



          “Ang alin? Dalawa kasi ang nakita ko. Iyung sa iyo o iyung sa akin?" patanong ko na sagot.



          Napakamot si Zafe sa ulo. “Iyung sa'yo siyempre. Pwede rin naman natin pag-usapan iyung sa akin kung gusto mo."



          “Hindi ko masyadong nakita iyung sa'yo dahil hindi ako ganoon kainteresado sa mga sikreto mo. Mas concern ako doon sa akin. Grabe namang mga kasinungalingan ang nilagay niya."



          “So kita na lang tayo bukas."



          Kinuha ko ang aking gamit mula sa sasakyan niya. “Sige. Kita na lang tayo bukas," paalam ko.



          Nakauwi na rin ako sa amin. Nagtaka naman si nanay kung bakit iba na ang suot kong damit. Naisip ko na itatanong iyun ni nanay kaya bago ako umuwi, nilublob ko sa putik ang uniporme ko para pasok ang sasabihin kong dahilan.



          Nang gumabi na, saka lang pumasok sa utak ko ang mga nangyari. Binigay sa akin ni Zafe ang damit niya. Kinuha ko ito at inamoy-amoy. Ang bango nito. Ito ba ang pabango na ginagamit ni Zafe sa katawan niya? Naaadik ako at parang ayoko ng ibalik sa kaniya. Sayang nga lang at hindi ko gustong maging kami ni Zafe. Baka maging rebound lang ako.



          Ang totoo kanina, nakita ko ang mga isisiwalat na sikreto ni Kurt kay Zafe. Isa doon ay nabuntis daw ni Zafe ang ilang mga kababaihan sa school at pinalaglag niya ito. May litrato pa ng mga babae at ni Zafe na intimate na nakikipaghalikan sa isang babae. Hindi ko alam kung totoo ang parteng iyun o isang kasinungalingan lang. Hindi ko talaga alam dahil sa may posibilidad na magagawa ni Zafe ang ganoong bagay. Well para makasigurado, hindi ako mahuhulog talaga kay Zafe. Hindi kahit kailan. Pero itong damit na binigay sa akin, amuy-amuyin ko na hanggang pwede dahil bukas, isasauli ko na ito.



          Kinabukasan, gaya ng inaasahan, pinapunta kami ng aming prof sa AVR room. Magpapakita daw si prof ng isang PowerPoint presentation dahil doon manggagaling ang aming aralin para sa araw na ito. Nakita ko ang hawak na CD ni prof at mukhang iyun nga iyung CD na nakita ko sa bahay ni Kurt. Napalingon ako sa isang banda at nakita si Kurt na manonood din ata ng presentation. Nagkrus ang aking daliri dahil sa kaba na dinudulot ng pag-load ng PowerPoint presentation. Ilang segundo ang nakalipas, nagtaka si prof kung bakit hindi nag-load ang presentation niya. Inilabas-pasok ni prof ang CD pero ayaw pa rin mag-load ng presentation. Hanggang sa nakita ni prof ang tamang CD at nag-load ang tamang presentation. Napatingin ako kay Kurt na masama ang tingin kay Zafe at umalis ng kwarto.



          “So nabura nga?" tanong ko kay Zafe na mukhang kalmado siya dahil sa diretso ang kanyang tingin.



          “Mukhang ganoon na nga," tugon niya.



          Parang gusto kong magtatalon sa tuwa dahil sa matagumpay ang plano na ginawa namin. Hindi nga nasayang ang binigay kong pansamantalang pagtitiwala sa kanila. Siguro, dapat matuto ako na pagkatiwalaan din minsan ang mga tao ulit. Susubukan ko at baka gumanda ang magiging takbo ng buhay ko.」



Ricky's POV



          「7 months ago...



          Habang naglalakad papunta sa cafeteria, nasalubong ko ang nanggigigil kong dating kaibigan na si Kurt.



          “Anong ginawa mo?" gigil na tanong ni Kurt.



          “Wala. Bakit? Ano ba ang ginawa ko?" maang ko.



          “Sinabi sa akin ng mga katulong na pumunta kayo ni Zafe sa bahay. I assume na susubukan niyong burahin ang maganda kong presentation pero nang tiningnan ko ito, nandoon pa iyun lahat. Akala ko ang tatanga niyo. Pero ngayon, isinalang na ito sa CD kanina. Nang pine-present na ito ng prof, biglang hindi ito gumana. May ginawa kayo sa kompyuter ko. Ano iyun?"



          “Sabihin na natin Kurt na ako ay nakabantay sa'yo. Subukan mo kayang gumawa pa ng mga ganoong presentation. Okay lang. Buburahin ko naman ulit. Subukan mo ulit na gumawa sa ibang kompyuter, buburahin ko lang naman ulit. Kurt, marami na ang nagbago simula nang nagkahiwalay tayo. Hindi mo na nga alam kung ano pa ang mga kaya kong gawin. Hindi na tayo magkaibigan," tugon ko.



          “Damn you!" Nainis si Kurt at umalis sa harapan ko.



          Nakahinga ako ng maluwag. Kapani-paniwala ba ang mga nasabi ko sa kaniya? Nasindak ba siya? Nako! Paano talaga kung gumawa pa siya ng isa pang ganoon? Nako! Patay ako! Sana gumana iyung bluff na sinabi ko. Kapag nalaman niya na hindi totoo ang mga sinasabi ko, baka gagawa talaga siya ng isa pang presentation. Pero hindi naman ata mangyayari iyun. Gullible na tao si Kurt at madaling paniwalain. Siguro madadala siya ng mga ilang araw siguro. Mission accomplished.



          Dumating na ako sa cafeteria. Sabay kami nila Zafe at Aulric na kumain noong araw na iyun. Masaya dahil sa napigil namin ang masamang binabalak ni Kurt.



          “Guys, salamat at hindi niyo sinayang ang pansamantalang pagtitiwala na binigay ko sa inyo," saad ni Aulric.



          “Wala iyun. Sanay na kami na hindi pagkatiwalaan sa mga ganitong bagay," tugon ni Zafe.



          “Paano mo ba nagawa ang bagay na iyun pala Ricky? Mukhang marami kang alam sa kompyuter ahh?" tanong ni Aulric sa akin.



          Napakamot ako sa ulo. “Ang totoo niyan, ang ginawa ko lang ay ang paganahin ang application. Tsaka pinagawa ko lang iyun sa kaibigan ko."



          “Sinong kaibigan iyan? Kilala ko ba?" tanong ni Zafe.



          “Umm... hindi ko nga siya kilala," sagot ko. “Pero salamat sa kaniya at napigil ang masamang plano ni Kurt."



          “Pero paano si Kurt? Paano kung gumawa na naman siya ng isa pang presentation?" nag-aalalang saad ni Aulric.



          “Nagawan ko na ng paraan iyan Aulric. Huwag kang mag-alala. Hinding-hindi na siya uulit gagawa ng presentation."



          Nag-bell na hudyat na magsisimula na ang susunod na klase. Sabay na umalis sila Zafe at Aulric dahil may klase pa sila habang ako naman ay bakante. Kinuha ko ang laptop sa bag ko at binuksan tsaka pinuntahan ang isang chatbox.





Mr. Wolfgang has entered the room...



Mr. Wolfgang: Hey, salamat sa ginawa mo. Effective po iyung application.

Ren: Wow! Mabuti naman at effective. :)

Mr. Wolfgang: Ipapadala ko na po ang kalahati ng bayad ko bukas. Salamat po talaga sa ginawa ninyo. Idol ko po kayo. Sana ipagpatuloy niyo pa po ang website niyo.

Ren: Swerte ka kamo at nakita ko agad ang message mo. Hindi na kasi ako masyadong active sa website ko. Baka tatanggalin ko na ito.

Mr. Wolfgang: Ganoon po ba sir? Pero salamat po talaga. Parang gusto ko pong doblehin ang bayad sa inyo.

Ren: Okay na iyun. Hindi naman kasi ako sugapa sa pera. Masaya ako at natulungan kita.

Mr. Wolfgang: Pwede po bang turuan niyo po ako ng ginagawa ninyo? Nag-aaral din po kasi ako ng IT ngayong college.

Ren: Pasensya na Mr. Wolfgang. Iyan ang isa sa mga katangian ko na hinding-hindi ko makukuha. Ang magturo.

Mr. Wolfgang: Ay! Ganoon po ba? Sayang naman.

Ren: Paano? Aalis na ako. May klase pa ako. Ingat ka.

Mr. Wolfgang: Ingat din po kayo master.」



Aulric's POV



          「6 months ago...



          Isang buwan na ang nakakalipas, medyo nakakagaanan ko na ng loob sila Zafe at Ricky. Sabay kaming kumakain ng tanghalian pagkatapos ng klase, pero hindi pa rin kami magkakaibigan. Mukhang okay lang naman kasi sa dalawa ang trato ko sa kanila.



          Habang naglalakad papunta sa cafeteria, nakita ko na naman si babae na aksidenteng natapunan ko ng mainit na kape sa mukha. Bumuntong-hininga ito at lumapit sa akin. Oo nga pala. Nangako ako na may pag-uusapan kami ng babaeng ito. Busy kasi ako dahil kila Zafe at Ricky. Pero nangako ba ako na makikipag-usap ako sa kaniya? At ano naman ang pag-uusapan namin?



          Inabot agad ni babae ng kamay niya. “Hi! I'm Shai Lyn," pagpapakilala niya. “Aulric Melville, gusto kong makipagkaibigan sa iyo kung pwede?"



          Tubig, lupa, apoy, hangin. Noong unang panahon, payapa na namumuhay ang apat na nasyon. Pero bigla itong nagbago nang may nagpakilala sa aking babae at gustong makipagkaibigan sa akin. Mukhang kailangan ko ang Avatar para ibalik ulit sa natural na ayos ang mundo natin. Naguluhan ako sa sinasabi ng babaeng ito. Ano daw? Gusto niyang makipagkaibigan sa akin?」



ITUTULOY...

6 comments:

  1. Suplado talaga ni aulric hehehe

    ReplyDelete
  2. Ganda ng story ni aulric. Galing mo author.

    -jomz r.-

    ReplyDelete
  3. Maganda ang pagkalahad ng kwento mo pati na ang transition mula kay Ren to Aulric. It's a smooth transition. Mahahaba ang mga updates. Talagang pinag isipan. Thank you ang God Bless you.

    ReplyDelete
  4. Lolz this is interesting but I really hate the idea of cheating... in front of you.

    And I have premonitions about this!

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails