By: Michael Juha
email: getmybox@hotmail.com
fb: https://www.facebook.com/mikejuha
Author's Note:
Sa mga sumubaybay sa kuwento kong ito, maraming-maraming salamat. Bagamat hindi ko kayo nasagot sa mga comments ninyo, nababasa ko ang inyong mga ito at naappreciate ko nang bongga. Ang mga kumento ninyo ay ang nagpapataba ng puso naming mga writers, nagbibigay ng lakas at insiprasyon. Sa kumento at pagbabasa ninyo lang kami nabibigayang sigla upang magsulat pa, ipagpatuloy at galingan ang pagbibigay sa inyo ng entertainment. Parang hindi nawawalan ng saysay ang effort at hirap namin dahil sa inyong pagbabasa at lalo na sa pagkukumento.
Pasensya na rin sa ending ng kuwento. Gayun pa man, sana ay magugustuhan ninyo dahil kung hindi, bahala kayo sa mga buhay ninyo. Joke lang.
:-)
:-)
-Mikejuha-
********************
“B-bakit po? Ano bang sakit
niya?” ang tanong ko.
“May tumor na tumubo sa kanyang
utak. Pero huwag kang mag-alala, may gamot siyang pampatunaw nito.
Nagpapagaling na lang siya. Kaya siya umuwi rito upang lubos na gumaling.
Walang mag-aalaga sa kanya sa Maynila eh. Gusto lang niyang magkita kayo bago
ka bumalik ng seminaryo.”
Nagulat naman ako nang marinig
ang salitang walang mag-aalaga. “B-bakit? Di ba m-may asawa’t anak naman siya?”
Napatitig ang Tita niya sa
akin, iyong bang naguluhan sa aking sinabi. “Ah, basta magkita kayo at kayo na
ang mag-usap.” Ang nasabi na lang niya. Marahil ay nakuha niyang may alam ako na
taliwas sa alam niya at ayaw niyang magkamali ng sasabihin sa akin.
“S-sige po. Sasama po ako.” Ang
sagot ko na lang.
Sumama ako sa bahay ng Tita
niya. Habang nakasakay kami sa tricycle patungo roon, hindi naman ako mapakali.
Ang lakas ng kalampag ng aking dibdib. Na-excite ako na nag-worry na hindi ko
alam. “Bakit kaya hindi niya kasama si Loida? Ano ang nangyari sa kanila? Ano
kaya ang sakit niya?” ang mga tanong sa aking isip.
Nang makarating na kami, doon
ko na nakita si Dennis. Nakaratay siya sa higaan, halatang pumayat, at maputla.
Nakatitig lang ako sa kanya nang ganyan. Sobrang tuwa kong nakita siya ngunit may
awa at lungkot na nasilayan ko siya sa ganoong kalagayan.
Iniabot niya ang kanyang kamay,
inunat ang gitnang daliri para sa aming handshake. “Pa-hug naman d’yan! Miss na
miss na kita. Talagang hinihintay kita.” ang sambit niyang nakangiti, iyong
ngiting mistulang nahihirapan.
“Anong nangyari sa iyo?” ang
tanong ko.
Ngunit hindi niya ako sinagot.
Bagkus, “Narito pa ang aking kuwintas ‘Tol. Hindi ko siya tinatanggal sa aking
leeg.” Hinawakan niya ang pendant noon at inabot sa akin.
Hinugot ko na rin ang aking
kuwintas at ang pendant ay ipinagtabi sa pendant ng kanyang kuwintas.
“Waaahh!” nabuo muli siya,
pagkatapos ng ilang taon.” Ang sabi niya nang nabuo ang hugis puso na mga leeg
ng swan ng aming pendant.
Napangiti na rin ako. At nang
tinitigan kong muli siya, naalala ko ang aking tanong. “Anong nangyari sa iyo?”
habang isiniksik ko muli sa ilalim ng aking T-Shirt ang pendant ng kuwintas ko.
“Wala... nagpagaling lang ako
rito. Huwag kang mag-alala, okay na ako.”
“Nasaan ba si Loida? Ang anak
mong si Leah? Bakit hinayaan ka nila sa ganitong kalagayan?”
Nahinto siya sandali. Halata sa
mukha ang biglang paglungkot. “Nagsinungaling sa iyo si Loida, ‘Tol... hindi
totoo ang mga sinabi niya sa iyo. Ginawa niya iyon upang lumayo ka sa akin, upang
kapag wala ka na ay makakalapit na siya sa akin. Akala niya ay tatanggapin ko
siya kapag wala ka na.”
“Ha???” ang nasambit ko. Parang
biglang may sumapak sa aking ulo sa aking narinig. “Hindi ikaw ang tunay na ama
ng bata? B-bakit may dala-dala siyang resulta ng DNA test?”
“Gawa-gawa lang niya ang lahat.
Fabricated. Walang ganoon. Ganyan ka manipulative si Loida. Gagawin ang lahat
upang makuha ang gusto niya. Kinokonsyiensya ka lang niya. Noong araw na umalis
ka, hinanap ko siya kaagad at
pinagalitan, halos patayin ko na lang sa sobrang galit ko. Sinabi ko sa kanya na
kahit anong gagawin niya, hinding-hindi na ako makikipagbalikan pa sa kanya.
Iyong ama ni Leah naman, hiniwalayan din siya dahil sa sama ng ugali niya. Kaya
gusto niyang makipagbalikan sa akin.”
Doon ko na siya niyakap.
Napahagulgol ako, naawa, nanghinayang. “I’m sorry ‘Tol, hindi ko alam...
Nagkamali ako. Ang buong akala ko ay mabait na babae si Loida. I’m sorry!”
“Ok lang... at least, matutupad
na ang pangarap mong magpari. Abot-kamay mo na lang ito. M-masaya ako para sa
iyo. Nagkamali ka man, ngunit maganda naman ang kinahahantungan. Minsan man
tayong nalubog sa lusak ng pagkakamali, may mga aral naman tayong natututunan. Masakit,
ngunit sabi mo nga, minsan ay kailangan din nating magsakripisyo at magparaya,
kasama na ang pag-ibig, kung ito ay para sa ikabubuti at ikaliligaya ng
nakararami.”
“G-gusto mo, i-postpone ko ang
aking ordination, para alagaan na lang kita rito?”
“No, huwag mong gawin iyan.
Gusto kong tumuloy ka... Kung ang dahilan ng pagpari mo ay ang pagtupad sa
inyong tradisyon, ngayon idagdag mo ako bilang pangalawang dahilan upang ituloy
mo ang pagiging pari.”
Napatitig na lang ako sa kanya.
Parang hindi ako makapaniwala sa aking narinig. Kung noon ay hinikayat niya
akong huwag nang tumuloy, sa pagkakataong iyon ay nagbago na ang kanyang isip.
Dahil sa isang araw pa naman
ang aking pag-alis, nagpaalam ako sa aking inay na sa bahay ng Tita ni Dennis muna
ako titira. Noong una ay nag-aalangan siya dahil baka raw matulad ng dati, na
nagbago ang aking isip. Alam kasi nilang si Dennis ang dahilan kung bakit ako
nahinto noon. Ibinunyag ng Tita kong madre sa kanila, pati na ang sulat. Ngunit
ipinangako ko na hindi na mangyayari iyon. Kaya pinayagan nila ako.
Sa isang araw at gabi na
magkasama kami ni Dennis ay muling nadama ko ang sigla. Masaya ako sa piling
niya bagamat may lungkot din dahil oras na lang ang bibilangin at iiwanan ko rin
siya.
“Di bale, Tol... kapag pari na
ako, maaari mo na akong dalawin palagi sa simbahan o sa parish kung saan ako
maa-assign. Palagi pa rin tayong mamamasyal at magba-bonding.” Ang sambit ko
nang nahigang nagtabi kami sa ibabaw ng kanyang kama. Tinabihan ko talaga siya
kahit nilagyan pa ng isang kama ng kanyang Tita ang kuwarto niya.
“Tama ka. Mas madali na lang sa
atin ang magkita kapag ganap ka nang pari. Kaya wala nang hadlang kung gusto
nating mamasyal, magbonding, kagaya ng dati.” Ang sagot niya. Nahinto siya
sandali. “K-kaso, pari ka. Bawal sa atin...” hindi na niya itinuloy pa ang
sasabihin.
Ngunit naintindihan ko ang
kanyang ibig tumbukin. “Bakit, best friend naman tayo ah. Kahit ganito
lang, happy na ako. Kung gusto mo,
mag-asawa ka, okay pa rin sa akin. Basta...” nahinto ako sandali. “...ako ang
magkakasal sa inyo, ako ang magbinyag sa anak mo, lahat ng mga bagay na sa
simbahan ginagawa, ay ako ang gagawa para sa pamilya mo. Kapag nangyari iyan,
kahit hindi na tayo magtatabi, kahit walang sex, ok lang sa akin.”
Natawa siya. nilingon ako.
“Weeee! Kaya mo?”
“Bakit hindi? Nasa seminaryo
nga ako, malayo sa iyo, kaya ko naman...”
“E, paano kung hindi ko kaya?”
“Ah, ibang usapan na iyan.”
Sabay tawa.
Tahimik.
“B-baka hindi na ako mag-aasawa
pa.” ang seryoso niyang sabi.
“Bakit naman?”
“Basta...”
Natahimik ako sandali. “M-mahal
mo pa ba ako?” ang tanong ko.
Tumagilid siya sa paghiga,
paharap sa akin atsaka binitiwan ang isang nakakabighaning ngiti. “Hindi naman
nawawala ang pagmamahal ko sa iyo, eh. Palagi kitang iniisip, ikaw lang ang
nag-iisang nagmamay-ari ng aking puso. Hindi mo lang alam kung gaano ako
kasabik sa iyo... kaya nga ayaw kong mag-asawa dahil gusto kong ikaw lang ang
kaisa-isang taong magmamay-ari ng aking puso. Gusto kong hanggang sa
kahuli-hulihan kong hininga, hanggang sa aking pagpanaw ay ikaw lamang ang
tinitibok nito.” Sabay turo sa kanyang puso.
“Weee?” ang nasambit ko na
lang. Pero syempre, kilig to the bones ako.
“Gusto mong patunayan?”
“Paano?”
Ilapit mo ang mukha mo sa mukha
ko.”
Inilapit ko ang mukha ko sa
mukha niya.
“Pumikit ka”
Ipinikit ko ang aking mga mata.
At doon, naramdaman kong
dumampi ang mga labi niya sa mga labi ko. Gusto kong matawa ngunit dahil sa
paglapat ng aming mga bibig, wala na akong magawa kundi namnamin ang sarap ng
kanyang halik at mahigpit na yakap. At sa gabing iyon ay buong-pusong inangkin
na naman namin ang isa’t-isa. Bagamat bahagyang nahirapan siyang igalaw ang
kanyang katawan dahil sa kanyang karamdaman, pinilit pa rin niyang ipadama sa
akin ang init ng kanyang pagmamahal.
Kinabukasan ay masayang-masaya ako.
Tanggap na kasi naming pareho na tutuloy na ako sa pagkapari at kapag lubos na
akong pari, patuloy pa rin kami sa ganoong setup. Syempre, libre na kaming dalawa
noon. Libre na akong makakagalaw, wala nang mahigpit na rules at restrictions
sa mga kilos ko, maliban na lang sa mga assignments at responsibilities ko
bilang pari. At marami pa kaming plano ni Dennis.
Aaminin ko na may isang bahagi
ng aking isip na nakaramdam ng guilt. Alam kong kapag pari na ako, isang pagkakasala
kong magmahalan kami ni Dennis. Ngunit may isang bahagi rin ng aking isip na
gustong tumutol. Sabi kasi ng isang pari na professor namin, hindi raw
kasalanan ang magmahal. Maging isang kasalanan lamang ito kung dahil sa
kanilang pagmamahal ay may nilabag nang batas ang dalawang taong nagmamahalan. Ano
ba ang malalabag kong rules kung sakaling pari na ako? Parang wala naman. Wala
naman kasing vow of chastity ang mga diocesan na pari, di katulad sa mga
religious, iyong may mga congregations kung saan ay may vow silang chastity,
poverty, at obedience. At sinong tao ba ang hindi rin nagkasala? Sinong pari ba
ang walang kahit na katiting na pagkakamali at kasalanang nagawa sa buhay? At
hindi rin naman kami talagang iyong may relasyon at magsasama sa iisang bubong.
Mag best friends lang kami. Maaring may mangyari ngunit hindi iyon ang mahalaga
para sa amin. Iyon ang mga bagay na pumasok sa aking isip kung sakaling matuloy
ako sa pagkapari at kung ano ang role namin ni Dennis sa isa’t-isa. Iyon din
ang aming pinagdiskusyunan. At nagkasundo kami na kahit anong mangyari ay kami
pa rin ngunit lihim lang ang lahat, nakatago sa mag best friends na setup.
Kaya masaya ako sa
kinahahantungan ng aming pagkikitang iyon. At sa oras nang aking pag-alis,
hindi na ako kasing lungkot kaysa mga nauna kong pag-alis. Nagbibiruan pa kami,
naghaharutan. Kahit hindi pa niya kayang tumayo, ramdam ko rin ang kanyang
sigla at kasiyahan. Pakiwari ko ay nabura ang lahat nang mga pag-aagam-agam ko
sa buhay. Lalo na nang sinabi niyang hindi na raw siya magmahal pa ng iba.
“Mag-ingat ka Tol... Good luck.
Sa pagbalik mo ay Father JC ka na. Huwag mong kalimutan na may isang taong naghihintay
sa iyo rito... at nagmamahal.”
Binitiwan ko ang isang ngiti.
“Bye ‘Tol! Babalik ako, promise! At magpagaling ka kaagad ha? Gusto kong sa
pagbalik ko ay magaling na magaling ka na!” ang masigla kong sagot.
Binitiwan niya ang isang
matipid na ngiti.
Inihatid ako ng Tita niya sa
may kalsada. Ang buong akala ko ay talagang masaya ang tagpong iyon. Wala akong
kaalam-alam na mayroon pala silang itinatago na hindi ko alam. Habang
naghihintay kami ng tricycle, nagulat ako sa inamin ng kanyang Tita. “JC,
sasabihin ko sa iyo ang totoo, ngunit huwag kang magalit ha? At huwag na huwag mo
ring sabihin kay Dennis na sinabi ko ito sa iyo.”
“A-ano po iyon Tita? O-opo,
hindi ko po sasabihin.” ang sagot kong kinabahan.
“Promise?”
“Promise po.”
Mas lalo pa akong kinabahan
nang halos hindi makapagsalita ang kanyang Tita at nakita kong nagingilid ang
luha sa kanyang mga mata. Tila humugot ng lakas bago magsalita. “C-cancer ang
sakit ni Dennis! At may taning na ang kanyang buhay. Kaya pinauwi na iyan ng
duktor niya sa Maynila dahil nasa acute stage na ito, wala nang pag-asa pang
magamot, at naghihintay na lamang sa kanyang huling mga oras.”
Pakiwari ko ay biglang nagdilim
ang aking paligid sa narinig, nanlumo ay at halos hindi ako makahinga sa
sobrang pagkabigla at lungkot. “N-nagbibiro po kayo, Tita???”
“Hindi... Ayaw niyang malaman
mo ang tunay niyang kalagayan dahil ayaw niyang mag-alala ka, ayaw niyang malungkot
ka, mabahala, at baka maapektuhan na naman ang pagpapari mo. Ayaw niya ng
ganoon.”
Doon na ako humagulgol. Niyakap
ako ng Tita niya. Bagamat ang alam lang ng Tita ni Dennis sa amin ay mag-best friends
lang ngunit ramdam kong alam niya ang aming tunay na relasyon. “G-gaano po ba
katagal ang ibinigay ng duktor na taning sa buhay niya?”
“Tatlong buwan... ngunit lumampas
na ito. Natuwa nga ako at naabot pa rin niya ito ngayon at nagkita pa kayo.
Akala ko ay bibigay na talaga siya. Ngunit matapang si Dennis. Pilit na
lumalaban.”
“B-bakit hindi po ninyo
ipinaalam sa akin?” ang may bahid na paninisi kong tanong.
“Hindi namin alam na narito ka
na pala. Nahiya naman akong magtanong sa mga magulang mo dahil alam mo na, baka
isipin nilang gusto kong mahinto ka naman sa pagpapari. At si Dennis, ayaw na
ring sumulat sa iyo gawa ng nangyari sa sulat niya noon na binasa ng iyong Tita
at itinago raw.”
Bigla kong naisip na tawagan
ang aking inay. “Nay... bukas pa naman ang flight ko, puwede pong paki-ayos na
lang ang mga gamit ko, pati na ang aking ticket?” ang pagpapaalam ko sa aking
inay na ang boses ay nag-crack dahil sa pag-iiiyak.
“B-bakit anak? Anong nangyari
d’yan? Umiiyak ka ba?” ang tanong ng inay nang napansin ang aking boses.
“Nay, may cancer si Dennis at may
taning na ang kanyang buhay! Gusto ko pong sulitin ang oras na narito po ako sa
tabi niya. Daanan ko na lang po diyan ang mga gamit ko at ticket bukas.”
Biglang bumaba ang boses ng
aking inay. Tila naawa. “G-ganoon ba? O, siya anak... sige, sige. Ihahanda ko
na lang ang mga gamit mo. Sabihin ko na rin sa itay mo.”
Bumalik kami sa loob ng bahay.
At dahil ayaw ipasabi ng Tita ni Dennis na alam ko na ang lahat, inayos kong
maigi ang aking sarili, pinahid ang mga luha upang hindi niya mahalata, at nagkunwari
kong walang kaalam-alam tungkol sa tunay na kalagayan niya.
“B-bakit ka bumalik?” ang gulat
na tanong ni Dennnis nang binuksan na namin ang pinto ng kuwarto niya at nakita
niya ako roon na nakatayo.
“Bukas pa naman ang flight ko
at nagpaalam na lang ako kay inay na ihanda ang mga gamit ko at ticket upang
dadaanan ko na lang.” ang masaya ko kunyaring sabi, nakangiti pa.
“G-ganoon ba?” ang sagot niya.
“Ayaw mo yata eh!” ang biro ko.
“Gusto ah...” ang sagot din
niya.
“Pakipot ka pa!” at dali-dali
akong lumapit sa kama niya at nagharutan na kami. Kiniliti ko siya nang
kiniliti. Iyon, iginugol ko ang huling mga oras ko sa pag-asikaso sa kanya.
Pinapaliguan ko siya, binihisan, nilinis ang kama, nagluto rin ako ng paborito
niyang snack, iyong biko, naghanda ng juice, pati mga gamit niya sa kuwarto ay
inayos ko, habang ang mga kantang “One Friend” at “All of Me” ang nagsilbing
background music sa kanyang kuwarto.
Masakit. Sobrang sakit. Iyong
feeling na gusto mong umiyak ngunit hindi mo magawa dahil ayaw mong makita niya
ito at hahantong ang lahat sa drama at iyakan. Tapos naroon pa ang kanta namin
na parang isang pangarap na lang talaga, “If I had only one friend left, I want
it to be you...” Pero paanong mangyari na siya ang maiiwan gayung iiwanan rin
niya ako?
“Hoy, ano ka ba! Para kang
alila rito, ah. Sayang ang oras mo kung maglilinis ka lang diyan.” Ang sambit
niya. “Para bang ang drama-drama mo! Nakakalungkot! Feeling ko tuloy mamamatay
na ako eh!” ang biro niya.
“E, a-ano bang gagawin ko?” ang
sagot ko.
“Magkuwentuhan tayo.” Biglang
nahinto at tinitigan ako, “Yakapin mo naman ako ‘Tol...”
Niyakap ko siya. Ngunit hindi
ko na rin napigilan ang aking sarili na hindi mapaluha.
“Bakit ka umiiyak d’yan?
Kakagatin na kita eh!” ang biro pa rin niya nang napansin ang pagpahid ko ng aking
mga luha.
“Ano ka ba? Aalis na ako bukas
at nalulungkot ako na mapalayo sa iyo!” ang pag-aalibi ko pa.
“Di ba ikaw naman ang nagsabi
na kapag pari ka na, puwede na kitang dalawin?”
Sa sinabi niyang iyon ay lalo
pa akong napaluha. Gusto kong humagulgol ngunit pinigilan ko ang aking sarili. Nang
pakiramdam ko ay hindi ko na makaya, tumayo na lang ako at tinumbok ang CR. Sa
loob noon ay pinakawalan ko ang halos sasabog kong dibdib. Haghagulgol, ako
bagamat pigil upang huwag niyang marinig. Iyon ang pinakamahirap. Sa kagustuhan
niyang huwag akong masaktan ay nagkunyari siyang kaya pa naming gawin ang lahat
ng aming mga plano. At ako naman, upang huwag siyang malungkot ay pinilit ko ang
sariling magkunwaring excited sa mga plano namin, bagamat ang totoo, hindi ako
sigurado kung maaabutan ko pa siyang buhay sa pagbalik ko. Para kaming mga
gago. Siguro, kung ang sitwasyon na ito ay hindi lang nasa life and death, baka
binatukan na namin ang aming mga sarili.
Nang natantiya kong kaya ko na
uli ang aking sarili ay naghilamos ako at pinahid nang maigi ang aking mukha
atsaka lumabas ako ng banyo at pilit na ngumiti. “Oo nga pala. Kung saan mang
parish ako ma-assign, sasabihin ko kaagad sa iyo para kapag magaling ka na, dalawin
mo na ako roon. Di ba masaya pa rin tayo?” ang sambit ko nang nakabalik na ako
sa gilid ng kanyang kama.
Niyakap niya akong muli at
hinagkan sa bibig. Nagpaubaya na lang ako. Nakakamangha ang tatag niya, ang ipinakita
niyang tapang sa pagharap at pagtanggap sa kanyang kalagayan.
“Naalala ko ang kuwento mo tungkol
sa gamugamo.” Ang sambit niya nang kumalas na siya sa aming yakapan.
“Ano naman ang tungkol doon?”
ang sagot ko.
“Narealize ko na ang lahat ng
tao ay may kanya-kanyang kuwentong gamugamo sa kanilang buhay.”
“Ah... Bakit mo naman nasabi
iyan?”
“Ikaw, may mga sakripisyo kang
ginawa upang matupad ang tradisyon ng inyong lahi at mabigyang kaligayahan ang
iyong mga mahal sa buhay. Tapos, isinakripisyo mo ang pag-ibig mo sa akin noon
sa pag-aakala mong mapapabuti ang buhay ni Leah. Para sa akin ay isa kang
bayani...” nahinto siya sandali. “...at ako, heto, isinakripisyo ko na rin ang
aking pagmamahal sa iyo dahil” nahinto muli siya, kitang-kita ko ang pangingilid
ng luha sa kanyang mga mata, “mahal na mahal kita. Hindi ko alintana ang
nakapapasong apoy sa pagpapakawala ko sa iyo, hindi ko alinta ang sakit ng
aking damdamin, kahit ikamamatay ko ito, hindi ko alintana basta makita kitang
magtagumpay, masaya na rin ako.” At tuluyan nang bumagsak ang mga luha sa
kanyang mga mata.
Doon ko na naman pinakawalan
ang aking paghagulgol. Sa harap niya. “Mahal na mahal din kita. ‘Tol...” ang
sambit ko.
Hayun, nag-iyakan kami bagamat
walang aminan na alam ko na ang lahat at siya naman ay nagkunyari pa ring
malakas pa.
Sa gabing iyon ay muli naming
inangkin ang bawat isa. Sa pagkakataong iyon ay buong-puso kong tinanggap at
ninamnam ang init ng kanyang pagmamahal. Alam ko, iyon na ang huli naming
pagtatalik.
“Magpakabait ka rito habang
hindi pa ako nakabalik ha?” ang sambit ko.
Tumango siya. “Ikaw rin,
magpakabait ka roon.”
Tumango rin ako.
“Hihintayin kita... dahil kapag
lubusan ka nang isang pari, gusto kong mangumpisal sa iyo. Gusto kong sa iyo ko
sasabihin ang lahat ng aking mga kasalanan.”
Gusto ko sanang humagulgol na
naman sa pagkarinig ko sa kanyang sinabi. Ngunit pinigilan ko ang aking sarili.
Paano, hindi naman ako sigurado kung maaabutan ko pa siyang buhay. Mabuti kung
pagdating ko ay may ordinasyon kaagad na magaganap sa akin at makakabalik
kaagad ako kinabukasan. May mga asikasuhin pa, may mga proseso. “N-naniniwala
ka nang may Diyos?” ang naitanong ko na lang.
Tumango siya, binitiwan ang
isang matipid na ngiti.
“Paano nangyari?”
“Wala lang. Siguro, iyong
feeling lang na nasa mahirap kang kalagayan at wala ka nang magagawa pa, parang
gusto mo nang sumuko at isurrender ang lahat. Parang iyong feeling na hinahabol
ako at nang nasa dead end na at wala nang matatakbuhan pa, hinarap ko na lang
siya at sinabing, ‘Ok, heto na ako. Wala akong laban sa iyo... bahala ka na
kung ano ang gagawin mo sa akin. Wala akong choice, tatanggapin ko.”
Muli ko siyang niyakap.
Ang muling pagpapaalam ko sa
kanya ang pinakamasakit na yugto ng aking buhay. Pareho pa rin kaming
nagkunyari; siya na ok lang ang lahat at may babalikan pa ako, samantalang ako
naman ay nagkunwaring naniniwala sa kanyang pagkukunwari. Pati ang Tita niya ay
nagtago, hindi nakayanang tingnan ang tindi ng sakit ng pamamaalam namin sa
isa’t-isa.
“Basta, kapag pari ka na,
babalik ka kaagad ha? Hihintayin kita.” Iyon ang katagang hindi ko malilimutan
sa kanya. Pakiramdam ko ay pinupunit ang aking puso habang naglakbay ang aking
sinasakyang tricycle pabalik sa aming bahay. Pakiwari ko ay mugtong-mugto ang
aking mga mata dahil sa matinding pag-iiyak.
Nang nakarating na ako sa aming
bahay upang kunin ang aking mga gamit, niykap ako ng aking inay na nakita ang
aking magang-maga na mga mata at patuloy pa rig umaagos ang mga luha. Walang
sinabi ang aking inay. Alam niyang nasasaktan ako.
Nang nakuha ko na ang mga gamit
ko at nakasakay na ako ng barko, hindi pa rin mahinto ang aking pag-iiyak. At
lalo na dahil sa sinabi niya sa huli kong pamamamaalam, “Hihintayin kita...”
Binitiwan ko na lang ang isang
malalim na buntong-hininga. “Sana...” ang bulong ko na lang sa sarili.
Patuloy ang aming pagtitext ni
Dennis simula nang nasa barko ako hanggang sa nakarating ako ng seminaryo.
Sumasagot din naman siya.
Sa seminaryo, nagreport kaagad
ako sa aking Tita at sinabi sa kanya ang aking desisyon na handa na akong
maging pari. Dali-dali nilang inayos ang lahat. Planning, preparations,
documentations, venue, mga bisita, mga malalaking tao sa simbahan. Sa isang
buwan daw magaganap ang aking ordinasyon. Nag-reqeust ako na sana ay agahan pa
ngunit wala na raw ibang timing dahil ang mga dadalong malalaking tao sa
simbahan ay busy.
Lungkot na lungkot ako dahil sa
haba ng panahon na hihintayin ko at ni Dennis. Syempre, gusto kong maabutan pa
siyang buhay. Araw-araw ay nagpapadala ako ng text sa kanya na sinasagot pa rin
naman niya. Syempre, natutuwa pa rin ako.
Hanggang sa dumating ang araw ng
aking ordinasyon. Naroon ang halos lahat ng aking mga kamag-anak, at ang aking
inay at itay na sa sa panahong iyong ay nakafully-recover na at nakakalakad at
nakapagsasalita nang normal. Madaling araw pa lamang ay nagtext na ako kay
Dennis na oordinahan na ako. Ngunit hindi na siya nagrereply pa. Kahit bago
magsimula ang ritwal ng aking ordinasyon ay nagtext akong muli sa kanya. Wala
pa ring reply. Doon na ako nabahala. Habang ginawa ang seremonya sa aking
ordinasyon, walang patid naman ang pagdaloy ng aking mga luha. Si Dennis lang
ang laman ng aking isip. Marahil, ang akala lang ng mga taong naroon ay umiiyak
ako dahil ito sa tuwa. Ngunit maliban sa aking mga magulang na naroon, ako lang
ang nakakaalam sa tunay na dahilan kung bakit ako umiiyak.
Kinabukasan, dali-dali akong
umuwi. Halos utusan ko na lang ang driver ng aking sinasakyang taxi na
paliparin ito. Nang nakarating na ako sa bahay ng Tita ni Dennis, bumulaga sa
aking mga mata ang kalagayan niya.
“Ganyan na lang siya, nakamulat
ang kanyang mga mata ngunit hindi na niya kayang igalaw pa ang kanyang katawan.”
Ang wika ng kanyang Tita.
“C-conscious pa ba siya?”
“Oo. Conscious pa siya.
Pumipintig pa ang kanyang puso at nakakarinig pa. Naigagalaw pa niya ang
kanyang bibig at mga mata” ang sagot ng Tita niya.
“Dennis, ‘Tol... narito na ako.
Ang sabi mo ay hihintayin mo ako di ba? Puwes narito na ako. Lumaban ka
‘Tol...” ang nasabi ko na lang habang umaagos ang aking mga luha.
Tila sinagot naman niya ang
sinabi kong iyon. Nakita kong dumaloy rin ang mga luha sa kanyang mga mata.
Dali-dali akong nagpatulong sa
Tita ni Dennis na ihanda ang mga kailangan ko para mabigyan ko siya ng huling
sakramento, ang annointing of the sick. Dahil alam ko na kasi ang kalagayan
niya kung kaya ay nagdala ako ng mga gagamitin para sa nasabing ritwal.
“May sulat pala siya para sa
iyo, JC. Isinulat niya iyan ilang araw bago siya nagkaganyan. Siguro ay
naramdaman na niyang nahirapan na siyang gumalaw kung kaya ay ginawa na niya
iyan.” Ang sambit ng kanyang Tita nang matapos ko na siyang bigyan sa kanyang
huling ritwal. Iniabot niya sa akin ang sulat.
Agad kong binuksan ang envelope
at binasa ang sulat sa harap niya.
“Dear
Father JC... father na ang tawag ko sa iyo dahil sigurado, sa pagkabasa mo
nito, ay pari ka na. Masaya at proud ako sa iyo. Sa wakas ay naabot mo ang
isang bagay na magpapaligaya sa lahat. Sa sinabi ko na sa iyo, hinintay kita
dahil gusto kong sa iyo mangumpisal. Kung hindi mo man ako maaabutan na buhay,
dito na lang sa sulat ko sasabihin ang lahat. Pero gusto ko sanang maabutan mo
pa ako na buhay pa, nanakakapagsalita pa. Ngunit kung ipagkait man ito, at
least narito na sa sulat ang mga dapat kong sabihin sa iyo; ang mga bagay-bagay
sa buhay ko. Pasensya ka na na hindi ko sinabi sa iyo ang tunay kong kalagayan.
Ayaw kong malungkot ka. Ngunit dahil wala naman akong choice, heto, the moment
of truth... mangumpisal ako sa iyo. Bless me father for I have sinned thee...
Aaminin
ko, hindi madali ang pinagdaanan ko sa buhay. Noong panahon na pumanaw ang
aking itay sa mundong ito at nangyari ang pang-aabuso sa akin ng mga tao,
naitanong ko kung bakit nangyari sa akin ang lahat; kung bakit na may mga taong
mas nakakalamang, may mga taong masaya sa buhay, may mga taong halos nasa
kanila na ang lahat. Doon na ako na ako nagalit sa Diyos. Hindi na ako
naniniwala sa kanya. Alam mo, tatlong beses na akong nagtangkang magpakamatay.
Sa loob ng DSWD kung saan ay magbigti na sana ako sa loob ng CR ngunit nahuli
nang may biglang pumasok at nakita ang lubid na nakatali sa bubong. Nagtangka
rin akong uminum ng maraming gamot ngunit muli ay nasagip ako. At sa ikatlong
pagkakataon, lumundag ako sa building ng eskuwelahan natin. Oo, tangkang
suicide ang aking ginawa nang nalaglag ako noong kasisismula pa lang ng klase
natin, taliwas sa sinabi kong aksidenteng nahulog ako. Ngunit muli ay nasagip
ako. Hindi ko alam kung bakit hindi natutuloy ang aking mga pagpapatiwakal.
Nungit nang dumating ang isang taong magmulat sa aking isip at magbigay sa akin
ng saya, tila bumaligtad ang aking pananaw sa buhay. Sa kanya ko naramdaman
kung paano ang ngumiti, tumawa, siya ang nagturo sa akin sa kahalagahan ng
buhay. Kaya natutunan ko siyang mahalin. Kahit pinilit ko ang aking sarili na
magmahal ng isang babae, siya pa rin ang aking hinahanap-hanap. Nang sinabi
niya ang tungkol sa gamu-gamo, na sila ay matatapang samantalang ang mga
nagpapatiwakal ay duwag, hindi na ako muling nagtangkang kitilin ang aking
buhay. Siguro ay maihalintulad ko rin ang buhay ko sa isang gamugamo. Kagaya
nila, parang dumaan din ako sa ‘metamorphosis’ ng buhay. Masyadong ironic nga
lang kasi ngayong gusto ko nang magpakabuhay, saka naman ako nagkaroon ng
cancer. Pero tanggap ko naman ang lahat. Kasi, naranasan kong magmahal,
naranasan kong sumaya, naranasan kong makibaka at lumaban. At kagaya ng
gamugamo, naging matapang din ako. At marahil ay sadyang pinigilan lamang akong
huwag munang mamatay dahil gusto pa niyang ipadama sa akin na napakasarap
palang mabuhay kapag nagmahal ka, at magpaubaya ka para sa mahal mo... at marahil
ay sa ganitong paraan ako dapat na mawala sa mundong ito upang magkaroon pa ako
ng pagkakataon na manghingi ng tawad sa mga nasaktan ko, pati na ang
pagpapatawad sa mga taong gumawa ng karahasan at nagbigay ng sakit sa aking
damdamin. Pinalaya ko na ang poot sa aking puso. Matiwasay na akong lilisan. Alam
ko na ngayon ang tunay mensahe ng gamugamo. Sa buhay ko, kahit masakit ang
liwanag ng katotohanan, pinilit ko pa ring hinarap ito dahil sa pag-ibig ko sa
isang tao...
May
isa pa akong aaminin sa iyo. Sinundan kita sa Iloilo, ilang buwan simula nang
lumisan ka. Nanatili ako roon ng isang taon. Ang balak ko sana noon ay ilabas
ka sa seminaryo, kunin kita, babawiin. Nang natumbok ko ang simbahan ng
seminaryo ninyo kung saan ay bukas din para sa mga taong tagalabas na gustong
doon magsimba, pumasok ako. Nakita kita roon. Hindi ko maisalarawan ang
matinding saya at pananabik na nakita kang nakatayo sa gilid ng altar, bilang
isa sa mga altar boys. Hindi maganda ang balak ko sa sandaling iyon. Patatapusin
ko muna ang misa atsaka lalapitan kita at itatakbo palabas upang iuwi kita ng Maynila.
Ngunit habang tinitigan kitang nakatayo roon, pansin ko ang pagkaseryoso mo. Sa
suot mong puting tila habito ng isang pari, mistulang naglaho ang balak ko.
bagay na bagay ka sa iyong suot, mistulang isang banal na tao na dapat
nirerespeto ko. Habang nasa ganoon akong pagmamatyag sa iyo, tila may narinig naman
akong akong tinig sa aking isip na nakikisuyo, ‘Hayaan mo na lang siya, hindi
ka ba masaya na hayan siya, handang ialay ang sarili para sa espirituwal na
kapakanan ng mga tao? Hindi ka ba natuwa na ang best friend mo ay isang alagad
ng Diyos? Huwag mo na siyang harangin pa... kung mahal mo siyang talaga ay magparaya
ka, ipaubaya mo na siya sa maykapal na pagsisilbihan niya.’ Doon na ako tila nalinawan.
Naag-iiyak ako noon, humikbi. Nanghingi ng tawad. Nang tiningnan kitang muli, nakangiti
ka na tila alam mo ang aking pagbabagong-isip. At nang ibinaling ko pa ang paningin
ko sa mahal na poon sa gitna ng altar, tila nakatingin siya sa akin at
nakangiti. Doon ako nakaramdam ng kakaibang saya sa aking sarili na hindi ko
maipaliwanag. Kaya imbes na magpakita sa iyo, hindi ko na itinuloy pa ang aking
balak. At simula noon, naniwala ako na may Diyos. Sa pananatili ko sa Iloilo, nagsisimba
na lang kada araw ng Linggo. Iyon na lang ang pakunsuwelo ko sa aking sarili,
na kahit papaano ay nakikita kita. Kahit may dulot itong sakit sa aking puso
ngunit tanggap ko at may sayang naramdaman dahil kung tutuusin, hindi ka naman
napunta sa iba kundi sa kanya. Pagkatapos ng isang taon, napagdesisyunan kong bumalik
ng Maynila upang magsimula, ipagpatuloy ang buhay na wala ka... Nakahanap muli
ako ng trabaho, hanggang sa heto, nalaman kong may cancer pala ako.
Ngayon
na araw o oras na lang ang bibilangin sa buhay ko, dito ko na rin na-realize na
baka ibinigay sa akin ng Diyos ang ganitong klaseng karamdaman upang hindi na
ako masasaktan pa. Simula nang nilapastangan ako ng aking step-father,
nagkagulo-gulo na ang aking buhay. Ikaw lang ang tanging nakapagbigay ng saya
sa akin; ang aking tagapagligtas. Ngunit ngayong nagpapari ka, lalayo ka na uli
sa akin. Siguro ay iyan ang dahilan kung bakit niya ako kukunin nang mas maaga.
Dahil kung tutuldukan ng maaga ang aking buhay, hindi na ako muling masaktan
pa, hindi na muling magdusa...
Tanggap
ko na rin ito. At masaya ako dahil alam kong sa banda pa roon ay hindi na ako
magdurusa... at hihintayin kita roon, ‘Tol. Doon ay malaya nating ipagpatuloy
ang ating pagmamahalan. Alagaan mo palagi ang iyong sarili. At ang kuwintas na
bigay ko sa iyo, palagi mong isuot.
Oo nga
pala, sa paghatid ninyo pala sa akin sa aking huling himlayan, gusto kong ipatugtog
ang mga kantang ‘One Friend’, at ‘All Of Me. Paalam sa iyo
Father JC. Mahal na mahal kita...’”
Walang patid sa pagpatak ang
aking mga luha. Matapos kong basahin ang kanyang sulat, umupo ako sa kanyang
kama at ipinuwesto ko sa aking kandungan ang kanyang pang-itaas na katawan.
Niyakap ko siya. Binulungan. “‘Tol, pinatawad ka na niya. Pinatawad ka na ng
mga taong nasaktan mo. At ako, tanggap ko na ang lahat. Oo... hintayin mo ako
sa kabilang buhay, ‘Tol. Doon ay magsama tayo nang walang hanggan. Mahal na
mahal kita.”
Nang tiningnan ko ang kanyang
mukha, nakita ko ang ngiti sa kanyang mga labi. Hinalikan ko siya. Nang matapos
ko siyang halikan, doon ko na nakita ang tuluyang pagpikit niya sa kanyang mga mata.
Nakakabingi sa ingay ng pighati
ang kuwartong iyon. Pati ang kanyang Tita ay nagsisigaw sa tindi ng sakit na
naramdaman.
Nang mahimasmasan na, inihiga
kong muli ang kanyang katawan sa kama. Tinitigan ko pa ang kanyaqng mukha.
Mistulang natutulg lang siya nang mahimbing, bagamat bakat pa rin sa kanyang
mga labi ang ngiti. Tinanggal ko ang aking kuwintas na may pendant na crucifix
at isinukbit ko ito sa kanyang leeg, katabi ng swan na pendant ng kanyang
kuwintas.
IBINUROL nang siyam na araw at
gabi ang mga labi ni Dennis. Nang inilibing siya, marami ang sumama sa paghatid
sa kanya sa kanyang huling hantungan. Ako ang nag-misa at ako rin ang nag-officiate
sa huling panalangin bago siya tuluyang ipinasok sa kanyang nitso.
Nang nagsiuwian na ang mga tao,
nagpaiwan ako sa sementeryo. Tila isa akong baliw na kinakausap siya habang
pinatugtog sa aking cell phone ang aming kantang “One Friend” –
I always thought you were the best, I guess I always
will
I always felt that we were blessed, and I feel that way still
Sometimes we took the hard road, but we always saw it through
If I had only one friend left, I'd want it to be you
I always felt that we were blessed, and I feel that way still
Sometimes we took the hard road, but we always saw it through
If I had only one friend left, I'd want it to be you
Sometimes
the world was on our side, sometimes it wasn't fair
Sometimes
it gave a helping hand, sometimes we didn't care
'Cause
when we were together, it made the dream come true
If I had
only one friend left, I'd want it to be you...
“Hihintayin kita sa kabilang
buhay, best friend. Kung sa mundong ito ay ipinagkait na magiging tayo,
hihingiin ko sa panginoon na sa banda pa roon ay makamit natin ang ating
minimithing walang hanggang pagmamahalan...”
Wakas.
Waaahhh!!! Sabi na ito magiging ending ehhh...
ReplyDeleteParang hihintayin kita sa langit....
Atleast kahit papano natupad nila ang pag-iibigan nila... Hintayan nga lang sila...
JMP
Ang galing mo author. Wala akong masabi.
ReplyDeleteAwwww nakakalungkot na ending.... pero bago pa lang to... hnd nmn lahat may happy ending pero lahat ng kwento nagiiwan ng aral... marami akong natutunan sa kwento mong ito sir mike.... naway patuloy ka paring gumawa ng kwento... salamat..
ReplyDelete#cgo
kalungkot naman ng ending, how I wish sana kahit natuloy sa pagpari si JC sana buhay pa si Dennis :(
ReplyDeleteGrabe walang tigil ang luha ko pag agos, grabe ang sakit sa pakiramfam, damang dama ko ung sakit huhuhu
ReplyDeleteBoholano blogger
So tragic........This story kills me.........Thanks for the story...Mr Author, magaling kang magpa iyak...I admire your genius.
ReplyDelete.....Kuya mike....napaka ganda nang takbo nag story...nadala ako...buhay na buhay ang mga karakter,,......naniniwala ako samg binitiwan mga kataga sa akdo mo...hind man manyari sa lupa ngnit sa kabilang buhay ay posible at walang limitasyon....devon
ReplyDeleteGrabe sabi na nga eto ending haha. Anyway, ngayon lang ako magthathank you sa isa sa mga nagmulat sa akin na may magaganda at may kalidad na storya ang ganitong genre. Everytime nagababasa ako ng mga stories mo naiisip ko mga fields at bukirin, parang natrtransport ako sa ibang dimension sa past. haha Sa story na nakikita ko yung bridge from past at present. Basta iba yung feeling, nostalgic at riveting. Parang laging may undertone ng melancholy. Of course, naiyak ako sa story. I have to say you're truly among the best. :-D Marvs
ReplyDeleteso sad but true...naiyak ako dun :(
ReplyDeletesalamat sa npaka gandang obra npaka makakatotohanan may aral nakaka pulutan...sna maraming author na ma inspired syo sa mga gantong uri ng kwento
salamat ng marami...
Grabe sobrang sakit ng ending na to pero isa sa pinaka maganda story nanabasa ko dito iyak ako ng iyak. Ang sakit sa puso. Ang galing mo mr. Author. Walang katulad!!
ReplyDelete-44
maraming salamat sa napakagandang kwento ng buhay na puno ng aral. sobrang lungkot ng ending pero may aral na iniwan sa lahat ng nakabasa nito..
ReplyDeletesa araw na pag post nyo po sobra akong natuwa dahil nasundan ko ang
takbo ng kwento na sobrang naka relate ako.
salamat salamat..... sana malapit na ang kasunod na kwento.... hehehe
joe.....
one of the bezt sad story n nabasa ko ! wala p ring kupaz si author! sana gawa ka pa po ulit ng another ztory... ung nakakainspired .. tulad nito pero hindi ung endinv ah! haha .. di ko kazi kaya ang mga ganito . mahina kasi ito eh.. ung heart ko hehe... #KaGeorge
ReplyDeleteAko man mas gugustuhin kong mawala na ako kesa magdusa sa pangungulila na kailanman ay hndi na xa magiging akin. Mas gugustuhin kong bawiin ang aking buhay ng Lumikha sa akin kesa bawiin ko ang sarili kong buhay. Eternal damnation pa ang patutunguhan ko.
ReplyDeleteMaraming salamat Mike.....basta maraming thank you! Hindi ko lang mapigilan ang emotion ko ngayon kasi this happened to me 2 years ago...hindi pa rin ako nakapag move on ang hiraphirap kasi...talagang naging bitter ako at andami kong tanong kung BAKIT nangyari ang mga bagay-bagay at sa dinamidaming tao sa mundo ang BESTFRIEND ko pa ang nawala na tanggap ako kung anuman ako. He was straight and I am bisexual. Sya lang ang nakakaintindi sa akin. But when I found out that he was fighting his cancer. He never told me about his cancer. He left me without a word. After a year, he was lying on his bed. Nakita ko rin sya kung pa'no binawian ng buhay. Kaya until now I felt betrayed. Gusto kong sisihin SIYA. Kahit sa trabaho ko sobrang strict at hindi na ako masyadong narereach out ng mga subordinates ko.
ReplyDeleteWhen I read this story, I just realized...
I am still hoping that one day, I will accept the reality...
And that song, that was our favorite...
-zed-
Lahat na lang ata ng story mo sir Michael may tumor iba nman dyan Heart Attack or d kayay dengue H
ReplyDeleteIdol kong si Sir at Ang Aral ng isang Gaamugamo ang dalawang magagandang story mo si Michael :)
ReplyDeleteayaw ko nang basahin yung Idol kong Si Sir baka maiyak nman ako ng isang balde :(
Gawa ka pa ng maraming maraming maraming Sir Michael Juha
sana sa ibang upcoming story mo sir may happy ending para bang may FOREVER :)
Waaaaa.sir mike.pinaiyak mo ako ever..buti nlng dito ako sa work.kaya pigil pa ako sa pag iyak..
ReplyDeleteGaling galing..Godbless.
Naku wag nman sana angkinin ng iba ito.
Eddie Boy.
Ang sakit nman! Walang tigil ang sking pag iyak habang binabasa ko tong last chapter. Isa namang napakagandang story mo mr Mike. Thank you.
ReplyDeleteBen
sana sa susunod na story ung ebola virus naman yung sakit o kaya SARS.. haha.. XD DABEST parin si IDOL ! :)))) sana makagawa ka naman po ng story na about sa zombies pero M2M romance syiempre! :)) hehe para maiba naman! :D
ReplyDeleteeee
ReplyDeleteSalamat sir Mike sa napakagandng kwento....Punong puno na nman s mga aral sa buhay....God bless and more power....-redd-
ReplyDeleteSobrang nakakainis! Ayaw tumigil ng luha ko habang binabasa ko to. Ramdam na ramdam ko talaga yung emosyon. Di ako iyaking tao pero nakuha mo akong mapaiyak. Ang galing!
ReplyDelete-hardname-
grabe ka sir mike.. mugto yong mata ko. ang daming kang aral na mapupulot sa kwento na to.. sobrang ganda. thax. sir mike...
ReplyDeleteBa't ganun kahit nalang sa kwento wala paring happy ending sa mga ganitong tema ng pag-ibig??? Pero ganun pa man saludo ako sa galing mo Mr. Michael Juha (author). Hindi ako basta2 nakaka appreciate ng story dahil sa mataas ang standard ko pero hats off sayo parekoy. Know what I like about it? Because it is inspiring, tagos sa puso ang kwento, relatable kasi sa reality nangyayari talaga ang karamihan sa scenarios ng kwento. The ending part was too predictable and it was tragical and I just learned from the comments that you're fan dying ailment thing in your stories. It's quite weird and morbid but I must admit you did a very good job in the last chapter those emotions that pull out from the characters that was felt by your readers was just overwhelming though my heart melt but I DID NOT CRY! Di kasi ako basta2 umiiyak. But then to sum it all kudos to you and may have more stories to write and inspire others.
ReplyDelete-Twisted
Please forgive me because I will speak in French.
ReplyDeletePUTANG INA!!!!
ANG GALING NITO!!!!
The elements of the perfect tragedy (Well, except one: tragedy is supposed to involve characters who are members of the nobility, if not royalty).
Fascinating!!!
To be confronted with forces or matters we have no power over or of matters forced on us that we have little or no choice at all; To be at the mercy of how TIME makes all of us so powerless, and proving once and for all that Time is not only the only constant in the universe but also the most powerful that exists in the universe next to God; and to remember and be reminded that DEATH is the only thing we cannot escape because it is the other side of the coin of LIFE.
REMARKABLE!!!!
OF BEWILDERING PROPORTION!!!!
Ang sarap-sarap nito himay-himayin sa isang Lit class!!!!
RELIGION!!!! FAMILY!!!! DUTY!!!! SOCIETY!!!!
The Fuck!!!!
This is sooooo Greek Tragedy!!!!
And I just finished reading the book Idol Ko Si Sir. And James died too. Hahahaha.
And I once said to Andrei, the one who wrote Break Shot, that in the beat tragedies, someone dies.
OUTSTANDING!!!!
Just finished reading this Sir Mike and I so Loved it :-) ,thank you so much
ReplyDeleteGrabe sir Mike di ko kinaya ung ending, simula sa sulat ni Denis di ko na mapigilang umiyak. Napakagaling mo talaga sir Mike. Thanks sa mga aral at napakagandang storya.
ReplyDeletenakaka iyak, nakaka relate ako kasi nag mahal ako ng isang seminarista , in 1 year ordination n nya. mahal namin ang isat isa, pero gsto ko maging priest sya, halong lungkot at saya ang nararamdaman ko habang papa lapit n yong n yon. Bro gsto ko lang malaman mo n mahal kita, salamat din at mahal mo din ako. Love u bro, i mis u.
ReplyDeleteGrave diko nakayanan kahit story napaiyak ako nang lubusan... Kusang tumutulo ung luha ko Hindi ko nakayanang pigilan.... Nalulungkot ako nang sobra.... Grave.... Sobrang ganda nang story.... True.....
ReplyDelete