Followers

Saturday, September 16, 2017

Tok-Hang 6


A story inspired by the Chinese series "Addicted (Heroin)"

By: Michael Juha
Fb: Michael Juha Full

********************

Tila hindi ako makahinga sa sobrang sakit na nadarama at halos hindi gumana ang aking isip kung ano ang aking gagawin sa sandaling iyon. Ang tanging sumagi sa aking isip ay ang tawagan si John.

Nag-iiyak akong nagtatakbo habang tinungo ang pinakamalapit na kapitbahay. Doon ako nanghingi ng tulong. Nanghiram din ako ng cell phone.

Nang narinig ko ang boses ni John, doon na lalo pang bumuhos ang aking emosyon. Feeling ko kasi ay siya lang ang puwede kong malalapitan sa panahong iyon, siya lang ang aking masasandalan, siya lang ang makakatulong sa akin. Mistula akong isang kaawa-awang batang paslit na nagsusumbong. “John... wala na ang inay! Hindi na siya nagising kanina.” Ang sambit ko. At hindi ko na napigilan pa ang sariling humagulgol.

“Ha???” ang sagot ni John. Matagal siya bago nagsalitang muli. Hinayaan niya akong umiyak nang umiyak.

“Hindi ko alam ang gagawin ko, John.” Ang sunod kong nasabi.

“Okay Tok... pupunta ako riyan ngayon na. Hahabol ako ng flight, mag chance passenger na lang ako...” yun lang ang sabi niya at pinatay na niya agad ang kanyang cell phone.

Ala-1 ng hapon ay nakarating din si John. Pagdating na pagdating niya ay kaagad niaya akong niyakap. “Sorry sa nangyari sa iyong inay. Nakikiramay ako.” Ang sambit niya. Doon na naman ako napaiyak. Hinaplos-haplos niya ang aking likod.

Dahil may mga tao na na tumulong sa pag-asikaso sa bangkay, at may mga lalaking gumawa na rin ng kabaong gamit ang mga tira-tirang piraso ng kahoy na bigay rin nila, sinabihan sila ni John na huwag nang ituloy at balak niyang sa fueneral parlor na lang daw iburol ang inay.

“Huwag na lang sigurong iburol ang inay John... Nang buhay pa ang inay, palagi iyong nagpaparinig sa akin na kung sakaling may mangyari sa kanya, gusto niyang ilibing kaagad. Naalala ko pa nang pabiro niyang sinabi sa akin iyon, hindi ako natuwa. Nagalit ako. Tapos sa gabi hindi na ako nakatulog nag-iiyak na lang ako. Isa pa, malayo ang funeral parlor, hindi makapunta ang mga kapitbahay at mga kakilala ng inay.” Ang sambit ko.

“O sige... pero siguro naman ay bigyan natin siya ng kahit kabaong na hindi kamahalan pero may dating naman. Iyong dignified naman ang pagkalibing sa kanya. Tapos, pagawan natin siya ng nitso, hindi iyong sa lupa lang ilibing.”

“I-ikaw ang bahala.” Ang sagot ko na lang.

Pinakisuyuan ni John ang mga lalaki na imbes gumawa ng ataul, bumili na lang ng semento at gumawa ng nitso sa sementeryo. Binigyan sila ng pera ni John upang makapagsimula sila agad.

Lumuwas kami ng lungsod upang bumili ng kabaong. Kasama naman namin ang isang kapitbahay na nagkusa na magprocess ng death certifiacte ng inay. Dahil malayo ang lugar namin, pina-deliver na lang namin ang kabaong. Bumili rin kami ng mga bulaklak, at mga pagkain para sa mga maglalamay.

Dahil walang koryente sa aming lugar, bumili rin si John ng generator upang may pang-ilaw. Bumili na rin siya ng mga baraha para magamit sa laro.

Tinext din ni John si Joy at pinakisuyuan na sabihn sa aming guro na mag-absent muna ako ng mga tatlong araw dahil sa pagkamatay ng inay.

“Alam mo John, ang laki na ng gastos mo. Di ko alam kung paano kita mababayaran.” Ang sambit ko.

“Hayaan mo na Tok...” nahinto siya. “Actually, may kasalanan din ako eh. Marahil ay kung ipinacheck up muna natin siya bago ako umalis, siguradong buhay pa ang inay mo. May kasalanan din ako sa kanya.”

“Huwag mong sisihin ang sarili mo, John. Siguro ay talagang oras na ng inay. At dapat na rin siguro siyang magpahinga. Wala tayong dapat sisihin.” Ang sambit ko.

Kinagabihan sa lamay, dumating ang mga kaklase ko. Kanya-kanya silang dala ng mga pagkain at juice. May nagdala rin ng mga disposable na kutsara, tinidor, plastic cups, paper plates.

Nang makita nila si John, nagulat sila, lalo na’t abalang-abala siya sa pagtulong sa mga bisita at pangasiwa sa mga gawain. Sa pagkakita nilang abala si John, tumulong na rin ang iba. May naglagay ng sandwich sa sliced bread, may nagbalot ng mga pagkain, may nagtimpla ng juice, kanya-kanyang pagtulong.

“Tok... mabuti naman at nandito si John kasama mo.” Ang sambit ni Joy.

“Oo Joy. Hindi ko talaga alam kung paano na lang kung hindi siya dumating. Walang-wala ako, walang kamag-anak, walang makakatulong.” Ang sagot ko.

“Hindi natin akalain na kahit ganoon si John noong una, ang bait pala niya ano?” ang pagsingit naman ni Jeff.

“Oo nga eh. Halos wala pa iyang pahinga. Galing pa iyan sa Baguio, dumeretso lang dito, tapos sabak agad sa pag-asikaso sa mga kailangang gawin namin.”

Kahit papaano ay naibsan ang bigat ng aking damdamin nang makita at makausap ang aking mga kaklase at kaibigan. Kahit papaano ay napangiti nila ako. At sa lamay, sila rin ang nag nag-initiate ng mga palaro, kagaya ng kapag natalo sa baraha, lalagyan ng uling ang mukha, o di kaya ay kapag nakatulog.

Kinabukasan, alas 3 ng hapon ay inilibing na ang inay. Halos ang lahat ng mga kaklase ko ay nakilibing din. Bago ipinasok ang kanyang kabaong sa nitso, hindi ko na naman mapigilan ang aking sarili na humagulgol. Nasa gilid ko lang si John, inaakbayan ako. Pinipisil-pisil ang aking balikat.

Nang nagsiuwian na ang mga tao, kaming dalawa na lang ang natira. “Nay... sana kahit nariyan ka kabilang buhay, patuloy mo pa rin akong gabayan. Mahal na mahal po kita, nay. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko ngayong wala ka na. Wala nang maghihintay sa akin sa galing sa eskuwelahan o sa aking mga lakad. Wala na akong kaharutan at kabiruan sa bahay. Wala nang magbibigay sa akin ng payo, wala na rin akong mapagsabihan sa mga problema ko. Ma-miss kita, Nay... Huwag po kayong mag-alala Nay, pipilitin ko pa ring ituloy ang buhay. Kahit wala ka na, na siyang aking inspirasyon Nay, pipilitin ko pa ring ipagpatuloy ang pag-aaral upang makamit ko ang pinapangarap mo para sa akin na makapagtapos ng pag-aaral. At kapag naabot ko na iyon, iaalay ko ito sa iyo, Nay. Paalam, Nay.. Rest in peace po..” ang bulong ko.

Tatalikod na sana ako upang umuwi na nang nanatili si John na nakatayo. Hinawakan niya ang aking kamay at nagsalita... “Tita... huwag po kayong mag-alala. Sa iyong paglisan, ako po ang magpapatuloy sa naputol ninyong tungkulin para kay Tok. Ipangako ko po sa inyo na nariyan lang ako para sa kanya... Gawin ko po ang lahat na makakaya ko upang hindi siya malungkot. Tutulungan ko po siya upang makamit niy ang kanyang pangarap. Salamat po Tita sa pagtitiwala ninyo sa akin, sa pagpayag po ninyo na maging kaibigan ako ni Tok. Sa pagtitiwala niyo po sa akin na maging kaibigan niya. Hindi ko po sisirain ang tiwala ninyo. Maraming salamat po. May you rest in peace po Tita.” 

Sa pagkarinig ko sa kanyang sinabi sa harap ng puntod ng aking Inay, napatitig ako sa kanya. Naalala ko kasi ang sinabi ng Inay. “...hindi ka na makakahanap pa ng kaibigan na kasing-bait ni John. Huwag mong pabayaan na mawala siya, lalo na... kapag isang araw na wala na ako, may isang kaibigan kang nariyan para sa iyo at hindi ka iiwan.”

Naputol ang pagtitig ko sa kanya nang inakbayan niya ako.

Nang nakarating na kami ng bahay. Doon ko naramdaman ang nakakabagot na katahimikan. Mistulang nagluksa din ang ang lahat sa paligid. Dumeretso ako sa kuwarto ng inay at inikot ng aking mga mata ang kabuuan nito. Tila naroon pa rin ang inay sa ibabaw ng kanyang higaan, natutulog.

Muli na namang dumaloy ang aking mga luha. Binitiwan ko ang isang malalim na buntong-hininga. “Nay... kahit wala ka na rito ay aalagaan ko pa rin itong kuwarto mo, na parang narito ka pa rin. Hindi ko ito gagamitin o ipapagamit nino man.” Ang bulong ko. Iniligpit ko ang mga gamit ng inay, inayos sa pagkalagay ang mga ito. Pagkatapos ay lumabas ako at kinuha ang ekstrang padlock na itinago ko sa aking kuwarto. Bumalik ako sa kuwarto ng inay at ipinadlock ko ang pinto nito.

Alas 8 pa lamang ay natapos na ang padasal sa gabing iyon. Nakiusap kasi ang nag-handle sa padasal na agahan palagi ang schedule gawa ng malayo ang bahay namin. Nang nakaalis na ang mga taong dumalo, nagpaalam si John na umalis sandali at may bibilhin siya. Pumayag ako. Nang nakabalik na siya, dala-dala niya ang isang case ng beer, may isang bote ng alak, isang malaking balot ng barbecue at isang plastic ng kanin. “Mag-inom tayo, Tok. Alam kong gusto mong makalimot.” Ang sambit niya.

Dumeretso siya sa kusina at kumuha ng pambukas. Dinala niya ang beer at mga pagkain sa labas ng bahay. Bilog ang buwan at maganda ang ambiance sa labas. Kaya naisipan ni John na sa labas na lang kami. Tumalima ako. Presko at malamig ang hangin, tahimik ang paligid gawa nang kami lang ang nakatira sa lugar, maliban na lang sa ingay ng mga kuliglig at panggabing hayop.

Marami kaming pinag-usapan ni John. Mga plano sa buhay. Kagaya nang hindi raw kami maghihiwalay kahit ano ang mangyayari, na hanggang sa pagtanda namin ay aalagaan at ipagtanggol pa rin niya ako, na palagi siyang nariyan para sa akin. Nagplano rin siya na ang kursong kunin namin ay pareho, Business Administration ang gusto niya.

Halos hindi ako umiimik. Hindi ko binigyang pansin ang kanyang mga sinabi. Hinayaan ko na lang siyang magsasalita. Ang isip ko kasi ay nababalot pa sa lungkot at hindi ko pa rin matanggap ang nangyari sa aking inay. Tila lumulutang pa ako sa kawalan. Matinding sakit at lungkot pa rin ang aking naramdaman.

Nang malasing na kami, inalalayan niya ako upang bumalik na ng bahay. Hindi ko na kasi kayang tumayo at maglakad. “Gusto ko doon sa pampang, John. Dalhin mo ako sa pampang...” ang sambit ko.

Walang imik na kinarga niya ako sa kanyang likuran. Tinumbok niya ang ilog. Habang kinakarga niya ako, walang humpay ang aking pag-iyak. Nang narating na namin ang ilog, pinaupo niya ako sa gilid ng pampang. Naupo rin siya sa tabi ko. Ngunit dahil lasing ako, hindi ko magawang umupo ng tuwid. Isinandal ko ang aking katawan sa katawan niya. Inakbayan niya ako.

“Unang gabi ko ngayon na wala nang inay...” ang sambit ko. “...at labing-walong taon na rin ako sa mundong ito na walang itay.” Dugtong kong pautal-utal dahil sa pag-iyak. “Ang saklap lang talaga ng buhay. Bakit hindi ako kagaya sa iba na may mga magulang? Na masaya sa buhay nila? Na may mga magulang na nagmamahal? Kahit mahirap lang kami, wala akong reklamo basta may mga magulang lang sana ako.”

Naramdaman kong hinaplos niya ang aking buhok at idinampi ang kanyang bibig sa ulo ko. Hinalikan niya ito. “Huwag kang mag-alala, Tok. Nandito naman ako, eh. Di ba nag-promise ako harap ng puntod ng inay mo na hindi kita pababayaan. Narito lang ako para sa iyo.”

“Wala nang paalala sa akin kapag may ginawa akong mali. Wala nang magagalit sa akin kapag matagal akong umuwi sa gabi, wala nang mang-ookray sa akin kapag kumakanta ako nang wala sa tono, wala nang pupunas sa aking katawan kapag may lagnat ako o di kaya ay malasing, wala nang mag-utos sa akin na mag-igib ng tubig o ayusin ang bubong... wala na akong mapagsabihan sa mga problema ko, sa mga sikreto ko, wala nang maglalaba ng mga brief ko..”

“Ako ang magpaalala sa iyo, Tok... pagagalitan kita kapag matagal kang umuwi sa gabi, ookrayin kita kapag kakanta ka ng wala sa tono, ako ang pupunas sa iyong katawan kapag may lagnat ka o malasing ka, uutusan kitang mag-igib ng tubig o mag-ayos ng bubong, makinig ako kapag may problema ka, o sikreto, at ako ang maglalaba ng mga brief mo.”

Patuloy pa rin ako sa pag-iyak.

“Simula ngayon, ako na ang nanay mo, tatay mo, kapatid mo, pamilya mo. At kung may mas higit pa roon, ako pa rin iyon...”

Iyon na ang huli kong natandaan. Nakatulog akong sumasandal sa bisig ni John habang inaakbayan niya ako at hinahalikhalikan ang aking buhok. Nang magising ako kinabukasan, nasa kuwarto na ako, nakatakip ang buong katawan ko ng kumot habang sa gilid ko naman ay si John, naka-boxer short lang, ang isa niyang braso ay nakapatong sa aking dibdib habang ang aking ulo naman ay nakapatong sa isa rin niyang braso.

Hinawi ko ang kanyang kamay sa aking dibdib, pati na rin ang braso niyang ginawa kong unan. Dali-dali akong bumalikwas sa kama bagamat masakit pa ang aking ulo. Tumayo ako at ginising si John. “John... gising na.”

Nakita kong kinuskos niya ang kanyang mga mata at inaninag ang paligid. “Uhmmm.” Iniunat niya sa kanyang katawan.

Napatingin ako sa gitna niyng katawan habang umunat siya. Napansn ko ang malaking bukol sa ilalim ng kanyang boxer. Hindi ko na pinansin iyon. Normal lang naman iyon. Ganoon din kasi ako lalo na sa umaga. Tinumbok ko ang isang sulok at naupo sa may bintana at ibinaling ang paningin sa kawalan.

“Umaga na pala. Ang sarap ng tulog ko. “Anong gusto mong kainin Tok...” ang tanong ni John.

Nilignon ko siya. “Wala akong gana, eh. Bahala ka na lang d’yan.” Ang sagot ko.

Tumalikod siya at tinumbok ang kusina, naghanda ng almusal. Nang matapos na siya, dala-dala niy ang isang plato na may kanin, may scrambled na itlog, at may kape rin. “Kain na Tok... Gusto mo subuan kita.” Ang sambit niya.

“Wala akong gana talaga eh...”

“Pilitin mo ang sarili mo, Tok. Para rin ito sa iyong kapakanan. Para hindi ka gugutumin. Kung nakatingin sa iyo ang inay mo ngayon, sigurado akong malulungkot siyang nakikita kang ganyan. Kain na...” ang panunuyo niya.

Nang tiningnan ko siya, nakahanda na pala ang isang kutsara na may lamang pagkain at dali-dali niyng isinubo ito sa aking bibig. Sa bilis ng kanyang pagsubo sa akin ay hindi na ako nakatanggi. Wala na akong nagawa. Mistula akong isang batang hindi marunong kumain at kailangang subuan pa. Nang naka apat na subo na siya, kinuha ko ang plato. “Ako na John.” Ang sambit ko. Ngunit inilagay ko lang iyon sa sahig at ang kinuha ko ang ay ang baso ng kape at ipinatong iyon sa gilid ng bintana.

Sa gabing iyon ay nag-inom uli kami. Walong beer lang ang kanyang binili. Tama na raw iyon dahil ayaw niyang gabi-gabi kaming mag-inom. Baka masanay daw ako at magiging lasenggero. Doon pa rin kami sa pampang nag-inom.

“Dito sa ilog na ito ay palaging naglalaba ang inay. Noong bata pa ako, ang saya-saya ko kapag naglalaba siya at dinadala niya ako rito. Naglalaro ako sa tubig. Kapag nagutom na, kakainin namin ang aming baon na balinghoy at ang kapares noon ay bagoong.”

Tahimik. Nakinig lang siya sa akin.

“Minsan may isang insidente na inanod ako sa malalim na bahagi ng tubig. Muntik na akong malunod, nakainom ako ng maraming tubig. Mabuti na lang at napansin ako ng inay. Agad niya akong sinagip. Simula noon, tinuruan na niya akong lumangoy kahit ang liit-liit ko pa.”

“Gusto mo, maligo tayo sa ilog?” ang sambit niya.

Napangiti ako sa kanyang sinabi. Tiningnan ko siya. Kitang-kita ko ang saya sa kanyang mukha nang makita niyang nakangiti ako. Dali-daling inilatag niya ang kanyang bote ng beer sa damuhan, tumayo at naghubad ng pantalon at T-shirt atsaka mag-dive. “Habulin mo ako Tok!” ang sigaw niya.

Naghubad na rin ako ng short at t-shirt at nag-dive. Hinabol ko siya. Naghabulan kami sa ilog.

Sa gabing iyon ay kahit papano, napangiti niya ako, napasaya. Panandalian kong nalimutan ang sakit ng pagkawala ng aking inay.

Kinabukasan ay halos ganoon pa rin ang aming setup. Malungkot pa rin ako. Si John pa rin ang naghanda ng agahan.

Alas 10 ng umaga, nakita kong tumungo siya sa likod ng bahay, dala-dala ang balde at itak. “Saan ka?” ang tanong ko.

“Nakita ko ang balinghoy sa likuran ng bahay, puwede na sigurong mag-harvest.”

Hinayaan ko na lang siya. Maya-maya bumalik uli siya sa loob ng bahay. May laman na ang balde na kanyang dala. Dumeretso siya sa kusina.

Alas 11 ng mapansin ko na naman siyang hinalungkat ang mga labahin namin. Ipinasok niya ang mga iyon sa palanggana.

“Anong gagawin mo?” ang tanong ko.

“Maglaba tayo sa ilog. Dalhin natin ang balinghoy na niluto ko.” Ang sagot niya.

Napatitig na lang ako sa kanya. “Hindi mo naman kailangang gawin ito eh. Puwede naman akong maglaba. Gulong-gulo pa lang ang isip ko kung kaya ay halos hindi pa gumana iyong normal na takbo ng aking utak. Parang bangag ba...”

Natawa siya. “Okay lang iyan. Normal lang ang iyong naramdaman. Kaya nga narito ako upang damayan ka, gabayan ka, tulungan ka.” Ang sambit niya sabay bitbit sa palanggana, balde. “Tara na! Dalhin mo iyong kaldero ng balinghoy. May bagoong na rin sa baso at inilagay ko sa loob ng kaldero.” Ang nakangiting sabi niya.

Tumalima na lang ako. Nang nasa ilog na kami, tinulungan ko siyang maglaba. “Nasaan ang brief ko? Dalawa iyon na nasa labahan?” ang tanong ko.

“Heto o... nilabhan ko.” Sabay angat sa brief na kasalukuyang kinuskos niya. “Ang isa ay tapos na.” Sabay turo rin sa isang nakalatag na sa ibabaw ng bato kasama sa iba pang nasabon na.

Napatingin ako sa kanya. “Ba’t ikaw ang naglaba niyan?” ang tanong ko. Syempre, nahiya ako. Personal na gamit iyon at hindi pa mga bago, iyong harapan ay nag-iba na ang kulay.

“Hayaan mo na, Nak. O, baka gusto mong maglaro sa tubig, mag-ingat ka lang. Tuturuan kitang lumangoy mamaya.” Ang biro niya.

Natawa na lang akong napatingin sa kanya. “Tarantado!”

HULING ARAW na iyon ng suspension ni John. Huling araw rin iyon ng hiniling kong pag-absent sa klase dahil sa pagkamatay ng inay. “Papasok na ako bukas, John...” ang sambit ko.

“Ako rin papasok na bukas...” ang sagot niya. “Tapos na ang suspension ko.”

“At doon ka na rin matutulog sa apartment mo?”

Tiningnan niya ako. Binitiwan ang isang matipid na ngiti. “Ano sa tingin mo?”

Binitiwan ko ang isang malalim na buntong-hininga. “Syempre, sa apartment mo. Hinahanap ka na ng guardian mo.”

Binitiwa niya ang isang ngiti. “Dito na ako titira sa iyo, Tok.” Ang sambit niya. Ngunit may pahabol. “Kung papayag ka.”

“Ha? P-paano ang apartment mo? Iyong mga kasama mo doon?”

“Nagpaalam na ako sa kanila. Okay lang sa kanila.”

“Eh... buti’t pumayag sila. Okay lang sa akin.” Ang sagot ko.

“Alam mo naman, di ba? Walang pakialam sa akin ang papa ko. Binibigyan lang niya ako ng pera. Para sa kanya, pera lang ang katapat ng lahat. Ang mama ko naman, hindi ko alam kung nasaan siya, at wala rin siyang pakialam sa akin. Kahit magpalaboy-laboy pa ako sa lansangan, okay lang.” Ang sambit niya.

“K-kawawa ka rin pala, John. Halos pareho tayo ng kapalaran.”

“Siguro nga. Baka itinadhana talaga tayo para sa isa’t-isa.” Sabay tawa.

“Ngek!” ang sagot ko. Itatanong ko pa sana ang tungkol sa aksidenteng narinig kong usapan nila ng girlfriend niya sa may highway, sa gilid ng eskwelahan. Ngunit hindi ko na itinuloy pa ang tanong. Baka kasi masyadong personal na.

“Basta okay lang sa iyo na dito ako tumira, ha?” ang tanong niya. “Baka makulitan ka sa akin.”

“Oo naman! Ikaw pa!” ang sagot ko rin.

“Gusto ko... Tok na rin ang tawag mo sa akin.” Ang sambit niya sabay katok sa dinding na kawayan, nagpatawa.

“Kilalanin muna kita.” Ang sagot ko rin.

Kaya iyon ang naging arrangement namin. Nagsama kaming dalawa sa bahay. At dahil nakapagbitiw ako ng pangako sa aking inay na ang ila-lock ko ang kuwarto niya at hindi ko pakikialaman o gagamitin ito para lagi ko siyang maalaala, sa kuwarto ko natutulog si John, sa kama ko, magkatabi kami.

Napakalaking tulong ang naibigay sa akin ni John sa pagtira niya sa bahay namin. Siguro kung ako lang mag-isa, mahihirapan ako. Bagamat may maliit na manukan naman ako at nagtatanim ng mga gulay at kamoteng-kahoy. Kung iyon lang ang aking aasahan, hindi ko mabibili ang iba pang mga pangangailangan ko. O baka maghahanap ako ng mag-extra na na trabaho. Ngunit dahil naroon si John, natulungan niya ako sa financial na pangangailangan. Nakakahiya ngunit sabi nga niya ay kagustuhan niya iyon at wala siyang hinihiling na kapalit.

May mga pinaayos din siyang mga parte ng bahay na sira na, kagay ng bubong at dinding na butas-butas na, ang balon ay pinagawang de-bomba, at marami pang iba. Gusto ko sanag imungkahi sa kanya na bumili ng kama para tig-iisa na kami kasi malikot ako kapag natutulog ngunit nahiya na ako. Mahal din kasi ang kama.

Sa mga gawaing bahay naman ay hati kami sa trabaho. Pero kadalasan, siya ang gumagawa. Ayaw kasing paawat. Nakakahiya na ang isang mayaman na kagaya ni John ay nagtiis na samahan ako, natulungan ako, at halos magpaalipin na lang sa akin.

Lumipas pa ang ilang araw at halos tanggap na sa aking isip na wala na ang inay. Marahil ay kung wala si John, mahihirapan akong tanggapin ang lahat. O baka tuluyan pa akong mababaliw. Malaki ang naitulong ni John upang matanggap ko ang lahat, at mabilis na maka-recover. Nanumbalik na ang pagiging masayahin ko, ang pagiging positive ko sa buhay.

Sa ilang araw na nagsama kami ni John ay unti-unti ko na rin siyang nakilala. Iyong impression ko sa kanya dati na tahimik na tao, nagmamanman sa isang sulok, hindi masalita ngunit kapag nagsalita naman ay straight to the point, tapos hindi mahilig sa dada o kuwento, lahat ay ipinapakita sa gawa. Kapag galit, impulsive, walang takot at kapag may sinabi ay gagawin kahit may magalit pa. Napagkakamalang masungit o snob ngunit mabait pala. Tahimik na tao ngunit may kulo rin sa loob at marunong ding magbiro, mang-okray, at makipagharutan. Iyon ang mga nakita ko sa aming pagsasama, ang isang side niya na masayahin, makulit, mahilig magbiro, may pagka-pilyo ngunit maaalalahanin, din, sweet, at mapagmahal. Marahil ay kung babae lang ako at manligaw siya sa akin, siguradong sasagutin ko siya. Masuwerte ang taong mamahalin niya.

Ngunit syempre, habang lumalalim ang pagkakakilanlan mo sa isang tao, may madiskubre ka ring mga bagay na nakaka-inis, o nakaka bad trip. Sa akin ay iyong sobrang pagka-sweet niya na parang ang turing niya sa akin ay syota niya. Hindi naman sa ayaw ko noon, naiilang lang siguro ako. Hindi kasi ako sanay na kapwa lalaki ay ganoon ang turing sa akin. Parang ano iyon? Kagaya nang sa kainan, gusto niyang subuan ako. Nilalagyan ng ulam ang plato ko. Pinapakialaman ang mga gamit ko at kapag ayaw niya ay sasabihin sa akin na itapon na ito, o heto ang isuot mong T-shirt. Ayaw ko ng ganoon. Ang inay nga hindi ako pinapakailaman kasi, alam ng inay ko na nagagalit ako kapag pinapakialaman ako.

At ang pinaka-ayaw ko sa lahat ay iyong sa pagtulog namin sa gabi. Kung sa unang mga gabi na nagsama kami sa isang higaan ay wala akong napansin, iyon ay either lasing ako o, iyong sobrang lungkot dahil sa pagkamatay ng aking inay. Kaya okay lang iyon. Ngunit habang tumatagal ang pagsasama namin sa iisang kama, naiirita na ako kapag ganyang ipatong niya ang kanyng hita sa aking harapan, yayakapin ako, o isingit sa ilalim ng aking ulo ang kanyang braso. Naiinitan na nga ako, nakakabalisa pati ang ganoon. Para kaming mag-asawa. At lalo na kapag magising ka na lang na tumitigas ang ari mo, tapos nakita mong tulog siya ngunit ang kanyang kamay ay nakapatong sa ibabaw ng ari mo mismo. Eww.

Ngunit ang isang kagandahan din kapag malalim na ang inyong pagkakakilanlan sa isa’t-isa ay iyong hindi na kayo masyadong naiilang na gawin o sabihin ang mga bagay na dati ay di mo magawa o masabi sa harap niya. Di ka na rin nahihiyang sawayin siya, o sigawan, o makikipagharutan o makikipaglokohan. Nawala na iyong hiya at pagkailang.

Kaya sa oras ng tulugan ay parang aso’t pusa kami sa ibabaw ng kama. “Ano ba John! Umusog ka nga roon! Ang liit-liit na nga ng kama, nasa gitna ka pa pumuwesto! Wala na akong ispasiyo!” ang bulyaw ko.

“Ikaw ang umusog rito.” Ang sagot din niya.

“Bakit ako uusog sa iyo? Ang init-init eh.”

“Gusto kong yakapin ka.”

“Yakapin? Bakit mag-asawa ba tayo?”

“Kahit di tayo mag-asawa, puwede naman tayong mag-sex, di ba?” ang biro niya at matatawa.

“Ewwwww!”

“Usog na roon! Tatadyakan kita kapag di ka umusog.”

Kapag ganoong naggalit na ako, uusog na siya. Ngunit kapag tulog na ako, di ko na alam. Magigising na lang kasi ako na minsan, naging unan ko na ang bisig niya. Minsan naman, nakalingkis na ang kanyang braso sa aking katawan o kaya, ang hita niya ang nakapatong sa aking pagkalalaki. Ang matindi ay minsan ang kamay talaga niya ang nasa ibabaw ng aking bukol. Magulat na lang ako niyan pagkagising ko.

Kaya isang araw, di ko na talaga natiis ang pagka bad trip ko kapag natutulog kami. May naisip akong paraan. Umalis noon si John, nagunta sa apartment niya, may kukuhaning gamit at may mga bibilhin daw. Doon ko na isinagawa ang aking plano. Hapon na nang nakabalik siya kaya wala siyang kaalam-alam sa ginawa ko. Pagdating na pagdating niya ay kumain kaagad kami. May binili kasi siyang pagkain kaya iyon na ang aming hapunan.

Oras ng tulugan, nagulat na lang siya nang pumasok sa aming kuwarto. “Ba’t dalawa na ang kama riyan? Ang tanong niya.

“Ba’t di ka ba masaya na ginawan kita ng kama? Nag-effort ako ako na mamumutol at maglagari ng kawayan, , napagod ako sa kakamartilyo para mabuo iyan, nagutom... at ako lang mag-isa ang gumawa niyan, wala ka man lang thank you?”

“Ba’t ako mag thank you. Di ko naman hiniling ito? At ang pangit ng pagkagawa! Ang sakit sa likod! Paano ako makakatulog nito?”

“Paano makakatulog. Nasanay ka na ngang mahiga sa kawayan na kama ko eh. Ngayon ka lang magreklamo? Kung gusto mo, palit tayo, ako d’yan.”

“Bakit ka ba gumawa ng isa pang kama? Wala naman tayogn problema sa isang kama ah!”

“Walang problema? Ang init-init, tapos minsan pa ay sinasakop mo an gbuong kama at nasa dulo na ako. Tapos nangyayakap ka pa!”

“Ano daw? E ikaw nga itong yumayakap sa akin at hindi makatulog kung hindi ko niyatakap eh! Ang himbing-himbing mo nga! Kapag tumalikod naman sako sa iyo, ikaw naman itong tatagilid paharap sa akin at ililingkis mo pa ang braso mo sa katawan ko, di ako halos makakilos! Himbing na himbing ka. Tapos ipapatong mo ang hita mo sa harapan ko.”

“Ano? Niyayakap kita? Tsura mo!” 

“D’yan na lang tayo kasi!” sabay sampa sa kama ko at niyakap ako.

Nakipagbunuan ako. “Ano baaaaa! Lumipat ka na roon! Letse!”

Ngunit hindi pa rin siya lumipat, nanatiling nakayakap sa akin. Nagpambuno kami. Ngunit dahil mas malaki ang katawan niya, talo ako. Sa inis ko ay tumayo ako at pumunta ng kusina. Nang bumalik na ako ng kuwarto ay dala-dala ko ang itak. Doon ako humiga sa kama niya dahil ang kama ko ay hinigaan niya. Inilagay ko ang itak sa aking tagiliran. Panakot sa kanya. “Kapag ikaw ay lumipat dito, iitakin talaga kita.” Ang pagbabanta ko pa.

Tumingin siya sa akin. “Kapag may naputol na bahagi ng aking katawan bukas... Walang akong ibang pagbebentangan kundi ikaw!” ang sambit niya.

“Iyan ay kung buhay ka pa niyan!” Ang sagot ko rin.

Kaya hayun, wala na siyang nagawa. Kaso, halos hindi rin ako makatulog dahil sinadya niyang magdadaldal. Kesyo ang sakit-sakit ng likod niya, kesyo hindi siya makatulog kung walang kayakap o patungan ng kanyang paa, kesyo takot siya sa dilim... sobrang laki talaga ng problema niya sa gabing iyon, parang mas malaki pa kaysa problema ng global warming.

Pero kahit papaano, nakahinga ako ng maluwag. Habang nagmamaktol sya, ang sarap-sarap naman ng pakiramdam ko na solo ko ang aking kama. Nakangiti pa ako habang nagtalukbong ng kumot. “Ang sarap talagang nag-iisa sa kama.” Ang parinig ko sa kanya.

“Mabuti  ka pa. Ako rito hindi makatulog!” ang sagot din niya.

SABADO IYON, wala kaming pasok ngunit may practice ang aming grupo sa English na subject. Requirement kasi iyon para sa aming grado sa mid-term. Kaya obligado akong pumunta sa eskuwelahan. Hindi sumama ni John. Himala dahil kahit saan ako nagpupunta ay palagi siyang nakabuntot. Ngunit sa pagkakataong iyon ay hindi siya sumama.

Alas 2 na ng hapon nang matapos ang aming practice. Nang nakarating na ako ng bahay, laking gulat ko nang nasa labas ng bahay si John, sa harap ng malaking kawa na puno ng tubig at nakapatong sa pugon na nag-aapoy pa. Bigla akong kinabahan dahil nakakakita lang ako ng ganyan kapag may kakataying baboy. Iyong baboy na alaga ko pa naman ay maliit pa, hindi pa puwedeng katayin.

“Anong ginagawa mo?” ang tanong ko.

“Nagpakulo ng tubig.”

“Para saan?”

“Wala lang, gusto ko lang.” Ang sagot niya.

“Gusto mo lang? May sayad ka? Nagpakulo ka ng tubig d’yan sa malaking kawa dahil gusto mo lang?”

“Oo...”

Ngunit nang napansin ko sa isang gilid ang pira-pirasong kawayan na ginamit niyang panggatong. Iyong iba ay may nakakabit pang pako. Naghinala na ako. “Iyan ba iyong kama na ginawa ko para sa iyo???”

“Oo...” ang kalmanteng sagot niya habang ang malaking sandok ay inilubog niya sa tubig na nasa kawa at pinaikot ang tubig na para talagang may niluluto siya.

Doon na tumaas ang boses ko. “Diyoskopooooooo! Bakit naman Johnnnnn! Bakit mo ginawang panggatong ang kama na ginawa ko! Hayop ka!!!” sabay hila sa isang pirasong kawayan na nakasalang pa sa apoy at nag-aapoy pa. Dali-dali kong hinabol si John na mabilis ding kumaripas, hawak-hawak ang malaking panandok. “Kapag naabutan kita ikaw ang ilublob ko d’yan sa kawa ng pinakulua mong tubig, tangina mo!!!”

“Wala akong panggatong eh!” ang sagot niya habang tumatakbo.

“Walang panggatong, nagpakulo ka lang ng tubig na hindi ko alam kung para saan hayop ka, buong kama talaga ang kailangang panggatong!!!”

Wala na akong nagawa. Sunog na sunog na ang kama na pinaghirapan ko.

Kinagabihan, balik uli kaming nagtabi sa iisang kama. Habang sarap na sarap siya sa pagyayakap sa akin, ako naman itong nag-alburoto.

(Itutuloy)

2 comments:

  1. Anong ginagawa mo?” ang tanong ko.

    “Nagpakulo ng tubig.”

    “Para saan?”

    “Wala lang, gusto ko lang.” Ang sagot niya.

    “Gusto mo lang? May sayad ka? Nagpakulo ka ng tubig d’yan sa malaking kawa dahil gusto mo lang?”

    “Oo...”

    Ngunit nang napansin ko sa isang gilid ang pira-pirasong kawayan na ginamit niyang panggatong. Iyong iba ay may nakakabit pang pako. Naghinala na ako. “Iyan ba iyong kama na ginawa ko para sa iyo???”

    “Oo...” ang kalmanteng sagot niya habang ang malaking sandok ay inilubog niya sa tubig na nasa kawa at pinaikot ang tubig na para talagang may niluluto siya.

    Doon na tumaas ang boses ko. “Diyoskopooooooo! Bakit naman Johnnnnn! Bakit mo ginawang panggatong ang kama na ginawa ko! Hayop ka!!!” sabay hila sa isang pirasong kawayan na nakasalang pa sa apoy at nag-aapoy pa. Dali-dali kong hinabol si John na mabilis ding kumaripas, hawak-hawak ang malaking panandok. “Kapag naabutan kita ikaw ang ilublob ko d’yan sa kawa ng pinakulua mong tubig, tangina mo!!!”
    tHAHAHA PISTI di matigil tawa ko dalawang ito susme. GALING talaga sana untill the end.. sila parip

    ReplyDelete
  2. Ang dami Kong tawa dun sa kamang ginawang panggatong! 😂😂😂

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails