A story inspired by the Chinese series "Addicted (Heroin)"
By: Michael Juha
Fb: Michael Juha Full
“MANGHINGI KA NG TAWAD! MANGHINGI KA NG TAWAD KAY TIMMYYYYYY!!!” Ang
bulyaw ni John.
Ngunit hindi pa nakapagsalita si Enchong, tinadyakan naman siya ng
tinadyakan ni John. “MANGHINGI KA NG TAWAD PUTANG INA MOOOO!!!” ang pagsisigaw
pa rin ni John.
Halos hindi maawat si John sa kanyang pananakit kay Enchong hanggang
sa kinuwelyuhan na niya ito at pinatayo, akmang susuntukin uli. “Pigilan ninyo
siya! Pigilan ninyo! Baka mapatay niya si Enchong!” ang sigaw ng ibang
estudyante.
Nilapitan ko si John at hinawakan ang kanyang kamao na handa na sanang
isuntok sa mukha ni Enchong. “Tama na, John. Tama na…” ang sambit ko.
Tiningnan ako ni John sabay binitiwan sa kuwelyo ni Engchong. Biglang
bumagsak uli si Enchong, bumulagta sa sahig. Nang tiningnan ko ang harap ng
uniporme ni John, may bakas ng dugo na tumalsik dito.
Siya namang pagdating ng principal. Dinala niya si John sa kanyang
office samantalang si Enchong na halos hindi na makatayo ay inalalayan ng mga
officers ng aming klase patungo sa clinic.
Mistula akong natulala sa bilis ng mga pangyayari. Hindi lang sa pagtanggol
sa akin ni John kundi sa mga sinasabi ni Enchong tungkol sa aking ina. Sobrang
sakit na ang aking inay, ang nag-iisang
taong nagmamahal sa akin ay siniraan at pinagbintangan ng kung anu-ano, at lalo
na’t narinig ito ng buong klase. Mistulang tinadtad ang aking puso sa sobrang
sakit. Parang gusto kong pumatay ng tao sa matinding sama ng loob.
Halos hindi na pumasok sa aking ulo ang leksyon sa sumunod na klase.
Ang nasa isip ko na lang ay ang awa sa aking inay.
Natapos ang huling subject na hindi pa rin bumalik si John. Hindi ko
na alam ang pinag-usapan nila ng principal sa loob ng office. Sa sama ng aking
loob ay imbes na deretsong umuwi, tinungo ko ang isang inuman na turo-turo
malapit lang sa eskuwelahan. May pera pa naman akong natira, iyong pambili ko sana
ng bagong uniporme ngunit dahil gusto kong makalimot sa mga sandaling iyon kaya
ay naisipang kong uminom.
Umorder ako ng limang na beer at isang barbecue. Nang nagsimula na
akong uminom, di ko naman inaasahang darating si John. “Uy... hindi maganda
kapag nag-inom na mag-isa. Kaya sasamahan na kita.” Ang sambit niya habang
umupo sa upuang nakaharap sa akin, kumuha ng isang beer inangat iyon at isinagi
sa hinawakan kong beer.
Hinayaan ko na lang siya. Hindi ako umimik. Hindi na rin siya umimik.
Nakakabingi ang katahimikang namagitan sa amin.
“Anong sabi ng principal?” ang pagbasag ko sa katahimikan.
“Magmeeting pa raw sila sa parusa para sa akin.” Ang sagot ni John.
“S-salamat sa pagtanggol mo sa akin kanina.” ang sambit ko.
“Okay lang iyon. No big deal. Hindi maganda iyong pinagsasabi niya.
Sobrang foul na.”
Tumango lang ako.
Nag-order siya ng makakain namin. 10 na barbecueng baboy at sampu ring
barbecueng manok. Nag-order din siya ng kanin at nagdagdag na kalahating case
na beer.
Kumain kami. Nang medyo nalasing na ako. Nakuwento ko sa kanya ang
tungkol sa aking inay. “Hindi ganyan ang aking inay sa sinabi niya. Gawa-gawa
lang ni Enchong ang kanyang sinabi. Kung mukhang pera ang aking inay, e ‘di
sana mayaman kami. Ngunit hindi eh. Matagal nang nagdusa ang aking inay. Simula
noong pagkabata ko, naghirap na siya. Namatay ang aking itay noong nasa
sinapupunan pa lang niya ako. Kaya siya lang mag-isa ang nag-alaga at nagpalaki
sa akin. Nariyan iyong naglalabandera siya, naglalako ng kung anu-ano... naging
kasambahay. Lahat ay ginawa niya para lang mabuhay ako at matustusan ang
pag-aaral. Hindi siya nagbenta ng aliw. May mga karanasan pa nga ako kung saan
ay halos wala kaming makain. Kapag ganyan, ako na lang ang pinapakain niya.
Manunuod lang siya sa akin habang kumakain ako. Kapag tinatanong ko kung bakit
hindi siya kumain, sasagutin niya ako na busog siya. Ngunit alam kong gutom din
siya. Pero tiniis niya, basta makakain lang ako. Ngayon, kahit may karamdaman
siya, pinipilit pa rin niyang magtrabaho. Naaawa ako sa kanya. Hanggang ngayon
ay nagtiis pa rin siya. Mahal na mahal ko ang aking inay ko. Siya na lang ang
natirang pamilya ko. Siya lang ang natitirang karamay ko, kaagapay. Hindi ko
alam kung ano ang aking gagawin kapag nawala ang inay ko.” Ang pagkuwento ko
kay John. Napaiyak na ako.
“Huwag kang mag-alala pare. Naintindihan kita. Siguro ang pagkakaiba
lang natin ay bagamat kumpleto ang aking mga magulang, ang aking inay ay hindi
na nagpakita pa sa akin. Ang sabi sa akin ng aking tatay ay may iba na raw
siyang kalaguyo. Ang itay ko naman ay halos walang pakialam sa akin. Hindi ko
maramdaman ang pagmamahal. Pareho sila, walang pakialam sa akin. Minsan nga,
nasasabi kong sana lang ay patay na lang sila. Kasi, kung pareho silang patay, may
dahilan ako sa sarili kung bakit hindi ko maramdaman ang pagmamahal nila. Pero
iyong buhay sila ngunit hindi ko sila maramdaman, ang sakit lang...
Nakakainsulto. Parang niyurakan nila ang aking pagkatao.”
“G-ganoon ba? Pareho pala tayong sabik sa pagmamahal. Ako, naghahanap
ng pagmamahal ng ama. Ikaw, pagmamahal ng ama’t-ina.”
Tahimik. Alam kong lasing na ako sa oras na iyon ngunit alam ko pa rin
ang mga pangyayari sa aking paligid. Kahit bulol na ako kung magsalita, kahit
ramdam kong babagsak na ang aking takipmata, alam ko pa rin ang mga pangyayari.
Hindi ko lang alam kong lasing na rin ba si John dahil napansin kong ako lang
halos ang umiinom. Marahil ay talagang gusto lang niya akong samahan.
“M-may aaminin ako sa iyo.” Ang pagbasag niya sa katahimikan.
“Ano iyon?” ang sagot ko.
“Ako ang nagtago sa uniporme mo.”
At dahil lasing na ako, natuwa pa ako sa kanyang sinabi. “Talaga? Saan
mo itinagong gago ka.”
Tinanggal niya ang natalsikang dugo na uniporme niya. Doon ko na
nakita na doble pala ang supt niya at nasa ilalim ng suot niya ang aking
uniporme.
“Salabahe ka! Salbahe ka!” ang sambit ko tumawa pa, tinuturo siya.
“Bakit mo itinago ang uniporme kong hayop ka?”
“Hindi mo kasi isinuot ang unipormeng ibinigay ko sa iyo kaya ko
itinago para mapilitan kang isuot iyon.”
“Salbahe ka talaga!” ang sambit ko.
Tahimik.
Napaisip ako sa kanyang sinabi. “Hayaan mo, pare... bukas na bukas ay
isusuot ko na ang unipormeng bigay mo.” Ang pagbasag ko sa katahimikan.
“Promise?” ang sambit niya.
“Promise. Ikaw pa. Ang lakas mo sa akin.” Ang sagot ko. Iyong salitang-lasing
lang, parang bata, nabubulol, malambing. Ganyan daw kasi ako kapag nalasing.
Panay ang tawa, at nawawawala ang galit, masayahin. Pero alam ko ang aking ginagawa.
“Mas maganda nga na tinago mo yang uniporme ko eh.” Ang dugtong ko.
“Ha? Bakit mo naman nasabi iyan?”
“Kasi, nabugbog mo iyong mayabang na presidente ng kabilang section.
Buti nga sa kanya.”
Natawa siya.
“Kaso, baka hindi lang sampung ikot sa oval ang ipagagawa sa iyo ni
Sir. Sa pambubugbog mo, baka 500 na ikot na. At ayoko nang sumama sa iyo baka
puputok na naman ang bibig ko at magka black eye pa.”
Mas lalong lumakas ang tawa niya. “Ikaw kasi... una mo akong
pinagsusuntok. Kinulit mo ako.”
“Eh, gusto ko lang naman makita kung paano ka manuntok eh. Di ko nga
nilakasan iyong sa akin. Pero iyong sa iyo, muntik nang magkawatak-watak buong
mukha ko! Buti na lang shock-proof ‘tong mukha na to!”
Tumawa uli siya. Tinitigan ako at hinaplos ang bibig kong pumutok.
“Promise, hindi na kita saktan.”
“Wee! Neknek mo. Subukan mong itago uli uniporme ko. Wawasakin ko
iyang panga mo.”
Tumawa lang siya.
“Bakit ba ang sungit-sungit mo sa akin noon? Nagpapapansin.” ang
tanong ko.
“Eh, wala eh. Type kita eh.”
“Gago! Tapos... ninakaw mo pa iyong tinapay na bigay ni Emily!”
“Gusto ko lang asarin ka. Ang sungit mo rin kaya.”
Nang maubos na ang beer at pulutan ay gusto ko pa sanang uminom.
Ngunit ayaw nang mag-order ni John. “Lasing ka na. Umuwi na tayo.” ang utos
niya.
“Gusto ko pang uminom eh! Di pa ako lashinggg!” ang sambit ko.
Ngunit hinila na ako ni John upang tumayo. “Doon ka na sa apartment ko
matulog.”
“Ayoko. Naghintay ang nanay ko sa akin. Hindi siya makakatulog kapag
hindi ako umuwi.”
“Okay ihatid na lang kita sa inyo.” Sabay hila sa akin at inalalayan
akong maglakad.
“Ayoko. Kaya kong maglakad pauwi.”
Sinubukan kong tumayo. Ngunit hindi ko kaya.
Inalalayan na lang niya ako. “Ihatid na kita.”
“Kaya ko ngang umuwi mag-isa eh.” Ang pagtutol ko.
Ngunit iginiit ni John na alalayan niya ako. Hinawakan niya ang aking
kanang kamay at ipinatong iyon sa kanyang balikat.
Wala na akong nagawa. “Alam mo ang daan patungo sa amin?” ang tanong
ko.
“Alam ko, patungo roon” ang pagturo niya.
“Malayo pa... doon sa dulo, maraming kahoy. Walang kuryente, walang
ilaw.”
“Kaya iyan.”
Maya-maya lang ay naramdaman kong kinarga na niya ako sa kanyang
likod. Habang karga-karga niya ako sa kanyang likod, patuloy naman akong
nagkukuwento sa kanya sa mga pang-aasar niya sa akin at sa mga bagay na
kinaiinisan ko sa kanya. Wala siyang imik. Nakinig lang siya sa akin habang
naglalakad siya. Iyon ang huli kong natandaan.
NAGISING AKO kinabukasan nang natamaan ng sikat ng araw ang aking
mukha. Nang iminulat ko ang aking mga mata, nagulat ako nang makita ko si John
na katabi ko sa pagtulog, naka boxer short at walang pang-itaas na suot. Nakatagilid
siyang paharap sa akin, ang kanyang braso ay nakapatong sa ibabaw ng aking
dibdib. Nang tiningnan ko ang aking sarili, wala rin akong pang-itaas na suot
at naka-boxer short lang.
Tinanggal ko ang kanyang braso na nakapatong sa ibabaw ng aking
dibdib. “John! John!” ang paggising ko sa kanya.
Nakita kong nagkuskos si John ng kanyang mga mata at tiningnan ako.
“Bakit ka narito?” ang tanong ko sa kanya.
“Di mo naalala? Lasing ka, dinala kita rito. Kaya dito na ako
pinatulog ng iyong inay. Ayaw niya akong pauwiin dahil baka may mangyari sa
akin sa daan.”
Nahinto ako. Doon ko naalala iyong pagkarga niya sa akin sa kanyang
likod. “Paano ka nakarating dito? Madilim kagabi?” ang tanong ko.
“May maliit na flashlight ako sa aking key chain. At direderetso lang
naman ang daan. Iyan lang ang sinubaybayan ko.”
Nang maalala kong may pasok pa kami. “Anong oras na? Late na tayo!”
ang sambit ko.
“Huwag na tayong pumasok.” Ang sagot ni John.
“Papasok ako John. Mahirap ang malaktawan ang subject. Kung maaari ay
ayaw kong mag-absent.”
“O sige, maghalf day na lang tayo.”
Sumang-ayon ako. “Dito ka lang muna. Maghanda ako ng almusal natin.
Agad akong bumalikwas. Tinungo ko ang lagayan ng damit at kinuha ang
short na pambahay. Isinuot ko ito atsaka lumabas ng kuwarto. Dinaanan ko ang kuwarto
ng inay at sinilip. Nakita ko sa ibabaw ng mesa niya ang gamot na binili ko.
Ngunit tulog pa ang inay. Marahil ay napuyat siya sa kahihintay sa akin.
Hinayaan ko na lang. Lumabas ako ng bahay at tinungo ang kulungan namin ng
manok at kumuha ng limang itlog. Nang nilingon ko ang aking llikuran, naroon
pala si John, sinundan ako.
“May mga alagang manok ka pala.”
“Oo… native lang. Mas maganda kasing alagaan ang native dahil hindi sila
maselan sa pagkain, kumakain ng kahit ano, at lumalaban din ito sa sakit. Dito
kami kumukuha ng pambili ng gamot ng inay, dito rin kami kumukuha para sa
pagkain, at sa mga gastusin sa araw-araw. Kaso halos hindi rin ito sapat. Pero
okay lang. Kahit papaano ay mayroon.”
Ipinakita ko rin kay John ang aking alagang native na baboy. “Ang laki
na ah!” ang sambit niya.
“Oo, pero palakihin ko pa iyan hanggang magiging sinlaki na siya ng
kalabaw” ang biro ko.
“Langya. Aabot ng 100 years yan!” sabay tawa.
Natawa rin ako. “Napamahal na kasi sa akin ang baboy na iyan eh. Kilala
ako niyan. Kapag nakita ako, naglalambing, tingnan mo.”
Tiningnan niya ang baboy na tila sumasayaw-sayaw na parang umiiyak na
nakatingin sa akin. Napangiti si John. “Oo nga. Di ako pinapansin o.”
“Kakatayin ko lang iyan kapag nagpakasal na ako.” Ang sambit ko.
Napatitig si John sa akin. Hindi ko alam kung ano ang ibig ipahiwatig
niya sa titig na iyon. Binitiwan niya ang isang ngiting hilaw.
“Halika, doon tayo sa mga pananim namin ng inay.” Dinala ko siya sa
taniman ng gulay. Pumitas ako ng sampung kamatis na ihahalo sa itlog.
“Ang dami ninyong tanim na gulay…” ang sambit ni John.
“Mga pananim namin ng inay iyan. Malaki rin ang tulong nito sa amin.”
Ang sagot ko habang naglalakad pabalik sa loob ng bahay. Nakabuntot si John.
Nang nasa kusina na kami, gumawa ng apoy si John para sa kalan habang nagsalok
naman ako ng bigas mula sa lagayan. Isinalang ko ang kaldero sa pugon.
Pagkatapos ay nagprisinta naman si John na siyang magprito sa itlog. “Masarap
ito kasi luto ko.” Ang sambit niya habang isinalang ang kawali sa isa pang
pugon.
Nang naluto at nakalatag na sa mesa ang mga pagkain, tinawag namin ang
inay. Pareho na kaming nakaupo ni John sa hapag-kainan nang lumabas ang inay
mula sa kanyang kuwarto. Paika-ika.
“A-ano po ang nangyari sa papa ninyo Tita? Namaga po, eh. Tapos ang
isa ay may bendahe.” Ang sambit ni John nang nakita ang paa ng inay.
“Hay naku, John. Ewan ko. Marami akong sakit. May diabetes, may high
blood, lahat ng high na sakit ay nasa akin.” Ang sagot ng inay na sinabayan ng
tawa.
“Ang bata niyo pa po. Wala pa po kayong 50, di ba?”
“55 na ako, John.” Ang sagot ng inay.
“Kadalasan kasi, hindi iyan umiinom ng kanyang gamot kasi raw,
magtitipid dahil walang panggastos sa mga kailangan ko sa school, sa pagkain.
Puro ako ang iniisip samantalang iyong kalusugan niya ang mas importante.” Ang
pagsingit ko.
“Ito naman… itong sakit ko ay hindi naman malala.” Nahinto siya.
“Huwag na nga nating pag-usapan iyan, may bisita tayo.” Ang dugtong niya. At
baling kay John. “Salamat sa paghatid mo kay Tok kagabi ha?”
Nakita kong pinigilan ni John ang pagtawa.
“Bakit ka natawa?” ang tanong ko.
“Pati ba inay mo ay naki-‘Tok’ na rin sa iyo?”
“Siya
nga ang promotor niyan eh. At ‘Tok’ ang tawag sa akin ng mga taong malalapit sa
puso ko. Iyong kilalang-kilala na ako, alam ang halos lahat ng bagay tungkol sa
akin, lalo na ang inay, syempre...”
“Iyong
ibang mga barkada mo sa school, Tok din ang tawag sa iyo, di ba?”
“Malalapit
ko silang kaibigan. Alam nila ang buhay ko, kaya Tok din ang tawag nila sa
akin.” Ang paliwanag ko.
“Ah...”
ang sagot lang niya na tumango-tango.
Tahimik.
“G-gusto
ko, ‘Tok’ na rin ang tawag ko sa iyo...”
Napatingin
ako sa kanya. “Kilalanin mo muna ako.”
“Kilala
na kita, di mo lang alam.” Ang sagot naman ni John.
Nakita kong napangiti
ang inay. “Nakuwento ka sa akin ni Timmy, John.”
“T-talaga Tita?” ang
excited na tanong ni John. “Ano pong sinasabi niya tungkol sa akin?”
“Mabait ka naman daw.
Tapos binigyan mo siya ng empanada. Masarap daw.”
Napatingin sa akin si
John. Binitiwan ang isang pilyong ngiti. Ewan kung ano ang nasa isip niya.
Dahil mahaba pa naman
ang oras, dinala ko si John sa ilog. Pinahiram ko muna siya ng luma kong
T-shirt at short. “Dito kami naliligo, naglalaba. Dito rin ako minsan
namimingwit.” Ang sambit ko kay John nang narating na namin ang ilog. Tinumbok
ko ang pampang kung saan ay naroon ang pinakamalalim na bahagi ng tubig. “Dito
rin kami nagda-dive kapag naliligo kami” turo ko sa malalim na parte.
“Ang sarap pala rito sa
inyo! Presko ang mga pagkain, presko ang hangin, malinis ang ilog. Ang sarap
manirahan dito!” ang sambit ni John.
Hindi ako nakaimik.
Umupo na lang ako sa pampang at tiningnan ang agos ng tubig sa ilog. Nanumbalik
kasi sa isip ko ang nangyari sa klase nang nakaraang araw kung saan ay siniraan
ni Enchong ang aking inay sa harap ng aking mga kaklase. “Kung alam lang niya
ang pagdurusa ng aking inay...” ang bulong ko sa aking sarili.
“O... bakit ang lungkot
ng mukha mo?” ang sambit ni John na umupo sa tabi ko, at inakbayan ako.
Hinayaan ko lang siya.
“Wala... naisip ko lang ang inay. May sakit siya. Pero kapakanan ko pa rin ang
kanyang iniisip. Naaawa ako sa aking inay. Natatakot din ako para sa aking
sarili. Paano kapag nawala siya? Mag-isa na lang ako...”
“Hindi ka mag-iisa
Tok...” ang sambit ni John.
Napalingon ako sa kanya.
Binaggit kasi niya ang salitang Tok.
“Nandito lang ako para
sa iyo, Tok. Ano man ang mangyari... hindi kita pababayaan.”
Nginitian ko siya.
“Hayan... dapat ganyan
lang palagi,” ang sambit niya.
Tahimik.
“Mabait pala ako ha?”
ang sambit niya habang binitiwan ang isang ngiting nakakaloko.
Bigla kong hinawi ang
kamay niyang nakaakbay sa akin. “Sinabi lang iyon ng inay ah! Alangan namang
sabihin niyang ‘ang sama mo.” O kaya ay ‘salbahe ka!’ Bisita ka kaya.”
“Hmmm. Hindi ako
naniniwala. Ba’t pati ang empanada ay nabalitaan din niya? Akala ko ba ayaw mo
noon kaya mo ibinalik?”
Hindi ko na sinagot ang
sinabi niya. Tumayo ako at itinulak ko siya sa pampang. Nalaglag siya sa tubig.
Nakita kong dali-dali
siyang lumangoy pabalik sa pampang. Hindi naman ako mapigil sa pagtatawa.
“Kapag naabutan kita, dila
mo lang ang walang latay! Hayop ka!” ang sigaw niya.
Nang nakaakyat na siya
sa pampang, ako naman ang nagdive. “Habulin mo ako!” ang sigaw ko habang
lumalangoy.
Ang saya namin sa oras
na iyon.
(Itutuloy)

No comments:
Post a Comment