A story inspired by the Chinese series "Addicted (Heroin)"
By: Michael Juha
Fb: Michael Juha Full
*******************
Lunch break nang
nakarating kami sa school ni John. Ako ang nauna at sa likod ko ay nakabuntot
si John. Dumeretso kami sa student center. Nang napansin ng aming mga kaklase pagsabay
naming dalawa, kitang-kita ko sa kanilang mga mata ang pagkagulat at
pang-uusyuso.
Umupo ako sa mesa kung
saan sila nag-uumpukan habang si John naman ay sa kabilang mesa, nag-iisa.
“Tok... nagsama kayo
niyan? Friends na kayo?” ang tanong ni Daniel na halos pabulong, inilapit ang
kanyang mukha sa mukha ko at palihim na itinuro si John.
“Oo nga...” ang
pagsegunda naman ng ibang mga officers.
Nilingon ko si John. “Di
ah! Aksidente lang kaming nagkasabay niyan sa may gate.” Ang sagot ko naman.
Syempre, in denial ako dahil ayaw ko ng maraming tanong, lalo na kapag nalaman
nila na doon iyong tao natulog sa amin at kinarga pa ako sa pag-uwi.
“Ba’t sabay kayong
nag-absent? Tapos, sabay din kayong nagreport ngayon?” ang tanong uli ng isang
officer.
“Ah, malay ko ba sa
kanya.” Ang sagot ko. Basta nagpang-abot lang kami sa gate.
“Ah...” ang halos sabay
nilang pagtango na tila hindi naniniwala.
“Akala namin friends na
kayo eh.” Ang sambit naman ni Jane.
“Alam mo, kapag naging
magkaibigan kayo, ang tawag sa inyo ay ‘Tok-Hang!’ Ang pangit pakinggan! Parang
war on drugs lang!” ang sambit ni Jeff.
Tawanan naman ang grupo.
“Ah. Baka mahirap
sigurong mangyari iyan...” Ang sagot ko.
“In fairness Tok...
ipinagtanggol ka niya kahapon. Bigla akong napahanga sa kanya.” Ang seryosong sambit
ni Daniel.
“At ang galing niyang
manuntok! Kamag-anak yata ni Manny Paquiao eh! Knock out agad si Enchong.
Lalong ma inlove nito si Joy sa kanyang ‘Hang’!” Ang sabi ni Jeff.
“True!” ang biglang
pagsagot din ni Joy. “Pero, dati pa, alam ko na, mabait iyang si ‘Hang’ ko.”
Ang sagot din ni Joy.
“Ayiiiiiiiiii!” ang
sigaw ng mga barkada.
“Totoo! Syempre,
nakakausap ko rin naman siya. At Hang-bait!!!”
Tawanan.
Nakitawa na lang din ako.
Ngunit sa isip ko lang, “Kung alam niyo lang na siya rin ang muntik nang
bumasag ng mukha ko...”
“Oo nga pala, Tok,
hinahanap kayong dalawa ni Mr. Cervantes kanina.” ang pagsingit ni Tony.
“Ha? Bakit kasama ako?”
“Ikaw dahil siguro
presidente ka at baka may itatanong sa iyo. At siya...” sabay turo kay John,
“...dahil sa nangyaring pambugbog niya kay Enchong.”
“Bakit? M-may hatol na
ba sa kanyang parusa?” ang tanong ko.
“Wala namang sinabi.”
Nang may napansin naman ang
mga officers. “Wow! Bago ang uniporme natin ah!” ang sambit ni Jeff na hinipo
pa talaga ang aking uniporme. Isinuot ko na kasi ang bigay na uniporme ni John.
Ayaw niyang pumayag na papasok kami sa school na hindi ko suot ang bigay niya.
Iginiit niyang nag-promise daw ako nang magkainuman kami nang nakaraang gabi na
isusuot ko na ang uniporme na bigay niya.
“Bakit ba kung bago?
Anong akala ninyo sa akin, poor?” ang biro ko.
Tiningnan ako ni Emily,
iyong tingin na nagpahiwatig na hindi siya naniniwala na binili ko ang uniporme.
Umikot siya sa aking likuran at palihim na hinawi ang dulo ng polo, tiningnan
ang kabilang side. May nakatagong borda kasi roon na mga initials, “JJI”,
initials ni John. Nang makita ito ni Emily, nakangiting tiningnan ko siya.
Napangiti rin siya sa akin at binigyan ako ng thumb up sign. Inilapit niya ang
kanyang mukha sa aking tainga at bumulong. “In fairness, bago rin ang knapsack
mo ha?”
Natawa na lang ako.
“Woi! Ano iyon?” ang
sambit ni Jeff na napansin na tila may inilihim kami sa kanila.
“Amin na lang iyon.” Ang
sagot ko. “Bigyan niyo naman kami ng privacy paminsan-minsan.”
Tawanan.
Maya-maya ay umihi ako.
Nasa may gilid ng pader ang aming CR sa ground floor kaya doon ako nagtungo.
Papasok na sana ako sa
CR nang may naulinigan akong boses sa may highway sa gilid lang ng pader ng
eskuwelahan. Mataas ang boses. Halatang galit. “Ba’t ka ba nandito? Hindi mo ba alam na dapat ay wala akong
contact sa mga tao sa atin?”
Dali-dali akong lumapit sa may pader. Hindi ako nagpahalata.
Nagulat ako nang nakita ko si Johnny na nasa gilid ng kalsada, nakatayo sa gilid
ng nakaparadang itim na SUV, ang kausap niya ay isang magandang babae.
“Na-miss na kasi kita, Johnny hindi ko matiis eh.” Ang
sagot naman ng babae.
“Namiss mo ako? Diyos ko naman Yeng! Hindi ka ba
nag-iisip? Alam mo bang sa ginawa mo ay maaaring may masamang mangyari sa akin?”
“Nag-iingat naman ako eh.”
“Nag-iingat? Eh kung may sumunod sa iyo at malaman na
nandito ako, anong magagawa mo? Okay lang sa iyo na mapatay ako???”
“S-sorry na please. Gusto kong makasama ka kahit ngayon
lang.” Ang sabi ng babaeng umiiyak.
“Hindi nga puwede, eh!”
Doon na tumaas ang boses ng babae. “Hindi puwede? Siguro
ay may iba ka na rito, ano?”
“Arrggggghhh!” ang sambit ni Johnny na halos gutayin na
lang ang ulo sa pagpigil sa inis. At baling niya sa driver na nasa loob lang ng
sasakyan, “At ikaw, bakit mo ba dinala ito rito? Ni ayaw ko ngang magpasundo sa
iyo tapos heto, dinala mo rito? Gusto mo bang ipasesante kita? Anong klaseng…”
Hindi na itinuloy ni Johan ang sasabihin. “Ibalik mo to sa pinaggalingan nito!
At ayaw na ayaw kong makikita ko pa kayo rito ha?”
“Hindi ako babalik John kung hindi mo ako bibigyan ng oras
na makasama ka!” ang banta ng babae.
Napakamot si Johnny sa kanyang ulo. “Sige… basta umalis
lang kayo rito. Dali!” ang sagot ni John. Pinasakay niya ang babae sa sasakyan
na agad ding pinaandar ng driver. “Nasa apartment mo lang ako!” ang sabi ng
babae na dali-daling sumakay.
Dali-dali akong pumasok sa CR. Nang nakabalik na ako sa
student center, naroon na rin si John sa kanyang inuupuan. Tila napakalaking
palaisipan sa akin ang aking narinig na usapan nina John at kanyang girlfriend,
kung girlfriend niya nga iyon. Ang alam ko lang ay mayaman siya. Kahit di niya
sinasabi ito, at kahit hindi siya nagdidisplay ng mamahaling gamit o gadgets, halata
ito sa kanyang balat, sa kanyang mga suot na damit, at mismong sa kanyang pananamit.
Sabagay, transferee lang siya sa eskuwelahan na iyon kaya inaasahan ko na
marami pa talaga kaming hindi alam tungkol sa kanya. Hindi ko na iyon
pinagtuunan ng pansin.
Nakaupo na kaming lahat sa klase at handa na para sa
pagdating ng guro sa unang subject namin sa hapon na iyon nang biglang pumasok
ang secretary ng principal at tinawag si John. “Mr. Iglesias, please come!”
Tumayo si John at sumunod sa secretary. Paglipas ng may
kalahating oras, bumalik si John. Umupo sandali at inilapit ang kanyang mukha
sa aking tainga. “Suspended na ako, Tok. Hindi na ako pinapapasok, effective
ngayon mismo. Hindi na ako tutuloy pa sa klase ngayon.”
“Ha???” ang aking reaksyon na napalingon sa kanya.
“I-ilang araw?”
“2 weeks.” Ang sagot niya. Natahimik siya sandali. Kitang-kita
sa kanyng mukha ang lungkot. “Aalis na ako.” Dugtong niya sabay tayo at bitbit
sa kanyang knapsack at naglakad palabas ng room.
Wala na akong nagawa kundi ang pagmasdan siya habang naglalakad
patungo sa pinto ng kuwarto. “Okay...” ang sagot ko na lang. Gusto ko pa sana
siyang sundan at kausapin, itanong sa kanya kung hindi ba kami magkita, o ano
ang plano niya sa 2 weeks na suspended siya, kung dadalaw ba siya sa
eskuwelahan o wala lang. Ngunit naunahan ako ng hiya. Nakayuko lang siya na
halos hindi tumingin sa mga kaklase namin habang tinumbok ang pintuan.
Hindi ko lubos maisalarawan ang naramdaman ko sa sandaling
iyon. Bigla akong nalungkot at na-guilty. Ako ang ipinagtanggol niya ngunit
siya itong masu-suspend. Sobrang nahiya ako at ewan, may panghihinayang din
akong nadarama na baka hindi ko siya makita nang dalawang linggo. Kung kailan
nagkagaanan ng loob na sana kami, saka naman siya mawawala.
Biglang nagsilapitan sa akin ang aking mga kaklase at
nagtanong kung anong nangyari kay John. Sinabi ko ang totoo. Pati sila ay
nalungkot. Kagaya ko, napamahal at napabilib na rin siguro sila kay John dahil sa
ipinamalas niyang pagtanggol sa akin. Ngunit hanggang sa awa lang ang magagawa
namin.
Nang matapos ang klase sa hapon ay mistulang wala ako sa
aking sarili. Na-miss ko yung pangungulit ni John sa akin sa klase, or iyong kahit
nariyan ang guro abala sa pagtuturo ay abala rin si John sa pangungulit at pagtatanong
sa akin ng mga irrelevant at walang kwentang tanong gaya ng kung bakit iyong
pusa ay nguminiyaw, kung bakit ang English ng buwan ay moon, kung bakit ang
dalawang mata ng tao ay hindi nagkakakitaan, kung bakit ang paa ng manok ay
hindi kagaya ng paa ng tao, kung bakit ang baboy ay nakayuko kapag naglalakad. Kung
bakit ang puwet ng tao ay nasa likuran imbes na nasa mukha at ang bibig ay
dapat nasa puwesto ng puwet. Mga katarantaduhang tanong, pang-inis lang,
pagpapapansin. At kung hindi ko naman pansinin, hindi siya mahinto sa
pangangalabit.
Minsan habang kinulit niya ako ay sinigawan ko siya ng
“Ano baaaa! Ang kulit mo!”
Nagkataon na nagdiscuss ang aming guro, si Miss Yap.
“Anong ingay iyan, Timmy?” ang tanong ni Miss Yap.
“Ito po kasing si John, tanong nang tanong po eh. Ang
kulit!” ang sagot ko.
“Bakit, ano ba ang tanong niya? Baka masagot ko.”
Sa inis ko ay talagang sinabi ko. “Bakit daw may pekpek
ang babae.”
Kitang-kita ko ang pamumula ni Miss Yap. Pansin ko naman
ang pigil na pagtatawa ng mga kaklase ko. “Totoo ba yan, John?” ang galit na tanong
ni Miss Yap.
Tarantang tumayo si John. “H-hindi po Maa’m! Ang tanong ko
po ay ‘Bakit may pakpak ang babaeng ibon.”
“Totoo ba, Timmy?” ang tanong naman ng guro sa akin.
“Hindi po pakpak ang narinig ko Miss. At wala po akong
narinig na ibon sa sinabi niya.”
Dahil doon ay naparusahan siya ng pagtayo isang buong oras
sa harap ng klase habang nagle-lecture si Miss Yap. Tuwang-tuwa naman ako dahil
wala nang makulit sa aking likuran.
Natapos ang buong araw ko sa school na mabigat ang
kalooban. Nang nasa may gate na ako ng eskuwelahan, nagulat ako at tila
naglulundag ang puso ko sa tuwa nang makita ko si John sa labas ng gate. “Kanina
pa ako naghintay sa iyo rito, Tok… hindi na kasi ako pinapapasok pa ng guard
eh. Pinagbawalan na ako.”
“G-ganoon ba? Mabuti naman nahintay mo pa ako.”
“Oo nga eh. Tyaga-tyaga lang para sa ekonomiya.” Ang sambit
niya sabay tawa. Inabot niya sa akin ang isang supot. “Heto pala, para sa iyo,
Paborito mo.”
“Ano ‘to?” ang sagot ko’ng medyo excited habang tinaggap
ko ang binigay niya.
“Tingnan mo.”
Nang tiningnan ko, Empanada ang laman. Natawa ako. “Wow! Paano
mo nalaman na gusto ko ‘to?”
“Di ba inilaglag ka ng inay mo sa akin? Sabi mo raw sa
kanya na masarap ang empanada? Ba’t sinabi mo sa kanya iyon?”
Inirapan ko lang siya. “Wala lang akong maikuwento sa
kanya kaya iyon na lang ang sinabi ko.”
Natawa siya.
“Musta ka na?” ang tanong ko.
“Heto… malungkot. Pero okay lang.” ang sambit niya. “Tara,
sama ka muna sa akin.”
“S-saan?”
“I-treat kita. Mag inuman tayo kahit sandali lang.”
“Anong mayroon?” ang tanong ko.
“Celebration sa pagkasuspinde ko.”
Tiningnan ko na lang siya. “Tado!”
Pinuntahan namin ang lugar kung saan kami nag-inuman noong
nakaraang gabi. Nang naroon na kami, nag-order siya ng kalahating case na beer
at sampung pirasong barbecue na manok at sampung piraso rin na barbecue na
baboy. Nag-order din siya ng kanin. Kumain muna kami.
“Kalahating case lang ang inumin natin Tok kasi…
naghihintay ang girlfriend ko. Nandito kasi siya, na-miss daw niya ako. Sinabi ko
sa kanya na makipagkita ako sa iyo upang magpaalam. Pumayag naman siya. Bukas
kasi ay uuwi kami ng Baguio hanggang matapos ang aking suspension. Tapos
babalik na rin ako rito after two weeks para sa klase.” Ang sabi niyang halata
sa kanyang mga mata ang ibayong lungkot.
“B-Baguio? Di ba sa Manila ka?”
Nahinto siya. “E... di ko pala nasabi sa iyo, may bahay
din ang papa ko sa Baguio. Doon kami uuwi.”
“Ah... g-ganoon ba? Ang sagot ko. “So 2 weeks pala tayong
hindi magkikita nito.”
“G-ganoon nga Tok. Nakakalungkot. Ma-miss mo kaya ako?”
“Oo naman. Kahit ganyan ka kakulit, ma-miss pa rin kita.”
Ang sagot ko.
Binitiwan niya ang isang hilaw na ngiti. “Mabuti naman.
Promise, hindi na kita kukulitin kapag nakabalik na uli ako sa klase natin.”
Sinuklian ko lang ng matipid na ngiti ang kanyang sinabi.
Tahimik.
“Oo nga pala, pakisabi sa inay mo na pagbalik ko galing ng
Maynila, ipapa-check up natin siya. Iyong executive check up, lahat-lahat na sa
kanyang katawan para alam natin ang karamdaman niya at ano ang tamang gamot
para sa kanya.”
“Huwag na John. Nakakahiya naman. Mahal yata iyang ganyan
eh. May mga herbal naman siyang ininom.”
“Mas maigi na na makita talaga kung anong karamdaman
mayroon siya. Mahal mo ang inay mo, ‘di ba? Ayaw mong mawala siya sa iyo, di
ba?”
Tumango ako.
“Puwes, isipin mo na lang na para sa kanya itong pagtulong
ko, parang regalo ko na sa inyong dalawa dahil sa pagiging magkaibigan natin.”
Tumango na lang ako. Kahit nahihiya ako, practical na lang
siguro na tanggapin ko ang alok ni John. Wala talaga akong magagawa para sa
inay eh. Wala rin akong malalapitan upang hingian ng tulong. Kaya sumang-ayon
na lang ako. “S-salamat, John. Hulog ka ng langit sa amin. Hindi ko akalain na
hahantong sa ganito ang pagtulong mo sa akin.”
“Walang anuman, Tok. Ikaw pa. Ang lakas mo sa akin.” Sabay
taas ng kanyang bote ng beer at isinagi iyon sa hawak ko ring bote.
Maya-maya ay inabot niya ang aking knapsack. May hinanap.
Tapos, hinugot niya ang ballpen at isang notebook at may sinulat. Inabot niya
sa akin ang notebook at pinabasa niya sa akin ang kanyang isinulat. “09123456xxx.
Tawagan mo ako, Tok kapag na-miss mo ako.” Ang nakasulat.
Tiningnan ko siya. Nginitian atsaka tumango. Kahit wala
naman akong cell phone, natuwa pa rin ako na kahit papaano ay binigyan niya ako
ng paraan upang ma-contact siya kung sakali.
Inangat niya ang kanyang kamao at inilapit sa akin. Alam
ko ang ibig niyang sabihin. Sinagi ko ang kamao niya sa kamao ko. Nag fist bump
kami.
Nang matapos na kaming kumain, nagsimula na kaming uminom.
Naka tig-lilimang na beer na kami nang biglang may dumating na sasakyan, iyong sasakyan
na nakita ko sa may highway sa gilid ng eskuwelahan. Nang lumabas ang sakay
nito, isang babae. “John! Nandito ka lang pala!” ang sigaw niya. Siya rin iyong
babaeng nakita ko sa eskuwelahan. “Akala ko ay sa Star Resto Bar ka nagpunta!” ang
dugtong na sabi ng babae tapos nahinto, tiningnan ang aming mesa. “Ewww. Kadiri
naman dito! Ang dumi-dumi ng mesa at plato! Ano ba iyan! Mabuti’t nakakain kayo
niyan!” ang pagturo niya sa kanin na hindi namin naubos at barbecue na
nakalagay sa plato. At baling kay John, “Dati ang arte-arte mo kapag nakakakita
ka ng ganitong klaseng kainan, o kapag may dumi ang plato o kutsara, ayaw mo nang
kumain. May nagbago na ata ah. Is there anything I missed out?”
Tinitigan lang ni John ang babae, iyong matulis na may
pagbabanta.
Agad ding natahimik ang babae.
“Upo.” Ang utos ni John.
Umupo ang babae na halatang nandiri. “Ito pala si Timmy.
Timmy Suarez. Best friend ko sa school.” Ang pagpapakilala ni John sa akin.
“Tok, si Yeng.”
Iniabot ko ang aking kamay upang makipaghandshake ngunit hindi
niya ito tinanggap. At imbes na makipagkamay ay kumaway lang siya. “Hi!” ang
sambit niya sabay bitiw ng isang respetong-ngiti.
Ngumiti na lang din ako. Alam ko, mayaman din iyong babae
kaya ganoon na lang siya kung umasta. Naintindihan ko.
Naubos ko na ang panglimang beer ko at ganoon din si John nang
nagyaya na ang girlfriend niya na umalis na sila. “P-pare, mauna na kami sa iyo
ha? May pupuntahan pa kasi kami, tapos maghanda pa para sa biyahe namin bukas
ng umaga.” ang pagpapaalam ni John. “Ikaw na ang bahala d’yan pare. Bayad na
iyan. Pahiwatig niya sa natirang beer at pagkain.
“Ok lang John. Happy trip na lang! Ingat sa biyahe!” ang
sambit ko rin.
Sinundan ko sila ng tingin habang naglalakad patungo sa
nakaparadang sasakyan nila. May inggit akong nadarama. Bagay na bagay kasi silang
tingnan, guwapo at maganda, parehong matangkad, sexy ang babae at parehong
mayaman. Parang love team lang ng isang malaking TV network. Binitiwan ko na
lang ang isang malalim na buntong hininga.
Dahil ako na lang mag-isa, pinabalot ko na lang ang
pagkain at dali-dali kong tinungga ang dalawang bote ng beer hanggang sa naubos
ito at umalis na ako.
Medyo lasing na ako nang umuwi. Nang nakarating ako ng
bahay, sinabi ko sa inay na na-suspendsi John at sa pagbalik niya ay
ipapa-check up siya ni John. “Nakakahiya naman, Tok...” ang sagot ng inay.
Ipinaliwanag ko na lang na mayaman si John at wala namang hinihingi na kapalit.
Halos maluha-luha ang inay sa narinig.
“Alam mo, Tok, hinid ka na makakahanap pa ng kaibigan na
kasing-bait ni John.” Ang sambit ng inay na binitiwan ang isang ngiti. “Kung
sakaling darating ang panahon na magkaroonkayo ng hidwaan, pilitin mong ayusin
ang pagkakaibigan ninyo. Huwag mong pabayaan na mawala ang ganyang klaseng
kaibigan.”
Hindi ako nakakibo. Hindi ko rin kasi alamkung bakit niya
nasabi iyon tungkol kay John. Dahil ba ito sa tulong ni John sa kanya o dahil
sa paghatid sa akin ni John na kinarga niya ako sa kanyang likuran. O nagkausap
din sila at may sinabi si John sa kanya na siyang dahilan upang maging positive
ang pagtingin niya kay John.
“Lalo na Tok... kapag isang araw na wala na ako, may isang
kaibigan na kagay ni John ang tutulong sa iyo.”
Doon na ako umalma. “Inay naman! Bat kayo nagsasalita ng
ganyan! Kaka badtrip eh!”
“Totoo naman iyan, Tok eh. Matanda na ako, syempre, mauuna
ako.”
“Huwag mo ngang banggitin iyan Nay! Tigas ng ulo ah!”
“Naawa lang kasi ako sa iyo, Nak... mag-isa ka na lang
kapag nangyari iyan.”
“Kaya nga ipapa-check up ka ni John eh! Kulit!” ang pagdadabog
ko sabay pasok sa aking kuwarto at doon ay umiyak nang umiyak.
Lumipas pa ang ilang araw at doon ko na naramdaman ang
pagnanabik ko kay John. Parang nagkaroon ako ng isang kapatid na biglang nawala
sa akin at hindi ko alam kung paano sumaya na nawala siya. Palagi siyang
pumapasok sa aking isip. Nangunguila ako sa mga kulitan namin, sa awayan, sa
mga kabulastugan niya. Sa klase ay tila wala akong ganang makinig sa mga
leksyon. Lalo akong nalulungkot kapag nakaupo sa aking puwesto na wala na siya
sa aking likuran. Gusto ko sana siyang tawagan sa numero na binigay niya ngunit
wala naman akong cell phone. Kahit puwede naman akong manghiram kay Emily o
kahit sino sa mga kaibigan ko ngunit nahihiya naman ako na baka kasi
maka-istorbo lang ako kung ano man ang ginagawa nila ng girlfriend niyang si
Yeng sa Baguio. Naisip ko kasi na baka nasa kasagsagan sila ng saya o adventure
at istorbo lang ang tawag ko. Kaya minarapat kong huwag nang tumawag.
Pangsampung araw na iyon na suspension ni John. Maaga
akong nagising sa hindi ko maintindihang dahilan. Agad akong naghanda ng
agahan, nagsaing ng kanin at pagkatapos ay naligo. Nang nakapagbihis na ako at
naihanda ko na rin ang agahan namin, ginising ko na ang inay.
“Nay! Nay! Kain na tayo!” ang sambit ko.
Ngunit hindi gumalaw ang inay.
Muli ko siyang ginising at hinila pa ang kanyang braso
upang tumayo siya. Ngunit hindi pa rin siya gumalaw.
Matinding kaba ang aking naramdaman. Tiningnan ko ang
kanyang mukha. Nakapikit siya na mistulang natutulog lang bagamat walang
emosyon at tila namumutla. Inilapit ko ang aking tainga sa kanyang bibig at ilong
upang mapakinggan ko kung humihinga ba siya. Ngunit wala akong narinig na
paghinga. Pati ang kanyang pulso niya ay wala ring tibok.
Doon na ako napasigaw. “INAAAAAAAAYYYYYYYYYYY!!!”
(Itutuloy)

ohh sheet. nanyari nan nga
ReplyDeletesana. panaginip lang