Chapter 1-4
Chapter 5
Chapter 6-7
Chapter 8-10
Chapter 11
Chapter 12-13
Enjoy reading!
-------------------------
Chapter 14
Dilim
Papasok ng elevator si Sandy. Walang emosyon ang kanyang mukha. Nakaponytail ang buhok. Ito ang pangkaraniwang ayos ng dalagang kahit tatlumpo’t isang taong gulang na ay aakalain mong bente singko lang ito. Malinis itong manamit. Laging naka-suit na puti, itim, o gray at nakaslacks sa trabaho. Simple manamit ang babaeng ito, ngunit may tikas. Walang imikan sa loob ng elevator.
Tumigil ang elevator sa 18th floor at lumabas ang isang lalaki at isang babae. Pagkatapos ay tumigil muli sa 23rd floor at lumabas pa ang tatlong tao. Sa 34th floor naman ay nagsilabasan na ang mga natira maliban kay Sandy na naiwang mag-isa. Nasa pinakamataas na palapag tumigil ang elevator at lumabas na ang babae. Walang tao sa pinakamataas na palapag. Ang mga silid dito ay bakante. Malamang hindi pa nauupahan kaya naman ay medyo may kadiliman. Isang ilaw sa sulok ng koridor lamang ang nagbibigay liwanag sa daang nilakad ni Sandy. Lumiko ito sa isa pang mahabang koridor hanggang tumapat ito sa isang hagdang may mga labinlimang baitang. Umakyat dito ang dalaga.
Bumukas ang pintuang gawa sa metal at lumabas dito si Sandy. Lumingon-lingon siya sa paligid. Walang tao. Naglakad ito tungo sa gitnang bahagi ng roof deck. Mula dito ay tanaw niya ang maliwanag na lungsod, ang tinaguriang sentro ng komersiyo sa Kamaynilaan, at ang mga gusaling nagsisipagtaasan. Dinig niya ang mahihinang busina ng mga sasakyan sa ibaba. Ramdam niya ang malumanay na simoy ng hanging dumampi sa kanyang pisngi. Pumapagaspas ang laylayan ng kanyang itim na slacks dahil sa banayad na simoy ng hangin.
“Hindi ka pwedeng magtago habang buhay. Lalabas ka sa lungga mo sa ayaw mo’t gusto.” Binaba niya ang dalang bag at mula dito ay inilabas niya ang lumang librong punit-punit. Nilapag niya ito sa sahig at lumuhod sa harap nito. Maingat niya itong binuklat. Tumigil siya sa isang pahina.
“Kadiliman sa kalawakan ako’y pakinggan, liwanag sa paligid ay iyong takpan.” Binigkas niya itong muli nang mas malakas.
Mula sa kalangitan ay bumulusok ang maitim na usok na pumuntirya sa nakatingalang si Sandy. Mula sa kanyang pagkakaluhod ay tumayo siya nang dahan dahan habang sinasakluban siya ng maitim na enerhiyang bumalot sa kanyang pagkatao. Nakaangat pa rin ang kanyang mga kamay. Maya-maya pa ay nanuot sa kanyang pagkatao ang kadiliman ng kalawakan. Umitim ang puting bahagi ng kanyang mata.
Inikot ni Sandy ang tingin sa buong paligid. Tanaw niya ang maliwanag na lungsod. Blangko pa rin ang kanyang mukha. Inangat niyang muli ang kanyang mga bisig at pumikit. “Sa pamamagitan nito makukuha ko na ang atensiyon mo, tiyo. Hindi mo maaatim na walang gawin.”
Sunod-sunod na nawalan ng ilaw ang bawat palapag ng gusaling kinatatayuan ni Sandy mula sa pinakamataas hanggang sa pinakamababa. Ilang sandali pa ay sunud-sunod na nawalan ng ilaw ang mga katabing gusali. Pati ang mga ilaw ng poste ay nangamatay. Ilang segundo pa ay lumawak ang kadiliman sa siyudad. Ang mga sasakyan ay nawalan ng ilaw at huminto sa kalsada. Nagkaroon ng ilang banggaan. Namatay lahat ng mga telepono, computers, at mga electronic gadgets. Binalot na nga ng kadiliman ang buong Makati at ang mga karatig lungsod.
Mula sa kinatatayuan ni Sandy ay dinig nito ang mga hiyawan at sigawan ng mga nagpapanic na tao sa malayo. Dinig din niya ang mga biglang pagpreno ng mga sasakyan, ang mga banggaan, at ang nagbabagsakang mwebles. Pero higit sa lahat, ramdam niya ang kakaibang sensayong dulot ng pangyayaring ito. Ngumiti siya.
* * *
Sa kabilang dako, biglang napukaw si Melchor ng kakaibang pakiramdam. Alam niyang may nangyayaring hindi pangkaraniwan. Nabanaagan niya ito sa biglang paglaho ng mapusyaw na liwanag sa kalangitan na bunga ng mga ilaw na nanggagaling sa lungsod. Pumikit ang matanda.
Nang dumilat siya ay nasa madilim na Buendia MRT Station na siya. Nakita niya ang mga taong nasa istasyon na nagtataka kung ano ang nangyayari. Hawak nila ang mga teleponong hindi gumagana ngunit pilit pinipindot ang mga ito. Nakahinto ang MRT. Dinig niya ang mga balisang ingay ng mga pasahero. Nilisan ni Melchor ang lugar.
Biglang lumitaw ang matanda sa Gil Puyat Avenue. Sa kadiliman ay kita niya ang pagkakahinto ng mga sasakyan pati na ang mga nagbanggaan. Naaninag din niya ang ang mga balisang motorista at pasahero. Ang mga tao ay nagtataka kumbakit biglang nawalan ng kuryente at bakit biglang tumigil sa paggana ang kanilang mga telepono. Nais man niyang gamitin ang kapangyarihan upang mabigyan sila ng ilaw, alam niyang mas importanteng alamin ang puno’t dulo ng pangyayaring ito.
Naglakad-lakad ang matanda. Dahil sa dilim ay hindi siya napansin ng mga nasa paligid. Hindi alintana ni Melchor ang kaitiman ng paligid. Nakikita niya ito ng malinaw. Kaya naman hindi siya tumatama sa kahit na anong harang. Maya-maya pa ay tumigil si Melchor at nakiramdam. Pumikit muli ito. Pinakiramdaman niya kung saan nagmumula ang kadiliman. Umangat siya ng tingin sa isang gusaling malayo sa kinatatayuan niya. Pumikit siyang muli.
* * *
“Alam kong hindi mo ito palalampasin.”
Dinig ni Melchor ang pino ngunit malamig na tono ng babae. “Sino ka? Bakit mo ito ginagawa?”
“Sa wakas nakita na rin kitang muli.”
“Ano’ng ibig mong sabihin?” Nakita ni Melchor kung paano siya sipatin ng babaeng kaharap.
“Nakikita kita kahit sa kadilimang ito. Ibang-iba na ang itsura mo.”
“Ibig sabihin ikaw ay...”
“Oo, tanda!” Pinandilatan ni Sandy ang matanda. “May pagkakatulad ang ating mga kakayahan.”
“Subalit...”
“Subalit ano, Melchor?”
Nabigla si Melchor. “Bakit mo alam ang pangalan ko?”
“Dahil kilala kita.” Humalakhak si Sandy. “Malamang hindi mo ako natatandaan o nakikilala man lang.”
“Sino ka ba? At bakit mo ginagawa ito?” Namamaos ang boses ni Melchor.
“Ako si Cassandra!”
“Kung ganon, ikaw. Ikaw ang...”
“Oo, Tiyo Melchor!” Humalakhak si Sandy o Cassandra.
“Bakit mo ito ginagawa?” Dahan-dahang naglakad si Melchor papunta kay Cassandra.
“Ako ang magtutuloy sa sinimulan ng taong pinaslang mo.”
“Hindi mo naiintindihan ito, Cassandra.”
“Hindi? Ang nais lamang ng papa ay kaayusan.”
“Hindi mo naiintindihan. Naging sakim sa kapangyarihan ang iyong ama.”
“Tumigil ka! Ang tanging alam ko lang ay pinatay mo siya.” Nakaturo ang daliri ni Cassandra sa kanyang madungis na tiyuhin. “At nandoon ako nang mangyari ‘yon.”
Natigilan si Melchor. “Nandoon ka?”
“Nagulat ka ba? Oo, kasama ko ang mama noong araw na iyon. Nasaksihan naming dalawa ang lahat ng nangyari habang nakakubli sa mga talahib. Takot na takot kami noon.”
“Kung ganoon ay alam mong hindi ako ang nagsimula ng lahat kundi ang --”
“Hindi na mahalaga kung sino ang nag-umpisa. Ang tanging alam ko lang ay ikaw ang pumatay kay papa. Noong araw na iyon ay pinangako kong ipaghihiganti ko siya.”
“Pinagsisihan ko nang mahabang panahon ang pangyayaring iyon.”
“Pinagsisihan? Sinungaling ka. Tumakas ka bago ka pa man dakpin ng mga autoridad. Duwag ka! Naduwag kang harapin ang kaparusahan sa iyong kapangahasan.”
“Hindi mo naiintindihan kung bakit kinailangan kong paslangin ang iyong ama. Iyon na lamang ang tanging paraan upang matigil ang kanyang kahibangan.”
“Kahibangan? Hindi naging hibang ang ama ko. Isa siyang mapagmahal at maalagang ama. Masaya kaming apat na mag-anak noon. Ngunit nagbago ang lahat nang mawala si papa. Nag-asawa ng iba si mama, ngunit gabi-gabi siyang umiiyak hanggang sa madatnan namin siyang wala ng buhay sa kama, bumubula ang bibig dahil sa ininom na lason. Oo, nagpakamatay ang mama dahil sa labis na kalungkutan. At yon ay dahil sa’yo! Malamang ikaw ang naging hibang. Ikaw ang naging sakim. Sa loob ng maraming taon ay nagtago ka. Nagtago ka dahil alam mong mali ang iyong nagawa.”
“Hindi mo pwedeng isisi sa akin lahat.”
“Hindi nga ba ikaw ang puno’t dulo ng lahat?”
“Pinagsisihan ko iyon. Kung may ibang paraan lamang -- ”
“Nagdadahilan ka pa.”
“Pero, Cassandra, nakikiusap ako sa iyo, alang-alang sa nasira mong ama, itigil mo na ito.”
“Alang-alang sa sinira mong ama ko kaya ko ito ginagawa, tandang Melchor.”
“Itigil mo na ito.”
“At kung hindi?”
“Mapipilitan akong...”
“Kaya mo ba ako?” Humalakhak muli si Sandy.
“Ano ba ang gusto mo?”
“Isuko mo ang mga bato!”
“Ano naman ang gagawin mo sa mga bato?”
“Tatapusin ko ang sinimulan ng papa.”
“Hindi mo naiintindihan. Hindi mo pwedeng angkinin ang mga bato. Magiging sa iyo lamang ang mga ito kung ikaw ang nakatakdang humawak sa mga ito.”
“Narinig ko na ‘yan.” Ginala ni Cassandra ang kanyang tingin. “Ang mga bato o ang lungsod na ito? Mamili ka.”
“Sa huling pagkakataon ay,” saad ni Melchor sa mahina nitong boses, “nakikiusap akong wakasan mo na ang kadilimang ito.”
“At kung hindi ay ano?”
Napagtanto ni Melchor na tulad ni Damian noon, kinain na rin ng kadiliman ang pagkatao ni Cassandra. Parang nauulit lang ang mga nangyari noon. Ang pagkakaiba lang ay kung si Damian ay kinain ng kasakiman, ang anak naman niya ay kinain ng puot. Kabaliwan ang isuko ang mga bato sa taong katulad niya. Yumuko si Melchor. Ayaw niyang labanan ang anak ng yumaong kapatid, ngunit sa pagkakataong ito ay tila wala na siyang pagpipilian.
Kinumpas ni Melchor ang kanyang mga kamay at lumitaw ang mga maliliit na butil ng liwanag. Ang ilaw ay nagbigay liwanag at kulay sa mukha ng matanda. Ang mga butil ng ilaw ay nagbigay liwanag sa tuktok ng gusaling kinatatayuan nilang dalawa.
Humalakhak si Sandy. “Lalabanan mo ako? Mukhang masyado ka ng uugod-ugod para kayanin ako.”
Tahimik lamang si Melchor. Nilaro nito ang mga butil ng ilaw at pinagkumpol-kumpol ito. Naging isang malaking orbe ng ilaw ito. Sinulyapan niya ang nakangiting babae mga sampung metro ang layo mula sa kanya. Walang anu-ano’y kumumpas si Melchor at hinawi ang liwanag na animo’y lumulobong globo.
Ngunit gumalaw din si Cassandra at kinumpas ang mga kamay. Tumigil sa pagkalat ang liwanag at unti-unti itong nalusaw. Bumalik ang maitim na kadiliman. “Yan lang ba ang kaya mo?”
Hindi pa rin nagsalita si Melchor. Dahan-dahan niyang kinumpas ang kanyang mga kamay. Lumabas muli ang bola ng liwanag. Nagliwanag muli ang paligid.
Nakamasid si Sandy at kita ang mata niyang puro itim. Ngumiti ito. “Hindi mo ako madadaan sa ganyan, tanda!”
Lumakas ang liwanag na nagmumula sa bola. Tinutok ito ni Melchor sa kaharap, at mula sa kanyang mga kamay ay mabilis na naglakbay ang mga kumikislap na orbe papunta sa kinaroroonan ni Sandy.
Maagap naman ang babae at sinalubong ang mga butil ng liwanag nang nakabukas ang palad. Mula sa palad naman ni Sandy ay lumabas ang itim na enerhiya na animo’y usok. Nagpang-abot sa ere ang dalawang pwersa na animo’y nilabanan ang isa’t-isa. Tinutulak ng itim na enerhiya ang puting enerhiya.
“Hindi mo ako magagapi sa ganitong paraan, Tiyo Melchor! Mas malakas ako ngayon.” Malademonyo ang ngiting iyon.
“Dahil ba sa gumamit ka ng dagdag na salamangka?” Nilakasan ni Melchor ang namamaos na boses upang ipahiwatig ang kanyang katatagan.
“Matalino ka talaga, ngunit wala ng silbi ang talino mo.” Tumawang muli si Sandy.
“Cassandra, kung iniisip mong magtatagumpay ka, mag-isip kang muli.”
“Ikaw ang mag-isip!” Nilakasan ni Sandy ang pwersa niya. Ang itim na enerhiyang sumalubong sa liwanag ay kumapal at mabilis na pinaatras ang puting liwanag na nanggagaling kay Melchor. “Ano, tanda? Hanggang diyan ka na lang ba?” Tila nilulusaw ng itim na usok ang mga orbe at butil ng liwanag na nanggagaling kay Melchor.
Nagagapi ang pwersa ng matanda hanggang sa wala na siyang nagawa kundi balutin ang sarili sa umiikot na ilaw upang pigilan ang pwersang itim na lamunin siya. Subalit dahan-dahang na siyang binalot ng kadiliman. Naging maagap naman si Melchor. Bago pa man siya malamon ng kadiliman ay naglaho ito.
“Nasaan ka!” Luminga-linga si Cassandra. “Tuluyan ka na bang naduwag?” Walang anu-ano’y sinakluban siya ng nakakasilaw na liwanag. Kasunod nito ang paglitaw ng matanda sa mismong harapan niya. Nagulantang siya pagkakita sa nagliliwanag na itsura ng matanda na agad tumulak sa kanya na ikinatumba niya.
Naglahong muli si Melchor. Namayani na naman ang kadiliman.
“Gusto mong makipaglaro?” Agad tinukod ni Cassandra ang mga siko sa sahig. “Pwes, pagbibigyan kita.”
“Hindi ko gustong makipaglaro!” Lumitaw muli ang nagliliwanag na mukha at katawan ni Melchor at bigla itong nagpakawala ng bilog na enerhiyang tinapon niya papunta kay Sandy. Lumigid sa sahig ang babae at nailagan ang orbeng tumama sa sahig at nalusaw. Muling nagpakawala si Melchor ng isa pang bolang enerhiya. Nailagan na naman nito ng nasa sahig na si Sandy.
“Pangahas ka talaga!” sigaw ni Sandy na bigla ring naglaho.
Naiwan si Melchor na nakatayo, ngunit hindi man lang ito nagpakita ng pagkabalisa. Bagkus ay pinikit nito ang mga mata at tulad ni Sandy ay naglaho rin. Tahimik ang madilim na rooftop. Madilim pa rin ang kapaligiran.
Sa gitna ng kadiliman ay biglang lumitaw ang makislap na liwanag sa ere na animo’y nagsasayaw. Unti-unti itong binabalutan ng maitim na usok, ngunit umigting ang liwanag na tila winawaksi ang pagyakap ng itim na enerhiya. Tila nagbubunuan ang itim at puting enerhiya, nagbabanggaan, naghahabulan -- hanggang sa bumalot ang puting enerhiya sa itim at ikinulong ito. Unti-unting nalusaw ang mga enerhiya sa ere. Maya-maya pa ay lumitaw muli ang liwanag mga dalawampung metro sa ibabaw ng rooftop, at niluwa nito ang itim na enerhiyang bumagsak sa sahig. Ang liwanag ay naghiwahiwalay at naging mga maliliit na bilog na ilaw na nagkumpol-kumpol at bumaba sa sahig.
“Nawawala na ang bisa ng ginawa mong orasyon, Cassandra.” Paika-ikang naglakad si Melchor tungo sa nakahandusay na babae na nagkaroon ng mga galos sa balat at mga punit sa damit. Nakita niyang hirap ito sa pagtayo kaya lumapit siya rito at inalalayan ang pamangkin.
“Lumayo ka!” sigaw ng babae. Nanlilisik ang mga mata nito.
Ngunit hindi lumisan si Melchor sa kanyang tabi. Bagkus ay hinawakan niya ang ulo ng babae. Nagpumiglas naman si Sandy, ngunit hinigpitan ni Melchor ang pagkakahawak sa kanya. Biglang nagliwanag ang mukha ng babae. Sumilip ang liwanag sa mata, ilong, at bunganga nito.
“Tigilan mo ito, tanda! Aaargghhh...”
Nagpupumiglas si Sandy na halatang nasaktan sa enkwentro nila sa ere. Mula sa kanyang katawan ay sumingaw ang itim na usok na mabilis na pumaitaas at bumalik sa kalawakan. Nanumbalik ang puting bahagi ng kanyang mata.
“Ano’ng ginawa mo?” Hinihingal si Sandy. Nakayuko ito, ang isang siko ay nakatukod sa sahig, ang kabila ay hindi maigalaw.
“Pinadali ko lang ang pagkawala ng bisa ng itim na mahika.”
“Pangahas!”
“Saad ng nilalang na gumawa ng kadilimang ito.” Ginala ni Melchor ang tingin sa madilim na paligid. “Baliktarin mo na ang salamangkang ito.”
“Manigas ka.” Umangat ng tingin si Cassandra. Isang matalim na tingin sa katunggali.
Nadismaya si Melchor sa narinig. “Nakikiusap ako, pamangkin ko.”
“Tumigil ka, matanda! Pagbabayaran mo itong ginawa mo.”
“Hindi ako ang nag-umpisa nito.”
“Hindi nga ba?”
“Cassandra...”
“Sa ayaw mo’t sa hindi mapapasaakin ang mga elemento, at hindi lang ito ang mangyayari!”
“Itigil mo na ang layunin mong iyan. Walang maidudulot na maganda yan sa iyo at sa ating lahat.”
Binigyan ni Sandy ng matalim na tingin ang tiyo at tumawa. “Pinapangako kong hindi pa ito ang huli nating pagkikita.” Pagkatapos bigkasin ang linyang ito ay naglaho na si Sandy at iniwan si Melchor, ang tanging maliwanag sa gabing ito.
Napalugmok si Melchor sa kabiguan. Hindi nito inakala na ang mga pangyayari dalawampu’t-limang taon na ang nakaraan ay mauulit. Napaluhod ito sa sahig na sapo ang mukha sa kanyang mga palad upang takpan ang kanyang pagluha. “Ano ba ang maaari kong nagawa?”
Nanatiling nakatulala si Melchor ng ilang minuto. Di pa rin mawari ang mga naganap. Napatingin siya sa madilim na paligid, at bumalik ang kanyang wisyo. Inangat niya ang isang kamay. Nagliwanag muli ito. Isang nakakasilaw na liwanag na kumalat sa paligid. Nagbalik ang ilaw sa mga gusali, sasakyan, at kabahayan. Gumanang muli ang mga cellphones at gadgets. Naging maliwanag nang muli ang lungsod. Kasabay ng pagbalik ng ilaw ay ang paghiyawan ng mga tao.
Unti-unting naglaho ang kanina’y nakakasilaw na liwanag. Kasabay ng paglaho nito ang paglaho ni Melchor. Nang dumilat siya ay nasa kubo na siya. Tiningnan niya ang baul at pagkatapos ay binuksan. Tumambad sa kanya ang mga bato na kumikinang. Isa lang ang ibig sabihin nito. Nalalapit na ang panahon. Pumikit ang matanda, dahan-dahang sinara ang baul, at tumingin sa kawalan na may agam-agam.
* * *
Samantala, pagbalik na pagbalik ng ilaw ay agad na nabuksan ni Erik ang pintuan sa bahay nina Errol matapos ilang beses itong itulak at marahas na ikut-ikutin ang doorknob. Tumambad sa kanya ang tila balisang kaibigan na yakap-yakap ng walang pang-itaas na si Ivan. Hindi niya maipaliwanag ang naramdaman sa nakita.
Itutuloy
----------------------------
Yung mga larawan ay hindi talaga eksaktong representation ng kung ano yung nasa isip ko, pero at least through them you get the idea of what's happening. Halimbawa yung picture ng dark sorceress na may lumalabas na dark energy mula sa mga kamay ay hindi eksaktong representasyon ng itsura ni Sandy/Cassandra, kasi nakaitim na long sleeves siya nung araw ng Martes, hindi sleeveless. Pero wala akong mahanap na malapit na photo. Hayaan niyo na.
By this time, you probably are already aware of what Melchor and Cassandra are. Gaya ng nabanggit sa mga nakaraang chapters, they both wield light and darkness. Pero ang una ay mas bihasa sa pagkontrol sa liwanag (photokinesis), habang ang huli ay mas bihasa sa pagkontrol sa kadiliman (umbrakinesis). These abilities are enhanced by their wiccan abilities (i.e. spell casting) as well as their other inherent abilities (i.e. teleportation and astral projection).
I hope you enjoyed the magic. More magic in the future chapters, especially sa Volume 2.
Ang tanong, ano ang magiging papel nina Errol sa mga pangyayari at sa mga mangyayari pa? Abangan ninyo sa mga hinaharap na kabanata. Pero lie low muna tayo sa magic sa mga susunod na chapters.
Kung meron kayong mga tanong, wag mahiya. Send me a message. Drop a comment. Or join our discussion group.
Maraming salamat!
------------------------------
The images used are not mine. They belong to their rightful owners. No copyright infringement is intended.
All Rights Reserved
©Peter Jones Dela Cruz
All Rights Reserved
©Peter Jones Dela Cruz
Pls update for chapter 15 and so on
ReplyDeletethank you sa pagsubaybay. i will try to post chapter 15 tomorrow. sana walang brownout dito sa gensan. kung hindi bukas ay sa lunes.
Deletewow! as in wow! iba ka! Saludo na ako. Susubaybayan ko na talaga ito. Hindi pangkaraniwan.
ReplyDeleteThanks! I wish I knew your name. Hehe
DeleteAng galing ng chapter nato! Bravo author! Sana update agad. plssssss (james)
ReplyDeleteI might post an update today. Salamat, James.
DeleteThe battle scene is superb! I like the way you write your dialogues. Usually I dont post a comment but this chapter is awwsome. Parang Harry Potter
ReplyDeletechester
Thank youuu...
DeleteSana mas bumilis ung flow ng story.. Pero tgx sa update..
ReplyDeleteThank you, Marc. I'm sorry kung nababagalan ka sa takbo ng istorya. Pero hindi ko na siya mababago kasi tapos na siya. I'll give you an idea, and then decide whether to continue reading or not. Enchanted: Broken contains 43 chapters all-in-all having a little over 100,000 words. Chapters 15-35 ay halos pakilig with a few magical/paranormal scenes here and there. Chapters 38-41 are about assessing one's feelings, mga agam-agam, and stuff like that. Chapter 42 is an adventure chapter and it also marks a turning point in Errol's life. Chapter 43 is a quiet respite of the first book and foreshadows events for the second.
DeleteEnchanted: Child of the Light has 32 chapters and more than 80,000 words. The first half of the book is almost devoid of magic. There are explanations why. This is a period of changes, adjustments, and contemplation. The last 15 chapters are where the story takes on an action-packed turn wherein magic becomes a major player. This part of the story forces characters to make major decisions.
Siguro mabagal because I want to establish the emotional connections among the characters, because when I bring the skies down on them in book 2, I want you to feel it. If you can't wait that long, it's perfectly fine. Maraming salamat pa rin sa pagsubaybay. I hope I won't disappoint you or any of the readers.
nice story, parang may hinala ako na may koneksyon c errol kay melchor at cassandra, correck me f im wrong, sya ba ang hinahanap ni melchor na next na tagapangalaga ng mga mahiwagang bato. kutob ko lng mr. author. he he he
ReplyDeletemalalaman! :D
Deletethank you sa pagbabasa.
Taray parang pokemon lng c cassandra at melchor c melchor ay c xerneas symbolize for life and c cassandra c yvetal symbolize for destruction or death
ReplyDelete