Followers

Monday, November 11, 2013

A Dilemma of Love: Chapter 25

Title: A Dilemma of Love
Author: Menalipo Ultramar
E-mail: menalipodeultramar@gmail.com

Ang LIMANG KASUNDUAN nila Chong at (latter part Chapter 6, Chapter 7)


  1. Hindi makakakuha ng anumang uri ng sagot mula kay Chong si Alfonse sa assignments, quizzes at exams. Maliban na lamang kung magpapaturo ang huli.
  2. Hindi pwedeng mangaliwa si Alfonse. Hindi siya pwedeng magkaroon ng girlfriend, bromance, at gay relationship.
  3. Bawal ang encounter na lalagpas sa public zone for one month. Bawal ang dikitan ng balat for two months. Bawal ang yakapan at akbayan ng tatlong buwan. Ang holding hands, bawal ng anim na buwan, habang ang kiss naman ay isang taon. Hindi pwede ang sex throughout the relationship.
  4. Walang labeling sa relayon. Hindi pwedeng ituring na babae si Chong maski si Alfonse. Kung meron mang matatawag na kanila, ‘yun ay dalawa silang lalaking nagmamahalan.
  5. Si Chong ang masusunod kung kailan tatapusin ang relayon pwera na lamang kung si Alfonse na mismo ang aayaw.


------------------------------------------------------------------

Previous Chapter: Chapter 24
Lumingon siyang muli nang nakangiti at nilapitan ang binatang naka-classic suit. Hinawakan niya sa dalawang braso si Chong. “Ano ‘yun? May sasabihin ka eh…”
Unti-unting nag-angat ng tingin si Chong. Nagtama ang kanilang mga tingin. Tila nakangiti ang mga singkit na mata ni Fonse, habang puno ng pag-aalala ang sa kanya. “…Fonse…”
Ngumiti lamang ang kanyang kaharap.
“…Fonse… Maghiwalay na tayo…”
Lumuwag ang yapos ng mga kamay ni Fonse sa braso ni Chong. Dumausdos itong pababa kasabay ng masaya niyang ngiting unti-unting nawala sa kanyang mukha. Ang mga labi niya’y nakabukang tila naghahanap ng salita. “…Cho…Chong?”
Bakas ang takot at pag-aalala sa mukha ni Chong. Mataman niyang tiningnan si Alfonse at saka kumurap-kurap na tila naguguluminahan. Inipon niya ang kanyang lakas at pineke ang isang ngiti. “Ah, ah? Sandali, ano ba ‘yung nasabi ko sa’yo?”
Kumunot ang kilay ni Alfonse. “Chong, may problema ba tayo? Bakit ka nakikipaghiwalay?” Hinigpitan niyang muli ang hawak sa mga braso ng kanyang kaharap habang lalong lumalapit sa kanya.
“Ah? Wala, wala naman akong problema ah? Bakit ikaw meron ba?”Humalakhak ng marahan si Chong sabay tapik sa braso ng binata. “…Grabe ‘yung reaksiyon mo. Nagjojoke lang ako, tinitingnan ko lang kung anong sasabihin mo. Daig mo pa ‘yung mga artista, pero subtle ‘yung acting mo ah…”
Bumagsak ang mga balikat ni Fonse, ngunit nananatiling bakas sa mukha niya ang pag-aalala.
Tumawang muli si Chong na halatang pilit. “…Para kang nawalan ng buhay, ganoon ba talaga ako kaha… Aray!” Hindi maipinta ang kanyang mukha ng hawakan niya ang tagiliran niyang kinurot ni Alfonse. Wala siyang nagawa kundi angilan ng nangunguba ang kaharap. “Bakit ka nangungurot!!!”
“Gago ka! ‘Wag kang nag-jojoke tungkol sa ganyang bagay!” Nanlalaki ang kanyang mga mata. Ang mukha ni Fonse ay hindi rin maipinta kahit na hindi siya nasaktan. Pumikit siya at humingang malalim. “ ‘Wag mo nang uulitin ‘yun ah!”
Ang pag-angil sa mukha ni Chong ay unti-unting nawala kasama ng naglahong pagkunot ng kanyang kilay. Ang mata niya’y hindi niya alam kung saan ibabaling, tila pag-iwas na tumama sa mga seryoso’t nangangaral na mata ni Fonse. Itinuwid niya ang kanyang tindig. “Oo, na po…”
Humingang malalim si Fonse at saka niyakap ang kaharap. Nanlaki ang mga mata ni Chong ngunit wala siyang nagawa. “I’m sorry. Sigurado ka walang problema ah. I’m sorry uli…”
“Oo nga. Grabe ka naman. Walang problema. Bitawan mo na ako at baka may makakita sa’tin.”
Hinawakan niya sa braso si Chong pagkatapos niya siyang yakapin. “Wala talagang problema ah?”
“Oo nga, ang kulit mo! Umalis ka na at naghihintay si Ronnie, siya ang makakastigo niyan…”
Saka naman naalala ni Fonse na mayroon pa pala siyang pupuntahan. “Oo nga pala. Pero, bago ‘ko umalis, hindi mo man lang ba…” Natigilan siyang saglit at kinagat ang mga labi.
Kumunot ang kilay ni Chong. “Ano?”
“Uhmmm…” Hindi makatingin ng diretso sa kanya si Fonse. “…Hindi mo man lang ba ako sasabihan ng ‘I Love You’…”
Tiningnan ng mabuti ni Chong ang kaharap. Naging maamo ang kanyang mukha, kasabay nito ang unti-unting pagbuka ng kanyang bibig. Maya’t maya ang kanyang pagkurap. Ang kanyang mga mata ay kumikinang sa tama ng liwanag ng buwan. “…Hindi…”
Tinangka uling kurutin ni Fonse si Chong ngunit nasalag niya ito. “Sige, kurutin mo ako. Sisipain kita…”
“Oh, sige na, aalis na ako. Late na talaga ako niyan.” Inayos ni Fonse ang kanyang coat. “Wala talagang ‘I Love You’?”
Ikrinus ni Chong ang kanyang braso. “Kapag may dementia na ako, sige…”
Lalong lumiit ang mata ni Fonse. “Sige na, aalis na ako…” Naglakad siya patungo sa van.
“Fonse…”
Lumingon muli si Alfonse. “Bakit? Maghihiwalay na naman tayo?”
Ngumiti ng pagkatamis-tamis si Chong. “Hindi, uhmmm, Aloha.” Saka niya iwinagayway ang kanyang kamay. Kumunot ang kilay ni Alfonse, tila nagtatanong. Ngumiti uli siya. “Aloha. Sayonara. Goodbye…”
Umaliwalas muli ang mukha ni Fonse. “Ah okay. Aloha!” Sumakay siya sa van. Sa bintana’y tinanaw niyang muli si Chong na nananatiling nakatayo sa gate ng bahay. Paglingon niya’y nakita niya si Ronnie may kinaki-usap sa cellphone. Sa pag-iisip sa lahat ng nangyari’y ‘di na niya napansin ang boses nitong puno ng pagpipigil.
“…sige po Ma’am, nakasakay na po siya, aalis na po kami…”
“Ronnie, pasensiya na. Ikaw tuloy ang sumasalo sa galit nila Mama.” Nahihiyang sabi niya.
Ngumiti si Ronnie. “Okay lang ‘yun Ser.”
“Anong sabi nila Mama? Nagtatanong ba? Galit na ba?”
“Medyo galit na Ser, pero hindi pa naman ako nasisigawan. Lagpas trenta minutes ka na daw late at saan ka daw nagpupupunta…” napapangiting sagot ng driver.
Naaligagang napatingin si Fonse. “Anong…sinabi mo?”
Napangisi ang driver na tila nakuha ang pag-aalala sa tono ng binata. “Sabi ko Ser, may ka-date kang babae…”
Biglang lumuwag ang hininga ng binata. “Ron, alam mo naman kung ano ko si Chong, ‘di ba?” Tumango si Ronnie. “…Sana, sikreto na lang natin ‘yun…”
Tiningnan ni Ronnie ang amo sa front mirror. Nakita niya ang mga mata nitong puno ng pag-aalala. “No problem Ser. Kapag nagtanong sila Ma’am, sasabihin ko na lang may kadate kang BABAE…”
Napangiti si Fonse sa pagdidiin ni Ronnie sa salitang babae. “Ronnie, medyo kilala mo na rin naman si Chong ‘di ba?”
“Oho, ser…”
“Kanina kasi, sabi niya, maghiwalay na daw kami. Tapos bigla niyang binawi, joke lang daw. Sa tingin mo makakapagbiro siya ng ganoon?”
Tumingin uli si Ronnie sa front mirror. Bakas ang pagtatanong sa mukha ng kanyang amo. “Ser, hindi ko po alam eh. Hirap basahin ‘yung tao. Hindi ko ho alam kung galit o ano?”
Napalitan ng pag-aalala ang ekpresyon sa mukha ni Fonse. Dahan-dahan siyang sumandal sa malambot na upuan at itinukod ang siko sa bintana. Dahan-dahan at tila nag-iisip niyang kinalong sa kanyang braso ang kanyang ulo. Sa labas ng binata’y tanaw niyang tila walang laman ang daan. Sa langit ay unti-unti nang ikinukubli ng mga ulap ang kanina’y makikinang na bituin.
“…Aloha….Goodbye…”
Mga sampung minuto ang nagdaan at narating nila ang lugar ng salo-salong dapat niyang puntahan. Eleganteng-eleganteng pagmasdan ang lugar sa Ancient Greek nitong architecture. Sa gate ay may Greek soldier statue na may anim na kabayong napipinturahan ng ginto. May mga puting istatwa ng babaeng kita ang dibdib na may kalong na basket na puno ng prutas at may mga columns na mas mataas pa sa tao at marka ng mga Greko-Romano. Bricks ang nasa walkways ng lugar na may decorative na bakod.
“Ronnie, ano daw bang meron? Anong okasyon? Nakapagclose ba ng deal?” tanong ni Fonse habang sinisipat ang parking space na puno ng luxury cars. Nakita rin niya ang itim na limousine na siyang dapat nilang gagamitin ni Chong, datapwa’t kinuha ni Alfred.
Nagmani-obra ang driver upang magpark. “Ser, hindi ko po alam. Kayo pa lang po ihahatid ko dito eh…” Pinatay ni Ronnie ang makina. “…Pero sabi ni Toto, may ipinasundo daw sa kanyang Ferdinand Chua ang pangalan…”
Kumunot ang kilay ni Alfonse. “…Ferdinand…Chua?”
Inakyat niya ang marble stairs papunta sa entrance ng function hall. Sa itaas ay may nag-aabang na dalawang naka-tuxedong guwardiya na nagbubukas ng isa sa tatlong pintong kulay kamagong at napaka-ornate. “…Chua…Ferdinand Chua…” Ibinutones ni Alfonse ang kanyang coat.
“Good evening, Sir…” bati sa kanya ng isang lalaking may tail ang itim na coat.
Kung anong gara ng lugar sa labas ay mas mamamangha ka sa kariktang taglay nito sa loob. Mistula kang nasa loob ng isang palasyo. May malalaking portraits ng mga hari ng Inglaterang napapaloob sa gintong frames. Sa ilalim ng mga ito’y mga mesang nakukulayan din ng ginto, kinalalagyan ng mga plorerang porselana na may mga lamang bulaklak na kulay-rosas. Natatanglawan ang foyer ng isang napakalaking chandelier na nakasabit sa ikalawang palapag ng hall. Ang bawat kristal na nakasabit dito’y kumikinang ng walang hanggan.
“This way, Sir…” Ikinumpas ng butler ang kanyang kamay sa isang pintong may silipang salamin na kasinlaki halos ng isang plato. Mula sa labas ay natanaw ni Fonse ang nasa loob, mga mesang nasasapinan ng bulaklaking tela na kulay-rosas, mga bisitang may hawak na kopita at posturang-postura, at ang napakalaking kwarto na napakarangyang tingnan. Binuksan ng dalawang lalaking nasa gilid ang pinto.
At sa pandinig ni Alfonse ay sumalubong ang malamyos ng tunog ng biyolin, ang kalansingan ng mga kopita’t kubyertos, at ang ilang katotohanang tinakasan niya.
“…Masama raw ang lagay ng kumpanya. Hindi raw natuloy ‘yung deal sa foreign investors kaya nawawalan ng tiwala ang board. Baka sa stockholder’s meeting niyan ay palitan sa si Carlos bilang president…” ani ng isang may katandaan at matabang babae sa green na evening attire. Ingat na ingat ang babae sa paghiwa ng steak at sa pagkuha ng kopitang may lamang alak. Mayamang-mayamang tingnan, dangan lamang at para siyang aso kung ngumuya ng laman.
“Masama ang lagay ng…business?”
“Kumpanyero, my loyalty is with Mr. Carlos Santiago…” Nagpunas ng bibig ang matandang lalaki. Ang kanyang puting buhok ay kumikinang sa tama ng liwanag ng chandelier. “…pero what can do we in this times? Ayaw ko rin namang masayang ang dalawag dekadang pinaghirapan ng mga Santiagos. I’ve known his father, he’s been a great friend of mine. At ninong ko ang lolo niya, such a great man. But I think it’s about time for Mr. Ramos to lead the compa…” Natigil ang matanda ng makitang nakatingin sa kanya si Alfonse. Maski ang mga kasama niya sa mesa’y nahiwagaan at natigil ng makita ang binata. Umubo-ubo ng lamang ang matanda.
“Mapapalitan si papa?”
“My God, have you seen Mylene? She’s such a beautiful child. Manang-mana sa ina. Napakaganda na at napakagalang. If just circumstances bid it, ipinagkasundo ko na sana siya kay Art. They would be a wonderful couple, ‘di ba anak…” sabi ng isang babaeng payat sa kanyang anak at mga kasalo sa mesa. “Of course, Ma!” Tugon ng kanyang anak na ‘di-katangkaran at ‘di-kagwapuhan. Walang naging tugon ang mga kasama nila sa mesa. “…Duh, mas gusto ko ‘yung kuya ni Mylene. Yummy!!!” ang sabi sa sarili ng lalaki habang sumusubo ng pasta.
“Mylene….Chua? Mylene Chua!” Nagpaikot-ikot ang tingin ni Fonse sa paligid na tila naguguluhan. At sa gitna ng silid na iyon, habang nakatayo kapiling ang mga taong ngayon lamang niya nakita at kumakain sa piging na handa ng kanyang ama, nakita niya ang isang babaeng nagpatigil sa magulo niyang isipan.
“…We were just very thrilled with the concept. Napaka-pure. Napaka-immaculate.
Napaka-ideal.Cheeks blushing.…”

Nakatulala siya habang tinitingnan ang dalagang naka-pulang gown na gawa sa lace. Sa bawat mahinhing galaw ng babae’y kumikinang ang bawat diyamanteng nakadikit sa kanyang trahe. Unti-unting bumubuka ang mga labi ni Alfonse. Ramdam niya ang init na dumadaloy sa kanyang katawan, maski sa kanyang mga pisngi. Unti-unting ngumingiti ang napakagandang dilag. Maski ang mga bilugang mata ng babae’y nagiging singkit, tila puno ng saya.
“…Hands shaking…”
Hindi pansin ni Alfonse ang tila hindi niya mapakaling kamay. Nakatuon pa rin sa dalaga ang kanyang mga mata. Kumikinang sa tama ng liwanag ang kinulot na buhok na babae na naka-ayos sa kanyang kanang balikat. Tila napakalambot, napakasarap haplusin. Napakaputi ng mga ngipin at napakalambot ng mga labi.
“…Hearts throbbing. Parang tumitigil ang mabilis na ikot ng mundo…”
Hindi bumagal ang pagkain ng mga tao sa kanyang paligid. Ngunit hindi iyon pansin ni Fonse, tanging nasa babae ang kanyang atensiyon. Naikubli ng tibok ng puso ang musika ng mga biyolin. Napakaganda ng hubog ng katawan ng dilag sa suot nito. Hapit na hapit iyon sa kanyang balakang. Humuhulma at lumilipad ng malaya ang tela ng kanyang trahe pababa na tila isang lasong nililipad ng hangin, dahan-dahan, may pag-galang, at buong pag-iingat. Unti-unting itinuon ng dalaga ang kanyang mga mata kay Alfonse at nagtama ang kanilang mga tingin.
“…Then the next thing we know,
there would be penile erection and redness of the female genitalia…”
“Alfonse! Where have you been!” Sinabulong siya ng kanyang ina nang nakakunot ang kilay. “…You’re late. Pinabilin ko kay Manang na 7:30  ka pumunta. It’s already 8:05, my God! Pinaghihintay mo ‘yung mga bisita…” Galit man ang kanyang ina’y hindi maikakaila ang ganda niya sa suot na kulay pink na gown. Lalo siyang nagmukhang bata sa kulay ng kanyang suot. Hapit ang gown pababa. Ang buhok niya’y diretsong-diretso.
“Ma, sinabi nga sa akin ni Manang na pumunta dito ng 7:30, but…but I’ve been to somewhere. I’m sorry…"
Napangiwi ang kanyang ina na tila hindi sanay na nakakarinig ng ‘Sorry’ mula kay Alfonse. “…Tsaka bakit nag-white ka, pinabilin ko kay Manang na mag-tux ka ‘di ba?” Biglang umasim ang kanyang mukha habang inaayos ang tie ng navy blue na tie ng anak. “…And what’s that smell? Nagsuka ka ba?”
Bumuntung hininga si Alfonse habang pinapagpagan ng kanyang ina ang suot niya. “Hindi na ako umuwi kasi I know I’m already late. I’m really sorry. At hindi ko in-expext na ganito kalaki ‘tong pupuntuhan ko…” Ang kanyang palad ay nasa kanyang noo na tila sumasakit. “…And ma, before anything else, pwede bang…paki-ex…” Napapapikit na siyang tila napapagod sa pag-iisip. “…Anong nangyayari dito?”
Natigil ang kanyang ina sa pag-aayos ng kanyang suot. “…Basta. Mamaya malalaman mo rin. Go to the room near the bar. May tux doon, magpalit at pagbango ka…”
Lumabas si Alfonse si Alfonse sa kwartong iba na ang suot, katulad ng bilin ng kanyang ina. Naka-classic suit na siya, black slacks and coat, white dress shirt at black bow tie. Pagkalabas niya’y tumayo ang isang lalaking naka-tux din at may hawak na kopita sa kanyang kamay. Kahit na may katandaan ang lalaki’y matikas pa rin ang tindig niya. Ipinalo niya ang tinidor sa kopita na tila sinasadyang lumikha ng ingay. Buong tikas at respetadong kinuha ng lalaki ang atensiyon ng bawat panauhin.
Iyon ay ang ama ni Alfonse na si Carlos Santiago.
“Ladies and Gentlemen, I am really thankful…” Sinisikap niyang tingnan ang bawat bisitang nakatingin sa kanya. “…na sinamahan niyo kami ngayong gabi, to celebrate a very special day, hindi lang sa aming mga Santiagos, kundi maski sa mga Chua…”
“…a very special day…?”
Nagpalakpakan ang lahat ng bisita, maski ang iilang naringgan ni Alfonse ng mga hindi kagandahang salita. Nakangiti silang lahat na tila nagsasaya.
“…Napakasaya ng aming mga pamilya, lalo na kaming dalawa ni Pareng Ferdinand, na sa wakas ang aming dalawang pamilya ay magsasama. This evening is not just about the love that our children share, but also the official union of two families long binded by tradition, comradeship, and charity…” Ibinaba ng ama ni Alfonse ang hawak nitong kopita at itinaas ang kanyang kamay sa direksiyon ni Alfonse. “…Once again, ladies and gentlemen, I present to you, my son, that I’m really proud of, Carl Alfonse Santiago…”
Natigil si Alfonse sa gitna ng palakpakan. Alam niyang tinawag ang kanyang pangalan ngunit hindi niya batid ang gagawin. Tiningnan niya ang kanyang ama. Sinenyasan siya nitong lumapit sa gitna ng silid. Ito rin ang ginawa ng kanyang ina na nananatiling naka-upo. Sa ginta ng mga mata at ilaw nakatutok sa kanya, inihakbang niya ng dahan-dahan ang kanyang mga paang hindi alam kung saan pupunta, hanggang sa marating niya ang kanyang ama.
“…And also…” Inakbayan si Fonse ng kanyang ama. Halos magkasing-tangkad lamang sila. “…ang napakagandang anak ni Mr. Ferdinand Chua, si Ms. Mylene Chua…”
Masigabong palakpakan muli ang pumuno sa silid. Mula sa kawalan ay lumitaw ang isang babae na naka-red na lace gown na may mga nakadikit na diyamante. Nakangiti ang babaeng tila napakasaya, kasabay ng pag-singkit ng mga bilugan niyang mata. Narating ng dilag ang gitna ng silid at tumabi kay Alfonse. Sinundan lamang siya ng tingin ng binata.
Siya ang babaeng umagaw sa atensiyon niya kanina.
“…And I’m proud and honored to announce, that they are engaged…”
Napatingin bigla si Alfonse sa kanyang ama nang nanlalaki ang mga mata. Tiningnan rin siya nito ngunit nang nakangiti. Naramdaman niya ang unti-unting pag-yapos ng braso ni Mylene sa kanyang braso. Sa kalayuan ay tananaw niya ang kanyang kambal na si Alfred na pumapalakpak ngunit nakangisi, nakangiting nang-iinsulto. Ngunit hindi ang mga iyon ang kanyang inaalala. Mistulang wala roon ang babaeng kanina’y tinititigan niya, maski ang kakambal niyang kanina’t binuwisit siya. Unti-unting bumalik sa kanyang isipan ang lahat ng bagay ng gumugulo sa kanya.
Patuloy ang palakpakan ng mga taong ngayon lamang niya nakilala. Unti-unting bumuka ang kanyang mga labi at napatanga.
“Pasensiya na ha, naabala pa kita…” bumaba mula sa itim na limousine si Mylene. Sinundan naman siya ni Alfonse na tila nanlalata. “…Sila lolo naman kasi, nagpa-una nang umuwi. Hindi naman sila pumayag na sumabay ako…”
Ngumiti si Alfonse, isang ngiting pilit. “…Okay lang ‘yun. Sa tingin ko sinadya nila iyon para magkasama tayo…” Napangiti naman nang matamis si Mylene sa mga tinuran niyang iyon na tila nagbablush pa.
“Uhmmm, sige, mauna na ako, pakikumusta na lang ako sa tito Ferdinand…” saka siya tumalikod at hinarap ang sasakyan. “Alfonse…” biglaang tawag ni Mylene sa kanya. Muli niyang nilingon ang dalaga. Tiningnan niya ang napaka-among mga mata ng dalaga, ang napaka-lambot at mapupulang mga labi, at ang napakagandang mukha ng kaharap. Sa tuwing gagawin niya ito’y wala siyang magawa kundi manigas at tinitigan si Mylene. “Pwede bang…samahan mo ako hanggang sa garden?” pagmamaka-awa ng dalaga.
Pinagbigyan siya ni Alfonse.
Lahat ng mga halaman sa hardin ay namumulaklak, at bawat isa’y may samyong napakatamis. May mga sari-saring kulay ng rosas at carnation kasama ang mga halamang sadyang ginupitan upang magkaroon ng kakaibang hugis. May iilan ring punong napakataas sa sumasayaw sa hampas ng malamig sa hangin.
Nasa kanyang bulsa ang mga kamay ni Alfonse habang si Mylene naman ay unti-unting ibinalabal sa kanyang ang kanyang alampay na seda. Naglalakad ng dahan-dahan ang huli na tila napakahinhin, habang ang una nama’y tila lumilipad ang isip. Sandaling tumigil si Mylene at lumingon sa likod, na siya namang napansin ni Alfonse.
Lumapit si Mylene kay Alfonse at yinakap ang braso ng binata. Unti-unting dumidilim ang langit na tila nagbabadya ng isang ulan. Gayunpaman, naglakad silang mabagal na parang magkasintahan.
“Alfonse, anong naramdamam mo kanina nung nalaman mong engaged na tayo?” Nakasandal ang ulo ni Mylene sa braso ng binata habang nakangiti ng napakatamis at napaka-inosente.
Tiningnan siya ni Alfonse nang naguguluhan. “…Masaya, tuwang-tuwa ako…” Lalong tumamis ang ngiti ng dalaga sa sagot niya. “…Ikaw, hmmm, kailan mo pa nalaman na ikakasal tayo?”
Si Mylene naman ang napatingin kay Alfonse. Nakakunot ang mukha ng huli na tila nagtatanong. “…Simula nung six years old pa lang ako, simula ng makita ko si ateng umiiyak sa kwarto niyang mag-isa matapos nilang mag-away ni Papa bago siya ikasal, alam ko ng ganito ang mangyayari. Pero noong nakaraang taon ko lang nalaman na ikaw pala, kaya alam ko, hindi ako matutulad kay ate. Katulad mo, napakasaya ko rin….” Ngumiti siya ng buo na parang napaka-inosenteng bata. Malamyos ang kanyang tinig at napakasayang pakinggan. Ang kanyang mga bilugan at mapupungay na mga mata’y tila ngumingiti rin.
Iniwasan ni Alfonse ang kanyang mga tingin.
“Sige, Alfonse, dito na lang, nakakahiya na talaga sa’yo…” Kumalas si Mylene mula kay Alfonse at hinarap ang binata. Tinitigan lamang siya ni Alfonse nang may malamlam na mga mata, kabaligtaran sa siglang taglay ng sa kanya. Ngumiti siya’t tumingkayad at inabot ang mukha ni Alfonse.
Hinalikan niya sa pisngi ang binata.
Namula si Mylene sa kanya ginawa. Hinawi niya ang kanyang buhok at itinabi sa kanyang tainga. Muli’y nabakas sa mukha niya ang isang ngiti. Nanlaki ang mga mata ni Alfonse sa kanyang ginawa. Tinitigan na lamang ng binata ang napakaganda niyang mukha.
“…Sige, Thank you. Tsaka see you tomorrow…” Muli ngumiti si Mylene at saka tumalikod. Tinungo niya ang kanilang mansiyon.
“…Mayroong nagkakalakas ng loob na suwagin
ang sinasabi ng tradisyon, moralidad, kultura, kalikasan at ng ibang tao.
May ilang nagtatagumpay pero kakaunti lang iyon,
napakahina natin para suwagin lahat ng iyan,
dahil kailangan nating ibigin nila tayo…”
Nanatiling nakatayo si Alfonse sa hardin. Tuluyang tinakpan ng mga ulap ang maliwanag na buwan at mga bituin. Tinitigan lamang niya si Mylene habang patuloy na tinutungo ang pintuan, ngunit wala sa dalaga ang kanyang isip. Hindi niya maigalaw ang kanyang paa, ni maisara ang kanyang nakabukang mga labi.
Itinuon na lamang niya ang kanyang mga malamlam na mga mata sa kawalan.
-----------------------------------------------------
Ang kuwentong nagsimula sa aminan...
-----------------------------------------------------
”Chong...bakit ...bakit mo ba ako iniiwasan? Ah...oo... tama, bakit mo nga ba ako iniiwasan? ”
”Gusto mo talagang malaman kung bakit kita iniiwasan?”
”Kasi gusto kita...”
Nanlaki ang mga mata ni Fonse sa kanyang narinig. Maski ang igalaw ang kanyang katawa’y hindi niya magawa. Pinagmasdan lamang niya si Chong habang naglalakad ito nang buong pag-iingat. Kailangan ko siyang pigilan,  naisip niya. At isang paraan lamang ang alam niya...
“EH GUSTO RIN NAMAN KITA EH!!!”
-----------------------------------------------------------------------------
…Na napunta sa subukan at out-of-this-world na katanungan...
-----------------------------------------------------------------------------
"Bakit mo ako gusto?"
“Ah, kase, ano eh...uhmmm...”
“Pwede, walang mga dahilan na ‘Because  you made me smile everyday and you made me feel all the happiness in life there is,’ na ‘Because you showed me the real meaning of LOVE and you made me feel it,’ at lalo nang ‘Your presence in my life gave a new dimension to my existence.’ Ha, pwede?”
“Ah kase...”
“Kase ano?”
“Uhmmmm...”
“Kasi...wala...”
Biglang nagdilim ang paningin ni Chong.
“HINDI PWEDENG WALA!!! PAANO MO SOSOLUSYUNAN ANG ISANG BAGAY NANG HINDI MO NALALAMAN ANG DAHILAN!!!
-----------------------------------------------------------------------------
…Na nauwi sa isang kasunduan...
-----------------------------------------------------------------------------
“Oh, edi...tayo na...” sambit ni Chong habang nakatingin sa langit.
“...Ser...yoso...ka...ba....?”
“...Sa limang kondisyon...”
“Unang-una, hindi ka makakakuha sa akin ng kahit anong uri ng sagot sa assignments, sa quizzes, at sa mga major examinations. Pangalawa, hindi ka pwede magkaroon ng kahit anong uri ng romantic relationship na labas ng sa atin. Mali, I doubt kung magiging romantic ‘tong relationship natin. Uhmm, erotic? Hindi rin. Uhmm, relationship na lang. In short, hindi ka pwedeng mangaliwa...”
Saka unti-unting lumapit si Fonse at tinangkang akbayan si Chong. Pakiramdam niya kasi’y nagseselos ang kanyang girlfriend.
“Walang yakapan, walang holding hands, walang halikan, walang dikitan ng balat, walang encounters na lalagpas ng public zone...”
“Ha?”
“…At walang sexual intercourse...” saka siya tumingin kay Alfonse nang patagilid at nang may mababang kilay.
Nasa harap na naman niya ang Chong na palagi siyang  tinitikis, ang Chong na palagi siyang pinapahiya, ang Chong na umaming may gusto sa akin.
“’Yan ang pangatlo kong kondisyon...”
“Tayo...talaga ...niyan...?”
-----------------------------------------------------------------------------
At patuloy na sinusubok...
-----------------------------------------------------------------------------
...Lalong humigpit ang hawak ni Chong sa aking bewang, humigpit ng may pagmamahal...
Magkadikit ang aming mga katawan, ang aming mga mata, ang aming kaluluwa, mga labi na lamang ang hindi nagdidikit sa amin...
Unti-unti, may pag-iingat, dahan-dahan kong inilapit ang aking labi sa kanyang labi. Marahan, kitang-kita ko sa kanyang mga mata ang pagkagulat at pagkalito, pero bakas din ang pagpapa-ubayang angkinin ko ang labi niya...
Sa kanyang mga mata lang ako nakatingin. Unti-unti. Maski mga mata niya’y sa akin lang nakatuon. Dahan-dahan. Ang mga labi nami’y magsasalo na. May pag-iingat. Hindi namin maipaliwanag ang aming nadarama...
At ngayon...nagdikit...
 “Okay, tapos na ‘yung sayaw...” saka niya binitawan ang pagkakahawak sa aking bewang maski sa akin kamay. Nahulog ako. Nauntog ang ulo ko sa sahig, habang ‘yung mga binti ko ay nakabaluktot na natumba.
“ARAY!!!”
-----------------------------------------------------------------------------
At patuloy na sinusubok...
-----------------------------------------------------------------------------
“Siguro nga tama si Christie, tama siya na pinaglalaruan mo lang ako, na GINAGAGO mo lang ako!”
Tumaas ang kilay ni Chong. Tiningnan niyang patagilid ang kanyang katabi, at saka dahan-dahan at buong pag-iingat niyang isinunod ang kanyang ulo. Ibinuka niya ng dahan-dahan ang kanyang mga nakatikom na labi.  “Alam mo, tama talaga siya. Tama talaga si Christie na it takes one to know TWO, kahit na one talaga ‘yan. Kasi, alam mo, sa ating dalawa, ikaw ang mas eksperto sa panggagago. At hindi mo masasabing pangagagago lahat ng ginagawa ko, kung hindi mo alam ang lahat ng ginagawa ng mga nanggagago, na siyang gawain mo…” ngumiti siyang mistulang inaangilan si Fonse. “…Mas matatanggap ko pang sabihan mo akong NANGGAGAGO kung nagpapabili ako sa’yo ng mga mamahaling gamit, ng house and lot, at ng kung ano-anong pangmayamang SHIT! Tutal naman eh GINAGAGO kita sa tingin mo, edi ituloy-tuloy ko na...” Saka niya pinihit at binuksan ang pinto sa gilid niya.
Napalingon si Fonse. Naalis ang pagkakapatong ng kanyang ulo sa kanyang kamao.
Hinablot ni Chong ang plastic ng mga librong binili ni Fonse para sa kanya at buong lakas niya itong itinapon sa damuhan.
Tinangkang pigilan ni Fonse ang kanyang mga braso ngunit siya’y nahuli. “ANONG GINAGAWA MO?” buong lakas niyang sigaw.
“GINAGAGO kita. Hindi ba’t GINAGAGO kita?” Nakangiting sagot ni Chong. Saka niya iniabot ang kanyang kamay sa compartment at inihagis ang kanyang bagay na naabot.
Lumulutang sa hangin ang hindi kaliitang kahon na nababalot ng velvet na tela. Dahil sa hindi kabigatan, lumapag ito ng malayo mula kila Chong.
Iyon ang 24-karat Gold necklace na ipinagawa niya para kay Chong.

-----------------------------------------------------------------------------
…Ng ikalimang salinlahi ng buhay na dugo ng mabunying si Adolf Hitler...
-----------------------------------------------------------------------------
”Chong, sino ’yung bagong babae ng mokong na ’to? Kilala ba namin? Si Jenilyn ba?”
“Hindi mo pa ba alam...” ang sabi ni Chong na nakangiti kay Lemuel.
Wala ’yan. Syempre kailangan lang niyang magdahilan para maloko sila Lemuel. Eh ang galing kaya niyang mag-isip ng dahilan. Halos isang iglap nga lang naisip niyang idahilan kay Jenilyn na nagwala si Grace kaya andoon ako. Ang galing diba, kaya wala akong dapat ipag-alala. Ililigtas pa nga ako ng taong ito eh.
”...Kami na ni Fonse...” ang sabi niya habang nakangiti pa rin.
Biglang nawala ang sigla sa mukha ni Brix. Napalitan ito ng pagkagulat na hindi mawari.
”...don’t worry, I forgive..."
Biglang napalingon sa akin si Fred. At ngayon, lalong tumulis ang tingin niyang kanina pa nag-aapoy. Parang gusto na niya na kong patayin sa mga tingin niya.
”...but I don’t forget, and the best part is...”
Dahan-dahang itinuon sa akin ni Chong ang kanyang tingin, talagang ‘yung eyeballs lang niya ang gumagalaw. Pero bigla niyang inituon sa akin ang kanyang ulo kasabay ng kanyang tingin. Nakakatakot. Parang mas dapat pa akong matakot kay Chong kesa kay Grace…
“...I get even...”
-----------------------------------------------------------------------------
Saan tutungo ang napaka-sweet na love story na ito? Magkakaroon ba ng happy ending para kila Chong at Fonse? Abangan sa huling SIYAM NA KABANATA ng...

5 comments:

  1. sn po mkkita ung chapter 1 ng story na to i just wanted to read this from the start. tnx

    ReplyDelete
  2. Hello, ito po 'yung first chapter: http://michaelsshadesofblue.blogspot.com/2012/09/a-dilemma-of-love-chapter-1_27.html

    ReplyDelete
  3. Mixed emotions.

    James

    ReplyDelete
  4. DROPPED.JAW!!!

    Napanganga.na.lang.ako...super.ganda.ng.story!.:D

    curios.lang.po.ako.kung.anong.namamagitan.kay.Chong.At.Fred.at.sa.recording?..

    :))

    -Kio...

    ReplyDelete
    Replies
    1. Malalaman sa mga susunod na kabanata...XD

      Delete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails