Followers

Monday, January 2, 2017

Until My Last Bullet [Chapter 1]



Disclaimer: Ang larawan ay hindi ko pag-aari. Ginamit ko lang ito para may visual representation ang mga character sa kuwento. Kung meron man ang na-ooffend sa larawan, paki-e-mail po ako at tatanggalin ko ang larawan asap.

E-mail address: comegetmycookies@gmail.com
Facebook fan pagehttps://www.facebook.com/CookieCuttersCut/ (Cookie Cutter's Cut)

---

CHAPTER 1

“As for you Jacob Santos, baka maisipan mo naman sigurong huwag matulog sa klase para makaraos ka naman sa Golden Exam. Class dismissed.” Kinusot ko aking mga mata at nakita kong mabilis na nagtatakbuhan aking mga kaklase. Political History 402 ang klase namin at napansin kong masama ang tingin ni Prof. Martin sa akin habang inaantay niya na paisa-isang makalabas ng classroom ang mga tao.

“Ayan, awards night ka na naman kay professor.” Si Jenny, best friend ko. Akay-akay niya ang kanyang pulang bag sa kanyang mga braso habang inaayos ang sling nito sa kanyang balikat, inaantay akong matapos magligpit ng gamit.

“Paano naman kasi, hindi maayos ang tulog ko kagabi. Hindi ako mapakali baka bukas kalaunan aatake na ang Punyasenyales dito sa Habisig.” Garalgal ko nang napasok ko na ang makapal kong libro sa aking pulang backpack.

“Natataranta ka sa mga pangyayaring hindi pa nga nagaganap. Chill ka nga lang. Okay tayo dito. Maswerte tayo kasi ligtas tayo. Ewan na lang kung wala ang Pader. Kung wala siguro ang Pader lagot at iisa-isahin tayo ng mga Punyasenyales.” Pangaral ni Jenny sabay tapik sa balikat ko, paalala na kailangan ko na magmadali.

“Safe nga, pero tingnan mo nga ‘tong mga bag natin. Ang papangit. Puro pula. Gusto ko naman ng color blue o kaya medyo may disenyo-“

“Ano ka ba wag ka ngang magsalita ng ganyan! Baka marinig ka at itapon ka sa Labas.” Pabulong na pasabi ni Jenny sa akin habang sabay kaming naglakad palabas ng classroom  patungong cafeteria.

Ako si Jacob Santos, 18 years old. Buong buhay ko sa Habisig na ako nakatira – isang bansa na pinapalibutan ng makapal at mahabang pader… na tinatawag naming “Pader”. Ginawa ang Pader upang maprotektahan kami laban sa mga Punyasenyales – pangkalahatang tawag namin sa mga rebeldeng nasa labas ng Pader.

Sinasabing ang Habisig ang nag-iisang lugar kung saan nagkasama-sama ang mga “Founding Fathers”. Noong unang panahon, lahat ay nakatira sa isang environment na walang seguridad, walang gobyerno, walang proteksyon, at walang kapayapaan. Dahil walang batas na umiipon sa mga tao noong unang panahon, lahat ay umaasta ayon sa kanilang kagustuhan at interes: ang pumatay, magnakaw, mangloko, mang-uto, mangkidnap, manggahasa, mang-ransak, at kung anu-ano pa.

Kaya naisipan ng mga Founding Fathers na magkaisa at binuo nila ang kauna-unahang pundasyon ng Habisig – ang Pader para maprotektahan ang mga nais mamuhay ng payapa. Kasunod nito ay ang pagbuo ng gobyerno, ng batas, ng seguridad.

Lahat ng mga pangkatauhang seguridad ay ibinibigay sa mga naninirahan sa Habisig – na tinatawag na mga “Habis” – nang walang kaukulang bayad. Libreng edukasyon, libreng pagkain, libreng pagpapagamot, libreng organisasyon na malayang isinusulong ang welfare ng bawat Habis.

Payapa rito. Sa loob ng pader walang tulisan, walang rapist, walang droga, walang krimen. Matiwasay ang aming pamumuhay at ang huling natalang krimen ay bago pa man ako mapanganak nang may Habis na pinuslit ang isang Punyasenyales sa loob ng Pader. Ayon sa batas ng Habis, bago makapasok ang isang Punyasenyales ay isinasalang muna ito sa training at “special intensive education” para matutunan nito ang pamumuhay ng isang Habis para mapanatili ang kapayapaan ng Habisig.

Kaya pati bag namin, libre. Mahigpit din na ipinagbabawal ng gobyerno na pinamumunuan ng “Parlyamento” ang magtayo ng pamilihan. Naniniwala kaming matiwasay lamang ang isang komunidad kung hindi nangunguna ang pansariling interes, at bigay naman ng gobyerno pati pagkain at pabahay namin – kaya walang rason para kumita ang mga Habis sa loob ng Pader.

Ang pamilihan na initiative ng Habisig ay ginaganap lamang sa labas ng Pader. Sa unang tingin parang okay naman magbenta sa labas ng Pader, kaso hindi lahat ay matapang para lumabas ng Pader dahil sa dilim, usok, at kakulangan ng seguridad. Iilan lang ang matibay na nag-aapply sa Parlyamento para makadalo sa buwan-buwan na pamilihan sa labas ng Pader. Bantay rin ng mga Parlyamento ang mga nagbebenta sa labas ng Pader para masiguradong hindi sila bangkay pagpasok nila muli sa Pader. Kaso lahat ng kita ay napupunta sa Parlyamento para panggastos sa lahat ng tao.

Siguro ang ibig ko lang sabihin sa inyong lahat ay masaya kami sa loob ng Pader, at hindi namin gugustuhing makalabas. Ganon din ang mga Punyasenyales, dahil hindi sila makasunod sa simpleng pamumuhay namin sa Habisig, ang mga pinapayagang makapasok sa loob ay hindi rin nagtatagal. Siguro sa sampung Punyasenyales na pumapasok sa Habisig, isa lang ang nakakasabay sa aming pamumuhay.

“Ano na, bes? Handa ka na ba sa Golden Exam? Para kasing tulog ka lang ng tulog sa klase eh.” Tanong ni Jenny sabay lapag ng pagkain namin sa mesa.

“Hindi naman siguro ganyan kahirap ang Golden Exam, Jenny. Baka ina-exaggerate lang ng mga nakatapos-“

“Hoy! Hindi mo ba alam na sa 100% na nagtetake ng Golden Exam, 20% ang hindi nakakapasa at automatic na naaassign sa military.”

“Alam ko yan, siyempre.” Kumuha ako ng fish sticks at sinubo. “Hindi naman masamang ma-assign sa military sa labas. At saka naman hindi ka naman talaga bumabagsak sa Golden Exam dahil bobo ka. Inaalam lang nito ang kakayahan mo para malaman nilang saan tayo ilalagay sa mga trabaho trabaho sa Habisig.”

Sa mga nagdaang linggo, bukambibig ng mga mag-aaral ang Golden Exam. Ang Golden Exam ang naglalagay sa aming mga graduating high school students sa mga kaukulang training job na papasukan namin. Finafacilitate ito isang beses sa isang taon. Naglalaman ito ng iba’t-ibang tanong na sinusuri ang aming talent at ang aming personality. Sasagutan lang namin ang mga tanong at paglabas ng exam malalaman namin kung sa Music Department kami itetrain para maging musikero, o sa Arts Department para maging artist. Para naman sa magaling sa Science, sa Research Department ang punta nila. Marami pang mga departments ang pwedeng paglagyan ng mga estudyante, pero ang pinaka inaabangan ay ang Parliament Grounds.

Ang Parliament Grounds ay ang training para sa mga pwedeng maging susunod na leaders ng Habisig. Ang Parlyamento kasi, ang namumuno ng gobyerno, ay binubuo ng 51 members mula sa iba’t-ibang parte ng Habisig. Ang Habisig ay binubuo ng 51 provinces, at ang capital nito ay ang Central District, kung saan kami nakatira.

Siguro iniisip ninyo “ay mas okay siguro sa Central District kasi kabisera.” Pero hindi ito totoo. Sa katunayan, lahat ng mga napatapon na mga leader ay mula sa parliament member ng Central District dahil sa mga issue sa corruption. Ang kaparusahan sa mga corrupt parliamentarian ay ineexile sa labas ng Pader.

Ngunit, ang Punong Ministro ng Habisig ay posibleng magmula sa kahit saang bahagi ng Habisig. Ang kasalukuyang Punong Ministro namin – na namumuno sa buong Parlyamento – ay si Wendel Ferdinando na taga-Central District.

Isang malaking karangalan kasi para sa mga nakakapasok sa Parliament Ground ang mabahagi sa programang ito. Taon-taon, sa 20,000 na estudyante na kumukuha ng Golden Exam, sampu lang ang kinukuha para makapasok sa prestihiyosong programang ito. Nasa 0.0005% lang ang mapalad.

Sa totoo lang, gusto ko makapasok sa sampung trainees na ito. Pero parang imposible dahil sa tindi ng competition para rito. Pero kahit naman siguro hindi ako makapasok sa sampu, okay lang. Mahirap nga makapasok sa sampu, mas mahirap naman maging future leader para sa payapang Habisig.

Kapag natapos na ng sampu ang kanilang training sa Parliament Grounds, inaassign sila sa 51 districts at bahagi sila ng representatives sa district na nakaassign sa kanila. Ibig sabihin, kailangan nilang lumipat ng tirahan at pamunuan ang kanilang district government. Para mapili ang Punong Ministro, pinagpipilian ito mula sa 51 parliament members ng lahat ng mga Habis. Ibig sabihin, may eleksyon ding nagaganap. Kada parliament member ay pinagpipilian sa district eleksyon mula sa mga district representatives.

Kaya medyo nag-aalangan ako kung sakaling makapasok ako sa sampu para sa Parliament Ground – maliban sa imposible kasi maraming matatalino – mahirap na ngang mamuno ng isang district, isang bansa pa kaya?

Pero kontra sa kaba ni Jenny, walang bumabagsak sa Golden Exam. In fact, ang mga “bumagsak”, hindi sila tuluyang “bumagsak”. Wala lang talagang kaukulang department ang pwedeng paglagyan sa kanila ayon sa kanilang skills at personality. Kaya automatikong inaassign sila sa military para sa labas, para protektahan ang Habisig.

Kung ang Parliament Grounds ang pinakaprestihiyosong department, ang Military Department naman ang pinakainaasam ng lahat. Hindi namin naisip kahit ni minsan ang mga militar bilang sacrificial lamb, tinatanaw naming utang na loob ang mapabilang dito, at marami din talaga ang napapabilang sa Military Department. Siguro sa 20000 na kumuha ng Golden Exam, 12000 ang na-aassign sa Military Department para sa pagprotekta sa loob at labas ng Pader.

“Huwag ka magalit Jacob ah, pero kanina sabi ni Prof. Martin, parang alam na niya raw ang isa sa pwedeng ma-assign sa Military Department… habang nakatingin sa’yo nung tulog ka. Kasi raw hindi mo pinag-iigihan ang pag-aaral sa politics kaya malabong makapasok ka raw sa sampu.” Inom ni Jenny sa kanyang juice sabay tali sa kanyang mahabang, kulay pula na buhok at ayos sa kanyang kulay pink na dress, na school uniform namin.

“Sus. Baka tama siya. Okay naman yata sa Military Department.” Kinukulikot ko ang na-trap na pagkain sa aking ngipin sabay inom ng tubig.

“You would look so hot! Siyempre, medyo matipuno katawan mo. Tapos matangos ilong mo. Moreno. Defined ang panga. Matangkad. Konting training mo lang siguro sa Military Department pwede ka nang itapon sa Theater Department. Hahaha!” Tukso ni Jenny habang dinaramdam ang kanyang maputing balat at pumipikit tila isang model.

Umirap lang ako para sabihing hindi ako natutuwa.

“Kaso nga lang, mga lalake mga type mo! Jusko naman kasi, kontrolado na nga ng Parlyamento ang buhay natin sana magpasa na rin sila ng batas na ang mga babae para lamang sa mga lalake at vice versa! Para tayo na lang sana bes!” At umaktong malungkot si Jenny at tumawa kalaunan. Tapos na rin akong kumain at uminom ako ng tubig mula sa bottled water nang tinitigan ko siya ng malalim.

“Uy, bes, walang ganyanan!” Nag-iba ang reaksyon ni Jenny habang dinilaan ko ang aking mga labi.

“Putang ina, kadiri ka! Alam mo ‘yun! Bes, tigilan mo ako.” Lumaki ang mata ni Jenny sabay labas ng kanyang kamao sa aking mukha.

Tumawa ako ng malakas.

“Harhar. Hoy, Jacob, kahit kailan hindi kita papatusin kasi kilala na kita mula ulo hanggang paa.” Umirap si Jenny sabay tapon ng natirang buto ng manok sa akin.

Matagal na kaming magbestfriend ni Jenny. Magkababata kami dahil sa lapit ng bahay namin noon. Kaso lumipat sila ng pamilya nila ng mas malapit sa Central District University para hindi na malate palagi si Jenny sa klase. Sa kabila ng distansya, nanatili kaming matalik na magkaibigan.

Nasa 5’4 ang taas ni Jenny at maputi ang kanyang balat. Maganda ang hubog ng kanyang katawan at para bang lahat ng bigay na damit ng Habisig ay maganda sa kanya. Maagang nalaman ni Jenny na hindi ako nagkakagusto sa mga babae. Legal ang pagiging homosexual dito sa Habisig at walang diskriminasyon – hindi kagaya sa mga Punyasenyales na pinapatay ang mga nagpapakita ng senyales na homosexual sila.

Kaso, hindi pa ako nagkakaboyfriend, pero nagkakaroon na ako ng mga sexual encounter na… enjoy. Si Jenny naman, tatlong taon na ang nakaraan nung huli siyang nagkaboyfriend at parang kailangan niya madiligan araw-araw dahil sa ingay ng kanyang bunganga na puro sex kung natatamaan ng libog.

“Tara na nga! Baka makalimutan kong magbestfriend tayo, at bakla ka – masunggaban kita. Sus ka!” Asta ni Jenny sabay tayo dala-dala ang aming mga pinagkain. Nang nadaanan namin ang washroom, nilagay na niya ang aming mga pinggan at diretso na kami sa sunod naming klase.

Naglalakad kami patungo sa Arts and Science building, sa kabilang dulo ng Central District University para sa klase namin sa Biology nang bukambibig ni Jenny ang mga crush niya sa buong semester.

“Oo! At bes! Don’t me, nag-iwan siya ng bulaklak sa locker ko last week at ewan ko na lang kung anong sasabihin ko kasi medyo naturn off ako. Pogi sana kaso alam mo ‘yun, medyo maliit ‘yung…” Isang hilaw na ngiti ang tinapon ni Jenny habang nagsasalita at kaagad ko namang nakuha ang kanyang ibig sabihin.

“Ano naman kung maliit? Baka malay mo magaling naman.” Sabi ko nang umiling si Jenny.

“Hindi! Ano ka ba. Ibang usapan ang galing. Ang usapan ay ang laki. Narinig ko nga mula sa classmate ko sa Art Appreciation na may nakakahook up daw siya palagi na importanteng tao sa Habisig. Estudyante! At sabi ni friend ang laki daw talaga mga, otso pulgada siguro. Ganern. Ibang klase rin si ate kasi hindi naman siya ganon kaganda talaga pero wow naman ate! How to be you po!” Sigaw ni Jenny nang napansin ko na ang sintas ng aking sapatos ay nalalaglag. Uupo sana ako upang itali ito muli nang may naramdaman kong may papalapit na mabibigat at malalakas na yapak na tila tumatakbo. Lilingon na sana ako nang…

BLAG! Hindi ako makakita at parang may malagkit na naramdaman ako sa aking mukha.

“Tumatambay pa kasi sa corridor, tangina naman oh! Next time, ‘huwag kayo dito magdaldalan. Nakakaasar!” Galit na usal ng lalake habang marahan kong tinatanggal ang nakaharang na malapot na bagay sa aking mga mata.

Nang natanggal ko na ang malagkit na bagay sa aking mga mata, nakakita ako ng anghel.

“Oh, ano? Tutunganga ka lang ba?!” Asar na tanong ng lalake sabay alok ng kanyang kamay para tulungan akong makatayo.


Itutuloy...


UNTIL MY LAST BULLET.

5 comments:

  1. Enter your comment...promising story...

    ReplyDelete
  2. Parang maganda ang story!
    Go author

    ReplyDelete
  3. Parang divergent/insurgent yung kwento. Dahil sa PADER. haha. Btw welcome back Cookie cutter. At last mabubuhay na tong Blogsite na to. Charot!

    ReplyDelete
  4. Wow. Atlast may bago. Susubaybayan ko to Sana mabilisan update xD

    -Rave Valentine

    ReplyDelete
  5. Putcha! Ngayon ko Lang to nabasa! Mukhang maganda ahahahaha idol talaga e ~KG

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails