Followers

Saturday, November 28, 2015

Enchanted: Broken (Chapter 8-10)

Hello Readers,

Bati portion muna tayo. Una sa lahat gusto kong batiin ang mga kilala kong manunulat na respetado at may accomplishments na.

Kay Sir Mike na pinagpapasalamatan ko talaga dahil sa pagpapa-guest post sa akin dito. Nakakalungkot na kinailangan niyang itigil ang paglathala ng sunod na kabanata ng Kuya Renan dahil sa content theft. Inaabangan ko pa naman yan.

Kay Don Caloy (Carlos Claveria) na magiliw at mapagkumbaba, na ang mga likha ay inspirasyon ng mga baguhang manunulat kagaya ko. Sinabi niya noon na maaaring downfall niya daw ang TNBK, pero sinasalungat ng kanyang readership ang pag-aalinlangan ng ating butihing may-akda.

Kay Cookie Cutter na isa rin sa mga pinakakilala dito. Ang likha niyang Gapangin Mo Ako, Saktan Mo Ako ay isa sa mga pinakasinubaybayan ng mga mambabasa, tulad ko. Wala akong masabi sa imahinasyon niya. That story inspired me to scribble notes for a crime/thriller na hindi ko pa nasisimulan. Cookie Cutter, whoever you are, sana magsulat kang muli.

Kay Sir Ponse na pinaiyak ako sa Batanes Kakayanin Natin Ito. Kay Vienne Chase at White Pal, sana magkaroon ako ng time na mabasa ang inyong mga likha. Gusto kong makipagkamay sa inyo bilang isang baguhan, isang newbie, sa pook na ito.

Gusto ko lang din batiin ang mga naging kaibigan ko na at kakulitan sa Bluerose page, sina Jhunnel (Aulric), Seyren (na manunulat rin), Bryan, Ian Kitoy, Red Benedict Lopez, Lei Abarquez, at Christian Coronado (Ministro). We don’t know each other in person, pero alam na ng mga yan kung gaano ako kakulit, kakwela, at kabaliw. Pero sa totoo lang tahimik at demure ako in person. LOL

Babatiin ko na rin yung mga nagcocomment. Salamat kina Azrael Dee, hardname, Achilis Habibi, Edison Smith, Grey Uson, Miko, at Alfred of T.O. Kay Anton Tonie Jay na nag-aabang, thank you. Sa lahat ng anonymous, I wish I knew your names, maraming salamat. Sa lahat ng readers, maraming salamat.

Mamayang gabi pa sana ako magpopost pero magiging abala ako mamayang hapon at baka makaligtaan ko. Bukas di rin pwede magpost kasi may scheduled power outage dito sa Gensan buong araw. It’s more fun in the Philippines!

Sa mga may katanungan o suhestiyon, sumali sa ating discussion page sa Facebook.

Sumasainyo,
Peter


Paalala: Ang kwentong ito ay naglalaman ng mga salita at tagpong hindi akma sa mga bata.


















Chapter 8
Mesa 

by Peter Jones Dela Cruz

Kausap ni Cindy si Bryan sa kanyang cellphone. Galit ang tono nito. “Oo na! Makikipagkita na ako mamaya. Pero walang balikang magaganap. Naintindihan mo?” Tumigil si Cindy upang pakinggan ang sasabihin ng nasa kabilang linya. “Okay, okay. Sige, mamayang alas sais. Same place.” Binaba na ni Cindy ang kanyang cellphone. Bumuntong-hininga ito at pagkatapos ay binalikan ang mga papeles sa harap. Biglang bumukas ang kanyang pinto at narinig niya ang mabilis na mga yapak patungo sa mesa niya.

“Teh!” bulalas ng kakapasok na babae na gumulat kay Cindy. “May emergency meeting daw ngayong alas diyes.”

“Bakit ka naman nanggugulat ng ganyan, Marie?” Kumunot ang noo ni Cindy.

“Eh, kasi biglang dumating si miss taray,” nanlalaking matang saad ng sekretarya.

“O, ano daw?” tanong ni Cindy habang inaayos ang mga papeles sa kanyang mesa.

“Alam mo ba kahapon ang sabi niya wala daw siya ngayon. Eh, biglang dumating kanina wala pang alas otso. Akala ko may kukunin lang,” bulong nito. “Eh, pinakansel nga niya kahapon lahat ng lakad niya ngayon kasi may importante daw siyang aasikasuhin.”

“Ganyan naman talaga ‘yan. Ngayon ka pa nagulat? Nawawala ng ilang araw tapos babalik. She owns this company. What can we do? Mga manggagawa lang naman tayo dito.” Sinaksak ni Cindy ang plug ng kanyang laptop at pinindot ang power button nito.

“Oo nga. Kaya lang parang iba talaga ang timpla ng mukha niya ngayon, eh. Parang mangangain siya ng tao.”

“Ngayon ka pa!”

Nasa ganoong pagkukwentuhan ang dalawa ng biglang bumukas ang pinto ng opisina ni Cindy.

“What are you doing here, Marie?” Nakataas ang kilay ng nakasalaming babae.

“Ma’am Sandy, kasi sinabihan ko lang si Miss Cindy about our meeting.”

“Is that how we do things around here now?”

Natameme si Marie. Nagulat din si Cindy.

“We have a bulletin board. And you could have emailed everyone. You’re wasting precious time!”

“I’m sorry, Ma’am!”

“You should be! I have zero tolerance for incompetence!” Manipis ang mga mata ni Sandy na nakatingin sa empleyado.

Si Cindy naman ay napako sa upuan at gulat rin. Hindi karaniwang bumubunganga itong boss niya. Mataray ito pero iyong mataray na matipid sa salita at mata lang ang gamit. Iyong makuha ka sa tingin ba. Lahat ng empleyado sa kompanya ay takot dito.

“Miss Gatchalian.” Inayos ni Sandy ang kanyang salamin at tumitig kay Cindy.

“Yes, Miss Sandy,” alertong sagot ni Cindy. Agad itong tumayo sa kinauupuan.

“Where are the files I was asking for? I need them in 5 minutes.” Nakatutok ang mga tingin nito kay Cindy. Animo’y kinakalkal ang kaluluwa ng dalaga.

“I’m about to hand them over, Miss.” Inayos ni Cindy ang mga folders sa kanyang mesa.

Dumako ang tingin ni Sandy sa mesa ni Cindy. “I expect HR Managers to have good organizational skills.”

Nagtaka naman si Cindy sa sinaad ng kanyang boss. “I’m sorry, Miss?”

“I meant that clutter on your table.” Matalas pa rin ang tingin ng mataray na babae.

Tumigil si Cindy sa pag-aayos sa mga folders. “I’m sorry, Miss Sandy. I was working on these files.”

Binaling naman ni Sandy ang tingin sa ibang direksiyon. “Why do I have a terrible feeling that I hired idiots in this company?” Bumuntong-hininga ito at malakas na kinabig ang pinto.

Naiwan ang dalawang babaeng nakakunot ang mga noo.

“O, siya, ihahatid ko na itong files sa opisina ng bruha nating boss. Bwisit! Nasabon pa ako.” Kinuha ni Cindy ang mga folders.

“Mga bobo daw tayo, teh! Teka, ano naman gagawin niya sa mga employee files na yan?”

“Hindi ko nga alam. Baka gagawan niya ng scrapbook.”

Sabay na lumabas ng HR office sina Cindy at Marie. Tinungo nila ang opisina ng kanilang boss. Si Marie ay pumasok sa kanyang opisina na katabi lamang ng opisina ni Sandy. Si Cindy naman ay tumuloy sa opisina ni Sandy upang ihatid ang hinihingi nitong mga dokumento. Naabutan niyang nakaaupo si Sandy sa tapat ng kanyang desk. Nakatagilid ito at hawak ang telepono.


“Nida, may dumating na ba diyan?” Tumigil sandali si Sandy upang pakinggan ang sagot ng nasa kabilang linya. “Wala pa? Check mo nga sa labas ng gate baka may iniwang box o kahit na ano.”

Dinig ni Cindy ang inis sa tono ng boss.

Pagkatapos ng halos isang minuto ay sumagot muli si Sandy sa kausap. “Wala pa rin? Kapag may dumating tawagan mo kaagad ako ha.” Agad na binagsak ni Sandy ang telepono. Inikot nito ang swivel chair upang humarap kay Cindy.


“Here are the files you were asking for, Miss.” Nakangiti si Cindy sa kanya.

“Put them on my table,” walang kaemo-emosyong saad ni Sandy. Ni hindi man lamang nito tiningnan si Cindy. Nakatuon ang mga mata nito sa mga folders na nilapag ng dalaga sa kanyang mesa.

Dahil sa hindi nabanggit ni Sandy kung bakit kailangan niya ang mga files ay naisipan ni Cindy na magtanong. “Miss Sandy, if you don’t mind, what do you need these files for?” Bilang isang HR Manager ay tungkulin ni Cindy na alamin ang mga bagay-bagay tungkol sa mga empleyado ng kompanya.

“Why do you care?” mataray na tanong ni Sandy.

“Miss Sandy, with all due respect, I am the HR Manager of this company --”

“Right! I know that. And I am the owner.” Nakatutok ang mga mata ni Sandy kay Cindy.

“I think this concerns me, Miss. I can think of only two reasons why you’re interested in these files. Either you wish to promote some employees or you wish to retrench them. Why else would you be looking into their records?”

Numipis ang mga mata ni Sandy na nakatingin sa kaharap. “Are you questioning my discretion, Miss Gatchalian?”

“No, Miss Sandy. I know this company is your family’s, and you’re the one running it. But it’s not about that. It’s about -- ”

“Enough! Bore someone else with your petty complaints.”

Hindi na nakasagot si Cindy. Bagkus ay tumalikod ito at tinungo ang pinto. Ano pa nga ba ang laban niya? Gaya ni Marie at ng iba pa, isa rin lamang siyang bayarang empleyado. Hindi niya pagmamay-ari ang kompanya. Halos apat na taon na rin siya dito. Nagsimula siya sa kompanya bilang isang branch supervisor. Noong panahong iyon ay ang ama pa ni Sandy ang namamahala sa kompanya. Isa si Cindy sa mga pinakamagaling na empleyado kaya naman napansin ito ni Mr. Imperial. Nakatanggap ito ng salary raise pagkatapos ng isang taong pagiging supervisor. Isang taon pa ang lumipas ng napagdesisyonan ni Mr. Imperial, ang dating CEO, na kunin si Cindy bilang HR Manager sa main office.

Pumasok si Cindy sa kanyang opisina nang matamlay. Mahigit isang taon na rin niyang pinagtitiisan ang kagaspangan ng ugali ni Sandy. Simula noong pumalit ito sa kanyang ama na nastroke ay naging iba na ang takbo ng kompanya. Nawala na ang dating sigla ng mga manggagawa. Takot na takot ang mga empleyado sa bagong boss. Hindi tulad ng ama, hindi ito palangiti. Hindi ito nakikipagkwentuhan sa mga tao. Palagi nitong pinaparamdam sa mga tao na siya ang boss.

Tiningnan ni Cindy ang pangalan niya sa kanyang mesa. Ano pa nga bang silbi niya dito bilang Human Resource Manager? Simula noong umupo si Sandy as OIC ay halos ito na ang naghahire ng mga bagong tao. Ang tanging trabaho na lamang ni Cindy ay record-keeping. Maganda naman ang sahod ngunit nakakaramdam siya ng kawalan ng halaga sa kompanya. Ilang buwan na rin niyang iniisip na magresign.

Umupo si Cindy sa kanyang upuan. Nagmuni-muni. Umilaw ang cellphone nito. Binasa niya ang mensahe.

“I love you, babe! <3 <3 <3”

Hindi nagreply si Cindy na nakokornihan sa text ng lalaki. Wala ito sa tamang timpla upang patulan ang dating nobyo.

Umilaw ulit ang kanyang cellphone. May text muli galing sa dating nobyo. Binaba ni Cindy ang kanyang cellphone. Isa pang text. Hindi na tuluyang pinansin ni Cindy ang cellphone. Ilang beses itong umilaw, subalit nakatingin lamang si Cindy sa kawalan. Iniisip ang gagawing hakbang, kung mananatili pa ba sa kompanya o aalis na. Bukod kasi sa masamang ugali ng boss na babae ay buryong na buryong na siya. Maraming mga araw na halos wala siyang ginagawa sa opisina niya. Minsan ay nauubos ang buong araw nito sa paglalaro ng candy crush o kaya naman ay pagfe-facebook.

Biglang naalala ni Cindy ang binatang nakilala sa bar noong nakaraang Sabado. Nasaan na kaya iyon? Bakit hindi man lang nagtext?

Dumating ang oras ng meeting. Nasa isang conference room sila at nakaupo sa malaking mesa. Halos dalawang oras ang lumipas, at kitang kita sa mga opisyales ng kompanya ang pagkaburyong. Ni hindi maintindihan ni Cindy ano ang pakay ni Sandy sa emergency meeting na wala naman itong binigay na klarong layunin. Humingi lang ito ng reports at nilahad ang mga plano nito. Kita sa ekspresyon ng mukha ni Sandy ang masama nitong timpla.

Pagkatapos ng walang kakwenta-kwentang meeting ay nagsilabasan na ng conference room ang mga gutom na empleyado. Naiwan si Sandy sa conference room na nakapangalumbaba.

“Sabi ko sa iyo, eh, may iba sa kanya ngayon,” wika ni Marie habang naglalakad silang dalawa papunta sa elevator.

“Ganyan naman siya lagi,” sagot ni Cindy.

“Hindi, ‘no! Oo, lagi siyang may topak, pero today parang trumiple ang topak ng lola mo,” nanlalaking matang saad ni Marie. “Hindi mo ba siya napapansin kanina? Tulaley.”

“Parang wala nga sa sarili, eh. Parang iba ang iniisip.” Pumasok na ang dalawa sa elevator at doon pinagpatuloy ang kanilang bulungan.

“Nagtatanong ng financial records. Ano bang inaasahan niya pagkatapos ng kanyang mala-genius na pagpapatakbo nitong company?”

“Hindi nga siya nakikinig sa accountants natin, eh. Parang tumatango lang na wala naman talagang naiintindihan.”

“Kawawa talaga si Mr. Imperial. Mukhang malulugi itong kompanya sa pamamahala ng ‘competent’ mong boss, Cindy.” Ginaya naman ni Marie ang linya ni Sandy sa kanina sa loob ng opisina ni Cindy. “I have zero tolerance for incompetence.”

Ngumiti na lamang si Cindy. Nakalabas na sila ng elevator at nasa ground floor na.

“Marie, pwede ba sa iba tayo kumain? ‘Wag dito sa cafeteria. Umay na ako dito.” Ang totoo gusto ni Cindy na sabihin kay Marie ang plano nitong pagreresign, at ayaw niya itong pag-usapan nila kasama ang mga co-workers nila patungo rin sa cafeteria. Lumabas sila ng building, at naglakad patungo sa mga malalapit na kainan.

Pumasok sila sa isang restaurant na wala gaanong taong kumakain. Medyo mahal kasi ang mga putahe. Umorder ang dalawa at hinintay sa kanilang mesa ang kanilang mga pagkain.

“Walang akmang admin skills si madam,” saad ni Cindy. “Wala siyang alam sa pagpapatakbo ng company.”

“Oo nga. Alam kaya ng daddy niya na pakonti na nang pakonti ang revenue ng company?”

Umiling lang si Cindy at tumingin sa labas.

“Alam mo, binuksan ko ‘yung files galing sa accounting office.”

“Authorized ka ba na tingnan ang mga yun?”

“Wag ka maingay.”

Natawa si Cindy.

“Nako po! Around 50 million ang nawawala sa kompanya kada buwan. Sabi sa akin ni Louie, iyong taga accounting, kapag ganito pa rin ang trend ay malulugi ang kompanya in 6 months.”

“Eh, pa’no naman kasi, mukhang hindi naman niya kinakausap ang mga investors. She’s ignoring her dad’s business partners. Hindi niya rin binibigyang halaga iyong mga malalaking buyers.”

“Nagtataka rin nga ako. Kasi halos linggu-linggong wala ‘yan. Ano kayang ginawa niya?” Kumunot ang noo ni Marie.

“Di ba dati siyang doktor? Sa tingin ko kasi ayaw niya talagang patakbuhin ang kompanya.”

“Eh, di sabihin niya sa daddy niya nang makapag-appoint ito ng ibang magpapatakbo, ‘yong marunong,” saad ni Marie na medyo napataas ang boses.

Halos maubos ang tatlompung minuto sa paglibak ng dalawa sa kanilang boss.

Tumingin si Marie sa relos nito. “Tagal ng order natin. Kaya pala konti lang kumakain dito, antagal nila magserve.”

“Nasa Davao pa daw kasi ang ingredients.” Natawa na lang si Cindy.

“Ano ‘to? Isasakay pa sa eroplano ‘yung order naten? Kaloka ha!”

Sumiryoso ulit ang mukha ni Cindy. “Marie, magtatagal ka pa sa kompanya?”

“Hindi ko alam. Ikaw?”

“Nag-iisip na kasi ako na magresign. Halos more than one year na rin kasi na buryong na ako sa trabaho ko.”

“Hoy, kung aalis ka aalis rin ako.”

“Bakit naman?”

“Ayoko maiwan mag-isa kasama nung bruhang Sandy. Tsaka ikaw na lang ang ka-close ko sa loob.”

“Baka in 2 or 3 months aalis na ako.”

“Anong plano mo?”

“Mag-aabroad siguro. Inaantay na rin ako ng ate ko sa Canada.”

“Ano work ng ate mo dun?”

“Caregiver.”

“Magke-caregiver ka rin?”

“Hindi! Pero why not?”

“Di ba nurse ate mo?”

“Mahirap magnurse dun. Maraming requirements. Okay na din naman siya sa ganoong trabaho.”

Dumating na ang order nila. Hinain ang umuusok na sopas at iba pang dishes. Napasigaw naman ang pilyang si Marie. “Hay nako, finally. Akala namin aabutin ng bagong taon ang order namin.”

Napangiti lang ang serbidorang nakauniporme sabay saad ng, “Enjoy your meal.”

Ngumiti lang nang hilaw si Marie, si Cindy naman ay tumango.

Malapit ng mag-ala-una nang matapos kumain ang dalawa. Chineck ni Cindy ang cellphone. May 20 unread messages. Lahat ay galing kay Bryan.

Napansin ni Marie ang pagsimangot ng kaibigan. “Si ex-jowa na naman ba ‘yan?”

“Sino pa nga ba?” Tumaas ang isang kilay ni Cindy habang tinitingnan ang telepono.

Ngumisi lang si Marie. “Balikan mo na kasi ‘yan.”

“Buti sana kung tumitino. Hindi naman.” Umirap si Cindy at bumuntong-hininga. “Halos 5 years ko na ding iniintindi ‘yun. Minsan iba din ang timpla.”

“Katulad pala ni Miss Sungit dun.” Ngumuso naman si Marie sa direksiyon ng kanilang building. Nagtawanan silang dalawa. “Pakilala mo kaya ‘yang ex mo kay Ma’am Sandy.”

Kumunot ang noo ni Cindy.

“Malay mo naman baka magkasundo at sila ang makapagpaamo sa isa’t isa.” Tumawa ulit si Marie.

“Malamang.” Inayos ni Cindy ang kanyang buhok. “Babaero ‘yun.”

Tiningnan naman ni Marie ang kanyang mukha sa salamin ng kanyang pressed powder. “Ilang beses mo ng nabanggit.”

“Ikaw ba, bakit hindi ka pa nagbo-boyfriend?”

“Alam mo, teh, itong ganda ko” -- sabay lagay ni Marie ng kanyang kamay sa kanyang baba -- “para sa mayamang lalaki lang ito, not for poor dicks.”

Natawa naman si Cindy at halos masamid. “Hoy, ‘yang bunganga mo.”

“Ay, conservative? Vumivirgin, teh?”


Tawanan.


----------------------------------------------------


Chapter 9
Halo-Halo
by Peter Jones Dela Cruz

Martes ng tanghali nang dumating si Ivan sa bahay nina Errol. Inaasahan na ni Errol ang pagdating ng binata dahil sinabi nito noong nakaraang gabi na papanhik ito. Maagang naligo si Errol at nag-ayos ng sarili nang hindi naman ito mapahiya sa pagdating ng bisita. Nag-ayos din ito ng bahay. 

Dumating si Ivan na naka-T-shirt na medyo hapit na naman at denim shorts na abot tuhod. Mukhang bagong ligo ito. Kumatok ito sa pinto na agad namang binuksan ng nakangiting si Errol. Nagngitian ang dalawa. Habang inaalis ng matangkad at matipunong bisita ang kanyang sunglasses, hindi maikukubli ni Errol ang matinding paghanga dito.

Agad namang niyakap ni Ivan ang kaharap na ikinagulat nito. Subalit sinagot na rin ni Errol ang yakap ng bisita at pinapanangaling hindi nito mapansin ang malakas na kabog ng kanyang dibdib hanggang sa maghiwalay ang kanilang mga katawan. Inimbitahan na ni Errol ang bisita sa loob at pinaupo. 

“Okay ka na ba?” tanong ni Ivan.

“Okay naman talaga ako. Pagod lang siguro, sabi nga ni dok.” Ngumiti ito. “Ni wala nga akong nararamdaman.”

“Ganun ba?” Inangat ni Ivan ang dalang paper bag. “Nagdala nga pala ako ng Blu-Ray movies para malibang tayo.”

“Wow!” Agad namang inalok ng maiinom ni Errol ang bisita. “Softdrinks or juice?”

“Lunchtime na.” Natawa naman si Ivan.

Nasilayan na naman ni Errol ang mga pantay na mapuputing ngipin ng binata. Hindi na naman nito mapigilan ang masidhing paghanga sa kanya. Ngunit bago pa man siya tuluyang matulala ay sumagot na ito. “Bili muna ako ng ulam.” Napakamot naman siya sa ulo -- “Hindi kasi ako marunong magluto.” 

“Kain na lang tayo sa labas.” Nginitian niya si Errol. “Alanganin na rin magluto.” 

“Nakakahiya naman sa iyo, Ivan,” saad ni Errol. “Teka, magbibihis muna ako.”

“Okay na ‘yang suot mo.”

“Ha?” Yumuko si Errol upang sipatin ang suot at sumimangot. Ngunit hinila na siya ni Ivan.

“Halika na. Nagugutom na ako.”

Nang makarating sila sa mall ay nagpasya silang kumain sa food court. Maraming mga tao. Medyo nailang naman si Errol dahil sa suot nitong pambahay samantalang halos lahat ng kumakain ay nakauniporme. Si Ivan naman ay umakbay lamang kay Errol habang palingon-lingon sa mga stalls. 

Nang makaorder ng makakain ay nagpasya silang umupo sa isang mesang bago lang inalisan ng dalawang magkasintahan. Mag-uumpisa na sanang kumain ang dalawa nang tinawag ni Ivan ang atensiyon ng kasama. 

“Tingin ka sa kaliwa mo.”

“Bakit?” tanong ni Errol na lumingon sa kaliwa. Bahagya itong kinabahan sa lalaking nakitang nakaupo na tila ay may tinitext. Mag-isa lang ito sa mesa nito at seryoso ang mukha. “Hindi naman siguro siya gagawa ng eksena dito.” Umiwas na ng tingin si Errol.

Si Ivan ay nakatingin pa rin ng masama dito hanggang sa magtama ang mga tingin nila. Nakita lamang nito na tumayo ang lalaki at naglakad patungo sa mesa nila. Agad namang tumayo si Ivan na ikinabahala ni Errol.

“Ivan...” Kinabahan si Errol. 

“Pare, kung manggugulo ka dito, antayin mo na lang kami matapos kumain tas sparring tayo sa labas. Ano?” Pinandilatan ni Ivan ang lalaking nasa tapat na ng mesa nila habang pinapatama ang isang kamao sa kanyang palad.

Subalit ngumiti lang ang lalaki at inabot ang kamay nito kay Ivan. “Bryan nga pala.” Hindi tinanggap ni Ivan ang kamay nito kaya naman ay binaling nito ang kamay kay Errol.

Inangat ni Errol ang tingin sa pamilyar na lalaki at dahan dahang tumayo at tinanggap ang kamay nito. Pero hindi siya umimik.

Napakamot si Bryan sa ulo. “Pasensiya ka na talaga nung Sabado. Medyo nalasing ako nun, eh.”

Agad namang sumabat si Ivan. “Alam mo, pare. Nalalasing din naman ako pero di ako nambabastos.”

“Pasensiya na nga...” 

“Hindi excuse ang pagiging lasing,” pabagsak na saad ni Ivan. “Maraming nalalasing na hindi nanggugulo o nag-aamok.”

“Okay, okay.” Tinaas ni Bryan ang mga kamay at hinarap ang nakabukas na mga palad sa dalawa. “Kasalanan ko talaga. Sige, para makabawi ako, lilibre ko kayo ng halo-halo.”

Nagtinginan si Ivan at Errol. Tumago naman si Errol at ngumiti ng bahagya.

“Sige. Pero pag-inulit mo ‘yon kahit kanino, humanda ka sa akin.” Napangiti na rin si Ivan at inabot ang kamay nito. “Ivan nga pala.”

Matapos kamayan si Ivan ay nag-order ng halo-halo si Bryan at pagkatapos ay agad bumalik sa mesa nila. Nilapag nito ang dalawang baso ng halo-halo na ikinatakam ni Errol. 

“Bakit dalawa lang?” tanong ni Ivan.

“Busog pa kasi ako. Kakatapos ko lang kumain. Peace na ba tayong tatlo?”

“Okay na. You’re forgiven,” sagot ni Errol. 

Tumango lamang si Ivan.

“Siya nga pala,” Ngumiti si Bryan at binulsa ang mga kamay, “may kailangan pa akong puntahan. Enjoy your lunch.” 

Ngumiti rin si Ivan. “Salamat sa halo-halo, pare.”

“Siya nga pala...” Tumingin si Bryan kay Errol at pagkatapos ay kay Ivan. 

“Ano ‘yun?” tanong ni Ivan.

“Um” -- napakamot si Bryan sa ulo at ngumisi, tila nag-aatubili -- “bagay kayo!”

“Ulol!” sigaw ni Ivan.

Tumawa si Bryan at kumaway sabay naglakad papalayo. Lihim na kinilig si Errol, ngunit di niya maikubli ang pamumula.

“Bagay daw tayo. Loko-loko,” saad ni Ivan habang tinitikman ang halo-halo. 

Si Errol naman ay tahimik lamang na nakatingin sa kasama,tahimik na minamasdan ang tawa at kilos nito. 

“Tahimik ka na diyan.” 

“Ah, wala. Naalala ko lang ‘yung nangyari nung Sabado.”

“‘Wag mo na isipin ‘yun. Nagsorry na naman.”

“Oo nga eh.” Nagsimula ng kumain si Errol nang makitang kumakain na rin si Ivan na hindi muna ginalaw ang halo-halo. Matapos kumain ng dalawa ay nanatili pa sila sa mesa at nag-usap. 

“Madalas ka bang mabastos at masabihang...” Nag-atubili si Ivan.

“Bakla?” dugtong ni Errol. Umiba ng tingin si Errol. “Noong bata, madalas. Ngayon hindi na masyado. Sanay na rin ako.”

“Pero, totoo ba na...”

“Bakla ako? Oo.”

“Okay lang ‘yan. Disente ka naman.”

“May bakla bang hindi disente?” Natawa nang bahagya si Errol.

“Yung mga nagdadamit babae at nagme-makeup?” 

“Ngee. Iba-iba naman kasi ang mga bakla. May mga nagko-cross-dress at may mga katulad ko na hindi.”

“Alam ba ng mga magulang mo?”

“Oo, matagal na. Tanggap na nila ako.”

Sandaling katahimikan ang tumuldok sa kanilang pag-uusap. Hanggang sa magpasya silang umalis na. Naglakad-lakad ang dalawa sa loob ng mall at nag-uusap.

“Hindi ka ba naiilang na ako kasama mo?” tanong ni Errol.

“Hindi naman. Bakit naman ako maiilang?” 

“Kasi, di ba, lalaki ka tapos bakla ako. Medyo malambot pa naman ako kumilos.” 

Ngumiti si Ivan. “Ano namang masama? Eh, sa gusto kitang kasama.” 

“Oo nga naman.”

“Bakit ikaw ba naiilang ka na kasama mo ako?” 

“Medyo?”

Agad namang napalingon si Ivan at ginulo ang buhok ni Errol. “Anong medyo? Loko-loko ka!”

“Ah, eh...”

“Naiilang ka talaga sa akin?”

“Gwapo mo kasi.” Biglang umiba ng tingin si Errol.

Lumawak ang ngiti sa mukha ni Ivan. “Alam ko na ‘yan.” 

Walang maisip na idugtong si Errol sa usapan. Napatingin lang siya kay Ivan na nakangiti. Sa puti nitong hapit na t-shirt ay litaw ang kakisigan nito. Hindi maiiwasang mapatingin dito ang mga nakakasalubong nito mapababae man o lalaki. Dumako ang tingin ni Errol sa buhok ng kasama pagkatapos ay sa mukha nito hanggang sa maganda nitong ilong at sa malarosas nitong mga labi. Hindi talaga maiwasan ni Errol na humanga sa bagong kaibigan. Ang mga braso nitong matipuno ay halos pumunit na sa mga manggas ng kanyang suot, at ang mga utong niya ay nagmamarka sa t-shirt kung saan ay hubog na hubog ang kanyang dibdib. 

“Nakatulala ka na naman sa akin, ha.”

Bigla namang bumalik sa wisyo si Errol. “Ah, eh...”

“Ikaw ha. Sige ka baka magselos bf mo niyan.”

“Wala akong bf. Baka nga ikaw hinahanap na ng gf mo.”

“Di ba nga wala akong gf?”

“Maniwala ako. Sa gwapo mong ‘yan, imposible.”

“Promise, wala talaga. Ikaw, mukhang close kayo nung Erik, ah.”

“Hindi. Kasama ko lang ‘yun sa school.”

“Eh, bakit concerned sa’yo? Sus!”

“Magkaibigan kasi kami. Tsaka, may girlfriend ‘yun.”

“Ah, okay.” Ilang segundong tahimik si Ivan. Binulsa nito ang mga kamay at lumingon sa kasama. “Gusto mo ba magka-bf?”

“Bakit?” Iniwasan ni Errol ang sulyap ng binata.

“Sige, tutulungan kitang maghanap.” Umiba ng tingin si Ivan. “Ano ba ang tipo mo sa lalaki?”

Yung tulad mo. “Ah, eh. Basta mabait.”

“Parang ako, mabait.”

“Talaga lang ha.” Natawa si Errol. Biglang may narinig silang nagtilian.

“Siiiiiiiiir, akala namin napa’no ka na!” sigaw ng isang babae na kumaripas patungo sa kinatatayuan ni Errol.

“Hala si Sir. Kaya pala umabsent kasi may date! Isusumbong kita, Sir,” saad din ng isang babae.

“Kumain lang kami. Wala kasing luto sa bahay. Pauwi na rin kami,” sagot ni Errol.

“Sir Errol, pakilala mo naman kami kay Mr. Pogi,” saad ng isang beking estudyante na pakembot-kembot na naglakad patungo kay Errol at ngumuso kay Ivan, dahilan upang matawa ang huli.

“Sir, grabe ka! Pinagpalit mo na talaga ako,” saad ng gwapong estudyante na may pahawak-hawak sa dibdib nito. “Alam mo ba, sir, kung ga’no kasakit dito?”

Natawa naman si Errol. “Baliw!”

“Guys, tara na at malapit na ang time. Hayaan na natin sina sir,” asik ng naunang babae. “Bye, sir! Bukas pasok ka na, sir, ha. Mamimiss ka namin.”

“Oo, bukas papasok na ako.” Nagpatuloy na sa paglalakad sina Errol. 

“Ang kulit ng mga students mo grabe.” saad ni Ivan.

“’Yung klase nila ang may pinakamakukulit na students.”

“Buti nakakaya mo. Kung ako, baka nagresign na ako after one week.”

“Sanay na ako sa mga ‘yun. Mababait naman ang mga ‘yun. Makulit nga lang at kulelat lagi sa quizzes at exams.”

“Buti ka pa nakakaya mo ang pagtuturo.” Inakbayan ni Ivan si Errol habang humahakbang sila sa escalator na pababa. “Ako parang di ko talaga kaya. Iniisip ko pa lang, nasstress na ako.”

“Iba-iba naman kasi tayo ng field.” Humawak si Errol sa hawakan ng escalator. “Pero alam mo nakakapagod talaga minsan. Di rin ako magtatagal sa school.”

“Bakit naman?”

“Di ba nga gusto ko magtrabaho sa isang lab?”

“Ah, oo nga pala, nabanggit mo nga pala ‘yan. Eh, sa love ayaw mo magtrabaho?”

“Ang korni!” Natawa si Errol. Teka, bakit nasa isang baitang lang sila? Hindi nga pala makalipat ng baitang ng escalator si Errol kasi nakaakbay sa kanya si Ivan.

“Korni ba, ser?” Napakamot si Ivan sa ulo. “Para naman may lablayp ka ng tinatrabaho” 

“Wala nga akong love life na tatrabahuin, eh.”

“Hayaan mo, makakahanap ka rin. Tutulungan kita.” Kumindat si Ivan.

“May kindat talaga?” Nasa first floor na sila ulit. 

“Ayaw mo ba?” Ngumisi si Ivan.

“Wag ka nga masyado ngumiti.”

“Bakit, sir?”

Baka mahalin kita. “Maiba tayo. Okay naman pala ‘yung Bryan, ano?” 

“Baka ganon lang talaga siya paglasing.”

“Baka nga. Tingin mo nagkabalikan na sila nung gf niya?”

“Aba malay ko.” Lumingon-lingon si Ivan. “Pag binastos ka ulit nun o ng kahit na sino, tawagan mo ako, ha, para maupakan ko.” 

“Grabe. Kaya ko na ang sarili ko. Tsaka sanay na rin ako.”

“Ah, hindi. Hindi pwedeng ginaganyan nila si Sir Errol.”

Natigilan si Errol. Hindi niya alam ang isasagot. May kung anong kumislot sa kanyang dibdib.

“Uy, may nasabi ba ako?” 

“Wala,wala...” Hindi naman maintindihan ni Errol ang nararamdaman. Parang gusto niyang maiyak sa galak.

Napangiti naman si Ivan at humawak sa balikat ni Errol. “Pag may nambastos sa’yo, sumbong mo sa akin.”

“Pa’no pag si Hulk?”

“Eh, di sabay tayo tumakbo!” Nagtawanan silang dalawa. Umakbay si Ivan kay Errol habang naglalakad sila palabas ng mall. “Oy, bili tayo ng pizza para may makain tayo while watching movies sa bahay niyo.”

“Dalawang daan na lang pera ko.”


-------------------------------------------------------


Chapter 10
Sinaing
by Peter Jones Dela Cruz

Pagkatapos mag-ayos ng kanilang mga sarili sina Cindy at Marie sa restroom ng restaurant kung saan sila nananghalian ay bumalik na sila sa opisina. Malamig. Tahimik. Ang mga tao ay abala sa kani-kanilang mga ginagawa. 

“Welcome back to your boring cell, Cindy.” Ito na lamang ang nasambit ni Cindy matapos buksan ang ilaw sa kanyang silid. At dahil wala naman talaga siyang gagawin sa araw na ito ay napagpasyahan niyang maglinis sa loob. Inayos niya ang kanyang mga files. Inorganize ang mga ito. Chineck niya rin ang emails niya. Wala namang messages na importante. Alas dos y media na nang matapos si Cindy sa mga ginagawa. Napagpasyahan niyang umidlip sa kanyang mesa.

Katahimikan.

Nagulantang na lamang si Cindy nang marinig ang malakas na tili. Nasulyapan niya ang orasan. Pasado alas kwatro na. Lumabas siya ng kanyang silid. Nagsipagtakbuhan ang mga empleyado papunta sa opisina ng kanyang boss. Tinanong niya ang isa sa mga ito. “Nigel, ano’ng nangyari?”

“Di ko rin alam, Miss Cindy. Pupuntahan nga namin, eh.”

Nakitakbo na rin si Cindy papunta sa opisina ng kanyang boss. Isa pang tili ang umalingawngaw kasabay ang pagkamatay ng mga ilaw sa kanilang opisina. 

“Nako po. Brownout pa talaga,” saad ng maliit na lalaking nakaunipormeng pang-opisina.

“Has anybody called the guards?” 

“May tumawag na po, Miss Cindy,” sagot ng lalaking katabi ni Cindy.

Nakalock ang kanyang pinto. Kinatok ito ni Cindy. “Miss Sandy... Miss Sandy, are you all right?”

Walang sumagot. Wala pa ring kuryente. Lumabas si Marie sa kanyang silid. 

“Marie, ano’ng nangyari?” 

“Hindi ko nga rin alam kasi nagtatype ako tapos bigla ko na lang narinig ang sigaw ni Ma’am Sandy.”

“Masisilip mo ba siya mula sa office mo?” 

“Hindi nga, eh. Madilim sa loob. Wala akong maaninag.”

“At talagang timing ang pagkawala ng ilaw.” Lumingon si Cindy kay Nigel at sa mga tao sa tabi nito. “Has anybody called our in-house electrical engineers? Bakit hindi pa rin bumabalik ang ilaw natin? We have generators for crying out loud!” Napataas na ang boses ng dalaga.

“Ma’am Cindy, naka-on na po ang generators pero parang di umubra,” saad ng isang lalaki.

Lumingon si Cindy sa kinaroroonan ng lalaki. Kahit hindi niya ito makita ng maayos dahil sa dilim ay kilala niya ang boses nito. “Oh, there you are, Engr. Mapua. So what’s the problem this time?”

“Chinecheck pa po namin ang mga makina, ma’am. Pero parang okay naman po ang generator sets natin.”

Nadismaya si Cindy sa narinig. “Somebody fetch the property custodian. We need the spare keys to this room. Now!” 

Agad inutusan ni Nigel ang dalawang empleyadong katabi.

“Kalma, teh.”

“Don’t we have flashlights?”

“Ma’am, di po gumagana.”

“What!” bulalas ni Cindy sa silweta ng empleyadong naiilawan ng mahinang liwanag galing sa malayong bintana. Bumaling ang dalaga kay Marie. “Yung cellphone mo.”

“Ah, teh, low bat.”

“Malas naman.”

Halos magsasampung minuto na nilang kinakatok ang opisina. Wala pa rin. Parang walang tao sa loob. Tahimik ito.

“Ma’am Cindy, ito na ho ang susi.” Inabot ng isang babaeng empleyado ang susi kay Cindy. 

Dahil walang gumaganang flashlight ay kinapa na lang ni Cindy ang butas ng doorknob at pinasok ang susi. Nabuksan na nila ang pinto. Walang anu-ano’y bumalik ang ilaw. Walang tao sa loob. Takang taka ang lahat. Walang nagulo. Walang senyales ng gulo o awayang naganap. Pumasok ang dalawang gwardiya.

“May naging bisita ba si Miss Sandy?” tanong ni Cindy sa mga gwardiya.

“Wala naman po, ma’am. Kayong dalawa po ni Ma’am Marie ang huling naitala namin sa logbook sa mga emplyedo dito sa Hedgeworth office,” sagot ng isa sa mga gwardiya. “Ano po bang nangyari, ma’am?”

“May narinig kaming sigaw, at malamang si Miss Sandy ‘yon,” sagot ni Cindy na nagtataka pa rin. Tinungo niya ang bintana at hinawi ang kurtina nito. Nakasara ito. Binuksan ito ni Cindy. Sumilip sa ilalim. Wala naman sigurong aakyat dito para lang manindak. Tiningnan ni Cindy ang baba. Walang katawang bumagsak. Tiningnan niya ang mga taong naglalakad. Walang kakaiba. “Has anybody seen Miss Sandy go out of this office?”

Umiling ang lahat. Walang nakakita. Nakakapagtaka ito. 

“Maybe we should just all go back to our stations. Malapit na rin naman ang uwian,” saad ni Cindy. Tiningnan niya na nagsipag-alisan ang mga tao.

“Ma’am, tawagan niyo lang po kami if may problema,” saad ng isa sa mga gwardiya.

“Hindi ba tayo tatawag ng pulis?” tanong ni Marie.

“Ano naman ang sasabihin natin?” tanong din ni Cindy.

“Na nawawala si Ma’am Sandy?”

Umiling si Cindy. “Wala pang bente kwatro oras. Tsaka, 31 years old na si Miss Sandy. Isa pa, walang nakakaalam kung ano talaga nangyari. Baka may nakaaway lang sa telepono.”

“Baka umalis lang si Ma’am at wala lang nakapansin,” wika ng isang gwardiya. “Sige po, balik na kami sa pwesto namin.” Lumabas na ang dalawang gwardiya.

Nagtinginan si Cindy at Marie, tinginang may pagtataka. 

“Wala ka ba talagang napansin?” tanong ulit ni Cindy.

Nagkibit-balikat si Marie. Bumalik na ito sa kanyang opisina. Si Cindy ay naiwan sa opisina ni Sandy. Muli niyang ginala ang kanyang tingin, naghahanap ng bakas ng nangyari hanggang mapadako siya mismo sa mesa ng boss. Isang diyaryo ang nandoon. Kinuha ito ni Cindy. 

Binasa ni Cindy ang balita. Nakasaad dito na isa sa mga magnanakaw sa National Museum ay patay dahil sa bali sa leeg. Ang isa naman ay nahuli na. Wala sa mga ito umano ang mga ninakaw na artifacts. 

Nag-isip si Cindy. Imposible namang ito ang dahilan ng pagsigaw ng kanyang boss. At dahil naumay na si Cindy sa kakaisip kung anong maaaring nangyari, ay bumalik na ito sa kanyang opisina at doon hinintay ang uwian. 

Nagtext muli si Bryan. “Babe, mamaya ha. Kitakits. Mwuah!”


* * *


Tahimik ang kwarto ni Sandy. Nakahawi ang kurtina sa bintana nito kung saan dumungaw ang sikat ng araw na inilawan ng bahagya ang malungkot na silid na noo’y walang tao. Nakatanaw sa di kalayuan ang imahe ng lalaking tinawag minsan ni Sandy ng papa. Seryoso ang mukha nito sa larawan, animo’y naninipat. Malinis ang silid, halatang pinapanatiling maayos ng mga kasambahay. 

Sa gitna ng katahimikan ay biglang lumitaw ang maitim na usok sa gitna ng ere. Lumaki ang usok na halos lamunin ang buong kwarto. Dumilim ang buong kwarto. Kahit ang sinag ng araw ay walang magawa kundi umurong sa tindi ng kadilimang bumalot sa silid. 

Isang pinong tili ng isang babae ang pumunit sa katahimikan. Ilang segundo pa ang lumipas at lumakas na ang sigaw na may ngitngit. Sa gitna ng usok ay biglang lumitaw si Sandy.

“Mga walang silbi!” Tinumba ng babae ang bedside table at natapon ang plorerang nabasag sa sahig. 

Unti-unting nawala ang madilim na usok at nagliwanag ang paligid. Bumalik ang sinag ng araw na bahagyang nagbigay ilaw sa kwarto. 

Tiningnan ni Sandy ang larawan ng tunay na ama. “Papa, pinapangako ko na makukuha ko ang mga bato at maipaghihiganti kita at maipagpapatuloy ko ang nais mo.” Galit na galit pa rin ito. 

Biglang kumatok ang isa sa mga katulong. “Ma’am Sandy, kayo po ba iyan? Ma’am, may problema po ba? Parang narinig ko kasing may sumigaw.”

Kinalma ni Sandy ang sarili. “Okay lang ako, Nida. May kukunin lang ako. Aalis din ako agad.”

“Okay po, ma’am.” 

Narinig ni Sandy ang mga yapak papalayo sa kanyang kwarto. “Alam kong may sumabutahe sa plano. Ang tagaingat. Siya lamang ang maaaring... Oo, tama.” Palakad-lakad si Sandy na kinakausap ang sarili. Agad niyang kinuha ang lumang kahon at binuksan ang lumang libro. Nagpupuyos siya galit habang binubuksan ang lumang aklat na may mga sulat-kamay ng mga orasyon. “Alam kong nasa iyo na ang mga bato. Pero hindi mo maaangkin ang mga ito.”

Tumigil si Sandy sa isang pahina. Sandaling tiningnan nito ang nasa pahina at tumayo. Naglakad ito sa isang bahagi ng kanyang malawak na silid na may mga libro. Isinuong nito ang kamay sa bakanteng parte at may pinindot sa dingding. Biglang umikot ang dingding na may mga libro at lumitaw ang isang sekretong silid kung saan pumasok ang dalaga. 

Dahan-dahang sumara ang dingding at naiwan si Sandy sa madilim na silid. Agad na sinindihan nito ang limang kandila. Nailawan ang madilim na kwarto. Lumitaw ang mga lumang kabinet na may mga lalagyan ng mga dahon, kakaibang uri ng bato, mga buto, bungo ng tao, at kung anu-ano pa. Sa isang sulok ay may lumang kalderong nakapatong sa isang bilog na mesa. 

Nilapag ni Sandy sa sahig ang mga kandila at pinormang pentagono. Agad na may kinuha ang babae sa kabinet. Isang boteng may lamang puting powder na parang asin. Binudbod niya ito sa sahig na lumikha ng linyang kumonekta sa mga kandila. Kasunod ay kumuha siya ng tuyong palaspas, at pagkatapos ay pumasok sa pentagong ginawa, pumikit, lumuhod, at pagkatapos ay umupo na hawak ang palaspas na itinaas-baba nito habang nakapikit. 

“Kinaroroonan ng matandang tagaingat ipakita sa akin...”

Nilakasan pa niya ang pagbigkas sa orasyon. “Kinaroroonan ng matandang tagaingat ipakita sa akin!”

“Kinaroroonan ng matandang tagaingat ng mga bato ipakita sa akin!”

Biglang lumakas ang apoy mula sa mga kandila at nagliwanag ang silid. Kita sa ningning ng mga mata ni Sandy ang paglagablab ng apoy. Biglang lumitaw ang mga imahe sa apat na dingding ng silid. Mga imahe ng Kamaynilaang napapalitan ng mga imahe ng kabundukan, kagubatan, karagatan, at kabahayan. Ngunit mas tumindi ang liwanag na sumilaw kay Sandy. “Hindi maaari!”

Lumitaw ang galit na anyo ng matanda sa bawat sulok ng silid at nagwika ito. “Sino ka!” Agad umangat ang mga apoy sa ere at nilisan ang mga kandilang naiwang umuusok sa sahig. Naging hugis bilog ang limang apoy at pinalibutan ng mga ito si Sandy. Nagpaikot-ikot ang mga ito papalapit sa babaeng tila ay walang nagawa kundi pagmasdan ang mga naglalarong ilaw. 

“Ibigay mo ang mga bato!” sigaw ni Sandy.

Namamaos man ay napasigaw ang matandang ang mga imahe ay nasa bawat dingding ng maliit ng silid ni Sandy. “Hindi kita kilala. Kung anuman ang balak mo itigil mo na. Hindi ka magtatagumpay.” 

“Ikaw ang hindi magtatagumpay.” Inikot ni Sandy ang kanyang mabalasik na tingin sa bawat sulok ng silid na iyon. “Pagbabayaran mo ang kapangahasan mo. Hindi lamang ikaw ang ang may kakahayahang kontrolin ang liwanag at dilim.” Sa pagkakataong ito ay ngumisi si Sandy. Inangat niya ang mga bisig. Pumwersa siya at pumikit. 

Tumigil sa pag-ikot ang mga bola ng liwanag. Nanginig ang mga ito sa ere. Tila ay nilalabanan ng mga ito ang salamangka ni Sandy, ngunit nilakasan pa ni Sandy ang kanyang pwersa at nagpakawala ito ng isang sigaw. Agad na nagliparan ang mga ilaw tungo sa mga dingding. Nalusaw ang mga imahe ni Melchor. Bumalik ang kadiliman.


* * *


Sa kabilang dako ay biglang tumumba sa sahig ang isang matandang madungis na nakahawak sa kanyang dibdib. Halata sa ekspresyon nito ang sakit na nadarama sa dibdib pati na rin ang hirap sa pagtayo. Natapon ang sinasaing nito sa sahig, at muntik na siyang masabuyan ng nagniningas na mga kahoy. Mabilis na tumayo ang matanda at tiningnan ang baul na naangkin mula sa mga magnanakaw noong nakaraang gabi. Binuksan ito ng matanda. Lumitaw ang apat na batong iba-iba ang kulay. Walang bakas ng pagiging espesyal ang mga ito. Lumabas ng kanyang kubo ang matanda at lumingon-lingon. 

Halos dalawang dekada ng nakatira sa liblib na bahagi ng kagubatan si Melchor. Matapos ang pagkapaslang nito sa kapatid ay pinaghahanap ito ng mga autoridad. Dahil natatakot na makulong ay nilisan ni Melchor ang bahay nito sa ibabaw ng burol at namuhay bilang ermitanyo. Palipat-lipat ito ng tirahan hanggang mapagpasyahan nitong manatili sa kagubatan, malayo sa ingay ng modernong panahon. 

Bago mamuhay bilang ermitanyo ay pinagkatiwala ni Melchor ang baul ng mga paganong katutubo sa kakilalang nagtatrabaho sa museo. Ito ay nakatago lamang sa isang silid sa museo kung saan nakatambak ang napakaraming artipakto na hindi nakadisplay para sa publiko. 

Matagal nang walang pakialam si Melchor sa mga bato. Inakala niyang ang pagkamatay ni Damian ang tatapos sa kanyang tungkulin bilang tagaalaga ng mga ito. Subalit ang mga panaginip ni Magda nitong mga huling buwan ang nagpabalisa sa kanya. Ramdam niyang tinatawag ulit siya ng mga bato at nagpapahiwatig ang mga ito na may hindi magandang magaganap sa nalalapit na hinaharap. Hindi batid ng matanda kung bakit may gustong magkainteres sa mga bato at kung sino sila at kung paano nila nalaman ang sekreto ng mga bato. Tanging silang dalawa lamang ni Damian ang nakakaalam. Maliban na lamang, sa isip niya, kung may nakakaalam sa lihim bukod sa kanilang dalawa. 

Biglang sumagi sa isipan ni Melchor ang naiwang pamilya ng kapatid. Kamusta na kaya sila? Alam niyang nakapangasawa ang kapatid at may dalawang anak. Ngunit minsan lang sa tanang buhay niya nakita ang mga ito, at ito ay noong matalik pa silang magkapatid. Hindi na inalam pa ni Melchor ang nangyari sa mga ito, at dahil sa pagsisi ay wala siyang mukhang naiharap sa mga ito pagkatapos mamatay ni Damian. Sa pananaw ng mga tao at ng mga nakakakilala sa kanila ay pinaslang nito ang kapatid. 

Sa ngayon ay nakatira sa lumang kubo si Melchor, malayo ito sa magandang bahay nito mahigit dalawampung taon na ang nakakalipas. Umaasa lamang ito sa mga binibigay ng mga tagabundok na minsan ay napapadpad sa kubo niya. Minsan walang makain ang matanda. Subalit dahil sa taglay nitong hindi pangkaraniwang kakahayan ay napapadpad ito sa lungsod upang minsan ay manglimos o makapulot ng makakain sa mga basurahan ng mga pamilihan.

Ngayon ay alam na ni Melchor na kung sinuman ang nais kumuha sa mga bato ay hindi rin pangkaraniwang nilalang gaya niya. Subalit nagtataka pa rin siya dahil ang pagkakaalam niya ay silang dalawa lamang ni Damian ang may kakayahang kontrolin ang liwanag at dilim. Marahil marami pang katulad nila sa mundo na hindi lamang nila alam. Subalit naisip niyang hindi na rin importante iyon. Ang importante ay maprotektahan niya ang mga elementong bato bago pa man ito makuha ng kampon ng kasamaan. 

May isa pang nagpapabagag sa kalooban ng matanda. Alam nitong nanghihina na siya dahil sa katandaan. Maaaring mas malakas sa kanya ang mga nais kumuha sa kapangyarihan ng mga bato. Maaaring matalo siya ng mga ito at tuluyang mapasakanila ang mga bato at manganib ang kaayusan sa kalikasan. Isang paraan na lamang ang naisip ni Melchor. Ang kanyang apo.

Ngunit sa pagtanto nito ay hindi pa handa ang kanyang apo upang tanggapin ang tungkulin. Wala itong alam sa mga bagay na kagaya nito, at kailanman ay hindi nila nakilala ang isa’t-isa. Nitong huli ay isa ito sa mga nagpabagabag sa matanda.  

Gaya ni Damian ay may anak ding babae si Melchor na higit sampung taong gulang ang tanda sa anak ng nauna, subalit nilihim ito ni Melchor sa kapatid. Tatlong taon na siyang nagtatago noon nang mabalitaang nagkaanak ang anak niyang babae. Ngunit dahil sa mga nangyari ay hindi na nagawa nitong mabisita ang anak at apo ng personal. Natatanaw lamang nito ang mag-anak sa malayo. Kahit papaano ay nasubaybayan niya naman ang pamilya. 

Dapat ay sinasanay na nito ang apo kung paano tuklasin ang angking kaalaman upang magamit ito sa nalalapit na panahon. Matinding banta ang naghihintay, at maaaring hindi iyon malampasan ng matanda kung kaya ay kailangang may pumalit sa kanya sa lalong madaling panahon. Nagtatalo ang isipan ni Melchor. Sa isang banda ay ayaw niya ng madamay pa ang apo nito sa mga bagay na gaya nito. 

At paano naman niya ito isasali sa matinding problemang hinaharap gayong noong huling beses na nakita niya ito ay takot na takot ito sa kanya? Alam ni Melchor na hindi na magtatagal at kailangan ng malaman ng apo ang kanyang kapalaran. 


* * *


Lumabas si Sandy sa kanyang lihim na silid kasabay ang pag-ikot ng dingding na may mga istante ng libro. Galit ang ekspresyon sa mukha nito. “Hinahamon ako ng matandang ‘yon. Kailangang may maisip akong ibang paraan.” Sandaling tumigil si Sandy at tiningnan ang lumang aklat. “May isa pang paraan upang makuha ang atensiyon ng matanda, ngunit...” Tumigil siya at nag-isip. Ilang sandali pa ay ngumiti ito at bumitaw ng matalim na tingin sa kawalan. “The people won’t know.”

Naalala nitong bigla nga pala nitong nagamit ang kapangyarihan habang nasa opisina at kailangan nitong makabalik doon. Malamang nagtaka ang mga empleyado nito kung bakit biglang namatay ang mga ilaw doon at bakit bigla siyang nawala. Isa sa mga pinakaiingatang lihim ni Sandy ay ang kanyang di pangkaraniwang kaalaman at kakayahan. Hindi pwedeng malaman ang lihim na ito. Masyado pang maaga upang ang pagkatuklas ng kanyang lihim ang tumapos sa mga plano ng dalaga. 

Biglang binalutan ng maitim na usok si Sandy habang nag-iisip, at naglaho ito sa kanyang kwarto.


* * *


“Ano kaya ang nangyari kay Ma’am Sandy?” tanong ng isang babae habang naglilipstick sa harap ng salamin sa restroom. 

“Yun nga, eh. Tingin mo may nakakaalam. Eh, kahit si Ma’am Marie hindi alam kung nasaan ang boss natin,” sagot ng isang babae habang nagtetext. 

“Nakakapagtaka naman. Tapos namatay pa talaga ang ilaw kanina. Creepy!”

“Alam mo, Tanya, wala akong pakialam, okay? May date kami ng boyfriend ko, at si Ma’am Sandy ang huling iisipin ko ngayon.”

Napadilat at napalingon naman si Tanya. “Wow! Maganda ka today, ha.”

“Naman! Sinong mas maganda sa amin ni Ma’am Sandy?” tanong nito habang nakapamewang at nakanguso sa kasama.

“You were saying?”

Biglang nagulat ang dalawa sa pinanggalingan ng boses. 

“Ah, Ma... Ma’am Sandy -- ” 

“Yes?”

Kinurot naman ni Tanya ang kasama sa tagiliran at sumingit. “Ah, Ma’am, nagbibiruan lang po kami. Sige po, mauna na po kami.”

Hindi sila sinagot ni Sandy. Tiningnan lamang niya ang mga ito habang papalabas ng restroom. 

Tinungo ni Sandy ang opisina. Napadaan ito sa mga clerk’s section kung saan nagliligpit na ang mga empleyado at naghahanda sa pag-uwi. Nabigla ang mga ito nang makita si Sandy, ngunit hindi nito ginawaran ng kahit na kaunting sulyap ang nag-aalalang mga tao. Bagkus ay nagpatuloy ito sa paglalakad sa koridor. Nagkataon namang papalabas ng kanyang opisina si Cindy. 

“Miss Sandy, what happened? We were worried about you?” tanong ni Cindy na halata ang pagkabahala. 

Ngumiti ng bahagya si Sandy. Napansin niyang bumaba ang kunot-noong tingin ni Cindy sa hawak niya. “I’m fine, Miss Gatchalian. You don’t have to worry.” Nagpatuloy itong maglakad patungo sa kanyang opisina, ngunit nakakailang hakbang pa lang ito --

“But, Miss, you were gone for more than an hour. We were -- ”

“I said I’m fine.” Halatang irita ang boses ni Sandy habang pilit na lumingon kay Cindy.

“Okay, Miss!” saad na lamang ni Cindy.

Pumasok si Sandy sa kanyang opisina at ginala ang kanyang tingin dito. Mukhang wala namang nagalaw. Ang diyaryong nagpainit sa ulo niya kanina ay nasa mesa niya pa rin.


Itutuloy...
--------------------------------------------

Abangan (Snippets from Chapter 13)


Naalarma ang pamahalaan ng Estados Unidos dahil biglang nawala ang komunikasyon nito sa kanilang embahada sa Pilipinas. “We just lost contact with Philippines. Manila is down. I repeat, Manila is down. Alert Homeland Security,” saad ng US Secretary of State sa kausap nito sa telepono.


***


“We just received information that Manila, the capital of the Philippines, lost contact with the rest of the world. Information is still unclear as to what caused this event. The Philippine Ambassador says the Philippine Government is currently investigating on what may be a terrorist activity in the capital. We will be back with more updates. Stay tuned,” saad ng isang tagapagbalita sa pang-umagang programa sa telebisyon sa Estados Unidos.


----------------------------------------------

Join our discussion page. Let's discuss. Let's talk. Share your opinion and feedback. Get updates as well.


All Rights Reserved
©Peter Jones Dela Cruz

8 comments:

  1. Hi author.. Alam po namin may sarili ka time frame at way sa pagsusulat pero parang sakin lang nababagalan ako sa flow ng story. Hehe pero maganda sia. Bka dhil mrami lang sia side story. Sna mas mbilis nlang. Heeh and thanks sa story mo.. Cool..

    ReplyDelete
    Replies
    1. Yes! Finally, a good criticism. Naghihintay talaga ako ng comment na gaya nito. Thanks. Hmmm, teka, pa'no ba 'to? Kasi sa aking palagay ay medyo mabilis siya, maybe because nakita ko na ang kabuuan niya.

      Siguro baka nga maraming side stories. Sa paglaon ay malalaman ninyo kung sino ang pivotal character sa story na ito, or malamang nabanaagan niyo na. Kung hindi pa, sige lang, malalaman niyo rin. Yan ay kung hindi kayo maburyong sa story. Sana naman hindi.

      Bale ganito, itong buong volume 1 ay parang may dalawa tayong story lines. Parang may dalawang parallel plots na magtatagpo by the end of this volume. Throughout the story, ipapakita ko ang iilang tagpo sa buhay ng mga characters, pero may narrative bias ako sa tatlong karakter, at mararamdaman niyo yan sa mga hinaharap na kabanata.

      I felt kasi na kailangang maestablish nang maayos ang emotional connections among the characters sa volume na ito para mas maramdaman ninyo ang bigat ng mga eksena sa volume 2. Ang last 15 chapters kasi ng volume 2 ay malagim.

      Tsaka hindi parang fairy tale na they lived happily ever after ang ending. Medyo makirot ang ending nito. Sana basahin niyo pa rin. Salamat! :)

      Delete
  2. Basta ako naeenjoy kong basahin yung story mo. Wala kasi akong masyadong alam sa pagsusulat. Haha, the best yung chapter 9, haha

    ReplyDelete
    Replies
    1. Thank you, Edison. Don't hesitate to give your feedback ha. Maaaring hindi ko na mabago ang story ng Enchanted kasi tapos ko na siya, but I will surely take note of your feedback para sa susunod na mga istorya. I have a new story. It's on WattPad. It's written in English. You might wanna check it out. https://www.wattpad.com/myworks/55653547-the-mind-bender

      Delete
  3. Well wait for the next chapter. Yey!

    ReplyDelete
  4. By the way, guys, don't hesitate to join our discussion page on Facebook. Nasa itaas ang link. I'll post updates and teasers there.

    ReplyDelete
  5. Mejo naguluhan ako nung una sa dami ng characters. Ang daming side. Pero mukhang mejo napagtatagpi-tagpi ko na. C melchor apo nya c errol. C sandy anak ni damian? S cindy at bryan, di ko alam ang role nila. Wahahaha.

    Syempre love interest sina erik at ivan.

    -hardname-

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hi Hardname. Great, great logic. Gusto ko yan. I want readers to not just read but also think. Cindy and Bryan will become more important in Book 2. Kung paano ay malalaman ninyo sa tamang panahon.

      Delete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails