Chapter 11
Adobo
Nakatuon ang atensiyon ni Errol sa pinapanood na pelikula, ngunit ginugulo ng kasama ang kanyang isipan. “Ivan, pwede magtanong?”
“Ano ‘yun?” tanong din ni Ivan habang pinapapak ang Pringles.
“Um.” Nagdadalawang-isip si Errol kung magtatanong ba o hindi. Sandali itong natahimik.
“Huy,” saad ni Ivan na tinapik ang katabi, “ano ‘yung itatanong mo?”
“Ah, eh, kasi, bakit ang bait mo sa akin?”
Ngumisi si Ivan. “Next question please.”
“Uy, bakit nga?” tanong ulit ni Errol na napalingon ng sandali kay Ivan na nakangisi. “Kasi kung tutuusin hindi mo naman ako kilala, pero napaka-thoughtful mo sa akin.”
“Uy, ikaw ha, baka san mapunta ‘tong usapan na ‘to,” sagot ni Ivan sabay siko sa tagiliran ni Errol.
Hindi na nagpumilit si Errol. Medyo nahiya rin ito. Iniisip niyang baka kung ano na iniisip nitong katabi niya. Kung ano man iyon, malamang tama siya. Apat na araw pa lang silang magkakilala pero parang matalik na silang magkaibigan. Nahihirapan na rin ang binatang ikubli ang kilig na nadarama nito sa tuwing magtatama ang tingin nila ni Ivan o kaya naman ang nadarama nitong tila pagdaloy ng kuryente sa katawan niya sa tuwing nagdidikit ang kanilang balat.
Tahimik na tinapos ng dalawa ang palabas hanggang napansin nilang alas singko na ng hapon.
“Hapon na. Hindi ka pa ba hahanapin sa inyo o sa store mo?” tanong ni Errol kay Ivan habang nilalabas ang blu-ray disc mula sa player at binabalik ito sa lalagyan nito.
“Hindi. Nagbilin na ako sa assistant ko na wala ako ngayong hapon. Papanhik naman ako dun mamayang gabi.”
“Magpapagabi ka talaga dito?”
“Ayaw mo?”
Nasulyapan ni Errol ang pilyong ngiti ni Ivan kaya umiwas kaagad siya ng tingin. “Okay na naman ako. Di ako kailangang bantayan.”
“Tingin ko nga. Pero dito na lang ako kakain.” Binuksan ni Ivan ang refrigerator nina Errol upang tingnan ang laman nito.
Ngumiwi si Errol sa hiya. “Eh, hindi ako marunong magluto.”
Kumunot ang noo ni Ivan. “Seryoso? Kahit magsaing?”
“Ah, ‘yun alam ko. Specialty ko ‘yun.”
“Wow, at least, may alam ka pala kahit papa’no.”
“Marunong din akong magprito ng itlog.”
“Uy, ‘wag ‘yun!” pilyong saad ni Ivan sabay dakma sa sariling harapan na ikinabigla ng kausap.
Nabigla si Errol sa akto ng kasama at umiba ng tingin, pero nagulat siya nang biglang lumapit si Ivan sa kanya at bumulong.
“Yung itlog pang-breakfast lang.” Nakadakma pa rin ang isang kamay sa sariling harapan.
“Uy...” Ito na lang ang namutawi sa bibig ni Errol na noo’y nakaramdam ng magkahalong kilig at asiwa. Medyo naitulak nito si Ivan na humagalpak sa katatawa sa gilid niya. Hindi mapigilan ni Errol na mapalingon sa binatang kasama at pagmasdan ang masaya nitong mukha, ang ningning sa mga mata nito habang tumatawa, ang pantay nitong mga ngiping mapuputi, at ang malarosas nitong mga labi. Parang tumigil na naman ang oras hanggang sa maramdaman niyang tinapik siya ng kasama sa balikat.
“Hala si sir natulala na naman.”
“Ha, ah, eh...” Biglang binawi ni Errol ang titig.
“Ikaw, sir, ha. Napapadalas na ‘yang pagkatulala mo sa akin ha.”
“Ha? Wala. May iniisip lang ako.”
“Sino, Sir Errol? Ako?”
Napangiti na lang si Errol at napayuko. Sobrang kilig ang nadarama niya at hindi niya malaman kung sisigaw o maglulupasay. Pero ang mainam gawin sa tingin niya ay umastang parang wala lang ang lahat. Ivan, please ‘wag mong gawin ito.
“Uy, natahimik ka na diyan.” Marahang ginalaw ni Ivan ang balikat ni Errol. “Binibiro lang kita.”
Ngumiti lang si Errol ngunit hindi lumingon. Hindi niya alam ang sasabihin. Naramdaman na lang niya ang mga kamay na humawak sa magkabilang balikat niya at marahan siyang niyugyog.
“Huy, binibiro ka lang.”
Pilit binalik ni Errol sa wisyo ang sariling diwa. “Ano ka ba? Wala ‘yun.” Tinungo ni Errol ang rice cooker upang tingnan kung may natirang kaning lamig. Sinandok niya ito at nilagay sa isang mangkok. Hinugasan niya ang lalagyan ng bigas at pagkatapos ay nilagyan ito ng bigas. Matapos hugasan ang bigas at punasan ang labas na bahagi ng lalagyan ay sinalang niya na ito sa rice cooker.
“Ano’ng gusto mong lutuin ko?”
“Seryoso, magluluto ka? ‘Wag na. Nakakahiya.”
“Kung okay lang. Okay lang ba? ‘Di ba magagalit parents mo?”
“Okay lang. Nagtext si papa na baka gabihin daw siya sa pag-uwi kasi may sinusupervise siyang project na kailangan tutukan.”
“Ah, ganun ba? Mama mo?”
“Malamang gagabihin din ‘yun. Malamang nakikipagtsismisan pa ‘yun dun sa mga kasama niyang magnenetworking.”
“Teka, wala ka bang mga kapatid?”
“Meron, step sister.”
“Asan siya?”
“Nasa Japan.”
“OFW?”
“Hindi. Nag-aaral siya dun. Naofferan kasi siya ng scholarship sa isang university dun.”
“Wow!”
Ngumiti lang si Errol. Hindi sila malapit ng kapatid niya, hindi dahil sa hindi niya ito tunay na kapatid, ngunit dahil sa hindi sila madalas magkita at mag-usap nun. Minsan nagkakausap sila sa Facebook. Kamustahan. Walang mga malalim o masayang pag-uusap. Gayunpaman ay masaya si Errol sa kapatid.
“Adobo, type mo?”
“Aba siyempre! Basta ba masarap ang pagkakaluto.”
“Tulad ko?”
Natameme na naman si Errol. Hindi talaga siya sanay sa mga hirit ni Ivan, at tuwing hinihiritan siya nito sabay ang matamis na ngiti at tila nang-aakit na tingin ay parang nanlalambot ang mga tuhod niya.
Natawa naman si Ivan. “Natahimik ka na naman.” Inilabas na niya ang karne mula sa freezer. “Errol, marunong ka ba maghiwa ng bawang?”
“Oo naman,” sagot ni Errol nang kaswal.
“Ingat ka baka masugatan ka.”
Ngumiti lang si Errol sabay yuko. Kinuha nito ang dalawang sangkalan at inabot ang isa kay Ivan. Kumuha din ito ng bawang.
Napadako ang tingin ni Ivan sa basket ng prutas na dala nito kagabi. “Teka, hindi mo kinain ‘yung dala ko kagabi?”
“Ah, eh,” Oo nga. Naalala ni Errol hindi niya nga pala nagalaw ang mga ito. “Nakalimutan ko kasi.” Napakamot siya sa ulo.
“Grabe ka ha. Nakakatampo.” Sumulyap si Ivan kay Errol habang hinihiwa ang karne.
“Okay sige.” Kumuha si Errol ng isang mansanas. “Ito na po, kakagatin na.”
“’Yan, ganyan nga. Dapat kinakain mo ‘yan. An apple a day keeps the doctor away.”
“Wrong!”
“Ha?” Kumunot ang noo ni Ivan. “Mali ba ‘yun?”
“An apple a day is seven apples a week.”
“Wow! Text mo ako kung kelan ako tatawa, sir, ha.” Ngumisi si Ivan.
“Korni ba?”
“Medyo?”
“Hindi naman ‘yun joke.”
“Ano ‘yun?”
“Logic?”
Oo nga naman.
Biglang nabahala si Errol dahil nakaputi nga pala si Ivan habang naghihiwa ng karne. “Teka, gusto mo magsuot ng apron? Baka madumihan ang t-shirt mo.”
“Meron ba?”
“Teka.” Kinuha ni Errol ang isang apron na nakasabit sa sulok ng kusina at inabot ito kay Ivan.
“Thanks!”
“Teka, pasensiya ka na mainit dito sa kusina. Hindi kasi aircon bahay namin.” Napansin kasi ni Errol na pinagpapawisan ang bisitang naging kusinero.
“Okay lang.” Ngumiti si Ivan habang hinihiwa ang karne.
“Teka kukunin ko ang electric fan.”
“Okay lang ako. Mabango naman ang pawis ko. Kahit amuyin mo pa.” Ngumiti ulit ng pilyo ang makisig na binata.
“Okay, sabi mo, eh.” Talaga? Pwede kitang amuyin? Paamoy nga. Pumunit ng ngiti sa labi ni Errol ang tumatakbo sa kanyang isipan. “Tapos na itong bawang. Ano pa ba ang kailangan?
“Sige na, ako na diyan.”
“Papainitin ko na ba ang kaldero?”
“Sige, sige. Tapos ako naman ang painitin mo.” Ngumisi si Ivan.
“Ha?”
“Wala. Tapos na itong mga karne. Okay na. Ako na bahala diyan, Errol. Magrelax ka na lang.”
Kinikilig na naghugas ng kamay si Errol. Papainitin ko daw siya? Sa isang banda ay naisip niyang baka pilyo lang talaga si Ivan. Ibang-iba ito kay Erik, na seryoso kausap. Napansin ni Errol na habang nasa harap ng lutuan si Ivan ay pawis na pawis ito. Hinubad nito ang apron na suot at lumingon sa kanya.
“Okay lang ba hubarin ko shirt ko?”
Nagulat si Errol sa tanong pero -- “ikaw bahala.” Tila bumagal ang takbo ng mga segundo habang pinagmamasdan ni Errol si Ivan na tinatanggal ang puti nitong t-shirt. Napalunok na lang siya nang tumambad sa kanya ang kahubdan ng binata. Sinabit nito ang t-shirt sa pinagsabitan ng apron. Malayang pinagmasdan ni Errol ang katawan ng bisita datapwa’t naiilang ito. Litaw na litaw ang matipuno nitong dibdib, ang kulay rosas na mga utong, ang six pack abs, ang maumbok na balikat, ang pumuputok nitong mga braso, at ang magandang hubog nitong likod. Huli na ng mapansin nitong nakatingin sa kanya ang kanina pa niya minamasdan.
“Sir, pinagpapawisan ka rin yata.”
Doon lamang napansin ni Errol ang nakakalokong ngiti ni Ivan. “Ah, eh... Tinitingnan lang kitang magluto.”
“Talaga?” Binigyan ng kindat ng pawisang nagluluto ang nakamasid at bumalik sa ginagawa. “Sir, pwede makisuyo?”
“Ano ‘yun?”
“Pakikuha ako ng face towel kung meron ka, kung pwede lang po.”
Agad namang pumunta si Errol sa kwarto at kumuha ng malinis na towel. Nang makabalik ito sa kusina ay inabot ito sa pawisang binata, ngunit nginisihan siya nito.
“Pwede mo bang punasan ang pawis ko sa mukha?”
“Ha? Ikaw na lang.”
“Sus, sige na. May hawak ako o,” saad ni Ivan sabay angat ng sandok at angat ng kamay nyang nakahawak sa kawali.
“Okay, sige,” wika ni Errol sabay mahinang idiniin ang bimbo sa noo ni Ivan. Naamoy niya ang pawis ng binata. Tama nga siya. Mabango ang pawis niya. Lihim na nasisiyahan si Errol sa pagpahid sa noo ng bisita habang minamasdan ang pawisang katawan nito nang malapitan.
“Sa leeg ko rin, baby,” saad ni Ivan habang binigyan si Errol ng nakakalokong tingin at ngiti.
“Baby ka diyan.” Binaba ni Errol ang towel sa leeg ni Ivan habang nilalabanan ang kakaibang sensayong dulot sa kanya ng pinapagawa ng bisitang nagluluto.
“Baby bro ba. Ito naman.”
Bakit ang lambing yata ng boses niya ngayon? “Eh, hindi mo naman ako kapatid.”
“Eh, ano gusto mo? My love?” Kumindat si Ivan kay Errol. “O darling?” Ngumiti ito.
“Loko-loko! Pinagtitripan mo ako ha.” Biglang naibato ni Errol sa mukha ni Ivan ang towel na agad naman niyang nasalo.
Agad pinahid ni Ivan ang bimbo sa noo ni Errol. “Ikaw naman hindi na mabiro. Ayan, pati ikaw pinagpapawisan na rin.”
Kinikilig si Errol na medyo naaasiwa. “Ano ba?”
“Okay, sorry, sir.” Kinurot niya sa pisngi si Errol na may halong gigil. “Ang cute mo!”
Ano daw? Ang cute ko? Shit! Ang hormones ko. “Pinagtitripan mo talaga ako.”
“Hindi uy!” Binaling ni Ivan ang tingin sa niluluto at tinakpan ito. “Malapit na ‘to.”
Tumunog ang cellphone ni Errol.
“Ito, luto na. Hmmm, ang bango! Errol, gusto mo tikman?”
“Teka, may bisita tayo,” sagot ni Errol na tinungo ang sala. Ngunit pagdating niya sa sala ay biglang namatay ang ilaw.
Mukhang nagkabrownout. Kinakabahan si Errol. Bigla nitong naalala ang nakakapangilabot na karanasan noong nakaraang gabi lang. Bigla siyang nakaramdam ng takot. Malakas ang kabog ng kanyang dibdib. Ano na naman ba ‘to? Subalit pilit niyang kinalma ang sarili. Lumingon lingon ito sa paligid, ngunit sobrang dilim. Sa labas ay wala siyang maaninag na liwanag.
Naalala nitong hawak nga pala niya ang kanyang cellphone. Kinapa niya ang power key nito at pinindot. Walang nangyari. Nagtataka si Errol sapagkat alam nitong hindi pa mababa ang lebel ng baterya ng telepono. Bumalik ang takot niya. Sa tingin niya ay mauulit na naman ang nakakahilakbot na karanasan nito kahapon lang ng gabi na ikinawala nito ng malay.
Oo nga pala nasa kusina nga pala ang kaibigan niyang kakatapos lang magluto. “Ivan? Ivan, andiyan ka ba?” Halata sa boses niya ang takot.
“Errol, andito ako.” Mas malakas ang boses ni Ivan ngayon kesa kadalasan. “D’yan ka lang. ‘Wag kang gagalaw.”
“Ivan...” Kinakabahan ang binatang napako sa kanyang pagkakatayo at walang maaaninag.
“Oo, teka, wala akong makita.”
“Ivan, natatakot ako...” Dama ni Errol ang pagtulo ng pawis mula sa sentido.
“Pailawin mo cellphone mo!”
“Kanina ko pa ino-on, ayaw mag-on.” Biglang may naramdaman si Errol na malamig na hanging dumampi sa batok nito. Mas lalo siyang kinilabutan. Dama niya ang malamig na pawis at ang unti-unting panginginig ng kalamnan. Kinapakapa nito ang paligid upang may mahawakan sa oras na mahilo na naman siya. Ramdam nito ang paninikip ng dibdib. Sa pangangapa nito ay may mga nasagi ito. Dinig niya ang pagkabasag ng anumang nahulog na iyon.
“Errol? Relax ka lang!” bulalas ni Ivan.
Kinuluban na ng takot si Errol. Nasasariwa pa rin nito ang nakakatakot na karanasan. Wala na itong nagawa kundi mapaiyak nang marinig ang pagkabasag ng iilang bagay sa sahig. Napayuko ito at napaupo sa sahig dahil hindi alam ang gagawin. Bigla nitong narinig ang mga katok sa pintuan at ang tila ay marahas na pag-ikot sa doorknob. Mas lalo itong kinilabutan nang may maramdamang may tumama sa hita nito pagkatapos ay ang pagbalot sa kanya ng tila mamasa-masang nilalang. Napasigaw ito. “Waaaaag! Wala akong ginagawa. Lubayan mo ako!”
Nagpumiglas si Errol, ngunit nanginginig ang kanyang katawan.
“Sssshhhh, ako ‘to. You’re safe. Andito ako. Andito si kuya.”
Umiiyak pa rin si Errol. Subalit nahimasmasan ito nang mapagtantong si Ivan nga ang nakayakap sa kanya. Ramdam niya ang mainit at pawisan nitong katawang nakabalot sa kanya. Ramdam niya ang bisig nito na nakayakap sa katawan niya. Humawak si Errol sa bisig na ito. “Ivan...” Ito na lamang ang namutawi sa bibig niya, ang pangalan ng taong naging tagapagtanggol na niya nitong huli. Hindi na namalayan ni Errol na napasandal na rin siya sa braso ng binata. Hindi pa rin niya mapigil ang paghikbi.
“Okay na. Okay na. Andito ako.”
Ramdam ni Errol na hinigpitan pa ni Ivan ang pagyakap sa kanya. Maya-maya pa ay narinig niyang muli ang mga kabog sa pinto.
Itutuloy
I don't have pictures for the cast. May mga ilan akong naiisip pero ewan. Maybe you can offer suggestions.
Join our discussion group. Ask questions. Get updates. Post feedback.
All Rights Reserved
©Peter Jones Dela Cruz
Followers
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
FOLLOW US
Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook
Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com
Disclaimer
All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.
Kelan kaya magkakaaminan tong dalawang to, tapos merong papasok na 3rd at 4th party haha
ReplyDelete-RavePriss
Oo nga, ano? Kelan kaya. Haha
DeleteI love you na ivan!
ReplyDelete-hardname-
Kay Errol lang si Ivan! Haha
Deleteano kaya intensyon ni ivan kay errol..., parang magic knight rayearth ang effect.., kaylabgan makatagpo ng 4 na guy si errol kasi di nya kakayanin ang kalaban... so may mike at ivan na tayo sana ung gwapo nyan student eh mabigyan ng break hehe...,
ReplyDeleteano nga kaya ang intensiyon ni ivan? salamat sa pagsubaybay
Deletenice! go ivan! team rolvan
ReplyDelete