Followers

Friday, March 21, 2014

Junjun



By: Michael Juha
email: getmybox@hotmail.com

Masayahing bata si Junjun. Palangiti, bibo, mabait, at higit sa lahat, matalino. Marami ang nagkakagusto sa kanya, naaaliw dahil kahit limang taong gulang pa lamang siya, marunong nang kumanta at tumugtog ng ukulele. Sabi nila, nasa gifted level daw ang pag-iisip ni Junjun. Tinuruan daw kasi ito ng pagsusulat at pagbabasa ni Gilda, ang kapitbahay ko na palaging pinupuntahan ni Junjun. Mabilis daw itong natututo kumpara sa ibang mga nasa average na pitong taong gulang na bata na nahihirapan pa rin minsan. Guro rin kasi sa elementarya si Gilda. Iyan ang kumento niya kay Junjun. At hindi lang iyan, marami na rin akong naririnig na kung anu-anong papuri tungkol kay Junjun. Cute din kasi ang bata. May mahabang buhok, matangos ang ilong, maputi, at kapag ngumiti, para raw isang anghel.

Ngunit hindi ko pansin ang mga ito. Para sa akin, anak pa rin siya ng isang demonyong taong sumira sa aking buhay.

Aaminin ko, hindi napapawi ang galit ko sa ama ni Junjun. At dahil bunga siya ng isang karumal-dumal na pangyayari sa buhay ko, anak ng walanghiyang taong nang-rape sa akin, sa kanya ko ibinuntong ang lahat kong galit para sa kanyang ama. Hindi pa rin kasi nakilala o ni naparusahan ang kanyang ama kung kaya ay hindi rin napapawi ang galit ko. Hanggang nanatili sa isip ko ang lahat at nararamdaman ko pa rin ang pait at sakit sa karumal-dumal na ginawa sa akin, hindi mapapawi ang galit ko para sa bata.

Kaya kaunting kibot lang ni Junjun, pinapalo ko kaagad. Kahit tahimik na naglalaro lang iyan sa isang sulok kapag pumasok sa isip ko ang masasakit na eksena ng panggagahasa ng kanya ama sa akin, bigla ko na lang siyang sampalin o di kaya ay sipain. 

May isang beses nga, habang walang imik akong nakatayo ako sa gilid ng bintana ng aming bahay at binalikan sa aking isip ang karahasan na nangyari sa aking buhay, bigla na lang lumapit si Junjun, dala-dala ang bagong ukulele niya na bigay ng isang kapitbahay na naaliw sa kanya. “Mama... kakantahan na lang po kita” ang sambit niya. Marahil ay napansin niyang lihim akong umiyak kung kaya ay ninais niyang pasayahin ako.

Ngunit nang nagsimula siyang kumanta, nag-init ang aking ulo. Sinigawan ko siya sabay na hinablot ang kanyang ukulele at inihambalos iyon sa dingding na kahoy ng aming bahay. Warak ang kanyang ukulele.

Nakatunganga na lang siyang nakatingin sa akin habang ang mga luha ay nangingilid sa kanyang mga mata. “Kapag ganitong mainit ang ulo ko, huwag na huwag mo akong istorbohin! Punyeta!!! At ayaw na ayaw kong marinig ang kanta mo!!!” sabay tapon ko ng warak na gitara sa kanyang harapan at nagwalk out.

Kinabukasan, nakita ko ang kanyang ukulele na nakasabit na sa kanyang kuwarto, at pinagtagpi-tagpi ang mga basag na bahagi upang mabuo pa rin. Hindi ko na inalam pa kung saan siya kumuha ng pandikit. Wala akong pakialam.

Ganyan katindi ang galit ko kay Junjun. Naalala ko pa nang nasa sinapupunan ko pa lang siya, kung anu-ano na lang ang aking ginawa upang matanggal siya sa aking tiyan. Nad’yan iyong aakyat ako sa niyog o sa pader, nandyan iyong tatalon ako mula sa mataas na baitang ng hagdanan. Sinubukan ko ring uminum ng mga herbal na pampalaglag. Walang nangyari. At kung gaano kadeterminadong mabuhay sa mundo si Junjun, kabaligtaran naman ito sa aking naramdaman. Naging mainitin ang ulo ko. Galit sa mga lalaki, galit sa mundo. Ang lahat ng mga tao sa paningin ko ay ako palagi ang pinag-uusapan. Feeling ko ay wala akong kakampi, walang nagmamahal. Parang gusto ko na nga lang kitilin ang sariling buhay.

Isang araw, naglalaro si Junjun sa sala nang nasagi niya ang divider na lagayan ng mga decoratives. Nalaglag ang isang porselanang flower vase na bigay pa naman sa akin ng best friend kong nasa Canada. Nabasag ito.

Dali-dali kong kinuha ang walis at ito ang buong puwersang pinagpapalo ko kay Junjun.

“Mama, patawad po hindi ko na po gagawin po... mamaaaaaaaaa!!!” ang pagsisigaw niya habang nag-iiyak na iniharang ang mga kamay sa parte ng katawang pinagpapalo ko. Wala akong pakialam kung matamaan man ang ulo niya o ang leeg, o ang dibdib, o tyan. Basta galit ako. At galit na galit.

“Hindi mo na gagawin? Paanong hindi mo na gagawin? Basag na iyang vase ko, Punyetaaaaa!!!” ang pagmumura ko habang patuloy ako sa pagpapalo sa kanya.

“Mama... sorry na po mama!!!” ang pagsisigaw pa rin niya.

Hanggang sa napagod ako at nag-iiyak na lang ang bata na inihaharang pa rin ang kanyang kamay sa kanyang katawan. “Hala! Pulutin mo ang mga basag na iyan at itapon!!! Daliiii!!!” ang sigaw ko.

Nanginginig man sa takot at namimilipit sa sakit, pilit siyang tumayo, kumuha ng karton at isa-isang pinulot ang mga basag na vase at inilagay ito sa loob noon. Kahit kasi limang-taong gulang lang si Junjun, tila mature na ito kung mag-isip. Siguro dahil palagi ko itong pinababayaan sa paggawa ng kung anu-ano, kagaya ng paglinis ng bahay, paliligo, pagsandok ng pagkain niya, kahit ang pagluto ng kanin ay tinuruan ko na rin upang hindi maging pabigat.

Nang matapos niyang mailagay sa kahon ang mga basag na vase at nilinis ang sahig, paika-ika na itong tumungo sa kuwarto niya. Siguro nahiga, natulog. Hindi ko na pinansin. Nang gabing iyon, hindi ko na rin siya sinilip pa sa kanyang higaan. Kumain ako ng hapunan na mag-isa. Hindi ko naman kasi siya sinanay na palaging magsabay kaming kumain. Kapag nagutom ako, kakain ako at ganoon din siya. Kaya nakatulog akong hindi ko alam kung ano ang nangyari sa kanya.

Kinabukasan, sinilip ko ang kuwarto niya. Wala.

Hinanap ko sa kusina, sa banyo... wala rin. Doon na muli umandar ang aking galit. “Tangina! Umalis nang hindi nagpaalam! Hinahamon talaga ako ng batang ito!” sa isip ko. “Junjun! Junjun!!!” ang sigaw ko sa labas ng bahay, nakaharap sa mga kapitbahay.

Nasa ganoon akong pagsisigaw nang, “Gina! Gina! Si Junjun!!!” ang sigaw sa akin ng kapitbahay kong si Gilda. Ang bahay ni Gilda kasi ay ang palaging pinupuntahan ni Junjun. Aliw na aliw kasi siya sa bata at si Junjun naman ay siya ang parang best friend nito. Doon si Junjun nagpapaturo ng kung anu-ano – kanta, laro, kuwento. At binibigyan din siya ni Gilda ng laruan. Kaya gustong-gusto ni Junjun kay Gilda.

“Ano na naman ang ginawa ng batang iyan diyan??? Nagpasaway ba?!” ang sigaw ko rin habang nagmamadali akong tumungo sa bahay ni Gilda. Nang nagkapasok na ako, nakita ko si Junjun na naka-upo sa sahig nakasandal ang likod sa dingding ng bahay, ang mga mata ay nakapikit. “A-ano ang nangyari?” ang tanong ko.

“Nagpunta iyan dito at nanghingi ng pandikit dahil may gagawin daw siya para sa mama niya. Binigyan ko ng pandikit. Nitong nakaraang mga araw kasi ay palagi iyang may ginagawa para raw sa iyo. Kaya hindi ko na pinansin dahil abala rin ako sa kusina. Nang binalikan ko, nakausap ko pa bagamat halata kong tila pagod na pagod at...” nahinto sandali si Gilda na tiningnan ako, kitang-kita ang pagkabahala sa kanyang mukha, tila nangingig sa matinding kaba “...a-ano ba ang nangyari sa mga kamay at braso niya? Tadtad ng pasa? Pati mukha?”

Hindi rin ako agad nakasagot. Syempre, alam ko namang mali ang ginawa ko. “Eh.. n-nalaglag iyan sa hagdanan kahapon!” ang sagot ko na lang. “Tapos? Nakatulog?” ang tanong ko uli upang ituloy ni Gilda ang kuwento niya at mailihis ang topic.

“Tapos... sabi niya itago ko lang daw ang ginawa niya. Ngunit nang binalikan ko uli pagkatapos ng may isang oras, hayan, nakapikit na ang mga mata. Ginising ko at kakausapin sana. Akala ko ay natutulog lamang. Ngunit hayan... hindi na huminga! Dalian mo! Dalhin natin sa ospital!!!”

Dali-dali kong hinawakan ang mga kamay ni Junjun upang patayuin ito. Ngunit wala na siyang buhay. “Junjun! Junjun!” ang pagsisigaw ko habang inaalog ko pa ang kanyang katawan. Sinikap ko ring bigyan siya ng CPR at mouth-to-mouth resuscitation. Ngunit wala na talaga. Doon ay tila may humataw na matigas na bagay sa aking ulo at nanumbalik ang aking katinuan. “Junjunnnn!!!” ang sigaw ko.

Gusto pa sana ni Gilda na dalhin si Junjun sa ospital ngunit ako rin ang natakot na baka malaman ang pang-aabuso ko sa bata. Kaya sinabi ko na lang na wala nang halaga ang lahat.

Hindi na iginiit pa ni Gilda ang pagdala kay Junjun sa ospital. Katulad ko, nag-iiyak na lang din siya sa sinapit ng bata.

Tatlong araw ang lumipas simula nang pumanaw si Junjun ay ang aking kaarawan. Hindi ko ipinalibing kaagad si Junjun dahil nang araw na namatay ang bata, isiniwalat sa akin ni Gilda na may isang drawing na ginawa si Junjun sa isang cartolina na ipinapatago niya kay Gilda, sorpresa raw sana niya para sa aking kaarawan. Sa drawing niyang iyon ay ang isang lalaki at isang may edad nang babae. Inilingkis ng lalaki ang kamay niya sa beywang ng babae at sa ibaba ng drawing ay may caption na, “Happy birthday mama. Kapag ganyan na ako kalaki, ako na po ang mag-aalaga sa inyo. Palagi po kitang babantayan. Mahal na mahal ko po kayo, mama.”

Mistulang dinurog ang aking puso sa pagkabasa ko sa sulat ni Junjun. Noon ko lang naisip na darating pa rin pala sana ang panahon na lumaki siya at maging katuwang ko sa buhay. At siguro nga, magiging masaya ako kahit papaano dahil napakabait na bata si Junjun at mapagmahal.

“Alam mo Gina, nagpapraktis ng maigi iyan sa pag-ukulele ng kantang ‘Happy Birthday’ dahil kakantahan ka raw niya sa birthday mo. Ang ganda ng boses ng bata eh. Sayang...” an gsambit ni Gilda.

Hindi na lang ako kumibo.  Nakadagdag lang kasi iyon sa matinding pagsisisi at panghihinayang ko.

“Heto pala ang pinagkaabalahan niya nang araw na pumanaw siya” dugtong ni Gilda sabay abot sa akin sa isang karton na nilagyan ng pulang ribbon. Nakisuyo daw kasi si Junjun sa kanya na lagyan ng ribbon ang karton na iyon.

Nang binuksan ko ito, hindi ko na napigilan ang sariling hindi mapahagulgol. Ang laman ng karton ay ang nabasag niyang vase. Ipinagtagpi-tagpi niya ang mga basag gamit ang pandikit na hiningi niya kay Gilda upang pilit na mabuo muli ito.

Nasa ganoon akong pag-iiyak nang may nakapa pa ako sa loob ng karton. Isang papel na may nakasulat, sulat-kamay din ni Junjun, halatang nahihirapan sa pagsulat. “Ma, sorry, kasi po bad ako. Sana po kapag wala na ako, ma-miss mo pa rin po ako. I love you very much mama...”

Wakas.

16 comments:

  1. di ko maisip pano nakayanan ng isang ina na patayin ang sariling anak.....

    ganda ng story. tnx author

    ReplyDelete
  2. Nakakaiyak

    Boholano

    ReplyDelete
  3. Ang ganda nito Sir Mike! Ibang klaseng true love! :(

    ReplyDelete
  4. Sad ending pero puno ng aral. Ganda. A for amazing.

    ReplyDelete
  5. Naiyak ako sa kwentong to.

    ReplyDelete
  6. 'Ika nga e, malalaman mo lang ang halaga ng isang tao kapag nawala na siya sa buhay mo.

    Sad but great story.

    ~Ken

    ReplyDelete
  7. Shit nqiyqk dito . Ano ba ito. Arggg.. dapat alagaan at mahalin natin kung ano man meron tayo.

    Jap

    ReplyDelete
  8. Ang kitid naman ng isip ng ibang tao. (to say the least )..hindi kasalanan ng bata .dapat mahalin ang bata dahil ang bata anng milagro sa buhay.

    ReplyDelete
  9. Hindi ko kayang tapusin..pumatak na luha ko..T_T

    ReplyDelete
  10. Only know u love when u let them go. Ugh! Kaiyak.

    -Vin

    ReplyDelete
  11. sobra ang iyak ko dito..

    ReplyDelete
  12. Kawawa naman ang bta.

    #nakakaiyak

    ReplyDelete
  13. Dapat ikulong ang inang yan. Walang karapatang tumahimik.

    ReplyDelete
  14. Nice and very touching story. I love it!

    ReplyDelete
  15. Sobra akong naiyak Sa story

    Goodjob

    Jayzky19

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails