By: Michael Juha
email: getmybox@hotmail.com
Masayahing
bata si Junjun. Palangiti, bibo, mabait, at higit sa lahat, matalino. Marami
ang nagkakagusto sa kanya, naaaliw dahil kahit limang taong gulang pa lamang
siya, marunong nang kumanta at tumugtog ng ukulele. Sabi nila, nasa gifted level
daw ang pag-iisip ni Junjun. Tinuruan daw kasi ito ng pagsusulat at pagbabasa ni
Gilda, ang kapitbahay ko na palaging pinupuntahan ni Junjun. Mabilis daw itong
natututo kumpara sa ibang mga nasa average na pitong taong gulang na bata na
nahihirapan pa rin minsan. Guro rin kasi sa elementarya si Gilda. Iyan ang
kumento niya kay Junjun. At hindi lang iyan, marami na rin akong naririnig na kung
anu-anong papuri tungkol kay Junjun. Cute din kasi ang bata. May mahabang buhok,
matangos ang ilong, maputi, at kapag ngumiti, para raw isang anghel.
Ngunit hindi
ko pansin ang mga ito. Para sa akin, anak pa rin siya ng isang demonyong taong
sumira sa aking buhay.
Aaminin ko, hindi
napapawi ang galit ko sa ama ni Junjun. At dahil bunga siya ng isang
karumal-dumal na pangyayari sa buhay ko, anak ng walanghiyang taong nang-rape
sa akin, sa kanya ko ibinuntong ang lahat kong galit para sa kanyang ama. Hindi
pa rin kasi nakilala o ni naparusahan ang kanyang ama kung kaya ay hindi rin
napapawi ang galit ko. Hanggang nanatili sa isip ko ang lahat at nararamdaman
ko pa rin ang pait at sakit sa karumal-dumal na ginawa sa akin, hindi mapapawi
ang galit ko para sa bata.
Kaya kaunting
kibot lang ni Junjun, pinapalo ko kaagad. Kahit tahimik na naglalaro lang iyan sa
isang sulok kapag pumasok sa isip ko ang masasakit na eksena ng panggagahasa ng
kanya ama sa akin, bigla ko na lang siyang sampalin o di kaya ay sipain.
May isang
beses nga, habang walang imik akong nakatayo ako sa gilid ng bintana ng aming
bahay at binalikan sa aking isip ang karahasan na nangyari sa aking buhay,
bigla na lang lumapit si Junjun, dala-dala ang bagong ukulele niya na bigay ng
isang kapitbahay na naaliw sa kanya. “Mama... kakantahan na lang po kita” ang
sambit niya. Marahil ay napansin niyang lihim akong umiyak kung kaya ay ninais
niyang pasayahin ako.
Ngunit nang
nagsimula siyang kumanta, nag-init ang aking ulo. Sinigawan ko siya sabay na
hinablot ang kanyang ukulele at inihambalos iyon sa dingding na kahoy ng aming
bahay. Warak ang kanyang ukulele.
Nakatunganga
na lang siyang nakatingin sa akin habang ang mga luha ay nangingilid sa kanyang
mga mata. “Kapag ganitong mainit ang ulo ko, huwag na huwag mo akong
istorbohin! Punyeta!!! At ayaw na ayaw kong marinig ang kanta mo!!!” sabay
tapon ko ng warak na gitara sa kanyang harapan at nagwalk out.
Kinabukasan,
nakita ko ang kanyang ukulele na nakasabit na sa kanyang kuwarto, at
pinagtagpi-tagpi ang mga basag na bahagi upang mabuo pa rin. Hindi ko na inalam
pa kung saan siya kumuha ng pandikit. Wala akong pakialam.
Ganyan katindi
ang galit ko kay Junjun. Naalala ko pa nang nasa sinapupunan ko pa lang siya, kung
anu-ano na lang ang aking ginawa upang matanggal siya sa aking tiyan. Nad’yan
iyong aakyat ako sa niyog o sa pader, nandyan iyong tatalon ako mula sa mataas
na baitang ng hagdanan. Sinubukan ko ring uminum ng mga herbal na pampalaglag.
Walang nangyari. At kung gaano kadeterminadong mabuhay sa mundo si Junjun,
kabaligtaran naman ito sa aking naramdaman. Naging mainitin ang ulo ko. Galit
sa mga lalaki, galit sa mundo. Ang lahat ng mga tao sa paningin ko ay ako
palagi ang pinag-uusapan. Feeling ko ay wala akong kakampi, walang nagmamahal.
Parang gusto ko na nga lang kitilin ang sariling buhay.
Isang araw,
naglalaro si Junjun sa sala nang nasagi niya ang divider na lagayan ng mga
decoratives. Nalaglag ang isang porselanang flower vase na bigay pa naman sa
akin ng best friend kong nasa Canada. Nabasag ito.
Dali-dali kong
kinuha ang walis at ito ang buong puwersang pinagpapalo ko kay Junjun.
“Mama, patawad
po hindi ko na po gagawin po... mamaaaaaaaaa!!!” ang pagsisigaw niya habang
nag-iiyak na iniharang ang mga kamay sa parte ng katawang pinagpapalo ko. Wala
akong pakialam kung matamaan man ang ulo niya o ang leeg, o ang dibdib, o tyan.
Basta galit ako. At galit na galit.
“Hindi mo na
gagawin? Paanong hindi mo na gagawin? Basag na iyang vase ko, Punyetaaaaa!!!” ang
pagmumura ko habang patuloy ako sa pagpapalo sa kanya.
“Mama... sorry
na po mama!!!” ang pagsisigaw pa rin niya.
Hanggang sa
napagod ako at nag-iiyak na lang ang bata na inihaharang pa rin ang kanyang
kamay sa kanyang katawan. “Hala! Pulutin mo ang mga basag na iyan at itapon!!!
Daliiii!!!” ang sigaw ko.
Nanginginig
man sa takot at namimilipit sa sakit, pilit siyang tumayo, kumuha ng karton at
isa-isang pinulot ang mga basag na vase at inilagay ito sa loob noon. Kahit
kasi limang-taong gulang lang si Junjun, tila mature na ito kung mag-isip. Siguro
dahil palagi ko itong pinababayaan sa paggawa ng kung anu-ano, kagaya ng
paglinis ng bahay, paliligo, pagsandok ng pagkain niya, kahit ang pagluto ng
kanin ay tinuruan ko na rin upang hindi maging pabigat.
Nang matapos
niyang mailagay sa kahon ang mga basag na vase at nilinis ang sahig, paika-ika
na itong tumungo sa kuwarto niya. Siguro nahiga, natulog. Hindi ko na pinansin.
Nang gabing iyon, hindi ko na rin siya sinilip pa sa kanyang higaan. Kumain ako
ng hapunan na mag-isa. Hindi ko naman kasi siya sinanay na palaging magsabay
kaming kumain. Kapag nagutom ako, kakain ako at ganoon din siya. Kaya nakatulog
akong hindi ko alam kung ano ang nangyari sa kanya.
Kinabukasan,
sinilip ko ang kuwarto niya. Wala.
Hinanap ko sa
kusina, sa banyo... wala rin. Doon na muli umandar ang aking galit. “Tangina!
Umalis nang hindi nagpaalam! Hinahamon talaga ako ng batang ito!” sa isip ko.
“Junjun! Junjun!!!” ang sigaw ko sa labas ng bahay, nakaharap sa mga kapitbahay.
Nasa ganoon
akong pagsisigaw nang, “Gina! Gina! Si Junjun!!!” ang sigaw sa akin ng
kapitbahay kong si Gilda. Ang bahay ni Gilda kasi ay ang palaging pinupuntahan
ni Junjun. Aliw na aliw kasi siya sa bata at si Junjun naman ay siya ang parang
best friend nito. Doon si Junjun nagpapaturo ng kung anu-ano – kanta, laro, kuwento.
At binibigyan din siya ni Gilda ng laruan. Kaya gustong-gusto ni Junjun kay
Gilda.
“Ano na naman
ang ginawa ng batang iyan diyan??? Nagpasaway ba?!” ang sigaw ko rin habang nagmamadali
akong tumungo sa bahay ni Gilda. Nang nagkapasok na ako, nakita ko si Junjun na
naka-upo sa sahig nakasandal ang likod sa dingding ng bahay, ang mga mata ay
nakapikit. “A-ano ang nangyari?” ang tanong ko.
“Nagpunta iyan
dito at nanghingi ng pandikit dahil may gagawin daw siya para sa mama niya.
Binigyan ko ng pandikit. Nitong nakaraang mga araw kasi ay palagi iyang may
ginagawa para raw sa iyo. Kaya hindi ko na pinansin dahil abala rin ako sa
kusina. Nang binalikan ko, nakausap ko pa bagamat halata kong tila pagod na
pagod at...” nahinto sandali si Gilda na tiningnan ako, kitang-kita ang
pagkabahala sa kanyang mukha, tila nangingig sa matinding kaba “...a-ano ba ang
nangyari sa mga kamay at braso niya? Tadtad ng pasa? Pati mukha?”
Hindi rin ako
agad nakasagot. Syempre, alam ko namang mali ang ginawa ko. “Eh.. n-nalaglag
iyan sa hagdanan kahapon!” ang sagot ko na lang. “Tapos? Nakatulog?” ang tanong
ko uli upang ituloy ni Gilda ang kuwento niya at mailihis ang topic.
“Tapos... sabi
niya itago ko lang daw ang ginawa niya. Ngunit nang binalikan ko uli pagkatapos
ng may isang oras, hayan, nakapikit na ang mga mata. Ginising ko at kakausapin
sana. Akala ko ay natutulog lamang. Ngunit hayan... hindi na huminga! Dalian
mo! Dalhin natin sa ospital!!!”
Dali-dali kong
hinawakan ang mga kamay ni Junjun upang patayuin ito. Ngunit wala na siyang
buhay. “Junjun! Junjun!” ang pagsisigaw ko habang inaalog ko pa ang kanyang
katawan. Sinikap ko ring bigyan siya ng CPR at mouth-to-mouth resuscitation.
Ngunit wala na talaga. Doon ay tila may humataw na matigas na bagay sa aking
ulo at nanumbalik ang aking katinuan. “Junjunnnn!!!” ang sigaw ko.
Gusto pa sana
ni Gilda na dalhin si Junjun sa ospital ngunit ako rin ang natakot na baka
malaman ang pang-aabuso ko sa bata. Kaya sinabi ko na lang na wala nang halaga
ang lahat.
Hindi na
iginiit pa ni Gilda ang pagdala kay Junjun sa ospital. Katulad ko, nag-iiyak na
lang din siya sa sinapit ng bata.
Tatlong araw ang
lumipas simula nang pumanaw si Junjun ay ang aking kaarawan. Hindi ko
ipinalibing kaagad si Junjun dahil nang araw na namatay ang bata, isiniwalat sa
akin ni Gilda na may isang drawing na ginawa si Junjun sa isang cartolina na ipinapatago
niya kay Gilda, sorpresa raw sana niya para sa aking kaarawan. Sa drawing
niyang iyon ay ang isang lalaki at isang may edad nang babae. Inilingkis ng
lalaki ang kamay niya sa beywang ng babae at sa ibaba ng drawing ay may caption
na, “Happy birthday mama. Kapag ganyan na ako kalaki, ako na po ang mag-aalaga
sa inyo. Palagi po kitang babantayan. Mahal na mahal ko po kayo, mama.”
Mistulang dinurog
ang aking puso sa pagkabasa ko sa sulat ni Junjun. Noon ko lang naisip na
darating pa rin pala sana ang panahon na lumaki siya at maging katuwang ko sa
buhay. At siguro nga, magiging masaya ako kahit papaano dahil napakabait na
bata si Junjun at mapagmahal.
“Alam mo Gina,
nagpapraktis ng maigi iyan sa pag-ukulele ng kantang ‘Happy Birthday’ dahil
kakantahan ka raw niya sa birthday mo. Ang ganda ng boses ng bata eh. Sayang...”
an gsambit ni Gilda.
Hindi na lang
ako kumibo. Nakadagdag lang kasi iyon sa
matinding pagsisisi at panghihinayang ko.
“Heto pala ang
pinagkaabalahan niya nang araw na pumanaw siya” dugtong ni Gilda sabay abot sa
akin sa isang karton na nilagyan ng pulang ribbon. Nakisuyo daw kasi si Junjun
sa kanya na lagyan ng ribbon ang karton na iyon.
Nang binuksan
ko ito, hindi ko na napigilan ang sariling hindi mapahagulgol. Ang laman ng
karton ay ang nabasag niyang vase. Ipinagtagpi-tagpi niya ang mga basag gamit
ang pandikit na hiningi niya kay Gilda upang pilit na mabuo muli ito.
Nasa ganoon
akong pag-iiyak nang may nakapa pa ako sa loob ng karton. Isang papel na may
nakasulat, sulat-kamay din ni Junjun, halatang nahihirapan sa pagsulat. “Ma,
sorry, kasi po bad ako. Sana po kapag wala na ako, ma-miss mo pa rin po ako. I
love you very much mama...”
di ko maisip pano nakayanan ng isang ina na patayin ang sariling anak.....
ReplyDeleteganda ng story. tnx author
Nakakaiyak
ReplyDeleteBoholano
Ang ganda nito Sir Mike! Ibang klaseng true love! :(
ReplyDeleteSad ending pero puno ng aral. Ganda. A for amazing.
ReplyDeleteNaiyak ako sa kwentong to.
ReplyDelete'Ika nga e, malalaman mo lang ang halaga ng isang tao kapag nawala na siya sa buhay mo.
ReplyDeleteSad but great story.
~Ken
Shit nqiyqk dito . Ano ba ito. Arggg.. dapat alagaan at mahalin natin kung ano man meron tayo.
ReplyDeleteJap
Ang kitid naman ng isip ng ibang tao. (to say the least )..hindi kasalanan ng bata .dapat mahalin ang bata dahil ang bata anng milagro sa buhay.
ReplyDeleteHindi ko kayang tapusin..pumatak na luha ko..T_T
ReplyDeleteOnly know u love when u let them go. Ugh! Kaiyak.
ReplyDelete-Vin
wahhhhhh...... iyak mode
ReplyDeletesobra ang iyak ko dito..
ReplyDeleteKawawa naman ang bta.
ReplyDelete#nakakaiyak
Dapat ikulong ang inang yan. Walang karapatang tumahimik.
ReplyDeleteNice and very touching story. I love it!
ReplyDeleteSobra akong naiyak Sa story
ReplyDeleteGoodjob
Jayzky19