Followers

Thursday, March 21, 2013

Mahal Mo Ba Ako? - 2

Chapter 2: Papansin

------

Salamat po sa positive reviews. Kung gusto ninyo, wala namang pilitan, you 

can add me up in facebook: https://www.facebook.com/ignis.dominguez

or follow in twitter: https://twitter.com/ignisdominguez

fair warning though, medyo suplado talaga ako. haha.

------

Rey pala ang pangalan niya ah. Loko ito ah. Ang yabang talaga. Hmf. Sabi ng mapang-husga kong utak.

-----

Nagpatuloy ang mga araw na nasa eskwela ako. Nagsimulang magkaroon ng mga bagong kaibigan at mga katropa. Nagsisimula na akong matuwa sa takbo ng bago kong buhay.

Tuwing papasok ako sa philosophy class ko, iyan ang subject na excited akong pumasok na hindi. Syempre nakakasabik ang bakbakan naming dalawa ni Lyn sa mga umaatikabong balita (o tsismis) tungkol sa mga dati naming kaklase na nasasagap namin mula sa iba’t ibang tao, at nababasa sa friendster (kasagsagan pa ang kasikatan ng fs noon). Idagdag mo pa ang nakakatuwang lecture ng parang may sayad naming instructor. 

Kasama ng kasabikan ay ang pagkainis dahil sa tatlong beses isang linggo makikita ko itong mokong na Rey na ito at nasa harapan ko pa nakaupo. Konting-konti na lang talaga at ramdam ko na ang pinaghalong tornado at hurricane sa kayabangan ng mokong na ito.

Si “mokong”? Siya si Reynald Tan. Mula sa apelyido niya isa siyang half-chinese. Siguro nga ay may karapatan siyang magyabang at isa siyang habulin sa buong college namin palibhasa “gwapo” daw at palangiti sabi ng mga dalaginding at bading na parang sinilyahan ang puwet sa tuwing dumadaan siya sa corridor. Kapag ako ang dumaan, parang nakita na nila ang instructor nila at kanya-kanyang pasok na ang mga ‘yan sa classrooms nila.

Ignis. Yan ang binansag ko sa sarili ko. Ignacio Dominguez for long. Hindi ko alam kung maniniwala ako sa sinasabi ng mga kaibigan ko na pogi daw ako. Hehe. Sila ang mapilit eh. Sa taas kong 5’ 8” di ko pa rin makuhang makuntento. Kumukulot ang buhok ko kapag humahaba kaya madalas na crew cut ang gupit (kung anong required sa CAT at ROTC ‘pag officer, yun na yun), singkit na mata at may katangusan ng ilong. Kung may kahawig daw ako, si Harry Santos ng GMA7 na yun. Kaso may problema eh. SUPLADO ako. Mula pa noong nagkamuwang ako sa daigdig, hindi ako palangiti at laging seryoso ang dating. Mabait ako sa mga kaibigan ko at kalog sa tropa pero kung hindi ko close, manigas ka man, hindi kita papansinin. Usually, tahimik ako kapag naglalakad kahit na may kasama akong mga kaibigan. Yung mga kaibigan ko, akala ng lahat eh dragon talaga akong bumubuga ng apoy na tipong di nila makakasundo. Pero kapag nakainom na ako ng Royal coffee, sumigaw ka na ng ‘ilabas na ang kulit’.

Isang buwan na ang nakakalipas mula ng magsimula ang semestre pero dahil puro kulitan ang inaatupag namin sa Philo, parang di kami nag-aaral. Kaya lang malapit na ang prelims at di daw pwede na exams lang ang source ng grade namin.

"Next meeting, may suprise quiz kayo! O diba, nasurprise kayo?" bungad ni Sir Rodriguez na naging dahilan ng hagalpakan ng buong klase. "Ang coverage ng quiz niyo ay ang appendix ng Chapter 1. Pag-aralan nyo ng maigi yan ha." sabay pa ang taas ng kilay.

Tiningnan ko ang page na sinasabi ni Sir. Ay anak ng tinupak, pages pala. Kung memory work ito wala na akong nakuha. Hindi naman ako grade conscious pero ayaw ko naman na sa non-professional subject ay mababa ako. Pag-angat ng mukha kong ang noo'y nakakunot, aba pareho kami ng mokong. Nakatitig din siya sa libro habang nakatagilid ng upo. Bigla siyang tumingin sa akin.

At parang nagkatotoo ang matrix. Parang bumabagal na naman ang kilos ng orasan dahil sa ang paglingon niya ng mukha sa direksyon ko ay parang slow motion. Inch by inch his face is clearly turning around. Kulang na lang ang spotlight sa likod ng ulo niya at parang pintuan na ng langit (hindi iyong iniisip nyo..hehe) ang nakikita ko. Nagtama ang pareho naming singkit na mata at nagkatitigan ng ilang saglit. Parang may gusto siyang sabihin. parang may gusto akong sabihin.

"Oh, bakit?" ang naisatinig ko. Umiral na naman po ang pagiging suplado ko.

"Wala lang,"and saad niya na nagpangiti sa kanya samantalang wala naman nagbago sa expression ng mukha ko maliban sa slight, slight lang talaga na pagtaas ng isang kilay ko. "Ngumiti ka nga, nakakapangit iyan lagi ka na lang nakakunot, Ignis." sabay ang mahinang tawa.

"Magreview ka na lang, tol" wala pa rin. Tuod ba ako? Basta ang alam ko kapag siya ang kausap ko wala akong emosyon.

Tumalikod na siya pagkatapos nun at hindi ko na siya pinansin. Tumunog na din ang bell na pinakaasam-asam ng lahat ng estudyante. Tumayo na ako dahil nakaligpit naman na ang mga gamit ko (excited?hehe). Beso muna kay Lyn at nagpaalam na mauuna na ako umuwi at hindi na ako sasabay. Malalaking hakbang ginawa ko para madaling makatalilis sa classroom namin.

Pagkagaling sa school malayo-layo pa ang nilakad ko papuntang dorm. Pagtawid ko sa kalye sa tapat ng school, dorm na namin. O diba walang effort pero wag ka nalalate pa din ako. Pagpasok ko sa kwarto ko, nahiga lang ako at nakaidlip.

<><><><><><><><><><><><> 

"Ignis, mahal mo ba ako?" tanong ng isang taong kinakainisan ko.

Tinignan ko ang mukha niya na napakaamo at nagsusumamo ng pagmamahal?(weh)

"Ano? Ignis?" tanong niyang muli at umakbay pa sa akin.

"Ah..eh..kwan", hindi ko pa man naiisip ang sagot sa tanong niya dahil ayaw ko lang talagang sagutin, ay narinig kong tumunog ang cellphone ko. "Saglit sagutin ko muna ito ah."

Bumitaw siya sa pagkakaakbay,"Sige lang, take your time".

Pinindot ko ang answer button at tinapat sa tenga ko ang cp."Hello!" Walang sumasagot sa kabilang linya. At nagriring pa din ang cp ko. Inulit ko uli pero wala talaga ganun pa din.

<><><><><><><><><><><><><><><><><><> 

KABLAGG!

Nagkandahiwa-hiwalay ang bawat piraso ng cellphone ko dahil hawak ko ito habang nalaglag ako sa kama. Tanggal ang front casing, back casing at pati na rin battery. Pinulot ko ang nagkalat na telepono at pinagkabit-kabit iyon. Ini-on ko para makita ko kung sino yung tumatawag. Bumukas naman ang cp ko at hindi naman ako takot na baka nasira na yun. Matibay kasi ang Nokia 3310 at pamato pa nga ito sa tatsing.

3 missed calls at 5 text messages lahat galing sa kaibigan at utol kong si Lhea Roxas. Medyo maliit lang siyang babae na may konting katabaan ng katawan at puso. 'Pag umasta yan well she's one of the boys daw pero wag ka malakas manlalaki yan pero hanggang flirt lang no touch. para lang daw sa long time crush niya ang alindog niya. Dahil halos pareho kami ng trip na music, sa mga activities, at pagkain kaya nagkasundo kami ng lokaret na ito.

"Tol, eat tau aldas, now na" ang text niya. Actually lahat ng limang text ni Lhea ay ganyan lang ang laman. 

Iyan ang trip naming magkatropa ang kumain sa Aldas na isang turo-turo, mura na marumi pa pero mas madumi nga daw mas masarap. Nagpunas lang ako saglit ng mukha at dire-diretso na dun gutom na din naman ako.

Habang naglalakad, pilit kong pinag-iisipan kung ano ang mensahe ng panaginip ko na iyon. Hindi ko pa rin maintindihan. Hindi ko na lang din inintindi pa. 

Ikwento ko kaya kay Lhea? sabi ko sa isip ko. Pero sa huli, hindi ko na lang kinuwento sa kanya baka lang joke lang ang nasa isip ko. Kumain na lang kaming dalawa habang siya ay abala sa pagtingin sa mga kapwa naming estudyante kung may gwapo.

Kinurot ko siya sa tagiliran.

"Ayskininenertz!" pag-sigaw niya na naghatid sa akin ng halakhak. "Ouch ha, Ignis. Youch! Loko ka! Hmp! Sira na tuloy ang poise ko" pagtatampo effect niya.

"Sira kanina pa sira ang poise mo Lhey. Konti na lang magkakaron ka na ng brokeneck sa kaiikot ng tingin mo eh." pang-aasar ko.

"Ikaw talaga napaka-KJ mo din kung minsan noh," nagsisimula na siyang mapikon.

"Hehe. Mamaya ka na kasi mag "bird" watching tol." turan ko.

"Tse."

Ganyan lang kaming dalawa kapag magkasama. Minsan sinasampal na lang ako niyan kapag napapatulala ako sa mga naglalakad para magising daw ako.

Hindi ko na talaga inungkat yon kay Lhey at naging masaya ang gabi hanggang magpasya na kaming umuwi pareho.

-----

Sakto sa oras ang pagpasok ko sa Philo class ko kinabukasan. Naabutan ko ang mga kaklase ko na abala ang lahat sa pagbabasa.

Ay teka! Oh shet na malagkit! May quiz nga pala kami. Dumaan na ako sa harap ng classroom para mas malapit kong marating ang upuan ko at sa peripheral vision ko nakangiti si mokong sa akin. "Ano kaya ang trip ng mokong na ito?" bulong ko. Pagkaupo ko sa silya ko bukas ako ng libro. Madali kong nahanap yung pages ng appendix dahil inipitan ko ng bookmark pero pagkabuklat ko pa lang ng libro narinig ko na ang boses ni Sir.

"Keep everything away. I don't want to see anything on top of your desks except for your pen and a 1/4 sheet of pad paper," utos niya.

Oh no. Sus bahala na nga si batman. Kusang nagkaroon ng 1/4 ang desk ko. At paglingon ko, kay Lyn pala galing.

"Question number 1," sabi ni Sir.

"This is it! First quiz ko lagapak na ako. What a smooth change" pinapagalitan ko na ang sarili ko.

"Spell sacrament," turan ni Sir.

"Ano daw? spelling?" sabi ng utak ko at bigla akong napatingin sa instructor namin. 'Pag angat ng ulo ko, hindi lang pala ako ang nasurprise sa surprise quiz namin.

"Isulat nyo na diyan sa papel nyo at baka magbago pa ang isip ko." medyo natatawang sabi ng kolokoy naming instructor.

Lihim akong natawa dahil nakalimutan ko na iba nga pala ang takbo ng utak ng instructor namin.

Twenty items lang naman yung quiz/spelling namin. Times two na lang daw para mataas na hindi na kami mag-quiz uli for the prelims.

"Ayaw kong magcheck kaya exchange papers na lang kayo. Exchange papers with the one in your front. I-check nyo maigi ang mga sagot ng classmates nyo at baka nag-open notes yan. College na kayo kaya dapat marunong na kayo ng spelling. Lagyan nyo din ng corrected by tapos pirmahan nyo" pakwela na naman ni Sir.

Syempre no choice ako kundi makipag-exchange papers kay Rey. Todo check naman ako para wala siyang masabi na mali ako mag-check. In fairness na perfect ni mokong yung quiz namin. So pagkatapos namin pareho eh ibinalik na namin ang papel ng isa't isa. Lapad ng ngiti ni mokong at perfect siya.

Tiningnan ko ang paper ko kahit alam ko na perfect din ako. Ay teka! Bakit 38/40 ako? Hinanap ko kung saan yung mali ko. Dun pa sa last item. Ngeks? bakit mali ako?

"Ah, Rey. Bakit minali mo itong last answer ko tama naman ito ah" reklamo ko.

"Sobra kasi ng U at E." paliwanag naman niya tapos pinakita ang papel nya na tsinek ko kanina.

Ang sagot niya na itinama ko: D - I - A - L - O - G. Dialog

Ang sagot ko na minali niya: D - I - A - L - O - G - U - E. Dialogue

"Rey, tama din naman ito eh. Yung sagot mo kasi american yung spelling kaya mas maikli. Yung sa akin eh british kaya may U at E pa sa dulo. Interchangeably namang ginagamit kaya yan," paliwanag ko.

"Alam ko naman yun, Ignis", sagot niya.

"Eh bakit pala minali mo?", nagsisimula na akong mainis.

"Para naman kausapin mo ako ng matagal-tagal at hindi na lang puro OO, HINDI, at one-liner ang sagot mo. Ang suplado mo kasi." sabay ngiting nakakaloko at check sa paper ko.

"What's wrong with you?" tanong ko sa kanya.

------- Itutuloy

20 comments:

  1. ..hahaha. ang cute ng last part.

    ..ahrael

    PS: add kita sa fb ignis ha. hehe

    ReplyDelete
    Replies
    1. sure ahrael no problem. wag nga lang magtatampo pag di ako nagre-reply ah.

      Delete
  2. Hahaha nag hanap talaga ng paraan si rey para kausapin lang sya ni ignis.... Ang cute lang nila hahaha

    ReplyDelete
  3. Hmmmmmmm.... gustoko yan .. HAHAHA

    diskarte2 rinpag may time. XD

    ReplyDelete
  4. PUT A CHECK..kinilig ako...promise SUSUbaybayan ko ito hanggang ending..ang ganda ganda

    ReplyDelete
  5. PUT A CHECK..kinilig ako promise...SUSUbaybayan till ending..ang ganda ganda ng story..relate si ako

    ReplyDelete
  6. hahaha

    HAHAHA

    HA HA HA HA HA HA HA

    HANGKULET!!! XD

    ReplyDelete
  7. ang ganda ng flow neto swear...more powers po...add po ita s fb ha..thanks...xD

    ReplyDelete
  8. ganda ng flow ng story..more powers po...xD

    ReplyDelete
    Replies
    1. thanks neil. sana wag kilikili powers noh? haha

      Delete
  9. sipsgin sana ako. ang tamad ko kasi magbasa ng series but this one looks promising. parang sharon and any partner ang dating.

    ReplyDelete
  10. oo nga nabasa ko na ito dati, waiting sa mga bagong chapter=Dereck=

    ReplyDelete
    Replies
    1. hi dereck. don't worry may bagong chapters na po.

      Delete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails