Followers

Wednesday, July 18, 2012

Ang Lalaki Sa Burol [7]


By: Mikejuha

Author’s Note:

Sige nga, try na nga nating mag greet ng mga commenters: Hi to Riley, emandeegee, Andy, Jm_virgin2009, iRead, santuaantolin (Arvin), Mike, Almondz, Marlon Lopez, Ramm, Makki, Vinz_uan, Mars, rob dela cruz, milesDYOSA, at sa mga anonymous na commenters.

At salamat din sa mga followers at silent readers. At syempre, maraming salamat din sa mga kapwa ko writers at mga contributors ng MSOB na siyang nagpasigla pa rin sa MSOB.

At oo nga pala, mayroon po akong ginawang group sa fb, “Mikejuha’s friends”. Kung gusto po ninyong sumali, pm me lamang po para ma add kayo. Secret group kasi ito. Also, paki like naman din sana ang fb page ng “Idol Ko Si Sir by mikejuha” at ang fb Fanpage ng Michael’s Shades Of Blue.

At oo nga pala, wala pa tayong model face nina Jassim at James. Naghahanap pa...

-Mikejuha-

---------------------------------------------



Napahinto ako sa bukana ng pintuan ng opisina at nilingon si Marlon, sinigurong tama nga ang aking narinig na sasama siya sa akin.

Ngunit nabigla rin ako noong, “James, wait...” ang pagsingit ni Sophia.

Lumingon si Marlon sa kanya na kasalukuyang nakatayo na at naglakad patungo sa pinto kung saan ako nakatayo. “Yes???” sagot niya.

“Ok... papayag na akong tangagpin natin iyang si Jassim. Huwag ka lang umalis please...”

Nilingon ako ni Marlon. “I’ll just call you, Jassim. Please wait outside...” sambit niya.

At hindi pa ako tuluyang nakalabas ng kuwarto, agad na siyang niyakap ni Sophia at hinalikan, nilalambing pa. “Totoo pala ang sabi ni Ricky na demonya ang amo nilang babae... Takot naman palang iwanan eh.” bulong ko na lang sa sarili.

Tinungo ko ang upuan sa labas ng office ni Marlon at doon naghintay. Pailing-iling na lang ako. Syempre, sobrang sakit na nakita ng aking dalawang mga mata na niyakap ng babaeng iyon si Marlon, na sa isip ko ay si James talaga. At lalo pa noong sumagi rin sa utak ko kung ano ang kanilang ginagawa sa loob. “Sigurado hindi lang sila nagyakap; naghahalikan pa sila o may mas matindi pa kaysa halik silang ginagawa sa loob...” sa isip ko lang. Napabuntong-hininga na lang ako.

May 15 minutos din akong naghintay. Maya-maya lang ay bumukas ang pinto sa opinsin ni Marlon at nakita kong lumabas si Sophia. Noong nakita niya ako, biglang sumimangot ang mukha niya at tinitigan ako nang napakatulis na para bang may pananakot o pagbabanta.

“Jassim, come in!” ang sambit naman ni Marlon na sumilip lang sa pintuan at tinawag ako.

Tumayo ako. Hindi ko na pinatulan pa ang matulis na titig sa akin ni Sophia. Tinumbok ko ang pinto sa opisina ni Marlon atsaka dali-daling pumasok, umupo sa dating inupuan.

“Pasensya ka na kanina ha? Ganyan lang talaga iyang si Sophia... Kailangan pang takutin.” Sabay bitiw ng tawa. Ewan kung totoong tawa iyon o gusto lamang niyang i-play down ang nangyari. Nag-takutan kaya sila sa harap ko.

Binitiwan ko na lang ang isang hilaw na ngiti. Hindi na ako sumagot.

“Pagpasensyahan mo na rin siya ha? Magiging amo mo rin iyan kung kaya intindihin mo na lang.” dugtong pa niya.

“O-ok lang po iyon, Sir... Masasanay rin siguro ako.”

“Alam mo... marami pa sana akong itatanong sa iyo eh. Naintriga kasi ako sa mga sinabi mo sa akin tungkol sa kuya mong hindi na sumipot na sabi mo ay kamukha ko. Pogi pala ng kuya mo...” biro niya sabay tawa. “Sabagay pogi ka rin naman kaya hindi malayong pogi rin ang kuya mo.” Dugtong pa niya.

Ngumiti na lang ako.

“Marami pa sana akong gustong itanong sa iyo. Mukhang interesante kasi eh. Kaso...” tiningnan ang relo niya “...may meeting pa ako with branch managers ng MCJ Chain. Pero sa ibang pagkakataon na lang. Marami pa naman di ba? I’ll find time na magkausap tayo.”

“S-sige po Sir. Aasahan ko po iyan.”

“Good. At bukas na bukas din, magreport ka na rito. Kilala mo si Ricky, di ba? Siya ang mag-orient sa iyo regarding your time schedule, assignment, etc.” Sambit niya sabay tayo at inabot sa akin ang kanyang kanang kamay.

Tinanggap ko ang kanyang pakikipagkamay. “Salamat po uli Sir.”

“See you tomorrow, Jassim!”

Noong nakalabas na ako sa office niya, nagkataon namang nakita ko si Ricky na naka-unipormeng pag eskwela na. May night class daw kasi siya kung kaya deretso na siya patungo sa school. Sinabayan ko na siya. Iisa lang kasi ang aming rota at halos nasa bungad lang ng unibersidad namin ang aking boarding house.

“Yeeeyyy! Natanggap ka talaga, igan?” sambit ni Ricky noong nakasakay na kami ng tricycle.

“Oo... nag-argumento pa nga sila eh. Ayaw ni Ma’am Sophia sa akin.”

“Hmmpt! Kontrabida talaga ang demonyang iyan! Kahit kailan. Epal...”

Napangiti na lang ako nang hilaw.

“Ngunit nakuha talga sa luksong-dugo, igan!”

“Luksong-dugo? A-ano iyon?”

“Iyon iyong kahit di niya alam na magkapatid kayo, may instinct na nag-udyok sa kanya na tanggapin ka. Iyon iyong pakiramdam ng pagkagaanan ng loob sa taong nakita niya kahit hindi pa niya kilala ito. Mayroong ganyan eh. Sa unang tingin pa lang ay makikita mo na kaagad na parang excited ka sa tao.”

“G-ganoon ba iyon?” ang tila may halong guilt ko namang sabi. Paano naman kasi, hindi naman totoong kuya ko iyong tao. Para tuloy gusto ko nang bumigay at isiwalat kay Ricky ang lahat. Ngunit nanaig pa rin ang takot sa isip ko na baka hindi niya ako maintindihan o di kaya ay magalit siya sa akin na nagsinungaling ako.

“Oo. May ganyan... at totoo iyan.”

“A-ano pala ang magignig trabaho ko?” ang paglihis ko sa usapan.

“Bukas ituturo ko sa iyo lahat. Maaga kang magreport ha?”

Tumango ako.

“At iyang Sophia, kahit anong gawin niyang pang-iinis, tiisin mo. Ganyan talaga iyan. Ang trabaho niyan ay ang pang-aasar at pagdagdag ng pasakit sa mga tao ni Sir Marlon. Insecure kasi iyan eh. Kahit lalaki pinaghihinalaan, pinagseselosan. Kaya kung gusto mong mapalapit sa kuya mo, tiisin mo ang lahat, ok?”

“Oo Ricky. Tiisin ko ang lahat.” Sambit ko. At sa isip ko lang, “Dahil sa pagmamahal ko kay James... kakayanin ko.”

At kinabukasan nga, maaga akong nagpunta ng restaurant. Dahil sarado pa ito noong dumating ako, naupo muna ako sa isang gilid sa labas, sa sementadong box na tinaniman ng mga bulaklak. Syempre, may kaba akong naramdaman bagamat may kaunting excitement din. First time ko kayang magtrabaho. At ini-expect kong pag-initan talaga ako ng among babae namin. Alam kong may hinala siyang may alam ako sa pagkatao ni Sir Marlon, kung siya nga talaga si James. At iyon ang kinatatakutan ko. Sino ba ako upang banggain ang isa sa pinakamayamang angkan sa lugar na iyon. Isang hamak lang akong estudyante na kung hindi nagkaroon ng scholarship ay baka hindi pa nga makapag-aral. Ngunit kailangan ko ring malaman ang katotohanan tungkol sa pagkatao ni Sir Marlon. Kung siya man si James, nais kong matulungan siya upang makauwi at masilayan niya ang kanyang ina. “Kahit hindi na lang para sa naramdaman ko. Kahit hindi na niya ako maalala, ok lang. Ang mahalaga ay ang maibalik siya sa tunay niyang pamilya...” bulong ko sa aking sarili sabay bitiw ng malalim na buntong-hininga. Parang nakikinita ko kung gaano kahirap ang landas na tatahakin ko. Ngunit dahil sa pagmamahal ko kay James, gagawin ko ang lahat, haharapin ko ang ano mang sakripisyo para sa kanya.

Nahinto ako sa aking pagmumuni-muni noong may biglang humintong sasakyan sa aking harapan. Kalsada pala patungong parking area ang harap ng aking inuupuan. “Good morning! Ang aga natin ah!” sigaw noong nasa loob ng kotse.

Si Marlon.

Bigla namang gumaan ang aking pakiramdam sa pagkakita sa mukha niyang nakangiti sa akin. Pakiwari ko ay tumalon-talon ang puso ko sa sobrang galak, nawala ang aking mga pagaagam-agam. Nasilayan ko na naman ang pamatay niyang ngiti, ang hayop niyang porma. “Good morning po!” ang sagot ko.

“I’ll just park my car and wait for me there.” Utos niya.

Noong nakabalik na siya, minuwestrahan niya akong sumunod. Binuksan ng guwardiya ang naka-lock na entrance. Sumunod ako sa kanya hanggang sa loob ng kanyang office. Noong nakaupo na siya, umupo rin ako sa upuang nasa harap ng kanyang mesa.

“Are you free tonight at 7?”

Hindi ako nakasagot agad, ni-recall sa isip kung may klase ako sa nasabing oras. “Free po ako sir.” Sagot ko.

“Well then, good! Magkita tayo sa restobar na malapit sa plaza. Alam mo ba ang lugar na iyon?”

“Yes Sir. Alam ko po ang lugar.”

“So tonight at 7? Doon na tayo magkita.”

“Ok po...”

“Sige, puntahan mo na si Ricky. I’m sure nand’yan na siya.”

Lumabas ako sa opisina niya na tila nakalutang sa ere. Sobrang saya ko sa kanyang sinabi. “Ano iyon? Date??? Sa isip ko lang.

Binigyan ako ni Ricky ng orientation tungkol sa aking assignments, mga dapat at hindi dapat gawin sa oras ng trabaho, kung paano i-deal ang mga customers. Binigyan din niya ako ng tip kung paano i-deal si Ma’am Sophia.

“Iyang amo nating babae, kulang sa pansin iyan. Kapag naunahan mo ng papuri kagaya nang, ‘Good morning miss Sophia! Ang ganda-ganda po ninyo ngayon ma’am! Bagay na bagay po sa inyo ang suot ninyo, o ang make-up ninyo o ang lipstick ninyo... Ang bango-bango niyo po...’ Ganyan, at bibigay na agad iyang haliparot, ngiti at magta-thank you na sa iyo. Sa buong araw na iyan, hindi ka niya aasarin, hindi ka niya pagtripan. Ganyan ka kulang sa pansin ang amo natin. Palibhasa, guwapo ang amo natin at iniidolo pa ng mga kasama natin sa work, kung kaya gusto rin niyang maglevel up. Ganyan siya ka-desperada ” Sabay tawa.

Napangiti naman ako.

Pagkatapos namin sa orientation, binigyan ako ni Ricky ng uniporme atsaka tinumbok na namin ang area kung saan sasabak na ako sa trabaho. Nagpunta muna si Ricky sa CR habang ako ay dumeretso na.

Hindi pa man nakarating sa dining ay nakasalubong ko na si Sophia. At tinitigan niya ako, iyong titig pa rin na matulis, parang nagbabanta, at nakasimangot pa. Bigla kong naalala ang sinabi ni Ricky na bolahin ko na lang siya. Subalit hindi ko nakayanan ang magsalita. Pakiwari ko ay nagi-guilty ako sa aking sarili na purihin siya samantalang hindi naman totoong nagandahan talaga ako sa kanya. Ang mukha niya ay may sobrang makapal na make-up, hindi naman sexy ang katawan dahil may katabaan. Parang niloloko ko rin lang ang sarili ko kung pupurihin ko siya. Kaya, “Good morning ma’am!” na lang ang nasabi ko.

Aba... at hindi niya ako sinagot. Bagkus, binulyawan pa niya ako ng, “Dito ka magtatrabaho! Sumunod ka sa akin!”

Wala akong nagawa kundi ang sumunod sa kanya. Doon niya ako dinala sa likod ng restaurant kung saan nakatambak at nagkalat ang lahat ng mga basura. Mainit, nangangamoy, naghalo ang mga plastik, styro-foam, karton, papel, mga tira-tirang pagkaing hindi naubos, sauce, gravy, tagas ng tubig, lahat nang dumi ay naroon. At may mga tabla at nabubulok na mga kahoy din, ang iba ay sing lapad ng pintuan. Basa rin ang lugar at amoy panghi. Sobrang dami ng kalat at sobrang dumi na halos smokey mountain nang naturingan.

“Ang gawin mo d’yan ay ihiwalay ang mga plastik, ang mga nabubulok na basura, ang mga papel, ang mga bote, ang mga kahoy, at pagkatapos, gusto kong makitang malinis na malinis ang lugar na ito ha? Pati iyang mga damo at talahib, gusto kong tanggalin mo rin. Ito ang magiging assignment mo!” sabay talikod. Ngunit bumalik din at noong humarap uli sa akin. “Kapag hinanap ka ng Sir Marlon mo, sabihin mong may itinapon ka lang na basura dito ha? At huwag kang magsumbong sa kanya na dito kita inassign. Nagkaintindihan ba tayo???” ang sambit niyang nanlilisik ang mga malalaking mata.

“Y-yes ma’am!”

“At magkaliwanagan tayo... hindi ako masaya na narito ka! Kung ayaw mong isang araw ay may mangyaring masama sa iyo, lumayas ka na lang dito, ok? Kasi... kapag tumagal ka pa dito at nauubos na ang pasensya ko sa iyo, baka isang araw ay sa kangkungan ka na lang pupulutin. Alam mo ba ang ibig kong sabihin? Ipapasalvage kita! Alam kong hindi ka taga-rito. Nagresearch na ako tungkol sa buhay mo. Mag-ingat ka... At isa pa, ayokong makikipag-usap ka kay Marlon ha? Yes or No lang ang isasagot mo sa kanya kapag kinausap ka niya! Kasi, kapag na brainwash mo siya at lalayo siya sa akin dahil sa mga inimbento mong kuwento, siguradong may paglalagyan ka! Hindi kita tatantanan hanggang sa mawala ang lahi mo dito sa mundo! Maliwanag???!”

Wala na akong nagawa kundi ang mangiyak-ngiyak na sumagot. “O-opo, maliwanag po, Ma’am...”

“Miss Sophia ang itawag mo sa akin!!!”

“O-opo Miss Sophia... Miss Sophia po.”

At tuluyan na siyang tumalikod, pansin ko ang feeling panalo niyang pakiramdam sa sarili.

Noong tuluyan nang nawala si Sophia, doon na ako tinablan ng takot. Binitiwan ko ang isang malalim na buntong hininga. Sa totoo lang, dahil sa sinabi niya, may pagdadalawang-isip na akong ituloy pa ang pagtatrabaho. Matiwasay naman ang kalagayan ko bilang isang ordinaryong scholar lang. May sapat na oras para sa pag-aaral, nag-eenjoy sa klase at extra-curricular activities, walang taong natatapakan. Simple lang ang buhay at masaya sa ganoong set-up. Parang gusto ko nang sumuko.

Ngunit sa kabilang banda, may naramdaman din akong awa para kay Marlon. Malakas ang kutob ko kasing siya talaga si James. At sa isip ko ay walang duda iyon. “Paano naman siya? Paano ang pamilya niyang naghintay sa kanya? Paano ang inay niya? Siguradong sa loob-loob niya ay naghahanap din siya sa kanyang tunay na pamilya.” Ang udyok naman ng isang parte ng aking utak. “Ngunit paano rin naman ako? Paano ang mga magulang ko kapag nagkatotoong ipapasalvage talaga ako ni Sophia? Paano ang mga plano ko sa buhay?”

Mistulang naghilahan ang dalawang magkasalungat na paninindigan sa aking isip. At dahil may usapan kami na magkita ni Marlon sa gabing darating, may nabuong desisyon ang aking isip: sasabihin ko sa kanya na hindi ko na itutuloy pa ang pagtatrabaho sa restaurant nila. I-focus ko na lang ang sarili sa aking pag-aaral at kalimutang may nakita ako, may nalaman, may nadiskubre. Sasabihin ko rin sa kanya na gawa-gawa ko lang ang mga sinabi kong nawala kong kuya na kamukhang-kamukha niya...

“Tama... iyan ang gagawin ko. Sa araw na ito lang ako magtatrabaho at bukas, resigned na ako. Gagawin ko pa rin ang ibinigay na trabaho ni Sophia sa araw na ito para wala siyang masabi, at malinis ang pag-alis ko.” Sa isip ko lang.

“OMG igannnnnn!!!” ang sigaw ni Ricky noong nakita niya ako sa lugar na iyon, punong-puno ng pawis ang katawan at mukha habang pasan-pasan ang mga kahoy upang ilagay sa isang tabi. “Bakit iyan ang ginagawa mo? Trabaho ng basurero iyan? At ang init-init dito, ambaho-baho pa!”

Napahinto ako sa aking ginagawa. “Ito ang ibinigay sa akin na assignment ni Ma’am Sophia eh!”

“Grrrr!” Sagot ni Ricky. “Sabi ko na nga ba. Pinag-initan ka ng babaeng iyon. Paano, may itinatago siguro sa kanyang baul at nalaman niyang nasa iyo ang susi ng baul niya...”

“Hayaan mo na, Ricky... Kaya ko naman ito eh. At unti-unti, malilinis ko rin ang lugar na ito.”

“Malilinis??? Mamaya lang, makikita mong tatambakan na naman ito ng mga basura. Atsaka, may private na kumpanya na inaatasan nating kumuha ng mga basura linggo-linggo. At isa pa, hindi ka tinanggap ni Sir Marlon upang maging basurero lamang! Por diyos por santo por syento naman o!”

“Hayaan mo na nga lang, Ricky. Kasi, ang private company na sinabi mo, kumukuha lamang sila ng basura. Hindi nila nililinis ang lugar.”

“At bakit? Nasa job description mo ba na linisin mo ang tambakan na to?”

“Ok lang iyan. Kasi, kaya ko naman eh.”

“Anong kaya? Ang dumi-dumi ng lugar na to, may malalaking tambak na kahoy, may mga yero pa, at mahahabang talahib? Kung gusto ng demonyang iyan na linisin ang lugar na ito, mag-hire siya ng demolition team, isang brigada ng army kamo, iyong galing Mindanao. Hindi ikaw!”

“Sobra ka naman. Hindi naman ganyan kalala ang sitwasyon dito.“

“Ah basta. Hindi ako papayag. Sasabihin ko ito kay Sir Marlon.

Na siya ko namang biglang pagtutol. “Huwaggggg!” Hindi maaaring malaman ito ni Sir Marlon. Kapag nalaman niya ito, masesante ako, Ricky. Gusto mo bang mangyari ito?” ang palusot ko na lang. Bagamat nabuo na sa isip ko ang umalis, ayaw kong malaman ni Marlon ang lahat dahil sigurado, malaking gulo ang mangyari at baka tuluyang gawin na ni Sophia ang kanyang bantang ipasalvage ako.

“Igan naman... paano ba kita matutulungan?”

“Basta hayaan mo lang ako dito dahil kaya ko ito...” ang sagot ko na lang.

“Nakakainis ka naman eh. Bahala ka na nga! Basta ok ka lang ha?”

“Oo... ok lang ako”

“Kapag hindi ka ok, sabihin mo sa akin ha?” sambit ni Ricky na bakas sa mukha ang pagkaawa sa aking kalagayan.

Tumango ako.

“Sandali kukuha ako ng gloves, botas, at overall na damit.” Sabay tungo sa stockroom ng restaurant. At noong nakabalik, dala-dala na niya ang kanyang mga sinabi. At may dagdag pang malapad na sombrero, payong, at itak, depensa ko raw sa sarili laban sa ahas. “Dalawang klaseng ahas kasi ang narito. Ang isang ahas ay gumagapang, galing d’yan o.” Turo niya sa damuhan. “...nangangagat iyan. At ang isa naman ay galing dito” turo naman niya sa opisina ni Sophia “nambubuwesit! Tagain mo pareho ha?! Leeg ang tagain mo para matanggal ang mga ulo nila!”

Natawa naman ako sa sinabing iyon ni Ricky. “Ikaw talaga...” ang sagot ko na lang. Kahit papaano ay natuwa ako. At least, may isang taong nag-alala at nagmalasakit pa talaga sa akin.

“Mamaya kapag hindi na ako busy sa area ko, tutulungan kita d’yan. Don’t worry. Kaya natin yan.”

“Huwag na. Baka ikaw ay madamay pa sa galit ni Sophia...”

“Huwag kang mag-inarte!” ang mataray namang sagot ni Ricky sabay talikod at tuloy-tuloy na umalis pabalik sa puwesto niya.

Agad akong nagpalit ako ng damit, isinuot ang botas at sombrero atsaka sinimulan ang paglinis sa lugar. Habang ang mga kasama kong crew ay abala sa pagkuha, paglista, pagdeliver, at pagasikaso sa mga customers, ako naman ay nagkakalkal sa mga basura, nagbubuhat ng mga kahoy at yerong itinambak sa mainit, marumi, at mapanghing tambakan na iyon. At dahil wala namang containers, ginawa kong parang malalaking harang o dividers ang mga kahoy din na naroon at mga yero. Kinarga ko, hinila, inayos, gamit lamang ang mga indigenous na materyal na naroon. At malaking tulong din ang itak na binigay ni Ricky. At kahit papaano rin, lumabas ang aking creativity sa aking ginawa. Inisip ko na lang na parang isa iyon sa mga assignments ko sa Arts na elective subject ko. Flat 1.0 kaya ang grado ko sa subject na iyon.

Noong natapos ko na ang mga nagsilbeng dividers o improvised na containers, saka ko inisa-isang pinaghiwalay ang mga basura. Sa isang lagayan ang mga plastik, sa isang lagayan ang mga nabubulok na basura, sa isang lagayan ang mga bote, iba naman ang sa mga papel, iba rin ang sa mga styrofoam, base talaga sa utos ni Sophia. Tiyaga lang, pasensya, tiis, ngunit positive na magawa ko ang assignment na iyon.

Halos alas dos ng hapon noong dinalaw na ako ni Ricky. Kadalasan daw kasi, mga ganyang oras na sila nakakakain dahil sa dami ng mga customers.

“Igan... sabay na tayong kuma—“ hindi na naituloy pa ni Ricky ang sasabihin. Napanganga ito, itinakip ang kanyang dalawang kamay sa kanyang bibig, at ang kanyang palaging expression na “OMG! OMG! OMG! Anong ginawa moooooooo???” noong nakita niya ang aking ginawa?

“B-bakit? Hindi mo nagustuhan?” ang taranta kong sagot.

“Dinaig mo ang nag-land scape ng harap ng ating restaurant! Ang ganda na nitong lugar!!!”

“H-hindi ko pa nga natapos eh.”

“God ang ganda na Igan!!!” at walang pasabing tumalikod pabalik sa loob nagtatakbo. Maya-maya, narinig ko na lang, “Sir Marlon! Sir Marlon!!!”

Na bigla ko namang ikinagulat at ikinatakot.

At heto, nakabalik na si Ricky, hila-hila pa si Marlon sa kamay. “Ano ba ang mayroon Ricky?” tanong ni Marlon.

“Hayan Sir... ginawa ni Jassim.” Muestra sa ng dalawang kamay niya turo sa tambakan.

“Wow! Ang ganda Jassim! Hindi ko ma-imagine na magiging ganito ka-organized ito!”

“Inayos pa niya ang mga basag-basag na semento at ginawa itong tapakan sa pathwalk. Pati mga talahib at damo ay nilinis niya rin Sir! Malinis na malinis na po!”

“Oo nga... Amazing!” sagot ni Marlon na napahinto sandali na parang natauhan. “Sandali, b-bakit pala dito si Jassim nagtatrabaho???” baling niya kay Ricky.

Kitang-kita ko naman ang pagkagulat ni Ricky na napangiwi ang mukha at lumingon sa akin. “Eh... D-dito po siya...” ang sagot niyang hindi maituloy-tuloy ang sasabihin at tila naghingi ng tulong sa akin na dugtungan ang kanyang sinabi.

Na siya namang pagsulpot ni Sophia sa likod nila. At noong nakita ang ginawa ni ko ay, “Ano bang nangyari dito?” ang sambit niya kaagad.

Kitang-kita ko naman ang biglang pagsimangot sa mukha ni Ricky.

“Hon... bakit ba dito nagtrabaho si Jassim?” ang pagsingit ni Marlon sa tanong kay Sophia.

“Eh... ano eh...” ang naisagot ni Sophia. Alam kasi niyang magagalit na naman si Marlon kapag nalamang doon niya ako inassign.

Kaya ako na ang sumagot. “Dito po ako nag-volunteer na mag-work Sir! Nakita ko kasi ang lugar na marumi kung kaya ako na ang nagvolunteer kay Ma’am Sophia na linisin ko ito.”

“Tama! Kusa siyang tumulong hon... Initiative niya ang paglinis d’yan.” Dagdag pa ni Sophia.

“G-ganoon ba? But this is not what we hired Jassim for! Don’t get me wrong here; gustong-gusto ko ang ginawa ni Jassim sa area na ito. But he should be working with the other crews sa dining.”

“Hayaan mo na hon, kagustuhan naman niya iyan eh.” At baling sa akin. “Gusto mo bang lumipat na doon sa dining, Jassim?” tanong ni Sophia sa akin na alma ko namang ka-palstikan lang.

“T-tapusin ko muna dito, M-miss Sophia.”

At baling kay Marlon, “O di ba honey... kagustuhan niya ang lahat...”

“Ok... Pero pagkatapos niyan, doon ka na sa dining ha?” utos naman sa akin ni Marlon.

Tiningnan ko si Sophia na mistulang minuestrahan ako na sasagutin ko ang tanong. “O-opo sir...”

“Good.” Sagot niya. At baling kay Sophia “Pero really, ang galing ng ginawa ni Jassim. Puwede naman palang pagandahin ang area na ito hon dib a? Puwede ngang maglagay pa tayo ng mga cottages for certain groups of customers...” at lingon niya kay Ricky, “Di ba Ricky?”

“Tama po sir. At ma-utilize pa natin ang lugar for productive purpose.” Ang sagot naman ni Ricky.

“Hay naku. May iba akong plano sa lugar na ito na mas productive pa kaysa dyan. Hindi sa ganyan-ganyan lang...” sagot naman ni Sophia, pahiwatig na hindi siya bilib sa ginawa ko.

Tiningnan na lang ni Marlon si Ricky. Marahil ay ayaw niyang makipag-argumento kay Sophia sa harap naming dalawa ni Ricky kung kaya hininto niya ang topic. “Kumain na ba kayo? Kumain muna kayo, Ricky. Samahan mo si Jassim.”

“Yes Sir... hintayin ko lang po si Jassim.” sagot naman ni Ricky at tumalikod na silang dalawa ni Marlon at Sophia.

Nakahinga naman ako ng maluwag. At least nakalusot ako at nagustuhan pa ni Marlon ang aking ginawa.

“Nasaan na ba ang itak? Ba’t hindi mo tinaga iyon?” tukoy ni Ricky na gawin ko kay Sophia noong nakaalis na sina Marlon.

Napangiti na lang ako. “Ikaw talaga, puro ka biro.”

“Ay hindi ako nagbibiro igan. Iitakin ko talaga ang babaeng iyon!”

Ngunit hindi ko na pinatulan pa si Ricky. “Sige na... antayin mo ako, sabay na tayong kumain. Magbihis lang ako.”

“O siya...”

Habang nagbihis ako, hindi pa rin maawat si Ricky sa pagpuri sa ginawa ko. “Grabe ka igan... hindi ko kaya ang ginawa mong makeover sa lugar huh! Talo mo pa ang professional na land scaper.”

“Hindi naman ah! OA ka...”

“Totoo kaya! Pagkatapos, i-landscpe mo na rin ang mukha ni Sophia ha? Kasing kalat at dumi kasi ng lugar na ito ang mukha niya eh.”

Tawa lang ako nang tawa.

“Kailan mo ba agawin kay Sofia ang kuya mo?” ang tanong ni Ricky noong kumain na kami.

Mistula naman akong natauhan sa tanong na iyon ni Ricky, nalungkot. Bigla kasing nanumbalik sa isip ko ang nabuong desisyon na hayaan na lang ang lahat sa mga kamay ni Sophia. “Ewan ko ba...” ang sagot ko.

“Ha? Anong ewan ko ba...? Kuya mo iyon di ba? Hayaan mo na lang bang lapain siya ng T-rex na dinosaur na ang pangalan ay Sophia?”

“Hindi naman siguro... Atsaka, una, hindi naman din ako sigurado kung siya nga ang kuya ko eh. Pangalawa, nakita mo naman ang galit sa akin ni Sophia, di ba. Worth bang ipaglaban ko ang taong hindi ako sigurado? Kaya ko bang itaya ang aking pag-aaral at buhay kapag guguluhin ako ni Sophia dahil lamang sa isang bagay na hindi naman ako sigurado? Mahirap lang kami... ang pag-aaral ko lamang ang huling pag-asa ng aking pamilya upang makaahon sa kahirapan. At pangatlo, kung siya nga ang kuya ko, nakita ko naman kung gaano siya kamahal ni Sophia eh. At maganda naman ang kanyang buhay dito. Di kagaya ng dati na isang hamak na sekyu lang siya...” napayuko ako noong naramdaman kong may namuong mga luha sa aking mga mata.

Mali igan... mali. Ok, sabihin na nating maganda nga ang kalagayan niya dito. Pero hindi tamang hayaan mo na lang na lamunin ni Sophia at angkinin ang pagkatao at kaluluwa niya. May karapatan ang kuya mong malaman ang katotohanan. Kung hindi gusto ni Sophia na manumbalik ang alaala ni Sir Marlon, iyan ay dahil may pansariling interes si Sophia. Ngunit mali iyon. She’s taking advantage of your kuya. Ikaw ba kapag nasa kalagayan ka ng kuya mo, hahayaan mong tapakan ang pagkatao mo? Kapag siya nga ang kuya mo, at nanumbalik ang kanyang alaala, hindi kaya siya magtatampo sa iyo kapag nalaman niya na hindi mo siya ipinaglaban? Tandaan mo; minsan masakit, masaklap, at mapait ang katotohanan. Ngunit sabi rin nila, the truth will set you free... Panindigan mo ang katotohanan, igan. Iyan ang magpalaya sa iyo...”

Napaisip ako sa sinabing iyon ni Ricky. Ngunit hindi rin naman kasi totoong kuya ko si James, kung siya nga si Marlon. Ang ipinaglaban ko ay hindi katotohanan kundi isang pag-ibig na hindi rin ako sigurado kung kayang tumbasan ng taong aking ipaglaban. Sa kabilang banda, ang katotohanang umibig ako sa kanya, at ang katotohanang may nangyari sa aming nakaraa ay maaari ring iyan ang aking ipaglaban. “Ewan ko Ricky... naguguluhan ako.”

“Basta, igan... ituloy mo. Tutulungan kita. Kahit saang lupalop ka man mapadpad, sasamahan kita. Gaano man kahirap ang danasin mo, paparte ako sa hirap na iyan.”

“At pati ikaw na ngayon ay madadamay na rin kung ituloy ko pa ito? Hindi mo pa nga ako ganyan kakilala, kaya mong itaya ang maaaring hirap na danasin mo nang dahil lang sa akin?”

“Why noy? Kasi, naniwala akong mabait kang tao. Dahil alam kong kailangan mo ng kakampi at tulong; dahil nakita kong karapat-dapat kang tulungan. At higit sa lahat igan... cute ka at ang mga cute na katulad mo ay nararapat na tulungan ng mga cute din na katulad ko.” Ang patawa pa niya.

“Uyyyy! May hidden agenda ka ha?” biro ko rin sa kanya.

“Malay mo, mahuhulog ang loob mo sa akin igan...” dagdag pa niya.

Ngunit bigla na namang lumungkot ang aking mukha sa sinabi niya. Binitiwan ko ang isang malalim na buntong hininga. “Sana nga...” sa isip ko lang. Na-analyze ko kasi na napakatirik pala ng daan patungo sa tuktok kung nasaan ang pag-ibig ko – si James...

“Woi... biro lang iyon ha?” ang pagbawi rin ni Ricky. Marahil ay napansin niyang bigla akong nalungkot sa sinabi niya.”

“Ok lang iyon... Nalungkot lang ako kasi may... m-may mahal na ako. N-ngunit malayo siya sa akin at hindi ko na siya maaabot pa.”

“Ay! Magandang topic iyan!” sambit ni Ricky. “Sige, makinig ako...”

“Pero hindi pa ako handa na sabihin sa iyo... Med’yo madugo ang kuwento namin eh.”

“Ok... fine.” Sambit naman ni Ricky. Hindi naman niya ako kinulit pa. Ngunit iginiit niya sa akin na huwag akong sumuko kay “Sir Marlon” namin at kahit anong mangyari, tutulungan daw niya ako.

Tumango lang ako bagamat sa isip ko, final na ang aking desisyon na magresign.

Base sa aming napagkasunduan, alas 7 ng gabi nandoon na ako sa resto-bar na napagkasunduan naming ni Marlon. Kahit pagod na pagod ang aking katawan dahil sa aking trabaho sa restaurant, pumunta pa rin ako. Videoke bar pala ang nasa taas noon. Iyong i-assign ka ng private room, kasama ang iyong mga barkada o ka-tropa. Puwede ring magsama ng mga babae nila, o lalaki, depende sa gusto ng customer.

Noong nakapasok na ako, sinalubong ako ng isang crew, “May kasama po ba kayo Sir?”

“M-mayroon, hihintayin ko lang muna.”

“Kayo po ba si Mr. Jassim Castro?”

Nagulat naman ako noong binanggit niya ang pangalan ko. First time ko lang kaya doon. “Oo. Ako nga. Bakit?”

“Nandito na po ang kasama ninyo Sir. Si Sir Marlon Ibanez po ba?”

Tumango ako. “Oo... siya nga.”

“Sumunod lang po kayo sa akin, Sir. Nandito na siya.” at tinumbok ng crew ang hagdanan patungo sa pangalawang palapag ng building.

Ramdam ko ang biglang pagkalampag ng aking dibdib. Iyon bang pag anticipate mo sa hindi inaasahan, at sa wakas ay makasama mo rin ang taong iyong mahal na napakatagal nang nawala sa iyo.

Ngunit may lungkot din akong nadarama. Sa tagpong iyon ko na kasi ilalahad sa kanya sa aking desisyong umalis na sa trabaho at tuluyang layuan siya. Ramdam ko na ang sakit na dulot nito sa aking puso. “Bahala na...” bulong ko sa sarili.

Noong nakarating na kami sa mismong kuwarto at binuksan ng crew ang pinto, laking pagkamangha ko naman sa nasaksihan. Hindi lang napakaganda ng kuwarto, nakahilera na rin ang mga masasarap na pagkain na hindi ko na alam ang mga pangalan. At may isang bote ng wine pa na nakalagay sa bucket na puno ng ice. Sa tingin ko mamahalin ang wine na iyon.

Tumayo si Marlon, “Surprise!!!”

Hindi agad ako nakasagot. Iyon bang feeling na sobrang kilig. “S-sensya na po kayo Sir... na-late na pala ako” at pumasok na ako sa kuwarto at isinara ang pinto.

“Bakit? Eksaktong 7pm ka naman dumating di ba? Sinadya ko lang talagang mauna” sabay bitiw ng nakakalokong ngiti.

Binitiwan ko na lang ang isang hilaw na ngiti. “Andaming pagkain.” Sambit ko.

“Gutom na gutom ako eh...”

“D-dito mo pa talaga ako dinala... pwede naman pog sa ibaba na lang sir eh. Nakakahiya po.”

“Eto naman o... Gusto ko lang ng privacy. Ayokong may makakita, may istorbo sa ating pag-uusap. Bakit? Ayaw mo ba?”

“O-ok lang po sa akin...”

“Ah, iyon naman pala eh! At least dito, kahit sisigaw pa tayo, kakanta nang wala sa tono, walang magrereklamo...”

Hindi na ako kumibo. Sa isip ko lang, “Heto na naman ang puso ko. Nagsimula na naman...” Nakakabighani kasi ang porma niya. Naka-t-shirt na itim na may stripe na dilaw, bakat na bakat ang kanyang matipunong dibdib at biceps, naka-faded na straight-cut na maong na bakat din ang mga malalaking hita. At nandoon pa rin ang makinis at nakakaakit na mukha; ang pamatay na ngiti... ang mga matang mistulang nangungusap, nagmamakaawa; ang mapupulag mga labi, ang mapuputi at pantay na mga ngipin... Mistula akong lumulutang sa mga ulap sa langit.

Ngunit pilit kong iwinaglit ang mga iyon sa aking utak. Iginiit ko sa aking isip ang aking nabuong desisyon. At dapat ay masabi ko na kaagad iyon upang malaman na niya habang maaga pa. “S-sir... may sasabihin ako sa iyo.”

Ngunit sinagot niya ako ng, “Ah... mamaya na iyan. Ako muna. May surprise ako sa iyo... Natuwa kasi ako sa ginawa mo sa pagpaganda sa lugar na tambakan ng mga basura. Hindi ko akalain na sa isang iglap lang ay mapaganda mo ang lugar na iyon! Iyon ngang mga tagalinis namin doon, tagaputol ng mga talahib, hanggang sa pagputol lang sila at pagkatapos, iyon na lang. Hindi katulad ng ginawa mo, inayos mo ang lugar, pinaganda... basta. Isang taong may pagmamahal sa kanyang trabaho lamang ang makakagawa sa ginawa mo. Hangang-hanga ako sa iyo. Kaya heto...” at iniabot sa akin ang isang maliit na box na may pulang ribbon pa.

“R-regalo po???” ang nasambit ko.

Binitiwan niya ang isang nakabibighaning ngiti at tumango. “Buksan mo...”

Excited sa kung ano man ang laman noon, dali-dali kong sinimulang buksan ito. Nasa kalagitnaan na ako ng pagtatanggal ng wrapper noong tumugtog naman ang isang kanta galing sa videoke. Napatingin ako sa kanya. Hinawakan niya ang mikropono at lalo pa akong nabigla noong tumugtog na ang kanta at nakatingin siya sa akin –


You're my peace of mind in this crazy world.
You're everything I've tried to find, your love is a pearl.
You're my Mona Lisa, you're my rainbow skies,
And my only prayer is that you realize
You'll always be beautiful in my eyes.

The world will turn, and the seasons will change,
And all the lesson we will learn will be beautiful and strange.
We'll have our fill of tears, our share of sighs.
My only prayer is that you realize
you'll always be beautiful in my eyes.
You will always be beautiful in my eyes.

And the passing years will show
That you will always grow ever more beautiful in my eyes.

When there are lines upon my face from a lifetime of smiles,
When the time comes to embrace for one long last while,
We can laugh about how time really flies.
We won't say goodbye 'cause true love never dies.
You'll always be beautiful in my eyes.
You will always be beautiful in my eyes.

And the passing years will show
That you will always grow ever more beautiful in my eyes.
The passing years will show that
You will always grow ever more beautiful in my eyes

Imbes na ituloy ko pa ang pagbukas ng regalo niya, napatunganga na lang akong nakatingin sa kanya. Nanumbalik sa aking isip ang huling sandaling inihatid ko si James sa bus station at ito rin ang kinanta niya sa akin. Sariwa pa sa isip ko ang maligaya ngunit masaklap na sandaling iniwan niya ako. At hindi ko namalayang dumaloy na pala ang aking mga luha sa aking pisngi. Yumuko ako. Ayaw kong mapansin niya ang aking pag-iyal. Lihim ko ring pinahid ang aking mga luha.

Muling pinilit kong iginiit sa aking isip na iba siya; na hindi siya si James, na masisira lamang ang buhay niya at buhay ko kapag pinilit ko ang sariling isingit sa kanya. Dahil masaya na ang buhay niya kay Sophia at ako... gagaraduate na ng college, makapagtrabaho, at magsimula ng panibagong yugto sa aking buhay at pag-ibig.

“O... buksan mo na ang regalo! Ang masayang sambit niya. Hindi ko namalayan na tapos na pala ang kanta at nanatili akong nakatunganga.

Tuluyan kong binuksan ang regalo. Noong nabuksan ko na, tumambad sa aking paningin ang isang gold bracelet na may pangalan pang nakaukit, “Jassim”.

“Waaahhhh! Ang ganda!” Ngayon lang ako magkaroon ng gold na alahas at may pangalan ko pa!!!” sigaw ko.

“Gusto mo ba?”

“O-opo... gustong-gusto ko po!”

Tinitigan niya ako. “Wala man lang hug?”

At niyakap ko na talaga siya. Mahigpit, dikit na dikit ang aming mga ulo. Naamoy ko pa ang pabango niya. Halos lumapat na ang aking mga labi sa kanyang pisngi.

Sinuklian din niya ang mahigpit kong yakap. At doon hindi ko na napigilan ang sariling hindi mapahagulgol. Naalala ko kasi ang pagyakap ko kay James sa huling tagpo namin, bago siya pumasok sa loob ng bus.

Bigla siyang kumalas sa pagkayakap. Nabigla ba. “Bakit ka umiyak?” sambit niya. Kumuha siya ng tissue at pinahid ang aking pisngi.

“W-wala po sir. M-may naalala lang ako...”

“Ang kuya mo?”

Tumango ako.

“Oo nga pala, ano nga pala iyong sasabihin mo sana sa akin?”

Bigla rin akong napahinto sa kanyang tanong. Parang hindi ko na kasi alam ang aking gagawin. May naramdaman akong takot kay Sophia, ngunit may awang naramdaman din ako sa kanya. At syempre, may naramdaman din akong awa sa sarili, iniisip na kung ipursige ko ang pagpaalala sa kanya tungkol sa nalalaman ko kay James, na maaaring hindi rin naman siya, magugulo ang magandang set-up na sana namin; ako bilang graduating student at sya, sa masaganang buhay sa piling ni Sophia.

“O ano??? Ba’t hindi ka makasagot? Ano iyong sasabihin mo sa akin?”

At muli, nabuo ang isang desisyon. “S-sir... effective tomorrow, hindi na po ako magrereport sa restaurant ninyo. Magreresign na po ako...”

(Itutuloy)

17 comments:

  1. kainis, bwiset yan Sophia na yan... hmmm ako atang unang nakapag basa at ala pang post dito ^_^

    ReplyDelete
  2. galing kuya mike! Next na po.

    P.S.

    Ang hirap po magcomment dito sa blog mo, pa seven na try ko na to. Nawala na tuloy yung sasabihin ko. Hehe!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Andy, mahirap ba? panong mahirap po? baka sa connection mo lang or what??

      Delete
  3. Dami kong tawa kay ricky!haha!!
    At si sophia gusto kong itali sa puno na napapaligiran ng malalaking langgam na pula!!

    Nice chapter kuya mike..namiss ko talaga stories mo:)
    Take care kuya!

    Riley

    ReplyDelete
  4. Waaaaag Jassim!!! wag mong ituloy ang pagreresign...whaaaa tulad nga ng sabi ni Ricky, hindi din iyon ang gusto niya...na matago ang kanyang tunay na katauhan. iligtas mo sya sa ahas...hehehe

    ReplyDelete
  5. Kuya Mike, akin na ang itak!!!! Ako na ang tataga kay Sophia!!!!

    ReplyDelete
  6. Nice...

    Pwde bang gumingi ng number ni jassim? Ang dami kcng basura sa lugar namin hehehe...

    Sana may paglalagyan din yang si sophia... nakakainis.

    -mars

    ReplyDelete
  7. Sir mike..patayin na si sophia, yung morbid ha! agad-agad! LOL

    ReplyDelete
  8. PostYour StoriesHereJuly 18, 2012 at 11:15 PM

    bwisit na itutuloy este! sophia na yan!>.< siguro nga alam ni sophia na may koneksyon si jassim at marlon(james) kasi nga may dalang litrato si james nun bago sila magpaalam sa isat isa kaya tinago ni bruha ang ebidensya hahaha xD... excited na ako sa nxt! more power idol sir mike! =)

    by: P.Y.S.H.

    ReplyDelete
  9. napa iyak nman ako sa last paragraph habang kumakanta c james, sana maging sila rin... hirap tlga pag mayaman ang kalaban mo?
    kaya nilang bilhin ang buhay mo?

    hiast... tumutulo pa rin ang luha ko. gud luck mr. author?


    next update na po... <3

    ReplyDelete
  10. this story is complete in all aspect. may bida. kontrabida (sophia) at me sidekick ng bida (Ricky)..Galing nyo po Mr. Author!!

    ReplyDelete
  11. yeehaaa!

    ang cute... bracelet na gold, so classic! mukhang mahaba pa ang itatakbo ng story. aabangan ko lagi!

    thank you, mike!

    Ramm

    ReplyDelete
  12. pwede ko ba hiramin yung mga bote, yero, kahoy at yung itak na rin at ihampas ko kay sophia. too bad. sana mawala na lang sya. grabe kung ako kay marlon - james maghahanap na lang ako ng sexy babae.

    sa tingin ko ah nung kinanta na ni jassim yung kanta ni marlon sakanya eh bumalik na yung ala ala ni marlon. siguro ayaw nya lang sabihin dahil hinihintay nya siguro si jassim na umamin sa kanya. =)

    -Mike

    ReplyDelete
  13. .,yun oh may part 6 and 7 na, tahahahahaha, worth it lahat ng paghihintay ku., :)

    .,nakakainis yang sophia na yan, ang sarap itapon sa basurahan, grrrrr.,!!! >_<

    .,jassim ilagtas mu c yak, kelangan ka nya ngaun., :(

    .,ang ganda nung part kung saan kinanta ni jassim ung kanta ni yak para sa kanya.,ツ

    .,galing mu talaga kua mike., ;)

    .,dawn.,

    ReplyDelete
  14. naku jassim tagain mo na yang sophia na yan
    tutulungan ka ni ricky wahaha

    nakakapanggigil si sophia sarap tlaga tagain

    super like kuya mike

    -arvin-

    ReplyDelete
  15. pangalawang magkasunod tong chapter na nabasa ko, pero ang ganda.kailangan balikan ko sa simula. thanks mr. author. maraming salamat uli.

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails