By: Mikejuha
Email: getmybox@hotmail.com
Author’s Note:
Gusto ko pong anyayahan ang mga readers, fans, followers at supporters ng MSOB na suportahan ang MSOB entry ng PEBA
1) Dito po kayo bumoto: http://www.pinoyblogawards.com/2011/04/heroes-homecoming-towards-change.html. Paki-click lamang po ang link. Hanapin sa right side ng page ang entry # 24 (Michel’s Shades Of Blue) at i-click ang box na katabi nito.I-click muli ang “Submit Vote”. Kapag nakaboto na kayo, paki-email sa akin kung pang-ilang boto kayo upang ma counter-check ko sa Poll ng PEBA Ito po ang email address ko: getmybox@hotmail.com
2) Paki-like po ang fb page ng PEBA: http://www.facebook.com/#!/PEBAWARDS at pagkatapos, paki-like ang photo ko doon: http://www.facebook.com/#!/photo.php?fbid=10150327552732974&set=a.10150283934452974.356615.134794097973&type=3&theater. Maaaring magcomment na rin po dito dahil kasama poi to sa boto.
3) Ito po ang entry ko: http://michaelsshadesofblue.blogspot.com/2010/05/pantalan.html at inimbitahan ko rin po kayong mag comment.
Maraming salamat po!
-Mikejuha-
---------------------------------------------
Sa isang malawak na lupang may halos dalawang ektarya na hindi na halos naalagaan at tinubuan na ng mga damong tanging ang mga kalabaw lamang ang nakikinabang, doon ako palaging dinadala ng itay kapag tapos na siya sa kanyang trabaho sa bukid. Doon , nagpapalipad kami ng saranggola at minsan naliligo sa ilog sa gilid mismo ng lupang iyon.
Sabi ng itay, limang taong gulang pa raw ang edad ko noong ginawa niya ang pinakaunang saranggola ko. At mabilis daw akong natutong magpalipad nito. Dahil sa tuwa ng itay, itinatago-tago niya ang unang saranggola kong iyon.
Simula noon, naging hilig ko na ang magpalipad ng saranggola. Sa pagpapalipad nito, para akong isang ibong nakawala at lumilipad ng matayog na matayog. Parang ako mismo ang saranggola… malayang naaabot ang pinakatuktok ng aking buhay.
Iyon ang paborito naming bonding ng itay. Kaming dalawa na lang kasi ng itay ang naiwan simula noong namatay ang inay noong bata pa lamang ako. Simula noon, hindi na nag-asawa ang itay. Tama na raw na dumating sa buhay niya ang inay at ngayong wala na siya, sa akin na lamng niya iaalay ang kanyang pagsisikap sa buhay.
“Sayang ang lupang ito” ang hindi ko malimutang palaging sinasabi ni itay kapag nagpupunta kami sa lugar na iyon. “Mataba at patag ang lupa, may ilog pa sa pinakahangganan nito. Maraming puwedeng gawin dito. Halimbawa ay gawing source ng irigasyon ang ilog para sa pataniman ng palay o mais, o puwede ring gawing source ng tubig para sa palaisdaan, o ang ilog mismo ay pagandahin pa upang maging isang fresh water resort. Kung may pera lang sana tayo, dito na ako magtatrabaho sa lupang ito. Napakaswerte ng taong makabili nito…”
Napakaganda din naman kasi ng lugar lalo na may ilog pang katabi. Ang ilog ay may malalaking bato, malamig at preskong-presko ang tubig at may ga-higanteng kahoy na nakakapagbigay ng lilim at dagdag sa angking ganda nito. At tama ang itay, pwede ring magtayo ng fish farm… Maraming puwedeng gawin.
Ang may-ari kasi ng lupa ay isang kaibigan ni itay na nanirahan na sa Canada gawa ng ang kaisa-isang anak na babae ay nakapag-asawa ng Canadian. Isang milyon daw ang halaga ng lupa at dahil mahihirap lang naman ang mga tao sa baranggay namin, walang may kayang kumuha nito. Ayaw kasing ibenta ng may-ari sa ibang hindi taga-roon ang kanyang lupa. Ang gusto niya daw ay taga-roon din ang makakuha nito. Kaya sa presyo nitong isang milyon sa dalawang ektarya na lupa, napakamura na nito.
Inalok na ito kay itay. Nakita niya kasing masipag ang itay at nakisaka lamang sa lupa ng kanyang kaibigan. Ngunit, hindi din naman namin kayang bilhin iyon. Ni ang mismong kubo namin ay hindi namin mapaayos-ayos. At lalo na dahil nag-aaral na ako noon ng vocational course. Kaya, iwinaglit ko sa isip ko ang tungkol sa lupang iyon. Imposible kasi...
Isang araw habang nasa ganoong pagba-bonding kami ng itay, may mga binitiwan siyang mga salitang hindi ko malimutan. “Ang buhay ay maihalintulad sa isang saranggola. Kailangang lumipad, humilayog; dahil kung hindi ito lilipad, wala din itong silbi. Ang paglipad ng saranggola ay parang pagkamit ng pangarap. Ang hangin ay ang karunungan at ang tali nito ay ang nagsilbing kontrol o giya upang ang tao ay hindi mapariwari at manatiling nakatapak sa lupa ang kanyang mga paa…”
Wala akong maisagot sa sinabi ni itay. Marahil ay hindi pa hinog ang aking isip upang ma-appreciate ko ng lubos ang kanyang mga sinabi.
“Kaya ikaw, gayahin mo ang saranggola... Ano ba ang pangarap mo, Elmer?” tanong niya sa akin.
“W-wala naman po… Ewan hindi ko po alam.” Ang sagot ko na lang. Hindi ko naman kasi alam ang gusto ko. Sa edad kong iyon, wala pa akong target.
“Ah… iyan ang mahirap. Dapat ay ngayon pa lamang, may target ka na. May destinasyon kumbaga. Mahirap kapag sabihin mong wala kang pangarap. Para kang isang taong nasa gitna ng dagat at nawalan ng giya ang iyong sinasakyang bangka. Saan ka pupunta?”
Hindi ako nakakibo, napaisip. “Oo nga pala ano?” sa sarili ko lang. “E… k-kayo po itay, ano po ba ang pangarap ninyo?
“Ah… isa lang; ang magtagumpay ka sa buhay. Ang lumipad ka ng matayog at makamit ang iyong mithiin.” Sabay haplos niya sa aking buhok.
Touched ako sa sinabing iyon ng aking itay. Parang isang sibat ito na tumama sa aking puso. Gusto ko siyang yakapin.
Noong makatapos na ako sa vocational course, todo-apply naman ako ng trabaho. Nakapag-experience ako bilang welder sa isang kumpanya sa lungsod namin. Tuwang-tuwa ang itay. Ngunit lalo pa siyang natuwa noong pagkatapos ng isang taon, 21 years old lang ako noon, natanggap naman ako sa isang malaking kumpanya sa middle east. Libre ang lahat kaya walang alalahanin ang pag-aasikaso sa aking mga papeles.
“Tay … kapag may sweldo na ako, ipaayos natin ang bahay natin ha? Bibili tayo ng tv, refrigerator, dvd player, lahat ng gamit. Tapos, bibili tayo ng kalabaw para may sarili ka na ring alaga.”
Tumango lang ang itay at ngumiti. “Magpakabait ka doon, anak. Huwag malulunod sa pera. Isipin mo palagi ang saranggola. Gaano man katayog ang lipad nito, nanatili itong nakabase sa lupa.”
“O-opo itay.” Ang sagot ko na lang.
Kung isasali ko ang aking overtime, hindi kukulang sa limampong libo ang aking kikitain sa buwan-buwan. Dahil libre lahat; pagkain, accommodation, transportation, at wala pang tax, bale net income ko na iyong sinkwenta mil kada buwan. At taonan pa ang bakasyon ko. Masasabing maswerte ako sa aking napasukang kumpanya sa abroad.
Ang kaso, hindi ako naging matipid sa pera. Galante, bili ng kung anu-ano, mamahaling cell phone, laptop, TV, component, relo, sapatos, mamahaling damit at gamit, at kung anu-ano pa. At ang masaklap, nanghingi ng buwanang remitans ang itay. 25 thousand pesos kada buwan.
Syempre, med’yo sumama ang loob ko dahil ang laki naman noon. “Kasalanan ko! Sinabi ko pa kasi kung magkaano ang suweldo ko!” paninisi ko sa sarili. Siguro, kagaya ko, naging galante rin ang aking ama. Kaya tuloy para din akong nagwala sa pera. Kumbaga, ako na nga itong naghirap, tapos, kalahati pa sa pinaghirapan ko ay mapupunta sa aking ama.
Noong una akong nagbakasyon, akala ko ay may makikita akong improvement sa bahay naming, dahil nga sa ipinadala ko. Ngunit nadismaya ako kasi, kung anong klaseng bahay ang aking iniwanan, ganoon pa rin ang aking nadatnan. Wala pa ring koryente, tagpi-tagpi pa rin ang atip, at wala pa ring sariling kalabaw na nabili ang itay. “Saan mo ba ginastos ang perang pinadala ko ‘tay?” ang paniningil ko. “Kung susumahin lahat sa sampong buwan kong pagpadala sa iyo, aabot sa sa 250,000 pesos ang lahat ng iyon. Nasaan na ang halagang iyon?”
“Eh… huwag mo nang hanapin. Kung magbigay ka ng isang bagay, huwag mo nang ungkatin kung saan napunta ito. Ang mahalaga, bukal sa iyong kalooban ang pagbigay.”
“Itay naman eh….”
“Huwag tayong mag-away nang dahil lang sa pera, anak. Kung ibinigay mo ang pera ng bukal sa iyong kalooban, isipin mo na lang na napaligaya mo ako...”
“Nagsugal po ba kayo?”
“Hindi”
“May babae?”
Hindi niya sinagot ang huli kong tanong. Bagkus, “Anak… magtiwala ka sa akin. Masaya at ipinagmamalaki kita sa kung ano man ang nakamit mo ngayon.”
Kaya nagduda talaga ako na may babae siya. “Kapag napatunayan kong may babae po kayo, hinding hindi na talaga kita padadalhan pa ng remitans” ang banta ko.
Ngunit hindi ko pa rin matiis ang aking ama. Napag-isip-isip ko rin naman kasi na matagal nang namatay ang inay at walang katuwang ang itay. Alam ko, malungkot siya lalo na wala ako sa piling niya. Kaya napag-isip-isip kong OK lang siguro kapag may babae siya. Biyudo naman siya at pwedeng-puwedeng mag-asawa uli. At magkaroon pa ako ng kapatid.
Tinawagan ko ang itay at sinabi sa kanyang hindi ako magagalit kung may babae siya; na kung gusto niyang mag-sawa uli ay OK lang sa akin. Inamin ng itay na may babae nga siya ngunit pakakasalan lang niya ito kapag- wala na ako sa abroad at may sarili na rin akong pamilya.
Medyo nadismaya naman ako kasi, padala ako ng padala ng pera, sa babae lang pala mapupunta ang lahat at hindi pa sila kasal. Mabait naman daw at sigurado siyang hindi siya pinagperahan ng babae. Iyan ang sabi niya. Ngunit hindi ako kumbinsido.
Kaya sa aking pagtatrabaho, nawalan din ako ng ganang mag-ipon kasi, ang sarili ko ngang tatay, hindi naman pinapahalagahan ang aking pinaghirapan. Waldas dito, waldas doon. Gastos dito, gastos doon. Wala akong naipon.
Natapos ang pangwalong taon ko sa abroad at nakapagbakasyon. Kagaya ng dati, nagbonding kami ng itay ko sa lupaing iyon. Na-miss na daw ng itay ko ang pagbabonding naming dalawa doon, ang pagpapalipad ng saranggola, at paliligo sa ilog. Ngunit di kagaya noong unang mga bonding namin na malakas pa ang itay, sa panahong iyon, bakas ang panahong lumipas sa mukha ng itay. At hindi lang iyan, may kahinaan na rin siyang gumalaw at maglakad.
Iyon ang kauna-unahang pagpunta ko sa lugar simula ng mag-abroad ako. At kagaya ni itay, may pagbabago na rin sa lugar. Bagamat naroon pa rin ang patag kung saan kami palaging nagpapalipad ng saranggola ni itay, may dam na sa ilog na yari lamang sa mga bato na lalong nagpaganda sa bagsak ng tubig tungo sa isang natural din na pool. “Ang ganda!” sa isip ko. At noong tingnan ko ang parte malapit sa pampang na pinanununghan ng ilog, may nakatayo nang isang kunkretong simple ngunit magandang bungalow na sa tingin ko ay katatapos pa lamang itayo.
May inggit akong nadarama. Walong taon na ako sa aborad ngunit ni bagong bahay ay wala ako.
“M-may nakabili na pala sa lupang ito tay?” ang malungkot kong tanong.
“Oo… ibenenta na ng may-ari kasi sobrang tagal na walang nag-aalaga at hindi pa napapakinabangan. Dalawang milyon ang pagbili.”
“G-ganoon po ba? Kawerte naman ng nakabili.”
“Maswerte talaga siya. Kahit 2 milyon iyan, mura pa rin kung tutuusin.”
“T-taga-saan naman daw po ang nakabili?”
“Taga-rito din. Nasa abroad ang anak… Marami na sigurong naipon na pera. At sigurado, magaling ding mag-ipon.”
Pakiramdam ko ay nanlumo ako sa aking narinig. Parang sinampal ako ng maraming beses. Parang gusto kong umiyak. Kasi, parang pinaringgan ako ng aking itay na hindi ako marunong magtipid na kung tutuusin, siya naman itong dahilan kung bakit hindi ako nakapag-ipon.
Hindi na lang ako kumibo.
“Naalala mo pa ba ang aral ng Saranggola?”
Hindi na rin ako sumagot. Nainis kasi ako. Naalala ko kasi noong sinabi niyang ang pangarap lang niya ay ang magtagumpay ako. At hindi ko nakamit iyon. Ang ibig sabihin, bigo ang itay ko sa akin. “T-tay…. Ayoko na pong mag abroad.” Ang nasambit ko na lang.
“Ano?” ang gulat niyang sagot. “Ano ang gagawin mo dito?”
“Mag-tarabaho na lang sa bukid, kagaya ninyo, magsasaka. Hindi naman mahalaga ang pera, di ba? Ang importante ay masaya ako sa aking gagawin. Ayoko na doon ‘tay. Atsaka, wala namang nangyari sa buhay ko doon” Ang sabi ko na lang.
Biglang lumungkot ang mukha ni itay. Ngunit hindi niya ako pinigilan. “S-sige anak… ikaw ang bahala” ang
Tahimik. Nalungkot din kasi ako. Hindi ko maintindihan kung bakit.
“Tamang-tama, masakitin na rin ako. Baka isang araw, mawala na lang ako bigla sa mundo. Kahit papaano, nandito ka na sa tabi ko…” sambit ni itay.
“Hindi mangyayri iyan itay… di ba mag-aasawa ka pa?” ang biro ko.
Binitiwan lang niya ang isang pilit na ngiti sabay yakap at halik sa aking pisngi. Hindi ko alam kung para saan iyong yakap at halik niya. Hindi naman ganoon ka-expressive ang itay. Hindi ko naramdamang hinalikan o niyayakap ako niyan. Noon lang. Noong tinitigan ko siya, nakita kong nangingilid ang mga luha sa mata niya. Hindi ko alam kung bakit.
Bumalik ako ng abroad na naka-set na ang isip na iyon na ang pinaka-huli kong taon. Subalit, hindi pa natapos ang huli kong kontratang iyon, isang masamang balita ang aking natanggap. Namatay ang aking itay sa sakit na kanser. Matagal na palang may sakit ang itay at hindi ipinaalam sa akin dahil ayaw daw niyang magulo ang isip ko at mag-alala at masira ang aking pagtatrabaho.
Hindi ko na napigilan ang hindi mapahagulgol. Naawa ako sa itay at na-realize na kaya pala siguro siya nanghingi ng malaking pera buwan-buwan dahil sa pagpagamot.
Agad akong umuwi. Sobrang sakit ang aking nadarama na ang nag-iisa kong magulang ay naghirap palang wala man lang ako sa kanyang tabi. “Tay... patawarin po ninyo ako. Wala ako sa piling ninyo at nag-isip pa ako ng masama sa inyo dahil lang sa pera. Kung alam ko lang sana ‘tay na kailangan pala ninyo ang pera... sana hindi ko na lang winaldas iyon. Marahil ay nadugtungan pa ang buhay ninyo!!!” sigaw ko habang na yakap-yakap ko ang kabaong ng itay.
Ngunit huli na ang lahat.
Pagkatapos ng libing, ibinigay sa akin ng isang kapitbahay ang isang box na ibinilin ng aking ama sa kanya at hiniling na ibigay lamang sa akin pagkatapos ng libing.
Noong binuksan ko ito, ang unang bumulaga sa aking paningin ay ang saranggolang pinakatago-tago niya; ang unang ginawa niya para sa akin. May nakasulat sa saranggola, “Ang saranggola ay kagaya ng buhay… sa paglipad nito ay kailangan din ng gabay. Sana ay naging mabuting gabay ako sa iyo anak...”
Tumulo na naman ang aking luha. “Itay... patawad po. Napakabuti po ninyong gabay. Nakalipad ako, narating ang malayong lugar. Ngunit para din akong saranggolang napunit sa hangin. Ako ang may problema tay...” bulong ko habang napahagulgol.
Nasa ganoon akong pag-iiyak noong napansin ko ang sulat sa sa loob ng box. Sulat kamay ni itay. Kinuha ko ito at binasa. “Anak… pasensya ka na; hindi ko ipinaalam sa iyo ang aking karamdaman. Ayoko lamang na mag-alala ka at masira ang trabaho mo. Pasensya ka na rin sa panghihingi ko ng buwanang remitans. Ang totoo, inipon ko ang lahat. Hindi totoong may ibang babae ako. Ang inay mo lamang ang mahal ko at ikaw lamang ang kaisa-isa kong anak. Ayaw kong baguhin pa ang mga iyan sa buhay ko. Noon gumabot na ito ng sapat, saka ko ito ginastos. Patawarin mo ako anak. Naalala mo noong tinanong mo ako kung sino ang nakabili ng lupa sa may ilog at ang sagot ko ay isang kapitbahay na ang anak ay nasa abroad? Ikaw iyon, anak. Gusto kong isorpresa sa iyo ang lahat… Naobserbahan ko kasing hindi ka nag-ipon sa iyong pinaghirapan. Kaya naisip kong ako na ang gagawa nito para sa iyo. Paalam anak. Mahal na mahal kita...”
Wakas.
very inspiring sir mike! The best ka talaga! -Almondz
ReplyDeletenakakaiyak nmn, gling mo tlga sir mike. nakarelate ako s mga nangibambansa na di makaipon kasi sa luho. i learned a lot from this post! thnks sa lesson.
ReplyDelete-lanceis-
grabe ang ganda ng kwentong ito kuya nangilabot ako, nakaka inspired.. nakaka iyak..naka relate ako kay elmer dahil ganun din ako gastus na gastus walang naiipon d2 sa dubai, halos 5 years nko d2, pero dahil sa nabasa ko about sa sarangola na inspired akong mag ipon dahil d habang buhay nand2 ako sa abroad..salamat kuya sa kwenntong ito dahil binuksan mo mga mata ko..na inspired ako kuya..salamat Jhay L
ReplyDeletengaun lng aq mg-coment d2 s blog n 2.ndi q jng tlga mtiis.ndi q alam f m22wa or maiinis aq syo,mike,pnaiyak u aq.s k2lad q n wla n ang ama,tgos hanggang buto ang nramdman q.alam q,ndi aq nging perpektong anak,pero 1 lng mssbi q,pra skin,ama q ang pnk-perpektong ttay s mundo!!!wla aq mgwa d2 ngaun kundi umiyak.mis q n ttay q.kya s mga tao jan n ksma p ttay nla,ngaun p lng,pramdam nyo n n mhlga cla s nyo.wag nyong blewlain ang pgkktaong nanjan pra ipramdam ang pgmmhal.
ReplyDeletewow!.ang galing po.inspiring.
ReplyDeleteang ganda ng story sir mike ..
ReplyDeletemay aral ska nainspired ako d2..
salamat po sa pagpost
sa huli lng tlaga n222nan ng tao ang mga aral sa mga pangyayari sa buhay :(
ReplyDeletenkakainspire... anung inspirasyon m sa pgsulat ng kwentong ito kua?
napakagandang aral ang binigay mo sa aming tagasubaybay ng mga kwento mo. saludo na po ako sa inyo, ginoong manunulat
ReplyDeletemay aral talaga matututuan lalu na kamingmga nasa abroad kuya mike......maraming salamat sa pagbabahagi ng isa nanamang nakakainspire mong kwento......
ReplyDeleteang suwerte nya sa tatay nya sobra, sana may tatay din akong tulad nya,
ReplyDelete