Followers

Saturday, January 6, 2018

STARFISH [Chapter 21]

STARFISH
[Chapter 21]


****Renz****

3:13 AM, Thursday
March 21


Ramdam ko na ang tama dahil sa dami ng alak na aming ininom pero alam ko pa ang ginagawa ko at diretso pa ang takbo ng utak ko. Tahimik ang buong paligid. Dinig ko ang steady na paghinga ni Lui sa aking tabi. Dala marahil ng espiritu ng alak ay sadyang malakas ang loob ko ng mga sandaling iyon at hindi ko napigilan ang magtanong.

"Do you love her?", magdamag kong pinipigilan ang aking sarili na itanong yon kay Lui. Pero ng mga oras na iyon ay nanaig ang pagnanais ko na malaman ang sagot kaya di ko na napigilan ang aking dila.

Kanina habang nagkukwento sa akin si Lui tungkol sa nalalapit niyang kasal ay hindi ko maiwasang mamangha sa sayang nakita ko sa kanyang mukha habang nagsasalita. Kasunod niyon ay nakaramdam ako ng kirot sa aking dibdib. Hindi ko alam kung ito ay bunga ng inggit o selos.

Habang nagpapagaling sa rehab ay gabi-gabi kong naiisip si Lui. Nang mga panahong iyon ay inakala kong dahil lamang sa guilt kaya hindi siya mawala sa isip ko. Pero hindi lamang ang gabing ginahasa ko siya ang paulit-ulit kong naaalala kundi pati ang mga bangayan, kulitan, at mga naging inuman naming dalawa sa maiksing panahon na iyon. Tila isang pelikulang pinapanood ko ang mga pangyayaring iyon sa tuwing pipikit ang aking mga mata.

Hanggang ngayon ay hindi malinaw sa akin kung ginawa kong tiisin ang buhay sa loob ng rehab ng dahil kay Lui. Kung tutuusin ay sinukuan ko na ang buhay ng mga panahong iyon. Hindi si Kyle o ang aking pamilya ang naging motivation ko para pumasok sa rehab dahil wala na akong pakialam sa kanilang nararamdaman noon. Maging sa sarili kong buhay ay wala naman na akong pakialam pa. Ang nasa isip ko ng mga panahaon na iyon ay labis na magiging mas madali ang buhay kung mamatay na lamang ako. Kung hindi ko naabuso si Lui ay hindi ko pipiliing magparehab. Siguro ay natatakot lamang akong makulong dahil sa mga ginawa ko sa kanya kaya mas pinili ko na lang magparehab.

Kahit ako mismo ay hindi lubos na maintindihan ang mga ikinikilos ko noon. Parang pinapanuod ko ang aking sarili habang dahan dahan kong sinisira ang aking buhay. Isang masamang panaginip na hindi ko magawang gisingin ang aking sarili. Kahit ang mga magulang ko o si Kyle ay walang magawa para itakas ako mula sa kulungang ako rin mismo ang bumuo. Pakiramdam ko nga ay maging ang mga espesyalista noon sa rehab ay wala namang maitutulong sa akin kundi ko mismo ginusto na magbago. Kung hindi ko ninais na makalaya sa malungkot na mundong pinili kong galawan.At lahat ng pagnanais na iyon ay dahil sa isang tao. Dahil kay Lui.

Pangit mang isipin pero kung hindi ko ginahasa si Lui ng gabing iyon ay malamang nasa isang masamang panaginip pa din ako hanggang ngayon. Kung hindi ko pa sya nasaktan ng labis ay hindi ako magigising at hindi ko mapagtatanto ang mga kamaliang nagawa ko. It was not just a wake up call. Si Lui ang kinapitan ko nung mga panahon na nasa rehab ako. Dahil sa kanya ay kinaya kong tumagal sa loob ng lugar na iyon. Sa tuwing lalamunin ako ng labis na pag-aasam na makatikim ng droga ay naaalala ko ang mukha ni Lui habang walang awa ko siyang ginagahasa. Kapag naiisip kong tumakas na sa lugar na iyon ay bigla kong maalala ang umagang gumising ako at natagpuan ang duguang sapin sa kama, tanda ng pagpapakasakit ng isang tao noong nagdaang gabi. Kahit nasa loob na ako ng rehab ay hindi rin nawala ang mga sulsol sa aking utak na wakasan ko na ang sarili kong buhay. Sa puntong iyon ay saka muling sasagi sa aking isipan ang pinakamalungkot na mukhang nakita ko. Si Lui na umiiyak habang nagmamakaawa na layuan ko na siya.

Nawala ang pagkaadik ko sa bawal na gamot, ang kagustuhang magpakamatay, at ang pagkaawa ng labis sa sarili. Pero hindi ang lungkot. Oo nabawasan ang lungkot na nararamdaman ko habang unti-unti kong binubuong muli ang piraso ng aking sarili pero sa kabila noon ay nanatili pa rin ang kalungkutan. Isang mahinang musika na paulit-ulit na bumubulong sa aking tenga, hindi ko ito naririnig kapag napapaligiran ako ng mga tao. Pero sa sandaling ako ay mapag-isa at malayang nakakapagmuni-muni ay maririnig ko ang mahinang himig ng kalungkutan. At ang kalungkutang iyon ay dahil kay Lui.

Nang makalabas ako ng rehab ay alam ko sa sarili ko na magkikita kaming muli ni Lui. Kung saan, kailan, at paano ay hindi malinaw sa akin. Nararamdaman ko lang na magkikita kaming muli. Na gagawin ko ang lahat para magkita kaming muli. Hindi ko alam kung anu ang gusto kong mangayari sa aming muling pagkikita. Siguro ay umaasa ako sa isang kapatawaran mula sa kanya. Dahil alam kong malaking tulong iyon upang mabawasan ang nararamdaman kong guilt sa aking isip.

Isang parte ng aking puso ang nagsasabing gusto ko siyang makita dahil gusto ko lang siyang makita. Swerte na siguro kung kakausapin niya ako o pakikinggan man lang ang mga nais kong sabihin sa kanya. Himala ng maituturing kung muli kaming magiging magkaibigan.

Alam kong sobra ang hinihiling ko na mangyari matapos ang mga nagawa ko kay Lui. Pero isang bagay ang natutunan ko sa loob ng rehab. Isang bagay na nagsagip sa aking patapong buhay. Ang umasa.

Umaasa ko na magagawa kong maayos ang lahat ng gulong nagawa ko. Umaasa akong magiging magkaibigan pa kaming muli ni Lui.

Iyon ang akala ko. Ang akala ko ay kapatawaran o pagkakaibigan lang ang habol ko kay Lui. Akala ko matapos kong makuha ang mga bagay na iyon ay magiging okay na ako. Pero nagkamali ako hindi pala ang mga bagay na iyon ang nais ko.

Sa mga lumipas na araw na kami ay magkasama ay lalong naging mas malinaw sa akin kung ano ang nais kong mangyari. Noong una ay hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko dahil kahit na ilang ulit akong sungitan at asarin ni Lui ay lihim pa din akong napapangiti. Kahit na minsan ay para akong isang estatwa na hindi niya pinapansin ay magaan pa din ang loob ko. Sa tuwing aasarin ko sya at magsasalubong ang kilay niya ay bibilis ang tibok ng aking puso.

Kanina sa mall, habang nagkukulitan kaming dalawa na parang walang masamang nangyari sa amin ay saka ko lamang napagtanto kung anong nagpabago sa akin.

Dub-dub. Dub-dub. Dub-dub., ang malakas na sagot ng aking puso.

Sa kabila ng lungkot, galit, at kawalang pag-asa ay hindi ko namalayan na nagsimula na pala muling tumibok ang aking puso. Sa isip ko ay manhid na ang parteng ito ng aking katawan at habang buhay na lamang itong magdurugo dahil sa sugat ng nakaraan. Hindi ko masabi kung kailan mismo ito muling nagsimulang makaramdam. Ang malinaw sa akin ay ang dahilan ng muling pagtibok nito.

Nanatili akong tahimik na naghihintay ng magiging sagot ni Lui. Hindi ko alam kung tulog na sya o kung narinig nya ba ang tanong ko.

Kasunod ng reyalisasyon na muling tumitibok ang puso ko, at kung para kanino ito tumitibok ay ang pagbaha ng mga tanong at agam-agam sa aking isipan.

Huli na ba para sa amin?

Dapat ba na iparamdam ko pa kay Lui ang nilalaman ng puso ko?

Masaya na siya sa buhay niya ngayon, dapat pa ba akong manggulo?

Alam kong minahal niya ako noon pero matapos ang mga nagawa ko, may natitira pa kaya sa pagmamahal na iyon?

Masasabi kong nagsisimula na kami ni Lui ng isang magandang pagkakaibigan, dapat bang gawin ko pang komplikado ang aming sitwasyon?

Paano kung mahal niya talaga ang kanyang girlfriend?

Kaya ko ba siyang agawin?

Handa ba akong muling masaktan?

At kung masaktan nga ako, kaya pa ba ng puso ko?

Kakayanin ko bang muling bumangon?

Parang gustong sumabog ng utak ko sa biglang pagbuhos ng mga alalahanin. Masaya akong muli kong nararamdaman ang magmahal. Masarap sa pakiramdam. Magaan sa dibdib. Hindi ko mapigilan ang umasa sa isang masayang katapusan kasama si Lui. Pero sino bang niloko ko?

Alam ko mula sa sarili kong karanasan na hindi lahat ng nagmamahal masaya. Hindi lahat may happy ending. Alam ko na kahit ibuhos ko man ang buong buhay ko, itaya ko man ng buo ang puso ko, at kahit ialay ko pa ang kaluluwa ko, hindi noon matitiyak na mamahalin ako ng taong mahal ko. Ito ang isa sa napakaraming aral na natutunan ko mula sa karanasan ko kay Kyle.

'Pero iba si Lui. Iba siya kay Kyle. Pwedeng masaya ang ending. Pwedeng happily ever after. Pwedeng til death do us part.', sulsol ng nagsisimula ko ng umasang puso.

Napabuntong hininga na lang ako. Ang hirap magmahal kapag ang utak at puso ay magkaiba ang sinasabi. Sabi nila paganahin raw lagi ang utak para di ka masaktan, iyon naman ang ginawa ko dati pero nilayuan ako ni Kyle at nasaktan ko siya. Nang muli magkrus ang aming landas, puso na ang pinairal ko. Buong buo ko iyong ibinigay sa kanya pero iba pa rin ang pinili niya. Kahit naman ano ata ang gamitin ko masasaktan pa din ako sa bandang huli.

Hindi pa rin sinasagot ni Lui ang tanong ko. Nagtatalo ang puso at isip ko kung dapat ko bang ulitin ang aking tanong. Pero hindi ko alam kung handa ba ako na marinig ang maaari niyang isagot sa tanong na iyon.

Mula sa gilid ng aking mga mata ay naaninag ko ang picture frame ng pamilya ni Kyle  na nakapatong sa bed side table. Hindi ko ito napansin kaninang paspasok ko sa kwarto. Salamat sa kaunting liwanag na nagmumula sa mga bintana, nagawa kong pagmasdan ang napakatamis na ngiti ni Kyle sa larawan. Di lamang si Kyle. Maging si Aki, si Sandy, at si Andrei ay masayang nakangiti. Karga-karga ni Aki si Sandy habang nakapasan sa likod ni Kyle si Andrei. Isang larawan ng masayang pamilya na puno ng pagmamahalan. Hindi ang tipikal na pamilya na tinatanggap ng lipunang ginagalawan natin pero isa pa ring pamilya. Pamilyang pinagbuklod ng pagmamahalan.

Sa kabila ng mga bagay at emosyong bumabagabag sa akin ay nagawa kong ngumiti habang nakatingin sa litrato. Ganito pa din kaya ang bawat isa sa kanila kung ako sa halip na si Aki ang kasama ni Kyle? Ganitong klaseng ngiti pa din kaya ang meron si Kyle kung ako ang nakaakbay sa kanila ni Andrei sa halip na si Aki?

Siguro. Pwedeng hindi din. Pero parang mas malamang yung hindi. Kita ko kung gaano kasaya ang bawat miyembro ng pamilyang ito. Alam kong magiging masaya din sa akin si Kyle pero hindi siguro ganitong kasaya.

Ang larawang iyon ni Kyle at ng kanyang pamilya ay isang malaking sampal sa isang reyalisasyon. At nang mga sandaling iyon ay parang alam ko na agad ang dapat kong gawin. Pinakinggan ko ang sinasabi ng aking isip at puso. Hinihintay ang kani-kanilang pagsang-ayon at pagtutol. Pero nanatiling tahimik ang dalawang parteng iyon ng aking katawan na kanina lamang ay hindi magkamayaw at magkasundo.

Tila ba sa dinamirami ng mga ideyang pumasok sa isip ko ay tanging ngayon lamang sila nakarinig ng isang bagay na maaring nilang pagkasunduan. Humina ang kabog sa aking dibdib. Napipi ang mga bulong sa aking utak. Pakiramdam ko bawat parte ng aking katawan ay payapa.

“Do you love her, Lui? Mahal mo na ba talaga sya?”, pag-uulit ko sa aking tanong. Hindi ko nakilala ang sarili kong boses. Kung maaring pagsama-samahin ang tunog ng pag-asa, pagkasabik, lungkot, takot, kaba, pagmamahal, at pagsuko sa dalawang pangungusap, sa tingin ko ay ganoong tunog ang lumabas sa aking bibig nang muling kong bigkasin ang aking tanong kay Lui.

Naramdaman ko ang bahagyang pag-uga ng kama habang umaayos sa pagkakahiga si Lui. Humarap ako sa side niya ng kama pero tanging likod nya lang ang aking nakikita.

“Yes, I love her. Go to sleep now Renz.”, masayang sabi ni Lui. Masaya? Oo, masaya. Hindi ko naramdaman na naiirita siya sa pangungulit ko at pagtatanong. Wala ding sarkasmo sa kanyang pagkakasabi. Ang bawat bigkas ay puno ng pagmamahal at saya.

Masaya na nga si Lui. Masayang-masaya.

Hindi ko napigilan ang ngumiti. May madiing kurot sa aking dibdib pero bukal sa loob akong nakangiti. May luhang namumuo sa aking mata pero dahan-dahang gumagaan ang aking pakiramdam.

“I’m happy for you. Good night Lui.”, paalam ko sa kanya bago ako tuluyang nakatulog.


****Lui****

3:43 AM, Thursday
March 21

Halos umaga na kami natapos sa inuman ni Renz, at pinipilit ko ang aking sarili na matulog na dahil alam kong sa loob ng ilang oras lang ay magigising na naman si Andrei. Fully recharged at punong-puno ng kakulitan. Kung hindi ako makakatulog ng kahit isa o dalawang oras ay tiyak na susuko ako sa maghapon sa pag-aalaga dito.

Malapit na sana ako sa dreamland kung hindi lang nangungulit si Renz. Ramdam ko na ang pagsisimula ng isang masayang panaginip ng marinig ko siyang magsalita mula sa aking likuran.

“Do you love her?”, mula sa malapit na sanang pagtulog ay nawala ang antok ko sa katawan. Tama ba ang narinig ko? Tinatanong nya ba ako kung mahal ko si Jane? Lasing na lasing ata si mokong. Pero mukhang seryoso naman ang kanyang tono sa pagtatanong.

It’s not the question that bothers me. I know how to answer it. And I’m sure of my answer. What bothers me is the reason he’s asking.
Hindi ako nakasagot agad sa kanyang tanong dahil nahulog ako sa malalim na pag-iisip sa kung anong tumatakbo sa utak ni Renz. Sa pagkakakilala ko sa kanya mula noon hanggang ngayon, mahirap malaman kung ano ang tunay na tumatakbo sa kanyang isipan. Maging ang kanyang tunay na nararamdaman ay mahirap na hulaan. I’ve made assumptions about his character and stuff before but only to be proven wrong.

Sasagot na sana ako sa tanong, nang biglang bumilis ang tibok ng puso ko. Bigla ako nakaramdam ng kaba. Parang kinikiliti ang hinliliit ko sa paa na hindi ko maintindihan.

Alam ko kung anong gustong i-suggest ng puso ko pero alam ko sa sarili ko na ayaw ko nang bigyang laya pa ang parteng iyon ng aking puso. Minsan ko nang hinayaan ang parteng iyon na masunod ang nais pero hindi maganda ang kinalabasan ng mga desisyon nito. Hindi na ako muling magpapatalo sa mga sulsol nito. I’m better now. More rational.

Siguro ay nararamdaman ko ang ganitong damdamin dahil at one point in my life ay gusto kong mangyari na mahalin ako ni Renz.

Shet! Wait! Mali! Bakit napunta agad dun ang usapan? Wala siyang sinabing gusto niya ako. Tinatanong niya lang ako kung mahal ko si Jane? Bakit ko kailangan na bigyang kulay ang ganung klaseng tanong? It could mean nothing other than mere curiosity. Siguro ay naisip niya na ginagawa ko lang na panakip butas si Jane para kalimutan ang mga nangyari sa akin. Which has some sense and logic in it pero alam ko na hindi panakip butas si Jane. Mahal ko talaga siya at dapat iyong malaman ni Renz.

“Do you love her, Lui? Mahal mo na ba talaga sya?”, pag-uulit ni Renz sa kanyang tanong. Sa pagkakataong ito ay iba ang naging epekto ng tanong niya sa akin. Hindi ko maipaliwanag ang dagsa ng iba’t-ibang emosyon na naramdaman ko mula sa kanya sa tanong na iyon. Bago pa man ako may masabi o magawang pagsisisihan ko sa bandang huli ay agad na akong sumagot sa tanong ni Renz.

“Yes, I love her. Go to sleep now Renz.”, masaya kong sabi kay Renz. Hindi sa nagiging sinungaling o plastic ako sa kanya pero mahal ko talaga si Jane at masaya ako. Kahit na sabihin nating mahal na ako ni Renz ngayon ay hindi noon mababago ang nararamdaman ko para kay Jane.

Nang makilala ko si Jane, nag-iba ang takbo ng buhay ko. Parang may nakilala ako na isa pang Kyle na maaari kong maging bestfriend at pagkwentuhan ng kahit anong bagay. Nagkaroon lalo ng direksyon ang buhay ko. Nagawang kong mangarap hindi lang para sa sarili ko kundi para sa aming dalawa ni Jane. Sa tuwing pumapasok sa isip ko si Jane ay hindi ko maiwasan ang masabik sa kung ano ang naghihintay sa amin sa hinaharap. Ang first wedding anniversary namin, ang aming magiging first home, ang isisilang nya na first baby namin, kung ano ang gagawin namin kapag matanda na kaming dalawa.

Mula nang makilala ko si Jane ay nagsimula akong magplano sa buhay. Hindi lang dahil sa iyon ang ginagawa ng karamihan, na sa tingin nila ay ang tamang gawin, kundi dahil sa gusto kong magkaroon na masayang buhay kasama si Jane. Kasama ang aming magiging pamilya.

Kung mangyari man na mahal nga ako ni Renz, at pakinggan ko ang ibinubulong ng maliit na parte ng aking puso, sa tingin ko ay mas nanaisin ko pa rin na makasama si Jane habang buhay. Mahirap kasi ang sitwasyon namin ni Renz, mas maraming tanong at takot kesa sa kasiguruhan at saya. Siguro dahil pareho kaming lalaki at hindi tanggap sa lipunan ang ganitong relasyon. Alam ko na posible din namang sumaya katulad nila Kyle at Aki, pero nag-iba na ang pananaw ko sa buhay ng makilala si Jane. Kung dati ay takot ako sa responsibilidad ng pamilya, ngayon ay hindi ako makapaghintay na magsimula ng sariling pamilya. Gusto kong magkaroon ng anak.

Yes, pwede kami ni Renz na mag-ampon pero iba pa din yung dugo at laman mo. Alam kong may mga taong magsasabi sa akin na ang dugo ay hindi sukatan ng pagiging pamilya. Halimbawa na lang ang pamilya ni Kyle. Pero iba kasi yung gusto ng damdamin ko. Nirerespeto ko ang mga pamilyang pinagbuklod ng pagmamahal pero wala din namang masama sa bumuo ng pamilyang pinagbuklod ng pagmamahal at ng dugo.

Siguro kaya may mga bakla na mas pinipili na magtago sa loob ng kanilang aparador dahil katulad ko ay may ganito din silang mga plano at pangarap sa buhay. Ang magkaroon ng pamilya. Ang magkaroon ng sarili mong anak. Alam ko sa sarili ko na kapag hinayaan ko si Renz na makuha ng buo ang puso ko ay kailangan kong isuko ang ilang parte ng pangarap na ito.

Isa pang tanong na bumagabag sa akin ay kung kaya ko bang saktan si Jane? Alam kong kung maghiwalay man kami ay makakaya niyang bumangon. Isa iyon sa mga bagay na nagustuhan ko sa kanya. She’s that independent powerful woman that scares the masculinity out of most men. Pinakinggan ko ang sinasabi ng aking puso at alam ko sa kalooban ko na kahit kaya mabuhay ni Jane ng wala ako ay hindi ko kaya na saktan siya. Lalong hindi ko kaya na makita siyang may kasamang iba.

“I’m happy for you. Good night Lui.”, wika ni Renz. Hindi ko masabing malungkot ang kanyang boses sa halip ay parang kabaligtaran pa nga. I felt he was sincerely happy for me. That gave me the relief I need.

Bago ako lamunin ng antok ay di ko maiwasang isipin kung gaano ka-bullshit ang tadhana. Kung kailan masaya at may totoong minamahal na ako ay saka muling susulpot si Renz at muling magsisimula na mahabang listahan ng mga tanong para sa aking puso.



****Lui****

2:00 PM, Monday
March 25

Mabilis na lumipas ang mga araw. Hindi naman na nakapagtataka na parang mabilis na magpalit ng date ang kalendaryo dahil ganoon naman talaga ang pakiramdam kapag masaya ka.

Matapos ang gabi ng inuman namin ni Renz sa balkonahe at ang mga nakakakabang mga tanong ay lalong naging masaya ang aming pagsasama. Nagising ako kinabukasan sa pangungulit sa akin ni Andrei habang pilit ako nitong hinihila papunta sa kusina. Doon ay dinatnan ko si Renz na masayang nakangiti at naghahanda ng almusal para sa aming apat.

Aaminin ko na may bahagya akong kaba at alinlangan ng mga sandaling iyon dahil sa naging pag-uusap namin bago matulog. Masaya ako na nagkasundo na kaming muli ni Renz at ayaw ko na mauwi agad sa isa na namang gusot ang aming pagkakaibigan nang dahil lang sa mga tanong niya.

Sa kabutihang palad ay hindi ganoon ang nangyari. Nanatili ang maayos na pakikitungo namin ni Renz sa isa’t-isa. Matapos ang gabing iyon ay hindi na muli namin napag-usapan ni Renz ang tungkol sa nararamdaman ko para kay Jane o anumang bagay tungkol kay Jane o sa aming kasal. Sa halip ay binigyan namin ng pagkakataon ang bawat isa na magkakilala.

Nalaman kong may konting hilig pala siya sa pagbabasa. Nagkakasundo din kami sa mga opinyon sa negosyo. Napagusapan pa nga namin ang pagsisimula ng isang bagong business na magpartner. Matapos niya ako talunin sa basketball game sa arcade ay hinamon ko naman siya ng isang laro sa totoong court. Pinaunlakan niya naman ako at dinala namin ang mga bata sa isang park at sinama namin sa paglalaro. Aaminin ko na magaling nga sa larong iyon si Renz. Hindi na kailangan ng mga tricks ng halik o pa-cute.

Kung hindi kami busy pareho sa pagbabantay kay Andrei, (Oo, si Andrei lang ang kailangan bantayan. Walang problema kay Sandy, pero kulang ang dalawang tao para bantayan si Andrei.) ay tinuturuan ako ni Renz magluto. Masaya naman akong nakinig sa kanya dahil gusto kong sorpresahin si Jane sa muli naming pagkikita. Ang problema lang ay nauuwi lagi sa kulitan at batuhan ng bawang ang mga cooking lessons namin ni Renz.

Kung minsan ay maglalaro lamang kami ng Xbox at magpapataasan ng score sa kung anu-anong laro. Hindi kami halos lumalabas. Masaya na kami sa loob ng bahay na nagkukulitan, nag-aasaran, nagpapayabangan, at nagkekwentuhan.

Hindi ko inakala na matapos ang mga nangyari sa aming dalawa ni Renz ay hahantong kami sa ganito. Parang bigla ako nakahanap ng kapatid, ng kakambal sa kalokohan. Solong anak ako at lumaki ng malungkot dahil sa limitadong atensyon mula sa aking magulang. Wala din akong gaanong kaibigan. Noong tumuntong ako sa high school halos lahat ng mga kababata ko ay nag-migrate na sa ibang bansa. Naapektuhan noon ang pananaw ko sa pagkakaroon ng kaibigan. Nasabi ko kasi sa sarili ko na ang kaibigan ay para ding mga magulang ko. Kaya akong basta na lamang iwan. Mula noon ay hindi na ako naging masyadong attached sa mga tao. Mayroon akong mga barkada na nakakasama ko sa pag-gimik o ibang activities pero di ko sila maituring na kaibigan. Bago si Renz ay si Kyle lamang ang tinuturing kong tunay na kaibigan. Masaya ako na tatlo na kami ngayong parang magbe-bestfriend.

Natigil lamang ang pagmumuni-muni ko ng bumakas ang pinto ng condo at umalingawngaw ang boses ni Andrei. Excited itong nagtatakbo sa akin habang kinukwento ang naganap na tanghalian nila sa labas kasama si Kyle at Aki. Sakto alas dose ng tanghali kanina ay dumating sila Kyle at Aki mula sa kanilang bakasyon.

Magsisimula pa lang sana magluto noon si Renz dahil late na kami nag-almusal ng dumating ang magnobyo. Nag-imbita sila na kumain na lamang sa labas. Para namang bulate na nilagyan ng asin si Andrei na hindi makapali dahil sa pagdating ng kanyang dalawang daddy.

Nagpasya ako na magpaiwan na lamang dahil sa kailangan ko pa mag-impake ng gamit. Tumawag sa akin ang aking mga magulang ng umagang iyon at tinatanong kung makakauwi na ako kinahapunan dahil may kailangan silang ipa-asikaso sa akin. Pinilit ako nila Kyle at Aki na sumama pero tumanggi pa din ako. Magpapaiwan na din sana si Renz pero pinilit ko siya na sumama na sa kanilang kumain.

“Aalis ka na ba talaga? Hindi ka na ba makapaghintay na malayo kay Andrei?”, tanong sa akin ni Kyle habang inaabot sa akin ang isang paper bag na may lamang pagkain mula sa restaurant na kinainan nila.

“Ha? Bakit? Ang bait naman ako ah?”, inosenteng tanong ni Andrei. “Ayis ka na?”, natawa naman ako. Kahit na sumobra ang kakulitang taglay ng batang ito ay puno naman ito ng charm. At sa mga ganitong pagkakataon na para itong asong nagpapa-cute ay hindi ko mapigilan na lumambot ang puso para dito. Masama sigurong hilingin dahil baka ikamatay ko pero sana ganito katulad ni Andrei ang maging anak namin ni Jane.

“Kailangan na kasi ako sa bahay nila Mama, may pinapa-asikaso sa akin na importante.”, sagot ko kay Kyle. “Huwag ka mag-alala dadalaw naman ako uli. Tsaka malapit na yung kasal ko. Pupunta naman kayo ng mga daddy mo sa amin.”, panunuya ko kay Andrei.

“Yeheyyy!!! Masusuot ko na yung batman costume ko.”, sigaw ni Andrei habang nagtatatalon sa tuwa. “Hahanapin ko na yun sa closet now.”, pagdedeklara niya saka nagtatatakbo papunta sa kwarto nila ni Sandy.

“Kyle, kausapin mo yung anak mo ha?! We had a deal.”, paalala ko kay Kyle sa kasunduan namin noon habang magkausap sa Skype. Tinawanan lamang ako ng aking kausap at napailing na lang ako. Mukhang ako lang ang taong ikakasal ngayong taon na may tumitiling batman sa entourage.

“Sige na Kyle, Aki, mauna na ako. Baka maipit pa ako sa trapik kapag nagtagal ako.”, pagpapaalam ko sa magnobyo.

“Maraming salamat pre sa pagbantay sa mga bata. Kung may kailangan ka, wag ka maghiya magsabi sa amin.”, pasasalamat sa akin ni Aki habang karga-karga si Sandy.

“Hatid na kita sa parking.”, sabi sa akin ni Kyle.

“Huwag na, kaya ko na to. Pagod ka din naman sa biyahe. Magpahinga ka na lang jan.”, pag-awat ko sa aking kaibigan.

“Ako na lang maghahatid sa kanya Kyle.”, pagpepresenta ni Renz na kanina pang tahimik simula ng dumating sila Kyle. “Uuwi na din ako kasi baka hinahanap na din ako sa bahay.”, paliwanag ni Renz ng mapalingon kaming tatlo nang magsalita sya.

Dali-dali itong nagtatakbo papunta sa kwarto ng mga bata para kunin ang kanyang mga bag at gamit.

“Anong nangyari don? Na-trauma ba kayo kay Andrei at nagmamdali kayong dalawa na umalis? Mabait naman yung anak ko wag lang papakainin ng chocolate.”, natatawang sabi ni Kyle. Nagkatawanan na lamang kaming tatlo nila Aki.

Ilang saglit lang ay lumabas na ng kwarto si Renz bitbit ang kanyang mga gamit habang nakabuntot ang nakangusong si Andrei.

“Daddy!!!!”, malakas na sigaw ni Andrei. “Bakit ang aalis na silang lahat? Waya na akong pyaymate.”, reklamo nito.

“Babalik naman ako dito.”, sagot ni Renz.

“Noooo! Ipapakiyaya ko pa si Kuya Lui kay Teacher Mary eeeeee...”, naiinis na nalulungkot na sabi ni Andrei. Mukhang nasira ang kanyang plano para sa aking love life. Natawa naman si Renz sa sinabi ni Andrei. Napatingin naman sa akin ang magnobyo at naghihintay ng paliwanag. Napabuntong hininga na lamang ako.

Matapos ang mahigit sampung minutong pagpapakalma sa nagwawalang damdamin ni Andrei ay hinayaan din kami nitong makadaan sa pinto na hinarangan niya ng kanyang katawan. Habang kinukumbinsi siya nila Kyle na umalis doon ay walang tigil ang kanyang madaldal na bibig sa pagkukwento kung paanong magiging masaya ako kay Teacher Mary, na hindi ako nito iiwan, at kung paanong magaling itong kumanta ng Bayang Magiliw.

Hindi na nga ako nahatid ni Kyle sa parking lot dahil kailangan pa nitong aluin si Andre na iniwan naming humihikbi ni Renz.

“Oh pano? Good luck na lang sa buhay buhay natin ah?”, panimula ko nang makarating kami sa aking sasakyan. May sariling sasakyan si Renz kaya alam kong doon na maghihiwalay ang aming landas.

“Sayo din. Wag mo pasakitin ulo ng magiging asawa mo.”, medyo natigilan ako sa sinabing iyon ni Renz. Mula kasi nung gabing naginuman kami ay hindi na muling naging paksa ng usapan si Jane o ang aming kasal.

“Makakaasa ka.”, nakangiti kong sagot. Masaya ako na parang tanggap at masaya talaga si Renz para sa akin.

“Good.”, nakangiting ding sagot sa akin ni Renz.

“Ikaw ba? Maasahan ba kita sa kasal ko?”, sabi ko sa kanya. Noon ko lang kasi na-realize na hindi ko pa pala siya pormal na naiimbitahan sa aking kasal. At makalipas ang mga nakaraang araw, pakiramdam ko ay mas magiging masaya ko sa araw ng aking kasal kung makakarating ang bago kong kaibigan.

Nakita kong saglit na natigilan si Renz. Bahagyang bumaba ang mga sulok ng kanyang labi na kanina lang ay matamis na nakangiti. Ngunit, saglit lamang iyon. Wala pa atang dalawang segundo at muling bumalik ang masayang ngiti sa kanyang mukha saka tumango. Binigyan ko naman siya ng isang yakap kapatid bilang pagpapaalam.

Mahigpit na tinugon ni Renz ang aking yakap. Tila ba nasa airport ang aming eksena. Nang kakalas na sana ako sa aming yakapan, ay naramdaman ko ang lalong pagkabig at paghigpit ng yakap ni Renz tanda na ayaw niya pa akong pakawalan.

“Wait lang.”, bulong ni Renz sa aking tenga habang mahigpit na nakakapit sa akin ang kanyang mga matitipunong braso. Hinayaan ko na lamang siya sa kanyang ginagawa. “Maraming salamat Lui.”, bulong niyang muli. Hindi naman ako nakapagsalita dahil may parte ng puso ko ang naguguluhan.

Makalipas ang halos dalawang minuto ng mahigpit na yakap ay pinakawalan ako ni Renz. Nang tingnan ko ang kanyang mukha ay wala naman akong nakitang lungkot o hinagpis. Sa halip ay payapang kasiyahan ang aking naaninag sa kanyang mga mata. Naisip ko na nagpapasalamat lamang siya dahil napatawad ko siya sa kanyang mga nagawa sa akin. Alam kong malaking tulong iyon upang gumaan ang kanyang loob at tunay na makapagsimula ng panibagong buhay.

“Kita-kits na lang sa kasal ko pre.”, paalam kong muli sa aking bagong kaibigan. Sumaludo lamang ito sa aking bilang sagot. Sumakay naman na ako sa aking sasakyan at nagsimulang paandarin ito. Nanatiling nakatayo si Renz sa gilid at hinihintay ako na makaalis. Nang makaatras na ako palabas ay tumapat muna ako kay Renz saka muling kumaway ng pamamaalam. Kumaway din naman siya sa akin, saka ko muling pinausad ang sasakyan palabas ng building nila Kyle.


****Renz****

2:42 PM, Monday
March 25


Nanatili akong nakatayo sa tabi ng lugar kung saan kaninang naka-park ang sasakyan ni Lui. Hinintay ko hanggang sa mawala sa aking tanaw ang kanyang sasakyan. Nang masiguro kong hindi na niya ako makikita mula sa rear view o side mirror ay saka ko hinayaan pumatak ang mga luha.

Napaluhod na lamang akong bigla habang parang agos ng ulan na pumapatak ang luhang kanina ko pang tinitimping lumabas nang kausap si Lui.

Matapos ang gabi ng inuman at mga nakakakabang tanong ay naging malinaw sa akin kung sino si Lui sa buhay ko. Naging malinaw din sa akin nung gabi iyon kung ano lang ako sa buhay ni Lui. Pinilit kong hindi maging malungkot, hindi naman mahirap gawin iyon kasi alam kong masaya si Lui.

“Do you love her, Lui? Mahal mo na ba talaga sya?”


Nang gabing iyon ay napagdesisyonan ko na mahalin si Lui higit sa sarili ko anuman ang maging sagot niya sa tanong na iyon.

“Yes, I love her. Go to sleep now Renz.”

Ngunit hindi katulad ng nangyari sa amin ni Kyle, ay handa kong pakawalan si Lui. Handa akong hayaang gawin niya kung anong makakapagpasaya sa kanya. Matapos ang mga bagay na nagawa ko sa kanya ay dapat lang na sa pagkakataon na ito ay bigyan ko siya ng laya na mahalin kung sino ang gusto niya. Hindi ko uulitin ang kamalian na nagawa ko noon kay Kyle. Hindi ko noon magawang pakawalan si Kyle at pilit ko isinisiksik ang aking sarili sa kanya kahit na kita ng dalawa kong mata na labis na siyang masaya sa kanyang nobyo. Pilit kong kinukuha at inaagaw ang kanyang atensyon hanggang sa umabot sa puntong wala na akong ibang iniisip kundi si Kyle at kung paano siya mapupunta sa akin.

Ngayon ay nakita ko na ang mga kamalian ko. Ngayon ay alam ko na na habang iniisip ko na ako lang lagi ang nahihirapan at nasasaktan ay nasasaktan at pinahihirapan ko din ang mga taong nagmamahal sa akin kasama na si Kyle. Matapos ang mga nagawa ko kay Lui, at matapos niya akong patawarin ay hindi ko kaya na saktan at pahirapan siya. He deserves to have a happy life, even if that life does not include me.

Oo. Siguro nga sinusuko ko na si Lui. May mga magsasabing dapat ko siyang ipaglaban. Na dapat kong iparamdam ang nilalaman ng aking puso sa kanya. Kung hindi ako susuko kaming dalawa ang magkakatuluyan sa bandang huli. Pero tangina, sa libro at kwento lang naman nangyayari ang ganon. Ano bang alam ng ibang tao sa kung anong magiging ending ng kwento namin ni Lui? Ginawa ko na yang ganyang strategy kay Kyle. Hindi ako sumuko. Hindi ako sumuko kahit ang sakit sakit na. Hindi ako bumitaw kahit na lahat na ng tao sa paligid ko ang nagsasabi sa akin na talo na ako. Wala akong itinira sa sarili ko noon. Wala kahit konting pagmamahal. Lahat ibinigay ko kay Kyle, pero di naman iniba ng author ng kwento ko ang ending ng istorya. Ako pa rin sa bandang huli ang naiwang umiiyak. Umaasa.

Napaka-hopeless ko na lang siguro kung wala man lang akong natutunan kahit konti sa mga pinagdaanan ko. Kaya kahit mahirap, kahit labag sa loob, kahit bawat sulok ng puso ko ay nagsasabing huwag – papakawalan ko si Lui. Dahil malinaw na may ibang tao na na nagpapasaya sa kanya.

“I’m happy for you. Good night Lui.”

Nang bigkasin ko ang mga kataga na iyon kay Lui ay nagulat ako sa naging reaksyon ng aking buong sistema. Sa pagsuko ko sa kanya, ay ineexpect ko na ang pamilyar na pangil ng lungkot at pagsisisi na ilang taon kong kasama. Pero iba ang naramdaman ko ng mga sandaling iyon. Oo, may lungkot pero mas nanaig ang kapanatagan. Ang kasiyahan na alam kong gumagawa ako ng sakripisyo para sa ikasisiya ng taong mahal ko. Na alam ko sa sarili ko na sa unang pagkakataon gumawa ako ng desisyon para sa ikabubuti at ikasasaya ni Lui. Masaya ako kasi nagawa kong unahin ang kanyang sariling kaligayahan bago ang akin. At nagagawa ko ito ngayon ng kahit papaano ay bukal sa aking loob.

Marami akong ‘what if’s’ pero mas marami ang mga bagay na sigurado ako. Isa doon  ang kasiyahan ni Lui at ang oportunidad niya na magkaroon ng isang pamilya na hindi kailangang manlimos ng pagtanggap mula sa lipunan.

Sa nalalabing araw namin ni Lui ay sinikap ko na kilalanin siya ng lubos. Hindi ko pinapaasa ang aking sarili at lalo hindi ko sinusubukan na paibigin siya. Noong umaga matapos ang aming inuman ay napagtanto ko na ang daming masasayang bagay naming napagkwentuhan ni Lui kagabi. Kung hindi lamang ako nababalot ng lungkot ng magkakilala kami ay malamang sa naging matalik kaming magkaibigan agad ni Lui. Kaya napagdesisyunan ko na wala masama kung magiging magkaibigan kami ni Lui.

At hindi nga ako nagkamali, makalipas ang tatlong araw ay parang ilang taon na kaming magkaibigan ni Lui. Ang daming masayang bagay ang nalaman ko tungkol sa buhay nya. Marami din akong bagay na naibahagi sa kanya, mga bagay na dati ay kay Kyle ko lamang nagagawang i-kwento. Isa pang bagay na ikinasisiya ko ay nagagawa kong kilalanin si Lui ng walang malisya o pagnanais ng palalimin ang aming pagsasama ng higit pa sa magkaibigan o magkapatid.

Sa bawat masayang sandali namin ay wala ang lungkot o panghihinayang na kaakibat ng kaalamang hindi magiging kami dahil ikakasal na siya. Masaya lang kami na magkasama at nag-aalaga sa mga bata.

Sa kabila ng magandang relasyon naming dalawa ay hindi ko na ginawa pang gawing paksa ng aming usapan ang kanyang girlfriend o ang nalalapit niyang kasal. Hindi naman ako ganoong kasadista. Though minsan ay nararamdaman kong gustong magkwento ni Lui tungkol sa kanyang buhay pag-ibig. Kapag nararamdaman kong papunta na doon ang usapan ay bigla akong magpapanggap na may gagawin o pilit ko ililihis ang aming atensyon.

Kaninang tanghali ay dumating na sila Kyle at Aki mula sa kanilang bakasyon at nagimbita na kumain na lang sa labas para hindi na ako maabalang magluto pa. Nagpasyang magpaiwan si Lui dahil uuwi pa daw siya sa kanila kaya kailangan na nitong mag-empake. Sinubukan kong magpaiwan na lang pero pinilit ako ni Lui na sumama kela Kyle. Sumang-ayon na lamang ako dahil baka may magawa akong pagsisisihan ko kapag naiwan ako sa unit ni Kyle na si Lui lang ang kasama.

Eto yung sandaling kinakabahan ako at hindi ko pa napaghahandaan. Ang araw ng pagdating nila Kyle at ang pag-alis ni Lui. Alam kong magkikita pa naman kami sa hinaharap pero di ko alam kung kelan, kung gaano kadalas, at kung may pagkakataon ba na makapag-bonding kami na kami lang dalawa parang nung kami ni Kyle noon. Alam kong mali na umasa ako sa ganitong bagay dahil isinuko ko na si Lui at ikakasal na din siya at tiyak na magiging busy na ito sa buhay may asawa. Pero tao lang ako na nagmamahal, natural sa akin ang umasa kahit na sa mga maliliit na bagay, kahit na para akong nanlilimos ng oras.

Habang kumakain kami ni Kyle ay wala ako sa sarili. Sinubukan akong kausapin nila Kyle pero wala silang makuhang matinong sagot sa akin dahil busy ako sa pag-iisip sa kung paano magpapaalam kay Lui. Hindi ko balak na magmakaawa sa kanya na wag umalis, wala din akong balak na magtapat ng damdamin. Gusto ko lang na magpasalamat para sa mga bagay na nagawa niya para sa akin. Hindi ko man naidetalye sa kanya kung gaano niya binago ang buhay ko ay gusto ko pa din niyang marining na nagpapasalamat ako sa mga naitulong nya. Gusto ko din na malaman kung may pag-asa ba na magkita pa kaming muli.

Nang makauwi kami nila Kyle sa condo niya ay agad nang nagpaalam si Lui na aalis dahil ayaw nitong maipit sa trafffic. Sinabi ni Kyle na ihahatid niya si Lui sa parking pero agad akong sumingit at nagpresenta na ako na ang maghahatid kay Lui. Naisip kong iyon na lang ang pagkakataon ko para makausap si Lui ng sarilinan, at makapagpasalamat. Bago kami makalabas ng pinto ay umeksena pa si Andrei at bahagya pa kaming nagkatawanan na nakatulong naman para mabawasan ang namumuong kaba sa aking dibdib.

Mula sa paglabas ng pinto, hanggang sa elevator, hanggang sa may sasakyan ni Lui sa parking lot ay tahimik lamang akong pinagmamasdan siya. Sinusulit ang bawat sandali na kasama siya at malaya ko pang matingnan. Sinikap kong hindi magpahalata para di maging alangan si Lui. Ayaw ko din na magkaroon siya ng ideya sa nararamdaman ko para sa kanya. Alam kong mabait na tao si Lui at makalipas ang isang linggong magkasama kami ay nabuo ang isang masayang pagkakaibigan. Ayaw ko na magkaroon iyon ng kung ano mang gusot ng dahil sa aking nararamdaman. Gusto kong maghiwalay kami ni Lui ng landas bilang masayang magkaibigan.

“Oh pano? Good luck na lang sa buhay buhay natin ah?”

Panimulang sabi ni Lui ng tumapat kami sa kanyang sasakyan. Sa pagkakataong iyon ay nagtama ang aming mga mata. Nawala ang bilis at kabog ng aking puso. Tumigil ang panlalamig ng aking mga kamay. Ang napakaraming bagay na tumatakbo sa aking isip ay isa-isang huminto at nagbigay daan sa kapayapaan.

Nang mga sandaling iyon ay muli kong nasilayan ang mala-anghel na mga mata ni Lui. Yung mga matang laging nagsasabi sa akin na “Okay lang yan, ako ang bahala sayo. Di kita pababayaan.”

Ang mga matang iyon ang nag-alis ng tensyon at kaba. Ng takot at pag-aalinlangan. Ng lungkot ng pamamaalam. Ang mga simpleng titig na iyon ay dahan-dahang nagpapalaya sa aking puso at isipan sa mga bagay na pilit kong tinatakbuhan

“Sayo din. Wag mo pasakitin ulo ng magiging asawa mo.”

Nakita kong bahagya siyang natigilan sa aking sinabi. Huli na ng mapagtanto ko kung ano ang nasabi ko sa kanya. Siguro nga nagmamature na din ako sa wakas o dahil lang ito sa epekto sa akin ni Lui. Pero nakakaya ko nang pakawalan ang isang taong napakahalaga sa akin para lang maging tunay itong masaya. Maaari din na nasabi ko ang mga bagay na iyon para lang mabura ang anumang agam-agam o hinala ni Lui tungkol sa nararamdaman ko sa kanya. Katulad ng nasabi ko kanina, wala akong balak na malaman pa niya ang nararamdaman ko at ang tanging nais ko lang ay maghiwalay ang aming landas ni Lui nang masaya. At sa tingin ko ang pagsasatinig ko ng suporta sa buhay na papasukin niya ay isa sa mga bagay na tunay na magpapasaya at magpapatibay sa aming pagkakaibigan.

Nararamdaman ko din naman sa kaibuturan ng aking puso na totoo ang laman at kahulugan ng bawat salitang binitiwan ko. Gusto ko na malaman ni Lui na masaya ako para sa kanya. Na kahit iniwasan ko ang usapan tungkol sa kanyang kasal, gusto ko sa mga sandaling iyon na maramdaman niya na suportado ko ang kanyang desisyon at masaya kong talaga para sa kanya.

“Makakaasa ka.”

Sagot ni Lui sa akin ng makabawi siya sa pagkabigla. Kita ko ang lalong pagliwanag ng mukha ni Lui. Alam kong sa ilang araw na sobrang lapit namin sa isa’t-isa ay hinihintay niya ako magsalita patungkol sa kanyang kasal.

Hindi ko malilimutan ang mga sandaling ito na sinusuklian niya ng labis na tamis na mga ngiti ang mga bagay na sinasabi ko sa kanya. Ang huling pag-uusap namin noon ay nauwi sa isang malungkot na eksena at ang naging pabaon nito sa akin ay ang labis na lungkot na mga mata ng isang anghel na nagmamakaawang layuan ko na sya. Masaya ako ngayon na kahit papaano ay isang maaliwalas at galak na mukha ni Lui ang magiging baon ko sa aming maaaring huling pagsasama.

“Good.”

Maiksi kong sagot kay Lui dahil nagsisimula na namang mabuo ang samu’t-saring emosyon sa aking dibdib. Hindi ko maiwasan ang balewalain ang mga emosyong nagbabadya dahil sa isiping maaaring ito na nga ang huli naming pag-uusap ni Lui.

“Ikaw ba? Maasahan ba kita sa kasal ko?”

Tanong sa akin ni Lui. Sa pagkakataong iyon ay ako naman ang natigilan sa kanyang sinabi. Nabawasan ng bahagya ang pagkakangiti ng aking labi. Bahagyang nanimdim ang ningning sa aking mata. Muli ay parang isang ipu-ipo na nangangalit ang mga emosyon sa aking dibdib.

Hindi ko inaasahan ang imbitasyon ni Lui. Sabagay, hindi nga naman namin napag-uusapan ang kanyang kasal kaya marahil ay hindi rin siya nagkaroon ng pagkakataon para imbitahin ako maliban ngayon. Hindi ko agad naisip na dahil sa aking komento kanina ay mauuwi ang aming usapan sa tanong na ito.

Agad na nagtalo ang dalawang parte ng pagkatao ko. Isang parte ang nagsasabi na tanggaping ko ang imbitasyon bilang pagpapakita ng tunay na suporta kay Lui. Kung nais ko talaga na pangatawanan ang pagsuporta sa kanyang desisyon at kung nais kong gawin lahat ng bagay na makakapagpaligaya sa kanya ay dapat lang na walang atubili kong tanggapin ang kanyang alok na pagpunta sa kanyang kasal.

Ang isang parte naman ng aking katawan ay nagmamakaawang tumanggi at magtira ng konting pagmamahal sa aking sarili. Kasabay noon ang sulsol at takot kaakibat ng mga alaala na aking babaunin kung pupunta ako sa kasal. Maraming paraan para magpakita ng suporta sa pagpapakasala kay Lui, hindi na kailangan na paduguin ko ng labis ang aking puso habang pinapanood siyang mag-martsa patungo sa altar ng simbahan. Isang bagay na alam ko nang hindi mangyayari sa aming dalawa.

Napatingin na lamang ako sa nangungusap na mata ni Lui na nakatitig sa akin. At katulad ng hipnotismong lagi nitong ginagawa sa akin ay naramdaman ko na lamang ang kusang pagtango ng aking ulo indikasyon ng pagtanggap ko sa kanyang imbitasyon. Hindi ko masasabing bukal ang aking loob sa pagtanggap ng imbitasyon na iyon katulad ng pagpapalaya ko kay Lui ngunit ng mga sandaling iyon ay hindi ko magawang biguin ang a0pares ng mga matang naghihintay ng aking sagot. Alam kong pagsisisihan komang aking desisyon ngunit saka ko na lamang iyon poproblemahin. Hindi naman siguro masama kung bigla na lamang akong magdahilan na hindi makakapunta kung sakaling kapusin ako ng lakas ng loob at tapang sa araw ng kanyang kasal.

Pinilit kong ngumiti sa kabila ng ngatatalong damdamin sa aking kalooban. Ayaw kong makita ngayon ni Lui ang bagyo ng pagtatalo sa aking mukha. Ayaw kong masira ang sandaling ito.

Kasunod ng aking pagngiti sa kanya ay ang paghakbang sa akin palapit ni Lui at ang pagbalot ng kanyang braso sa aking leeg bilang yakap ng pamamaalam. Sa puntong iyon ay na-blangko na ang aking utak. Tumugon ang aking katawan sa kanyang mainit na yakap.

Nang maramdaman ko ang init ng kanyang katawan ay nais pumatak ng aking mga luha. Nanaig bigla ang lungkot sa aking pakiramdam. Lungkot sa pagbalik ng mga alaala ng nakaraan.

Sa tapat ng aming bahay, sa ilalim ng matandang puno ng mangga, yakap ako ni Kyle habang nagpapaalam siya. Kasabay ng mga alaalang iyon ay ang pagbukas ng bawat sugat na maaaring bumukas sa aking puso. Mga sugat na akala ko ay ginamot na ng panahon. Mga sugat na nagsadlak sa akin sa isang miserableng buhay. Naramdaman kong muli ang kirot ng mawalan ng minamahal sa pangalawang pagkakataon.

Kasabay ng malungkot na mga alaala at ng nakakabulag na sakit ng mga sugat ay ang lalong paghigpit ng aking yakap kay Lui. Sa kanya ako kumukuha ng lakas upang manatiling nakatayo, upang pigilin ang pagbagsak ng malalaking patak ng luha sa aking mata, upang hindi matalo ng lungkot, upang maitago ang tunay na emosyon sa likod ng nakangiting mukha.

Paulit-ulit lang ang aking istorya. Kung may magbabasa man nito ay tiyak napapahikab na ang taong iyon sa antok dahil sa paulit-ulit lang na pag-ikot ng aking puso sa isang malungkot na ferris wheel ng pag-ibig.

Sa buhay kong ito ay dalawang beses ako nakakilala ako ng taong kaya kong papasukin sa buhay ko,  ng taong hindi ako nahihiyang makita ang bawat anggulo at sulok ng aking kalukuwa, ng taong mamahalin ko. Dahil sa pansariling interes, dikta ng lipunan, takot at kayabangan, sariling kamiserablehan ay sa dalawang pagkakataong binigay sa akin ay pinili kong maging manhid sa kanilang damdamin para sa akin at mas ninais ko silang balewalain. Sa dalawang tsansa ko para maging masaya mas pinili ko na manakit ng kalooban ng iba dahil sa takot ko na ako ang masaktan. Isang masamang biro ng tadhana na ngayon ay pinagbabayaran ko. Dalawang beses. Dalawang beses ding nawala sa akin ang taong naging dahilan ng pagtibok ng puso ko.

Biro nga ba ng tadhana? Sa tadhana ko ba dapat isisi? O sa aking sarili? Hindi ko alam ang sagot at hindi ko din alam kung matatagpuan ko ang sagot sa buhay na ito.

Naramdaman ko ang dahan-dahang pagluwang ng yakap ni Lui at ang tangka niyang pagkalas dito. Agad kumilos ang aking mga braso upang kinabigin siya lalo palapit sa akin.

“Wait lang.”

Bulong ko sa kanyang tenga. Hindi ko pa siya kayang pakawalan ng mga sandaling iyon. Hindi ko pa kayang maiwan na mag-isa. Hindi ko kakayanin ang lungkot. Naduduwag ako. Natatakot sa panibagong bugso ng emosyon na naghihintay sa akin oras na humilay ang katawan ko kay Lui.

Gusto kong umiyak. Gusto kong sumigaw sa sakit. Hindi ako makapaniwala na sa pangalawang pagkakataon ay nasa ganitong eksaktong sitwasyon ako. Nakakatakot na bumitaw sa yakap ng taong mahal mo kapag alam mo na oras na maghiwalay ang inyong katawan ay mahuhulog ka sa kumunoy ng kalungkutan at depresyon. Alam ko ang pakiramdam dahil nanggaling na ako doon.

Habang namamayani ang takot at agam-agam sa akin ay naramdaman ko ang unti-unting paghagod ng kamay ni Lui sa aking likod.

Hindi ko alam kung anong tumatakbo sa kanyang isip pero sa bawat pagkilos ng kanyang kamay ay nawawala ng lungkot, nalulusaw ang sakit sa aking dibdib, napipipi ang ingay ng nakaraan at napapawi ang takot. Sa simpleng galaw ng kanyang palad sa aking likod ay nahanap kong muli ang tapang, ang lakas ng loob na gawin ang dapat kong gawin, ang sagot sa tanong kung bakit handa akong muling magpatihulog sa kumunoy ng kalungkutan.

“Maraming salamat Lui.”

Hindi ko inaasahan na may lakas pa pala akong bumulong muli kay Lui. Nang mga sandaling hinahagod ni Lui ang aking likod ay nagbabalik sa akin ang gabing napagdesisyunan ko siyang palayain, kapalit ng lungkot at takot ay ang alaala ng aming masasayang sandali na magsisilbing saklay ko hanggang sa ako'y muling makabangon, ang saya sa mukha niya ng araw na ito ang bagong lubid na kakapitan ko hanggang sa maayos ko ang aking sarili.

Sa isiping iyon ay nagawang kong kumalas sa yakap ni Lui. Nagawa ko siyang ngitian bago siya tuluyang nagpaalam.

“Kita-kits na lang sa kasal ko pre.”

Wika ni Lui. Sumaludo na lang ako bilang sagot dahil hindi ko alam kung kaya ko pang magsalita ng kalmado. Napanatili ko ang nakangiting mukha hanggang sa pumasok sa loob ng sasakyan si Lui. Bagaman nararamdaman ko na nagbabadya na naman ang pagbalik ng samu’t saring emosyon mula ng maghiwalay ang katawan namin ni Lui.

Nang makalayo na ang sasakyan ni Lui ay unti-unti ring nawala ang init ng kanyang yakap. Para akong kandila na unti-unting nauupos. Nahahawi na ang usok ng mahikang nagbigay sa akin ng kakahayan na ngumiti. Lumalaki ang lamat sa pader na sinasandigan ko para manatiling nakatayo at magmukhang malakas. Ang masasayang alaala at ang nakangiting mukha ni Lui na kanina lang ay pinagkukunan ko ng tapang ay tila isa nang malabong tubig sa akin memorya.

Sa reyalisasyong nakalayo na si Lui ay hinayaan ko ng pumutak ang mga luha. Hinayaan ko ang lahat ng nagtitimping emosyon na lumabas. Hinayaan ko ang aking puso na damahin ang sakit. Isinuko ko na ang aking sarili sa hinagpis na kanina pa pilit kumakatok sa aking sistema. Sinariwa kong muli lahat ng masasakit na alaala na mayroon ako, lahat ng taong minahal ko, lahat ng bagay at taong nawala sa buhay ko, lahat ng maling desisyong nagawa ko, at lahat ng taong sinaktan ko.

Hindi na ako nagpanggap na matapang at malakas. Sa puntong iyon ay isa lang akong batang tinitiis ang bawat batong ipinupukol sa akin ng tadhana. Hindi ko na napigilan ang mapaluhod habang humihikbi at umaagos ang luha sa pisngi.

Ayaw kong gawan ng panibagong hawla ng kalungkutan at depresyon ang aking sarili pero batid ko na kailangan kong umiyak at maging malungkot ng hapong iyon para magawa kong ngumiti bukas. Hindi ko sisirain ang buhay ko para kay Lui. Hindi ko ipaparanas sa kanya ang guilt na ipinaranas ko kay Kyle. Sisikapin kong mabuhay at maging masaya. Pero bago iyon, bago ko magawang ngumiti at tumawa, bago ko masabing okay na ako, bago muling tumibok ang puso ko, kailangan kong umiyak. Kailangan kong pakawalan ang emosyon na nakadagan sa aking dibdib, kailangan kong damdamin ang sakit na nararanasan ng bawat taong nagmamahal, kailangan kong umiyak hanggang sa mapagod na ang sarili ko sa pagyakap sa kalungkutan at dumating ang araw na ang kusang pipiliin maramdaman ng aking katawan ay saya.

Tila humiwalay ang aking kaluluwa sa aking katawan at pinanood ko ang aking sarili na malunod sa kalungkutan. Mag-isa akong nakaluhod sa sahig habang yumuyugyog ang aking balikat dahil sa walang tigil na paghikbi. Naaawa akong panooring ang aking sarili pero alam kong wala akong magagawa sa ngayon. Kailangan kong umiyak hanggang sa mapagod ako. Kailangan kong damahin ang sakit. Nang mga sandaling iyon na akala ko ay mag-isa ako sa pagharap sa panibagong mga sugat sa aking puso ay naramdaman ko ang paglapat ng mainit na palad sa aking balikat.

Kaagad naman akong napalingon upang tingnan ang may-ari ng mga kamay na iyon na naghahatid ng kahit kaunting kapayapaan sa aking sarili. Nagulat ako ng masilayan ang mukha ng aking bestfriend na nakatingin sa akin. Nakangiti siya sa akin pero hindi yung klase ng ngiti na para bang natutuwa siya sa kamiserablehan ko. Sa totoo lang, hindi ko alam kung bakit siya nakangiti pero hindi ako nainsulto sa ngiting iyon. Sa halip ay kabaligtaran ang naging epekto sa aking ng ngiting iyon. Nagulat na lang ako na umaangat na din ang sulok ng aking labi para suklian ang mga ngiting iyon habang patuloy pa din ang pagpatak ng luha sa aking mata.

Hindi nagsalita si Kyle. Wala din akong balak na magsimula ng kwentuhan o magpaliwanag sa kung bakit ako nakaluhod at umiiyak sa parking level ng condo niya. Nang hindi magsalita ang kahit isa sa amin ay napayuko na lamang ako sa hiya. Nakakahiya na inabutan ako ni Kyle sa ganitong sitwasyon. Naramdaman ko na umupo si Kyle sa aking tabi. Hinawakan niya ako sa aking balikat at bahagyang hinila para mapaupo din ng maayos. Saka niya ako hinila lalo paloob sa kanyang yakap.

Parang nagsilbing gasolina na lalong nagpaliyab sa aking emosyon ang mga yakap ni Kyle. Lalong lumakas ang aking mga hikbi. Bumilis lalo ang agos ng mga luha. Lalong dumiin ang kirot sa aking dibdib. Mas lalo akong naging vulnerable. Walang lumabas na kahit na isang salita sa bibig ni Kyle. Pinabayaan niya lang ako na umiyak sa kanyang dibdib habang mahigpit niya akong yakap. Nang maramdaman niya na bahagya ng humina ang aking mga hikbi ay saka lang niya ako pinakawalan.

“Dito ka lang ah. Wag ka aalis. Kukutusan talaga kita kapag tumakas ka.”, sabi sa akin ni Kyle na may halong pagbabanta. Kahit naman gustuhin ko pakiramdam ko ay hindi ako makakaalis dahil nanginginig pa ang aking tuhod. Kaya wala akong nagawa kundi maghintay hanggang sa makabalik si Kyle.

Habang naghihintay ay hinayaan ko lang na ubusin ng aking mata ang mga natitirang luha na gusto nitong iiyak. Hindi na ako nagabala pa na magpunas ng mukha dahil wala namang ibang taong nakakakita sa akin. Makalipas ang halos labing-limang minuto ay nakabalik din si Kyle. Nang lingunin ko siya ay may sukbit siyang backbag at nakangiti pa din sa akin.

“Tara na.”, yaya nito sa akin. Kumunot ang aking noo dahil hindi ko alam kung saan kami pupunta.

“Saan?”, taka kong tanong.

“Uuwi na sa inyo.”, sabi nito sa akin.

“Ha? Bakit?”, naguguluhan ko pa ding tanong sa kanya.

“Birthday ko nung nakaraan di ba? Gusto ko ng blueberry cheesecake ng mama mo kaya makikitulog muna ako sa inyo.”, palusot nito sa akin. Alam kong hindi naman iyon ang dahilan ng biglaan niyang desisyon na sumama sa aking pauwi.

“Wag na. Okay na ako. Bumalik ka na sa taas.”, kalmado kong sabi habang nagpupunas ng pisngi at nagsimula nang tumayo mula sa pagkakaupo.

“Bakit ba ayaw mo ko pasamahin?”, reklamo ng aking kaibigan.

“Basta. Bumalik ka na kay Andrei. Na-miss ka nun ng sobra.”, katwiran ko. Naiintindihan ko na ngayon na pamilyado ng tao si Kyle. At ang oras na mayroon siya ay kailangan niyang hatiin para kay Aki, Andrei, Sandy, pamilya niya sa bulacan, at trabaho. Ayaw ko na kunin pa ang oras na iyon kay Kyle gaya ng dati kong ginagawa.

“Isusumbong kita kay Tita. Sasabihin ko ayaw mo akong pasamahin. Tinext ko pa naman siya na on the way na ako kasama ka para makikain ng cheesecake. I’m sure ngayon pa lang nagsisimula na yong mag-bake. Sure ako na kagagalitan ka noon kapag biglang di ako nakapunta dahil lang sa nag-iinarte ka. At kapag hindi mo ko pinayagan na sumama sa’yo, ite-text ko si Neil at Gelo na magpapakain ako ng madami for my birthday at gaganapin yon sa bahay nyo. Sigurado ako ite-text non lahat ng patay gutom na kilala nila at pipila sila sa labas ng gate mo. So ang pangarap no maging mapag-isa ngayong gabi ay hindi matutupad.”, mahabang paliwanag at pagbabantang sabi ni Kyle na parang bata. Napa-buntong hininga na lang ako. Alam kong sa tono at sa haba ng sinabi ni Kyle ay wala na akong masasabi o maikakatwiran na makakapagpabago ng isip niya. Iwan ko mang siya ay tiyak na susunod lang to sa akin sa bahay at papasukin lang din ni Mama.

Bagsak ang balikat na naglakad ako patungo sa aking sasakyan. Rinig ko ang pagsunod sa akin ni Kyle.

“Akin na yung susi. Ako na ang magda-drive.”, utos ni Kyle. Hindi na ako nakipag-argumento dahil pagod na din ako. Inabot ko na lamang ang susi sa kanya.



...to be cont’d...

1 comment:

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails