Selfie
Bumaba si Ivan sa kotse nito na nakaparada sa harap ng eskwelahang pinagtatrabahuan ni Errol. Nakita nito ang binatang nakaupo sa may silong malapit sa guard post. Napangiti ito nang makita ang kaibigan. Nakita naman niyang natulala na naman si Errol sa kanya habang tinitingnan siyang naglalakad papasok sa gate. Tumango naman si Ivan sa gwardiyang ngumiti sa kanya pagkatapos ay tumungo kay Errol at binati ito. “Hi, sir.”
“Hi. Kamusta?”
“Ito, namimiss ka.”
“Sus, bola!”
“Namimiss nga kita!” Umupo siya sa tabi ng guro at marahang binangga ang kaliwang braso sa kanang braso ng katabi. “Ako, di mo ba namiss?”
“Ah, eh...”
“Ah, ganon kasi kasama mo dito ‘yung Erik, ha.”
“Hindi naman. Kanina pa nga ‘yun umalis.”
“Siya ba namimiss mo?”
“Magkasama kaya kami kanina.”
“So hindi mo siya namimiss?” Nangungulit na naman ang binatang ito.
Umiling lang si Errol.
“Hindi? Bakit parang matamlay ka?”
“Napagod ako sa kahihintay sa’yo, eh.”
Muling binangga ni Ivan ang braso nito sa braso ni Errol. “Ikaw ha. Pinagod pa pala kita.” Agad na minasahe ni Ivan ang mga balikat ng kaibigan. “Ayan para mawala ang pagod mo.”
“Ivan, ano ba? Tingnan mo si manong guard o, tawa na nang tawa. Baka ano ng isipin niyan.”
Lumingon si Ivan sa gwardiya at kumaway. “Boss, okay lang naman na masahiin ko si Sir, di ba?”
“Okay lang,” sigaw ng gwardiyang nagbigay ng nakakalokong ngiti. “Sarapan mo lang, sir!”
“O, ba,” sagot ni Ivan sa gwardiya. Lumingon ulit ito kay Errol at -- “O, sarapan ko daw.”
“Uyyy, ‘wag na.” Ginalaw galaw ni Errol ang balikat.
Tumigil naman si Ivan. “Ay, nahihiya si sir.”
“Kasi naman baka may makakita kung ano pa isipin.”
“Sus, parang ghost school na nga, o. Wala ng tao maliban sa guard.”
“Uwi na tayo?”
“Hindi ka na naman makatingin sa akin ng diretso, ha. Ganyan ka ba talaga sa lahat ng kausap mo? Humarap ka naman.” Giniya ni Ivan ang baba ni Errol upang humarap ito.
“Ano ba? Ang kulit mo talaga, Ivan.” Inalis ni Errol ang kamay ni Ivan.
“Sungit, ha. Sige hali ka na.” Tumayo na si Ivan at tumayo na rin si Errol. Inakbayan ng una ang huli.
“Bye, Sir Errol.”
Napalingon naman ang dalawa sa gwardiya. Kumaway at tumango lang si Ivan dito. Nakita naman niyang ngumiti si Errol at yumuko.
Nang makalapit sa kotse ay binuksan na ni Ivan ang pinto sa unahan ng sasakyan at inimbitahan si Errol na pumasok. Pagkatapos ay umikot ito papuntang driver’s seat. Nag-umpisa ng magmaneho si Ivan. “Grabe ang traffic kanina.”
“Oo nga. Kaya nahihiya ako na sunduin mo pa. Alam ko kasi sobrang traffic,” saad ni Errol.
“Okay lang. Ito naman. Gusto kitang sunduin.”
“Bakit?”
“That’s what friends are for, right?”
“So dapat sinusundo rin kita sa inyo?”
“Nope. I’m older, so ako ang susundo sa’yo.”
“Ganun ba ‘yun?”
“Bakit wala bang sumusundo sa’yo?”
“22 na kaya ako.”
“Si Erik hindi ka ba hinahatid sa inyo?” Nakita ni Ivan na napalingon sa labas ang katabi at sandaling tumahimik ngunit sumagot din.
“Noon.”
“Ano’ng nangyari?”
“May GF na siya. Syempre ‘yun na ang lagi niyang kasama.”
“Ang lungkot naman.”
“Hindi, ah. Okay lang. Ganun talaga.”
Napansin ni Ivan na naging tahimik at seryoso ang ekspresyon ng kaibigan habang nakatingin sa labas ng sasakyan. Hindi niya mawari kung ano ba ang nararamdaman nito noong mga oras na iyon. Para bang may bumabagabag sa kanya. “Errol.” Lumingon naman ang tinawag.
“Um, ano ‘yun?”
Sa unang pagkakataon noong araw na iyon ay nagtama ang tingin nina Ivan at Errol. Nakita ni Ivan ang lungkot sa mga mata ng kaibigan. “Okay ka lang ba?”
“Okay lang ako.” Ngumiti siya. “Bakit?”
Nakita ni Ivan na umiwas na naman ito ng tingin. “Kasi parang ang seryoso mo.”
“Hindi, ah. Ikaw nga eh. Bakit parang mugto ang mga mata mo?”
“Ha? Ah, baka kulang lang sa tulog.”
“Hindi, eh. Parang umiyak ka.”
“Ako, iiyak? Sino naman ang iiyakan ko?” Sumagi sa isipan ni Ivan ang pumanaw na kapatid.
“Malay ko. Baka girlfriend mo. Nagbreak na ba kayo?”
Natawa si Ivan. “Loko! Wala nga akong girlfriend.”
“Imposible! Sa gwapo mong ‘yan, wala. Syempre meron ‘yan.”
“Wala nga. Ilang beses ko na sinabing wala. Teka, nagwagwapuhan ka pala sa akin ha.” Ngumisi si Ivan at sandaling lumingon sa kausap na nakatuon ang atensiyon sa kalsada.
“Ha, ah, eh... Gwapo ka naman talaga, eh. Hindi ko pa ba nasasabi?”
“Ewan ko rin.” Natawa na lang si Ivan. Bakit ba ayaw na naman siyang tingnan ng kausap niya? “Psst.”
“Bakit?”
“Humarap ka sandali.”
“O, bakit?”
Nang makitang nakaharap sa kanya si Errol ay kinindatan niya ito sabay ngiti. Nakita niya itong napangiti at umiba ng tingin. “Ay, namumula siya.”
“Makulit ka talaga, ‘no?” Ngumingiti ito.
“Ba’t namumula si sir?”
“Namumula ba ako?”
“Oo eh.”
“Mukhang numipis yata ang traffic,” saad ni Errol.
“Oo nga. Natakot yata ang mga tao dahil sa terror threats,” saad ni Ivan habang niliko sa ibang direksiyon ang kanyang kotse. “Marami ngang tao kanina sa store.”
“Teka, di ito ‘yung pauwi sa amin,” saad ni Errol habang lumingon-lingon at minamasdan ang military vehicles at ang mga tankers sa gilid ng kalsada.
“Bakit, gusto mo na bang umuwi?”
“Bakit lagi kang ngumingiti?”
“Ayaw mo ba?” Inulit pa ng gwapong nagmamaneho ang tanong na nakanguso ang bibig upang hindi siya mapangiti. Nakita naman nitong natawa ng husto si Errol. “Wow! Ngayon lang kita nakitang tumawa ng ganyan.” Biglang natigilan si Ivan. Naalala niya si Jed. Naalala niya ang kulitan nila ng nasirang kapatid at ang mga masasayang alaala nila. Bigla siyang natahimik.
“May dadaanan ka pa ba?”
“Tayo,” sagot ni Ivan.
“Anong tayo?”
“May dadaanan tayo.”
“Oo.”
“Saan?”
“Basta.”
“Okay.”
Lumipas ang ilang minuto na walang umiimik sa dalawa. Naging seryoso ang ekspresyon ng kanina’y masayahing si Ivan. Paminsan-minsan ay lumilingon ito sa kasamang nakatingin lang sa labas ng sasakyan at tinatanaw ang mga nadadaanang gusali at ang tila ay mas manipis na bilang ng tao sa lansangan kesa kadalasan. Tiningnan ni Ivan ang kabuuan nito, ang makapal nitong buhok, ang malinis nitong uniporme, at ang katamtaman nitong pangangatawan. Bigla namang napalingon ang kasama.
“Bakit?” tanong ni Errol. “May dumi ba ako?”
“Wala. Gusto lang kitang pagmasdan.”
“Bakit naman? Nakaka-conscious ka naman. Oily ba ang muka ko?”
“Hindi. Ikaw talaga.” Binalik ni Ivan ang tingin sa kalsada.
“Parang oily, eh. Teka.”
Kumuha ng tissue si Errol mula sa bag at pinahid sa mukha niya.
“Errol, nainlove ka na ba?” Seryoso ang tono ni Ivan. Nakita naman niya ang gulat sa mukha ng katabi. Natigilan ito at hindi nakasagot. Nakita din ng binatang nagmamaneho na tumingin ang guro sa malayo. Nabanaagan ni Ivan ang lungkot sa mga mata niya. Naging seryoso na rin ang binatang kanina’y nagbitiw ng tanong na hindi pa sinasagot ng kinakausap. Kung anumang nagpapabagabag sa kalooban ng kanyang bagong kaibigan ay nais niya itong damayan. “Errol, okay ka lang ba?”
“Oo naman.”
“May nasabi ba ako?”
“Wala naman.”
Hinawakan ni Ivan ang balikat ni Errol at pinisil ito. “Kung may problema ka o may gusto kang sabihin andito lang ako ha.” Nakita naman ni Ivan na lumingon si Errol at ngumiti nang pilit. Bakit nga ba parang may lungkot ang mga titig na iyon ng kaibigan? Biglang nakadama ng guilt ang binata. Baka may nasabi siyang nagpalungkot sa kanya. Gusto niyang magtanong. Gusto niya itong kulitin ngunit sa kabilang banda ay napagtanto niyang baka naiirita na ito sa pangungulit at panunuya niya kaya ay tahimik na lang siyang nagmaneho.
Tinigil ni Ivan ang kotse sa isang lugar na nalilinyahan ng mga posteng may bilog na mga ilaw sa dulo. Ilang metro ang layo ng bawat poste sa isa’t-isa. Sa tapat ng mga poste ay may linya ng mga puno ng niyog malapit sa dalampasigang nahaharangan ng konkretong lakaran. Pamilyar ang lugar na ito sa kahabaan ng Roxas Boulevard. Kaunti na lang din ang tao sa lugar di tulad ng kadalasan. May mga dumadaan ding military tankers at mga police mobile.
“Ba’t andito tayo sa Baywalk?” tanong ni Errol.
“Ayaw mo ba?” tanong din ni Ivan sa mas malumanay at tila naglalambing na tono. Inalis na nito ang seat belt at binuksan ang pintuan ng kotse. Nang makababa ay tumingin ito sa paligid. Nakita niyang bumaba na rin ang kasama. Humarap si Ivan sa dagat at dinama ang hanging galing dito.
“Lagi ka bang pumupunta dito?”
“Oo, Errol, simula nung nawala ‘yung kapatid ko.”
“Mahal na mahal mo siguro yung kapatid mo, ‘no?”
“Oo, mahal ko ‘yun. Mabait at masayahin si Jed. Medyo mahiyain din, parang ikaw.” Lumingon si Ivan sa kasamang nakatutok ang tingin sa palubog na araw.
“Ang swerte naman niya. May kuya siyang thoughtful.”
Ang sinabing iyon ng kasama ay pumunit ng mapait na ngiti sa mukha ni Ivan. Binulsa nito ang mga kamay at tumingin sa malayo. “Nung nawala siya parang ang lungkot na ng bahay. Wala na ‘yung makulit kong kapatid na may maamong mukha. Wala ng nagkukwento sa akin ng mga crush niya. Wala na rin akong nakukwentuhan tungkol sa personal life ko. Wala na ‘yung taong pinagtatanggol ko lagi laban sa mga bumubully sa kanya.”
“Umiiyak ka na, Ivan.”
“Ikaw rin,” sagot ni Ivan sa mas mahinang tinig sabay pahid sa kanyang pisngi.
“Ha? Oo nga.”
Napangiti si Ivan sa gulat na reaksiyon ni Errol nang mapagtanto nitong napaiyak din pala siya. Humarap na lang siya sa dagat at iniba ang usapan. “Ang ganda ng sunset.” Ngunit tila namangha pa rin ang kasama niya dahil sa nakita nitong pagtulo ng luha niya.
“Di ko alam iyakin ka pala.”
“Simula nung mawala lang si Jed.”
“Buti pa siya may nagmamahal sa kanya.”
Nakita ni Ivan na napaiba ng tingin si Errol at pinunasan ang mga mata nito. Tila may gustong mamutawi sa bibig ni Ivan ngunit inangat niya na lang ang kanyang kanang kamay at inabot ang kanang braso ng kaibigan at mahigpit itong nilapit sa kanya. Suminghot-singhot na din siya na parang sinisipon. “Andiyan naman parents mo, ah. Hindi ka ba nila mahal?”
“Iba naman ‘yun, eh.”
“Sabagay. Sana kung nasan si Jed masaya siya.”
“Masaya ‘yun. Baka tumatawa ‘yun habang nakikita kang umiiyak.”
“Hindi na ako umiiyak,” saad ni Ivan na lumingon sa kausap. “Tingnan mo pa.” Nakita niyang lumingon ang kasama. Nakita niya ang mukha nito nang mas malapitan. Nakangiti ito pero bakit ba parang malungkot ang kanyang mga mata? Agad itong umiba ng tingin.
“Pero mugto pa rin ang mga mata mo.”
“Okay lang. Gwapo pa rin naman, eh.”
Tumawa si Errol. “Lakas ng hangin.”
“Ayan tumatawa na ulit siya. Di ba gwapo naman talaga ako?”
“Oo. Kaya nga parang nai...” Hindi tinuloy ni Errol ang sasabihin.
“May sasabihin ka?”
“Ah, wala.”
“Sino mas gwapo sa amin ni Erik?”
Umirap si Errol, ngunit ngumiti din agad. “Kelangan talaga ikumpara?”
Nakita niyang napangiti si Errol. “So sino nga? Sino mas hot sa amin?”
“Iba-iba naman kayo, eh.”
“Di pwede yan. Dapat may mas gwapo at mas hot.”
“Di ko alam. Di ko naman iniisip.”
Iniba na lang ni Ivan ang usapan. “Ang ganda ng sunset. Teka, magselfie tayo.”
“Ha?”
“Halika na. Background natin ang sunset.” Kinuha ni Ivan ang kanyang iPhone at nagselfie habang nakaakbay kay Errol.
“Baka mahalatang umiyak tayo pareho.”
“Hindi, ah. Tingnan mo.” Pinakita ni Ivan ang larawan. “Hindi, di ba?”
“Hindi nga.”
“Teka, ano Facebook mo?”
“Errol James Santiago.”
“Teka, add kita tapos itatag kita sa photo. Ayun! O, FB friends na tayo.”
“Mamaya ko na ichecheck sa bahay.”
“Uy, may naglike. Erik Vincent CastaƱares.”
“Ay, si Erik.”
“Teka, binawi niya ‘yung like. Loko ‘yang kaibigan mo ha.” Narinig niyang natawa ang kaibigan, isang pilit na tawa.
Chapter 22
Patak
Ano kaya ang iniisip ni Erik ngayon? Tinatanong ni Errol ang sarili kung ano ang tumatakbo sa isip ng matalik na kaibigan habang nakikita ang larawan nilang dalawa ni Ivan lalo na nang malaman nito mula sa huli na binawi nito ang “like” sa Facebook. Naalala ni Errol ang masinsinang tagpo ilang oras na ang nakaraan sa palikuran ng kanilang paaralan. Habang nagchecheck si Ivan ng kanyang Facebook sa smartphone nito ay sinubsob naman ni Errol ang sarili sa pag-iisip sa mga pangyayari nitong mga huling araw -- ang pagdating ni Ivan sa buhay niya at ang pagiging kakaiba ng turing sa kanya ng matalik na kaibigang si Erik.
Inaamin naman niya sa sariling namimiss niya rin si Erik, na gusto niya ring maibalik ang dating pagkakaibigan nila. Ngunit sa isang banda ay ayaw naman niyang makagulo pa sa kanila ni Shanice, at ito ang pinaninindigan niya. Noong araw na sinabi sa kanya ni Erik na sila na ni Shanice labis na hinagpis ang naramdaman niya. Hanggang ngayon ay nararamdaman nito ang kirot na dulot ng pagkabigo sa kanyang pag-ibig sa tinuturing na matalik na kaibigan. Kinailangan niyang protektahan ang kanyang emosyon. Kinailangan niyang ilayo ang kanyang loob kay Erik. Masakit, ngunit kinaya niya para sa kanyang sarili at para sa kaibigan.
Naaalala niya ang mga araw noong nasa kolehiyo pa sila na nakatulala lang siya sa mukha ni Erik habang nagkukwento ito ng kung anu-ano. Alalang-alala pa niya ang mababa at lalaking-lalaking timbre ng boses nito. Naaalala niya kung paano sumisikip ang kanyang dibdib kapag binabanggit ng noo’y matalik na kaibigan ang tungkol sa mga natitipuhan niyang babae. Ang mga masasayang yugto sa buhay nila ay tila hindi na mapapalitan. Ngunit lihim na niyang pinalaya si Erik. Ang hindi niya lang sigurado ay kung napalaya na ba niya ang sarili mula sa kanya. Nasa ganoong estado ng pag-iisip si Errol nang marinig niya ang boses ni Ivan.
“Natahimik ka na diyan.”
“Ah, wala. May iniisip lang.”
“Mukha nga. Sino, ako?”
Kahit hindi nakatingin kay Ivan ay alam ni Errol na nakangiti ulit ito nang nakakaloko. “Hindi. Bakit kita iisipin eh magkasama tayo?”
“So sino iniisip mo, si Erik?”
Hindi makasagot si Errol. Nakatanaw lang ito sa lumulubog na araw na bahagyang natatakpan ng mga ulap na nag-iiba iba ng hugis sa bawat minuto. Napangiti si Errol sa mga sinag ng araw na pilit umaalpas sa mga ulap. Dumako ang kanyang tingin sa malagintong repleksiyon ng araw sa dagat sa hapong higit na mas tahimik kaysa kadalasan. Iniisip ni Errol na sana nasilayan nila ni Erik ang paglubog ng araw. Bakit nga ba ni minsan ay hindi man lang sila nakapamasyal ni Erik sa tabi ng dagat upang panoorin ang magandang paglubog ng bagay na nagbibigay init at liwanag sa kapaligiran?
Naramdaman ulit ni Errol ang marahang tapik sa kanyang balikat.
“Tulala ka na naman. Sino ba yan?”
“Ah, wala, wala...” Bumalik sa wisyo si Errol.
“Pa’nong wala eh tulala ka na naman. Sige na sabihin mo na sa akin. Baka makatulong ako.”
“Wala nga.” Nagdadalawang-isip si Errol kung sasabihin ba o hindi. Pero hindi niya alam kung mainam bang sabihin ito sa bago niyang kaibigan.
“Di pwedeng wala. Meron ‘yan. Sige na sabihin mo na. Bagay ba ‘yan o tao?”
Yumuko si Errol at napangiti ng bahagya. “Tao.”
“Sino ‘yan? Gusto mo upakan ko?”
“Sira!”
“Sino nga yang nagpapatulala sa’yo?”
Bumuntong-hininga si Errol. Iniisip niyang napipilitan na siyang may sabihin. Naghahalo ang pag-iisip niya kay Erik at ang pamimilit ni Ivan sa kanyang utak at tila ay nasusukol na siya. “Kasi...”
“Kasi?”
Naglakad si Errol papunta sa dalampasigan, huminto sa dulo ng sementadong lakaran. Dumako ang tingin nito sa mga basang bato sa ilalim na pinapaliguan ng mga alon. Pagkatapos ay bumalik ang tingin nito sa malayo. Alam niyang sumunod sa kanya si Ivan at nasa gilid na niya ito. “Kanina tinanong mo ako kung nainlove na ako.” Sumikip ang kanyang lalamunan at umanghang ang kanyang mga mata. Naramdaman niya naman na lumapit si Ivan at pinisil ang kanyang balikat.
“Si Erik ba?” mahinang tanong ni Ivan.
Tumango si Errol. Tumulo ang luha mula sa kanyang mata, luhang kuminang sa pagtama ng sikat ng palubog na araw. Nagsalita siyang muli, ngunit gumagaralgal ang kanyang boses. “Matagal na kaming magkakilala ni Erik. Pero nung high school kami naging matalik na magkaibigan. Mabait kasi ‘yun. Kahit lagi ‘yung nangongopya sa akin, lagi naman akong sinasamahan nun kahit saan. Halos ako na rin ang naging barkada nun. Kahit tinutukso kami noon okay lang sa kanya. Tsaka siya rin ang unang nakaalam kung ano ako.” Tumahimik si Errol. Hinayaan lang nitong tumulo ang mga luha. “Bakit ba nag-iiyakan tayo?”
“Ikaw na lang ang umiiyak. Di na ako umiiyak.”
Naramdaman ni Errol ang mahigpit na akbay ni Ivan.
“Ang lalim na pala ng pinagsamahan niyo ni Erik. Hindi ko na mapapantayan.”
Hindi mawari ni Errol kung anong gustong ipahiwatig ng binatang kasama. Gaya ng lagi nitong naiisip nitong mga huling araw, namamangha ito sa bilis ng pagkakaigihan nila ni Ivan. Limang araw pa lang silang magkasama ngunit pakiwari niya ay ilang taon na silang magkakilala. Maalalahanin si Ivan. At dahil doo’y napalapit na rin siya dito. Hindi mahirap magustuhan si Ivan. Gwapo. Mabait. Masayahin. Palabiro. Lahat yata ng pwedeng magustuhan sa isang lalaki ay na kay Ivan na. Gayunpaman ayaw na ring bigyan ni Errol ng ibig sabihin ang pagiging malapit ng binata sa kanya lalo pa’t nararamdaman niyang...
Sa kabilang banda, oo nga, malalim ang iniwang puwang ni Erik sa puso ni Errol, at hindi niya alam kung mapupunan pa ba ang puwang na ito o mananatili na lamang isang bakanteng espasyo sa dibdib niya. Ilang beses na siyang kinausap ni Erik na sana maibalik sa dati ang kanilang pagkakaibigan, ngunit ayaw na rin ni Errol. Hanggang kaswal na pagkakaibigan at pagiging magkatrabaho na lang ang kaya niyang ibahagi. Ayaw na niyang maging malapit ulit dito.
“Noong pinakilala niya sa akin si Ma’am Shanice na girlfriend niya parang nadurog ang puso ko. Ilang gabi rin akong umiyak non. Mahirap.” Naramdaman ni Errol na hinawakan ni Ivan ang isa niyang kamay at pinisil niya ito. “Sobrang sakit!” Malayang dumaloy ang mga luha sa pisngi ni Errol. “Pero okay lang naman. Dapat talaga hindi ako umasa. Lalaki si Erik, at babae ang hahanapin niya.”
“Wag kang mag-alala. Baka hindi talaga kayo ang para sa isa’t-isa. May mahahanap ka pa,” saad ni Ivan sa mahina at malambing nitong boses.
“Ayoko na. Ayoko na masaktan ng kagaya nito. Tanggap ko na na mahirap sa katulad ko ang mahalin.”
“Meron ‘yan.”
“Ano ba ‘yan? Napaiyak tuloy ako. Okay na naman ako, eh.”
“Okay ang pag-iyak. Narerelease mo ang mga negative feelings sa loob mo.”
“Oo nga eh. Ngayon ko lang din to nailabas lahat. Dahil sa’yo.” Naramdam ni Errol na niluwagan ni Ivan ang akbay nito hanggang tanggalin na nito ang kamay sa kanyang balikat.
“Alam mo kanina, dinalaw ko si Jed. Namimiss ko kasi siya.”
“Siya ba ang dahilan bakit mugto ang mga mata mo?” Nakita ni Errol na tumango si Ivan na ngayon ay nakapamulsa na naman.
“Alam mo noong una kitang nakita sa bar na ‘yun na inaaway ka nung lalaki, naalala ko si Jed. Lagi kasi ‘yung nabubully. Pinagtatanggol ko ‘yun lagi.”
“Kaya pala ang bait bait mo sa akin,” saad ni Errol. Tama nga ang pakiwari niya.
“Alam mo, ayaw na ayaw kong nakikitang umiiyak si Jed.”
“Kahit sino naman siguro ayaw makita ‘yung kapatid nilang umiiyak.”
“Ayaw kitang nakikitang umiiyak.” Ang titig na iyon ni Ivan...
“Okay lang ako. Hindi mo naman ako kaano-ano.”
“Basta ayaw kitang nakikitang umiiyak.”
Ang seryosong tono ni Ivan ay tila nagpahiwatig na andito ito para sa kanya. “Okay sige, hindi na ako iiyak pag magkasama tayo. Ngayon lang din naman ako umiyak nang ganito. Ikaw kasi, kinukulit mo ako.”
“Errol...”
Lumingon si Errol sa kanya.
“Simula ngayon...”
“Ano?”
“Ako na ang papalit kay Erik.”
“What do you mean?”
“Ako na magiging best friend mo.”
“Pero...”
“No but’s. Hindi ‘yun request. Utos ‘yun.”
Umirap si Errol.
“Ayaw mo?”
“Ah, Ivan, kasi...”
“Halika nga rito.”
Naramdaman ni Errol na hinila siya ni Ivan at niyakap.
“Ayokong umiiyak ka.” Ang malambing na tono na iyon...
Natigilan si Errol sa mainit na yakap na iyon. Napapikit siya. Iniisip niyang hindi maaari ito. Ayaw niyang maging pangalawa niyang kabiguan si Ivan. Ngunit andito na siya at niyayakap siya. “Ivan, salamat. Pero di ba kakakilala mo lang sa akin?”
“Ssshhh. Magaan ang loob ko sa’yo. Kahit noong una pa lang kitang nakita, magaan na ang loob ko sa’yo.”
“Salamat, Ivan. Pero kung ginagawa mo ito dahil naaawa ka sa akin, ‘wag. Okay lang ako. Kaya ko ito.” Nadama ni Errol ang init ng yakap ni Ivan.
“Ang dami mo pang sinasabi. Basta ‘yun na. Simula ngayon, hatid sundo na kita.”
Napangiti si Errol sa inasta ng binata. Sa unang pagkakataon ay may gustong maging parte ng buhay niya. Kumawala si Errol sa pagkakayakap. “Ivan, ‘wag ka masyadong mabait sa akin, baka...”
“Baka ano?”
“Baka...” Hindi makumpleto ni Errol ang pangungusap.
Nakatingin sila sa makulay na kalangitan. Nakalubog na ang araw at takipsilim na. Nagbigay kulay ang mga matingkad na pula at lila sa kanluran, ngunit maging ang mga ito ay kinakain na ng kadiliman. Maliwanag na rin ang mga ilaw sa lugar. May mangilan-ngilang dumadaan. Narinig nila ang pagdaan ng mga helicopter. Napagpasyahan na nilang umalis sa lugar.
Habang nasa daan ay nakita nilang tila ay nagiging ghost town na ang Maynila. Maagang nagsara ang mga pamilihan. Nadaanan nila ang isang mall na may nakapaskil na magsasara ito nang alas syete. Makailang beses na rin nilang nasalubong ang mga sasakyan ng militar. Maraming mga pulis at militar na nagkalat sa paligid. Huminto sila sa isang restaurant upang magpabalot ng pagkain. Kakain sana sila doon ngunit sinabihan silang hindi na sila magseserve dahil maaga silang magsasara.
Nakarating sila sa tapat ng bahay ni Errol. Tiningnan ni Errol kung may tao sa bahay. Malamang meron na kasi bukas ang ilaw. “Halata bang umiyak ako?”
“Medyo.”
“Sige, Ivan. Salamat ha. Salamat talaga.” Napansin ni Errol na tinatanggal din ni Ivan ang kanyang seat belt. “Teka, baba ka pa?”
“Ayaw mo ako papasukin sa bahay niyo? Grabe ‘to.”
“Ikaw bahala. Baka gabihin ka na.”
“Dito ako kakain sa inyo.”
“Di ka ba hahanapin sa store mo?”
“Nagbilin na ako ng instructions kay Clark, ‘yung assistant ko. Maasahan ‘yun.”
Bubuksan na sana ni Errol ang gate nila nang kusa itong bumukas. “Nay!”
“Hay, Diyos ko! Bakit naman kayo nanggugulat nang ganyan?”
Natawa si Errol nang makita ang nanay nitong nakahawak sa dibdib at tila aatakihin. “OA mo, nay, ha. Nay, si Ivan, titigil muna sa bahay sandali.”
“Tita, okay lang po ba dito ako kumain sa inyo?”
Lumingon si Errol kay Ivan at nakita nito ang matamis niyang ngiting ginawad sa kanyang ina.
“Kung ngingitian mo ba ako nang ganyan ay makakatanggi ba ako? Sige na pumasok na kayo.”
“Teka, nay, san ka na naman pupunta?”
“Nako, diyan lang kina Josie, makikitsismis,” bulong nito kay Errol.
“Nako, nay, ha. Wag masyado gagabihin sa kakatsismis.”
“Oo na. ‘Yung tatay mo nga pala baka gabihin din. Overtime daw sila ngayon sa opisina. Ewan ko nga ba diyan. Siya nga pala, pinakumpuni ko yung sira sa pintuan. Okay na. Singilin mo na lang si Erik.”
“Nay, wag na.”
“Biro lang. O, siya sige pumasok na kayo. Errol, ikaw na bahala diyan sa bisita mo.”
Nakangiti si Errol na tinitingnan ang nanay nito habang naglalakad patungo sa bahay ng kapitbahay. “Si nanay talaga.”
“Hanep si mommy. Ang cool ng mom mo. Astig!”
“Malakwatsa talaga ‘yan.” Nang makapasok si Errol sa bahay ay pinaupo nito ang bisita sa sala. “Teka, bihis muna ako ng pambahay.” Nakita niya namang tumango si Ivan. Lumabas siya ng kwartong nakabihis ng t-shirt at shorts. Nang tumungo siya sa sala ay wala doon si Ivan. Tinawag niya ito. Narinig niya namang sumagot ang binata mula sa kusina. Nang makarating siya doon ay nakita niyang naghahain na ito. Napangiti si Errol dahil at home na at home na ito.
“Kain na tayo. Nagutom ako sa senti talk natin kanina.”
“Ang dami mo palang binili, ‘no?”
“Uubusin natin ‘to.”
“Ang dami niyan.”
“’Yung matitira ibigay mo na lang sa mga kapitbahay.”
“Sira!”
“O, eh di ubusin natin.”
“Upo ka na, Sir.”
“Ang sarap nitong kare-kare. Tikman mo.”
Nagulat si Errol ng makita ang kutsara sa harap niya. Susubuan ba siya ni Ivan?
“Huy, tikman mo?”
“May kutsara naman ako.”
“Sus, eto na ‘yung sa akin o. Nahiya ka pa. Sige na.”
“Sige,” saad ni Errol tapos dahan-dahang sinubo ang nasa kutsara ni Ivan.
“Masarap, di ba?”
Tumango si Errol. Nakita nitong ito pa rin ang ginamit na kutsara ni Ivan. “Uy, teka. Palit na lang tayo ng kutsara. Nalawayan ko na ‘yan, eh.”
“Sus! Wala namang virus ‘yung laway mo, di ba?”
“Ikaw bahala.” Kinilig si Errol. Tiningnan niya si Ivan habang pinapasok nito sa kanyang bibig ang kutsarang ginamit pangsubo sa kanya. Napangiti ito ng bahagya.
“Huy, kain na. Pangiti-ngiti ka pa diyan. Hindi ako ang pagkain.”
Lintek, kinindatan na naman siya ni Ivan at namumula naman.
“Nasa mesa ‘yung pagkain,” dugtong ni Ivan habang puno ang bunganga at ngumunguya.
“Opo, ito na po. Kakain na.” Habang kumakain sila ay panay ang sulyap ni Errol kay Ivan. Ang sarap tingnan ni Ivan kumain. Teka, masarap ba siya tingnan kumain o siya ang masarap tingnan habang kumakain? Sa bawat sulyap ni Errol ay tila pinag-aaralan nito ang bawat indayog ng katawan ng kaharap habang kumakain, ang pagputok ng mga braso nitong animo’y pupunit sa mga manggas nito, ang mga butones sa polo nitong tila mapapatid sa pagkakahapit ng damit nito sa kanyang katawan. Bakit naman kasi mahilig ito magsuot ng mga masisikip na damit?
“Huy, kain na!”
“Ah, eh, ito na nga!” Ang hot mo kasi! Bakit ba kasi ang hot mo? ‘Yung mga maputi mong balat, yung rosy mong lips, at ang gwapo mong mukha. Ang yummy mo pa. Napangiti si Errol habang nag-iisip. Nakita nitong biglang tumayo si Ivan. Baka kukuha lang ng maiinom. Nagulat ito nang --
“Sir Errol, kumain ka na. O heto, susubuan kita ha.”
Naramdaman ni Errol si Ivan sa likod niya at ang pisngi nito sa pisngi niya. “Ang lapit ng mukgmmgggg...” Hindi na naipagpatuloy ni Errol ang sasabihin dahil naisubo na ni Ivan ang kutsarang may lamang pagkain sa bunganga niya.
“Ayan, sige kain.”
Nagbigay ng kakaibang sensasyon kay Errol ang pagkikiskisan nila ng pisngi ni Ivan. “Ivan, ako na. Bumalik na ka dun sa upumggghhh...”
“Dapat di masyadong madaldal sa hapagkainan ha.”
Naramdaman ni Errol ang nguso ni Ivan sa pisngi niya. Napayuko ito na di malaman kung matatawa o mabubulunan sa kilig.
“Sige ikaw na, ha.”
Nakita ni Errol na bumalik na si Ivan sa upuan nito. Nakahinga na siya nang maluwag. Dahil sa ginawa ni Ivan ay hindi na nakakain ng maayos si Errol. Hindi niya alam kung ano ba ang mas masarap tingnan, si Ivan habang kumakain o si Ivan mismo. Nang matapos silang kumain ay niligpit na ni Errol ang mga pinagkainan at nilagay ang mga natira sa refrigerator. Pagkatapos ay naghugas ito ng mga pinggan habang si Ivan naman ay nakasandal sa mesa.
“Hindi pa bumabalik mama mo, ‘no?” Nilalaro ni Ivan ang yelo sa bunganga niya.
“Ginagabi ‘yun sa katsismisan niya,” saad ni Errol na napalingon kay Ivan. “Baka marumihan ang damit mo. Puti pa naman. Manood ka muna ng tv sa sala. Mabilis lang ako.”
“Okay sige.”
Nakita ni Errol si Ivan na paalis papuntang sala. Pagkatapos ay narinig niya ang dahan-dahang paglakas ng tunog mula sa telebisyon, palatandaang nanonood na si Ivan. Hindi maalis ni Errol sa isip ang mga nangyari sa araw na ito. Ang mga iyakan. Ang mga madamdaming palitan ng istorya. Ang pagtanaw nila sa paglubog ng araw. Sa loob ng limang araw ay naging mabilis ang pagiging malapit nila ni Ivan.
Magaan ang pakiramdam ni Errol. Para bang may nawalang tinik sa kanyang puso. Malamang ang pagsabi niya kay Ivan ng tungkol sa kanyang naramdaman kay Erik ang nagpalaya sa sakit na kanyang kinubli. Andito na si Ivan. Andito na ang lalaking maalalahanin. Ngunit nababahala si Errol dahil nararamdaman niyang tila ay tumitibok ulit ang kanyang puso. Gaya ng una niyang sinabi sa kanyang sarili, ayaw niyang mahulog kay Ivan, lalo pa’t naintindihan niya na na nakikita siya nito bilang nakababatang kapatid. Ayaw niya itong bigyan ng malisya. Ayaw niyang masira ang maganda nilang samahan.
Nang matapos sa paghuhugas ng mga pinagkainan ay tumungo na si Errol sa sala kung saan nanonood ng balita si Ivan na nakasandal sa sofa. Balita pa rin ang nangyaring pagkawala ng kuryente nang nakaraang gabi. “May lead na ba sa imbestigasyon?”
“Wala pa rin, eh. Ayan, puro ganyan lang. Puro reports.”
“Di ka pa ba uuwi?”
“Pinapauwi mo na ako?”
“Hindi pa naman. Baka lang hanapin ka na sa inyo.”
“Ng mga katulong? Okay lang ‘yung mga yun. Si mommy di naman uuwi ‘yun ng bahay.”
“Andito mama mo?”
“Oo, nagkita pa kami kanina sa sementeryo. Dinalaw niya rin sina dad at Jed.”
Nakita ni Errol na mas sumiryoso ang mukha ni Ivan. “Hindi ba kayo close ng mama mo?”
“Kaming magkapatid hindi talaga close kina mommy at daddy. Puro business lang kasi takbo ng mga utak nila.”
“Kaya pala naging close talaga kayo ng kapatid mo.”
“O, baka mag-iyakan na naman tayo nito.”
“Ako, naiyak ko na yata lahat kanina. Okay na ako.” Ngumiti si Errol. “Relieved.”
“Mabuti naman.”
Narinig ni Errol na bumukas ang pinto. “Tay...”
“O, may bisita ka pala, anak.”
Tumayo naman si Ivan at binati ang nakaunipormeng tatay ni Errol. “Magandang gabi po.”
“Magandang gabi din,” sagot ni Mang Gary. “O, kumain na ba kayo?”
“Opo, kumain na kami ni Errol.”
“Mabuti naman kung ganon. O, siya at magpapahinga na ako. Grabe ang gulo ng opisina kanina.”
“Tay, kumain na po kayo?”
“Oo, anak. Teka, nasaan ang nanay mo?”
“Nangapitbahay, tay.”
“Nako, ‘yang nanay mo talaga.” Tumungo na si Mang Gary sa silid nila ni Aling Celia.
Nang makapasok ng kwarto ang tatay ni Errol ay bumalik sa pagkakaupo si Ivan. “Alam ba ng parents mo na...”
“Na ano?” Umupo si Errol sa upuang katabi ng inupuan ni Ivan.
“Na type mo ako?” Sinandal ulit ni Ivan ang likod sa sofa.
Sandaling pinagmasdan ni Errol ang pilyong pagngiti ng kasama at ang pagpupungay ng mga mata nitong nagpapagwapo talaga lalo sa kanya.
“Di joke lang! Na ano ba...”
“Na bakla ako?” Nakita ni Errol na tumango si Ivan. “Oo, matagal na.”
“Buti okay lang sa kanila.”
“Bakit naman hindi? Wala naman akong ginagawang masama. Tsaka mahal nila ako.” Ngumiti si Errol.
“Payag ba sila na magka-boyfriend ka sakali.”
“Wala silang problema sa ganon. Dati nga tinutukso nila ako kay Erik.”
“Bakit?”
“Alam kasi nila na...”
“Na?”
“Nagkagusto ako sa kanya.”
“Kay Erik ka lang ba talaga nainlove?”
Ilang segundo ang lumipas bago sumagot si Errol. Tumango lang ito.
“Faithful ka pala sa kanya.”
Sandaling nag-isip si Errol ng isasagot. “Siya lang kasi ‘yung lalaking rumespeto sa akin at nagbigay halaga sa akin. ‘Yung parang siya lang talaga ‘yung close kong lalaki.” Ngumiti si Errol. “Noon.”
“Eh, ngayon?”
Tiningnan ni Errol ang kausap sa mata at ngumiti. May nais siyang sabihin. May nais mamutawi sa kanyang bibig, ngunit di niya mabigkas. Hindi niya gusto itong nararamdaman, itong umuusbong na damdamin para sa bagong kakilala. Naramdaman na lang niya ang hawak ni Ivan sa kanyang bisig. Tiningnan niya ang kamay ng lalaki at kasunod ay ang mukha nito.
“Di ba ako na ang papalit kay Erik?”
May agam-agam si Errol sa narinig. Iniisip niyang sinasabi lang iyon ni Ivan dahil naawa siya sa kanya o kaya naman ay nakikita nito sa kanya ang kanyang nasirang kapatid. Sa kabilang banda ay sino ba naman siya para tumangi sa alok ng isang binata na gusto maging parte ng kanyang buhay? Subalit hanggang kailan? Hanggang magkaasawa siya? Alam ni Errol na darating din ang panahong iyon, ang panahong maski si Ivan ay iiwan din siya. Ganoon naman lagi. Nakita na niya ang eksenang ito. Napanood na niya ang kwentong ito. Ilan sa mga kilala niyang bakla ay ganito rin ang kwento. Umibig sa mga lalaki, ngunit naiwan ring mag-isa. Kahit sa gitna ng kanyang agam-agam ay marahang tumango si Errol. Naramdaman naman niyang hinigpitan ni Ivan ang hawak sa kanyang bisig.
“Andito lang ako? Basta kung kailangan mo ng maiiyakan o masasandalan, andito lang ako.”
Ngumiti si Errol. “Salamat, Ivan. Pero wag kang mangangako. Alam ko rin naman na pag nagka-girlfriend ka at nag-asawa...” Tinuon ni Errol ang atensiyon sa telebisyon.
“Kahit magkaasawa ako at magkapamilya, gusto ko close pa rin tayo.”
“Nasasabi mo lang ngayon ‘yan kasi hindi pa nangyayari.”
“Basta...”
Tahimik na tinuon ni Errol ang atensiyon sa telebisyon.
“Bukod ba kay Erik wala ka ng ibang nagustuhan?”
“Meron naman akong mga naging crush na naikwento ko rin sa kanya, pero siya pa rin talaga lagi ‘yung nasa isip ko noon.”
“Ngayon ba?”
“Hindi na.”
“Talaga?”
“Simula noong naging sila ni Ma’am Shanice, kinumbinsi ko na ‘yung sarili ko na walang katuturan kung mananatili ako sa gano’ng estado ng pag-iisip.”
“Hindi mo na ba siya mahal?”
Matagal nakasagot si Errol. “Syempre hindi naman agad ‘yun mawawala.”
“So mahal po ba ‘yung bestpren mo?”
Tumango si Errol. “Pero hindi ko na masyadong iniisip.”
“Tingin mo ba kaya mong magmahal ng iba?”
“Kung may darating, bakit hindi? Pero sana ‘yung kayang suklian ‘yung kaya kong ibigay na pagmamahal. Ayoko na ‘yung ako lang ‘yung nagmamahal. Nakakapagod ‘yun. Pero kung wala, okay lang. Tanggap ko na naman na tatanda akong mag-isa.” Naramdaman ni Errol na pinisil ni Ivan ang kanyang balat.
“Wag mong sabihin ‘yan. May darating pa.”
“Ayoko na umasa, Ivan. Napaso na ako.”
“Ito naman napaka-negative.”
“Realistic lang ako.”
“Hayaan mo hahanapan kita.”
Bumuntong-hininga si Errol. Hindi ba pwedeng ikaw na lang? Dahan-dahang inalis ni Errol ang kanyang kamay sa pagkakahawak ni Ivan.
Nanatiling nakatutok sa telebisyon ang dalawa. Paminsan-minsan nililipat ni Errol ang channel.
Biglang nagpahayag ang news anchor sa panggabing news program ng kakarating na announcement mula sa lokal na pamahalaang Maynila. “Dahil sa mga pangyayari kagabi at ngayong araw na ito ay pansamantalang pinagbabawal ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang pagbyahe ng mga pribado at pampublikong sasakyan simula alas nwebe ngayong gabi. Pinapayuhan din ang mga residente na manatili sa kanilang mga bahay simula ngayong alas nwebe. Ito ay pinapatupad upang paigtingin ang seguridad at upang makapagsiyasat ang AFP sa buong lungsod.”
“Teka, anong oras na ba?”
“10 minutes na lang alas nwebe na.” Nakatingin si Ivan sa relos nito.
“Hindi ka na makakauwi. Pa’no yan?”
“Eh, di dito ako matutulog.”
“Ano? Sino’ng dito matutulog?”
Nagulat si Errol sa biglang pagpasok ni Aling Celia.
Next chapter na po haha..
ReplyDeleteNakakabitin e, thanks author!!
Ayan na!! Hahaha XD gustong gusto ko yang bed scene na yan eh haha pero walang nangyayari yung tipong kiss sabay hug sabay sleep lang hahaha ganyan ba mangyayari sa next chapter sir author? Hahaha salamat sa pag update nang maaga ;)
ReplyDelete-jcorpz
I really like their story, ang gaan gaan lang,nkakakikilig ehe.
ReplyDeleteMaganda ang episode ba to. Thanks sa update.
ReplyDeleteHayan na ung moment na magkatabi silang matulog!! Kilig much!
ReplyDelete-hardname-
Damhin niyo lang muna ang kilig sa ngayon because the kilig moments will not last long. May mga iilan pang kilig moments bago mag-iiba ang takbo ng istorya para sa ating bida. Maraming maraming salamat sa inyong lahat na nagbabasa at lalo na sa inyong mga nag-iiwan ng komento.
ReplyDeleteI think I'll start posting the story on WattPad. You can follow me.
https://www.wattpad.com/user/PeterJDC
I'll also post Chapter 23-24 tomorrow.