Ni: Michael Juha
email: getmybox@hotmail.com
****************
Na miss ko na ang magsulat...
Iyong naipapalabas mo ang iyong mga saloobin o mga eksena na nangyari sa totoong buhay ngunit sana ay nagkaroon ng "...and they lived happily ever after" na ending.
kagaya ng iyong isang eksena ng aking kabataan kung saan ay may matinding crush ako sa isang estudyanteng schoolmate. 18 lang ako noon, wala pang masyadong kalandian at kaharutan sa isip at katawan. Wala pa ring ganyang karanasan sa pag-ibig. Hindi alam kung paano mang-akit, kung paano manligaw, kung paano magpapapansin.
Kapag nagpang-abot kami ng schoolmate kong iyon sa library, lalakas nang lalakas ang kabog ng aking puso. Hindi ko alam kung bakit ganoon. Pero idadaan ko na lang iyon sa pagbabasa, o seryosong pagbubuklat ng mga notebooks bagamat ang hindi niya alam ay siya ang aking lihim na pinagmamasdan. Magme-memorize kunyari ako ng mga topics, at habang mahinang bino-vocalize, sa kanya nakatutok ang aking mga mata. Tila hindi ko na ito sinasadya. Parang may magnet ang kanyang mukha na talagang doon lang puwedeng ituon ang aking atensyon.
Kapag napansin niyang nakatutok ang paningin ko sa kanya at mapansin kong tila nagtaka siya at lilingon sa kanyang likuran, titingnan kung may iba ba akong tinitingnang tao sa likuran niya. Kapag ganoong nahuli niya ako, yuyuko na lang ako, namumula ang pisngi ngunit ang kalooban ay nagtatatalon sa matinding kilig.
Minsan ay tatyo ako, pupunta sa shelf na malapit sa kanya at kunyari ay maghahalungkat ng libro. Kapag may nahanap na, seryoso akong uupo sa upuang nakaharap sa kanya. Kapag ganoong napakalapit ko sa kanya, mas seryoso ako sa pagbabasa na kunyari ay talagang inosente ako, walang pakialam sa mga tao sa paligid. Ngunit kapag napansin ko namang subsob din siya sa pagbabasa, lihim ko namang tititigan ang mukha niya, inienjoy ang pagnamnam sa sarap ng kilig na dulot.
Kapag ako lang ang nag-iisa sa library, hahanapin ko ang librong kanyang binasa. Kapag nakita ko na ito, "Wow! Ito ang binabasa niya! English!" ang isisigaw naman ng utak ko.
Dahil matindi ang tama ko, nagresearch ako tungkol sa kanya. Napag-alaman kong Commerce ang course niya at 2nd year, transferee (ako naman ay nasa 3rd year ng Liberal Arts). Inalam ko rin ang mga subjects niya, mga ka-klase. I mean, hindi iyong diretsahang tinatanong, nakakahiya kasi. Sa estado kong iyon na trying-hard to be straight, at demure pa kamo, hindi puwede ang ganoon. Bale ipinapadaan ko ang pagkuha ng ang mga info sa pamamagitan ng pagmanman sa room niya, sa pahapyaw na tanong ng mga kaibigan, like iyong habang naglalakad kami at napadaan sa room niya, itatanong ko,"Ang ganda ng muse nila sa Commerce, no? Di ba nasa loob siya ng room na ito? 3rd year Commerce siya, di ba?". Na sasagutin naman ng kaibigan ko na, "Hindi Tol... second year Commerce lang siya."
So, nalaman ko na second year Commerce pala siya dahil ang babaeng kunyari ay ipinagtatanong ko sa aking kaibigan sa room na iyon, ay ka-klase niya. Kahit ano na lang ay itatanong ko tungkol kunyari sa muse nila para lang makahagilap ng collateral info tungkol sa kanya. Parang gago naman ako na ngingiti-ngiti sa bawat biro ng mga kaibigan kong may crush daw ako sa muse nila, okay lang sa akin. At least hindi ako nahahalata.
Napag-alaman ko ring nasa top 3 siya sa Dean's List nila. Matalino. Imagine, ang Dean's List na iyon ay para sa buong Commerce Dept at pangatlo siya!
Napag-alaman ko ring maraming nagka-crush sa kanya. Palibhasa, maliban sa pagiging matalino, matangkad din siya, moreno, may hitsura. Ngunit ang nakakapagbigay sa akin ng intriga ay ang kanyang pagiging tila aloof. Parang wala siyang close na kaibigan, iyong kasa-kasama, kaharutan, kabiruan, kabangkaan. Iyong barkada na matatawag. kasi kapag nasa library siya, palagi siyang nag-iisa bagamat nakikita ko naman na mabait siya. Kahit ang mga kaklase niya ay halos hindi lumalapit sa kanya. Para tuloy lalo pa akong nabighani dahil sa kanyang misteryo. Sa isip ko lang, "Papatol kaya siya sa kapwa lalaki? May itinatago rin kaya siya na tulad ko?"
Ngunit hanggang sa katanungan na lang talaga ako. Bawat araw na pareho kaming naroon sa library, para kaming mga pipi. At ako naman, bagamat nag-uumapaw ang kilig at hindi maipaliwanag na excitement na nakikita siya roon ay litong-lito kung ano ang gagawin.
Hanggang sa dumating ang punto na hindi ko na mapigilan ang aking sarili. Gumawa ako ng anonymous na sulat (sa panahon ng kabataan kong iyon ay hindi pa naimbento ang internet, email, at mobile phones). Alam kong isa itong napaka-drastic na gawain para sa isang katulad kong seryoso, may pagka intorvert, mahiyain... Ngunit siguro dahil matindi na ang tama ko sa kanya at hindi na ako mapakali, kaya kinaya kong gawin iyon.
Sinadya kong iwanan ang sulat sa ibabaw ng isa sa mga mesa ng library. Tinabunan ko ito ng librong hindi ko ibinalik sa shelf. Sa sobre ay nakasulat ang pangalan niya. "Mr. Cris Rabara, College of Commerce" at ang nakasulat sa loob ay -
Dear Mr. Cris Rabara: Hi! How are you? I hope you are doing fine. I just would like to congratulate you for being in the Dean's List. Top 3! I hope it won't be too much if I ask to be your friend? Right now I can't tell you my name. I'm actually ashamed. For the time being, just call me Mr. X. But I'm a Liberal Arts student. Like you, I'm also a Dean's Lister and spend most of my vacant time in the library... I'll let you know more about me in my next letter. I hope you won't mind. PS. Welcome to the university!"
Nang bumalik ako kinabukasan sa Library, nasaksihan ko pa ang pagtawag ng Librarian sa kanya at ang pag-abot nito ng sulat sa kanya. At nakita ko rin ang pagturo ng librarian sa mesa kung saan nila nakita ang sulat - iyong mesa rin na kasalukuyang ino-occupy ko! At ako lang ang naroon!
"Tanginaaaa!!!" ang sigaw ko sa aking sarili. Syempre, tiningnan ni Cris ang mesa kung saan ay naroon ako. Pagatapos niyang usisahin ang mesa, ako naman ang tiningnan niya. Syempre, nagkasaluboong ang aming mga tingin!
Grabe talaga ang kalampag ng aking dibdib sa sandaling iyon. Ngunit dedma lang kunyari ako. Ako rin ang tumiwalag sa aming titigan at ibinaling ko ang aking paningin sa aking bag. Binuksan ko ito, kinuha ang aking notebook at umarteng napaka-inosente sa mga pangyayari. Kung may award lang siguro sa best acting sa sandaling iyon, ako na ang nanalo nang walang ka-abog-abog.
Nang naupo na siya sa kabilang mesa, tinungo niya ang puwesto na nakaharap sa akin at doon naupo. Hindi ko alam kung sinadya ba niya iyon o nagkataon lang. Lihim kong pinagmasdan ang kanyang kilos. Binuksan niya ang sobre, hinugot ang sulat at binasa iyon.
Pigil ang aking paghinga sa pag-aabang sa kanyang reaction. Nang matapos na siyang magbasa, ibinaling niya ang kanyang paningin sa paligid. Ngunit doon niya mas itinutok ang kanyang paningin sa akin. Tila may paghihinala ang kanyang isip. Soba ang pagsisisi ko kung bakit pa ako gumawa ng sulat.
Syempre, sobrang kaba at takot ang aking naramdaman. Ngunit umiwas ako sa kanyang tingin. Nanatili akong nagkunyari upang hindi niya mahuli na may kinalaman ako sa pesteng sulat na iyon.
Maya-maya, nakita ko siyang lumabas, dala-dala pa ang sulat ko. Iniwan lang niya ang kanyang mga notebooks sa mesa. Hindi ko alam kung saan siya tumungo. Dahil natakot ako na baka magsumbong siya sa Dean o sa Student Affairs, dali-dali akong tumayo at tinumbok ang open wall ng library kung saan ay screen lang ang nakaharang at nakikita ang hallway ng Library. Ngunit lalo pa akong kinabahan nang makita kong ang tinumbok pala niya ay ang ang Bulletin Board kung saan ay nakapaskil ang mga pangalan ng Dean's Listers. Naalala ko kasi, dalawa lang pala kaming lalaki sa aming department na nasa listahan at ang isang iyon ay madalang lang na nagpupunta ng library gawa ng working student ito!
Dali-dali akong bumalik sa aking inuupuan. Nang nakabalik na rin siya sa kanyang inuupuan, tila wala nang nangyari. Ngunit tila tinitigan niya ako. Hindi ko na kasi siya tiningnan gawa ng sobrang kabog ng aking dibdib. Pagkatapos, nakita ko siyang tumayo, kumuha ng libro sa shelf at muling umupo at nagbasa. Umalis na rin ako gawa ng hindi ko na nakayanan ang sobrang hiya.
Sa mga sumunod na eksena namin sa library ay tila walang nagbago. Maliban na lang minsan kung saan ay nahuhuli ko siyang tumitingin sa akin. Ngunit dahil naunahan na ako ng matinding hiya dahil sa sulat, ako naman itong dedma na lang sa mga patagong tingin niya. At dahil nagka-phobia na ako sa sulat, hindi ko na itinuloy pa ang balak kong pagsulat muli sa kanya.
May isang beses, habang nasa ganoon kaming pag-aaral sa loob ng library, nagkasalubong ang aming mga paningin. Hindi ko inaashan ang sunod niyang ginawa. Bigla siyang ngumiti!
Dahil nalito ako kung ako ba talaga ang nginitian niya, hindi ko sinuklian ang kanyang pagngiti. Bagkos ay lumingon ako sa aking likuran kung may ibang tao ba roon. Ngunit wala. Nang tiningnan ko siyang muli, nakayuko na siya at nagbabasa. Ewan ko. Marahil ay sa isip niya ay suplado ako at napahiya rin siya sa hindi ko pagganti sa kanyang ngiti. Kaya siguro dedma na lang siya at hindi na muling tumingin sa akin.
Ngunit hindi ko rin alam kung para saan ang pagngiti niyang iyon. Tila gusto kong tumayo at lapitan siya upang itanong kung bakit niya ako nginitian. Kung ordinaryong kaibigan lang iyon, bale wala lang ang isang ngiti sa akin. Ngunit dahil nanggaling ito sa kanya, tila napakalaking bagay nito. Parang ikamamatay ko kung hindi ko malaman ang dahilan. Ngunit ano ba ang magagawa ko? Hindi na rin siya tumingin sa akin, dinedma na niya ako. Kaya nagpatuloy na lang ako sa pagbabasa bagamat malaki ang panghinayang ko sa ngiti niyang hindi ko nasuklian.
Isang araw na nasa library ako, nagulat na lang ako nang bigla syang dumating at sa harap pa ng inuupuan ko ay inilatag niya ang kanyang mga notebooks sabay tumbok sa shelf sa gilid ng mesa upang kumuha ng libro. Halatang nagmamadali siya. Ngunit tila na-disappoint siya nang hindi niya mahanap-hanap doon ang librong gusto niyang basahin.
Nang tiningnan niya ako, umupo siya sa upuang nakaharap sa inuupuan ko. Hindi siya nagsasalita, pansin kong tiningnan ang librong binasa ko. Doon ko naalala na minsan ko na palang nakitang ang librong iyon din ang kanyang binabasa.
Huminto ako sa pagbabasa. "I-ito ba ang hinahanap mo?" ang pag-aalangan kong tanong.
"O-oo sana eh." ang sagot naman niya. "Final test ko kasi after an hour, at may isang chapter pala diyan na kasali sa test ko." ang pag-aalangan ding sabi niya.
God! Parang kiniliti ang puso ko sa pagkarinig sa kanyang boses! Boses pa lang ay makalaglag brief na! "E di s-sige, ikaw muna ang magbasa." ang sagot ko habang nagmamadaling inabot sa kanya ang libro.
Tinanggap niya ang libro. "Salamat bro..." ang sagot niya sabay abot sa kanyang kanang kamay, "Cris Rabara..." at nagpakilala pa talaga siya!
Ang laki lang talaga ng ngiti ko sa sandaling iyon. Parang gusto ko nang mamatay sa sobrang tuwa. "Michael Juha." ang sagot kong wala nang pakipot pa.
"Okay, basa muna ako bro..."
Sobrang saya ang naramdaman ko sa tagpong iyon. Habang seryoso siyang nagbabasa, ako naman ay hindi magkamayaw sa patagong pagtititig sa kanya.
Hanggang sa natapos siya at ibinalik ang libro sa akin. "Maraming salamat bro! See you around!" ang sambit niya habang nagmamadaling lumabas ng library. Para kong mamamatay sa sobrang kilig.
Syempre, inaasahan kong iyon na ang simula ng aming pagiging magkaibigan. Maraming plano ang pumasok sa aking isip. Isa na roon ay kapag nagkita kaming muli sa library na iyon, kusa ko na siyang lalapitan, magkipagkamay, kumustahin siya. "Musta Cris? Anong balita?" Tapos, syempre, makikipagkuwentuhan, alamin ang mga kinahihiligan niya at kung mayroon akong mai-share sa hilig niya, maghanap ako noon... Parang iyon bang ang pagkakataon na lang talaga ang naghanap ng paraan upang maglapit ang aming landas. Tuloy ay nagsisi pa ako kung bakit gumawa pa ako ng sulat. Iyon naman kasi ang style sa panahong iyon. Mga pasulat-sulat, love letters, uso ang mga stationery na may mga iba't-ibang kulay, may pabango pa ang iba. Wala kasing mobile phone noon, walang internet. So walang ibang paraan na ma-contact mo ang taong gusto mo, except kaibiganin mo talaga siya... or padadalhan ng sulat. Dyahe lang sa kaso ko dahil kapwa lalaki ang sinulatan ko. Nakakahiya! Hindi pa naman talamak ang kabadingan noon.
Akala ko ay tuloy-tuloy na ang tagpong iyon at magiging close na kami. Ngunit ang hindi ko pala alam ay iyon na ang huli naming pagkikita. Hindi na kami nagkita pang muli. At napag-alaman ko na lang na lumipat pala siya ng ibang school, sa isang state university malayo-layo sa aming lalawigan.
Syempre, hindi ko na siya masusundan pa roon. Mahirap lang kami at ipagpalit ko ba ang 3rd year na natapos ko sa school na iyon upang sundan lamang siya? Baka hindi na ako makapag-aral kung ganoon.
Kaya walang na akong nagawa kundi ang tanggapin na sa isang iglap ay bigla siyang naglaho. Nakapanghihinayang lang. Kasi, huli na nang makipagkilala siya sa akin.
Pero madali ko rin naman siyang nalimutan. Hindi naman kasi naging kami. Minsan lang ay naitatanong ko rin kung paano kaya kung sinulatan ko pa rin siya kahit nasa bago sa siyang university? Sasagot kaya siya?
Naisip ko lang. Pero naman, kung saan man siya napadpad ngayon, sigurado akong successful na siya sa buhay. Kasi naman ay matalino siya, masipag mag-aral... at may porma.
Siguro kung gagawan ko ng kuwento ang eksenang ito ng aking buhay, gawin kong sa bandang huli ay nagkita rin kaming muli, maaaring may asawa na siya at pamilya ngunit magkakaroon ng katuparan aking minimithing maiparating sa kanya ang lihim na naramdaman ko. Then the rest will be "...and they lived happily ever after."
Nice biograph. Yun nga lang, paano kung....... Lesson nating mambabasa. Sieze the day. Pero sa edad na yun, masyadong naive pa tayo. Thanks sa story mo. Kahit not happily ever after, may lesson learned din.
ReplyDeleteIsang napaka-malamang maiksing istorya :) Salamat sir Mike :)
ReplyDelete- Prince Justin