Love. Sex. Insecurity.
[Book 2 : Chapter 17]
By: Crayon
****Kyle****
9:27 am, Monday
June 06
Hindi ko alam kung tama ang naging desisyon ko na pumayag sa utos ni Aki. Kung sabagay wala din naman kasi talaga akong choice, hindi nga naman maganda na basta ko na lang abandunahin ang aking maiiwang posisyon. Pakonswelo na lang sa akin na hindi ko kailangang marinig o makita pa ang reaksyon sa akin o sa mga nangyare ng mga kasamahan ko sa opisina since out of town naman kami ni Aki habang nagrerender ako.
Dalawang linggo ko na lang naman dapat tiisin si Aki, kaya ko na siguro iyon. Nagawa ko ngang tumagal ng ilang buwan sa kabila ng kasungitan niya, anu ba naman yung dalawang linggo.
Habang kinukumbinsi ko ang sarili ko na tama ang aking naging pasya ay naglakad ako palayo sa opisina. Tinatamad pa akong umuwi sa bahay, gusto ko muna na maggala ng kaunti. Nakarating ako sa Greenbelt at naisip kong dumaan sa shop ni Renz para kumain.
Nang nasa harap na ako ng shop ay medyo nag-alinlangan akong pumasok nang maalala ko ang huli naming pag-uusap. Handa ba ako na harapin na si Renz? May maisasagot na ba ako sa mga tanong niya? Hindi ko pa kasi nagagawang pag-isipang mabuti ang mga bagay na sinabi niya sa akin.
May limang minuto na akong nakatayo sa harap ng pintuan ng pastry shop na iyon pero hindi pa ring ako makapag-desisyon. Akmang aalis na ako para humanap ng ibang kakainan ng may mabangga ako sa aking pagtalikod.
Medyo nagulat ako sa nangyare kaya na-out of balance ako mula sa aking pagkakatayo at alam ko nang hahampas ang aking puwitan sa matigas na semento. Buti na lamang ay naagapan ako ng taong nasa aking likuran.
"Hay nako! Pa-salamat ka nandito ang knight in shining armor mo kundi baka nabagok na ang ulo mo.", nakangising wika sa akin ng lalaki.
"Lui!!!", napalakas kong sabi dahil sa aking pagka-sorpresa. Hindi ko akalain na makikita ko siya rito sa pag-aakalang busy siya sa business nila sa Rizal.
"Anong ginagawa mo dito?", agad kong tanong sa kanya ng makarecover na ako sa muntik kong pagkabuwal.
"Binabantayan ka! Ako kaya ang guardian angel mo, kita mo naligtas kita agad mula sa muntikan mong pagkatumba.", maangas nitong sabi.
"Anung gamot na naman ang napagtripan mo at umiral na naman ang sayad mo sa ulo?! Ikaw naman may kasalanan kung bakit muntik na akong matumba.", pambabara ko sa kanya.
"Aysus! Nanisi ka pa, ikaw na nga itong iniligtas eh.", tampu-tampuhan nitong sabi.
"Bakit ba kasi nasa likod kita?"
"Kasi nga angel mo ko! Binabantayan lang kita, bakit ba ang kulit mo?", reklamo ni Lui.
"Umayos ka nga, tatadyakan na kita eh. Bakit ka nga andito?"
"Kaya ako pinadala dito ni Bro eh para tulungan kang bawasan ang pagiging bayolente mo. Lagi ka na lang mananadyak di ka naman kabayo.", pang-aasar na muli ni Lui.
"Eh konyatan na lang kaya kita sa ulo?!", pagbabanta kong muli.
"Ilibre mo na lang kaya ako at sa loob na tayo ng shop na yan mag-usap para hindi naman masayang ang ganda ng kutis ko. Nabibilad ako sa araw eh, magagalit ang mga fans ko kapag naging baluga ako.", mayabang na sabi ng aking kaibigan.
"Tigas ng mukha!"
"Hay! Ang dami mo pang sinasabe eh, tara na!", wika ni Lui sabay hila sa akin papasok sa loob ng shop ni Renz. Bigla naman akong nataranta dahil hindi ako handa na makaharap si Renz kung sakali.
"Hoy! Teka lang nga, ayaw ko dyan sa iba na lang tayo kumain, Mcdo na lang o kaya Jollibee!", medyo taranta kong sabi habang nilalabanan ko ang paghila sa akin ni Lui.
"Hindi ka lang bayolente, barat ka pa! Ngayon lang uli tayo nagkita ayaw mo pa akong ilibre sa masarap na kainan. May utang ka pa kaya sa aking dinner! Sabi mo ililibre mo ko sa unang sweldo mo pero hanggang ngayon hindi mo man lang ako makuhang imbitahin para makapag-date tayo.", pag-alma ni Lui.
"Itigil mo nga ang pag-iilusyon mo! Hindi tayo magda-date. Tsaka wag tayo dyan kumain, hindi masarap ang pagkain dyan tsaka sa takaw mo hindi ka mabubusog dyan!"
"Ang dami mong alam Kyle! Masarap ang pagkain dito nabasa ko iyon sa isang magazine tsaka diet naman ako kaya ok lang na hindi mabusog. Basta dito ko gusto kumain.", pagmamatigas ni Lui.
"Bakit ba ang kulit mo Lui?", reklamo ko habang kinakaladkad niya ako papasok. Nang marating namin ang pintuan ay wala na akong nagawa. Sinubukan kong agawin ang kamay ko mula kay Lui pero ayaw niya iyong bitawan.
"Kyle!", nagulat ako sa pamilyar na pagtawag sa aking pangalan. Nakita ko si Renz sa counter ng shop niya, bakas sa mukha ang saya sa aming pagkikita. Pero agad nawala ang kanyang matamis na ngiti ng mapansin niya ang magkahawak na kamay namin ni Lui.
"Kaya naman pala ayaw dito eh.", nang-iinis na bulong sa akin ni Lui habang lalong hinihigpitan ang hawak ng kamay niya sa akin.
"Umayos ka, kung hindi ipapakapon kita!", bulong ko ding banta sa kanya.
"Renz right?", biglang pabida ni Lui na parang close na close sila ni Renz. Tumango lamang si Renz. "Kamusta pre? Ikaw ba may-ari nitong shop na to?", maangas na sabi ni Lui.
Agad ko namang inapakan ang kaliwa niyang paa. Bago pa man makasagot si Renz ay narinig ang malakas na 'aray' ni Aki sa buong shop na kumuha ng atensyon ng mga kumakain doon. Deadma lang ako sa ginawa niya at hinarap si Renz.
"Okay ka lang pre?", tanong ni Renz kay Lui.
"Oo, okay lang yan, nagpapansin lang. Pa-order na lang ng dalawang slice ng blueberry cheese cake tsaka isang cinnamon roll. Pa-add na din ng dalawang lemon iced tea.", wika ko kay Renz sabay abot ng bayad habang nakaluhod si Lui na iniinspeksyon ang inapakan kong paa niya.
Nang makuha ang aming order ay umalis na ako sa counter at naghanap ng maaring upuan na malayo sa abot ng tingin ni Renz. Iika-ika namang sumunod si Lui sa akin.
"Pambihira ka! Bakit mo ko inapakan!?!", reklamo ni Lui nang makaupo sa harapan ko.
"Masyado ka kasing pa-bida, close ba kayo ni Renz ha!?!", angil ko sa kanya.
"Bakit kinamusta ko lang naman sya ah?", pagdedepensa ni Lui.
"Hoy! Kilala kita! Alam kong may masama kang binabalak. Ngayon pa lang itigil mo na yan kasi yari ka talaga sa akin.", napangisi naman si Lui na lalong nagpakaba sa akin.
"Wala pa nga akong ginagawa eh.", wika niya.
Maya-maya lang ay nakita kong papalapit sa aming direksyon si Renz. Bigla namang bumilis ang tibok ng puso ko. Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko. Pinili kong yumuko para hindi magtagpo ang aming tingin. Nang saktong nasa tapat na ng aming lamesa si Renz ay muling nagsalita si Lui.
"Namiss kita beh...", nagulat ako sa sinabi ni Lui. Napatingin ako sa kanya sa pagkabigla, kita ang isang matamis na ngiti sa mga labi nito. Sunod kong ibinaling ang tingin kay Renz na labis ang pagkakakunot ng noo.
"Oh pre, andyan ka pala. San ba ang comfort room nyo?", patay-malisyang tanong ni Lui. Batid kong alam niyang nasa tabi namin si Renz nang sabihin niyang namimiss niya ako. Mukhang pinagti-tripan talaga ako ng mokong na to.
"Diretso lang tapos kanan.", turo ni Renz kay Lui. Tumayo naman ang huli at tinungo ang cr.
Nang makaalis si Lui ay umupo si Renz sa upuang binakante nito. Kita ko ang pinaghalong inis at lungkot sa mata niya.
"May boyfriend ka na nga pala, nakalimutan ko. Pero hindi pa din ako susuko Kyle.", seryoso nitong sabi.
"Hindi ko yun boyfriend. Malakas lang talaga ang topak nang isang yon.", paglilinaw ko kay Renz.
"Bakit magkahawak kayo ng kamay?", tanong muli ni Renz.
"Hindi kami magkahawak ng kamay, kinakaladkad niya ako papasok dito.", tumango lamang si Renz bilang sagot at nanahimik.
"Aalis pala uli ako bukas.", wika ko para maiba ang aming topic at para mawala ang awkwardness sa pagitan namin.
"Ha? Bakit? San ka pupunta?", alalang tanong ni Renz.
"Ahmm sa work may out-of-town meetings, mga two weeks din siguro akong mawawala.", sabi ko.
"Kadarating mo lang, aalis ka na naman uli.", medyo malungkot na pahayag ni Renz.
"Magte-text naman ako eh o kaya tatawag.", paga-alo ko sa kanya.
"Promise?"
"Oo, peksman.", nangingiti kong sagot.
"Hindi ka na makakalimot? At hindi ka na maglalasing masyado para maka-text sa akin?", paniniguro ni Renz. Hindi ko naman kasi sinabi sa kanya ang totoong dahilan kung bakit hindi ko siya nagawang i-text last time.
"Hehehe, oo hindi na.", napangiti naman si Renz sa aking sagot. Nang makabalik na si Lui ay tumayo na si Renz at nagpaalam.
Hindi ko kinakausap si Lui para iparating sa kanyang hindi ako natutuwa sa kanyang ginawa kanina.
"Uuuuuy nagtatampo siya...", panimula ni Lui pero pinili kong hindi na lang sumagot.
"Bakit kasi all of a sudden parang iwas ka sa kaibigan mo?", tanong uli niya na dinedma ko lang.
"Huy...", tawag niya sa atensyon ko habang busy akong kumakain ng cheese cake.
"Hindi ka talaga magsasalita?"
"I wonder kung alam ni Renz na nagtatrabaho ka sa kumpanya nila Aki at siya mismo ang boss mo.", may kalakasan nitong sabi na nagpaalarma naman sa akin.
"Subukan mo lang Lui, mag-aaway talaga tayo.", banta ko na ikinatawa naman ng aking kausap.
"Bakit ba kasi? Anu bang nangyare?", tanung muli ni Aki. Wala na akong nagawa kundi ikuwento sa kanya ang naging pag-uusap namin ni Renz.
"Oh, anu naman ang problema doon? Di ba yan naman ang gusto mo?", wika ni Lui.
"Gugulo lang kasi uli ang sitwasyon kapag hinayaan kong mangyari ang gusto ni Renz. Okay na ako na magkaibigan lang kami, sa nakalipas na dalawang taon tanggap ko na yung katotohanang yon.", pagpapaliwanag ko.
"Magiging kumplikado o hindi ka lang sigurado na gusto mo pa siya. Kasi kahit ano namang mangyare it all boils down to one question, do you still love him?", diretsang tanong ni Lui. Kagabi ko pa rin hinahanapan ng sagot ang tanong na yon pero wala akong makuhang sagot na makakapag-satisfy sa akin.
"Hindi ko alam.", maiksi kong tugon.
"Yan ang hirap sayo Kyle eh, napakagulo mo.", frustrated na sabi ni Lui.
"Eh sa hindi ko alam eh, anung gagawin ko?",naiinis ko ding sagot kay Lui dahil lalo lamang niyang pinapasakit ang ulo ko.
"Mahalin mo na lang kasi ako para hindi ka mamroblema!", banat niya.
"Seryoso ako, anung gagawin ko?"
"Seryoso din naman ako sa advice ko ah!", natatawang sabi ni Lui.
"Konyatan na lang kaya kita!"
"Hahaha, di ba sabi mo di ka naman niya minamadali, eh di wag mo madaliin. Give yourself time to think and feel kung mahal mo pa siya.", seryoso nang payo ni Lui.
"Paano kung hindi ko na pala siya mahal, eh di parang pinaasa ko lang siya tapos magkakagulo na naman.", pagsasabi ko ng mga problemang ina-anticipate ko.
"Kung hindi mo na siya mahal, sorry na lang siya. Wala ka nang magagawa doon at hindi rin siya dapat na magalit kung hindi niya makuha ang sagot na gusto niya. Nanligaw ka na ba dati?", tanong sa akin ni Lui. Bigla naman nag-init ang mukha ko dahil nakaramdam ako ng hiya.
"Hindi pa.", mahina kong sagot.
"Seryoso ka?", hindi makapaniwalang tanong ni Lui.
"Oo nga.", nahihiya ko pa ring sagot.
"Bakla ka ba tol?", nangiinis na tanong ni Lui.
"Tangina ka! Namumuro ka na sa akin ha!"
"Hahahaha, biro lang. Nagulat lang ako. Kasi ganito yan, me for example, nung sinabi ko sayo na mahal kita o gusto kita, alam ko na pwedeng mahal mo din ako o hindi. Now knowing na i can only get one answer from those two, choice ko na i-pursue na ligawan ka. All i can do is to try my hardest na makuha yung sagot na gusto ko.", seryosong paliwanag ng aking kaibigan.
"Ngayon, kung babastedin mo ko, which is ginawa mo, i should not blame you or hold anything against you dahil sa naging desisyon mo. Hindi kita dapat tawagin na paasa dahil isa akong malaking bobo kung gagawin ko iyon. In the first place ang hinihiling lang naman sayo ni Renz ay isang chance to prove that he loves you and to gain your affection in return, if he didn't get the answer he wants at least you gave him a fair chance. Gets mo? Ang hinihiling pa lang sayo ni Renz hayaan mo siyang ligawan ka, hindi pa niya hinihiling directly na maging kayo. Though ang purpose ng panliligaw niya ay maging kayo later on still you are not committed to answer him with a yes. Courting is an act of
Persuasion.", litanya ni Lui.
"Ikaw ba galit ka sa akin dahil binasted kita?", hindi ko maipigilang itanong kay Lui.
"Hmmm no. Nalulungkot ako na hindi naging tayo pero hindi ako galit. I'm glad that we're still friends and i appreciate you being honest to me. Tatawagin kita paasa kung pinaniwala mo ko na mahal mo ko kahit hindi naman.", nakangiting sagot ni Lui.
"Thank you Lui."
"Anytime.", sagot sa akin ni Lui.
----------------------------------
Alas-siyete pa lamang ay nasa opisina na ako. Dala ko aking maleta at bag na naglalaman ng gamit ko sa susunod na dalawang linggo. Hanggang ngayon ay wala pa din akong ideya kung saan kami pupunta ni Aki. Nakalimutan ko kasing itanong kahapon ang detalye ng aming lakad dahil sa gulo ng aking isip.
Makalipas ang tatlumpong minuto ay dumating na si Aki, dala ang sariling gamit. Pareho kaming naka-polo shirt at maong pants.
"If you're ready, we can go now.", kalmadong sabi nito, wala namang himig ng kasungitan o galit ang mga salitang iyon.
"Hindi po ba natin aantayin sila Sam?",tanong ko sa pag-aakalang kasama namin sina Sam at Lyka.
"No.", maiksing sagot ni Aki. Medyo kinabahan naman ako dahil kung ako lang ang isasama niya ay tiyak na ako lang ang aasahan niya na mag-assist sa kanya at hindi ako sure na kaya kong gawin iyon.
"Ganun po ba? Is there any files or any thing you wish me to bring sir?", tanong ko sa takot na may nakalimutan na naman akong dalin. Ayaw ko na masigawan akong muli.
"Wala naman. Wag ka masyado mag-alala, if there's anything we need we can always call Sam to send it to us via email.", wika ni Aki pero hindi ako kumbinsido dahil alam ko kung gaano kabilis mag-change ang mood nito kapag naiinis. Gayunpaman ay tumango na lamang ako at sumunod sa kanya palabas ng building.
Nakaparada sa labas ng opisina ang kotse ni Aki. Doon kami sumakay. At nagulat ako ng tumabi sa akin si Aki sa halip na umupo sa tabi ng driver. Tahimik lamang kami habang nasa biyahe sa kahabaan ng EDSA. Napahinga ako ng malalim dahil sa kaba at awkwardness, parang ngayon pa lang ay gusto ko ma mag-back out.
"Nagbreakfast ka na ba?", tanong sa akin ni Aki ng nasa bandang Cubao na kami. Umiling lamang ako bilang sagot.
"Sir, saan po ba tayo pupunta para masabi ko po sa mga magulang ko. Nakalimutan ko kasi itanong sa inyo kahapon.", tanong ko sa kanya. Hindi ito sumagot sa halip ay may hinahanap ito sa dala nitong bag.
"Yuuuuun!", masaya nitong sabi na ikinalingon ko naman sa kanya mula sa bag niya ay may nilabas siyang tupper ware. "Tara kain tayo.", imbita niya sa akin habang binubuksan ang lalagyanan ng pagkain.
"Sige po, ok lang ako. Kayo na lang po.", pagtanggi ko dahil sa hiya.
"Huwag ka mag-alala wala yang lason, ako gumawa niyan.",wika niya habang pilit na inilalagay sa kamay ko ang sandwich na ipinagmamalaki niya.
Hinawakan ko naman ang sandwich pero hindi ako nagtangka na kagatan ito.
"Sige na, masarap iyan.", pag-engganyo ni Aki sa akin habang kumakagat siya sa sariling sandwich. Hindi na rin ako nakapag-pigil dahil medyo nagugutom na din ako.
Hindi ko mapigilang mapangiti dahil masarap yung sandwich. Simpleng ham, egg, cheese, lettuce, at tomato lang naman ang laman nito pero iba ang sarap. Mas masarap kesa ordinaryong sandwich. Nakalimutan kong masarap nga pala magluto si Aki, base na rin sa ilang pagkakataon na ipinagluto niya ako noon sa condo niya. Agad ko naman inalis ang isiping iyon sa aking utak at tahimik na kinain ang sandwich.
Nang makarating kami sa Nlex ay tumigil kami sa isang fastfood sa may gasolinahan upang makakain kami ng maayos na almusal dahil ayon kay Aki ay mahaba pa ang biyahe namin.
Matapos kumain ay nagpatuloy kami sa aming biyahe palayo sa Maynila. Sa mahigit dalawang oras na lumipas ay tahimik lang sa loob ng kotse kahit na gising naman ang mga tao sa loob nito. Gusto ko sana makinig na lang ng music habang naka-headset pero hindi ko magawa dahil sa minsanang pagtatanong sa akin ni Aki na medyo ikinaiinis ko. Magtatanung siya ng mga bagay tungkol sa opisina na alam kong alam naman niya ang sagot, minsan naman ay mga walang kwentang tanong na maiisip niya habang bumibyahe kame. Kanina pa sana ako nakatulog kung hindi niya lang ako kinukulit.
****Aki****
10:17 am, Tuesday
June 07
Sa opisina pa lamang kanina ay hindi ko na mapigilang ang saya na aking nararamdaman. Pilit ko itong itinatago kapag kaharap si Kyle, ayaw ko naman na mahalata niya ito dahil baka maghinala ito at magbago pa ang isip niya na sumama sa akin.
Kita ang pinaghalong kaba at agam-agam sa kanyang mukha bago kami umalis. Marahil ay nagtataka siya kung saan kami pupunta lalo na at hindi naman namin kasama sila Sam.
Nang nasa sasakyan na kami ay inalok ko siya ng sandwich na ginawa ko naman talaga para sa kanya. Alam ko kasing mahaba ang aming magiging byahe at tiyak na magugutom siya. Habang kinakain namin ang sandwich ay para naman akong aangat sa aking kinauupuan ng mapansin ko ang pagngiti ni Kyle habang kinakain ito. Corny nga siguro ang taong nagmamahal pero ok lang. Basta masaya ako na makitang nakangiti si Kyle.
Muli akong tinanong ni Kyle kung saan kami pupunta pero pinili kong hindi na lang pansinin ang kanyang tanong. Mas mabuti nandoon na kami sa aming destinasyon bago ko sabihin sa kanya ang mga plano ko sa aming lakad.
Matapos kaming makapag-almusal sa isang fastfood chain ay sinubukan kong magsimula ng conversation sa pagitan namin ni Kyle. Batid kong naging malayo ang loob sa akin ng dati kong kaibigan dahil sa mga ginawa ko sa kanya. At umaasa ako na sa pakikipag-usap sa kanya ay mabawasan ang pagkailang niya sa akin.
Kung anu-anong bagay ang tinatanong ko sa kanya pero sobrang tipid ng kanyang mga sagot kaya mabilis ring natatapos ang aming pag-uusap. Nang mapansin kong naiirita na siya sa aking pagtatanong ay itinigil ko na ito. Ipinikit ko na lamang ang aking mga mata at sinubukang matulog para hindi ko na magulo pa si Kyle.
****Kyle****
10:46 am, Tuesday
June 07
Napalingon ako ng marinig ang paghihilik ng aking katabi. Mukhang kulang rin siya sa tulog. Nakaramdam naman ako ng relief ng mapagtantong tulog na nga si Aki. Malaya kong inilagay ang aking headset sa aking tenga at nakinig sa tutog na nagmumula mula sa aking cellphone. Halos puro bukid ang nakikita ko sa aking bintana habang binabagtas namin ang Nlex, dahil sa paulit-ulit na itsura ng paligid ay mabilis akong nakatulog.
May isang oras din siguro ako nakatulog ng makaramdam ako ng mabigat na bagay sa aking balikat. Nang tingnan ko kung anu yung mabigat na bagay sa balikat ko ay di ko mapigilang mapangiti sa aking nakita.
Mahimbing na natutulog si Aki habang nakasandig ang ulo sa aking balikat. Kalmado ang ekspresyon sa mukha nito malayo sa lagi nitong nakakunot na noo at magkasalubong na kilay. Binigyang laya ko ang aking sarili na pagmasdan ang mukha ng aking kaibigan.
Katangi-tangi ang tangos ng ilong nito, hindi ko alam kung may dugong banyaga sila na dahilan ng magandang hubog ng ilong niya. Makapal din ang kanyang mga kilay na magandang pagmasdan lalo na sa tuwing nakangiti ang kanyang mga mata. Bahagyang nakabukas ang kanyang mapupulang labi na lalong tumitingkad dahil sa kanyang maputing kutis. Ang kanya namang panga ang nagbibigay sa kanyang mukha ng masculine na dating.
Dama ko ang bawat paghinga niya. Sa dalawang taong hindi kami nagkita ay wala masyadong pinagbago ang kanyang mukha maliban na lang sa kanyang mga mata na mula ng magkita kami ay wala akong ibang napansin kundi ang galit at inis sa akin. Hindi ko alam kung kailan ko muli makikitang ngumiti ang mga mata na iyon.
Bahagyang napakislot si Aki na ikinagulat ko rin. Pupungas-pungas siyang napatingin sa akin.
"Sorry.", nahihiya nitong sabi. Hindi na lamang ako sumagot at ibinaling ko ang aking atensyon sa labas ng bintana. Mula sa mga signboards na nakikita ko ay nasa bandang Pampanga na kami. Pinilit ko muling matulog dahil mukhang malayo pa kami sa aming pupuntahan.
Nagising ako dahil sa mahinang pagtapik sa aking balikat. Nang imulat ko ang aking mata ay napansin kong nakahinto na ang aming sasakyan. Tiningnan ko ang aking wristwatch at nakita kong pasado ala una na pala ng tanghali.
"Tara, lunch muna tayo. May isang oras pa kasi bago tayo makarating sa pupuntahan natin.", bati sa akin ni Aki. Agad naman akong lumabas ng sasakyan dahil medyo masakit na din ang aking puwitan sa tagal naming nakaupo.
"Sir nasaan na po ba tayo?", tanong ko.
"Olongapo.", maiksi nitong sagot.
Hindi na ako nakapagtanong pa dahil dirediretso na itong naglakad patungo sa fastfood na kakainan namin. Habang kumakain ay kinakausap ni Aki ang aming driver na kasama namin. Hindi ko na binigyang pansin ang kanilang pag-uusap sa halip ay tiningnan ko ang aking cellphone kung may nagtext. Wala naman akong importanteng mensaheng natanggap. Naisip kong i-text si Renz.
Ako: Lunch na...On the way pa din kami dun sa pupuntahan namin, tumigil lang kami para kumain. :)
Agad namang nag-reply si Renz.
Renz: tapos na po. Bakit ngayon lang kayo kakain baka nalipasan ka na ng gutom.
Ako: hindi naman. Tulog naman kasi kami most of the time kaya ok lang. Text na lang uli kita kapag andun na kami sa location.
Renz: ok po. Ingat kayo sa byahe. Magtext ka ah! ;)) miss you....
Napangiti naman ako sa bilin ni Renz. Naramdaman ko ang mga matang nakatingin sa akin. Napagtanto kong nakatitig sa akin si Aki, bahagyang nakakunot ang noo. Mabilis ko namang itinago ang phone ko dahil baka naiinis ito dahil sa aking pagte-text habang kasama sila. Tahimik ko na lang na ipinagpatuloy ang aking pagkain.
Mahigit isang oras pa king nagbyahe bago muling tumigil ang sasakyan. Hindi ko alam kung saang parte na kami ng Pilipinas naroroon. Puro puno kasi ang nakikita ko at mga bundok. Malayo na ang pagitan ng mga bahay na proweba na malayo na kami sa magulong mundo ng Maynila. Nagulat ako ng biglang bumaba si Aki at isa-isang ibinaba ang kanyang mga dalang gamit.
"Sir, nasiraan po ba tayo?", naguguluhan kong tanong. Wala naman kasi ako makitang lugar na maaring puntahan namin maliban sa isang waiting shed sa may malapit na kanto. Maliban doon ay kalsada lang na pataas at pababa ang nakikita ko pati na rin ang makakapal na puno.
"Hanggang dito na lang tayo ihahatid ni Manong Ben. Mag-tricycle na lang tayo mula rito.", sagot sa akin ni Aki. Naguguluhan man ay hindi na ako gaano pang nag-usisa at sinimulan ko na ding ibaba ang sarili kong gamit.
Hinintay lang namin na makabaling ang sasakyan at umandar palayo bago kami maglakad ni Aki. Nakasunod lang ako sa kanya habang tinutumbok ang direksyon ng waiting shed. Napakarami namang tanong ang lumutang sa aking isip? Saan naman sa lugar na ito gaganapin ang mga business meeting na sinabi ni Aki? Parang masyado nang masukal ang lugar, halos pwede nang setting ng mga horror films.
Inabutan ko si Aki na kausap ang isang driver ng tricycle, matapos ang kanilang pag-uusap ay inilagay na ni Aki ang gamit sa loob ng tricycle. Mahigit tatlumpong minuto din kaming lulan ng tricycle habang binabaybay ang mabatong daan. Lalo ko namang naramdaman ang sakit ng aking pang-upo dahil sa paulit-ulit na pag-aldang namin.
Nasa dulo na ata kami ng bansa dahil naubos na ang sementadong kalsada at maalikabok na daan na ang aming tinatahak. Bagaman naiirita na ako sa haba ng aming byahe ay nabago ang aking mood ng umihip ang hanging nagmumula sa dagat. Nang mawala ang makapal na hanay ng mga puno ay nasilayan ko ang malawak na karagatan. Habang palayo kami ay lalo lumalakas ang tunog ng malakas na alon.
"Andito na tayo.", wika ni Aki sabay ng pagtigil ng sinasakyan naming tricycle.
....to be cont'd..
Honeymoon... hahahahaha.. ngayon ka bumawi aki!
ReplyDelete-arejay kerisawa