Followers

Friday, October 4, 2013

Love. Sex. Insecurity. [Book 2 : Chapter 13]

 
 
 
 
 
 
Love. Sex. Insecurity.
[Book 2 : Chapter 13]








By: Crayon









****Aki****






3:30 pm, Monday
June 05






Hindi na ako mapakali sa maghapon. Sinasabi ng utak ko na makabubuti lang sa akin ang ginawa kong pangti-trip kay Kyle. Balak ko talaga sana na samahan siya maglunch pero nung huling sandali ay nagbago ang takbo ng aking isip at pinasya kong paasahin na lang siya.



Hindi ko maatim ang reaksyong nakuha ko mula sa kanya ng bumalik kami ni Lyka mula sa pagkain sa labas. Alam kong hindi siya natuwa sa aking nagawa. Dapat kong ikasaya iyon dahil gusto ko naman talaga makaganti sa kanya pero iba talaga ang sinisigaw ng aking puso.



Nang mag-uwian ay hindi ko na inabutan si Kyle sa kanyang lamesa. Ayon kay Sam ay nagmamadali raw itong makauwi dahil bigla raw sumama ang pakiramdam nito. Hindi ko naman mapigilang makaramdam ng guilt sa aking ginawa.



Siguro makakalimutan niya din bukas ang nangyari at hindi naman siguro niya maisipang magresign. Napatigil ako sa isiping iyon dahil parang hinihiling ko na wag nang umalis si kyle, taliwas sa nauna kong plano.



Arggghhhh! Hindi ko na talaga alam kung saan ilulugar ang aking sarili.



Kinabukasan ay maaga akong dumating sa opisna dahil may meeting ako ng alas-nuwebe at kailangan ko pa itong paghandaan. Dinatnan ko si Kyle sa kanyang lamesa na nagbabasa ng mga report. 



Saglit lamang itong nag-angat ng tingin ng marinig ang pagbukas ng pinto. Pero wala itong sinabi. Hindi ako nito binati ng good morning katulad ng lagi nitong ginagawa noon. Hindi rin ako inalok ng kape o nginitian man lang.



Marahil ay hindi pa nito nakakalimutan ang ginawa ko kahapon. Ipinagsawalang bahala ko na lang iyon at nagtuloy sa aking opisina.









****Kyle****






7:30 am, Tuesday
June 06






Zombie mode akong muli ng araw na ito. Maagang dumating si Aki sa opisina pero wala akong gana na pansinin o kausapin siya.



Alam kong nangako ako sa aking sarili na hindi ako titigil hangga't hindi kami nagkakaayos ni Aki pero sa nangyari kahapon, parang hinigop lahat ng lakas ko at bigla akong nakaramdam ng pagkapagod.



Napapagod na nga ba ako? Susuko na ba ako? Hindi ko alam ang sagot. Basta ang alam ko ay labis akong nasaktansa ginawa ni Aki. Alam kong may galit siya sa akin pero base sa pagkakakilala ko sa kanya noon ay wala sa ugali niya ang mangtrip tulad ng ginawa niya kahapon. Sana nga ay pinagalitan, sinigawan, o kaya ay nilait niya na lang ako sa harap ng mga kasama ko, parang mas maaatim ko pa iyon.
 
 

Kung kahapon ay masayang-masaya akong nagtatrabaho dahil sa pag-aakalang sabay kaming maglu-lunch ni Aki, ngayon naman ay para akong lantang gulay habang gumagawa ng report sa aking lamesa.



May ilang beses din akong tinangkang kausapin ni Sam pero wala talaga ako sa mood na makipagkwentuhan. Lumilipad din ang aking isip. Tumitipa ang aking daliri sa aking keyboard pero ang utak ko ay nakatuon sa kung ako ba ay magreresign na o hindi.






-------------------------------------------------
 
 
 


Mabilis na lumipas ang tatlong linggo sa opisina. Sa nakaraang mga araw ay nanatili ang cold treatment namin ni Aki sa isa't-isa. Hindi na ako nag-eeffort na maging close pa sa kanya, ganun din naman ang nagiging pakitungo niya sa akin.



Naging madalang rin ang pagsermon niya at pagpuna sa akin dahil na rin sa ginagawa kong pag-iwas sa kanya. Minsan ay nakikita ko siyang nakatingin sa akin pero hindi ko na iyon binigyan pa ng kahulugan...



Siguro kailangan ko na ngang isuko sa ngayon si Aki, marahil ay labis pa rin ang galit niya sa akin. Hindi pa siguro ito ang tamang panahon para magkasundo kami.



Binitbit ko na ang aking gamit palabas ng opisina. Kasabay ko si Sam na tinungo ang parking area. Napagkasunduan kasi na gawin sa isang resort sa Zambales ang board meeting ng kumpanya, kumbaga ay isasabay ito sa na-postpone na outing ng kumpanya noong summer.



Maganda ang panahon kahit na katapusan na ng Hunyo, halos lahat ay excited sa pag-alis. Alas-tres pa lang nang umaga ng mga oras na iyon pero hyper na ang lahat pati na si Sam. Kanina niya pa ako kinukwentuhan ng mga plano niya pagdating sa lugar pero puro ngiti lang ang sinasagot ko sa kanya.



"Beh! Kanina ka pa ha!?! Actually mag-iisang buwan ka ng ganyan, nakakatampo ka na. May problema ba?", nag-aalalang tanong ni Sam. 



"Ha? Pasensya ka na sa akin, lagi lang akong pagod kaya ganun.",paumanhin ko kay Sam. Nang marating namin ang lobby ay hinila niya na ako patungo sa bus na sasakyan namin. 



Tatlong araw at dalawang gabe ang magiging stay namin sa resort sa Zambales. Wala kaming lahat babayaran kaya excited ang lahat sa libreng bakasyon na iyon.



Nang makarating kami sa bus ay agad kong natanaw sa unahan sila Aki at Lyka na magkatabi sa upuan. Hindi ko sila gaanong tinapunan ng tingin at nagpatuloy lamang ako sa paglalakad. Nagulat naman ako ng may biglang humila sa kamay ni Sam, isa pala ito sa kanyang mga kaibigan at niyaya itong maupo sa bakanteng upuan sa tabi nito. Nagpaalam naman si Sam at hindi ako tumutol, balak ko lang din naman kasi matulog sa byahe at ayaw kong ma-bore si Sam kung sakaling gusto niya ng kausap.



Halos puno na rin ang likuran ng bus na aming sinakyan at ayaw ko naman na lumipat pa ng ibang bus. Naghahanap ako ng maaaring upuan ng may tumawag ng aking atensyon.



"Kyle, right?", wika ng lalaki sa aking gilid.



"Yes, Mr. Salvatierra.", isa ito sa mga department head ng opisina.



"Wala ka bang maupuan? Dito ka na lang oh.", alok nito sa akin habang tinatanggal ang kanyang bag na nakalagay kanina sa bakanteng pwesto ng hanay na iyon.



"Thank you sir.", pasasalamat ko. Noon ko lamang napagtanto na isang hanay lang ang pagitan namin nila Aki at Lyka.



"Masyado ka namang pormal, John na lang ang itawag mo sa akin.", wika ng aking katabi.



"Nakakahiya naman po sir.", pag-aatubili ko.



"Hindi yan, wala naman tayo sa opisina tsaka hindi din naman talaga ako pormal kahit sa mga subordinates ko.", pangkukumbinsi nito.



Makalipas ang kulang-kulang labinlimang minuto ay nagsimula nang umandar ang bus. Nasa pagitan namin ni aki ang upuan nila Sam at ng kanyang kaibigan. Dinig sa buong bus ang maingay na pag-uusap ni Sam at ng katabi nito. Tanaw ko naman ang pagbubulungan nila Aki at Lyka.



"Matagal ka na ba sa company?", biglang tanong sa akin ni John.



"Hindi naman mga ilang buwan pa lang bakit?"



"Wala naman. Hindi kasi kita masyadong nakikita. Alam kong assistant ka ni Aki pero hindi ka kasi gaanong active tulad nila Sam at Lyka.", paliwanag nito.



"Ah, mostly po kasi ay ako ang gumagawa ng report sila Sam at Lyka ang madalas na humaharap at kumakausap sa mga kliyente.", sagot ko.



"Ah ganun ba so ikaw pala ang gumagawa ng mga mahihirap na gawain. Ganun siguro talaga kung ikaw ang least favorite.", hindi ko naman mapigilang lingunin siya sa kanyang sinabi. 



Napatawa na lang ako ng hilaw sa sinabi ni John.



"Kung nagkataong na-under ka sa aking department, hindi ganyan ang kahihinatnan mo. I've seen some of the reports you've made and those were exceptional. You really know what you're doing. I wonder if you're getting commendation for all your hardwork.", mahabang sabi ni John. Hindi ko naman mapigilang mapangiti dahil bibihira lang ang pumuri sa aking mga ginagawa.



"Thanks for the compliment sir.", nakangiti kong sabi sa kanya.



Hindi natuloy ang plano kong pagtulog sa byahe dahil kay John. Likas itong madaldal at mausisa kaya hindi kami naubusan ng mapagkekwentuhan. Napagalaman kong single ito sa ngayon na hindi ko lubos na pinaniwalaan dahil isa ito sa kilalang playboy sa opisina ayon na rin kay Sam. 



Halos magkasingtangkad lang kami ni John, maganda rin ang pangangatawan nito at hindi rin magpapahuli pagdating sa kagwapuhan. May pagka-bumbay ang mga mata nito, laging malamlam at mahaba ang mga pilikmata na may makakapal na kilay.



Pasado alas-otso na kami dumating sa resort sa Zambales. Hindi na umalis sa tabi ko si John buhat ng makababa kami sa bus, nagpresenta pa ito na dalhin ang aking mga gamit pero hindi ako pumayag. Medyo naghihinala na ako sa motibo nito.



Agad kaming pinamili ng kwarto na gusto naming tuluyan, masuwerte namang nakahiwalay ako kay John dahil hindi ko din naman ito gustong maging roomate. Pinili kong pumunta sa pinakadulong cottage, pinagdarasal ko na sana ay mag-isa lang ako dahil gusto ko ng privacy. Ayon kasi sa instructions na ibinigay sa amin ay kailangan may ka-share sa kwarto para may matulugan ang lahat. Nang buksan ko ang kwarto sa dulo ay masuwerte namang walang tao roon. Agad kong isinara ang pinto at nahiga sa kama. May 30 minutes pa ako para umidlip bago kami mag-almusal ng sabay-sabay.



Wala pa atang sampung minuto akong nakapikit nang bumukas ang pinto. Idinilat ko naman ang aking mata para tingnan kung sino ang pumasok. Nakita ko ang nakadungaw na si Aki, bitbit nito ang kanyang bag at mukhang wala pa itong napiling kwarto. Pumikit akong muli at lihim na nagdasal na sana ay umalis ito. Paniguradong hindi ako mag-eenjoy kung sakaling ito ang makakasama ko sa kwarto.



Ngunit bigo ako dahil naramdaman ko ang marahan nitong paglakad patungo sa kama sa kabilang gilid ng silid. Tumayo na ako mula sa pagkakahiga at inayos ang aking mga gamit sa cabinet na nandoon gusto kong makaalis na agad sa kwartong iyon.



Nang matapos ako ay tumungo ako sa lugar kung saan kami kakain. Buffet ang setting at samu't-saring seafoods ang nakahain roon. Nakapila ako para kumuha ng pagkain ng may kumalabit sa akin.



"Bigla ka namang nawala kanina, hindi tuloy tayo magkasama sa kwarto.", bati sa akin ni John.



"Pasensya na nag-cr lang naman ako tas hindi na kita makita kasi nagkakagulo na ang lahat sa pagpili ng mga kwarto.", palusot ko.



"Di bale, pwede naman tayo mag-bonding kahit na magkaiba ang kwarto natin. Friends naman na tayo di ba?"



"Oo naman.", napipilitan kong sagot sa kanya. Matapos kumain ay tinawag kami ni Sam para sumali kami sa umpukan nila.



Noon ko lang na-realize na ang dami ko pa lang hindi kilala sa opisina. Masaya naman akong pinakilala ni Sam sa mga tao sa kanilang lamesa. Nakangiti ko naman silang binati.



"Ikaw Sam ha! Ang gwapo gwapo pala nitong kasama mo, ngayon mo lang pinakilala sa amin.", wika ng isang babaeng nagngangalang Monica.



"Mahiyain kasi yang si Kyle, tsaka kahit na ipakilala kita. Hindi ka naman niya magugustuhan.", sabi ni Sam sabay bigay ng isang makahulugang ngiti sa akin.



"At bakit naman!?!", apila ni Monica.



"Kasi hindi mo ko kasingganda teh!", biro ni Sam na ikinatawa ng lahat.



Nakita ko naman na pumuwesto sina Aki at Lyka sa lamesa sa tabi namin. Kita ko ang tinging ibinabato sa amin ng dalawa. Hindi maganda ang mga tinging iyon pero isinawalang bahala ko na lamang ang bagay na iyon. Noon ko lang din napagtanto na nakaakbay pala sa akin si John. Medyo awkward ang ayos niya lalo na at kumakain kami kaya pasimple kong inalis ang kamay nito sa aking balikat.



Matapos kumain ay bumalik ako sa aming cottage. Nagulat ako ng datnan ko roon si Aki na nakaupo sa kama. Sa pagkakaalam ko ay nauna akong umalis rito mula sa dining area kaya hindi ko siya inaasahan na nasa aming kwarto na.



"Let me remind you that even if this is a company outingnyou are not suppose to flirt with your officemates. Nandito tayo para sa board meeting hindi para makahanap ka ng ka-one night stand mo.", kunot noo at mapang-akusa nitong sabi sa akin.



Hindi naman ako nakapag-salita dahil sa sudden outburst nito. Hindi ko alam kung saan niya nakuha ang ideyang nakikipaglandian ako at naghahanap ako ng ka-one night stand pero nakakasakit kasi sa damdamin na ganun pa din ang tingin niya sa akin.



Hindi ko pinahalatang nasaktan ako. Tumango lamang ako sa kanya. Kinuha ko ang aking laptop at usb mula sa aking gamit at walang imik na umalis ng aming cottage.



Pumunta ako sa isang bench sa ilalim ng isang puno. Nagsindi rin ako ng yosi habang hinihintay kong bumukas ang aking laptop. Kinabuti kong dito na lamang reviewhin ang report na ipre-present namin sa board meeting mamayang hapon. 



Mabilis ang paghithit ko sa aking yosi, hanggang sa mga sandaling iyon kasi ay naiinis pa din ako sa mga nangyari kanina. Kung ang pinatutungkulan ni Aki ay ang pagkakaibigan namin ni John ay tangina niya. Wala naman kasi akong ginagawang masama kasama si John para pagsalitaan niya ako ng ganoon. 



Pinatay ko ang aking yosi at itinuon ang aking pasin sa pagreview ng aking report. Hindi ko na namalayan ang pagtabi sa akin ni John.



"Ang sipag mo talaga no? Halos lahat nag-eenjoy na pero ikaw trabaho pa din, iba ka!", pagtawag nito sa aking atensyon. Hindi ko naman magawang ngumiti dahil bad mood talaga ako ng mga sandaling iyon.



"Ayaw ko lang na may masabi sa aking di maganda ang boss ko.", maiksi kong sagot nang hindi tinatanggal ang tingin sa laptop.



Napasipol naman si John sa sagot ko.



"Mukhang malalim ang pinaghuhugutan noon ah.", biro pa nito sa akin.



Liningon ko siya para sana ismiran pero nagulat ako sa aking nakita. Naka-board shorts ito at sandong itim, kita ang magandang hubog ng dibdib nito at ang maumbok na braso.



"Ikaw ba wala kang gagawin?", yun na lang ang nagawa kong sabihin sa halip na sungitan ito.



"Wala masyado, magpapa-impress lang sayo.", nakangisi nitong sagot sa akin.



Napailing na lamang ako at ibinalik ko ang tingin sa aking laptop. Matapos ang isang oras ay bumalik na ako sa aking kwarto para magpahinga. Hindi ko na inabutan doon si Aki. Kaya malaya akong nahiga sa aking kama.



Alas-dos pa ang schedule na meeting kaya may ilang oras pa ako para magpahinga. Medyo inaantok na din kasi talaga ako dahil hindi nga ako nakatulog kanina sa byahe. 



Naalimpungatan na lang ako mula sa aking tulog ng marinig ko ang pagtunog nga aking cellphone.



"Hello?", medyo inaantok ko pang sagot sa tumatawag na hindi ko na pinagkaabalahan pang tingnan kung sino.



"Hoy beh! Asan ka na? 1:30 na!", sa pagkarinig ng boses ni Sam at ng oras ay bigla akong natauhan. Male-late na ako sa meeting! 



"Shit sorry! Nakatulog ako, papunta na ako dyan. Saglit lang.", agad kong tinapos ang tawag at pumunta sa cr para maligo. Binilisan ko ang aking kilos dahil ayaw kong ma-late dahil tiyak na masesermunan na naman ako ni Aki.




Makalipas ang dalawampung minuto ay nakarating na ako sa meeting hall ng resort. Dinatnan ko sila Sam na nag-aayos ng gamit para sa presentation. Agad akong lumapit at inayos rin ang aking laptop.



"Bakit ngayon ka lang?", halata ang pagpipigil ng inis ni Aki sa mga katagang iyon. Madiin ang pagkakabigkas ng bawat salita na tumawag nang atensyon ng mga tao sa kwartong iyon.



"Sorry sir.", mahina kong tugon dahil nahihiya ako. Alam kong tinitingnan ako ng kapwa ko mga empleyado na mula sa ibang department. 



"Get everything set up in five minutes.", mariing sabi ni Aki saka tumungo sa main room ng hall na iyon kung nasaan ang board.



"Beh tulungan na kita dyan, kelangan na lang naman natin yung file ng power point presentation mo.", pag-papakalma sa akin ni Sam. Pinagpapasalamat ko na laging nandyan si Sam sa tuwing pakiramdam ko ay wala na akong lakas na gumalaw dahil sa mga pamamahiya ni Aki.



"Ah oo nasa USB ko yon.", mahina kong sagot habang kinukuha ko ang aking bag.



"Hi, Kyle!", bati sa akin ni John na kadarating lang din pala pero agad din itong pumasok sa kwarto kung saan gaganapin ang meeting.



Hindi ko na nagawang sumagot pa at hinalukay ko na agad sa bag ko yung Usb ko. Nang buksan ko ang bulsa ng aking bag kung saan ko normally nilalagay yung usb ay para akong tinakasan ng dugo ng hindi ko ito matagpuan doon. Kinusot ko pang muli ang aking mata dahil baka stress lang ako kaya namamalik mata ako, pero wala talaga doon yung usb.



Shit! Nasaan na iyon? Nagsimula na akong magpanic, isa-isa ko nang tinanggal ang gamit sa loob ng aking bag. Nakatingin na din sa amin ni Sam yung ibang taong nagpeprepare ng kanilang presentation. Kitang-kita siguro ang pagkataranta sa aking mukha.



"Sam, i can't find my usb.", nanlalambot ko ng sabi kay Sam nang hindi ko talaga makita ang usb sa bag ko. Hindi ko na kasi alam ang gagawin ko at naraamdaman ko na ang mga susunod na mga eksena. 



"Ok lang yan beh, kalma ka lang. Saan mo huling ginamit yung usb mo?", pag-aalo sa akin ni Sam.



"Are we good?", hindi ko na nagawang sumagot sa tanong ni Sam dahil biglang dumating muli si Aki. Hindi ko magawang tumingin sa kanya dahil alam ko na kung anong kahahantungan ko. Miserable siguro talaga ang itsura ko dahil agad nagtanong si Aki kay Sam nang hindi ako makatingin sa kanya sa mata.
 


"What's going on Sam?", bumalik na ang pagkagalit sa boses ni Aki.



"We can't find Kyle's usb. Andun yung ginawa niyang powerpoint eh.", nakayuko ding sabi ni Sam marahil maging ito ay nakikinita-kinita na ang kalalabasan ng tagpong ito.



"You gotta be kidding me! Mr. Quijano! Wag mong dalhin hanggang dito ang katangahan mo! Hindi nagbabayad ang kompanya ng libo para sa isang empleyadong burara! I don't care kung kailangan mong languyin mula Zambales papuntang Maynila para kuhanin yung usb mo sa office! I need that damn thing now!", bulyaw sa akin ni Aki.



Sa ilang linggo kong pagtatrabaho para kay Aki ay nakasanayan ko nang palagpasin na lang ang mga ganitong klase ng eksena pero iba kasi ang sitwasyon ngayon. Nararamdaman ko ang mahigit sampung pares ng mga matang nakatingin sa akin ng mga sandaling iyon habang sinisigawan ako ng aking boss. Minsan niya na nagawa sa akin ang ganito sa harap ni Lyka at Sam. Pero mas matindi ngayon, dahil may mga taong ngayon ko lang nakilala ang nanonood habang pinapahiya niya ako.



"I'm sorry sir.", iyon lamang ang nagawa kong sabihin habang pilit ko pinapalakas ang aking loob. Hindi ko din talaga alam kung saan ko hahanapin yung usb ko. At may kasalanan din naman ako dahil hindi ko pinaghadaan ng maigi ang sandaling ito. 



"I don't need your sorry!!!! It won't do me any good! I need that damn file! Get your ass working and look for that usb!", muling sigaw sa akin ni Aki.



Hinihiling kong lamunin na lang ako ng lupa ng mga sandaling iyon. Nag-concentrate ako na maging labas masok na lang sa tenga ko ang mga sinasabi ni Aki at wag nang damdamin pa ang mga masasakit na salitang naririnig ko para mabawasan naman ang bigat ng aking dinadala.



"Is everything ok here?", tanong ni John na lumabas pa mula sa main room. 



"Yes.", maiksing ngunit mariing sagot ni Aki na nagpabalik kay John sa loob.



"Now faggot, for once prove to me that you're good at something else other than giving a man a good head. Get out of this room and look for your USB. Get out! Now!!!", sigaw sa akin ni Aki.



Nanginginig man ang aking tuhod ay ginawa kong lumabas ng kwartong iyon. Una ay dahil kailangan ko pang hanapin yung nawawalang usb, pangalawa ay dahil hiyang-hiya na ako.



Hindi ko na maatim ang huling sinabi ni Aki. That was too much. Para tawagin akong baklang magaling lang sa pagtsupa ay sobra na. Hindi ko na kilala ang Aki na nagagalit kanina. Sana ay hindi ko na lang pinilit na magkabati kaming muli, sana ay hindi kami umabot sa ganito.



Gustuhin ko mang palagpasin na lang at wag indahin ang sinabi niya ay hindi ko magawa dahil nasaktan talaga ang moral kobilang isang tao. Pakiramdam ko ay napakababa ng tingin niya sa akin. Isama pa ang mga maaaring isipin ngmga taong nakapaligid sa akin na hindi naman ako halos kilala.



Lakad takbo kong tinungo ang aming cottage, nagbabaka sakali akong makita roon yung usb ko. Gusto kong maglaho na lang bigla o kaya ay magising na lang sa masamang panaginip na ito.



May labing-limang minuto din akong naghanap pero hindi ko talaga makita yung usb. Noon ko naalalang lumabas nga pala ako dala yung usb ko. Nagtatakbo akong tinungo yung bench kung saan ako nag-revise ng aking report. Nang marating ang lugar ay hindi ko rin matagpuan ang aking hinahanap. Hindi ko na talaga alam ang aking gagawin. Gusto kong umuwi na lang sa bahay at kalimutang nagtrabaho ako sa kumpanya nila Aki.



Alam kong hindi naman ako pwedeng bumalik sa meeting room nang walang dalang usb dahil baka higit pa ang marinig kong sermon kay Aki. Baka dumating pa sa punto na mapagbuhatan niya na ako ng kamay dahil sa aking katangahan.



Narinig ko ang pagtunog ng aking phone.



"Hello Sam? I'm so sorry but I really can't find it. I dont know what to do.", pagsuko ko medyo gumagaralgal na ang boses ko dahil hindi ko na mapigilan ang aking luha. Napaupo na lamang ako sa bench dahil nawawalan na talaga ako ng pag-asa. Nahihiya din ako kay Sam dahil magkatulong naming ginawa yung powerpoint na iyon at ako ang pinagkatiwalaan niyang maghawak ng usb at magdala nito sa meeting. Pero heto ako ngayon mukang gahong naghahanap ng usb.



"May extra copy ka ba nung file sa office?", kalmadong sabi sa akin ni Sam. Nag-isip naman ako at doon ko na-realize na may kopya nga ako ng presentation sa isang cd sa aking desk.



"Oo Sam, meron!", excited kong sagot.



"Great! Nasaan? May kakilala ako sa office na nadoon ngayon. Ipakuha na lang natin sa desk mo tapos ipapa-email ko na lang yung file."



Sinabi ko kay Sam kung nasaan yung extra copy nung file. Pinayuhan naman ako nito na huwag nang bumalik pa sa meeting hall na ipinagpasalamat ko naman dahil wala din talaga akong mukhang maihaharap sa mga kasama ko. 



Nang kumpirmahin ni Sam na nakita na nila yung file ay noon lamang ako nakahinga ng maluwag. Noon ko lang din hinayaang tuluyang pumatak ang mga luhang kanina ko pang pinipigil.







....to be cont'd....

3 comments:

  1. grabe na talaga tong stroy na to ! . ang intense . WOOH ! . xD . nag aadrenaline rush ako palagi :) I HATE AKI ! . looking forward for the next chapterssssss :)) GODBLESS kuya sir author :)

    ReplyDelete
  2. nicee..... thanks sa update.. maganda ang weekend ko! wanted for more...

    -arejay kerisawa

    ReplyDelete
  3. gago yang aki na yan, maxado ng below the belt ang ginagawa nya kay kyle. stand for your right kyle at ipamukha mo kay aki na maxado nya ng penepersonal ung galit nya sau. Grrrr!

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails