Followers

Friday, October 4, 2013

DATI 4


By Aparador Prince

http://aparadorprince.blogspot.com/


DATI – Part 4

Pagdating nila Arran at kanyang ina sa kanilang bahay ay sinimulan nang mag-empake ni Arran ng mga damit. Ang kanang kamay lang niya ang ginamit niya upang maitiklop ang ilang t-shirts at shorts. Naglagay na rin siya ng isang libro sa bag kung sakaling wala siyang gawin sa paglagi niya sa Laguna.

Si Rina naman ay tumawag sa kanyang mga kakilala sa Laguna at nakahanap naman siya ng paupahang bahay na maaaring tuluyan ng anak habang nagbabakasyon ito. Siya na rin ang nag-ayos ng bayad sa renta, at binilinan ang caretaker na mamili ng grocery na makakain ni Arran. Alam niyang hindi marunong magluto ang anak kaya puro de-lata at noodles ang pinabili niya, at maraming pakete ng kape.


Habang nag-eempake si Arran ay dahan-dahang lumapit ang kanyang kapatid. Umupo si Ashley sa gilid ng kama. “Kuya…” tawag niya, ngunit nanatiling tahimik si Arran at patuloy na nag-ayos ng mga damit.

Nakatingin lang si Ashley kay Arran, sobrang apologetic ng mukha. “Kuya, sorry…”

“Huwag ngayon. Ayokong makipag-usap.”

“Hanggang kalian ka ‘dun?” tanong ng kapatid.

Tiningnan ni Arran ang kapatid, ang mga mata ay tila nangungusap na lubayan siya. “Bakit, magiging masaya ka kapag sinabi kong hindi na ako babalik?” Agad na inilayo ng binata ang tingin sa kapatid, at itinuloy ang pag-eempake.

Lalo naman na-guilty ang dalaga sa tinuran ng kapatid. Ashley knows she crossed the border, and her brother is really angry about what happened. “Hindi naman sa ganun. Gusto mo ipagdrive kita?”

“Just leave me alone.”

Dahan-dahang tumayo si Ashley mula sa kama. Tiningnan lamang niya ang kanyang kuya habang tinatapos ang pag-aayos ng mga gamit. Handa na itong umalis ilang saglit mula noon. “Sorry ulit.”

“Whatever.”

Nagbihis si Arran pagkaalis ng kapatid. Medyo hirap pa siyang magsuot ng damit dahil medyo namamaga at may mga galos pa ang kanyang kaliwang kamay mula sa impact ng pagbunggo niya. Nagsuot siya ng white t-shirt, faded jeans at rubber shoes. Binitbit na niya ang travelling bag at tinungo ang sala.

Nakaupo sa sofa at naghihintay si Rina sa pagbaba ng anak. “Ihahatid pa ba kita?” tanong nito.

Umiling lamang si Arran at umupo saglit sa tabi ng kanyang ina. “Sasakay na lang po ako sa bus. Okay lang po, I just need instructions kung paano pumunta sa sinasabi mong rest house.”

Ibinigay naman ni Rina ang address at itinuro kung paano pumunta sa naupahan niyang rest house. She told Arran that the house was just being maintained by the son of the owners. So hindi dapat siya masyadong mag-expect na magandang-maganda ang bahay. Tumango lamang si Arran habang nagpapaliwanag ang ina.

“That’s fine, mom. Mas okay din sigurong magbakasyon sa bahay lang kaysa sa hotel. At least may time ako para makapag-unwind.”

“I hope you’ll be fine after your vacation, anak. Mag-iingat ka.” Ang nag-aalalang sagot naman ni Rina. Napilit niya ang anak na ihatid ito sa terminal ng bus, upang hindi na mahirapan masyado sa pagco-commute.

Niyakap ni Arran ang ina bago sumakay ng bus, ilang minuto lamang ang hinintay ni Arran bago umandar ang bus na sinasakyan. Nakatingin lang siya sa bintana, minamasdan ang mga ilaw at mabilis na pagbabago ng tanawin habang binabagtas nila ang SLEX. Nakatulugan niya ang biyahe na umabot sa apat na oras dahil na rin sa pagod.

Alas nuebe na siya ng gabi nakarating sa harap ng rest house. Two-storey ito, may maliit na veranda at may ilang halaman at bulaklak na nakatanim sa garden sa gilid ng bakuran. Ang mga bintana ay yari pa sa capis, ngunit ang mga bintana naman sa taas ay jalousie na.

Kumatok siya sa gate ng bahay. “Tao po…”

Agad namang binuksan ng isang matandang babae ang pinto ng bahay, at sinalubong siya. “Naku, ikaw ba si Arran, yung anak ni Manang Rina? Ako si Nanay Luisa, caretaker ng bahay na to. Pasok ka.” Sabi nito sa kanya.

Medyo may kaliitan ang babae, siguro’y nasa 60s na ito. May katabaan, bilugan ang mata at may biloy sa kanang pisngi kapag ngumingiti. Inalok ng babae na siya ang magdala ng bag ni Arran ngunit tumanggi ito, sinabi niyang kaya naman niyang bitbitin ang bag.

“Ang laki-laki mo na! Samantalang noon, para kang bonsai sa liit! Naku matutuwa si Robert nito.” Ang masayang banggit ng babae.

Napakunot ng noo si Arran. “Robert?”, tanong niya ngunit nakalayo na ang matanda at nagsimulang magtimpla ng gatas. Hindi na rin inusisa masyado ni Arran kung sino ang tinutukoy ni Nanay Luisa.

“Nay, kape po iniinom ko.” Ang putol ni Arran nang makitang maglalagay din ito sa pangalawang tasa.

Tumawa ang matanda. “Naku, oo nga pala hijo, malaki ka na. Hala, kape na ang ititimpla ko. Siya nga pala, doon ka sa kwarto sa kaliwa tutuloy. Ayaw ipagalaw ni Sir Robert ang kwarto dati ng magulang niya. Pwede ka nang umakyat, pagbaba mo’y handa na itong kape mo.” Dugtong pa ni Nanay Luisa.

Dinampot na ni Arran ang kanyang bag at dumirecho sa sinasabing kwarto ng matanda. Wala itong laman, maliban na lang sa isang kama, cabinet at isang study table. Ibinaba ni Arran ang bag sa kama at sinipat ang lugar. Kulay light blue ang kabuuan ng kwarto, na tila hindi na pininturahan ng bago nang matagal na panahon. Lumapit siya sa study table at nakitang may mga bakas pa ito ng sticker at mga tattoo – yung madalas na makuhang libre sa bubble gum noong araw.

Napansin ni Arran ang mga guhit na nasa gilid ng tukador. Mayroon itong apat na linya na halos magkakadikit. May mga malabong sulat din ng B at R sa bawat guhit. Mukhang hindi na nga ito ni-renovate upang tirhan pa ng ibang tao.

Hindi na muna niya inayos ang mga gamit sa loob ng bag niya at nagpasyang bumaba na. Nakita niyang nakaupo na si Nanay Luisa at iniinom ang gatas na tinimpla niya. Naghihintay na rin ang kape para sa kanya. Umupo na si Arran sa katapat na upuan ng matanda.

“Sana kasya ka pa ‘dun sa kama. Hindi na kasi napalitan yun mula nang magpunta sila Robert sa Amerika.” Agad na sinabi ni Nanay Luisa sa binata. Hindi naman na-check ni Arran kung kasya siya, pero dahil hindi naman siya katangkaran ay pwedeng kasya pa siya sa kama.

                “Dito din pala tutuloy si Robert, bukas siya darating. Siya na ang namahala sa printing press ng magulang niya sa kapitolyo pagkatapos niyang makagraduate sa Amerika.” Dugtong pa ng matanda. Napaisip tuloy lalo si Arran at luminga-linga. May ilang cross stitch lang na nakaframe ngunit maliban doon ay wala siyang nakikitang kahit anong litratong nakasabit sa dingding ng bahay.

                “Sino po ba si… Robert?” tanong ng patuloy na naguguluhang si Arran.

                Tumawa ulit si Nanay Luisa. “Nako, mga batang ‘ire, lumaki lang eh nakalimutan na. Kalaro mo dati ‘yun, ito ang bahay nila. Noong nagpunta na sila sa Maynila ay ako ang kinuhang caretaker dahil ayaw naman nilang ibenta ‘tong bahay. Nagsabi pa nga ako sa nanay ni Robert nung tumawag si Kang Rina sa akin, buti at pumayag naman.”

                Tahimik lang pinakinggan ni Arran ang matanda habang iniinom ang kanyang mainit na kape. Bukas ay malalaman na din niya kung sino nga ba itong Robert na ito.

------------------------------------------------------------------------------------------------------------

                Nakahiga si Biboy sa sofa nila habang naglalaro ng Tetris sa Brick Game niya nang makarinig siya ng mahinang tawag sa kanya. Nakita niya sa bintana si Ran-ran na nakangiti. Tumayo si Biboy para pagbuksan ng pinto ang kalaro. “Huwag kang tumapak dyan sa mga paso, baka mabasag. Mapapagalitan tayo ni mama.”

                Agad namang bumaba si Ran-ran sa pagkakatungtong sa mga paso. “Sorry. Excited lang ako kasi may ipapakita ako sa’yo.” Tuwang-tuwa naman si Ran-ran habang hawak sa kamay ang nais niyang ipakita.

“WOW!”, bulalas ni Biboy nang ipakita ni Ran-ran ang kanyang bagong laruan. Isang kulay berdeng Tamagochi. Binilhan siya ng kanyang mommy dahil mataas naman ang nakuha niyang grades noong nakaraang school year. “Kaso bakit hindi gumagalaw?” tanong ni Biboy.

                “Kasi, itlog pa lang siya. Pag napisa na yung itlog, lalabas na yung pet mo.” Paliwanag naman ni Ran-ran. Kahit hindi pa niya talaga nalalaro ang Tamagochi niya ay ipinaliwanag na sa kanya ng kanyang ina ang dapat niyang gawin. Kailangang ituring na alaga ang Tamagochi. Papakainin, papaliguan at papatulugin.

“Aaaah. Edi hihintayin natin na mapisa yung itlog?” usisa ulit ni Biboy. Gusto din niyang magkaroon nito ngunit nasanay na silang naghihiraman ni Ran-ran ng mga laruan, alam niyang papahiramin din siya nito minsan.

“Hindi ah, matagal bago mapisa ang itlog. Tara laro muna tayo ng Family Computer nyo! Laro tayo ng Super Mario!” yaya ni Ran-ran sa kaibigan, hinawakan ang kamay ni Biboy at niyakag na pumunta sa bahay ng huli.

“Sige tara, basta ako si Mario.” Sagot naman ni Biboy. Madalas din silang maglaro ng Family Computer kapag walang ibang bata na nasa labas. Masaya naman sila kasi two-player ito, hindi katulad ng mga brick game nila.

“Okay lang, gusto ko naman si Luigi kasi kulay green ang suot niya.” Pagsang-ayon naman ni Ran-ran.

Ilang minute pa ay nagsimula na silang maglaro ng Family Computer. Mas magaling maglaro si Biboy kaysa sa kaibigan dahil naglalaro siya nito kahit wala si Ran-ran. Nakatingin lamang ang anim na taong bata sa pagtalon ni Mario sa mga kalaban. Maya-maya ay tila naiinip na si Ran-ran sa simpleng panunuod sa paglalaro ni Biboy. Matagal kasi bago ma-dead si Mario kaya hindi pa niya malaro ang character niyang si Luigi.

“Ayoko na maglaro n’yan. Ang galing mo eh, hindi na ako makakalaro.” Nakangusong sambit ni Ran-ran, binitawan ang control stick ng Family Computer.

Tiningnan lamang siya ni Biboy. “Ang daya mo naman Ran-ran, naglalaro pa ako eh. Pero sige, iba na lang laruin natin. Hanap ka na lang ng bala d’yan sa kahon.” Sagot ni Biboy habang hinuhugot ang cartridge mula sa Family Computer.

Nagsimula namang maghalungkat si Ran-ran ng pwedeng malaro, nakita niya ang bala ng Twin Bee. “Eto! Eto! Sabay tayo maglalaro nito diba?” Eto yung may baril-barilan ng spaceship!” masayang sambit niya habang iwinawagayway ang balang napili niya.

Ngumiti lang si Biboy at isinalang ang bala sa Family Computer. Nagsimula na silang maglaro nang may mapansin si Ran-ran sa kanyang spaceship.

“Biboy, ayoko na nitong nilalaro natin. Kasi kulay pink yung spaceship ko, yung sa’yo blue. Pambabae yung pink di’ba?” tanong ni Arran pagkatapos i-pause ang laro nilang dalawa.

Tumawa naman si Biboy sa tinuran ni Ran-ran. “Mas madami lang ang may gusto ng kulay na pink, kaya iniisip ng lahat na pambabae yun. May mga babae naman na nakapantalon ah. E nagsusuot din naman ang mga lalaki ‘nun.”

Tumatango-tango naman si Ran-ran at pilit inuunawa ang paliwanag ng kalaro.

“Kaya ikaw Ran-ran, hindi dahil sinabi ng maraming tao ang isang bagay ay ‘yun na ang tama.“ Nakaisip din si Biboy ng solusyon sa problema nilang dalawa. “Oh sige, palit muna tayo ng controller.”
Si Biboy na ang naglaro ng Player 2, at kay Ran-ran naman ang Player 1. Minsan ay nagpapalit ulit sila ng controller kapag pareho silang natatalo sa level.

Nang magsawa sila sa paglalaro ng Twin Bee, naisip agad ni Biboy kung ano ang nangyari sa Tamagochi ni Ran-ran.

“Ran-ran, tingnan na natin yung Tamagochi, baka na-hatch na yung itlog.” Suhestiyon niya na agad namang sinang-ayunan ng kalaro.

“Ay, itlog pa rin. Kaso malapit na akong umuwi sa bahay mamaya. Baka di mo na makita kapag na-hatch na.” malungkot na sabi naman ni Ran-ran nang tingnan nila ang screen ng laruan.

“Ayos lang ‘yun. Basta lagi mo na din dadalhin ‘yan para maalagaan nating dalawa.”

Agad na ngumiti si Ran-ran. “Oo naman! Biboy, pwede pa ba tayong maglaro ng Family Computer? Sabi kasi ni mommy hindi na daw siya bibili n’yan kasi meron ka na.”

Ginulo ni Biboy ang buhok ng kalaro. “Sige, ayos lang sa akin. Maglaro tayo ng Contra!”

Muling naglaro ang dalawang bata, walang humpay ang sigawan at tawanan ng dalawa lalo na kung nalalaglag sa ilog ang mga character nila. Sa isang level, ay tila nahihirapang italon ni Ran-ran ang character niya upang makasabay sa paglalakad ng character ni Biboy. Pilit na itinataas ng bata ang controller kasabay ng pagpindot dito, umaasang makakaabot ang talon ng character sa ginagawa niya.

“Biboy, di ako makaalis dito sa baba.”

Lumipat ng pwesto si Biboy sa likod ni Ran-ran at inalalayan ang kalaro sa paggamit ng controller. “Huwag mo kasing didiinan ang pagpindot, dapat sakto ang talon para hindi ka malaglag. Habang hawak ni Ran-ran ang controller niya ay nakahawak din si Biboy sa kamay ni Ran-ran, upang ma-guide ang kalaro. Si Ran-ran naman ay nakatitig at nakanganga habang nakatingin sa TV, tila iniisip kung paano gagawin ‘yun sa susunod.

“Oh ayan, nakaalis ka na. Lakad na tayo!” ang masayang saad ni Biboy. Kumalas na siya sa pagkakahawak sa kamay ni Ran-ran at dinampot ang sariling controller.

“Ang galing mo talaga, Biboy!” ang namamanghang sigaw ni Ran-ran. Itinuloy na nila ang paglalaro ng Contra sa loob ng halos labinlimang minute.


Ngumiti at nag-thumbs up pa si Biboy sa kalaro. “Syempre naman , ako si Shaider eh.”

14 comments:

  1. dalawang kwento na nmn, hehe. daapt kasi pinaghiwalay nlang ang kwento ni arran at nung dalawang bata.. thanks sa update.

    0309

    ReplyDelete
    Replies
    1. ayos lang yan 0309. mas ayos kasi kung dalawang kwento ang susubaybayan for the meantime :)

      Delete
  2. CHILDHOOD MEMORIES.:))
    Grabe ang ganda ng stories. 2 in one. Hahah binabalik ako sa kabataan ko!
    Nice work, Author

    -brown temptation

    ReplyDelete
    Replies
    1. salamat brown temptation :) naku pag nagsusulat ako madalas trip to memory lane din ang nangyayari. hahaha. naiinis ako kasi palaging gamit ko si Luigi nung bata pa ko. PSH

      Delete
  3. love ko tong kuwento mo Prince. bitin lang sa chapter na to pero ok na. excited na ako sa susunod na post. ano na ba ngayon si Biboy? please next chapter na....

    ReplyDelete
  4. so, Biboy ay si Robert nung bata pa sila?
    at si Ran-ran ay si Arran ngayon?

    childhood sweetheart!
    ang sweet! ^^,

    ReplyDelete
    Replies
    1. si biboy ay si... hirap sabihin eh. haha. thanks sa pagbabasa ferds! ikaw ba, may childhood sweetheart? haha

      Delete
  5. Sarap talaga ng chilhood memories :)

    Nakaka relate ako

    ReplyDelete
  6. Sarap talaga ng chilhood memories :)

    Nakaka relate ako

    ReplyDelete
  7. i think tama c ferdinand d ba prince?cla ung magkakababata na nagkahiwalay, kaya nga DATI ang title eh. he he he

    ReplyDelete
    Replies
    1. hmmm mahirap pa magbitaw ng susunod na kwento. lol :)

      uy robert din name mo! hehe

      Delete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails