Author: Menalipo Ultramar
Email: menalipodeultramar@gmail.com
-------------------------------------------
Tumigil sa paglalakad ang lahat ng tao sa hallway na iyon.
Tumigil sa pagkain ang mga taong nasa canteen na katabi ng hallway. Maski ang mga tindera ay nagulat sa sa sinabi ko.
Tumigil ang mundo ko.
Pero hindi ang mundo ni Chong. Patuloy pa rin siyang naglakad na katulad ng isang maharlika, may buong galang, pag-iingat at hinhin. Naglakad siyang mistulang hindi sumasayad ang paa sa lupa, at kasabay noon ang tila pagsayaw ng kanyang gray na body bag, na nakasukbit sa kanyang kaliwang braso, sa saliw ng kanyang paglalakad.
Bwisit lang. Pakshet.
Bumalik ako sa katinuan ko noong marinig kong may mga nanga-alaska na sa akin, may mga umaarte na kinikilig at may mga sumisigaw ng “Wiiiiiiihhhhhhhhhhhhhhh,” yung expression kapag may loveteam at gustong ipilit na loveteam sa mga classrooms. May sumisigaw rin ng “Kiss naman diyan!” Hindi ko lang alam kung masasabi pa niya iyon kapag nalaman niyang lalaki pala ang sinabihan ko ng mga salitang iyon. Parang maski ako di ko maatim...
May iilan rin na sinundan ng tingin si Chong, pero wala lang. Patuloy pa rin siyang naglakad patungo sa Engineering Building ng walang halong kalituhan at pagkagaslaw. Lumakad pa rin siya ng panatag at tahimik.
Hindi ko siya pwedeng sundan. Baka paglingon ko ay tingin na ng pandidiri imbis na tingin ng pagnanasa ang isalubong sa akin ng mga taong nakatingin kay Chong, na isang taong katulad kong lalake ang sinabihan ko ng mga salitang DAPAT ay sinasabi ko lamang sa mga babae. Kaya wala akong nagawa kundi tahakin ang kabilang labasan ng hallway na iyon, na tulirong umalis sa nakakahiyang pangyayaring iyon.
Naisip kong umuwi. Kaso hindi ko kasama si Fred. Pagdududahan ang isa sa amin, it’s either isipin nilang naglakwatsa si Fred o nag-cutting classes ang kakambal niyang si Fonse. Pakshet. Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Pero may isa pa pa lang haven ang mga taong problemado na kagaya ko. Actually, hindi kailangang problemado ka, hindi kailangang bagsak ang lahat ng subjects na tinatake mo, sapat nang adik ka sa DOTA.
Kaya pumunta ako sa sikat na Internet Cafe sa paligid ng University namin. Pumili ako ng unit at naglog-in sa Warcraft. Medyo tahimik pa ang lugar, wala pa kasing masyadong naglalaro. Nang tiningnan ko ang orasan ko, 9:30 pa lang pala. Bwisit, hindi ako nakapasok sa unang klase ko dahil sa katangahan at kaepalan ko, tae talaga. Teka, bakit ko ba sinisisi ang sarili ko, nangyari yun dahil kay Chong. Kung hindi niya ako inisnab-isnab, hindi to mangyayari. Pero kung hindi siya nagkagusto sa akin, hindi niya ako iiwasan. Pero masisi ko ba si Chong kung nagkagusto siya sa akin, sa gwapo ko ba namang ito? Teka, sinabi ba talaga niya yun dahil talagang gusto niya ako, o sinabi lang niya yun para layuan ko siya. Pwede naman niyang sabihin na bad breath siya, na may putok siya, na malas siya, at higit sa lahat, na nagseselos siya sa akin dahil mukhang nililigawan ko si Jenilyn? That it means war? Ibig sabihin, talagang gusto niya ako!! Okay, ano ang dapat kong maramdaman. Matutuwa ba ako, matutuwa, o matutuwa? Matutuwa ba dahil panalo ako, at simula’t sapul ay hindi pala niya ako natiis, o matutuwa dahil gus....
“Putangina, bakit di ka umatake. Ang bopols mo, CHONG!!!”
Napalingon ako. Napalingon ako ng nakakunot ang noo. Sino yung tinatawag niyang Chong? Andito ba si Chong? Paanong pupunta sa ganitong lugar si Chong? At sinong gago ang nagmumura kay Chong? Kung nandito nga si Chong, nandito ba siya para sundan ako?
“Patay ka ngayon, CHONG! Hina mo, pre!”
Saka ko nalaman na ininsulto na pala ako. Halos mamatay na ako sa laro. Parang walang epekto yung paglalaro ko. Nasayang lang ang panahon at pera ko. Binabalahura pa rin ako ng nangyari kanina.
Pero nagpatuloy lang ako sa paglalaro. Babawi ako, hindi ako pwedeng matalo, wala akong ma-ibrabrag mamaya. Pagtatawanan lang ako. Teka, pinagtatawanan kaya ako ngayon ni Chong? Iniisip niya kaya kung anong expression ko habang sinasabi kong gusto ko rin siya? Naiisip niya kaya akong seryoso, nagmamaka-awa, o parang musmos habang sinasabi ko yun? At kung oo, paano niya kaya ako pinagtatawanan ngayon? Halakhak ba? O yung cute niyang pigil na pagtawa kapag kasama niya si Jenilyn at yung iba pa niyang kaklase nung High School? Sayang, kaklase ko pa naman siya ngayon. Kung hindi lang nangyari yung kanina, di sana tinitingnan ko pa rin siya sa gilid ng aking mga mata...Sana...
“Tang-ina, sa’yo ako pumusta, tol! Papatalo ka na lang, CHONG!!”
Anak ng tokwa, nanaginip pa rin ako. Sa sobrang inis ko sa mga pinagsasabi nila, tinodo ko na lang yung pakikipaglaban. Salamat na lang at naka-kill ako ng isa. Parang night club na naman ang cafe sa sobrang ingay. Saka ko lang narealize na ang dami na pa lang tao sa loob.
“Pre, diba may klase ka ngayon?” tanong ni George, kaklase ko sa isang subject.
“Oo, pre, kaso wala ako sa mood pumasok eh. Kailangan kong maglaro!”
“Eh, nasaan si Fred?”
“Hindi ko alam pre, teka sandali! Puta, balik ka na sa nanay mo, pre, haha! Teka, George. Baka pumasok si Fred, tol.”
“Ba, anong meron at hindi kayo magkasama?”
Pero hindi ko na siya sinagot. Wala akong paki ngayon kay Fred, hindi rin naman niya ako tinetext. May problema akong hindi ko pwedeng sabihin sa kanya. Baka nga ngayon, nagsasawa siya sa kakatingin ng pasulyap kay Chong. Magkakaklase kasi kaming tatlo sa ilang subject, at kabilang na doon ang subject na dapat ay papasukan ko ngayon.
Medyo madalas, ko rin kasi siyang makitang, sumusulyap kay Chong, yun ang kung tama ako. Minsan kapag kinakausap ko siya at nagtatawanan kaming magbabarkada, makikita ko na lang siyang walang imik. Yun pala, kahit na nakatuon sa board ang ulo niya, nakadiretso sa upuan ni Chong ang mata niya. Ang totoo, paminsan-minsan, napapagkuwentuhan namin si Chong, pero maigsi lang. Kapansin-pansin kasi talaga yung pag-iwas sa amin ni Chong, maski sa dalawa pa naming kabarkada na si Lemuel at Brix. May iilan-ilan na rin naman kasi siyang pinapansin noon, kahit hindi pa niya gaanong ka-close. Kapag nasasalubong namin si Chong at hindi niya kami pinapansin...
“Ang suplado talaga,” masasambit na lang ni kuya habang ngumingiti.
“Bakit kaya ang sungit non, sa tingin mo may gusto sa atin?” hirit naman ni Brix.
“Hindi naman pre, lalaking-lalaki tingnan eh,” panananggol ko. Totoo naman eh. Hindi mo aakalaing bakla si Chong. Sa tindig, sa kilos, sa pananalita, wala kang makikitang matatawag na pambakla.
Sasabihin naman ni kuya, “Tae, oo nga no. Pansin niyo, medyo mahinhin maglakad. Parang babae, hahaha!”
“Maging kamukha muna natin siya, bago siya magkagusto sa atin. Mukha kaya siyang tsonggo. Kaya siguro Chong ang apelyido niya. Chong-o. Hahahaha!”
At maghahalakhakan silang lahat. Makikigaya na lang ako. Totoong nakakatawa yung pinag-uusapan nila, pero the fact na tungkol yun kay Chong, parang hindi ko magawang tumawa. Hindi mabilang na beses naulit ang usapan na iyon, katulad ng hindi mabilang na beses na pag-iwas sa amin ni Chong. Saka ko na lang malalaman na ako pala ang magiging katawa-tawa dahil totoo ang iniisip nila.
Hindi ko na lang sinagot si George, kaya umalis na lang siya. Pinipilit ko pa ring magconcentrate sa paglalaro. Pero ano nga kayang ginagawa ni Fred ngayon? Sumusulyap pa rin kaya siya kay Chong? Paano kung mapagkamalan siya ni Chong na ako at tanungin siya kung totoo ba yung mga nasabi ko kanina? Paano kung malaman ni Fred? Pero papano kung sakyan lang siya ni kuya at makipagrelasyon sa kanya? Paano kung sirain lang ni Fred si Chong? Pero papaano rin kung may gusto rin pala kay Chong si Kuya...
“Fuck, pare! Ang hina mo, CHONG!!”
“Tay daneng, CHONG!! Saan ka ngayon! Panalo na ako!”
“Shet!! Shet na malagkit!! Yung ipinusta ko, CHONG!”
“CHONG, CHONG, CHONG...”
“PUTANGINA, TUMIGIL KAYO SA KAKA-CHONG!!”
Natigilan silang lahat. Maski ako natigilan. Hindi ko akalaing maiisisigaw ko yun. Wala akong magawa kundi pumikit ng matagal at isipin ang susunod na gagawin. Saka ko naisip na wala akong maaaring ibang gawin kundi tumakas. Kumaripas ako ng lakad papunta sa pinto ng cafe.
“Ser, teka, bayad niyo po ser!”
Anak ng...panira ng moment! Natigilan ako, pero kung tuluyan akong aalis, hindi lang ako magmumukhang timang, magmumukha rin akong magnanakaw. Kaya lumingon na lang akong muli, dumukot ng fifty pesos at hindi na kinuha ang sukli. Saka ako tuluyang umalis. Nasa labas na ako ng pinto, nang marinig kong nag-uusap yung mga tao sa loob ng cafe, yung iba nagtatawanan. Anak ng dakilang tokwa, ilang beses ba akong mapapahiya ngayong araw? Hindi pa ba sapat ang isa?
Wala akong ibang nagawa kundi bumalik sa campus. Pumunta ako ng Engineering Building para pumasok sa susunod kong klase. Malapit na ako sa building nang biglang tumugtog ang bell, senyales na eksaktong 12 o’ clock na. Nagutom tuloy ako. Saka ko lang rin napansin na puno na pala canteen. Pero nagugutom na talaga ako, kaya wala akong nagawa kundi umorder ng pagkain. Yung famous na chicken roll ng isa sa mga canteen doon ang inorder ko, yung madalas na ino-order ni Chong kapag nakikita ko siyang kumakain sa canteen na iyon. Mas madalas kasi kaming kumaing magbabarkada sa mall na malapit sa labas ng campus. Pinuno ko gravy ang plato ko, ginawa ko talagang sabaw, katulad ng ginagawa ni Chong. Teka, hanggang pagkain ba naman, Chong pa rin. Anak ng chicken roll na may gravy...
Kaso wala akong makitang upuan, gutom na gutom na pa naman ako. Paikot-ikot ako sa canteen para humanap ng upuan, actually wala kang makikitang individual seat sa canteen na yun. Yung isang table, pwedeng okupahin ng apat, tig-dalawang tao, magkabilaan. Pero kung gusto niyong magkakalapit talaga kayong lahat ng mga kaibigan niyo, anim ang maximum na taong kaya ng mga tables na yun. Kaya napaka-hirap talaga kapag kumain ka ng mag-isa sa canteen na iyon, tatagos talaga sa utak mong mag-isa ka lang sa mundo, lalo na kapag magkakakilala yung mga katabi at ikaw lang ang naiiba. Hindi ko nga alam kung paano naaatim ni Chong na kumain ng mag-isa doon.
Paikot-ikot pa rin ako, pak. Pinuntahan ko na pati yung mga wooden tables na tabi ng canteen pero wala talaga. Bumalik na lang ako sa mismong canteen, at kinasiyahan ako ng langit. Nakakita ako ng table na pwede pang upuan ng isang tao, may dalawang babaeng estudyante lang kasi na naka-PE ang naka-upo ng magkabilaan. Ayos! Makakain na ako. Kaso, pagtingin ko sa ikatlong tao, nakakita ako ng isang pamilyar na mukha.
At muli, parang akong pinapatay ng mga matang napakatalim at pailalim ang tingin.
Tinamaan na naman ako. Hindi ko tuloy alam kung doon talaga ako kakain, sariwa pa kasi yung nangyari kanina. Baka sa pagkakataon na ito, hindi na ako magsisisigaw, baka siya naman, pero baka imbis na words of admiration ang marinig ko, eh baka mura ang kainin at lapain ko. Pero gutom na talaga ako. Tsaka napaka-reserved kayang tao ni Chong, kanina nga hindi niya ako nasigawan, ngayon pa kaya. Baka ngayon, kausapin niya ako, saka lang ako magkakaroon ng magandang memorya tungkol sa chicken roll.
“Pwedeng maki-share?” ang tanong ko, sabay ngiti at pagpapakita ng dimples.
Hindi na nag-iisip yung dalawang babae, buong giliw silang tumango, para pa ngang kinikilig eh. Pero hindi na rin naman nag-isip si Chong, kasi matalim at pailalim na titig ang isinagot niya sa akin. Hindi na nagtagal yung dalawang babae, tapos na pala silang kumain. At dahil doon, kaming dalawa lang ni Chong ang nasa lamesang iyon.
Parang bumabagal ang takbo ng oras...
Ngayon ko lang siya napagmasdang kumain. Laging pagilid kasi ang tingin ko sa kanya kapag nagkakasabay kaming kumain sa canteen, kahit na malayo ang pagitan ng kinakainan niya sa kinakainan ko. Kailangan ko pang antabayanan kung titingin rin siya sa akin. Pero ngayon, hindi na kailangan ma dislocate ng eyeballs ko. Ngayon, nasa harap ko siya mismo...
Hindi ko alam, pero, ang cute rin pala niyang kumain! Ang sarap kurutin! Ang cute lang niyang tingnang ngumuya ng nakasara ang bibig, yung tila naiipon yung pagkain sa pisngi. Ang hinhin ding kumain, napakabagal pero hindi rin napakabilis. Parang nilalasahan niya yung bawat butil ng pagkain, nakakagutom tuloy lalo. Pero hindi ko nagawang isubo ang kutsara sa bibig ko, parang sapat na sa akin na pagmasdan siyang kumakain. Hindi kaya niya ako mahuli? Hindi kaya niya ako nakikita habang tinititigan siya? Kung nakikita niya ako, bakit hindi niya ako sinisita? Ibig sabihin ba noon eh gusto niyang tinitingnan ko lang siya?
“Alam mo bang it is rude to stare. Anong tinitingin-tingin mo? Gusto mong maging bato?”
Natauhan ako. Tiningnan na naman niya ako ng pailalim, pero hindi nagtagal, pinagpatuloy rin niya ang pagkain sa chicken roll niya. Wala akong nagawa kundi kumain na rin. Sabi ng marami, napakasarap ng chicken roll na inorder ko. Actually yun ang best-seller ng pinagbilhan ko ng pagkain, laging simot yun araw-araw. Pero hindi ko malasahan yung sinasabi nilang sarap ng chicken roll, maski yung linamnam ng gravy, ang nalalasap ko lang ngayon ay yung katotohanang sa unang pagkakataon, magkasabay kaming kumain ngayon ni Chong.
Katahimikan.
Kailangan kong magsalita. Kailangan kong mag-initiate ng conversation, siguro sinasadya niya talagang manahimik, para ma-bore ako, para lubayan ko na siya. Kapag magkasabay naman sila ni Jenilyn kumain, ang ingay-ingay nila, tsaka lagi naman silang tumatawa.
Pero pwera sa ingay ng mga estudyanteng nasa paligid namin, nakakabinging katahimikan ang bumalot sa amin.
“Ang sarap ng chicken roll no, maski yung gravy malasa...”
Pero hindi siya sumagot. Tahimik pa rin niyang ninanamnam ang pagkain sa harap niya. Parang hangin lang na umiihip sa harap niya ang mga salita ko.
“Pwede ba akong magtanong?”
Nagulat ako. Sa wakas, nagsalita rin siya. Minsan, may bunga rin talaga ang mga malas na pangyayari sa buhay mo. Kahit na ilang beses akong napahiya, at least, eto naman ang naging bunga. At least, ngayon, alam ko nang wala talagang makakatiis sa akin, walang makaka-ayaw sa maamo, mala-anghel at napakagwapo kong mukha.
Tiningnan ko siya. Parehong nakataas ang kilay niya, pero this time, hindi sungit ang ipinapahiwatig, kundi pagtatanong, paghihintay ng sagot. Maski ako nahawa sa expression niya, napakunot na rin ang ulo ko. At nagtagal yun ng ilang segundo...
“Ah?...Ah! Ahhhh, sige ba! Ano ba yung tanong mo?” ang sabi ko sa masiglang tunog. Sinadya ko talaga yun, kahit natural na sa akin. Kailangan kong ipakita na masaya akong kausap. Sinabayan ko pa yun ng nakakabighaning ngiti.
“Mi....”
“Ano?”
Di na ako makapaghintay, ganoon ba kaseryoso yung tanong niya? Ano ba yung “Mi?” na yun? Minamahal mo ba talaga ako? Minamahal din kita? Mina ka ba? Minamasaker mo yung puso ko kapag hindi mo ako pinapansin? Mi? Mi? Mi? Ano ba talaga?!
“Mi...”
“Minomolestiya ka ba noong bata ka?”
How romantic. Fuck.
hahaha yung mi mi mi ang benta
ReplyDelete-Lorcan