Followers

Monday, February 1, 2010

"Tol... I Love You!" [4]

Mistulang tutulo na rin ang mga luha ko habang kinakanta ng kasama naming singer ang kantang “Lead Me Lord”. Ang bawat kataga noon ay tila mga sibat na tumatama sa bawat puso naming mga participants. Ewan ko kung ano ang mga nasa isip ng mga kapwa kong “buddies“ pero sa kanta pa lang ay tila nanumbalik ang katinuan ng pag-iisip ko, pakiwari ko ay may gumagapang na lungkot sa buong katawan, may hinahanap na kung ano sa kaibuturan ng aking pagkatao. “Bakit nga pala narito ako sa mundong ito na ni minsan hindi ko naman pinili o ginusto ang ipanganak dito? Sino ba ang nagdesisyon nito para sa akin? At bakit? Bakit sa parte pa ng mundong ito, at sino ang pumili para sa akin ng mga magulang ko, ng ganitong klaseng buhay ko…? Ano purpose ko dito sa mundo?

“Shiiiiiittttt! Bakit ba ako napasali pa dito!” Sigaw ko sa sarili, di makapaniwalang masadlak ako sa ganoong klaseng activity. Naramdaman ko na maraming tuwalyang mapipiga sa dami ng luhang expected kong aagos sa activity na iyon. Ako kasi, ayaw ng iyakan o sobrang drama. Gusto ko masaya, katatawanan, kantyawan, bangkaan ng kung anu-anong kabulastugang experiences.

Nagsalita ang aming moderator. “Gawin muna nating semi-circle ang arrangement ng pag-upo natin…”

Tumayo kami at nag-adjust sa pag-upo sa mabuhanging beach upang ma-porma ang semi-circle, karamihan ay naka-upong naka cross-leg. Noong makapwesto na ang lahat, pumwesto naman sa bakanteng space paharap sa amin ang moderator at naupo sa sentro nito. “Itong lugar na inuupuan ko paharap sa inyo ay tatawagin nating ‘hot seat’. Kung sino ang magsasalita o magsi-share ay lilipat dito at dito uupo. Ang sequence naman ng pagsi-share ay through lottery. Kung sino iyong nagsasalita ay pagkatapus niya, siya ang bubunot ng pangalan ng susunod na mag-share. Dito bubunutin ang pangalan.” At inangat niya ang garapun kung saan nakalagay ang mga pangalan namin. “Wala bang tanong?”

Walang sumagot.

“At… oo nga pala, libre kayong magbigay ng katanungan, kumento o payo. Ngunit bawal ang criticism o ang makikipag-argumento. OK, ako ang bubunot sa pangalan ng unang magsasalita” At dinukot na ng moderator ang pangalan ng unang magsasalita.

Nong binasa na ang pangalan, pangalan ng isang babaeng kasama namin. Siya iyong baguhan sa school na galing ng Maynila at bagamat nakikita namin sa panlabas niyang anyo na isa siyang magandang babae, sexy, magandang magdamit, pang beauty queen o model material, masayahing kaibigan, palabiro at sweet sa lahat ng mga myembro, hindi pa namin talaga siya masyadong kilala. Tumayo siya at pumwesto na sa lugar kung saan unang nakaupo ang moderator habang ang moderator naman ay umupo sa inuupuan noong babaeng magsi-share.

Noong maupo na ang babaeng “buddy” naming iyon, sobrang tahimik ang lahat animoy nagpipigil ang bawat isa sa kung ano mang emosyon ang pweding umapaw. Sabi ko naman sa sarili, “Ah, ano naman kayang i-share nito, e, kung titingnan mo sa panlabas na anyo, ay tila wala na itong mahihiling pa sa buhay.”

“Magandang gabi –“

“Magandang umaga!” ang pagbutt-in naman ng moderator namin, pansin ang alertness niya at kasanayan sa pag-handle ng ganoong klaseng activity.

“Ay… umaga na pala. Good morning!” sambit niya, napangiti sa pagkakamali, at natawa naman ang lahat, bagay na nagpapagaan sa mabigat na emosyon sa tagpong iyon.

“Ok…” ang pagsimula uli ng buddy naming nasa hotseat na tila ay humugot ng lakas ng loob na magsalita. “Ang pinaka-low na parte ng buhay ko na hanggang ngayon ay nandyan pa rin ang bakas ay iyong…” napahinto siya ng sandali, pilit na pinigilan ang pag-crack ng boses

Pigil-hininga naman kaming mga nakikinig.

“…naanakan ako. Aaminin ko sa inyo, na kaya ako lumipat ng school ay dahil gusto kong iwasan ang mga masasakit na alaala sa parte ng buhay ko na iyon. Noong malaman ng boyfriend na buntis ako, gusto niyang ipalaglag ang bata. Hindi ko sinunod ang gusto niya. At noong malaman niyang hindi ko siya sinunod, iniwanan niya ako. Ang masaklap, nadiskubre kong may asawa pala siya at sumugod sa eskwelahan ko ang asawa niya. Nag-iskandalo ang babae at tuloy, nalaman ng buong campus na naging kasintahan ko ang isang may pamilyang tao, at na buntis ako. Sa hiya, hindi ko na tinapus pa ang semester. Galit na galit sa akin ang papa ko at pinalayas ako sa bahay. Lumayas ako. Iyon ang panahon na pakiramdam ko ay gumuho ang mundo ko. Hindi ko na naramdaman pang may pag-asa at pakiwari ko ay lahat ng tao ay galit sa akin, pinagtatawanan ako, pinagkaisahan. Sa totoo lang, ilang beses ko ring pinag-isipan ang magpkamatay. Mabuti na lang at kahit papaano, nandoon ang mama ko at patuloy na sumusuporta. Naramdaman ko ang pagmamahal niya at pagdepensa niya sa mga paninira sa akin. Kinausap niya ang tita na doon muna ako pansamantalang titira sa kanila – hanggang sa panganganak ko… Pinilit kong itago sa mga kaibigan ko ang mapait na kalagayan at masakit karanasan sa takot na di nila ako maintindihan o matanggap. Kaya lumipat ako ng paaralan dito sa probinsya. Ngunit ang hirap pala kapag may itinatago ka… sobrang bigat ng kalooban.” Huminto siya ng sandali, pinahid ang mga luha sa kanyang mga mata at noong tila nahimasmasan, binitiwan ang isang pilit na ngiti. “Ngunit hindi ko pinagsisihan ang pagsuway sa boyfriend ko na ipalaglag ang bata. Isang taon na ang baby ko ngayon. Malusog na batang lalaki, bibo, makulit... Siya ang inspirasyon ko ngayon at bubuhayin ko siya kahit ano man ang mangyari…”

Iyon ang kwento ng unang kasama namin sa nag-share. Napa “Shit!” naman ako sa sarili sa pakiramdam na tila may sumundot-sundot na kung ano sa puso. May sumunod na mga tanong sa kanya kagaya ng natanggap na ba niya ang kalagayan, ano ang naramdaman niya ngayon para sa ama na hindi nakapagbigay ng suporta, ano ang dulot at impact ng karanasan niya na iyon sa pananaw niya sa buhay, kung wala ba siyang pinagsisihan o gusting ituwid sa sarili kung mayroon man, at ano ang naramdaman niya ngayong nabunyag niya sa amin ang sikreto niya.

Ang huling tanong na iyon at ang sagot niya noong sinabi niyang “gumaan ang pakiramdam niya” sa pag-unload niya sa amin ng kanyang saloobin ang nagpaisip sa akin ng malalim dahil naranasan ko ang sinabi niya na sobrang hirap kapag may itinatagong sikreto.

Noong wala nang nagtanong, group hug.

Ang sunod na pangalang nabunot ay sa isang lalaki. At sa hotseat isiniwalat niya ang mga hinanakit sa mga magulang noong naghiwalay ang mga ito. Syempre, umiiyak dahil sa mga emotional at financial na kahirapang naranasan. “Noong una, sobrang sakit at hirap tanggapin na ang papa ko ay nasa ibang bahay, sa ibang pamilya at kaming apat magkakapatid ay nagkahiwa-hiwalay din. Yun bang pagbabago ng nakasanayan, iyong pamilyang buo, iyong pagmamahalan na nasira, iyong saya na biglang naglaho. Syempre, iyong pagmamahal ng magulang, iyong psychological na hirap, at dagdag pa dyan iyong finances, hindi na kami regular na binibigyan ng suporta. Minsan walang pera, walang baon, nangungutang para lang maka-attend sa test, iyong mangungutang ang mama ko uli at hindi pauutangin dahil may utang pang hindi nabayaran… Hirap! Kahit anu na lang ang naiisip ng mama ko. At dahil sa ako ang panganay, di ko na rin alam ang gagawin upang makahanap ng paraan para makatulong. Hindi ko alam kung hanggang saan ang paghihirap naming. Pero, para sa akin, habang buhay, lalaban ako. Pipilitin ko pa ring makatapus ng pag-aaral upang makatulong at maipakita sa papa ko na mabubuhay kami kahit wala siya…”

Iyan ang kwento ng pangalawang buddy. At pagkatapus, tanungan naman, advice, at ang group hug noong wala nang nagtanong.

Sa kabuuan, nagustuhan ko ang takbo ng activity dahil kitang-kita ko sa mga nagsi-share ang sincerity nila at kawalang-takot na ihayag ang mga saloobin. Pansin ko rin ang dulot na saya sa mga mukha nila ang pag-open up, pag-unload ng mga saloobin at ang relief na maramdamang may mga taong nakakaintindi, nakikiramay, nakikiiyak. At doon ko rin na-realize na iba’t-ibang tao, iba’t-ibang drama sa buhay. Minsan, akala mo ay walang problema o matinding karanasan, iyon pala ay masasabi mong kung hindi kasing-tindi, mas matindi pa ang mga pagsubok na naranasan.

Ngunit may dulot din itong kaba sa akin, syempre, dahil sa nangyari sa akin, sa amin ni Lito. “Ah… bahala na!” sigaw ng utak ko.

Ang sunod na tinawag ay si Lito. Sa pagbigkas pa lang sa pangalan niya, pakiramdam ko ay may biglang kumalampag sa dibdib ko at nagpalakas sa kabog nito. Sinundan ng mga mata ko ang pagtayo niya, paglalakad patungo sa hotseat, hanggang sa pag-upo niya. Naka-cross leg siya at seryosong nakatingin sa harap. Tinitigan ko siya, nagbakasakaling titingin din siya sa kinauupuan ko at makuha niya ang ibig kong ipahiwating – na huwag buksan ang issue tungkol sa amin. Ngunit hindi siya tumingin sa akin.

“Mixed emotions ang naramdaman ko sa activity natin na ito…” ang pambungad niyang salita. “Marahil ay sa panalabas kong anyo, masasabi ninyong wala akong problema dahil heto, may kaya ang mga magulang ko, ako naman ay kahit papaano, nasa top 5 palagi ang pangalan sa honor’s list, at kung sa postura ang pag-uusapan, nakakalamang naman siguro ako sa marami.” Ang pag-describe niya sa sarili.

Napatango naman ang lahat dahil sa totoo lang din, gwapo si Lito, matangkad, matalino, neat at proportioned ang katawan, magandang magdala ng damit, at maraming tagahanga. Kung tutuusin, nga di hamak na maihahanay siya sa mga batang sikat na mga artista at modelo sa kasalukuyan.

“Walang dudang mahal na mahal ako ng mga magulang ko. Simula noong bata pa lamang, ramdam ko na ang lubos na pagmamahal nila sa akin. Akala ko normal talaga ang lahat sa amin. Ngunit noong magha-high school na ako…” hindi naipagpatuloy ni Lito ang sasabihin noong mag-crack ang boses niya at humagulgol na lang na parang bata, halos nahirapan sa paghinga.

Nilapitan siya ng moderator. Nagsunuran na rin ang iba pa naming mga kasamahan. Nag group hug. “OK ka lang ba? Ituloy pa natin? O kailangan mong magbreak muna, tatawag tayo ng iba?”

Pinahid ni Lito ang mga luha sa pisngi, ininum ang tubig na ibinigay ng moderator. “Ok lang buds, ituloy ko…” sagot niya.

At nagsibalikan kami sa mga pwesto namin.

Nagpatuloy siya. “… Iyon nga, noong maghigh-school na ako, aksidente kong nabuksan ang drawer sa kwarto ng mga magulang ko at doon nakita ko ang isang dokumento – adoption papers. Doon ko nadiskubre na ampon lang pala ako…” Huminto muli si Lito ng sandali at pinahid ang mga luha sa mukha, halatang pinigilan ang sarili na huwag humikbi. “Kinulit ko ang mga magulang ko tungkol dito at umamin sila. Ipinaampon daw ako ako ng tunay kong mga magulang. Noong malaman ko iyon, naglayas ako ng isang lingo dahil hindi ko matanggap-tanggap na ang mga taong nagpalaki at umaruga sa akin simula noong bata pa ako ay hindi ko pala tunay na mga magulang. Ansakit… sobra. Iyon bang feeling na parang pinaglalaruan ka lang ng mga tao at tadhana, na ipinasa-pasa lang na parang tuta. Sobrang galit ang naramdaman ko sa kanila, sa mundo. Wala namang nagbago sa pakikitungo at pagmamahal ng mga itinuring ko ngayong tunay kong mga magulang. Ngunit ang sakit na nadarama kong ipinamigay lang ako… grabe. Hanggang ngayon, puno pa rin ng galit ang puso ko para sa kanila… kaya noong kausapin ako ng mga magulang ko na lilipat kami dito at dito na rin ako mag-aaral, pumayag na rin ako. Ayokong baka isang araw ay makilala ko pa ang tunay kong mga magulang doon sa malaking syudad…”

Tahimik.

Hindi ko lubos maipaliwanag ang tunay na naramdaman sa pagkarinig sa kwento niya. Noon ko lang nalaman na ampon lang pala siya. Dahit dito, ang galit na nadarama ko sa pambababoy na ginawa niya sa akin ay parang unti-unting humupa at parang may kung anong awa ang gumapang sa buo kong katauhan. Biglang sumiksik sa isipan ang eksena kung saan nag-iiyak siyang amining mahal niya ako, ang pag pakumbaba, pagtiis, at pagtanggap niya sa ginawa kong pananakit sa kanya. Noon ko lang na-realize na sobra-sobra pala ang paghihirap niya at nadaragdagan ko pa pala iyon.

Kampante na ang isip ko na iyon lang ang iki-kwento ni Lito sa grupo. Akala ko ay wala na akong alalahanin pa sa mga isiniwalat niya ngunit noong may magsitanungan na, nagsalita na naman ulit siya, “May isa pa akong sasabihin…”

Biglang natahimik uli ang lahat.

“Nitong bago lang, may isang bagay din akong nadiskubre sa sarili ko…” Huminto si Lito sa pagsasalita, yumuko na parang humugot ng lakas at bwelo.

Kinabahan naman ako at muling kumabog ng malakas ang dibdib. “Tangina! Wag mong buksan!!!” sigaw ng tuliro kong isip.

“Ewan ko ba ngunit may nararamdaman ako para sa isang kaibigan…”

Napayuko na lang ako, itinakip ang dalawang kamay sa mukha, inihanda ang sarili sa sasabihin niya. “Arrgggghhh!” sigaw ng utak ko.

(Itutuloy)

2 comments:

  1. very touch ang story pagdating sa part 4 nandun lahat ng feelings ng story.

    Thanks for the story ganda... kya lang wala pa yung continuation?

    ReplyDelete
  2. nice, wawa nmn nya. pero swerte parin dahil me nagalaga s kanya at umampon.

    rhon

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails