Followers

Monday, April 25, 2016

Enchanted (Book 2): Child of the Light Chapter 34 - 40





















Hindi ko alam kung may nagbabasa pa sa story ko dito, dahil karamihan ay nag-aabang na lang sa Wattpad. Kung gusto niyong updated sa story na ito, punta kayo sa Wattpad. Hanapin ninyo ako -- PeterJDC. Tapos hanapin ninyo ang Child of the Light na nasa profile ko. Nasa Chapter 71 na tayo sa Wattpad.


Kung wala kayong Wattpad, catch the succeeding chapters on the links below.

CHAPTER 34 - 40
CHAPTER 41 - 45
CHAPTER 46 - 50
CHAPTER 51 - 55
CHAPTER 56 - 60
CHAPTER 61 - 65
CHAPTER 66 - 70


COMMENTS ARE ENCOURAGED! THANKS! :)


Chapter 34

Mahigit dalawang oras ng nasa daan si Ivan nang makaramdam ito ng pagod at gutom. Binagalan niya ang takbo ng kanyang sasakyan at ginala ang tingin sa magkabilang gilid ng kalsada, tinitingnan kung may gusaling kainan na pwedeng mahintuan at mapagpahingahan kahit sandali. At dahil walang makitang mainam na lugar na titigilan sa pangunahing kalsadang iyon ay nagdesisyon si Ivan na lumiko sa isang maliit na kalye at nagsimulang mag-ikot sa pook na hindi niya kabisado.

Napansin niya ang iilang mural sa gilid ng kalsada. Binagalan niya ang takbo ng kanyang sasakyan upang mas mapagmasdan ang mga low-relief sculptures sa mga pader sa gilid ng kalsada. Marami siyang nadaanang art galleries na kung may panahon lang sana ay nais niyang pasukin at makita ang loob ng mga ito. Walang duda na nasa tinatawag nga siyang Arts Capital of the Philippines. Ilang beses na niyang nadadaanan ang Angono sa kaniyang byahe patungo at pabalik ng Paete, ngunit ngayon lang siya nakapaglibot dito.

Maya-maya pa ay naramdaman niya ang pag-alog ng kotse at ang pagbagal ng takbo nito kaya hininto niya ito. Bumaba siya ng kotse at tiningnan kung may nasagasaan ba siyang bato o pusa o kung ano. “Patay!” Iyon na lamang ang nabanggit niya sa sarili nang makita ang flat na gulong. Sumimangot siya sabay kamot sa ulo. “Pa’no ‘to? Wala akong gamit,” saad niya sa sarili. Nakapamewang niyang ginala ang tingin sa paligid, tinitingnan ang mga dumadaang sasakyan. Sa inis niya ay nasipa niya ang sirang gulong.

Binuksan niya ang likod ng kotse at kinuha ang spare tire sa tabi ng mga mangga. Pinagulong niya ito malapit sa sirang gulong. Yumukod siya sa gilid, nag-iisip kung ano’ng gagawin, tatawag ba ng kaibigan o maghahanap ng vulcanizing shop na malapit. Ang problema ay hindi niya masyadong kabisado ang lugar. Napasabunot siya sa buhok nang may tumigil na itim na kotse sa likod niya.

“Pare, you need help?”

Inangat ni Ivan ang kanyang tingin. Nakita niya ang nakangiting lalaking nagmamaneho ng Jaguar. Katabi niya ang isang lalaking nakasalamin na napalingon sa kanya. Nagtaka si Ivan bakit parang masama ang titig sa kanya ng nasa passenger seat, pero binaling niya ang atensiyon sa nagmamaneho. “Naflatan ako, tas wala akong gamit.”

“Mine, tulungan natin,” saad ng nakasalamin sa nagmamaneho na tinanguan siya.

Mine? Nagtaka si Ivan sa pangalan. May lalaki palang Mine ang pangalan. Nakita niyang tinabi nila ang sasakyan sa gilid ng kalsada at bumaba.

“Tulungan ka na namin, pare,” saad ng matangkad at matipunong lalaki na makapal, mababa, at buo ang boses. Binuksan nito ang likod ng kanyang kotse at kinuha ang mga gamit. “Naset mo na ba ang emergency breaks?”

Tumango si Ivan. “Salamat, pare, ha.” Nakita niyang nakatingin sa kanila ang binatang nakasalamin. Naiilang siya dahil panay ang sulyap nito sa kanya at parang malagkit ito tumingin. Nilagyan niya ng harang ang mga gulong sa unahan, habang ang lalaki naman ay pinuwesto ang scissor jack malapit sa rear wheels. “Pare, ako na diyan.” Agad kinuha ni Ivan ang breaker bar at tinanggal ang mga lug nuts ng kotse. Halos sampung minuto din ang dumaan bago napalitan ang gulong.

“Yan, mukhang okay na,” saad ng lalaki na lumingon sa kasamang nakasalamin na nakatayo lang sa gilid ng kalsada at nakatingin sa kanila. “Mine,” tawag niya dito.

Mine din ang pangalan niya? Nagtaka si Ivan. Naguluhan man ay pinagkibit-balikan na lang niya ang narinig. “Salamat nga pala, pare. Ivan nga pala.” Biglang naalala niya na medyo marumi ang kamay niya kaya binawi na lang niya ito. “Ay, teka, marumi pala ang kamay ko. Pero basta salamat sa inyo.”

“Daryll, pare,” sagot ng lalaki. “Okay lang. Kung kami nasa sitwasyon mo, tutulungan mo rin naman kami, di ba?”

“Oo naman. Tagadito ba kayo?”

“Yup, may resto kami dito.”

“Baka nakaabala ako sa lakad ninyo. Pasensiya na talaga.” Napakamot si Ivan sa ulo. Nang dumako ang tingin niya sa nakasalamin ay nakatitig lang ito sa kanya nang malagkit. Bigla itong lumapit sa kanya at inabot ang kanyang kamay.

“Franz nga pala,” saad niya na nakangisi.

“Marumi kasi kamay ko. Nakakahiya. Baka madumihan ang kamay mo,” saad ni Ivan, ngunit kinuha ng binatang nakasalamin ang kamay niya.

“Okay lang. Ang gwapo mo naman.” Tila kinilig ang nakasalamin.

Dahil sa ilang ay di alam ni Ivan ang isasagot.

“Ahem, ahem, mine?” Nakataas ang kilay niyong Daryll sa nagpakilalang Franz. Lumapit siya dito at inakbayan ‘to.

Nagtaka si Ivan sa kakaibang kinilos ng dalawa, ngunit pinagsawalang-bahala niya na lang.

“Mine, pwede ba wag muna tayo umalis?” tanong niyong Franz.

“Mine!” Pinandilatan ni Daryll si Franz.

Nagtataka man ay nagpasya na si Ivan na hayaan na lang sila. Baka ganun lang talaga sila. Pero nagtataka talaga siya. Pero kailangan na din niyang makabalik ng Maynila. “Sige, Daryll, Franz, salamat talaga sa inyo. Tutuloy na ako.”

“You’re welcome, pare.” Tumango si Daryll na nakaakbay pa rin sa nakasalamin.

“Tagasan ka?” tanong ni Franz.

“Muntinlupa.”

“Malayo pa pala uuwian mo,” saad ni Daryll.

“Kelan balik mo dito? Punta ka sa amin.”

Napakunot ang noo ni Ivan sa sinabi niyong Franz at sa titig niya. “Di pa ako sigurado.”

“Mine, ayan ka na naman ah. Akala ko ba nagbago ka na?”

“Mine, ikaw lang naman talaga.”

Natigilan si Ivan sa kakaibang kilos ng dalawa. “Ah, pwede ba magtanong?”

“Um, ano yun?” tugon ni Franz.

“Mag... Ah ...” Nagdadalawang-isip si Ivan kung itutuloy ang tanong.

“Sige, pare, ituloy mo yan.” Ngumiti si Daryll.

“Kasi... Kayo ba?” Napahawak si Ivan sa batok at naiilang.

“What do you mean kami ba?” Mas lumawak ang ngisi ni Daryll. Si Franz ay nakatitig sa kanya.

“Mag-ano ba kayo?”

“Diretsuhin mo na.”

“Magboyfriend ba kayo?”

Tumango si Daryll habang si Franz ay ngumisi naman.

“Kaya pala ‘mine’ ang tawagan ninyo.”

“Eh wala akong magagawa eh. Ginayuma ako nitong si” -- kinurot ni Daryll ang ilong ni Franz -- “Francisco.”

“Hindi, ‘no! Ikaw kaya yung patay na patay sa akin. Pinag-agawan niyo pa nga ako, eh.” Umirap si Franz, pero tumawa lang si Daryll.

“Di ako makapaniwala. Pa’nong...” Ngunit natigilan siya nang makitang nilapat ni Daryll ang mga labi sa labi ng kasama. Napako siya sa kanyang kinatatayuan. Wala man lang silang pakialam na may mga dumadaang sasakyan. “Pwede pala.”

“Ano’ng pwede pala?” tanong ni Daryll.

“Yung dalawang lalaki...”

“Ano namang masama kung maghalikan ang dalawang lalaki?” kunot-noong tanong ni Daryll.

“Pare, alam ba ng family mo?”

Tumango si Daryll. “Yup, alam ng lahat. Proud kami sa relationship namin. Walang kelangan itago.”

“Actually, marami kaming friends na parehong lalaki magsyota.” Ngumiti si Franz.

“Bakit, pare?” tanong ni Daryll.

Sandaling napaisip si Ivan. May isang tao na sumaging muli sa isip niya. “Hindi ka ba nagka-doubts sa sexuality mo?”

“Noong una, oo. May pag-aalangan ako. Pero kalaunan hindi na naging importante yun,” sagot ni Daryll.

“Pa’no mo narealize na mahal mo nga siya?” tanong ulit ni Ivan. Nakita niyang nakatutok ulit sa kanya ang nakasalamin.

“Pa’no nga ba? Pa’no nga ba, mine?” tanong ni Daryll kay Franz.

Ngumiti ang nakasalamin at nagkibit-balikat.

“Basta naramdaman ko na lang na parang namimiss ko siya, gusto ko siya makita, masaya ako kapag nakikita ko siya o magkasama kami, hinahanap-hanap ko siya pag wala siya. Nagselos din ako noon sa best friend niya.” Hinawakan ni Daryll ang kamay ni Franz.

Natigilan si Ivan.

“Bakit, pare?”

“Ah kasi...” Hindi alam ni Ivan kung ano ang isasagot.

“Sige na share mo sa amin, baka makatulong kami,” saad niyong Daryll na nakangiti.

“Kasi,” tugon ni Ivan habang nagkakamot ng ulo.

“Pare, kung sino man yan, wag mo ng pakawalan? Baka magsisi ka,” saad ni Daryll.

“He’s gay. Pero hindi ako bakla,” binulalas ni Ivan ang agam-agam.

“Pare, hindi rin ako bakla. But it doesn’t matter. Listen to your heart.” Seryoso ang mukha ni Daryll.

“Mine, di ba title yan ng kanta?”

“Ha? Kanta nino?”

“Ni Roxette?”

“Sinong Roxette?”

“Ay, pagong mode ka na naman. Di bale na lang.” Hinalikan na lang ni Franz si Daryll.

Habang pinuproseso ni Ivan ang mga narinig at nasaksihan sa kanyang isip, ay tumatakbo ang mga imahe ni Errol sa kanyang diwa, ang masasaya nilang tagpo noon. Bigla niya itong namiss nang husto. Ramdam niya ang biglang pagpatong ng kamay sa balikat niya. Nang umangat siya ng tingin ay nakita niya si Daryll na nakangiti sa kanya.

“Pare, kung mahal mo siya, sino man yan, sabihin mo sa kanya, iparamdam mo. Ikaw rin, baka maagaw yan iba.”

“Ang swerte naman niya,” saad ni Franz. “Mahal ka ba niya?”

“Siguro.” Ramdam ni Ivan ang pag-anghang ng mga mata. “Di ko alam. Nasaktan ko kasi siya.”

“Ivan, alam mo marami sa mga katulad ko ang naghahangad na mahalin. Noon, madalas akong nalulungkot dahil feeling ko walang magmamahal sa akin. Please naman o, kung mahal mo siya, ipakita mo. Alam ko ang pakiramdam ng hindi ka mahal ng taong mahal mo na. Masakit!” Tinanggal ni Franz ang kanyang salamin at pinahiran ang kanyang mga mata. “Ayan, naiyak tuloy ako.”

“Pare, kung alam mo lang yung mga pinagdaanan namin nito.” Hinigpitan ni Daryll ang akbay kay Franz. “Siguro nalilito ka. Wag mo gamitin ‘to.” Tinuro niya ang kanyang sentido. “Gamitin mo ‘to.” Hinawakan niya ang kanyang dibdib.

Hindi nakaimik si Ivan. Napayuko lamang ito habang tumatango sa mga estranghero. Nangingilid ang mga luha niya habang nagpapaalam sa mga bagong kakilala.

Bago pumasok ng kotse ay iniabot ni Daryll ang kanyang business card. “If magawi ka ulit dito, tawagan mo kami.”

Disclaimer: Hindi akin ang mga karakter na sina Daryll at Franz. Hindi rin akin ang mga katagang "mine," "Francisco," at "pagong." Hindi rin akin ang portmanteau na "DaFranz." Ang mga nabanggit ay pag-aari ni Carlos "Bluerose" Claveria. 

Chapter 35

Habang nasa daan patungong Maynila ay maraming sumasagi sa isipan ni Ivan -- ang mga nangyari sa kanila ni Errol. Nasaktan niya ito noon at kailangan niya humingi muli ng tawad. Inaasam niya na sana sa susunod na pagpunta niya ng Taguig ay makita niyang muli ang binatang iyon.

Gabi na nang makabalik siya ng Maynila, at nagugutom na siya. Gusto na niyang umuwi ng bahay upang makapagpahinga, ngunit gusto niyang dumaan sa isang kainan at gusto niya sanang may makausap. Habang nagmamaneho ay dinial niya ang number ni Diana. Agad naman itong sumagot at sinabi kung nasaan siya. Huminto siya sa isang kainang hindi masyadong magara ngunit amoy naman ang masasarap na luto. Agad niyang hinanap ang babae sa mga nakaupo.

Ngunit nanlumo siya nang makita siyang sinusubuan ang isang sa tingin niya ay Amerikano. Wala na nga si Errol, mukhang maaagawan pa siya kay Diana. May kaunting kirot na naramdaman si Ivan, ngunit bumuntong-hininga na lang siya at pinayapa ang sariling isip. Hindi naman sila ng babae. Dahan-dahan siyang lumapit. “Hi Diana,” mahinahon niyang bati. Nagdadalawang-isip siya kung makikiupo o kukuha ng ibang mesa.

“Oy, Ivan!” Napaigtad si Diana.

Napaangat din ng tingin ang Amerikanong may piraso ng kanin sa baba. Agad sumenyas si Ivan dito na may kanin sa baba niya.

“Ivan, this is Dane,” saad ni Diana. “Dane, this is Ivan.”

Nagngitian ang dalawang lalaki sa isa’t-isa. Medyo payak nga lang ang ngiting ginawad ni Ivan. “Hi.” Nilahad niya ang kamay dito, ngunit hindi ito tinanggap ng lalaki.

“My hands are messy,” payak nitong saad. “My first time to eat rice and tee...” Ngumiwi ito kay Diana. “What is this again?”

“Tilapia,” sagot ni Diana.

“Tee-lah-pyuh. Right!” bulalas nito kay Ivan.

Napangisi naman ang binatang agad na binaling ang tingin kay Diana na bumalik na sa pagkakaupo.

“Ano pa’ng tinatayo mo diyan? Umupo ka na.”

“Hindi ba ako nakakadistorbo?” Nagkamot ng ulo ang binata.

“Hindi, ‘no. Sus ito naman.”

“Baka kasi nagdedate kayo.” Yumuko si Ivan habang dahan-dahang hinila ang bakanteng silya at umupo sa gilid ng dalawa. Tiningnan niya lang ang sarkastikong tawa ng dalaga. Nang dumako ang tingin niya sa kano ay nakangiti lang ito. Nagtataka si Ivan kung naiintindihan ba niya ang salita nila.

“May jowa na yan. Tsaka di ako trip niyan.”

“Are you guys talking about me?” tanong ni Dane habang dinidiin ang kanin sa pagitan ng mga hintuturo.

“Ivan here was wondering if we were dating,” natatawang sagot ni Diana dito. Agad namang naubo si Dane, kaya binigyan ito ng tubig ng dalaga. “Here.”

“You don’t know much about Diana, do you?” tanong ni Dane kay Ivan.

Sumimangot naman si Ivan. “What do you mean?”

“She’s not into guys.” Tumawa nang payak si Dane.

Binaling ni Ivan ang tingin kay Diana na pinandilatan lang ang banyagang abala sa paghihiwalay sa laman ng tilapia sa mga buto nito. Hindi niya maintindihan ang sinabi ng banyaga tungkol kay Diana, ngunit hindi na rin siya nagtanong, marahil dahil isang tanawin ang nakakaaliw. Pinigil niya ang tawa at bumulong kay Diana. “Bakit di mo pinagkutsara yan?”

“Ayoko. Gusto ko maexperience niya ‘to. Baka di na yan makabalik dito.” Umirap ang dalaga kay Ivan.

Napanatag naman ang loob ni Ivan nang malaman na hindi pala sila nagdedate. “Pa’no kayo nagkakilala?”

“Mahabang kwento. Nagkatrabaho kami sa Amerika.”

Napansin ni Ivan na panay ang sulyap ni Dane sa kanila. Malamang gusto nitong malaman kung ano ang pinag-uusapan nila. Kaya naman binaling nito ang tingin sa kanya. “What brought you here?”

“An assignment.” Seryosong hinihiwalay ng banyaga ang laman ng tilapia sa mga tinik.

Pinigil ni Ivan na matawa. Naramdaman niya ang marahang pagsipa ni Diana sa kanyang binti. “What assignment?”

“I can’t tell.” Sa wakas ay nakakain din ng laman ng tilapia ang binatang Amerikano.

“Do you need help?” Ngumiti nang pilyo si Ivan. Nakita niya namang nahiya ang lalaki.

Umiling si Dane. “No, I can handle this.”

“Aren’t you going to eat?” tanong ni Diana.

“Yup, right! Hugas muna ako ng kamay tas oorder.”


* * *


Nang matapos kumain ang tatlo ay kanya kanya silang pumunta sa restroom. Pumasok sina Ivan at Dane sa panlalaking palikuran at doo’y umihi at naghilamos ang nauna.

“I’m not eating tee-lah-pyuh again,” saad ni Dane.

“It’s okay. Us Filipinos, we’re used to it.” Ngumiti si Ivan habang pinupunasan ng tissue ang mukha.

“The fish is good, but it’s difficult to eat.”

Hindi na nakipagtalo si Ivan. Baka hindi lang talaga sanay ang kausap sa pagkaing Pinoy. Nagpasya na lamang siyang magtanong ng ibang bagay. “Where in United States are you from?”

“Nevada. That’s where our headqua... Our company is based.”

“I’ve been to California when I was a teenager. Never been to Nevada. Are you near Vegas?”

“Not really. And I’m not really fond of that place. Too much activity going on, the crowd, and stuff.” Bahagyang ngumiti ang Amerikano.

Biglang naalala ulit ni Ivan si Errol. Ayaw din niyon ng maiingay at matataong lugar. “You know what, you remind me of someone,” saad niya habang sandaling sumulyap kay Dane at binalik ang tingin sa salamin upang tingnan ang kanyang repleksiyon.

Kumunot ang noo ng banyaga. “Who?”

“A friend,” mahinang tugon ni Ivan na naging seryoso ulit. “He’s just shorter.”

“Since when do friends make people sad?” nakangiting tanong ni Dane na tinanggal ang kanyang suot na knit cap. Inayos niya ang kanyang buhok sa salamin.

Sasagot na sana si Ivan nang makitang nakatulala si Dane sa harap ng salamin habang nakatukod ang mga kamay sa lababo. Nagtaka si Ivan kaya naman tinanong nito ang kasama. “Are you okay?”

Hindi sumagot si Dane, ngunit unti-unti itong ngumiti at dahan-dahang lumingon kay Ivan. “You have such beautiful memor...” Agad nitong binalik ang tingin sa salamin.

Kumunot naman ang noo ni Ivan na nagtataka sa inakto ng kasamang banyaga. “What?”

“No, nothing,” maikli niyang tugon pagkatapos kunin ang kanyang sombrerong isusuot na sana ngunit hinawakan ni Ivan ang kanyang bisig.

“Are you okay, mate?” Nakita niya itong seryosong nakatingin sa kanyang mga mata. Napaigtad naman ang nagtanong. Naiilang si Ivan sa mga titig na iyon, ngunit unti-unting naglaho si Dane sa kanyang paningin.


* * *


Hindi maintindihan ni Ivan ang mga nangyayari. Hindi niya maintindihan kung paano siya nakarating sa pamilyar na bar na ito kung saan siya nakaharap. Nakita niya na ang tanawing ito. Oo, tama. Pero teka, nagtataka siya dahil kinikilabutan siya sa pakiramdam na nangyari na ito -- ang pamilyar na pagtango sa kanya ng gwardiya ng lugar, ang pag-upo niya sa isang silya sa loob, ang mga nahuhuli niyang malagkit na sulyap ng iilang kalalakihan sa kanya, at ang nakayukong binatang iyon na sinisigawan at dinuduro ng isang lasing na lalaki. Nangyari na ito!

Ramdam ni Ivan ang pagkahabag sa binatang iyon na nakaupo sa di kalayuan habang tila ay inaapi ng lalaking lasing. Hindi man lang ito lumaban. Sumagi sa isip niya ang kapatid. Biglang nakadama ng bugso ng galit ang binata. Noon pa man ay galit na siya sa mga bullies. Nang lumapit siya sa lasing ay unti-unting nalusaw ang tagpo.

Nakita niyang muli ang sarili sa labas ng bar. Nakita niyang nagsusumamo ang lasing na binata sa isang babaeng sumakay na ng taxi. Kinutya niya ang lasing. “Pa’no ba ‘yan, pare? Makikiramay na lang ako.” Ngumisi siya dito, ngunit hindi siya pinansin ng lasing na naglakad na papalayo.

Nang hanapin niya sa paligid ang binatang pinagtanggol niya ay nakalakad na ito. Hinabol niya ito. “Ivan nga pala.” Nakita niyang nagulat ito. Bakit ba magaan ang loob niya dito? Hindi niya naman talaga ito kilala. Nakita niyang natigilan ito sa kanya. Hindi niya maintindihan ang nararamdaman na tila ba ay gusto niyang yakapin ang binata at tanungin ito kung okay lang ba siya. Sandali silang nag-usap. Gusto niyang ihatid ito, ngunit tumanggi ang huli. Wala na siyang nagawa kundi tunguhin ang kanyang motor upang umuwi na rin.

Nang paandarin niya ang motor ay tinahak na niya ang daan pauwi, ngunit wala pang isang minuto ay binagabag siya ng maaaring mangyari doon sa binatang nakilala. Mag-isa lang siya. Baka balikan siya nung lalaking umaway sa kanya. Kaya naman ay umikot si Ivan sa salungat na direksiyon at tinahak ang kanina’y nilakaran ng binata. Madilim ang kalyeng iyon kung saan kanina’y nakita niyang lumiko ang binatang nakilala niya sa pangalang Errol. Nabahala si Ivan para sa kanya kaya naman binilisan niya ang pagpapatakbo ng motor hanggang sa bumalik ang mga ilaw sa poste at nakita niya ang tumatakbong binatang iyon.

Muling nalusaw ang tagpo at nang luminaw muli ang paligid ay nakita niya ang sariling nakasuot lang ng shorts. Nakahawak siya sa magkabilang pisngi ni Errol. Nasa kusina sila. Hindi niya alam kung bakit ... Kung bakit nais niyang halikan ang kausap na umiiyak. Ginalaw niya ang kanyang hinlalaki upang punasan ang basang pisngi ng binata. Maya-maya pa ay nagyakapan sila nang mahigpit.

Ang sunod na tagpong bumungad sa kamalayan niya ay isang pamilyar na pinto. Gawa ito sa kahoy at may kalumaan na. May hawak siyang mga puting rosas. Kumatok siya sa pinto. Dinig niya ang mga yapak mula sa loob. Narinig niya ang pamilyar na boses na iyon na nagtatanong kung sino ang kumakatok. Ngumiti siya at hindi sumagot. Bagkus ay kumatok siyang muli. Ilang minuto siyang tumayo sa tapat ng pintuang iyon at naghintay na mabuksan siya. Maya-maya nga ay narinig niya ang pag-ikot ng doorknob. Agad siyang tumalikod.

Nang marinig ang marahang pagbukas ng pinto ay umikot siya. Nakita niya ang binatang nakapambahay lang at mukhang kakagising lang. Nakita niya ang gulat na ekspresyon nito at ang pag-atras nito habang nakatulala sa kanya. Ngumiti siya dito at binati ito. Habang nag-uusap sila ay kita niya ang tensiyon sa kaharap. Gusto niya itong pakalmahin ngunit hindi niya alam kung paano. Pinatong niya sa kamay ng kaharap ang dalang kumpol ng puting rosas. Nakita niya ang pangingilid ng mga luha sa kanyang mata. Maya-maya pa ay nagyakapan ang dalawa.

Ilang sandali pa ay natagpuan ni Ivan ang sariling sumasayaw sa saliw ng musikang nagpasayaw din sa ibang magsing-irog sa isang magarang lugar na iyon. Hindi siya halos matingnan ng kasayaw na alam niyang naiilang. Dama niya ang lamig ng mga palad nito.

Nagbagong muli ang mga imaheng nakita ni Ivan. Nasa pamilyar na pook malapit sa dalampasigan si Ivan. Kakalabas lang niya ng kotse at nagmamadaling hinanap ang mga taong katagpo. Sa wakas ay natagpuan din niya ang mga ito sa di kalayuan, ang kanyang nakakatandang pinsang babae, isang lalaking di niya kilala, at ang taong iyon na malapit at mahalaga sa kanya. May dala siyang mga bulaklak. Mabilis ang kanyang mga hakbang papunta sa mga ito.

Nakita niyang ngumiti si Liz, samantalang si Errol naman ay sumulyap sa kanya at pagkuwa’y umiba ng tingin. Nang makalapit siya sa kanila ay iniwan sila nina Liz at ng binatang hindi niya nakuha ang pangalan.

Hindi niya batid ang sasabihin noong panahong iyon. Ang gusto niya lang ay humingi ng kapatawaran. Alam niyang mahirap dahil labis niyang nasaktan ang kaharap bago ang tagpong ito. Ilang mga linya sa tagpong iyon ang tila umalingawngaw sa diwa ni Ivan.

“Errol, ‘wag ka na magalit, o. ‘Wag ka na umiyak. Nasasaktan ako, eh.”

“Ivan, salamat! Sa maikling panahon na nakilala kita naging makulay ang buhay ko kahit papaano. Salamat dahil kahit papaano ay napasaya mo rin ako.”

Pinunit ng mga luhang iyon ang dibdib ni Ivan.

“Hindi na kita makakalimutan. May puwang ka na dito.” Hinawakan ni Errol ang kanyang dibdib. “Pero sa tingin ko hanggang dito na lang ang ating pagkakaibigan. Pinapalaya na kita sa anumang responsibilidad mo sa akin bilang iyong kaibigan, bilang tinuturing mong kapatid.”

Hindi nga naman sila naging magnobyo ni Errol ngunit ang tagpong iyon ay tila ba isang napakasakit na hiwalayan.

“Salamat, Ivan.” Biglang niyakap ni Errol si Ivan at kumalas kaagad. “Salamat. Ingat ka lagi ha.” Tumalikod si Errol at mabilis na naglakad papalayo.

Labis ang panlulumo at kalungkutan ang naramdaman ni Ivan habang tinatanaw si Errol na naglalakad papalayo. Hinayaan niya lang na dumaloy ang kanyang mga luha at bumagsak ang kanyang mga balikat. Nabitawan niya ang mga bulaklak na dapat sana ay iaalok sa taong iyon na nais niya hingan ng kapatawaran.

Unti-unting lumabo sa diwa ni Ivan ang tagpong iyon. Nang luminaw ang paligid ay nakita niyang nasa restroom na ulit siya. Nakasandal ang kanyang mga kamay sa lababo kung saan pumatak ang kanyang mga luha. Bakit biglang nanariwa sa isip niya ang mga alaalang iyon? Narinig niyang suminghot ang kasama kaya lumingon siya dito. Kinukusot nito ang mga mata. “Are you crying?”

Tumawa ito ng payak at inayos ang sombrero sa ulo. “Sorry, I didn’t mean to...”

Ngunit hindi siya kayang pakinggan ni Ivan. Isa lang ang nais niyang gawin ng oras na ito -- ang puntahan ang bahay ng kaibigang noo’y kanyang nasaktan. Gusto niya itong makita. “I’m sorry, mate. I have to go.” Nang lumabas siya ng restroom ay nakangiting binungad siya ni Diana.

“What took you, guys, so long?” Ngumiti ito ngunit agad na kumunot ang noo. “Wait, what happened? Are you crying?”

Nababasag man ang boses ay pilit siyang sumagot. “I have to go. We’ll meet some other time.” Niyakap niya si Diana, ngunit bago siya kumalas ay pinigilan siya nito.

“Wait,” saad ng babae na nakahawak sa kanyang bisig.

Natigilan si Ivan sa ngiting iyon.

“I know something’s bothering you. Kung anuman yan asahan mo’ng andito lang ako.”

Tumango si Ivan at suminghot. Namumula ang mga gilid ng kanyang mata.

“Hold my hands,” saad ni Diana.

“Why?”

“Just hold my hands.”

Hahawakan na sana niya ang mga kamay ni Diana nang mapansin niya ang paglapit ni Dane sa kanila.

“Hey,” saad nito na napakamot sa ulo, “I didn’t mean to --”

“It’s okay,” sabat ni Diana dito na agad na kinuha ang mga kamay ni Ivan at humarap sa kanya. “You’ll be fine, Ivan.” Ngumiti siya dito.

Hindi maipaliwanag ni Ivan ang kakaibang init na naramdaman niya gaya noong unang beses na magkahawak-kamay sila ng dalaga. May animo’y positibong enerhiya na dumaloy sa buong katawan at pagkatao niya at nakadama siya ng kapayapaan. Naramdaman niya ang pagbitaw ni Diana at pagkatapos ay ang paghalik nito sa pisngi niya.

“Whoever that is, find her.” Hinimas ni Diana ang kanyang braso.

“You mean, find him?” kunot-noong sabat ni Dane. Napalingon naman si Diana na nakakunot-noo na rin.

Napangisi si Ivan. “Thanks, guys. I have to go.” Iniwan niya ang dalawang tinapunan ang isa’t isa ng nag-uusisang tingin.


Chapter 36

Ang pag-ibig ang pinakamakapangyarihang pwersa sa kalawakan.

Tinahak ni Ivan ang daan patungo sa dating bahay nina Errol sa Sampaloc, nagbabaka-sakaling alam ng mga kapitbahay kung saan lumipat sina Aling Celia. Ngunit laking pagtataka niya nang makita ang bahay sa dati nitong anyo. Kunot-noong binaba ng binata ang bintana ng kotse at sinipat ang bahay. “Pa’nong...” Napakamot na lamang siya sa ulo, ngunit ngumiti rin.

Nasa tapat si Ivan ng bahay na iyon. Pambihira ang mga nangyayari nitong araw na ito. Tila gustong ipabatid sa kanya ng panahon na may pagkakataon pa siya, pagkakataong aminin na nang lubusan ang isang bagay na alam niya naman, ngunit marahil ay ikinakaila niya lamang sa sarili.

Nagdadalawang-isip man kung kakatok o hindi, isa lamang ang sigurado na. Sigurado na siya sa nararamdaman niya. Mahal niya si Errol. At gusto niya itong makita, mayakap, at masabi dito ang noo’y di niya masabi dahil sa pag-aalinlangan. Hindi niya maintindihan ang nangyari sa palikurang iyon, ngunit kung anuman iyon, nagpapasalamat siya dahil napagtanto niya ang tunay na nararamdaman para kay Errol.

Wala na siyang pakialam kung ano ang iisipin ng mga tao. Ang nais niya ay maipahiwatig ang kanyang nararamdaman. Wala na ang agam-agam. Kasiguraduan na lamang ang natitira sa kalooban ng binatang nakatayo sa tapat ng pamilyar na bahay na iyon. Handa na siyang mahalin si Errol at ialay hindi lamang ang kanyang katawan ngunit pati na rin ang kanyang puso. Kumatok siya at naghintay hanggang sa nabuksan ang gate. Binati siya ni Aling Celia na hindi niya mabatid kung iismid o ano.

“Naparito ka.”

“Tita, andiyan ba si --”

“Wala dito si Errol,” sagot ni Celia sa matigas na boses. “Ilang buwan na siyang di umuuwi. Bakit?”

“Tita, kasi may gusto akong sabihin sa kanya.”

“Magtapat ka nga. Ano’ng ginawa mo sa anak ko?”

Natigilan si Ivan. Hindi niya alam ang isasagot. Nag-iisip siya, ngunit biglang naging magulo ang utak niya sa dami ng mga sumasagi dito. Magpapaliwanag ba siya o magtatapat ba siya o magtatanong ba siya kung saan nagtatrabaho si Errol sa Taguig. Ngunit bukod sa mga ito ay nangibabaw ang hiya niya. Maaaring alam na ng mga magulang ni Errol ang nangyari sa kanila ilang buwan na ang nakalipas.

“Gaya ng sabi ko wala siya dito. Hindi na siya dito umuuwi. May iba ka pa bang kailangan?”

“Tita, pwede ko ba makuha ang number ni Errol?”

Tinitigan lang siya ni Celia.

“Okay, tita.” Naintindihan ni Ivan ang ibig sabihin ng blankong titig na iyon na nagpayuko sa kanya. “Tita, sorry po.” Narinig niya ang buntong-hininga ng ina ni Errol.

“Alam ko ilang buwan na rin naman yon, at sinasabi ng anak ko na napatawad ka na niya.” Nguminginig ang pisngi ni Aling Celia habang nagsasalita at nangangatal ang kanyang boses. “Pero nanay ako eh. Nasaktan ako para sa anak ko.”

“Alam ko po, tita. Gusto ko po humingi ng tawad sa inyo.” Nakita niya namang tumango ito.

“Kung wala ka ng kailangan, makakaalis ka na.”

“Tita...”

“Ano?”

“Gusto ko po malaman ninyo na...”

“Na?”

“Mahal ko po si Errol.” Sandali siyang tinitigan ni Celia na tila iniestima ang pagkatao niya. Nakita niyang umiling ito.

“Ivan, hayaan mo na ang anak ko. Gusto na niya ng katahimikan ng loob.” Marahang sinarado ni Celia ang gate.


* * *


Ilang beses na nagpabalik-balik si Ivan sa Taguig upang hanapin si Errol, ngunit natapos ang Nobyembreng hindi niya man lang nasilayan maging anino nito. Binalik-balikan niya ang parkeng iyon kung saan niya nakita ito noon, nagbabaka-sakaling makita niya ulit ito doon. Iniikot din niya ang lugar. Marahil ay nakatira si Errol malapit sa pook. Minsan ay nagtatanong-tanong siya sa mga dumadaan at sa mga tindahan. Ngunit wala sa napagtanungan niya ang nakakakilala sa kanya.


Chapter 37

“Our worst fear has happened, sir.”

Nakatanaw lang sa malayo si Don Mariano.

“Our accountants have reported that the company’s financial status has gone south. I don’t know what your daughter is doing about it. Hindi ko na siya madalas makita sa opisina.”

“Thank you, Cindy.”

“What do we do, sir? If Sandy declares bankruptcy, maraming mawawalan ng trabaho. Parang hindi magandang Christmas gift ito sa kanila.”

“I’ll take it from here. Thank you for your loyalty.”

“Good luck, sir.” Iniwan ni Cindy ang matandang umiika-ika sa paglalakad gamit ang tungkod nitong gawa sa metal na may crystal na hawakan. Nakita niyang lumabas ang matanda sa restaurant na iyon kasama ang alalay niya na tinulungan siyang sumakay sa kotse. Habang naglalakad si Cindy naluluha ito. Alam niyang nalalabi na lang ang araw nila sa kompanya. Naalala niya si Errol. Nagiguilty siyang pinapasok niya ito sa kompanya gayong alam na niya noon na tagilid na ito. May tumigil na kotse sa harap niya. Sumakay siya dito. Sa loob ay binati siya ng halik ng lalaking nagmamaneho.

“Bakit malungkot ka?” tanong ni Bryan na pinaandar na ang sasakyan.

“Babe, mawawalan na ako ng trabaho.” Nakatulala si Cindy sa labas ng kotse.

“Ha? Tagilid na ba talaga?”

“Oo, eh.”

“Don’t worry. Bakit kasi ayaw mo tanggapin yung offer sa company namin? Ayaw mo nun? Pareho na tayo ng lugar na pagtatrabahuan? Araw araw na tayo magkikita.”

“Bryan, hindi naman ganun kadali. Kahit papaano napamahal na sa akin ang company. Tsaka malaki ang utang na loob ko kay Don Mariano.”

“Nako baka ano na yang namamagitan sa inyo.”

“Yuuuuuuck...”

“Joke lang.” Tumawa si Bryan. “Pero seriously bakit ba hindi mo maiwan yang company niyo? Ikaw na rin nagsabi na marami ng umalis.”

“I have to do Don Mariano a favor before leaving the company.”

“Hindi ka ba natatakot that you’re spying? Baka mahuli ka ng anak niya.”

“Hindi naman siguro. Lagi nga yung wala sa office.”

“Sa’n daw pumupunta?”

“Yan ang tanong. Ilang beses na daw siya pinasundan ni Don Mariano pero bigla na lang daw nawawala.”

“Weird! May sapusa pala yang boss mo.”

“She’s been acting weird lately talaga.”

“In what way?”

“Laging nakangiti. Kahit palubog na ang Hedgeworth Pharma, parang masaya pa rin. Tapos iba yung mga titig niya sa akin.”

“Baka naman gusto ka niya.”

“Gusto?”

“Baka tomboy yang boss mo.” Tumawa si Bryan.

Naalala ni Cindy ang mga lalaking kumidnap sa kanya. Malakas pa rin ang kutob niya na may kinalaman ang boss sa nangyaring iyon. “May kailangan akong malaman, babe. At nararamdaman kong malapit ko ng malaman ito.” Tumingin si Cindy sa labas, sa mga bahay na nadadaanan.

“Ang layo ng secret meeting place ninyo ng matandang yun.”

“We have to meet discreetly. You know why.”

“Nagmamanman ba yang si Sandy?”

“I don’t know.” Bumuntong-hininga si Cindy.

“Hindi ka ba natatakot?”

“Natatakot, babe.” Sandaling tumahimik si Cindy at huminga ng malalim. “But I want to know the truth. I want to get to the bottom of this.”

“Don’t worry. I’m here.” Hinawakan ni Bryan ang balikat ng nobya. “I’ll protect you.”

Lumingon si Cindy kay Bryan, pinatong ang kanyang kamay sa kamay ng binata, at ngumiti sa kanya.

“Ano nga pala ang gagawin mo sa Taguig?”

“I’ll meet with Errol.”

“Bakit?”

Sandaling tumahimik si Cindy. “Nagiguilty ako na hinire ko siya, babe.”

“Oo nga, ‘no? Nadamay pa yun pa sa kaguluhan sa company ninyo.”

“Kaya nga nagiguilty ako.”

“Ano’ng sasabihin mo sa kanya?”

“Basta.” Bumuntong-hininga si Cindy. “Maiba tayo. Bakit parang napapadalas ang mga lindol lately? Kagabi lumindol na naman.”

“At tumatiming na kung nasaan ako, dun ang lindol.”

“Weird.” Ngunit naalala din ni Cindy ang mga kakatwang karanasan. Walang dapat makaalam ng kaweirdohang nangyayari sa kanya. Ni hindi kinuwento ni Cindy ang pagkakakidnap sa kanya. Noong nagkulong ito sa kwarto ay ang alibi lang niya kay Bryan ay may tigdas siya na nakakahawa.

Nang makarating sa kanilang laboratoryo sa Taguig ay agad na tinungo ni Cindy ang silid kung saan nagtatrabaho si Errol. Nasa labas siya ng silid na iyon at nakita ang binatang naka lab gown at face mask habang nagtetest ng mga kemikal sa mga flasks. Sumenyas siya dito na agad sumenyas ng sandali lang. Alam ni Cindy na hindi nila basta basta pwedeng iwanan ang silid nang ganun-ganun lang. May protocol na sinusunod para mapanatili ang sanitation sa lugar. Isa sa mga iniiwasan ay ang kontaminasyon sa loob ng laboratoryo. Sumenyas si Cindy na maghihintay siya sa quarters nila sa baba.

Halos isang oras ding naghintay si Cindy hanggang dumating ang lunch break. Bumukas ang pinto sa silid at binati siya ng binatang nakangiti. “Hi, Ma’am Cindy. Sorry po sa paghihintay. Hindi ko kasi maiwan ang lab.”

“Okay lang. Kaya mo ba na ikaw na lang mag-isa sa area mo?”

“Okay lang, ma’am. Okay rin na nagresign si Nathan. Hindi kasi kami magkasundo.”

“Talaga?”

“Bugnutin kasi.”

“Mabuti naman at okay ka lang.”

“May problema po ba?”

“Can we have lunch together somewhere?”

“Okay po.”

Nang makarating sa isang restaurant ay kinausap ng masinsinan ni Cindy si Errol.

“Errol, I want to be honest with you.”

“Ano yun, Ma’am?”

“Just call me ate. Wala naman tayo sa workplace. Anyway, nalulugi na ang company.”

“Talaga, ate? Pa’no na yan?”

“Kaya nga sinasabi ko sa’yo para makapaghanda ka.”

“So tama pala yung sinabi ni Nathan. Narinig niya kasi sa mga tsismis.”

“Sa main office may mga nagresign na rin. Pero may ibang hinihintay na tuluyang magfile ng bankruptcy ang CEO natin.”

“Ganon na lang din siguro ang gagawin ko.”

“Don’t worry. I’ll refer you to other companies din para pag nagsara ang Hedgeworth Pharma ay may malipatan ka kaagad. Sorry, Errol, ha.”

“Ay, hindi mo kailangan magsorry, ate. Ako nga dapat magpasalamat kasi kahit papaano may experience na ako sa laboratoryo.”

“Mabuti naman.”

“Ikaw, ate, sa’n ka lilipat kung sakali?”

“May offer ang company kung saan nagtatrabaho si Bryan. Hinihintay na lang nila ako.”

“Nakakalungkot naman. Kahit paano kasi nagustuhan ko na rin ang trabaho ko dito.”

“Ganon talaga. Maiba tayo. Hindi na ba talaga kayo nagkikita ni Ivan?”

“5 months na rin, ate.”

“Hindi mo ba siya namimiss?”

“Namimiss din.”

Nakita ni Cindy na umiwas ito ng tingin kaya hinawakan niya ito sa kamay. “Makakahanap ka rin ng iba. Trust me.”

“Ayoko na maghanap.”

“Bakit?”

“Ayoko na pagtuunan ng pansin ang love life ko.” Tumawa nang payak si Errol.

“Bakit naman? We all deserve to be happy.”

“Siguro, ate, mas sasaya ako kung mag-isa lang ako, walang expectations.” Ngumiti si Errol.

“Wag kang susuko. Mabait ka. Ang mga katulad mo dapat masaya.”

“Salamat, Ate Cindy. Kung meron namang dadating, tatanggapin ko. Pero kung wala, okay lang.”

“Umuuwi ka pa ba sa inyo?”

“Halos tatlong buwan ng hindi. Pero lagi naman akong tumatawag sa bahay.”

“Hindi mo ba namimiss ang family mo?”

“Namimiss din. Pero busy na din kasi lalo pa’t mag-isa lang ako sa area ko.”

“I see. Pasensiya ka na ha.”

“No, ate. Okay lang naman.”

Tumunog ang cellphone ni Cindy. Ngumiti siya.

“Bakit, ate?”

“Si Bryan nagtext. Sinabi kong magkasama tayo.”

Nang matapos silang kumain ay nagpaalam na si Cindy kay Errol. “Paano ba yan? Kita-kits na lang tayo ulit.”

“Kelan ang sunod mong bisita dito, ate?”

“Hindi ko alam, pero magtetext lang ako.”

“Ate, ingat ka.”

“Ikaw rin, Errol.” Hindi malaman ni Cindy kung bakit may bahid ng pagkabahala ang mukha ni Errol nang sabihin niyang mag-ingat siya. Marahil -- sa isip niya -- ay alam nitong gaya niya ay mawawalan na rin siya ng trabaho. Ngumiti siya sa kanya at sumakay na ng taxi.


Chapter 38

Nang makabalik sa opisina sa Makati ay malungkot na nanatili si Cindy sa kanyang opisina hanggang sumapit ang dapit-hapon. Tumungo siya sa restroom upang umihi at magpaganda. Tiningnan ni Cindy ang sariling repleksiyon. Humaba na ang buhok niya na kanyang sinuklay. Naglagay siya ng mascara sa kanyang mga talukap. Naglagay din siya ng kaunting eye shadow. Nilagyan din niya ng kaunting kulay ang kanyang mga pisngi. Nilapatan niya ng pink lipstick ang mga labi. Ngumiti siya sa nakitang repleksiyon. Kahit sa mga nangyayaring hindi maganda, ay kailangan pa ring magpaganda. Inayos niya ang kanyang suot.

“Someone’s going out on a date tonight.”

Nilingon ni Cindy ang pinanggalingan ng pamilyar na boses. “Miss Sandy, I didn’t see you come in.”

“Of course,” sarkastikong saad ng babaeng nakaitim na long sleeves at slacks. Humarap din ito sa salamin.

“Is there any problem, Miss?” tanong ni Cindy.

“Is there?” Ngumiti si Sandy.

Nabwisit na si Cindy sa pagiging sarkastiko ng boss. “I heard masama na ang lagay ng kompanya.”

“So you heard. From who?”

“Our accountants.”

“Oh, I remember you’re friends with everyone.”

“Miss, are you all right?”

“Am I?” Matalim ang mga sulyap ni Sandy kay Cindy.

“Don’t get me wrong. I’m just concerned. What I’m saying is if you need anything, you can always ask us.”

“Sure.”

Hindi nagpatinag si Cindy sa matalim na titig ng boss. “Anyway, Miss, I have to go.” Ngunit naramdaman niyang hinawakan ni Sandy ang kanyang bisig. Nang lingunin niya ito, andoon pa ang matalim nitong titig.

“Go where, Ms. Gatchalian? Nag-uusap pa tayo.”

“Miss, it’s 30 minutes past my work schedule.”

“I know. Pero gusto kitang makausap. Are you in a hurry?”

“May naghihintay kasi sa akin, Miss. Importante ba ang sasabihin ninyo?”

“I’m afraid, yes,” Ngumiti si Sandy.

“Maybe we should go to your office then?” Nagtataka si Cindy sa inaakto ng boss. May nararamdaman siyang hindi maganda sa patutunguhan ng kanilang pag-uusap.

“No. This place looks fine for our little chitchat, don’t you think?”

“I don’t get it.” Kinabahan si Cindy.

“You don’t? Let me try.” Ngumisi si Sandy. “How’s dad?”

Nagulat siya, nagtataka kung paano nalaman ng kaharap ang tungkol sa pagkikita nila ni Don Mariano nang lihim. Ibig sabihin nagmamanman ang babaeng kaharap sa kanila. Nagdadalawang-isip siya kung magkakaila o aamin. Pakikiramdaman niya muna ang kaharap. “What do you mean?” Sumimangot siya. “Of course, I don’t know.”

“You don’t know? I’ll ask you again.” Humarap si Sandy kay Cindy at matalim itong tiningnan. “How is dad?”

“I don’t know what you’re talking about.” Tinaasan ni Cindy ang boses. “This is ridiculous! Aalis na ako, Miss.”

Hinawakan ulit ni Sandy ang dalaga. “I said you’re not going anywhere.” Pinandilatan siya nito.

“Bitiwan mo ako, Miss Sandy! You have no right to keep me here!”

“Sure!” Binitiwan ni Sandy ang kamay ni Cindy at inangat ang kanyang mga bisig at ngumisi. “Why so jumpy?”

“I don’t know what you’re doing,” saad ni Cindy na matalim na ring tiningnan ang boss.

“But I know what you’re doing.” Ngumisi si Sandy. Tiniklop nito ang mga bisig.

“No, you don’t. Stop this ridiculous talk, Miss!” Pinandilatan na ni Cindy ang boss.

“Ilang buwan na kitang pinapamanmanan, and I know you and dad have been meeting each other in secret. Ano’ng tingin ninyo sa akin, tanga?”

Malakas ang kabog sa dibdib ni Cindy, ngunit nagpakatatag ito. “Oh, so you’ve been spying on me then. So ano’ng nasagap mo?”

“I don’t know.” Ngumisi si Sandy at lumapit sa kausap at nagsalita sa mahina ngunit pino nitong boses. “How about you tell me kung ano ang pinag-uusapan ninyo ni dad?”

“Why would I tell you?” Hindi kumukurap na nilabanan ni Cindy ang titig ng boss.

“Because you don’t know what I’m capable of.”

“And you don’t know what I’m capable of.” Kinuyum ng dalaga ang mga kamao. “Tama nga ang hinala ko. Ikaw ang nagpakidnap sa akin noong nakaraang buwan.”

Tumawa si Sandy. “May pruweba ka ba? Don’t be silly. But how did you manage to escape?”

Nanginginig sa ngitngit si Cindy. Dahil sa panginginig ay hindi niya alam ang sasabihin. Matalim niya lang na tiningnan ang babaeng nakangisi sa kanya, isang malademonyong ngisi.

Naglakad si Sandy patungo sa likod ng dalaga. “Calm down, my dear. Breathe deeply.” Hinawakan ni Sandy ang balikat niya at minasahe ito. “Just relax.”

“Get your hands off me, you crazy bitch!” Tinanggal ni Cindy ang mga kamay ng boss na nakapatong sa mga balikat niya at humarap dito.

“Ano’ng plano ninyo ni dad?” bulong nito sa nagngangalit na empleyada.

“Bakit ko sasabihin sa’yo?” Pinilit ni Cindy na ngumiti kahit nanginginig ang mga labi. “I thought you were spying on me. Dapat alam mo na.”

“Wag mo akong galitin, Miss Gatchalian. Baka magsisi ka.” Pinandilatan ni Sandy ang empleyada at hinawakan ito sa panga, ngunit agad niyang binitiwan ito. “Ang lamig mo.” Tumawa ito. “Nanlalamig ka ba sa takot?” Ngumising muli si Sandy.

“You have no idea.” Umiling si Cindy at ngumiti. “You think I’m scared of a sick bitch like you?”

“Ang lakas na ng loob mong magsalita ng ganyan.” Umikot si Sandy palibot kay Cindy. “Is that what meetings with my dad did to you? Naging arogante at bastos ka na yata.”

“Why? Scared that someone’s finally standing up to you?”

“I’m still your boss!” Tumigil si Sandy sa harapan ng empleyada.

“Not anymore! I’m resigning.”

“Great! Hindi ko kailangan ang ingratang aktribidang kagaya mo dito,” pinong saad ng nanunuyang boss.

“And we don’t need your incompetence.” Ngumisi si Cindy.

“How dare you!” Pinandilatan ni Sandy ito.

“Why, Sandy, or should I say Cassandra? Bakit nga pala ayaw mong gamitin namin ang totoo mong pangalan? Are you hiding secrets from us?”

“You do not talk to me that way! Kaya kitang ipatapon sa labas ng building na ito.”

“Gaya ng pagpapadukot mo sa akin? You think I wouldn’t find out?”

“You’re a smart girl, but not smart enough.” Ngumisi si Sandy o Cassandra. “Ako nga ang nagpadukot sa’yo. Why? Pakialamera ka kasi.” Nakaturo ang daliri niya sa empleyadang nagpupuyos habang nakikinig. “You should have stayed in your boring office. Pero nagbibida-bidahan ka dito. For what? Para magpasikat? To earn my step dad’s approval.”

Malalim ang mga hiningang binitiwan ni Cindy na nagkukuyom at nanginginig. “You don’t deserve to hold this company. Your dad was right! He made a mistake putting you here.”

“Yes, he made a terrible mistake! Pinagsabihan ko na ang matandang yon, pero pinilit niya ako. What was I supposed to do here? I never gave a shit about what happened to this business of his.”

“That’s why you’ve been stealing from the company.”

“How dare you!” Akmang sasampalin ni Cassandra si Cindy nang hawakan niya ito sa pulso. “What the...” Agad inalis ni Cassandra ang kamay at hinawakan ang bahaging nahawakan ni Cindy. Namumula ito. “What are you?” Pinandilatan ni Cassandra ang babae.

“What am I? I told you, you don’t know what I’m capable of.” Nakita niya ang pag-atras ng boss habang humakbang siya papalapit dito. “So stay away from me. Hindi mo ba itatanong how I escaped from those bastards you hired to kidnap me? Too bad, I’m not staying long enough in this building to tell you the story.” Nilampasan ni Cindy ang dating boss, ngunit naramdaman niyang hinila nito ang buhok niya.

“I don’t know what kind of a witch you are, but if you think you can scare me, think again!” Sinabunutan ni Cassandra si Cindy at tinulak ang ulo nito sa sahig. Nawalan ng balanse ang huli at napailalim ito sa dating boss. “Ang lakas ng loob mo! Yes, you’re not staying long enough in this building. You’re not going anywhere either.” Malademonyo na ang itsura ng mukha ni Cassandrang nakadilat lang sa babaeng nasa ilalim. Natigilan lang siya nang biglang sabay-sabay na nagflush ang mga toilet bowls sa loob ng mga cubicles. Bigla ring umagos ang mga gripo sa lababo. Napaangat ng tingin si Cassandra sa mga ito at ginala niya ang tingin sa buong palikuran.

Nagpumiglas si Cindy. “Get away from me!” Sinipa ni Cindy si Cassandra na tinamaan sa sikmura at natumba. “You think you can hurt me?” Ngumisi si Cindy habang tumatayo. Kinuyom niya ang mga kamay at matalim na tiningnan ang babaeng nakahandusay sa sahig na nagpalingon-lingon sa mga maiingay na toilet bowls at mga umaapaw na lababo.

“Ano’ng nangyayari?” tanong ni Cassandra na halatang taranta habang minamasdan ang tubig mula sa lababo na binabaha ang sahig. “Who’s doing this?” Umangat ang tingin niya kay Cindy na nakangiti. Dahan-dahang tumayo si Cassandra na basa na ang ilang bahagi ng suot. “Kung ganon, ikaw ang... Finally!” Ngumisi si Cassandra at sinugod ang babae.

Ngunit sandaling umatras si Cindy at mabilis na ginalaw ang kanyang mga kamay na animo’y giniya ang ilang pulgadang lalim ng tubig sa sahig papunta kay Cassandra. Gumalaw ang tubig sa sahig na animo’y alon at tila tinulak nito si Cassandra patungo sa dingding. Dumaloy ang tubig na mabilis na bumalot sa buong katawan ng babae maliban sa kanyang mukha. Nakadikit na ang katawan nitong nakatihaya sa dingding na iyon. “I told you hindi mo alam ang kaya kong gawin.” Narinig ni Cindy ang mga katok sa pinto ngunit mabilis niya itong nilingon. Agad na gumapang ang tubig mula sa sahig at binalot ang buong pinto. Mabilis na naging yelo ang tubig na bumalot dito. Narinig niyang tumawa si Cassandra.

“Bravo! Sa wakas...” saad ni Cassandra. Walang bakas ng takot sa kanyang mukha.

“Ano’ng sa wakas?” Nagngingit-ngit si Cindy.

“Who would’ve thought na ang isa sa mga hinahanap ko ay nasa tabi ko lang pala all this time?” saad ng babaeng binalot ang katawan ng tubig at tila naging isang nakapaskil na dekorasyong tao sa pader.

“Ano’ng ibig mong sabihin?”

“Ikaw pala ang may hawak ng hiyas ng tubig.”

Natigilan si Cindy. “Paanong...”

“Matagal ko na kayong hinahanap. But finally, you’re here.”

“Stop bluffing! Hindi mo alam kung gaano kita gustong patayin ngayon. The guys you sent to abduct me nearly gang-raped me.” Lumapit si Cindy sa babaeng nakadikit sa pader. Inangat niya ang kamay na umuusok sa lamig. Ang tensiyon sa kanyang mga panga at ang paglaki ng butas ng kanyang ilong ay nagpahiwatig na labis ang ngitngit na kanyang nadarama. “I can freeze you to death right here.” Dinikit niya ang hintuturo sa tubig na nakabalot kay Cassandra. Tumigas at nagyelo ang tubig sa paligid ng kanyang hintuturo na dahan-dahan niyang hinugot. Ngumingiti siyang umatras upang tingnan ang paglawak ng yelong unti-unting bumalot sa katawan ng bruha.

“Cindy, wag... Wag. Ang lamig! Stop.” Nagmamakaawa ang ekspresyon sa mukha ni Cassandra.

“Malamig?” Binuka ng dalaga ang mga kamay upang humila ng tubig mula sa sahig. Kinumpol niya ang mga ito sa pagitan ng kanyang mga kamay. “Someone told me I can do anything with water.” Hinati niya sa ilang piraso ang kanina’y isang malaking globo ng tubig, at nilaro ang mga ito sa ere hanggang sa bumuo siya ng matutulis na bagay na agad nagyelo sa ere at pumormang mga yelong sibat. Giniya niya ang mga ito patungo sa mukha ng gulat na si Cassandra. “Gusto mong patayin kita dito ngayon?”

“Cindy, don’t do this. Pag-usapan natin ito.”

“Pag-usapan?” Sa labis na galit ay napasigaw siya. Mabilis na tinumbok ng mga tila yelong sibat ang paligid ng ulo ni Cassandra. Nabasag ang ang mga ito, pagkabasag na sandaling nagpapikit sa bruhang nakadikit sa dingding.

Bigla itong ngumisi. “Of course, you’re too kind to kill me. Oh, Cindy, my dear, the likes of you don’t kill people.” Humalakhak ito. “Are you seriously going to keep me here? How will you explain this sa mga tao sa labas? Paano ka lalabas dito?”

Doon lamang napagtanto ng dalaga ang itsura ng loob ng palikuran. Dinig din niya ang ingay ng mga tao sa labas. Nakaramdam ng pagkataranta si Cindy lalo pa’t naalala niya ang sinabi ng matanda. Hindi siya maaaring magpatalo sa bugso ng emosyon.

“Cindy, please ang lamig lamig na...”

Kita ni Cindy na nanginginig na ang kulay lila na mukha ng dating boss. Ngunit nalilito siya kung ano’ng gagawin. Gusto niyang maghiganti. Gusto niyang pahirapan ang babaeng dahilan ng muntik niya ng pagkagahasa.

“Cindy!”

“Shut up!” Tuliro si Cindy. Pa’no nga ba ito? May mga tao na sa labas. Tiyak magtataka sila kapag lumabas siyang basa at makita nilang nasa pader si Cassandra na nababalutan ng yelo. Bigla niyang narinig ang halakhak nito.

“Ang hirap mong pakiusapan!” bulyaw ng bruha.

Nagulat si Cindy nang biglang maglaho si Cassandra. Nabasag ang yelong nasa pader at nahulog ang mga tipak ng yelo sa bumabahang sahig. Inikot niya ang tingin.

“You’re not the only strange bitch in town!” umalingawngaw ng matining na tinig ng bruha.

Lumingon si Cindy sa kinaroroonan ng boses ngunit bigla siyang hinampas ni Cassandra ng plorera sa sentido, paghampas na ikinatumba niya. Napahawak siya sa sentidong dumudugo. Tumigil ang pagdaloy ng tubig mula sa mga gripo. Nawala ulit si Cassandra, kakatwang paglaho na nagpakaba at nagpabahala sa kanya.

Unti-unting nagdilim ang paligid hanggang sa wala na siyang maaninag maliban sa kanyang sarili. Tila ay nasa kawalan siya at tanging isang spotlight mula sa itaas lang ang liwanag niya. Sinakluban siya ng takot. “Ano’ng halimaw ka, Cassandra?”

“Isang halimaw na hindi mo dapat kinanti!” Umalingawngaw muli ang boses ng bruha. Bigla itong bumulaga sa harap ng dalagang ang mga kamay at paa ay nakalubog sa tubig. Bigla niya itong sinampal. “Sa tingin mo kaya mo na ako gamit ang iyong water and ice tricks?” Hinila niya ang dalaga sa buhok.

Nagpumiglas si Cindy. “Bitiwan mo akong bruha ka! Nasaan tayo?”

“Oh, don’t worry, dear. Nandito pa tayo sa restroom.”

“Ano’ng ginawa mo?”

“This is what I do. Kaya kong kontrolin ang liwanag at dilim, pero specialty ko ang huli. Simple lang naman. Did you study physics? I just bent the light in this room so that some of it doesn’t reach your eyes. Voila! Parang nasa yungib ka na. Awesome, di ba? Pero higit pa diyan ang kaya ko.” Tumawa si Cassandra habang inangat nito ang kamay na pinaikutan ng itim na enerhiya. “You should have been more careful. I’ve learned this craft since I was a kid. Ikaw, kelan mo lang natutunang kontrolin ang tubig? You don’t stand a chance against me, my dear.”

“Kung ganon...” Naalala ni Cindy ang nangyaring biglang pagkamatay ng ilaw sa kanilang opisina sampung buwan na ang nakakalipas.

“Kung ganon ay ano, Cindy?”

“What about the...” Nakakunot ang noo ni Cindy nang maalala ang malawakang blackout ng parehong araw na iyon. “The citywide outage. Ikaw ang may gawa non?” Naghalo ang pagtataka at galit sa mukha ni Cindy.

Tumawa si Cassandra. “Congratulations. You’re right. But I needed a bit more dark magic. Hindi ko inasahan ang iilang epekto nito. I heard your phones stopped functioning that night.”

“You killed and injured hundreds of people that night!”

“Sorry about that.”

“Kung ilaw at dilim lang ang kaya mong kontrolin bakit pati mga gadgets ay hindi gumana?”

“Honestly, my dear, hindi ko alam. Sorcery has its ... strange ways. But there’s one thing else I need you to know.” Biglang naglaho si Cassandra.

“Stop pulling off your tricks.” Ginala ni Cindy ang tingin sa maitim na paligid. Nag-aabang ng biglang pagsunggab ng masamang salamangkera. Bigla nga itong bumulaga sa harap niya, mga ilang pulgada ang layo ng mukha sa kanya na ikinabigla niya.

“So now naiintindihan mo na kung bakit bigla akong nawala sa opisina ko noon at biglang nawala ang mga ilaw dito sa 10th floor.” Biglang nawala si Cassandra ngunit lumitaw din sa gilid si Cindy. “Oo, Cindy.” Nawala ulit ito at lumitaw ulit sa kabilang gilid ni Cindy. “Maliban sa pagkontrol ng dilim, kaya ko ring magpalipat lipat ng lokasyon sa isang iglap. Cool, right? Thanks to my” -- ginalaw ni Cassandra ang mga hintuturo na tila may nilalaro o kinakamot sa ere -- “witchy ancestry.” Ngumisi ulit ito.

“Stop this!” bulalas ni Cindy.

“What if I don’t?” Humalakhak ito.

Hahawakan sana ni Cindy ang kamay ni Cassandra nang maglaho ito. “Where are you, bitch? Wag kang duwag!”

“Nakakatawa kang tingnan. Mukha kang basang sisiw.” Galing sa iba’t-ibang sulok ng palikuran ang boses na iyon.

“Hindi ako natatakot sa’yo!”

“Hindi naman kita tinatakot eh. In fact” -- biglang lumitaw si Cassandra sa harap ni Cindy at hinawakan ang panga nito -- “ito ang gusto kong gawin.” Diniin ng bruha ang mga daliri sa panga ng dalaga. Mula sa kamay niya ay dumaloy ang itim na enerhiyang umagos patungo sa bunganga, ilong, at mata ng kanyang biktima. Bumagsak ang katawan ng dalaga sa matubig na sahig, isang senaryong nagpahalakhak kay Cassandra. Malutong na halakhak. Niyakap niya ang dalaga at sila’y naglaho sa umiikot na itim na usok.


Chapter 39

Regalo na ni Errol sa darating na pasko ang mga librong pinamili. Mag-isa na lang ito sa silid na tinutuluyan dahil nga umalis na si Nathan. Minsan ay dinadalaw siya ni Jansen, isang kaibigan na unti-unti na ring napapalapit sa kanya. Minsan ay kinukulit siya nito kung pwede ba maging sila, ngunit gaya noong una ay humindi si Errol. Wala siyang nararamdaman sa lalaki, at ayaw niya itong paasahin, dahil alam niya ang pakiramdam ng umaasa. Kinlaro niya sa simula’t simula na magkaibigan lang sila.

Tila nakasanayan na nga ni Errol ang buhay na mag-isa. Malayo sa pamilya at sa mga dating kaibigan. Hindi na rin sila madalas magtawagan ni Manny dahil sa naging abala na rin siya sa trabaho. Ngunit mawala man ang mga dating kaibigan ay mayroon namang mga bago. Kanina nga lang ay kasama niya ang una.

Nag-iisip si Errol kung ano ang gagawin kapag nga nagsara ang kompanya. Tiyak mahigit isang libong manggagawa ang mawawalan ng trabaho. Binalewala na lang ito ng binata. Hindi naman niya hawak ang kompanya. Isa lamang siyang hamak na empleyado.

Tumunog ang cellphone niya. “Kuya Bryan, napatawag ka?”

“Magkasama pa ba kayo ni Cindy?”

“Kaninang hapon pa kami naghiwalay, kuya, pagkatapos namin mananghalian. Bakit?”

“Hindi niya sinasagot ang mga tawag ko eh.”

“Baka busy lang, kuya. Pinuntahan mo ba sa office niya sa Makati?”

“Hindi, kasi ang usapan namin dito kami magkikita sa Blackbird.”

“Di ba sa Makati din yan? Puntahan mo kaya sa office nila, kuya. Baka kasi busy.”

“Oo, sige. Salamat!”

Matapos ang halos dalawampung minuto ay tumawag ulit si Bryan.

“O, Kuya Bryan, nagkita na ba kayo?”

“Errol! May nabanggit ba si Cindy sa iyo na pupuntahan niya o dadaanan kanina?”

Nabahala si Errol dahil sa tono ni Bryan ay tila may hindi magandang nangyayari. “Wala, kuya. Bakit?”

“Nadatnan ko sa office nila si Marie na tuliro. Hawak niya ang basang bag ni Cindy.”

Kinabahan na si Errol. “Ano! Nasa’n daw si Ate Cindy?”

“Hindi niya alam. Ang sabi niya may parang kaalitan daw ito sa restroom. Pero noong time na yun di daw nila mabuksan ang pinto. Nung mabuksan nila baha daw ng tubig ang banyo tapos walang tao maliban sa bag ni Cindy.”

“Hala! Kuya, ano’ng nangyari?” Naalala ni Errol nang matagpuan nila ng lolo niya si Cindy sa isang bakanteng lugar. Naalala niya na ang babae ang may hawak sa hiyas ng tubig. Malamang siya ang may gawa ng baha sa palikurang iyon. Nabahala si Errol. Bakit ginamit ng ate Cindy niya ang kanyang kapangyarihan sa lugar na iyon? At sino ang kausap niya sa loob? Kinabahan si Errol.

“Hindi ko nga rin alam, kaya nga tinatanong kita. Sige tatawag na lang ulit ako.”

Ibababa na sana ni Errol ang kanyang telepono nang may humila sa kamay niya. Nang lingunin niya ito ay ang lolo niya pala. “Lo, ba’t naman kayo nanggugulat ng ganyan? Dapat nagtext ka man lang muna.”

“Wala tayong panahon para mag-usap. May kailangan tayong puntahan.”

Dinig ni Errol ang taranta sa boses ng lolo. “Lo, magbibihis muna ako.”

“Wala ng panahon! Halika na!”

“Lo, naman!” Ngunit naglaho na si Errol at ang kanyang lolo sa silid.

Nang mawala ang mga umiikot na ilaw sa paningin ni Errol ay nakita nitong nasa maliit at madilim siyang bahay na naiilawan lamang ng isang lampara. Kumpara sa kubo ng lolo, di hamak na mas komportable ang bahay na ito, pero hindi singkomportable ng kanyang inuupahang silid.

“Apo, kailangan mong makita ang iyong lola,” saad ni Melchor.

“Lola?” Pagtataka ang nasa mukha ng binata. Nang igala niya ang tingin ay doon niya napansin ang babaeng nakatayo sa sulok ng madilim na barong barong na naiilawan lamang ng maliit na lampara. Nakasuot ito ng lumang blusa at palda at may tela itong tinalukbong sa kanyang balikat. May mga puti na ito sa buhok niyang nakatali ng likod.

“Siya ba ang kinukwento mo, Kuya Melchor?” Tiningnan ni Magda ang binata. Hinawakan niya ang mga pisngi nito at niyakap. “Kamusta ka?”

“Okay lang po ... lola?” Sandaling napako ang tingin ni Errol sa puting bato na nasa noo ni Magda.

“Siya ang iyong Lola Magda,” saad ni Melchor.

Nakatulala pa rin si Errol sa mukha ni Magda, ngunit maya-maya pa ay nagsalita ito. “Bakit tayo nandito?”

“Nahanap ko na ang apat na pinili ng mga hiyas.”

“Talaga, lo?” Sa gulat ay napalingon si Errol sa kanyang lolo. “Bakit hindi niyo man lang ako sinama?”

“Alam kong abala ka. Pero kilala mo na naman ang isa sa kanila.”

“Oo nga pala, lo. Si Ate Cindy nawawala yata.”

Yumuko si Melchor at tumingin sa kawalan sa labas ng bintana. “Alam ko.”

“Paano?”

“Nakuha na siya ni Cassandra.”

Napakunot ang noo ni Errol. “Wala kayong ginawa, lo?”

“Huli na nang malaman ko.”

“Lo, iligtas natin si ate!”

“Huli na, apo. Huli na.”

“Di ba nakakapagteleport kayo?”

“Hinaharangan ng salamangka ni Cassandra ang kapangyarihan ko. Ikinalulungkot ko.”

“Mas malakas na ang kapangyarihang itim ngayon,” singit ni Magda.

“Paano po?”

“Pamilyar ka ba sa mga ekinoks at solstisyo?”

“Medyo, pero ano naman ang kinalaman ng mga equinoxes at solstices dito?”

“Ganito. Ang mga bruho o bruhang may kapangyarihang kontrolin ang liwanag ay naaapektuhan ng pagbabago ng panahon. Habang umiikot ang mundo sa palibot ng araw ay nagbabago ang haba ng araw at gabi sa iba’t ibang panig ng mundo. Mula Marso hanggang Setyembre ay mas mahaba ang mga araw sa gabi sa norte kung saan tayo naroon. Sa mga buwang iyon ay mas malakas ang pwersa ng liwanag lalo na sa pagsapit ng solstisyo ng tag-init sa Hunyo.”

Sumingit si Melchor. “Kaya noong mga buwang iyon ay halos walang ginawa si Cassandra maliban sa bumuo ng kanyang hukbo upang tugisin ako. Alam niya rin ang epekto ng haba o ikli ng mga araw sa kanyang kapangyarihan.”

“Ngunit sa pagsapit ng setyembre ay unti-unting humahaba ang mga gabi kaysa sa araw. Kaya lumalakas ang pwersa ng dilim,” saad ni Magda.

“Kaya mas makapangyarihan si Cassandra ngayon,” saad ni Melchor na bumuntong-hininga.

“Paano na yan, lo?” Ngunit nakita lang ni Errol na nagtinginan ang matandang magkapatid.

“Bago sumapit ang Marso noon ay sinabihan ko si Kuya Melchor na sanayin ka na upang kahit papaano ay malabanan mo si Cassandra.”

“Ho? Bakit ako? Di ba, lo, kayo ang lalaban sa kanya?”

“Hindi mo naiintindihan!” Hinawakan ni Magda ang mga braso ni Errol at lumingon kay Melchor. “Kuya, hindi mo pa ba pinaliwanag sa kanya?”

“Magda, hindi... Gaya ng sabi ko noon... Hindi siya handa. Hindi siya magiging handa. Hindi niya kaya ang tungkuling ito.” Yumuko si Melchor at umiling.

“Lo, ano po’ng sinasabi ninyo?” Sinakluban ng takot si Errol. “Hindi ko maintindihan.”

“Gusto kitang sanayin noon pa subalit nag-aalangan ako. Masyado kang abala. Ayaw kong maging hadlang sa pag-abot mo sa mga pangarap mo. Hindi ko rin inaasahan ang bilis ng mga pangyayari. Ngunit sa tingin ko ay nagkamali ako sa aking pasya. Dapat noon ay sinanay na kita at ang apat na may hawak sa mga hiyas.”

“Errol, kailangan mong malaman na ikaw ang tatapos ng labang ito,” saad ni Magda sa apo.

“Bakit ako? Wala nga akong powers. Hindi nga ako makapagteleport.”

“Pero ikaw ang susunod na tagaingat!” bulalas ni Magda na nakatitig lang sa binata. “At kahit wala kang kapangyarihang gaya ng sa lolo mo ay may kakayahan kang bumigkas ng mga orasyon. Nasa dugo mo ito, iho.”

“Teka, bakit ako ang tatapos? Sa’n ba kayo pupunta ni lolo?” Kinakabahan si Errol. Bakit ba siya nasadlak sa ganitong laro? Nakita niyang tiningnan ni Magda ang kanyang lolo na pagkuwa’y tumango sa kapatid.

“Errol, makinig ka. Hindi namin aabutin ng Lolo Melchor mo ang dulo ng labang ito.”

Nilingon ni Errol ang lolo niya, tapos humarap kay Magda. “Pa’no? Bakit?”

“Apo,” namamaos na saad ni Melchor, “lahat ng bagay sa mundo ay may katapusan.”

“Pero, teka, paano ninyo naman nasisigurong...”

“Iyon ang saad ng aking mga pangitain,” saad ni Magda.

“Pero baka nagkakamali lang kayo,” saad ni Errol.

“Sinabi ng kuya na may mga kakaibang panaginip ka daw.”

“Lahat naman tayo may mga kakaibang panaginip, di ba po?”

“Maliban sa mga panaginip, may mga pangitain ka pa bang nakikita?”

“Lola, kasi sa pagkabusy ko hindi ko na matandaan.”

“Malakas ang kutob namin ng kuya na ikaw ay kagaya ko rin.”

“Kagayang ano po?”

“Isa ka ring tagakita.”

“Nabanggit din yan ni lolo. Yung parang manghuhula daw.”

Tumango si Magda.

“Ibig sabihin mangyayari din ang mga nakita ko sa aking mga panaginip?” kunot-noong tanong ni Errol.

“Maaring oo, maaring hindi.”

“Ano’ng ibig ninyong sabihin?”

Tumitig si Magda kay Errol. “Ang ating mga pangitain ay mga babala. Babala sa mga mangyayari sa hinaharap.”

“Ibig sabihin pwedeng maiwasan ang mga mangyayari.”

“Pwedeng iwasan. Pwedeng hindi.”

“Hindi ko maintindihan.” Sumimangot si Errol.

“Kadalasan ay hindi tukoy, buo, at eksakto ang mga pangitain. Minsan ay mga simbolismo lamang ang mga ito na kailangan ng akmang interpretasyon.”

Kinilabutan si Errol sa titig ng kanyang lola na noon niya lang nakita. “Hindi ko talaga maintindihan.”

“Hindi pa sa ngayon. Alam ko na nalilito ka pa.”

“So alin sa mga pangitain ko ang magaganap at ang hindi magaganap?”

“Hindi ko alam.”

Naguluhan si Errol.

“Hawakan mo ang mga palad ko.”

“Bakit po?”

“Basta hawakan mo.”

Pinatong ni Errol ang kanyang palad sa palad ng kanyang lola na noon niya lang nakita. Nakita niyang kuminang ang bato na nasa noo nito. Unti-unting naglaho ang paligid. Ang madilim na mga dingding ay napalitan ng mga naghahalong imaheng dilaw, pula, at asul. Nang luminaw ang paligid ay nadama ni Errol ang pagtama ng amoy tubig alat na hangin sa kanyang pisngi.


Chapter 40

“Kahit ilang beses kong makita ang takipsilim na ito, namamangha pa rin ako. Pero, lola, di ba gabi na? Bakit balik tayo sa takipsilim?” Nakaharap si Errol sa lumulubog na araw at maya-maya pa ay inangat niya ang tingin sa makulay ang kalangitan. Naaalala niya ang binatang minsan ay nagdala sa kanya sa magandang lugar na ito. Kamusta na kaya siya?

“Nasa hinaharap tayo, Errol. Tumalikod ka.”

Nang umikot siya ay nanlumo siya sa kanyang nakita. Ang Roxas Boulevard ay tambak ng mga basura at putik. Madilim ang Manila dahil halos lahat ng mga gusali ay walang ilaw. Bagsak ang maraming poste ng kuryente. Tanaw ni Errol ang gusali ng embahada ng Amerika sa di kalayuan. Madilim ito at may mga bitak at sira.

“Lola, ano’ng nangyari?”

“Ang tamang tanong ay, ano ang mangyayari na hahantong sa ganito?”

Tulala lang ang binatang nagtataka. Naglakad-lakad sila ni Magda. Tumigil sila nang makita ang isang stroller na puno ng putik. Malamang may sakay itong sanggol. Sumikip ang dibdib ni Errol sa nakita. Sinakluban siya ng kalungkutan at hilakbot habang ginagala niya ang tingin sa paligid. Ano’ng klaseng pangitain ito?

Ilang metro mula sa stroller ay isang putikang manika. Yumuko ang binata upang sipatin ito. Hahawakan niya sana ito, ngunit tumagos lang ang kanyang kamay dito. Inangat niya ulit ang tingin. Hindi niya maintindihan kung bakit tumulo ang luha niya habang ginala niya ang tingin sa paligid na animo’y dinaanan ng delubyo.

“Hawakan mo ulit ang kamay ko.”

Sumunod si Errol sa sinabi ng matandang babae. Biglang naglaho ang Baywalk. Nang dumilat siya ay nasa isang flyover na sila. “Nakakapagteleport din ba kayo?” Nakita niyang umiling ito.

“Wala akong ganoong kakayahan.”

“Paano tayo nakalipat kaagad?”

“Tayong dalawa ngayon ay hindi lamang basta nakakakita ng isang pangitain. Tayo ay nasa loob ng pangitain. Tayo ay nasa hinaharap. Nakakalipat-lipat tayo dahil ito ang gustong ipakita sa atin ng pangitaing ito. Ito ang gustong ibigay na babala ng hinaharap.”

“Parang time travel pala.”

“Hindi rin. Wala tayong pwedeng galawin dito. Walang nakakakita sa atin.”

Tanaw ni Errol ang mga magkakapatong na mga sasakyang putikan. Tila ay inanod ng baha ang mga ito. Puno ng mga basura at mga nabuwal na puno ang mga kalsada. Madilim din ang lungsod. May nakita siyang mga batang may dalang sulo sa di kalayuan. Kita din niya ang ilang gusaling walang bubong at mga bahay na nawasak. Ang ilang matataas na gusali ay wasak ang mga bintana at may mga bitak. Narinig niyang nagsalita ulit ang matanda.

“Ito ang kailangan nating pigilang mangyari, Errol.”

“Pero, lola, paano?” Ngunit hinawakan lang ulit ni Magda ang kamay ng apo. Nang imulat ni Errol ang mata ay nasa tuktok na sila ng isang napakataas ng gusali sa Maynila. Tanaw niya ang makulay na kalangitang kinakain na ng kaitiman ng kalawakan. At saka, dama niya ang nakakabinging at nakakapanindig-balahibong katahimikan sa lungsod.

Madilim ang kabuuan ng lungsod kahit na may mangilan-ngilang ilaw siyang natatanaw. Wala ang mga ilaw sa bintana ng mga gusali. Wala ang mga gumagapang na mga ilaw sa ibaba mula sa mga sasakyang nagpapasikip ng trapiko. Wala ang masiglang tanawin ng kabisera ng bansa.

Nakakapanindig-balahibo ang kakaibang atmospera ng paligid. Tahimik. Tangay ng hangin ang hindi kaaya-ayang amoy ng tila nabubulok na karne. Napagtanto ni Errol na tila sinalanta ng matinding bagyo o daluyong o tsunami ang buong siyudad. Isa itong pangitain ng paparating na delubyo sa lungsod. Nakadama si Errol ng matinding pagkabahala, takot, at panlumumo. “Paano na sina nanay?” Sumagi din sa isip niya ang mga kaibigan. “Sina Manny, Erik, Ivan... Hindi pwede ito.” At dahil nasa hinaharap sila -- “Lola, ibig sabihin mangyayari pa lang ito?”

“Oo, mangyayari nga ang nakikita mo!”

Nagulat si Errol dahil iba ang boses na narinig. Naging pino ito at matining. Humalakhak ang may-ari ng boses na iyon, isang halakhak na una niyang narinig sa isang palikuran kung saan siya noon nawalan ng malay. Lilingunin niya sana ang kanyang Lola Magda nang biglang malusaw ang imahe ng pangitain at bumalik sila sa loob ng barong-barong ng matandang babae. Narinig ni Errol ang namamaos na boses ng kanyang lolo.

----------

MAG-WATTPAD NA KAYO PLEASE!

3 comments:

  1. Di kita mahanap sa wattpad rhen ung link dito ayaw mabuksan

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hindi ko alam kung ano ang problema kasi nabubuksan ko naman ang links. Doon naman sa wattpad, ito ang link sa profile ko: https://www.wattpad.com/user/PeterJDC

      Delete
  2. Di kita mahanap sa wattpad then ung link dito ayaw mabuksan

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails