Followers

Saturday, March 7, 2015

String from the Heart [12]




CHAPTER TWELVE

AGAD NA sumilay ang ngiti sa labi ni Devin nang makita niya ang papalapit na si Hyde. Dahil sa kaabalahan niya ngayon lang siya ulit nagkaroon ng pagkakataon na mahintay ito. Pagkatapos niyang haranahin ito sa bar ay ngayon lang ulit siya nagpakita rito ngunit hindi naman siya pumapalya sa pagpapadala ng mensahe dito. Ang panliligaw niya tuloy kay Hyde ay parang kabute, lulubog-lilitaw. Mabuti na lang at nauunawaan siya nito. Minsan nakikita niya naman ito sa campus ngunit hindi siya makalapit. Gusto pa naman niyang araw-araw ito nakikita pero hindi nangyayari.
            Kumaway siya para makuha ang pansin nito. Ngumiti ito ng makita siya.
            "Hyde," tawag niya rito, maya-maya.
            Patakbo itong lumapit sa kanya. "Devin. Mabuti at nakita kita. Long time, no see, ah." Anito sa nagbibirong tono.
            Nahihiyang napakamot naman siya sa tungki ng kanyang ilong. "Pasensya na. Matagal na nga mula nang makita mo `ko pero nakikita naman kita."
            Lumabi ito. "Ganoon? Ang daya. Tapos hindi ka nagpapakita sa akin."
            "Panandalian lang naman kasi. Tuwing nakikita kita, busy ka. Ayoko namang maging istorbo sa ginagawa mo."
            Ngumiti si Hyde saka mas lumapit sa kanya. Hinawakan nito ang magkabilang pisngi niya saka siya tinitigan. "Naiintindihan ko. Hindi ka lang naman basta estudyante kasi, Devin, eh. Mas abala ka pa sa isang estudyante kaya naman hinahangaan kita."
            Lumambot ang puso niya sa sinabi nito. Maunawain si Hyde at iyon ang bagay na ipinagpapasalamat niya. Kahit alam nitong nanliligaw siya rito ay never itong nagtanong ng kung anu-ano tungkol sa hindi niya pagpapakita rito.
            "Salamat at naiintindihan mo, Hyde."
            "Sus. Walang kaso sa akin `yon, Devin. Ako nga yata ang nakakaistorbo sa `yo saka sa ginawa mo n'ung sa bar tayo, quotang-quota ka na."
            "You'll never be a nuisance. Kung magiging nuisance ka man, one of the sweetest."
            Namula ito saka binitawan ang mukha niya. "Ga-ganoon?"
            "Oo naman. Ang lakas mo kaya sa akin."
            "Oo na." Natatawang sabi nito.
            "Sabay na tayong umuwi Hyde."
            "Sigurado ka?"
            "Oo naman. Kaya nga kita hinintay para magsabay na tayong umuwi."
            Bigla siyang may naalala. Inalis niya sa pagkakasukbit sa kanyang balikat ang bag saka inilagay iyon sa harapan para makuha ang bagay na ibibigay niya kay Hyde.
            "Para sa `yo, Hyde," aniya sabay abot ng chocolates at isang maliit na stuffed toy dito.
            "Salamat," anito. Inabot nito ang mga iyon. "Sana hindi ka na lang nag-abala pa."
            "Walang kaso `yan. Saka nag-save talaga ako para mabili `yan para sa `yo. Nakakahiya nga na ngayon lang kita nabigyan samantalang sinabi ko sa `yo na araw-araw kitang bibigyan ng mga bagay na magpapasaya sa `yo."
            Namula na naman ito na ikinangiti niya.
            "Ang cute mo."
            "Sa-salamat. Nakakahiya `to," anito. "Pero kahit hindi ka naman na magbigay ng mga bagay, ikaw pa lang sapat na."
            Siya naman ang namula sa sinabi nito. Kinilig din siya.
            "I'm speechless." Nasabi na lang niya sabay kamot sa tungki ng ilong.
            Nagulat na lamang siya ng tumingkayad si Hyde saka siya mabilis na hinalikan sa pisngi.
            "Salamat ulit."
            "Walang kaso basta para sa `yo lahat gagawin ko."
            Natawa ito. Nawala ang awkward atmosphere sa pagitan nila. Naging komportable sila ulit sa isa't-isa.
            "May pagka-corny ka talaga, Devin," anito. Nagbibiro. "Kapag may makarinig sa mga sinasabi mo, matu-turnoff lalo na ang mga fans mo."
            "Wala akong pakialam. Ikaw at ako naman ang mahalaga katulad ng sinasabi ko sa `yo, eh."
            Hindi ito tumugon. Makikita sa mukha ni Hyde ang kagalakan habang nakatingin sa kanya. Maya-maya ay napailing na lang ito.
            "Mais ka na keso ka pa."
            "Ganoon naman talaga kapag nagmamahal, hindi ba? Mula nang makilala kita naging mais at keso na ako. Mahal kita, eh."
            Umiling-iling ito. "Ikaw na."
            Nagsimula na silang maglakad. Katulad dati, hinawakan niya ang kamay nito. Wala naman itong naging pagkontra doon.
            "May pupuntahan ka pa ba bago ka umuwi?" Tanong niya.
            "Meron pa. Pupunta muna ako sa malapit na palengke para bumili ng mga gagamitin namin sa activity bukas. Ako ang nautusan na gawin iyon, eh."
            "Sasamahan kita."
            Kung papayag si Hyde, pabor iyon sa kanya. Makakasama niya ito ng matagal. Magkakaroon din siya ng pagkakataon na makapunta sa bahay nito na matagal na niyang gustong gawin. Gusto rin niya na makilala ang pamilya nito.
            "Sigurado ka ba? Hindi ka ba pagod, Devin?"
            "Hindi pa. Gusto kitang makasama ng matagal. Kung gusto mo rin, pwede mo na akong ipakilala sa pamilya mo bilang manliligaw mo."
            Nag-iwas ito ng tingin na ikinadismaya niya. Gayunpaman, hindi niya iyon pinahalata.
            "Ikaw ang bahala, Hyde. Okay lang sa akin kung hindi mo gusto."
            "Sorry, Devin."
            "Okay lang."
            "Sorry talaga."
            "No worries, Hyde. Magkwento ka na lang tungkol sa `yo."
            "Nagkwento na ako dati pa."
            "`Yong pangyayari naman `yon sa papa mo. `Yong iba naman."
            "Ah okay."
            "Anim kaming magkakapatid. Ang panganay namin si Kuya Vin pero hindi naman namin siya totoong kapatid."
            Kumunot ang noo niya. Of course, he knew something about it. Pahapyaw naman kasi na nagkwento ito tungkol doon minsan. Ang buong kwento kasi nito ay umikot lang sa pagiging possessive ng papa nito at ang ilang bagay.
            "Ampon lang si Kuya Vin. Sabi ni mama bago kami pumunta dito, ibinigay lang daw sa kanya si Kuya ng isang lalaki. Tapos iyon, dahil sa namatay ang totoo namin na kapatid, parang si Kuya ang naging pang-alis ng lungkot ni mama. At dahil sa wala naman silang alam sa totoong pangalan ni Kuya, pinangalanan nilang Vinezzer na totoong pangalan ng Kuya ko."
            Tumango-tango siya. "Magulo rin pala, ano?"
            "Oo. Magulo nga. Pero kahit na hindi namin kapatid si Kuya Vin, mahal na mahal ko `yon."
            Habang nagkukwento si Hyde, kitang-kita sa mukha nito ang fondness para sa kapatid nito.           
            "Siguro kaya naging ganoon dahil mabuti ang naging pagpapalaki ng mama mo sa kanya."
            "Oo. Ang galing nga ni Mama pati ni Lola kaso parang lumayo ang loob sa amin ni Kuya ng may mangyari na hindi dapat."
            Kumunot ang noo niya. "Ano ba ang nangyari na hindi dapat?"
            "Bawal sabihin. Masyadong maselan."
            "Okay. No worries. So bale, kung hindi n'yo totoong kapatid si Kuya Vin, sino ang panganay?"
            "Ako saka ang kakambal ko."
            "May kakambal ka?" Biglang tanong niya. Nakadama siya ng disappointment.
            Tumango ito saka lumabi. "Sorry."
            "Bakit ka nagso-sorry?" Pagmamaang-maangan niya.
            "Sa hindi pagsasabi sa `yo niyon ng madalian."
            "Disappointed ako." Pag-amin niya. "Magda-dalawang buwan na akong nanliligaw sa `yo pero hindi mo nasabi sa akin `yon."
            "Sorry. Para hindi ka na magtampo, libre na lang kita." Panunuyo nito.
            Umiling siya. "Ayoko."
            "Anong gusto mong gawin ko?"
            "If I ask you to kiss me, will you give me one?"
            Natigilan ito. "Para hindi ka magtampo, sige, hahalikan kita."
            "Seryoso ka? Gagawin mo?"
            Tumango ito. "Yup. Ayokong magtampo ka sa akin. Saka ako ang mali."
            Tumigil siya sa paglalakad saka humarap dito.
            "Then give me a kiss." Pumikit siya.
            Hinintay niya na dumampi ang labi ni Hyde sa kanyang labi. Hindi naman iyon nagtagal. Naramdaman niya ang pagdampi ng malambot na labi ni Hyde sa kanyang labi. Akala niya ay pagdampi lamang ang gagawin ni Hyde ngunit nagulat siya ng gumalaw ito.
            Gumanti siya ng halik sa parehong intensidad. Devin feels like heaven. Ang halik na ibinigay sa kanya ni Hyde ay nagbigay sa kanya ng kaligayahan. Sobrang kaligayahan na ito lang ang makakapagbigay.
            Bumitiw lang sila sa paghalik sa isa't-isa ng kapusin sila ng hininga. Ngumiti siya saka niyakap ito ng mahigpit.
            "Thanks for the kiss."
            "Walang kaso."


PAGKATAPOS ng halik na ibinigay ni Hyde kay Devin, tumabi ito sa kanya saka hinawakan ang kamay niya. Pareho silang may ngiti sa labi. Alam ni Hyde na hindi gawain ng manliligaw at nililigawan na maghalikan na parang may relasyon pero iyon lang ang hiniling ni Devin sa kanya para mawala ang disappointment nito sa hindi niya pagsasabi na may kakambal siya.
            Sa totoo lang, halik na mabilis lang naman talaga ang ibibigay niya rito. Dapat. Pero nang dumampi ang labi niya sa malambot na labi nito ay malakas ang pwersa ng kanyang sarili na palalimin iyon na siya namang ginawa niya. At syet lang! The kiss they shared was so damn hot.
            Parang gusto niya tuloy kumanta ng Let It Go. Ang maipadama pa kay Devin ang totoong nararamdaman niya kahit na hindi pa panahon na sabihin niya rito iyon. Well. He just savor the moment that he was beside him. Marami naman silang pagkakataon para masabi dito ang nararamdamn niya.
            Napatingin siya kay Devin ng halikan nito ang likuran ng palad niya. Ngumiti ito na ginantihan naman niya.
            "Dapat magtampo ako sa `yo palagi," pagbibiro nito na ikinatawa niya.
            "Pananamantala naman ang gagawin mo kung ganoon."
            "Siyempre joke lang. Ano pala ang bibilhin mo ulit?"
            "Mga materials na gagamitin para sa group activity namin. Ako ang nautusan na bilhin ang mga iyon. Iyon na lang ang pang-ambag ko." Natatawa niyang sabi.
            "Ganoon? Pwede kitang tulungan, kayo ng mga kagrupo niyo sa gagawin n'yo."
            "Salamat na lang pero huwag na. Abala na iyon sa `yo, busy ka pa naman na tao."
            "Willing naman ako na tulungan kayo."
            Marahan siyang umiling saka hinigpitan ang pagkakahawak sa kamay nito. "Alam kong willing ka pero dapat mong alagaan ang sarili mo, Devin. Busy ka sa school, sa trabaho. Kapag hindi mo inalagaan ang sarili mo, baka magkasakit ka na niyan."
            "Nandyan ka naman para alagaan ako, hindi ba?"
            "Oo naman pero paano kung wala ako sa tabi mo?"
            "You'll come I know." Tiyak na sagot nito.
            "Siguradong-sigurado ka, ano?"
            "Oo naman. Malakas naman ako sa `yo, hindi ba?"
            "Malakas."
            "Hmmm.. that's good to hear. Kapag nagkasakit ako na sana huwag mangyari. Alam kong magiging magaling kang nurse."
            "Oo. Lalo na kung ikaw ang aalagaan ko. Malakas ka sa akin, eh."
            "Ang sarap pakinggan."
            Natawa na lang si Hyde saka inalis sa pagkakahawak nito ang kamay niya. Ang ginawa niya, umabriseyete siya rito na madalas niyang gawin tuwing kasama niya si Clyde. Ngumiti naman si Devin saka sila naglakad na para talagang mag-partner.
            Napansin ni Hyde ang tinginan ng mga tao na nakakasalubong nila ngunit hindi na niya iyon pinansin. Sasabihin niya ulit na 'siya' at si 'Devin' lang ang mahalaga. The two of them only matter. Kung iisipin niya ang tingin ng iba at iisipin ng mga ito, wala silang patutunguhan.


ANG PAGDIDIKIT ni Hyde kay Devin ay mas nagpangitngit kay Vix. Bakit ba sa dami ng pwede niyang makita ay ang dalawa pa talagang ito. The sweetness that the two were showing gives him so much bitterness inside. Nitong nakaraan ay naglie-low muna siya sa paggawa ng bagay na pwedeng gawin niya kay Hyde dahil sa ilang bagay. Kahapon pa lamang siya nagbalak ng bagay na pwedeng gawin dito. Bukod pa roon ay gumagawa na rin siya ng ilang bagay na pwedeng gawin sa pagpaparamdam kay Devin at Jake. Iniiwasan niya rin ang magpakita o kaya ay makasalubong sina Rubius at Dominic dahil sa mga tingin na binibigay ng mga ito sa kanya tuwing nakakasalubong siya. At kay Marty naman, ang pesteng nerd ay mukhang may alam na rin. Hindi ito naging isang nerd kung hindi ito matalino.
            May inutusan siya na ipadala kay Devin ang isang letter na naglalaman ng pagtingin niya rito, bukod pa roon ay may bulaklak din. Bukas iyon ipapadala kay Devin, eksakto sa paglabas nito ng bahay nito o kaya sa labas ng inuupahan nitong apartment. Dahil sa hindi naman siya makakalapit, pinakuhanan na lamang niya ito ng picture, ang magiging reaksyon nito kapag nakita iyon.
            At ang isa naman niyang inutusan ay tiyak niya na ngayon gagawin ang pagpapadala ng isang tangkay ng bulaklak kay Jake. Kailangan na niyang magmadali para mula sa malayo, makita niya ang magiging reaksyon ni Jake na alam niyang nasa isang mall ngayon.
            Tinawagan niya ang inutusan niya at nang malaman ang eksaktong lokasyon ng mga ito ay nagmamadali siyang sumakay sa kanyang sasakyan at pinasibad iyon.


NAGLALAKAD si Jake sa loob ng isang mall. Kasunod niya sina Rubius at Dominic na abala sa kanya-kanyang ginagawa ng mga ito. Nandodoon sila para bumili ng materials na kailangan nila sa gagawin nilang activity para sa isang subject.
            "Sa tagal nating magkakaibigan, ngayon ka lang sumama sa amin, Jake." Ani Rubius.
            Hindi na siya nagtataka ng sabihin iyon ni Rubius. Unang pagkakataon nga naman na sumama siya sa mga ito. Tuwing may group activity kasi sila ay palaging ang dalawa ang bumibili ng ginagamit nila.
            "Iba na talaga ang nagagawa ng tao kapag tinamaan ng virus," ani Dominic.
            "Tama ka d'un, Doms." Pagsang-ayon dito ni Rubius.
            Napailing na lang si Jake. Oo, given na inlove siya pero hanggang tingin lang naman siya. Masaklap lang pero doon muna siya magkakasya. Wala naman kasing mangyayari kung lalapit siya kay Hyde, mag-aaway lang sila, magagalit ito at sa huli siya na naman ang masasaktan.
            "For a change. Gusto ko naman na sumama sa inyo dito. Alam n'yo naman na hindi ko `to nagagawa."
            "Hindi talaga at alam na alam."
            "Saan ba tayo pupunta, Doms?"
            "Sa bilihan ng mga materials."
            "Bilisan na natin para makarami tayo," ani Rubius.
            Nauna pa ito na sinundan na lamang nilang dalawa ni Dominic.
            Siya na ngayon ang nasa hulihan ng mga ito. Napahinto si Jake nang harangan ng isang babae ang daraanan niya. Napatingin siya rito. Hindi na nakakagulat na hindi siya nito matingnan sa mata ngunit walang kaso iyon sa kanya.
            "May kailangan ka ba, Miss?" Malumanay niyang tanong na ikinabigla ng babae.
            "Heto." Sabay abot sa kanya ng babae.
            Naguguluhan na kinuha niya iyon. Isang tangkay iyon ng pulang rosas. "Para sa'n `to? Kanino nanggaling?"
            "May nagpapabigay. Hindi ko pwedeng sabihin kung sino. Secret admirer mo raw."
            "Ganoon?" Hindi naniniwalang sabi niya.
            Paanong nangyari sa mundong ibabaw na ang isang katulad niya na barumbado, walang magawang matino sa loob ng school nila ay magkakaroon ng tagahanga? Alam niyang gwapo siya, hindi maiiwasan na may hahanga sa kagwapuhan na iyon pero sa attitude niya? Imposible talaga.
            "Oo."
            "Baka nagkakamali ka lang. Baka napagkamalan mo lang ako na bibigyan ng bulaklak na ito."
            Iaabot niya sana ang bulaklak dito ng umiling ito. "Sa `yo talaga `yan. Hindi ako pwedeng magkamali. Jake Hyllel Jacinto ang pangalan mo, hindi ba?"
            Tumango siya. "Oo. At kakabit ng pangalan ko ang pagiging notorious."
            "Alam ko rin iyon. Pero hindi ako ang taga hanga mo. I won't like you."
            "Then thank you." Aniya. "Pakisabi na lang sa kung sino man na nag-utos sa `yo na salamat."
            "Okay. Makakarating."
            Umalis na sa kanyang harapan ang babae. Siya naman ay napatitig sa bulaklak. Nabibigla pa rin na may magbibigay sa kanya ng isang bulaklak dahil sa paghanga sa kanya. Pero kahit na nabibigla at natitigilan siya ay walang dating sa kanya iyon. Lumapit siya sa pinakamalapit na basurahan at itinapon doon ang tangkay ng bulaklak.
            Kung si Hyde sana ang nagbigay ng bulaklak na iyon, tatanggapin niya ng buong puso pero hindi ito kaya mas mabuti pa na itapon iyon. Isa pa, hindi siya sanay sa ganoon na bagay. Ang pagkakaroon ng isang secret admirer ay hindi nakakatuwa sa parte niya.
            Naglakad siya palapit sa mga kaibigan na napahinto rin pala. Nagtatanong ang mga tingin nito.
            "Sino iyon?" Agad na tanong ni Rubius.
            "Inutusan daw na bigyan ako ng bulaklak ng isang tagahanga."
            "For the first time," ani Dominic.
            "Sayang at itinapon mo."
            "Hindi ko kailangan iyon." Aniya. "Hindi ko ma-appreciate. Kung sana galing iyon kay Hyde, matutuwa pa ako at itatago iyon."
            "Ang harsh mo, Jake." Nakangiwing sabi ni Rubius.
            "Just stating the truth." Nonchalant na sagot niya. "Tara. Alis na tayo. Puntahan na natin ang bibilhan natin ng materials."
            Nauna siyang naglakad. Sumunod ang mga ito sa kanya.


ANG NGITING nasa labi ni Vix ay nawala ng makita niya ang ginawa ni Jake sa tangkay ng rosas na ipinabigay niya sa katabing babae. Nalungkot siya sa nasaksihan. Akala pa naman niya, dahil sa tinanggap nito iyon ay gusto nito ang bulaklak pero nagkamaki siya dahil itinapon lang nito iyon na parang walang kaso, na tila hindi isang malaking bagay.
            "Itinapon niya," usal niya.
            "Wala na tayong magagawa doon," ani ng babae.
            Nakatanggap ito ng isang matalim na tingin mula sa kanya. "Hindi kita binigyan ng permiso na magsalita, babae."
            Sumimangot ito. "Ana ang pangalan ko at hindi ako basta isang babae lang, Arnulfo."
            Arnulfo, iyon ang pangalan na ginamit niya ng tanungin nito ang pangalan niya. Kahit na kilala na nito ang mukha niya, hindi siya naglakas ng loob na magpakilala dito sa totoong pangalan. Mahirap na. Kailangan niyang mag-ingat.
            "Wala akong pakialam," asik niya.
            "May hitsura ka naman. Mukha kang maayos. Bakit ka naging ganyan? Ang hirap ngayon sa Earth, karamihan sa mga katulad mo, may mga hitsura."
            Pinanlisikan niya ito ng mata. "Huwag kang atribida. Utusan lang kita at wala kang karapatan na magsalita ng kung anu-ano sa akin. Tomboy na `to. Masyado kang maangas."
            "Bigyan mo na ako ng parte ko. Dakilang sawi."
            Pinigilan niya ang sarili na patulan ito. Hindi tamang ipakita niya sa babaeng ito ang kaya niyang gawin. Sobrang pagtitimpi ang ginawa niya. Kinuha niya ang pitaka sa kanyang bulsa at naglabas ng limang lilibuhin mula roon. Padaskol na ibinigay niya iyon sa babae.
            "Ayan na ang parte mo, Ana. Makakaalis ka na, huwag mong ipagkakalat na ako ang nag-utos sa `yo."
            "Masusunod," anito habang binibilang ang pera.
            May usapan na sila nito ngunit kailangan niyang ulitin para huwag nitong malimutan iyon.
            "Makakaalis ka na."
            "Okay. Sa uulitin, Arnulfo. Willing akong gawin ang gusto mo kapalit ng sapat na halaga."
            Inirapan niya lamang ito saka tinalikuran. Lumapit siya sa basurahan kung saan itinapon ni jake ang bulaklak. Nang makita niya ang bulaklak, kinuha niya iyon saka umalis doon.
            Nanggagalaiti pa rin siya. Ang sakit ng rejection, ngunit lalo pa iyon nagpalala sa kaalaman na hindi tinanggap ni jake ang bulaklak dahil sa isang tao.
            Impit siyang napatili ng lumarawan sa kanyang isip ang mukha ni Hyde.
            Peste! Peste! Hintayin mo ang pagganti ko sa `yo, Ilagan. Isa kang malaking tinik sa lalamunan ko! Hintayin mo lang! Gaganti ako!



"BAKIT ganyan ang hitsura ng mukha mo?"
            Ang tanong ni Hyde kay Devin na nagpatingin sa kanya rito. Bago sila bumili ng materials na gagamitin ni Hyde, nagyaya muna siya rito na kumain silang dalawa. Nauwi sila sa isang maliit na kainan na may mga tindang street foods. Kwek-kwek ang sa kanya at buko ang inumin samantalang isaw at betamax ang kay Hyde, buko rin ang panulak nito.
            "Wala naman."
             "Sus. Wala raw. Hindi ka naman basta tatahimik kung wala, eh. Bilis na sabihin mo na sa akin kung bakit bigla ka na lang natahimik."
            "Na-miss ko lang ang pamilya ko."
            "Ganoon ba? Hindi ka pa ba umuuwi sa inyo?"
            Marahan siyang tumango. "Hindi pa. Alam mo naman na busy ako."
            "Dapat umuwi ka rin sa inyo," ani Hyde.
            "Kapag may libre na akong oras."
            "Kailan pa `yon mangyayari, Devin? Alam ko ang pinagdadaanan mo pero dapat pa rin na magkaroon ka ng oras sa pamilya mo. Hindi sapat na nakakausap mo sila sa cellphone tuwing tumatawag ka."
            Napangiti si Devin sa pag-aalala sa boses at mukha ni Hyde. Nakatitig lamang siya rito. Nagpatuloy naman ito sa pagsasalita.
            "Ang pamilya ang isa sa pinakamahalagang bahagi ng pagkatao natin, Devin. Kahit na anong mangyari sa atin, kahit na magkaroon na ng sariling pamilya o kaya may nagawa man tayong mali, sa kanila pa rin tayo babalik. At ang mga magulang natin, tatanggapin nila tayo ng buong puso."
            "Ikaw, Hyde? Gusto mo ba akong maging bahagi ng buhay mo? Gusto mo ba akong maging pamilya mo?"
            Natigil ito sa akmang pagsasalita saka napatingin sa kanya.
            "Gusto mo bang sagutin na kita?"
            Umiling siya. "Hindi ako nagmamadali, alam mo `yon. Natanong ko lang naman."
            "Ikaw? Ano ba sa tingin mo?" Balik-tanong nito.
            "Kung ano ang sa tingin mo, iyon din ang tingin ko."
            "Darating din tayo doon."
            "Alam ko," aniya saka ngumiti. "Say ah." Sabi niya ng iumang dito ang isang piraso ng kwek-kwek.
            Ngumanga naman ito saka nginuya ang isinubo niya habang nakatingin sa kanya. Pinunasan niya ang sauce sa gilid ng labi nito.
            "Susubuan din kita," anito nang maubos ang kinakain.
            "I gladly oblige." He said. Ibinuka niya ang bibig ng iumang nito sa kanya ang piraso ng betamax na natutusok ng barbecue stick.
            Napangiti si Hyde ng muntikan pa iyon mahulog. Mabuti na lang at nasalo niya. Nagkatawanan na lang silang dalawa saka kumain na. Nagsubuan pa sila na labis niyang ikinasiya. Ang saya lang talaga. Sobra. Sana huwag na itong matapos pa.
            At kapag naging sila nito, officially, pupunuin niya ng pagmamahal si Hyde. Hindi siya nagmamadali. Kampante siya dahil alam niya na sa kanya na ito kahit hindi pa sila. Sana huwag dumating ang araw na umaksyon ang karibal niya.
            Nang maisip iyon. Agad na lumitaw sa isipan niya ang mukha ni Jake. Si Jake lang naman ang karibal niya kay Hyde. Ito lang.


ITUTULOY..

4 comments:

  1. Kilig na kilig pero may darating na hindi maganda. pero may daratng na di maganda. Thanks sa update even if you lack the means (Laptop or pc) to upgrade. Sana may mabait na taong tutulong sa iyo. Take care.

    ReplyDelete
  2. Ano ba yung tungkil ng ilong? Haha. Devin-Hyde forevz. Hahaha.


    -yeahitsjm

    ReplyDelete
  3. Naku kelan ba mag-paparamdam ang Vix na yun nakakainis lang na napaka bitter niya. Update na please.

    ReplyDelete
  4. Nakakilig lang yung mga moments nina Devin at Hyde. Kelan kaya mag kakaroon ng ganun si Jake haha sana magkaroon na.

    At yung bwiset na Vix na yan buti nga sa kanya nareject sya haha.

    Thanks author sa update. Take care!

    -44

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails