Followers

Wednesday, February 25, 2015

String from the Heart [9]




Author’s Note

Sabi ng isang reader. Bumati lang daw ako. At iyon po ang gagawin ko ngayon. Tama naman kasi siya nang bonggang-bongga! Wahaha

Kaya bumabati ako sa lahat ng nagbasa at nag-iwan ng komento sa Chapter 8 ng String.

Sa mga sumusunod po.

Vhian (Nice try! Pero hindi siya iyon. Lol)
44 (Kalma lang. malapit na ang pangalan ni SECRET POV.)
Papa JC Sy (Pinakinggan na kita, ah! Pero kasi.. Di ko maiwasan ang i-degrade! lol)
Bharu (Hindi nga talaga tama! Kaya nga nabuset ako kay Jake. haha)
ULAN@26 (Yeah! New name! Salamat nang marami sa pag-iiwan ng komento! Sana may kasunod pa siya!)
Jharz_05 (Wala na yatang papasok! Lol. BTW. Ang lutong ng ‘ALVIN’. Haha. Si ‘VINLA’ na ako sa FB.)
Jess (Kawawa talaga si Jake pero nakakabuset pa rin siya! Haha)
SHAI
Tito Alfred of T.O
YeahitsJM
Gilrex Laurente
Angel
Leandro Roque
Toto Tancinco

SALAMAT ULIT!

Sa mga tao sa group. Hello!

Sa mga CO-RA’S ko! Hello! Welcome pala kay AXEL DELOS REYES!
Welcome back Jace!
At sa iba pa. Seyren, Kuya Carlos, Kuya Rye at kay Prince Justin. At sa iba pa. HELLO PO!

Ang totoo, team Jake po ako! Pero sa mga ginagawa ko, kinakawawa ko na siya. Mashaket! Pero katulad ng pelikula ni FPJ na lagging naaapi sa una baka magbago rin ang mangyayari sa kanya. Iyon nga lang at wala pa. lol

Enjoy po!




CHAPTER NINE

FIRST PLAN FAILED. Nanggagalaiti siya sa galit habang iniisip na ang unang plano niya para magawan ng masama si Hyde ay pumalpak. Nakakabwisit. Nakakataas ng presyon na nakaligtas ang lalaking iyon mula sa sinagi niya na halamanan na nakatapat dito.
            Gusto niyang sumigaw sa kapalpakan na ginawa. Hindi niya napansin na may kasama pala si Hyde at ang pesteng nerd iyon. Hindi niya masasabing payat. Katamtaman ang katawan, sing-taas ni Hyde. Nakasalamin at masasabing may hitsura.
            Napapadyak siya sa inis.
            Nasa second floor siya ng department building. Nakita niya ito na nakatayo sa unang palapag ng gusali at nagkataon naman na nakita niya ang halamanan na nakasentro dito. Eksakto para matamaan ito. Pero..
            Siguro hindi ito ang tamang pagkakataon para magawa niya ang plano. May ibang araw pa naman. Sisiguraduhin na lamang niya na mag-isa ito. Siyempre. Kung mag-iisa ito, wala nang sagabal.
            Natawa siya. Parang praning lang. Katulad dati, ang isipin na may magagawa siyang makakasakit kay Hyde ay nagbibigay sa kanya ng katuwaan.
            "Anong ginagawa mo dyan sa tabi?" Tanong ng kung sino na nagpatingin sa kanya dito.
            Naningkit ang kanyang mata ngunit agad din naman iyong nawala. Mahirap na. Kilala siya ng lalaking ito. Baka kung ano ang isipin nito sa kanya. Lalo na at malapit pa siya sa kinalalagyan ng halamanan kanina.
            Ngumiti siya. Isang pekeng ngiti. Isang nice na ngiti.
            "Nothing. Nakatambay lang ako rito."
            Nagdududang tingin ang ibinigay nito sa kanya. Kasunod sa bakanteng pwesto kung saan nakalagay ang halamanan.
            "Nakita mo ba kung sino ang nakahulog ng halamanan dyan?" Tanong nito.
            "Hindi. Nang pumunta ako dito, nakita kong nahulog na `yon. Siguro, tumakbo ang nakahulog. Natakot yata na baka magsumbong ang kung sino man na tao sa baba. May tao ba sa baba?"
            Humalukipkip lang ito. "Meron. Kaibigan namin."
            Lihim siyang nangitngit sa sinabi nito.
            Kaibigan? Huh? Kakikilala niyo pa lang sa kanya. Isang buwan pa lang mula nang lumipat ang Hyde na iyon dito tapos kaibigan n'yo na kaagad. Samantalang ako na matagal n'yo ng nakakasama. Hindi n'yo man lang ikinonsidera na kaibigan! Mga talampasan na nilalang. Nakakabwisit na Ilagan!
            Sa sinabi nito at sa isipin sa kanyang utak. Mas lalong nagngitngit, nagningas ang galit na nararamdaman niya para kay Hyde. Dapat mawala talaga sa landas niya ang Ilagan na iyon.
            "Sino ba ang nasa ibaba? Anong pangalan ng kaibigan n'yo?"
            "Si Hyde. Nagugustuhan din siya ni Jake."
            "Hyde? Lalaki? Lalaki ang nagugustuhan ni Jake?"
            Nakakagulat! Nakakabwisit! Ibig sabihin.. Mababaliw siya sa kaalaman na binigay nito sa kanya. Hindi lang pala kaibigan ang turing dito ni Jake kundi lalaking mamahalin. At si Devin ay ganoon din. Ano bang kalokohan ang nangyayaring ito? Paano naman siya? Ano ba ito?
            "Well. Imposible pero naging posible siya. Wala na kaming magagawa dahil siya ang natipuhan ni Jake. Average looking siya kapag hindi naaayusan pero nagta-transform kapag naayusan."
            "Hindi kayo galit kay Jake?" Takang tanong niya.
            "Bakit naman kami magagalit sa kanya? Sinusoportahan pa nga namin siya."
            Hindi niya kinakaya ang mga naririnig. Bakit hindi na lang siya? Masasabi niyang maayos naman siya tingnan. May hitsura at may pera ang pamilya niya. Bakit hindi siya mapansin-pansin ni Jake at Devin?
            "Si-sige. Aalis na ako, Sarmiento." Aniya.
            "Okay." Anito.
            Nang malampasan niya ito. Bumalasik ang kanyang mukha. Naikuyom niya ang kamao sa labis na galit. Ang plano para mapalayo si Hyde. Para mawala ito sa eksena ay mas lalong sumidhi.
            Humanda ka sa akin, Ilagan! Mawawala ka rin sa landas ko. Maghintay ka lang!


"SIGURADO ka bang okay ka lang talaga?" Tanong ni Hyde kay Marty.
            Hindi pa rin niya maiwasang mag-alala rito kahit na paulit-ulit nitong sinasabi na okay lang ito. Paano naman na hindi siya mag-aalala? Nagkasugat si Marty sa kanang palad dahil sa pagliligtas sa kanya kanina.
            Ngayon na naglalakad sila palabas ng school ay nakita pa niya ang pagngiwi nito na taliwas sa pinapakita nitong coolness kanina. The cool nerd.
            "Okay nga lang ako, Hyde." Anito, natatawa. "Para kang inahin kung mag-alala sa inakay mo, ah. Nakakatuwa ka talagang maging kaibigan."
            "Mas nakakatuwa kang maging kaibigan, Marty. Iniligtas mo ako sa halamanan na iyon eh."
            Napangiti siya ng mag-iwas ito ng tingin. Nakita rin niya nag pamumula ng mukha nito na madalas niyang napapansin tuwing napupuri ito.
            "`Wag mo na nga akong purihin, Hyde. Ang pag-usapan natin `yong tungkol sa sinabi ni Rubius at Dominic kanina. Totoo bang gusto ka ni Jake?"
            Nahihiyang tumango siya. "Oo."
            "Wow! Ang galing mo! Nagawa mong palambutin ang puso ng bully."
            "Hindi nakakatuwa, Marty. Naninibago ako sa nakita ko kay Jake kanina. He seemed so different. Kung makita mo lang ang ginawa niya kanina."
            "Ano ba ang ginawa niya kanina?"
            "Hindi ko pwedeng sabihin."
            Kahit na may galit siyang nadarama kay Jake ay hindi niya kayang ipagakalat na lang ng basta ang kahinaan na ipinakita nito sa kanya kanina, bukod pa roon ay naaawa rin siya dito.
            "Parang complicated ang nangyari, ah." Puna ni Marty.
            "Oo."
            "`Wag na nating pag-usapan kung ganoon."
            Naghiwalay sila nito ng makalabas na ng university. Sa kaliwang direksyon siya samantalang nasa kanan ito. Bago maghiwalay ay kumaway pa sa kanya si Marty tanda ng pagpapa-alam.
            Gumanti siya.
            Habang naglalakad. Hindi sinasadyang nabunggo siya ng isang lalaki. Hihingi sana siya ng paumanhin dito ngunit naumid ang dila niya nang makita ang tingin sa mata nito. Parang may galit.
            "Sa susunod! Huwag kang haharang sa daan." Anito.
            Hindi siya nakasagot at tiningnan ang papalayong pigura nito. Ito na nga ang nakabangga. Ito pa ang galit.


NANG MAKAUWI si Hyde, agad niyang hinanap si Clyde para manghiram ng cellphone rito. Hindi pa niya kasi nare-reply-an si Devin. Baka nag-aalala na ito sa kanya. Nakita niya si Clyde sa loob ng kwarto nila. Nakahiga sa kamang nasa ibaba ng double deck na higaan nila.
            Nasa taas siya nakapwesto samantalang sa ibaba naman ito.
            "Ang aga mo yata ngayon," anito saka umupo sa higaan nito.
            Tinanggal niya ang butones ng suot na polo sa ohales nito. Lumapit siya kay Clyde saka ipinatong ang nahubad na polo sa ibabaw ng higaan niya.
            "Maaga natapos ang klase namin. Pahiram ako ng cellphone, Clyde."
            "Bakit? May cellphone ka naman ah."
            "Nasira ang cellphone ko. Nadiinan ko kanina nang mapaupo ako sa sahig."
            Napalayo siya kay Clyde ng titigan siya nito ng maiigi. Sabay hawak sa ulo niya. Kinapa-kapa iyon.
            "May bukol ka sa likuran ng ulo mo."
            Hindi naniniwalang napatingin siya rito saka kinapa ang ulo niya. May maliit ngang umbok doon. Hindi naman niya kasi pinansin ang nasaktang ulo kanina. Kay Marty siya naka-focus dahil nasugatan nga ito.
            "Meron nga."
            "Ano ba nangyari at nagkaroon ka ng ganyan?"
            "Tinulak kasi ako ng kaibigan ko kasi nahulog `yong halamanan mula sa pasamano ng second floor, nagkataon na nakatutok sa akin."
            Nanlaki ang mata nito. Gumuhit ang pag-aalala sa mukha.
            "Sino ang may gawa?"
            "Ewan. Hindi na namin tiningnan. Pahiram na ng cellphone. May ite-text ako."
            "Dapat tiningnan n'yo. Dapat ni-report n'yo."
            "Huwag na. Dali na. Iyong cellphone mo, pahiram."
            Napapailing na lang si Clyde saka binigay sa kanya ang cellphone nito. Lumabas siya ng kanilang kwarto at nagtungo sa garden.
            Mabuti na lang at kabisado niya ang numero ni Devin. Ang nagagawa talaga ng tao kapag interesado ka sa isang tao. Napapailing siya sa naisip. He start composing a message for Devin.
            Wala `yong kanina. May nangyari lang pero hindi naman masyadong dapat paglaanan ng pansin. Hyde to.
            Dahil sa alam niyang sasagot si Devin. Hindi pa niya binalik kay Clyde ang cellphone nito. Hindi nga siya nagkamali. Ilang minuto ang lumipas bago siya makatanggap ng mensahe mula kay Devin.
            Pupuntahan sana kita kanina kaso bigla kang nawala.
            Magta-type na sana siya ng mensahe ng tumunog ang cellphone. Tumatawag si Devin. Sinagot naman niya kaagad iyon.
            "Napatawag ka?"
            "Gusto kong marinig ang boses mo," anito. "Bukod pa d'un, I'm also worried, Hyde. Nakita ko si Marty. Sinabi niya sa akin na muntikan kang maaksidente."
            Hyde clearly heard concern in Devin's voice. "Wala `yon. Okay naman ako pati si Marty. Kung tutuusin, sa aming dalawa siya pa ang mas nasaktan. Nagkasugat `yon sa palad."
            "I'm more concern to you," anito. "Kung hindi ka naitulak ni Marty baka nabagsakan ka na ng halamanan na iyon. Wala ka bang natamo na pinsala?"
            "Wala. Maliit lang na bukol sa ulo."
            "Okay lang ba? Hindi ka ba nasaktan?"
            Napangiti na lang siya. Nakakadama na naman ng kilig sa simpleng pag-aalala nito.
            "Hindi naman. Okay lang ako, Devin. Promise. `Wag kang masyadong mag-alala sa akin."
            "Okay. Pero hindi ko maiwasan ang mag-alala sa `yo. Nakit n'yo ba kung sino ang nakahulog?"
            "Hindi."
            Napapalatak ito. "Kailangan `yong maireport. Hindi man lang humingi ng sorry. Paano kung natamaan ka n'un? Baka na-injure ka o kaya naman."
            "Sinabi ko na sa `yong `wag ka ng mag-alala. Salamat sa concern pero okay na ako."
            "I just want to make sure. Ire-report ko `yon sa.."
            "Hindi mo na kailangan gawin `yon, Devin. Wala naman akong pinsala. Hindi ako nasaktan kaya walang dapat na isumbong."
            "Pero paano kung.."
            "Stop the buts. Katulad ng sabi ko sa `yo, okay lang ako. Makulit ka rin, ano?"
            "Can't help it. Importante ka sa akin."
            Kahit hindi siya nakaharap kay Devin. Pakiramdam ni Hyde ay namula ang mukha niya. Kinikilig siya ng sobra sa sinabi nito.
            "Nandyan ka pa ba, Hyde?" Tanong ni Devin.
            "Nandito pa ako."
            "Hindi ka na kasi sumagot," anito. "Wala ka bang gagawin mamaya?"
            "Bakit?"
            "Pwede ba kitang mayayang lumabas?"
            Muli. Natahimik si Hyde. Nakagat niya rin ang labi sa kilig na nadarama. Hindi niya maiwasan ang makadama ng kilig sa simpleng pagdiskarte ni Devin.
            "A-anong oras saka saan?"
            "Pumapayag ka na ba?"
            "Oo. Wala naman kasi akong gagawin mamaya."
            "Tutugtog kami mamaya sa bar na tinutugtugan namin."
            "Okay. Sige. Game ako. Pupunta na lang ako dun mamaya."
            "Susunduin kita dyan sa inyo."
            He paused for a moment. Papayag na sana siya nang makita niya si Clyde na nakatingin sa kanya. Masama ang pagkakatingin nito. Alam niya na hindi siya nito maririnig dahil malayo ang kinatatayuan niya sa pwesto nito. Nasa balcony ito samantalang nasa garden naman siya.
            "Pwede ba Hyde?"
            "Hindi pwede eh."
            Bumuntung-hininga si Devin sa kabilang linya. He knew that Devin was disappointed. Gusto rin naman niya na sunduin siya nito ngunit. Napatingin siyang muli kay Clyde. Nangangamba lang siya sa magiging reaksyon ng mama niya pati ng kakambal niya. Kahit papaano, kilala ni Clyde si Devin. Aksidente kasi nitong nabuksan ang cellphone niya dati na may mga message ni Devin. Baka mag-usisa na naman ito.
            "Okay. Sa ibang pagkakataon na lang."
            "Oo. Don't worry, Devin. Pupunta ako. Hintayin mo na lang ako."
            "Okay. Sige."
            Nakita nya ang pagsenyas ni Clyde na kailangan nito ang cellphone nito. Naitirik na lamang niya ang mata sa actions nito. Nanlalaki pa ang mata at tinuturo ang relong pambisig nito. Baliw lang talaga.
            "End ko na ang call, Devin. Kinukuha na kasi ng may-ari ang cellphone niya."
            "Okay. Sige. Ingat ka Hyde. I-end mo na ang tawag."
            "Okay. Bye."
            He ended the phone call then erase the call history in the phone. Mahirap na makita pa iyon ni Clyde. Pati ang sent message ay binura niya. Pati ang nasa inbox. He just need to be sure.


"ANG HABANG tsikahan naman n'un," ani Theo nang bumalik siya sa pwesto niya kanina. Katatapos pa lamang ng tawag niya kay Hyde at sobrang masaya siya na marinig ang boses nito sa cellphone. Kalakip ng kasiyahan na nadarama niya ay pag-aalala lalo na at sa simpleng pangyayari kanina ay nasaktan ito.
            Siguro, pinanganak lang talagang OA si Devin dahil kahit na sinabi ni Hyde sa kanya na okay ito, hindi pa rin siya mapakali.
            "Anong pinag-usapan n'yong dalawa? Ang haba ng tsikahan. Ayos ka rin pumorma, ano, Hyde?"
            Hindi niya pinansin ang pang-aalaska nito.
            "`Yong tungkol sa nangyari kanina ang pinag-usapan namin. Sabi niya okay lang daw siya pero hindi ako mapakali."
            "Bukod pa roon?" Ani Theo, waring naiinip sa paghintay sa tamang kasagutan niya.
            "I asked him out."
            Ngumisi ito. "Para kang si Flash. Nakaka-ano rin ang kabilisan mo, ano? It's just a matter of almost a month. Pero ang mga da-moves mo. Hanep! Pumayag ba?"
            Tumango siya naka napangiti. "Oo. Pumayag siya. Kaya nga ako masaya, eh. Siyempre, mamaya, gagawin ko ang lahat para maging impressive."
            "Sa likuran mo lang ako, Devin. I'll support you. Naks naman! Papogi ka ng mabuti para sa kanya."
            "Gagawin ko `yon. Sa ngayon, mag-practice muna tayo para mamaya."
            "Mas mabuti pa nga." Pagsang-ayon nito.
            Eksakto naman na dumating si Brax kasunod si Chris. Mga ilang minuto pa, nag-umpisa na sila sa pag-eensayo.


NAKAUPO SI Jake sa tapat ng tindahan na nasa tapat ng bahay nina Hyde. Kanina pa siya roon, naghihintay na dudungaw si Hyde sa balcony ng kwarto nito. Tsk. Nakakatawa na alam niya ang parte ng bahay kung saan ang kwarto nito at kung saan ito palagi naglalagi pagkatapos ng school, pagkatapos ng klase.
            Well. Inaamin naman niya na habit na niyang sundan si Hyde mula ng magtapat siya dito ng totoo. He was considering his self as Hyde's stalker. Bagay na ikinaiiling niya. Para na kasi siyang obsess sa taong mahal niya.
            Hindi naman siya mapapansin ni Hyde kung sakaling lumabas man ito ng bahay ng mga ito dahil nakatago naman ang mukha niya sa suot na hooded jacket. Iyon nga lang at marami ang nakatingin sa kanya. Tingin na parang nagdududa sa totoong pakay niya. Sa gwapo niyang ito, napagkakamalan pa siyang masamang tao.
            Pinoprotektahan lang naman kasi niya ang sarili sa posibleng maging reaksyon ni Hyde na alam niyang negatibo. At kung mabubuko siya nito, tapos na ang maliligayang araw niya mula sa pagtanaw dito sa malayo. Ayaw niyang mangyari iyon.
            "Kanina ka pa nakatingin sa bahay na `yan, hijo."
            Mula sa pagtingin sa bahay nina Hyde, napabaling si Jake sa katabing matandang babae. Sa tantiya niya, naglalaro sa pagitan ng sixty at sixty one ang edad nito. Ang cute rin nito dahil sa height. Nakasuot ito ng antipara na alam niyang makapal ang grado. Ang buhok ay nakaipit tulad ng nakikita niyang ayos ng karaniwan na matanda. Bun style. Nakasuot ito ng bulaklakin na damit.
            "May kailangan ka ba sa mga taong nakatira dyan?" Tanong nito nang hindi siya sumagot.
            "Wa-meron po."
            "Sino?"
            "`Yong classmate ko po?"
            "Dalawang teenager ang nakatira dyan saka `yong dalawang elementary at isang baby. Sino ba sa kambal ang kaklase mo?"
            "Si Hyde po." Nahihiyang sagot niya.
            Sa isang linggo na pagmamatyag niya sa bahay ni Hyde at sa pagtambay sa tindahan na iyon ay ngayon lang sa kanya may kumausap. Nagtanong at nag-usisa. Kumportable naman siya na sagutin ito dahil magaan ang loob niya sa matanda. Dahil na rin siguro sa friendly aura ng matanda.
            "Halika. Tayo ka dyan, sasamahan kita sa loob."
            Nanlaki ang mata niya sa sinabi nito. Kung kanina ay magaan ang pakiramdam niya bigla na lang siyang pinagpawisan ng malapot.
            "Ah..eh.. hindi na po," aniya. Hindi niya makapa ang dapat sabihin. Lumunok muna siya. "Ka-kaano-ano n'yo ho ba si Hyde?"
            "Apo ko siya."
            He was speechless. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin dito. Baka sabihin nito na nakita siya nito. Na..
            "Halika na, hijo. Tulungan mo na rin akong dalhin ang mga dala-dala ko sa loob ng bahay. Ang bigat-bigat ng mga ito. Galing pa ako sa isang bahay namin. Hindi ako sinamahan ng apo kong isa, `yong kapatid ni Hyde, `yong panganay nila."
            Of course, Jake knew the thing. Sa nararamdaman niya kay Hyde, nagawa na niya ang mag-research ng ilang bagay patungkol dito. Pangalawa si Hyde at ang kakambal nito na si Clyde. Ang panganay naman ay si Vinnezer na mas kilala sa palayaw na Vin. At si Vin, may karelasyon na lalaki na nagkataon na malapit na kaibigan ng mga magulang niya.
            Tumayo ang matandang babae. "Halika na, hijo. Bitbitin mo na ang mga bagahe ko para makapasok ka sa bahay. Para makausap mo na rin si Hyde. Importante naman siguro ang kailangan mo sa kanya, hindi ba?"
            Napatango na lang si Jake. Sa loob-loob niya, sobra siyang kinakabahan. Napapamura pa nga siya sa sarili na kinasusuungan niya sa mga oras na iyon. Mas namamawis na rin siya ng malapot.
            "Si-sige po," pagsang-ayon niya. Tumayo na rin siya saka binitbit ang dalawang bayong na nakalapag malapit sa upuan.
            Nauna ito. Habang naglalakad sila patawid sa kalsada. Nakikinig na lamang siya sa kwento ng matanda.
            "Siyanga pala, hijo. Kanina pa tayo nag-uusap pero hindi ko pa alam ang pangalan mo. Ano bang pangalan mo?"
            "Hyllel po." Sagot niya.
            Mas mabuti na ang ipakilala niya rito ang ikalawang pangalan kaysa sa una. Hindi naman kasi niya madalas na nagagamit iyon. Para sigurado na rin siya na hindi siya matatandaan ni..
            "Fe ang pangalan ko. Tawagin mo na lang akong Lola Fe. Nakakatuwa na kahit isang buwan at mahigit, may kaibigan na si Hyde sa school nila. Alam mo ang batang `yon, mahiyain pero may pagka-masungit."
            Napangiti siya sa sinabi nito. Kung alam lang nito na kaaway ang turing sa kanya ni Hyde. Kaaway na nagmamahal sa kaaway na hindi naman niya itinuturing na kaaway. Ang gulo lang. Nakatikim na rin siya ng kasungitan ni Hyde. Ilang beses na rin ba siya nitong nasuntok dahil sa panghahalik niya rito ng walang paalam.
            At nasaktan na rin siya nito kanina lang dahil sa pamba-basted nito sa kanya. Hindi man lang siya binigyan ng pagkakataon na ligawan ito ng maayos. Ang saklap lang.
            Nang nasa tapat na sila ng gate ng bahay nito. Muli, lumakas ang kaba sa puso niya. Huminga muna siya ng malalim bago sumunod kay Lola Fe. Agad niyang nakita ang dalawang bata na naglalaro sa lawn ng bahay. Ang isa naman ay abala sa paglalaro ng kung ano sa hawak nitong cellphone.
            Simple lang ang disenyo ng bahay ngunit makikita ang homey feeling doon. Kahit na ang feeling ay welcoming. Warm.
            Nang makita ng tatlong bata ang lola ng mga ito ay nagsitakbuhan ito palapit sa kanila para magmano sa matanda. Curiousity etched on the children faces. Waring nagtatanong din ang mga iyon saka bumaling ulit sa matanda.
            "Sino siya lola?" Tanong ng isa na sa tingin niya ay ang pinakamatanda.
            Makikita sa mukha nito ang resemblance kay Hyde.
            "Kaibigan at kaklase siya ng Kuya Hyde niyo. Saan ba `yon?"
            "Wala po lola."
            Nakadama siya ng relief sa sinabi nito kahit na may konting disappointment doon. Mas nangingibabaw nga lang ang una dahil magpapatuloy pa ang 'stalker mode' na pagkatao niya.
            Bumaling sa kanya si Lola Fe. "Wala raw si Hyde." Bumaling ulit ito sa apo. "Saan ba nagpunta?"
            "Hindi ko po alam. Basta umalis siya. Tuloy na kayo lola sa bahay."
            "Sige. Mas mabuti pa nga. Nasaan ba ang mama niyo?"
            "Sa kusina po. Nagluluto ng pagkain para mamayang gabi."
            "Ganoon ba. Halika na, Hy-, kung anuman ang pangalan mo, hijo. Basta punta na tayo sa loob."
            Sumunod naman siya. Nakita niya ang loob ng bahay ng mga ito. Nasa tama ang lahat ng gamit, malinis tingnan at organisado. Kahit na may kaliitan iyon ay comforting pa rin sa paningin niya. Napahinto siya nang makita niya ang mga picture frames na nakasabit sa dingding. Mga picture iyon ng mag-anak. Nina Hyde at Clyde nang makatapos sa high school pati sa elementary. Kahit na magkamukhang-magkamukha ang dalawa ay hindi maipagkakaila ang reaksyon ng puso niya kung sino sa dalawa si Hyde. His heart knew the answer.
            Ngiting-ngiti si Hyde sa picture nito. He was hoping that someday he can also see that smile and the sole reason is him. Sana lang.
            "Halika na dito, hijo."
            "Okay po." Aniya. Nagmamadali siyang sundan ito sa kusina.
            Nang makapasok siya roon ay nakadama siya ng hiya nang makita ang nanay ni Hyde. Sa tingin niya naglalaro sa cuarenta y cinco ang edad nito.
            "Magandang hapon po," magalang niyang bati.
            Takte! Nakakakaba! Iyon ang pakiramdam niya. Para siyang nasa hot seat kahit na hindi naman alam ng mga ito ang intensyon niya kay Hyde.
            "Magandang hapon din, hijo. Ikaw ba ang kaibigan ni Hyde?"
            "Opo."
            "Wala ang anak ko. May pinuntahan siya. Hindi ko naman alam kung saan."
            "Okay lang po. Sa ibang araw na lang po ako babalik." Kung babalik pa nga ako.
            "Mas maigi pa nga sa ibang araw. Magmeryenda ka na muna bago ka umalis. O kaya naman pagkakain mo, tumambay ka muna dito sa bahay."    
            He like the idea but he dismiss it immediately. Mahirap na ang maabutan siya ni Hyde sa bahay ng mga ito. Kapag nangyari kasi iyon, tiyak niya na tapos na ang maliligayang araw niya. Masaklap kung iyon ang mangyayari.
            "Upo ka na muna dyan, Hellel." Ani Lola Fe.
            Tumalima naman siya. He won't mind if the old lady was wrong in pronouncing his name. Siguro nahihirapan ito doon. Ayos din naman sa kanya.
            "Ano ang sadya mo sa anak ko, Hellel?"
            "May itatanong lang po." Pagsisinungaling niya. Wala siyang maisip na ibang palusot kundi iyon.
            "Wala pa naman siya kaya magmeryenda ka na muna." Pagkasabi niyon, inilapag nito sa mesa palapit sa kanya ang isang pinggan ng saging na saba na ginataan. The food looks appetizing. Mula sa pagkain, napatingin siya sa lalagyan ng asukal na inilapag nito sa tabi ng plato.
            "Kain ka ng marami. Masarap `yan. `Yan palagi ang request na meryenda ni Hyde. Mahilig iyon sa kahit anong luto ng saging." Anito.
            May nadama man siyang pagkailang ng maupo ito sa upuan na nasa kabilang bahagi ng mesa na paharap sa kanya, itinago niya iyon. Inabot niya ang tinidor saka tumusok ng isang saging.
            Nang matikman niya iyon, agad siyang nasarapan. Hindi na niya kailangan ng asukal para mapatamis iyon dahil sadyang matamis na ang saging. Hinog na rin kasi iyon. Idagdag pa na may kaunting alat iyon na lalo pang nagpasarap sa kahalong gata nito. Matamis na may kaunting alat. Para sa kanya, perfect combination iyon.
            Habang kumakain, napaisip siya. He was bitter in no exact sense of the word. And Hyde was sweet in the exact meaning of the word. Sila kayang dalawa? Pwede kaya silang mag-jive? Pwede rin ba katulad ng kinakain niya ngayon. Sana nga ay pwede rin.
            Nang maubos niya ang pagkain. Napatingin siya sa mama ni Hyde. Maluwang ang pagkakangiti nito saka siya inabutan ng tubig.
            "Kung gusto mo pa, bibigyan pa kita."
            Nahihiyang tumango siya saka kiming ngumiti. "Pwede pa po ba?"
            "Pwedeng-pwede. Masarap kang pakainin, napakagana. Hindi ka rin mapili." Pamumuna nito.
            Nakadama siya ng hiya at tuwa sa sinabi nito. Kung alam lang ng mama ni Hyde na bihira siyang kumain sa bahay nila. Hindi rin siya nahilig sa homemade foods and delicacies dahil wala naman nagluluto para sa kanya. His parents were both busy with their so-called business na wala siyang pakialam, simula n'ung kaya na niyang tumayo sa sarili ng mag-isa na walang tulong ng katulong, naging suki na siya ng mga fastfood chains. Kung sa bahay naman siya ay mga cup noodles at de latang pagkain ang nilalantakan niya. Kaya naman sobra niyang naa-appreciate ang pagkain na inihain nito sa kanya.
            "Masarap po kasi ang luto niyo," aniya.     
            "Salamat naman at nagustuhan mo."
            "Gustong-gusto po."
            Ngumiti lang ito saka kinuha ang kinainan niya para malagyan ng pagkain. Habang kumakain siya, part two, abala naman siya sa pakikinig sa mga kwento nito tungkol kay Hyde. And God! Sa mga kinwento ng mama ni Hyde sa kanya mas lalo pa siyang nagkagusto kay Hyde.


ITUTULOY..

9 comments:

  1. Nakakabitin naman to haha sana next update mahaba na pls pls haha.

    Nakaka curious kung sino yung demonyong gumawa nun kay Hyde. Tsk! And sana bigyan nya ng chance si Jake haha sana talaga.

    -44

    ReplyDelete
  2. Hala ka jake alis n jn mahuli k pa hahahha :(


    Shai

    ReplyDelete
  3. ok din ang style ni Jake ah. mabait na yata sya. parang nakita ko yung sarili ko na nagaabang kahit ilang oras pa, makita lang ang mahal. anyway, tingin ko nakapuntos si jake. naunahan pa nya yung karibal nya na makapunta sa bahay ni hyde. ang nagagawa nga naman ng pagibig lalo na pag tinamaan ng madugong pana ng pagibig. ang bully bumabait. ang malakas humihina, pati henyo nauubusan ng sagot. tapos ang matigas lumalambot pero may malambot din na tumitigas haha.

    bharu

    ReplyDelete
  4. Maraming salamat sa update. Medyo emotional ang episode na to. I like it. Take care Vienne bot.

    ReplyDelete
  5. Naku iba ang pakiramdam ko sa magiging takbo ng kwento na ito dahil don sa nagagalit kay Hyde. Tsk tsk. Wala naman sanang grabeng eksena. Haha.

    ReplyDelete
  6. Awwts ang ikli naman pakihabaan naman sa susunod medyo bitin na. Di kaya yung kausap ni Devin ang gumawa nun? Sino ba kasi yun at bakit nakikigulo siya? Next update na agad.

    ReplyDelete
  7. Lahat ng avid readers mo isa lng masasabi at isa na ako dun "PAKI HABAAN NG BAWAT KABANATA" hahaha.


    Nakaka curious naman ang kontrabida sa buhay ni HYDE Sino kya yun.. E rereveal muna ba next chapter?

    Can't wait for the next chapter...

    ReplyDelete
  8. Hi, silent reader po ako from the start..
    Like ko po talaga ang story.. :)
    Ang daming ups and down.. nkaka-excite..

    -Jaze-

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails