Followers

Tuesday, January 6, 2015

Beat of my Heart Chapter 25&26




AUTHOR’S NOTE

Hindi ko alam kung nabigyan ko ba ng justification ang ilang bagay sa chapter na ito. Lalo na `yong tamang paggamit ng SOLDIER na kanta. HAHA.. Siguro, hindi naman iyon magiging issue. Hindi nga ba?

Dito na natin malalaman kung sino ang papa ni VIENNE. May sarili po siyang POV.

Again, humihingi ako ng pasensya sa katsungahan ng character ni Vienne. In a way siguro, tama naman yata. Sana nga!!


ENJOY PO!!


CHAPTER TWENTY-FIVE

HINDI sanay si Coby na makita ang dalawang tao na mahalaga sa kanya sa miserableng sitwasyon na kinasusuungan ng mga ito ngayon. Kaya kahit hindi sabihin ni Brax, tutulungan niya ang mga ito. Sa iyon man lang, magkaroon siya ng magandang bagay na nagawa. Dama at kitang-kita naman niya na mahal ng mga ito ang isa't-isa. Lalo na si Vienne. Mahal nito si Brax ngunit mas pinili nito ang makipag-hiwalay. Makipag-hiwalay sa dahilan na walang kaide-ideya si Brax.
            Hindi na siya nagsayang pa ng panahon. Kahapon, nang kausapin niya si Brax, ang pagtulong dito para makausap si Vienne ang tanging nasa isipan niya. Tinawagan niya si Vienne.
            Ilang ring ang namagitan bago sagutin ni Vienne ang tawag niya.
            "Pwede ba tayong mag-usap bukas ng hapon sa park, Vienne?"
            "Para saan?" Tanong nito.
            Kahit hindi niya ito nakikita, alam niya na galing ito sa pag-iyak dahil sa tunog ng boses nito. Ganoon din ang boses nito nang tawagan siya kahapon para hanapin si Brax.
            "Tungkol sa nangyayari sa inyo ni Brax. Nandito ako, Vienne. Kaibigan n'yo ako, hindi ba? Kung gusto mo ng makakausap, nandito lang ako."
            "Salamat, Coby. Sige, mag-usap tayo bukas."
            "Tama na ang iyak, Vienne."        
            "Hindi ko mapigilan, eh."
            "Mag-uusap tayo bukas, Vienne. Magiging sandalan mo ako bukas."
           "May masasandalan naman ako, Coby. Si Brax, siya ang mas nangangailangan ng kasama ngayon. Si Brax na lang ang samahan mo, huwag na ako."
            "Bakit si Brax lang? Pareho ko kayong kaibigan na dalawa. Pareho n'yo akong kailangan ngayon."
            "Alam ko naman `yon. Alam ko na nasa tabi lang kita, sa tabi namin ni Brax pero si Brax ang mas nangangaila.."
            "Mahal mo siya pero bakit kailangan mong makipaghiwalay sa kanya?" Pagputol niya sa sasabihin nito.
            "Minsan hindi sapat ang pagmamahal para mapanatili ang isang relasyon, Coby. Oo, given na mahal ko siya, mahal na mahal pero sapat ba ang pagmamahal ko sa kanya para mabawasan ang pasanin na nararamdaman niya."
            "Mas nasasaktan mo siya sa ginagawa mo. Sinasaktan n'yong dalawa ang isa't-isa dahil sa desisyon mo."
            "Huwag na nating pag-usapan `to," pag-iwas nito saka impit na umiyak.
            Napabuntung-hininga na lamang siya. Wala na siyang magagawa sa pag-iwas nito.
            "Matulog ka na, Vienne. Alam ko na magiging okay ang lahat, kayong dalawa ni Brax."
            Hindi ito tumugon. Narinig niya ang hudyat na tinapos na nito ang tawag. Muli, huminga siya ng malalim.
            Siya ang magiging tagapamagitan sa dalawang tao na importante sa kanya. Sana mapagbati niya ang mga ito at muling magkabalikan. Sana, magawa niya iyon with flying colors


PAGKATAPOS ng klase ni Vienne, eksakto naman na tumawag sa kanya si Coby para sa pagkikita nila sa park. Wala sa sarili na lumabas siya ng room niya para mapuntahan si Coby sa park na sa hindi kalayuan ng school niya.
            Kalalabas pa lamang niya sa classroom nang makita niya si Ambrose. Kimi niya itong nginitian. Gumanti naman ito ng isang malungkot na ngiti. Nakikita rin niya rito ang pag-aalala para sa kanya.
            Nitong nakaraan, ito ang nagsilbing sandalan at tagapayo niya sa mga nangyayari sa buhay niya. Nagpapasalamat siya dahil para sa kanya kinalimutan muna nito ang totoong pakay sa kanya. Ang totoong nararamdaman nito.
            "Kumusta ka na, Vienne?" Tanong nito.
            "Okay lang," aniya.
            Tinitigan siya nito saka bumuntung-hininga. "Hindi ka mukhang okay, Vienne. Nag-aalala ako para sa `yo. Hindi ka na katulad ng dati."
            "I'm still coping up. Nasa ganoon pa akong stage kaya hindi pa ako magiging tulad ng dati, Ambrose."
            "Saan ka pupunta? Sasamahan na kita."
            "Makikipagkita ako kay Coby sa park."
            "Sasamahan na kita."
            "No need, Ambrose. Kaya ko na ang sarili ko. Siyanga pala, salamat sa pag-alalay sa `kin. Salamat kasi hindi ka nagsawa na maging sandalan ko sa oras na kailangan ko."
            "Ganoon ka ka-importante sa `kin. I'm willing to do everything just for you because I love you."
            Napangiti siya nang mapait. "Pagmamahal na hindi ko naman matutugunan, Ambrose. I'm sorry."
            "Okay lang," sabi nito. Nakangiti ngunit may lungkot sa mga mata. "Okay lang. Sapat na nasa tabi mo ako tuwing kailangan mo ako. Sinabi ko naman sa `yo dati na nasasaktan ako. Pero masaya pa rin ako kasi mag-kaibigan pa rin tayo. Hindi mo sinara ang pintuan para sa `kin. Hindi ka nagtanim ng sama ng loob kahit isang buwan at mahigit kita hindi pinansin."
            Niyakap niya ito. Isang mahigpit na yakap. Tumulo ang luha niya. Hindi na naman niya mapigilan ang maiyak. Kung sana, katulad ni Ambrose si Brax na maunawain. Na sana, kapag nalaman nito ang totoo, hindi ito magalit sa kanya.
            Inilayo siya ni Ambrose saka tiningnan. "Umiiyak ka na naman," anito sabay punas sa luhang dumaloy sa kanyang pisngi.
            "Hindi ko mapigilan, eh."
            Kinabig siya nito saka niyakap. "Simula nang mawala si Lola Cons. Nang makipag-break ka kay Brax, you became different. Naging iyakin ka na. Palaging malungkot at parang pasan ang lahat ng problema sa mundo. Mahal mo si Brax, hindi ba?"
            "Oo."
            "Pero bakit ka nakipaghiwalay sa kanya?"
            "Hindi ikaw ang unang nagtanong sa akin ng ganyan, Ambrose. Kahit mahal ko siya, hindi naman sapat iyon para maibsan ko ang sakit na mararamdaman niya."
            "Paano mo malalaman kung hindi mo sinusubukan? Kung may tinatago ka, sabihin mo na sa kanya. Sabihin mo na bago pa mahuli ang lahat."
            "Hindi ko kasi kaya, eh. Natatakot ako sa magiging reaksyon niya."
            Kumalas siya sa pagkakayakap nito. Pinunasan niya ang luha sa kanyang pisngi saka ngumiti rito.
            "Okay ka na ba?"
            "Okay na," aniya. "Sige, aalis na ako."
            "Okay. Mag-iingat ka."


MAHAL ni Ambrose si Vienne kaya hindi niya maiwasan ang masaktan sa nakikitang pagbabago nito. Ang lalaking minahal niya noon ay malayo na sa nakikita niya ngayon. Sobrang nag-iba ito.
            Nasasaktan siya sa nakikita. Hindi niya kayang makita na ganoon si Vienne. Nakakapanibago. Alam niya na si Brax ang magbabalik ng ngiti at sigla sa mukha nito, wala ng iba pa.
            Hindi alam ni Ambrose kung ano ba ang bagay na hindi masabi-sabi ni Vienne kay Brax. Natatakot ito sa posibleng maging reaksyon ni Brax. Parang sobrang lalim ng sikreto na iyon kaya sobra ang takot na nadarama nito.
            Alam niya na hindi siya sapat para kay Vienne, para mapasaya niya ito. Dapat nga masaya siya dahil wala ng relasyon ang dalawa ngunit taliwas ang nadarama niya. Malungkot siya para sa mga ito.
            Kailangan niyang gumawa ng paraan para magbalikan ang dalawa. Kailangang mangyari iyon para makita niya ang dating Vienne, ang Vienne na mahal niya. Kahit masakit, tatanggapin niya. Ang mahalaga mapasaya niya si Vienne.


PAGKATAPOS ng mahaba niyang pananatili sa ibang bansa, sa wakas nakauwi na si Santi sa bansa. Isang masayang ngiti ang sumilay sa kanyang labi. Isang bagay lang naman ang dahilan ng pag-uwi niya. At iyon ay ang anak niya kay Flora na si Vienne.            Matagal siyang nanatili sa ibang bansa. Doon sila nanirahan ng long time partner niya na si Will na naiwan doon dahil sa trabaho nito. Alam ni Santi na masyadong matagal bago siya makabalik sa bansa. Hindi niya ipagkakaila na nakadama siya ng takot at konsensiya sa sarili sa panloloko niya kay Flora.
            Si Flora ang nag-iisang babae na minahal niya. Pinahalagahan ngunit hindi maiiwasan ang katotohanan na ginawa niya itong panakip butas para makalimutan si Will na nagpunta noon sa ibang bansa.
            Ang buong akala niya, matatahimik na siya noon. Magiging masaya sa piling ni Flora. May balak sana siyang pakasalan ito ngunit bumalik si Will para sa kanya. Nagmakaawa at nakipagbalikan na hindi niya tinanggihan dahil kahit na ano man ang mangyari ay mahal na mahal pa rin niya. Mahal niya kaysa kay Flora.
            Handa na sana siya noong makipaghiwalay kay Flora ngunit naunahan siya nito nang makita silang dalawa ni Will sa ibabaw ng kama, kapwa walang saplot at ginagawa ang isang bagay.
            Sobra siyang nagsisisi noon. Umiyak siya ng ilang gabi dahil sa nangyari. Tinangka niya ring lapitan ito subalit matigas si Flora. At nalaman niya na nagdadalang-tao ito. Nagdadalang-tao na hindi man lang niya nasuportahan at nakita.
            Masyadong matagal ang pagbawing gagawin niya. Gusto niya kasi na ayusin muna ang sarili bago malapitan ang mag-ina niya para makahingi ng tawad. Ang sabi ng imbestigador na kinuha niya para hanapin ang kanyang mag-ina. Nasa dating tirahan pa rin ng mga ito nakatira. Kamamatay lang ng mama ni Flora.
            Pumara siya ng taxi saka nagpahatid sa tutuluyan niyang bahay habang nasa bansa siya. Pagkatapos niyang iwanan ang gamit sa bahay, nagpahatid siya sa school ng kanyang anak.
            Kalahating oras din ang ginugol niya sa biyahe bago makarating sa school ni Vienne. Nanatili siyang nakatayo sa labas ng university. Mangilan-ngilan na estudyante ang lumalabas ng school.
            His senses became full alert when he saw a familiar face. Nagmamadaling lumapit siya rito. Ngunit natigilan siya nang makita ang sobrang kalungkutan sa mukha nito. Isang linggo na ang nakalilipas mula nang mamatay ang lola nito ngunit ang kalungkutan sa mukha nito ay sadyang malubha.
            Hindi kaila kay Santi ang naging pagtrato rito ni Flora. Alam niya ang pinagdaanan ng anak niya base sa kwento ng imbestigador. Sa katunayan, nang marinig niya nga ang kwento nito ay labis na pagsisisi ang bumangon sa kanyang puso. Masyado siyang nahuli para suporatahan ang anak. Masyado siyang nahuli sa pagiging duwag kaya hindi niya iyon nagawa.
            Ngayon ang tamang pagkakataon para makabawi siya rito. Pasimple niyang sinundan ito. Tila wala sa sariling naglalakad lang si Vienne. Tumawid ito sa kalsada ng hindi man lang tinitingnan kung may mga sasakyan. Bumangon ang takot sa kanyang puso nang makita ang paparating na sasakyan. Mabilis siyang tumakbo palapit dito at hinila ito pabalik sa gilid nga kalsada.
            "Okay ka lang ba, boy?" Nag-aalalang tanong niya rito.
            Tiningnan lang siya nito saka tumango. "Mukhang wala ka sa sarili? May problema ka ba? Muntikan ka pang mapahamak sa lalim ng iniisip mo." Sunod-sunod niyang sabi.
            "Pasensya na ho. Hindi ko kasi napansin na may paparating na sasakyan. Okay na ho ako. Hindi naman ako nasaktan. Sige ho."
            "Ihahatid na kita sa pupuntahan mo."
            Hindi ito umimik. Indikasyon na payag ito sa gusto niyang mangyari. Habang malapit siya sa kanyang anak. Ang tanging gusto niyang gawin ay yakapin ito ng mahigpit, humingi ng kapatawaran at makausap ito ng matagal. Ngunit sobrang pagpipigil ang ginagawa niya. Ayaw niyang biglain ito. Bago niya iyon gawin, pupuntahan niya muna si Flora at hihingi siya ng kapatawaran dito.
            "Anong pangalan mo?"
            "Vienne ho," anito.
            Lihim siyang napangiti sa pagiging magalang nito.
            "Ilang taon ka na? Saan ka nakatira?"
            Sa halip na sagutin ang katanungan niya, nagtanong ito. "Kayo ho, anong pangalan n'yo? Salamat po pala sa pagliligtas n'yo sa `kin kanina."
            "Walang anuman. Ano bang problema mo?"
            "Sabi ng lola ko, huwag daw akong makikipag-usap sa hindi ko kilala."
            Napangiti siya. Ngiti na nauwi sa pagtawa sa sinabi nito. "Oo nga pala, Santiago ang pangalan ko. Santi naman ang palayaw ko."
            Napahinto ito saka tumingin sa kanya. Napahinto rin siya.
            "Bakit?"
            "Kapangalan n'yo ho ang papa ko."
            Nabigla siya. Hindi niya alam na kahit papaano ay may alam ito sa kanya. Nawala rin ang ngiti sa kanyang labi. Napalitan iyon ng kaseryosohan. "Sa-saan ang papa mo?" Kinakabahan niyang tanong.
            "Hindi ko ho alam," anito, lumungkot ang mukha. "Simula pagkabata, hindi ko na ho siya nakita. Nitong nakaraan ko lang po nalaman na naiiba ang papa ko."
            "Paanong naiiba?"
            "Hindi naman po siya kasi totoong lalaki. Ang sabi ni mama, bakla raw siya. Pero kahit na ganoon po, nagpapasalamat pa rin ako sa kanya kahit na medyo may galit ako. Buhay pa pala siya pero hindi man lang niya nagawang puntahan ako o kaya naman kumustahin. Alam n'yo ho, sa inyo ko lang ito sasabihin. Naiinggit ako tuwing nag-uusap ang mga classmate ko tungkol sa mga papa nila, tuwing may school activites sa school na kasama ang mga magulang nila. Ako kasi, wala n'un, eh. Given na nandyan si mama pero wala naman siyang pakialam sa akin noon. `Yong tao naman na kinakapitan ko, nawala na sa `kin nang tuluyan. Pati ang lalaking mahal na mahal ko, kailangan kong i-break dahil sa konsenya na guugulo sa `kin."
            Nagsimulang tumulo ang luha nito. Natigilan siya sa lahat ng sinabi nito. Ngunit ang mas may impact sa kanya ang huling sinabi nito. Lalaki ang mahal ng anak niya. Katulad niya rin ito. At ang paghihirap na nadarama nito, damang-dama niya.
            Kinabig niya ito palapit sa kanya saka niyakap ng mahigpit.
            Patawad anak. Patawad. Ang daming kasalanan ni papa sa `yo. Sana kapag sinabi ko sa `yo ang totoo, agad mong matanggap at huwag kang magalit nang husto.


NAHIHIYANG lumayo si Vienne sa lalaking nakayakap sa kanya. Unang pagkikita nila ito. Hindi ito pamilyar sa kanya ngunit ang pakiramdam niya ay napakagaan. Parang may koneksyon silang dalawa at ang tagal na nilang magkasama.
            Hindi niya ito kilala ngunit hindi niya maiwasan ang i-share rito ang problemang pinagdadaanan niya. Kahit sa isang estranghero ay nai-share niya iyon.
            "Pasensya na ho kayo," aniya sabay punas sa luhang naglandas sa pisngi niya.
            Ngumiti ang lalaki saka pasimpleng pinunasan ang luha na namuo sa sulok ng mata nito.
            "Walang kaso sa `kin `yon. Masaya nga ako kasi kahit sa simpleng paraan, nakatulong ako sa `yo para mapagaan ang nararamdaman mo. Kung kailangan mo ng tulong at masasandalan nandito lang ako, anak."
            Natigilan siya sa sinabi nito. Ang sarap sa pakiramdam na may tumatawag sa iyo ng anak na mula sa isang lalaki na parang ama mo na.
            "Maraming salamat po ulit. Sige po, kailangan ko ng umalis."
            Tatalikuran na sana niya ito ngunit pinigilan siya. "Pwede ko bang makuha ang cellphone number mo?"
            Walang pagdadalawang-isip na binigay niya rito ang numero niya.
            Nginitian niya ito.
            "Salamat po ulit."
            Naglakad siya patungo sa park. Habang papunta roon, hndi niya maiwasan na maisip ang lalaki. Sa tantiya niya, kaedad lang ito ng mama niya o mas matanda ito. Talagang papasa ang lalaki na nagngangalang Santi na ama niya. Idagdag pa na kapangalan pa ito ng totoo niyang ama.
            Napabuntung-hininga siya. Kailan niya kaya makikita ang papa niya? At kung sakali na makita niya ito, ano ba ang magiging reaksyon niya? Agad-agad ba niya itong mapapatawad sa kasalanan nito? Matatanggap niya ba agad ito?
            Natigil lang siya sa pag-iisip nang makarating sa park. Nagtungo siya sa bench kung saan lagi silang pumupwesto nila Brax kapag tumatambay sila roon.
            Wala pa si Coby kaya naglakad-lakad muna siya. Nakita niya ang pamilyar na mukha na nakaupo sa damuhan, sa hindi kalayuan. Nag-iisa at nakangiti habang nakatingin sa playground.
            Nilapitan niya ito.
            "He-hello!" Nahihiyang sabi niya.
            Nagtaas ito ng tingin saka bumaling sa kanya. "Hello! Ikaw si Vienne, hindi ba?" Magiliw na sabi nito.
            "Ako nga ho."
            "Ang lungkot ng mukha mo," anito. "Halika ka. Gusto mong pag-usapan `yan?"
            Natahimik siya. Para talagang psychic ito o sadyang halata lang sa mata niya na ilang gabing umiyak ang problema pati na rin sa aura niya.
            "Kumusta na kayo ni Brax?" Tanong nito.
            "Wa-wala na ho kami ni Brax."
            "Drop the ho at po, Vienne. Hindi naman nalalayo ang edad natin. Sabi ko naman sa `yo, twenty-three pa lang ako."
            "Kuya kayo ni Hyde, eh."
            "Hindi naman kita kapatid."
            "Ang kulit n'yo lang," nangingiting sabi niya.
            Ngumiti ito. "`Yan! Mas gwapo ka kapag nakangiti. Ngiti ka lang, Vienne."
            "Salamat, kuya."
            "Anong problema n'yong dalawa? Bakit kayo naghiwalay?"
            "Wala kaming problema, kuya. Ako ang problema sa `min. Nakokonsensiya na ho kasi ako, eh. May nasira sa kanya sa kagagawan ng isang tao na mahalaga sa `kin."
           "Bakit hindi mo sabihin sa kanya ang totoo? Alam mo kasi, isa sa matibay na foundation ng love, para tumagal kayo, `yong honesty. Bakit mo pa patatagalin bago sabihin kung malalaman naman niya? Saka, sa pagkakaalam ko, mula pagkabata, magkaibigan na kayong dalawa ni Brax. Kilala n'yo na ang isa't-isa ng sobra."
            "Oo, kilala na nga namin ang isa't-isa kaya alam ko ang kayang gawin ni Brax. Alam ko kung ano ang pwede niyang gawin kapag nalaman niya ang totoo. Ayoko lang na magalit siya sa akin."
            "Ayaw magalit? Eh, anong tawag mo sa ginagawa mo? Hindi mo lang siya gagalitin kundi sinasaktan pa."
            Natahimik siya. "Natatakot po ako."
            "Ikaw lang naman ang makakatulong sa sarili mo, Vienne. Alam mo na ang tama sa mali. Ikaw ang dapat gumawa ng paraan para sa inyong dalawa."
            "Kayo ba? Hindi ba kayo nagkaroon ng problema ni Kuya Joen?"
            "Hindi." Saglit itong nag-isip. "Meron naman pala pero naaayos naman kaagad."
            "Mabuti pa kayo," aniya.
           "Alam mo, Vienne. Noong nag-uumpisa pa lang kami ni Joen, marami rin ang inhibition sa akin. Hindi naman kasi kaila sa akin na ang katulad ng relasyon natin, bihira lang ang nagtatagumpay. Marami ang problema at komplikasyon. Pero, ang masasabi ko sa `yo, depende sa dalawang taong nasa relasyon na ganito kung paano nila pagyayamanin ang relasyon nila. Para tumagal."
            "Gusto ko rin naman na tumagal kami ni Brax," aniya saka bumuntung-hininga.
            "Kung gusto mo talaga, sabihin ko na sa kanya ang kinakatakot mo."
            "Paano kung.."
            "Tigilan mo ang what ifs na `yan. Kagaya ng sabi ko sa `yo, ikaw lang ang makakatulong sa sarili mo."

            Dumaan ang katahimikan sa pagitan nila hanggang sa magpaalam si Vin sa kanya. Sinundan na lamang niya ito ng tingin. Nang mawala na ito, saka pa lang siya tumayo at nagtungo sa bench kung saan sila magkikita ni Coby.


CHAPTER TWENTY-SIX

"ANO ba kasi ang nangyari?" Ang pambungad na tanong ni Coby sa kanya nang makaupo silang pareho sa bench.
            Tiningnan niya ito saka nag-iwas ng tingin. Hindi niya kaya ang sidhi ng tingin na ibinibigay nito sa kanya. Ang lalim, marami ang tanong, naguguluhan at nalulungkot.
Alam naman niya ang pinagdadaanan nito. Ito kasi ang naiipit sa pagitan nila ni Brax.
            "Thank you pala sa paghahanap mo kay Brax noong isang araw." Ang sagot niya sa halip na sagutin ang tanong nito.
            Bumuntung-hininga si Coby. "Sagutin mo ang tanong ko, Vienne."
            "Wa-wala," pagsisinungaling niya. "Nakipaghiwalay ako sa kanya."
            "Bakit?"
            "Pwede bang huwag na nating pag-usapan `yon, Coby. Sa ngayon kasi, kahit papaano gusto ko na maging masaya. Mawala ang stress na nararamdaman ko mula nang mamatay si lola."
            "Hindi ka naman masaya sa kalagayan mo, eh. You're lonely. Halata sa mata mo na umiyak ka."
            Hindi siya sumagot.
            "Sabihin mo sa `kin ang dahilan, Vienne. Dahil ba ito kay tita o dahil sa pagkamatay ni Lola Cons."
            Umiling siya. Paano ba niya sasabihin dito na higit pa sa mama niya ang dahilan kung bakit siya nakipag-hiwalay ay Brax. Na magkakaroon na sila ng kapatid dahil sa maling relasyon ng magulang nilang dalawa. Ng mama niya at papa nito.
            Idagdag pa na ayaw niyang makita na magalit ito sa kanya.
            Magalit? Sa tingin ko matagal ang magiging galit niya sa `yo kapag nalaman niya ang totoo. Habang tumatagal mas lalong maiipon ang sakit sa puso ng taong mahal mo. Sa puso ni Brax. Panenermon sa kanya ng alter ego niya.
            "Hindi ko masasabi sa `yo ang dahilan, Coby," aniya.
            Nagsimula siyang umiyak. Naramdaman niya ang mahinang paghaplos sa kanyang likuran ni Coby. Ilang araw na rin siyang umiiyak. Alam naman niya na hindi na siya magiging katulad ng dati dahil sa sarili niyang kagagawan.
            "Mahal na mahal ko si Brax, Coby."
            "Alam ko naman `yon. Alam ko na sobra mo siyang mahal. Pero bakit? Bakit mo pa rin ginawa ang bagay na ito? Pareho lang kayong nasasaktan, eh. You know what, I'm torn between the two of you. Mahirap para sa `kin ang ganito. Hindi ako sanay na makita kayong magkalayo, nalulungkot dahil sa isa't-isa."
            "I'm sorry, Coby. Alam ko naman na nahihirapan ka sa sitwasyon namin. Si Brax na lang ang damayan mo kasi kaya ko naman ang mag-isa."
            "Hindi pwede `yon."
            "Alam ko naman pero si Brax.."
            "Hindi `yon pwede. Alam mo na matigas ang ulo ni Brax, Vienne. Hindi siya basta-basta makikipag-hiwalay sa `yo hanggang hindi mo nasasabi ang totoong dahilan ng pakikipag-hiwalay mo."
            "Alam ko naman `yon."
            "Nandito siya ngayon."
            Napatingin siya rito. "Na-nandito siya? Set-up ba `to, Coby?"
            Tumango ito. "Ang totoo, siya ang nagsabi na gumawa ako ng paraan para makapag-usap kayong dalawa. Bukod pa roon, ito rin ang gusto kong gawin para sa inyo."
            "Ayokong kausapin siya," aniya. Lumayo siya rito. Tatayo sana siya ngunit mahigpit ang naging paghawak nito sa kamay niya. Hindi siya makawala.
            "Bitiwan mo `ko, Coby."
            "Ayoko. Mag-usap kayo ni Brax, Vienne. Mag-usap kayo."
            "Ayoko." Pagpupumiglas niya.
            "Bakit Vienne? Bakit ayaw mo `kong kausapin?"
            Natigil siya sa pagpupumiglas nang marinig ang malungkot na boses ni Brax. Napatingin siya sa kinatatayuan nito.
            "Brax."
           Nagtama ang kanilang paningin. Kitang-kita niya ang lungkot sa mukha nito. Tila nag-iba rin ito. Ngayon lang niya napansin na parang nabawasan ang timbang nito. May patubo na rin na bigote at balbas.
            "Iwanan ko na kayo rito. Mag-usap kayong dalawa."
            Nang makaalis si Coby. Walang umimik sa kanila. Nanatiling magkatingin. Ang gustong gawin ni Vienne, lapitan ito at yakapin ng mahigpit. Ipadama rito ang pagka-miss niya.
            "Alam kong gusto mo akong yakapin, Vienne," anito. "Dahil ako, iyon ang gusto kong gawin mula pa kaninang nakita kita."
            Pagkasabi nito niyon, lumapit ito sa kanya. Kinabig siya at niyakap ng mahigpit.
            Ang luhang pinipigilan niyang umalpas ay tuluyan nang kumawala. Parang isang dam na dapat na buksan dahil kung hindi ay mapupuno at posible pang maging dahilan ng pagkakasira.
            Damang-dama ni Vienne ang init na nagmumula sa katawan ni Brax. Ang pamilyar na init na tanging ito ang nakakapagbigay sa kanya. Unti-unti, gumanti siya ng yakap. He cried in his shoulder. Miss na miss niya ito. Kung sana pwede niyang ibalik ang dati ng walang problema. Iyong hindi niya iisipin na anumang oras na posible silang magkalayo dahil sa komplikasyon na dulot ng dalawang tao na mahalaga sa kanila.
            "Mahal na mahal kita, Vienne. Mahal na mahal. Please naman, huwag mo namang basta tapusin ang lahat sa `tin. Alam kong mahal mo ako, nararamdaman ko `yon pero bakit.."
            "Alam mong mahal kita kaya nga kita hihiwalayan." Ang pamamatlang niya rito
            Inilayo siya nito at tiningnan ng maigi. He saw confusion in his eyes. "Mahal mo ako pero bakit kailangan mong gawin `yon? Bigyan mo ako ng konkretong dahilan kung bakit kailangan mong gawin ito?"
            Nag-iwas siya ng tingin. "Alam mo, kahit mahal natin ang isa't-isa, hindi iyon sapat para maibsan ko `yong lungkot na nararamdaman mo."
            "Masaya ako kapag kasama kita. Sinabi ko sa `yo na walang iwanan, hindi ba? Ikaw na ang buhay ko. Ikaw na ang lahat sa akin."
            Lumayo siya rito. "Ganoon ka rin naman sa `kin, eh. Masakit din para sa akin na gawin ito pero ito ang naiisip ko na paraan para huwag nang.."
            Lumapit ito sa kanya. Hinawakan siya sa magkabilang pisngi saka hinalikan sa labi. Mapusok. Masuyo. Gumanti siya ng halik. Iba ang aksyon niya sa sinasabi niya. Hindi niya mapigilan ang gumanti dahil iyon naman ang gusto niyang mangyari.
            Itinulak niya ito palayo sa kanya nang matauhan siya. Dapat niyang itino sa sarili na hiwalay na sila. Na hindi dapat nangyari iyon..
            "Vienne. Ang yakap mo, ang halik mo. Sapat na iyon para masabi ko na mahal na mahal mo ako. Ang bagay na gusto mong gawin. Hindi naman iyon bukal sa sarili mo. Bakit Vienne? Bakit? Sabihin mo sa `kin ang totoo! Dahil ba `to kay Tita Flora? Sa pagkamatay ni Lola Cons? Nandito lang ako. Nandito lang ako."
            "Hiwalay na tayo, Brax. Hindi dapat iyon nangyari. Hindi."
            "Hindi!" Sigaw nito. "Hindi ako nakikipaghiwalay sa `yo. Akin ka lang. Sa `yo lang ako."
            Pinunasan niya ang luha sa kanyang pisngi. Nanlalabo na rin ang kanyang mata dahil sa luha na walang tigil sa pagtulo.
            "Kahit na ano ang sabihin mo. Hindi ako makikipaghiwalay, Vienne. Hindi!" Nagsimula na itong umiyak. Naaawa siya sa kalagayan nito. Naaawa siya para sa sarili. Naaawa siya sa kinahahantungan ng relasyon nilang dalawa. Pero ito ang mabisang paraan..
            "Brax.."
            Siguro, ito na ang tamang dahilan para sabihin niya rito ang totoo para tuluyan na siyang bitiwan nito. Alam niya na magagalit ito sa kanya lalo na sa mama niya.
            "Brax.."
            Nawala ang salitang sasabihin niya rito nang maramdaman ang pagpatak ng ulan.
            "Hindi ba sinabi ko sa `yo na hanggang suot mo ang singsing na ibinigay ko sa `yo, tayo pa rin. Na mahal mo ako. Hindi mo `yan matanggal kasi mahal mo ako."
            "Mahal kita. Kaya nga ito ang gagawin ko," aniya saka tumakbo palayo rito.
            Narinig niya ang pagtawag nito sa pangalan niya. Tumakbo rin ito. Naabutan siya at mula sa likuran ay niyakap nang mahigpit.
            "Mahal mo `ko pero sinasaktan mo ako." Anito. Suminghot ito.
            Ang sakit na nadarama niya ay mas dumoble pa.
            Pilit niyang tinatanggal ang pagkakapulupot ng braso nito sa baywang niya ngunit hindi niya magawa. Masyadong mahigpit iyon.
            "Brax.. pakawalan mo ako."
            "Hindi, Vienne! Hindi ko gagawin `yon." Humihikbing sabi nito. "Mahal na mahal kita."
            Tumigil siya sa pagpupumiglas. "Gusto mo ba talagang malaman ang totoo? Kung bakit mas pinipili ko ang makipag-hiwalay sa `yo," aniya.
            Nakakaramdam na siya ng lamig. Mas lalo pang lumakas ang buhos ng ulan.
            "Sabihin mo. Handa akong pakinggan. Kahit na ano pa `yan, mananatiling tayo."
            "Si mama ang .."
            Natigil siya sa pagsasalita nang makadama ng kirot sa kanyang ulo kasunod ang pagdilim ng kanyang paningin.


BUMANGON ang kaba sa dibdib ni Brax nang mawalan ng malay si Vienne. Agad niyang binuhat ito at dinala sa sasakyan ni Coby na naka-park sa hindi kalayuan.
            "Anong nangyari?" Ang bungad na tanong nito sa kanya.
            "Nawalan siya ng malay. Hindi ko alam kung bakit. Dalhin natin siya sa ospital, Coby."
            Kinakabahan siya. Sobra. Pangalawang pagkakataon na ito na nakita niya si Vienne na tila wala sa sarili. Ang una ay n'ung sa swing ito at mahulog. Ngayon, heto na naman.
            Habang nakaupo ay pangko niya ito. Malaya niyang nakikita ang mukha nito. Katulad niya, nawala rin ito sa totoong ito. Things were never be the same to them. Maraming komplkasyon ang relasyon nila ngunit hindi niya ito kayang basta na lamang bitawan. Kahit na anong pagpupumilit nito na makipagkalas sa kanya, hindi siya pumapayag. Hindi niya kaya.
            "Vienne, mahal na mahal kita para basta na lang pakawalan. Hindi ko kaya."
            Agad naman silang nakarating sa pinakamalapit na ospital. Na-confine ito roon. Ang sabi ng doktor na tumingin dito dahil sa stress.
            Hindi lumayo si Brax sa tabi ni Vienne. Magdamag niya itong binantayan.         


AGAD na bumungad kay Vienne ang puting kisame ng kinaroroonan niya. Igagalaw sana niya ang kanang kamay nang maramdaman na may nakahawak doon. Mahigpit. Tila ayaw siyang pakawalan at baka bigla na lang siyang mawala. Agad siyang naiyak nang tingnan niya kung sino iyon.
            Si Brax.. nakapikit ang mata nito. Himbing na himbing sa pagtulog. Sa mabagal na pagkilos, inalis niya ang kamay mula sa pagkakahawak nito. Hinaplos niya ang pisngi nito.
            Mahal na mahal niya ang bestfriend niya. Mahal niya ito pero nagawa pa rin niyang saktan ito sa pamamagitan ng paglilihim. Sa hindi pagsasabi ng totoo.
            Sa ginawa niya, nagising ito. Agad niyang binawi ang kamay saka pumikit. Narinig niya ang paggalaw nito. Kahit hindi niya nakikita, alam niya na nakatingin ito sa kanya. Narinig niya ang paggalaw ng upuan kasunod ang pag-ingit ng hinihigaan niya.
            Naramdaman ni Vienne ang mainit at malambot na bagay sa kanyang labi kasunod sa noo. Hinalikan siya ni Brax.
            He was filled with so much emotion. Regret, love and sympathy for him, for them.. Nagsisisi dahil nga sa ginawa niyang pakikipagkalas dito kahit hindi bukal sa kanyang kalooban. Awa dahil alam niya kung ano ang pinagdadaanan nito na dulot ng ina niya at ama nito. Pagmamahal, mahal na mahal niya ito. Pagmamahal na tila hindi sapat para manatili siya sa tabi nito at labanan kung ano man ang maaaring mangyari sa kanilang dalawa.
            Tumulo ang luha niya. Naglandas iyon sa kanyang pisngi kasunod ang mahinang pagsigok niya. Hindi niya kayang..
            "Alam kong gising ka, Vienne," anito.
            Hindi siya nagsalita. Narinig niya ang pagkanta nito. Isang pamilyar na kanta na sa kanya lang nito inaalay.

You got holes in your jeans
and few in your heart
You don't know what it means to me, to watch you fall apart
Cause your broken and bruised, but I can hold you close.
I'll take you in my arms tonight, just me and you.

            He started in very sad voice. Dama niya ang gusto nitong iparating.

Baby in a heart beat,
I'll take you with me
I just wanna get to know you
You're throwing me off beat
So I can't breathe
I just wanna get to show you
If we're falling apart
I will fight for your heart
I can be your shield
I will fight on the field
Baby when our life gets colder
I'll be your soldier.
Na na na na na
I'll be your soldier
Na na na na na

            Iyon naman talaga sa kanya si Brax. Soldier niya ito. Sa mga ginagawa nito ngayon. Damang-dama niya ang pagmamahal nito, ang pagpapahalaga. At ang pangakong hindi ito basta-basta susuko sa kanilang dalawa. Kung sana ay katulad siya nito.
            Iminulat niya ang mata. Tinitigan niya lang ito habang lumuluha.
            Nagpatuloy ito.

Just put up your arms, you'll be alright.
Cause the world is like a battlefield, but I'll be here to fight.
I see the scars and your wounds, I'll try to heal them to.
I'll take you in my arms tonight, just me and you.

            Sinasabi niyang mahal niya ito subalit hindi niya magawang ipaglaban ang pagmamahalan nila. Sinasabi niya na ito lang ang lahat pero sinasaktan pa rin niya ito.
            "Mahal na mahal kita, Brax." Ang sabi niya.
            Halos pautal-utal pa dahil sa pag-iyak.
            Inulit nito ang mga iyon hanggang sa dumating sa lyrics na sadyang tumagos sa kanyang puso.


When you're feeling low, I can take you higher.
When the world is cold, I can be your fire.
I'll be there, when you need a shoulder
We can win this war,
I will be your soldier.

            Iyon naman talaga ito sa kanya. Simula umpisa, simula nang magkakilala sila. Nagsilbi na si Brax bilang tagapagtanggol, sandalan at kaibigan. Hindi sila nito basta natitinag. Lagi silang nakaalalay sa isa't-isa. Lagi silang nasa tabi ng isa't-isa.
            At ngayon na naging sila. Things were different. Hindi na sila katulad ng dati. Masyado siyang naging mahina na harapin ang mga pagsubok na dumating sa kanila. At basta na lamang siyang nakipaghiwalay dito na hindi nasasabi ang totoong dahilan.
            Ngayon, handa na siya.
            Umupo siya saka ito niyakap. Mahigpit. Gusto niyang maipadama rito ang pagsisisi sa nagawa niya.
            "I'm sorry, Brax. I'm sorry sa pagiging mahina ko. I'm sorry sa hindi pagtitiwala sa `yo. I'm sorry sa lahat ng kasalanan na nagawa ko."
            "Shh.. Sabihin mo sa `kin ang dahilan kung bakit ka nakipaghiwalay sa `kin," anito. Masuyo ang boses habang hinahaplos ang likuran niya       
            "Si mama, Brax."
            Inilayo siya nito. Pinunasan ang luha sa kanyang pisngi.
            "Anong tungkol kay Tita Flora? Tinakot ka ba niya?"
            Umiling siya. "Hindi. Wala siyang ginawa sa `kin pero sa `yo, meron."
            "Ano `yon?"
            "Natatandaan mo ba na lagi kitang tinatanong kung ano ang gagawin mo kapag nalaman mo kung sino ang kabit ng papa mo. Kung ano ang gagawin mo?"
            Tumango ito. Ilang sandali pa ay sumeryoso ito saka tumiim ang bagang.
            "Si Tita ang kabit ni papa?"
            Tumango siya. "Oo. Si mama ang kabit ng papa mo. Kaya ako nakipaghiwalay sa `yo dahil natatakot ako sa posible mong magawa kapag nalaman mo ang totoo. Nakakatakot na baka magalit ka sa `kin dahil hindi ko sinabi sa `yo ang totoo kahit alam ko na iyon. Matagal na."
            Hindi ito nagsalita. Namasa ang sulok ng mata nito. Tumulo ang luha.
            Nagpatuloy siya.
            "I'm sorry. Mahalaga ka sa `kin pero si mama." Humikbi siya. "Mas mahalaga sa `kin si mama. Siya na lang kasi ang natitira sa akin."
            "Wala naman tayong kinalaman sa problema nila, hindi ba?"
            Umiling siya. "May kinalaman tayo roon, Brax. Nasira ang pamilya mo dahil sa mama ko. Nang magkaroon sila ng relasyong dalawa, simula na iyon para madamay tayo, Brax."
            "Natatakot ka na saktan ko si tita?"
            "Oo. Natatakot ako para sa `tin. Natatakot ako na.."
            "Mahal kita, Vienne. Hindi kita kayang hayaan na lang. Hinding-hindi."
            "Salamat, Brax. I love you."
            "Mahal din kita. Sa susunod, huwag ka nang maglilihim sa `kin. Kaya natin `to."
            Niyakap niya ito nang mahigpit.
            "May isa pa pala, Brax," aniya saka kumalas sa pagkakayakap dito.
            "Ano?"
            "Magkakaroon tayo ng kapatid."
            Nagulat ito. "Nagbunga ang pagtataksil nilang dalawa?"
            "Oo. Natatakot ako para sa kanya. Tatlong buwan na."
            Hindi ito umimik. Tinitigan lamang siya. Maya-maya ay napangiti.
            "Bakit ka nakangiti?"
            "Magkakaroon tayo ng kapatid. Masaya `yon. Kapag lumaki siya, hindi natin ipapamukha sa kanya na bunga siya ng pagtaga.."
            Natigil ito sa pagsasalita nang basta na lamang niyang yakapin. Kasunod ang isang mabilis na halik sa labi. Lalayo na sana siya rito nang hapitin siya nito at palalimin ang halik.
            A very hot and passionate kiss.


ITUTULOY..

7 comments:

  1. Grravehh nakakaiyak tong chapter na tohh huhuhi :( . . . Ang galing mo talaga mr.author ^_^

    ReplyDelete
  2. Magaling ka talagang magpaiyak Vienne boy. I was crying while eating breakfast. Just came from work last night. Magaling na magaling ang story mo. Sana pagkatapos nito, meron na namang ibang story kung di ka busy . Take care always. God Bless You.

    ReplyDelete
  3. Ayan ksi puro assumption sa mga bagay bagay. At least ngayon okay na sila .. Thanks.. More more. Hehe

    ReplyDelete
  4. Mukhang patapos na ang story niyo author nag- kakaayos ayos na sila. This is really a one heartfelt story, I really feel their love for each other. So excited for the next update!

    ReplyDelete
  5. Hahah lumalaba mata ko habang nagbabasa..very touching ang chaptr n to at masya ako reaktion n brax hahahah niplay ko p talaga un song para meidea s song hahhaha

    Tnx

    Shai

    ReplyDelete
  6. Pasayahin na si vienne at brax sobrang pahirap na sa knila dalawa

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails