Followers

Saturday, January 3, 2015

Beat of my Heart Chapter 23&24



  

AUTHOR’S NOTE

WAAHHH! Happy New Year sa lahat!!

As usual. Late na naman ang posting ko. Pasensya na po at inatake na naman ng katamaran ang nagsusulat ng story na `to. Lol. Pasensya na ulit!

Salamat sa mga nag-comment sa chapter 21 at 22 ng story na ito. Huwag po kayong magsasawa, ah.
Kay Angel (Oo nga. Puro sila problema at may darating pa. Puno nang problema ang buhay nilang dalawa. lol).. Salamat sa magagandang komento, ulit,.
Kay Tito Alfred of T.O. (ang lakas makatanda ng ‘sir’. Pwede po bang Vienne na lang itawag n’yo sa `kin. Hehe..)
Kuya Papa JC Sy. Ganoon po ba.. Taga CamSur ka po pala.
Marc Abellera, Hmmmm.. Sino nga kaya ang papa ni Vienne? Sa susunod na chapters po natin malalaman kung sino.
SHAI, salamat in advance sa paghihintay kung ganoon sa story ni Austin at Theo. Si Devin muna ang mauuna. Hehe..

Kay Mama Lalie, Faustino at JM na affected much sa nangyayari kay Vienne.. haha.. May Brax siya. Sasaya pa siya. Hintay lang.

Hi rin sa mga taong ito. Tofi Leofric at Seyren Windsor.

Special thanks kay Kuya Carlos.. Hindi na kita mahahabol. Paano ba `yon?? Hahaha.
Kay Kuya Rye at sa iba pa na sumagot sa katanungan ko sa page niya at ni Kuya Carlos.. Dunno kung binabasa nila ang story na ito, but still, SALAMAT!!

Kay Sir Mike at Kuya Ponse. Thanks din po sa privilege.

Masyado nang mahaba ang A/N ko.. lol

Heto na po ang Chapter 23 at 24.. Enjoy po.. (sana?)



CHAPTER TWENTY-THREE

"WALA namang forever, Brax." Ang sabi ni Vienne.
            Nang sabihin ni Brax kanina na ipapahiya nito ang babaeng kabit ng papa nito ay natigilan siya. Nauna pa roon ang pananahimik niya nang sabihin nito na galit ito sa babaeng iyon. Bagay na natural lang na mangyari dahil pamilya nito ang nasira.
            Hindi alam ni Vienne kung ano ang posibleng mangyari sa oras na malaman ni Tita Raquel at Brax na alam niya ang totoo. Alam niya kung sino ang babae ni Tito Bruce.


            Nasa loob ng kwarto ng mama niya si Vienne para linisin ang loob niyon. Once a week kung pumasok siya doon para nga maglinis. Abala siya sa pagtatagal ng unan at ng bed sheet nang mahagip ng kanyang paningin ang isang picture na nasa ilalim ng unan. Out of curiousity, kinuha niya iyon para tingnan kung sino ang nasa larawan.
            Pagkabigla. Iyon ang unang naramdaman ni Vienne nang makita kung sino ang nasa larawan. Hindi naman siyang malisyosong tao ngunit hindi iyon maiiwasan sa pinapakita ng dalawang tao sa picture. Magkayakap at halos magdikit na ang labi.
            Hindi siya makapaniwala. Paanong may ganoon na picture si Tito Bruce at ang mama niya. Akala niya hindi nagpapansinan ang mga ito kahit na magkababata. Pero ano ito.. Sweet na sweet ang isa't-isa at hindi maipagkakaila na may relasyon.
            Ang mama ba niya ang kabit ng papa ni Brax?
            Nanghihinang napaupo siya sa kama. Agad na pumasok sa isipan niya si Brax. Ang sagad sa buto na galit nito sa babaeng naging dahilan para maghiwalay ang mga magulang. Napapikit siya sa posibleng mangyari sa kanilang dalawa. Isipin pa lang niya.. hindi niya kaya..
            Nang mahimasmasan, agad niyang tinapos ang ginagawa saka lumabas ng kwarto ng mama niya. Dumiretso siya sakanyang kwarto. Naiisip pa rin ang ginawa ng mama niya.
            Hindi ba ito nakokonsensya sa pakikipag-relasyon sa lalaking may-asawa? Hindi ba nito naisip ang konsekwensiya sa ginawa nito? Ito ba ang dahilan kung bakit gusto ng mama niya na layuan niya si Brax kaya mahigpit ang pagtutol nito sa kanilang dalawa?
            Muli, tiningnan niya ang picture na hawak saka itinago sa drawer niya. Hindi maiiwasan na hindi siya madamay sa gulong ito. At si Brax.. ano ang mangyayari sa kanilang dalawa kapag nalaman nito ang totoo?

            "Vienne, nandiyan ka pa ba? Palagi ka na lang nawawala sa sarili mo," ani Brax sa kabilang linya.
            "Pasensya na."
            "Napagod ka ba sa ginawa natin?"
            "Hindi naman. Namasyal lang naman tayo saka nag-rides. Anong nakakapagod d'un?"
            "Natanong ko lang. Magpahinga ka na kaya."
            "Dapat sa `yo mo `yan sinasabi," aniya. Nitong mga nakaraang araw kasi ay abala na rin ito sa pagtugtog. Idagdag pa na sasali ang The Gravity sa battle of the bands. Bukod pa doon ay abala rin ito sa pagkumpleto ng mga requirements nito sa school.
            "Ikaw rin naman, hindi ba? Busy ka rin kaya."
            "Hindi naman katulad ng pagiging abala mo."
            "I love you, Vienne." Out of the blue na sabi nito.
            "I love you din."
            "Sige na. Tulog ka na. Panaginipan mo ako, ah."
            Natawa na lang siya.
            Nang matapos ang pag-uusap nila ay natahimik siya. Nakatitig sa cellphone niya. May hangganan ang relasyon nila ni Brax. Iyon ang tumitino sa isipan niya. Hindi pa siya handa sa paghihiwalay nila ni Brax lalo na sa posible nitong gawin sa oras na malaman nito na alam na niya kung sino ang third party sa relasyon ng magulang nito.
            Sana mapatawad siya nito sa ginawa niyang paglilihim.

"LOLA, may sasabihin po ako sa inyo," panimula ni Vienne sa gusto niyang sabihin kay Lola Cons. Nasa harap sila ng hapag at kasalukuyang kumakain ng pananghalian. Kasama sana nila si Brax ngunit may biglaan itong ginawa. Ngayon na sana nila sasabihin kay Lola Cons ang relasyon nila. Ang sabi sa kanya ni Brax bago ito umalis ay sabihin na niya ang totoo. Iyon rin naman ang gusto niya.
            "Anong sasabihin mo apo?"
            Alam ni Vienne na tanggap siya ng lola niya ngunit hindi niya maiwasan ang kabahan sa magiging reaksyon nito. Gayunpaman ay wala nang urungan.
            "Lola, alam n'yo naman po ang pagkatao ko, hindi ho ba?"
            "Oo naman. Alam ko ang preference mo apo. At kahit na ganoon ka, tanggap kita. Hindi ako tututol sa kung magkaroon ka ng karelasyon na lalaki. Alam ko na kahit ganyan ka, alam mo ang tama sa mali. Alam ko na hindi ka gagawa ng bagay na ikakasama o ikapapahamak mo."
            Na-touch siya sa sinabi nito. Ang saya sa pakiramdam na tanggap siya nito kahit ano pa man ang kasarian niya.
            "Opo, `la. Hindi ho ako gagawa ng bagay na ikapapahamak ko."
            "Mabuti naman kung ganoon. Ano ba ang sasabihin mo?"
            "Lola, ano ho ang magiging reaksyon n'yo kung sakali man na may ka-relasyon ako?"
            Tiningnan siya nito nang mataman. Bigla tuloy siyang kinabahan.
            "Matutuwa pero may takot sa akin. Matutuwa kasi sa katulad mo, alam naman natin na bihira ang magkaroon ng matinong relasyon. Matatakot rin sa posibleng maging epekto niyon sa `yo sa oras na maghiwalay kayo ng lalaking iyon."
            Tumango siya. "Alam ko ho `yon, `la."
            "Bakit? May boyfriend ka na ba apo?"
            Muli siyang tumango. "Opo, `la, si Brax po ang boyfriend ko."
            Tila hindi naman ito nabigla sa sinabi niya bagkus napangiti pa ng maluwang. "Kayo na nga talaga ni Brax."
            "Opo."
            "Kailan pa?"
            "Isang buwan na ho kami."
            "Bakit ngayon mo lang sinabi sa `kin? Tinanong na kita n'ung isang araw."
            "Nahihiya ho kasi ako saka ang gusto ko, kasama si Brax kapag nagtapat kami sa inyo. Dito ho sana siya ang kaso may biglaang ginawa kaya umalis. Pasensya na po kung ngayon ko lang sinabi."
            "Kung si Brax ang nobyo mo. Wala akong dapat na ipangamba. Nakakatuwa na kayo rin pala sa huli. Mapapanatag ang kalooban ko sa oras na mawala ako sa tabi mo."
            Ang kapanatagan na nadarama niya ay biglang napalitan ng pagkabahala sa paraan ng pagkakasabi nito. Pakiramdam niya rin ay nagtayuan ang balahibo niya sa batok.
            "Lola, huwag po kayong magsasalita ng ganyan. Tatagal pa ho ang buhay n'yo."
            "Hindi natin alam iyon, Vienne. May mga bagay na hindi natin hawak. Mangyayari at mangyayari iyon."
            "Alam ko ho iyon pero tatagal pa ho kayo. Hindi ho ba, sasabayan n'yo pa ako sa pagmartsa kapag naka-graduate ako."
            Ngumiti ito. "First year ka pa lang. Matagal pa bago mangyari `yon."
            "Lola.."
            "Vienne! Vienne!"
            Natigil siya sa sasabihin sana ng marinig ang malakas na pagtawag ng mama niya sa kanya. Maririnig ang galit sa boses ng mama niya.
            Napatingin siya sa kanyang lola. Kinakabahan na naman siya.
            "Ano na naman kaya ang problema ng mama mo, Vienne?" Tanong nito. "Ikaw na ang magpasensya sa ginagawa ng mama mo. Basta tandaan mo na sa kanya ka nanggaling. Mahal ka niya."
            Gusto niyang pabulaanan ang sinabi ng lola niya subalit pinili niya ang manahimik. Mahal? Anong klaseng pagmamahal ba ang ibinibigay sa kanya ng mama niya? Kahit nga pagpapahalaga, wala itong maibigay sa kanya. Pagmamahal pa kaya.
            "Lalabas po muna ako, `la," aniya.
            "Tandaan mo `yon, Vienne. Kahit na anong pagtrato ang ginagawa sa `yo ng mama mo, mahal ka niya."
            Siguro. Kung nasa lima ang gulang niya baka maniwala siya sa sinasabi ng lola niya. Pero matanda na siya. Seventeen years old na siya at tatlong buwan na lang ay magdi-disiotso na siya.
            Ang ganitong senaryo ang pinaka iniiwasan niya na mangyari. Okay lang naman sa kanya dati na mapagalitan at sigawan siya pero hahantong rin pala siya sa punto na magsasawa siya sa pagtrato ng mama niya. Hindi niya kayang magtiis pa at masaktan dahil lang sa simpleng bagay. Bagay na sa umpisa pa lamang ay hindi niya alam kung ano ang dahilan ng animosidad nito.
            Ngunit kahit na ganoon man ang mangyari. Hindi naman siya lalaban. Lalo na at alam niya na nasa paligid ang lola niya. Ayaw niyang mag-alala ito.
            "Dito ka lang po, `la," aniya dito saka lumabas ng dining area.
            Tumango lang ito.
            Naabutan niya ang mama niya sa living room. Galit ang nasa mukha. Agad siya nitong nilapitan nang makita siya. Bago pa siya makapag-react. Isang malakas na sampal ang dumapo sa pisngi niya. Gulat siyang napatingin dito sabay sapo sa nasaktang pisngi.
            "Sinabihan na kita na lumayo ka kay Brax! Ngunit ano ang ginawa mo? Hindi lang pala kayo basta mag-bestfriend dahil kayo na!! Nobyo mo pala ang lalaking `yon!! Nakakahiya ka! Mula noon hanggang ngayon, puro kahihiyan na ang binibigay mo sa akin! Alam mo bang pinag-uusapan kayo ng mga kapitbahay natin. Nakita nila ang pagho-holding hands n'yong dalawa."
            "Ma..."
            "Huwag mo akong tawagin na mama! Wala akong anak na katulad mo! Nagmana ka sa walanghiya mong ama! Ikinahihiya kita! Ikinahihiya ko kayo ng ama mo! Sana pala nang isilang kita ibinigay na kita sa kanya para hindi ako nasasadlak sa kahihiyan na ginagawa mo!"
            Natigilan siya. Tumulo ang luha niya. Nanlalabo ang kanyang paningin habang nakatingin sa mama niya dala ng sunod-sunod na pagbuhos ng luha niya. Ilang beses na ba nitong sinabi na ikinakahiya siya nito. Maraming beses na ngunit ang impact ay sadyang malakas. Para siyang lumagapak sa lupa mula sa isang mataas na paglipad. Para siyang inilublob sa mainit na tubig kahit na ayaw niya. Ganoon kasidhi, ganoon kainit ang nadarama niyang galit mula sa mama niya.
            Ang masakit.. ang papa niya. May ama siya at base sa narinig niya mula rito ay buhay ito. Kilalang-kilala at matindi ang galit ng mama niya sa ama niya na kagaya niya.
            He break down. Punong-puno na siya!
            "Sana nga `ma! Sana nga! Ibinigay mo na lang ako sa papa ko! Sana hindi na lang ako lumaki na kasama ka dahil wala ka namang binigay sa `kin kundi sakit! Kailan po ba ako naging tama sa paningin n'yo? Simula umpisa lagi n'yong sinasabi sa `kin na layuan ko si Brax dahil ayaw mo sa kanya. Na ayaw mo na maging kaibigan ko siya. Si Brax na lang ang nasasandalan ko tuwing namomroblema at nalulungkot ako dahil sa ginagawa n'yo sa akin `tapos.." Napasigok siya. Lumakas ang pag-iyak niya. Tila mas dumoble rin ang buhos ng kanyang luha. Ang kinikimkim niyang galit ay sumabog na. "Hayaan n'yo, `ma! Maghihiwalay rin kami ni Brax dahil sa inyo, eh! Ang selfish n'yo! Ang selfish-selfish n'yo!"
            Isang malakas na sampal ang muling dumapo sa kanyang pisngi. Mas malakas. Puno ng pwersa. Halos matulig siya.
            "Wala kang karapatan na sabihin `yan! Kung makasarili ako, sana pinatay na kita mula nang malaman ko na bakla pala ang tatay mo na katulad mo!"
            "Sana nga pinatay mo na lang ako! Sana nga.."
            "Hiwalayan mo si Brax! Hindi kayo bagay!"
            "Hiwalayan mo rin si Tito Bruce!"
            Gulat itong napatingin sa kanya. Tila nakainom ng suka sa sinabi niya.
            "Pa-paano mo nalaman `yon?"
            "Nakita ko ang picture n'yo, `ma! Bakit sa dami ng pwedeng maging.."
            Hindi na niya naituloy ang sasabihin nang makarinig sila ng mama niya ng malakas na pagbagsak. Napatingin siya doon. Nanlaki ang kanyang mata sabay nang malakas na pagsigaw.
            "Lola!!"

WALANG tigil sa pagtulo ang luha ni Vienne habang nakatingin sa kanyang abuela na nakahimlay sa huling bagay na hihigaan nito. Sobrang sakit ang nadarama niya. Hindi siya makapag-isip ng mabuti. Pakiramdam niya ay wala na siyang dahilan para mabuhay sa biglaang pagkawala nito. Naglandas ang luha sa kanyang pisngi na mabilis din niyang pinahid.
            Hindi niya kaya na mawala ito sa tabi niya ngunit nangyari na ang nangyari. At hindi niya maiwasan na sisihin ang sarili sa pagkawala nito.
            Nang araw na magsagutan sila ng mama niya, ang lola niya ang bumagsak. Mabilis naman nilang dinala ito sa ospital ngunit hindi na ito naisalba. Pangatlong araw na itong nakaburol sa kanilang bahay at kahit na ganoon ay hindi pa nagsi-sink in sa kanya ang nangyari.
            Tatlong araw na rin silang walang imikan ng mama niya. Tila mga hangin na hindi nila nakikita ang isa't-isa ngunit nadadama ang presensiya.
            Naramdaman niya ang mahinang paghaplos ng kung sino sa kanyang likuran. Tiningnan niya iyon. Napayakap siya kay Brax at umiyak sa balikat nito. Humagulgol siya at tila bata na kumapit dito ng mahigpit.
            "Brax.."
            Iyon lang ang tanging nasasabi niya. Inakay siya nito para maupo sa monobloc chair na nasa malapit lang nila.
            "Vienne. Tahan na. Tatlong araw ka ng ganito," ang sabi nito. "Kumain ka na muna." Iniumang nito ang sandwich na hawak sa kanya. Umiling siya saka inilayo iyon sa kanya.
            Bumuntung-hininga ito. "Tatlong araw ka ng hindi kumakain ng maayos, Vienne. Alagaan mo ang sarili mo. Alam ko na nasasaktan ka sa pagkawala ni Lola Cons. Huwag naman ganito. Sa tingin mo, matutuwa si lola sa ginagawa mo ngayon?"
            Hindi siya umimik.
            "Vienne. Nandito lang ako, ah. Always remember that. Aalagaan kita."
            Isang mahigpit na yakap ang iginanti niya dito.
            "Mahal na mahal kita, Brax. Salamat. Salamat at nasa tabi lang kita. Sorry din kung nahihirapan ka dahil sa akin."
            "Hindi ako nahihirapan. I'm always willing to do things just for you."

NAG-AALALA si Brax kay Vienne. Mula nang mamatay si Lola Cons, pakiramdam niya ay marami ang nagbago rito. Mula sa pagiging cheerful at laging nakangiti ay nag-iba na ito. Alam naman niya ang pinanggagalingan nito ngunit hindi niya maiwasan ang manibago. Hindi siya sanay sa nakikita.
            Mahina niyang hinaplos ang pisngi nito. Halatang-halata sa mukha nito ang sobrang kalungkutan. At tanging magagawa niya lang ay ang laging nasa tabi nito. Hindi niya alam kung paano at kailan ito makaka-recover sa pagkawala ni Lola Cons.
            Nasa loob sila ng      kwarto nito. Nakatulog ito sa sobrang pagod nito. Lumapit siya rito at binigyan ito ng isang halik sa labi.
            "I'm always here, Vienne. Alam kong makakaya mo `to."
            Humiga siya sa tabi nito saka ito niyakap nang mahigpit. Nakatulog siya sa ganoon na pwesto.

HINDI alam ni Flora kung paano haharapin at kakausapin ang kanyang anak na si Vienne. Nahihiya siya dito pagkatapos ng nangyari sa kanilang dalawa na naging sanhi para mawala sa piling nila ang kanyang ina. Wala siyang sinisisi sa nangyari. Hindi niya sinisisi ang kanyang anak dahil alam niya na kasalanan niya ang lahat.
            Tuwing susubukan niya na kausapin ito ay kusa na itong lumalayo sa kanya. Kung ituring na rin siya nito ay parang hangin na lamang. Nararamdaman ngunit hindi nakikita.
            Sa gitna ng kanilang komprontasyon, labis siyang nagulat nang sabihin nito sa kanya na alam nito ang namamagitan sa kanya at kay Bruce na ama ni Brax. Ngunit bakit nga ba, gustong-gusto niya na lumayo ito kay Brax?
            Dahil sa relasyon nila ni Bruce. Si Bruce ang ikalawang lalaki na minahal niya. Sunod sa lalaking minahal niya na ama ni Vienne. Dahil sa kanyang sobrang pagmamahal kay Santi ay nabalewala niya si Bruce na kaibigan pa niya noon.
            Si Bruce ang laging nasa tabi niya. Ito ang sandalan niya sa lahat ng oras. They were inseperable when they were young. But things started to change when Santi came in their way. Kay Santi niya naranasan ang lahat ng una. Unang halik. Unang pagmamahal at minamahal. Dito rin niya ibinuhos ang lahat at ibinigay ang lahat-lahat sa kanya. Nawala sa eksena si Bruce at napalitan ito ni Santi. Until one day, kinausap siya ng kaibigan niya tungkol kay Santi na nauwi sa matinding pag-aaway dahil sa sinabi nito na hindi niya matanggap at iyon ang tungkol sa pagkatao ni Santi.
            Dumating ang isang araw. Nang makuha sa kanya ni Santi ang lahat, umeksena ang isang lalaki na nagpakilalang kaibigan ng taong mahal niya. Na siya namang tinutukoy ni Bruce na nakita nitong kayakapan at kahalikan ni Santi.
            Sabi nga ng marami. Kapag nagmamahal ang isang tao ay nabubulag. Nawawala ang depenisyon ng salitang 'tama' o 'mali'. Minsan nga ay nagiging tama ang mali at mali ang tama. Ganoon na ganoon siya noon kay Santi. Mahal na mahal niya ito.
            Ngunit nagbago ang lahat ng matuklasan niya na totoo ang sinasabi ni Bruce sa kanya. Nahuli niya sa akto si Santi at Will. Nakahiga sa kama, parehong walang saplot at ginagawa ang isang bagay.
            Namuhi siya sa mga ito. Sa panahon na nalaman niya ang totoong pagkatao ni Santi ay nalaman din niya na nagdadalang tao siya kay Vienne. Pagdadalang tao na binalak niyang ipalaglag ngunit napigilan nang malaman ng mama niya ang kalagayan niya.
            Kahit labag sa kanyang kalooban na ipagbuntis si Vienne dahil sa sobrang pagkamuhi sa ama nito, ipinagpatuloy niya. Ngunit ang naging pagtrato niya rito ay malamig. Hindi kinikilalang anak dahil sa tuwinang pinagmamasdan niya ito ay nakikita niya rito ang kataksilan at kabaklaan ng ama nito.
            At si Bruce, humingi siya noon dito ng tawad ngunit hindi niya iyon nakuha. Tuluyang naputol ang kanilang ugnayan at nalaman niya na mahal niya ito ng higit pa sa kaibigan. Noong una, wala siyang pakialam kung sino ang maging kaibigan ng anak. Subalit ng kanyang malaman na anak ito ni Bruce ay pinalalayo niya ito roon dahil naaalala niya kay Brax si Bruce. Pero hindi nakinig sa kanya si Vienne.
            At paano ba nagsimula ang kanilang relasyon? It was started three months ago. Alam niyang mali ngunit hindi niya napigilan ang sarili na mahalin ang taong matagal na itinangi ng puso niya. Nang sabihin sa kanya ni Bruce na may puwang pa rin siya sa puso nito ay agad niyang tinanggap ang pagkakaroon ng relasyon dito kahit na may asawa na ito. Tuwing umaalis siya sa kanilang bahay, kay Bruce ang laging punta niya. Humantong ito sa isang desisyon at iyon ay ang iwanan ang pamilya nito at magsama silang dalawa. Agad naman siyang pumayag dahil iyon ang kagustuhan ng puso niya na umiibig. Hindi na niya alam ang tama sa mali. Kung may masasaktan man siya o wala. Basta ang mahalaga mahal siya ng taong mahal niya at magsasama silang dalawa.
            Napaiyak siya..
            Ngayon lang nag-sink in sa kanya ang kagagahan na pinagagawa niya. Marami siyang nasaktan sa ginawa niya. Ang mama niya. Ang anak niya. Si Raquel at si Brax. Ang pinakamatindi pa niyon ay namatay ang mama niya na hindi man lang siya nakakahingi ng tawad at naipagtaggol ang sarili. Ngunit dapat pa ba niyang gawin iyon?
            Nauwi sa hagulgol ang tahimik na pag-iyak. Ramdam na ramdam niya ang pag-iisa. Hindi na siya pinapansin ng anak niya na lahat na ginawa para sa kanya. Na kahit alam na ang sikreto niya ay hindi siya sinuplong at itinago nito kahit na alam nitong masasaktan nito ang lalaking mahal.
            "Mama, sorry. Sorry, anak"

CHAPTER TWENTY-FOUR

HUMINGA muna nang malalim si Ambrose bago mag-desisyon na pumasok sa bahay nina Vienne kung saan nakaburol si Lola Cons. Ang iniisip niya habang papasok sa bahay ay nandito siya para makiramay, bilang kaibigan at hindi ang lalaking nagmamahal dito na sawi dahil kay Vienne. Ite-take aside niya muna ang nararamdaman.
            Kasama niyang pumunta sa bahay ni Vienne si Austin at Kelly ngunit pinauna niya ang mga itong pumasok. Kinalma niya muna kasi ang kanyang sistema.
            Agad niyang nakita si Vienne. Sa isang sulok, nag-iisa at nakatingin sa malayo. Dahan-dahan siyang lumapit dito. Mabilis ang tibok ng kanyang puso. Mahigit isang buwan din niyang hindi ito kinausap.
            Nagpapasalamat na rin siya na wala si Brax sa tabi nito ngayon. Malaya siyang madadamayan ito without the feeling of insecurities and jealousy towards the guy.
            "Vienne." Tawag niya rito.
            Nagtaas ito ng paningin. Bumangon ang awa sa kanyang puso nang magtama ang kanilang mata. Damang-dama at kitang-kita niya ang lungkot sa mukha nito. Alam niya, isa siya sa saksi kung paano pahalagahan at mahalin ni Vienne si Lola Cons.
            "Ambrose.." sabi nito.
            Dumaan ang katahimikan saka siya nagdesisyon na umupo sa tabi nito.
            "Hindi na ako magtatanong kung okay ka, Vienne, dahil alam ko na hindi. Nakikiramay ako sa pagkawala ni Lola Cons."
            Narinig niya ang mahinang pag-iyak nito. Bumaling siya rito.
            "Sige. Iiyak mo lang `yan. Alam ko na magiging okay ka. Matagal ang proseso pero makakabangon ka."
            "Ang sakit, eh. Ang sakit-sakit. Isa ako sa dahilan kung bakit namatay ang lola ko. Kung sana.."
            "Shhh.. Huwag ka nang mag-kwento."
            Inakbayan niya ito saka kinabig palapit sa kanya. Isinandal nito ang ulo sa kanyang dibdib. Masaya siya na sa ganitong paraan ay nadadamayan niya ito. Na kahit hindi niya ito pinansin ng matagal, tila balewala lamang dito ang ginawa niya.
            Totoo talaga ito sa sinabing hindi ito marunong magtanim ng sama ng loob ngunit hindi mabait ayon na rin dito.
            "Alam kong kaya mo `to. Nasa tabi mo naman si Brax," aniya. "Saka nandito rin naman ako, willing ako na damayan ka. I'm sorry pala."
            "Wala kang dapat na ihingi ng sorry kung ang tinutukoy mo `yong hindi mo pagpansin sa `kin. Alam ko na ako ang may kasalanan."
            "`Wag na nating pag-usapan `yon. Hindi ang nararamdaman ko ang issue rito kundi ikaw. Namamayat ka na. Alagaan mo ang sarili mo."
            "Inaalagaan naman ako ni Brax pero.."
            Nabigla siya nang muli na naman itong umiyak. "Anong problema? Bakit may pero?"
            "Ambrose, alam ko na magiging abuso ako pero pwede bang dito ka muna sa tabi ko."
            Naguguluhan man. Tumango siya.


TILA kay layo sa kanya ni Vienne kahit na nasa tabi niya lang ito. Iyon ang pakiramdam ni Brax. Parang may nagbago rito. Bagay na hindi niya masabi kung ano. Last day na ng burol ni Lola Cons. Given na pinapansin siya nito ngunit tila laging wala naman ito sa huwisyo. Hindi niya maramdaman ang dating ito. Subalit kahit na ganoon man ay okay lang sa kanya.
            "Vienne," tawag niya rito.
            "Okay lang tayo, hindi ba?"
            Wala itong naging tugon. Tiningnan lamang siya nito saka nag-iwas ng tingin.
            "Alam ko na marami kang problema. Ayaw ko sanang dagdagan pa pero pwede bang makinig ka lang." Hindi pa rin ito nagsalita. Nagpatuloy siya. "Dumating ang annulment paper sa bahay galing sa abogado na kinuha ni papa. Desidido na talaga si papa na hiwalayan ang mama ko at pakasalan ang kabit niya. Ang sakit lang, eh. Akala ko talaga.. hanggang sa pagtanda ko, makikita ko silang magkasama. Hindi pala." Tumulo na ang luha niya. "Lagi lang ako rito sa tabi mo. Kailangan kita ngayon, Vienne. Nitong mga nakaraan kasi parang hindi ko na kaya. Si mama, laging tulala, laging wala sa sarili. Hindi na niya nga ako maasikaso, eh."
            "Brax. I'm sorry." Sabi nito.
            "Hindi mo kailangang humingi ng sorry. Kailangan ko lang itong ilabas. Hindi ko na kasi kaya."
            Niyakap siya ni Vienne sa baywang. Inakbayan niya ito.
            "I'm sorry. I'm sorry." Paulit-ulit na sinasabi nito.

"I'M SORRY. I'm sorry."
            Iyon ang paulit-ulit na sinasabi ni Vienne habang nakayakap kay Brax. Iyon lang ang tanging magagawa niya sa ngayon. Sa narinig niya mula rito ay gusto na niyang bawiin ang desisyon na plinano niya. Hindi pwede. Hindi niya kayang bigyan pa ng pasakit ang taong mahal niya.
            They were both lonely in their own personal life. Sila ang sandalan ng isa't-isa at dapat hindi bumitiw. Pero.. Hindi rin kaya ng konsensya niya ang patuloy na maglihim dito. Lalo na at may bagong problema na naman. Problema? Problema nga bang maituturing ang pagdating ng magiging kapatid niya? Hindi rin pala.
            Muli, binalikan niya ang namagitan na pag-uusap sa kanila ng mama niya kagabi.

            "Pwede ba tayong mag-usap, anak?"
            Napatingin si Vienne sa kanyang ina. Nawala ang sopistikasyon na laging makikita rito kahit na nasa bahay lang ito. Ang babaeng kaharap niya ngayon ay tila nag-iba. Nawala ang angas at tila handang magpakumbaba, idagdag pa na ang mukha nito ay tila mas may iniinda pa maliban sa pagkamatay ng lola niya.
            Ang galit na nararamdaman niya para rito ay hindi pa rin nawawala. Ngunit para sa ikatatahimik nila ay gagawin niya. Kaya niyang magpatawad. Ayaw na rin niyang magtanim pa ng sama ng loob lalo na at silang dalawa na lang ang magkapamilya. Ito na lang ang masasandalan niya kahit na hindi ito supportive sa kanya.
            "Ano hong pag-uusapan natin?"
            "I'm sorry," tanging nasabi nito saka umiyak na nauwi sa hagulgol. "Patawarin mo ako anak. Patawarin mo si mama, sa mga ginawa ko sa `yo. Babawi ako anak. Babawi ako."
            "Bakit ngayon lang, `ma? Matagal ko na hong gusto na maramdaman ang pagmamahal mula sa inyo. Alam n'yo ho ba `yon? `Yong mga ginagawa n'yo sa `kin, hindi mawala sa isip ko. Lagi akong nagtatanong noon kung bakit ganoon ka na lang palagi sa akin? Kung bakit kahit na alam n'yong totoo n'yo akong anak, ang pagtrato n'yo sa `kin parang hindi nanggaling sa inyo. `Tapos n'ung malaman ko na dahil pala sa papa ko, bakit pati ako nadamay? Hindi naman ako ang may kasalanan kung bakit kayo naloko ni papa. Wala akong ginawa na masama sa inyo."
            "Alam ko ang pagkakamali ko, anak. Patawarin mo ako. Mali ako sa mga ginawa ko. Kasalanan ko. Dapat pala nag-isip muna ako bago kita trinato ng ganoon. Ngayon lang ako naliwanagan. Patawad."
            Ang kanyang puso ay tila natunaw sa pagpapakumbaba nito. Hindi siya sanay na nakikita ito ng ganoon. Kahit papaano, mahal siya ng mama niya. Malalim siyang napabuntung-hininga.
            "Ma-mahal n'yo ho ba si Tito Bruce?" Tanong niya.
            "Mahal na mahal ko si Bruce," anito.
            "Pero may pamilya na siya, `ma. Isipin n'yo naman po `yong masisira ninyo dahil sa mali n'yong relasyon."
            "Alam ko `yon pero hindi ko kaya lalo na at may kapatid ka na."
            Nagulat siya sa sinabi nito.
            "Buntis po kayo?"
            Tumango ito. "Oo, buntis ako, tatlong buwan na."
            Parang gumuho ang mundo niya. Ang kasalanan na ginawa ng mga ito ay magkakaroon ng bunga. Isang bata na walang kamuwang-muwang sa mga nangyayari. Paano na lang siya? Paano silang dalawa ni Brax? Paano niya sasabihin dito ang lahat? Paano niya sasabihin sa paraan na hindi ito magagalit?
            Napaiyak siya.
            "Paano naman po kami ni Brax, `ma? Galit na galit po siya sa inyo. Mahalaga kayo sa `kin, mahalaga rin siya. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko. Nakokonsensya na ho ako."

            "Vienne. Okay ka lang?" Tanong sa kanya ni Brax.
            "Okay lang ako. Bukas na ang libing ni lola. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko pagkatapos nito."
            "Iga-guide kita. Hindi ako mawawala sa tabi mo, walang iwanan, hindi ba?"
            Tumango siya. Masakit ito para sa kanya ngunit kailangan na niyang panindigan. Nakokonsensya na siya ng sobra. Ayaw na niya kahit ayaw niyang tapusin ang relasyon na ito.
            "May isang pabor na hihingin ako sa `yo."
            "Ano?"
            Alam niya na masasaktan niya ito sa kanyang gagawin ngunit ito ang nararapat.
            "Pagkalibing ni lola, pwede bang maghiwalay na muna tayo."
            "Bakit? Anong problema?" Gulat na tanong nito.
            "Kailangan kong mag-isip, Brax. May mga bagay na gumugulo sa `kin."
            "Isa ba ako sa gumugulo sa `yo? Hindi ba walang iwanan? Bakit ka makikipaghiwalay?"
            "Hindi ako nakikipaghiwalay, Brax. I mean, hindi officially. Cool off lang." Hindi officially. Cool off lang. Lihim niyang minura ang sarili sa sinabi. Kahit na baliktarin ang mga sinabi niya. Iyon at iyon din ang kalalabasan. Maghihiwalay sila. Malalayo sa isa't-isa dahil sa kagagawan niya. At posibleng hindi na magbalikan pagkatapos nio.
            "Ayoko." Mariing sabi nito.
            "Please." Pagsusumamo niya.
            "Ayoko, Vienne, natatakot ako na baka maging permanente ang paghihiwalay natin. Pwede namang hindi tayo magkita basta huwag tayong maghihiwalay. Please naman. Bakit ba pabigla-bigla ka na lang nagdedesisyon? Akala ko ba mahalaga ako sa `yo? Akala ko ba mahal mo ako?"
            Nag-iwas siya ng tingin. Hindi niya kayang makita ang helplessness sa mukha nito.
            "Mahal kita." Mahal kita kaya kailangan kong gawin ito. Natatakot at nakokonsensiya na kasi ako sa paglilihim ko sa `yo. Hindi ko masabi ang dapat na sabihin dahil natatakot ako sa posibleng magawa mo kapag nalaman mo na si mama ang babae ni Tito Bruce.
            "`Wag na muna tayong mag-usap, Vienne. Alam kong pagod ka lang. Saka na natin pag-usapan ang mga bagay kapag maayos ka na mag-isip," anito sabay alis.
            Napatingin na lang siya rito. Nang mawala na ito sa kanyang paningin, napatingin siya sa mama niya na nakatayo sa hindi kalayuan. Mababakasan ng lungkot at pag-aalala ang mukha.
            Lumapit ito sa kanya saka umupo sa pwesto na binakante ni Brax.
            "Bakit ganoon ang hitsura ni Brax? Ano ba ang napag-usapan niyo?"
            "Nakikipaghiwalay na ho ako sa kanya."
            Nabigla ito. "Bakit? Hindi mo kailangang gawin iyon kung ako at ang kapatid mo ang iniisip mo, Vienne. Kaya kong buhayin ang kapatid mo. Makikipag-hiwalay na rin ako sa Tito Bruce mo."
            "Partly ho dahil sa inyo pero hindi ko na ho kasi kaya na maglihim sa kanya. Ito `yong naiisip ko na gawin kasi kung patatagalin ko pa ang relasyon namin, alam ko na masasaktan ko siya. Alam ko rin po kung ano ang kayang gawin ni Brax. Mahalaga kayo sa akin, mama, kahit na mahalaga rin sa akin si Brax."
            "Sabihin mo sa kanya ang totoo. Kilala mo ang bestriend mo, hindi ba? Alam mo kung ano ang kaya niyang gawin. Mahal ka niya kaya alam ko na mapapatawad ka niya sa ginawa mong paglilihim."
            "Mas mabuti na ho ang ganito, mama. Kung ipagpapatuloy ko kasi ito hanggang hindi ko pa nasasabi ang lihim ninyo, masasaktan at masasaktan ko siya."
            "Vienne, anak..."
            "Sige, `ma. Akyat na ho muna ako sa kwarto," aniya sabay alis.
            Nang nasa kwarto na siya, saka pa lamang tumulo ang luha na kanina pa niya pinipigil.


LIMANG araw na ang nakalilipas mula nang mailibing ang lola ni Vienne. Limang araw na rin niyang hindi pinapansin si Brax kahit na gustong-gusto niya itong lapitan. Tuwing ito naman ang lumalapit sa kanya ay siya naman ang umiiwas. Ang weird lang niya. Masasabi na rin na baliw siya sa pinagagawa niyang pagpapahirap sa kanyang sarili. Nasasaktan na siya ngunit patuloy pa rin niyang ginagawa.
            Simula nang kausapin niya ito sa huling gabi ng lola niya sa kanilang bahay. Wala na silang naging komunikasyon. Hindi na siya katulad ng dati. Iyong Vienne na laging nakangiti, laging positibo sa bagay-bagay. Everything changed when he decided to end his relationship with Brax.
            At ngayon na nakikita niya ito, nakaupo sa isang bench, tila kay layo ng iniisip. Ang tanging magagawa niya ay tingnan at pasimpleng pagmasdan ang profile ng mukha nito. Ang lalaking mahal niya.
            Pinigilan niya ang umiyak. Hindi rito. Hindi sa school nila. Alam niya na marami ang makakapansin sa kanya.
            Nang tumingin ito sa kanyang direksyon, agad siyang nag-iwas ng tingin. Nang tumayo si Brax, tumayo na rin siya sa kinauupuan at naglakad palayo sa lugar. Narinig niya ang pagtawag nito sa kanya ngunit hindi niya pinansin.
            Hanggang sa marinig niya ang mabilis na pagtakbo nito palapit sa kanya. Kasunod ang pagyakap nito mula sa kanyang likuran.
            "Vienne, mag-usap naman tayo," anito.
            Tuluyan nang tumulo ang luha niya. Hindi siya nagsalita. Dinama niya ang higpit ng yakap nito. Ang init na nagmumula rito. Ang pakiramdam na tila lumilipad siya sa simpleng yakap na tanging ito lang ang nakakagawa.
            "Kailangan kita, Vienne. Limang araw mo na `kong hindi pinapansin. Nasasaktan na ako sa ginagawa mo sa `kin. Hindi naman ako pumayag na makipag-hiwalay sa `yo pero `yon ang ginagawa mo. Please naman.."
            Hindi na nito naituloy ang sasabihin. Umiyak na ito.
            "Kailangan kita sa tabi ko. Sa `yo ako kumukuha ng lakas. Please."
            "Brax." Iyon lang ang tanging nasabi niya.
            "Mahal mo ko, hindi ba? Mahal natin ang isa't-isa. Hindi ba ang sabi ko sa `yo, hanggang hindi mo inaalis ang singsing na suot mo, ibig sabihin n'un, mahal mo pa rin ako. Hindi naman kasi nawala ang pagmamahal mo sa `kin. Alam ko na may ibang rason ka pa kung bakit mo mas pinipili ang makipag-hiwalay sa akin. Sabihin mo kung ano, makikinig ako. Uunawain ko. Ganoon kita kamahal. Ikaw at ikaw lang."
            "Brax.."
            "Sabihin mo sa `kin, Vienne."
            Inalis niya ang pagkakapulupot ng braso nito sa kanya. Humarap siya rito. Malaya niyang napagmasdan ang gwapong mukha nito. Ang mukha na tila kay dami ng problemang pinapasan.
            "Mahal kita. Mahal na mahal. Pero.. please, Brax. Kailangan ko kasing gawin `to, eh. Tama ka. May rason ako kung bakit ako nakipaghiwalay sa `yo. Rason na hindi ko pa masasabi sa `yo. Rason na alam kong.."
            Hindi na niya naituloy pa ang sasabihin. Hinalikan siya nito sa labi. Marahas ngunit may pagmamahal. Tila roon ibinuhos ang frustration na nararamdaman.
            Tila nalunod naman siya. Gumanti siya sa halik nito. Naputol lang ang halik ng makarinig sila ng hiyawan. Tumingin siya sa paligid. Nakita niya ang mukha ng ibang estudyante. May paghanga sa mata, ngunit karamihan ay may disgusto.
            Lumayo siya kay Brax saka tumakbo palayo roon.

NAPANGITI nang mapait si Brax habang pinagmamasdan ang papalayong si Vienne. Pinunas niya ang luhang dumaloy sa kanyang pisngi saka naglakad palayo sa kinaroroonan niya. Imbes na magtungo sa building kung saan ang subject na papasukan niya, mas pinili niya ang lumabas ng campus.
            Mahal siya ni Vienne ngunit mas pinili nito ang makipaghiwalay sa kanya. Sa dahilan na hindi niya alam kaya naguguluhan siya ng sobra. Bakit ganoon? Walang iwanan sila dapat pero ganoon lang kabilis kay Vienne na gawin iyon. Ngayon pa na kailangan niya ito. Pakiramdam niya, ang dami ng problemang nakaatang sa balikat niya. At lahat ng iyon, nagsimula nang magloko ang papa niya.
            Una, ang mama niya, hindi na ito katulad ng dati. Madalas, tulala ito. Nangangamba siya na mauwi sa depression ang pinapakita nito.
            Pangalawa, si Vienne. Ang mahal niya.
            Hindi na niya alam kung ano ang gagawin. Kay Vienne na lang siya kumukuha ng lakas pero ganito pa ang ginagawa nito ngayon. Naglakad siya nang naglakad, iyon lang ang gusto niyang gawin sa mga oras na iyon. Bahala na kung saan siya dadalhin ng paa niya.
            "Brax..."
            Tawag ng kung sino sa kanya. Tiningnan niya iyon. Nakita niya si Coby. Makikita ang pag-aalala sa mukha nito.
            "Okay ka lang ba?"
            Umiling siya. "Hindi."
            "Si Vienne na naman, hindi ba?"
            Tumango siya. "Mahal niya `ko, Coby. Hindi ko lang alam kung bakit kailangan niyang makipag-hiwalay sa `kin. Nasasaktan na `ko ng sobra."
            "Alam ko. Mahal ka niya," pagsang-ayon nito. "Siya nga ang nagsabi sa `kin na hanapin ka. Kahit ako hindi ko alam kung bakit kailangan niyang makipag-hiwalay sa `yo samantalang mahal ka naman niya. Sobra."
            "Pwede bang tanungin mo siya para sa akin? Pwede bang i-set up mo siya para makausap ko, Coby."
            Tumango ito. "Hindi ako sanay na nakikita kayong dalawa na ganito, Brax, kaya tutulungan kita. Tutulungan ko kayong dalawa para makapag-usap."
            "Salamat," sabi niya.
            Alam niya na gagawin iyon ni Coby. Umaasa siya.


ITUTULOY..

7 comments:

  1. Grrrrrr... bwesit talaga ang mga kabit... mr author marami pabang sad na chapter ?... happy nmn please

    ReplyDelete
  2. Kawawa naman silang dalawa. Sana happily ever after sila in the end. Thanks sa update Vienne. Take care

    ReplyDelete
  3. Yehey may update na :-) ... SNA wag tumagal yung sunod..hehe

    Haizxt.. Naawa ako Kay brax mr. Vienne chase..ramdam ko sya.. Ne be yen..bat lalong gumulo.. D ko rin masisi si vienne.. Kasi nsa gitna sya between sa mama nya at Kay brax..

    Ayoko mghiwalay sila brax at vienne!grave naman mama ni vienne ngpabuntis pa..tsk. hay nku. #NKKLK ang chapter na to..

    KUDOS Vienne Chase for your work.. Hope ma add kta sa fbook.. Yung real ha.. Hehe..I want to see the person behind this great story..HOPEFULLY! :-)

    ReplyDelete
  4. Kawawa Naman so brax still vienne naiipit sa isang sitwasyon n Pareto sila mahihirapan Si author Kasi pinahihirapan ang mgkasintahan

    ReplyDelete
  5. Kawawa naman sila? Ano kaya ang mangyari sa kanila? Ok yun tawaga na yan Vienne. Mas palagay ako nyan. Thanks. Take care.

    ReplyDelete
  6. Author bat niyo naman pinapahirapan si Vienne? Sunod-sunod ang mga problema at parang naging tanga na naman ang bida. Kung mahal talaga siya ni Brax kahit malaman niya pa yung nililihim niya sila pa rin ang mag- kakatuluyan. Good job author! You really know how to make your readers excited for the next update of this story. Update na agad....

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails