Followers

Monday, December 1, 2014

Beat of my Heart Chapter 12



CHAPTER TWELVE

ISINAMA ni Vienne si Ambrose sa kanilang bahay sa unang pagkakataon. Hindi niya sana gagawin iyon ngunit sadyang mapilit ang lalaki at nagpatulong pa ito sa lola niya para doon. Isa pang rason nito ay tamang pagkakataon na rin daw iyon para mas makilala siya nito nang lubusan. Bagay na matagal naman na nitong nagawa. Sadyang makulit ito kaya ang ending ay dito na sila sa balkonahe ng bahay nila.
            Naunang pumasok ang lola niya. Napagod kasi ito sa paglalakad.
            "Kailan mo kaya ako magugustuhan, Vienne?" Usisa ni Ambrose sa kanya.
            Napatingin siya dito mula sa kanyang kinakain. Binili nito iyon sa tindahan na nadaanan nila. Nakaupo ito sa stool na upuan habang nakapatong ang mga braso sa mesa. Seryoso rin ang pagkakatingin sa kanya.
            Nag-iwas siya ng tingin. Hindi niya alam kung ano ang isasagot dito. Hindi niya alam kung kailan at darating ba ang panahin na magugustuhan niya ito at mapapalitan nito si Brax sa puso niya. Kung pwede lang talagang turuan ang puso, matagal na sana niyang ginawa iyon.
            "Naiintindihan ko," anito maya-maya.
            Ewan rin ba niya sa lalaking ito. Bakit kailan pa nitong itanong ang isang bagay na mahirap sa kanyang sagutin kahit alam naman niya ang sagot. Natatakot siya na maskatan ito. Nagawa na niya iyon. Ayaw niyang buhusan pa ng kung ano na nagpapasakit dito ang sugat na nilikha niya sa puso nito.
            "Pwedeng ibahin natin ang usapan, Ambrose." Nasabi na lang niya.
            "Okay. Kung iyon ang gusto mo. Pasensya ka na sa `kin, Vienne."
            "Okay lang. Naiintindihan naman kita kahit papaano." Nakakaunawa niyang sbai.
            Ngumiti ito saka hinawakan ang kamay niya. Mahina nitong pinisil iyon. Hindi naman siya tumanggi na gawin nito iyon dahil sa lungkot na nakikita niya kahit na nakangiti ito. Lungkot na siya ang nagbibigay.
            "Lagi mong tatandaan na maghihintay ako sa sagot mo, ah. Positibo man o negatibo iyon ay tatanggapin ko."
            "Salamat kung ganoon. Hayst, Ambrose. Sinabi ko na sa `yo na change topic na tayo pero lagi mong ino-open up iyon. Magtanong ka na lang ng ibang bagay `wag lang `yon."
            "Okay," sang-ayon nito. "Matagal na kasi akong curious about sa family mo. Kapag nagkukwento ka, laging si Lola Cons ang nababanggit mo. `Yong mama at papa mo, hindi mo nababanggit. Kapag nababanggit mo naman ang mama mo, napansin ko na lumulungkot ka. Bakit?"
            Isang matipid na ngiti ang iginanti niya dito.
            "Napansin mo pala `yon."
            "Lahat naman napapansin ko sa `yo, Vienne, eh."
            Huminga muna siya nang malalim bago sumagot.
            "Lumaki ako na walang kinagisnan na ama. Wala namang ino-open up na bagay si lola at si mama tungkol sa kanya, eh. Hindi naman ako nagtatanong kasi okay naman na ako. Sapat na sa `kin na nasa tabi ko si lola at mama. Si mama naman, nandyan siya pero.." natigil siya sa pagsasalita. Tuwing iniisip niya kasi iyon ay nalulungkot siya. Kaya nga gumagawa siya ng bagay para mawala iyon sa isipan niya.
            "Kung hindi mo pa kayang sabihin, `wag na lang," anito.
            "Kaya ko," sabi niya. "Alam mo `yong pakiramdam na nasa paligid lang `yong isang tao pero ang layo niya sa `yo."
            "Alam ko `yon. Dama ko nga ngayon, eh."
            Tinampal niya ito sa braso. "Adik ka lang. Ibinabalik mo na naman, eh."
            "Pasensya naman. Hindi ko maiwasan, eh," ganting-sabi nito saka tumawa.
            Natawa na rin siya. Hindi na rin siya nagtangka na sabihin pa dito ang relasyon niya sa mama niya. Hindi niya pa pala kaya. Tama na si Brax lang ang may alam. Si Coby naman kasi ay bihira nilang makasama kaya hindi siya dito madalas na nakukwento ang mga bagay-bagay. Pero kaibigan niya si Ambrose. Malapit na ito sa kanya. Maybe sharing a personal thing with him was not a bad idea. Ang sabi niya nga sa sarili, si Ambrose ang pumapalit sa pwesto ni Brax mula nang magkaroon ng girlfriend ang bestfriend niya.
            Sumeryoso si Ambrose nang makita na natigil siya sa pagtawa.
            "Laging si lola ang bukambibig ko kasi siya lang naman ang nagpaparamdam na mahalaga ako sa bahay na ito. Given na nandito lang ang mama ko pero wala akong madama na pagmamahal mula sa kanya para sa akin. Alam mo, tuwing nandito siya, hindi ako makalapit sa kanya. Hindi ko magawa na maglambing dahil tuwing lalapit ako sa kanya ay singhal at pagalit na lang siya lagi tuwing kakausapin ako. Hindi ko alam kung bakit palagi na lang na mainit ang dugo niya sa akin. Sa totoo lang, ang sakit-sakit sa akin, eh." Tuluyan nang tumulo ang luha niya sa kanyang pisngi. "Ang mahirap pa doon. Wala akong alam kung bakit ganoon na lang sa akin si mama. Natatakot rin ako magtanong kasi nga.." hindi na niya naituloy pa ang sasabihin. Tuluyan na siyang napaiyak.
            Niyakap siya ni Ambrose. "`Wag mo nang ituloy, Vienne," masuyong sabi nito. "Sana pala hindi na lang ako nagtanong. Umiiyak ka tuloy. I'm sorry, Vienne. I'll understand your situation. Tuwing nalulungkot ka, I'm just a phone call away. Kapag tumawag ka ay agad akong pupunta sa `yo. In an instant I'll be on your side."
            Gumanti siya ng yakap dito. Hinayaan niya ang sarili na umiyak. Habang yakap siya ni Ambrose ang pakiramdam niya ay secured na secured siya. Hindi man ganoon sa nararamdaman niya tuwing yakap siya ni Brax ay napapanatag naman ang loob niya. Iba rin kasi ang dulot nito sa kanya. Salamat kay Ambrose at nararamdaman niya na hindi siya nag-iisa.
            Kumalas siya sa yakap nito. Pinunasan niya ang luha niya.
            "Pasensya ka na. Nabasa tuloy ang damit mo," paumanhin niya.
            "Sus. Wala ito. Malakas ka sa `kin kaya I don't mind." Sinipat nito ang suot na relo. "Okay ka na ba?"
            Tumango siya. "Okay na ako."
            "Mabuti naman. Kailangan ko na kasing umuwi. Ayaw ko naman na umuwi na hindi ka pa okay. Pagabi na rin kasi, eh. Kung pwede nga lang na mag-stay ako dito, ginawa ko na. Alam mo naman ako, bunso, may curfew at baka ma-rape daw ako sa daan." Pagpapatawa nito.
            Bumenta naman iyon sa kanya. "Ikaw talaga. Puro ka biro."
            Sumeryoso ito. "`Yan, Vienne. Mas gumugwapo ka kapag nakangiti. Don't think too much about your problem. Tama na ang isang araw o isang gabi para doon. Kung hindi mo na kaya pang pasanin, nandito lang ako. Willing ako na maging punasan ng luha at sipon. Maging sandalan mo kahit na mabigat ka."
            Natawa na naman siya.
            "I love you, Vienne."
            Natigil siya. Napatitig siya dito. "Salamat. Salamat kasi hindi ko ramdam na nag-iisa ako."
            "Bakit? Hindi ka ba sinusuportahan ng bestfriend mo na mahal mo na ngayon."
            "Sinusuportahan ako n'un. Hindi nga lang katulad ng dati. Alam mo naman ang dahilan, hindi ba?"
            Nag-iwas ito ng tingin. Biglang nagbago ang mood nito. Parang biglang naging alangan. Parang may itinatago.
            "Vienne, may itatanong ako sa `yo?"
            "Ano?"
            "What if Brax feel the same way you are feeling to him right now. Ano ang gagawin mo? Paano kung sabihin niya na mahal ka rin niya at pwede na maging kayong dalawa."
            Natigilan na naman siya. Ano nga ba ang gagawin niya kapag ganoon? Magiging masaya siya, siyempre. Iyon ang magiging initial na reaksyon niya kasi iyon ang isa sa magandang bagay na nangyayari sa taong nagmamahal: ang mahal ka ng taong mahal mo. Kung mangyayari ang bagay na iyon ay sobra ang magiging pasasalamat niya.
            Pero.. posible ba iyon?
            "Imposible `yon, Ambrose. Straight kaya si Brax saka may girlfriend `yun. Ang ganda kaya ni Krishna."
            "Hindi mo naman nasagot ang tanong ko, eh."
            "Alam mo naman siguro kung ano ang magiging reaksyon ko kung ganoon nga ang mangyayari, Ambrose. Of course, magiging masaya ako."
            Nakita niya ang lungkot sa mukha nito. "Sige, Vienne. Aalis na ako."
            "Sige. Mag-iingat ka."
            Bago ito umalis ay hinawakan siya nito sa magkabilang balikat at iniharap dito.
            "Bakit?" Tanong niya nang makita ang kaseryosohan sa mukha nito.
            "Bago ako umalis," sabi nito saka yumuko at binigyan siya ng isang mabilis na halik sa labi.
            Gulat siyang napatingin dito. "Mapagsamantala ka talaga!" Asik niya dito.
            "Pagbigyan mo na ako, Vienne. Hindi ko mapigilan, eh. Sige," anito. "Ihatid mo na lang ako ng tanaw."
            "Sige."
            Iyon nga ang ginawa niya. Bago nito paandarin ang motor ay kumaway pa ito sa kanya. Ginantihan naman niya iyon.
           
AGAD na nakita ni Brax si Vienne kasama si Ambrose sa balkonahe ng bahay ng una. Nagtataka man ay wala siyang magawa dahil hindi naman siya makalapit sa mga ito. He choose to stay outside the house. Kontento na siya na malayo sa mga ito. Nabigla si Brax nang makita ang ginawa ni Ambrose kay Vienne. Hinalikan nito sa labi ang bestfriend niya. Malayo siya sa mga ito kaya hindi niya marinig ang pinag-uusapan ng mga ito pero base sa nakikita niya ay..
            Napailing siya sa naiisip.
            Bakit siya nakakadama ng ganito? Parang may pinong kurot sa kanyang puso. Parang gusto niya na lumapit sa mga ito at sumabat na lang ng basta-basta. Ayaw niya sa ideyang iyon. Hindi siya papayag.
            Ngunit kahit na itanggi niya sa sarili ang kanyang nararamdaman ay alam na niya kung ano iyon. Kanina pa niya iyon nararamdaman. Kanina pa sa dating school nila noong elementary sila.
            Walang kaalam-alam si Vienne na nakita niya ito kanina kasama si Ambrose. Papunta na sana siya dito para sunduin ito. Para sunduin sana ito doon. Gusto niya kasing makabawi dahil nitong nakaraan ay hindi na nila nagagawa ni Vienne ang karaniwan na ginagawa nila. Halos lahat kasi ng oras niya ay naibigay niya kay Krishna. And speaking of Krishna. Sa mahigit isang buwan na magnobyo sila ay tinapos na niya ang relasyon nila. Oo, siya ang nagwakas sa relasyon nila ng babae. Ayaw naman niya kasing lokohin ito. Krishna was too kind to be hurt by just someone like him. Hindi naman siya naging pabaya na boyfriend. Sa katunayan ay naging masaya ang relasyon nila.  
            Isa rin sana iyon sa rason kung bakit niya susunduin sana si Vienne. Para sabihin sana dito ang balita at nangyari sa pagmamahalan nilang dalawa ni Krishna ngunit hindi na iyon nangyari. At isa pa ay magtatapat na sana siya dito sa lugar-- sa playground kung saan sila unang nagkakilala. Lugar kung saan niya unang nahalikan ang kaibigan ngunit mga bata pa sila noon.
            Masaya siya kanina. Excited. Pero ang kasiyahan na nararamdaman niya ay napalitan ng kalungkutan sa nasaksihan. Alam niyang hindi naman dapat pero hindi niya mapigilan ang sarili. At habang nakatingin siya sa kamay ni Vienne na hawak ni Ambrose ay tila mas lalo siyang nalulungkot.
            Inaamin niya sa sarili na sobra siyang nagseselos. Bumabangon sa kanya ang pagiging selfish. Gusto niya ay siya lang. Gusto niya siya lang ang may karapatan na hawakan ang kamay ni Vienne kahit na hindi niya iyon ginagawa. Gusto niya na mahalikan ang labi nito.
            Nang makita niyang papalabas na si Ambrose sa bakuran ng bahay nina Vienne ay agad na nagtago si Brax sa puno na malapit sa kanya. Sinigurado niyang hindi siya makikita. Mabuti na lang at sa kalayuan siya nag-park at nagdesisyon na sundan ang mga ito sa pamamagitan ng paglalakad. Hindi naman niya dapat ginagawa ito pero.. nasasaktan siya. Sobra. Sana pala noong una pa niya na-realize na mahal niya ang bestfriend niya ng higit pa sa pagkakaibigan para hindi ito nangyayari. Natatakot rin siya na baka mawalan na siya ng pagkakataon para masabi ang totoo kay Vienne dahil sa Ambrose na iyon.
            Nang paharurutin ni Ambrose ang motorsiklo nito palayo sa bahay nina Vienne ay bumalik siya sa harapan ng bahay ng bestfriend niya. Papasok na si Vienne sa loob ng bahay. Gusto niya sanang tawagin ito pero pinigilan niya ang sarili. Naisip niya kasi na hindi ito ang tamang pagkakataon para harapin niya ang kaibigan na may galit at selos sa kanyang puso. Baka ano pa ang masabi niya.
            Nagdesisyon si Brax na balikan ang motorsiklo niya sa lugar kung saan niya iyon ipinark. Ang sakit at lungkot na nararamdaman niya ngayon ay idadaan niya sa pag-inom ng alak. Gusto niya kahit na ngayong gabi lang ay makalimutan niya ang pagseselos, lungkot at galit para sa sarili sa nangyayari.
            Vienne, mahal na kita. Sobra.
            Dahil alam niya na may pinagkakaabalahan ang mga kaibigan niya hindi na siya nag-abala na istorbohin pa ang mga ito. Nagtungo siya sa Maysha Bar. Pagkarating niya doon ay agad siyang pumwesto sa lugar kung saan laging nakaupo si Vienne tuwing pinipilit niya ito na sumama sa kanya.
            What if Vienne and Ambrose were already together? What if mapalitan na siya ng Ambrose na iyon? What if things between him and his bestfriend change because of the guy? Ano ang gagawin niya? Masyadong mraming 'ifs'. Ang gulo lang.
            Nang lumapit sa kanya ang isang waiter ay agad siyang umorder ng alak. Sisimulan niya ang pag-inom ng alak para makalimot. Sana nga ay matulungan siya.
            Nang dumating ang beer na inorder niya ay agad siyang kumuha ng isa at tinungga iyon. Wala siyang pakialam kung magmukha man siyang sugapa sa alak. Gusto lang talaga niya na..
            Napabuntung-hininga siya.
            Kung magtatapat ba siya kay Vienne ay walang magiging problema? Baka sa gagawin niya ay tuluyan nang masira ang pagkakaibigan nila na muli niyang binubuo at higit pa dahil sa hindi nila pagkakaroon ng oras sa isa't-isa. Kung sasabihin ba niya ang nararamdaman niya para dito ay magiging kagaya ba sila ng dati? Posible ba na magustuhan siya ng bestfriend niya kahit na hindi naman katulad niya ang tipo nito?
            Bwisit kasi ang puso niya. Bwisit din si Kupido. Nain-love nga siya kay Krishna pero hindi niya akalain na ganoon lang iyon kadali na mawawala dahil sa realization na mahal niya ang bestfriend niya ng higit pa sa pagiging bestfriend. Hindi niya akalain na posible pala siyang magkagusto sa same-sex at sa bestfriend pa niya.
            Nagpakalunod siya sa alak. Nang mapansin niya na malapit nang maubos ang inumin niya ay agad siyang nagtawag ng waiter para umorder. Uubusin niya ang allowance niya para sa isang linggo sa alak lang.
            Kinuha niya ang pitaka niya sa kanyang bulsa. Nakapa rin niya ang cellphone niya doon. Inilabas niya iyon. Pinakatitigan ang wallpaper ng cellphone niya. Picture nila iyon ni Vienne na magkasama na si Coby pa ang kumuha. Magkadikit ang kanilang mukha. Walang malisya doon dahil sabi nga nila ay puro ang pagkakaibigan nila. Hindi nila nakikita ang sarili na magkakagusto sa isa't-isa. Siya lang pala. But things changed bigtime! Dahil heto siya ngayon. Miserable, nagseselos at gusto maibalik ang dati na walang malisya. Pero hindi na maibabalik iyon. Tuwing lalapit sa kanya si Vienne ay ang unang pumapasok sa isipan niya ay mahalikan ang labi nito. Mayakap ng mahigpit at sabihin dito ang nararamdaman niya.
            Tila may sariling pag-iisip ang kanyang mga daliri na tinawagan ang numero ni Vienne. Inilapit niya iyon sa kanyang tainga. Narinig niya ang ringing tone ng cellphone nito. Hindi nagtagal ay ang boses ng bestfriend niya. His beautiful voice.
            "Hello, Brax. Gabi na, ah. Bakit ka napatawag?" Tanong nito. Base sa boses ay galing sa pagtulog. Mukhang naistorbo pa niya ito.
            "He-hello Vienne."
            Takte lang! Kinakabahan siya. Patunay na doon ang stuttering niya. He composed his self. He tried to be calm.
            "Pwede mo ba akong puntahan dito sa MAB?"
            "Nakainom ka ba, Brax? Bakit ka uminom? May problema ka ba?" Nag-aalalang tanong nito.
            Meron. Ikaw. "Oo, nakainom nga ako. Limang bote ng beer at may parating pa."
            "Bakit ka ba naglasing?" Muli nitong tanong. Natutuwa ang buo niyang pagkatao sa concern na naririnig niya sa boses nito. Just like before.
            "Akala ko nalimutan mo na ako." May hinampo sa boses na sabi niya.
            "Ano ba ang sinasabi mo, Brax? Nagiging madrama ka. Hindi kita nakalimutan."
            "Pwede mo ba akong puntahan dito? Just like the old time, Vienne."
            "Dala mo ba `yong motor mo? May kasama ka ba?"
            "Mag-isa lang ako, wala ka kasi sa tabi ko. Oo, dala ko `yong motor."
            "Pupunta ako dyan! Bawal kang magmaneho na nakainom ka. Baka kung anong mangyari sa `yo. Ano ba kasi ang problema?"
            "Just come here, please."
            "Pupunta ako dyan. Hintayin mo ako." Ang sabi nito saka nawala sa kabilang linya.
            Napatingin siya sa cellphone niya pagkatapos ng tawag. Isang ngiti ang lumitaw sa kanyang labi.
            "Bakit ka umiinom, Brax?"
            Mula sa pagtingin sa kanyang cellphone ay umangat ang paningin ni Brax sa nagsalita. Pamilyar sa kanya ang boses na iyon. Hindi nga siya nagkamali. Nakita niya ang nakangiting mukha ng ex-girlfriend niya. Hindi niya inaasahan na makikita niya ito sa bar. Mahigit isang linggo na rin mula ng nakipag-break siya dito.
            Oo, siya ang nakipag-break dito. Mabait si Krishna para lokohin pa niya ito. Ayaw niyang saktan ito kaya agad siyang nakipag-break dito nang mapagtanto niya na wala na siyang nararamdaman dito sa maiksing panahon. Na agad itong napalitan ng bestfriend niya. Mabuti na lang at maunawain ito. Kaya kahit na break na sila ay magkaibigan pa rin sila.
            "Sino ang kasama mo?" Tanong niya dito, sa halip na sagutin ang tanong nito.
            "`Yong kuya ko, si Kuya Rye saka si Andrew," sagot nito.
            Minsan na niyang nakilala ang kapatid nito na may karelasyon na lalaki. Nang sabihin niya kay Krishna na nawala ang pagmamahal niya dito at napalitan iyon ni Vienne ay hindi ito nagbigay ng anuman na pagkabigla na reaksyon. Open ito sa mga ganoon na bagay dahil sa kapatid nito.
            "Ganoon ba," tanging nasabi niya.
            "Pwede ba akong umupo sa tabi mo?"
            Tumango siya. Wala namang kaso sa kanya kung tumabi ito.
            "Bakit ka umiinom, Brax? Pwede mong sabihin sa akin. Dahil ba `to kay Vienne?"
            Hindi niya ito sinagot. Alam nito ang lahat sa kanya dahil open siya dito. Minsan n'ung sila pa ay hindi nito maiwasan ang magselos sa bestfriend niya dahil ito na lang ang palagi nigang bukambibig. Si Krishna nga rin ang nagpa-realize sa kanya ng bagay na iyon..
            Nasa isang park si Brax kasama si Krishna. Doon sila nauwi pagkatapos niya itong sunduin sa SAU. Ngayon ang araw na desidido na siya na makipaghiwalay dito. Nitong mga nakaraang araw ay napagtanto niya ang isang bagay tungkol sa nararamdaman niya para dito at sa bestfriend niya. Sa tulong na rin nito ay naliwanagan siya.
            "Anong sasabihin mo, Brax?" Tanong nito sa kanya. Seryoso ang tingin na ibinibigay sa kanya.
            Umupo siya sa tabi nito saka malalim na napabuntung-hininga. Ayaw niyang masaktan ito pero mas makakabuti na sabihin na niya iyon kaysa ang patagalin pa niya. Mabait, maunawain at masyang girlfriend si Krishna. Ideal na babae ito para sa iilan na lalaki ngunit sa kanya ay hindi na dahil sa wala na siyang nararamdaman dito.. dahil sa mahal niya ay lalaki at ang bestfriend niya.
            "Marami akong na-realize na bagay pagkatapos mong sabihin sa `kin na hindi lang pagmamahal ng isang kaibigan ang nararamdaman ko kay Vienne kundi higit pa. Na-realize ko na tama ka, Krishna."
            Nahinto siya sa pagsasalita nang makita niya ang sakit na bumalatay sa maganda nitong mukha. Gusto niyang burahin iyon pero wala siyang magagawa. Siya ang dahilan niyon subalit kailangan niyang magpatuloy. Masasaktan at masasaktan rin naman ito kung ipagpapatuloy pa niya ang relasyon nila.
            "Sabihin mo na ang gusto mong sabihin, Brax. Makikinig ako. Ipokrito ako kung sasabihin ko na hindi ako nasasaktan pero kailangan. Nakita ko na rin ang senaryo na ito. Masakit pero kailangan kong tanggapin. Go on, tell it.." udyok nito.
            Pinunasan nito ang luha na tumulo sa pisngi nito. Kinuha niya ang panyo sa kanyang bulsa at ibinigay dito. Kinuha nito iyon.
            "Gamitin mo iyan, Krishna, baka sakaling makatulong sa sakit na ibibigay ko sa `yo."
            Isang ngiti ang iginanti nito.
            Nagpatuloy siya. "Tama ka nga. Tama pala talaga ang kasabihan na kapag wala sa tabi mo ang isang tao ay saka mo mare-realize na mahal mo siya. That's the exact things happened to me. Tuwing magkasama tayo, laging si Vienne ang naiisip at naikukwento ko dahil paraan pala iyon para maibsan ang pagkaka-miss ko sa kanya. At nang sabihin sa akin ni Vienne na nililigawan siya ni Ambrose, ibang pakiramdam ang bumangon sa akin. Nagselos ako. Tuwing naiisip ko na magkasama sila, parang gusto ko na puntahan sila at hilahin palayo si Vienne sa Ambrose na iyon. Gusto ko akin lang siya. Gusto ko na kami lang ang magkasama. Gusto ko na maibalik ang dati sa pagitan namin na nawala. Gusto ko na ako ang mahalin niya."
            "Masakit na marinig ang mga ganyan na bagay sa taong mahalaga sa `yo, alam mo ba `yon?"
            Tumango siya. "Alam ko."
            "Pero kailangan kong tanggapin, Brax. You've been a good boyfriend to me. A perfect gentleman to be exact. Sa one month na relasyon natin ay sobrang pagpapahalaga ang naramdaman ko mula sa `yo. Oo, masakit ngunit sa kabila niyon ay masaya ako. Hindi lang naman kasi ikaw ang may kasalanan sa relasyon na ito, pati ako."
            Nagulat siya sa sinabi nito. "Anong ibig mong sabihin?"
            "I also fell out of love."
            "Paano? You've been sweet and caring to me. Paano?" Naguguluhan na tanong niya.
            Ngumiti ito. "Katulad mo. Inlove din ako sa bestfriend ko. I also realized the same thing when we were parted. At ang nagpasidhi pa doon ay n'ung sabihin niya sa akin na mahal din niya ako. Kilala mo si Andrew, hindi ba?"
            Tumango siya. "Inlove ka sa kanya."
            "Yeah. So, lets end this relationship, Brax. Thank you sa isang buwan at mahigit na pagmamahal. We can still be friends, right?"
            Ang lungkot at bigat ng pakiramdam na nadama niya kanina ay biglang nawala. Knowing that Krishna also fell out of love. Napalitan iyon ng relief. Akala niya ay masasaktan niya ito ng sobra pero hindi pala. Masaya siya sa pinatutunguhan ng pag-uusap nilang dalawa.
            "Yeah, magkaibigan pa rin tayo."
            Nawala ang isip niya sa pagbabalik tanaw ng istorbohin siya ni Krishna sa pamamagitan ng pagbunggo ng siko nito sa balikat niya. Napatingin siya dito.
            "Hindi mo pa ba nasasabi kay Vienne ang nararamdaman mo?"
            Nakakatawa lang silang dalawa. Sino ang mag-aakala na ang mag-ex na katulad nila ay mag-uusap tungkol sa development ng relasyon ng isa't-isa sa piling ng taong totoong mahalaga at mahal nila.
            Isang mahinang pag-iling ang iginanti niya. "Hindi pa. Parang napaka-komplikado ng sitwasyon, Krishna. Hindi ko alam kung saan ang komplikasyon, hindi ko masabi. I'm also worried. Maraming ifs ang nasa isipan ko ngayon. Paano kung hindi na maging katulad ng dati ang pagkakaibigan namin ni Vienne? Paano kung hindi pala niya ako mahal? Paano kung.."
            "Ang mga ifs na `yan, hindi masasagot kung hindi ka gagawa ng aksyon, Brax. Ang tapang mo nga ng ligawan mo ako, tapos kay Vienne na bestfriend mo lang pala ikaw titiklop. Isa pa, hindi naman komplikado ang sitwasyon n'yo, eh. Hindi ka pa nga gumagawa ng action. Ikaw lang naman ang nagpapa-komplika dahil sa mga isipin mo na negatibo. Sabihin mo nasa kanya ang nararamdaman mo bago ka pa maunahan ni Ambrose. Isa pa pala, Brax. Alam na ni Ambrose na wala na tayo, noong isang araw pa. I'm sure na gagawa siya ng paraan at mas totodo pa ang effort n'un. Hindi manhid ang taong nagmamahal lalo na sa mga karibal. Kaya kung ako sa `yo, magtapat ka na."
            Sa sinabi nitong iyon ay kinabahan na siya. Bumalik sa kanyang alaala ang halik na ibinigay ni Ambrose kay Vienne sa balkonahe ng bahay ng huli. Hindi siya pwedeng magmukmok at gawin na miserable ang sarili. Dapat pala ay umaksyon siya talaga.
            "Salamat sa pagsasabi sa akin, Krishna."
            Pareho silang napatingin sa narinig nilang nagsalita at sa pagtawag sa pangalan ni Krishna. Nakita niya ang dalawang lalaki sa hindi kalayuan. Si Andrew at Kuya Rye iyon.
            "Dito ka muna, Brax. Tatawagin ko lang sila. Makiki-share kami ng table sa `yo."
            Iyon nga ang ginawa nito. Umalis ito sa tabi niya saka pinuntahan ang kasama nito. Nang makalapit ang mga ito sa kanya ay agad niyang nakita ang reaksyon ng bawat isa. Nakangiti si Andrew ngunit makikita na nahihiya ito sa kanya. Si Kuya Rye naman ay mukhang Biyernes Santo ang mukha.
            Umupo ang mga ito. Katabi ni Krishna si Andrew na naupo sa upuan na nasa harap nila. Si Kuya Rye naman ay tumabi sa kanya.
            "Anong problema, kuya?" Usisa niya.
            "Malaki, Brax," lulugo-lugong sagot nito. "Ang halos isang taon ko na relasyon sa bestfriend ko ay natapos in just an instant. In just a snap of fingers. Akala ko makakasama ko siya hanggang sa pagtanda pero hindi pala. Akala ko pwede na maging kami pero hindi pa rin pala pwede. Alam ko na mahal ko siya noon pa pero.." umiling-iling ito. "He just fell out of love. Marami siyang naging rason. Alam ko na ako rin ang masisi kasi pinaghintay ko siya nang matagal, pero ang pinakatumatak sa isip ko `yong sabihin niya na may mahal siyang iba. Handa na akong gawin ang lahat para maging kami pero wala na pala akong aasahan."
            Nagsimula itong umiyak. Ang tanging nagawa niya ay haplusin ang likuran nito.
            "Ang sakit-sakit lang, kung kailan handa na akong mag-take ng risk para sa aming dalawa saka naman naging ganito. Ang tanga-tanga ko kasi. Sigurado na ako, noon pa na mahal ko na siya pero pinangunahan ako ng takot. Ang sakit na makita siya na may kahalikan na iba at `yong tao pa na malapit sa `yo ang taong pumalit sa dapat na pwesto mo. Masyado ko siyang mahal kaya nasasaktan ako ngayon. Handa na ako sa lahat. Lahat ng akin, willing kong ibigay sa kanya. Ang hirap lang na mapabilang sa third sex, walang katiyakan ang buhay, kahit relasyon, walang katiyakan. Masyado kasi akong natakot sa sasabihin ng iba kaya hindi ako nag-take ng risk. Siya na ang pangarap ko noon pa. Isang pangarap na hindi na magiging akin dahil sa kaduwagan at katangahan `ko."
            "Hindi naman masama ang mangarap, Kuya Rye." Tanging nasabi niya. Wala siyang maitugon o maipayo dito dahil wala pa naman siya sa ganoon na sitwasyon. Ang paghihiwalay nila ni Krishna ay smooth sailang. Magkaibigan pa nga sila.
             Mataman rin na nakikinig ang mag-nobyo kay Kuya Rye.
            Nagapatuloy si Kuya Rye. Paulit-ulit lang naman ang sinasabi nito dala ng nainom nito pero may sense iyon para sa kanya. Tinatamaan rin siya.
            "Ang sakit-sakit lang, eh. Kung kailan handa na ako para ipaglaban siya, para maging kami, saka naman siya na-fall out of love sa akin at nakahanap ng iba. Ang tanga-tanga ko," anito sabay sabunot sa sariling buhok. "Kung sana noon pa naging totoo na ako sa sarili ko sana magkasama kami ngayon. Sana masaya na kami sa piling ng isa't-isa. Sana hindi ako miserable ngayon. Sana.."
            Natigil ito sa pagsasalita. Tuluyan na itong humagulgol. Hinaplos na lamang niya ang likuran nito. Bagay na sana makatulong dito kahit papaano.
            Sa mga narinig niya mula dito. Isang bagay ang tumatak sa isip niya. Iyon ang maging totoo sa sariling nararamdaman. Dapat niyang i-take aside ang maraming what ifs na naiisip niya. Dapat siyang mag-take ng risk para sa kanya at para kay Vienne.
            Ayaw niyang matulad sa sitawasyon ni Kuya Rye. Mas mabuti na iyong magtapat siya sa totoong nararamdaman niya kaysa ang hindi at kimkimin lang niya. Ang sabi nga ng karamihan, love is taking risk. Sa lalong madaling panahon ay dapat na siyang magtapat kay Vienne bago mahuli ang lahat.
            Kung anuman ang mangyayari pagkatapos ng gagawin niyang pagtatapat ay tatanggapin niya ng buong puso. Negatibo o posotibo man iyon.


ITUTULOY...

7 comments:

  1. Ang iksi.. Hanggang kailan ba to?

    ReplyDelete
  2. That's the spirit, marunong makibaka. you never know....baka positibo. Thanks sa update Vienne. Take care

    ReplyDelete
  3. Next update please ang ganda talaga nito!

    ReplyDelete
  4. .. Dapat wag mging torpe ..go lng ng go.pra walang pagsisihan blng araw..
    ..good job..mr author :D

    ReplyDelete
  5. Kuya Vienne, ano po title nung sa story ni Kuya Rye? Gusto ko po sana basahin. Thankee :)

    -vhian

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails