Followers

Friday, November 21, 2014

Beat Of My Heart Chapter 9




CHAPTER NINE


MULA sa binabasa niyang libro ay nag-angat ng tingin si Vienne. Nakita niya ang nakangiting mukha ni Ambrose. May dala itong dalawang bottled drink at pagkain na nabili siguro nito sa tindahan ni Aling Tere.
            Nasa bench siya at nagbabasa ng pocketbook na pinahiram sa kanya ni Austin. Ang sabi nito ay hindi ito ang may-ari ng pocketbook na binabasa niya kundi ang kapatid nito. Nakilala na rin niya ang ate nito sa grocery store habang bumibili siya ng pagkain nila para sa isang linggo na kasama ni Austin. Ang totoo nga niyon ay hindi pa niya napansin si Austin at ang kapatid nito kung hindi ang mga ito lumapit sa kanya.
            "Kain na muna tayo, Vienne," ani Ambrose.
            Umupo ito sa tabi niya saka inilapag ang hawak sa mesa.
            "Salamat," aniya. Kinuha niya ang bottled drink at binuksan saka siya uminom. Nang maibsan ang kanyang uhaw ay ibinalik niya iyon sa mesa.
            "Uhaw na uhaw ka, ah," ani Ambrose.
            "Kanina pa. Nakalimutan ko kasing magbaon ng tubig. Tinatamad naman na akong pumunta sa tindahan at bumili."
            "Ang tamad mo na, ah. Nasanay ka na siguro na lagi kitang dinadalhan ng pagkain."
            Natawa siya sa sinabi nito. "Hindi kaya. Talagang tinatamad lang ako saka hindi ko naman sinabi sa `yo na palagi mo akong dalhan ng pagkain."
            Umingos ito. "Sinabi ko naman sa `yo na alipin mo na ako."
            "Ha-ha-ha. Nakakatawa ka talaga, Ambrose," pagbibiro niya. "Hindi ko naman kasi sinabi sa `yo na pahirapan mo ang sarili mo, eh. Ikaw lang ang makulit."
            "Paraan ko `yon para ligawan ka, Vienne. Hindi nga ako nagrereklamo kasi gusto ko ang ginagawa ko."
            Napabuntung-hininga siya. Kita at ramdam naman niya ang effort nito pero hindi pala madali ang magustuhan ang isang tao kahit sabihin pa na ginagawa ng taong iyon ang lahat para magustuhan ng taong gusto niya. Iyon ang nararamdaman niya para kay Ambrose.
            Oo, aminado siya na sinabi niya sa sarili na mula nang hindi na sila nagkikita ni
Brax ay napalitan ni Ambrose ang puwang ng kalungkutan na naiwan ni Brax sa kanya. Pero hindi pala kadali na basta na lang sabihin na nagugustuhan niya ito katulad ng pagkakagusto niya kay Brax. Siguro, oo, malaki ang porsiyento na magustuhan niya si Ambrose ng higit pa sa gusto nito pero dadaan muna siya sa mahabang proseso. Bakit ba kasi sa dami ng pwede niyang mahalin at magustuhan ay ang bestfriend pa niya.
            "Alam mo naman na gusto kita bilang kaibigan, hindi ba, Ambrose?"
            Tumango ito. "Oo. Alam ko `yon. Kaya nga umaasa ako na pagdating ng araw ay magustuhan mo rin ako bilang higit pa sa kaibigan. Desidido ako na magustuhan mo `ko, Vienne. Wala namang imposible kapag determinado ang isang tao, hindi ba?"
            Tumango siya. "Wala naman talagang imposible sa taong determinado, Ambrose, eh. Pero sa kaso mo, sa kaso natin, matatagalan tayo d'un. Sinabi ko naman sa `yo na may laman na ang puso ko."
            Nang minsan na lumabas sila nito ay sinabi niya rito na may iba na siyang mahal. Pinahinto na nga niya ito sa panliligaw sa kanya dahil ayaw niyang masayang ang effort nito sa kanya. Sinabihan din niya ito na ibaling sa iba ang nararamdaman nito pero hindi naman ito nakinig sa kanya. Desidido talaga ito sa kanya kaya hinayaan na lamang niya.
            Kung mayroon mang problema ay siya iyon. Ayaw niyang saktan si Ambrose kaya naging totoo na siya rito. Bagay na dapat noong una paniya ginawa. Ang tanga lang niya dahil pumayag pa siya na ligawan ito. Hindi siya nag-iisip nang mabuti kahit na binigyan na siya ng warning ng konsensya niya.
            "Alam ko na may laman na `yan, pero gaya ng ng sabi ko ay desidido ako na magustuhan mo. At isa pa, Vienne. Hindi ka naman papayag kung wala kang nararamdaman sa `kin. Alam ko na hindi pa iyon malalim pero pinapahalagahan mo ako. Kaya ka naging totoo kasi takot ka na saktan ako. And I'm thanking you for that."
            Hinawakan nito ang kamay niya at mahinang pinisil.
            "Nagpapasalamat rin ako sa `yo, Ambrose. Salamat kasi minahal mo ako. Alam mo naman siguro na hindi madali ang mapalitan ang isang tao na mahal mo. It takes time, weeks, months and even years. At sa kaso ko, hindi ko alam kung kailan ko siya makakalimutan."
            "Ang swerte naman ng taong mahal mo, Vienne. Sino ba kasi ang taong `yan? Kung kilala ko lang `yan, sasabihin ko sa kanya na tanga siya kasi hindi ka niya mahal."
            "Para kang sira. Bawal naman kasi `yon, eh. Totoong lalaki siya, ako alanganin. `Buti kung naging babae ako baka may pag-asa pa na magustuhan niya ako."
            Kumunot ang noo nito. "Wala namang imposible sa pag-ibig, Vienne, ah. Tingnan mo ako, totoo naman akong lalaki pero nagustuhan kita."
            "Kaya nga nagpapasala--"
            Natigil siya sa pagsasalita nang makita si Brax. Papunta ito sa direksyon nila ni Ambrose. Napatingin si Ambrose sa direksyon na tinitingnan niya.
            "Nandito pala ang bestfriend mo," anito.
            Nahimigan niya ang disgusto sa tinig ni Ambrose. Bumalik ang tingin niya dito.
            "May galit ka sa bestfriend ko?"
            Nag-iwas ito ng tingin. "Wala pero malapit na."
            Kumunot ang noo niya. "Bakit naman?"
            "Wala," anito saka tumayo.
            "Saan ka pupunta, Ambrose?"
            "Magpapahangin muna ako. Bibigyan kita ng oras na makausap ang bestfriend mo na MIA," sagot nito saka umalis.
            Sinundan na lamang niya ito ng tingin. Nagkasalubong pa ang dalawa at nagkatinginan. Pagkatapos niyon ay lumayo sa isa't-isa.
            Lumapit sa kanya si Brax.
            "Napadpad ka rito," aniya.
            "Naisip ko kasi na hindi na tayo nagkakaroon ng oras sa isa't-isa. Saka isa pa, kailangan nating mag-plano para sa pagsundo natin kay Coby. Sa isang linggo na iyon."
            Napatingin siya lang dito. Hindi siya nagsalita. Having Brax beside him made his heart pound harder. Masaya rin siya na pinuntahan siya nito. Matagal na rin mula nang hindi sila nito magkasama ng ganito.
            Ang huli nilang pagkikita ay nang puntahan niya ito sa room nito para sabihin na susunduin nila si Coby na magkasama. Nang mga oras na nga iyon ay may ilangan pa sa pagitan nila.
            "Saka isa pa, ayokong mapalitan ako sa pwesto ng pagiging bestfriend mo. Hindi ako papayag, Vienne."
            Seryoso ang pagkakatingin nito sa kanya.
            Bakit ganoon?
            Pakiramdam niya ay may ibang gustong sabihin ito sa sinabi nito. Parang sa likod niyon ay nagtatago ang totoo nitong sasabihin.
            Hindi siya nagsalita. Nanatiling nakatingin lang siya dito.
            "Magsalita ka, Vienne. Ayaw mo na ba akong makasama? Napalitan na ba ang pwesto ko ni Ambrose."
            May tampo sa tinig nito habang sinasabi iyon.
            Kinalma niya muna ang sarili bago magsalita. "Hindi ka mapapalitan ni Ambrose sa pwesto mo Brax. Ikaw ang nag-iisa kong bestfriend maliban kay Coby. Saka si Ambrose, iba siya, hindi siya basta-basta kaibigan kasi--"
            "Manliligaw mo siya," dugtong nito. Talagang pinatlang pa siya.
            "Oo. Manliligaw ko siya."
            "Sa totoo lang, Vienne. Ayoko ng idea na liniligawan ka ni Ambrose. Masama ang kutob ko. Ayoko."
            "Mabait si Ambrose. Alam ko na kapag sinagot ko siya." Kung sasagutin. "Hindi niya ako sasaktan. Nakikita ko sa kanya na mahalaga at mahal niya ako."
            "Mahalaga at mahal din naman kita, ah."
            Napaawang ang bibig niya sa sinabi nito.
            "A-ano ang sabi mo?"
            "Ang sabi ko, mahalaga at mahal naman kita pero.." Nag-iwas ito ng tingin. Hindi madugtungan kung ano ang sasabihin.
            Lihim naman niyang sinuweto ang sarili. Baliw na nga siya. Mula nang ma-realize niya na mahal niya ito ay parang wala na siya sa sarili. Ang mga bagay na dating walang malisya sa kanya ay mayroon na. At ngayon, sa sinabi nito ay kahit ano ang naiisip niya.
            "Alam ko naman na mahal at mahalaga ako sa `yo kasi bestfriend mo ako. Mahal mo `ko bilang kaibigan pero ang pagmamahal sa `kin ni Ambrose, iba. Mahal niya ako ng higit pa sa pagkakaibigan. Tanggap niya ako kung ano ako at hindi kaso sa kanya ang kasarian ko."
            "Tanggap rin naman kita, Vienne. Wala nga akong pakialam sa sinasabi ng iba na magkaiba tayo ng sobra."
            "Ano ba ang ipinaglalaban mo, Brax?"
            Muli, nag-iwas ito ng tingin. Ayaw niyang tumalon sa kung anu-ano dahil hindi iyon tama. Oo, masaya at may kung ano sa kanya ang natutuwa sa ipinapakita nito na concern sa paraan na hindi tulad ng dati pero hindi tama na mag-isip siya na kaya ito nagsasalita ng ganoon dahil mahal siya nito ng higit pa sa isang bestfriend. Na pwede silang maging mag-syota.
            "Sabihin mo, Brax. Kaya ka ba lumapit sa akin dahil doon? Para sabihan ako na hindi mo gusto ang panliligaw sa akin ni Ambrose."
            "Isa iyon sa rason, Vienne. Pero ang pinakarason kaya ako ngayon sa tabi mo dahil gusto kong ibalik ang dati sa `tin. Aminado naman ako na napabayaan kita dahil sa relasyon ko ngayon pero willing akong bumawi sa `yo."
            Umiling siya. "Hindi mo kailangang bumawi, Brax. Naiintindihan naman kita. Alam ko na mangyayari talaga ang ganoon na bagay. Laging naiitsapwera ang bestfriend kapag may karelasyon na ang isa."
            "I'm sorry."
            "Ano ba ang nangyayari sa `yo?" Tanong niya.
            Hindi kasi mahilig na humingi ng sorry ang bestfriend niya. Parang may nag-iba dito. Pati nga ang paraan ng pakikipag-usap nito.
            Huminga muna ito nang malalim bago sumagot. "Nahihiya ako sa `yo kaya siguro ganito ang paraan ng pakikipag-usap ko sa `yo. Parang may na-iba kasi sa pagitan natin."
            Natigilan siya sa sinabi nito.
            Para kasing may nag-iba sa pagitan natin.
            May nag-iba naman talaga sa pagitan natin, Brax, eh. Bukod sa pagkakalayo natin dahil sa pagkakaroon mo ng karelasyon. Doon ko rin nalaman na mahal kita ng higit pa sa isang kaibigan. Mahal kita at dahil sa nararamdaman ko sa `yo ay iba na talaga. Paano ko ba magagawa ang dating bagay na walang malisya kapag kasama kita?
            "Hindi ka na nagsalita," ani Brax.
            "Ma-may nag-iba naman talaga sa pagitan natin, Brax. Hindi na tayo masyadong nagkikita at nagkakasama."
            "Yeah. Siguro iyon nga," anito, diskumpiyado ang tinig. "Pero willing ako na punan ang buwan na hindi tayo nagkasama."
            Napapitlag siya nang akbayan siya nito. Dama niya ang init na nagmumula rito. Parang gusto niyang isandal ang ulo niya sa dibdib nito. Ipinilig niya ang ulo. Ito na nga ba ang sinasabi niya. Lahat ng bagay na gagawin ni Brax ay magkakaroon na ng malisya sa kanya. Lagi niyang bibigyan iyon ng kulay gaya ng ginagawa ni Theo tuwing nakikita sila nito na magkasama ni Brax. Iyong tipo na konting galaw lang ay bibigyan na ng kulay.
            Pasimple siyang umalis sa pagkakaakbay nito.
            Tiningnan lang siya nito ngunit muli siya itong lumapit sa kanya at inakbayan siya. Wala na siyang nagawa kundi ang pumayag na lang. Baka mahalata pa nito na may iba sa kanya sa ginawa nito.
            "Saan mo ba gustong pumunta?"
            "Ku-kumain na lang tayo," aniya.
            "Okay ka lang ba, Vienne?"
            "Oo naman. Okay ako!" Ang masigla niyang sabi.
            Kilala na siya ni Brax ng sobra para hindi nito mahalata ang pagiging iba niya sa dati. Kailangan niyang umakto ng normal. Hindi dapat siya nito mahalata.
            "Sigurado ka ba, Vienne?"
            "Oo naman. Mukha ba akong hindi okay?"
            "Hindi ka mukhang okay. Naiilang ka sa akin, eh."
            "Bakit naman ako maiilang?"
            "Hindi ko alam sa `yo. Bakit ka nga ba naiilang sa `kin?"
            "`Wag ka ngang makulit, Brax. Hindi ako naiilang sa `yo."
            "Oo na lang, Vienne," anito saka siya hinapit mas palapit dito.
            Habang naglalakad sila papunta sa direksyon ng parking lot ay wala silang imikan na dalawa. Napansin ni Vienne na marami ang matang nakatingin sa kanila ngunit hindi niya iyon masyadong binigyan ng pansin. Mas nangingibabaw kasi sa kanya ang pakiramdam ng pag-akbay ni Brax sa kanya. Ang sarap sa pakiramdam na maakbayan nito. Kasasabi pa niya lang sa sarili na hindi dapat niya bigyan ng malisya ang ginagawa nito ngunit hindi niya maiwasan. Naiisip niya kasi na minsan lang mangyayari ang ganito sa kanilang dalawa. Oo at sinabi sa kanya ni Brax na muli itong magbibigay ng oras para sa kanilang dalawa pero hindi niya alam kung hanggang kailan. Abala ito hindi lang sa girlfriend nito kundi sa banda at iba pang bagay na mahalaga dito. Siya naman sa kabilang banda ay ganoon din.
            Nang makarating sila sa parking lot ay inalis ni Brax ang pagkakaakbay sa kanya. Nakaramdam siya ng kahungkagan sa ginawa nito. Parang gusto niya na hindi na lang sila nakarating sa harap ng motorsiklo nito para hindi natapos ang masarap na nararamdaman niya na dulot ng pagkakaakbay nito sa kanya.
            "Ikaw na ang mag-drive, Vienne," anito.
            Tumango siya at hiningi dito ang susi. Imbes na ibigay na lang iyon sa kanya ay kinuha pa nito ang kamay niya gamit ang dalawang kamay nito. Ikinulong ang kamay niya doon.
            Napatingin na lang siya sa mukha nito. May pagtatanong sa mukha ngunit hindi niya maitanong dito ang ginagawa nito.
            Nginitian lang siya nito. "Naninigurado lang ako na hindi mahuhulog ang susi, Vienne. Mukha kasing wala ka sa sarili," pagrarason nito.
            "Hindi mo kailangan na gawin pa iyon, Brax. Marami ang nakatingin sa atin," pagrarason niya. Sinabi niya iyon para pagtakpan ang totoo niyang nararamdaman. Kinikilig siya.
            "Anong pakialam ko sa kanila? Wala naman itong malisya sa atin, hindi ba?"
            Nag-iwas siya ng tingin. Nakadama siya ng guiltiness sa sinabi nitong iyon. May malisya iyon sa kanya. Kinikilig nga siya. Dati wala pero ngayon.. meron na at malala!
            "O-oo, wala namang malisya `to, eh."
            "Sakay ka na. But before that."
            Kinuha nito ang helmet at isinuot sa kanya. Natigilan na lang siya.
            "Ba-bakit ba bigla ka na lang nag-iba, Brax?" Hindi niya mapigilan na tanong habang nakatingin sa mukha nito na kaunti na lang ang layo sa kanyang mukha. Halos naaamoy na niya nga ang mabangong hininga nito.
            "Lagi ko naman na ginagawa ito, ah. Paanong nag-iba?" Takang-tanong nito.
            "Lagi mo ngang ginagawa ito pero hindi sa ganitong paraan. Hindi ka nagkukusa. Lagi kang nagmamaktol."
            "People changed."
            Yeah. People change just like my feelings for you. It changed. Dati mahal lang kita bilang kaibigan ngayon mahal na kita ng higit pa doon.
            "Pero nakakabigla ang pagbabago mo. `Wag kang masyadong maging mas mabait sa `kin, Brax, baka main-love ako sa `yo sa ginagawa mo sa `kin."
            Natigil ito sa ginagawa. Natutok sa mukha niya ang paningin nito.
            "Sa tingin mo mangyayari `yon, Vienne?"
            Oo, hindi mangyayari kasi nangyari na Brax. Mahal na kita, eh.
            "Ikaw? Ano sa tingin mo?" Balik-tanong niya dito.
            Nag-iwas ito ng tingin. "Sakay ka na. Tapos ko nang ayusin ang helmet mo."
            "Okay," sang-ayon niya saka sumakay sa motor. Nang makasakay ay bumaling siya kay Brax na nanatiling nakatayo at nakatingin sa kanya. "Sakay ka na, Brax. Mukha kang namatanda dyan."
            Bilib rin ako sa pinapakita mo na coolness, Vienne. Pwede ka nang mag-artista sa galing mong magtago ng totoo mong nararamdaman. Isang mahinang tapik sa balikat para sa`yo. Pang-aasar sa kanya ng bahagi ng pagkatao niya.
            Kailangan ko `tong gawin. Kung hindi ko `to gagawin, magkakalamat ang pagkakaibigan namin.
            Bakit? Hindi pa ba. Isang buwan at mahigit din kayong hindi nagsama? Kaya nga dahil sa pagkakalayo niyo ay naramdaman mo na hindi lang siya basta mahalaga sa `yo bilang kaibigan kundi mahalaga siya sa `yo bilang lalaking minamahal mo.
            Pwede ba? `Wag kang epal. I'm trying my best to be cool. Tigilan mo `ko!
            Natigil siya sa pakikipag-away sa kanyang sarili ng sumakay si Brax sa motor at yakapin siya mula sa likuran. Nanigas siya sa ginawa nito.
            "A-anong ginagawa mo, Brax?"
            "Nakahawak sa `yo."
            "Hi-hindi ka lang basta nakahawak, nakayakap ka na sa `kin."
            "May malisya ba ito sa `yo, Vienne?"
            "Wa-wala."
            "Kung ganoon nga ang kaso, paandarin mo na ang motor."
            Iyon nga ang ginawa niya kahit na malakas ang pagtibok ng puso niya. Malala rin ang tensyon na nadarama niya.
            Kung alam lang nito ang ginagawa nito sa kanya.


NAUWI sa isang convenience store si Vienne at Brax. Kahit na nasa loob na sila ng store na iyon at nakaupo sa isang upuan doon ay hindi pa rin makalma ni Vienne ang sistema niya sa ginawa ni Brax kanina. Kung mahigpit na ang pagyakap nito sa kanya habang hindi pa niya pinapaandar ang motor ay mas lalong humigpit iyon nang pandarin na niya ang motor.
            Habang nagmamaneho nga siya ay ilang beses na siyang mawala sa sarili sa ginawa nito. Ang tensyon na nararamdaman niya ay mas lumala. At dahil sa tensyon na iyon ay ilang beses siyang nawala sa focus at muntikan pa na sumemplang. Mabuti na lang at naaagapan niya iyon. At mas mabuti na hindi iyon napansin ni Brax.
            Ano ba kasi ang ginagawa nito? Iyon ba ang sinasabi nitong pagbawi na gagawin? Ang mas maging malambing at maging touchy na hindi naman nito dating ginagawa. Kung may nagbago sa kanya, may nagbago din dito.
            Arghh!! Magulo na nga ang dating magulo na utak niya pero mas lalo pa iyong gumulo dahil sa ginagawa nito.
            Ano ba `to?


ITUTULOY...

8 comments:

  1. Meron ngang nagbago, ang tumutubong pag-ibig. Hehehe. Thanks for the update...Take care...

    ReplyDelete
  2. Hay naku brax, umayos-ayos ka ha. Wag kang gaganyan-ganyan kung sasaktan mo lang din naman c vienne. At kung di mo rin kayang panindigan.

    -hardname-

    ReplyDelete
  3. Bitin naman author...... excited sa next part

    Jharz05

    ReplyDelete
  4. I dunno pero mas kinikilig ako kay Vienne at Ambrose. Pero alam ko story nila to ni Brax. Parang yung saan isang story na mabubulag yung bida. Tapos hahabol habol yung bestfriend nya. Buti na lang nakatuluyan nya yung isa na pinanindigan sya all thru out. Mas kilig ako sa kanila kesa sa bestfrnd nya. Haay haha. Mr. Author sana wag nyo masyadong pasamain yung character ni Ambrose. Haha. Atat lang kase walang updates sa Msob.

    ReplyDelete
  5. I love it :) kelan ko kaya mahahanap ang brax kooo :)

    - Wayne -

    ReplyDelete
  6. Awwwwww sweet :)
    The feelings mutual aminin na kasi :)
    Jelous tuloy ako brax ko asan kna ba :(

    - Wayne -

    ReplyDelete
  7. Grabe. Bitin. Sobrang ikli ng update. :(

    ReplyDelete
  8. Hmmm what will happen next? No author's note?

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails