Followers

Monday, November 17, 2014

Beat Of My Heart Chapter 8



CHAPTER EIGHT

SA isang mall si Brax kasama si Krishna. Nandodoon sila para sa unang date nila. Matagal-tagal na rin mula nang manligaw siya dito. Mahigit isang buwan na rin iyon. Sa mga araw na iyon ay ito ang ang naging kasama niya. Lahat ng kanyang oras ay inilaan niya rito pero walang pagsisisi sa kanyang puso. Alam niya at nararamdaman niya na malapit na at magiging girlfriend na niya ito. Kaunting tiyaga na lang.
            Inabot niya ang kamay ni Krishna at hinawakan nang mahigpit ngunit may pagsuyo. Mahina niyang pinisil iyon. Tumingin ito sa kanya saka ngumiti. Hindi nagreklamo sa kanyang ginawa.
            "Saan tayo kakain, Brax?" tanong nito.
            "Kung saan mo gusto. Ikaw ang boss."
            "Sigurado ka ba?"
            Tumango siya. "Yeah. I'm sure. Ikaw nga ang boss. Saan mo ba gusto kumain?"
            Walang babala na hinila siya nito patungo sa labas ng mall. Humantong sila sa mga karinderya na nakahilera sa hindi kalayuan sa mall. Napatingin siya kay Krishna.
            "Sigurado ka na rito mo gusto kumain?" Hindi makapaniwalang tanong niya.
            Nagmula sa mayaman na pamilya si Krishna katulad ng kaibigan niya na si Coby. 'Kaibigan' dahil kahit na kasama niya mula sa pagkabata si Coby ay hindi niya ito kinonsidera na bestfriend. Isa lang naman kasi ang bestfriend niya at si Vienne iyon. Speaking of Vienne, dahil nga sa lahat ng oras niya ay nakalaan kay Krishna, hindi na niya ito nasusundo o nahahatid. Madalas na nauuna na rin ito sa kanya. Hindi na nga rin niya nayayaya ito sa MAB. Nami-miss na niya ang bestfriend niya ngunit kahit na ganoon ay wala siyang oras para mapuntahan ito.
            Sa pagkaka-alam din niya ay abala rin si Vienne kaya kahit ito ay walang oras na lumapit sa kanya. Naiintindihan naman niya ito.
            Tinusok ni Krishna ang mukha niya gamit ang hintuturo nito.
            "Sino ang iniisip mo?"
            "`Yong bestfriend ko," agad niyang sagot.
            Tuwing magkasama sila nito ay palagi niyang kinukwento rito si Vienne kaya alam niya kahit na hindi pa nagkikita ang dalawa ay parang kilalang-kilala na nito si Vienne. At ganundin si Krishna kay Vienne.
            "Speaking of your bestfriend, isang buwan mo na akong nililigawan pero hindi ko pa siya nakikilala. Curious na akong masyado sa kanya. Kailan ko ba pwedeng makilala `yon?"
            "Kapag sinagot mo na ako," nakangiting sabi niya.
            "Loko ka talaga. Ginamit mo pa ang bestfriend mo para sagutin kita."
            "Baka makalusot," aniya.
            "Tara na nga. Kumain na tayo," anito sabay hila sa kanya pero hindi siya nagpahila.
            Tumingin ito sa kanya.
            "Sigurado ka ba na diyan mo talaga gustong kumain? May pera ako para sa mga restaurant."
            Katulad ng sabi niya ay anak mayaman si Krishna. Prinsesa ito para sa magulang nito. Lahat ng luho sa katawan ay nakukuha nito ngunit kahit na ganoon ay hindi ito spoiled brat. Mapagkumbaba ito. Mga katangian na labis niyang nagustuhan dito kaya mas lalo niya itong minamahal sa pagdating ng mga araw.
            "Alam ko. Hindi ko naman sinasabing wala kang pera. Gusto ko lang ma-try ang mga bagong bagay, Brax. At gusto ko kasama kita."
            "Talaga?"
            "Oo. Mahalaga ka kaya sa `kin. Hindi nga lang basta mahalaga kasi mahal na kita."
            Natigilan siya. Nanlaki ang mga mata na nakatingin dito.
            "A-ano ang sabi mo? Pakiulit nga."
            Matamis siya nitong nginitian. "Ma-hal-na-ki-ta. Mahal na kita Brax. Mula sa araw na ito, girlfriend mo na ako."
            Labis na kasiyahan ang bumangon sa kanyang puso. Kinabig niya ito at niyakap nang mahigpit. Pagkatapos ay may diin ngunit may pagsuyo na hinalikan niya ito sa labi.
            Sa wakas! Girlfriend na niya ito! Siya na ang pinakamasaya.


ISANG linggo na rin ang nakakalipas mula nang sabihin kay Vienne ni Ambrose na mahal at liligawan siya nito. Sa isang linggo na iyon ay nakapag-isip-isip siya. Wala namang masama kung payagan niya itong manligaw sa kanya. Isa pa ay tuwing nakikita niya si Ambrose ay masaya siya. Nag-iiba rin ang ritmo ng tibok ng kanyang puso tuwing nasa paligid na ito. Araw-araw ay lagi na niyang hinihintay na makasama ito.
            Pakiramdam niya nga ay si Ambrose na ang pumalit sa pwesto ng bestfriend niya. Ang mga dati na nararamdaman niya tuwing kasama niya si Brax ay dito na niya nadadama. Siyempre, para sa kanya ay magandang bagay iyon dahil hindi naman pwede ang nararamdaman niya para sa kaibigan. Mas mabuti na maibaling niya iyon sa iba at kay Ambrose nga.
            Hindi na rin sila masyadong nagsasama ni Brax. Oo, magbestfriend pa rin sila pero hindi na katulad noon na masyado silang malapit at magkasama. Slowly, in his own little way ay nasanay na siya sa ganoon na set-up kahit na minsan ay nami-miss na niya ito na makasama. Ang paghatid nito sa kanya tuwing umaga at ang pagsundo nito sa kanya para sabay silang dalawa na umuwi.
            Kahit na sabihin pa niya na naibabaling niya kay Ambrose ang nararamdaman niya sa kaibigan na higit pa para sa kaibigan ay hindi pa rin niya maiwasan ang malungkot at masaktan. Hindi sapat si Ambrose para mapalitan ng ganoon kabilis si Brax sa puso niya.
            Paano nga ba niya na-realize na mahal niya si Brax ng higit pa sa kaibigan? Napabuntung-hininga siya. Ang totoo ay hindi niya alam kung ano at kailan eksakto ang oras, araw o kaya naman dahilan. Sa mga araw kasi na nakalipas na hindi niya ito kasama ay maa-apply sa kanya ang sinasabi ng karamihan na 'the absence make the heart grows fonder'. Iyon nga ang nangyari sa kanya. Tuwing naaalala niya si Brax ay laging may ngiti sa labi niya. Lagi niyang sinasabi sa sarili na pagkakaibigan lang ang mayroon sila. Iyong purong pagkakaibigan na hindi magle-lead on sa love gaya ng sinasabi niya kay Theo na pinipilit naman nito na magkaka-develop-an sila. Kung malalaman lang ni Theo ang nangyayari sa kanya ay baka pagtawanan siya nito. Ang lahat kasi ng mga sinabi niya ay kinain niya lahat.
            Hindi pala talaga dapat na nagsasalita ang isang tao ng tapos dahil hindi naman alam kung ano ang mangyayari. Iyon kasi ang na-realize niya at eksaktong nangyayari sa kanya ngayon.
            Nawala ang atensyon niya sa iniisip ng dumating si Ambrose.
            "Anong sasabihin mo sa `kin?" tanong nito.
            Tumabi ito sa kanya. Nasa bench siya at sinadya niyang magtungo doon at hintayin ito. Doon niya kasi sasabihin na pumapayag na siya na ligawan nito.
            "Masyado ka yatang nagmadali, ah," puna niya.
            "Siyempre, baka ngayon mo sabihin sa `kin na papayag ka nang ligawan kita. Isang linggo rin akong naghintay, ah."
            Natawa na lang siya. Hindi rin biro ang effort nito sa panliligaw kuno nito sa kanya. Araw-araw ay walang palya ito sa pagbibigay sa kanya ng pagkain. Pagkain lang dahil kung bibigyan siya nito ng bulaklak ay hindi niya iyon tatanggapin. Palagi rin itong nagre-request na ihatid siya nito sa bahay nila pero hindi niya ito pinapayagan. Saka na lang kapag nanliligaw na ito at handa na siya na ipakilala ito sa lola niya. Kung sa mama naman niya.. ibang usapan na iyon. Kilala niya ito.
            "Papayag na `kong ligawan mo."
            "Si-sigurado ka ba?" Gulat at hindi makapaniwalang tanong nito.
            "Oo. Mukha ba akong nagbibiro? Akala ko excited ka. Bakit mukha kang namatanda?"
            "Hi-hindi ako makapaniwala, Vienne. Masaya ako."
            "Masaya ka? Bakit naiiyak ka?"
            Pinunasan niya ang luha nito na pumatak sa pisngi.
            "Tingnan mo, oh," sabi niya saka pinakita rito ang basang daliri.
            "Masaya ako, Vienne. Masaya ako kasi pumayag ka na na ligawan kita. Kaya ako naluluha kasi sa sobrang kasiyahan."
            Nagulat siya nang kabigin siya nito palapit dito at yakapin nang mahigpit.
            "Ang higpit naman ng yakap mo, Ambrose." Pagbibiro niya. Gusto niyang pagaanin ang mood nito.
            "Nagbibiro ka na ngayon, ah."
            "Ayoko kasing makita na umiiyak ka. Hindi ako sanay." Hindi ako sanay, your face, Vienne. Sa tingin mo, ang ginagawa mo ngayon, hindi siya masasaktan? You're making him as a diversion. Anang bahagi ng pagkatao niya na nagpatigil sa kanya. Ano ba naman `yan? Hindi niya tuloy maiwasan ang ma-guilty. Nginitian niya si Ambrose. Binalewala niya ang sinasabi ng 'konsensya' niya. "Saka ang reaksyon mo, medyo OA. Pinayagan pa lang naman kita na ligawan ako, kung maka-react ka parang sinagot na kita."
            Narinig niya ang mahinang pagtawa nito.
            "Kapag sinagot mo `ko baka mamatay na `ko."
            "Baliw ka talaga. Paano mo mae-enjoy ang pagsagot ko sa `yo kung mamatay ka?"
            "Siyempre, biro lang `yon. Hindi ka magsisisi sa pagpayag na ligawan kita, Vienne. Sisiguraduhin ko na mapapasagot kita."
            Nginitian niya lang ito.


NIYAYA si Vienne ni Ambrose na mamasyal. Dahil sa wala naman na siyang pasok ay agad siyang pumayag. Ang sabi pa sa kanya nito ay unang opisyal na paglabas nila iyon bilang manliligaw niya.
            Nasa park na sila, nakaupo sa isang bench at nakatingin sa mga taong nagdaraan sa harap nila. Nagpapahinga rin sila doon mula sa mahabang paglalakad.
            "Gusto mo na bang kumain?" Tanong nito.
            "Hindi pa naman. Hindi pa ako gutom."
            "Sigurado ka ba?" Paniniyak nito.
            Tumango siya. "Oo. Sigurado ako. Ikaw? Baka nagugutom ka na."
            "Medyo."
            "Bumili ka ng pagkain," aniya rito. "Halika, sasamahan kita." Tumayo siya at hinila ito. "Dapat hindi mo tinitiis ang gutom mo. Masama kaya `yon."
            "Medyo pa lang naman, eh. Matitiis ko pa `to. Unfair naman kung kumakain ako tapos ikaw hindi. First date kaya natin `to bilang manliligaw mo ako. Kailangan kong magpa-impress," sabi nito sabay kindat sa kanya.
            Natawa siya. "Papasikat ka pala. Kung unfair, `di sasabayan kita. Problema ba `yon?"
            "Oo. Problema kaya `yon. Kailangan ko talagang magpasikat sa `yo. Pa'no mo `ko masasagot kung hindi ko gagawin `yon?"
            Napailing siya. "Tumayo ka na dyan. Maghanap na tayo ng makakainan."
            "Sige," anito sabay tayo. "Pwede ba kitang akbayan, Vienne?" tanong nito.
            "Hindi pwede," sagot niya.
            Sumimangot ito. "Akala ko pa naman makakalusot."
            "Para kang sira. Maghanap ka na ng pwedeng makainan, Ambrose. Hindi `yong kahit ano ang naiisip mo."
            "Ikaw na kaya. Ikaw `yong boss ko, eh."
            "Mag-fishball na lang tayo."
            "Sigurado ka ba?" Naniniyak na tanong nito.
            "Oo naman. Mukha ba akong maselan sa `yo? Umayos ka nga."
            "Unang paglaba--"
            Pinatlang niya ito. "Paulit-ulit mo bang sasabihin `yan? `Di ba liniligawan mo `ko?" Tumango ito. "Hindi mo kailangan na magpa-impress sa akin. Mas gusto ko na makilala ka kung sino ka talaga, Ambrose. Mali, kilala na pala kita kasi kaibigan na kita. Ang ibig kong sabihin ay mas makilala ka pang higit doon, ng walang pag-aalinlangan."
            Seryoso siyang tiningnan nito. "Okay. Magiging totoo ako sa `yo, Vienne. Kaya dapat pumunta ka sa bahay namin. Doon mas makikilala mo kung sino si Ambrose Ferrer maliban sa pagiging gwapo at mabait."
            "Puro ka talaga biro."
            "Seryoso kaya ako."
            "`Yong mukha mo seryoso pero `yong boses mo.." tiningnan niya ito saka umiling-iling. Sinadya niya rin na ibitin ang pagsasalita. "..hindi."
            Pumalatak ito. "Grabe ka naman. Seryoso kaya ako, saka totoo naman na gwapo at mabait ako."
            "Wala namang duda na gwapo ka talaga. Sino ba ang may sabi na hindi?"
            "`Yan, `yon ang gusto ko na marinig mula sa `yo. Malaki talaga ang chance ko sa `yo."
            "Ewan ko sa `yo. Alam mo, ikaw. Hindi ko alam kung kailan ka seryoso at nagbibiro."
            Ngumiti lang ito. "Halika na. Maghanap na tayo ng pwedeng mabilihan ng fishball at iba pa."
            Nagpahila na lang siya dito.
           

NAUWI si Vienne at Ambrose sa harap ng isang fishball stand. Nasa tabi lang iyon ng daan at marami ang bumibili. Malapit iyon sa seaside kung saan marami ang taong magkapareha ang nakatambay at sweet na sweet sa isa't-isa.
            Handa na siya para tumusok ng fishball nang pigilan siya ni Ambrose.
            Napatingin siya dito. "Bakit?" takang tanong niya.
            "Ako na ang kukuha ng para sa `yo. Remember, nagpapa-impress ako sa `yo," sabi nito sabay taas-baba ng kilay.
            "Kaya ko na kaya. `Wag kang epal, Ambrose."
            Sumimangot ito. "Vienne, hayaan mo `kong pagsilbihan ka. Anong silbi kong manliligaw kung hindi mo ako papayagan na gawin ang mga ganoon na bagay? How can I be impressive to you?"
            "Ang kulit mo rin talaga. Sinabi na ngang kaya ko na. Hindi mo na kailangan na gawin ang ganoon na bagay kasi kaya ko na nga."
            "I still insist. Please naman payagan mo na ako," anito. Nagpapaawa pa talaga ang tingin na ibinibigay sa kanya.
            "Sige na nga. Simpleng bagay lang naman ito. Hahayaan na kita."
            "That's good. Ituro mo na lang sa `kin kung ano ang gusto mo. Ako ang tutusok."
            Iyon nga ang ginawa niya. Habang ginagawa niya iyon ay hindi niya maiwasan ang tingnan ang mukha nito. Masyado talaga itong eager na i-please siya. Talagang gagawin ang lahat para makuha ang puso niya.
            Alam niya na mahalaga ito sa kanya. May puwang na ito sa puso niya. At kagaya nga ng sabi niya ay unti-unti ito ang pumapalit sa pwesto ni Brax sa kanya. Ngunit ang malaking tanong niya sa sarili ay mapapalitan nga ba nito si Brax?
            Ang totoo ay hindi niya alam ang dapat gawin. Given na nakapagbabasa siya ng mga paperback novel na may katulad na theme ng nararamdaman niya ngayon. Pero mahirap pala kapag ikaw na iyong nasa ganoon na sitwasyon lalo na at baguhan ka sa ganoon na larangan. Lalo pa na alanganin siya. Hindi naman siya babae pero kung makaarte siya ay para na siyang babae.
            Kailangan niyang paalalahanan ang sarili na nabibilang siya sa third sex. At dahil sa paalalang iyon ay dapat siyang umakto kung ano ba talaga siya. Talo pa niya ang babae. Pero.. kaya nga naguguluhan siya dahil bihira lang naman sa mga tulad niya ang magkaroon ng taong mahal at taong may nagmamahal.
            Hindi pa nga niya malalaman na higit pa sa pagkakaibigan ang pagmamahal na ibinibigay niya kay Brax kung hindi pa sila nagkaroon ng sariling mundo. Iyong malayo sa isa't-isa. Mahirap dahil wala siyang kaalam-alam sa ganitong bagay.
            "Hindi kaya matunaw ako sa uri ng tingin na ibinibigay mo sa `kin, Vienne."
            "Paanong matutunaw ang isang katulad mo na gawa sa kahoy?"
            "Gawa sa kahoy? Hindi kaya. Gawa ako ng tatay at nanay ko. Saka matigas lang naman ako kapag.."
            Tinampal niya ito sa braso. "`Wag mo nang ituloy. Alam ko kung saan `yan pupunta. Itusok mo na lang ako ng fishball, ikuha mo na rin ako ng squid ball saka lahat na `yan."
            "Ang galing mo talagang umiwas."
            "Naman!"
            Natawa na lang ito saka ipinagpatuloy ang ginagawa.
            Muli niya itong tinitigan.
            Hindi kita sasaktan, Ambrose. Mahalaga ka sa akin. Alam ko na mamahalin kita pagdating ng panahon. Pagdating ng panahon dahil hindi ko alam kung kailan iyon at kung mangyayari nga ba. Sa ngayon, ikaw ang gagawin ko na rason para makalimutan ko ang nararamdaman ko kay Brax. Alam kong mali pero iyon ang naiisip ko na paraan para mawala si Brax sa sistema ko.


I'll be coming home, Vienne. I'm hoping na masusundo niyo ako ni Brax sa airport.
            Ang mahinang pagbasa ni Vienne sa message sa kanya ni Coby. Sa makalawa na ang uwi nito at talagang umaasa ang isa pa niyang bestfriend na masusundo niya ito kasama si Brax kahit na sinabihan na niya ito na malabong mangyari iyon dahil busy sila ni Brax sa kanya-kanyang buhay. Wala na nga siyang masyadong alam sa mga activity ni Brax dahil bihira na silang magkita.
            Agad siyang nag-type ng sagot para dito.
            Sinabihan na kita na malabong mangyari iyon. Busy kami ni Brax pareho.
            Pinindot niya ang send button.
            Wala pang dalawang minuto ay agad siyang nakatanggap ng reply mula dito. Sa kanyang pag-online sa isang net shop ay eksakto naman na online ito sa facebook kaya nakapagpapalitan sila ng message.
            Kung si Brax ay seryoso. Si Coby ay maihahalintulad niya sa ugali ni Ambrose. Maloko at palabiro rin kasi ito. At kung ano ang gusto ay dapat na nasusunod. Katulad ni Brax ay may pagka-spoiled din ito.
            Imposible! Bakit dati, kahit na busy kayo ay may oras pa kayo sa isa't-isa. Don't tell me that you two were in a relationship right now.
            Natigilan siya sa sinabi nito. Tama naman kasi si Coby. Dati kasi kahit na ano man na bagay ang pinagkakaabalahan nila ay may oras pa sila ni Brax sa isa't-isa. Hindi nga natatapos ang araw na hindi sila nagkikita. Pero iba na ang dati at noon sa ngayon. Noon, ay sarili pa nila ang oras at walang nagde-demand doon. Ngayon, may girlfriend na si Brax at siya ay may manliligaw na dapat niyang i-entertain. At ang isa pang dahilan ay umiiwas din siya na makasama ito ulit dahil sa damdamin niya para rito. Baka kasi ma-trigger iyon na hindi dapat mangyari.
            Hindi niya nalaman ng personal mula kay Brax ang development ng relasyon nito kay Krishna. Nalaman niya iyon mula kay Theo at Devin ng minsan na makasalubong niya ang dalawa. Nalaman niya rin iyon sa facebook via sa status ni Brax.
            Si Krishna naman ay hindi pa niya nakikita ng personal pero base sa mga pictures nito sa facebook ay masasabi niya na magandang babae ito. Si Krishna ang babae na tipo ng bestfriend niya.
            Napangiti siya ng mapait sa naiisip. Tipong babae. Babae ang gusto ni Brax. Totoong lalaki ito kaya imposible na magkagusto ito sa isang katulad niya. Kahit na ganito siya ay alam niya na mahal at pinapahalagahan siya ng kaibigan.
            Ano?
            Agad niyang sinagot ang mensahe ni Coby.
            Iba naman na kasi ang dati sa ngayon, Coby. May mga sarili na kaming buhay.
            Given na iyon, Vienne but it doesn't mean na dahil lang doon ay mawawala ang friendship. Ang bonding time.
            Nag-isip siya ng pwedeng maisagot dito. Nai-imagine niya na kung kaharap niya ito ay baka nabatukan na siya nito sa mga sagot niya.
            Gagawa ako ng paraan. Pero huwag kang masyadong umasa. Ang kulit mo rin kasi, noh?
            Isang smiley ang natanggap niya na reply mula dito kasunod ang 'aasahan ko iyon'.
May mga pinag-usapan pa sila ni Coby hanggang sa maubos na ang isang oras niya. Nagpaalam muna siya dito bago tumayo at magbayad.


INAASAHAN ko kayong dalawa ni Vienne na susunduin n'yo ko sa airport sa makalawa.
            Ang mahinang pagbasa ni Brax sa message ni Coby sa kanya sa facebook. Dahil wala naman siyang ginagawa ay naisipan niya na magbukas ng kanyang facebook gamit ang tablet na hiniram niya kay Theo. Nasa loob pa siya ng music room at kasalukuyan na nagpapahinga. Katatapos pa lang ng practice nila.
            I'm not sure, Coby. Medyo busy. Ang sagot niya rito.
            Ang totoo ay wala naman siyang gagawin sa araw na uuwi ito ngunit baka may plano si Krishna na gustong puntahan. Nitong mga nakaraan kasi ay hindi sila masyadong nagkakasama dahil sa abala ito sa school nito. At siya ay ganundin sa band practice at sa exam nila.
            Hindi ko tinatanggap ang sagot mo, Braxxy boy. Alam ko na may girlfriend ka na. But it doesn't mean na mababalewala ang friendship natin nina Vienne.
            Pagkabasa niya sa pangalan ni Vienne ay natigilan siya. Nitong mga nakaraan na araw kasi ay inaamin ni Brax na nawala sa isip niya ang kanyang bestfriend. Masasabi na magkaharap ang bahay nila at kalsada lang ang pagitan ngunit hindi nagtatagpo ang landas nila nito. Pakiramdam niya nga ay iniiwasan siya ng bestfriend niya. Kahit na gustuhin man niyang magtanong ay hindi niya magawa dahil sa abala nga siya. Pakiramdam niya rin ay may malaking bagay ang nagbago sa pagitan nila ni Vienne mula nang dumating ang ganitong bagay sa kanila. Ang pagkakaroon niya ng girlfriend.
            Hindi naman siya nagtataka na malaman nito na may girlfriend na siya dahil sa status niya sa facebook.
            Sabi sa `kin ni Vienne gagawa daw siya ng paraan pero huwag daw akong masyadong umasa, but I know him. Kapag sinabi niya ay gagawin niya. Sana ikaw rin gumawa ka ng paraan. Minsan na nga lang ako mag-request, ayaw mo pa.
            Napailing siya sa nabasa. Kung may isang tao na susunod sa kanya na makakakilala kay Vienne nang lubusan ay si Coby iyon. At ganundin ito sa kanya. Ngunit sa kanilang tatlo ay ito ang madalas na naiiwan dahil sila ni Vienne ang laging magkasama. Na minsan ay inerereklamo na nito.
            Sige. Gagawa rin ako ng paraan. Pero huwag kang aasa.
            Okay! Alam ko na may isang salita ka rin kaya aasa ako. Kita-kits sa pagbalik ko dyan. Kayong dalawa ni Vienne ang gusto kong makita kaagad.
            Nag-type siya ng sagot.
            See you soon, Coby.
            Nang magpaalam ito ay napahinga siya nang malalim. May kung ano na kakaibang damdamin ang bumangon sa puso niya. He was excited to be with Vienne's side again. Hindi pa man nangyayari ay masaya na siya. Pero.. may kaba sa puso niya.
            Para saan. Hindi niya alam.


SINADYA ni Vienne si Brax sa room nito para makausap tungkol sa pagsundo nila kay Coby. Sa bahay sana niya ito pupuntahan ngunit ayaw niya dahil nandodoon ang papa nito. Nagkasya na lang siya na hintayin matapos ang klase nito. Hindi rin naman niya ito ma-text dahil expired na ang load niya.
            Nang marinig niya ang pagdi-dismiss ng professor nito ay tumabi siya malapit sa may pintuan. Isa-isa niyang tiningnan ang mga estudyante na lumalabas. Nang makita niya si Brax ay iba ang bilis ng pagtibok ng puso niya. Sa palagay niya nga ay parang lalabas na iyon sa rib cage niya sa tindi ng pagtibok.
            Mas lalo itong gumwapo sa paningin niya. Sa nakikita niyang hitsura nito ay makikita ang kasiglahan. Parang inspired na inspired din ito. At alam na niya kung sino ang dahilan niyon, si Krishna.
            Ngayon lang niya ulit ito nakita at ang ibinibigay nito na kaguluhan sa puso niya ay sobrang nakakatakot para sa kanya. Hindi naman kasi pwede ito. Kinalma niya muna ang sarili bago ito ngitian at tawagin.
            "Brax!"
            Nakuha naman niya ang sitwasyon nito.
            Nang makita siya ay saglit itong natigilan. Tila nawala sa sarili at nag-isip kung ano ang dapat na iakto sa harap niya. Bagay na nagbigay ng kunot sa kanyang noo. Dahil nga sa huminto ito ay siya na ang lumapit.
            "Oy, natigilan ka na dyan. Nabigla ka ba na nakita mo ulit ako?" Pagbibiro niya. Paraan na rin niya iyon para mabawasan ang kaba sa kanyang dibdib. Matagal na silang mag-bestfriend nito ngunit ngayon lang nagkaroon ng ganitong pakiramdam sa pagitan nila. Pagkailang. Siguro sa parte lang niya.
            Ngumiti si Brax. Isang pilit na ngiti. "Hindi ko inaasahan na makikita kita rito. Akala ko busy ka."
            "Medyo lang naman. Eh, ikaw nga `yong mas busy. Siyanga pala, nagpunta ako dito para sabihin sa `yo na nagpapasundo sa atin si Coby, next week. Free na ako sa araw na pag-uwi niya at wala nang masyadong gagawin. Ikaw?"
            "Pwede ko bang isama si Krishna?" Nahihiyang sabi nito.
            Natigilan naman siya. "O-oo naman. Okay nga `yon para makilala na namin siya ni Coby. Speaking of that. Pasensya na kung mahigit isang buwan na pero hindi ko pa rin siya nakikilala."
            "I understand. Gusto mo bang kumain muna?"
            "Hindi na. Magkikita kasi kami ni Ambrose."
            Kumunot ang noo nito. "Si Ambrose na ba ang palaging kasama mo?"
            "Yeah. Pareho lang naman kasi kami ng building saka maliban doon.." huminto siya sa pagsasalita. Nananantiya siya sa posibleng maging reaksyon nito.
            "Ano?" Tanong nito na tila hindi makapaghintay.
            "Nanliligaw sa akin si Ambrose. Isang linggo na rin," sagot niya.
            Hindi ito nagsalita. Tiningnan lamang siya. Dumaan ang katahimikan sa pagitan nila. Parang walang gusto na magbukas ng paksa. Maliban sa nakakunot na noo ni Brax ay wala na siyang reaksyon na makikita sa mukha nito. Kaya naman hindi niya alam kung ano ang pakiramdam nito patungkol doon. Kung sumasang-ayon ba ito o kaya ay ayaw nito sa ganoon.
            Nawala ang atensyon nila sa isa't-isa nang dumating ang mga kaklase nito.
            "Sige, Brax. Una na ako."
            Tumango ito. "Sige. Ite-text na lang kita, Vienne."
            "Aasahan ko iyon," sabi niya saka ito tinalikuran.


SINUNDAN ni Brax ng tingin ang papalayong si Vienne. May pagmamadali sa pagkilos nito na lumayo sa kanya. Nang makita niya ito ay kakatwa na nakaramdam siya ng pagkailang. Nakakatawa dahil bestfriend niya ito ngunit may ganoon siya na nararamdaman. Bestfriend sila. Magkasama mula pagkabata at halos kilala na nila ang isa't-isa ngunit may ganoon talaga na pakiramdam na namagitan sa kanila. Ang weird lang. Sobra.
            Dahil nga sa weird na pakiramdam na iyon ay napahinto pa siya kaya ito ang kusang lumapit sa kanya.
            At nang makalapit si Vienne sa kanya ay may kung anong urge na bumalot sa kanya para yakapin ito nang mahigpit. Pero pinigilan niya ang sarili niya. Inappropriate para sa kanya na gawin iyon kahit na minsan ay niyayakap niya ito o kaya naman ay ito ang yumayakap sa kanya. Walang malisya iyon dati pero ngayon..
            Ano ba ang nangyayari sa kanya?
           Nang magkaharap sila nito ay na-realize niya na hindi niya ito basta na-miss kundi miss na miss.
            At ang weird na pakiramdam niya ay mas lalong naging weird nang sabihin ni Vienne na nililigawan ito ni Ambrose. May disgusto sa kanya nang sabihin nito iyon. Ang malala pa ay nang sabihin niya na si Ambrose ang palaging kasama nito mula nang hindi sila magkita at magkaroon ng sariling buhay at relasyon ay hindi iyon pabor sa kanya.
            Gusto niyang ibalik ang dati. Iyon ang naiisip niya.
            Napabungtung-hininga na lamang siya.


ITUTULOY..

4 comments:

  1. Brax, leave Vienne alone with Ambrose. My Khrisna ka na. Thanks for the update.

    ReplyDelete
  2. Next pls. Connected pla ang beat of my heart and playful jokes. Dapat mbilis update ng dalawa. Tnx

    ReplyDelete
  3. Why do I feel Ambrose would be a vulcaseal for Vienne? Author you're making things complicated than before but it gets more interesting now. Author you're really brilliant to come up with this kind of story. I hope you can write more stories for the coming days.

    ReplyDelete
  4. Bitin nmn author sundan mo na agad para nman maexcite ulit aq

    Jharz05

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails