Followers

Friday, November 14, 2014

Beat Of My Heart Chapter 7




CHAPTER SEVEN

PAGKARATING ni Brax sa music room ay agad niyang napansin ang pananahimik ni Vienne sa isang tabi. Katabi nito si Devin na abala pa rin sa pagbabasa ng notes sa notebook nito. Sa kalaliman ng iniisip nito ay mukhang hindi nito napansin ang pagdating niya.
            Lumapit siya kay Chris para ibigay dito ang sukli at ang binili niya na pagkain. Habang ginagawa niya iyon ay napansin nito ang ngiti sa kanyang labi.
            "What's with the smile, Brax? Ang lawak, ah."
            Hindi niya ito sinagot. Si Vienne ang gusto niyang una na makaalam ng dahilan ng ngiti niya.
            "Wala lang," tipid niyang sagot. "Bakit tahimik si Vienne?"
            Sanay kasi siya na nakikipag-usap ito kay Theo kapag sa music room. Natigilan siya baka may ginawa sa bestfriend niya ang Theo na iyon. Bumaling siya dito na tahimik lang sa isang tabi, nakaharap sa tablet nito.
            Minsan rin ay nagpapaturo si Vienne sa paggigitara kay Devin at sa kanya. Nagtatanong rin ito ng mga chords. Bukod sa drums ay marunong rin siya sa gitara.
            Naiibahan talaga siya. Iba rin ang nakikita niyang kaseryosohan sa mukha ni Vienne. Excited pa naman siyang magkwento rito pero wala yata ito sa mood na makipagkwentuhan sa kanya.
            Baka may problema ito sa bahay nito. Baka may ginawa na naman dito ang mama nito o kaya naman ay may sakit si Lola Cons. Ngunit malabo iyon. Nagkukwento ito sa kanya pagdating sa ganoon na bagay.
            "May iniisip yata. Hindi ko alam kung bakit `yan biglang tumahimik." Kibit ang balikat na sagot nito.
            "Ganoon ba. Tatanungin ko na lang siya," aniya.
            Iniwanan niya si Chris at lumapit siya kay Vienne.
            "Vienne," tawag niya dito para makuha ang pansin nito
            Tumingin naman ito sa kanya. "Uuwi na ba tayo, Brax?"
            "Okay ka lang ba?" Tanong niya sa halip na sagutin ang tanong nito.
            "Okay lang ako. Bakit ka naman nagtatanong ng ganoon? Mukha ba akong hindi okay. May iniisip lang ako."
            "Ano? Sabihin mo sa `kin," aniya.
            "Akin na muna iyon," anito. "Uuwi na ba tayo?"
            "Hindi pa. Kain muna tayo bago umuwi."
            "Sige," sabi nito saka tumayo.
            Lumapit ito kay Chris. Sinundan niya ito ng tingin. Parang may problema talaga ito. Ayaw lang sabihin sa kanya kung ano. Ngayon lang ito nangyari.
            "Don't worry, Brax," ani Devin. "May ipinasok lang na senaryo sina Theo at Chris kay Vienne kaya malalim na nag-iisip ang bestfriend mo. Wala siyang problema."
            "Anong senaryo?"
            "Basta," tipid na sagot nito saka siya iniwan.
            Senaryo? Anong klaseng senaryo ba iyon?

NANG makarating sa kanilang bahay ay napansin ni Vienne na parang hindi mapakali si Brax. Parang may gusto itong sabihin sa kanya ngunit hindi maituloy dahil sa nakita nitong pananahimik niya. Hindi na siya nakatiis at nagsalita.
            "May sasabihin ka ba sa `kin?"
            "May problema ka ba? Bakit iba ang pananahimik mo sa music room hanggang ngayon?"
            "Wala akong problema. Iniisip ko lang naman `yong sinabi ni Theo at Chris."
            "Ano ba `yon?"
            "Basta."
            "Ganyan din ang sagot sa akin ni Devin. May ginawa ba sila sa `yo?"
            "Wala. Ano naman ang gagawin nila sa`kin? Mababait kaya ang bandmates mo. May senaryo lang sila na gustong iparating sa akin at dapat ko na pag-isipan." Paliwanag niya dito.
            Alam niya na hindi ito titigil hanggang hindi niya ito napapaliwanagan.
            "Alam kong hindi `yon ang sasabihin mo sa `kin, may iba pa."
            "May iba pa nga pero nagdadalawang-isip akong sabihin sa `yo dahil sa inaakto mo. Hindi ako sanay, Vienne."
            "Sus. Ngayon lang `to. Ano ba ang sasabihin mo sa `kin? Sabibin mo na. Willing akong makinig."
            "Sigurado ka ba?"
            Masaya siya na inaalala siya nito. Ang bait naman talaga nito. Hindi nga lang talaga napapansin ng karamihan. Maalalahanin rin.
            "Oo, sure ako."
            Ngumiti ito nang maluwang. "I'm inlove, Vienne."
            Sa sinabi nitong iyon ay tulala siyang napatingin dito. Ano ito? Sinasabi pa lang sa kanya nina Chris at Theo ang posibleng maging senaryo pero ito na agad. Kinalma niya ang sarili.
            He managed to smile. "Inlove ka? Kanino?"
            "Kay Krishna."
            "Sino `yon?"
            "A girl I met just earlier. Maniniwala ka ba kung sasabihin ko sa `yo na nahulog ako sa kanya sa unang pagkikita namin. Iba ang pakiramdam ko nang makita ko siya, Vienne. Ang saya at ang bilis ng tibok ng puso ko. Gusto ko siyang ligawan at balak kong umpisahan iyon bukas."
            Wala siyang masabi sa narinig. Bakit ganito ang pakiramdam niya? Bakit ang naiisip niya kanina ay hindi malabong mangyari? Parang may magbabago talaga sa pagitan nila pagdating ng babaeng sinasabi nito. Mali man na isipin at maramdaman pero gusto niya na sila lang. Ano ba ang nangyayari sa kanya?
            "Gusto kong makilala mo siya, Vienne. Sa `yo ko unang sinabi ito dahil ikaw ang bestfried ko. Wala si Coby pero kahit na nandito iyon ay sa `yo ko pa rin sasabihin. Masaya ka ba para sa akin?"
            Tumango siya. "Oo naman. Masaya ako para sa `yo bilang bestfriend mo, susuportahan kita, Brax."
            "Salamat," anito.
            "Sige, Brax. Kailangan ko ng pumasok. Gabi na."
            "Sige. Goodnight sa `yo."
            "Goodnight din."
            Tinalikuran niya ito. Nang makapasok siya sa loob ng bahay nila ay napahawak siya sa tapat ng kaliwa niyang dibdib. Bakit ba ganito? Ano ba ang nangyayari sa kanya?


ABALA si Vienne sa pagsagot sa message ni Coby sa kanya sa facebook gamit ang laptop na hiniram niya kay Austin. Nasa loob sila ng classroom nila. Wala ang professor nila kaya malaya siyang magawa ang gusto nila. At salamat sa wifi connection dahil nakaka-connect siya.
            Mahigit isang buwan na rin mula nang umalis sa bansa si Coby. Ang mensahe na natanggap niya mula rito ay ang nalalapit nito na pag-uwi. Nag-request pa ito na sunduin nilang dalawa ni Brax ngunit ang hiling nito ay duda siyang matutupad. Nitong mga nakaraan na araw kasi ay abala na si Brax sa panliligaw sa babaeng gusto nito na nagngangalang Krishna. Hindi pa niya nakikilala ang babae ng personal ngunit kahit na ganoon ay parang kilala na niya ito. Paano naman kasi ay laging ito ang bukambibig ni Brax. Walang kasawaan na pangalan nito ang naririnig niya at mga katangian na tinataglay ng babae.
            Ang nararamdaman niya nang sabihin sa kanya ni Brax ang tungkol sa nararamdaman nito ay hindi na niya binigyan masyado ng pansin. Hindi naman kasi pwede at imposible iyon. Oo, nasaktan siya pero hindi sa paraan na nagmamahal. Mahal niya si Brax bilang kaibigan at hindi na iyon hihigit doon.
            Nasasaktan siya dahil sa posibleng magiging relasyon nito ay mababawasan ang oras nila sa isa't-isa. Bagay na dapat niyang tanggapin. Mukhang nangyayari na rin ang mga sinabi sa kanya nina Theo at Chris.
            Napatingin siya sa kanyang tabi nang maramdaman niya ang mahinang pagtapik ng kung sinoman sa kanyang balikat. Nakita niya si Ambrose.
            Nakangiti ito nang malawak habang nakatingin sa kanya.
            "Pwede ba kitang mayaya sa pagkain, Vienne?"
            "Ano na naman ang trip mo? Bakit basta-basta ka na lang pumapasok sa room namin?"
            "Trip ko ang kumain na kasama ka. Wala namang masama kung pumasok ako rito, naging room ko rin kaya ito dati. Ano, Vienne, papayag ka ba?"
            "Libre mo ba?" Tanong niya sa halip na sagutin ang tanong nito.
            "Ano ba naman `yan, Vienne? Kanina pa ako nagtatanong sa `yo pero sinasagot mo ako ng tanong. Sasama ka ba sa `kin? Papayag ka ba o hindi?" Naiiritang sabi nito. "Siyempre libre ko kasi ako ang nagyaya sa `yo."
            Napangiti siya sa reaksyon nito. Bago iyon sa kanya ngunit napansin niya na gwapo ito kapag nakasimangot.        
            Mag-i-isang buwan na rin pala mula nang maging kaibigan niya ito. Madalas nga ay ito na ang nakakasama niya kaysa kay Brax. Ang hindi pa lang nito napupuntahan ay ang bahay nila. Lagi itong nagpupumilit na ihahatid siya pero lagi naman niyang tinatanggihan.
            "Sige na nga," aniya.
            Nawala ang pagkakasimangot nito. Napalitan iyon ng malawak na ngiti. "`Buti naman. Akala ko hindi ka papayag. Special day ko ngayon."
            "Special day? Anong okasyon?"
            "Basta. Wala ka namang pasok, hindi ba? Tara alis na tayo."
            "Sige. Wait lang, ah," aniya.
            Nag-message muna siya kay Coby na magla-log out na siya. Pagkatapos niyon ay pinatay na niya ang laptop. Binitbit niya iyon bago siya tumayo.
            "Hintayin mo na lang ako dito."
            Tumango si Ambrose.
            Lumapit siya sa pwesto ni Austin na nakikipag-usap sa classmate nila. "Salamat," aniya rito.
            "Basta ikaw, walang kaso. Saan kayo pupunta ni Ambrose?" Usisa nito.
            "Kakain kami sa labas. Special day daw niya ngayon."
            "Talaga? Birthday yata kaya iti-treat ka."
            "Siguro. Wala naman kasing sinasabi basta kakain daw kami sa labas."
            "Tanungin mo muna," anito. "Kapag oo, regaluhan mo. Nagpapa-pogi lang naman `yan sa `yo."
            "Nagpapa-pogi? Isa ka ring timang. Pa'no mo nasabi `yon?"
            "Dahil iyon ang nakikita ko. Gusto rin kaya kita. Nagseselos nga ako kasi ang close n'yong dalawa. Nawala nga sa eksena si Brax, pinalitan naman ng Ambrose na `yan." Nakasimangot na sabi nito.
            Tinapik niya lang ito sa balikat. Sanay naman na siya sa mga biro nito kaya wala nang kaso iyon.
            "Puro ka talaga biro."
            "Hindi ako nagbibiro," seryosong sabi nito.
            "Ewan ko sa `yo. Sige, alis na ako."
            "Nakakapagtampo ka talaga. Sige, ganyan ka."
            Kinawayan niya lang ito saka siya lumapit kay Ambrose na kausap na si Kelly.
            "Alis na tayo, Ambrose," sabi niya nang makalapit siya sa mga ito.
            Bumaling sa kanya si Ambrose. "Tara. Tagal mo, ah."
            "May date ba kayong dalawa?"
            Sabay silang napabaling kay Kelly.
            "Wala," agad niyang sagot.
            "Meron. Friendly date," ani Ambrose.
            Nang balingan niya ito ay malawak ang pagkakangiti nito.
            "Puro ka talaga kalokohan. Tara na nga. Alis na kami, Kelly."
            "Sige. Ingat kayo sa date n'yo."
            "Hindi nga kami magde-date," giit niya.
            Nagkibit lang ito ng balikat. "Sinabi mo, eh. Pero kung titingnan para talaga kayong magde-date. Saka, `wag kang choosy, Vienne. Good catch kaya si Ambrose." Tumingin ito kay Ambrose saka kumindat. "Bigyan mo `ko ng pabuya sa pagbi-build up ko sa `yo."
            Natawa na lang ang katabi niya. Napailing naman siya.
            "Bakit lahat ng mga taong nakikilala ko makukulit?" tanong niya.
            "Ewan ko," ani Ambrose. "Siguro para maging masaya ka. At willing akong pasayahin ka."
            "Ay, ewan. Alis na nga tayo."


"BIRTHDAY mo ba?"
            Ang tanong ni Vienne kay Ambrose habang naghihintay sila ng pagkain na in-order nito. Nasa loob sila ng isang fast-food chain. Nakaupo sa isang sulok at hindi masyadong pansinin ng mga tao na kumakain din sa loob.
            Sa dami ng choices na binigay sa kanya ni Ambrose ay doon sila nauwi. Ewan ba naman niya sa lalaking ito. Nagyayaya pero wala naman palang konkretong plano tungkol dito. Biglaan lang.
            Ngumiti si Ambrose. "Ano sa tingin mo?"
            "Sa totoo lang, clueless ako. Basta-basta ka lang kaya nagyayaya, tapos wala ka pang konkretong plano. Para ka lang kabute, ni walang pasabi o text man lang."
            "Birthday ko nga," tipid nitong sagot.
            Nanlaki ang mata niya. "Bakit hindi mo sinabi sa `kin? Ano ka ba? Isang buwan na tayong magkaibigan pero wala kang sinasabi sa `kin."
            "Ikaw din kaya," anito.
            Umingos lang siya. "Kung sinabi mo sa `kin sana nakabili man lang ako ng regalo. Ano bang regalo ang gusto mo? Basta `yong kaya ng bulsa ko."
            "Hindi ko na kailangan ng regalo. Sapat ka na sa tabi `ko."
            Natigilan siya sa sinabi nito. Iba rin ang nakikita niyang reaksyon sa mukha nito lalo na sa mata nito. Parang..
            Nawala ang kanyang atensyon kay Ambrose pati rin ito dahil sa pagdating ng order nila dala ng waiter.
            "Kain na tayo, Ambrose," aniya dito.
            Pilit niyang winawaksi sa isipan ang nakita na reaksyon sa mukha nito.
            Iyon nga ba iyon?

IBA ang tuwa na sumasakop sa puso ni Ambrose habang nakatingin kay Vienne na magana sa pagkain. Masaya siya na kasama ito sa mahalagang araw niya-- ang kanyang eighteenth birthday. Sa lahat ng kanyang kaarawan ay ito ang pinakamasaya dahil kasama niya ang taong nagpapasaya sa kanya. Si Vienne rin ang nagpapatibok ng puso niya.
            Sa totoo lang ay hindi niya alam kung kailan nagsimula ang kakaibang pakiramdam niya rito. Basta nagising na lang siya isang araw na may ngiti sa labi dahil sa alaala ni Vienne. Tuwing kasama niya ito ay para siyang nakalipad. Lagi rin siyang nag-e-expect na makasama ito ng matagal. Parang hindi na nga siya sanay na wala ito sa tabi niya. Mahal na niya ito.
            Alam niyang mali dahil pareho ang kasarian nila. Marami ang kokondena sa nararamdaman niya para rito dahil hindi sanay at karamihan sa tao ay hindi pa bukas sa ganoon. Ngunit wala siyang pakialam doon. Wala naman kasing mali pagdating sa pag-ibig. Kapag umibig ang isang tao ay lahat nagiging tama basta't kasama mo ang taong mahal mo. Everything just fall into places.
            He wil take a chance for Vienne. He will take things slowly though he knew that Vienne already noticed what he was feeling towards him. Hindi naman kasi ito low gets para hindi iyon makuha sa paraan ng pagtitig niya rito.
            Alam niya na magugulat ito ngunit nakahanda siya. Basta rito ay handa siya.
            Sa ngayon ay magpo-focus muna siya sa pagkain at sa pagnamnam na kasama niya ito.
            "Gusto mo pa ba?" Tanong niya dito nang mapansin na paubos na ang pagkain nito. "Pwede pa akong mag-order."
            "Hindi na. Busog na ako, Ambrose. Salamat na lang."
            "Sigurado ka ba?"
            "Yeah. Happy birthday ulit, Ambrose."
            "Salamat."
            "Anong regalo ba ang gusto mo?" tanong na naman nito.
            "Ang kulit mo naman, Vienne. Sinabi ko naman na sapat nang nasa tabi kita."
            "Gusto ko kasi na may maibigay sa `yo. Para kapag makikita mo ang bagay na `yon ay maaalala mo `ko."
            Sumeryoso siya. "Ang puso mo, Vienne? Pwede bang tumibok `yan para sa `kin?"
            Nakita niya ang pagkagulat sa mukha nito. "Ambrose, hindi sa nagiging assuming ako o kung anupaman.. Pero hindi ako insensitive na tao. Nararamdaman ko at nakikita ko sa `yo na may ipinahihiwatig ka. Kakapalan ko na ang mukha ko na magtanong. May gusto ka ba sa `kin?"
            "Gusto? Mali ka d'un, Vienne. Hindi lang kita gusto kasi mahal na kita."
            Bakit pa siya magsisinungaling sa nararamdaman niya gayon napansin na nito iyon. Ito pa ang nag-open. Siguro, pagkakataon na rin niya ito para masabi na niya ang totoo kahit sinabi niya na magdadahan-dahan siya sa bagay tungkol dito.
            Tama siya na hindi ito manhid at napansin na nito iyon kanina pa. Nahihiya lang ito magtanong at naglakas lang ng loob.
            "Sigurado ka ba? Seryoso ka ba?"
            Tumango siya. "Sigurado at seryoso ako. Alam ko na nakakabigla pero iyon ang nararamdaman ko sa `yo, Vienne. Mahal kita. Kung magtatanong ka kung paano, hindi ko rin alam ang magiging sagot ko. Basta tumibok na lang ang puso ko para sa `yo. At ang rason ng ngiti ko ay ikaw. Mahalaga ka na sa `kin ng higit pa sa kaibigan. Mahal kita, Vienne."
            "Hi-hindi ko alam ang sasabihin. Ambrose. Sigurado ka ba talaga? Baka nabibigla ka lang. Baka kaya mo nasasabi `yan dahil fascinated ka sa `kin, dahil sa iba ako. Na hindi ako katulad ng mga normal, dahil sa bisexu--"
            Tinigil niya ito sa pagsasalita sa pamamagitan ng mabilis na halik sa labi. Nanlaki ang mata nito sa ginawa niya. Hindi makapaniwala sa ginawa niya.
            "A-ambrose."
            "Mahal kita, Vienne. Tanggapin mo na lang. Seryoso ako sa `yo. Gusto kong mas makilala ka. Liligawan kita. Hindi naman kaila sa akin na iba ka nga. Na naiiba ka dahil sa gender preference mo but does it matter when you fall inlove? Sa panahon ngayon, impossible things can be possible. Gaya ng nararamdaman ko sa `yo. Alam ko na mali pero wala eh, mahal kita. At willing ako na mag-take ng risk. Sinabi ko sa `yo dati na willing akong maging alipin mo. At mukhang nangyayari na iyon kasi alipin na ang puso ko sa pagmamahal ko sa `yo."
            Hindi ito nagsalita. Natitigilan pa rin sa mga narinig mula sa kanya.
            "Magsalita ka naman, Vienne."
            "Hi-hindi ko alam ang sasabihin, Ambrose. Ito ang unang pagkakataon na may nagtapat sa akin ng pagmamahal. Wala akong alam tungkol dito at ang halik.." napahawak ito sa labi. "Ikaw ang unang nakahalik sa `kin."
            Sumaya ang puso niya sa narinig. "Kung ganoon, ako ang first kiss mo?"
            Tumango ito. "Ano ba ang dapat na maging reaksyon ko? Dapat ba kitang pasalamatan kasi mahal mo `ko? Clueless ako sa ganitong bagay."
            Ngumiti siya. "Pwede ba kitang ligawan, Vienne?"
            "Hindi ko alam. Pag-iisipan ko pa."
            Inabot niya ang kamay nito na nasa ibabaw ng mesa. Hinawakan niya iyon at pinisil.
            "Umakto ka lang ng normal. Alam ko na nakakabigla pero tanggapin mo na lang. Tanggapin mo na mahal na kita," anito. "Salamat, Vienne. Sana maging positibo ang maging sagot mo."
           

ITUTULOY... 

7 comments:

  1. Kakilig naman. Thanks sa update. Take care.

    ReplyDelete
  2. Hahaha tama sng hinala ko author.....next na ulit ......nakakaexcite nmn ung mngyayari

    Jhay 05

    ReplyDelete
  3. Ayyyy ang bilis update agad author tas suggest lang ha medyo pkihabaan nmanng konti nkakabitin kc eh hehehe tnx

    _drei

    ReplyDelete
  4. Naku naman pumuporma na si Ambrose bills Brax baka maagawan ka. Author pansin ko lang nawala ata ang author's note. Just continue this story author we're enjoying this promising story of yours.

    ReplyDelete
  5. O MY GOOD na biten ako...

    ReplyDelete
  6. Ambrose-Vienne <3 Sila nalang magkatuluyan plsss :)

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails