Followers

Tuesday, November 11, 2014

Beat Of My Heart Chapter 6




CHAPTER SIX


ORAS na ng uwian ni Vienne. Sumabay siya sa mga classmate niya na lumabas sa kanilang classroom. Habang abala ang iba sa pag-uusap kung saan pupunta ang mga ito para doon magpalipas ng oras, siya naman ay abala sa pagkuha ng cellphone niya sa bag para mapadalhan ng text si Brax.
            "Sasama ka ba sa `min, Vienne?" tanong sa kanya ni Austin.
            Mula sa kanyang cellphone ay bumaling siya dito. "Hindi, eh," tipid niyang sagot.
            "`Wag ka nang umasa na sasama `yan sa `tin, Austin," ani Kelly na katabi nito. "Alam mo naman `yan si Vienne, bihira lang `yan sumama sa atin. Kapag ang 'bestfriend' niya lang ang nagyaya `yan sumasama."
            Hindi siya nagsalita para pabulaanan ang sinabi nito. Totoo naman kasi iyon. Kapag si Brax lang naman sa kanya ang nagyaya siya sumasama. Minsan nga ay sapilitan pa iyon dahil hindi naman siya mahilig sa night-out. Kahit na minsan ay nagpapalipas siya ng oras bago umuwi sa kanilang bahay ay hindi siya nagpunta sa bar para uminom o kaya naman sa bahay ng mga classmate nila.
            "Baka makalusot lang naman," palusot ni Austin. "Pero nakakatampo ka, Vienne," anito. "Kapag si bestfriend mo lang ang nagyayaya sa `yo ikaw sumasama. Dapat sumama ka rin sa `min. Dapat pinapalawak mo ang set of friendship mo. Hindi dapat na laging si Brax ang kasama mo. Masasanay ka n'yan."
            "Ang malala baka main-love pa siya sa bestfriend niya," segunda ni Kelly.
            Napailing na lang siya. "Ano ba kayong dalawa? Malabo na magkagusto ako sa bestfriend ko, Kelly. Hanggang pagkakaibigan lang kaming dalawa. At para sabihin ko sa `yo, Austin, malawak na kaya ang set of friends ko. Ang dami ko na ngang kaibigan, pero siyempre nasa una ng listahan si Brax at Coby kasi bestfriend ko ang dalawang `yon. Secondly, kayong mga classmate ko ay friend ko. Pati `yong mga bago kong kakilala. Pasensya na talaga kung hindi ako makakasama sa inyo."
            "Palagi naman, eh," reklamo ng nakabusangot na si Austin.
            "Oo nga. Wala namang bago," ani Kelly. "Pwede ba, Vienne. `Wag kang magsalita ng tapos tungkol sa 'inlove' thingy. Hindi mo alam kung ano ang pwedeng mangyari. Friendship is one of the great foundation of love. Hindi malabo na magkagusto ka kay Brax, lalo na at alanganin ka pa. Idagdag pa na supah hot at talented ng bestfriend mo. Nakakapaglaway."
            Napailing na lang siya. Makulit talaga ang Kelly na ito.
            "Hoy, Kelly! Kababae mong tao, ang lumalabas sa bibig mo," saway dito ni Austin.
            "Eh, totoo naman kasi `yon."
            Natawa na lang siya. "Sige, mauuna na ako sa inyo," paalam niya sa mga ito. "Just enjoy guys. Malay n'yo isang araw baka sumama ako sa inyo."
            "Hindi ako aasa," agad na sabi ni Kelly.
            "Aasahan ko `yon, Vienne," ani Austin.
            Nang makalayo siya sa mga ito ay muli niyang binalingan ang naudlot na pag-compose ng mensahe para kay Brax. He start typing. Sanay siya na kapag nagpapadala ng text message na buo ang words. Sa kaabalahan niya ay hindi niya napansin ang paglapit sa kanya ng kung sino.
            "Hoy Vienne!" Panggugulat nito sa kanya.
            Napamura siya at muntikan pa niyang mabitiwan ang cellphone niya sa sobrang gulat. Tumawa naman nang malakas si Ambrose.
            Hinampas niya ito sa braso. "Bwisit ka, Ambrose!"
           "Aray!" Daing nito habang sapo ang nasaktang braso. "`Ayos ka rin pala kapag nagugulat, Vienne. Nakakatuwa."
            "Umayos ka! `Wag mo nang uulitin `yon," pagalit na sabi niya.
            "Sorry. Hindi ko na uulitin," anito. "Gusto ko kasi makita kung ano ang magiging reaksyon mo. So far, natuwa ako. Natural na natural."
            "`Wag mo nang uulitin iyon," muling giit niya.
            "Hindi na. Promise," sabi nito. Itinaas pa nito ang kanang kamay na parang nanunumpa.
            "Ibaba mo nga `yan, para kang sira," aniya.
            Ginawa naman nito iyon. "Saan ka na pupunta? Uuwi ka na ba?"
            "Pupunta ako sa music room. Nandoon si Brax, naghihintay sa `kin. Sabay kaming uuwi n'un."
            "Ah. One time ako ang na ang sasabay sa `yo sa pag-uwi." May katiyakan na sabi nito.
            "Sure na sure ka talaga."
            "Oo naman. Bilang bago mong kaibigan, I'm oblige to do that."
            Natawa siya. "Para kang sira. Hindi porke't kaibigan mo ako, gagawin mo ang bagay na iyon. Hindi ako abusado. Hindi rin kita inoobliga na gawin iyon. Kaya tumigil ka."
            "Hindi mo nga ako inoobliga pero ako ang nag-obliga sa sarili ko. Remember the slave thingy, it's still open. Magsabi ka lang at magiging alipin mo ako."
            "Para ka talagang sira. May kakulitan ka rin pala, ano?"
            "Meron talaga. Aside from the slave thingy, it's also my way para malaman kung saan ka nakatira. Kapag nalaman ko na `yon. Asahan mo na susunduin kita kapag may time ako."
            "Hay naku! Ewan ko sa `yo, Ambrose. Sige na, pupunta na ako sa music room," paalam niya dito.
            "Ihahatid na kita roon."
            Napahinto siya. "Hindi mo na kailangang gawin `yon. Kaya ko na ang sarili ko, Ambrose."
            "Alam ko, malaki ka na kaya. But I still insist."
            "`Kulit mo rin talaga, `no?"
            Ngumiti ito. "Ganoon talaga."
            "Bahala ka nga," sabi niya.
            Kahit naman kasi tanggihan niya ito alam niya na magpupumilit lang. Mas mabuti na pumayag na lang siya. Hahaba lang ang usapan.
            "Lagi ka bang hinahatid at sinusundo ni Brax?" Usisa nito.
            "Minsan lang naman. Kadalasan nagsasabay kami sa pag-uwi pero kapag hatid, bihira. Same street lang naman kasi nakatayo ang bahay namin ni Brax. Kalsada lang ang pagitan. `Pag nakatawid ka, presto! Sa harap ka na ng bahay nina Brax."
            "Paano ba kayo naging magkaibigan?"
            "During elementary days. N'ung minsan na ipagtanggol nila ako sa nambu-bully sa `kin."
            "Nila? So you mean, bukod kay Brax ay may isa ka pang bestfriend?"
            "Oo. May isa pa akong bestfriend, si Coby, sa SAU `yon nag-aaral kaya madalas si Brax palagi ang kasama ko. Isa pa, wala `yon ngayon dito sa bansa. Nasa Germany `yon ngayon, pinapunta d'un ng kamag-anak para sa libing ng lolo." Pagku-kwento niya.
            "Nakakainggit ka naman. Mayroon kang dalawang bestfriend. At base sa nakikita ko, hindi kayo basta-basta matitibag na tatlo. Ang lalim na ng samahan n'yo. Ang tibay na rin ng pundasyon."                    
            "Sana nga," aniya. "Alam mo, nakikita ko si Brax at Coby bilang saviour ko. Madalas kasi nila akong ipagtanggol. Sa amin kasing tatlo ay ako ang madalas na ma-bully dahil sa naiiba kong gender preference."
            "Kapag may nang-away sa `yo, asahan mo na ipagtatanggol din kita."
            "Talaga?" Hindi naniniwalang gagad niya.
            "Oo. Try me, Vienne."
            "`Wag na. Ayokong mabangasan ang mukha mo," aniya.
            "Pero bakit si Brax? Hinahayaan mo na mabangasan ang mukha."
            Nanlaki ang mata niya sa sinabi nito. "Hindi kaya. FYI lang po, n'ung binully mo nga ako inilayo ko siya sa `yo para `wag magkagulo. Paano mo nasabi na hinahayaan ko na mabingasan ang mukha n'un?"
            "Dahil sa sinabi mo na lagi ka niyang ipinagtatanggol. I assumed that he always ready to fight those person who bullied you."
            "Hindi naman. Minsan lang. Sa abot ng makakaya ko, inilalayo ko `yon sa gulo. Mainitin ang ulo n'un. Madaling mapikon."
            "Sa mga naririnig ko sa `yo, grabe ang paghanga mo sa bestfriend mo," anito.
            "Ganoon talaga." Bago pa ito mag-isip ng iba ay inunahan na niya ito. "`Wag mong isipin na in a romantic way ang paghanga ko sa kanya, Ambrose."
            "Uy, defensive," tudyo nito.
            "Hindi kaya. Inuunahan lang kita. Alam ko ang likaw ng pag-iisip mo. Katulad ka rin ng iba."
            "Hindi na kaya. As your friend, hindi kita pag-iisipan ng masama. Saka kung magkagusto ka man kay Brax, ano ang masama? `Di ba uso naman ngayon `yong mga friends na naiin-love sa isa't-isa. At malay mo, baka main-love rin ako sa `yo."
            "Baliw!" Naiiling na sabi niya.
            Natawa naman ito.
            "Sige, Vienne. Dito na pala tayo. Hanggang dito na lang kita ihahatid," ani Ambrose nang nasa tapat na sila ng building kung saan ang music room.
            Hindi niya namalayan na nakarating na sila sa destinasyon nilang dalawa dahil sa pag-uusap nila ni Ambrose. Masyado siyang nawili na kausap ito.
            "Sige. See you na lang bukas, Vienne."
            "Sige. Ingat ka sa pag-uwi, Ambrose."
            "I will, basta para sa `yo," anito sabay kindat.
            "Baliw ka talaga."
            Bago ito tumalikod ay kumaway muna ito. Nang mawala na ito sa kanyang paningin ay saka siya pumasok at nagtungo sa hagdan para roon dumaan patungo sa music room.
            Naabutan ni Vienne si Chris, Theo at Devin na abala sa kanya-kanyang ginagawa. At base sa nakikita niya ay mukhang tapos na ang mga ito sa practice. Si Chris, sa cellphone nito. Si Theo, sa tablet at si Devin sa pagbabasa ng kung ano sa notebook nito.
            "Hello!" Masiglang bati niya.
            Nakuha naman niya ang atensyon ng mga ito.
            "Si Brax?" tanong niya.
            "May pinuntahan," tipid na sagot ni Theo saka ibinalik ang atensyon sa tablet nito.
            Napakunot-noo siya. "May pinuntahan? Saan naman?"
            "Hindi ko alam," mabilis na sagot nito.
            Narinig niya ang mahinang pagtawa ni Chris kaya napabaling siya dito. "Bakit ka tumatawa?"
            "Wala lang," anito.
            "Anong wala lang? Pinagti-tripan n'yo ba akong tatlo?" May inis na tanong niya. Bumaling naman siya kay Devin. Baka ito ay matino ang maging sagot sa kanya sa katanungan niya.
            "Nasaan ba si Brax? Pwede ba sabihin n'yo na sa `kin kung saan siya talaga nagpunta."
            "Masyado kang napaghahalata, Vienne," ani Chris. "Mahirap `yan. `Wag mong idepende ang sarili mo na laging kasama si Brax. Tandaan mo na kaibigan ka lang."
            "Kaibigan lang naman talaga ako, wala nang iba. Iyon naman talaga ako kay Brax."
            "Oo nga, kaibigan ka lang niya kaya ang sabi ko nga ay `wag mong idepende ang sarili mo sa kanya. Mahirap `yan. Paano kung isang araw, mali. Paano kung dumating ang araw na magkaroon ng girlfriend si Brax? Siyempre, karamihan sa oras niya, malalaan d'un sa babae. At ikaw, bilang bestfriend ay mate-take aside na lagi namang nangyayari."
            Sasagot sana siya pero naunahan siya ni Theo. "Pakinggan mo si Chris, Vienne. He knows what he was saying. Expert `yan sa ganoong bagay. Tingnan mo siya, sa sobrang nakadepende ang nararamdaman kay--"
            Nahinto ito sa pagsasalita ng patlangin ni Chris.
            "Gago ka, Theo. Tigilan mo nga ako. Para sabihin ko sa `yo, I've already moved on."
            Natawa ito. Napailing naman siya. May ideya na siya sa tinutumbok ng usapan ng mga ito kahit hindi na siya magtanong. Nagkwento kasi ng pahapyaw sa kanya si Brax tungkol sa lovelife ni Chris na may kaguluhan.
            At kung sa anong proseso man ito ay hindi niya alam. Hindi naman kasi siya nag-uusisa at hindi naman sila masyadong close nito. Kung hindi dahil kay Brax ay hindi niya magiging kaututan-dila ang mga ito.
            "Hindi si Chris, ang isyu dito Theo. Si Brax ang tinatanong ko kung saan siya."
            "May binili lang, Vienne," ani Devin.
            Nagpapasalamat siya at sumagot ito. Sa tatlo kasi ay ito lang ang may katinuan at medyo seryoso pero mas seryoso pa rin dito ang bestfriend niya.
            "Ganoon ba," aniya.
            "Oo, `wag kang makinig sa dalawang ugok na `yan. Inutusan siya ni Chris na bumili ng pagkain dahil siya ang may sasakyan."
            "Ah," tumango-tango siya. "At last, naklaro na rin. `Yon lang pala ang dahilan, ang dami n'yo pang sinabi na dalawa," baling niya kay Theo at Chris na nag-uusap pa rin.
            Bumaling sa kanya ang mga ito.
            Nagsalita si Chris. "But I'm serious on what I've said, Vienne. Don't depend too much to Brax. Kagaya ng sabi ko, magkaibigan lang kayo. Kapag dumating ang araw na magkaroon ng karelasyon si Brax ay maiitsapwera ka. Lagi naman kasing labas ang isang kaibigan kapag usaping relasyon at pampuso na. Maiiwan ka sa isang tabi. Malulungkot ka lang."
            Sa sinabi nitong iyon ay natigilan siya. May ipinupunto naman talaga si Chris. Lahat ng sinabi nito ay tama. Paano nga kung dumating ang araw na mangyari iyon? Paano kung maitsapwera nga siya? Kaibigan lang naman siya at madalas nga na nababalewala ang isang kaibigan. Paano kapag nagkaroon ng girlfriend si Brax? Minsan nga, kapag may karelasyon na ang isang tao ay nagiging dahilan pa iyon ng pagkasira ng pagkakaibigan.
            Chris just made his point.
            "Ako na lang ang gawin mong bestfriend. Kapag nangyari nga `yon, Vienne," ani Theo.
            "Puro ka talaga biro," aniya dito. He managed to smile.
            Kailangan niyang maging positibo. What ifs pa lang naman ang mga naiisip niya. At duda siya na mangyayari nga iyon. Kilala niya si Brax.
            "May point ka naman talaga, Chris," aniya dito. "Pero duda ako na mangyayari sa `min `yon ni Brax."
            "It's better to be sure than never, Vienne." Hindi papatalong sabi ni Chris.
            Hindi na lang niya ito pinansin. Nagtungo siya sa pwesto ni Devin na nasa sofa at tumabi dito.
            "Alam kong nag-aalala ka kahit hindi mo sabihin, Vienne. Pero `wag mong masyadong isipin `yon. Just take what they have said as a reminder. May ipinupunto naman talaga sila."
            "Bakit ba kasi sinabi n'yo sa akin ang mga ganoon?" Tanong niya.
            "Ask them," anito.
            Tiningnan niya si Chris saka si Theo. "Bakit ba sinasabi n'yo sa akin ang ganoon?"
            "Dahil may tendency na main-love ka kay Brax," diretsahan na sabi ni Theo.
            "Hindi ako maiin-love kay Brax, Theo. Katulad ng sabi ko sa `yo, purely friendship lang ang sa amin."
           "Ang sabi ko naman sa `yo na hindi malabong main-love ka kay Brax. Lalo na at alanganin ka pa. At isa pa, ang pagkakaibigan ay malaki ang porsiyento na mag-lead on sa love."
            "Paulit-ulit lang naman tayo, Theo, eh." Asar na sabi niya.
            "Tama naman talaga si Theo, Vienne," segunda ni Chris. "May kakilala kaya ako na magkaibigan na naging magkarelasyon."
            "Iba kaming dalawa ni Brax. Alam ko ang hangganan ko. Oo, aaminin ko na alanganin ako pero never na pumasok sa isip ko na magustuhan si Brax. Hindi ko siya type. Iba ang type ko."
            "`Wag kang magsalita ng tapos," ani Devin.
            Bumaling siya dito. "Pati ba naman ikaw."
            "Yeah. Pareho naman kasing tama ang dalawa. Parehong may ipinupunto."
            "Ay ewan! Nakakaasar lang. Kung pagsabihan n'yo `ko parang hindi ako marunong mag-isip. Parang ang rupok ng pagkakaibigan ko kay Brax."
            "`Wag kang maasar sa `min. Paalala lang ang sa `min. Concern lang kami. Kahit papaano ay kaibigan ka na namin kahit na hindi tayo masyadong nag-uusap," ani Chris.
            Hindi na siya nagsalita. Natutuwa siya sa narinig mula kay Chris. Ngunit, nagsusumigaw pa rin sa kanya ang mga sinabi ng mga ito. Dahil aminin man niya o hindi ay may pag-aalala sa puso niya. Marami ang naglalaro na senaryo. Nahulog siya sa malalim na pag-iisip.


KATATAPOS pa lang ng practice ng The Gravity para sa pagtugtog nila Maysha Acoustic Bar sa darating na sabado ng gabi. Isa-isang pumwesto sa paborito nilang pwesto sa loob ng music room ang kabanda ni Brax.
            "Bili kayo ng pagkain," ani Chris.
            "Pasensya. Wala akong sasakyan kaya hindi ako kikilos," ani Theo.
            Madalas kasi ay ito ang runner nila sa mga ganoon. Ito kasi ang mahilig maglakwatsa at marami ang alam na pwedeng bilhan ng pagkain na masasarap at kuha ang panlasa nila.
            Bumaling si Chris kay Devin. "Ikaw, Devin?"
            Itinaas ni Devin ang hawak nito na notebook. "Busy ako. May exam ako bukas."
           Alam niya na hindi na magtatanong si Chris sa kanya kung gusto niya na bumili. Kilala siya nito. Sa kanila kasi ay siya ang masasabing may katamaran. Talo pa niya nga si Chris at Theo sa katamaran samantalang sa kanilang apat ay ang dalawa ang mabibilang sa may kayang pamilya.
            "Hindi ba kayo nagugutom?" Ani Chris.
            "Nagugutom. Kaso wala akong sasakyan, Chris. Kung meron, sana kanina pa ako lumabas at bumili."
            "Si Brax na lang kaya. Siya lang naman ang may sasakyan sa atin," suhestiyon ni Devin.
            Napatingin siya rito ngunit hindi naman nakatingin ang loko sa kanya. Tutok ang atensyon nito sa binabasa. Hindi tuloy nito nakikita ang reaksyon niya.
            "Tama. Siya na lang ang utusan mo," segunda ni Theo.
            "Ayoko nga!" Agad niyang tanggi.
            "Yeah, siya na lang," ani Devin.
            Mukhang pinagkakaisahan siya ng mga ito.
            "Sinabi nang ayoko, eh. Kayo ang nagugutom, kayo ang bumili."
            "Ang tamad mo talaga!" Reklamo ni Theo.
            "Ikaw na ang bumili, Brax. `Wag kang tamad. Tama sina Devin at Theo, ikaw ang may motor at mapapabilis kung ikaw ang bibili ng pagkain natin."
            Padabog siyang tumayo. Nilapitan niya si Chris. Sa kanilang apat ay ito ang pinakamatanda. Mas matanda si Chris sa kanila ng isang taon. Silang dalawa ni Devin ang halos magka-edad dahil parehong buwan ang birthday nila. Mas nauuna nga lang ito. Si Theo naman ang masasabi na bunso ng grupo.
            "Saan ang pera? Ako na ang bibili. Alam ko naman na hindi kayo titigil hanggang hindi ako pumapayag. Kaasar lang kayo. May mga motor pero hindi dinadala."
            "Spare me with that, Brax. Wala akong motor," ani Devin. "Silang dalawa lang."
            "Papayag ka rin pala. Ang dami mo pang paek-ek."
            "Tigilan mo nga ako, Theo. `Pag pumunta dito si Vienne, sabihin n'yo na lang na may pinuntahan ako. Sabay kaming uuwi n'un." Ang bilin niya sa mga ito saka lumabas ng music room.
            Nasa loob na ng isang convenience store si Brax. Doon siya napadpad sa paghahanap ng pwede nilang makain na apat. Bago siya pumili ng pagkain ay nag-text muna siya kay Chris. Nagtanong kung ano ang mga gusto nito na ipabili para kainin. Nakalimutan niya kasing itanong iyon sa mga ito bago siya umalis. Kahit na madalas na magkakasama silang apat, hindi siya nag-abala na alamin kung ano ang mga pagkain na gusto nito. Isang tao lang naman kasi ang alam niya ang gustong pagkain.
            Nang matanggap niya ang reply ni Chris ay agad siyang kumuha ng mga iyon. Isa na lang ang bibilhin niya na pagkain. Naghanap siya sa mga display sa gondola. Lalapitan na sana niya ang pagkain na hinahanap nang makita ito ngunit natigil siya nang mahulog ang isa niyang dala. Pinulot niya muna iyon saka pinuntahan ang pagkain. Nag-iisa na lang iyon. Kukunin na sana niya ang malaking sistsirya ng maunahan siya ng isang babae.
            Lihim na lang siyang napamura. Aabutin na lang niya, naunahan pa siya.
            "Pasensya na, akin na `to," anang babae saka humarap sa kanya.
            Natigilan siya nang makita ang mukha nito, nang magtama ang paningin nila. Nag-iba ang ritmo ng tibok ng puso niya. Bigla iyong bumilis. Maganda ang babae. Mali, napakaganda ng babae. Makinis ang magandang mukha nito na hugis puso. Maganda ang hugis ng mata nito. Mahaba ang pilik-mata at matangos ang maliit na ilong na bumagay sa labi nito na mapupula. Parang anghel ang babae sa amo ng mukha nito.
            Natigilan siya. Natubalani sa kagandahan ng babae sa kanyang harapan. Hindi nakakasawang tingnan ang mukha nito. Ganito ba ang sinasabi ng iba na love at first sight? Iyong pakiramdam na ang bilis ng tibok ng puso. Iyong parang ayaw mo nang tanggalin ang tingin sa taong iyon. Iyong parang may mga musika na tumutugtog kahit wala naman. Corny man na sabihin pero iyon ngayon ang nararamdaman niya.
            Natauhan lang siya ng pumitik ang babae sa harap ng mukha niya gamit ang daliri nito.
            "Okay ka lang ba?"
            Even the girl voice was beautiful. Lahat ba dito ay maganda?
            "I-i'm okay," sagot niya. Nabigla siya sa pagkautal. Ngayon lang iyon nangyari sa kanya. Wala siya sa sarili. Masyado siyang nahulog sa kagandahan na nasa harapan niya.
            Natagpuan niya ang sarili na nahihiya sa harapan nito. Sa unang pagkakataon ay nagkaganito siya sa harap ng babaeng ito. Nakakapanibago ngunit masarap ang pakiramdam.
            Habang nakatingin pa rin sa mukha nito ay nakita niya ang pagdaan ng rekognisyon sa mukha nito.
            "Member ka ba ng The Gravity? Namumukhaan kita. Ikaw `yong drummer, hindi ba?"
            Sa sinabi nitong iyon ay kinalma niya ang sarili. Kung ganoon ay kilala siya ng babae. Hindi man sa pangalan ngunit sa mukha. Bumangon ang kagustuhan sa kanyang puso na magpa-impress dito. Kailangan niyang umakto ng natural sa harap nito. Kailangan niyang magpa-pogi. Aakto siya ng cool katulad ng image niya.
            Bawas pogi points kung mauutal naman siya.
            Nginitian niya ito. "Yeah. Member ako ng Gravity."
            Ngumiti ang babae. Sa ginawa nitong iyon ay tuluyan na nahulog ang puso niya. Inlove na nga siya.
            "Sinabi ko na nga ba," anito. Mahihimigan ng excitement ang boses. "I'm a fan though nag-aaral ako sa SAU. Kahit na hindi ko kilala ang pangalan ng bawat isa sa inyo."
          Sa sinabi nitong iyon ay agad siyang nagpakilala. "By the way, Brax Garcia ang pangalan ko. Ikaw?"
            "Akala ko hindi mo na itatanong sa `kin `yon," sabi nito sa nagbibirong tono. "Krishna Warner ang pangalan ko."
            Inilahad niya ang kamay. "Nice meeting you, Krishna."
             Inabot naman nito iyon. Nang magdaop ang palad nila ay nakadama siya ng nakakaliyong sensasyon. Ang pakiwari niya rin ay tamang-tama ang kamay nito sa kanya.
            "Nice meeting you rin. Sige, Brax. Kailangan ko nang umalis, hinihintay na ako ng mga kaibigan ko," anito.
            "Okay."
            Nahihiyang ngumiti ito. "Pakibitawan na ang kamay ko."
            Napahiya siya sa sinabi nito. Agad niyang binitawan iyon. "I'm sorry," paumanhin niya saka kamot ng ulo.
            Hindi talaga nagpa-function ng maayos ang utak niya. Sa ginawa niya ay bawas pogi points iyon. Nakakahiya lang.
            "Okay lang. Nice meeting you ulit, Brax. Sana magkita pa tayo ulit."
            Tinalikuran na siya nito para puntahan ang dalawang babae na naghihintay dito na nakatingin sa kanila. Nang maisip niya na dapat ay magkaroon sila ng komunikasyon nito ay agad niyang sinundan ito.
            "Krishna," tawag niya dito.
            Huminto ito saka humarap sa kanya. "Bakit?"
            "Pwede ko bang hingiin ang cellphone number mo?" Tanong niya sabay pakita dito sa cellphone niya.
            Hindi dapat niya sayangin ang pagkakataon na ito. Kailangan niyang umaksyon para magkaroon sila ng malalim na koneksyon pagkatapos nito. Gusto niyang makilala ito ng lubusan. At desidido rin siya na ligawan ito.
            "Pwede. Akala ko hindi mo na sasabihin `yan," pabirong sabi nito. Inilabas nito ang cellphone.
            Napangiti siya. Pabiro man ang pagkakasabi nito niyon ay natuwa siya. Ibig sabihin kasi ay naghihintay nga ito. "Hindi ko sasayangin ang pagkakataon. Bihira lang ang pagkakataon na makakakita ka ng magandang babae na katulad mo."
            Namula ang mukha nito sa sinabi niya.
            "Masyado mo namang pinapalaki ang ulo ko."
            "I'm just stating a fact. You are beautiful."
            Hindi nito pinatulan ang sinabi niya. Sa halip ay sinabi nito ang numero nito. Agad naman niyang tinype iyon sa cellphone niya. Para makasigurado ay tinawagan pa niya ito.
            Tumunog ang cellphone nito. "Segurista ka pala."
            "Just making sure. Wala namang masama, hindi ba?"
            "Wala."
            "Asahan mo ang text at tawag ko."
            "Okay. Ayaw ko pa sanang magpaalam pero may naghihintay na sa `kin."
            "Okay," aniya.
            Sinundan na lamang niya ito ng tingin. Siyempre, hindi nawala ang ngiti sa kanyang labi. Excited na siyang itext ito. Excited na rin siyang sabihin kay Vienne ang tungkol dito.


ITUTULOY...

5 comments:

  1. Mag-umpisa na yata ang kalbaryo ni Vienne. Thanks sa update.

    ReplyDelete
  2. Naku naman nagkatotoo pa yung sinabi ni Chris paano na si Vienne? This is really turning to be very interesting. What will happen next? I will wait for your next update.

    ReplyDelete
  3. ang tagal ng update, my update nga!!! ang ikli naman....hahahayz,,,

    ReplyDelete
  4. Nice story and update kuya..... gugulo na mundo ni vienne dahil magkaka girlfriend na si brax cnu sasalo sa knya kaya....nkaka exite naman sundan na agad kuya


    Jharz 05

    ReplyDelete
  5. basa ko na! hehhe.. nice viene.. ganda!

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails