Followers

Tuesday, November 25, 2014

Beat Of My Heart Chapter 10




CHAPTER TEN


"ANONG gusto mong kainin, Vienne?"
            Mula sa pag-iisip ng kung anu-ano na nagpapagulo kay Vienne ay napatingin siya kay Brax na seryosong nakatingin sa kanya.
            "Alam mo naman kung ano ang gusto ko kapag dito tayo kumakain. Bakit ka pa nagtatanong?"
            "Para maiba," kibit-balikat na sabi nito.
            "Para kang baliw."
            "But seriously, Vienne. Nagtatanong ako kasi kanina ka pa tahimik mula nang dumating tayo dito. Parang ang lalim ng iniisip mo. Sino ba ang laman niyan?"
            Ikaw.
            "`Yong project sa isang subject," pagsisinungaling niya.
            "Masyado mong dinidibdib. Pwede kitang tulungan."
            "Salamat na lang, Brax pero kaya ko na `yon."
            "Sigurado ka?"
            "Siguradong-sigurado. Gusto mo bang samahan kita sa pagkuha ng pagkain ko? Self-service dito."
            "Ako na lang. Pagsisilbihan kita ngayon. Ako na lang kasi ang laging pinagsisilbihan mo."
            Bago pa siya makakontra ay tumayo na ito at iniwan siya.
            "Hay naku, Brax. Ano ba ang ginagawa mo? Please naman, itigil mo na `to kasi imbes na mawala ang nararamdaman ko sa `yo mas lalo pa tuloy iyong lumalala." Ang sabi niya sa sarili habang nakasunod ang tingin dito.
            Nang tumingin ito sa kanya ay agad siyang nag-iwas ng tingin.
            Hay! Malubha na talaga siya.

ISANG malalim na buntung-hininga ang pinakawalan ni Ambrose nang makalayo siya kay Vienne. Wala naman talaga siyang balak na umalis ngunit nang makita niya si Brax ay nagbago ang timpla niya. Tuwing nakikita niya ito ay agad na sumasama ang mood niya. Of course, he knew the reason why. Nagseselos siya dito tuwing nakikita niya na malapit ito kay Vienne at laging nag-uusap. Alam naman ni Ambrose na wala siyang panama sa tagal ng samahan ng dalawa. Kung tutuusin ay para lang siyang tinga sa pagitan ng mga ito. Wala siyang laban.
            Nagkatinginan sila ni Brax nang makasalubong niya ito. Kung kunot ang noo nito, ganundin siya. Hindi niya gusto na muli itong magkaka-oras para kay Vienne. Gusto niya ay siya na lang. Okay na sa kanya na MIA ito para palagi niyang kasama si Vienne pero sa muling pag-eksena nito ay nangangamba siya na maiitsapwera na naman siya kahit sabihin na manliligaw siya ng taong mahal niya. Mahirap pantayan si Brax.
            Noong isang araw ay naging tapat sa kanya si Vienne na may laman na ang puso nito. Hindi siya manhid para hindi masakatan pero determinado siya na makuha ito. Na mapasagot ito. Hindi siya basta susuko dito kahit alam niya na mahabang proseso ang mangyayari bago nito makalimutan ang lalaking iyon.
            Ang lalaking iyon.. na wala namang iba kundi ang bestfriend nito. Kahit hindi pa sinasabi sa kanya ni Vienne ang totoo ay basang-basa niya ito. Hindi man nito laging nababanggit si Brax tuwing magkasama sila ay lagi naman itong nakatingin sa cellphone nito kung saan may picture ito doon na kasama si Brax.
            Ayaw naman niyang itong pangunahan kahit alam na niya. Gusto niya na ito ang magsabi sa kanya. Alam ni Ambrose na kahit na mahal ni Vienne si Brax ng higit pa sa kaibigan ay pinipigilan nito ang sarili dahil hindi naman pwede. Marami ang rason para pigilan nito ang sarili.
            Ang una, ayaw nitong masira ang pagkakaibigan ng mga ito. Vienne loved and valued Brax so much to ruin their friendship just because of that.
            Ang pangalawa, may girlfriend na si Brax. Si Krishna. Naging kaklase niya ang babae n'ung elementary siya.
            At pangatlo, ang common na rason. Totoong lalaki si Brax para magkagusto ito kay Vienne.
            Pero kahit na ganoon.. ang mga imposibleng bagay ay pwedeng maging posible. Wala ng imposible sa mundo. Siya nga, sinasabi niya sa sarili na totoo siyang lalaki pero nagkagusto siya sa isang katulad ni Vienne. Yeah, many people will find it absurd and really ridiculous but he doesn't care. Mahal niya si Vienne at handa siyang sabihin iyon sa harap ng mga taong kukutya at tatawa sa kanya.
            Kaya nangangamba siya sa muling pag-eksena ni Brax dahil may kakaiba sa tingin na ibinibigay nito sa kanya. Pakiramdam niya ay isang warning iyon. Posible rin kaya na ma-develop ito sa kaibigan nito rather bestfriend. May malaking posibilidad ba iyon kagaya ng sa kanya?
            Kung ganoon nga ang mangyayari. Ang pagpupursige niya ay dapat niyang doblehin sa pag-eksena nitong muli. Sa ngayon ay hahayaan na muna niya ang dalawa. Ngunit pagdating sa mga susunod na araw ay siya naman ang eeksena. Mas pag-iigihan niya ang gagawin na panliligaw kay Vienne hanggang sa maibaling nito sa kanya ang nararamdaman nito kay Brax.
            Nilampasan niya ang lalaki saka siya dumiretso sa parking lot at sumakay sa motorsiklo niya. Pinaharurot niya iyon palayo doon.
            Nakarating si Ambrose sa isang parke. Ipinarada niya ang motorsiklo sa isang tabi at umupo siya sa isang bench doon. Pinagsawa niya ang sarili sa panonood ng mga taong nagdaraan. Para mawala sa isipan niya ang posibleng ginagawa ng dalawa ay aabalahin niya ang sarili. Tumayo siya at naglakad-lakad. Nakita niya sa hindi kalayuan ang isang internet shop. Nagdesisyon siyang pumunta doon. Maglalaro na lang siya ng online games.
            Sa iyon niya ibabaling ang selos na nadarama niya. Sana makatulong.
            Papasok na siya sa pintuan nang matigilan siya. Lumabas mula doon ang isang tao na hindi niya inaasahan na makikita. May kasamang ibang lalaki at sweet na sweet.
            "Krishna," ang tawag niya dito.
            Napatingin ito sa kanya. Nagulat at sunod ay namutla ang mukha. Alam nito na kilala niya si Brax.
            "Anong ibig sabihin nito?" Tanong niya. "Sino ang kasama mo? Bakit.." Hindi niya maituloy ang sasabihin. Nagtataksil ba ito kay Brax? Two-timer ba ito?
            Hindi ito makasagot.
            "I'm Andrew, boyfriend ako ni Krishna. Sino ka ba?"
            Napailing-iling siya.
            Ano ba ang nangyayari? Kilala niya si Krishna bilang mabait at hindi ito pag-iisipan ng ganito pero.. Talagang hindi nababase sa panlabas na anyo ang ugali ng isang tao. Isa itong patunay doon.
            Mula sa natigilan na mukha ay naging matapang ang anyo ni Krishna. May pagbabanta sa tingin nito habang nakatingin sa kanya.
            "Mag-usap tayo," he demanded. Bumaling siya sa lalaking kasama nito na Andrew ang pangalan. "Pwede ba?"
            Tumango ito. Hinawakan niya si Krishna sa pulsuhan at hinila palayo sa lalaki. Nang sapat na ang layo nila sa lalaki ay binitawan niya ito.
            "Ano ang nakikita ko Krishna? Care to explain it to me."
            "Wala akong dapat na ipaliwanag sa `yo, Ambrose. Hindi kita kaibigan kaya wala kang pakialam."
            "May pakialam ako!" Ang outburst niya. "Kaibigan ng niligawan ko ang boyfriend mo, Krishna. Tino-two time mo si Brax!"
            "So? Ano ngayon ang pakialam mo? Concern ka ba kay Brax o concern ka sa sarili mo, Ambrose? Natatakot ka ba na hindi mo makuha si Vienne kay Brax."
            Natigilan siya sa sinabi nito.
            "A-ano ang ibig mong sabihin?"
            "Hindi ako nan-to-two time, Ambrose. Break na kami ni Brax."
            Nagulat siya sa sinabi nito.
            "Pa-paano? Isang buwan pa lang kayo."
            "Simple lang ang rason. Nawala ang nararamdaman ko sa kanya. Nawala din ang nararamdaman niya sa`kin. At hulaan mo kung sino ang bagong mahal niya."
            Napailing-iling siya. Hindi makapaniwala sa nalaman at sa mga malalaman pa.
            "Ayokong malaman, Krishna," nasabi na lang niya kahit na alam na niya ang sagot.
            Kaya ba umeeksena si Brax dahil doon. Kaya ba ito lumalapit uli kay Vienne dahil doon. Nagpaparamdam na ba ito at pumoporma?
            "I can't believe this. How could this happen?"
            "Wala namang hindi kapani-paniwala sa nangyayari. I'm open to any relationship. Open-minded ako sa mga ganoon na bagay. Brax was a good boyfriend. Halos perfect na nga siya kasi hindi niya ako pinabayaan. Aaminin ko na masakit, hindi naman maiiwasan iyon dahil minahal ko naman siya pero okay na ako kasi hindi siya naglihim sa `kin. Actually, good friend na kaming dalawa. Suportado ko siya sa gagawin niyang.."
            "Stop it, Krishna!' He snapped out. "Ayokong marinig ang sasabihin mo."
            Nagulat si Krishna sa pagsigaw niya.
            "Maiwan na kita, Ambrose. Labas na ako sa nararamdaman mo ngayon. Basta ako tanggap ko na na wala na kami ni Brax. Na magkaibigan na lang kami."
            Napasandal siya sa pader nang makaalis si Krishna.
            Karibal na niya talaga ang Brax na iyon kay Vienne. Kailangan niyang lalong magpursige na mapasagot si Vienne. Hindi siya papatalo ng walang laban.


"HINTAYIN mo ako mamayang pag-uwi mo, Vienne. Susunduin kita."
            Ang pagbasa ni Vienne sa mensahe na natanggap niya mula kay Brax. Gustuhin man niya na makasabay ito mamaya sa pag-uwi hindi namana pwede dahil naka-oo na siya kay Ambrose na lalabas sila pagkatapos ng klase.
            Nagdesisyon siyang sagutin ang text nito. Patago nga lang dahil may klase pa siya. Kinuha niya ang kanyang libro at pinatayo iyon. Nang makasigurado na hindi na siya makikita ng professor nila nagsimula siyang mag-compose ng message.
            Pasensya na, Brax. May pupuntahan kasi kami ng Ambrose.
            Nang ma-send niya iyon ay agad niyang tinago ang cellphone sa kanyang bulsa. Mahirap na. Baka mahuli pa siya at ma-confiscate ang cellphone niya. Kailangan niyang mag-ingat.
            Kung sana ay kanina sinabi ni Brax sa kanya na gusto siya nitong makasabay sa pag-uwi habang magkasama sila sana ay hindi na siya um-oo kay Ambrose.
            Naramdaman niya ang pag-vibrate ng cellphone niya. Pasimple niyang kinuha iyon sa kanyang bulsa.
            Ganoon ba? Hindi ba pwedeng ipagliban mo na muna `yan. Let's get back the old time.
            Napabuntung-hininga na lang siya. Ibinalik niya sa bulsa ng suot niya ang cellphone. Wala na siyang balak na sagutin pa ang text nito. Baka kasi magbago pa ang isip niya at ayaw niyang mangyari iyon. Umaasa si Ambrose sa kanya na magkasama silang dalawa. He even made a promise to him.
            Mga ilang minuto ay pumuno sa loob ng classroom nila ang ringing tone ng cellphone niya. Lahat ay napabaling sa kanya. Nahihiya siyang ngumiti sa mga ito.
            "Sagutin mo na ang tawag na `yan, Mr. Santos," ani ng professor nila.
            "Okay po," aniya saka nagmamadaling tumayo. "Excuse me po."
            Nang makalabas siya ng classroom ay agad niyang pinindot ang answer button.
            "Hello, Brax. Bakit ka pa tumawag? May klase pa ako." Agad na bungad niya. Hindi niya maiwasan ang makadama ng pagkairita sa ginawa nito.
            "Naiirita ka," sabi nito sa kabilang linya saka bumuntung-hininga. "I'm sorry kung nakakaistorbo ako. Sige, tapusin mo na ang tawag."
            Sa sinabi nitong iyon ay tila nabuhusan siya ng malamig na tubig. Nawala ang pagkairita niya.
            "I'm sorry, Brax."
            "It's okay, Vienne. Sige, ibaba mo na. I'll understand, kasalanan ko. Hindi na naman ako nag-iisip. Akala ko kasi, kaya hindi ka na sumagot dahil wala ka ng load. Mali pala kasi may klase ka."
            "Ma-may load pa ako, Brax. Pasensya na. Hindi talaga ako pwede na sumabay sa `yo ngayon. Ang sabi ko naman sa `yo sa text ko, may pupuntahan kami ni Ambrose. Hindi ko na pwedeng ipostpone iyon dahil naka-promise na ako."
            "Sige. Ang sabi ko naman sa `yo, naiintindihan ko. Maybe some other time."
            "Oo."
            Pagkatapos niyon ay nawala na sa kabilang linya si Brax. Napatingin na lang siya sa cellphone niya. Hindi man iyon ipahalata ni Brax sa boses nito, alam niya na nagtatampo ito.
            Babawi na lang siya dito sa susunod. Gagawin niya iyon para mawala ang pagtatampo nito sa kanya. Ayaw pa naman niya na magtampo ito sa kanya. Bago pa siya makapag-isip ng tama. Agad siyang nag-type ng message para kay Ambrose.
            Pasensya na. Hindi ako makakasama sa `yo ngayon. I'm sorry kasi naka-promise na ako pero bigla akong magba-back out. Sa ibang araw na lang.
            Pikit-matang isinend niya iyon kay Ambrose. Alam niya na masasaktan niya ito pero mas matimbang pa rin sa kanya si Brax. Sabihin man na para na siyang baliw. Wala siyang pakialam. Mahal niya ang bestfriend niya at ito ang pangatlo sa pinakamahahalagang tao sa buhay niya.
            Papasok na siya ng classroom ng mag-vibrate ang cellphone niya. Tingnan niya iyon.
            It's okay, Vienne. Sa ibang araw na lang at gusto ko akin lang iyon.
            Pagbasa niya sa text nito. Napangiti siya. Mabuti na lang at maunawain si Ambrose. Agad siyang nag-reply.
            Okay. Walang kaso sa `kin. Sige, at may klase pa ako.


NABIGLA si Brax nang makita niya ang pamilyar na pigura na palapit sa kanya. Hindi pa man ito nakakalapit sa kanya ay napangiti na siya nang maluwang. Hindi niya inaasahan na makikita ito sa music room ngunit masaya siya na nandito ito.
            Tumayo siya mula sa kanyang ginagawa at agad na sinalubong ito.
            "Vienne, nandito ka!" Excited niyang sabi.
            Nginitian lang siya nito. Ang sabi nito sa text kanina ay hindi ito makakasabay sa kanya dahil may pupuntahan ito kasama si Ambrose. Bagay na nagbigay ng kung ano sa kanyang puso. Aaminin niya na nagtampo siya dito dahil sa dahilan nito. Pero kahit papaano ay naiintindihan niya iyon.
            "Alam ko kasi na nagtatampo ka," anito.
            Napatingin siya dito. "Akin na ang bag mo, Vienne. Ano bang gusto mo? Gusto mong bilhan kita ng makakain."
            Umiling ito. "Hindi na. May practice ba kayo? Nasaan na `yong iba?" Usisa nito.
            "Wala kaming practice. Gusto ko lang na mapag-isa muna."
            Tiningnan siya nito nang mataman. Nag-iwas naman siya ng tingin.
            "May problema ka ba, Brax?"
            "Wala," agad niyang sagot.
            "Sigurado ka ba? Alam mo na nandito lang ako."
            "Wala akong problema, Vienne. If ever na may problema man ako, sasabihin ko `yon sa `yo. Tutal nandito na tayo. Pag-usapan na natin `yong tungkol sa pagsundo natin kay Coby."
            "Mabuti pa nga."
            Inalalayan niya itong maupo sa upuan na nandodoon. Bagay na ngayon lang niya ginawa mula nang maging mag-bestfriend sila.
            "Hindi mo na kailangan na gawin `yan," anito.
            "I insist. Ngayon ko lang `to ginawa sa `yo."
            "Kaya nga nakakapanibago, Brax. Ang mga ginagawa mo ngayon ay hindi mo ginagawa dati. Para kang ewan lang."
            Hindi siya nagsalita. Wala siyag sasabihin sa ngayon ngunit kung alam lang nito ang nararamdaman niya sa mga nakaraan na araw.
            "Hayaan mo na `ko, Vienne. Let's go back to the topic. Ano ba ang plano natin?" Pag-iiba niya sa usapan.
           "Sabi sa `kin ni Coby, sabay na lang daw tayo sa driver nila `pag susunduin siya. Ewan ko ba kasi. Ang dami ng pwedeng maging bestfriend ko `yong mga spoiled pa ang napunta sa akin. Kung ano ang gusto niyong dalawa dapat masunod."
           "`Wag ka nang magreklamo, Vienne. Kahit na spoiled kami ni Coby, kami naman ang knight mo. Pero mas prefer ko na ako na lang ang mag-isa at nangunguna diyan."
            Tila nawalan ito ng sasabihin. Napatingin lang ito sa kanya.
            "Natulala ka na. Hoy!" Ang sabi niya.
            Hindi niya kayang tagalan ang titig na ibinibigay nito sa kanya. May gusto siyang gawin na hindi dapat.
            "Pasensya na, Brax. Para kang baliw naman. Ikaw naman talaga ang nangunguna dito," anito, sabay turo sa puso. "Dahil ikaw ang unang nagligtas sa akin."
            "Natatandaan mo pa ba `yong araw na `yon, Vienne?"
            Ngumiti ito. "Oo naman. Mukha kaya akong kawawa n'un. Madalas na nabu-bully ako dahil sa kalamyaan ko. Hindi ko naman maipagtanggol ang sarili ko kasi marami sila. Ayoko namang pagtulungan nila ako kaya pag-iyak na lang ang nagawa ko."
            "Iyon ang rason kung bakit ako umeksena, Vienne. Kahit na bata pa tayo n'un, pakiramdam ko, tagapagligtas mo talaga ako. Nang makita kita na umiiyak, gusto ko na mawala `yon."
            "Nawala naman talaga `yong luha ko kasi literal na pinahid mo `yon, eh. Bonus pa na kiniss mo `ko."
            Sa sinabi nitong iyon ay natigilan siya. Napatingin lang siya dito. Of course, natatandaan pa niya iyon. Seven years old pa lang siya ng mga panahon na iyon. Si Vienne naman ay magse-seven pa lang. Halos magkaedad sila nito pero mas matanda siya ng tatlong buwan.
            "Ganoon kasi ang sinabi sa `kin ni mama, saka kapag umiiyak ako hinahalikan niya ako para matigil daw ang pag-iyak `ko. We were young that time. Wala pa tayong kamuwang-muwang sa mga bagay-bagay."
            "Oo naman! Kaya nga walang kaso sa akin iyon, eh. At hanggang ngayon, thankful ako sa `yo kasi bestfriend kita. Tanggap mo ako kung ano ako at kahit na magkaiba tayo, Brax. At kahit na medyo nawala tayo sa circulation dahil sa kanya-kanya nating buhay."
            Tanggap kita. At higit pa do..
            "Hindi naman tayo nag-uusap tungkol sa plano natin, eh. Nagre-reminisce tayo."
            "Oo nga," agad na sang-ayon niya. Sa loob-loob niya ay gusto niyang maipakita dito ang pagtanggap na iyon. Ngunit gaya ng sinabi niya ay may tamang pagkakataon para sa mga bagay-bagay. Things are little complicated right now.
            "Ako na ang magdadala ng pagkain natin, Vienne. Alam naman natin pareho na traffic `yan."
            "Ikaw ang bahala," sang-ayon nito. "Alam mo naman kung ano ang gusto ko na pagkain."
            "Oo naman. Hindi tayo naging bestfriend kung hindi natin alam ang mga bagay na simple o hindi sa isa't-isa."
            "Wala na nga yata akong maililihim pa sa `yo," sabi nito.
            Napatango na lang siya.
            Sa mga sumunod na oras ay nag-usap lang sila sa gagawin nilang pagsalubong kay Coby. At naiisip ni Brax na sana ay hindi na matapos ang oras na iyon na magkasama sila nito.
            Sana nga..


WALANG kaalam-alam si Vienne na sinundan ito ni Ambrose. Nang makatanggap siya ng text dito na hindi muna ito makakasama sa kanya sa pupuntahan nila ay agad na bumangon ang pagdududa sa kanya. Alam niya na hindi ito basta-basta nagba-back out sa pinag-usapan nila lalo na kung naka-promise na ito. Isa lang naman ang dahilan niyon at walang iba kundi ang bestfriend nito.
            Isipin pa lang niya iyon ay nasasaktan na siya. Kailan ba siya pwedeng maging una sa puso nito? Maaari bang mangyari iyon? At kung mangyayari sa paanong paraan. Mahirap palitan ang isang tao na mahalaga lalo na at sa paligid lang iyon at laging kasama.
            Kung titingnan ay parang siya pa ang gugulo sa pagkakaibigan ng mga ito at posibleng mangyari pero wala siyang balak na tumigil sa ginagawa. Masyado na niyang mahal si Vienne para sumuko lang siya basta-basta sa pag-eksena ni Brax.
            Habang nakikita niya ang dalawa mula sa pinagtataguan niya ang dating malakas na kutob niya tungkol sa nadarama ni Brax kay Vienne ay mas sumidhi pa iyon. Mas lalong lumakas na may nararamdaman talaga ito kay Vienne. Mas pinatibay pa iyon sa mga sinabi ni Krishna sa kanya.
            "Bakit ka nagtatago dito?" Napapitlag siya. Napatingin sa pinanggalingan ng boses.
Si Austin iyon.
            "Ano ang ginagawa mo dito?" tanong niya sa halip na sagutin ang tanong nito.
            "Katulad ng ginagawa mo," maiksing sagot nito.
            Isang hindi naniniwalang tingin ang ibinaling niya dito. "Ano ang ibig mong sabihin?"
            "I like Vienne."
            "What?" Gulat na tanong niya. "Gusto mo si Vienne? Karibal din kita."
            "Oo. And base on what I'm seeing right now, mukhang bumabalik sa eksena si Brax.itsapwera na naman tayo nito."
            "Pwede ba, Austin. Wala akong panahon sa mga biro mo. Paanong gusto mo si Vienne?"
            "Wala akong panahon para magpaliwanag sa `yo. Basta gusto ko si Vienne."
            Napailing-iling na lang siya. Hindi lang pala isa ang karibal niya kay Vienne kundi dalawa pa. Pareho pang may mga itsura at maipagmamalaki.
            "Alam mo ba kung bakit sila magkasama ngayon?" Tanong niya para maiba. Kung iisipin niya na dalawa ang karibal niya ay gugulo lang ang utak niya. Kailangan niyang mag-focus sa panliligaw kay Vienne at hindi ang pag-iisip sa mga karibal niya.
            "Magsasabay umuwi, malamang. Pero maliban doon, ang kwento sa `kin ni Vienne, baka daw mag-usap sila tungkol sa pagsundo nila kay Coby."
            Napakunot-noo siya. Walang naikukwento sa kanya si Vienne tungkol doon.
            "Kailan ba `yon?"
            "Sa isang araw na `yon. Maybe they are planning. Balak ko ngang sumama."
            "Sasama din ako kung sasama ka." Walang pag-iisip na sabi niya.
            Kumunot ang noo nito. "`Wag kang eeksena sa amin. Ikaw lang ang karibal ko kay Vienne."
            He smirked. "Hindi lang ako ang karibal mo para sa kaalaman mo."
            "Anong ibig mong sabihin? May iba pa bukod sa `yo?"
            "Yeah."
            "Sino?"
            "Ang bestfriend niya."
            "Shit!!" Pagmumura nito.


ITUTULOY...

10 comments:

  1. It became complicated. Sino si austin?

    ReplyDelete
  2. Haba ng hair mo Vienne boy. Tatlo pa. Akin na yung isa. Salamat sa update. Take care

    ReplyDelete
  3. This is it! I think Brax will confess his feelings to Vienne. I can't wait for the next update!

    ReplyDelete
  4. Omg vienne,,, ang dami nag hahabol sayo... cant wait sa next chapter excited

    ReplyDelete
  5. Double shit! Paktay kang vienne ka

    ReplyDelete
  6. Hahahahaha imbis n maawa kay ambrose natawa ako eksena nila austin hahahahha nice


    Shai

    ReplyDelete
  7. Hahahhaha galing natawa ako kai ambrose at austin mga stalker

    ReplyDelete
  8. You know what Mr. Author, I can relate sa character ni Brax. Kasi meron din akong gusto sa best friend ko, kaso di ko masabi ng diretso, kung nasasabi ko man minsan, pabiro lang. Salamat sa story, sana bigyan mo ng hope ang character ni Brax. :)

    -Jay

    ReplyDelete
  9. ha ha ha, nkakatuwa aman etong mga eksena sa kwento mo. nice one.

    ReplyDelete
  10. Ikaw na vienne! Ang haba haba haba ng hair mo. Kainggit lang. Sarap gupitin. Hehehehe

    -hardname-

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails